Ang Wastong Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Pagtutulungan na may Pagkakasundo

Ang magkakasundong pagtutulungan ay kailangan sa wastong pagtupad ng tungkulin. Dahil lahat ng tao ay may tiwaling mga disposisyon at walang nagtataglay ng katotohanan, sa pamamagitan lamang ng magkakasundong pagtutulungan nila magagampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin. Ang magkakasundong pagtutulungan ay hindi lamang kapaki-pakinabang sa buhay pagpasok ng mga tao, kundi maging sa wastong pagtupad sa kanilang mga tungkulin, at sa gawain ng iglesia. Ang mga taong nakikipagtulungan nang magkakasundo ay mga taong relatibong may mabuting pagkatao at pagkamatapat, ngunit kung ang pagkatao ng isang tao ay hindi mabuti, kung siya ay masyadong mapagmataas at mapagmagaling, o masyadong baliko at mapanlinlang, kung gayon ay imposibleng makipagtulungan siya nang kasundo ang iba. Ang ilang tao ay hindi nakikibahagi sa matapat na gawain, hindi masinop sa pagganap sa kanilang tungkulin, at palaging gumagawa ng masasama. Ang ganitong mga tao ay hindi magagawang makipagtulungan sa iba, at hindi sila magkakaroon ng magkakasundong ugnayan o samahan sa sinuman. Ang gayong mga tao ay walang pagkatao, at mga hayop at mga diyablo at mga Satanas. Lahat ng masunurin at mapagpasakop na taong may mabuting pagkatao ay tiyak na magkakaroon ng mga resulta sa pagganap sa kanilang tungkulin, at madali silang makikipagtulungan sa iba. Para naman sa mga hindi matapat na gumaganap sa kanilang tungkulin, na nagpapasaway, o na nanggugulo pa nga sa pagganap ng ibang tao sa kanilang mga tungkulin—kung hindi sila nagbabago pagkatapos ng maraming panghihikayat, at hindi kailanman nakaiisip na magsisi, palaging nagdudulot ng mga paggambala at kaguluhan sa kanilang mga tungkulin, at ang kanilang karakter ay ubod ng sama, kung gayon ay dapat silang agarang paalisin, upang maiwasang magdulot ng kaguluhan o kapahamakan sa gawain ng iglesia. Ito ay isang problemang dapat lutasin ng mga lider at manggagawa.

Ang ilang tao ay iresponsable kapag ginagampanan ang kanilang tungkulin, na nagreresulta sa gawaing palaging kailangang ulitin. Malubha itong nakaaapekto sa pagiging epektibo ng gawain. Bukod sa kakulangan ng isang tao sa kadalubhasaan at karanasan, may iba pa bang mga dahilan sa paglitaw ng problemang ito? (Kung ang isang tao ay medyo mapagmataas at mapagmagaling, kumikilos nang arbitraryo, nagdedesisyon nang siya lang, at hindi ginagampanan ang kanyang tungkulin nang ayon sa prinsipyo.) Ang kadalubhasaan at karanasan ay maaaring matutuhan at maipon nang paunti-unti, pero kung may problema sa disposisyon ng isang tao, sa tingin ba ninyo ay madali itong lutasin? (Hindi ito madali.) Kung gayon, paano ito dapat na lutasin? (Ang tao ay dapat na makaranas ng pagkastigo at paghatol, at dapat na mapungusan.) Kailangan niyang maranasan ang paghatol at pagkastigo, at pagpupungos—ang mga salitang ito ay tama, ngunit maaari lamang makamit ng mga taong naghahangad ng katotohanan. Matatanggap ba ng mga hindi nagmamahal sa katotohanan ang pagpupungos? Hindi nila kayang tanggapin. Kapag palaging kailangang uliting gawin ang trabaho habang ginagampanan ng mga tao ang kanilang tungkulin, ang pinakamalaking problema ay hindi ang kakulangan sa dalubhasang kaalaman o kawalan ng karanasan, kundi dahil lubha silang mapagmagaling at mayabang, dahil hindi sila nagtutulungan nang may pagkakasundo, kundi nang wala sa katwiran, nagsasarili—na ang resulta ay ginugulo nila ang trabaho, at wala silang natatapos, at nasasayang ang lahat ng pagsisikap. At ang pinakamatinding problema rito ay ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Kapag napakatindi ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao, hindi na sila mabubuting tao, masasamang tao na sila. Ang mga disposisyon ng masasamang tao ay mas higit na matindi kaysa sa mga ordinaryong tiwaling disposisyon. Malamang na makagawa ng masasamang gawa ang masasamang tao, malamang na gambalin at guluhin nila ang gawain ng iglesia. Ang tanging kayang gawin ng masasamang tao kapag ginagampanan nila ang isang tungkulin ay ang hindi maayos na gawin at guluhin ang mga bagay-bagay; ang kanilang pagtatrabaho ay mas nakasasama kaysa nakabubuti. Ang ilang tao ay hindi masama, ngunit ginagampanan nila ang kanilang tungkulin ayon sa sarili nilang mga tiwaling disposisyon—at wala rin silang kakayahang gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin. Sa kabuuan, ang mga tiwaling disposisyon ay labis na nakasasagabal sa mga taong ginagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin. Aling aspekto ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao, sa palagay ninyo, ang may pinakamalaking epekto sa bisa ng pagganap nila sa kanilang tungkulin? (Pagmamataas at pagmamagaling.) At ano ang mga pangunahing pagpapamalas ng pagmamataas at pagmamagaling? Pagkilos nang arbitraryo at nagdedesisyon nang kayo lang, paggawa ng kung ano ang gusto ninyo, hindi pakikinig sa mga mungkahi ng ibang tao, hindi pagkonsulta sa iba, hindi pakikipagtulungan nang magkakasundo, at palaging pagsisikap na kayo ang may huling desisyon sa mga bagay-bagay. Kahit na may ilang kapatid na nagtutulungan sa paggawa ng isang partikular na tungkulin, ginagawa ng bawat isa ang kanilang sariling gawain, may ilang lider ng pangkat o superbisor na palaging gustong sila ang may huling desisyon; anuman ang kanilang ginagawa, hindi sila nakikipagtulungan nang kasundo ang iba, at hindi sila nakikipagbahaginan at padalus-dalos na ginagawa ang mga bagay-bagay nang hindi nakikipagkasundo sa iba. Gusto nilang makinig ang lahat sa kanila, at narito ang problema. Higit pa, kapag nakita ng iba ang problema, ngunit hindi lumabas para pigilin ang taong namumuno, sa huli ay nagdudulot ito ng isang sitwasyon kung saan ang mga tao ay hindi epektibo sa kanilang mga tungkulin, talagang nagugulo ang gawain, at lahat ng sangkot ay kailangang ulitin ang kanilang trabaho, pinapagod ang kanilang sarili sa proseso. Sino ang may pananagutan sa pagdudulot ng gayon katinding resulta? (Ang taong namumuno.) May pananagutan din ba ang ibang taong nasasangkot? (Oo, mayroon.) Ang taong namumuno ay kumilos nang arbitraryo, nagdedesisyon nang siya lang, pinipilit na gawin ang mga bagay sa kanyang paraan, at nakita ng iba ang problema, pero walang ginagawa upang pigilin siya, at mas seryoso pa, sumusunod pa sila; hindi ba sila nagiging mga kasabwat? Kapag hindi mo nilimatahan, hinarangan, o nilantad ang taong ito, sa halip ay sumunod sa kanya at pinayagan siyang manipulahin ka, hindi mo ba binibigyan ng kalayaan si Satanas na guluhin ang gawain ng iglesia? Tiyak na problema ninyo ito. Kapag nakikita ninyo ang mga problema sa gawain ng mga superbisor ngunit hindi ninyo sinusubukang pigilan sila, hindi kayo nakikipagbahaginan at naglalantad sa kanila, at hindi ninyo sinusubukang limitahan sila, lalo namang hindi man lang ninyo inuulat ang isyu sa mga nakatataas sa inyo, kundi sa halip ay ginagampanan ang papel ng isang mapagpalugod ng mga tao, hindi ba’t isa itong pagpapamalas ng pagiging hindi tapat sa Diyos? Ang mga mapagpalugod ba ng mga tao ay tapat sa Diyos? Hindi kahit kaunti. Hindi lang kayo hindi tapat sa Diyos—palagi kayong kumikilos bilang kasabwat at tagasunod ni Satanas. Wala kayong anumang katapatan sa inyong tungkulin at sa inyong mga responsabilidad, ngunit napakatapat ninyo kay Satanas. Narito ang diwa ng problema. Pagdating sa propesyonal na kakulangan, posible na patuloy na matuto at pagsamahin ang inyong karanasan habang ginagampanan ang inyong tungkulin. Ang ganitong problema ay madaling lutasin. Ang pinakamahirap na lutasin ay ang tiwaling disposisyon ng mga tao. Kung hindi ninyo hinahangad ang katotohanan o sinusubukang lutasin ang inyong mga tiwaling disposisyon, kundi palagi kayong nagiging mapagpalugod ng mga tao—hindi ninyo inilalantad at pinupungusan ang mga nakikita ninyong lumalabag sa mga prinsipyo, ni hindi kayo nagbibigay ng gabay at tumutulong sa kanila, kundi palagi kayong umaatras, walang inaakong responsabilidad kahit kaunti—ang gayong paggampan sa tungkulin na tulad ng sa inyo ay magkokompromiso at mag-aantala lamang sa gawain ng iglesia. Ang pagturing sa paggampan sa iyong tungkulin bilang isang laro at hindi pag-ako ng kahit katiting na responsabilidad ay hindi lamang nakaaapekto sa pagiging epektibo ng gawain, kundi humahantong din sa paulit-ulit na pagkaantala sa pag-usad ng gawain ng iglesia. Kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin sa ganitong paraan, hindi ba’t nagiging pabasta-basta ka lang at nagiging mapanlinlang ka sa Diyos? Nagpapakita ba ito ng anumang katapatan sa Diyos? Kung palagi kang nagiging pabasta-basta habang gumaganap sa iyong tungkulin, at patuloy kang walang pagsisisi, hindi maiiwasang maititiwalag ka.

Paano mo dapat harapin ang mga paghihirap na nararanasan mo habang ginagampanan ang iyong tungkulin? Ang pinakamainam na paraan ay ang sama-samang hanapin ng lahat ang katotohanan para lutasin ang isang problema at magkaroon ng pagkakasundo. Hangga’t nauunawaan mo ang mga prinsipyo, malalaman mo kung ano ang gagawin. Ito ang pinakamainam na paraan para lutasin ang mga problema. Kung hindi mo hinahanap ang katotohanan para malutas ang isang problema, at sa halip ay kumikilos ka lamang ayon sa iyong mga personal na kuru-kuro at imahinasyon, kung gayon ay hindi mo ginagampanan ang iyong tungkulin. Ano ang pagkakaiba nito sa paggawa sa lipunang walang pananampalataya at sa mundo ni Satanas? Ang sambahayan ng Diyos ay pinaghaharian ng katotohanan, at ng Diyos. Kahit anong problema ang lumitaw, dapat hanapin ang katotohanan para malutas ito. Gaano man karaming iba’t ibang opinyon ang mayroon o gaano man kalaki ang kanilang pagkakaiba, ang lahat ng ito ay dapat banggitin at pagbahaginan. Pagkatapos, matapos magkaroon ng pagkakasundo, dapat kumilos alinsunod sa mga prinsipyo. Sa ganitong paraan, hindi mo lang malulutas ang problema, kundi maisasagawa mo rin ang katotohanan at maayos na magagampanan ang iyong tungkulin. Maaari mo ring makamit ang magkakasundong pakikipagtulungan sa panahon ng proseso ng paglutas ng problema. Kung ang lahat ng gumagawa ng kanilang tungkulin ay nagmamahal sa katotohanan, kung gayon ay madali para sa kanila na tanggapin at magpasakop sa katotohanan; ngunit kung sila ay mapagmataas at mapagmagaling, hindi madali sa kanila na tanggapin ang katotohanan, kahit na nagbabahagi ang mga tao tungkol dito. May mga taong hindi nakauunawa sa katotohanan, ngunit palaging gustong makinig sa kanila ang iba. Ang mga taong ganito ay nakaaabala sa pagganap ng iba ng kanilang tungkulin. Ito ang ugat ng isyu, at dapat itong lutasin bago magampanan nang maayos ang tungkulin ng isang tao. Kung, sa paggawa ng kanyang tungkulin, ang isang tao ay palaging mapagmataas at matigas ang ulo, palaging kumikilos nang arbitraryo at nagdedesisyon nang siya lang, ginagawa ang lahat nang walang pakundangan at ayon sa sariling kagustuhan, nang hindi nakikipagtulungan o nakikipag-usap sa ibang tao, at hindi naghahanap ng mga katotohanang prinsipyo—anong uri ng saloobin ito ng isang tao sa kanyang tungkulin? Maaari bang maayos na magampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin sa ganitong paraan? Kung ang ganitong uri ng tao ay hindi kailanman tumatanggap ng pagpupungos, hindi tumatanggap ng katotohanan, at patuloy pa rin sa paggawa ng mga bagay-bagay sa kanyang sariling paraan, nang padalos-dalos at ayon sa sariling kagustuhan, nang hindi nagsisisi o nagbabago—kung gayon ay hindi lang ito problema sa saloobin, kundi problema sa kanyang pagkatao at karakter. Ito ay isang taong walang pagkatao. Magagampanan ba nang maayos ng isang taong walang pagkatao ang kanyang tungkulin? Siyempre ay hindi. Kung, habang ginagawa ang kanyang tungkulin, ang isang tao ay walang pakundangan pa ngang gumagawa ng masasamang gawa at ginugulo ang gawain ng iglesia, kung gayon ay masama siyang tao. Ang gayong mga tao ay hindi angkop na gawin ang kanilang tungkulin. Ang paggampan nila sa kanilang tungkulin ay nagreresulta lamang sa kaguluhan at pinsala, at nagdudulot ng higit na kapinsalaan kaysa kabutihan, kaya dapat silang madiskuwalipika sa paggampan sa kanilang tungkulin at maalis sa iglesia. Kaya naman kung kaya ng isang tao na gampanan nang maayos ang kanyang tungkulin ay hindi lamang nakasalalay sa kanyang kakayahan, kundi pangunahin sa kanyang saloobin kapag ginagampanan ang kanyang tungkulin, sa kanyang karakter, kung mabuti o masama ang kanyang pagkatao, at kung kaya niyang tanggapin ang katotohanan. Ito ang mga ugat na isyu. Kung ang iyong puso ay nasa iyong tungkulin, kung ibinubuhos mo ang puso mo rito at kumikilos ka nang buong-puso, kung may seryoso at masinop kang saloobin sa iyong tungkulin, kung masigasig at taimtim ka: ito ang mga bagay na tinitingnan ng Diyos, at sinisiyasat ng Diyos ang lahat. Matutupad ba nang maayos ng mga tao ang kanilang mga tungkulin kung karamihan sa kanila ay iresponsable at walang sinuman ang masigasig, at kahit na nalalaman nila sa kanilang puso kung ano ang tamang gawin, hindi sila nagsusumikap para sa mga prinsipyo, at walang sinuman ang sumeseryoso rito? Sa ganitong uri ng sitwasyon, ang mga lider at manggagawa ay dapat magsubaybay, magsiyasat, at magbigay ng patnubay, o humanap ng isang responsableng tao para maging lider ng pangkat o superbisor. Sa ganitong paraan, karamihan sa mga tao ay maitutulak na kumilos, at makakamit ang isang magandang resulta kapag ginampanan nila ang kanilang mga tungkulin. Kung may isang taong lilitaw na nanggugulo at namiminsala, hayaan siyang maalis nang direkta, dahil kapag nalutas ang ugat na problema, magiging madali para sa mga tao na maging epektibo sa kanilang tungkulin. Ang ilang tao ay maaaring may kaunting kakayahan, ngunit iresponsable sa pagtupad sa kanilang mga tungkulin. Maaaring mayroon silang mga kasanayang teknikal o propesyonal na kaalaman, ngunit hindi ito itinuturo sa ibang tao. Dapat malutas ng mga lider at manggagawa ang problemang ito. Dapat silang magbahagi sa mga taong iyon, at hikayatin ang mga ito na ituro ang kanilang mga kasanayan sa iba, upang sa lalong madaling panahon ay matutuhan ng iba ang mga kasanayan, at maging dalubhasa sa propesyonal na kaalaman. Bilang isang taong bihasa sa propesyonal na kaalaman, hindi ka dapat magmagaling o magmalaki sa iyong mga kuwalipikasyon; dapat mong ituro nang kusa ang iyong mga kasanayan at kaalaman sa mga baguhan, para lahat ay sama-samang magampanan nang mabuti ang kanilang mga tungkulin. Maaaring ikaw ang pinakamaalam tungkol sa iyong propesyon at nangunguna pagdating sa kasanayan, ngunit ito ay isang kaloob na ibinigay sa iyo ng Diyos, at dapat mo itong gamitin upang magampanan ang iyong tungkulin at mapakinabangan ang iyong mga kalakasan. Gaano ka man kasanay o katalentado, hindi mo kakayaning pasanin nang mag-isa ang gawain; mas mabisang nagagampanan ang isang tungkulin kung ang bawat isa ay kayang unawain ang mga kasanayan at kaalaman ng isang propesyon. Ayon nga sa kasabihan, “Ang isang taong may kakayahan ay nangangailangan ng suporta ng tatlo pang tao.” Gaano man kahusay ang isang indibidwal, kung wala ang tulong ng iba, hindi ito sapat. Samakatwid, walang sinuman ang dapat maging mapagmataas at walang sinuman ang dapat maghangad na kumilos nang arbitraryo at magdesisyon nang siya lang. Dapat maghimagsik ang mga tao laban sa laman, isantabi ang kanilang sariling mga ideya at opinyon, at makipagtulungan sa lahat nang may pagkakasundo. Ang sinumang may propesyonal na kaalaman ay dapat na buong pagmamahal na tumulong sa iba, upang maging dalubhasa rin ang iba sa mga kasanayan at kaalamang ito. Kapaki-pakinabang ito sa paggampan sa tungkulin. Kung ang pagkakaroon ng kasanayan ay palaging tinitingnan at tinuturing bilang pagkakakitaan, at natatakot ka na ang pagtuturo nito sa iba ay magreresulta sa iyong pagkagutom—ito ang pananaw ng mga walang pananampalataya. Ito ay isang makasarili, napakababang gawain, at hindi ito tatanggapin sa sambahayan ng Diyos. Kung hindi mo kailanman magawang tanggapin ang katotohanan, at hindi ka kailanman handang magtrabaho, ititiwalag ka lamang. Kung isinasaalang-alang mo ang mga layunin ng Diyos at handa kang maging tapat sa gawain ng Kanyang sambahayan, dapat mong ialay ang lahat ng iyong mga kalakasan at kasanayan, upang matutunan at maunawaan ng iba ang mga ito, at magampanan nila nang mas mahusay ang kanilang mga tungkulin. Ito ang naaayon sa mga layunin ng Diyos; ang gayong mga tao lamang ang may pagkatao, at sila ay minamahal at pinagpapala ng Diyos.

Ano ang dapat gawin ng isang tao para magampanan nang maayos ang kanyang tungkulin? Dapat niyang hanapin ang mga katotohanang prinsipyo sa lahat ng bagay sa paggampan ng kanyang tungkulin, at gampanan ito nang buong puso at buong lakas—iyon lang ang katanggap-tanggap. Ang paggamit ng buong puso at lakas ay nangangahulugan ng paglalagay ng buong puso ng isang tao sa kanyang tungkulin at hindi hinahayaang sakupin ito ng ibang mga bagay, paglalagay ng lahat ng pagsisikap ng isang tao sa kanyang tungkulin, at paggamit sa kanyang kakayahan, mga kaloob, mga kalakasan, at mga bagay na nauunawaan niya. Kung mayroon kang abilidad na umunawa at abilidad na umarok, kapag mayroon kang magandang ideya, dapat kang makipag-usap sa iba tungkol dito, makinig sa opinyon ng lahat, matuto mula sa mga kalakasan ng bawat isa para mapunan ang sariling mga kahinaan, at makipagtulungan nang may pagkakasundo. Sa ganitong paraan, magbubunga ang paggampan mo sa tungkulin, at gagampanan mo ang iyong tungkulin nang pasok sa pamantayan. Kung palagi mong gustong akuin ang lahat, gumawa ng mga dakilang bagay nang mag-isa, at magpakitang-gilas para hangaan ka ng iba, at tinatanggihan at sinusupil mo ang mga taong may mga kalakasan, hindi sila binibigyan ng anumang pagkakataon na gamitin ang mga ito, ginagampanan mo ba ang iyong tungkulin? Ito ay pagiging isang autokrata; ito ay pagpapakitang-gilas. Satanikong pag-uugali iyon, hindi paggampan sa tungkulin. Anuman ang mga kalakasan, kaloob, o mga espesyal na talento ng isang tao, hindi niya kayang pasanin ang buong aytem ng gawain nang siya lang; dapat siyang matutong makipagtulungan nang magkakasundo kung nais niyang magawa nang mabuti ang gawain ng iglesia. Iyon ang dahilan kung bakit ang pakikipagtulungan nang may pagkakasundo ay isang prinsipyo ng pagsasagawa sa paggampan ng tungkulin ng isang tao. Basta’t ibinibigay mo rito ang iyong buong puso, ang iyong buong pagsusumikap, at ang iyong debosyon, at inaalay ang lahat ng kaya mong gawin, ginagampanan mo nang mabuti ang iyong tungkulin. Kung mayroon kang saloobin o ideya, sabihin mo ito sa iba; huwag mo itong sarilinin o itago. Kung mayroon kang mga mungkahi, ibigay mo ang mga ito; kung kaninong ideya ang alinsunod sa katotohanan ay dapat tanggapin at sundin. Gawin mo ito, at makakamit mo ang magkakasundong pakikipagtulungan. Ito ang ibig sabihin ng paggampan sa tungkulin ng isang tao nang may debosyon. Sa paggampan sa iyong tungkulin, hindi hinihingi sa iyo na akuin ang lahat nang mag-isa, ni hindi hinihingi sa iyo na magpakamatay sa katatrabaho, o maging “ang tanging bulaklak na namumukadkad” o iba sa karaniwan; bagkus, hinihingi sa iyong matutuhan kung paano makipagtulungan nang kasundo ang iba, at gawin ang lahat ng makakaya mo, tuparin ang mga responsabilidad mo, ibigay mo rito ang lahat ng iyong pagsisikap. Iyon ang ibig sabihin ng paggampan sa iyong tungkulin. Ang paggampan sa iyong tungkulin ay paggamit sa bahagi ng lakas at liwanag na taglay mo at pagkamit ng mga resulta. Sapat na iyon. Huwag mong palaging subukang magpasikat, palaging magsabi ng matatayog na bagay, at gumawa ng mga bagay-bagay nang mag-isa. Dapat mong matutuhan kung paano makipagtulungan sa iba, at dapat mas bigyang-pansin mo ang pakikinig sa mga mungkahi ng iba at pagtuklas sa kanilang mga kalakasan. Sa ganitong paraan, magiging madali ang pakikipagtulungan nang magkakasundo. Kung palagi mong sinusubukan na magpasikat at masunod, hindi ka nakikipagtulungan nang magkakasundo. Ano ang ginagawa mo? Nagdudulot ka ng kaguluhan at nananabotahe sa iba. Ang pagdudulot ng kaguluhan at pananabotahe sa iba ay paggampan sa papel ni Satanas; hindi iyon paggampan sa tungkulin. Kung palagi kang gumagawa ng mga bagay na nagdudulot ng kaguluhan at nananabotahe sa iba, gaano man katinding pagsisikap ang gugulin mo o ang pagmamalasakit mo, hindi iyon tatandaan ng Diyos. Maaaring hindi ka gaanong malakas, pero kung may kakayahan kang makipagtulungan sa iba, at nagagawa mong tumanggap ng angkop na mga mungkahi, at kung tama ang iyong mga motibasyon, at napoprotektahan mo ang gawain ng sambahayan ng Diyos, isa kang tamang tao. Kung minsan, sa iisang pangungusap, nalulutas mo ang isang problema at nakikinabang ang lahat; kung minsan, matapos kang magbahagi sa iisang pahayag ng katotohanan, lahat ay nagkakaroon ng isang landas pasulong, at nagagawang makipagtulungan nang may pagkakasundo, at nagagawang magsikap ng lahat nang sama-sama, nagkakaisa sa puso, at magkakapareho ng mga pananaw at opinyon, kaya partikular na epektibo ang gawain. Kahit marahil ay walang makaalala na ikaw ang gumanap sa papel na ito, at hindi mo marahil maramdaman na gumawa ka ng malaking pagsisikap, sa mga mata ng Diyos, ikaw ay magiging isang taong nagsasagawa ng katotohanan, isang taong kumikilos ayon sa mga prinsipyo. Tatandaan ng Diyos ang iyong ginawa. Tinatawag itong paggampan sa iyong tungkulin nang may debosyon. Anuman ang mga paghihirap na mayroon ka sa paggampan sa iyong tungkulin, ang totoo ay lahat ng ito ay madaling malutas. Hangga’t ikaw ay isang taong matapat na may pusong nakasandig sa Diyos, at kaya mong hanapin ang katotohanan, walang problema na hindi kayang lutasin. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, dapat kang matutong sumunod. Kung may sinumang nakauunawa sa katotohanan o nagsasalita alinsunod sa katotohanan, dapat mong tanggapin ito at sundin. Sa anumang paraan ay hindi ka dapat gumawa ng mga bagay na nakagagambala o nakakapagsabotahe, at hindi ka dapat kumilos nang arbitraryo at magdesisyon nang ikaw lang. Sa ganitong paraan, wala kang magagawang masama. Tandaan mo: Ang paggampan sa iyong tungkulin ay hindi pagsasagawa ng sarili mong operasyon o sarili mong proyekto. Hindi mo ito personal na gawain, gawain ito ng iglesia, at nag-aambag ka lamang ng mga kalakasang taglay mo. Ang ginagawa mo sa gawain ng pamamahala ng Diyos ay maliit na bahagi lamang ng kooperasyon ng tao. Maliit na papel lamang ang ginagampanan mo sa isang sulok. Iyan ang responsabilidad na pinapasan mo. Sa puso mo, mayroon ka dapat nitong katwiran. Kaya nga, ilang tao man ang sama-samang gumagampan ng kanilang tungkulin, o anumang paghihirap ang kinakaharap nila, ang unang dapat gawin ng lahat ay manalangin sa Diyos at sama-samang magbahaginan, hanapin ang katotohanan, at pagkatapos ay tukuyin kung ano ang mga prinsipyo ng pagsasagawa. Kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin sa ganitong paraan, magkakaroon sila ng isang landas ng pagsasagawa. Ang ilang tao ay palaging nagsisikap na magpakitang-gilas, at kapag nabigyan ng responsabilidad sa isang trabaho, palagi nilang gusto na sila ang huling magpasya. Anong klaseng ugali ito? Ito ay pagkilos nang arbitraryo at pagdedesisyon nang ikaw lang. Pinaplano nila nang mag-isa ang mga ginagawa nila, nang hindi ipinagbibigay-alam sa iba, at hindi tinatalakay ang kanilang mga opinyon sa sinuman; hindi nila ibinabahagi ang mga ito sa sinuman o ibinubukas ang mga ito, sa halip ay itinatago ang mga ito sa kanilang mga puso. Kapag panahon nang kumilos, nais nilang palaging pahangain ang iba sa pamamagitan ng kanilang mga mahuhusay na gawain, upang bigyan ang lahat ng isang malaking sorpresa, upang maging mataas ang pagtingin ng iba sa kanila. Iyon ba ay paggampan sa kanilang tungkulin? Sinisikap nilang magpakitang-gilas; at kapag mayroon na silang katayuan at kabantugan, magsisimula silang magsakatuparan ng sarili nilang proyekto. Hindi ba’t nagtataglay ang mga taong ito ng walang kontrol na ambisyon? Bakit hindi mo sasabihin sa sinuman kung ano ang iyong ginagawa? Dahil hindi lang sa iyo ang gawaing ito, bakit ka kikilos nang hindi ito tinatalakay sa sinuman at nagpapasyang mag-isa? Bakit ka kikilos nang palihim, na gumagawa sa kadiliman, upang walang makaalam tungkol dito? Bakit palagi mong sinusubukan na ikaw lang ang pakikinggan ng mga tao? Malinaw na tiningnan mo ang gawaing ito bilang sarili mong personal na gawain. Ikaw ang amo, at ang lahat ng iba pa ay mga manggagawa—lahat sila ay nagtatrabaho para sa iyo. Kapag palagi kang may ganitong pag-iisip, hindi ba’t problema ito? Hindi ba’t ang uri ng taong ito ay nagpapakita ng mismong disposisyon ni Satanas? Kapag gumagampan ng tungkulin ang ganitong mga tao, sa malao’t madali ay ititiwalag sila.

Kinakailangang matutuhan kung paano ito haharapin kapag ang mga tao ay may mga problema sa pakikipagtulungan sa iba sa panahon ng kanilang tungkulin. Ano ang prinsipyo sa pagharap sa mga ito? Ano ang epektong dapat makamit? Matutong makipagtulungan sa lahat nang may pagkakasundo, at makipag-ugnayan sa iba ayon sa katotohanan, salita ng Diyos, at mga prinsipyo, hindi ayon sa mga damdamin o pagkamainitin ng ulo. Sa ganitong paraan, hindi ba maghahari ang katotohanan sa iglesia? Basta’t naghahari ang katotohanan, hindi ba’t mahaharap ang mga bagay sa patas at makatwirang paraan? Sa palagay ninyo, hindi ba’t kapaki-pakinabang ang magkakasundong pakikipagtulungan para sa lahat? (Oo, kapaki-pakinabang ito.) Ang paggawa ng mga bagay-bagay sa ganitong paraan ay lubhang kapaki-pakinabang para sa inyo. Una sa lahat, positibong nakapagpapatibay at mahalaga ito sa inyo habang ginagampanan ninyo ang inyong mga tungkulin. Bukod pa riyan, pinipigilan nito ang paggawa ninyo ng mali, pagsasanhi ng mga pagkagambala at kaguluhan, at pagtahak sa landas ng mga anticristo. Natatakot ba kayong tumahak sa landas ng mga anticristo? (Oo.) May silbi ba ang matakot lamang? Wala—hindi malulutas ng takot lamang ang problema. Normal lamang ang matakot na matahak ang landas ng mga anticristo. Nagpapakita ito na ang isang tao ay nagmamahal sa katotohanan, isang taong handang magsikap na matamo ang katotohanan at handang hangarin ito. Kung matatakutin kayo sa puso ninyo, dapat ninyong hanapin ang katotohanan at ang landas ng pagsasagawa. Kailangan ninyong magsimula sa pamamagitan ng pagkatutong makipagtulungan sa iba nang magkakasundo. Kung may problema, lutasin ito gamit ang pagbabahaginan at talakayan, upang malaman ng lahat ang mga prinsipyo, gayundin ang partikular na pangangatwiran at programa patungkol sa resolusyon. Hindi ba’t pinipigilan ka nitong kumilos nang arbitraryo at nang ikaw lang ang nagdedesisyon? Bukod pa riyan, kung ikaw ay mayroong may-takot-sa-Diyos na puso, likas mong makakayang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos. Ngunit dapat mo ring matutuhang tanggapin ang pangangasiwa ng hinirang na mga tao ng Diyos, na nangangailangan na magkaroon ka ng malawak na isipan at maging mapagparaya ka. Kung may makita kang isang taong nangangasiwa sa iyo, nag-iinspeksyon ng trabaho mo, o nagsisiyasat sa iyo nang hindi mo alam, at kung maging mainitin ang ulo mo, ituring ang taong ito na parang kaaway at hamakin siya, at atakihin at pakitunguhan pa siya gaya ng isang ahas sa damuhan, at gaya ng isang traydor, inaasam-asam na mawala na siya, problema nga ito. Hindi ba’t lubhang napakasama nito? Ano, kung gayon, ang ipinagkaiba mo sa isang diyablong hari? Patas na pagtrato ba ito sa mga tao? Kung kikilos ka sa paraang matapat at matuwid, dapat bang katakutan ang pagsusubaybay sa iyo ng mga tao? Kung ikaw ay natatakot, ibig sabihin nito ay may itinatago ka. Kung alam mo sa iyong puso na may problema ka, dapat mong tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. Ipinapakita nito na may katwiran ka. Kung alam mong may problema ka, pero hindi mo hinahayaan ang sinuman na pangasiwaan ka, inspeksyunin ang trabaho mo, o siyasatin ang problema mo, lubha kang walang katwiran, ikaw ay isang taong naghihimagsik at lumalaban sa Diyos, at sa kasong ito, mas malala pa ang problema mo. Kung kikilatisin ka ng mga hinirang ng Diyos na isang masamang tao o isang hindi mananampalataya, lalo pang magiging problematiko ang mga kahihinatnan nito—aalisin at ititiwalag ka. Kung kaya, ang mga kayang tumanggap ng pangangasiwa, pagsusuri, at pagsusubaybay sa kanila ng iba ang siyang mga pinakanagtataglay ng katwiran; mayroon silang lawak ng isipan at normal na pagkatao. Kapag nadiskubre mong mali ang pamamaraan mo o na nagbubunyag ka ng tiwaling disposisyon, kung nagagawa mong magbukas at makipag-usap sa mga tao, tutulungan nito ang mga nasa paligid mo na mapangasiwaan ka. Talagang kailangang tumanggap ng pangangasiwa, ngunit ang pinakamahalaga ay magdasal sa Diyos, umasa sa Kanya, at palagiang suriin ang iyong sarili. Lalo na kapag maling landas ang tinahak mo o nakagawa ka ng mali, o kapag akmang kikilos ka na nang arbitraryo at diktatoryal, at tinukoy ito ng isang tao sa paligid mo at binalaan ka, dapat mong tanggapin iyon at magmadali kang pagnilayan ang iyong sarili, at aminin ang iyong pagkakamali, at itama iyon. Maaari nitong pigilan ka sa pagtahak sa landas ng mga anticristo. Kung may isang taong tumutulong at nagbababala sa iyo sa ganitong paraan, hindi ka ba pinoprotektahan nang hindi mo nalalaman? Para sa iyo, ito ay isang uri ng proteksyon. Samakatwid, hindi ka dapat palaging maging mapagbantay laban sa iyong mga kapatid o sa mga tao sa paligid mo. Huwag palaging magbalatkayo o magkubli ng sarili, nang hindi tinutulutan ang iba na maunawaan ka o makita kung sino ka. Kung ang iyong puso ay palaging mapagbantay laban sa iba, maaapektuhan nito ang paghahanap mo sa katotohanan, at magiging madali para sa iyo na mawala ang gawain ng Banal na Espiritu, gayundin ang maraming mga pagkakataon na magawa kang perpekto. Kung palagi kang mapagbantay laban sa iba, magkakaroon ka ng mga sikreto sa iyong puso, at hindi mo magagawang makipagtulungan sa mga tao. Magiging madali para sa iyo na gawin ang mga maling bagay at tahakin ang maling landas, at matitigilan ka kapag nakagawa ka ng mga pagkakamali. Ano ang iisipin mo sa oras na iyon? “Kung alam ko lang, nakipagtulungan sana ako sa mga kapatid ko sa paggampan sa aking tungkulin sa simula pa lang, at tiyak na hindi sana ako magkakaroon ng anumang problema. Pero dahil palagi akong natatakot na makilatis ng iba, naging mapagbantay ako laban sa iba. Ngunit sa huli, walang ibang nagkamali—ako ang nakagawa ng unang pagkakamali. Kahiya-hiya at kahangalan ang bagay na ito!” Kung magagawa mong tumuon sa paghahanap sa katotohanan, at maging bukas sa pakikipagbahaginan kasama ang iyong mga kapatid kapag nahihirapan ka, matutulungan ka ng iyong mga kapatid, at maaalalayan kang maunawaan ang tamang landas ng pagsasagawa at mga prinsipyo ng pagsasagawa. Mapangangalagaan ka nito mula sa pagtahak sa maling landas kapag ginagampanan ang iyong tungkulin, para hindi ka mabigo o madapa, o itaboy at itiwalag ng Diyos. Sa halip, makatatanggap ka ng proteksiyon, magagampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin, at makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Ano’t napakalaki ng mga pakinabang na nakakamit ng mga tao sa magkakasundong pakikipagtulungan!

Ang mga salitang “pagtutulungan na may pagkakasundo” ay madaling maunawaan nang literal, ngunit mahirap isagawa ang mga ito. Hindi madaling isabuhay ang praktikal na bahagi ng mga salitang ito. Bakit hindi ito madali? (Ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon.) Tama iyan. Ang tao ay may mga tiwaling disposisyon ng kayabangan, kabuktutan, katigasan ng kalooban, at iba pa, at nakahahadlang ang mga ito sa kanyang pagsasagawa ng katotohanan. Kapag nakikipagtulungan ka sa iba, inihahayag mo ang lahat ng uri ng mga tiwaling disposisyon. Halimbawa, iniisip mo: “Gusto mo akong makipagtulungan sa taong iyon, pero kaya ba niya? Hindi ba ako hahamakin ng mga tao kung makikipagtulungan ako sa isang taong walang kakayahan?” At kung minsan, maaari mo pa ngang isipin, “Talagang hindi sensitibo ang taong iyon, at hindi niya nauunawaan ang sinasabi ko!” o “Ang sasabihin ko ay maingat na napag-isipan at may malalim na pagkaunawa. Kung sasabihin ko ito sa kanila at hahayaan silang angkinin iyon, mamumukod-tangi pa rin ba ako? Pinakamaganda ang aking panukala. Kung sasabihin ko lamang iyon at hahayaan silang gamitin iyon, sino ang makakaalam na kontribusyon ko iyon?” Ang gayong mga saloobin at opinyon—ang gayong mga maladiyablong salita—ay karaniwang naririnig at nakikita. Kung mayroon kang gayong mga saloobin at opinyon, handa ka bang makipagtulungan sa iba? Nagagawa mo bang makipagtulungan nang may pagkakasundo? Hindi madali iyon; marami-rami ang hamon doon! Ang mga salitang “pagtutulungan na may pagkakasundo” ay madaling sabihin—buksan mo lang ang bibig mo at lalabas ang mga iyon. Ngunit kapag oras na para isagawa ang mga iyon, malaki ang mga hadlang sa iyong kalooban. Kung saan-saan napupunta ang isip mo. Kung minsan, kapag maganda ang timpla mo, maaari mo pang magawang magbahagi nang kaunti sa iba; ngunit kapag hindi maganda ang timpla mo at nahahadlangan ka ng tiwaling disposisyon, hindi mo talaga maisasagawa iyon. Ang ilang tao, bilang mga lider, ay hindi kayang makipagtulungan sa sinuman. Palagi nilang hinahamak ang iba, palaging mapili sa iba, at kapag nakita nila ang mga pagkukulang ng iba, hinuhusgahan at inaatake nila ang mga taong iyon. Masamang impluwensiya ang mga lider na iyon, at tinatanggal sila. Hindi ba nila nauunawaan ang ibig sabihin ng mga salitang “pagtutulungan na may pagkakasundo”? Ang totoo ay nauunawaan nila iyon nang mabuti, ngunit hindi lang talaga nila maisagawa iyon. Bakit hindi nila maisagawa iyon? Dahil masyado nilang pinahahalagahan ang katayuan, at napakayabang ng kanilang disposisyon. Gusto nilang magpakitang-gilas, at kapag nagkaroon na sila ng katayuan, hindi nila pakakawalan iyon, sa takot na mapunta iyon sa kamay ng ibang tao at maiwan silang walang tunay na kapangyarihan. Natatakot silang mapag-iwanan ng iba at hindi maging mataas ang tingin sa kanila, natatakot na baka mawalan ng kapangyarihan o awtoridad ang kanilang mga salita. Iyan ang kinatatakutan nila. Hanggang saan umaabot ang kanilang kayabangan? Nawawalan sila ng katwiran at kumikilos sila nang wala sa katwiran at padalus-dalos. At ano ang kinahihinatnan niyon? Hindi lamang hindi maganda ang pagganap nila sa kanilang tungkulin, kundi nakakagambala at nakakagulo rin ang kanilang mga kilos, at binabago ang pagtatalaga ng kanilang tungkulin at tinatanggal sila. Sabihin ninyo sa Akin, mayroon man lang bang lugar kung saan akmang gampanan ng gayong tao, na may gayong disposisyon, ang kanyang tungkulin? Natatakot Ako na saanman sila ilagay, hindi nila gagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin. Hindi nila kayang makipagtulungan sa iba—kung gayon, ibig bang sabihin niyon ay makakaya nilang gampanan nang maayos ang isang tungkulin nang mag-isa? Hindi talaga. Kung gagampanan nilang mag-isa ang isang tungkulin, lalo pa silang hindi mapipigilan, lalo pang magkakaroon ng kakayahang kumilos nang wala sa katwiran at padalus-dalos. Kung magagampanan mo man nang maayos ang iyong tungkulin ay walang kinalaman sa iyong mga kagalingan, sa kahusayan ng iyong kakayahan, sa iyong pagkatao, iyong mga abilidad, o iyong mga kasanayan; nakasalalay iyon sa kung isa kang taong tumatanggap sa katotohanan at kung nagagawa mong isagawa ang katotohanan. Kung kaya mong isagawa ang katotohanan at tratuhin nang patas ang iba, magkakaroon ka ng pakikipagtulungang may pagkakasundo sa iba. Ang susi sa kung magagampanan ba nang maayos ng isang tao ang kanyang tungkulin at kung magkakaroon ba siya ng pakikipagtulungang may pagkakasundo sa iba, ay nakasalalay sa kung kaya ba niyang tanggapin at magpasakop sa katotohanan. Ang kakayahan, mga kaloob, abilidad, edad, at iba pa ng mga tao ay hindi ang pinakamahalaga, lahat ng iyon ay pumapangalawa lamang. Ang pinakamahalagang bagay ay tingnan kung minamahal ba ng isang tao ang katotohanan, at kung naisasagawa ba niya ang katotohanan. Matapos makinig sa isang sermon, ang mga nagmamahal sa katotohanan at nakapagsasagawa ng katotohanan ay aaminin na tama iyon. Sa tunay na buhay, kapag may makakaharap silang mga tao, pangyayari, at bagay, ilalapat nila ang mga katotohanang ito sa sarili nila. Isasagawa nila ang katotohanan, magiging sarili nilang realidad iyon, at magiging bahagi ng kanilang sariling buhay. Ito ang magiging mga pamantayan at prinsipyong pagbabatayan ng kanilang pag-asal at paggawa ng mga bagay-bagay; iyon ang kanilang isasabuhay at ibubunyag. Kapag nakikinig sa isang sermon, aaminin din ng mga hindi nagmamahal sa katotohanan na tama iyon, at iisipin na nauunawaan nilang lahat iyon. Naitala nila ang mga doktrina sa kanilang puso, ngunit ano ang ginagamit nilang mga prinsipyo at pamantayan sa pagkokonsidera sa isang bagay habang ginagawa iyon? Palagi nilang isinasaalang-alang ang mga bagay ayon sa sarili nilang mga interes; hindi nila isinasaalang-alang ang mga bagay gamit ang katotohanan. Nangangamba sila na ang pagsasagawa ng katotohanan ay magsasanhi ng kawalan sa kanila, at nangangamba silang mahusgahan at mahamak ng iba—na mapahiya. Urong-sulong sila sa kanilang mga pagsasaalang-alang, pagkatapos ay iniisip nila sa huli, “Poprotektahan ko na lang ang aking katayuan, reputasyon, at mga interes, ito ang pinakamahalaga. Kapag natugunan na ang mga bagay na ito, magiging kontento na ako. Kung hindi matutugunan ang mga bagay na ito, hindi ako magiging masayang isagawa ang katotohanan, ni hindi iyon magiging kasiya-siya para sa akin.” Ito ba ang taong nagmamahal sa katotohanan? Talagang hindi. Ang ilang tao ay napakaseryoso kapag nakikinig sa mga sermon, at gumagawa pa nga ng mga tala. Sa tuwing makaririnig sila ng mahalagang salita o parirala, itinatala nila ito sa isang kuwaderno, ngunit hindi ito ginagamit o isinasagawa pagkatapos. Walang tunay na pagbabago na makikita kahit gaano pa katagal na panahon ang lumipas. Ganito ba ang isang taong nagmamahal sa katotohanan? Kaya ng mga nagmamahal sa katotohanan—basta nauunawaan nila ito—na isagawa ito, samantalang iyong mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay hindi ito maisagawa kahit nauunawaan nila ito. Ang pinakamalaking tanda kung mahal ng isang tao ang katotohanan ay kung kaya niya itong isagawa. Sa tingin ninyo, kaya bang malaman ng isang taong hindi nagmamahal sa katotohanan ang tama sa mali? (Hindi.) Sa totoo lang ay kaya niya. Halimbawa, kung naging mabait siya sa isang tao noon, ngunit sinalungat ng taong iyon ang kanyang mga interes, sasabihin niya, “Ang taong iyon ay walang konsensiya. Tinulungan ko siya noon, at ngayon ay ganito na ang pakikitungo niya sa akin!” Tingnan mo, nagsasalita siya tungkol sa konsensiya, ngunit anong pamantayan ang ginagamit niya para sukatin ang konsensiya ng isang tao, o ang tama at mali? Sinuman ang kapaki-pakinabang sa kanya o alinmang salita o gawa ang kapaki-pakinabang sa kanya—ang mga bagay na ito ay positibo, habang ang anumang hindi kapaki-pakinabang sa kanya ay negatibo. Ganito kamakasarili ang kanyang pananaw. Sa tingin ninyo, makakamit ba ng ganitong uri ng tao ang katotohanan? (Hindi.) Bakit hindi? (Hindi niya matatamo ang katotohanan dahil ang kanyang mga kilos ay walang prinsipyo, at hindi siya nagsasagawa ayon sa katotohanan. Sa halip, kumikilos siya para sa kanyang sariling pakinabang, at nagpapakana para sa kanyang sarili sa lahat ng aspekto.) Ganyan nga. Hindi niya matatamo ang katotohanan. Para sa anong uri ng tao inihanda ang katotohanan? Ito ay inihanda para sa mga taong nagmamahal sa katotohanan at kayang talikuran ang lahat para dito. Ito ang mga taong makapagkakamit ng katotohanan, at silang nagmamay-ari at pinagkakalooban ng katotohanan sa huli. Nangangahulugan ito ng kakayahang isagawa ang katotohanan at isabuhay ang katotohanan anuman ang halaga, kahit na nangangahulugan ito ng pagsasakripisyo ng personal na mga interes, o ng mga bagay na pinakamamahal niya, at pag-aalay ng lahat ng ito. Sa ganitong paraan, makakamit ang katotohanan.

Ano sa tingin ninyo ang pinakapinahahalagahan ng mga tao? Buhay ba ng tao? (Oo.) Sa totoo lang, hindi ito iyon. Ipagpalagay nating hiniling sa iyong ibigay ang iyong buhay para sa Diyos. Kaya mo ba itong ibigay? Ipagpalagay nating hiniling sa iyong ihandog ang iyong sarili sa Diyos, at agaran kang mamatay, kaya mo ba itong gawin? May ilan na kaya itong gawin. Ang buhay, kung gayon, ay hindi ang pinakamahalagang bagay sa mga tao, dahil talaga namang ang ilan ay handang ihandog ang kanilang sarili sa Diyos o ialay ang kanilang buhay para sa Diyos, kahit kailan at kahit saan. Ngunit kapag ang kanilang sariling mga personal na interes o reputasyon at katayuan ang nakataya, lalo na kung nasasangkot dito ang kanilang kinabukasan at kapalaran, kaya ba nilang isagawa ang katotohanan at maghimagsik laban sa kanilang sariling laman? Ito ang pinakamahirap gawin. Ano ang pinakamahalagang bagay para sa isang tao sa sitwasyong ito? (Ang kanyang interes, kinabukasan, at kapalaran.) Tama. Hindi ang buhay, kundi ang kanilang mga interes, katayuan, kinabukasan, at kapalaran—ito ang mga bagay na pinakapinahahalagahan at pinakamamahal ng mga tao. Ang isang taong kayang mag-alay ng kanyang buhay para sa Diyos ay hindi tiyak na isang taong nagmamahal sa katotohanan at nagsasagawa ng katotohanan. Ang kakayahang mag-alay ng buhay para sa Diyos ay maaaring isang islogan lamang. Sinasabi mong kaya mong ialay ang iyong buhay sa Diyos, ngunit kaya mo bang bitiwan ang mga pakinabang ng katayuan? Kaya mo bang bitiwan ang pride? Alin ang mas madaling isakripisyo? (Mas madaling isakripisyo ang buhay ng isang tao.) Oo. Kapag ang ilang tao ay kailangang mamili, bagama’t kaya nilang isakripisyo ang kanilang sariling buhay, hindi nila kayang bitiwan ang mga pakinabang ng katayuan, o talikuran ang kanilang maling landas. Sabihin nang pipili ka sa pagitan ng dalawang daan. Ang isa ay ang daan ng pagiging isang matapat na tao, na sabihin ang katotohanan at sabihin kung ano ang nasa puso mo, na ibahagi ang iyong puso sa iba, o na aminin ang iyong mga pagkakamali at pagsasabi ng mga bagay na totoo, ipakita sa iba ang iyong pangit na katiwalian at magdulot ng kahihiyan sa iyong sarili. Iyong isa naman ay ang daan ng pagiging martir para sa Diyos at pagpasok sa kaharian ng langit kapag namatay ka. Alin ang pipiliin mo? Maaaring sabihin ng ilan, “Pinipili kong ialay ang aking buhay para sa Diyos. Nakahanda akong mamatay para sa Kanya; pagkatapos mamatay, makukuha ko ang aking gantimpala, at makakapasok ako sa kaharian ng langit.” Ang ihandog ang buhay para sa Diyos ay magagawa sa iisang malakas na buhos ng lakas, ng mga may kapasyahang gawin ito. Pero maisasakatuparan ba ang pagsasagawa ng katotohanan at pagiging matapat na tao sa gayong buhos ng lakas? Hindi, maging sa dalawang buhos ng lakas. Kung sinusubukan mo lang na gampanan ang ilang hindi gaanong mahalagang tungkulin at isagawa ang ilang simpleng katotohanan, at walang nasasangkot na mga kritikal na isyu ng tama at mali, kung gayon, ito ay isang bagay na maaaring makamit sa isang bugso lang kung mayroon kang kaunting determinasyon. Gayumpaman, kung makaharap ka ng mga bagay na kinasasangkutan ng mga katotohanang prinsipyo, malamang na hindi sapat kahit dalawang bugso—kakailanganin mong maunawaan ang mga katotohanang prinsipyo. Ang isang sandali ng pagsasabi ng totoo at hindi pagsisinungaling ay hindi nangangahulugang gagawin ka na isang matapat na tao nang minsanan at tuluyan. Ang pagiging isang matapat na tao ay may kasamang pagbabago ng iyong mga disposisyon, nangangailangan ito ng sampu o dalawampung taong karanasan. Dapat mong iwaksi ang mapanlinlang mong disposisyon ng pagsisinungaling at panlilinlang bago mo maabot, sa pangkalahatan, ang pamantayan sa pagiging isang matapat na tao. Mahirap ba ito para sa lahat? Isa itong napakalaking hamon. Gusto ng Diyos ngayon na magawang perpekto at makamit ang isang grupo ng mga tao, at lahat ng naghahangad ng katotohanan ay dapat tumanggap ng paghatol at pagkastigo, mga pagsubok at pagpipino. Ang layon ng paggawa ng Diyos sa ganitong paraan ay para lutasin ang kanilang mapanlinlang na disposisyon at gawin silang matatapat na tao, at mga taong nagpapasakop sa Diyos. Hindi ito isang bagay na makakamit sa iisang bugso ng pagsisikap; kailangan nito ng tunay na pananalig, at dapat sumailalim ang isang tao sa maraming pagdurusa mula sa mga pagsubok at pagpipino bago niya makamit ito. Ipagpalagay na hinihingi sa iyo ng Diyos ngayon na maging isang matapat na tao at sabihin ang totoo tungkol sa isang bagay, na kinasasangkutan ng mga katunayan, o ng iyong kinabukasan at iyong kapalaran. Ang mga kahihinatnan ng paggawa mo nito ay maaaring hindi pabor sa iyo: Maaaring hindi na maging mataas ang tingin sa iyo ng iba, at pakiramdam mo ay nasira na ang iyong reputasyon. Sa gayong mga sitwasyon, kaya mo bang maging prangka, at sabihin ang totoo? Kaya mo bang maging matapat? Ito ang pinakamahirap na gawin, mas mahirap pa kaysa sa pagbuwis ng iyong buhay. Maaari mong sabihin, “Kaya kong mamatay para sa Diyos, pero kung ipapasabi sa akin ng Diyos ang totoo, hindi ko ito kakayanin. Ayaw ko talagang maging isang matapat na tao. Mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa hayaang maliitin ako ng lahat, kaysa hayaang makita ng lahat na isa lang akong ordinaryong tao.” Mula rito, makikita na ang pinakapinapahalagahan pa rin ng mga tao ay ang katayuan at reputasyon—pinapahalagahan nila ang mga bagay na ito nang higit pa sa sarili nilang buhay. Malinaw na namumuhay pa rin sila sa gitna ng mga satanikong disposisyon, at na ang kanilang puso ay kontrolado pa rin ni Satanas. Kung makaharap sila ng malaking panganib, maaaring magawa nilang isugal ang kanilang buhay sa isang bugso ng pagsisikap, ngunit hindi madali para sa kanila na isuko ang katayuan at reputasyon. Para sa mga taong nananampalataya sa Diyos, ang paghahandog ng kanilang buhay ay hindi ang pinakamahalaga. Hinihingi ng Diyos na tanggapin ng mga tao ang katotohanan, at tunay na maging matatapat na tao na sinasabi kung ano man ang nasa puso nila, nagbubukas at nagsisiwalat ng sarili sa lahat. Madali bang gawin ito? (Hindi.) Sa katunayan, hindi hinihingi sa iyo ng Diyos na isakripisyo mo ang buhay mo. Hindi ba’t bigay sa iyo ng Diyos ang buhay mo? Ano ang pakinabang ng buhay mo sa Diyos? Hindi ito gusto ng Diyos. Ang gusto Niya ay magsalita ka nang totoo, sabihin mo kung anong uri ka ng tao at ano ang nilalaman ng puso mo. Masasabi mo ba ang mga bagay na ito? Dito, nagiging mahirap ang mga bagay-bagay, at maaari mong sabihing, “Pagawin mo ako ng ilang pisikal na trabaho, at magkakaroon ako ng lakas na gawin iyon. Ipasakripisyo sa akin ang lahat ng pag-aari ko, at magagawa ko ito. Madali kong matatalikuran ang aking mga magulang, anak, buhay may-asawa, at propesyon. Ngunit ang pagpapasabi sa akin ng isang bagay mula sa puso, o pagpapasabi sa akin ng isang matapat na pangungusap—iyan ang isang bagay na hindi ko magagawa.” Bakit hindi mo magagawa iyon? Dahil kapag ginawa mo iyon, sinumang nakakakilala sa iyo o pamilyar sa iyo ay mag-iiba ang tingin sa iyo. Hindi ka na nila titingalain. Mapapahiya ka na at ganap na mahahamak, at maglalaho ang iyong integridad at dignidad. Mawawala ang matayog na katayuan at katanyagan mo sa puso ng iba. Kaya nga, sa gayong sitwasyon, anuman ang mangyari, hindi mo sasabihin ang totoo. Kapag nakahaharap ito ng mga tao, nagtatalo ang kalooban nila. Kapag lumipas na ang pagtatalong iyon ng kalooban nila, sa huli ay napagtatagumpayan ng ilan ang kanilang mga paghihirap, samantalang ang iba ay hindi pa napagtagumpayan ang gapos at mga limitasyon ng kanilang mga satanikong disposisyon hanggang sa araw na ito, at nananatili silang kontrolado ng kanilang sariling katayuan, pride, banidad, at tinatawag na dangal. Mahirap ito, hindi ba? Hindi isang dakilang usapin ang pagsasalita nang matapat at pagsasabi ng totoo, subalit napakaraming matatapang na bayani, napakaraming tao na ang sumumpa ng taimtim na mga panunumpa sa harap ng Diyos upang ilaan ang kanilang sarili, gugulin ang kanilang sarili, at ialay ang kanilang buhay para sa Diyos, at napakaraming nagsabi ng mga engrandeng salita sa Diyos ang labis na napatigagal dito. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Kapag hinihingi ng Diyos na maayos na tuparin ng mga tao ang kanilang tungkulin, hindi Niya hinihingi sa kanila na tapusin ang tiyak na bilang ng mga gampanin, o magsakatuparan ng anumang malaking proyekto, ni magkamit ng anumang malalaking tagumpay. Ang nais ng Diyos ay magawa ng mga tao ang lahat ng makakaya nila sa isang praktikal na paraan, at mamuhay ayon sa Kanyang mga salita. Hindi kailangan ng Diyos na maging dakila o marangal ka, o na gumawa ka ng anumang himala, at hindi rin Niya nais na makakita ng anumang kaaya-ayang mga sorpresa sa iyo. Hindi Niya kailangan ang ganoong mga bagay. Ang kailangan lang ng Diyos ay na isagawa mo ang mga salita Niya sa isang praktikal na paraan. Pagkatapos mong maunawaan ang mga salita ng Diyos, gawin mo ang mga ito at isakatuparan ang mga ito, o pagkatapos mong marinig ang mga salita ng Diyos, tandaan mo nang mabuti ang mga ito, at pagdating ng panahon para magsagawa, gawin mo ito ayon sa mga salita ng Diyos. Hayaan mong ang mga ito ang maging buhay mo, ang mga realidad mo, at ang isinasabuhay mo. Sa gayon, masisiyahan ang Diyos. Palagi kang naghahangad ng kadakilaan, karangalan, at katayuan; palagi kang naghahangad na maging mas mataas kaysa sa iba. Anong nararamdaman ng Diyos kapag nakikita Niya ito? Kinamumuhian Niya ito, at lalayo Siya sa iyo. Habang mas hinahangad mo ang kadakilaan at pagiging marangal, at naghahangad na maging nakatataas sa iba, na mangibabaw sa karamihan, na maging pambihira, at maging bukod-tangi, lalong nagkakaroon ng pagtutol ang Diyos sa iyo. Kung hindi mo pagninilayan ang iyong sarili at hindi ka magsisisi, kamumuhian at itatakwil ka ng Diyos. Talagang hindi ka dapat maging isang taong tinututulan ng Diyos; dapat kang maging isang taong minamahal ng Diyos. Kaya, paano ka magiging isang taong minamahal ng Diyos? Tanggapin ang katotohanan nang masunurin, akuin ang iyong wastong posisyon bilang isang nilikha, kumilos batay sa mga salita ng Diyos sa praktikal na paraan, gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, maging isang matapat na tao, at isabuhay ang wangis ng tao. Sapat na ito, at mapapalugod nito ang Diyos. Ang mga tao ay talagang hindi dapat magkimkim ng mga ambisyon o ng mga hindi makatotohanang pantasya, hindi nila dapat hangarin ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, o hangarin na mangibabaw sa karamihan. Higit pa rito, hindi sila dapat maghangad na maging higit sa tao o isang dakilang tao, na maging nakatataas sa iba, at na idolohin sila ng iba. Ito ang inaasam ng mga tiwaling tao, at ito ang landas ni Satanas; hindi inililigtas ng Diyos ang gayong mga tao. Kung walang tigil na hinahangad ng mga tao ang kasikatan, pakinabang, at katayuan at matigas na tumatangging magsisi, kung gayon ay hindi na sila matutubos, at mayroon lang iisang kalalabasan para sa kanila: pagtitiwalag. Ngayon, kung mabilis kayong magsisisi, may panahon pa; subalit kapag dumating na ang araw na natapos na ng Diyos ang Kanyang gawain, at lalo pang lumaki ang mga sakuna, hindi na kayo magkakaroon ng pagkakataong magsisi. Kapag dumating ang oras na iyon, ang mga naghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, subalit matigas na tumatangging magsisi, sila ay ititiwalag. Kailangang maging malinaw sa inyong lahat kung anong uri ng mga tao ang nilalayong iligtas ng Diyos sa Kanyang gawain, at kung ano ang kahulugan ng Kanyang pagliligtas. Hinihingi ng Diyos sa mga tao na lumapit sa harapan Niya, makinig sa mga salita Niya, tanggapin ang katotohanan, iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at magsagawa ayon sa sinasabi at inaatas ng Diyos. Ang ibig sabihin nito ay ang mamuhay ayon sa Kanyang mga salita, sa halip na mamuhay ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila, at ayon sa mga satanikong pilosopiya, at ang maghangad ng tinatawag ng mga tao na “kaligayahan”. Kung hindi nakikinig sa mga salita ng Diyos o hindi tumatanggap sa katotohanan ang isang tao, subalit namumuhay pa rin ayon sa mga pilosopiya ni Satanas, at namumuhay sa loob ng mga satanikong disposisyon at matigas na tumatangging magsisi, kung gayon ang ganitong uri ng tao ay hindi maliligtas ng Diyos. Siyempre, sumusunod ka sa Diyos dahil hinirang ka ng Diyos—pero ano ang kahulugan ng pagkakahirang sa iyo ng Diyos? Ito ay upang gawin kang isang tao na nagtitiwala sa Diyos, na sinserong sumusunod sa Diyos, na kayang talikdan ang lahat para sa Diyos, na nagagawang sumunod sa daan ng Diyos, at na nagwaksi ng kanyang mga satanikong disposisyon, hindi na sumusunod kay Satanas o namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan nito. Kung sumusunod ka sa Diyos at gumaganap ka ng tungkulin sa Kanyang sambahayan, subalit nilalabag mo ang katotohanan sa lahat ng aspekto, hindi ka nagsasagawa o dumaranas ayon sa Kanyang mga salita, at nilalabanan mo pa Siya, matatanggap ka kaya ng Diyos? Siguradong hindi. Ano ba ang ibig Kong sabihin sa bagay na ito? Hindi talaga mahirap na gampanan ang iyong tungkulin, at hindi rin ito mahirap gawin nang may debosyon at nang pasok sa pamantayan. Hindi mo kailangang isakripisyo ang iyong buhay o gumawa ng anumang natatangi o mahirap, kailangan mo lamang sundin ang mga salita at tagubilin ng Diyos sa isang masunurin at praktikal na paraan, nang hindi nagkakaroon ng sarili mong mga ideya o isinasakatuparan ang sarili mong proyekto, kundi tumatahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Kung magagawa ito ng mga tao, magkakaroon sila, sa pangkalahatan, ng wangis ng tao. Kapag mayroon silang tunay na pagpapasakop sa Diyos, at naging matatapat na tao, tataglayin nila ang wangis ng isang tunay na tao.

Hunyo 25, 2019

Sinundan: Ang Saloobing Dapat Taglayin ng Tao sa Diyos

Sumunod: Para Magampanan Nang Maayos ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin, Dapat Magtaglay man Lang Siya ng Konsensiya at Katwiran

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito