1. Ang Kabuluhan ng Gawain ng mga Salita ng Diyos
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Sa Kapanahunan ng Kaharian, gumagamit ang Diyos ng mga salita upang pasimulan ang bagong kapanahunan, baguhin ang paraan ng Kanyang paggawa, at gawin ang gawain ng buong kapanahunan. Ito ang prinsipyong ginagamit ng Diyos sa paggawa sa Kapanahunan ng Salita. Siya ay naging tao at nagsasalita mula sa iba’t ibang perspektiba, nagbibigay-kakayahan sa tao na tunay na makita ang Diyos, na Siyang ang Salitang nagpapakita sa katawang-tao, at mamasdan ang Kanyang karunungan at pagiging kamangha-mangha. Gumagawa ang Diyos sa ganitong paraan upang mas mainam na makamit ang mga layon ng paglupig sa mga tao, paggawang perpekto sa mga tao, at pagtitiwalag sa mga tao, na siyang tunay na kahulugan ng paggamit ng mga salita upang gumawa sa Kapanahunan ng Salita. Sa pamamagitan ng mga salita, nalalaman ng tao ang gawain ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos, ang diwa ng tao, at kung ano ang nararapat pasukin ng tao. Sa pamamagitan ng mga salita, ang lahat ng gawaing nais gawin ng Diyos sa Kapanahunan ng Salita ay naisasakatuparan. Sa pamamagitan ng mga salita, ang mga tao ay ibinubunyag, itinitiwalag, at sinusubukan. Ang mga tao ay nakita na ang mga salitang ito, narinig na ang mga salitang ito, at kinilala na ang pag-iral ng mga salitang ito. Dahil dito, naniwala na sila sa pag-iral ng Diyos, sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat at karunungan ng Diyos, at sa puso ng Diyos ng pagmamahal at pagliligtas sa tao. Ang terminong “mga salita” ay maaaring ordinaryo at simple, ngunit ang mga salitang sinambit mula sa bibig ng Diyos na nagkatawang-tao ay niyayanig ang sansinukob, binabago ang puso ng mga tao, binabago ang kanilang mga kuru-kuro at dating disposisyon, at binabago ang dating anyo ng buong mundo. Sa pagdaan ng mga kapanahunan, tanging ang Diyos ng kasalukuyan ang gumagawa sa ganitong paraan, at Siya lamang ang nangungusap nang gayon at pumaparito upang iligtas ang tao nang gayon. Mula sa oras na ito, namumuhay ang tao sa ilalim ng patnubay ng mga salita ng Diyos, sa gitna ng pagpapastol at pagtutustos ng Kanyang mga salita; namumuhay ang mga tao sa mundo ng mga salita ng Diyos, sa gitna ng mga sumpa at pagpapala ng mga salita ng Diyos, at ang karamihan ng tao ay namumuhay sa ilalim ng paghatol at pagkastigo ng Kanyang mga salita. Ang mga salita at ang gawaing ito ay pawang para sa kaligtasan ng tao, para matupad ang kalooban ng Diyos, at para mabago ang orihinal na anyo ng mundo ng dating paglikha. Nilikha ng Diyos ang mundo gamit ang mga salita, inaakay Niya ang mga tao sa sansinukob gamit ang mga salita, nilulupig at inililigtas Niya sila gamit ang mga salita, sa huli, gagamitin Niya ang mga salita upang wakasan ang buong dating mundo, sa gayon ay makumpleto ang kabuuan ng Kanyang plano ng pamamahala. Sa buong Kapanahunan ng Kaharian, gumagamit ng mga salita ang Diyos upang gawin ang Kanyang gawain, at makamtan ang mga resulta ng Kanyang gawain. Hindi Siya gumagawa ng mga kababalaghan o nagsasagawa ng mga himala, kundi ginagawa lamang ang Kanyang gawain sa pamamagitan ng mga salita. Dahil sa mga salitang ito, napapalusog at natutustusan ang tao, at nagtatamo ng kaalaman at tunay na karanasan. Sa Kapanahunan ng Salita, ang tao ay lubhang napagpala. Hindi siya nagdaranas ng pisikal na sakit at nagtatamasa lamang ng saganang panustos ng mga salita ng Diyos; nang hindi na kinakailangang pikit-matang maghanap o maglakbay, sa gitna ng kanyang kaginhawaan, nakikita niya ang pagpapakita ng Diyos, naririnig niya Siyang mangusap sa sarili Niyang bibig, tinatanggap niya yaong Kanyang ibinibigay, at personal Siyang tinitingnan sa paggawa ng Kanyang gawain. Ito ang mga bagay na hindi natamasa ng mga tao noong nakaraang mga kapanahunan, at ito ay mga pagpapalang hindi nila kailanman natanggap.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita
Sa panahong iyon, si Jesus ay gumawa ng maraming gawain na hindi maintindihan ng Kanyang mga disipulo, at nagsabi ng marami na hindi naunawaan ng mga tao. Ito ay dahil, sa panahong iyon, hindi Siya nagbigay ng anumang paliwanag. Kaya, maraming taon pagkatapos Niyang umalis, nilikha ni Mateo ang talaangkanan ni Jesus, at gumawa rin ang iba ng maraming gawain na naaayon sa kalooban ng tao. Hindi pumarito si Jesus upang gawing perpekto at kamitin ang tao, kundi upang magsagawa ng isang yugto ng gawain: ang dalhin ang ebanghelyo ng kaharian ng langit at tapusin ang gawain ng pagpapapako sa krus. At kaya, nang naipako na sa krus si Jesus, ang Kanyang gawain ay lubos nang natapos. Ngunit sa kasalukuyang yugto—ang gawain ng paglupig—mas maraming salita ang dapat ipahayag, mas maraming gawain ang dapat isagawa, at kailangang magkaroon ng maraming proseso. Kaya dapat ding mabunyag ang mga hiwaga ng gawain nina Jesus at Jehova, nang sa gayon ay maaaring magkaroon ang lahat ng tao ng pang-unawa at kalinawan sa kanilang paniniwala, dahil ito ang gawain sa mga huling araw, at ang mga huling araw ang katapusan ng gawain ng Diyos, ang panahon ng pagtatapos ng gawain. Liliwanagin para sa iyo ng yugtong ito ng gawain ang kautusan ni Jehova at ang pagtubos ni Jesus, at pangunahin na ito’y upang maunawaan mo ang buong gawain ng anim na libong taong plano ng pamamahala ng Diyos, at mapahalagahan ang lahat ng kabuluhan at diwa ng anim na libong taong plano ng pamamahala na ito, at maunawaan ang layunin ng lahat ng gawaing isinagawa ni Jesus at ang mga salitang Kanyang sinabi, at maging ang iyong bulag na paniniwala at pagsamba sa Bibliya. Tutulutan ka nito na lubos na maunawaan ang lahat ng ito. Magagawa mong maunawaan kapwa ang gawain na ginawa ni Jesus, at ang gawain ng Diyos ngayon; mauunawaan mo at iyong mapagmamasdan ang lahat ng katotohanan, ang buhay, at ang daan. Sa yugto ng gawaing isinagawa ni Jesus, bakit umalis si Jesus nang hindi ginagawa ang pagtatapos na gawain? Dahil ang yugto ng gawain ni Jesus ay hindi ang gawain ng pagtatapos. Nang Siya ay ipinako sa krus, ang Kanyang mga salita ay natapos din; matapos ang pagpapapako Niya sa krus, ang Kanyang gawain ay ganap nang nagwakas. Ang kasalukuyang yugto ay iba: Tanging pagkatapos sabihin ang mga salita hanggang sa katapusan at magwakas ang buong gawain ng Diyos ay saka lang matatapos ang Kanyang gawain. Sa yugto ng gawain ni Jesus, maraming salita ang nanatiling hindi naipahayag, o hindi naipahayag nang buong linaw. Ngunit walang pakialam si Jesus sa Kanyang mga sinabi at hindi sinabi, dahil ang Kanyang ministeryo ay hindi ang ministeryo ng mga salita, kaya matapos Siyang ipako sa krus, Siya ay lumisan. Ang yugtong iyon ng gawain ay pangunahing para sa pagpapapako sa krus, at hindi katulad ng kasalukuyang yugto. Ang kasalukuyang yugtong ito ng gawain ay pangunahing para sa pagtatapos, paglilinaw, at paghahatid ng lahat ng gawain sa isang konklusyon. Kung hindi binibigkas ang mga salita hanggang sa kahuli-hulihan, magiging imposibleng matapos ang gawaing ito, dahil sa yugtong ito ng gawain, ang lahat ng gawain ay tinatapos at ginagawa sa pamamagitan ng mga salita. Noong panahong iyon, nagsagawa si Jesus ng maraming gawain na hindi maunawaan ng tao. Siya ay tahimik na lumisan, at ngayon marami pa rin na hindi nakauunawa sa Kanyang mga salita, na mali ang pagkaunawa ngunit naniniwala pa rin na ito ay tama, at hindi alam na mali sila. Ang huling yugto ang magdadala ng gawain ng Diyos sa isang ganap na wakas at magbibigay ng konklusyon nito. Magagawang maunawaan at malaman ng lahat ang plano ng pamamahala ng Diyos. Ang mga kuru-kuro sa loob ng tao, ang kanyang mga layunin, ang kanyang nakalilinlang na pagkaunawa, ang kanyang mga kuru-kuro sa gawain nina Jehova at Jesus, ang kanyang mga pananaw tungkol sa mga walang pananampalataya, at ang lahat ng kanyang iba pang mga kabaluktutan ay itatama. At mauunawaan ng tao ang lahat ng tamang landas ng buhay, at ang lahat ng gawaing ginawa ng Diyos, at ang buong katotohanan. Kapag nangyari iyon, ang yugtong ito ng gawain ay matatapos na.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (2)
Sa huling yugtong ito ng gawain, ang mga resulta ay nakakamit sa pamamagitan ng salita. Sa pamamagitan ng salita, nauunawaan ng tao ang maraming hiwaga at ang gawaing nagawa ng Diyos sa nakaraang mga henerasyon; sa pamamagitan ng salita, naliliwanagan ang tao ng Banal na Espiritu; sa pamamagitan ng salita, nauunawaan ng tao ang mga hiwaga na kailanman ay hindi pa nailantad ng mga nagdaang henerasyon, pati na rin ang gawain ng mga propeta at mga apostol ng mga nakaraang panahon, at ang mga prinsipyo ng kanilang paggawa; sa pamamagitan ng salita, nauunawaan din ng tao ang disposisyon ng Diyos Mismo, pati na rin ang pagiging mapaghimagsik at paglaban ng tao, at nalalaman niya ang kanyang sariling diwa. Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito ng gawain at lahat ng salitang binigkas, nalalaman ng tao ang gawain ng Espiritu, ang gawaing ginagawa ng nagkatawang-taong Diyos, at higit pa rito, ang Kanyang buong disposisyon. Ang iyong kaalaman sa gawain ng pamamahala ng Diyos sa loob ng anim na libong taon ay nakamit din sa pamamagitan ng salita. Hindi ba’t ang iyong kaalaman tungkol sa iyong dating mga kuru-kuro at tagumpay sa pagsasantabi sa mga ito ay nakamit din sa pamamagitan ng salita? Sa naunang yugto, ginawa ni Jesus ang mga tanda at mga kababalaghan, ngunit walang mga tanda at mga kababalaghan sa yugtong ito. Hindi ba’t ang iyong pagkaunawa kung bakit hindi Siya nagbubunyag ng mga tanda at mga kababalaghan ay nakamit din sa pamamagitan ng salita? Samakatwid, ang mga salitang binigkas sa yugtong ito ay lampas sa gawaing ginawa ng mga apostol at propeta ng mga nagdaang henerasyon. Kahit na ang mga propesiya na sinabi ng mga propeta ay hindi magagawang magkamit ng resultang ito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)
Sa mga huling araw, naparito ang Diyos una sa lahat upang ipahayag ang Kanyang mga salita. Nagpapahayag Siya mula sa pananaw ng Espiritu, mula sa pananaw ng tao, at mula sa pananaw ng pangatlong tao; nagpapahayag Siya sa iba’t ibang paraan, gamit ang isang paraan sa loob ng isang panahon, at ginagamit Niya ang pamamaraan ng pagpapahayag para baguhin ang mga kuru-kuro ng tao at tanggalin ang wangis ng malabong Diyos sa puso ng tao. Ito ang pangunahing gawaing ginawa ng Diyos. Dahil naniniwala ang tao na naparito ang Diyos para magpagaling ng mga may sakit, magtaboy ng mga demonyo, magsagawa ng mga himala, at magkaloob ng materyal na mga pagpapala sa tao, isinasagawa ng Diyos ang yugtong ito ng gawain—ang gawain ng pagkastigo at paghatol—upang alisin ang gayong mga bagay mula sa mga kuru-kuro ng tao, upang malaman ng tao ang pagiging praktikal at normal ng Diyos, at upang maalis sa puso niya ang wangis ni Jesus at mapalitan ng panibagong wangis ng Diyos. Sa sandaling tumanda ang wangis ng Diyos sa kalooban ng tao, nagiging isang diyus-diyusan ito. Nang pumarito si Jesus at isagawa ang yugtong iyon ng gawain, hindi Niya kinatawan ang kabuuan ng Diyos. Nagsagawa Siya ng ilang tanda at kababalaghan, nagpahayag ng ilang salita, at sa huli ay ipinako sa krus. Kinatawan Niya ang isang bahagi ng Diyos. Hindi Niya maaaring katawanin ang lahat ng sa Diyos, kundi sa halip ay kinatawan Niya ang Diyos sa paggawa ng isang bahagi ng gawain ng Diyos. Iyon ay dahil napakadakila ng Diyos, at lubhang kamangha-mangha, at hindi Siya maarok, at dahil isang bahagi lamang ng Kanyang gawain ang ginagawa ng Diyos sa bawat kapanahunan. Ang gawaing ginawa ng Diyos sa kapanahunang ito ay pangunahing ang pagtutustos ng mga salita ng buhay para sa tao; ang paglalantad ng kalikasang diwa ng tao, at ang kanyang tiwaling disposisyon; at ang pag-aalis ng mga kuru-kurong panrelihiyon, piyudal na pag-iisip, lipas na pag-iisip, at ang kaalaman at kultura ng tao. Ang lahat ng bagay na ito ay dapat linisin sa pamamagitan ng paglalantad ng mga salita ng Diyos. Sa mga huling araw, gumagamit ang Diyos ng mga salita, hindi ng mga tanda at kababalaghan, para gawing perpekto ang tao. Ginagamit Niya ang Kanyang mga salita para ibunyag ang tao, hatulan ang tao, kastiguhin ang tao, at gawing perpekto ang tao, upang sa mga salita ng Diyos, makikita ng tao ang karunungan at pagiging kaibig-ibig ng Diyos, at mauunawaan ang disposisyon ng Diyos, at upang sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, makikita ng tao ang mga gawa ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagkilala sa Kasalukuyang Gawain ng Diyos
Sa mga huling araw, pangunahing gumagamit ang Diyos ng salita upang gawing perpekto ang tao. Hindi Siya gumagamit ng mga tanda at mga kababalaghan upang supilin ang tao, o kumbinsihin ang tao; hindi nito makakayang maipamalas ang dakilang kapangyarihan ng Diyos. Kung nagpakita lamang ang Diyos ng mga tanda at mga kababalaghan, kung gayon ay magiging imposible na maipamalas ang pagiging praktikal ng Diyos, at sa gayon ay imposibleng gawing perpekto ang tao. Hindi ginagawang perpekto ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng mga tanda at mga kababalaghan, bagkus ay gumagamit ng salita upang diligan at pastulin ang tao, pagkatapos nito ay ang pagtatamo ng ganap na pagpapasakop ng tao at pagkakilala ng tao sa Diyos. Ito ang layunin ng gawaing ginagawa Niya at ng mga salitang winiwika Niya. Hindi ginagamit ng Diyos ang paraan ng pagpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan upang gawing perpekto ang tao—gumagamit Siya ng mga salita, at gumagamit ng maraming iba’t ibang pamamaraan ng gawain upang gawing perpekto ang tao. Maging ito man ay ang pagpipino, pagpupungos, o pagtutustos ng mga salita, nagsasalita ang Diyos mula sa maraming iba’t ibang perspektibo upang gawing perpekto ang tao, at upang bigyan ang tao ng mas malaking kaalaman sa gawain, karunungan at pagiging kamangha-mangha ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Lahat ay Nakakamit sa Pamamagitan ng Salita ng Diyos
Sa mga huling araw, kapag nagkatawang-tao ang Diyos, pangunahin Niyang ginagamit ang salita upang tuparin ang lahat at ibunyag ang lahat. Sa Kanyang mga salita mo lamang makikita kung ano Siya; sa Kanyang mga salita mo lamang makikita na Siya ang Diyos Mismo. Kapag ang Diyos na nagkatawang-tao ay naparito sa lupa, wala Siyang ibang ginagawa kundi ang mangusap ng mga salita—kaya hindi na kailangan ang mga katunayan; sapat na ang mga salita. Yaon ay sapagkat pangunahing naparito Siya upang gawin ang gawaing ito, upang pahintulutan ang tao na mamasdan ang Kanyang dakilang kapangyarihan at ang pagiging kataas-taasan sa Kanyang mga salita, upang pahintulutan ang tao na makita ang Kanyang kababang-loob at pagiging tago sa Kanyang mga salita, at upang pahintulutan ang tao na malaman ang Kanyang kabuuan sa Kanyang mga salita. Ang lahat ng mayroon Siya at ang lahat ng kung ano Siya ay nasa Kanyang mga salita. Ang Kanyang karunungan at pagiging kamangha-mangha ay nasa Kanyang mga salita. Sa ganito ipinakikita sa iyo ang maraming paraan kung paano winiwika ng Diyos ang Kanyang mga salita. Napakatagal na panahon nang gumagawa ang Diyos; ito ay pangunahin para sa pagtutustos, para ilantad o pungusan ang tao. Hindi basta-basta sinusumpa ng Diyos ang isang tao, at kahit na ginagawa pa Niya, ito ay sa pamamagitan ng salita. At sa gayon, sa kapanahunang ito ng Diyos na naging tao, huwag mong subukang makita ang Diyos na muling nagpapagaling ng maysakit at nagpapalayas ng mga demonyo, at itigil mo ang palagiang paghahanap ng mga tanda—wala itong saysay! Hindi magagawang perpekto ang tao ng mga tandang iyon! Sa malinaw na pananalita: Ngayon, ang praktikal na Diyos Mismo na nagkatawang-tao ay hindi kumikilos; nangungusap lamang Siya. Ito ang katotohanan! Gumagamit Siya ng mga salita upang gawin kang perpekto, at gumagamit ng mga salita upang pakainin at diligan ka. Gumagamit din Siya ng mga salita upang gumawa, at gumagamit Siya ng mga salita sa halip na mga katunayan upang ipaalam sa iyo ang pagiging praktikal Niya. Kung may kakayahan kang mahiwatigan ang paraang ito ng gawain ng Diyos, mahirap na sa gayong maging negatibo. Sa halip na pagtuunan ng pansin ang mga bagay na negatibo, dapat ninyong pagtuunan ng pansin yaong mga positibo lamang—na ibig sabihin, natutupad man o hindi ang mga salita ng Diyos, o mayroon man o walang pagdating ng mga katunayan, nagsasanhi ang Diyos na matamo ng tao ang buhay mula sa Kanyang mga salita, at ito ang pinakadakila sa lahat ng tanda; at lalong higit pa, ito ay isang di-mapapasubaliang katunayan. Ito ang pinakamainam na katibayan na magagamit sa pagkilala sa Diyos, at mas dakila pang tanda kaysa mga tanda. Tanging ang mga salitang ito ang makakagawang perpekto sa tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Lahat ay Nakakamit sa Pamamagitan ng Salita ng Diyos
Bagama’t maaaring mabagsik ang Aking mga salita, ang lahat ng ito ay para sa pagliligtas sa tao, dahil nagpapahayag lamang Ako ng mga salita at hindi Ko pinarurusahan ang laman ng tao. Ang mga salitang ito ay nagiging dahilan upang mabuhay ang tao sa liwanag, upang malaman nila na mayroong liwanag, upang malaman nila na ang liwanag ay mahalaga, at, higit pa rito, upang malaman kung gaano kalaki ang pakinabang ng mga salitang ito rito, gayundin upang malaman na ang Diyos ay kaligtasan. Bagama’t nagpahayag na Ako ng maraming salita ng pagkastigo at paghatol, wala pang aktuwal na sumapit sa inyo. Naparito Ako mismo upang gawin ang Aking gawain at ipahayag ang Aking mga salita, at bagama’t maaaring mabagsik ang Aking mga salita, ipinapahayag ang mga ito sa paghatol sa inyong katiwalian at paghihimagsik. Ang layunin ng Aking paggawa nito ay nananatiling upang iligtas ang tao mula sa kapangyarihan ni Satanas. Ang layunin ay ang gamitin ang Aking mga salita upang iligtas ang tao; hindi upang pinsalain ang tao gamit ang Aking mga salita. Ang Aking mga salita ay mabagsik upang magkaroon ng mga resulta sa Aking gawain. Sa pamamagitan lamang ng gayong gawain makikilala ng tao ang sarili nito at makakawala sa mapaghimagsik nitong disposisyon. Ang pinakadakilang kabuluhan ng gawain ng mga salita ay na binibigyang-kakayahan nito ang mga tao na isagawa ang katotohanan kapag naunawaan nila ito, na mabago ang kanilang disposisyon, at magtamo ng kaalaman tungkol sa kanilang sarili at sa gawain ng Diyos. Sa paggawa lamang ng gawain sa pamamagitan ng pagpapahayag ng mga salita ang maaaring maging tulay sa ugnayan sa pagitan ng Diyos at ng tao, at mga salita lamang ang maaaring magpaliwanag sa katotohanan. Ang paggawa sa ganitong paraan ang pinakamahusay na paraan ng paglupig sa tao; bukod sa pagbigkas ng mga salita, wala nang iba pang pamamaraan ang may kakayahang magbigay sa tao ng mas malinaw na pagkaunawa sa katotohanan at sa gawain ng Diyos. Sa gayon, sa huling yugto ng Kanyang gawain, ginagamit ng Diyos ang pamamaraan ng pakikipag-usap sa tao upang ibunyag dito ang lahat ng katotohanan at hiwaga na hindi nito nauunawaan, na nagtutulot na matamo nito mula sa Diyos ang tunay na daan at ang buhay, at sa gayon ay matugunan ang Kanyang mga layunin.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Isantabi ang mga Pagpapala ng Katayuan at Unawain ang Layunin ng Diyos na Maghatid ng Kaligtasan sa Tao
Sa kapanahunang ito, at sa gitna ninyo, isasakatuparan ng Diyos ang sumusunod na katunayan: na bawat tao ay isasabuhay ang mga salita ng Diyos, maisasagawa ang katotohanan, at taimtim na mamahalin ang Diyos; na gagamitin ng lahat ng tao ang mga salita ng Diyos bilang pundasyon at bilang kanilang realidad, at magkakaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso; at na, sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga salita ng Diyos, gagamit ang tao ng pangharing kapangyarihan kasama ang Diyos. Ito ang gawaing isasakatuparan ng Diyos. Makakaya mo bang magpatuloy nang hindi binabasa ang mga salita ng Diyos? Ngayon, pakiramdam ng marami ay hindi nila kayang magpatuloy nang kahit isa o dalawang araw lamang nang hindi binabasa ang Kanyang mga salita. Kailangan nilang basahin ang Kanyang mga salita araw-araw, at kung hindi tutulutan ng panahon, sasapat nang makinig sila sa mga ito. Ito ang pakiramdam na ibinibigay ng Banal na Espiritu sa mga tao, at ito ang paraan na sinisimulan Niya silang antigin. Ibig sabihin, pinamamahalaan Niya ang mga tao sa pamamagitan ng mga salita, nang sa gayon ay makapasok sila sa realidad ng mga salita ng Diyos. Kung, pagkaraan ng kahit isang araw lamang na hindi kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, makadarama ka ng kadiliman at pagkauhaw, at hindi mo ito matatagalan, ipinakikita nito na naantig ka na ng Banal na Espiritu, at na hindi ka pa Niya tinatalikuran. Ikaw, kung gayon, ay isang tao na nasa daloy na ito. Gayunman, kung pagkaraan ng isa o dalawang araw nang hindi kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, wala kang anumang nadarama, kung hindi ka nauuhaw, at ni hindi ka man lamang naaantig, nagpapakita ito na tinalikuran ka na ng Banal na Espiritu. Nangangahulugan ito, kung gayon, na may hindi tama sa kalagayang nasa iyong kalooban; hindi ka pa nakapasok sa Kapanahunan ng Salita, at isa ka sa mga yaong naiwan. Gumagamit ang Diyos ng mga salita upang pamahalaan ang mga tao; maganda ang iyong pakiramdam kung kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos, at kung hindi, wala kang landas na susundan. Ang mga salita ng Diyos ay nagiging pagkain ng mga tao, at ang puwersang nagtutulak sa kanila. Sinasabi sa Bibliya na “Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Diyos” (Mateo 4:4). Ngayon, tatapusin ng Diyos ang gawaing ito, at isasakatuparan Niya ang katotohanang ito sa inyo. Paano nakakatagal ang mga tao nang maraming araw, noong araw, nang hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos subalit nakakakain at nakakagawa pa rin tulad ng dati, ngunit hindi ganito ang nangyayari ngayon? Sa kapanahunang ito, mga salita ang pangunahing ginagamit ng Diyos upang pamahalaan ang lahat. Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, hinahatulan at ginagawang perpekto ang tao, pagkatapos ay dinadala sa kaharian sa huli. Tanging ang mga salita ng Diyos ang makapagtutustos sa buhay ng tao, at mga salita lamang ng Diyos ang makakapagbigay sa tao ng liwanag at isang landas para magsagawa, lalo na sa Kapanahunan ng Kaharian. Basta’t hindi ka lumalayo mula sa realidad ng mga salita ng Diyos, at kumakain at umiinom ka ng Kanyang mga salita araw-araw, magagawa kang perpekto ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita