Kabanata 17
Umaalingawngaw ang Aking mga pagbigkas tulad ng kulog, na nagbibigay ng liwanag sa lahat ng direksyon at sa buong mundo, at sa gitna ng kulog at kidlat, pinapatay ang sangkatauhan. Wala pang taong nanatiling matatag kailanman sa gitna ng kulog at kidlat; karamihan sa mga tao ay lubhang nasisindak sa pagdating ng Aking liwanag at hindi malaman kung ano ang gagawin. Nang magsimulang lumitaw sa Silangan ang bahagyang sinag ng liwanag, maraming tao, na naantig sa bahagyang liwanag na ito, ang agad-agad na napukaw mula sa kanilang mga ilusyon. Subalit wala pang sinumang nakatanto na dumating na ang araw na bumababa sa mundo ang Aking liwanag. Karamihan sa mga tao ay natulala sa biglaang pagdating ng liwanag, at ang ilan, na nakatitig nang may nag-uusisang pagkamangha, ay minamasdan ang mga galaw ng liwanag at ang direksyong pinatutunguhan nito, samantalang nakahanda ang ilan habang nakaharap sa liwanag, upang mas malinaw nilang mauunawaan ang pinagmumulan ng liwanag. Magkagayunman, natuklasan na ba ng sinuman kung gaano kahalaga ang liwanag ng ngayon? Mayroon bang sinuman na napukaw sa pagiging katangi-tangi ng liwanag ng ngayon? Karamihan sa mga tao ay naguguluhan lamang; nasasaktan ang kanilang mga mata at inihagis sila ng liwanag sa putikan. Sa ilalim ng malabong liwanag na ito, masasabi ng isang tao na natatakpan ng kaguluhan ang lupa, isang nakalulungkot na tanawin na, kapag sinuring mabuti, dumaranas ang isang tao ng napakatinding kalungkutan. Natutuklasan ng isang tao mula rito na, kapag napakalakas ng liwanag, ang kalagayan ng mundo ay di-gaanong matutulutan ang sangkatauhan na tumayo sa Aking harapan. Ang sangkatauhan ay nasa ilalim ng ningning ng liwanag; muli, ang buong sangkatauhan ay nasa ilalim ng pagliligtas ng liwanag, subalit gayundin sa pananakit nito: Mayroon bang sinuman na hindi nakararanas ng nakamamatay na mga paghampas ng liwanag? Mayroon bang sinuman na makatatakas sa naglalagablab na liwanag? Nakapaglakad na Ako sa buong sansinukob, isinasabog ng Aking mga kamay ang mga binhi ng Aking Espiritu, upang ang buong sangkatauhan sa ibabaw ng lupa ay maaantig Ko dahil dito. Mula sa pinakamataas na tugatog ng kalangitan, tinatanaw Ko ang buong daigdig, minamasdan ang kakatwa at kakaibang kababalaghan ng mga nilalang sa lupa. Ang ibabaw ng karagatan ay parang nagdurusa sa pagyanig ng isang lindol: Paroo’t parito ang lipad ng mga ibong-dagat, naghahanap ng isdang malululon. Samantala, nananatiling walang alam ang pusod ng dagat, at ang mga kundisyon sa ibabaw nito ay lubos na walang kakayahang pukawin ito upang magkamalay, dahil ang pusod ng karagatan ay kasing-payapa ng ikatlong langit: Dito, ang mga bagay na may buhay, malaki man o maliit, ay sama-samang umiiral nang magkakasundo, na hindi nakikisangkot kailanman sa “mga pagtatalo ng bibig at dila.” Sa napakaraming kakaiba at nakatutuwang kababalaghan, lubhang nahihirapan ang sangkatauhan na palugurin Ako. Napakataas ng posisyong naibigay Ko sa tao, at sa gayon ay napakataas ng kanyang ambisyon, at sa kanyang mga mata, laging may elemento ng pagsuway. Sa Aking pagdisiplina sa tao, sa Aking paghatol sa kanya, maraming puno ng sakit, maraming puno ng habag, ngunit sa mga bagay na ito, wala ni kaunting ideya ang sangkatauhan. Hindi Ko tinrato nang may kalupitan kailanman ang sinumang tao; nagsagawa lamang Ako ng angkop na mga pagtutuwid noong naging masuwayin ang sangkatauhan, at nag-alok lamang ng angkop na tulong noong siya ay mahina. Ngunit, kapag patuloy na lumalayo sa Akin ang sangkatauhan at bukod pa riyan ay gumagamit ng mapanlinlang na mga pakana ni Satanas upang maghimagsik laban sa Akin, agad Kong lilipulin ang sangkatauhan, na hindi sila binibigyan ng isa pang pagkakataong ipagyabang ang kanilang mga kakayahan sa Aking harapan, upang hindi na sila makapagyabang sa paglakad, na tinatakot ang iba, sa ibabaw ng mundo.
Ginagamit Ko ang Aking awtoridad sa lupa, inilalahad Ko ang Aking gawain sa kabuuan nito. Lahat ng nasa Aking gawain ay nasasalamin sa ibabaw ng lupa; hindi naunawaan ng sangkatauhan kailanman, sa lupa, ang Aking mga galaw sa kalangitan, ni hindi nila pinagnilayang mabuti ang mga pag-ikot at mga direksyon ng Aking Espiritu. Ang naiintindihan lamang ng karamihan sa mga tao ay ang maliliit na detalyeng nasa labas ng espiritu, hindi nila naiintindihan ang aktwal na kalagayan ng espiritu. Ang mga kahilingan Ko sa sangkatauhan ay hindi lumalabas mula sa Aking malabong sarili na nasa langit, o mula sa sarili Kong hindi masuri sa lupa; Gumagawa Ako ng angkop na mga hinihingi ayon sa tayog ng tao sa lupa. Hindi Ko pinaghirap ang sinuman kailanman, ni hindi Ko hiningi sa kaninuman na “pigain ang kanyang dugo” para sa Aking kaluguran—maaari kayang limitahan ang Aking mga hinihingi sa gayong mga kundisyon? Sa napakaraming nilalang sa lupa, alin ang hindi nagpapasakop sa mga disposisyon ng mga salita sa Aking bibig? Alin sa mga nilalang na ito, na lumalapit sa Aking harapan, ang hindi ganap na sinunog ng Aking mga salita at ng Aking naglalagablab na apoy? Alin sa mga nilalang na ito ang nangangahas na “lumakad nang buong kahambugan” sa mayabang na pagbubunyi sa Aking harapan? Alin sa mga nilalang na ito ang hindi yumuyukod sa Aking harapan? Ako ba ang Diyos na nagpapataw lamang ng katahimikan sa mga nilalang? Sa napakaraming bagay na nilalang, pinipili Ko yaong mga nakakalugod sa Aking layon; sa napakaraming tao sa sangkatauhan, pinipili Ko yaong mga nagmamalasakit sa Aking puso. Pinipili Ko ang pinakamaganda sa lahat ng bituin, nang sa gayon ay makapagdagdag ng bahagyang kislap ng liwanag sa Aking kaharian. Lumalakad Ako sa lupa, nagsasabog ng Aking bango sa lahat ng dako, at, sa bawat lugar, iniiwan Ko ang Aking anyo. Sa bawat lugar ay umaalingawngaw ang Aking tinig. Ginugunita ng mga tao sa lahat ng dako ang magagandang tanawin ng kahapon, sapagkat naaalala ng buong sangkatauhan ang nakaraan …
Ang buong sangkatauhan ay nananabik na makita ang Aking mukha, ngunit nang bumaba Ako sa lupa nang personal, tutol silang lahat sa Aking pagdating, at itinataboy nila ang pagdating ng liwanag, na parang kaaway Ako ng tao sa langit. Sinasalubong Ako ng tao nang may pananggalang na liwanag sa kanyang mga mata, at nananatiling palaging alisto, na takot na takot na baka may iba Akong mga plano para sa kanya. Dahil ang turing sa Akin ng mga tao ay kaibigang hindi kilala, pakiramdam nila ay parang may kimkim Akong layunin na patayin sila nang walang pili-pili. Sa mga mata ng tao, isa Akong nakamamatay na kalaban. Nang matikman ang init ng Aking pagmamahal sa gitna ng kalamidad, ang tao gayunpaman ay hindi pa rin namamalayan ang Aking pagmamahal, at determinado pa ring hadlangan Ako at suwayin. Sa halip na samantalahin ang kanyang kundisyon para kumilos laban sa kanya, niyayapos Ko ang tao sa mainit na yakap, pinupuspos Ko ng tamis ang kanyang bibig, at nilalagyan Ko ng kailangang pagkain ang kanyang tiyan. Ngunit, kapag niyayanig ng Aking nagpupuyos na galit ang kabundukan at mga ilog, dahil sa karuwagan ng tao, hindi Ko na siya pagkakalooban ng iba’t ibang uri ng pagtulong na ito. Sa sandaling ito, Ako ay magngangalit, tumatangging bigyan ng pagkakataon ang lahat ng bagay na may buhay na magsisi at, binibitawan ang lahat ng Aking pag-asa para sa tao, ilalapat Ko sa kanya ang ganting nararapat talaga sa kanya. Sa pagkakataong ito, biglang gumuguhit ang kidlat at dumadagundong ang kulog, tulad ng mga alon sa karagatan na nagpupuyos sa galit, tulad ng libu-libong bundok na nagsisiguho. Para sa kanyang pagkasuwail, ang tao ay pinatutumba ng kulog at kidlat, at ang iba pang mga nilalang ay nililipol sa mga pagsabog ng kulog at kidlat, at ang buong sansinukob ay biglang bumubulusok sa malaking kaguluhan, at hindi na mabawi ng mga nilikha ang pangunahing hininga ng buhay. Hindi matakasan ng napakaraming hukbo ng sangkatauhan ang dagundong ng kulog; sa gitna ng mga pagkislap ng kidlat, nabubuwal ang mga tao, nang kawan-kawan, sa matuling agos, upang matangay ng malalakas na agos na bumababa mula sa kabundukan. Bigla, nagtitipun-tipon ang mundo ng “mga tao” sa lugar ng “hantungan” ng tao. Tinatangay ang mga bangkay sa ibabaw ng karagatan. Buong sangkatauhan ay nagsisilayo sa Akin dahil sa Aking poot, sapagkat nagkasala ang tao laban sa diwa ng Aking Espiritu, at nasaktan Ako sa kanyang paghihimagsik. Ngunit, sa mga lugar na walang tubig, tinatamasa pa rin ng ibang mga tao, sa gitna ng tawanan at awitan, ang mga pangakong naipagkaloob Ko sa kanila.
Kapag tahimik ang lahat ng tao, naglalabas Ako ng kislap ng liwanag sa harap ng kanilang mga mata. Kapagdaka, lumilinaw ang isipan at nagniningning ang mata ng mga tao, ayaw na nilang manahimik; sa gayon, ang espirituwal na damdamin ay naiipon kaagad sa kanilang puso. Kapag nangyayari ito, buong sangkatauhan ay nabubuhay na mag-uli. Isinasantabi ang kanilang di-masabing mga hinaing, lahat ng tao ay humaharap sa Akin, pagkatapos mabigyan ng isa pang pagkakataong maligtas sa pamamagitan ng mga salitang Aking ipinapahayag. Ito ay dahil nais ng lahat ng tao na mabuhay sa ibabaw ng lupa. Subalit sino sa kanila ang nagkaroon ng layon na mabuhay para sa Aking kapakanan? Sino sa kanila ang nakapaglantad na ng magagandang bagay sa kanyang sarili na inihahandog niya para sa Aking kasiyahan? Sino sa kanila ang nakatuklas na sa Aking nakakaakit na bango? Lahat ng tao ay magaslaw at hindi pinong mga bagay: Sa tingin, tila nakakasilaw sila sa mga mata, ngunit ang kanilang diwa ay hindi para mahalin Ako nang taos-puso, dahil, sa kaibuturan ng puso ng tao, hindi nagkaroon ng anumang bahagi Ko kailanman. Kulang na kulang ang tao: Ang pagkukumpara sa kanya sa Akin ay tila naghahayag ng isang malaking agwat na sinlawak ng langit at lupa. Gayunpaman, hindi Ko tinutuligsa ang mahihina at madaling masaktang bahagi ng tao, ni hindi Ko siya nililibak dahil sa kanyang mga pagkukulang. Libu-libong taon nang gumagawa sa mundo ang Aking mga kamay, at habang nangyayari ito, palaging nakabantay ang Aking mga mata sa buong sangkatauhan. Subalit hindi Ko pinaglaruan kailanman ang buhay ng isang tao na parang isang laruan. Minamasdan Ko ang mga pasakit na nararanasan ng tao at nauunawaan Ko ang halagang kanyang naisakripisyo. Habang nakatayo siya sa Aking harapan, ayaw Kong gulatin ang tao para kastiguhin siya, ni ayaw Ko siyang pagkalooban ng mga bagay na di-kanais-nais. Sa halip, sa buong panahong ito, natustusan Ko lamang at nabigyan ang tao. Kaya, ang tinatamasa lamang ng tao ay ang Aking biyaya, iyon ang lahat ng kasaganaang nagmumula sa Aking kamay. Dahil Ako ay nasa mundo, hindi kinailangan ng tao kailanman na magdanas ng paghihirap na magutom. Sa halip, tinutulutan Ko ang tao na tumanggap ng mga bagay sa Aking mga kamay na maaari niyang matamasa, at tinutulutan Ko ang sangkatauhan na mabuhay sa loob ng Aking mga pagpapala. Hindi ba nabubuhay ang buong sangkatauhan sa ilalim ng Aking pagkastigo? Tulad ng mayroong kasaganaan sa kaloob-looban ng kabundukan, at kasaganaan ng mga bagay na matatamasa sa katubigan, hindi ba mas lalong mayroong pagkaing pasasalamatan at titikman ang mga taong nabubuhay sa loob ng Aking mga salita ngayon? Ako ay nasa lupa, at tinatamasa ng sangkatauhan ang Aking mga pagpapala sa lupa. Kapag nilisan Ko ang lupa, kung kailan matatapos din ang Aking gawain, hindi na tatanggap ang sangkatauhan ng Aking kagandahang-loob dahil sa kanilang kahinaan.
Marso 16, 1992