Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (2)

Ipinangaral sa Kapanahunan ng Biyaya ang ebanghelyo ng pagsisisi, at basta’t manampalataya ang tao, siya ay matutubos. Sa kasalukuyan, sa halip na pagtutubos, mayroon lamang pag-uusap tungkol sa paglupig at pagperpekto. Hindi kailanman sinasabi na kung nananampalataya ang isang tao, ang kanyang buong pamilya ay pagpapalain, o na kapag nailigtas na ay palagi nang ligtas. Sa kasalukuyan, walang sinuman ang nagsasabi ng mga salitang ito, at ang gayong mga bagay ay lipas na. Sa panahong iyon, ang gawain ni Jesus ay ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan. Ang mga kasalanan ng lahat ng nanampalataya sa Kanya ay pinatawad; basta’t ikaw ay nanampalataya sa Kanya, ikaw ay Kanyang tutubusin; kung ikaw ay nanampalataya sa Kanya, hindi ka na sa kasalanan, inalis sa iyo ang iyong mga kasalanan. Ito ang kahulugan ng matubos, at mapawalang-sala ng pananalig. Ngunit sa mga nanampalataya, mayroon pa ring nanatiling mga bagay na mapaghimagsik at kontra sa Diyos, at kailangan pa ring dahan-dahang alisin. Ang pagtubos ay hindi nangahulugan na ang tao ay lubusan nang nakamit ni Jesus, kundi na ang tao ay wala na sa kasalanan, na siya ay pinatawad na sa kanyang mga kasalanan. Basta’t nanampalataya ka sa Kanya, hindi ka na nasa kasalanan pa. Sa panahong iyon, si Jesus ay gumawa ng maraming gawain na hindi maintindihan ng Kanyang mga disipulo, at nagsabi ng maraming bagay na hindi naunawaan ng mga tao. Ito ay dahil, sa panahong iyon, hindi Siya nagbigay ng anumang paliwanag. Kaya, ilang taon pagkatapos Niyang umalis, nilikha ni Mateo ang talaangkanan ni Jesus, at gumawa rin ang iba ng maraming gawain na naaayon sa kalooban ng tao. Hindi pumarito si Jesus upang gawing perpekto at kamitin ang tao, kundi upang magsagawa ng isang yugto ng gawain: ang dalhin ang ebanghelyo ng kaharian ng langit at tapusin ang gawain ng pagpapapako sa krus. At kaya, nang naipako na sa krus si Jesus, ang Kanyang gawain ay lubos nang natapos. Ngunit sa kasalukuyang yugto—ang gawain ng paglupig—mas maraming salita ang dapat ipahayag, mas maraming gawain ang dapat isagawa, at kailangang magkaroon ng maraming proseso. Kaya dapat ding mabunyag ang mga misteryo ng gawain nina Jesus at Jehova, nang sa gayon ay magkakaroon ang lahat ng tao ng pang-unawa at kalinawan sa kanilang pananampalataya, dahil ito ang gawain sa mga huling araw, at ang mga huling araw ang kongklusyon ng gawain ng Diyos, ang panahon ng pagtatapos ng gawain. Gagawing ganap na malinaw para sa iyo ng yugtong ito ng gawain ang kautusan ni Jehova at ang pagtubos ni Jesus, at pangunahin na ito’y upang maunawaan mo ang buong gawain ng anim na libong taong plano ng pamamahala ng Diyos, at maunawaan mo ang lahat ng kabuluhan at diwa ng anim na libong taong planong ito ng pamamahala, at maunawaan ang layunin ng lahat ng gawaing isinagawa ni Jesus at ng mga salitang Kanyang sinabi, at maging ang iyong pikit-matang paniniwala at pagsamba sa Bibliya. Tutulutan ka nito na lubos na maunawaan ang lahat ng ito. Magagawa mong maunawaan kapwa ang gawain na ginawa ni Jesus, at ang gawain ng Diyos ngayon; mauunawaan at mapagmamasdan mo ang lahat ng katotohanan, buhay, at daan. Sa yugto ng gawaing isinagawa ni Jesus, bakit umalis si Jesus nang hindi ginagawa ang pagtatapos na gawain? Dahil ang yugto ng gawain ni Jesus ay hindi ang gawain ng pagtatapos. Nang Siya ay ipinako sa krus, ang Kanyang mga salita ay natapos din; matapos ang pagpapapako Niya sa krus, ang Kanyang gawain ay ganap nang nagwakas. Hindi ito kagaya ng kasalukuyang yugto, kung saan matatapos lamang ang gawain ng Diyos pagkatapos sambitin ang mga salita hanggang sa katapusan at magwakas ang Kanyang buong gawain. Sa yugto ng gawain ni Jesus, maraming salita ang nanatiling hindi naipahayag, o hindi naipahayag nang buong linaw. Ngunit hindi mahalaga kay Jesus kung ganap bang naipahayag ang Kanyang mga salita, dahil ang Kanyang ministeryo ay hindi ang ministeryo ng mga salita, kaya matapos Siyang ipako sa krus, Siya ay lumisan. Ang yugtong iyon ng gawain ay pangunahing para sa pagpapapako sa krus, at hindi katulad ng kasalukuyang yugto. Ang kasalukuyang yugtong ito ng gawain ay pangunahing para sa pagtatapos, paglilinis, at paghahatid ng lahat ng gawain sa isang katapusan. Kung hindi binibigkas ang mga salita hanggang sa katapusan, magiging imposibleng matapos ang gawaing ito, dahil sa yugtong ito ng gawain, ang lahat ng gawain ay tinatapos at isinasakatuparan sa pamamagitan ng mga salita. Noong panahong iyon, nagsagawa si Jesus ng maraming gawain na hindi maunawaan ng tao. Siya ay tahimik na lumisan, at ngayon marami pa rin na hindi nakauunawa sa Kanyang mga salita. Mali ang pagkaunawa nila ngunit naniniwala pa rin sila na ito ay tama, at hindi alam na mali sila. Ang huling yugto ang magdadala ng gawain ng Diyos sa isang ganap na wakas at magbibigay ng kongklusyon nito. Magagawang maunawaan at malaman ng lahat ang plano ng pamamahala ng Diyos. Ang mga kuru-kuro sa loob ng tao, ang kanyang mga intensiyon, ang kanyang walang-katotohanang pagkaunawa, ang kanyang mga kuru-kuro sa gawain nina Jehova at Jesus, ang kanyang mga pananaw tungkol sa mga walang pananampalataya, at ang lahat ng kanyang iba pang mga kabaluktutan ay itatama. At mauunawaan ng tao ang lahat ng tamang landas sa buhay, at ang lahat ng gawaing ginawa ng Diyos, at ang buong katotohanan. Kapag nangyari iyon, ang yugtong ito ng gawain ay matatapos na. Ang gawain ni Jehova ay ang paglikha sa mundo, iyon ang simula; ang yugtong ito ng gawain ay ang katapusan ng gawain, at ito ang kongklusyon. Sa simula, isinagawa ang gawain ng Diyos sa mga taong hinirang sa Israel, at ito ay gawaing nagbukas ng bagong yugto sa pinakabanal sa lahat ng lugar. Ang huling yugto ng gawain ay isinasagawa sa pinakamarumi sa lahat ng bansa, upang hatulan ang mundo at wakasan ang kapanahunan. Sa unang yugto, ang gawain ng Diyos ay isinagawa sa pinakamaliwanag na lugar sa lahat, at ang huling yugto ay isinasagawa sa pinakamadilim na lugar sa lahat, at ang kadilimang ito ay itataboy, ang liwanag ay dadalhin, at ang lahat ng tao ay malulupig. Kapag ang mga tao sa ganitong pinakamarumi at pinakamadilim sa lahat ng lugar ay nalupig na, at kinilala ng buong populasyon na mayroong Diyos, na Siyang tunay na Diyos, at ang bawat tao ay lubusan nang nakumbinsi, ang katunayang ito ay gagamitin upang isagawa ang gawain ng paglupig sa buong sansinukob. Ang yugtong ito ng gawain ay representatibo. Kapag natapos na ang gawain sa kapanahunang ito, ang gawain ng anim na libong taon ng pamamahala ay ganap nang magwawakas. Sa oras na ang mga nasa pinakamadilim sa lahat ng lugar ay nalupig na, tiyak na ganoon din ang mangyayari sa iba pang lugar. Kung gayon, tanging ang gawain ng panlulupig sa Tsina ang nagtataglay ng representatibong kabuluhan. Kinakatawan ng Tsina ang lahat ng puwersa ng kadiliman, at ang mga tao sa Tsina ay kumakatawan sa lahat ng sa laman, kay Satanas, at sa karnalidad. Ang mga Tsino ang pinakaginawang tiwali ng malaking pulang dragon, ang may pinakamasidhing pagsalungat sa Diyos, na ang pagkatao ay pinakamababa at pinakamarumi, at kaya sila ang tipikal na halimbawa ng lahat ng tiwaling sangkatauhan. Hindi ito nangangahulugan na walang anumang problema sa ibang mga bansa; ang mga kuru-kuro ng tao ay magkakaparehong lahat, at bagama’t ang mga tao sa mga bansang ito ay maaaring mayroong mahusay na kakayahan, kung hindi nila kilala ang Diyos, tiyak na sinasalungat nila Siya. Bakit kumontra at naghimagsik din ang mga Hudyo laban sa Diyos? Bakit kinontra rin Siya ng mga Pariseo? Bakit ipinagkanulo ni Hudas si Jesus? Sa panahong iyon, marami sa mga disipulo ang hindi nakakilala kay Jesus. Bakit, pagkatapos ipako sa krus si Jesus at muling nabuhay, ay hindi pa rin nananampalataya sa Kanya ang mga tao? Hindi ba’t pare-pareho lamang ang paghihimagsik ng tao? Ginagawa lamang halimbawa ang mga tao ng Tsina, at kapag sila ay nalupig, sila ay magiging mga huwaran at uliran, at magsisilbing reperensiya para sa iba. Bakit palagi Kong sinasabi na kayo ay dugtong sa Aking plano ng pamamahala? Sa mga tao sa Tsina pinakalubos na naipapamalas ang katiwalian, karumihan, pagiging di-matuwid, pagsalungat, at paghihimagsik sa lahat ng iba’t ibang anyo ng mga ito. Sa isang banda, sila ay may mahinang kakayahan, at sa kabilang banda, ang kanilang mga buhay at pag-iisip ay paurong, at ang kanilang mga gawi, kapaligirang panlipunan, pamilya ng kapanganakan—ang lahat ay salat at pinakapaurong. Ang kanilang katayuan ay mababa rin. Ang gawain sa lugar na ito ay representatibo, at pagkatapos ganap na gawin itong gawain ng pagsubok, ang susunod na gawain ng Diyos ay magiging higit na madali. Kapag natapos na ang hakbang na ito ng gawain, ang susunod na gawain ay hindi na magiging mahirap kahit kaunti. Sa oras na maisakatuparan na ang hakbang na ito ng gawain, lubos nang makakamit ang malaking tagumpay, at ang gawain ng paglupig sa buong sansinukob ay ganap nang magwawakas. Sa katunayan, kapag nagtagumpay na ang gawain sa inyo, ito ay magiging katumbas ng tagumpay sa buong sansinukob. Ito ang kabuluhan ng kung bakit pinagsisilbi Ko kayo bilang huwaran at uliran. Ang paghihimagsik, pagsalungat, karumihan, at pagiging hindi matuwid—ang lahat ng ito ay matatagpuan sa mga taong ito, at sa kanila ay kinakatawan ang lahat ng paghihimagsik ng sangkatauhan. Sila ay tunay ngang namumukod-tangi. Kaya nga sila ay itinuturing na pinakatumpak na halimbawa ng paglupig, at sa oras na sila ay nalupig na, sila ay natural na magiging mga huwaran at uliran para sa iba. Wala nang mas representatibo pa kaysa sa pagsasagawa ng unang yugto sa Israel. Ang mga Israelita ang pinakadalisay at pinakahindi tiwali sa buong sangkatauhan, kaya’t ang paggampan sa gawaing iyon na nagbukas ng bagong yugto sa lupaing ito ay may sukdulang kabuluhan. Maaaring sabihin na ang mga ninuno ng sangkatauhan ay nagmula sa Israel, at na ang Israel ang pinagmulan ng gawain ng Diyos. Sa simula, ang mga taong ito ang pinakadalisay, at lahat sila ay sumamba kay Jehova, at nakapagbunga ng pinakamagagandang resulta ang gawain ng Diyos sa kanila. Nakatala sa kabuuan ng Bibliya ang gawain ng dalawang kapanahunan: Ang isa ay ang gawain ng Kapanahunan ng Kautusan, at ang isa ay ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya. Nakatala sa Lumang Tipan ang mga salita ni Jehova sa mga Israelita at ang Kanyang gawain sa Israel; nakatala sa Bagong Tipan ang gawain ni Jesus sa Judea. Ngunit bakit hindi naglalaman ang Bibliya ng anumang mga pangalang Tsino? Sapagkat ang unang dalawang bahagi ng gawain ng Diyos ay isinagawa sa Israel, sapagkat ang mga tao ng Israel ay ang mga taong hinirang—na ang ibig sabihin ay sila ang unang tumanggap sa gawain ni Jehova. Sila ang pinakahindi tiwali sa buong sangkatauhan, at sa simula, mayroon silang pusong tumingala sa Diyos, at mayroon din silang may-takot-sa-Diyos na puso. Sinunod nila ang mga salita ni Jehova, at lagi silang naglilingkod sa templo, at nagsuot ng mga damit pangsaserdote o mga korona. Sila ang mga pinakaunang tao na sumamba sa Diyos, at ang mga pinakaunang pakay ng Kanyang gawain. Ang mga taong ito ang mga uliran at huwaran para sa buong sangkatauhan. Sila ay mga uliran at huwaran ng pagkadalisay, ng mga taong matuwid. Ang mga taong katulad nina Job, Abraham, Lot, Pedro, o Timoteo—silang lahat ay mga Israelita, at ang mga pinakadalisay sa mga uliran at huwaran. Ang Israel ang pinakaunang bayan sa sangkatauhan na sumamba sa Diyos, at mas maraming matuwid na tao ang nagmula rito kaysa sa saan mang lugar. Gumawa sa kanila ang Diyos upang mapamahalaan Niya nang mas maayos ang sangkatauhan sa lahat ng lugar sa hinaharap. Ang kanilang mga gawa at ang matutuwid na pagkilos na ginawa nila sa pagsamba kay Jehova ay nakatala, upang sila ay makapagsilbi bilang mga uliran at huwaran sa mga tao sa labas ng Israel noong Kapanahunan ng Biyaya; at naitaguyod ng kanilang mga kilos ang ilang libong taon ng gawain, magpahanggang sa kasalukuyan.

Pagkatapos ng pagkakatatag ng mundo, ang unang yugto ng gawain ng Diyos ay isinagawa sa Israel, at kaya ang Israel ay ang pinagmulan ng gawain ng Diyos sa lupa, at ang himpilan ng gawain ng Diyos sa lupa. Ang saklaw ng gawain ni Jesus ay sumaklaw sa buong Judea. Sa panahon ng Kanyang gawain, napakakaunti sa mga nasa labas ng Judea ang nakaalam nito, sapagkat hindi Siya gumawa ng anumang gawain sa labas ng Judea. Sa kasalukuyan, ang gawain ng Diyos ay dinala sa Tsina, at ito ay ganap na isinasagawa sa loob lamang ng saklaw na ito. Sa yugtong ito, walang gawain ang inilulunsad sa labas ng Tsina; ang paglaganap nito sa labas ng Tsina ay gawain na mangyayari kalaunan. Ang yugtong ito ng gawain ay sumusunod sa yugto ng gawain ni Jesus. Ginawa ni Jesus ang gawain ng pagtubos, at ang yugtong ito ang gawain na sumusunod sa gawaing iyon; ang gawain ng pagtubos ay natapos na, at sa yugtong ito ay walang pangangailangan para sa paglilihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, sapagkat ang yugtong ito ng gawain ay hindi kagaya ng huling yugto, at dahil ang Tsina ay lalo nang hindi kagaya ng Israel. Ginawa ni Jesus ang isang yugto ng gawain—ang gawain ng pagtubos. Nakita ng tao si Jesus, at hindi nagtagal pagkatapos nito, ang Kanyang gawain ay nagsimulang lumaganap sa mga Hentil. Sa kasalukuyan, marami ang nananampalataya sa Diyos sa Amerika, sa UK, at Russia, kaya bakit mas kakaunting tao ang nananampalataya sa Tsina? Sapagkat ang Tsina ang pinakasaradong bansa. Dahil dito, ang Tsina ang pinakahuling tumanggap sa daan ng Diyos, at kahit ngayon ay wala pa sa isandaang taon mula nang ginawa nito ito—mas huling-huli kaysa sa Amerika at sa UK. Ang huling yugto ng gawain ng Diyos ay isinasagawa sa lupain ng Tsina upang mawakasan ang Kanyang gawain, at upang ang lahat ng Kanyang gawain ay maisakatuparan. Tinawag ng lahat ng tao sa Israel si Jehova na kanilang Panginoon. Noong panahong iyon, Siya ay itinuring nilang puno ng kanilang sambahayan, at ang buong Israel ay naging isang malaking sambahayan kung saan sinamba ng lahat ang kanilang Panginoong Jehova. Ang Espiritu ni Jehova ay madalas magpakita sa kanila, at Siya ay nagsalita at binigkas ang Kanyang tinig sa kanila, at gumabay sa kanilang mga pamumuhay sa pamamagitan ng isang haliging ulap at isang tinig. Noong panahong iyon, tuwirang ibinigay ng Espiritu ang Kanyang paggabay sa Israel, nagsasalita at ipinaririnig ang Kanyang tinig sa mga tao, at nakita nila ang mga ulap at narinig ang mga dagundong ng kulog, at sa ganitong paraan ay ginabayan Niya ang kanilang mga buhay sa loob ng ilang libong taon. Kaya, ang mga tao lamang ng Israel ang palagian nang sumasamba kay Jehova. Naniniwala sila na si Jehova ang kanilang Diyos, at hindi Siya ang Diyos ng mga Hentil. Ito ay hindi nakakagulat: Si Jehova, matapos ang lahat, ay gumawa kasama nila nang halos 4,000 taon. Sa lupain ng Tsina, pagkaraan ng libo-libong taon ng mahimbing na pagtulog, ngayon lamang nalaman ng mga tampalasan na ang kalangitan at ang lupa at ang lahat ng bagay ay hindi likas na nabuo, kundi ginawa ng Lumikha. Sapagkat ang ebanghelyong ito ay nanggaling sa ibayong dagat, ang mga piyudal at reaksiyonaryong isipan ay naniniwala na lahat ng tumatanggap sa ebanghelyong ito ay taksil, na sila ang mga tampalasang nagtaksil kay Buddha, ang kanilang ninuno. Marami pa nga sa mga piyudal mag-isip na ito ang nagtatanong, “Paano maniniwala ang mga Tsino sa Diyos ng mga banyaga? Hindi ba’t ipinagkakanulo nila ang kanilang mga ninuno? Hindi ba’t gumagawa sila ng masama?” Sa kasalukuyan, matagal na panahon nang nakalimutan ng mga tao na si Jehova ang kanilang Diyos. Matagal na nilang isinantabi ang Lumikha, at bunga nito ay naniniwala sila sa ebolusyon, na nangangahulugan na ang tao ay unti-unting umusbong mula sa mga unggoy, at na ang likas na mundo ay nabuo nang natural. Ang lahat ng masarap na pagkain na tinatamasa ng sangkatauhan ay ibinigay ng kalikasan, mayroong mga batas sa buhay at kamatayan ng tao, at hinding-hindi ito ang katunayan na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Marami pa ngang ateista ang naniniwala na ang pagkakaroon ng Diyos ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay ay pamahiin at hindi base sa siyensiya. Ngunit mapapalitan ba ng agham ang gawain ng Diyos? Kaya ba ng agham na magkaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa sangkatauhan? Ang pangangaral ng ebanghelyo sa bansang pinamumunuan ng ateismo ay hindi madaling gawin, at kaakibat nito ang malalaking hadlang. Sa kasalukuyan, hindi ba marami ang sumasalungat sa Diyos sa ganitong paraan?

Nang dumating si Jesus para gawin ang Kanyang gawain, ikinumpara ng maraming tao ang Kanyang gawain sa gawain ni Jehova, at, nang makita nila na hindi tugma ang mga ito, ipinako nila si Jesus sa krus. Bakit wala silang nakitang pagkakatugma sa Kanilang gawain? Bahagi nito ay dahil gumawa si Jesus ng bagong gawain, at dahil din sa walang sinuman ang nagsulat ng Kanyang “talaangkanan” bago sinimulan ni Jesus ang Kanyang gawain. Maganda sana kung mayroong gumawa noon—sino pa ang nagpako sana kay Jesus sa krus kung gayon? Kung isinulat ni Mateo ang talaangkanan ni Jesus nang mas maaga ng ilang dekada, hindi sana nagdusa si Jesus ng ganoon katinding pag-uusig. Hindi ba gayon? Sa sandaling mabasa ng mga tao ang talaangkanan ni Jesus—na Siya ang anak ni Abraham, at ang inapo ni David—hindi sana nila Siya inusig. Hindi ba sayang na ang Kanyang talaangkanan ay masyadong huli nang naisulat? At sayang na dalawang yugto lamang ng gawain ng Diyos ang naitala ng Bibliya: isang yugto na gawain ng Kapanahunan ng Kautusan, at isa na gawain ng Kapanahunan ng Biyaya; isang yugto na gawain ni Jehova, at isa na gawain ni Jesus. Mas mainam sana kung nahulaan ng isang dakilang propeta ang gawain sa kasalukuyan. Nagkaroon sana ng dagdag na bahagi sa Bibliya na mayroong pamagat na “Ang Gawain sa mga Huling Araw”—hindi ba magiging higit na mainam ang gayon? Bakit dapat isailalim ang tao sa napakaraming pagdurusa sa kasalukuyan? Labis na kayong nahirapan! Kung may sinumang dapat kamuhian, ito ay sina Isaias at Daniel dahil sa hindi paghula sa gawain sa mga huling araw, at kung mayroon mang dapat sisihin, ito ay ang mga apostol ng Bagong Tipan na hindi paunang itinala ang talaangkanan ng ikalawang nagkatawang-taong Diyos. Nakakapagsisi iyon! Kailangan ninyong maghanap sa lahat ng dako para sa katibayan, at kahit pagkatapos makahanap ng ilang piraso ng hindi mahahalagang salita ay hindi pa rin ninyo alam kung tumutugma ba o hindi ang mga ito. Labis na kahiya-hiya! Bakit masyadong malihim ang Diyos sa Kanyang gawain? Sa kasalukuyan, maraming tao ang hindi pa nakakahanap ng tiyak na katibayan, ngunit hindi rin nila magawang ikaila ito. Kaya ano ang dapat nilang gawin? Hindi nila kayang sumunod sa Diyos nang may katatagan, ngunit hindi rin sila makapagpatuloy nang may gayong pag-aalinlangan. At kaya, maraming “mauutak at matatalinong iskolar” ang yumayakap sa saloobin na “sumubok at tumingin” kapag sila ay sumusunod sa Diyos. Masyadong mahirap ito! Hindi ba naging higit na mas madali sana ang mga bagay-bagay kung nagawa nina Mateo, Marcos, Lucas, at Juan na hulaan ang hinaharap? Mas mainam sana kung nakita ni Juan ang tunay na sitwasyon ng pamumuhay sa kaharian—sayang na nakakita lamang siya ng mga pangitain at hindi nakakita ng totoong gawain na isinakatuparan sa lupa. Nakakapagsisi talaga ito! Ano ang mali sa Diyos? Bakit, pagkatapos na naging napakaayos ang Kanyang gawain sa Israel, ay dumating Siya ngayon sa Tsina, at, bakit kailangan Niyang maging tao, at personal na gumawa at mamuhay kasama ng mga tao? Ang Diyos ay masyadong walang pagsasaalang-alang sa tao! Hindi lamang sa hindi Niya sinabi sa mga tao nang mas maaga, kundi bigla Niyang dinala ang Kanyang pagkastigo at paghatol. Hindi talaga ito maintindihan! Sa unang pagkakataon na ang Diyos ay naging tao, dumanas Siya ng maraming paghihirap bilang resulta ng hindi pagsasabi sa tao nang mas maaga tungkol sa buong tunay na kuwento. Tiyak naman na hindi Niya nalimutan iyon? Kaya bakit hindi pa rin Niya sinasabi sa tao sa pagkakataong ito? Sa kasalukuyan, labis na nakakapagsisi na mayroon lamang animnapu’t anim na aklat sa Bibliya. Kung mayroon lang sanang isa pa na hinulaan ang gawain sa mga huling araw, magiging sapat na iyon! Ano sa palagay mo? Maging sina Jehova, Isaias, at David ay walang binanggit tungkol sa gawain sa kasalukuyan. Sila ay mas malayo sa kasalukuyan, hiwalay sa panahon nang mahigit 4,000 taon. Hindi rin ganap na hinulaan ni Jesus ang gawain sa kasalukuyan, nagsalita lamang Siya nang kaunti tungkol dito, at hindi pa rin nakakahanap ang tao ng sapat na katibayan. Kung ihahambing mo ang gawain ng kasalukuyan sa dati, paano magkakatugma ang dalawa sa isa’t isa? Ang yugto ng gawain ni Jehova ay nakatuon sa Israel, kaya kung ihahambing mo iyon sa gawain ng kasalukuyan, magkakaroon ng higit pang malaking kawalan ng pagkakatugma; hindi talaga maaaring paghambingin ang dalawa. Hindi ka mula sa Israel, ni isang Hudyo; ang iyong kakayahan at ang lahat ng tungkol sa iyo ay kulang—paano mo maihahambing ang iyong sarili sa kanila? Posible ba ito? Dapat mong malaman na ang kasalukuyan ay ang Kapanahunan ng Kaharian, at ito ay naiiba mula sa Kapanahunan ng Kautusan at sa Kapanahunan ng Biyaya. Anu’t anuman, huwag subukang gumamit ng isang pormula; hindi masusumpungan ang Diyos sa anumang mga pormula na tulad nito.

Paano namuhay si Jesus sa loob ng 29 na taon pagkatapos ng Kanyang kapanganakan? Walang naitalang anuman ang Bibliya tungkol sa Kanyang kamusmusan at kabataan; alam mo ba kung paano ang mga ito? Posible ba na wala Siyang kamusmusan o kabataan, at nang Siya ay isilang Siya ay 30 taong gulang na? Masyadong kaunti ang iyong nalalaman, kaya huwag maging masyadong padalus-dalos sa pagsasabi ng iyong mga pananaw. Hindi ito magdudulot ng mabuti sa iyo! Nakatala lamang sa Bibliya na bago ang ika-30 kaarawan ni Jesus, Siya ay nabautismuhan at inakay ng Banal na Espiritu sa ilang upang sumailalim sa pagtukso ng diyablo. At itinatala ng Apat na Ebanghelyo ang Kanyang tatlo at kalahating taong gawain. Walang tala tungkol sa Kanyang kamusmusan at kabataan, ngunit hindi nito pinatutunayan na hindi Siya nagkaroon ng kamusmusan at kabataan; iyon ay dahil lamang sa hindi Siya gumawa ng anumang gawain sa simula, at isa Siyang normal na tao. Kung gayon, masasabi mo ba na nabuhay si Jesus sa loob ng 33 taon nang walang kabataan o kamusmusan? Posible bang bigla Siyang umabot sa gulang na 33 at kalahati? Ang lahat ng ito na iniisip ng tao tungkol sa Kanya ay higit sa pangkaraniwan at hindi makatotohanan. Siyempre, ang Diyos na nagkatawang-tao ay nagtataglay ng karaniwan at normal na pagkatao, ngunit kapag isinasagawa Niya ang Kanyang gawain ito ay tuwirang sa pamamagitan ng Kanyang hindi ganap na pagkatao at ganap na pagka-Diyos. Dahil dito kung kaya’t ang mga tao ay mayroong saloobing nagdududa sa gawain sa kasalukuyan, at maging sa gawain ni Jesus. Bagama’t ang gawain ng Diyos ay magkaiba sa dalawang beses na Siya ay naging tao, ang Kanyang diwa ay ganap na hindi magkaiba. Siyempre, kung babasahin mo ang mga tala sa Apat na Ebanghelyo, malaki ang mga pagkakaiba. Paano ka makakabalik sa buhay ni Jesus sa panahon ng Kanyang kamusmusan at kabataan? Paano mo mauunawaan ang normal na pagkatao ni Jesus? Marahil ay mayroon kang matibay na pagkaunawa tungkol sa pagkatao ng kasalukuyang Diyos, subalit wala kang taglay na pagkaunawa sa pagkatao ni Jesus, at lalong hindi mo ito naiintindihan. Kung hindi ito itinala ni Mateo, hindi ka sana nagkaroon ng ideya tungkol sa pagkatao ni Jesus. Marahil, kapag sinabi Ko sa iyo ang mga kuwento tungkol kay Jesus sa panahon ng Kanyang buhay, at sinabi sa iyo ang tungkol sa mga tunay na katunayan tungkol sa kamusmusan at kabataan ni Jesus, iiiling mo ang iyong ulo at sasabihing: “Hindi! Hindi Siya maaaring maging ganoon. Hindi Siya maaaring magkaroon ng anumang kahinaan, at lalong hindi Niya dapat taglayin ang anumang pagkatao!” Sisigaw ka pa at hihiyaw. Ito ay dahil hindi mo nauunawaan si Jesus kung kaya’t mayroon kang mga kuru-kuro tungkol sa Akin. Pinaniniwalaan mo si Jesus na masyadong may pagka-Diyos, na wala Siyang anumang katangian ng katawang-tao. Ngunit ang mga katunayan ay nananatili pa ring mga katunayan, at walang sinuman ang gustong magsalita nang lumalabag sa katotohanan ng mga katunayan, sapagkat kapag Ako ay nagsasalita, ito ay may kaugnayan sa katunayan; ito ay hindi haka-haka, ni hula. Dapat mong malaman na kaya ng Diyos na umakyat sa kaitaas-taasan, ngunit lalo pa Siyang may kapabilidad na magtago sa pinakamalalalim na kailaliman. Siya ay hindi isang bagay na nalilikha mo sa iyong isipan—Siya ang Diyos ng lahat ng nilikha, hindi isang personal na diyos na naisip ng isang partikular na tao.

Sinundan: Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (1)

Sumunod: Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito