Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3

Ang unang pagkakataon na naging tao ang Diyos ay sa pamamagitan ng paglilihi sa Banal na Espiritu, at ito ay may kaugnayan sa gawain na nilayon Niyang gawin. Ang Kapanahunan ng Biyaya ay nagsimula sa pangalan ni Jesus. Nang nagsimula si Jesus na gampanan ang Kanyang ministeryo, ang Banal na Espiritu ay nagsimulang magpatotoo sa pangalan ni Jesus, at ang pangalan ni Jehova ay hindi na binanggit; sa halip, pangunahing ginawa ng Banal na Espiritu ang bagong gawain sa pangalan ni Jesus. Ang patotoo ng mga naniwala sa Kanya ay inilahad para kay Jesucristo, at ang gawain na kanilang ginawa ay para rin kay Jesucristo. Ang konklusyon ng Kapanahunan ng Kautusan sa Lumang Tipan ay nangahulugan na ang gawain na pangunahing isinagawa sa pangalan ni Jehova ay natapos na. Simula nito, ang pangalan ng Diyos ay hindi na Jehova; sa halip Siya ay tinawag na Jesus, at magmula noon ay pangunahing sinimulan ng Banal na Espiritu ang gawain sa pangalan ni Jesus. Kaya, sa mga taong sa kasalukuyan ay kumakain at umiinom pa rin ng mga salita ni Jehova, at ginagawa pa rin ang lahat ayon sa gawain ng Kapanahunan ng Kautusan—hindi mo ba bulag na sinusunod ang mga patakaran? Hindi ka ba nananatili sa nakaraan? Batid na ninyo ngayon na ang mga huling araw ay dumating na. Maaari kaya na sa pagdating ni Jesus, Siya ay tatawagin pa ring Jesus? Sinabi ni Jehova sa mga mamamayan ng Israel na darating ang isang Mesiyas, ngunit nang Siya ay dumating, hindi Siya tinawag na Mesiyas kundi Jesus. Sinabi ni Jesus na Siya ay muling darating, at ang Kanyang pagdating ay tulad ng Kanyang pag-alis. Ito ang mga salita ni Jesus, ngunit nakita mo ba kung paano umalis si Jesus? Si Jesus ay umalis sakay ng isang puting ulap ngunit maaari kayang personal Siyang babalik sa mga tao nang nasa ibabaw ng isang puting ulap? Kung magkagayon, hindi ba Siya tatawagin pa ring Jesus? Sa muling pagdating ni Jesus, nagbago na rin ang kapanahunan, dahil dito, maaari pa rin ba Siyang tawagin na Jesus? Maaari lang bang makilala ang Diyos sa pangalan na Jesus? Hindi ba Siya maaaring tawagin sa bagong pangalan sa isang bagong kapanahunan? Maaari bang kumatawan sa Diyos, sa Kanyang kabuuan, ang larawan ng isang tao at ang isang partikular na pangalan? Sa bawat kapanahunan, gumagawa ang Diyos ng bagong gawain at Siya ay tinatawag sa bagong pangalan; paano Niya gagawin ang parehong gawain sa magkaibang kapanahunan? Paano Siya mananatili sa dati? Ang pangalan na Jesus ay ginamit para sa gawain ng pagtubos, kaya tatawagin pa rin ba Siya sa parehong pangalan pagbalik Niya sa mga huling araw? Gagawin pa rin ba Niya ang gawain ng pagtubos? Bakit iisa lamang si Jehova at si Jesus, subalit Sila ay tinatawag sa magkaibang pangalan sa magkaibang kapanahunan? Hindi ba’t ito ay sa kadahilanang magkaiba ang mga kapanahunan ng Kanilang gawain? Maaari bang kumatawan sa Diyos, sa Kanyang kabuuan, ang iisang pangalan lamang? Dahil dito, nararapat na tawagin ang Diyos sa ibang pangalan sa ibang kapanahunan, at nararapat Niyang gamitin ang pangalang ito upang baguhin ang kapanahunan at katawanin ang kapanahunan. Dahil walang anumang pangalan ang maaaring ganap na kumatawan sa Diyos Mismo, at ang bawat pangalan ay maaari lamang kumatawan sa pansamantalang aspeto ng disposisyon ng Diyos sa isang tiyak na kapanahunan; ang kailangan lang nitong gawin ay kumatawan sa Kanyang gawain. Samakatuwid, maaaring mamili ang Diyos ng anumang pangalan na angkop sa Kanyang disposisyon upang kumatawan sa buong kapanahunan. Ito man ay kapanahunan ni Jehova, o kapanahunan ni Jesus, ang bawat kapanahunan ay kinakatawan ng isang pangalan. Sa pagtatapos ng Kapanahunan ng Biyaya, ang huling kapanahunan ay dumating na, at pumarito na si Jesus. Paano pa rin Siya matatawag na Jesus? Paano pa rin Niya maipakikita ang anyo ni Jesus sa gitna ng mga tao? Nakalimutan mo na ba na si Jesus ay isa lamang larawan ng isang Nazareno? Nakalimutan mo na ba na si Jesus ay ang Manunubos lamang ng sangkatauhan? Paano Niya aakuin ang gawain ng panlulupig at gagawing perpekto ang tao sa mga huling araw? Si Jesus ay umalis sakay ng isang puting ulap—ito ay katotohanan—ngunit paano Siya makababalik sakay ng isang puting ulap sa gitna ng tao at tatawagin pa ring Jesus? Kung Siya ay talagang dumating sakay ng isang ulap, paano Siya hindi makikilala ng tao? Hindi ba Siya makikilala ng mga tao sa buong mundo? Kung magkagayon, hindi ba magiging Diyos si Jesus nang mag-isa? Kung magkagayon, ang magiging larawan ng Diyos ay nasa kaanyuan ng isang Hudyo at bukod pa rito ay mananatiling gayon magpakailanman. Sinabi ni Jesus na Siya ay darating kung paano Siya umalis, ngunit nalalaman mo ba ang tunay na kahulugan ng Kanyang mga salita? Maaari kayang nasabi Niya sa pangkat ninyong ito? Nalalaman mo lamang na Siya ay darating kung paano Siya umalis, nakasakay sa isang ulap, ngunit nalalaman mo ba kung paano talaga ginagawa ng Diyos Mismo ang Kanyang gawain? Kung talaga ngang nakikita mo, paano maipaliliwanag ang mga salitang binigkas ni Jesus? Sinabi Niya: Kung kailanman darating ang Anak ng tao sa mga huling araw, Siya Mismo ay hindi makakaalam, hindi malalaman ng mga anghel, hindi malalaman ng mga sugo sa langit, at hindi malalaman ng buong sangkatauhan. Tanging ang Ama ang makakaalam, ibig sabihin, ang Espiritu lamang ang makakaalam. Maging ang Anak ng tao Mismo ay hindi nakaaalam, ngunit ikaw ay nakakikita at nakaaalam? Kung may kakayahan kang makaalam at makakita gamit ang iyong sariling mga mata, hindi ba’t ang pagbigkas ng mga salitang ito ay mawawalan ng kabuluhan? At ano ang sinabi ni Jesus nang panahong iyon? “Ngunit tungkol sa araw at oras na iyon walang taong makaaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Aking Ama lamang. At tulad noong panahon ni Noe, magiging ganito rin ang pagparito ng Anak ng tao. … Kaya nga kayo’y magsihanda rin; sapagkat darating ang Anak ng tao sa oras na hindi ninyo naiisip.” Kapag dumating na ang araw na iyon, mismong ang Anak ng tao ay hindi ito malalaman. Ang Anak ng tao ay tumutukoy sa nagkatawang-taong anyo ng Diyos, na isang normal at karaniwang tao. Maging ang Anak ng tao Mismo ay hindi alam, kaya paano mo malalaman? Sinabi ni Jesus na Siya ay darating kung paano Siya umalis. Kung kailan Siya darating, maging Siya Mismo ay hindi nakaaalam, kaya maaari ba Niyang ipaalam sa iyo nang mas maaga? Nakikita mo ba ang Kanyang pagdating? Hindi ba iyon isang biro? Sa tuwing darating ang Diyos sa lupa, binabago Niya ang Kanyang pangalan, ang Kanyang kasarian, ang Kanyang larawan, at ang Kanyang gawain; hindi Niya inuulit ang Kanyang gawain. Siya ay isang Diyos na laging bago at hindi kailanman luma. Nang dumating Siya noon, tinawag Siyang Jesus; maaari pa rin ba Siyang tawaging Jesus sa oras na ito ng Kanyang pagbalik? Nang dumating Siya noon, Siya ay isang lalaki; maaari ba Siyang maging lalaki muli ngayon? Ang Kanyang gawain nang Siya ay pumarito noong Kapanahunan ng Biyaya ay ang maipako sa krus; pagdating Niyang muli, maaari ba Niyang tubusing muli ang sangkatauhan mula sa kasalanan? Maaari ba Siyang ipakong muli sa krus? Hindi ba’t iyon ay pag-uulit lamang ng Kanyang gawain? Hindi mo ba alam na ang Diyos ay palaging bago at hindi kailanman luma? Mayroong mga nagsasabi na ang Diyos ay hindi nagbabago. Ito ay tama, ngunit ito ay tumutukoy sa di-nagbabagong diwa at disposisyon ng Diyos. Ang mga pagbabago sa Kanyang pangalan at gawain ay hindi nagpapatunay na ang Kanyang diwa ay nagbago; sa madaling salita, ang Diyos ay palaging magiging Diyos, at hindi ito kailanman magbabago. Kung sinasabi mo na hindi nagbabago ang gawain ng Diyos, matatapos ba Niya ang Kanyang anim na libong taong plano ng pamamahala? Ang alam mo lamang ay hindi nagbabago ang Diyos magpakailanman, ngunit alam mo ba na ang Diyos ay palaging bago at hindi kailanman luma? Kung hindi nagbabago ang gawain ng Diyos, magagawa ba Niyang akayin ang sangkatauhan hanggang sa kasalukuyang panahon? Kung hindi nagbabago ang Diyos, bakit nagawa na Niya ang gawain sa dalawang kapanahunan? Ang Kanyang gawain ay hindi tumitigil sa pagsulong, na ang ibig sabihin ay unti-unti Niyang ibinubunyag sa tao ang Kanyang disposisyon, at ang naibubunyag ay ang Kanyang likas na disposisyon. Sa simula, ang disposisyon ng Diyos ay nakatago mula sa mga tao, hindi Niya kailanman tuwirang ibinunyag ang Kanyang disposisyon sa tao, at sadyang walang kaalaman ang tao tungkol sa Kanya. Dahil dito, ginagamit Niya ang Kanyang gawain upang unti-unting ibunyag ang Kanyang disposisyon sa tao, ngunit ang pagkilos sa ganitong pamamaraan ay hindi nangangahulugan na ang Kanyang disposisyon ay nagbabago sa bawat kapanahunan. Hindi ito ang kaso kung saan ang disposisyon ng Diyos ay patuloy na nagbabago dahil ang Kanyang kalooban ay palaging nagbabago. Sa halip, dahil sa ang mga kapanahunan ng Kanyang gawain ay magkakaiba, ang likas na disposisyon ng Diyos, sa kabuuan nito, ay unti-unti Niyang ibinubunyag sa tao, nang sa gayon ay makilala Siya ng mga tao. Ngunit hindi ito patunay na sa simula ay walang tiyak na disposisyon ang Diyos o kaya ay unti-unting nagbago ang Kanyang disposisyon sa paglipas ng mga kapanahunan—ang ganoong pagkaunawa ay hindi tama. Ibinubunyag ng Diyos sa tao ang Kanyang likas at partikular na disposisyon—kung ano Siya—ayon sa paglipas ng mga kapanahunan; ang gawain sa nag-iisang kapanahunan ay hindi makapagpapahayag ng buong disposisyon ng Diyos. At dahil dito, ang mga salitang “Ang Diyos ay palaging bago at hindi kailanman luma” ay tumutukoy sa Kanyang gawain, at ang mga salitang “Ang Diyos ay hindi nagbabago” ay tungkol sa likas na kung ano ang mayroon ang Diyos at kung ano Siya. Anupaman, hindi mo maaaring ibatay ang anim na libong taong gawain sa iisang punto, o limitahan ito gamit ang mga patay na salita. Ganito ang kahangalan ng tao. Ang Diyos ay hindi kasingpayak ng ipinapalagay ng mga tao, at ang Kanyang gawain ay hindi magtatagal sa isang kapanahunan lamang. Ang pangalang Jehova, halimbawa, ay hindi maaaring laging kumatawan sa pangalan ng Diyos; maaari ding gawin ng Diyos ang Kanyang gawain sa pangalan na Jesus. Isa itong tanda na ang gawain ng Diyos ay laging kumikilos nang pasulong.

Ang Diyos ay palaging Diyos, at hindi Siya kailanman magiging si Satanas; si Satanas ay palaging si Satanas, at hindi ito kailanman magiging Diyos. Ang karunungan ng Diyos, ang Kanyang pagiging kamangha-mangha, ang Kanyang katuwiran, at ang Kanyang pagiging maharlika ay hindi kailanman magbabago. Ang Kanyang diwa at kung ano ang mayroon Siya at kung ano Siya ay hindi kailanman magbabago. Subalit, ang Kanyang gawain ay palaging kumikilos nang pasulong, laging lumalalim, dahil ang Diyos ay palaging bago at hindi kailanman luma. Sa bawat kapanahunan ay nagkakaroon ng bagong pangalan ang Diyos, sa bawat kapanahunan ay gumagawa Siya ng bagong gawain, at sa bawat kapanahunan ay hinahayaan Niyang makita ng Kanyang mga nilalang ang bago Niyang kalooban at bagong disposisyon. Kung hindi makikita ng mga tao ang paghahayag ng bagong disposisyon ng Diyos sa bagong kapanahunan, hindi ba nila Siya ipapako magpakailanman sa krus? At sa paggawa nito, hindi ba nila binibigyang kahulugan ang Diyos? Kung ang Diyos ay nagkatawang-tao lamang bilang isang lalaki, ituturing Siya ng mga tao bilang isang lalaki, bilang Diyos ng mga kalalakihan, at hindi Siya kailanman paniniwalaan bilang Diyos ng mga kababaihan. Paniniwalaan ng mga kalalakihan na ang kasarian ng Diyos ay katulad ng kanilang kasarian, na ang Diyos ay ang pinuno ng mga kalalakihan—subalit paano naman ang mga kababaihan? Ito ay hindi makatarungan; hindi ba ito pagtratong may pagtatangi? Kung magkagayunman, lahat silang ililigtas ng Diyos ay mga lalaki na kagaya Niya, at wala ni isang babae ang maliligtas. Nang nilalang ng Diyos ang sangkatauhan, nilikha Niya si Adan at nilikha Niya si Eba. Hindi lamang Niya nilikha si Adan, kundi kapwa ginawa ang lalaki at babae sa Kanyang wangis. Ang Diyos ay hindi lamang Diyos ng mga kalalakihan—Siya ay Diyos din ng mga kababaihan. Ang Diyos ay pumapasok sa isang bagong yugto ng gawain sa mga huling araw. Ibubunyag Niya ang mas marami pa sa Kanyang disposisyon, at hindi ito ang habag at pag-ibig noong panahon ni Jesus. Dahil mayroon Siyang bagong gawain, ang bagong gawaing ito ay sasabayan ng isang bagong disposisyon. Kaya kung ang gawaing ito ay ginawa ng Espiritu—kung ang Diyos ay hindi nagkatawang-tao, at sa halip ang Espiritu ay nagsalita sa pamamagitan ng kulog upang walang paraan ang tao na makipag-ugnayan sa Kanya, malalaman ba ng tao ang Kanyang disposisyon? Kung ang Espiritu lamang ang gumawa ng gawain, ang tao ay hindi magkakaroon ng paraan na makilala ang Kanyang disposisyon. Maaari lamang makita ng mga tao ang disposisyon ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang sariling mga mata kapag Siya ay nagkatawang-tao, kapag ang Salita ay nagpapakita sa katawang-tao, at nagpapahayag ng Kanyang buong disposisyon sa pamamagitan ng katawang-tao. Ang Diyos ay tunay na nabubuhay kasama ng tao. Siya ay nahahawakan; tunay na maaaring makipag-ugnayan ang tao sa Kanyang disposisyon at sa kung anong mayroon at ano Siya; sa ganitong paraan lamang Siya tunay na makikilala ng tao. Kasabay nito, nakumpleto na rin ng Diyos ang gawain kung saan “ang Diyos ay Diyos ng mga kalalakihan at Diyos ng mga kababaihan,” at natamo na ang kabuuan ng Kanyang gawain sa katawang-tao. Hindi Niya inuulit ang gawain sa anumang kapanahunan. Dahil dumating na ang mga huling araw, gagawin Niya ang gawaing ginagawa Niya sa mga huling araw at ibubunyag ang Kanyang buong disposisyon sa mga huling araw. Kapag pinag-uusapan ang mga huling araw, tumutukoy ito sa nakahiwalay na kapanahunan, kung saan sinabi ni Jesus na tiyak kayong makararanas ng sakuna, at makararanas ng mga lindol, taggutom, at mga salot, na magpapakita na ito ay isang bagong kapanahunan at hindi na ang dating Kapanahunan ng Biyaya. Kung, katulad ng sinasabi ng mga tao, ang Diyos ay hindi kailanman nagbabago, ang Kanyang disposisyon ay laging mahabagin at mapagmahal, na mahal Niya ang tao gaya ng pagmamahal Niya sa Kanyang sarili, at naghahandog Siya ng kaligtasan sa bawat tao at hindi kailanman kinasusuklaman ang tao, matatapos ba ang Kanyang gawain? Nang dumating si Jesus at ipinako sa krus, at inialay Niya ang Kanyang sarili para sa lahat ng makasalanan at inihandog ang Kanyang sarili sa altar, naisakatuparan na Niya ang gawain ng pagtubos at naihatid na ang Kapanahunan ng Biyaya sa katapusan nito. Kaya ano ang magiging saysay ng pag-uulit sa gawain ng kapanahunang iyon sa mga huling araw? Hindi ba’t ang paggawa ng parehong bagay ay pagtanggi sa gawain ni Jesus? Kung hindi ginawa ng Diyos ang gawain ng pagpapapako sa krus noong Siya ay dumating sa yugtong ito, kundi nanatiling mahabagin at mapagmahal, madadala ba Niya ang kapanahunang ito sa katapusan? Mawawakasan ba ng isang mahabagin at mapagmahal na Diyos ang kapanahunang ito? Sa panghuli Niyang gawain ng pagwawakas sa kapanahunan, ang disposisyon ng Diyos ay isang pagkastigo at paghatol, kung saan inihahayag Niya ang lahat ng di-matuwid, upang hayagang hatulan ang lahat ng tao, at gawing perpekto ang mga nagmamahal nang tapat sa Kanya. Ang ganitong disposisyon lamang ang makapagwawakas sa kapanahunang ito. Dumating na ang mga huling araw. Lahat ng bagay na nilikha ay pagbubukud-bukurin ayon sa uri nila, at hahatiin sa iba’t ibang kategorya ayon sa kanilang kalikasan. Ito ang sandali na ibubunyag ng Diyos ang kalalabasan at hantungan ng sangkatauhan. Kung hindi sasailalim sa pagkastigo at paghatol ang mga tao, walang paraan para mailantad ang kanilang pagsuway at pagiging di-matuwid. Sa pamamagitan lamang ng pagkastigo at paghatol mahahayag ang kalalabasan ng lahat ng nilikha. Ipinapakita lamang ng tao ang kanyang tunay na kulay kapag siya ay kinakastigo at hinahatulan. Ang masasama ay isasama sa masasama, ang mabubuti sa mabubuti, at ang buong sangkatauhan ay pagbubukud-bukurin ayon sa kanilang uri. Sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol, ang kalalabasan ng lahat ng nilikha ay mahahayag, para maparusahan ang masasama at magantimpalaan ang mabubuti, at lahat ng tao ay sasailalim sa pamamahala ng Diyos. Ang buong gawaing ito ay kailangang magawa sa pamamagitan ng matuwid na pagkastigo at paghatol. Dahil umabot na sa sukdulan ang katiwalian ng tao at napakalala na ng kanyang pagsuway, ang matuwid na disposisyon lamang ng Diyos, na pangunahing pinagsama ng pagkastigo at paghatol at inihahayag sa mga huling araw, ang ganap na babago at bubuo sa tao. Ang disposisyong ito lamang ang makapaglalantad sa kasamaan at sa gayon ay makapagbibigay nang matinding parusa sa lahat ng hindi matuwid. Samakatuwid, ang disposisyong tulad nito ay puno ng kahalagahan ng kapanahunan, at ang pagpapahayag at pagpapakita ng Kanyang disposisyon ay ipinamamalas para sa kapakanan ng gawain sa bawat bagong kapanahunan. Hindi sa ibinubunyag ng Diyos ang Kanyang disposisyon nang gayon-gayon na lamang at nang walang kabuluhan. Ipagpalagay na sa pagbubunyag ng kalalabasan ng tao sa mga huling araw, igagawad pa rin ng Diyos sa tao ang walang-hanggang awa at pagmamahal at patuloy na magiging mapagmahal sa mga tao, hindi isasailalim ang tao sa matuwid na paghatol kundi magpapakita sa kanya ng pagpaparaya, pagtitiis, at pagpapatawad, at papatawarin ang tao gaano man katindi ang mga kasalanan niya, nang wala ni katiting na matuwid na paghatol; kailan kung gayon magwawakas ang buong pamamahala ng Diyos? Kailan magagawang mapangunahan ng ganitong disposisyon ang mga tao patungo sa nararapat na hantungan ng sangkatauhan? Gawing halimbawa, ang isang hukom na laging mapagmahal, may maamong mukha at magiliw na puso. Mahal niya ang mga tao anuman ang kanilang mga nagawang krimen, at siya ay mapagmahal at mapagparaya sa sinumang tao. Kung gayon, kailan siya makaaabot sa isang makatwirang hatol? Sa mga huling araw, ang matuwid na paghatol lamang ang makapaghihiwalay sa tao ayon sa kanilang uri at makapagdadala sa tao sa isang bagong kaharian. Sa ganitong paraan, ang buong kapanahunan ay dadalhin sa katapusan sa pamamagitan ng matuwid na disposisyon ng paghatol at pagkastigo ng Diyos.

Ang gawain ng Diyos sa kabuuan ng Kanyang pamamahala ay lubos na malinaw: Ang Kapanahunan ng Biyaya ay ang Kapanahunan ng Biyaya, at ang mga huling araw ay ang mga huling araw. Mayroong malilinaw na pagkakaiba sa pagitan ng bawat kapanahunan, dahil sa bawat kapanahunan ay nagsasagawa ang Diyos ng gawain na kumakatawan sa kapanahunang iyon. Para magawa ang gawain sa mga huling araw, dapat ay may pagsunog, paghatol, pagkastigo, poot, at pagwasak upang matapos na ang kapanahunan. Ang mga huling araw ay tumutukoy sa pangwakas na kapanahunan. Sa pangwakas na kapanahunan, hindi ba’t tatapusin ng Diyos ang kapanahunan? Upang mawakasan ang kapanahunan, dapat dalhin ng Diyos ang pagkastigo at paghatol kasama Niya. Tanging sa ganitong paraan Niya mawawakasan ang kapanahunan. Ang layon ni Jesus ay upang magpatuloy ang tao sa pag-iral, pamumuhay, at upang umiral siya sa mas maayos na paraan. Iniligtas Niya ang tao mula sa kasalanan nang sa gayon ay tumigil ang tao sa paglusong sa kasamaan at hindi na mamuhay pa sa Hades at impiyerno, at sa pagligtas sa tao mula sa Hades at impiyerno, tinulutan Niyang magpatuloy na mabuhay ang tao. Ngayon, ang mga huling araw ay dumating na. Lilipulin ng Diyos ang tao at wawasakin nang lubusan ang lahi ng tao, na nangangahulugang babaguhin Niya ang paghihimagsik ng sangkatauhan. Dahil dito, magiging imposible, sa mahabagin at mapagmahal na disposisyon sa nakaraan, na wakasan ng Diyos ang kapanahunan o maisakatuparan ang Kanyang anim na libong taong plano ng pamamahala. Ang bawat kapanahunan ay nagtatampok ng natatanging pagkatawan sa disposisyon ng Diyos, at ang bawat kapanahunan ay naglalaman ng gawain na dapat isagawa ng Diyos. Kaya, ang gawaing ginagawa ng Diyos Mismo sa bawat kapanahunan ay naglalaman ng pagpapahayag ng Kanyang tunay na disposisyon, at ang Kanyang pangalan at ang isinasagawa Niyang gawain ay parehong nagbabago kasabay ng kapanahunan—ang lahat ng ito ay bago. Sa Kapanahunan ng Kautusan, ang gawain ng paggabay sa sangkatauhan ay isinagawa sa pangalan ni Jehova, at ang unang yugto ng gawain ay sinimulan sa lupa. Ang gawain sa yugtong ito ay ang magtatag ng templo at dambana, at ang gamitin ang kautusan upang gabayan ang mga tao sa Israel at gumawa sa kalagitnaan nila. Sa pamamagitan ng paggabay sa mga tao sa Israel, Siya ay naglunsad ng himpilan para sa Kanyang gawain sa lupa. Mula sa himpilang ito, pinalawak Niya ang Kanyang gawain hanggang sa labas ng Israel, na ibig sabihin, mula sa Israel, pinalawak Niya ang Kanyang gawain palabas, kaya ang mga sumunod na salinlahi ay unti-unting nalaman na si Jehova ang Diyos, at si Jehova ang lumikha ng kalangitan at lupa at lahat ng bagay, at na si Jehova ang lumikha ng lahat ng nilalang. Ipinalaganap Niya ang Kanyang gawain sa mga tao sa Israel, palabas sa kanila. Ang lupain ng Israel ang unang banal na lugar ng gawain ni Jehova sa lupa, at sa lupain ng Israel unang gumawa sa lupa ang Diyos. Iyon ang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan. Noong Kapanahunan ng Biyaya, si Jesus ang Diyos na nagligtas sa tao. Kung anong mayroon ang Diyos at kung ano Siya ay biyaya, pag-ibig, awa, pagtitiis, tiyaga, kababaang-loob, pag-aalaga, at pagpaparaya, at napakarami sa gawaing Kanyang isinagawa ay para sa kapakanan ng pagtubos sa tao. Ang Kanyang disposisyon ay isa ng awa at pagmamahal, at dahil Siya ay maawain at mapagmahal, kinailangan Niyang maipako sa krus para sa tao, nang sa gayon ay maipakita na minahal ng Diyos ang tao gaya ng Kanyang sarili, hanggang sa puntong inialay Niya ang Kanyang sarili sa Kanyang kabuuan. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang pangalan ng Diyos ay Jesus, na nangangahulugan na ang Diyos ay ang Diyos na nagliligtas sa tao, at Siya ay isang maawain at mapagmahal na Diyos. Kasama ng tao ang Diyos. Ang Kanyang pagmamahal, ang Kanyang awa, at ang Kanyang pagliligtas ay kapiling ng bawat tao. Ang tao ay nagawa lang magkamit ng kapayapaan at kagalakan, makatanggap ng Kanyang pagpapala, makatanggap ng Kanyang marami at malawak na biyaya, at makatanggap ng Kanyang pagliligtas sa pamamagitan ng pagtanggap sa pangalan ni Jesus at ng Kanyang presensya. Sa pamamagitan ng pagkakapako ni Jesus sa krus, ang lahat ng sumunod sa Kanya ay nakatanggap ng pagliligtas at pinatawad sa kanilang mga kasalanan. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang pangalan ng Diyos ay Jesus. Sa madaling salita, ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya ay isinagawa pangunahin sa pangalan ni Jesus. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang Diyos ay tinawag na Jesus. Gumawa Siya ng yugto ng bagong gawain na higit pa sa Lumang Tipan, at ang Kanyang gawain ay nagtapos sa pagpapapako sa krus. Ito ang kabuuan ng Kanyang gawain. Samakatuwid, sa Kapanahunan ng Kautusan, Jehova ang pangalan ng Diyos, at sa Kapanahunan ng Biyaya, ang pangalan ni Jesus ang kumatawan sa Diyos. Sa mga huling araw, ang Kanyang pangalan ay Makapangyarihang Diyos—ang Makapangyarihan sa lahat, na gumagamit sa Kanyang kapangyarihan upang gabayan ang tao, lupigin ang tao at makamit ang tao, at sa huli, wakasan ang kapanahunan. Sa bawat kapanahunan, sa bawat yugto ng Kanyang gawain, ang disposisyon ng Diyos ay malinaw na makikita.

Sa pasimula, ang paggabay sa tao sa Kapanahunan ng Kautusan ng Lumang Tipan ay kagaya ng paggabay sa pamumuhay ng isang bata. Ang pinakaunang sangkatauhan ay bagong silang kay Jehova; sila ang mga Israelita. Hindi nila nauunawaan kung paano katakutan ang Diyos o mabuhay sa lupa. Na ang ibig sabihin, nilikha ni Jehova ang sangkatauhan, iyon ay, nilikha Niya si Adan at si Eba, ngunit hindi Niya sila binigyan ng kakayahan na maunawaan kung paano matakot kay Jehova o kung paano sundin ang mga batas ni Jehova sa lupa. Kung wala ang tuwirang paggabay ni Jehova, walang sinuman ang makaaalam nito nang tuwiran, sapagkat sa pasimula hindi tinaglay ng tao ang gayong kakayahan. Alam lamang ng tao na si Jehova ay Diyos, pero ganap na walang ideya ang tao kung paano Siya katakutan, kung anong uri ng pag-uugali ang matatawag na pagkatakot sa Kanya, kung sa anong uri ng kaisipan Siya katatakutan, o kung ano ang ihahandog sa pagiging takot sa Kanya. Alam lamang ng tao kung paano tamasahin yaong maaaring tamasahin sa lahat ng bagay na nilikha ni Jehova, ngunit wala ni anumang kamalayan ang tao kung anong uri ng pamumuhay sa lupa ang karapat-dapat sa isang nilalang ng Diyos. Kung walang magtuturo sa kanila, kung walang gagabay sa kanila nang personal, ang sangkatauhang ito ay hindi sana kailanman namuhay ng isang buhay na naaangkop sa sangkatauhan, kundi mabibihag lamang nang palihim ni Satanas. Nilikha ni Jehova ang sangkatauhan, na ibig sabihin, nilikha Niya ang mga ninuno ng sangkatauhan, sina Eba at Adan, ngunit hindi Niya ipinagkaloob sa kanila ang anumang karagdagang talino o karunungan. Bagama’t sila ay naninirahan na sa lupa, halos wala silang anumang nauunawaan. At kaya, ang gawain ni Jehova sa paglikha sa sangkatauhan ay nangalahati pa lamang, at matagal pa bago matapos. Hinubog pa lamang Niya ang isang modelo ng tao mula sa putik at binigyan ito ng Kanyang hininga, nang hindi ipinagkakaloob sa tao ang sapat na kahandaan na katakutan Siya. Sa pasimula, hindi taglay ng tao ang pusong may takot o kilabot sa Kanya. Ang alam lamang ng tao ay kung paano makinig sa Kanyang mga salita ngunit mangmang ito sa pangunahing kaalaman para sa pamumuhay sa lupa at sa mga normal na patakaran sa pamumuhay ng tao. At kaya, bagama’t nilikha ni Jehova ang lalaki at babae at tinapos ang pitong araw ng proyekto, hindi Niya natapos likhain ang tao sa anumang paraan, sapagkat ang tao ay isa lamang ipa, at walang realidad ng pagiging tao. Ang alam lamang ng tao ay na si Jehova ang lumikha sa sangkatauhan, ngunit walang kamalayan ang tao kung paano sumunod sa mga salita at mga kautusan ni Jehova. At kaya, pagkatapos ng paglikha sa sangkatauhan, ang gawain ni Jehova ay matagal pa bago magtapos. Kinailangan pa Niyang lubusang gabayan ang sangkatauhan na lumapit sa harap Niya, upang magawa nilang mamuhay nang magkakasama sa lupa at katakutan Siya, at upang magawa nila, sa tulong ng Kanyang paggabay, na makapasok sa tamang landas ng isang normal na pamumuhay ng tao sa lupa. Sa gayon lamang ganap na natapos ang gawain na pangunahing isinagawa sa pangalan ni Jehova; iyon ay, sa gayon lamang ganap na natapos ang gawain ni Jehova ng paglikha sa mundo. At kaya, yamang nilikha Niya ang sangkatauhan, kinailangan Niyang gabayan ang pamumuhay ng sangkatauhan sa lupa sa loob ng ilang libong taon, upang magawang sumunod ng sangkatauhan sa Kanyang mga atas at mga kautusan, at makibahagi sa lahat ng gawain ng isang normal na pamumuhay ng tao sa lupa. Saka lamang ganap nang natapos ang gawain ni Jehova. Sinimulan Niya ang gawaing ito matapos Niyang likhain ang sangkatauhan at ipinagpatuloy ito hanggang sa panahon ni Jacob, kung kailan ginawa Niya ang labindalawang anak na lalaki ni Jacob na labindalawang tribo ng Israel. Magmula noon, ang lahat ng tao sa Israel ay naging ang lahi ng tao na opisyal Niyang pinangunahan sa lupa, at ang Israel ang naging partikular na lugar sa lupa kung saan Niya ginawa ang Kanyang gawain. Ginawa ni Jehova ang mga taong ito na unang grupo ng mga tao kung kanino Niya opisyal na ginawa ang Kanyang gawain sa lupa, at ginawa Niya ang buong bayan ng Israel na panimulang punto ng Kanyang gawain, ginagamit sila na panimula ng mas dakila pang gawain, upang malaman ng lahat ng taong isinilang mula sa Kanya sa lupa kung paano Siya katakutan at paano mabuhay sa lupa. At kaya, ang mga gawa ng mga Israelita ay naging isang halimbawa para sundan ng mga tao sa mga bayang Hentil, at kung ano ang sinabi sa kalipunan ng mga tao sa Israel ay naging mga salita na diringgin ng mga tao sa mga bayang Hentil. Sapagkat sila ang unang nakatanggap ng mga batas at mga utos ni Jehova, at sila rin ang unang nakakaalam kung paano katakutan ang mga daan ni Jehova. Sila ang mga ninuno ng lahi ng tao na nakaalam sa mga daan ni Jehova, pati na mga kinatawan ng lahi ng tao na pinili ni Jehova. Nang ang Kapanahunan ng Biyaya ay dumating, hindi na ginabayan ni Jehova ang tao sa ganitong paraan. Ang tao ay nagkasala at iniwan ang sarili niya sa kasalanan, at kaya sinimulan Niyang iligtas ang tao mula sa kasalanan. Sa ganitong paraan, inusig Niya ang tao hanggang sa ang tao ay ganap nang maligtas mula sa kasalanan. Sa mga huling araw, ang tao ay lumubog na sa gayon katinding kasamaan, na ang gawain sa yugtong ito ay maipatutupad lamang sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo. Sa ganitong paraan lamang maisasakatuparan ang gawain. Ito ang naging gawain sa ilang kapanahunan. Sa madaling salita, ginagamit ng Diyos ang Kanyang pangalan, ang Kanyang gawain, at ang iba’t ibang larawan ng Diyos upang hatiin ang mga kapanahunan at lumipat mula sa isa papunta sa isa; kinakatawan ng pangalan ng Diyos at ng Kanyang gawain ang Kanyang kapanahunan at ang Kanyang gawain sa bawat kapanahunan. Kung sakaling palaging pareho ang gawain ng Diyos sa bawat kapanahunan, at Siya ay palaging tinatawag sa parehong pangalan, paano Siya makikilala ng tao? Ang Diyos ay dapat na tawaging Jehova, at maliban sa Diyos na tinatawag na Jehova, ang sinumang tinatawag sa anumang ibang pangalan ay hindi Diyos. Kung hindi, ang Diyos ay maaari lang tawaging Jesus, at bukod sa pangalang Jesus, hindi Siya maaaring tawagin sa iba pang pangalan; maliban kay Jesus, hindi Diyos si Jehova, at ang Makapangyarihang Diyos ay hindi rin Diyos. Naniniwala ang tao na totoong ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat, ngunit ang Diyos ay isang Diyos na kapiling ng tao, at dapat Siyang tawaging Jesus, dahil ang Diyos ay kapiling ng tao. Ang gawin ito ay pagsunod sa doktrina at pagkulong sa Diyos sa isang saklaw. Kaya, sa bawat kapanahunan, ang gawain na isinasagawa ng Diyos, ang pangalan kung saan Siya ay tinatawag, at ang larawang Kanyang ginagamit—ang gawain na Kanyang ginagawa sa bawat yugto hanggang ngayon—ang mga ito ay hindi sumusunod sa iisang alituntunin, at hindi sumasailalim sa anumang limitasyon. Siya ay si Jehova, ngunit Siya rin ay si Jesus, pati na ang Mesiyas, at ang Makapangyarihang Diyos. Ang Kanyang gawain ay maaaring sumailalim sa unti-unting pagbabago, nang may mga katumbas na pagbabago sa Kanyang pangalan. Walang iisang pangalan ang maaaring kumatawan nang ganap sa Kanya, ngunit ang lahat ng pangalan kung saan Siya ay tinatawag ay maaaring kumatawan sa Kanya, at ang gawain na Kanyang isinasagawa sa bawat kapanahunan ay kumakatawan sa Kanyang disposisyon. Ipagpalagay na, kapag dumating ang mga huling araw, ang Diyos na iyong namamasdan ay si Jesus pa rin, Siya ay nakasakay pa nga sa isang puting ulap, at Siya ay nagtataglay pa rin ng anyo ni Jesus, at ang mga salitang Kanyang binibitawan ay ang mga salita pa rin ni Jesus: “Dapat ninyong ibigin ang inyong kapwa na gaya ng inyong sarili, dapat kayong mag-ayuno at manalangin, ibigin ninyo ang inyong mga kaaway katulad ng inyong pagmamahal sa inyong sariling buhay, pagtiisan ninyo ang iba, at maging mapagpasensya at mapagpakumbaba. Kailangan ninyong gawin ang lahat ng bagay na ito bago kayo magiging mga disipulo Ko. At sa paggawa ng lahat ng bagay na ito, maaari kayong pumasok sa Aking kaharian.” Hindi ba’t ito ay nabibilang sa gawain ng Kapanahunan ng Biyaya? Hindi ba’t ang Kanyang sinasabi ay ang daan ng Kapanahunan ng Biyaya? Ano ang inyong mararamdaman kung maririnig ninyo ang mga salitang ito? Hindi ba ninyo mararamdaman na ito ay gawain pa rin ni Jesus? Ito ba’y hindi pag-uulit ng Kanyang gawain? Makakahanap ba ng kasiyahan ang tao rito? Mararamdaman ninyo na ang gawain ng Diyos ay maaari lamang manatili na katulad nang sa ngayon at hindi na susulong pa. Mayroon lang Siyang limitadong kapangyarihan, at wala nang bagong gawain na isasagawa, at narating na Niya ang hangganan ng Kanyang kapangyarihan. Dalawang libong taon bago ngayon ang Kapanahunan ng Biyaya, at matapos ang dalawang libong taon, ipinapangaral pa rin Niya ang daan ng Kapanahunan ng Biyaya, at pinagsisisi pa rin ang mga tao. Ang mga tao ay magsasabi, “O Diyos, limitado lamang ang Iyong kapangyarihan. Naniwala ako na Ikaw ay napakarunong, ngunit ang alam Mo lamang ay ang pagtitiis at ang inaalala Mo lamang ay ang pagpapasensya. Ang alam Mo lang ay ang magmahal sa Iyong kaaway at wala nang iba.” Sa isip ng tao, mananatili ang Diyos magpakailanman na katulad nang sa Kapanahunan ng Biyaya, at ang tao ay laging maniniwala na ang Diyos ay mahabagin at mapagmahal. Sa tingin mo ba ang gawain ng Diyos ay laging lalakad sa dating lupain? Kaya, sa yugtong ito ng Kanyang gawain, hindi Siya ipapako sa krus, at ang lahat ng inyong nakikita at nahahawakan ay hindi magiging katulad ng anumang inyong naisip o narinig na sabihin. Sa kasalukuyan, ang Diyos ay hindi nakikisalamuha sa mga Pariseo, ni tinutulutan ang mundo na makaalam, at kayo lamang na mga sumusunod sa Kanya ang nakakikilala sa Kanya, sapagkat hindi na Siya muling ipapako sa krus. Sa Kapanahunan ng Biyaya, hayagang nangaral si Jesus sa buong bayan para sa kapakanan ng Kanyang gawain ng ebanghelyo. Nakisalamuha Siya sa mga Pariseo para sa kapakanan ng gawain ng pagpapapako sa krus; kung hindi Siya nakisalamuha sa mga Pariseo at yaong mga nasa kapangyarihan ay hindi kailanman nakaalam tungkol sa Kanya, paano mangyayari na Siya ay kinondena, at pagkatapos ay ipinagkanulo at ipinako sa krus? At kaya, nakisalamuha Siya sa mga Pariseo para sa kapakanan ng pagpapapako sa krus. Sa kasalukuyan, ginagawa Niya ang Kanyang gawain nang palihim para maiwasan ang tukso. Ang gawain, kahalagahan, at pinangyarihan ng dalawang pagkakatawang-tao ng Diyos ay magkakaiba, kaya paanong ganap na magkakapareho ang gawain na Kanyang ginagawa?

Ang pangalang Jesus ba—“Diyos na kasama natin”—ay maaaring kumatawan sa buong disposisyon ng Diyos? Maaari ba nitong malinaw na maipaliwanag ang Diyos? Kung ang tao ay nagsasabi na ang Diyos ay maaari lang tawaging Jesus, at hindi maaaring magkaroon ng iba pang pangalan dahil hindi maaaring baguhin ng Diyos ang Kanyang disposisyon, ang mga salitang iyon ay talagang kalapastanganan sa Diyos! Naniniwala ka bang ang pangalang Jesus, Diyos na kasama natin, ay maaaring mag-isang kumatawan sa Diyos sa Kanyang kabuuan? Maaaring tawagin sa iba’t ibang pangalan ang Diyos, ngunit sa mga pangalang ito, walang kahit isa ang makakayang lumagom sa kabuuan ng Diyos, walang kahit isa na maaaring lubos na kumatawan sa Diyos. At kaya, maraming pangalan ang Diyos, ngunit ang mga pangalang ito ay hindi maaaring ganap na maipahayag ang disposisyon ng Diyos, dahil ang disposisyon ng Diyos ay napakasagana at lumalampas sa kakayahan ng tao na kilalanin Siya. Walang paraan ang tao, gamit ang wika ng tao, na ganap na mabuod ang Diyos. Ang tao ay mayroon lamang limitadong talasalitaan na magagamit upang ibuod ang lahat ng kanyang nalalaman tungkol sa disposisyon ng Diyos: dakila, iginagalang, mahiwaga, hindi maarok, pinakamataas, banal, matuwid, marunong, at iba pa. Napakaraming salita! Ang limitadong talasalitaang ito ay walang kakayahan na mailarawan kung gaano kaliit ang nasaksihan ng tao sa disposisyon ng Diyos. Kinalaunan, maraming tao ang nagdagdag ng mga salita na sa tingin nila ay mas mahusay na makapaglalarawan ng alab sa kanilang mga puso: Ang Diyos ay napakadakila! Ang Diyos ay napakabanal! Ang Diyos ay lubhang kaibig-ibig! Sa kasalukuyan, ang mga kasabihan ng tao kagaya nito ay umabot na sa kanilang sukdulan, ngunit ang tao ay wala pa ring kakayahan na malinaw na maipahayag ang sarili niya. At kaya, para sa tao, ang Diyos ay mayroong maraming pangalan, ngunit wala Siyang isang pangalan, at iyon ay sapagkat ang Kanyang pagiging Diyos ay masyadong masagana, at ang wika ng tao ay masyadong salat. Ang isang partikular na salita o pangalan ay walang kakayahan na kumatawan sa Diyos sa Kanyang kabuuan, kaya sa tingin mo ba ay maaaring gawing permanente ang Kanyang pangalan? Ang Diyos ay napakadakila at napakabanal, ngunit hindi mo Siya hahayaang magpalit ng Kanyang pangalan sa bawat bagong kapanahunan? Samakatuwid, sa bawat kapanahunan na personal na isinasagawa ng Diyos ang Kanyang sariling gawain, gumagamit Siya ng isang pangalan na naaangkop sa kapanahunan upang lagumin ang gawain na Kanyang balak gawin. Ginagamit Niya ang partikular na pangalang ito, isa na nagtataglay ng pansamantalang kahalagahan, upang kumatawan sa Kanyang disposisyon sa kapanahunang iyon. Ito ang paggamit ng Diyos ng wika ng tao upang ipahayag ang Kanyang sariling disposisyon. Gayunpaman, maraming tao na nagkaroon na ng mga karanasang espirituwal at personal nang nakita ang Diyos ang nakakaramdam pa rin na ang partikular na pangalan na ito ay walang kakayahang kumatawan sa Diyos sa Kanyang kabuuan—sa kasamaang palad, hindi ito mapipigilan—kaya hindi na tinatawag ng tao ang Diyos sa anumang pangalan, kundi basta na lamang Siyang tinatawag na “Diyos.” Ang puso ng tao ay parang puno ng pag-ibig, ngunit mukhang naliligiran din ito ng mga pagkakasalungatan, dahil hindi alam ng tao kung paano ipaliwanag ang Diyos. Kung ano ang Diyos ay napakasagana, na talagang walang paraan para ilarawan ito. Walang nag-iisang pangalan na kayang ibuod ang disposisyon ng Diyos, at walang nag-iisang pangalan na kayang maglarawan ng lahat ng kung anong mayroon at kung ano ang Diyos. Kung may magtatanong sa Akin, “Ano ba talaga ang pangalang ginagamit Mo?” Sasabihin Ko sa kanila, “ang Diyos ay Diyos!” Hindi ba iyan ang pinakamainam na pangalan para sa Diyos? Hindi ba iyan ang pinakamainam na paglagom sa disposisyon ng Diyos? Kaya bakit kayo gumugugol ng napakatinding pagsisikap sa paghahanap sa pangalan ng Diyos? Bakit kayo mag-iisip nang napakatindi, nang hindi kumakain at natutulog, para lamang sa isang pangalan? Darating ang araw na ang Diyos ay hindi na tatawaging Jehova, Jesus, o ang Mesiyas—Siya ay tatawagin na lamang na Lumikha. Sa oras na iyon, ang lahat ng mga pangalan na Kanyang ginamit sa lupa ay magtatapos, dahil ang Kanyang gawain sa lupa ay nagtapos na, pagkatapos nito, wala na Siyang pangalan. Kapag ang lahat ng bagay ay napasailalim na sa pamamahala ng Lumikha, bakit Niya kakailanganing magkaroon ng labis na naaangkop ngunit hindi ganap na pangalan? Hinahanap mo pa rin ba ang pangalan ng Diyos ngayon? Nangangahas ka pa rin bang sabihin na ang Diyos ay tinatawag lang na Jehova? Nangangahas ka pa rin bang sabihin na ang Diyos ay matatawag lang na Jesus? Matitiis mo ba ang kasalanan ng paglapastangan sa Diyos? Dapat mong malaman na ang Diyos sa simula ay walang pangalan. Gumamit lang Siya ng isa o dalawa, o maraming pangalan dahil mayroon Siyang gawaing kailangang isagawa at kailangan Niyang pamahalaan ang sangkatauhan. Anumang pangalan ang itinatawag sa Kanya, hindi ba’t ito ay Kanyang pinili nang malaya? Kakailanganin ka ba Niya—na isa sa Kanyang mga nilalang—na pagpasyahan ito? Ang pangalan kung saan tinatawag ang Diyos ay umaayon sa kung ano ang kayang maunawaan ng tao, sa wika ng tao, ngunit ang pangalang ito ay hindi isang bagay na kayang lagumin ng tao. Maaari mo lang sabihin na mayroong Diyos sa langit, na Siya ay tinatawag na Diyos, na Siya ang Diyos Mismo na may dakilang kapangyarihan, na napakarunong, napakadakila, labis na kamangha-mangha, labis na mahiwaga, at labis na makapangyarihan sa lahat, at pagkatapos ay wala ka nang masasabi pang iba; iyon lang katiting na iyon ang kaya mong malaman. Dahil dito, maaari bang kumatawan ang pangalan lang na Jesus sa Diyos Mismo? Kapag dumating na ang mga huling araw, kahit na ang Diyos pa rin ang nagsasagawa ng Kanyang gawain, kailangang magbago ang Kanyang pangalan, dahil ito ay panibagong kapanahunan na.

Yamang ang Diyos ang pinakadakila sa buong sansinukob at sa ibabaw nito, lubos ba Niyang maipaliliwanag ang Kanyang Sarili gamit ang larawan ng isang katawang-tao? Ibinihis ng Diyos sa Kanyang Sarili ang katawang-taong ito para gawin ang isang yugto ng Kanyang gawain. Walang partikular na kahulugan sa larawang ito ng katawang-tao, wala itong kaugnayan sa paglipas ng mga kapanahunan, ni wala ring anumang kinalaman sa disposisyon ng Diyos. Bakit hindi hinayaan ni Jesus na manatili ang Kanyang larawan? Bakit hindi Niya hinayaan ang tao na iguhit ang Kanyang larawan para ito ay maipasa sa susunod na mga salinlahi? Bakit hindi Niya pinahintulutan ang mga tao na kilalanin na ang Kanyang larawan ay ang larawan ng Diyos? Bagama’t ang larawan ng tao ay nilikha sa larawan ng Diyos, magiging posible bang katawanin ng anyo ng tao ang marangal na larawan ng Diyos? Kapag ang Diyos ay nagkakatawang-tao, bumababa lamang Siya mula sa langit patungo sa isang partikular na katawang-tao. Ang Kanyang Espiritu ang bumababa sa isang katawang-tao, sa pamamagitan nito Niya ginagawa ang gawain ng Espiritu. Ang Espiritu ang ipinapahayag sa katawang-tao, at ang Espiritu ang gumagawa ng Kanyang gawain sa katawang-tao. Lubos na kinakatawan ng gawaing ginawa sa katawang-tao ang Espiritu, at ang katawang-tao ay para sa kapakanan ng gawain, ngunit hindi iyon nangangahulugan na ang larawan ng katawang-tao ay maaaring ipalit sa tunay na larawan ng Diyos Mismo; hindi ito ang layunin at kahalagahan ng Diyos na nagkatawang-tao. Siya ay nagiging tao para lamang magkaroon ang Espiritu ng isang lugar na matitirhan na angkop sa Kanyang paggawa, upang mas mabuti Niyang matamo ang Kanyang gawain sa katawang-tao, upang makita ng mga tao ang Kanyang mga gawa, maunawaan ang Kanyang disposisyon, mapakinggan ang Kanyang mga salita, at malaman ang hiwaga ng Kanyang gawain. Kinakatawan ng Kanyang pangalan ang Kanyang disposisyon, kinakatawan ng Kanyang gawain ang Kanyang pagkakakilanlan, ngunit hindi Niya kailanman sinabi na kinakatawan ng Kanyang anyo sa katawang-tao ang Kanyang larawan; yaon ay isa lamang kuru-kuro ng tao. At kaya, ang pinakamahahalagang aspeto ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay ang Kanyang pangalan, ang Kanyang gawain, ang Kanyang disposisyon, at ang Kanyang kasarian. Ginagamit ang mga ito upang kumatawan sa Kanyang pamamahala sa kapanahunang ito. Ang Kanyang anyo sa katawang-tao ay walang kinalaman sa Kanyang pamamahala, at para lamang sa kapakanan ng Kanyang gawain sa panahong yaon. Ngunit imposible para sa Diyos na nagkatawang-tao na hindi magkaroon ng partikular na anyo, at kaya pinipili Niya ang angkop na pamilya upang pagpasyahan ang Kanyang anyo. Kung ang anyo ng Diyos ay mayroong kinatawang kabuluhan, ang lahat ng nagtataglay ng mga katangian ng mukha na kapareho ng sa Kanya ay kakatawan din sa Diyos. Hindi ba iyon isang napakalaking pagkakamali? Ang larawan ni Jesus ay iginuhit ng tao upang ang tao ay maaaring sumamba sa Kanya. Sa panahong iyon, walang natatanging mga tagubilin na ibinigay ang Banal na Espiritu, at kaya ipinasa ng tao ang naguni-guning larawang iyon hanggang sa kasalukuyan. Sa katunayan, alinsunod sa orihinal na layunin ng Diyos, hindi ito dapat ginawa ng tao. Tanging ang sigasig ng tao ang naging sanhi na manatili ang larawan ni Jesus hanggang sa kasalukuyan. Ang Diyos ay Espiritu, at hindi kailanman magagawa ng tao na malagom kung ano ang Kanyang larawan sa huling pagsusuri. Ang Kanyang larawan ay maaari lamang katawanin ng Kanyang disposisyon. Hindi mo magagawang malagom ang anyo ng Kanyang ilong, ng Kanyang bibig, ng Kanyang mga mata, at ng Kanyang buhok. Nang dumating ang paghahayag kay Juan, nakita niya ang larawan ng Anak ng tao: Mula sa Kanyang bibig ay may isang matalas na espada na mayroong magkabilang talim, ang Kanyang mga mata ay kagaya ng ningas ng apoy, ang Kanyang ulo at buhok ay puting kagaya ng lana, ang Kanyang mga paa ay parang pinakintab na tanso, at mayroong isang ginintuang laso na nakapalibot sa Kanyang dibdib. Bagama’t ang Kanyang mga salita ay napakatingkad, ang larawan ng Diyos na kanyang inilarawan ay hindi ang larawan ng isang nilalang. Ang kanyang nakita ay isang pangitain lamang, at hindi ang larawan ng isang tao mula sa materyal na mundo. Si Juan ay nakakita ng isang pangitain, ngunit hindi niya nasaksihan ang tunay na anyo ng Diyos. Ang larawan ng nagkatawang-taong laman ng Diyos, yamang larawan ng isang nilikha, ay walang kakayahan na kumatawan sa disposisyon ng Diyos sa kabuuan nito. Nang nilikha ni Jehova ang sangkatauhan, Kanyang sinabi na Kanyang ginawa ito sa Kanyang larawan at nilikha ang lalaki at babae. Sa panahong iyon, Kanyang sinabi na Kanyang ginawa ang lalaki at babae sa larawan ng Diyos. Bagama’t ang larawan ng tao ay nakakahawig ng larawan ng Diyos, hindi ito maaaring ipakahulugan na ang anyo ng tao ay ang larawan ng Diyos. Hindi mo rin maaaring gamitin ang wika ng tao upang ganap na ibuod ang larawan ng Diyos, sapagkat ang Diyos ay napakarangal, napakadakila, napakahiwaga at hindi maaarok!

Nang dumating si Jesus upang isagawa ang Kanyang gawain, ito ay sa ilalim ng gabay ng Banal na Espiritu; ginawa Niya ang kagustuhan ng Banal na Espiritu, at ito ay hindi ayon sa Kapanahunan ng Kautusan sa Lumang Tipan o ayon sa gawain ni Jehova. Bagama’t ang gawain na isinagawa ni Jesus ay hindi para sumunod sa mga batas ni Jehova o sa mga kautusan ni Jehova, ang Kanilang pinagmulan ay iisa at pareho lang. Ang gawain na isinagawa ni Jesus ay kumatawan sa pangalan ni Jesus, at kumatawan ito sa Kapanahunan ng Biyaya; para naman sa gawain na isinagawa ni Jehova, ito ay kumatawan kay Jehova, at kumatawan sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang Kanilang gawain ay gawain ng isang Espiritu sa dalawang magkaibang kapanahunan. Ang gawain na isinagawa ni Jesus ay maaari lang kumatawan sa Kapanahunan ng Biyaya, at ang gawain na isinagawa ni Jehova ay maaari lang kumatawan sa Kapanahunan ng Kautusan sa Lumang Tipan. Ginabayan lang ni Jehova ang mga tao sa Israel at sa Ehipto, at sa lahat ng bansa sa labas ng Israel. Ang gawain ni Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya sa Bagong Tipan ay ang gawain ng Diyos sa pangalan ni Jesus habang Kanyang ginagabayan ang kapanahunan. Kung sinasabi mo na ang gawain ni Jesus ay batay sa gawain ni Jehova, na hindi Siya nagsimula ng anumang bagong gawain, at na ang lahat ng Kanyang ginawa ay ayon sa mga salita ni Jehova, ayon sa gawain ni Jehova at mga propesiya ni Isaias, si Jesus ay hindi magiging ang Diyos na naging tao. Kung isinagawa Niya ang Kanyang gawain sa paraang ito, isa sana Siyang apostol o isang manggagawa sa Kapanahunan ng Kautusan. Kung katulad ito ng iyong sinasabi, hindi sana nakapaglunsad ng isang kapanahunan si Jesus, ni nakapagsagawa ng kahit na anong iba pang gawain. Sa parehong paraan, ang Banal na Espiritu ay kailangang pangunahing isagawa ang Kanyang gawain sa pamamagitan ni Jehova, at maliban sa pamamagitan ni Jehova ang Banal na Espiritu ay hindi sana nakapagsagawa ng anumang bagong gawain. Mali para sa tao na maunawaan ang gawain ni Jesus sa ganitong paraan. Kung naniniwala ang tao na ang gawaing isinagawa ni Jesus ay ayon sa mga salita ni Jehova at propesiya ni Isaias, si Jesus ba ay ang Diyos na nagkatawang-tao, o isa ba Siya sa mga propeta? Ayon sa pananaw na ito, hindi magkakaroon ng Kapanahunan ng Biyaya, at si Jesus ay hindi ang pagkakatawang-tao ng Diyos, dahil ang gawain na Kanyang isinagawa ay hindi maaaring kumatawan sa Kapanahunan ng Biyaya at maaari lang kumatawan sa Kapanahunan ng Kautusan sa Lumang Tipan. Magkakaroon lamang ng bagong kapanahunan kapag pumarito si Jesus upang gumawa ng bagong gawain, upang maglunsad ng isang bagong kapanahunan, upang isulong ang gawain na isinagawa noon sa Israel, at upang isagawa ang Kanyang gawain hindi ayon sa gawaing isinagawa ni Jehova sa Israel, o sa luma Niyang mga tuntunin, o sa pagsunod sa anumang mga regulasyon, kundi upang isagawa ang bagong gawain na dapat Niyang gawin. Ang Diyos Mismo ay pumaparito upang ilunsad ang kapanahunan, at pumaparito ang Diyos Mismo upang wakasan ang kapanahunan. Walang kakayahan ang tao na isagawa ang gawain ng pagsisimula ng isang kapanahunan at pagwawakas ng isang kapanahunan. Kung hindi dinala ni Jesus sa pagtatapos ang gawain ni Jehova pagkatapos Niyang dumating, ito ay magpapatunay na Siya ay tao lamang, at walang kakayahang kumatawan sa Diyos. Mismong dahil pumarito si Jesus at winakasan ang gawain ni Jehova, ipinagpatuloy ang gawain ni Jehova at, bukod pa riyan, isinagawa ang Kanyang sariling gawain, na isang bagong gawain, ito ay nagpapatunay na isa itong bagong kapanahunan, at na si Jesus ang Diyos Mismo. Sila ay nagsagawa ng dalawang malinaw na magkaibang yugto ng gawain. Ang isang yugto ay isinagawa sa templo, at ang isa pa ay isinagawa sa labas ng templo. Ang isang yugto ay upang gabayan ang pamumuhay ng tao ayon sa kautusan, at ang isa pa ay upang mag-alay ng handog para sa kasalanan. Ang dalawang yugtong ito ng gawain ay malinaw na magkaiba; ito ang humahati sa bagong kapanahunan mula sa luma, at ganap na tamang sabihin na ang mga ito ay dalawang magkaibang kapanahunan. Ang lokasyon ng Kanilang gawain ay magkaiba, at ang nilalaman ng Kanilang gawain ay magkaiba, at ang layunin ng Kanilang gawain ay magkaiba. Sa gayon, maaaring hatiin ang mga ito sa dalawang kapanahunan: ang Bago at Lumang Tipan, na ibig sabihin, ang bago at ang lumang mga kapanahunan. Nang si Jesus ay dumating hindi Siya nagpunta sa templo, na nagpapatunay na ang kapanahunan ni Jehova ay nagwakas na. Hindi Siya pumasok sa templo sapagkat ang gawain ni Jehova sa templo ay tapos na, at hindi na kailangang gawing muli, at ang gawin itong muli ay pag-uulit nito. Sa pag-alis lamang sa templo, sa pagsisimula ng isang bagong gawain at sa pagbubukas ng isang landas sa labas ng templo, na Kanyang nagawang dalhin ang gawain ng Diyos sa kasukdulan nito. Kung hindi Siya lumabas ng templo upang gawin ang Kanyang gawain, ang gawain ng Diyos ay natigil sana sa mga pundasyon ng templo, at walang magiging anumang mga pagbabago kailanman. At kaya, nang dumating si Jesus, Siya ay hindi pumasok sa templo, at hindi Niya ginawa ang Kanyang gawain sa loob ng templo. Ginawa Niya ang Kanyang gawain sa labas ng templo, at malayang nagpatuloy sa Kanyang gawain nang pinangungunahan ang mga disipulo. Ang pag-alis ng Diyos mula sa templo para gawin ang Kanyang gawain ay nangahulugan na ang Diyos ay mayroong bagong plano. Ang Kanyang gawain ay isasagawa sa labas ng templo, at ito ay magiging bagong gawain na hindi limitado sa paraan ng pagsasagawa nito. Pagdating na pagdating ni Jesus, winakasan Niya ang gawain ni Jehova noong kapanahunan ng Lumang Tipan. Kahit na Sila ay tinatawag sa dalawang magkaibang pangalan, ang parehong yugto ng gawain ay isinagawa ng iisang Espiritu, at ang gawain na isinagawa ay tuluy-tuloy. Dahil iba ang pangalan, at ang nilalaman ng gawain ay iba, ang kapanahunan ay iba rin. Nang dumating si Jehova, iyon ang kapanahunan ni Jehova, at nang dumating si Jesus, iyon ang kapanahunan ni Jesus. At kaya, sa bawat pagdating, ang Diyos ay tinatawag sa isang pangalan, kumakatawan Siya sa isang kapanahunan, at nagbubukas ng isang bagong daan; at sa bawat bagong daan, Siya ay gumagamit ng bagong pangalan, na nagpapakita na ang Diyos ay laging bago at hindi kailanman luma, at na ang Kanyang gawain ay patuloy na umuunlad pasulong. Ang kasaysayan ay patuloy na sumusulong, at ang gawain ng Diyos ay patuloy na sumusulong. Upang marating ng Kanyang anim na libong taong plano ng pamamahala ang katapusan nito, kailangan nitong patuloy na umunlad pasulong. Kailangan Niyang magsagawa ng bagong gawain sa bawat araw, kailangan Niyang magsagawa ng bagong gawain sa bawat taon; kailangan Niyang magbukas ng mga bagong daan, magbukas ng mga bagong kapanahunan, magsimula ng bago at mas malaking gawain, at kasabay nito, magdala ng mga bagong pangalan at gawain. Ang Espiritu ng Diyos ay palaging gumagawa ng bagong gawain, at hindi kailanman kumakapit sa mga dating pamamaraan o mga patakaran. Ang Kanyang gawain ay hindi rin kailanman tumitigil, kundi lumilipas sa bawat paglipas ng panahon. Kung sinasabi mo na ang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi nagbabago, kung gayon bakit inutusan ni Jehova ang mga saserdote na paglingkuran Siya sa templo, ngunit hindi pumasok si Jesus sa templo bagama’t ang katunayan ay, nang Siya ay dumating, sinabi rin ng mga tao na Siya ang punong saserdote, at na Siya ay mula sa bahay ni David at ang punong saserdote rin, at ang dakilang Hari? At bakit hindi Siya naghandog ng mga alay? Ang pumasok sa templo o hindi—hindi ba gawain ng Diyos Mismo ang lahat ng ito? Kung, katulad ng ipinapalagay ng tao, si Jesus ay muling darating at tatawagin pa ring Jesus sa mga huling araw, at darating pa rin na nakasakay sa puting ulap, bumababa sa mga tao sa larawan ni Jesus: hindi ba ito isang pag-uulit ng Kanyang gawain? Kaya ba ng Banal na Espiritu na manatili sa luma? Ang lahat ng pinaniniwalaan ng tao ay mga kuru-kuro, at ang lahat ng nauunawaan ng tao ay ayon sa literal na kahulugan, at ayon din sa kanyang likhang-isip; ang mga ito ay hindi tumutugma sa mga prinsipyo ng gawain ng Banal na Espiritu, at hindi umaayon sa mga layunin ng Diyos. Hindi gagawa ang Diyos sa ganoong paraan; hindi hangal at walang utak ang Diyos, at ang Kanyang gawain ay hindi kasingpayak ng iyong iniisip. Ayon sa lahat ng naguguni-guni ng tao, darating si Jesus na nakasakay sa isang ulap at bababa sa kalagitnaan ninyo. Mapagmamasdan ninyo Siya na, sakay ng puting ulap, magsasabi sa inyo na Siya si Jesus. Mapagmamasdan din ninyo ang mga marka ng pako sa Kanyang mga kamay, at inyong malalaman na Siya si Jesus. At kayo ay muli Niyang ililigtas, at Siya ang inyong magiging makapangyarihang Diyos. Kayo ay Kanyang ililigtas, at bibigyan ng bagong pangalan, at ang bawat isa sa inyo ay bibigyan Niya ng isang puting bato, pagkatapos nito, kayo ay pahihintulutan na makapasok sa kaharian ng langit at tatanggapin sa paraiso. Hindi ba’t ang mga paniniwalang ito ay mga kuru-kuro ng tao? Gumagawa ba ang Diyos ayon sa mga kuru-kuro ng tao o Siya’y gumagawa nang salungat sa mga kuru-kuro ng tao? Hindi ba’t ang lahat ng kuru-kuro ng tao ay nagmumula kay Satanas? Hindi ba’t ginawa nang tiwali ni Satanas ang lahat ng tao? Kung ginawa ng Diyos ang Kanyang gawain ayon sa mga kuru-kuro ng tao, hindi ba’t Siya ay magiging si Satanas? Hindi ba’t magiging kapareho lang Niya ng uri ang mga nilalang Niya? Dahil ang mga nilalang Niya ay nagawa na ngayong napakatiwali ni Satanas, na ang tao ay naging pagsasakatawan na ni Satanas, kung gagawa ang Diyos ayon sa mga bagay ni Satanas, hindi ba’t magiging kakampi Siya ni Satanas? Paano mauunawaan ng tao ang gawain ng Diyos? Kaya, hindi kailanman gagawa ang Diyos ayon sa mga kuru-kuro ng tao, at hindi Siya kailanman gagawa sa mga paraan na iyong ipinapalagay. Mayroong mga nagsasabi na sinabi ng Diyos Mismo na Siya ay darating na nasa ulap. Totoo na sinabi ito ng Diyos Mismo, ngunit hindi mo ba alam na walang tao ang makaaarok sa mga hiwaga ng Diyos? Hindi mo ba alam na walang tao ang makakapagpaliwanag sa mga salita ng Diyos? Ikaw ba ay nakatitiyak nang walang bahid ng pagdududa na binigyang-liwanag at tinanglawan ka ng Banal na Espiritu? Tiyak na hindi sa ipinakita sa iyo ng Banal na Espiritu sa gayong tuwirang paraan? Ang Banal na Espiritu ba ang nagturo sa iyo ng mga ito, o ang mga sarili mong kuru-kuro ang nagdulot sa iyo na isipin ito? Sinabi mo, “Sinabi ito ng Diyos Mismo.” Ngunit hindi natin maaaring gamitin ang ating mga sariling kuru-kuro at pag-iisip upang sukatin ang mga salita ng Diyos. Para naman sa mga salita ni Isaias, kaya mo bang ipaliwanag nang may buong katiyakan ang kanyang mga salita? Pinangangahasan mo bang ipaliwanag ang kanyang mga salita? Dahil hindi ka naglalakas-loob na ipaliwanag ang mga salita ni Isaias, bakit ka nangangahas na ipaliwanag ang mga salita ni Jesus? Sino ang mas mataas, si Jesus o si Isaias? Yamang ang sagot ay si Jesus, bakit mo ipinaliliwanag ang mga salita ni Jesus? Sasabihin ba sa iyo ng Diyos ang Kanyang gawain nang pauna? Wala ni isang nilalang ang maaaring makaalam, kahit na ang mga sugo ng langit, ni ang Anak ng tao, kaya paano mo malalaman? Malaki ang kakulangan ng tao. Ang mahalaga sa inyo ngayon ay ang malaman ang tatlong yugto ng gawain. Mula sa gawain ni Jehova hanggang sa gawain ni Jesus, at mula sa gawain ni Jesus hanggang sa gawain sa kasalukuyang yugto, ang tatlong yugtong ito ay sumasaklaw sa kabuuang lawak ng pamamahala ng Diyos, at lahat ng ito ay gawain ng isang Espiritu. Mula nang likhain ang mundo, lagi nang pinamamahalaan ng Diyos ang sangkatauhan. Siya ang Simula at ang Wakas, Siya ang Una at ang Huli, at Siya ang Siyang nagpapasimula ng kapanahunan at Siyang naghahatid sa kapanahunan sa katapusan nito. Ang tatlong yugto ng gawain, sa magkakaibang kapanahunan at lugar, ay tiyak na gawain ng isang Espiritu. Ang lahat ng naghihiwalay sa tatlong yugtong ito ay sumasalungat sa Diyos. Ngayon, dapat mong maunawaan na ang lahat ng gawain mula sa unang yugto hanggang sa ngayon ay ang gawain ng isang Diyos, ang gawain ng isang Espiritu. Ito ay hindi mapag-aalinlanganan.

Sinundan: Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 2

Sumunod: Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 1

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito