Kabanata 18
Sa isang paghaginit ng kidlat, nabubunyag ang tunay na anyo ng bawat hayop. Gayundin naman, natatanglawan ng Aking liwanag, nabawi na ng tao ang kabanalang minsan niyang tinaglay. Ah, tiwaling mundo noong araw! Sa wakas, nabuwal na ito tungo sa maruming tubig at, habang lumulubog pailalim, naglaho sa putikan! Ah, buong sangkatauhan, na sarili Kong likha! Sa wakas ay muli silang nabuhay sa liwanag, natagpuan nila ang pundasyon para sa pag-iral, at tumigil sa pakikibaka sa putikan! Ah, ang napakaraming bagay na nilikha na hawak Ko sa Aking mga kamay! Paanong hindi sila mapaninibago sa pamamagitan ng Aking mga salita? Paanong hindi nila magagampanan, sa liwanag, ang kanilang mga tungkulin? Hindi na tahimik at walang ingay na parang libingan ang mundo, hindi na mapanglaw at malungkot ang langit. Ang langit at lupa, na wala nang puwang sa pagitan, ay nagkaisa na, at hindi na kailanman muling paghihiwalayin pa. Sa masayang pagkakataong ito, sa sandaling ito ng malaking katuwaan, ang Aking pagkamatuwid at ang Aking kabanalan ay umabot na sa buong sansinukob, at walang humpay na pinupuri iyon ng buong sangkatauhan. Nagtatawanan sa galak ang mga lungsod ng langit, at nagsasayawan sa galak ang mga kaharian ng lupa. Sa pagkakataong ito, sino ang hindi nagagalak, at sino ang hindi nananangis? Ang mundo sa una nitong kalagayan ay pag-aari ng langit, at ang langit ay kaugnay ng lupa. Ang tao ang tali na nag-uugnay sa langit at lupa, at dahil sa kabanalan ng tao, dahil sa pagpapanibago ng tao, hindi na nakatago ang langit mula sa lupa, at hindi na tahimik ang lupa ukol sa langit. Ang mukha ng sangkatauhan ay puno ng mga ngiti ng kasiyahan, at may nakatago sa lahat ng puso nila na isang tamis na walang hangganan. Hindi nakikipag-away ang tao sa tao, ni hindi sinasaktan ng mga tao ang isa’t isa. Mayroon ba, sa Aking liwanag, na hindi namumuhay nang matiwasay sa piling ng iba? Mayroon ba, sa Aking panahon, na nagbibigay ng kahihiyan sa Aking pangalan? Mapitagang nakatingin sa Akin ang lahat ng tao, at sa puso nila, lihim silang nananawagan sa Akin. Nasiyasat Ko na ang bawat kilos ng sangkatauhan: Sa mga taong nalinis na, walang sumusuway sa Akin, walang humuhusga sa Akin. Buong sangkatauhan ay puno ng Aking disposisyon. Lahat ng tao ay nakikilala na Ako, mas lumalapit sa Akin, at sinasamba Ako. Naninindigan Ako sa espiritu ng tao, dinadakila Ako sa pinakamataas na tugatog sa mga mata ng tao, at dumadaloy sa dugo sa mga ugat ng tao. Ang masayang pagbubunyi sa puso ng tao ay pinupuno ang bawat lugar sa balat ng lupa, masigla at sariwa ang hangin, hindi na tinatakluban ng makakapal na hamog ang lupa, at maningning ang sikat ng araw.
Ngayon, tingnan ninyo ang Aking kaharian, kung saan Ako ang Hari sa lahat, at kung saan gumagamit Ako ng kapangyarihan sa lahat. Mula sa simula ng paglikha hanggang sa araw na ito, ang Aking mga anak, sa paggabay Ko, ay sumailalim na sa napakaraming hirap ng buhay, napakaraming kawalang-katarungan ng mundo, napakaraming pagkabagabag sa mundo ng tao, ngunit ngayon ay nananahan sila sa Aking liwanag. Sino ang hindi umiiyak sa mga kawalang-katarungan ng nakaraan? Sino ang hindi lumuluha sa mga paghihirap na tiniis para umabot sa araw na ito? At muli, mayroon bang sinuman na hindi nagsasamantala sa pagkakataong ito upang ialay ang kanilang sarili sa Akin? Mayroon bang sinuman na hindi nagsasamantala sa pagkakataong ito upang ipahayag ang masidhing damdaming nag-uumapaw sa kanilang puso? Mayroon bang sinuman na hindi magpapahayag, sa sandaling ito, ng kanilang naranasan? Sa oras na ito, inilalaan ng lahat ng tao ang pinakamainam na bahagi ng kanilang sarili sa Akin. Ilan ang nagdurusa sa panghihinayang dahil sa nakaraan nilang mga kalokohan, ilan ang nasusuklam sa kanilang sarili dahil sa mga dati nilang pinagsikapang matamo! Nakilala na ng lahat ng tao ang kanilang sarili, nakita na nilang lahat ang mga gawa ni Satanas at ang Aking pagiging kamangha-mangha, at sa kaibuturan ng kanilang puso, mayroon nang puwang para sa Akin. Hindi Ko na tutugunan ng pagkamuhi o pagtatakwil ang mga tao, sapagkat naisakatuparan na ang Aking dakilang gawain, at wala nang humahadlang. Ngayon, sa mga anak ng Aking kaharian, mayroon bang sinuman na hindi pa napag-isipan ang sarili nilang mga alalahanin? Mayroon bang sinuman na wala nang iba pang konsiderasyon dahil sa mga paraan na isinasagawa ang Aking gawain? Mayroon bang sinuman na taos-pusong nag-alay ng kanilang sarili para sa Akin? Nabawasan na ba ang mga karumihan sa kaibuturan ng inyong puso? O dumami na ba ang mga ito? Kung hindi nabawasan ang maruruming elemento sa inyong puso, at ni hindi naragdagan ang mga ito, siguradong itatapon Ko ang mga taong katulad ninyo. Ang nais Ko ay mga taong banal na kaayon ng sarili Kong puso, hindi maruruming demonyong naghihimagsik laban sa Akin. Kahit hindi mahirap ang mga hinihiling Ko sa sangkatauhan, napakakumplikado ng kalooban ng mga tao kaya hindi madaling makaayon ang sangkatauhan sa Aking kalooban o hindi nila kaagad matupad ang Aking mga layunin. Karamihan sa mga tao ay lihim na nagsusumikap sa sarili nila sa pag-asang matamo ang huling korona ng tagumpay. Halos lahat ng tao ay nagsusumikap nang buong lakas, hindi nangangahas na magpabaya kahit isang sandali, takot na takot na mabihag ni Satanas sa pangalawang pagkakataon. Ayaw na nilang mangahas na magkimkim ng mga hinaing laban sa Akin, kundi palagi silang nagpapakita ng katapatan sa Akin. Narinig Ko na ang taos-pusong mga salitang sinambit ng napakaraming tao, mga kuwento mula sa napakaraming tao tungkol sa kanilang masasakit na karanasan sa gitna ng pagdurusa; napakarami Ko nang nakita, na napakagrabe ng kalagayan, na walang maliw na naghahandog ng kanilang katapatan sa Akin, at napakarami Ko nang namasdan, nang tahakin nila ang mabatong landas, na naghanap ng daan para makalabas. Sa mga sitwasyong ito, hindi sila nagreklamo kailanman; kahit medyo pinanghinaan sila ng loob nang hindi nila matagpuan ang liwanag, ni minsa’y hindi sila nagreklamo kailanman. Ngunit narinig Ko na rin ang napakaraming tao na nagmura nang husto mula sa kaibuturan ng kanilang puso, na isinusumpa ang Langit at pinararatangan ang lupa, at nakita Ko na rin ang napakaraming tao na pinabayaan ang kanilang sarili na mawalan ng pag-asa sa gitna ng kanilang dalamhati, na inihahagis ang kanilang sarili sa basurahan na parang basura, upang marumihan at marungisan. Narinig Ko na ang napakaraming tao na nag-aaway, dahil sa isang pagbabago sa katungkulan, na humahantong sa pagbabago ng kanilang mukha, sa gayon ay nagbabago ang kanilang mga pakikitungo sa kanilang kapwa, kaya hindi na sila magkakaibigan at nagiging magkakaaway, at inaatake ang isa’t isa sa salita. Ginagamit ng halos lahat ng tao ang Aking mga salita na parang mga balang nagmumula sa isang masinggan, at pinapuputukan ang iba nang walang kamalay-malay, hanggang sa mapuno ng maingay na sigawan ang mundo ng mga tao na bumabasag sa tahimik na kapanatagan. Sa kabutihang-palad, dumating na ang araw na ito; kung hindi, sino ang nakakaalam kung ilan ang maaaring mapahamak dahil sa walang-awang pagpapaputok ng masinggan na ito.
Kasunod ng paglabas ng Aking mga salita, at pagsabay sa mga kundisyon ng buong sangkatauhan, dahan-dahang bumaba sa lupa ang Aking kaharian. Hindi na nagkikimkim ng nakaliligalig na mga ideya ang tao, o “inaabala” ang kanyang sarili sa ibang mga tao, o “nag-aalala” sa kanila. Kaya nga, wala na ang mga kontrahang pagtatalo sa lupa, at, kasunod ng paglabas ng Aking mga salita, inalis ang sari-saring “mga armas” ng modernong panahon. Nakatagpong muli ng kapayapaan ang tao sa piling ng tao, minsan pang nabanaag ang espiritu ng pagkakasundo sa puso ng tao, at hindi na ipinagtatanggol ng sinuman ang kanilang sarili laban sa patagong pag-atake. Nakabalik na ang buong sangkatauhan sa normal na kalagayan at nagsimula na sa isang bagong buhay. Nananahan sa mga bagong kapaligiran, inililibot ng maraming tao ang kanilang tingin sa paligid, na nadarama na para silang nakapasok sa isang lubos na panibagong mundo, at dahil dito, hindi sila makaangkop kaagad sa kanilang kasalukuyang kapaligiran o makapasok kaagad sa tamang landas. Kaya nga, isang kaso ito ng “ang espiritu’y handa ngunit ang laman ay mahina” kung sangkatauhan ang pag-uusapan. Bagama’t hindi Ko pa Mismo natitikman na katulad ng tao ang kapaitan ng kahirapan, magkagayunman ay alam Ko ang lahat ng dapat malaman tungkol sa mga kakulangan ng tao. Alam na alam Ko ang mga pangangailangan ng tao, at ganap ang pagkaunawa Ko sa kanyang mga kahinaan. Dahil dito, hindi Ko pinagtatawanan ang tao sa kanyang mga pagkukulang; nangangasiwa lamang Ako, ayon sa kanyang kasamaan, ng isang angkop na sukat ng “pagtuturo,” upang mas magawa ng lahat na tumahak sa tamang landas, nang sa gayon ay tumigil ang sangkatauhan sa pagiging gumagalang mga ulila at sa halip ay maging mga sanggol na may isang lugar na matatawag na tahanan. Gayunpaman, ang Aking mga kilos ay pinamamahalaan ng mga prinsipyo. Kung ayaw ng mga tao na tamasahin ang lubos na kaligayahang nasa Akin, makakaayon lamang Ako sa kung saan nila naituon ang kanilang puso at ipadadala Ko sila sa walang-hanggang kalaliman. Sa puntong ito, wala nang sinumang dapat magkimkim ng mga hinaing sa kanilang puso, kundi dapat makita ng lahat ang Aking pagkamatuwid sa mga plano na Aking nagawa. Hindi Ko pinipilit ang sangkatauhan na mahalin Ako, ni hindi Ko sinasaktan ang sinumang tao sa pagmamahal sa Akin. Sa Akin ay may ganap na kalayaan, ganap na paglaya. Bagama’t nasa mga kamay Ko ang kapalaran ng tao, binigyan Ko na ng kalayaan ang tao, na hindi sumasailalim sa Aking pagpigil. Sa ganitong paraan, hindi mag-iimbento ang mga tao ng mga paraan para pumasok sa “problema” dahil sa Aking mga atas administratibo, kundi sa halip, umaasa sa Aking kagandahang-loob, ay “makalaya.” Kaya nga, maraming taong naghahanap sa loob ng hangganan ng kanilang kalayaan ng sarili nilang daan palabas, sa halip na pigilan Ko sila.
Noon pa man ay tinatrato Ko na ang sangkatauhan nang may kaluwagan, na hindi kailanman binibigyan ang mga tao ng mga problemang walang kalutasan, na hindi kailanman pinahihirapan ang sinumang tao. Hindi ba ganito? Bagama’t napakaraming taong hindi nagmamahal sa Akin, at malayong mayamot Ako sa ganitong klaseng pag-uugali, binigyan Ko na sila ng kalayaan, na nagbibigay sa kanila ng kalayaan at hinahayaan Ko pa silang lumangoy nang malaya sa dagat-dagatan ng kapaitan at pagdurusa. Sapagkat ang tao ay isang sisidlan na walang karangalan; bagama’t nakikita niya ang pagpapalang hawak Ko sa Aking kamay, wala siyang interes na tamasahin ito, kundi mas gusto pa niyang magdusa sa kamay ni Satanas, at sa gayon ay parusahan ang kanyang sarili na lamunin ni Satanas bilang “pampalusog.” Siyempre pa, may ilan na nakakita na sa Aking liwanag, kaya nga, kahit nabubuhay sila sa nakatagong mga ulap ng kasalukuyang panahon, hindi pa sila nawalan ng pananampalataya sa liwanag, dahil sa mga ulap na ito, kundi patuloy silang nangangapa at naghahanap sa mga ulap na iyon—kahit sa landas na puno ng mga balakid. Kapag naghihimagsik ang tao laban sa Akin, ibinabato Ko ang Aking mabagsik na galit sa kanya, at sa gayon ay maaaring mapahamak ang tao dahil sa kanyang pagsuway. Kapag sumusunod siya sa Akin, nananatili Akong nakatago mula sa kanya, sa ganitong paraan ay napupukaw ang pagmamahal na nasa kaibuturan ng kanyang puso, isang pagmamahal na hindi naghahangad na amuin Ako, kundi bigyan Ako ng kasiyahan. Sa paghahanap sa Akin ng tao, napakaraming beses na Akong nagpikit ng mga mata at nanahimik, upang matamo ang kanyang tunay na pananampalataya. Ngunit kapag hindi Ako umiimik, nagbabago ang pananampalataya ng tao sa isang iglap, at ang tanging nakikita Ko ay ang kanyang “mga huwad na kalakal,” sapagkat kailanma’y hindi Ako taos-pusong minahal ng tao. Kapag nagpapakita Ako Mismo, saka lamang nagpapakita ang mga tao ng napakalaking “pananampalataya”; ngunit kapag nakatago Ako sa Aking lihim na dako, nagiging mahina sila at pinanghihinaan ng loob, na para bang takot na magkasala sa Akin; mayroon pang ilan na, dahil hindi nila nakikita ang Aking mukha, idinadaan Ako sa “matinding pagsusuri,” sa gayon ay nawawalan ng katotohanan ang Aking pag-iral. Napakaraming taong nananatili sa ganitong kalagayan; napakaraming ganito ang pag-iisip. Ito ay walang iba kundi ang hilig ng lahat ng tao na pagtakpan ang kapangitan sa kanilang sarili. Dahil dito, atubili silang matawag-pansin ang sarili nilang mga kakulangan, at umaamin lamang sa katotohanan ng Aking mga salita nang nagngangalit ang mga ngipin at nakatago ang mga mukha.
Marso 17, 1992