Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 1

Si Juan ay gumawa para kay Jesus sa loob ng pitong taon, at naihanda na ang daan nang si Jesus ay dumating. Bago ito, ang ebanghelyo ng kaharian ng langit na ipinangaral ni Juan ay narinig sa lahat ng dako ng bayan, kaya ito ay lumaganap sa kabuuan ng Judea, at tinawag siya ng lahat na isang propeta. Sa panahong iyon, nais ni Haring Herodes na patayin si Juan, ngunit hindi siya nangahas, sapagkat mataas ang pagtingin ng mga tao kay Juan, at natakot si Herodes na kapag pinatay niya si Juan ay mag-aalsa sila laban sa kanya. Ang gawaing ginawa ni Juan ay nagsimulang lumago sa gitna ng mga karaniwang tao, at ginawa niyang mananampalataya ang mga Hudyo. Sa loob ng pitong taon ay inihanda niya ang daan para kay Jesus, hanggang sa panahong sinimulan ni Jesus na gampanan ang Kanyang ministeryo. At kaya, si Juan ang pinakadakila sa lahat ng mga propeta. Sinimulan lamang ni Jesus ang Kanyang opisyal na gawain pagkatapos ng pagkakakulong ni Juan. Bago kay Juan, hindi kailanman nagkaroon ng isang propeta na naghanda ng daan para sa Diyos, sapagkat bago kay Jesus, ang Diyos ay hindi kailanman naging tao noon. At kaya, sa lahat ng mga propeta hanggang kay Juan, siya lamang ang nag-iisang naghanda ng daan para sa Diyos na nagkatawang-tao, at sa ganitong paraan, si Juan ay naging ang pinakadakilang propeta ng Luma at Bagong Tipan. Sinimulan ni Juan ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian ng langit pitong taon bago ang bautismo ni Jesus. Para sa mga tao, ang isinagawa niyang gawain ay tila higit sa mga sumunod na gawain ni Jesus, ngunit siya ay, gayunpaman, isa pa rin lamang propeta. Hindi siya nangusap at gumawa sa loob ng templo, kundi sa mga bayan at nayon sa labas nito. Ito ay ginawa niya, siyempre, sa bayan ng mga Hudyo, lalo na sa mahihirap. Bihirang nakisalamuha si Juan sa mga taong mula sa mataas na antas ng lipunan, at ipinalalaganap lang niya ang ebanghelyo sa mga karaniwang tao sa Judea upang maihanda ang mga karapat-dapat na tao para sa Panginoong Jesus, at maihanda ang mga naaangkop na lugar kung saan Siya gagawa. Dahil mayroong propetang katulad ni Juan upang maghanda ng daan, nakapagsimula agad ang Panginoong Jesus sa Kanyang daan ng krus sa sandaling pagdating Niya. Nang nagkatawang-tao ang Diyos upang isagawa ang Kanyang gawain, hindi Niya kinailangang isagawa ang gawain ng pamimili ng mga tao, at hindi Niya kinailangang personal na maghanap ng mga tao o ng lugar kung saan Siya gagawa. Hindi Siya nagsagawa ng ganoong gawain nang Siya ay dumating; inihanda na ng isang tamang tao ang lahat bago pa Siya dumating. Natapos na ni Juan ang gawaing ito bago sinimulan ni Jesus ang Kanyang gawain, sapagkat nang dumating ang Diyos na nagkatawang-tao upang gawin ang Kanyang gawain, agad Siyang gumawa sa kanila na matagal nang naghihintay sa Kanya. Si Jesus ay hindi dumating upang gawin ang gawain ng pagtutuwid ng tao. Siya ay dumating para gampanan lamang ang ministeryo na Kanyang gagampanan, at lahat ng iba pa ay walang kinalaman sa Kanya. Nang si Juan ay dumating, wala siyang ginawa kundi ang ilabas mula sa templo at sa gitna ng mga Hudyo ang isang grupo ng mga tumanggap sa ebanghelyo ng kaharian ng langit, upang sila ay maaaring maging mga pakay ng gawain ng Panginoong Jesus. Gumawa si Juan sa loob ng pitong taon, na ibig sabihin ay ipinalaganap niya ang ebanghelyo sa loob ng pitong taon. Sa panahon ng kanyang gawain, hindi nagsagawa si Juan ng maraming himala, dahil ang kanyang gawain ay ang ihanda ang daan; ito ang gawain ng paghahanda. Ang lahat ng ibang gawain, ang gawaing isasagawa ni Jesus, ay walang kaugnayan sa kanya; hiniling lang niya sa tao na ipagtapat ang mga kasalanan nito at magsisi, at binautismuhan ang mga tao, upang sila ay maligtas. Kahit na nagsagawa siya ng bagong gawain, at nagbukas ng daan na hindi pa kailanman nilakaran ng tao, inihanda pa rin lamang niya ang daan para kay Jesus. Siya ay propeta na nagsagawa lang ng gawain ng paghahanda, at walang kakayahan na isagawa ang gawain ni Jesus. Hindi man si Jesus ang unang nangaral ng ebanghelyo ng kaharian ng langit, at kahit ipinagpatuloy Niya ang landas na sinimulan ni Juan, wala pa ring ibang makagagawa ng Kanyang gawain, at ito’y higit sa gawain ni Juan. Hindi kayang ihanda ni Jesus ang sarili Niyang daan; ang Kanyang gawain ay direktang naisagawa sa ngalan ng Diyos. Kaya, gaano man karaming taong gumawa si Juan, siya ay isa pa ring propeta at isa pa ring naghanda sa daan. Ang tatlong taong gawaing ginawa ni Jesus ay hinigitan ang pitong taon na gawain ni Juan, dahil ang diwa ng Kanyang gawain ay hindi pareho. Nang simulang gampanan ni Jesus ang Kanyang ministeryo, na kung kailan din nagwakas ang gawain ni Juan, si Juan ay nakapaghanda na ng sapat na mga tao at mga lugar para gamitin ng Panginoong Jesus, at ang mga ito ay sapat para simulan ng Panginoong Jesus ang tatlong taong gawain. At kaya, sa sandaling ang gawain ni Juan ay natapos, opisyal na sinimulan ng Panginoong Jesus ang Kanyang sariling gawain, at ang mga salitang sinabi ni Juan ay isinantabi. Iyon ay dahil sa ang gawaing ginawa ni Juan ay para lamang sa kapakanan ng pagbabagong-kalagayan at ang kanyang mga salita ay hindi mga salita ng buhay na mag-aakay sa tao sa panibagong paglago; sa bandang huli, ang kanyang mga salita ay pansamantala lamang ang gamit.

Ang gawain na ginawa ni Jesus ay hindi di-pangkaraniwan; mayroong isang proseso rito, at lahat ito ay sumulong alinsunod sa mga normal na batas ng mga bagay. Sa huling anim na buwan ng Kanyang buhay, nalaman ni Jesus nang may katiyakan na dumating Siya upang gawin ang gawaing ito, at nalaman na dumating Siya upang ipako sa krus. Bago Siya ipinako sa krus, patuloy na nanalangin si Jesus sa Diyos Ama, kagaya lamang nang Siya ay nanalangin nang tatlong beses sa Hardin ng Gethsemane. Pagkatapos na Siya ay mabautismuhan, ginampanan ni Jesus ang Kanyang ministeryo sa loob ng tatlo at kalahating taon, at ang Kanyang opisyal na gawain ay tumagal ng dalawa at kalahating taon. Sa unang taon, Siya ay inakusahan ni Satanas, ginulo ng tao, at sumailalim sa tukso ng tao. Napagtagumpayan Niya ang maraming tukso kasabay ng pagsasagawa ng Kanyang gawain. Sa huling anim na buwan, nang si Jesus ay malapit nang ipako sa krus, mula sa bibig ni Pedro ay lumabas ang mga salita na Siya ang Anak ng Diyos na buhay, na Siya ay si Cristo. Noon lamang naging hayag sa lahat ang Kanyang gawain, at noon lamang nabunyag ang Kanyang pagkakakilanlan sa publiko. Pagkatapos noon, sinabihan ni Jesus ang Kanyang mga disipulo na Siya ay ipapako sa krus para sa kapakanan ng tao, at pagkatapos ng tatlong araw Siya ay muling mabubuhay; na Siya ay dumating upang ipatupad ang gawain ng pagtubos, at Siya ang Tagapagligtas. Sa huling anim na buwan lamang Niya ibinunyag ang Kanyang pagkakakilanlan at ang gawain na nilayon Niyang gawin. Ito rin ang panahon ng Diyos, at ang gawain ay dapat isagawa sa gayon. Sa panahong iyon, ang bahagi ng gawain ni Jesus ay alinsunod sa Lumang Tipan, gayundin sa mga kautusan ni Moises at sa mga salita ni Jehova sa Kapanahunan ng Kautusan. Ginamit ni Jesus ang lahat ng ito upang isagawa ang bahagi ng Kanyang gawain. Nangaral Siya sa mga tao at tinuruan sila sa mga sinagoga, at ginamit Niya ang mga hula ng mga propeta sa Lumang Tipan upang sawayin ang mga Pariseong mayroong pagkapoot sa Kanya, at ginamit ang mga salita sa Banal na Kasulatan upang ibunyag ang kanilang pagsuway at sa gayon ay isumpa sila. Dahil kinamuhian nila ang ginawa ni Jesus; sa partikular, karamihan sa gawain ni Jesus ay hindi ayon sa mga kautusan sa Banal na Kasulatan, at, higit pa rito, ang Kanyang mga itinuro ay mas mataas kaysa sa kanilang mga sariling salita, at higit na mas mataas pa kaysa sa mga hula ng mga propeta sa Banal na Kasulatan. Ang gawain ni Jesus ay para lamang sa kapakanan ng pagtubos sa tao at ang pagpapapako sa krus. Kaya, hindi Niya kailangang higit pang mangusap upang malupig ang sinumang tao. Ang karamihan sa Kanyang mga itinuro sa tao ay mula sa mga salita sa Banal na Kasulatan, at kahit na ang Kanyang gawain ay hindi higit sa Banal na Kasulatan, naisagawa pa rin Niya ang gawaing pagpapapako sa krus. Ang Kanyang gawain ay hindi gawain ng salita, ni para sa kapakanan ng paglupig sa sangkatauhan, sa halip ito ay upang matubos ang sangkatauhan. Gumanap lang Siya bilang handog para sa kasalanan ng sangkatauhan, at hindi gumanap bilang mapagkukunan ng salita para sa sangkatauhan. Hindi Niya isinagawa ang gawain ng mga Hentil, na gawain ng panlulupig sa tao, kundi ang gawain ng pagpapapako sa krus, ang gawain na isinagawa sa mga naniniwala na mayroong Diyos. Kahit na ang Kanyang gawain ay naisakatuparan sa saligan ng Banal na Kasulatan, at ginamit Niya ang mga hula ng matatandang propeta upang isumpa ang mga Pariseo, ito ay sapat na upang matapos ang gawain ng pagpapapako sa krus. Kung ang gawain sa ngayon ay isinasagawa pa rin sa saligan ng mga hula ng matatandang propeta sa Banal na Kasulatan, magiging imposible na kayo ay malupig, dahil ang Lumang Tipan ay hindi naglalaman ng mga ulat ng hindi ninyo pagsunod at ng mga kasalanan ninyong mga Tsino, at walang kasaysayan ng inyong mga kasalanan. At kaya, kung ang gawaing ito ay nananatili pa rin sa Bibliya, hindi kayo kailanman susuko. Ang Bibliya ay nagtatala lang ng limitadong kasaysayan tungkol sa mga Israelita, isang hindi kayang itakda kung kayo ay mabuti o masama, o hatulan kayo. Ipagpalagay na kayo ay hahatulan Ko ayon sa kasaysayan ng mga Israelita—susundan pa rin ba ninyo Ako katulad ng inyong pagsunod ngayon? Alam ba ninyo kung gaano kayo kasutil? Kung walang binitiwang mga salita sa yugtong ito, magiging imposible ang pagtapos sa gawain ng paglupig. Dahil hindi Ako pumarito upang maipako sa krus, nararapat Akong magbitiw ng mga salita na hiwalay mula sa Bibliya, upang kayo ay malupig. Ang gawain na ginawa ni Jesus ay mas mataas lamang ng isang baitang kaysa sa Lumang Tipan; ito ay ginamit upang simulan ang isang kapanahunan, at upang pangunahan ang kapanahunang iyon. Bakit Niya sinasabing, “Ako’y naparito hindi upang sirain ang kautusan, kundi upang ganapin”? Subalit sa Kanyang gawain ay marami ang naiiba mula sa mga batas na isinagawa at mga utos na sinunod ng mga Israelita ng Lumang Tipan, sapagkat hindi Siya dumating upang sumunod sa batas, kundi para tuparin ito. Kasama sa proseso ng pagtupad nito ang maraming praktikal na bagay: Ang Kanyang gawain ay higit na praktikal at totoo, at, bukod pa roon, ito ay mas buhay, at hindi ang bulag na pagsunod sa mga patakaran. Hindi ba pinanatili ng mga Israelita ang Sabbath? Nang si Jesus ay dumating, hindi Siya sumunod sa Sabbath, sapagkat Kanyang sinabi na ang Anak ng tao ay ang Panginoon ng Sabbath, at kapag ang Panginoon ng Sabbath ay dumating, gagawin Niya ang gusto Niya. Siya ay dumating upang tuparin ang mga batas ng Lumang Tipan at upang baguhin ang mga batas. Ang lahat ng naisasagawa ngayon ay batay sa kasalukuyan, ngunit ito pa rin ay umaasa sa saligan ng gawain ni Jehova sa Kapanahunan ng Kautusan, at hindi lumalabag sa saklaw na ito. Ang bantayan ang inyong mga dila, at ang hindi pangangalunya, halimbawa—hindi ba’t ang mga ito ang mga kautusan ng Lumang Tipan? Ngayon, ang mga hinihingi sa inyo ay hindi lang limitado sa Sampung Utos, kundi binubuo ng mga utos at batas na may mas mataas na antas kaysa sa mga nauna, ngunit hindi ito nangangahulugan na nabuwag na yaong mga nauna, dahil ang bawat yugto ng gawain ng Diyos ay isinasagawa sa saligan ng yugto na dumating bago ito. Tungkol naman sa isinakatuparang gawain ni Jehova noon sa Israel, kagaya ng pag-utos sa mga tao na maghandog ng mga alay, igalang ang kanilang mga magulang, huwag sumamba sa mga diyus-diyosan, huwag manakit o sumumpa ng kapwa, huwag makiapid, huwag manigarilyo o uminom, at huwag kumain ng mga patay na bagay o uminom ng dugo—hindi ba ito ang bumubuo sa saligan ng inyong pagsasagawa maging sa kasalukuyan? Sa saligan ng nakaraan na ang gawain ay naipapatupad hanggang sa kasalukuyan. Bagama’t ang mga batas ng nakaraan ay hindi na binabanggit, at may mga bagong kahilingan nang ginawa sa iyo, ang mga batas na ito, malayo sa pagkakaalis, ay naitaas sa halip. Ang sabihin na ang mga ito ay naalis na ay nangangahulugan na ang nakaraang kapanahunan ay lipas na sa panahon, samantalang mayroong ilang utos na dapat mong igalang magpakailanman. Ang mga utos ng nakaraan ay isinagawa na, naging katauhan na ng tao, at hindi na kinakailangang bigyan ng natatanging diin ang mga utos na gaya ng “Huwag manigarilyo,” at “Huwag uminom,” at iba pa. Sa saligang ito, inilatag ang mga bagong utos alinsunod sa inyong mga pangangailangan sa kasalukuyan, alinsunod sa inyong tayog, at alinsunod sa gawain sa kasalukuyan. Ang pagtatakda ng mga utos para sa bagong kapanahunan ay hindi nangangahulugan ng pag-alis sa mga utos ng dating kapanahunan, kundi higit pang pagpapataas sa saligang ito, upang maging mas kumpleto ang mga pagkilos ng tao, at higit na nakaayon sa realidad. Kung ngayon ay kailangan lamang ninyo na sumunod sa mga utos at manahan sa mga kautusan ng Lumang Tipan sa parehong paraan tulad ng mga Israelita, at kung kailangan pa ninyong maisaulo ang mga kautusan na ibinigay ni Jehova, walang posibilidad na maaari kayong magbago. Kung kayo ay susunod lang sa yaong kakaunti at limitadong utos o magsasaulo ng di-mabilang na mga kautusan, ang inyong lumang disposisyon ay mananatiling nakatanim nang malalim, at walang magiging paraan upang ito ay bunutin. Kung gayon kayo ay lalo’t lalong magiging masama, at walang sinuman sa inyo ang magiging masunurin. Ibig sabihin, walang kakayahan ang ilang payak na utos o di-mabilang na mga kautusan upang kayo ay tulungang malaman ang mga gawa ni Jehova. Hindi kayo katulad ng mga Israelita: Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan at pagsasaulo ng mga utos, nasaksihan nila ang mga gawa ni Jehova, at inalay lamang ang kanilang debosyon sa Kanya, ngunit hindi ninyo ito nakakamit, at ang ilang utos sa kapanahunan ng Lumang Tipan ay walang kakayahan upang kayo ay mahikayat na ibigay ang inyong mga puso, o na protektahan kayo, kundi sa halip ay gagawin kayong pabaya, at sasanhiin kayong mahulog sa Hades. Sapagkat ang Aking gawain ay ang gawain ng paglupig, at nakatutok ito sa inyong pagsuway at sa inyong lumang disposisyon. Ang mabubuting salita ni Jehova at ni Jesus ay malayo sa matitinding salita ng paghatol ngayon. Kung wala ang matitinding salitang iyon, magiging imposible na malupig kayong mga “dalubhasa,” na naging masuwayin na sa loob ng libu-libong taon. Matagal nang nawala ang kapangyarihan sa inyo ng mga kautusan ng Lumang Tipan, at sobrang bigat ng paghatol ng kasalukuyan kaysa sa mga lumang kautusan. Ang pinakaangkop sa inyo ay ang paghatol, at hindi ang mababaw na mga paghihigpit ng mga kautusan, dahil hindi kayo ang sangkatauhan ng pinakaunang panahon, sa halip ay ang sangkatauhan na naging tiwali na sa loob ng libu-libong taon. Ang nararapat na makamit ng tao ngayon ay ayon sa tunay na kalagayan ng tao sa kasalukuyan, ayon sa kakayahan at talagang tayog ng tao sa kasalukuyan, at hindi kinakailangan na iyong sundin ang mga patakaran. Ito ay upang makamit ang mga pagbabago sa iyong lumang disposisyon, at upang maisantabi mo ang iyong mga kuru-kuro. Iniisip mo ba na ang mga utos ay mga patakaran? Maaaring sabihin na normal na mga kinakailangan ng tao ang mga ito. Ang mga ito ay hindi mga patakaran na dapat mong sundin. Gaya ng pagbabawal sa paninigarilyo, halimbawa—patakaran ba iyon? Hindi ito patakaran! Ito ay hinihingi ng normal na pagkatao; ito ay hindi patakaran, kundi isang itinakda para sa buong sangkatauhan. Sa kasalukuyan, ang isang dosena o higit pang mga utos na naitakda ay hindi rin mga patakaran; ang mga ito ang kinakailangan upang matamo ang normal na pagkatao. Hindi taglay o alam ng mga tao ang tungkol sa gayong mga bagay noong nakaraan, at kaya kinakailangan sa kanila na matamo ang mga ito sa kasalukuyan, at hindi ibinibilang ang mga ito na mga patakaran. Ang mga batas ay iba sa mga patakaran. Ang mga patakaran na Aking sinasabi ay tumutukoy sa mga seremonya, mga pormalidad o ang lihis at mga maling gawi ng tao; ito ang mga alituntunin na hindi nakakatulong sa tao at walang pakinabang sa kanya; bumubuo ang mga ito ng isang landasin ng pagkilos na walang taglay na kabuluhan. Ito ang pinakalarawan ng mga patakaran, at ang gayong mga patakaran ay dapat itapon, sapagkat walang naibibigay ang mga ito na pakinabang sa tao. Yaong mayroong pakinabang sa tao ang dapat isagawa.

Sinundan: Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Sumasalungat sa Diyos

Sumunod: Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 2

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito