Ang Totoong Kwento sa Likod ng Gawain sa Kapanahunan ng Pagtubos
Ang Aking buong plano ng pamamahala, ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala, ay binubuo ng tatlong yugto, o tatlong kapanahunan: ang Kapanahunan ng Kautusan sa simula; ang Kapanahunan ng Biyaya (na siya ring Kapanahunan ng Pagtubos); at ang Kapanahunan ng Kaharian sa mga huling araw. Ang Aking gawain sa tatlong kapanahunang ito ay nagkakaiba sa nilalaman ayon sa katangian ng bawat kapanahunan, ngunit sa bawat yugto angkop ang gawaing ito sa mga pangangailangan ng tao—o, para mas malinaw, ginagawa ito ayon sa mga panlilinlang na ginagamit ni Satanas sa Aking pakikidigma laban dito. Ang layunin ng Aking gawain ay upang talunin si Satanas, upang ipakita ang Aking karunungan at walang-hanggang kapangyarihan, upang ilantad ang lahat ng panlilinlang ni Satanas, at sa gayon ay mailigtas ang buong lahi ng tao, na nabubuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Ito ay upang ipakita ang Aking karunungan at walang-hanggang kapangyarihan, at ibunyag ang di-mabatang pagiging kakila-kilabot ni Satanas; higit pa riyan, ito ay upang tulutan ang mga nilalang na makilala kung alin ang mabuti at masama, upang makilala na Ako ang Pinuno ng lahat ng bagay, upang makita nang malinaw na si Satanas ay kaaway ng sangkatauhan, ang tiwali, ang siyang masama, at upang masabi nila, nang may lubos na katiyakan, ang pagkakaiba sa pagitan ng mabuti at masama, katotohanan at kasinungalingan, kabanalan at karumihan, at kung ano ang dakila at ano ang hamak. Sa gayon ay makakaya ng mangmang na sangkatauhan na magpatotoo sa Akin na hindi Ako ang nagtitiwali sa sangkatauhan, at Ako lamang—ang Lumikha—ang makapagliligtas sa sangkatauhan, ang maaaring magkaloob sa tao ng mga bagay na makasisiya sa kanila; at malalaman nila na Ako ang Pinuno ng lahat ng bagay at si Satanas ay isa lamang sa mga nilalang na Aking nilikha at na paglaon ay kinalaban Ako. Ang Aking anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ay nahahati sa tatlong yugto, at nagsisikap Akong makamit ang epekto ng pagbibigay-kakayahan sa Aking mga nilalang na magpatotoo sa Akin, at maunawaan ang Aking kalooban, at malaman na Ako ang katotohanan. Kaya, sa panahon ng naunang gawain ng Aking anim-na-libong-taong plano ng pamamahala, isinagawa Ko ang gawain ng kautusan, na siyang gawain kung saan si Jehova ang nanguna sa mga tao. Ang ikalawang yugto ay nagpasimula sa gawain ng Kapanahunan ng Biyaya sa mga nayon ng Judea. Si Jesus ang kumakatawan sa lahat ng gawain ng Kapanahunan ng Biyaya; Siya ay nagkatawang-tao, at ipinako sa krus, at Kanya ring pinasimulan ang Kapanahunan ng Biyaya. Siya ay ipinako sa krus upang matapos ang gawain ng pagtubos, wakasan ang Kapanahunan ng Kautusan at simulan ang Kapanahunan ng Biyaya, kaya Siya ay tinawag na “Kataas-taasang Pinuno,” ang “Handog para sa Kasalanan,” at ang “Manunubos.” Dahil dito, ang nilalaman ng gawain ni Jesus ay naiba sa gawain ni Jehova, kahit magkapareho ang mga iyon sa prinsipyo. Sinimulan ni Jehova ang Kapanahunan ng Kautusan, itinatag ang batayan—ang pinagmulan—ng gawain ng Diyos sa lupa, at nagpalabas ng mga batas at kautusan. Ito ang dalawang bahagi ng gawain na Kanyang isinakatuparan, at kumakatawan ang mga ito sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang gawaing ginawa ni Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya ay hindi upang magpalabas ng mga batas, kundi upang tuparin ang mga ito, sa gayong paraan ay pinasimulan ang Kapanahunan ng Biyaya at winakasan ang Kapanahunan ng Kautusan na tumagal nang dalawang libong taon. Siya ang nanguna, na pumarito upang simulan ang Kapanahunan ng Biyaya, datapuwat ang pangunahing bahagi ng Kanyang gawain ay nasa pagtubos. Kaya nga ang Kanyang gawain ay may dalawa ring bahagi: pagsisimula ng isang bagong kapanahunan, at pagkumpleto sa gawain ng pagtubos sa pamamagitan ng pagpapapako Niya sa krus, na sinundan ng Kanyang paglisan. At mula noon ay nagwakas ang Kapanahunan ng Kautusan at nagsimula ang Kapanahunan ng Biyaya.
Ang gawaing ginawa ni Jesus ay naaayon sa mga pangangailangan ng tao sa kapanahunang iyon. Ang Kanyang tungkulin ay tubusin ang sangkatauhan, patawarin ang kanilang mga pagkakasala, kaya’t ang Kanyang disposisyon ay ganap na isang kapakumbabaan, pagpapasensya, pag-ibig, kabanalan, pagtitiis, awa, at kagandahang-loob. Nagdala Siya ng saganang biyaya at mga pagpapala sa sangkatauhan, at lahat ng bagay na maaaring tamasahin ng mga tao, Kanyang ibinigay sa kanila para sa kanilang kasiyahan: kapayapaan at kaligayahan, ang Kanyang pagpaparaya at pagmamahal, Kanyang awa at kagandahang-loob. Noon, ang saganang mga bagay na nakasisiya na naranasan ng mga tao—ang damdamin ng kapayapaan at seguridad sa kanilang kalooban, ang damdamin ng kapanatagan sa kanilang espiritu, at ang kanilang pag-asa kay Jesus na Tagapagligtas—ay umiral na lahat sa kapanahunan na nabuhay sila. Sa Kapanahunan ng Biyaya, nagawa nang tiwali ni Satanas ang tao, kaya para magawa ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan, kinailangan ang saganang biyaya, walang-katapusang pagtitiis at pagpapasensya, at higit pa rito, isang handog na sapat para magbayad-sala para sa mga kasalanan ng sangkatauhan, upang magkaroon ito ng epekto. Ang nakita ng sangkatauhan sa Kapanahunan ng Biyaya ay yaon lamang handog Kong pagbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sangkatauhan: si Jesus. Ang alam lamang nila ay na maaaring maging maawain at matiisin ang Diyos, at ang nakita lamang nila ay ang awa at kagandahang-loob ni Jesus. Ito ay dahil lamang sa ipinanganak sila sa Kapanahunan ng Biyaya. Kaya nga, bago sila maaaring tubusin, kinailangan nilang matamasa ang maraming uri ng biyaya na ipinagkaloob ni Jesus sa kanila upang makinabang sila rito. Sa ganitong paraan, maaari silang mapatawad sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng pagtatamasa nila ng biyaya, at maaari din silang magkaroon ng pagkakataong matubos sa pamamagitan ng pagtatamasa ng pagtitiis at pagpapasensya ni Jesus. Sa pamamagitan lamang ng pagtitiis at pagpapasensya ni Jesus sila nagkakaroon ng karapatang tumanggap ng kapatawaran at magtamasa ng saganang biyaya na ipinagkaloob ni Jesus. Gaya ng sabi ni Jesus: Ako ay pumarito hindi upang tubusin ang matuwid kundi ang mga makasalanan, upang tulutan ang mga makasalanan na mapatawad sa kanilang mga kasalanan. Kung si Jesus, noong Siya ay naging tao, ay nagdala ng disposisyon ng paghatol, sumpa, at kawalan ng pagpaparaya sa mga kasalanan ng tao, hindi kailanman magkakaroon ng pagkakataon ang tao na matubos, at mananatili silang makasalanan magpakailanman. Kung nagkagayon, tumigil na sana ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala noong Kapanahunan ng Kautusan, at tumagal sana nang anim na libong taon ang Kapanahunan ng Kautusan. Lalo pa sanang dumami at bumigat ang mga kasalanan ng tao, at nauwi sana sa wala ang paglikha sa sangkatauhan. Si Jehova lamang sana ang napaglingkuran ng mga tao sa ilalim ng kautusan, ngunit mas marami sana ang kanilang mga kasalanan kaysa roon sa mga tao na unang nilikha. Habang lalong minahal ni Jesus ang sangkatauhan, pinatatawad ang kanilang mga kasalanan at pinagkakalooban sila ng sapat na awa at kagandahang-loob, lalong nagkaroon ng karapatan ang sangkatauhan na mailigtas ni Jesus, na matawag na mga nawawalang tupa na binili ni Jesus sa napakalaking halaga. Hindi maaaring makialam si Satanas sa gawaing ito, dahil pinakitunguhan ni Jesus ang Kanyang mga tagasunod na parang pakikitungo ng isang mapagmahal na ina sa sanggol na nasa kanyang sinapupunan. Hindi Siya nagtanim ng galit sa kanila ni hindi Niya sila hinamak, kundi Siya ay puno ng kaaliwan; hindi kailanman sumiklab ang Kanyang galit sa kanila, kundi tiniis Niya ang kanilang mga kasalanan at nagbulag-bulagan sa kanilang mga kahangalan at kamangmangan, at sinabi pang, “Patawarin ninyo ang iba nang pitumpung pitong beses.” Binago ng puso Niya nang ganoon ang puso ng iba, at sa ganoong paraan lamang natanggap ng mga tao ang kapatawaran sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang pagtitiis.
Bagama’t si Jesus sa Kanyang pagkakatawang-tao ay lubos na walang damdamin, lagi Niyang pinanatag ang Kanyang mga disipulo, tinustusan sila, tinulungan sila, at sinuportahan sila. Gaano man karaming gawain ang Kanyang ginawa, o gaano man katindi ang pagdurusang Kanyang tiniis, hindi Siya kailanman humiling nang labis sa mga tao, kundi lagi Siyang mapagpasensya at matiisin sa kanilang mga pagkakasala, kaya Siya magiliw na tinawag ng mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya na “ang kaibig-ibig na Tagapagligtas na si Jesus.” Sa mga tao noong panahong iyon—sa lahat ng tao—kung ano ang mayroon si Jesus at kung ano Siya noon, ay awa at kagandahang-loob. Hindi Niya kailanman tinandaan ang mga paglabag ng mga tao, at ang Kanyang pakikitungo sa kanila ay hindi kailanman batay sa kanilang mga paglabag. Dahil ibang kapanahunan iyon, kadalasa’y nagkaloob Siya ng saganang pagkain sa mga tao upang sila ay mangabusog. Pinakitunguhan Niya ang lahat ng Kanyang tagasunod nang may kabaitan, na nagpapagaling ng mga maysakit, nagpapalayas ng mga demonyo, bumubuhay ng mga patay. Upang maniwala sa Kanya ang mga tao at makita nila na lahat ng Kanyang ginawa ay ginawa nang buong sigasig at katapatan, binuhay pa Niya ang isang naaagnas na bangkay, na ipinakikita sa kanila na sa Kanyang mga kamay, kahit ang patay ay muling mabubuhay. Sa paraang ito tahimik Siyang nagtiis at isinagawa Niya ang Kanyang gawain ng pagtubos sa kanila. Bago pa man Siya ipinako sa krus, pinasan na ni Jesus ang mga kasalanan ng sangkatauhan at naging handog para sa kasalanan ng sangkatauhan. Bago pa man Siya ipinako sa krus, nabuksan na Niya ang daan patungo sa krus upang tubusin ang sangkatauhan. At sa huli, ipinako Siya sa krus, na isinasakripisyo ang Kanyang sarili para sa kapakanan ng krus, at ipinagkaloob Niya ang lahat ng Kanyang awa, kagandahang-loob, at kabanalan sa sangkatauhan. Palagi Siyang mapagparaya sa sangkatauhan, hindi kailanman mapaghiganti, kundi pinatawad sila sa kanilang mga kasalanan, pinayuhan silang magsisi, at tinuruan silang magpasensya, magtiis, at magmahal, sumunod sa Kanyang mga yapak at isakripisyo ang kanilang sarili alang-alang sa krus. Ang Kanyang pagmamahal para sa mga kapatid ay humigit pa sa pagmamahal Niya kay Maria. Itinuring Niyang prinsipyo sa gawaing Kanyang ginawa ang pagpapagaling sa mga maysakit at pagpapalayas ng mga demonyo, lahat para sa kapakanan ng Kanyang pagtubos. Saanman Siya pumunta, pinakitunguhan Niya nang may kabaitan ang lahat ng sumunod sa Kanya. Pinayaman Niya ang mahirap, pinalakad Niya ang pilay, binigyan Niya ng paningin ang bulag, at ng pandinig ang bingi. Inanyayahan pa Niya ang mga pinakaaba, ang mga pinakasalat, ang mga makasalanan, na saluhan Siyang kumain, at hindi Niya sila kailanman iwinaksi kundi palagi Siyang nagpapasensya, na sinasabi pang: “Kung ang isang pastol ay nawawalan ng isa sa isang daan niyang mga tupa, iiwanan niya ang siyamnapu’t siyam upang hanapin ang isang tupang nawawala, at kapag nakita niya ito ay labis siyang magagalak.” Minahal Niya ang Kanyang mga tagasunod gaya ng pagmamahal ng isang inang tupa sa kanyang mga batang tupa. Bagama’t sila ay mga hangal at mangmang, at makasalanan sa Kanyang paningin, at bukod pa riyan ay mga pinakaaba sa lipunan, itinuring Niya ang mga makasalanang ito—mga taong hinamak ng iba—na pinaka-paborito Niya. Dahil paborito Niya sila, ibinigay Niya ang Kanyang buhay para sa kanila, gaya ng isang batang tupa na inialay sa altar. Lumibot Siya sa kanila na parang alipin nila, at hinayaan silang gamitin Siya at patayin Siya, at nagpapasailalim sa kanila nang walang pasubali. Sa Kanyang mga tagasunod Siya ang kaibig-ibig na Tagapagligtas na si Jesus, ngunit sa mga Pariseo, na nagsermon sa mga tao mula sa mataas na pedestal, hindi Siya nagpakita ng awa at kagandahang-loob, kundi ng pagkasuklam at galit. Hindi Siya gumawa ng maraming gawain sa mga Pariseo, paminsan-minsan lamang Niya silang pinangaralan at sinaway; hindi Niya ginawa sa gitna nila ang gawain ng pagtubos, ni hindi Siya nagpakita ng mga tanda at himala. Ipinagkaloob Niya ang Kanyang awa at kagandahang-loob sa Kanyang mga tagasunod, na nagtitiis para sa kapakanan ng mga makasalanang ito hanggang sa kahuli-hulihan, nang Siya ay ipako sa krus, at nagdanas ng bawat kahihiyan hanggang sa lubos Niyang natubos ang buong sangkatauhan. Ito ang kabuuan ng Kanyang gawain.
Kung wala ang pagtubos ni Jesus, nabuhay na sana ang sangkatauhan sa kasalanan magpakailanman at naging mga anak ng kasalanan, mga inapo ng mga demonyo. Kung nagpatuloy ito, naging lupain na sana ni Satanas ang buong mundo, ang lupaing tirahan nito. Gayunman, ang gawain ng pagtubos ay nangailangan ng pagpapakita ng awa at kagandahang-loob sa sangkatauhan; sa pamamagitan lamang nito maaaring tumanggap ng kapatawaran ang sangkatauhan at sa huli ay magkaroon ng karapatang magawang ganap at lubos na makamit ng Diyos. Kung wala ang yugtong ito ng gawain, hindi na sana sumulong ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala. Kung hindi ipinako si Jesus sa krus, kung nagpagaling lamang Siya ng mga maysakit at nagpalayas ng mga demonyo, hindi sana lubusang mapapatawad ang mga tao sa kanilang mga kasalanan. Sa tatlo’t kalahating taon na ginugol ni Jesus sa paggawa ng Kanyang gawain sa lupa, natapos lamang Niya ang kalahati ng Kanyang gawain ng pagtubos; pagkatapos, sa pagpapapako sa Kanya sa krus at pagiging kawangis ng makasalanang laman, sa pagpapasa sa Kanya roon sa masamang isa, natapos Niya ang gawain ng pagpapapako sa krus at napangibabawan ang tadhana ng sangkatauhan. Pagkatapos na ibigay Siya sa mga kamay ni Satanas, saka lamang Niya natubos ang sangkatauhan. Sa loob ng tatlumpu’t tatlo at kalahating taon na nagdusa Siya sa lupa, tinuya, siniraang-puri, at tinalikuran, maging hanggang sa punto na wala Siyang mahimlayan ng Kanyang ulo, walang lugar na mapagpahingahan, at kalaunan ay ipinako Siya sa krus, pati na ang Kanyang buong pagkatao—isang banal at walang-salang katawan—ay ipinako sa krus. Tiniis Niya ang lahat ng klase ng pagdurusa. Tinuya Siya at nilatigo ng mga nasa kapangyarihan, at dinuraan pa Siya ng mga sundalo sa mukha; datapuwat Siya ay nanatiling tahimik at nagtiis hanggang wakas, na sumusunod nang walang pasubali hanggang kamatayan, pagkatapos niyon ay tinubos Niya ang buong sangkatauhan. Noon lamang Siya tinulutang makapagpahinga. Ang gawaing ginawa ni Jesus ay kumakatawan lamang sa Kapanahunan ng Biyaya; hindi ito kumakatawan sa Kapanahunan ng Kautusan, ni hindi ito panghalili sa gawain ng mga huling araw. Ito ang diwa ng gawain ni Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya, ang ikalawang kapanahunan na napagdaanan ng sangkatauhan—ang Kapanahunan ng Pagtubos.