Kabanata 38

Sa kung ano ang naranasan ng tao, hindi pa kailanman nagkaroon ng bakas Ko, hindi pa kailanman nagkaroon ng paggabay ng Aking mga salita. Bilang resulta, lagi Akong lumalayo sa tao at, kalaunan, ay iniwan siya. Kinamumuhian Ko ang pagsuway ng sangkatauhan. Hindi Ko alam kung bakit; tila ba kinamuhian Ko na ang tao sa simula pa lang, at gayunma’y labis Akong nakikiramay sa kanya. Kaya’t palaging dalawa ang saloobin sa Akin ng mga tao—sapagkat iniibig Ko ang tao, at kinamumuhian Ko rin siya. Sino sa mga tao ang tunay na nagsasaisip sa Aking pag-ibig? At sino naman ang nagsasaisip sa Aking pagkamuhi? Sa Aking mga mata, ang tao ay isang patay na bagay, walang buhay, gaya ng isang luwad na rebulto sa gitna ng lahat ng bagay. Dahil sa kanyang pagsuway, paminsan-minsan ay napupukaw ng tao ang Aking galit. Noong namumuhay Ako kasama ng mga tao, bahagya silang ngumingiti kapag bigla Akong dumarating, dahil palagi silang sadyang “naghahanap” sa Akin, na para bang nakikipaglaro Ako sa tao sa lupa. Kailanman ay hindi nila Ako siniseryoso, at dahil sa kanilang saloobin tungo sa Akin, wala Akong magagawa kundi “magretiro” mula sa “yunit ng gawain” ng sangkatauhan. Gayunman, nais Kong sabihin na, bagaman Ako ay “nagreretiro,” ang Aking “pensiyon” ay hindi maaaring magkulang kahit isang sentimo. Dahil sa Aking “pagiging nakatatanda” sa “yunit ng gawain” ng sangkatauhan, patuloy Kong hinihingi sa kanila ang suweldo na hindi pa rin nababayaran sa Akin. Bagaman iniwan na nila Ako, paano nila matatakasan ang Aking paghawak? Minsan Ko nang niluwagan ang Aking paghawak sa mga tao sa paanuman, tinutulutan sila na malayang magpasasa sa kanilang makalamang mga pagnanasa—at dahil dito ay nangahas silang kumilos nang walang pigil, nang walang anumang pagbabawal, kung saan makikita na hindi nila Ako tunay na iniibig, sapagkat namumuhay silang lahat sa laman. Maaari bang ang tunay na pag-ibig ay ibinibigay na kapalit ng laman? Maaari ba na ang hinihingi Ko lang sa tao ay ang “pag-ibig” ng laman? Kung tunay na ganito ang kalagayan, anong magiging kabuluhan ng tao? Lahat ng tao ay walang halagang basura! Kung hindi dahil sa Aking “espesyal na mga kapangyarihan” ng pagtitiis, matagal Ko na sanang iniwan ang sangkatauhan—bakit mag-aabala pang manatiling kasama nila para lang “magpaapi”? Gayunman ay nagtitiis Ako. Nais Kong malaman ang tunay na “gawain” ng tao. Sa sandaling matapos ang Aking gawain sa lupa, aakyat Ako nang mataas tungo sa langit upang hatulan ang “panginoon” ng lahat ng bagay; ito ang Aking pangunahing gawain, sapagka’t ang Aking pagkasuklam sa tao ay umabot na sa isang partikular na antas. Sinong hindi mamumuhi sa kanyang kaaway? Sinong hindi lilipulin ang kanyang kaaway? Sa langit, si Satanas ang Aking kaaway; sa lupa, ang tao ang Aking kalaban. Dahil sa pagsasanib sa pagitan ng langit at lupa, hinahatulan Ko silang lahat na nagkasala, hanggang sa ikasiyam na salinlahi, at wala ni isa man ang patatawarin. Sinong nagsabi sa kanila na labanan Ako? Sinong nagsabi sa kanila na suwayin Ako? Bakit hindi kaya ng mga taong putulin ang matagal na nilang mga ugnayan sa dati nilang kalikasan? Bakit ang kanilang laman ay laging mabilis na lumalago sa loob nila? Ang lahat ng ito ay patunay ng Aking paghatol sa tao. Sinong nangangahas na hindi magpasakop sa mga katotohanan? Sinong nangangahas na magsabing ang Aking paghatol ay naapektuhan ng emosyon? Iba Ako sa tao, kaya iniiwan Ko siya, sapagka’t hindi talaga Ako kabilang sa lahi ng tao.

May batayan, may saligan, ang lahat ng ginagawa Ko; kapag “ibinubunyag” ng tao ang “talagang mga katotohanan” sa Akin sa pamamagitan ng kanyang bibig, inihahatid Ko siya sa “dakong bitayan,” dahil ang paglabag ng sangkatauhan ay sapat na upang maging marapat sa Aking pagpaparusa. Kaya’t hindi Ako basta nagpapataw ng pagpaparusa, bagkus ay pinarurusahan ang mga tao batay sa totoong mga kalagayan ng kanilang paglabag. Kung hindi, dahil sa kanilang pagsuway, ang tao ay hindi kailanman yuyukod at aamin ng kanilang pagkakasala sa Akin. Dahil lang sa narating na nila ang kasalukuyang kalagayan ng mga pangyayari kaya ang mga tao ay atubiling lahat na yumukod—subalit sa kanilang mga puso, nananatili silang hindi kumbinsido. Binigyan Ko na ang mga tao ng “barium” upang inumin, at sa gayon ang kanilang mga laman-loob ay lumilitaw nang mabuti at malinaw gamit ang “fluoroscope.” Hindi pa naaalis ang karumihan at kawalang-kadalisayan sa tiyan ng mga tao; ang lahat ng uri ng dumi ay dumadaloy sa kanilang mga ugat, kaya’t ang lason sa loob ng kanilang mga katawan ay lalo pang kumakalat. Sapagka’t namuhay na ang mga tao sa gayong mga kalagayan sa loob ng napakaraming taon, nasanay na sila sa mga ito at hindi na nakikita ang mga ito bilang kakaiba. Bilang resulta, ang mga mikrobyo sa loob ng kanilang mga katawan ay gumugulang, nagiging kanilang kalikasan, at ang lahat ay namumuhay sa ilalim ng kanilang pangingibabaw. Ito ang dahilan kung bakit nagtatatakbo ang mga tao sa lahat ng dako gaya ng ligaw na mga kabayo. Gayunman ay hindi nila kailanman lubos na inaamin ito; tumatango lang sila upang ipahiwatig ang kanilang pagsang-ayon. Ang katotohanan ay hindi isinasapuso ng tao ang Aking mga salita. Kung ipinalalagay nila ang Aking mga salita bilang mabisang lunas, sila ay “susunod sa mga utos ng doktor,” at hahayaan ang lunas na ito na gamutin ang karamdaman sa loob nila. Gayunpaman, sa Aking isip, hindi kayang tuparin ng kung paano sila umasal ang kahilingan ito, kaya’t ang magagawa Ko lang ay “kagatin ang bala,” at patuloy na magsalita sa kanila kahit makinig man sila o hindi: ginagawa Ko lang ang Aking tungkulin. Hindi handa ang tao na tamasahin ang Aking mga pagpapala, bagkus ay mas nanaisin pang sumailalim sa mga pagpapahirap ng impiyerno—kaya ang magagawa Ko lang ay sumang-ayon sa kanilang kahilingan. Gayunpaman, upang hindi mapahiya sa impiyerno ang Aking pangalan at ang Aking Espiritu, didisiplinahin Ko muna sila, at pagkatapos ay “susunod” sa kanilang mga kahilingan, upang sila ay “mapuno ng kagalakan.” Ayaw Kong hayaan ang taong hiyain Ako sa anumang oras o saanmang lugar habang itinataas ang Aking bandila, na siyang dahilan kung bakit dinidisiplina Ko siya nang paulit-ulit. Kung wala ang mga paghadlang ng Aking mahigpit na mga pahayag, paano magagawa ng tao na patuloy na tumayo sa harap Ko hanggang ngayon? Hindi ba umiiwas ang mga tao sa kasalanan dahil lang natatakot sila na aalis Ako? Hindi ba totoo na hindi sila dumaraing dahil lang sa natatakot sila sa pagpaparusa? Mayroon ba ni isa na ang kanyang mga pagpapasya ay lubos na ginawa alang-alang sa Aking plano? Iniisip ng lahat ng tao na ang Akin ay isang pang-Diyos na kalikasan na kulang sa “kalidad ng katalinuhan,” subalit sinong makaiintindi na kaya Kong maunawaan ang lahat sa Aking pagkatao? Tulad ng sinasabi ng mga tao, “Bakit gagamit ng maso upang pukpukin ang isang pako?” “Iniibig” Ako ng mga tao, hindi dahil ang kanilang pag-ibig para sa Akin ay likas, kundi dahil natatakot sila sa pagpaparusa. Sino sa mga tao ang isinilang na umiibig sa Akin? Mayroon bang sinuman na tinatrato Ako na tulad ng pagtrato nila sa sarili nilang puso? Kaya’t ibinubuod Ko ito sa isang kasabihan para sa mundo ng tao: Sa kalipunan ng mga tao, wala ni isa mang umiibig sa Akin.

Dahil lang nais Kong wakasan na ang Aking gawain sa lupa kaya pinabilis Ko na ang takbo ng Aking gawain, kung hindi ay baka maihagis Ko nang malayo ang tao, napakalayo na babagsak sila sa walang hangganang karagatan. Ito mismo ay dahil nasabi Ko na sa kanila ang katotohanan nang patiuna kaya sila ay bahagyang mapagbantay. Kung hindi dahil dito, mayroon bang sinumang magtataas ng layag sa bingit ng maunos na panahon? Lahat ay gumagawa ng mga pag-iingat. Para bang, sa kanilang mga puso, Ako ay naging isang magnanakaw. Natatakot sila na kukunin Ko ang lahat sa kanilang mga tahanan, kaya’t itinutulak nila ang kanilang mga pintuan nang buong lakas na kaya nilang matipon, mamatay-matay sa takot na bigla Akong papasok. Nang makita silang nag-aasal na parang mga dagang naduduwag, umalis Ako nang tahimik. Sa guni-guni ng mga tao, tila malapit nang dumating sa huling kawakasan ang mundo, kaya’t lahat sila ay tumatakas nang nagkakagulo, na halos masiraan ng ulo sa takot. Sa sandaling ito Ko lang nakita ang mga multong gumagala sa lahat ng dako sa lupa. Hindi Ko maiwasang matawa, at sa kalagitnaan ng tunog ng Aking halakhak, nagulat at nangilabot ang tao. Noon Ko lang napagtanto ang katotohanan, kaya’t pinigil Ko ang Aking ngiti at tumigil nang tumingin sa nangyayari sa lupa, sa halip ay bumabalik sa paggawa ayon sa Aking orihinal na plano. Hindi Ko na itinuturing ang tao bilang isang huwarang nagsisilbing halimbawa para sa Aking pananaliksik, sapagka’t sila ay walang iba kundi mga basura. Sa sandaling itapon Ko sila, wala na silang anumang paggagamitan—sila ay mga pira-pirasong basura. Sa sandaling ito, nililipol Ko sila at itinatapon sila sa apoy. Sa isipan ng tao, ang Aking habag at maibiging kabaitan ay nakapaloob sa Aking paghatol, pagiging maharlika, at poot. Ngunit bahagya lang nilang nalalaman na matagal Ko nang ipinagwalang-bahala ang kanilang mga kahinaan, at matagal Ko nang binawi ang Aking habag at maibiging kabaitan, at iyan ang dahilan kung bakit sila ay nasa katayuang kinalalagyan nila ngayon. Walang sinumang may kayang makilala Ako, ni maunawaan man nila ang Aking mga salita o makita man ang Aking mukha, ni maunawaan man nila ang Aking kalooban. Hindi ba ito ang mga kalagayan kung saan natatagpuan ng tao ang kanyang sarili? Kung gayon ay paano masasabi na mayroon Akong habag at maibiging kabaitan? Hindi Ko isinasaalang-alang ang kanilang mga kahinaan, at hindi Ko rin “iniintindi” ang kanilang mga kakulangan. Ito pa rin kaya ang Aking habag at maibiging kabaitan? O ito pa rin kaya ang Aking pag-ibig para sa tao? Iniisip ng lahat ng tao na nagsasalita Ako ng “kawili-wiling mga bagay na walang laman,” kaya’t hindi sila naniniwala sa mga salitang sinasabi Ko. Ngunit may nakaaalam ba rito: “Yamang ito ay ibang kapanahunan, ang Aking habag at maibiging kabaitan ay hindi umiiral sa ngayon; gayunman, Ako ay palaging isang Diyos na ginagawa ang sinasabi Niyang gagawin Niya”? Noong nasa kalagitnaan Ako ng sangkatauhan, nakikita Ako ng mga tao sa kanilang mga isipan bilang ang Kataas-taasan, kaya’t naniniwala sila na ibig Kong magsalita mula sa Aking karunungan. Sa gayon ay lagi nilang inuunawa ang Aking salita nang may pasubali. Ngunit may makaiintindi ba sa mga panuntunan sa likod ng Aking pananalita? O sa mga pinanggagalingan ng Aking mga salita? May makaaarok ba sa kung ano talaga ang hinihiling Kong matupad? O sinong makaaarok sa mga detalye ng konklusyon ng Aking plano ng pamamahala? Sino ang kayang maging katiwala Ko? Sa lahat ng bagay, sino maliban sa Akin ang makaaalam sa kung ano mismo ang Aking ginagawa? At sinong makaaalam sa Aking pangwakas na layunin?

Abril 30, 1992

Sinundan: Kabanata 37

Sumunod: Kabanata 39

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito