Ang Gawain sa Kapanahunan ng Kautusan

Sa gitna ng sangkatauhan, itinatag ng gawaing ginawa ni Jehova sa mga Israelita ang lugar sa lupa kung saan nagmula ang Diyos, na siya ring banal na lugar kung saan Siya naroroon. Nilimita Niya ang Kanyang gawain sa mga tao ng Israel. Noong una, hindi Siya gumawa sa labas ng Israel, kundi sa halip, pumili Siya ng mga taong itinuring Niyang angkop upang malimitahan ang nasasaklawan ng gawain Niya. Ang Israel ang lugar kung saan nilikha ng Diyos sina Adan at Eba, at ginawa ni Jehova ang tao mula sa alabok sa lugar na iyon; ang lugar na ito ang naging himpilan ng gawain Niya sa lupa. Ang mga Israelita, na mga inapo ni Noe at mga inapo rin ni Adan, ang mga taong naging pundasyon ng gawain ni Jehova sa lupa.

Sa panahong ito, ang kabuluhan, layunin, at mga hakbang ng gawain ni Jehova sa Israel ay upang isakatuparan ang gawain Niya sa buong mundo, na Israel ang nasa sentro at unti-unting lumalaganap sa mga bayan ng mga Hentil. Nakaayon sa prinsipyong ito ang paraan ng Kanyang paggawa sa loob ng sansinukob—nagsisimula sa isang tiyak na punto upang mapakilos ang kabuuan, at pagkatapos ay pinalalawak ang Kanyang gawain hanggang sa ang lahat ng tao sa sansinukob ay makakatanggap ng ebanghelyo Niya. Ang mga unang Israelita ay mga inapo ni Noe. Ang mga taong ito ay pinagkalooban lamang ng hininga ni Jehova, at alam nila kung paano asikasuhin ang mga pangunahing pangangailangan sa buhay, ngunit hindi nila alam kung anong uri ng Diyos si Jehova, o kung ano ang mga layunin Niya para sa tao, lalo na kung paano sila dapat matakot sa Lumikha. Patungkol naman sa kung mayroon bang mga regulasyon at mga kautusan na dapat sundin,[a] o kung may tungkulin bang dapat gawin ang mga nilikha para sa Lumikha, walang alam ang mga inapo ni Adan sa mga bagay na ito. Ang alam lamang nila ay na dapat magsikap at magtrabaho ang asawang lalaki upang matustusan ang pamilya niya, at na dapat magpasakop ang asawang babae sa kanyang asawang lalaki at ipagpatuloy ang lahi ng mga tao na nilikha ni Jehova. Sa madaling salita, ang gayong mga tao, na nagkaroon lamang ng hininga ni Jehova at buhay Niya, ay hindi alam kung paano sundin ang mga kautusan ng Diyos o kung paano mapalugod ang Lumikha. Lubhang napakaliit ang naunawaan nila. Kaya bagama’t walang anumang baliko o mapanlinlang sa puso nila, at bihirang umusbong ang pagseselos at pagtatalo sa kanila, wala silang pagkakilala o pagkaunawa kay Jehova, ang Lumikha. Ang alam lamang ng mga ninunong ito ng tao ay ang kumain ng mga bagay ni Jehova, at magtamasa ng mga bagay ni Jehova, ngunit hindi nila alam kung paano matakot kay Jehova; hindi nila alam na si Jehova ang Siyang dapat nilang sambahin nang nakaluhod. Kaya paano sila matatawag na mga nilikha Niya? Kung magkagayon, hindi ba’t ang mga salitang, “Si Jehova ay ang Lumikha” at “Nilikha Niya ang tao upang maipamalas Siya ng tao, luwalhatiin Siya ng tao, at katawanin Siya ng tao” ay nasabi nang walang katuturan? Paanong ang mga taong walang pusong may takot kay Jehova ay maaaring maging patotoo ng kaluwalhatian Niya? Paano sila maaaring maging pagpapamalas ng kaluwalhatian Niya? Hindi ba’t kung magkagayon, ang mga salita ni Jehova na “Nilikha Ko ang tao sa wangis Ko” ay susunggaban ni Satanas, ang masama? Hindi ba’t kung magkagayon ay magiging isang tatak ng kahihiyan sa paglikha ni Jehova sa tao ang mga salitang ito? Upang tapusin ang yugtong iyon ng gawain, pagkaraang likhain ang sangkatauhan, si Jehova ay hindi sila tinagubilinan o ginabayan mula kay Adan hanggang kay Noe. Sa halip, pagkaraang wasakin ng baha ang daigdig, saka lang Niya pormal na sinimulang gabayan ang mga Israelita, na mga inapo ni Noe at gayundin ni Adan. Ang gawain at mga pagbigkas Niya sa Israel ay nagbigay ng gabay sa lahat ng tao ng Israel habang namumuhay sila sa buong lupain ng Israel, at sa gayon ay nagpakita sa sangkatauhan na si Jehova ay hindi lamang kayang humihip ng hininga sa tao, upang magkaroon ito ng buhay mula sa Kanya at bumangon mula sa alabok at maging nilikhang tao, kundi kaya rin Niyang sunugin ang sangkatauhan, at sumpain ang sangkatauhan, at gamitin ang pamalo Niya upang pamahalaan ang sangkatauhan. Kaya rin nakita nila na kayang gabayan ni Jehova ang buhay ng tao sa lupa, at magsalita at gumawa sa gitna ng sangkatauhan ayon sa mga oras ng araw at ng gabi. Ang gawaing ginawa Niya ay para lamang mabatid ng mga nilikha Niya na nagmula ang tao sa alabok na pinulot Niya, at bukod dito, na ginawa Niya ang tao. Hindi lamang iyan, kundi una Niyang ginawa ang gawain Niya sa Israel upang ang ibang mga tao at mga bansa (na sa katunayan ay hindi hiwalay mula sa Israel, bagkus ay nagsanga mula sa mga Israelita, gayumpaman ay nagmula pa rin kina Adan at Eba) ay maaaring tumanggap ng ebanghelyo ni Jehova mula sa Israel, upang ang lahat ng nilikha sa sansinukob ay magawang matakot kay Jehova at dakilain Siya. Kung hindi sinimulan ni Jehova ang gawain Niya sa Israel, kundi sa halip, pagkatapos likhain ang sangkatauhan, ay hinayaan na lamang silang mamuhay sa lupa nang walang inaalala, kung nagkagayon, dahil sa pisikal na kalikasan ng tao (ang ibig sabihin ng kalikasan ay na hindi kailanman malalaman ng tao ang mga bagay na hindi niya nakikita, na nangangahulugang hindi niya malalaman na si Jehova ang lumikha sa sangkatauhan, at lalo na kung bakit Niya ginawa ito), hindi niya kailanman malalaman na si Jehova ang lumikha sa sangkatauhan o na Siya ang Panginoon ng lahat ng bagay. Kung nilikha ni Jehova ang tao at inilagay ito sa daigdig, at pinagpag lang ang alikabok mula sa mga kamay Niya at umalis na, sa halip na manatili sa gitna ng sangkatauhan para bigyan sila ng gabay sa loob ng ilang panahon, kung gayon, ang buong sangkatauhan ay nauwi na sana sa kawalan; maging ang langit at lupa at lahat ng bagay, na nilikha Niya, at ang buong sangkatauhan, ay nauwi na sana sa kawalan at bukod dito ay nayurakan na sana ni Satanas. Kung nagkagayon, ang ninanais ni Jehova na “Sa lupa, na ibig sabihin, sa gitna ng Kanyang nilikha, maaari Siyang magkaroon ng lugar na matitindigan, isang banal na lugar” ay nasira sana. At kaya, pagkatapos likhain ang sangkatauhan, nanatili Siya kasama nila upang gabayan sila sa kanilang buhay, at kinausap Niya sila habang kasama Niya sila—ang lahat ng ito ay upang maisakatuparan ang pagnanais Niya, at maisakatuparan ang plano Niya. Ang gawain na ginawa Niya sa Israel ay nilayon lamang na isakatuparan ang plano na ginawa Niya bago ang paglikha Niya ng lahat ng bagay, at samakatwid ang paggawa Niya muna sa gitna ng mga Israelita at ang paglikha Niya ng lahat ng bagay ay hindi salungat sa isa’t isa, kundi kapwa ginawa para sa kapakanan ng pamamahala Niya, gawain Niya, at kaluwalhatian Niya, at ginawa upang mapalalim ang kahulugan ng paglikha Niya sa sangkatauhan. Ginabayan Niya ang buhay ng sangkatauhan sa lupa nang dalawang libong taon pagkatapos ni Noe, tinutulungan ang mga tao na maunawaan kung paano matakot kay Jehova, ang Panginoon ng lahat ng bagay, kung paano pangasiwaan ang kanilang buhay, at kung paano mamuhay, at higit sa lahat, kung paano magpatotoo para kay Jehova, magpasakop sa Kanya, at matakot sa Kanya, maging ang purihin Siya sa pamamagitan ng musika gaya ng ginawa ni David at ng mga saserdote niya.

Bago ang dalawang libong taon kung kailan ginawa ni Jehova ang gawain Niya, walang alam ang tao, at nahulog sa kabuktutan ang halos buong sangkatauhan, hanggang, bago ang pagkawasak ng mundo sa pamamagitan ng baha, umabot sila sa isang kasukdulan ng kahalayan at katiwalian, at hinding-hindi tinaglay si Jehova sa kanilang puso, lalo na ang daan Niya. Hindi nila kailanman naunawaan ang gawaing gagawin ni Jehova; wala silang katwiran, lalo nang walang kaalaman, at, katulad ng mga makinang humihinga, ay lubos silang mangmang sa tao, sa Diyos, sa lahat ng bagay, sa buhay, at iba pa. Sa lupa, nakilahok sila sa maraming pang-aakit, katulad ng ahas, at nagsalita ng maraming bagay na nakasakit kay Jehova, ngunit sapagkat mangmang sila, hindi sila kinastigo o dinisiplina ni Jehova. Pagkatapos lamang ng baha, noong si Noe ay 601 taong gulang, pormal na nagpakita si Jehova kay Noe at ginabayan siya at ang pamilya niya, nanguna sa mga ibon at mga hayop na nakaligtas sa baha kasama si Noe at ang mga inapo niya, hanggang sa katapusan ng Kapanahunan ng Kautusan, na tumagal ng 2,500 taon. Gumawa Siya sa Israel, na ibig sabihin, pormal Siyang gumawa, sa loob ng 2,000 taon sa kabuuan, at sabay Siyang gumawa sa Israel at sa labas nito nang 500 taon, na kapag pinagsama ay 2,500 taon. Sa panahong ito, tinagubilinan Niya ang mga Israelita na upang paglingkuran si Jehova, dapat silang magtayo ng isang templo, magsuot ng kasuotan ng mga saserdote, at lumakad nang nakayapak sa templo sa bukang-liwayway, dahil kung hindi ay dudungisan ng mga sapatos nila ang templo ni Jehova at padadalhan sila ng apoy mula sa tuktok ng templo at susunugin sila hanggang sa mamatay sila. Ginampanan nila ang kanilang mga tungkulin at nagpasakop sila sa mga pagsasaayos ni Jehova. Nagdasal sila kay Jehova sa templo, at pagkatapos tumanggap ng paghahayag ni Jehova, na ibig sabihin, pagkatapos magsalita ni Jehova, pinangunahan nila ang maraming tao at tinuruan sila na dapat silang magpakita ng takot kay Jehova—ang Diyos nila. At sinabihan sila ni Jehova na dapat silang magtayo ng templo at ng dambana, at sa panahon ni Jehova, na ibig sabihin, sa Paskuwa, dapat silang maghanda ng mga panganay na guya at cordero upang ilagay sa dambana bilang mga alay upang paglingkuran si Jehova, upang pigilan sila at lagyan ng takot para kay Jehova sa puso nila. Ang pagsunod nila sa kautusang ito ang naging sukatan ng katapatan nila kay Jehova. Inorden din ni Jehova ang araw ng Sabbath para sa kanila, ang ikapitong araw ng paglikha Niya. Kinabukasan pagkaraan ng Sabbath, ginawa Niya ang unang araw, isang araw para purihin nila si Jehova, para mag-alay sa Kanya ng mga handog, at lumikha ng musika para sa Kanya. Sa araw na ito, tinipon ni Jehova ang lahat ng saserdote upang hatiin ang mga handog na nasa dambana para kainin ng mga tao, upang matamasa nila ang mga handog sa dambana ni Jehova. At sinabi ni Jehova na pinagpala sila, na nagbahagi sila sa Kanya, at na sila ang hinirang na mga tao Niya (na siyang tipan ni Jehova sa mga Israelita). Ito ang dahilan kaya hanggang sa araw na ito, sinasabi pa rin ng mga tao ng Israel na si Jehova ay Diyos lamang nila, at hindi Diyos ng mga Hentil.

Noong Kapanahunan ng Kautusan, naglatag si Jehova ng maraming utos upang ipasa ni Moises sa mga Israelitang sumunod sa kanya palabas ng Ehipto. Ang mga utos na ito ay ipinagkaloob ni Jehova sa mga Israelita at walang kaugnayan sa mga taga-Ehipto; nilayon ang mga ito upang pigilan ang mga Israelita, at ginamit Niya ang mga utos upang gumawa ng mga kahingian sa kanila. Kung sinunod ba nila ang Sabbath, kung iginalang ba nila ang kanilang mga magulang, kung sumamba ba sila sa mga diyos-diyosan, at iba pa—ito ang mga prinsipyong ginamit para hatulan silang makasalanan o matuwid. Sa kanila, mayroong ilang tinamaan ng apoy ni Jehova, mayroong ilang binato hanggang sa mamatay sila, at mayroong ilang tumanggap ng pagpapala ni Jehova, at tinukoy ito batay sa kung sinunod ba nila o hindi ang mga utos na ito. Binato hanggang sa mamatay iyong mga hindi sumunod sa Sabbath. Ang mga saserdoteng hindi sumunod sa Sabbath ay tinamaan ng apoy ni Jehova. Binato rin hanggang sa mamatay iyong mga hindi gumalang sa mga magulang nila. Sinang-ayunan ni Jehova ang lahat ng ito. Itinatag ni Jehova ang Kanyang mga utos at kautusan upang, habang pinangungunahan Niya sila sa mga buhay nila, ang mga tao ay makikinig at magpapasakop sa salita Niya at hindi maghihimagsik laban sa Kanya. Ginamit Niya ang mga kautusang ito upang mapanatili sa ilalim ng kontrol ang bagong silang na lahi ng tao, upang mailatag ang sandigan para sa gawain Niya sa hinaharap. At kaya, batay sa gawain na ginawa ni Jehova, tinawag ang unang kapanahunan na Kapanahunan ng Kautusan. Bagama’t maraming ginawang pagbigkas at maraming ginawang gawain si Jehova, ginabayan lamang Niya ang mga tao sa positibong paraan, tinuturuan ang mga mangmang na taong ito kung paano umasal, kung paano mamuhay, at kung paano maunawaan ang daan ni Jehova. Sa pangkalahatan, ang gawaing ginawa Niya ay upang ang mga tao ay tumalima sa daan Niya at sumunod sa mga kautusan Niya. Ang gawain ay ginawa sa mga taong mababaw ang katiwalian; hindi ito umabot sa puntong nagbago na ang kanilang disposisyon o pag-unlad sa buhay. Pinigilan at kinontrol lamang Niya ang mga tao sa pamamagitan ng pagpapasunod sa kanila sa mga kautusan. Para sa mga Israelita sa panahong iyon, si Jehova ay isang Diyos lamang sa templo, isang Diyos sa langit. Isa Siyang haliging ulap, isang haliging apoy. Ang hinihingi lamang ni Jehova na gawin nila ay ang sumunod sa alam ng mga tao ngayon bilang mga kautusan at utos—maaari pa ngang sabihin ng isang tao na mga regulasyon—sapagkat ang ginawa ni Jehova ay hindi nilayon para baguhin sila, kundi para pagkalooban sila ng mas maraming bagay na dapat mayroon ang tao, at para personal na ibigay sa kanila ang mga ito, sapagkat pagkaraang malikha, wala ang tao ng anumang dapat na tinataglay niya. At kaya, ipinagkaloob ni Jehova sa mga tao ang mga bagay na dapat nilang tinataglay para sa mga buhay nila sa lupa, upang malampasan ng mga taong Kanyang pinangunahan ang kanilang mga ninuno, sina Adan at Eba, sapagkat ang ipinagkaloob ni Jehova sa kanila ay higit sa ipinagkaloob Niya kina Adan at Eba sa simula. Anupaman, ang gawaing ginawa ni Jehova sa Israel ay para lamang gabayan ang sangkatauhan at gawin ang sangkatauhan na kilalanin ang Lumikha. Hindi Niya sila nilupig o binago, kundi ginabayan lamang. Ito ang kabuuan ng gawain ni Jehova sa Kapanahunan ng Kautusan. Ito ang konteksto, ang tunay na kuwento, ang diwa ng gawain Niya sa buong lupain ng Israel, at ang simula ng anim na libong taong gawain Niya—ang panatilihin ang sangkatauhan sa ilalim ng pagkontrol ng kamay ni Jehova. Mula rito ay nagkaroon pa ng mas maraming gawain sa anim-na-libong-taong plano ng pamamahala Niya.

Talababa:

a. Wala sa orihinal na teksto ang pariralang “na dapat sundin.”

Sinundan: Ang Gawain ng Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ay ang Gawain Din ng Pagliligtas sa Tao

Sumunod: Ang Tunay na Kuwento ng Gawain sa Kapanahunan ng Pagtubos

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito