Kabanata 39

Bawat araw ay gumagalaw Ako sa ibabaw ng mga sansinukob, pinagmamasdan ang lahat ng bagay na nilikha ng Aking kamay. Sa ibabaw ng mga kalangitan ay ang Aking pahingahan, at sa ilalim ay ang lupain kung saan Ako ay gumagalaw. Aking pinamumunuan ang lahat ng bagay na naririyan, Aking inuutusan ang lahat, na nagiging sanhi upang ang lahat ay sumunod sa daloy ng kalikasan at magpasakop sa utos ng kalikasan. Dahil Aking kinamumuhian silang mga suwail, at kinasusuklaman yaong mga sumasalungat sa Akin at hindi lumalagay sa kanilang dapat pagkalagyan, gagawin Ko ang lahat na magpasakop sa Aking mga pagsasaayos, nang walang pagtutol, gagawin Ko ang lahat ng nasa taas at loob ng sansinukob na magkaroon ng kaayusan. Sino ang mangangahas pa rin na basta-bastang lumaban sa Akin? Sinong mangangahas na hindi tumalima sa mga pagsasaayos ng Aking kamay? Paano magkakaroon ng anumang “interes” ang tao na maghimagsik laban sa Akin? Dadalhin Ko ang mga tao sa harapan ng kanilang “mga ninuno,” gagawin ang kanilang mga ninuno na akayin sila pabalik sa kanilang mga pamilya, at hindi sila pahihintulutang maghimagsik laban sa kanilang mga ninuno at bumalik sa Aking piling. Ganoon ang Aking plano. Sa kasalukuyan, ang Aking Espiritu ay kumikilos sa buong lupa, nagtatakda ng mga bilang sa lahat ng uri ng tao, nagmamarka ng iba’t ibang tanda sa bawat uri ng tao, upang ang kanilang mga ninuno ay matagumpay na magabayan sila pabalik sa kanilang mga pamilya at hindi Ko na kailangang patuloy na “mag-alala” sa kanila, na masyadong nakakaabala; sa gayon, hinahati Ko rin ang pagpapagal, at ipinamamahagi ang mga pagsisikap. Ito ay bahagi ng Aking plano, at hindi maaaring gambalain ng sinumang tao. Ako ay pipili ng karapat-dapat na mga kinatawan mula sa lahat upang pamahalaan ang lahat ng bagay, ipinatutupad ang maayos na pagpapasakop ng lahat sa Akin. Malimit Akong naggagala sa ibabaw ng mga kalangitan, at malimit na naglalakad sa ilalim ng mga iyon. Habang nagmamasid sa malaking mundo kung saan ang mga tao ay dumarating at umaalis, pinagmamasdan ang sangkatauhan, na nagsisiksikan sa lupa, at nakikita ang mga ibon at mga hayop na nabubuhay sa planeta, hindi Ko maiwasang mapuno ng damdamin ang Aking puso. Dahil, sa panahon ng paglikha, ginawa Ko ang lahat ng bagay, at ang lahat ay gumaganap sa tungkulin nito sa sarili nitong kinalalagyan sa ilalim ng Aking mga pagsasaayos, Ako ay humahalakhak mula sa itaas, at kapag ang lahat ng bagay sa ilalim ng mga kalangitan ay narinig ang tunog ng Aking halakhak, sila ay kaagad na nagiging inspirado, sapagkat sa sandaling ito ang Aking malaking proyekto ay natapos na. Idinaragdag Ko ang karunungan ng langit sa loob ng tao, nagdudulot na katawanin niya Ako sa gitna ng lahat ng bagay, sapagka’t nilikha Ko ang tao upang siya ay maging Aking kinatawan sa lahat ng bagay, hindi Ako sinusuway kundi pinupuri Ako sa kaibuturan ng kanyang puso. At sino ang nakatutupad ng mga simpleng salitang ito? Bakit laging itinatago ng tao ang kanyang puso para sa kanyang sarili? Hindi ba para sa Akin ang kanyang puso? Hindi sa hinihingi Ko ang mga bagay-bagay sa tao nang walang kondisyon, kundi siya ay lagi Ko nang pag-aari. Paano Kong basta na lamang ibibigay sa iba ang mga bagay na sa Akin? Paano Ko maibibigay ang “damit” na Aking ginawa sa iba upang isuot? Sa paningin ng mga tao, para bang Ako ay nasiraan ng bait, nagdurusa ng isang karamdaman sa pag-iisip, at walang nauunawaan sa mga pamamaraan ng tao, na para bang Ako ay isang tanga. Kaya’t lagi Akong tinitingnan ng mga tao bilang isang walang muwang, nguni’t hindi nila Ako kailanman tunay na minamahal. Dahil ang lahat ng ginagawa ng tao ay upang sadyang linlangin Ako, winawasak Ko ang buong sangkatauhan sa pagsumpong ng poot. Sa lahat ng bagay na Aking nilikha, ang sangkatauhan lamang ang laging sumusubok na makahanap ng mga paraan upang linlangin Ako, at dahil lamang dito kaya Aking sinasabi na ang tao ay “pinuno” ng lahat ng bagay.

Sa kasalukuyan, itinatapon Ko ang lahat ng tao sa “malaking pugon” upang mapino. Tumatayo Ako nang mataas, nakabantay nang maigi habang ang mga tao ay nasusunog sa apoy at, dahil napupuwersa ng mga lagablab, inilalabas ng mga tao ang mga katunayan. Ito ang isa sa mga paraan kung paano Ako gumagawa. Kung hindi ganoon, sasabihin ng mga tao na sila ay “mapagkumbaba,” at walang sinuman ang gugustuhing unang magbukas ng kanilang bibig upang sabihin ang kanilang sariling mga karanasan, kundi lahat ay magtitinginan lamang. Ito ang mismong pagbubuo-buo ng Aking karunungan, sapagka’t itinalaga Ko ang mga pangyayari sa kasalukuyan bago pa ang mga kapanahunan. Sa gayon, ang mga tao ay walang-kamalayang pumapasok sa pugon, na para bang sila ay hinila roon ng isang lubid, na para bang sila ay naging manhid na. Walang sinuman ang makatatakas sa paglagablab ng ningas, “inaatake” nila ang isa’t isa, sila ay “nagmamadali sa pagbubunyi,” nag-aalala pa rin sa kanilang sariling kapalaran sa pugon, lubhang natatakot na sila ay masusunog hanggang mamatay. Kapag ginagatungan Ko ang apoy, kaagad itong lumalaki, bumubugso papunta sa himpapawid, at ang mga ningas ay malimit na dumidikit sa Aking mga balabal, animo’y sinusubukang hilahin ang mga iyon papunta sa pugon. Pinagmamasdan Ako ng mga tao na nandidilat ang mga mata. Dire-diretso, sinusundan Ko ang apoy papunta sa pugon, at sa puntong ito, ang mga ningas ay lumalaki, at ang mga tao ay nagsisigawan. Lumilibot Ako sa gitna ng lagablab. Dumarami ang mga ningas, nguni’t wala silang hangaring saktan Ako, at minsan pa ay inilalapit Ko sa mga ningas ang mga balabal na Aking suot—gayunpama’y nananatili silang malayo sa Akin. Saka lamang malinaw na nakikita ng mga tao ang Aking tunay na mukha sa pamamagitan ng liwanag ng mga ningas. Dahil sila ay nasa kalagitnaan ng pagkasunog ng pugon, sila ay nagsisitakas sa lahat ng direksyon dahil sa Aking mukha, at ang pugon ay agad na nagsisimulang “kumulo.” Ang lahat ng nasa ningas ay namamasdan ang Anak ng tao, na pinipino sa lagablab. Bagama’t ang mga damit sa Kanyang katawan ay pangkaraniwan, ang mga iyon ay may sukdulang kagandahan; kahit na ang sapatos sa Kanyang mga paa ay hindi katangi-tangi, ang mga iyon ay lubhang nakaiinggit; isang nag-aapoy na kaningningan ang sumisinag mula sa Kanyang mukha, ang Kanyang mga mata ay nangingislap, at tila dahil sa liwanag sa Kanyang mga mata kaya malinaw na nakikita ng mga tao ang Kanyang tunay na mukha. Ang mga tao ay puno ng pagkamangha, at nakikita nila ang isang puting damit sa Kanyang katawan, at ang Kanyang buhok, puting gaya ng balahibo ng tupa, ay nakalugay hanggang sa Kanyang mga balikat. Kapansin-pansin, isang gintong bigkis na nakapalibot sa Kanyang dibdib ang nagniningning sa nakasisilaw na liwanag, habang ang sapatos sa Kanyang mga paa ay lalo pang kahanga-hanga. At dahil ang sapatos na suot ng Anak ng tao ay nananatili sa gitna ng apoy, ang mga tao ay naniniwala na ang mga iyon ay kamangha-mangha. Sa sandali lamang ng mga pagsidhi ng sakit saka namamasdan ng mga tao ang bibig ng Anak ng tao. Bagama’t sila ay nasa kalagitnaan ng pagpipino ng apoy, hindi nila nauunawaan ang anumang mga salita mula sa bibig ng Anak ng tao, kaya naman, sa sandaling ito, wala na silang naririnig pang kasiya-siyang tinig ng Anak ng tao, kundi nakikita ang isang matalas na tabak na nasa Kanyang bibig, at hindi na Siya nagsasalita, ngunit ang Kanyang tabak ay nakasasakit sa tao. Napalilibutan ng mga ningas, tinitiis ng mga tao ang sakit. Dahil sa kanilang pagkamausisa, patuloy silang nakatingin sa di-pangkaraniwang anyo ng Anak ng tao, at sa sandaling ito lamang nila natutuklasan na naglaho na ang pitong bituin na nasa Kanyang kamay. Dahil ang Anak ng tao ay nasa pugon, at wala sa lupa, ang pitong bituin sa Kanyang kamay ay inaalis, sapagka’t ang mga iyon ay isang talinghaga lamang. Sa sandaling ito, hindi na nababanggit ang mga ito, kundi inilalaan sa iba’t ibang bahagi ng Anak ng tao. Sa alaala ng mga tao, ang pag-iral ng pitong bituin ay nagdadala ng paghihirap. Sa kasalukuyan, hindi Ko na pinahihirap ang mga bagay-bagay para sa tao, inaalis Ko ang pitong bituin mula sa Anak ng tao, at pinagsasama-sama ang lahat ng bahagi ng Anak ng tao sa isang kabuuan. Sa sandaling ito lamang nakikita ng tao ang Aking buong anyo. Hindi na ihihiwalay ng mga tao ang Aking Espiritu mula sa Aking katawang-tao, sapagka’t nakaakyat na Ako mula sa lupa paitaas. Namasdan na ng mga tao ang Aking tunay na mukha, hindi na nila Ako winawasak, at hindi Ko na tinitiis ang paninira ng tao. Dahil lumalakad Ako sa malaking pugon kasabay ng tao, umaasa pa rin siya sa Akin, nadarama niya ang Aking pag-iral sa kanyang kamalayan. Sa gayon, ang lahat ng dalisay na ginto ay unti-unting natitipon kasama Ko sa kalagitnaan ng pagsunog ng apoy, na mismong sandali kung kailan ang bawat isa ay pinagsasama-sama ayon sa uri. Pinagbubukod-bukod Ko ang bawat uri ng “metal,” sinasanhi silang lahat na bumalik sa kanilang mga pamilya, at ngayon lamang nagsisimulang mapanariwa ang lahat ng bagay …

Dahil ang tao ay masyadong narumihan kung kaya itinatapon Ko siya sa pugon upang masunog. Gayunman hindi siya lubos na nawawasak ng mga ningas, kundi napipino, upang Ako ay maaaring masiyahan sa kanya—sapagka’t ang Aking nais ay isang bagay na gawa sa purong ginto, walang mga halo, at hindi marumi at nahaluang mga bagay. Hindi nauunawaan ng mga tao ang Aking pakiramdam, kaya bago umakyat sa “mesang pang-opera” ay inaatake sila ng pagkabalisa, na parang, matapos hiwain sila, papatayin Ko sila roon mismo habang nakahiga sa mesang pang-opera. Nauunawaan Ko ang pakiramdam ng mga tao, at sa gayon Ako ay tila isang kasapi ng sangkatauhan. Ako ay may matinding pagkahabag para sa “kasawiang-palad” ng tao, at hindi Ko alam kung bakit ang tao ay “nagkasakit.” Kung siya ay malusog, at walang kapansanan, bakit kakailanganing magbayad ng halaga, at gumugol ng panahon sa mesang pang-opera? Ngunit ang mga katunayan ay hindi maaaring bawiin—sinong nagsabi sa tao na huwag magbigay-pansin sa “kalinisan ng pagkain”? Sinong nagsabi sa kanya na huwag magbigay-pansin sa pagiging malusog? Sa kasalukuyan, ano pang ibang paraang mayroon Ako? Upang ipakita ang Aking kahabagan sa tao, pumapasok Ako sa “silid pang-opera” kasama niya—at sinong nagsabi sa Akin na mahalin ang tao? Sa gayon, personal Kong pinupulot ang “kutsilyong pang-opera” at nagsisimulang “operahan” ang tao upang maiwasan ang anumang kumplikasyon. Dahil sa Aking katapatan sa tao, lumuluha ang mga tao sa kalagitnaan ng sakit upang ipakita ang kanilang pasasalamat sa Akin. Naniniwala ang mga tao na pinahahalagahan Ko ang personal na katapatan, na tutulong Ako kapag ang Aking “mga kaibigan” ay nahihirapan, at higit pang nagpapasalamat ang mga tao para sa Aking kabaitan, at sinasabing padadalhan nila Ako ng “mga regalo” kapag gumaling na sa karamdaman—nguni’t hindi Ko pinakikinggan ang ganitong mga pagpapahayag ng layunin, at sa halip ay nakatuon Ako sa pag-oopera sa tao. Dahil sa pisikal na kahinaan ng tao, sa ilalim ng epekto ng patalim, mariin siyang pumipikit at gulat na nakahiga sa mesang pang-opera—gayunma’y hindi Ko pinapansin, nagpapatuloy lamang Akong gawin ang gawain sa kasalukuyan. Kapag natapos na ang operasyon, nakatakas na ang mga tao mula sa “pagkakasakmal ng tigre.” Pinalulusog Ko sila ng mga mayamang sustansya, at kahit hindi nila ito nalalaman, ang mga sustansya sa loob nila ay unti-unting dumarami. Pagkatapos ay ngumingiti Ako sa kanila, at nakikita lamang nila nang malinaw ang Aking tunay na mukha matapos nilang mabawi ang kanilang kalusugan, kaya’t lalo pa nila Akong minamahal, itinuturing nila Ako bilang kanilang ama—at hindi ba’t ito ang pagkakaugnay sa pagitan ng langit at lupa?

Mayo 4, 1992

Sinundan: Kabanata 38

Sumunod: Kabanata 40

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito