Kabanata 16
Napakarami Kong gustong sabihin sa tao, napakaraming bagay na kailangan Kong sabihin sa kanya. Ngunit kulang na kulang ang kakayahan ng tao na tumanggap; hindi kaya ng tao na lubos na maintindihan ang Aking mga salita ayon doon sa Aking ibinigay, at isang aspeto lamang ang kanyang nauunawaan, samantalang nananatiling mangmang tungkol sa iba. Subalit hindi Ko pinarurusahan ng kamatayan ang tao dahil sa kawalan niya ng lakas, ni hindi Ako naagrabyado sa kanyang kahinaan. Ginagawa Ko lamang ang Aking gawain, at nagsasalita na tulad ng lagi Kong ginagawa, kahit hindi nauunawaan ng tao ang Aking kalooban; pagdating ng araw, makikilala Ako ng mga tao sa kaibuturan ng kanilang puso, at maaalala Ako sa kanilang isipan. Kapag nilisan Ko ang mundong ito, iyon mismo ang panahon na aakyat Ako sa trono sa puso ng tao, ibig sabihin, iyon ang panahon na makikilala Ako ng lahat ng tao. Gayundin, iyon ang panahon na mamumuno ang Aking mga anak na lalaki at mga tao sa lupa. Yaong mga nakakakilala sa Akin ay tiyak na magiging mga haligi ng Aking kaharian, at sila lamang ang magiging karapat-dapat na mamuno at gumamit ng kapangyarihan sa Aking kaharian. Lahat ng nakakakilala sa Akin ay taglay ang Aking katauhan, at naisasabuhay Ako sa gitna ng lahat ng tao. Wala Akong pakialam kung gaano Ako kakilala ng tao: Walang sinumang maaaring humadlang sa Aking gawain sa anumang paraan, at walang maitutulong at magagawa ang tao para sa Akin. Masusundan lamang ng tao ang Aking patnubay sa Aking liwanag, at mahahanap ang Aking kalooban sa liwanag na ito. Ngayon, may mga kwalipikasyon na ang mga tao, at naniniwala sila na kaya nilang magmayabang sa Aking harapan, at makipagtawanan at makipagbiruan sa Akin nang wala ni katiting na pangingimi, at pakitunguhan Ako bilang isang kapantay. Hindi pa rin Ako kilala ng tao, naniniwala pa rin siya na magkapareho ang aming likas na katangian, na pareho kaming may laman at dugo, at parehong nananahan sa mundo ng tao. Napakaliit ng puso niyang may takot sa Akin; kinatatakutan niya ako kapag kaharap niya Ako, ngunit wala siyang kakayahang maglingkod sa Akin sa harap ng Espiritu. Para bang ang Espiritu, para sa tao, ay hindi man lamang umiiral. Dahil dito, wala pang taong nakakilala sa Espiritu kailanman; sa Aking pagkakatawang-tao, ang nakikita lamang ng mga tao ay isang katawang may laman at dugo, at hindi nahihiwatigan ang Espiritu ng Diyos. Maaari kayang tunay na matupad ang Aking kalooban sa ganitong paraan? Bihasa ang mga tao sa panlilinlang sa Akin; tila talagang naturuan sila ni Satanas upang lokohin Ako. Subalit hindi Ako nagugulo ni Satanas. Gagamitin Ko pa rin ang Aking karunungan para lupigin ang buong sangkatauhan at talunin ang nagtitiwali sa buong sangkatauhan, nang sa gayon ay maitatag ang Aking kaharian dito sa lupa.
Sa mga tao, may mga nagtangkang tiyakin ang sukat ng mga bituin, o ang lawak ng kalawakan. Subalit kailanman ay hindi nagkaroon ng bunga ang kanilang pagsasaliksik, at nagyuko na lamang sila ng ulo sa pagkadismaya at tinanggap ang kanilang pagkakamali. Sa pagtingin sa lahat ng tao at pagmamasid sa galaw ng tao sa kanyang mga pagkakamali, wala Akong nakikita na lubos na kumbinsido tungkol sa Akin, walang sumusunod sa Akin at nagpapasakop sa Akin. Napakabangis ng mga ambisyon ng tao! Noong madilim ang buong mukha ng kailaliman, unti-unti Kong natikman sa piling ng tao ang kapaitan ng mundo. Naglalakbay ang Aking Espiritu sa buong mundo at nakatingin sa puso ng lahat ng tao, subalit, nilulupig Ko rin ang sangkatauhan sa Aking nagkatawang-taong laman. Hindi Ako nakikita ng tao, sapagkat siya ay bulag; hindi Ako nakikilala ng tao, sapagkat naging manhid na siya; kinokontra Ako ng tao, sapagkat siya ay suwail; yumuyukod ang tao sa Aking harapan, sapagkat siya ay nalupig Ko na; natututuhan Akong mahalin ng tao, sapagkat likas Akong nararapat sa pagmamahal ng tao; isinasabuhay Ako ng tao at ipinapakita Ako, dahil ang Aking kapangyarihan at Aking karunungan ay ginawa siyang kaayon ng Aking puso. May puwang Ako sa puso ng tao, ngunit hindi Ko natanggap kailanman ang pagmamahal sa Akin ng tao na nananahan sa kanyang espiritu. Tunay ngang may mga bagay sa espiritu ng tao na minamahal niya nang higit sa lahat, ngunit hindi Ako isa sa mga iyon, kaya nga ang pagmamahal ng tao ay parang bula ng sabon: Kapag umiihip ang hangin, pumuputok ito at nawawala, at hindi na muling makikita kailanman. Hindi Ako nagbago kailanman at hindi nagbabago ang Aking pagtingin sa tao. Mayroon bang sinuman sa sangkatauhan na nakagawa nito? Sa mga mata ng tao, hindi Ako nahihipo at nakikita na tulad ng hangin, at dahil dito, karamihan sa mga tao ay naghahanap lamang sa walang-hangganang kalangitan, o sa gumugulong na alon ng dagat, o sa payapang lawa, o sa mga hungkag na salita at doktrina. Wala ni isang tao ang nakakaalam sa diwa ng sangkatauhan, lalo nang walang sinumang makakapagsabi ng kahit ano tungkol sa hiwagang nasa Aking kalooban, kaya nga hindi Ko hinihiling na makamtan ng tao ang pinakamataas na mga pamantayan na iniisip niyang hinihiling Ko sa kanya.
Sa gitna ng Aking mga salita, gumuguho ang kabundukan, pabaligtad ang daloy ng tubig, nagpapasakop ang tao, at nagsisimulang dumaloy nang walang tigil ang tubig sa mga lawa. Bagama’t dumadaluyong ang nagngangalit na alon sa mga dagat patungo sa langit, sa gitna ng Aking mga salita ay kumalma ang mga dagat na ito tulad ng ibabaw ng isang lawa. Sa pinakabahagyang kumpas ng Aking kamay, agad na napapawi ang mababagsik na unos at lumalayo sa Akin, at ang mundo ng tao ay agad na napayapang muli. Ngunit kapag pinawalan Ko ang Aking matinding poot, agad na gumuguho ang kabundukan, agad na nagsisimulang yumanig ang lupa, agad na natutuyo ang tubig, at agad na sumasapit ang kalamidad sa tao. Dahil sa Aking poot, hindi Ko pinapansin ang mga hiyaw ng tao, wala Akong ibinibigay na tulong bilang tugon sa kanyang pagtangis, sapagkat nagngingitngit Ako sa galit. Kapag Ako ay nasa kalangitan, hindi kailanman nakararamdam ng takot ang mga bituin sa Aking presensya. Sa halip, itinutuon nila ang kanilang puso sa kanilang gawain para sa Akin, kaya pinagkakalooban Ko sila ng dagdag na liwanag at lalong pinaniningning ang kanilang pagsikat, kaya nagtatamo sila ng mas dakilang kaluwalhatian para sa Akin. Kapag mas maliwanag ang kalangitan, mas madilim ang mundo sa ilalim; kaya maraming tao ang nagreklamo na hindi angkop ang Aking mga plano, napakarami nang tumalikod sa Akin upang magtayo ng sarili nilang kaharian, na ginagamit nila upang ipagkanulo Ako, at baligtarin ang kalagayan ng kadiliman. Subalit sino na ang nakapagpasiyang gawin ito? At sino na ang naging matagumpay sa kanilang pagpapasiya? Sino ang maaaring magbaligtad ng naiplano na ng Aking kamay? Kapag lumalaganap ang tagsibol sa buong lupain, lihim at tahimik Akong nagpapadala ng liwanag sa mundo, upang, sa lupa, biglang madarama ng tao ang kasariwaan sa hangin. Subalit sa sandaling iyon mismo, pinalalabo Ko ang mga mata ng tao, kaya ang nakikita lamang niya ay ang hamog na nakalambong sa lupa, at lahat ng tao at bagay ay nagiging malabo. Ang tanging magagawa ng mga tao ay bumuntong-hininga sa kanilang sarili at isipin, “Bakit sandali lamang tumagal ang liwanag? Bakit hamog at kalabuan lamang ang ibinibigay ng Diyos sa tao?” Sa gitna ng kawalang-pag-asa ng mga tao, naglalaho ang hamog sa isang iglap, ngunit kapag may namataan silang isang kislap ng liwanag, nagpapakawala Ako ng malakas na buhos ng ulan sa kanila, at nabibingi ang kanilang mga tainga sa kulog habang sila ay natutulog. Dahil sa takot, wala na silang panahon para kumanlong, at nilalamon sila ng malakas na buhos ng ulan. Sa isang iglap, lahat ng bagay sa ilalim ng kalangitan ay inaanod sa gitna ng Aking nagpupuyos na galit. Hindi na nagrereklamo ang mga tao tungkol sa pagsisimula ng malakas na ulan, at sa loob nila ay nasisilang ang isang pusong may takot. Dahil sa biglang pagbuhos na ito ng ulan, karamihan sa mga tao ay nalulunod sa tubig na bumubuhos mula sa langit, at nagiging mga bangkay sa tubig. Minamasdan Ko ang buong mundo at nakikita Ko na marami ang nagigising, na marami ang nagsisisi, na marami ang naghahanap sa pinagmulan ng mga tubig sa maliliit na bangka, na marami ang yumuyukod sa Akin upang humingi ng Aking kapatawaran, na marami na ang nakakita sa liwanag, na marami na ang nakakita sa Aking mukha, na marami na ang may tapang na mabuhay, at na nabago na ang buong mundo. Pagkaraan ng malakas na pagbuhos na ito ng ulan, nagbalik na ang lahat ng bagay sa kung ano ang mga ito sa Aking isipan, at hindi na sila suwail. Hindi nagtagal, ang buong lupain ay napuno ng tawanan, saanmang dako sa mundo ay puno ng papuri, at walang lugar na wala ang Aking kaluwalhatian. Ang Aking karunungan ay nasa lahat ng dako sa mundo, at sa buong sansinukob. Sa lahat ng bagay ay naroon ang mga bunga ng Aking karunungan, lahat ng tao ay sagana sa mga obra maestra ng Aking karunungan; lahat ng bagay ay katulad ng lahat ng bagay sa Aking kaharian, at lahat ng tao ay namamahinga sa ilalim ng Aking kalangitan na tulad ng mga tupa sa Aking mga pastulan. Gumagalaw Ako sa ibabaw ng lahat ng tao at nagmamasid Ako sa lahat ng dako. Walang anumang mukhang luma kailanman, at walang taong katulad ng dati. Namamahinga Ako sa trono, nakasandig Ako sa ibabaw ng buong sansinukob, at lubos Akong nasisiyahan, sapagkat nabawi na ng lahat ng bagay ang kanilang kabanalan, at muli Akong maninirahan nang payapa sa loob ng Sion, at ang mga tao sa lupa ay maaaring mamuhay nang mapayapa at kuntento sa ilalim ng Aking patnubay. Lahat ng tao ay pinangangasiwaan ang lahat ng bagay sa Aking kamay, lahat ng tao ay nabawi na ang dati nilang katalinuhan at orihinal na anyo; hindi na sila nababalutan ng alabok, kundi, sa Aking kaharian, sila ay banal na tulad ng jade, bawat isa ay may mukhang gaya ng sa banal na nasa puso ng tao, sapagkat ang Aking kaharian ay naitatag na sa mga tao.
Marso 14, 1992