Kabanata 40
Nakatutok ang mga tao sa bawat galaw Ko, na para bang ibabagsak Ko ang kalangitan, at palagi silang nagugulumihanan sa Aking mga gawa, na para bang ang Aking mga gawa ay lubos na hindi nila maarok. Sa gayon, kumukuha sila ng kanilang hudyat mula sa Akin sa lahat ng kanilang ginagawa, takot na takot na magkasala sila sa Langit at itapon sa “mundo ng mga mortal.” Hindi Ko sinusubukang hanapin ang anumang bagay na magagamit Ko laban sa mga tao, o ginagawang layon ng Aking gawain ang kanilang mga pagkukulang. Sa sandaling ito, napakasaya nila, at umaasa sila sa Akin. Kapag nagbibigay Ako sa tao, minamahal Ako ng mga tao tulad ng pagmamahal nila sa sarili nilang buhay, ngunit kapag humihingi Ako ng mga bagay-bagay mula sa kanila, lumalayo sila sa Akin. Bakit ganito? Hindi ba nila maisasagawa ang “pagkamakatarungan at pagkamakatwiran” ng mundo ng tao? Bakit ba Ako paulit-ulit na humihingi ng ganoon sa mga tao? Talaga bang walang-wala Ako? Tinatrato Akong parang pulubi ng mga tao. Kapag humihingi Ako ng mga bagay-bagay sa kanila, itinataas nila ang mga “tira-tira” nila sa Aking harapan para “matamasa” Ko, at sinasabi pa nila na espesyal ang pag-aalaga nila sa Akin. Tinitingnan Ko ang kanilang pangit na mukha at kakatwang kalagayan, at minsan Ko pang nililisan ang tao. Sa ilalim ng gayong mga sitwasyon, hindi pa rin makaintindi ang mga tao, at minsan Ko pang binabawi ang mga bagay na naipagkait Ko sa kanila, na naghihintay sa Aking pagbalik. Nakagugol Ako ng mahabang panahon at nagbayad ng malaking halaga alang-alang sa tao—ngunit sa panahong ito, sa di-malamang dahilan, nananatiling walang kakayahan ang konsiyensya ng mga tao na gampanan ang kanilang orihinal na tungkulin. Dahil dito, inilista Ko ang “patuloy na pagdududa” na ito sa “mga salita ng hiwaga,” para magsilbing “sanggunian” para sa susunod na mga henerasyon, dahil ito ay “mga resulta ng siyentipikong pagsasaliksik” bunga ng “pagpapagal” ng mga tao; paano Ko magagawang basta na lamang burahin ang mga iyon? Hindi ba ito magiging “pagbigo” sa mabubuting layunin ng mga tao? Tutal naman, mayroon Akong konsiyensya, kaya hindi Ako nakikisali sa tuso at sabwatang mga kilos ng tao—hindi ba gayon ang Aking mga gawa? Hindi ba ito ang “pagkamakatarungan at pagkamakatwiran” na binabanggit ng tao? Sa tao, walang-humpay na Akong gumawa hanggang sa kasalukuyan. Sa pagdating ng mga panahong gaya ngayon, hindi pa rin Ako kilala ng mga tao, tinatrato pa rin nila Akong parang estranghero, at, dahil dinala Ko na sila sa “dulong hangganan,” lalo pa silang namumuhi sa Akin. Sa panahong ito, matagal nang naglaho nang walang bakas ang pagmamahal sa kanilang puso. Hindi Ako nagyayabang, lalong hindi Ko minamaliit ang tao. Maaari Kong mahalin ang tao nang walang hanggan, at maaari Ko rin siyang kamuhian nang walang hanggan, at hinding-hindi ito magbabago, sapagkat matiyaga Ako. Subalit walang ganitong tiyaga ang tao, laging pabagu-bago ang damdamin niya sa Akin, bahagya lamang niya Akong pinapansin kapag nagbubuka Ako ng Aking bibig, at kapag nagtitikom Ako ng Aking bibig at wala Akong anumang sinasabi, agad siyang nawawala sa mga alon ng malaking mundo. Sa gayon, pinaiikli Ko ito sa isa pang kasabihan: Walang tiyaga ang mga tao, at sa gayon ay hindi nila kayang mapalugod ang puso Ko.
Habang nangangarap ang mga tao, naglalakbay Ako sa mga bansa ng mundo at nagkakalat sa tao ng “amoy ng kamatayan” na nasa Aking mga kamay. Tinatalikuran kaagad ng lahat ng tao ang kasiglahan at pumapasok sa susunod na baitang ng buhay ng tao. Sa gitna ng sangkatauhan, hindi na makikita ang anumang mga bagay na may buhay, nagkalat ang mga bangkay kung saan-saan, ang mga bagay na puno ng sigla ay naglalaho kaagad nang walang bakas, at pumupuno ang nakasusulasok na amoy ng mga bangkay sa lupain. Agad Kong tinatakpan ang Aking mukha at nililisan ang tao, sapagkat sinisimulan Ko ang susunod na hakbang ng gawain, na binibigyan yaong mga nakarating nang buhay ng isang lugar na matitirhan at nagsasanhi na lahat ng tao ay manirahan sa isang ulirang lugar. Ito ang pinagpalang lupain—isang lupaing walang kalungkutan o hinagpis—na inihanda Ko para sa tao. Ang tubig na bumubulwak mula sa mga bukal ng lambak ay napakalinaw hanggang ilalim, walang-tigil itong dumadaloy at hinding-hindi natutuyo; nabubuhay ang mga tao na kasundo ang Diyos, umaawit ang mga ibon, at sa gitna ng banayad na simoy ng hangin at init ng araw, kapwa namamahinga ang langit at lupa. Ngayon, dito, magulo ang pagkahimlay ng mga bangkay ng lahat ng tao. Hindi alam ng mga tao, pinakakawalan Ko ang salot na nasa Aking mga kamay, at nabubulok ang katawan ng mga tao, na walang iniiwang bakas ng laman mula ulo hanggang paa, at lumalayo Ako nang husto mula sa tao. Hinding-hindi na Ako muling makikitipon sa tao, hinding-hindi na Ako muling paparito sa tao, sapagkat dumating na ang wakas ng huling yugto ng Aking buong pamamahala, at hindi Ko na muling lilikhain ang sangkatauhan, hindi Ko na pakikinggang muli ang tao. Matapos basahin ang mga salita mula sa Aking bibig, nawawalan ng pag-asa ang lahat ng tao, sapagkat ayaw nilang mamatay—ngunit sino ang hindi “namamatay” para “mabuhay”? Kapag sinasabi Ko sa mga tao na wala Akong mahika para buhayin sila, bumubulalas sila ng iyak sa sakit; tunay nga, bagama’t Ako ang Lumikha, mayroon lamang Akong kapangyarihang patayin ang mga tao, at wala Akong kakayahang buhayin sila. Dito, humihingi Ako ng paumanhin sa tao. Sa gayon, sinabi Ko nang maaga sa tao na “may utang Ako sa kanya na hindi mababayaran”—subalit akala niya ay gumagalang lamang Ako. Ngayon, sa pagdating ng mga katunayan, sinasabi Ko pa rin ito. Hindi Ko pagtataksilan ang mga katunayan kapag Ako ay nagsalita. Sa kanilang mga kuru-kuro, naniniwala ang mga tao na napakarami Kong paraan ng pagsasalita, kaya nga lagi silang nakakapit sa mga salitang ibinibigay Ko sa kanila habang umaasa sila ng iba pa. Hindi ba ito ang mga maling motibasyon ng tao? Sa ilalim ng mga sitwasyong ito Ako nangangahas na “buong-tapang” na sabihin na hindi totoong mahal Ako ng tao. Hindi Ko tatalikuran ang konsiyensiya at babaluktutin ang mga katunayan, sapagkat hindi Ko dadalhin ang mga tao sa kanilang ulirang lupain; sa huli, kapag natapos ang Aking gawain, aakayin Ko sila sa lupain ng kamatayan. Kaya makabubuting huwag magreklamo ang mga tao tungkol sa Akin. Hindi ba ito dahil “mahal” Ako ng mga tao? Hindi ba ito dahil sa napakasidhi ng kanilang pagnanasa sa mga pagpapala? Kung ayaw maghangad ng mga tao ng mga pagpapala, paano nagkaroon ng ganitong “kasawian”? Dahil sa “katapatan” ng mga tao sa Akin, dahil sumunod na sila sa Akin sa loob ng maraming taon, na nagsusumikap sa kabila ng hindi pagbibigay ng anumang kontribusyon, ibinubunyag Ko sa kanila ang kaunti ng nangyayari sa “lihim na silid”: Dahil doon, ngayon, kailangan pang umabot ang Aking gawain sa isang tiyak na punto at kailangan pang itapon ang mga tao sa nag-aapoy na hukay, pinapayuhan Ko silang umalis sa lalong madaling panahon—lahat ng nananatili ay malamang na magdanas ng kasawian at bahagyang suwerte, at hindi pa rin nila maiiwasan ang kamatayan sa huli. Binubuksan Ko nang husto ang “pinto patungo sa kayamanan” para sa kanila; sinuman ang handang umalis ay dapat humayo kaagad sa lalong madaling panahon—kung maghihintay sila hanggang dumating ang pagkastigo, magiging huli na ang lahat. Ang mga salitang ito ay hindi pangungutya—totoo ang mga bagay na ito. Ang Aking mga salita ay binibigkas sa tao nang may malinis na konsiyensya, at kung hindi kayo hahayo ngayon, kailan pa? Totoo bang nagagawang magtiwala ng mga tao sa Aking mga salita?
Hindi Ko kailanman napag-isipang masyado ang tadhana ng tao; sinusunod Ko lamang ang sarili Kong kalooban, nang hindi napipigilan ng mga tao. Paano Ko babawiin ang Aking kamay dahil sa kanilang mga pangamba? Sa kabuuan ng Aking buong plano ng pamamahala, hindi Ako kailanman gumawa ng anumang karagdagang mga pagsasaayos para sa mga karanasan ng tao. Kumikilos lamang Ako ayon sa Aking orihinal na plano. Noong araw, “inialay” ng mga tao ang kanilang sarili sa Akin at Ako ay sala sa init, sala sa lamig sa kanila. Ngayon, “isinakripisyo” na nila ang kanilang sarili para sa Akin, at nananatili Akong sala sa init, sala sa lamig tungo sa kanila. Hindi Ako kampante dahil isinasakripisyo ng mga tao ang kanilang buhay para sa Akin, ni hindi Ako nadaraig ng matinding galak, kundi patuloy Ko silang ipinadadala sa bitayan alinsunod sa Aking plano. Hindi Ko pinapansin ang kanilang saloobin habang nangungumpisal—paano maaantig ng puso ng mga tao ang Aking nanlalamig na puso? Isa ba Ako sa emosyonal na mga hayop sa sangkatauhan? Maraming ulit Ko nang pinaalalahanan ang mga tao na wala Akong emosyon, ngunit ngumingiti lamang sila, naniniwalang magalang lamang Ako. Nasabi Ko nang “Wala Akong alam sa mga pilosopiya ng sangkatauhan sa pamumuhay,” ngunit gayon ang naiisip ng mga tao kailanman, at sinabi nila na napakarami Kong paraan ng pagsasalita. Dahil sa mga limitasyon ng kuru-kurong ito ng tao, hindi Ko alam kung sa anong tono, at sa anong kaparaanan, magsasalita sa mga tao—kaya nga, dahil wala nang ibang pagpipilian, makapagsasalita lamang Ako nang tahasan. Ano pa ang magagawa Ko? Ang kaparaanan ng pagsasalita ng mga tao ay napakarami—sinasabi nila na “Hindi tayo dapat umasa sa mga emosyon kundi magsagawa ng katuwiran,” na siyang klase ng sawikain na maraming taon na nilang naisigaw, ngunit hindi nila nagawang kumilos alinsunod sa kanilang mga salita, hungkag ang kanilang mga salita—kaya sinasabi Ko na walang kakayahan ang mga tao na “pagsabayin ang kanilang mga salita at pagsasakatuparan.” Sa kanilang puso, naniniwala ang mga tao na ang pagkilos nang gayon ay pagtulad sa Akin—subalit wala Akong interes sa kanilang pagtulad, sawang-sawa na Ako roon. Bakit ba palaging lumalaban ang mga tao sa Isa na nagpapakain sa kanila? Nagbigay na ba Ako ng kakaunti sa tao? Bakit laging palihim na sinasamba ng mga tao si Satanas sa Aking likuran? Para bagang nagtatrabaho sila para sa Akin at hindi sapat ang buwanang suweldong ibinibigay Ko sa kanila para tugunan ang kanilang mga gastos sa pamumuhay, na siyang dahilan kaya naghahanap sila ng ibang trabaho sa labas ng mga oras ng trabaho upang madoble ang kanilang sahod—sapagkat napakalaki ng gastusin ng mga tao, at tila hindi nila alam kung paano makaraos. Kung talagang gayon, hihingin Kong umalis na sila sa Aking “pabrika.” Noong araw, ipinaliwanag Ko sa tao na ang pagtatrabaho para sa Akin ay walang kasamang anumang espesyal na pagtrato: Walang eksepsyon, tinatrato Ko ang mga tao nang makatarungan at makatwiran, na ginagamit ang sistema ng “kung magpapakasipag ka, kikita ka ng malaki, kung magpapakatamad ka, maliit lang ang kikitain mo, at kung hindi ka magtatrabaho, wala kang kikitain.” Kapag nagsasalita Ako, wala Akong inililihim; kung naniniwala ang sinuman na napakahigpit ng Aking “mga panuntunan sa pabrika,” dapat na silang lumabas kaagad, babayaran Ko ang “pamasahe” nila palabas ng bayan. “Maluwag” Ako sa Aking pamamahala sa gayong mga tao, hindi Ko sila pinipilit na manatili. Sa napakaraming taong ito, wala ba Akong makikitang isang “manggagawa” na kaayon ng Aking sariling puso? Hindi Ako dapat maliitin ng mga tao! Kung sinusuway pa rin Ako ng mga tao at nais nilang maghanap ng “trabaho” sa ibang lugar, hindi Ko sila pipilitin—tatanggapin Ko ito, wala Akong pagpipilian! Hindi ba ito dahil napakarami Kong “mga panuntunan at regulasyon”?
Mayo 8, 1992