Dapat Mong Malaman Kung Paano Umunlad ang Buong Sangkatauhan Hanggang sa Kasalukuyang Araw
Ang kabuuan ng gawaing isinagawa sa loob ng anim na libong taon ay unti-unti nang nagbago habang nagdaraan ang iba’t ibang panahon. Ang mga pagbabago sa gawaing ito ay naging batay sa kabuuang sitwasyon ng mundo at sa mga kalakaran sa pag-unlad ng sangkatauhan sa kabuuan; ang gawain ng pamamahala ay unti-unti lamang nagbago alinsunod dito. Hindi ito nakaplanong lahat mula sa simula ng paglikha. Bago nilikha ang mundo, o hindi nagtagal matapos itong likhain, hindi pa naiplano ni Jehova ang unang yugto ng gawain, ang gawain ng kautusan; ang pangalawang yugto ng gawain, ang gawain ng biyaya; o ang pangatlong yugto ng gawain, ang gawain ng panlulupig, kung saan magsisimula muna Siya sa ilan sa mga inapo ni Moab, at sa pamamagitan nito ay lulupigin Niya ang buong sansinukob. Matapos likhain ang mundo, hindi Niya sinambit kailanman ang mga salitang ito, ni hindi Niya sinambit ang mga ito pagkatapos ng panahon ni Moab, lalong hindi Niya binigkas ang mga ito bago kay Lot. Lahat ng gawain ng Diyos ay ginagawa habang nagpapatuloy Siya. Ganito mismo umusad ang Kanyang buong anim na libong taong gawain ng pamamahala; hindi Niya isinulat ang gayong plano sa anumang paraan, bago nilikha ang mundo, sa hitsura ng isang bagay na katulad ng “Tsart ng Buod para sa Pag-unlad ng Sangkatauhan.” Sa gawain ng Diyos, tuwiran Niyang ipinapahayag kung ano Siya; hindi Niya pinipiga ang utak Niya para makabuo ng isang plano. Mangyari pa, maraming propetang nagpahayag ng napakaraming propesiya, ngunit hindi pa rin masasabi na ang gawain ng Diyos ay laging may tumpak na pagpaplano; ang mga propesiyang iyon ay ginawa ayon sa gawain ng Diyos noon. Lahat ng gawaing Kanyang ginagawa ay ang pinakamakatotohanang gawain. Isinasagawa Niya iyon alinsunod sa pag-unlad ng mga panahon, at ibinabatay iyon sa kung paano nagbabago ang mga bagay-bagay. Para sa Kanya, ang pagsasagawa ng gawain ay tulad ng pagrereseta ng tamang gamot para sa isang karamdaman; habang ginagawa ang Kanyang gawain, nagmamasid Siya, at ipinagpapatuloy Niya ang Kanyang gawain ayon sa Kanyang mga namasdan. Sa bawat yugto ng Kanyang gawain, may kakayahan ang Diyos na ipahayag ang Kanyang sapat na karunungan at kapangyarihan; ibinubunyag Niya ang Kanyang saganang karunungan at awtoridad ayon sa gawain ng anumang partikular na kapanahunan, at tinutulutan ang lahat ng taong iyon na Kanyang ibinalik sa kapanahunang iyon na makita ang Kanyang buong disposisyon. Tinutustusan Niya ang mga pangangailangan ng mga tao alinsunod sa gawaing kailangang gawin sa bawat kapanahunan, ginagawa ang anumang gawaing dapat Niyang gawin. Tinutustusan Niya ang mga pangangailangan ng mga tao batay sa antas na nagawa silang tiwali ni Satanas. Katulad ito ng kung paanong, noong unang likhain ni Jehova sina Adan at Eba, ginawa Niya iyon upang maipamalas nila ang Diyos sa ibabaw ng lupa at upang makapagpatotoo sila sa Diyos sa gitna ng Kanyang mga likha. Gayunman, nagkasala si Eba matapos tuksuhin ng ahas, at gayundin ang ginawa ni Adan; pareho nilang kinain ang bunga ng puno ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama sa hardin. Sa gayon, nagkaroon ng karagdagang gawain si Jehova na isasagawa sa kanila. Nang makita ang kanilang kahubaran, tinakpan Niya ang kanilang katawan ng damit na yari sa mga balat ng hayop. Pagkatapos nito, sinabi Niya kay Adan, “Sapagkat iyong dininig ang tinig ng iyong asawa, at kumain ka ng bunga ng punongkahoy na Aking iniutos sa iyo na sinabi, Huwag kang kakain niyaon: sumpain ang lupa dahil sa iyo … hanggang sa ikaw ay mauwi sa lupa; sapagkat diyan ka kinuha: sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi.” Sinabi Niya sa babae, “Pararamihin Kong lubha ang iyong pighati at ang iyong paglilihi; manganganak kang may kahirapan; at ang iyong pagnanais ay magiging sa iyong asawa, at siya ang mamamahala sa iyo.” Mula noon, pinalayas Niya sila mula sa Hardin ng Eden at idinulot na mamuhay sila sa labas nito tulad ng pamumuhay ngayon ng mga tao sa lupa. Nang likhain ng Diyos ang tao sa pinakasimula, wala Siyang planong hayaan ang tao na tuksuhin ng ahas matapos siyang likhain at pagkatapos ay isumpa ang tao at ang ahas. Wala talaga Siyang ganitong plano; ganoon lamang talaga umusad ang mga bagay na nagbigay sa Kanya ng bagong gawaing gagawin sa gitna ng Kanyang mga likha. Matapos maisagawa ni Jehova ang gawaing ito kina Adan at Eba sa ibabaw ng lupa, patuloy na umunlad ang sangkatauhan sa loob ng ilang libong taon, hanggang sa “nakita ni Jehova na mabigat ang kasamaan ng tao sa lupa, at ang buong haka ng mga pag-iisip ng kanilang puso ay pawang masama lamang na parati. At nagsisi si Jehova na Kanyang nilalang ang tao sa lupa, at nalumbay sa Kanyang puso. … Datapuwat si Noe ay nakasumpong ng biyaya sa mga mata ni Jehova.” Sa panahong ito nagkaroon ng mas maraming bagong gawaing gagawin si Jehova, sapagkat ang sangkatauhan na Kanyang nilikha ay naging masyadong makasalanan matapos tuksuhin ng ahas. Dahil sa sitwasyong ito, sa buong sangkatauhan, piniling sagipin ni Jehova ang pamilya ni Noe, at pagkatapos ay isinagawa Niya ang Kanyang gawaing wasakin ang mundo sa pamamagitan ng isang baha. Patuloy na umunlad ang sangkatauhan sa ganitong paraan hanggang sa araw na ito mismo, na lalong nagiging tiwali, at pagdating ng panahon na makarating ang pag-unlad ng tao sa rurok nito, mangangahulugan ito ng katapusan ng sangkatauhan. Mula sa pinakasimula hanggang sa katapusan ng mundo, ganito na at palaging magiging ganito ang totoong kuwento ng Kanyang gawain. Kapareho ito ng kung paano ibubukod-bukod ang mga tao ayon sa kanilang uri; hindi talaga totoo na bawat klaseng tao ay paunang inorden sa simula pa lang na mabilang sa isang partikular na kategorya; sa halip, unti-unting ikinakategorya ang sangkatauhan pagkatapos lang na sumailalim sa isang proseso ng pag-unlad. Sa katapusan, ang sinumang hindi ganap na maliligtas ay ibabalik sa kanilang “mga ninuno.” Walang isa man sa gawain ng Diyos sa sangkatauhan ang naihanda na nang likhain ang mundo; sa halip, ang pag-unlad ng mga bagay-bagay ang nagtulot sa Diyos na isagawa ang Kanyang gawain sa sangkatauhan sa paisa-isang hakbang at sa mas makatotohanan at praktikal na paraan. Halimbawa, hindi nilikha ng Diyos na si Jehova ang ahas upang tuksuhin ang babae; hindi iyon ang partikular Niyang plano, ni hindi iyon isang bagay na sadya Niyang paunang inorden. Masasabi ng isang tao na isang pangyayari ito na hindi inaasahan. Sa gayon, ito ang dahilan kaya pinalayas ni Jehova sina Adan at Eba mula sa Hardin ng Eden at sumumpa Siya na hindi na Siya muling lilikha ng tao kailanman. Gayunman, natutuklasan lamang ng mga tao ang karunungan ng Diyos batay sa pundasyong ito. Katulad lamang ito ng sinabi Ko kanina: “Ginagamit Ko ang Aking karunungan batay sa mga pakana ni Satanas.” Paano man maging tiwali ang sangkatauhan o paano man sila matukso ng ahas, taglay pa rin ni Jehova ang Kanyang karunungan; kaya, mula nang likhain Niya ang mundo, gumagawa na Siya ng bagong gawain, at wala sa mga hakbang ng gawaing ito ang naulit kailanman. Patuloy na isinasagawa ni Satanas ang kanyang mga pakana, walang tigil na ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, at walang tigil na isinasagawa ng Diyos na si Jehova ang Kanyang matalinong gawain. Hindi Siya nabigo kailanman, ni hindi Siya tumigil sa paggawa kailanman, mula nang likhain ang mundo. Matapos magawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, patuloy Siyang gumagawa sa gitna nila upang talunin ito, ang kaaway na nagtiwali sa sangkatauhan. Ang labanang ito ay nag-alab na sa simula pa lamang, at magpapatuloy hanggang sa katapusan ng mundo. Sa paggawa ng napakaraming gawain, hindi lamang tinulutan ng Diyos na si Jehova ang mga tao, na nagawang tiwali ni Satanas, na matanggap ang Kanyang dakilang pagliligtas, kundi tinulutan din silang makita ang Kanyang karunungan, pagkamakapangyarihan-sa-lahat, at awtoridad. Higit pa rito, sa huli, hahayaan Niyang makita nila ang Kanyang matuwid na disposisyon—ang pagpaparusa sa masama at paggantimpala sa mabuti. Nilabanan na Niya si Satanas hanggang sa araw na ito at hindi Siya natalo kailanman. Ito ay dahil Siya ay isang matalinong Diyos, at ginagamit Niya ang Kanyang karunungan batay sa mga pakana ni Satanas. Samakatwid, hindi lamang ginagawa ng Diyos na magpasakop ang lahat ng nasa langit sa Kanyang awtoridad, kundi idinudulot din Niya na manahan ang lahat ng nasa ibabaw ng lupa sa ilalim ng Kanyang bangkilyo. Bukod dito, idinudulot Niya na mahulog ang masasamang sumasalakay at gumagambala sa sangkatauhan sa loob ng Kanyang pagkastigo. Ang lahat ng resulta ng gawaing ito ay nakakamtan dahil sa Kanyang karunungan. Hindi Niya naibunyag kailanman ang Kanyang karunungan bago umiral ang sangkatauhan, sapagkat wala Siyang mga kaaway sa langit, sa ibabaw ng lupa, o saanman sa buong sansinukob, at sa gitna ng lahat ng bagay, walang paglusob ng mga puwersa ng kadiliman. Matapos Siyang ipagkanulo ng arkanghel, nilikha Niya ang sangkatauhan sa ibabaw ng lupa, at dahil sa sangkatauhan kaya Niya pormal na sinimulan ang Kanyang libo-libong-taong pakikidigma kay Satanas, ang arkanghel—isang digmaang lalong umiigting sa bawat sumunod na yugto. Naroon ang Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat at karunungan sa bawat isa sa mga yugtong ito. Saka lamang nasaksihan ng lahat ng nasa langit at nasa ibabaw ng lupa ang karunungan, pagkamakapangyarihan-sa-lahat, at, higit pa rito, ang pagiging praktikal ng Diyos. Isinasagawa pa rin Niya ang gawain sa ganito ring praktikal na paraan hanggang sa araw na ito; dagdag pa rito, habang isinasagawa Niya ang Kanyang gawain, ibinubunyag din Niya ang Kanyang karunungan at pagkamakapangyarihan-sa-lahat. Tinutulutan Niya kayong makita ang totoong kuwento ng bawat yugto ng gawain, makita kung paano talaga ipaliwanag ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, at higit sa lahat, makita ang isang tiyak na paliwanag tungkol sa pagiging praktikal ng Diyos.
Tungkol sa pagkakanulo ni Hudas kay Jesus, iniisip ng ilang tao: Hindi ba’t pauna na itong inorden bago pa nilikha ang mundo? Ang totoo, pinlano ito ng Banal na Espiritu batay sa realidad ng panahon. Nangyari lamang na may isang taong nagngangalang Hudas na palaging nagnanakaw ng pera, kaya pinili ang taong ito upang gumanap sa papel na ito at magserbisyo nang ganito. Ito ay halimbawa ng paggamit sa mga materyal na mayroon na. Walang kaalam-alam si Jesus tungkol dito noong una; nalaman lamang Niya iyon kalaunan, matapos mabunyag si Hudas. Kung may iba pa sanang makakaganap sa papel na ito, ang taong iyon sana ang gumawa nito sa halip na si Hudas. Yaong paunang inorden, sa katunayan, ay isang bagay na ginawa ng Banal na Espiritu sa sandaling iyon. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay palaging ginagawa habang nagpapatuloy Siya; maipaplano Niya ang Kanyang gawain anumang oras, at maisasagawa ito anumang oras. Bakit Ko ba palaging sinasabi na ang gawain ng Banal na Espiritu ay makatotohanan, at na ito ay palaging bago, hindi kailanman luma, at palaging lubos na sariwa? Ang Kanyang gawain ay hindi pa naiplano bago nilikha ang mundo; hindi talaga ganoon ang nangyari! Bawat hakbang ng gawain ay natatamo ang tamang epekto nito para sa nauukol na panahon, at ang mga hakbang ay hindi nakakagambala sa isa’t isa. Sa maraming pagkakataon, ang mga planong maaaring nasa isip mo ay sadyang hindi makakasabay sa pinakabagong gawain ng Banal na Espiritu. Ang Kanyang gawain ay hindi kasing-simple ng ikinakatwiran ng tao, ni hindi ito kasingkomplikado ng iniisip ng tao—ito ay binubuo ng pagtustos sa mga tao anumang oras at saanmang lugar alinsunod sa kanilang mga pangangailangan ng panahong iyon. Walang sinumang mas nalilinawan tungkol sa diwa ng mga tao kaysa sa Kanya, at dahil mismo rito kaya walang umaangkop sa makatotohanang mga pangangailangan ng mga tao na katulad ng Kanyang gawain. Samakatwid, mula sa pananaw ng isang tao, tila napagplanuhan ang Kanyang gawain nang maaga nang ilang libong taon. Habang Siya ay gumagawa sa gitna ninyo ngayon, gumagawa Siya ng gawain at nagsasalita anumang oras at kahit saan ayon sa mga kalagayan ninyo. Mayroon Siyang tamang mga salitang sasabihin kapag nakatagpo ng mga kalagayang ito, na sumasambit ng mga salitang kailangan mismo ng mga tao. Gamiting halimbawa ang unang hakbang ng Kanyang gawain: ang panahon ng pagkastigo. Pagkatapos niyan, isinagawa ng Diyos ang Kanyang gawain batay sa kung ano ang ipinamalas ng mga tao, ang kanilang paghihimagsik, ang mga positibong kalagayan na lumitaw mula sa kanila at ang mga negatibong kalagayan, gayundin kung gaano sila nagiging negatibo kapag umabot sa isang partikular na punto ang kanilang pagkanegatibo; at sinunggaban at ginamit Niya ang mga bagay na ito upang magkamit ng mas magandang resulta sa Kanyang gawain. Ibig sabihin, ginagawa Niya ang gawain ng pagtutustos sa mga tao, batay sa anumang kasalukuyan nilang kalagayan sa anumang oras; isinasagawa Niya ang bawat hakbang ng Kanyang gawain ayon sa aktuwal na mga kalagayan ng mga tao. Lahat ng nilikha ay nasa Kanyang mga kamay; paanong hindi Niya sila kilala? Isinasagawa ng Diyos ang susunod na hakbang ng gawain na dapat gawin, anumang oras at saanmang lugar, alinsunod sa mga kalagayan ng mga tao. Hindi paunang itinadhana ang gawaing ito mula pa noong unang panahon; iyan ay isang kuru-kuro ng tao! Gumagawa Siya habang inoobserbahan ang mga epekto ng Kanyang gawain, at patuloy na lumalalim at umuunlad ang Kanyang gawain; matapos obserbahan ang mga resulta ng Kanyang gawain, ipinatutupad Niya ang susunod na hakbang ng Kanyang gawain. Gumagamit Siya ng maraming bagay upang unti-unting lumipat at ibunyag sa mga tao ang Kanyang bagong gawain sa paglipas ng panahon. Ang ganitong paraan ng paggawa ay kayang magtustos sa mga pangangailangan ng mga tao, sapagkat kilalang-kilala ng Diyos ang mga tao. Ganito Niya isinasagawa ang Kanyang gawain mula sa langit. Gayundin, ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang gawain sa parehong paraan, na gumagawa ng mga pagsasaayos at gumagawa sa gitna ng mga tao ayon sa aktuwal na mga sitwasyon. Walang isa man sa Kanyang mga gawain ang naisaayos bago nilikha ang mundo, ni masusing naiplano nang maaga. Dalawang libong taon matapos likhain ang mundo, nakita ni Jehova ang antas ng pagiging tiwali ng sangkatauhan, kaya ginamit Niya ang bibig ng propetang si Isaias upang ipropesiya na, pagkaraang matapos ang Kapanahunan ng Kautusan, isasagawa ni Jehova ang Kanyang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan sa Kapanahunan ng Biyaya. Ito ang plano ni Jehova, mangyari pa, ngunit ang planong ito ay ginawa rin ayon sa mga sitwasyong namamasdan Niya noon; hindi Niya ito inisip kaagad matapos likhain si Adan. Nagpropesiya lamang si Isaias, ngunit hindi gumawa ng maagang mga paghahanda si Jehova para sa gawaing ito noong Kapanahunan ng Kautusan; sa halip, pinasimulan Niya ito sa simula ng Kapanahunan ng Biyaya, nang magpakita ang sugo sa panaginip ni Jose na may dalang paghahayag na ang Diyos ay magiging tao, at saka lamang nagsimula ang Kanyang gawain ng pagkakatawang-tao. Hindi naghanda ang Diyos, na tulad ng akala ng mga tao, para sa Kanyang gawain ng pagkakatawang-tao matapos agad likhain ang mundo; napagpasyahan lamang iyon batay sa antas ng pag-unlad ng sangkatauhan at sa kalagayan ng Kanyang pakikibaka kay Satanas.
Kapag nagiging tao ang Diyos, bumababa ang Kanyang Espiritu sa isang tao; sa madaling salita, binibihisan ng Espiritu ng Diyos ng pisikal na katawan ang Kanyang sarili. Pumaparito Siya upang gawin ang Kanyang gawain sa ibabaw ng lupa hindi upang magdala Siya ng ilang limitadong hakbang; ang Kanyang gawain ay talagang hindi limitado. Ang gawaing ginagawa ng Banal na Espiritu sa katawang-tao ay pinagpapasyahan pa rin batay sa mga resulta ng Kanyang gawain, at ginagamit Niya ang gayong mga bagay upang pagdesisyunan ang haba ng panahon kung kailan gagawin Niya ang gawain habang nasa katawang-tao. Direktang ibinubunyag ng Banal na Espiritu ang bawat hakbang ng Kanyang gawain, na sinusuri ang Kanyang gawain habang Siya ay nagpapatuloy; ang gawaing ito ay hindi lubhang higit-sa-karaniwan para lumampas sa mga hangganan ng imahinasyon ng tao. Katulad ito ng gawain ni Jehova sa paglikha ng langit at lupa at lahat ng bagay; nagplano Siya at gumawa nang sabay. Inihiwalay Niya ang liwanag mula sa kadiliman, at nagkaroon ng umaga at gabi—inabot ito ng isang araw. Sa ikalawang araw, nilikha Niya ang langit, at inabot din iyan ng isang araw; pagkatapos ay nilikha Niya ang lupa, ang karagatan, at lahat ng nilalang na naninirahan doon, na kinailangan ng isa pang araw. Nagpatuloy ito hanggang sa ikaanim na araw, nang likhain ng Diyos ang tao at hinayaan siyang pamahalaan ang lahat ng bagay sa lupa. Pagkatapos, sa ikapitong araw, matapos Niyang likhain ang lahat ng bagay, Siya ay nagpahinga. Pinagpala ng Diyos ang ikapitong araw at itinalaga ito bilang isang banal na araw. Nagpasya lamang Siyang italaga ang banal na araw na ito matapos Niyang likhain ang lahat ng bagay, hindi bago nilikha ang mga ito. Ang gawaing ito ay isinagawa rin habang nagpapatuloy Siya; bago nilikha ang lahat ng bagay, hindi pa Siya nakapagpasyang likhain ang mundo sa loob ng anim na araw at pagkatapos ay magpahinga sa ikapito; hindi man lamang ganoon ang totoong nangyari. Wala Siyang sinabing ganoon, ni hindi iyon ang Kanyang plano. Hindi Niya sinabi sa anumang paraan na ang paglikha ng lahat ng bagay ay matatapos sa ikaanim na araw at na Siya ay magpapahinga sa ikapito; sa halip, lumikha Siya ayon sa kung ano ang mabuti sa tingin Niya noon. Nang matapos Niyang likhain ang lahat, ikaanim na araw na. Kung natapos Niyang likhain ang lahat sa ikalimang araw, itatalaga Niyang banal na araw ang ikaanim na araw. Gayunman, talagang natapos Niyang likhain ang lahat sa ikaanim na araw, at sa gayon ay naging banal na araw ang ikapitong araw, na naipasa hanggang sa araw na ito mismo. Samakatwid, isinasagawa ang Kanyang kasalukuyang gawain sa ganito ring paraan. Nagsasalita Siya alinsunod sa inyong mga kalagayan para matustusan ang inyong mga pangangailangan. Ibig sabihin, nagsasalita at gumagawa ang Espiritu ayon sa mga kalagayan ng mga tao; sinisiyasat Niya ang lahat at gumagawa Siya anumang oras at saanmang lugar. Yaong Aking ginagawa, sinasabi, inilalagak sa inyo, at ipinagkakaloob sa inyo, nang walang eksepsyon, ay yaong inyong kailangan. Sa gayon, walang isa man sa Aking gawain ang hiwalay sa realidad; praktikal ang lahat ng ito, sapagkat alam ninyong lahat na “sinisiyasat ng Espiritu ng Diyos ang lahat.” Kung napagpasyahan na ang lahat ng ito nang maaga, hindi kaya ito masyadong mahigpit na nakatakda? Iniisip mo na gumawa ng mga plano ang Diyos sa loob ng buong anim na libong taon at paunang inorden na ang sangkatauhan ay maging mapaghimagsik, lumalaban, baliko at mapanlinlang, at magtaglay ng katiwalian ng laman, isang satanikong disposisyon, ng pagnanasa ng mga mata, at ng indibiduwal na mga pagpapasasa. Walang isa man dito ang paunang inorden ng Diyos, kundi sa halip ay nangyaring lahat iyon dahil sa pagtitiwali ni Satanas. Maaaring sabihin ng ilan, “Hindi ba hawak din ng Diyos si Satanas? Paunang inorden ng Diyos na gagawing tiwali ni Satanas ang tao sa ganitong paraan, at pagkatapos niyon, isinagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa tao.” Pauna nga ba talagang ioorden ng Diyos na gawing tiwali ni Satanas ang sangkatauhan? Sabik na sabik ang Diyos na tulutan ang sangkatauhan na mabuhay nang normal, kaya guguluhin ba Niya ang buhay nila? Kung gayon, hindi ba magiging walang saysay ang pagsisikap na talunin si Satanas at iligtas ang sangkatauhan? Paanong paunang inorden ang paghihimagsik ng sangkatauhan? Isang bagay ito na nangyari dahil sa panggugulo ni Satanas, kaya paanong paunang inorden ito ng Diyos? Ang Satanas na hawak ng Diyos na inaakala ninyo ay ibang-iba sa Satanas na hawak ng Diyos na binabanggit Ko. Ayon sa inyong mga pahayag na “Ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat, at si Satanas ay nasa Kanyang mga kamay,” hindi Siya kailanman maaaring ipagkanulo ni Satanas. Hindi ba sabi mo, ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat? Masyadong abstrakto ang inyong kaalaman, at malayo sa realidad; hindi kailanman maaarok ng tao ang mga kaisipan ng Diyos o ang Kanyang karunungan! Ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat; hindi talaga ito isang kasinungalingan. Ipinagkanulo ng arkanghel ang Diyos dahil sa simula ay binigyan ito ng Diyos ng isang bahagi ng awtoridad. Siyempre, hindi inaasahan ang pangyayaring ito, tulad noong mahulog si Eba sa tukso ng ahas. Gayunman, paano man isagawa ni Satanas ang pagkakanulo nito, hindi pa rin ito makapangyarihan sa lahat na katulad ng Diyos. Tulad ng nasabi ninyo, malakas lamang si Satanas; anuman ang gawin nito, lagi itong matatalo ng awtoridad ng Diyos. Ito ang tunay na kahulugan ng kasabihang, “Ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat, at si Satanas ay nasa Kanyang mga kamay.” Samakatwid, ang pakikidigma kay Satanas ay kailangang isagawa sa paisa-isang hakbang. Bukod pa riyan, ipinaplano ng Diyos ang Kanyang gawain bilang sagot sa mga pakana ni Satanas—ibig sabihin, naghahatid Siya ng kaligtasan sa sangkatauhan at ibinubunyag Niya ang Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat at karunungan sa isang paraan na akma sa kapanahunan. Gayundin, ang gawain sa mga huling araw ay hindi paunang inorden noon pa man, bago ang Kapanahunan ng Biyaya; ang mga bagay-bagay ay hindi paunang inorden sa gayon kaayos na paraang tulad nito: una, pinagbabago ang panlabas na disposisyon ng tao; pangalawa, isinasailalim ang tao sa Kanyang pagkastigo at mga pagsubok; pangatlo, pinagdaranas ang tao ng pagsubok na kamatayan; pang-apat, ipinararanas sa tao ang panahon ng pagmamahal sa Diyos at idinudulot na ang tao ay magpahayag ng determinasyon ng isang nilikha; panglima, tinutulutan ang tao na makita ang mga layunin ng Diyos at lubusan Siyang makilala, at sa wakas ay ginagawang ganap ang tao. Hindi Niya ipinlano ang lahat ng bagay na ito noong Kapanahunan ng Biyaya; sa halip, sinimulan Niyang planuhin ang mga ito sa kasalukuyang panahon. Gumagawa si Satanas, gayundin ang Diyos. Ipinapahayag ni Satanas ang tiwaling disposisyon nito, samantalang tuwirang nagsasalita ang Diyos at gumagawa ng mga pagbigkas, inilalantad ang ilang esensiyal na bagay. Ito ang gawaing ginagawa ngayon, at mayroong parehong prinsipyo sa paggawa na ginamit noong araw, matapos likhain ang mundo.
Una ay nilikha ng Diyos sina Adan at Eba, at lumikha rin Siya ng ahas. Sa lahat ng bagay, ang ahas ang pinakamakamandag; ang katawan nito ay may lason, na ginamit ni Satanas upang samantalahin ito. Ang ahas ang nanukso kay Eba na magkasala. Nagkasala si Adan pagkatapos ni Eba, at pagkatapos ay nagawa nilang dalawa na makatukoy sa pagitan ng mabuti at masama. Kung alam ni Jehova na tutuksuhin ng ahas si Eba at na tutuksuhin ni Eba si Adan, bakit Niya sila inilagay lahat sa loob ng isang hardin? Kung nagawa Niyang hulaan ang mga bagay na ito, bakit Niya nilikha ang ahas at inilagay ito sa loob ng Hardin ng Eden? Bakit nasa Hardin ng Eden ang bunga ng puno ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama? Layon ba Niyang kainin nila ang bunga? Nang dumating si Jehova, hindi nangahas si Adan ni si Eba na harapin Siya, at noon lamang nalaman ni Jehova na kinain na nila ang bunga ng puno ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama at nabiktima sila ng panlilinlang ng ahas. Sa huli, isinumpa Niya ang ahas, at isinumpa rin Niya sina Adan at Eba. Nang kainin nilang dalawa ang bunga ng puno, hindi talaga alam ni Jehova na ginagawa nila iyon noon. Naging tiwali ang sangkatauhan hanggang sa maging buktot sila at malaswa, hanggang sa lahat ng kinimkim nila sa kanilang puso ay masama at hindi matuwid; lahat ng iyon ay marumi. Sa gayon ay pinagsisihan ni Jehova ang paglikha sa sangkatauhan. Pagkatapos niyon, isinagawa Niya ang Kanyang gawaing wasakin ang mundo sa pamamagitan ng baha, na naligtasan ni Noe at ng kanyang mga anak. Ang ilang bagay ay hindi talaga kasing-abante at higit-sa-karaniwan na tulad ng maaaring isipin ng mga tao. Nagtatanong ang ilan: “Yamang alam ng Diyos na ipagkakanulo Siya ng arkanghel, bakit Niya ito nilikha?” Narito ang mga tunay na nangyari: Bago umiral ang mundo, ang arkanghel ang pinakadakila sa mga anghel sa langit. Mayroon itong kapangyarihan sa lahat ng anghel sa langit; ito ang awtoridad na ibinigay rito ng Diyos. Maliban sa Diyos, ito ang pinakadakila sa mga anghel sa langit. Kalaunan, matapos likhain ng Diyos ang sangkatauhan, sa lupa naman ay nagsagawa ng mas malaki pang pagkakanulo ang arkanghel laban sa Diyos. Sinasabi Ko na ipinagkanulo nito ang Diyos dahil nais nitong pamahalaan ang sangkatauhan at lampasan ang awtoridad ng Diyos. Ang arkanghel ang nanukso kay Eba na magkasala, at ginawa ito dahil nais nitong itatag ang kaharian nito sa lupa at na ipagkanulo ng sangkatauhan ang Diyos at sa halip ay sundin nila ang arkanghel. Nakita ng arkanghel na maaari itong sundin ng napakaraming bagay—magagawa iyon ng mga anghel, gayundin ng mga tao sa ibabaw ng lupa. Ang mga ibon at hayop, mga puno, kagubatan, kabundukan, mga ilog, ang lahat ng bagay sa ibabaw ng lupa ay nasa pangangalaga ng mga tao—ibig sabihin, nina Adan at Eba—samantalang sinunod nina Adan at Eba ang arkanghel. Sa gayon ay hinangad ng arkanghel na lampasan ang awtoridad ng Diyos at ipagkanulo ang Diyos. Pagkatapos niyon, pinamunuan nito ang maraming anghel na ipagkanulo ang Diyos, na kalaunan ay naging iba’t ibang uri ng maruruming espiritu. Hindi ba’t ang pagtitiwali ng arkanghel ang sanhi ng nangyari sa sangkatauhan hanggang sa araw na ito? Naging ganito lamang ang sangkatauhan ngayon dahil ipinagkanulo ng arkanghel ang Diyos at ginawang tiwali ang sangkatauhan. Ang paisa-isang hakbang na gawaing ito ay hindi abstrakto at simple na katulad ng maaaring isipin ng tao. Isinagawa ni Satanas ang pagkakanulo nito sa isang dahilan, subalit hindi naintindihan ng mga tao ang gayon kasimpleng bagay. Bakit ang Diyos, na lumikha ng langit at lupa at lahat ng bagay, ay nilikha rin si Satanas? Yamang labis na kinamumuhian ng Diyos si Satanas, at si Satanas ay Kanyang kaaway, bakit Niya nilikha si Satanas? Sa paglikha kay Satanas, hindi ba Siya lumikha ng isang kaaway? Hindi talaga lumikha ng isang kaaway ang Diyos; sa halip, lumikha Siya ng isang anghel, at kalaunan ay ipinagkanulo Siya ng anghel na iyon. Tumaas nang husto ang katayuan nito na ninais nitong ipagkanulo ang Diyos. Masasabi na nagkataon lamang ito, ngunit hindi rin ito maiiwasan. Kapareho ito ng kung paanong hindi maiiwasang mamatay ang isang tao pagdating sa takdang gulang; umabot lamang talaga ang mga bagay sa yugtong ito. Sinasabi pa ng ilang balighong hangal, “Yamang kaaway Mo si Satanas, bakit Mo ito nilikha? Hindi Mo ba alam na ipagkakanulo Ka ng arkanghel? Hindi ba’t tumititig Ka mula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan? Hindi Mo ba alam ang kalikasan ng arkanghel? Yamang malinaw Mong alam na ipagkakanulo Ka nito, bakit Mo ito ginawang arkanghel? Hindi Ka lamang nito ipinagkanulo, isinama rin nito ang napakaraming iba pang anghel at bumaba sa mundo ng mga mortal upang gawing tiwali ang sangkatauhan, at hanggang sa araw na ito, hindi Mo pa rin natatapos ang Iyong anim na libong taong plano ng pamamahala.” Tama ba ang mga salitang iyon? Kapag ganito ang iniisip mo, hindi ba’t nag-aaksaya ka ng lakas pangkaisipan? May iba pang nagsasabing, “Kung hindi ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan hanggang sa araw na ito, hindi sana iniligtas ng Diyos ang sangkatauhan nang ganito. Sa gayon, hindi sana nakita ang karunungan at ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos; saan sana naibunyag ang Kanyang karunungan? Para kay Satanas kaya lumikha ang Diyos ng isang sangkatauhan upang maibunyag kalaunan ang Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat—kung hindi, paano matutuklasan ng tao ang karunungan ng Diyos? Kung hindi nilabanan ng tao ang Diyos o naghimagsik laban sa Kanya, hindi kinakailangang mabunyag ang Kanyang mga gawa. Kung sasamba at susunod sa Kanya ang lahat ng nilikha, wala sana Siyang gawaing gagawin.” Mas malayo pa ito sa realidad, sapagkat walang marumi tungkol sa Diyos, at kaya hindi Siya maaaring lumikha ng dumi. Ibinubunyag Niya ang Kanyang mga gawa ngayon para lamang matalo ang Kanyang kaaway, iligtas ang mga taong Kanyang nilikha, at talunin ang mga demonyo at si Satanas, na kinamumuhian, ipinagkakanulo, at nilalabanan ang Diyos, at nasa ilalim ng Kanyang kapamahalaan at pag-aari Niya sa simula pa lamang. Nais ng Diyos na talunin ang mga demonyong ito at, sa paggawa nito, ibunyag ang Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat sa lahat ng bagay. Ang sangkatauhan at lahat ng nasa lupa ay nasa ilalim ngayon ng kapangyarihan ni Satanas at nasa ilalim ng kapangyarihan ng masasama. Nais ng Diyos na ibunyag ang Kanyang mga gawa sa lahat ng bagay upang makilala Siya ng mga tao, at sa gayon ay matalo si Satanas at lubos na magapi ang Kanyang mga kaaway. Ang kabuuan ng gawaing ito ay naisasakatuparan sa pamamagitan ng pagbubunyag ng Kanyang mga gawa. Lahat ng Kanyang likha ay nasa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, kaya nais ng Diyos na ibunyag sa kanila ang Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat, sa gayon ay matalo si Satanas. Kung walang Satanas, hindi Niya kakailanganing ibunyag ang Kanyang mga gawa. Kung hindi dahil sa panggugulo ni Satanas, pagkatapos likhain ng Diyos ang sangkatauhan, inakay Niya sana sila na manirahan sa Hardin ng Eden. Bakit, bago ang pagkakanulo ni Satanas, hindi kailanman ibinunyag ng Diyos ang lahat ng Kanyang mga gawa sa mga anghel o sa arkanghel? Kung, sa simula, nakilala ng lahat ng anghel at ng arkanghel ang Diyos at nagpasakop sa Kanya, hindi sana isinagawa ng Diyos ang mga walang-kabuluhang kilos na iyon ng gawain. Dahil mayroong Satanas at mga demonyo, at dahil nilabanan ng mga tao ang Diyos at punung-puno ng mga mapaghimagsik na disposisyon, ibubunyag ng Diyos kung gayon ang Kanyang mga gawa. Dahil makikipaglaban Siya kay Satanas, kailangan Niyang gamitin ang Kanyang sariling awtoridad at lahat ng Kanyang gawa upang talunin ito; sa ganitong paraan, ang gawain ng pagliligtas na Kanyang isinasagawa sa gitna ng mga tao ay tutulutan silang makita ang Kanyang karunungan at pagkamakapangyarihan-sa-lahat. Ang gawaing ginagawa ng Diyos ngayon ay makabuluhan, at sa anumang paraan ay hindi katulad ng tinutukoy ng ilang tao kapag sinasabi nilang, “Hindi ba salungat ang gawaing ginagawa Mo? Hindi ba ang sunod-sunod na gawaing ito ay pagsasagawa lamang sa panggugulo sa Iyong Sarili? Nilikha Mo si Satanas, at pagkatapos ay hinayaan Mo itong ipagkanulo at labanan Ka. Nilikha Mo ang mga tao, at ipinasa sila kay Satanas, at tinulutan Mong matukso sina Adan at Eba. Yamang sinadya Mong gawin ang lahat ng ito, bakit kinamumuhian Mo pa rin ang sangkatauhan? Bakit kinamumuhian Mo si Satanas? Hindi ba Ikaw ang may kagagawan ng lahat ng ito? Ano pa ang kamumuhian Mo?” Maraming kakatwang taong nagsasabi ng gayong mga bagay. Nais nilang mahalin ang Diyos, ngunit sa kanilang puso ay nagrereklamo sila tungkol sa Diyos. Napakalaking kontradiksyon! Hindi mo nauunawaan ang mga katunayan, napakarami mong ideyang higit-sa-karaniwan, at sinasabi mo pa na nagkamali ang Diyos—kakatwa ka talaga! Ikaw ang nagbabaluktot sa mga katunayan; hindi nagkamali ang Diyos! Paulit-ulit na inirereklamo ng ilang tao, “Ikaw ang lumikha kay Satanas, at inihagis Mo si Satanas sa mga tao at ipinasa rito ang sangkatauhan. Nang magtaglay ang mga tao ng mga satanikong disposisyon, hindi Mo sila pinatawad; bagkus, kinamuhian Mo sila hanggang sa isang partikular na antas. Sa simula ay minahal Mo sila hanggang sa isang partikular na antas, ngunit ngayon ay kinamumuhian Mo na sila. Ikaw ang namuhi sa sangkatauhan, subalit Ikaw rin ang nagmahal sa sangkatauhan. Ano ba talaga ang nangyayari dito? Hindi ba magkasalungat ito?” Paano man ninyo ito tingnan, ito ang nangyari sa langit; ganito ipinagkanulo ng arkanghel ang Diyos at ginawang tiwali ang sangkatauhan, at ganito nagpapatuloy ang mga tao hanggang sa araw na ito. Paano man ninyo ito sabihin, iyan ang buong salaysay. Gayunman, kailangan ninyong maunawaan na ang buong layunin sa likod ng gawaing ito na ginagawa ng Diyos ngayon ay upang iligtas kayo at talunin si Satanas.
Dahil ang mga anghel ay partikular na marupok at walang mga kakayahang masasabi, naging mayabang sila sa sandaling nabigyan sila ng awtoridad. Sa partikular, ang arkanghel ay may mas mataas na posisyon kaysa sa lahat ng iba pang anghel; isa itong hari sa gitna ng mga anghel. Sa ilalim ni Jehova, inakay nito ang milyon-milyong anghel, at ang awtoridad nito ay humigit sa awtoridad ng iba pang mga anghel. Ninais nitong gawin ang iba’t ibang bagay, at akayin ang mga anghel pababa sa mga tao upang kontrolin ang mundo. Sinabi ng Diyos na Siya Yaong namamahala sa sansinukob; ngunit sinabi ng arkanghel na ito ang namamahala sa sansinukob—mula noon, ipinagkanulo ng arkanghel ang Diyos. Lumikha na ng isa pang mundo sa langit ang Diyos, at ninais ng arkanghel na kontrolin ang mundong ito at bumaba rin sa mortal na dako. Maaari ba itong payagan ng Diyos na gawin iyon? Sa gayon, hinampas Niya ang arkanghel at inihagis ito sa ere. Mula nang gawin nitong tiwali ang mga tao, nakidigma na ang Diyos sa arkanghel upang iligtas sila; ginamit Niya ang anim na libong taon na ito para talunin ito. Sa inyong mga imahinasyon, ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat. Ang inyong mga imahinasyon ay salungat sa gawaing kasalukuyang ginagawa ng Diyos; ang mga ito ay lubos na hindi magagawa, at lubhang walang-katotohanan! Ang totoo, ipinahayag lamang ng Diyos na kaaway Niya ang arkanghel matapos itong magkanulo. Dahil lamang sa pagkakanulo nito kaya niyurakan ng arkanghel ang sangkatauhan matapos dumating sa mortal na dako, at dahil dito kaya umabot na ang sangkatauhan sa puntong ito. Matapos mangyari iyan, sumumpa ang Diyos kay Satanas: “Tatalunin kita at ililigtas Ko ang lahat ng taong Aking nilikha.” Hindi nakumbinsi noong una, sumagot si Satanas, “Ano ba talaga ang kaya mong gawin sa akin? Talaga bang kaya mo akong hampasin pababa sa ere? Talaga bang kaya mo akong talunin?” Matapos itong ihagis ng Diyos sa ere, hindi na Niya ito pinansin, at kalaunan ay sinimulang iligtas ang sangkatauhan at isagawa ang Kanyang sariling gawain sa kabila ng patuloy na mga panggugulo ni Satanas. Nagawa ni Satanas ang iba’t ibang bagay, ngunit dahil iyon lahat sa mga kapangyarihang dati nang ibinigay rito ng Diyos; dinala nito ang mga iyon sa ere, at tinataglay ang mga iyon hanggang sa araw na ito. Nang ihagis Niya ang arkanghel sa ere, hindi binawi ng Diyos ang awtoridad nito, kaya nga patuloy na ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan. Sa kabilang dako, nagsimula ang Diyos na iligtas ang sangkatauhan, na nagawang tiwali ni Satanas hindi nagtagal matapos silang likhain. Hindi ibinunyag ng Diyos ang Kanyang mga gawa habang nasa langit; gayunman, bago nilikha ang mundo, pinayagan Niya ang mga tao sa mundong Kanyang nilikha sa langit na makita ang Kanyang mga gawa, sa gayon ay ginabayan ang mga taong iyon sa itaas ng langit. Binigyan Niya sila ng karunungan at katalinuhan, at inakay ang mga taong iyon na manirahan sa mundong iyon. Natural, walang isa man sa inyo ang nakarinig noon tungkol dito. Kalaunan, matapos likhain ng Diyos ang mga tao, sinimulan ng arkanghel na gawin silang tiwali; sa lupa, ang buong sangkatauhan ay nasadlak sa kaguluhan. Noon lamang sinimulan ng Diyos ang Kanyang pakikidigma laban kay Satanas, at sa panahong ito lamang nagsimulang makita ng mga tao ang Kanyang mga gawa. Sa simula, ang mga gawa Niya ay nakatago mula sa sangkatauhan. Matapos ihagis si Satanas sa ere, ginawa nito ang sarili nitong mga bagay at patuloy na ginawa ng Diyos ang Kanyang sariling gawain, patuloy na nakikidigma laban kay Satanas, hanggang sa mga huling araw. Ngayon ang panahon kung kailan dapat wasakin si Satanas. Sa simula, binigyan ito ng Diyos ng awtoridad, at kalaunan ay hinampas Niya ito pababa sa ere, subalit nanatili itong suwail. Pagkatapos niyon, ginawa nitong tiwali ang sangkatauhan sa lupa, ngunit naroon ang Diyos at namamahala sa sangkatauhan. Ginagamit ng Diyos ang Kanyang pamamahala sa mga tao upang talunin si Satanas. Sa pagtitiwali sa mga tao, tinatapos ni Satanas ang kanilang kapalaran at ginugulo ang gawain ng Diyos. Sa kabilang dako, ang gawain ng Diyos ay ang pagliligtas sa sangkatauhan. Aling hakbang ng gawain ng Diyos ang hindi para iligtas ang sangkatauhan? Aling hakbang ang hindi para linisin ang mga tao, at idulot na kumilos sila nang matuwid at magsabuhay ng isang kaibig-ibig na imahe? Gayunman, hindi ito ginagawa ni Satanas. Ginagawa nitong tiwali ang sangkatauhan; patuloy nitong isinasagawa ang gawain nitong gawing tiwali ang sangkatauhan sa loob ng sansinukob. Siyempre pa, ginagawa rin ng Diyos ang Kanyang sariling gawain, at hindi pinapansin si Satanas. Gaano man kalaki ang awtoridad ni Satanas, ang awtoridad na iyon ay bigay pa rin dito ng Diyos; sadyang hindi ibinigay ng Diyos ang Kanyang buong awtoridad dito, kaya nga anuman ang gawin ni Satanas, hindi nito kayang lampasan ang Diyos at palagi itong magiging nasa mga kamay ng Diyos. Hindi ibinunyag ng Diyos ang anuman sa Kanyang mga gawa habang nasa langit. Binigyan lamang Niya si Satanas ng maliit na bahagi ng awtoridad at tinulutan itong magkaroon ng kontrol sa iba pang mga anghel. Samakatwid, anuman ang gawin ni Satanas, hindi nito kayang lampasan ang awtoridad ng Diyos, dahil ang awtoridad na orihinal na ipinagkaloob dito ng Diyos ay limitado. Habang gumagawa ang Diyos, nanggugulo si Satanas. Sa mga huling araw, ang mga panggugulo nito ay matatapos; matatapos din ang gawain ng Diyos, at ang mga taong nais gawing ganap ng Diyos ay magiging ganap. Pinapatnubayan ng Diyos ang mga tao nang positibo; ang Kanyang buhay ay tubig na buhay, hindi masusukat at walang hangganan. Nagawang tiwali ni Satanas ang tao hanggang sa isang partikular na antas; sa huli, ang buhay na tubig ng buhay ay gagawing ganap ang tao, at magiging imposibleng makialam at magsagawa si Satanas ng gawain nito. Sa gayon, lubos na makakamit ng Diyos ang mga taong ito. Kahit ngayon, nananatiling suwail si Satanas; patuloy nitong sinusubukang makipagkompetensiya sa Diyos, ngunit hindi Niya ito pinapansin. Sabi ng Diyos, “Magiging matagumpay Ako laban sa lahat ng puwersa ng kadiliman ni Satanas at laban sa lahat ng impluwensiya ng kadiliman.” Ito ang gawaing dapat isagawa sa katawang-tao, at ito rin ang kahalagahan ng pagkakatawang-tao ng Diyos: upang tapusin ang yugto ng gawaing talunin si Satanas sa mga huling araw, at lipulin ang lahat na kay Satanas. Hindi maiiwasan ang tagumpay ng Diyos laban kay Satanas! Ang totoo, matagal nang nabigo si Satanas. Nang magsimulang lumaganap ang ebanghelyo sa buong bansa ng malaking pulang dragon—ibig sabihin, nang simulan ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang gawain at nagsimulang umusad ang gawaing ito—lubusang natalo si Satanas, sapagkat ang pinakalayunin ng pagkakatawang-tao ay upang gapiin si Satanas. Nakita ni Satanas na minsan pang naging tao ang Diyos at nagsimulang magsagawa ng Kanyang gawain, na hindi mapigil ng anumang puwersa, at kaya natulala ito nang makita ang gawaing ito, at hindi nangahas na gumawa ng kahit ano pa. Noong una, akala ni Satanas ay pinagkalooban din ito ng maraming karunungan, at ginambala at ginulo nito ang gawain ng Diyos; gayunman, hindi nito inasahan na minsan pang magiging tao ang Diyos, o na sa Kanyang gawain, gagamitin ng Diyos ang paghihimagsik ni Satanas upang ilantad at hatulan ang sangkatauhan, nang sa gayon ay malupig ang mga tao at matalo si Satanas. Mas matalino ang Diyos kaysa kay Satanas, at ang Kanyang gawain ay higit pa kaysa rito. Kaya nga, isinaad Ko na dati, “Ang gawaing Aking ginagawa ay isinasagawa bilang tugon sa mga pakana ni Satanas; sa huli, ibubunyag Ko ang Aking pagkamakapangyarihan-sa-lahat at ang kawalan ng kapangyarihan ni Satanas.” Ang Diyos ay nangunguna sa paggawa ng Kanyang gawain, samantalang si Satanas ay nakabuntot, hanggang sa huli, tuluyan itong wawasakin—ni hindi nito malalaman kung ano ang nangyari! Matatanto lamang nito ang katunayan kapag nadurog at nadikdik na ito, at sa oras na iyon, nasunog na ito sa lawa ng apoy. Hindi ba lubos na itong makukumbinsi sa oras na iyon? Sapagkat wala nang magagamit na mga pakana si Satanas sa oras na iyon!
Ang paisa-isang hakbang na ito, ang makatotohanang gawaing ito ang madalas makabigat sa puso ng Diyos sa pagdadalamhati para sa sangkatauhan, kaya ang Kanyang pakikidigma kay Satanas ay tumagal nang anim na libong taon, at sinabi na ng Diyos: “Hindi na Ako muling lilikha ng sangkatauhan kailanman, ni muling magkakaloob ng awtoridad sa mga anghel.” Mula noon, nang bumaba ang mga anghel para gumawa sa lupa, sinunod lamang nila ang Diyos sa pagsasagawa ng ilang gawain; hindi na Niya sila muling binigyan ng awtoridad kailanman. Paano isinagawa ng mga anghel na nakita ng mga Israelita ang kanilang gawain? Ipinakita nila ang kanilang sarili sa mga panaginip at ipinarating ang mga salita ni Jehova. Nang mabuhay na mag-uli si Jesus tatlong araw matapos ipako sa krus, ang mga anghel ang nagtulak sa malaking bato sa tabi; hindi ginawa ng Espiritu ng Diyos nang personal ang gawaing ito. Ganitong gawain lamang ang ginawa ng mga anghel; gumanap sila sa mga suportang papel, ngunit wala silang awtoridad, sapagkat hindi na muling magkakaloob ang Diyos ng anumang awtoridad sa kanila. Matapos gumawa nang ilang panahon, ang mga taong ginagamit ng Diyos sa lupa ay nagtatangkang umangkin sa posisyon ng Diyos at nagsasabing, “Nais kong malampasan ang sansinukob! Gusto kong tumayo sa ikatlong langit! Gusto naming kontrolin ang kataas-taasang kapangyarihan!” Nagiging mayabang sila pagkaraan ng ilang araw ng paggawa; nais nilang kontrolin ang kataas-taasang kapangyarihan sa lupa, magtatag ng isa pang kaharian, ilagay ang lahat ng bagay sa kanilang paanan, at tumayo sa ikatlong langit. Hindi mo ba alam na isa ka lamang tao na ginagamit ng Diyos? Paano ka makakaakyat sa ikatlong langit? Bumababa ang Diyos sa lupa upang gumawa, nang tahimik at walang pagsigaw, at pagkatapos ay umaalis matapos na patagong tapusin ang Kanyang gawain. Hindi Siya sumisigaw na tulad ng mga tao, kundi sa halip ay praktikal sa pagsasagawa ng Kanyang gawain. Ni hindi Siya pumapasok sa isang simbahan at bumubulalas ng, “Lilipulin Ko kayong lahat! Susumpain Ko kayo at kakastiguhin!” Patuloy lamang Niyang ginagawa ang Kanyang sariling gawain, at umaalis kapag tapos na Siya. Sagad hanggang buto ang kayabangan ng lahat ng relihiyosong pastor na nagpapagaling ng maysakit at nagpapalayas ng mga demonyo, nagsesermon sa iba mula sa pulpito, nagbibigay ng magagarbong talumpati, at nagtatalakay ng mga bagay na hindi makatotohanan! Mga inapo lamang sila ng arkanghel!
Isinagawa ng Diyos ang Kanyang anim-na-libong-taon ng gawain hanggang sa kasalukuyang panahon, at ibinunyag ang marami sa Kanyang mga gawa, pangunahin upang talunin si Satanas at iligtas ang buong sangkatauhan. Sa pamamagitan ng pagkakataong ito, tinutulutan ng Diyos ang lahat ng bagay sa langit, lahat ng bagay sa lupa, lahat ng bagay sa loob ng karagatan, at maging ang bawat nilalang sa lupa, na makita ang Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat at ang lahat ng Kanyang mga gawa. Sa pamamagitan ng pagkakataong ito ng paggapi Niya kay Satanas, ibinubunyag Niya ang lahat ng Kanyang gawa sa mga tao, nang sa gayon ay purihin Siya ng lahat at dakilain ang Kanyang karunungan sa paggapi kay Satanas. Ang lahat ng bagay sa lupa, sa langit, at sa loob ng mga karagatan ay nagbibigay ng kaluwalhatian sa Diyos, pumupuri sa Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat, pumupuri sa bawat isa sa Kanyang mga gawa, at isinisigaw ang Kanyang banal na pangalan. Ito ay patunay ng Kanyang paggapi kay Satanas; patunay ito ng Kanyang paglupig kay Satanas. Higit pa rito, patunay ito ng Kanyang pagliligtas sa sangkatauhan. Ang lahat ng nilikha ng Diyos ay nagbibigay-kaluwalhatian sa Kanya, pinupuri Siya sa paggapi sa Kanyang kaaway at pagbabalik nang matagumpay, at dinadakila Siya bilang ang dakila at matagumpay na Hari. Ang Kanyang layunin ay hindi lamang para talunin si Satanas, kaya ang Kanyang gawain ay nagpatuloy nang anim na libong taon. Ginagamit Niya ang pagkatalo ni Satanas upang iligtas ang sangkatauhan; ginagamit Niya ang pagkatalo ni Satanas upang ibunyag ang lahat ng Kanyang gawa at Kanyang buong kaluwalhatian. Siya ay magtatamo ng kaluwalhatian, at lahat ng pulutong ng mga anghel ay makikita ang lahat ng Kanyang kaluwalhatian. Ang mga sugo sa langit, mga tao sa lupa, at lahat ng Kanyang likha sa lupa ay makakakita sa kaluwalhatian ng Lumikha. Ito ang gawaing Kanyang ginagawa. Ang Kanyang mga likha sa langit at sa lupa ay makakasaksi lahat sa Kanyang kaluwalhatian, at babalik Siya nang matagumpay matapos Niyang lubos na talunin si Satanas, kasama ang buong sangkatauhan na pumupuri sa Kanya—ito ay isang gawain na nagkakamit ng dalawang layon nang sabay. Sa huli, ang buong sangkatauhan ay lulupigin Niya, at Kanyang lilipulin ang sinumang lalaban o maghihimagsik; sa madaling salita, lilipulin Niya ang lahat ng kay Satanas. Kasalukuyan mong nasasaksihan ang napakaraming gawa ng Diyos, subalit lumalaban ka pa rin, naghihimagsik ka, at hindi nagpapasakop; nagkikimkim ka ng maraming bagay sa iyong kalooban, at ginagawa mo kung ano ang gusto mo. Sinusunod mo ang sarili mong mga pagnanasa at kagustuhan. Lahat ng ito ay paghihimagsik at paglaban. Anumang pananampalataya sa Diyos alang-alang sa laman at mga pagnanasa ng isang tao, gayundin alang-alang sa sariling mga kagustuhan ng isang tao, sa mundo, at kay Satanas, ay marumi; ito ay lumalaban at mapaghimagsik. Sa mga panahong ito, nariyan ang lahat ng iba’t ibang uri ng pananalig: Ang ilan ay naghahanap ng silungan mula sa sakuna, at ang iba naman ay naghahangad na magtamo ng mga pagpapala; ang ilan ay nais maunawaan ang mga hiwaga, samantalang ang ilan naman ay nag-iimbot ng yaman. Lahat ng iyon ay mga anyo ng paglaban at lahat ay kalapastanganan! Ang sabihing lumalaban o naghihimagsik ang isang tao—hindi ba ito tumutukoy sa gayong mga pag-uugali? Maraming tao sa mga panahong ito ang umaangal, nagrereklamo, o nanghuhusga. Lahat ng iyon ay ginagawa ng masama; ito ay paglaban at paghihimagsik ng tao. Ang gayong mga tao ay sinasapian at sakop ni Satanas. Yaong mga nakakamit ng Diyos ay yaong mga nagpapasakop sa Kanya nang lubusan; sila ay mga taong nagawang tiwali ni Satanas ngunit nailigtas at nalupig ng kasalukuyang gawain ng Diyos, na nagtiis ng mga kapighatian, at, sa huli, lubusang nakamit ng Diyos, na hindi na namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at nakalaya na sa pagiging di-matuwid, at handang magsabuhay ng kabanalan—sila ang pinakabanal sa lahat ng tao; talagang sila ang mga banal. Kung ang kasalukuyan mong mga kilos ay hindi nakaayon sa kahit isang bahagi ng mga hinihingi ng Diyos, ikaw ay ititiwalag. Hindi ito matututulan. Lahat ay depende sa nangyayari ngayon; kahit ikaw ay paunang itinadhana at nahirang, ang mga kilos mo pa rin ngayon ang magpapasya sa iyong kalalabasan. Kung hindi ka makakasunod ngayon, ititiwalag ka. Kung hindi ka makakasunod ngayon, paano ka pa makakasunod kalaunan? Mayroon nang isang napakalaking himalang lumitaw sa iyong harapan, subalit hindi ka pa rin naniniwala. Kung gayon, paano ka pa mananampalataya sa Diyos kalaunan, kapag natapos na Niya ang Kanyang gawain at hindi na gagawa ng gayong gawain? Sa oras na iyon, magiging mas imposible pa para sa iyo ang sundan Siya! Kalaunan, babatay ang Diyos sa iyong saloobin patungkol sa gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, sa iyong kaalaman dito, at sa iyong karanasan, upang maitakda kung ikaw ay makasalanan o matuwid, o maitakda kung ikaw ay ginawang perpekto o itiniwalag. Kailangan mong makita ito nang malinaw ngayon. Ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa ganitong paraan: Itinatakda Niya ang iyong kalalabasan ayon sa iyong pag-uugali ngayon. Sino ang sumasambit ng mga salita ngayon? Sino ang gumagawa ng gawain ngayon? Sino ang nagpapasya kung ititiwalag ka ngayon? Sino ang nagpapasya kung gagawin kang perpekto? Hindi ba Ako Mismo ang gumagawa nito? Ako ang Siyang sumasambit sa mga salitang ito; Ako ang Siyang nagsasagawa ng gawaing ito. Ang pagsumpa, pagkastigo, at paghatol sa mga tao ay bahaging lahat ng Aking gawain, gayundin ang pagtitiwalag sa iyo sa huli. Lahat ng bagay na ito ay gawain Ko! Gawain Kong gawin kang perpekto, at gawain Ko ring tulutan kang magtamasa ng mga pagpapala. Ang lahat ng ito ay ang gawaing ginagawa Ko. Ang iyong kinalabasan ay hindi paunang inorden ni Jehova; ito ay pinagpapasyahan ng Diyos ng ngayon. Pinagpapasyahan ito ngayon mismo; hindi ito pinagpasyahan noon pang bago likhain ang mundo. Sinasabi ng ilang kakatwang tao, “Marahil ay may mali sa Iyong paningin, at hindi Mo ako nakikita sa paraang nararapat. Sa huli, makikita Mo kung ano talaga ang ibinubunyag ng Espiritu!” Orihinal na hinirang ni Jesus si Hudas bilang Kanyang disipulo. Nagtatanong ang mga tao, “Paano Niya kaya nagawang piliin ang isang disipulong magkakanulo sa Kanya?” Noong una, walang intensiyon si Hudas na ipagkanulo si Jesus; nangyari lamang ito kalaunan. Sa oras na iyon, tiningnan ni Jesus si Hudas nang may pabor, kaya pinasunod Niya sa Kanya si Hudas, at pagkatapos ay ipinagkatiwala Niya rito ang pagtago ng pera. Kung alam lamang ni Jesus na lulustayin ni Hudas ang pera, hindi sana Niya ito ipinahawak kay Hudas kailanman. Masasabi na hindi alam ni Jesus dati na ang taong ito ay baliko at mapanlinlang, o na lolokohin niya ang kanyang mga kapatid. Kalaunan, matapos sundan ni Hudas si Jesus nang ilang panahon, nakita siya ni Jesus na inuuto ang kanyang mga kapatid at inuuto ang Diyos. Natuklasan din ng mga tao na si Hudas ay may ugaling kumuha ng pera mula sa lukbutan ng salapi, at sa gayon ay sinabi nila iyon kay Jesus. Noon lamang nabatid ni Jesus ang lahat ng nangyayari. Dahil kailangang isagawa ni Jesus ang gawaing ipako sa krus at kinailangan ng isang taong magkakanulo sa Kanya, at dahil nagkataon lamang na si Hudas ang tamang klase ng taong magsasagawa ng papel na ito, sinabi ni Jesus, “May isa sa atin na magkakanulo sa Akin. Gagamitin ng Anak ng tao ang pagkakanulong ito upang maipako sa krus, at pagkaraan ng tatlong araw ay mabubuhay Siyang mag-uli.” Sa oras na iyon, hindi talaga napili ni Jesus si Hudas para ipagkanulo Siya; bagkus, inasam Niya na magiging tapat na disipulo si Hudas. Hindi inaasahan, nalantad na sakim na tampalasan si Hudas na nagkanulo sa Panginoon, kaya batay sa sitwasyong ito, pinili ni Jesus si Hudas para sa gawaing ito. Kung naging tapat sana ang lahat ng labindalawang disipulo ni Jesus at wala silang nakasamang katulad ni Hudas, hindi sana naging isa sa mga disipulo sa huli ang taong nagkanulo kay Jesus. Gayunman, sa oras na iyon, nagkataon lamang na may isang kasama sa mga disipulo na nasisiyahang tumanggap ng mga suhol: si Hudas. Sa gayon ay ginamit ni Jesus ang taong ito upang tapusin ang Kanyang gawain. Napakasimple nito! Hindi ito paunang itinadhana ni Jesus sa simula ng Kanyang gawain; ginawa lamang Niya ang desisyong ito nang sumulong na ang mga bagay-bagay hanggang sa isang partikular na punto. Ito ay desisyon ni Jesus, na ibig sabihin ay desisyon iyon ng Espiritu ng Diyos Mismo. Sa simula, si Jesus ang pumili kay Hudas; nang ipagkanulo ni Hudas si Jesus kalaunan, ito ang paggamit ng Banal na Espiritu sa mga sitwasyon. Iyon ang gawaing isinagawa ng Banal na Espiritu noon. Nang piliin ni Jesus si Hudas, wala Siyang anumang ideya na ipagkakanulo Siya ni Hudas. Ang tanging alam Niya ay si Hudas Iscariote ang taong iyon. Ang inyo ring mga kinalabasan ay pagpapasyahan ayon sa inyong antas ng pagpapasakop ngayon at ayon sa kung gaano lumago ang inyong buhay, hindi ayon sa anumang kuru-kuro ng tao na ang iyong mga kinalabasan ay paunang inorden noong nilikha ang mundo. Kailangan mong makita nang malinaw ang mga bagay na ito. Wala ni isa sa gawaing ito ang ginagawa ayon sa iniisip mo.