Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 1
Sa Kapanahunan ng Biyaya, inihanda ni Juan ang daan para kay Jesus. Hindi kayang gawin ni Juan ang gawain ng Diyos Mismo kundi tinupad lamang ang tungkulin ng tao. Kahit si Juan ang tagapagpauna ng Panginoon, hindi niya kayang katawanin ang Diyos; isa lamang siyang tao na ginamit ng Banal na Espiritu. Kasunod ng bautismo ni Jesus, ang Banal na Espiritu ay bumaba sa Kanya tulad ng isang kalapati. Pagkatapos, sinimulan na Niya ang Kanyang gawain, iyon ay, sinimulan Niyang isagawa ang ministeryo ni Cristo. Iyon ang dahilan kung bakit ginamit Niya ang pagkakakilanlan ng Diyos, sapagkat Siya ay nagmula sa Diyos. Paano man ang Kanyang pananampalataya bago ito—marahil kung minsan ito ay mahina, o kung minsan ito ay malakas—iyon lamang ang Kanyang normal na buhay bilang tao bago Niya ginawa ang Kanyang ministeryo. Pagkatapos Siyang bautismuhan (ibig sabihin, pahiran), agad Siyang nagkaroon ng kapangyarihan at ng kaluwalhatian ng Diyos, at sa gayon ay nagsimulang ganapin ang Kanyang ministeryo. Kaya Niyang gumawa ng mga tanda at mga kababalaghan, gumawa ng mga himala, at mayroon Siyang kapangyarihan at awtoridad, sapagkat Siya ay gumagawa nang direkta sa ngalan ng Diyos Mismo; ginagawa Niya ang gawain ng Espiritu na kahalili Niya at ipinapahayag ang tinig ng Espiritu. Samakatuwid, Siya ang Diyos Mismo. Hindi ito mapag-aalinlanganan. Ginamit si Juan ng Banal na Espiritu. Hindi niya kayang katawanin ang Diyos, at hindi rin posible para sa kanya na kumatawan sa Diyos. Kung naisin niya na gawin ito, hindi ito papayagan ng Banal na Espiritu, sapagkat hindi niya kayang gawin ang gawain na nilayon ng Diyos Mismo na isakatuparan. Marahil marami sa kanya ang kalooban ng tao, o may bagay sa kanyang lihis; hindi niya kailanman maaaring direktang katawanin ang Diyos. Kinakatawan lamang ng kanyang mga pagkakamali at pagiging katawa-tawa ang sarili niya, ngunit kinakatawan ng kanyang gawain ang Banal na Espiritu. Gayunpaman, hindi mo maaaring sabihing kinakatawan ng lahat sa kanya ang Diyos. Kaya ba ng kanyang paglihis at kalisyaan na katawanin din ang Diyos? Normal sa kumakatawan sa tao na maging mali, ngunit kung nagkaroon siya ng paglihis sa pagkatawan sa Diyos, hindi ba iyan sisira sa puri ng Diyos? Hindi ba iyan kalapastanganan laban sa Banal na Espiritu? Hindi basta pinapahintulutan ng Banal na Espiritu ang tao na tumayo sa lugar ng Diyos, kahit na dinadakila siya ng iba. Kung hindi siya ang Diyos, hindi niya magagawang manatiling nakatayo sa katapusan. Hindi pinapahintulutan ng Banal na Espiritu ang tao na kumatawan sa Diyos ayon sa pagnanais ng tao! Halimbawa, nagpatotoo kay Juan ang Banal na Espiritu, at ibinunyag din na siya ang maghahanda ng daan para kay Jesus, ngunit mahusay na sinukat ng Banal na Espiritu ang gawain na ginawa sa kanya. Ang tanging hiningi kay Juan ay ang maging tagahanda ng daan para kay Jesus, ang ihanda ang daan para sa Kanya. Ibig sabihin, itinaguyod lamang ng Banal na Espiritu ang kanyang gawain sa paghahanda ng daan at pinahintulutan lamang siya na gawin ang ganoong gawain—hindi siya pinahintulutang gumawa ng iba pang gawain. Kinatawan ni Juan si Elias, at kinatawan niya ang isang propeta na naghanda ng daan. Itinaguyod siya rito ng Banal na Espiritu; hangga’t ang kanyang gawain ay ang ihanda ang daan, itinaguyod siya ng Banal na Espiritu. Subalit, kung sinabi niyang siya ang Diyos Mismo at sinabing dumating siya upang tapusin ang gawain ng pagtubos, kinailangan sana siyang disiplinahin ng Banal na Espiritu. Gaano man kahusay ang gawain ni Juan, at itinaguyod man ito ng Banal na Espiritu, mayroong mga hangganan ang kanyang gawain. Ang kanyang gawain ay totoong itinaguyod ng Banal na Espiritu, ngunit limitado sa paghahanda ng daan ang kapangyarihan na ibinigay sa kanya sa oras na iyon. Hindi niya maaaring gawin, sa anumang paraan, ang anumang iba pang gawain, dahil siya lamang ay si Juan na naghanda ng daan, at hindi si Jesus. Samakatuwid, susi ang patotoo ng Banal na Espiritu, ngunit mas mahalaga pa ang gawain na pinapahintulutan ng Banal na Espiritu na gawin ng tao. Hindi ba’t nakatanggap si Juan ng matunog na patotoo noong panahong iyon? Hindi ba’t dakila rin ang kanyang gawain? Ngunit hindi malalampasan ng gawain na kanyang ginawa yaong kay Jesus, sapagkat siya ay isang tao lamang na ginamit ng Banal na Espiritu at hindi maaaring tuwirang kumatawan sa Diyos, at kaya ang gawain na kanyang ginawa ay limitado. Pagkaraan niyang matapos ang paghahanda ng daan, hindi na itinaguyod ng Banal na Espiritu ang kanyang patotoo, walang bagong gawain ang sumunod sa kanya, at siya ay umalis habang ang gawain ng Diyos Mismo ay nagsisimula.
May ilang sinasaniban ng masasamang espiritu at malakas na sumisigaw ng, “Ako ang Diyos!” Ngunit sa katapusan, sila ay nabubunyag dahil sila ay mali sa kanilang kinakatawan. Kinakatawan nila si Satanas, at hindi sila binibigyang-pansin ng Banal na Espiritu. Gaano man kataas ang pagpapahalaga mo sa iyong sarili o gaano ka man kalakas sumigaw, ikaw ay isang nilalang pa rin at isa na nabibilang kay Satanas. Kailanman ay hindi Ako sumisigaw ng, “Ako ang Diyos, Ako ang sinisintang Anak ng Diyos!” Ngunit ang gawaing ginagawa Ko ay gawain ng Diyos. Kailangan Ko bang sumigaw? Hindi kailangan ang pagpaparangal. Ginagawa ng Diyos Mismo ang Kanyang gawain at hindi kailangan ng tao na bigyan Siya ng isang katayuan o kagalang-galang na titulo: kinakatawan na ng Kanyang gawain ang Kanyang pagkakakilanlan at katayuan. Bago ang Kanyang bautismo, hindi ba’t si Jesus ang Diyos Mismo? Hindi ba’t Siya ang nagkatawang-taong Diyos? Tiyak na hindi maaaring sabihin na naging tanging Anak ng Diyos lamang Siya pagkatapos Niyang napatotohanan? Wala bang tao na may pangalang Jesus sa matagal na panahon bago Siya nagsimula ng Kanyang gawain? Hindi mo kayang maghatid ng mga bagong landas o kumatawan sa Espiritu. Hindi mo kayang ipahayag ang gawain ng Espiritu o ang mga salita na sinasabi Niya. Hindi mo kayang gawin ang gawain ng Diyos Mismo o yaong sa Espiritu. Ang karunungan, pagiging kamangha-mangha, at pagiging di-maarok ng Diyos, at ang buong disposisyon sa pagkastigo ng Diyos sa tao—lahat ng ito ay higit sa iyong kakayahang magpahayag. Kaya walang saysay na angkinin mo na ikaw ang Diyos; magkakaroon ka lamang ng pangalan ngunit hindi ng diwa. Dumating na ang Diyos Mismo, ngunit walang nakakakilala sa Kanya, gayunman patuloy Siya sa Kanyang gawain at ginagawa ang gayon sa pagkatawan sa Espiritu. Tawagin mo man Siyang tao o Diyos, ang Panginoon o Cristo, o tawagin Siyang kapatid na babae, hindi ito mahalaga. Ngunit ang gawaing ginagawa Niya ay yaong sa Espiritu at kumakatawan sa gawain ng Diyos Mismo. Wala Siyang pakialam sa pangalan na itinatawag sa Kanya ng tao. Puwede bang matukoy ng pangalang iyon ang Kanyang gawain? Anuman ang itawag mo sa Kanya, sa pananaw ng Diyos, Siya ang nagkatawang-taong laman ng Espiritu ng Diyos; kinakatawan Niya ang Espiritu at sinasang-ayunan ng Espiritu. Kung hindi mo kayang gumawa ng daan para sa isang bagong kapanahunan, o dalhin ang dati sa katapusan, o maghatid ng isang bagong kapanahunan o gumawa ng bagong gawain, hindi ka maaaring tawaging Diyos!
Kahit ang isang tao na ginagamit ng Banal na Espiritu ay hindi maaaring kumatawan sa Diyos Mismo. At hindi lamang hindi maaaring kumatawan ang taong ito sa Diyos, hindi rin maaaring direktang kumatawan ang kanyang gawain sa Diyos. Ibig sabihin niyan, hindi maaaring direktang ilagay sa loob ng pamamahala ng Diyos ang karanasan ng tao, at hindi ito maaaring kumatawan sa pamamahala ng Diyos. Ang lahat ng gawain na ginagawa ng Diyos Mismo ay ang gawaing ninanais Niya na gawin sa Kanyang sariling plano ng pamamahala at may kaugnayan sa dakilang pamamahala. Ang gawain na ginagawa ng tao ay binubuo ng pagtustos ng kanilang indibiduwal na karanasan. Binubuo ito ng pagkakasumpong ng isang bagong landas ng karanasan na higit sa nilakaran niyaong mga nauna sa kanila, at ng paggabay sa kanilang mga kapatid sa ilalim ng patnubay ng Banal na Espiritu. Ang itinutustos ng mga taong ito ay ang kanilang indibiduwal na karanasan o mga espirituwal na kasulatan ng mga espirituwal na tao. Kahit na sila ay ginagamit ng Banal na Espiritu, ang gawain ng gayong mga tao ay walang kinalaman sa dakilang gawain ng pamamahala na nasa anim-na-libong-taong plano. Ibinangon lamang sila ng Banal na Espiritu sa iba’t ibang panahon upang ihantong ang mga tao sa agos ng Banal na Espiritu hanggang sa magwakas ang mga tungkuling kaya nilang gampanan o dumating sa katapusan ang kanilang buhay. Ang gawaing ginagawa nila ay para lamang ihanda ang naaangkop na daan para sa Diyos Mismo o upang ipagpatuloy ang isang aspeto ng pamamahala ng Diyos Mismo sa lupa. Sa sarili nila, hindi kayang gawin ng mga taong ito ang mas dakilang gawain ng Kanyang pamamahala, at hindi sila makakapagbukas ng mga bagong daan palabas, lalo na ang tapusin ninuman sa kanila ang lahat ng gawain ng Diyos mula sa naunang kapanahunan. Samakatuwid, ang gawaing kanilang ginagawa ay kumakatawan lamang sa isang nilalang na gumaganap ng kanyang tungkulin at hindi maaaring kumatawan sa Diyos Mismo na gumaganap ng Kanyang ministeryo. Ito ay dahil ang gawaing kanilang ginagawa ay hindi tulad niyaong ginagawa ng Diyos Mismo. Hindi maaaring gawin ng tao bilang kahalili ng Diyos ang gawain ng paghahatid ng isang bagong kapanahunan. Hindi ito maaaring gawin ng sino pa man bukod sa Diyos Mismo. Ang lahat ng gawain na ginagawa ng tao ay pagganap ng kanyang tungkulin bilang isang nilalang at ito ay ginagawa kapag naaantig o naliliwanagan siya ng Banal na Espiritu. Ang patnubay na ibinibigay ng mga taong ito ay ganap na binubuo ng pagpapakita sa tao ng landas ng pagsasagawa sa pang-araw-araw na buhay at kung paano dapat kumilos ang tao na katugma sa kalooban ng Diyos. Hindi kinapapalooban ang gawain ng tao ng pamamahala ng Diyos at hindi rin ito kumakatawan sa gawain ng Espiritu. Bilang halimbawa, ang gawain nina Witness Lee at Watchman Nee ay ang manguna sa daan. Maging bago man o luma ang daan, ang gawain ay nakabase sa prinsipyo na nananatiling nakapaloob sa Bibliya. Kung ito man ay para buhaying muli ang lokal na iglesia o magtayo ng lokal na iglesia, ang kanilang gawain ay ang magtatag ng mga iglesia. Ipinagpatuloy ng gawaing kanilang ginawa ang gawain na hindi natapos ni Jesus at ng Kanyang mga apostol o hindi pa lalong pinaunlad sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang kanilang ginawa sa kanilang gawain ay ang buhaying muli ang hiniling ni Jesus, sa Kanyang gawain noon, sa mga salinlahi pagkatapos Niya, kagaya ng pagpapanatiling nakatalukbong ang kanilang mga ulo, pagbautismo, pagpipira-piraso ng tinapay, o pag-inom ng alak. Maaaring sabihin na ang kanilang gawain ay ang manatili lamang sa Bibliya at maghanap ng mga landas na nakapaloob lamang sa Bibliya. Wala silang ginawang bagong pagsulong sa anumang paraan. Samakatuwid, makikita sa kanilang gawain ang pagkatuklas lamang ng mga bagong landas na nakapaloob sa Bibliya, gayundin ang mas mahusay at mas makatotohanang mga pagsasagawa. Ngunit hindi makikita sa kanilang gawain ang kasalukuyang kalooban ng Diyos, lalong hindi makikita ang bagong gawain na balak gawin ng Diyos sa mga huling araw. Ito ay dahil sa ang landas na kanilang nilakaran ay luma pa rin; walang pagpapanibago at walang pagsulong. Nagpatuloy silang kumapit sa katotohanan ng pagkakapako sa krus ni Jesus, sa pagsasagawa ng paghingi sa mga tao na magsisi at ikumpisal ang kanilang mga kasalanan, sa mga kasabihan na siya na nagtitiis hanggang sa wakas ay maliligtas, at na ang lalaki ang pinuno ng babae, at dapat pasakop ang babae sa kanyang asawa, at lalo na sa tradisyonal na kuru-kuro na hindi puwedeng mangaral ang mga kapatid na babae, kundi sumunod lamang. Kung ang gayong paraan ng pamumuno ay nagpatuloy, hindi sana kailanman nagawa ng Banal na Espiritu na magsakatuparan ng bagong gawain, mapalaya ang mga tao mula sa mga patakaran, o pangunahan ang mga tao tungo sa isang kinasasaklawan ng kalayaan at kagandahan. Samakatuwid, ang yugtong ito ng gawain, na binabago ang kapanahunan, ay nangangailangan na ang Diyos Mismo ang gumawa at bumigkas; kung hindi, walang sinumang tao ang makakagawa bilang kahalili Niya. Hanggang sa kasalukuyan, ang lahat ng gawain ng Banal na Espiritu sa labas ng daloy na ito ay huminto at yaong mga ginamit ng Banal na Espiritu ay nawalan ng direksyon. Samakatuwid, dahil ang gawain ng mga tao na ginamit ng Banal na Espiritu ay hindi tulad ng gawain na ginagawa ng Diyos Mismo, ang kanilang mga pagkakakilanlan at ang kanilang kinakatawan ay naiiba rin. Ito ay dahil naiiba ang gawain na balak gawin ng Banal na Espiritu, at dahil doon ay binibigyan ng magkakaibang pagkakakilanlan at katayuan ang mga gumagawa. Maaari ding gawin ng mga taong ginagamit ng Banal na Espiritu ang ilang bagong gawain at maaari din nilang alisin ang ilang gawain na ginawa sa naunang kapanahunan, ngunit hindi maaaring ipahayag ng kanilang gawain ang disposisyon at kalooban ng Diyos sa bagong kapanahunan. Gumagawa lamang sila upang alisin ang gawain ng naunang kapanahunan, hindi upang gawin ang bagong gawain para direktang kumatawan sa disposisyon ng Diyos Mismo. Kaya, kahit gaano karaming makalumang pagsasagawa ang kanilang buwagin o bagong pagsasagawa ang kanilang ipakilala, kumakatawan pa rin sila sa tao at mga nilalang. Gayunman, kapag ang Diyos Mismo ang nagsasakatuparan ng gawain, hindi Niya lantarang idinedeklara ang pagbuwag ng mga pagsasagawa ng lumang kapanahunan o direktang idinedeklara ang pagsisimula ng isang bagong kapanahunan. Direkta Siya at walang paliguy-ligoy sa Kanyang gawain. Tahasan Siya sa pagganap ng binabalak Niyang gawin; iyon ay, direkta Siyang nagpapahayag ng gawaing pinasimulan Niya, direktang ginagawa ang Kanyang gawain ayon sa orihinal na layunin, ipinahahayag kung ano Siya at ang Kanyang disposisyon. Sa tingin ng tao, ang Kanyang disposisyon at gayon din ang Kanyang gawain ay hindi tulad niyaong sa mga nakaraang kapanahunan. Subalit, mula sa pananaw ng Diyos Mismo, pagpapatuloy lamang ito at karagdagang pag-unlad ng Kanyang gawain. Kapag gumagawa ang Diyos Mismo, ipinahahayag Niya ang Kanyang salita at direktang naghahatid ng bagong gawain. Sa kabaligtaran, kapag gumagawa ang tao, ito ay sa pamamagitan ng masusing pagtalakay at pag-aaral, o ito ay ang pagpapaunlad ng kaalaman at pagbubuo ng sistema ng pagsasagawa na itinayo sa saligan ng gawain ng iba. Ibig sabihin, ang diwa ng gawaing ginagawa ng tao ay ang sundin ang itinatag na sistema at “lumakad sa mga dating landas gamit ang mga bagong sapatos.” Ito ay nangangahulugan na kahit na ang landas na nilakaran ng mga tao na ginamit ng Banal na Espiritu ay itinayo roon sa binuksan ng Diyos Mismo. Kaya, matapos ang lahat, ang tao ay tao pa rin at ang Diyos ay Diyos.
Si Juan ay isinilang sa pamamagitan ng pangako, katulad ng pagkakasilang ni Isaac kay Abraham. Inihanda niya ang daan para kay Jesus at gumawa ng maraming gawain, ngunit hindi siya Diyos. Sa halip, siya ay isang propeta sapagkat inihanda lamang niya ang daan para kay Jesus. Ang kanyang gawain ay dakila rin, at pagkatapos lamang niyang naihanda ang daan saka opisyal na nagsimula ang gawain ni Jesus. Sa diwa, siya ay nagpagal lamang para kay Jesus, at ang kanyang gawain ay paglilingkod sa gawain ni Jesus. Pagkatapos niyang ihanda ang daan, sinimulan ni Jesus ang Kanyang gawain, gawain na mas bago, mas tiyak, at mas detalyado. Ginawa lamang ni Juan ang panimulang gawain; mas marami sa bagong gawain ay ginawa ni Jesus. Si Juan ay gumawa rin ng bagong gawain, ngunit hindi siya ang naghatid ng isang bagong kapanahunan. Ipinanganak si Juan sa pamamagitan ng pangako, at ibinigay ng anghel ang kanyang pangalan. Sa oras na iyon, nais ng ilan na isunod ang kanyang pangalan sa kanyang ama na si Zacarias, ngunit nagsalita ang kanyang ina, na nagsabi, “Ang batang ito ay hindi maaaring tawagin sa pangalan na iyan. Dapat siyang tawagin na Juan.” Iniutos itong lahat ng Banal na Espiritu. Si Jesus ay pinangalanan din ayon sa utos ng Banal na Espiritu, ipinanganak Siya ng Banal na Espiritu, at sa pamamagitan ng pangako ng Banal na Espiritu. Si Jesus ay ang Diyos, si Cristo, at ang Anak ng tao. Dakila rin ang gawain ni Juan, ngunit bakit hindi siya tinawag na Diyos? Ano mismo ang pagkakaiba ng gawain na ginawa ni Jesus at ng ginawa ni Juan? Ang tanging dahilan lamang ba ay si Juan ang naghanda ng daan para kay Jesus? O dahil itinalaga na ito ng Diyos? Kahit na sinabi rin ni Juan, “Mangagsisi kayo; sapagkat malapit na ang kaharian ng langit,” at nangaral din siya ng ebanghelyo ng kaharian ng langit, ang kanyang gawain ay hindi na pinaunlad pa at bumuo lamang ng simulain. Sa kaibhan, inihatid ni Jesus ang isang bagong kapanahunan at dinala rin ang lumang kapanahunan sa katapusan, ngunit tinupad din Niya ang kautusan ng Lumang Tipan. Mas dakila ang gawain na ginawa Niya kaysa kay Juan, at bukod pa rito, pumarito Siya upang tubusin ang buong sangkatauhan—ginawa Niya ang yugto ng gawain na iyan. Naghanda lamang ng daan si Juan. Kahit na dakila ang kanyang gawain, marami siyang salita, at maraming alagad ang sumunod sa kanya, walang higit na ibinunga ang kanyang gawain kundi dalhin ang isang bagong simula sa tao. Hindi kailanman nakatanggap mula sa kanya ang tao ng buhay, ng daan, o malalalim na katotohanan, at wala rin silang nakamit na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos sa pamamagitan niya. Si Juan ay isang dakilang propeta (Elias) na nagpasimuno ng bagong batayan para sa gawain ni Jesus at inihanda ang mga hinirang; siya ang tagapagpauna ng Kapanahunan ng Biyaya. Hindi makikilala ang ganitong mga bagay sa pamamagitan lamang ng pagtingin sa kanilang mga normal na anyong tao. Lalo na dahil gumawa rin ng ilang mahusay na gawain si Juan at, higit pa rito, ipinanganak siya sa pamamagitan ng pangako ng Banal na Espiritu, at itinaguyod ng Banal na Espiritu ang kanyang gawain. Dahil dito, ang pagtukoy sa pagkakaiba ng kanilang mga sariling pagkakakilanlan ay maaari lamang magawa sa pamamagitan ng kanilang gawain, sapagkat hindi masasabi sa panlabas na anyo ng isang tao ang kanyang diwa, at hindi rin kaya ng tao na alamin ang tunay na patotoo ng Banal na Espiritu. Ang gawain na ginawa ni Juan at ang ginawa ni Jesus ay hindi magkatulad at magkaiba ng kalikasan. Dito matutukoy kung Diyos ba si Juan o hindi. Ang gawain ni Jesus ay ang magsimula, magpatuloy, tumapos, at tumupad. Isinagawa ni Jesus ang bawat isa sa mga hakbang na ito, samantalang ang gawain ni Juan ay hindi hihigit sa pagsisimula. Sa simula, ipinalaganap ni Jesus ang ebanghelyo at ipinangaral ang daan ng pagsisisi, pagkatapos ay nagbautismo ng tao, nagpagaling ng mga maysakit, at nagpalayas ng mga demonyo. Sa katapusan, tinubos Niya ang sangkatauhan mula sa kasalanan at kinumpleto ang Kanyang gawain para sa buong kapanahunan. Nangaral din Siya sa tao at nagpalaganap ng ebanghelyo ng kaharian ng langit sa lahat ng lugar. Ito ay pareho kay Juan, na ang pagkakaiba ay dahil naghatid si Jesus ng isang bagong kapanahunan at nagdala sa tao ng Kapanahunan ng Biyaya. Lumabas mula sa Kanyang bibig ang salita tungkol sa dapat isagawa ng tao at ang daan na dapat sundan ng tao sa Kapanahunan ng Biyaya, at sa katapusan, tinapos Niya ang gawain ng pagtubos. Hindi kailanman maisasagawa ni Juan ang gayong gawain. At sa gayon, si Jesus ang gumawa ng gawain ng Diyos Mismo, at Siya ang Diyos Mismo at direktang kumakatawan sa Diyos. Sinasabi ng mga kuru-kuro ng tao na lahat niyaong isinilang sa pamamagitan ng pangako, isinilang ng Espiritu, pinagtibay ng Banal na Espiritu, at ang nagbukas ng mga bagong daan palabas ay ang Diyos. Alinsunod sa katwirang ito, si Juan ay ang Diyos din, at si Moises, si Abraham, at si David…, lahat sila ay ang Diyos din. Hindi ba ito isang malaking biro?
Bago ganapin ang Kanyang ministeryo, si Jesus ay isa ring normal na tao lamang na kumilos ayon sa anumang gawin ng Banal na Espiritu. Alam man Niya o hindi ang Kanyang sariling pagkakakilanlan sa panahong iyon, sinunod Niya ang lahat ng nagmula sa Diyos. Hindi kailanman ibinunyag ng Banal na Espiritu ang Kanyang pagkakakilanlan bago nagsimula ang Kanyang ministeryo. Pagkatapos lamang Niyang simulan ang Kanyang ministeryo saka Niya binuwag ang mga patakarang iyon at mga kautusang iyon, at pagkatapos lamang Niyang opisyal na simulang gampanan ang Kanyang ministeryo na ang Kanyang mga salita ay napuno ng awtoridad at kapangyarihan. Pagkatapos lamang Niyang simulan ang Kanyang ministeryo saka nagsimula ang Kanyang gawain na magdala ng isang bagong kapanahunan. Bago nito, ang Banal na Espiritu ay nanatiling nakatago sa loob Niya sa loob ng 29 na taon, sa panahong yaon Kanyang kinatawan lamang ang isang tao at walang pagkakakilanlan ng Diyos. Nagsimula ang gawain ng Diyos sa Kanyang paggawa at pagganap ng Kanyang ministeryo, ginawa Niya ang Kanyang gawain alinsunod sa Kanyang panloob na plano nang hindi alintana gaano man ang alam ng tao tungkol sa Kanya, at ang gawaing Kanyang ginawa ay ang direktang representasyon ng Diyos Mismo. Sa panahong iyon, tinanong ni Jesus yaong mga nakapaligid sa Kanya, “Ano ang sabi ninyo kung sino Ako?” Sila ay sumagot, “Ikaw ang pinakadakila sa mga propeta at aming mabuting manggagamot.” At ang ilan ay sumagot, “Ikaw ang aming mataas na saserdote,” at iba pa. Lahat ng uri ng sagot ay ibinigay; sinabi pa ng ilan na Siya ay si Juan, na Siya si Elias. Bumaling si Jesus kay Simon Pedro at tinanong, “Ano ang sabi ninyo kung sino Ako?” Si Pedro ay sumagot, “Ikaw ang Cristo, Ang anak ng Diyos na buhay.” Mula noon namulat ang mga tao na Siya ang Diyos. Nang ang Kanyang pagkakakilanlan ay ipinaalam, si Pedro ang unang nakaalam nito at mula sa kanyang bibig ang gayon ay sinalita. Pagkatapos ay isinaad ni Jesus, “Ang iyong sinabi ay hindi ipinahayag sa iyo ng laman at dugo, ngunit ng Aking Ama.” Kasunod ng Kanyang bautismo, maging ito man ay nalalaman ng iba o hindi, ang gawaing ginawa Niya ay sa ngalan ng Diyos. Siya ay dumating upang ipatupad ang Kanyang gawain, hindi upang ibunyag ang Kanyang pagkakakilanlan. Pagkatapos lamang sabihin ni Pedro ang mga salitang iyon saka hayag na nalaman ng tao ang Kanyang pagkakakilanlan. Nalalaman mo man o hindi na Siya ang Diyos Mismo, sinimulan Niya ang Kanyang gawain nang dumating ang panahon. At nagpatuloy Siya sa Kanyang gawain gaya ng dati, nalalaman mo man ito o hindi. Kahit na itinanggi mo ito, gagampanan pa rin Niya ang Kanyang gawain at ipatutupad ito kapag oras na para gawin ito. Siya ay dumating upang gawin ang Kanyang gawain at gampanan ang Kanyang ministeryo, hindi para malaman ng tao ang Kanyang katawang-tao, kundi para tanggapin ng tao ang Kanyang gawain. Kung hindi mo nakilala na ang yugto ng gawain sa araw na ito ay sa Diyos Mismo, ito ay dahil kulang ka sa pangitain. Gayunman, hindi mo maaaring itanggi ang yugtong ito ng gawain; ang iyong kabiguan na makilala ito ay hindi nagpapatunay na hindi gumagawa ang Banal na Espiritu o na mali ang Kanyang gawain. Ang ilan ay sinusuri pa ang gawain ng kasalukuyan kumpara sa gawain ni Jesus sa Bibliya, at ginagamit ang anumang hindi pagkakatugma upang itanggi ang yugtong ito ng gawain. Hindi ba’t ito ang kilos ng mga bulag? Ang mga naitala sa Bibliya ay limitado; hindi nito kayang kumatawan sa kabuuan ng gawain ng Diyos. Ang Apat na Ebanghelyo sa kabuuan ay wala pang isang daang kabanata, kung saan nakasulat ang takdang bilang ng mga pangyayari, tulad ng pagsumpa ni Jesus sa puno ng igos, tatlong pagtatwa ni Pedro sa Panginoon, pagpapakita ni Jesus sa mga alagad kasunod ng Kanyang pagkapako sa krus at muling pagkabuhay, pagtuturo tungkol sa pag-aayuno, pagtuturo tungkol sa panalangin, pagtuturo tungkol sa diborsiyo, ang kapanganakan at talaangkanan ni Jesus, ang paghirang ni Jesus sa mga alagad, at iba pa. Subalit, pinahahalagahan ang mga ito ng tao bilang mga kayamanan, at ikinukumpara pa sa mga ito ang gawain sa ngayon. Naniniwala pa nga sila na gumawa lamang nang gayon karami si Jesus sa Kanyang buhay, na para bang gayon lamang karami ang kayang gawin ng Diyos at wala nang iba pa. Hindi ba ito katawa-tawa?
Ang panahon na ginugol ni Jesus sa lupa ay tatlumpu’t tatlo at kalahating taon, iyon ay, nanirahan Siya sa lupa sa loob ng tatlumpu’t tatlo at kalahating taon. Tatlo at kalahating taon lamang ng panahong ito ang ginugol sa pagganap ng Kanyang ministeryo; sa nalalabi, namuhay lamang Siya ng isang normal na buhay ng tao. Sa simula, dinaluhan Niya ang mga pagsamba sa sinagoga at doo’y nakinig sa paliwanag ng mga saserdote tungkol sa mga Banal na Kasulatan at sa pangangaral ng iba. Nagkamit Siya ng maraming kaalaman tungkol sa Bibliya: Hindi Siya isinilang na taglay ang gayong kaalaman, at nakamit lamang ito sa pamamagitan ng pagbabasa at pakikinig. Malinaw na nakatala sa Bibliya na Siya ay nagtanong sa mga guro sa sinagoga sa gulang na labindalawa: Anu-ano ang mga propesiya ng mga sinaunang propeta? Ano ang tungkol sa mga kautusan ni Moises? Ang Lumang Tipan? At ano ang tungkol sa paglilingkod ng tao sa Diyos habang nakasuot ng mga damit na pangsaserdote sa templo? … Marami Siyang mga katanungan, sapagkat hindi Niya taglay ang kaalaman o pagkaunawa. Bagama’t Siya ay ipinaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, Siya ay isinilang bilang isang ganap na normal na tao; sa kabila ng ilang espesyal na katangiang taglay Niya, Siya ay isa pa ring normal na tao. Ang Kanyang karunungan ay lumago nang tuluy-tuloy na naaayon sa Kanyang tayog at Kanyang edad, at Siya ay nagdaan sa mga yugto ng buhay ng isang normal na tao. Sa guni-guni ng tao, hindi naranasan ni Jesus ang kabataan at pagbibinata; nagsimula Siyang mabuhay bilang isang tatlumpung taong gulang na lalaki pagkapanganak pa lamang, at Siya ay ipinako sa krus nang matapos Niya ang Kanyang gawain. Malamang na hindi Siya nagdaan sa mga yugto ng buhay ng isang normal na tao; hindi Siya kumain ni nakisalamuha sa ibang tao, at hindi naging madali para sa mga tao na Siya ay masilayan. Marahil Siya ay hindi normal, na tinatakot yaong mga nakakita sa Kanya, sapagkat Siya ay Diyos. Naniniwala ang mga tao na ang Diyos na nagkatawang-tao ay tiyak na hindi nabubuhay gaya ng normal na tao; naniniwala sila na Siya ay malinis na hindi na kinakailangang magsipilyo ng Kanyang mga ngipin o hugasan ang Kanyang mukha, sapagkat Siya’y isang banal na tao. Hindi ba pawang mga kuru-kuro ng tao ang mga ito? Hindi itinatala ng Bibliya ang buhay ni Jesus bilang isang tao, tanging ang Kanyang gawain lamang, ngunit hindi nito pinapatunayan na Siya ay hindi nagkaroon ng normal na pagkatao o na hindi Siya namuhay ng isang normal na buhay ng tao bago ang edad na tatlumpu. Opisyal Niyang sinimulan ang Kanyang gawain sa edad na 29, ngunit hindi mo maaaring balewalain ang Kanyang buong buhay bilang isang tao bago ang edad na iyon. Hindi lamang isinama ng Bibliya ang panahong iyon sa mga talaan nito; dahil ito ay Kanyang buhay bilang isang normal na tao at hindi ang panahon ng Kanyang gawain bilang Diyos, walang pangangailangang isulat ito. Dahil bago binautismuhan si Jesus, hindi tuwirang gumawa ang Banal na Espiritu, kundi pinanatili lamang Siya sa Kanyang buhay bilang isang normal na tao hanggang sa araw na nararapat nang gampanan ni Jesus ang Kanyang ministeryo. Kahit Siya ang Diyos na nagkatawang-tao, sumailalim Siya sa proseso ng paggulang tulad ng nangyayari sa isang normal na tao. Hindi isinama ang prosesong ito sa Bibliya, dahil wala itong maibibigay na malaking tulong sa paglago ng tao sa buhay. Ang panahon bago ang Kanyang bautismo ay isang natatagong yugto, kung saan hindi Siya gumawa ng mga tanda at mga kababalaghan. Sinimulan lamang ni Jesus pagkatapos ng Kanyang bautismo ang lahat ng gawain ng pagtubos sa sangkatauhan, gawain na sagana at puno ng biyaya, katotohanan, at pag-ibig at awa. Ang simula ng gawaing ito ang mismong pagsisimula rin ng Kapanahunan ng Biyaya; dahil dito, naisulat ito at ipinasa hanggang sa kasalukuyan. Nagbukas ito ng isang daan palabas at tinupad ang lahat upang yaong nasa Kapanahunan ng Biyaya ay lakaran ang daan ng Kapanahunan ng Biyaya at ang daan ng krus. Bagama’t ang mga tala niyon ay isinulat ng tao, lahat ay katunayan, na mayroon lamang maliliit na pagkakamali sa ilang bagay. Gayunpaman, hindi masasabing hindi totoo ang mga talang ito. Ang mga nakatalang bagay ay totoo lahat, nagkaroon lamang ng mga pagkakamali sapagkat ang mga ito ay isinulat ng tao. Sasabihin ng ilan na si Jesus ay isa na may normal at karaniwang pagkatao, kaya paanong nangyari na mayroon Siyang kakayahan sa paggawa ng mga tanda at mga hiwaga? Ang apatnapung araw ng panunuksong pinagdaanan ni Jesus ay isang tanda ng himala, na hindi makakayang magawa ng isang normal na tao. Ang Kanyang apatnapung araw ng pagkatukso ay nasa kalikasan ng paggawa ng Banal na Espiritu; paano masasabi kung gayon ng isang tao na wala ni kaunting hindi pangkaraniwan sa Kanya? Ang Kanyang kakayahang gumawa ng mga tanda at kababalaghan ay hindi patunay na Siya ay isang hindi pangkaraniwan at hindi normal na tao; gumawa lamang ang Banal na Espiritu sa isang normal na taong katulad Niya, sa gayon ay naging posible para sa Kanya na magsagawa ng mga himala at gumawa ng mas dakilang bagay. Bago gumanap si Jesus ng Kanyang ministeryo, o tulad ng sinasabi sa Bibliya, bago bumaba ang Banal na Espiritu sa Kanya, isa lamang normal na tao si Jesus at hindi higit sa karaniwan sa anumang paraan. Sa pagbaba ng Banal na Espiritu sa Kanya, iyon ay, nang nagsimula Siya sa pagganap ng Kanyang ministeryo, Siya ay nagkaroon ng higit sa pangkaraniwan. Sa ganitong paraan, ang tao ay napapaniwala na ang laman ng nagkatawang-taong Diyos ay walang normal na pagkatao; bukod pa rito, mali ang iniisip niya na ang Diyos na nagkatawang-tao ay mayroon lamang pagka-Diyos, walang pagkatao. Tiyak, kapag dumarating ang Diyos sa lupa para gawin ang Kanyang gawain, ang nakikita lamang ng tao ay mga pangyayaring di-pangkaraniwan. Ang namamasdan ng kanilang mga mata at naririnig ng kanilang mga tainga ay puro di-pangkaraniwan, dahil ang Kanyang gawain at Kanyang mga salita ay hindi nila kayang unawain at matamo. Kung may bagay sa langit na dinala sa lupa, paano ito magiging ano pa man kundi higit sa karaniwan? Kapag dinala sa lupa ang mga hiwaga ng kaharian ng langit, ang mga hiwagang hindi maunawaan at hindi maarok ng tao, na masyadong nakakamangha at matalino—hindi ba ang lahat ng ito ay higit sa karaniwan? Subalit, dapat mong malaman na kahit gaano man ito higit sa karaniwan, ang lahat ay isinasakatuparan sa saklaw ng Kanyang normal na pagkatao. Ang laman ng nagkatawang-taong Diyos ay nagtataglay ng pagkatao; kung hindi, hindi Siya magiging laman ng nagkatawang-taong Diyos. Sa panahong Niya, si Jesus ay gumanap ng maraming malalaking himala. Ang nakita ng mga Israelita ng panahong iyon ay puno ng mga bagay na di-pangkaraniwan; nakakita sila ng mga anghel at ng mga sugo, at narinig ang tinig ni Jehova. Hindi ba di-pangkaraniwan ang lahat ng ito? Tiyak, mayroon ngayong ilang masasamang espiritu na nililinlang ang tao gamit ang mga bagay na di-pangkaraniwan; yaon ay walang iba kundi panggagaya lamang nila, upang linlangin ang tao sa pamamagitan ng gawain na hindi ginagawa sa kasalukuyan ng Banal na Espiritu. Maraming taong nagsasagawa ng mga himala at nagpapagaling ng maysakit at nagpapalayas ng mga demonyo; ang mga ito ay walang iba kundi gawain ng masasamang espiritu, sapagkat ang Banal na Espiritu ay hindi na gumagawa ng gayong gawain sa kasalukuyan, at lahat ng gumaya sa gawain ng Banal na Espiritu mula noon ay masasamang espiritu talaga. Lahat ng gawaing ipinatupad sa Israel sa panahong iyon ay yaong di-pangkaraniwan, bagama’t ang Banal na Espiritu ay hindi na gumagawa sa ngayon sa gayong paraan, at anumang gayong gawain ngayon ay panggagaya at pagbabalatkayo ni Satanas at paggambala nito. Ngunit hindi mo masasabi na lahat ng di-pangkaraniwan ay kagagawan ng masasamang espiritu—ito ay nakabatay sa kapanahunan ng gawain ng Diyos. Isipin mo ang gawaing ginawa ng nagkatawang-taong Diyos sa kasalukuyang panahon: Anong aspeto nito ang hindi di-pangkaraniwan? Ang Kanyang mga salita ay hindi mo mauunawaan at hindi mo matatamo, at ang Kanyang gawain ay hindi makakayang gawin ng sinumang tao. Ang nauunawaan Niya ay hindi maaaring maunawaan ng tao, at hindi rin nalalaman ng tao kung saan nagmumula ang Kanyang kaalaman. Sinasabi ng ilan, “Normal din akong kagaya Mo, ngunit paanong hindi ko nalalaman ang nalalaman Mo? Ako ay mas matanda at mas mayaman sa karanasan, ngunit paanong nalalaman Mo yaong hindi ko nalalaman?” Ang lahat ng ito ay hindi magagawang matamo ng tao. Nandiyan pa yaong mga nagsasabi, “Walang sinuman ang nakaaalam sa gawain na ipinatupad sa Israel, at maging ang mga nagpapaliwanag ng Bibliya ay hindi makapagbigay ng paliwanag; paano Mo nalaman?” Hindi ba ang lahat ng ito ay mga bagay na di-pangkaraniwan? Wala Siyang karanasan sa mga kababalaghan, ngunit alam Niya ang lahat; nagsasalita at nagpapahayag Siya ng katotohanan nang napakadali. Hindi ba ito di-pangkaraniwan? Nilalampasan ng Kanyang gawain yaong maaaring matamo ng katawang-tao. Hindi ito maaaring makamit ng pag-iisip ng sinumang tao na may katawang gawa sa laman at ito ay lubos na di-maaarok ng isip at katwiran ng tao. Bagama’t hindi pa Niya kailanman binasa ang Bibliya, nauunawaan Niya ang gawain ng Diyos sa Israel. At bagama’t Siya ay nakatayo sa lupa habang Siya ay nagsasalita, nagsasalita Siya tungkol sa mga misteryo ng ikatlong langit. Kapag binabasa ng tao ang mga salitang ito, isang damdamin ang dumadaig sa kanya: “Hindi ba ito ang wika ng ikatlong langit?” Hindi ba ang lahat ng ito ay mga bagay na lumalampas sa kayang matamo ng isang normal na tao? Sa panahong iyon, nang si Jesus ay sumailalim sa apatnapung araw ng pag-aayuno, hindi ba iyon di-pangkaraniwan? Kung sinasabi mo na ang apatnapung araw ng pag-aayuno ay laging di-pangkaraniwan at isang gawa ng masasamang espiritu, hindi mo ba hinatulan kung gayon si Jesus? Bago ang pagganap ni Jesus sa Kanyang ministeryo, Siya ay kagaya ng isang normal na tao. Nag-aral din Siya sa paaralan; paano pa kaya Siya natutong magbasa at magsulat? Nang ang Diyos ay naging tao, ang Espiritu ay nakatago sa loob ng katawang-tao. Gayunman, dahil isa Siyang normal na tao, kinailangan Siyang sumailalim sa isang proseso ng paglago at pagtanda, at hangga’t hindi gumugulang ang Kanyang isipan, at hindi Niya nagagawang mahiwatigan ang mga bagay-bagay, hindi Siya maaaring ituring na isang normal na tao. Nang gumulang lamang ang Kanyang pagkatao saka Niya nagampanan ang Kanyang ministeryo. Paano Niya magagampanan ang Kanyang ministeryo kung ang Kanyang normal na pagkatao ay hindi pa gumugulang at ang Kanyang katwiran ay hindi pa mahusay? Tiyak na hindi Siya maaasahan na gampanan ang Kanyang ministeryo sa gulang na anim o pito! Bakit hindi ipinakita ng Diyos ang Kanyang Sarili nang hayagan nang Siya ay unang naging tao? Sapagkat ang pagkatao ng Kanyang katawan ay wala pa sa gulang; ang pag-iisip ng Kanyang katawan, gayundin ang normal na pagkatao ng katawang ito, ay hindi pa Niya lubos na taglay. Dahil dito, ganap na pangangailangan para sa Kanya na magtaglay ng normal na pagkatao at sentido kumon ng isang normal na tao—hanggang sa maging handa Siyang isagawa ang Kanyang gawain sa katawang-tao—bago Niya masisimulan ang Kanyang gawain. Kung hindi Siya handa, kinailangan sana Niya na magpatuloy na lumago at gumulang. Kung sinimulan ni Jesus ang Kanyang gawain sa gulang na pito o walo, hindi ba Siya ituturing ng tao bilang isang kamangha-manghang bata? Hindi ba iisipin ng lahat ng tao na Siya ay isang bata lamang? Sinong mag-iisip na kapani-paniwala Siya? Ang isang bata na pito o walong taong gulang na kasingtaas lamang ng plataporma na nasa harapan Niya—nararapat ba Siyang mangaral? Bago gumulang ang Kanyang normal na pagkatao, Hindi pa Niya kaya. Pagdating naman sa Kanyang pagkatao na wala pa sa gulang, malaking bahagi ng gawain ang sadyang hindi pa kayang matamo. Ang gawain ng Espiritu ng Diyos sa katawang-tao ay pinamamahalaan din ng sarili nitong mga alituntunin. Maaari lamang Siyang magsagawa ng gawain at gampanan ang iniatas ng Ama kapag nagtataglay na Siya ng normal na pagkatao. Pagkatapos lamang noon Niya maaaring simulan ang Kanyang gawain. Sa Kanyang pagkabata, sadyang hindi naintindihan ni Jesus ang anuman sa karamihan ng naganap sa sinaunang panahon, at sa pamamagitan lamang ng pagtatanong sa mga guro sa sinagoga Niya naunawaan. Kung nagsimula Siya sa Kanyang gawain sa oras na natuto Siyang magsalita, paano naging posible para sa Kanya na hindi makagawa ng anumang mga pagkakamali? Paano makakagawa ang Diyos ng mga maling hakbang? Samakatuwid, pagkatapos lamang Niyang makayang gumawa na Siya ay nagsimula sa Kanyang gawain; hindi Siya nagsagawa ng anumang gawain hanggang ganap Siyang handa sa pagsasagawa nito. Sa edad na 29, nasa gulang na si Jesus at sapat na ang Kanyang pagkatao upang magsagawa ng gawain na gagawin Niya. Noon lamang opisyal na sinimulan ng Espiritu ng Diyos na gumawa sa Kanya. Nang panahong iyon, pitong taon nang naghanda si Juan ng daan para sa Kanya, at sa pagtatapos ng kanyang gawain, ikinulong si Juan sa bilangguan. Pagkatapos ay ganap na napunta ang pasanin kay Jesus. Kung isinagawa Niya ang gawaing ito sa edad na 21 o 22, noong kulang pa Siya sa pagkatao, noong kapapasok pa lamang Niya sa pagkabinata, at kulang pa sa pang-unawa sa maraming bagay, hindi pa Niya kakayaning mamuno. Noong panahong iyon, natupad na ni Juan ang kanyang gawain ng ilang panahon bago simulan ni Jesus ang Kanyang gawain sa Kanyang pagkabinata. Sa edad na iyon, sapat na ang Kanyang normal na pagkatao upang magsagawa ng gawain na dapat Niyang gawin. Ngayon, ang nagkatawang-taong Diyos ay mayroon ding normal na pagkatao at, bagama’t hindi ganoon kagulang kumpara sa mga nakatatanda sa inyo, ang pagkataong ito ay sapat na para isagawa ang Kanyang gawain. Ang kalagayan ng gawain sa kasalukuyan ay hindi lubos na kagaya noong panahon ni Jesus. Bakit pinili ni Jesus ang labindalawang apostol? Ito lahat ay bilang tulong sa Kanyang gawain at kaagapay nito. Sa isang banda, ito ay upang ilatag ang saligan para sa Kanyang gawain sa panahong iyon, at sa kabilang banda ay upang ilatag ang saligan para sa Kanyang gawain sa mga susunod na araw. Alinsunod sa gawain noon, kalooban ni Jesus na piliin ang labindalawang apostol, dahil iyon ang kalooban ng Diyos Mismo. Naniwala Siya na dapat Niyang piliin ang labindalawang apostol at pagkatapos ay akayin sila sa pangangaral sa lahat ng dako. Ngunit wala nang pangangailangan sa inyo na gawin ito sa kasalukuyan! Maraming prinsipyo kapag gumagawa ang Diyos na nagkatawang-tao sa laman, at maraming bagay na sadyang hindi maunawaan ang tao; patuloy na ginagamit ng tao ang kanyang sariling mga kuru-kuro upang sukatin Siya, o gumawa ng labis na mga kahilingan sa Kanya. At hanggang sa araw na ito, marami ang walang kamalayan na ang kanilang kaalaman ay binubuo lamang ng kanilang sariling mga kuru-kuro. Anuman ang kapanahunan o lugar kung saan nagkatawang-tao ang Diyos, nananatili pa ring hindi nagbabago ang mga prinsipyo ng Kanyang gawain sa katawang-tao. Hindi Siya maaaring maging katawang-tao pero lampasan ang katawang-tao upang gumawa; lalong hindi Siya maaaring maging tao pero hindi gumawa sa saklaw ng normal na pagkatao ng katawang-tao. Kung hindi, mapapawi ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos, at magiging ganap na walang kahulugan ang Salita na naging tao. Dagdag pa rito, tanging ang Ama sa langit (ang Espiritu) ang nakakaalam ng pagkakatawang-tao ng Diyos, at wala nang iba, hindi kahit ang katawang-tao Mismo o ang mga sugo ng langit. Dahil dito, lalong mas normal ang gawain ng Diyos sa katawang-tao at mas makakapagpakita na ang Salita ay nagkatawang-tao nga; at na ang ibig sabihin ng katawang-tao ay isang ordinaryo at normal na tao.
Maaaring magtaka ang ilan, “Bakit kinakailangang ang kapanahunan ay ihatid ng Diyos Mismo? Hindi ba maaaring ang isang nilalang ay tumayo na kahalili Niya?” Batid ninyong lahat na naging tao ang Diyos para sa mismong layunin ng paghahatid ng isang bagong kapanahunan, at, siyempre, kapag inihahatid Niya ang isang bagong kapanahunan, kasabay nito ay natapos na rin Niya ang naunang kapanahunan. Ang Diyos ang Simula at ang Katapusan; Siya Mismo ang nagpapatakbo ng Kanyang gawain at kaya dapat Siya Mismo ang tatapos sa naunang kapanahunan. Iyon ang patunay na tinalo Niya si Satanas at nilupig ang mundo. Tuwing gumagawa Siya Mismo sa gitna ng tao, ito ay simula ng isang bagong labanan. Kung walang pagsisimula ng bagong gawain, natural na walang pagtatapos ng dati. At kapag walang pagtatapos ng dati, patunay ito na ang pakikipagdigma kay Satanas ay hindi pa natatapos. Tanging kung ang Diyos Mismo ang dumarating at nagsasakatuparan ng bagong gawain sa gitna ng tao na ganap na makakalaya ang tao mula sa kapangyarihan ni Satanas at makakatamo ng isang bagong buhay at bagong simula. Kung hindi, mamumuhay magpakailanman ang tao sa dating kapanahunan at mamumuhay magpakailanman sa ilalim ng dating impluwensiya ni Satanas. Sa bawa’t kapanahunan na pinangunahan ng Diyos, ang isang bahagi ng tao ay napapalaya, at sa gayon ay sumusulong ang tao kasama ng gawain ng Diyos patungo sa bagong kapanahunan. Ang tagumpay ng Diyos ay tagumpay ng lahat ng sumusunod sa Kanya. Kung ang sangkatauhang nilikha ang nakaatas na magtapos ng kapanahunan, sa pananaw man ng tao o ni Satanas, ito ay walang iba kundi isang gawa na sumasalungat o nagtataksil sa Diyos, hindi ng pagsunod sa Diyos, at ang gawa ng tao ay magiging kasangkapan para kay Satanas. Magiging ganap na kumbinsido lamang si Satanas kung tatalima at susunod ang tao sa Diyos sa isang kapanahunan na inihatid ng Diyos Mismo, dahil iyon ang tungkulin ng isang nilalang. Kaya sinasabi Ko na kailangan lamang ninyong sumunod at tumalima, at wala nang ibang hinihingi sa inyo. Iyon ang ibig sabihin ng pagtupad ng bawa’t isa sa kanyang tungkulin at pagganap ng kanyang gawain. Ginagawa ng Diyos ang Kanyang sariling gawain at hindi kailangan ang tao na humalili sa paggawa ng Kanyang gawain, at hindi rin Niya isinasangkot ang Kanyang Sarili sa gawain ng mga nilalang. Gumaganap ang tao ng kanyang sariling tungkulin at hindi lumalahok sa gawain ng Diyos. Ito lamang ang tunay na pagsunod at patunay na natalo na si Satanas. Pagkatapos ng Diyos Mismo na maghatid sa bagong kapanahunan, hindi na Siya Mismo gumagawa sa gitna ng tao. Pagkatapos noon saka lamang opisyal na humahakbang ang tao patungo sa bagong kapanahunan upang gampanan ang kanyang tungkulin at tuparin ang kanyang misyon bilang isang nilalang. Ito ang mga prinsipyo ng paggawa ng Diyos, na hindi maaaring suwayin ninuman. Ang ganitong paraan lamang ng paggawa ang matino at makatwiran. Ang gawain ng Diyos ay ginagawa ng Diyos Mismo. Siya ang nagpapasimulang magpatakbo ng Kanyang gawain, at Siya rin ang tumatapos nito. Siya ang nagpaplano ng gawain, at Siya rin ang namamahala nito, at lalo na, Siya ang nagpapabunga sa gawain. Tulad ito ng nakasaad sa Bibliya, “Ako ang Pasimula at ang Katapusan; Ako ang Tagahasik at ang Tagaani.” Ang lahat ng may kaugnayan sa gawain ng Kanyang pamamahala ay ginagawa Niya Mismo. Siya ang Tagapamahala ng anim-na-libong-taong plano ng pamamahala; walang sinuman ang makakagawa ng Kanyang gawain bilang kahalili Niya o magtatapos ng Kanyang gawain, dahil Siya ang may kontrol ng lahat. Dahil nilikha Niya ang mundo, aakayin Niya ang buong mundo na mamuhay sa Kanyang liwanag, at tatapusin Niya rin ang buong kapanahunan upang dalhin ang lahat ng Kanyang plano sa katuparan!