11. Ang Tanging Paraan Para Mamuhay Nang Tulad ng Isang Tunay na Tao

Ni Xincheng, Tsina

May nabasa ako noon na isang nobela ng isang Hapones na manunulat tungkol sa isang tindero na nakapagbenta ng isang serum na pampatubo ng buhok, ng pangkulay ng buhok, pomada, pampanipis ng buhok, at pambawas ng buhok sa isang pintor na may kakaunting buhok, sinasabing malulutas nito ang kanyang mga problema. Gumastos nang malaki ang pintor pero halos kalbo pa rin ang ulo niya sa huli. Gumamit ng panunudyo ang manunulat para ilantad ang mga panlolokong ginagamit ng mga walang konsensyang tindero ngayon, binabalaan ang mga taong huwag magpadala. Ang ganitong bagay ay palala nang palala pero walang makalutas ng problema. Isa rin ako sa kanila dati. Magsisinungaling ako at mandaraya ng mga kustomer para kumita ng mas maraming pera. Mas nasadlak pa ako rito at hindi talaga ako makahinto. Pagkatapos ay tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw at naintindihan ko ang ilang katotohanan sa pagbabasa ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Nabago ang aking pananaw at sinimulan kong isagawa ang katotohanan at pagiging tapat ayon sa mga salita ng Diyos. Ito ang tanging paraan para mamuhay nang hayagan at magkaroon ng wangis ng tao.

Noong una akong magbukas ng hair salon, sumumpa akong tapat akong magnenegosyo. Gayon nga ang ginawa ko, hindi kailanman nakikilahok sa panghuhuthot. Ibinigay ko ang lahat sa bawat buhok ng kustomer na inayos ko at ang aking bayad ay mas mababa kaysa sa ibang mga hairstylist. Pero matapos pagurin ang sarili ko sa loob ng isang taon, lagpas 2,000 yuan lang ang natira sa akin matapos kong magbayad ng aking renta, buwis sa negosyo, mga kagamitan, bayad sa heater, at iba pa. Mas malakas ang negosyo ko kaysa sa mga salon sa tapat ko pero mas malaki ang kinikita nilang pera kaysa sa akin. Alam kong ang malaki sa kinikita nilang pera ay mula sa pandaraya sa kanilang mga kustomer, gumagamit ng masasamang taktika para yumaman sila sa pandaraya. Ang totoo niyan, minsan gusto kong gawin ang ginagawa nila pero hindi maganda ang pakiramdam ko sa pagkita ng pera sa ganoong paraan. Tulad nga ng lumang kasabihan, “mahirap pero maipagmamalaki.” Gaano man ako kahirap, pakiramdam ko ay kailangan kong panatilihin ang integridad ko. Pinag-isipan ko ito nang mabuti, ngunit nagpasya akong ipagpatuloy ang pagnenegosyo nang ayon sa konsensya ko at maging isang mabuting tao gaano man kaliit ang kinikita ko. Tatlong taon ang mabilis na lumipas sa ganitong paraan, at ang ibang mga hairdresser na kasabay kong nagsimula ay nakabili na ng mas malalaking salon o mayroon nang malaking negosyo. Ang iba sa kanila ay mayroon pang mga sariling sasakyan, pero nasa eksaktong parehong posisyon pa rin ako tulad ng nakaraang tatlong taon.

Isang araw, nagkasakit ang tatay ko at dinala sa ospital at ang kanyang pagpapagamot ay magkakahalaga ng sampu-sampung libong yuan. Halos wala akong naipon. Humiram ako nang humiram ng pera hangga’t maaari, pero kalahati lang ng bayarin sa ospital ang nabayaran ko. Ang pag-iisip kung gaano kalaki ang hiniram ko at na hindi ko alam kung kailan ko ito mababayaran ay nagsimula ng labanan sa loob ko: Dapat ko bang itaas nang kaunti ang presyo ko? Kung dagdagan ko kaya nang kaunti ang singil para sa mayayaman kong kustomer? Habang ako ay nasa suliraning ito, sinabi sa akin ng isang kaibigan ko, “Ang lahat ng paghihirap na ito ay dahil lang masyado kang nakatali sa iyong dangal. Ang taon-taon na kita ng ibang may-ari ng salon ay nasa sampu-sampung libo, samantalang ilang libo lang ang sa iyo. Napakatigas ng ulo mo. Kung gusto mong mabayaran agad ang mga utang na iyon, kailangang mas maging matalino ka sa iyong negosyo. Kailangang may mga nakatago kang ilang pandaraya para kumita ng mas maraming pera.” Pagkaalis niya, lumapit ’yung may-ari ng salon sa tapat ko at inasar ako, “Napakagaling mo talaga sa pagpapatakbo ng salon na ito! Malakas ang negosyo at may maganda kang reputasyon, pero hindi lang talaga ito kumikita. Gusto mong maging si Mother Teresa? Kung mayroon ako ng mga kakayahan mo, matagal na siguro akong yumaman. Masyado ka lang tapat. Kailangan mong maging matalino para magpatakbo ng negosyo, pero pinapagod mo ang sarili mo at walang masyadong kinikita. Di ba’t sinasabi ng lahat, ‘Pera ang nagpapaikot sa mundo’ at ‘Tanging hangal lamang ang hindi tumatanggap ng pera sa kanyang mga kamay’? Dapat ay pag-isipan mo ito.” Hindi ako mapakali nang gabing iyon, hindi makatulog. “May punto ang sinasabi ng dalawang iyon.” Naisip ko, “Lubos na tapat akong nagnenegosyo, kaya kailan ako kikita ng pera? Sabi nga nila, ‘Hindi kalahatan ang pera, ngunit kapag wala ito, wala kang magagawa.’ Kayang sakupin ng isang kusing kahit na ang isang bayani. Isa pa, may sakit ang tatay ko sa ospital at hindi ko pwedeng iantala ang kanyang pagpapagamot. Para sa pagpapagamot ng tatay ko at para mabayaran ko ang mga utang ko, ang paggamit ng ilang taktika para kumita ng pera ay kauna-unawa.” Inalo ko ang sarili ko sa ganoong paraan at nagpasyang simulang subukan ito sa mas mayayamang kustomer.

Nang sumunod na araw, may dumating na isang kustomer na gustong magpakulot. Batay sa kanyang pananamit, mukha talaga siyang mayaman, kaya naisip kong samantalahin ang pagkakataong mas kumita nang kaunti pa. Noong nagbabayad na siya, agad ko siyang siningil ng 200 yuan. Sa totoo lang, ang lakas ng kabog ng dibdib ko dahil 120 yuan lang ang dating karaniwang singil ko, kaya nang singilin ko siya nang gayon, napaisip ako kung aakusahan niya ako ng sobrang pagsingil. Kapag sinabi niyang masyadong mahal ito, pwede kong babaan ang presyo nang kaunti. Nakokonsensya, ni hindi ko siya matingnan sa mata. Kaagad niyang iniabot ang bayad at pinuri pa ang mga kakayahan ko. Talagang masaya siya sa ayos ng kanyang buhok at sinabing sulit ito anuman ang halaga. Sinabi niyang irerekomenda niya ako sa kanyang mga kaibigan at pamilya. Pagkaalis niya, saglit akong hindi mapakali. Ganoon kalaki ang tiwala niya sa akin pero dinaya ko siya. Napakaimoral noon. Pero naisip ko, “Tanging hangal lamang ang hindi tumatanggap ng pera sa kanyang mga kamay.” Andyan din ang mga utang ko, kaya ibinaon ko na lang ang nararamdaman kong pagkakonsensya. Mula nang araw na iyon, binago ko na ang ugali ko sa pagnenegosyo. Sa tuwing nakikita kong may pumapasok na mayamang kustomer, sasalubungin ko siya, ngiting-ngiti at irerekomenda ang ilang partikular na serbisyo at produkto.

Isang beses, sinabi ng isang kustomer na gusto niyang pahugasan at i-style ang kanyang buhok, at naisip ko, “Ang paghugas ng buhok ay mababa pa sa 10 yuan. Kailangan kong makahanap ng taktika para makakuha ng mas malaki kaysa roon.” Kaya sinabi ko sa kanya, “Masyadong tuyot ang buhok mo. Kapag hindi mo sinimulang alagaan ito sa lalong madaling panahon, baka malagas ito, at ang buhok ay parang pangalawang mukha para sa mga babae. Kapag nagkaroon ka ng mga problema sa buhok mo, magiging huli na ang lahat para sa pagsisisi.” Nakumbinsi siya sa lahat ng sinabi ko at gumastos siya ng 300 yuan para sa isang set ng anti-hairloss na mga produkto at naging regular para sa mga hot oil treatment. Medyo hindi ako mapalagay pagkaalis niya. Mayroon nga akong pera, pero hindi ako sigurado kung gaano kaepektibo ’yung produkto. Ibinenta ko ito, pero anong gagawin ko kung hindi ito gumana nang maayos at bumalik siya para magreklamo? Ngunit wala nang saysay ang pag-aalala. Naibenta ko na ito, kaya ’yun na ’yun. Makalipas ang ilang araw habang ginugupitan ko ang isang kustomer, sinabi niyang mayroon siyang balakubak at makating anit. Naisip ko, “Pwede kong irekomenda ang ilang shampoo na ibinebenta ko rito para bahagya akong kumita nang mas malaki.” Kaya pasimple kong sinabi, “Ang balakubak at makating anit ay dulot ng pamamaga at kapag lumala ito, pwedeng magsimulang malagas ang buhok mo, na makakaapekto sa kung paano mo nakikita ang iyong sarili.” Mabilis niya akong tinanong kung anong pwedeng gawin dito, kaya siyempre naman, inirekomenda ko ang aking anti-dandruff shampoo sa kanya at nangako ako sa kanyang gagana iyon. Masayang-masaya niyang binili ang shampoo. Siningil ko siya ng 68 yuan para sa isang produktong binili ko sa halaga lang na 25 yuan at paulit-ulit niya akong pinasalamatan. Natanto ko kung gaano kadaling kumita ng pera tulad noon. Hindi kataka-takang yumaman na ’yung mga may-ari ng ibang salon. Naisip kong pwede rin akong yumaman nang mabilisan, at hindi ko na kailangang mag-alala tungkol sa mga bayarin sa ospital ng tatay ko. Sa ganitong paraan, unti-unting naglaho ang pagkabahala sa puso ko at naniwala ako na ang tanging paraan para kumita ng pera ay ang magsinungaling at mandaya.

Lumipas ang sampung taon sa isang kisap-mata. Bahagya akong kumita ng pera, nabayaran ang lahat ng utang ko, at nakabili pa ako ng bahay at isang sasakyan. Hindi ko alam kung bakit, pero kahit na mas maayos na ang pamumuhay ko, hindi ko talaga makuhang maging masaya. Palagi akong mayroong hungkag at pagkabalisang pakiramdam. Sinasabi nila, “Habang kumikilos ang mga tao, nagmamasid ang Langit,” at “Kung anong ibinigay ay siya ring babalik.” Natakot akong baka isang araw bumalik ’yung lahat ng kustomer na niloko ko para magreklamo sa akin, at pagkatapos ay masisira ang reputasyon ko. Takot na takot ako sa isiping iyon at namuhay sa pangamba. Nakakapagod iyon. Gusto ko talagang bumalik sa tapat na pagnenegosyo pero hindi ko mahimok ang sarili kong gawin ito. Para akong isang magnanakaw na nagustuhan na ito—gusto kong tumigil, pero hindi ko magawa.

Habang lubha akong nahihirapan, lubog sa putik ng kasalanan, ibinahagi sa akin ng isang kaibigan ang ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Sinabi niya sa akin na ang mga salita ng Diyos ang lahat ng katotohanan at kayang lutasin ang lahat ng ating paghihirap, na kaya ng mga itong hilumin ang sakit sa loob ng ating mga kaluluwa. Matapos iyon, sinimulan kong makipagtipon at basahin ang mga salita ng Diyos kasama ang iba, kumakanta ng mga awit ng papuri, at talagang napayapa ako. Hindi mo mababayaran ang ganoong uri ng pakiramdam. Nagpasya akong isagawa nang maayos ang aking pananampalataya.

Isang beses sa isang pagtitipon, nagbasa ng isang sipi ng mga salita ng Diyos ang mga kapatid. “Ang katapatan ay nangangahulugang pagbibigay ng puso mo sa Diyos, pagiging wagas sa Diyos sa lahat ng mga bagay, pagiging bukas sa Kanya sa lahat ng mga bagay, hindi pagtatago kailanman ng katotohanan, hindi pagsusubok na malinlang yaong mga nasa itaas at nasa ibaba mo, at hindi paggawa ng mga bagay upang manuyo lamang sa Diyos. Sa madaling salita, ang pagiging tapat ay pagiging dalisay sa mga kilos at mga salita mo, at hindi paglilinlang sa Diyos o sa tao. … Kung marami kang mga nakatagong kaalamang atubili kang ibahagi, kung lubos kang tutol na ilantad ang mga lihim mo—ang mga paghihirap mo—sa harap ng iba upang hanapin ang daan ng liwanag, sinasabi Kong isang kang taong hindi madaling matatamo ang kaligtasan, at hindi madaling makakaahon mula sa kadiliman(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala). Talagang nakakaantig ito para sa akin. Nakita kong gusto ng Diyos ang mga tapat na tao at kinamumuhian ang mga mapanlinlang. Ang pagiging tapat ang tanging paraan para makapasok sa Kanyang kaharian. Ang mga kapatid ay pawang dalisay at bukas. Kahit na may mga panahong sila ay nakakapagsinungaling para protektahan ang kanilang sariling dangal o katayuan, palagi nilang napagninilayan ang kanilang sarili at nagiging bukas at tapat. Tunay na malaya ang kanilang mga buhay. Nararamdaman kong ang iglesia ay hindi kagaya ng mundo. Gusto ng Diyos ang mga tapat na tao, at kapag mas lalong tapat ang isang tao, mas lalo siyang nagugustuhan ng Diyos, pero kapag mas lalo siyang mapanlinlang, mas lalo siyang kamumuhian Niya. Tanging mga tapat na tao lamang ang makapagkakamit ng tunay na kaligayahan at kagalakan. Gusto ko talagang maging isang tapat na tao, isang taong gusto ng Diyos. Pero naisip ko kung paano ako naging isang negosyante, at sa materyalistikong lipunang ito kung saan ang pera ay kalahatan, ang tapat na pagnenegosyo ay hindi lang nangangahulugang hindi ka kikita, kundi pagkakamalan ka ring hangal ng iba. Talagang walang paraan para magkaroon ng matatag na posisyon sa lipunang ito sa ganoong paraan at sa huli, magsasara ka na lang. Ngunit malinaw na sinasabi ng mga salita ng Diyos na gusto Niya ang mga tapat na tao, at ang mga mapanlinlang ay hindi halos maliligtas. Kung hindi ko isinasagawa ang katotohanan tulad ng hinihingi ng Diyos kundi patuloy na nandaraya, nagsisinungaling, at nanloloko sa aking negosyo, hindi ba nakakasuklam iyon sa Diyos? Paulit-ulit kong pinag-isipan ito, at sa huli ay nagpasyang kumilos nang ayon sa mga salita ng Diyos, at isagawa ang pagsasabi ng totoo at pagiging tapat na tao.

Isang araw, nang ginugupitan ko ang kustomer ko, tinanong niya ako kung tuyot ang buhok niya, at kung oo, gusto niya ring magpa-oil treatment. Naisip ko, “Sampung yuan lang ang kikitain ko sa paggupit, pero kikita ako ng isa pang daan o higit pa sa oil treatment. Kustomer na mismo ang humingi nito—talagang wala akong inialok sa kanyang iba pa para kumita ng dadag na pera.” Sa katunayan, tiningnan ko ang buhok niya at nakita kong hindi naman ito tuyot, pero kapag sinabi ko sa kanya ang totoo, siguradong hindi niya ito ipapaayos. Habang naguguluhan, naalala ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Ang pagiging tapat ay pagiging dalisay sa mga kilos at mga salita mo, at hindi paglilinlang sa Diyos o sa tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng napapanahong paalala na ang mga taong tapat ay praktikal at makatotohanan sa kanilang mga salita’t gawa. Hindi sila mapanlinlang sa harap ng Diyos o sa harap ng ibang tao. Dahil gusto kong maging isang tapat na tao, kailangan kong kumilos nang ayon sa Kanyang mga salita at magsabi ng totoo. Kaya sinabi ko sa kustomer, “Hindi tuyot ang buhok mo. Huwag mong aksayahin ang pera mo.” Sumagot siya, hindi makapaniwala, “Nagulat akong may ganyan kang propesyunal na integridad. Sa panahong ito, sobrang kakaunti na lang ang mga taong tulad mo sa negosyo. Talagang papupuntahin ko ang lahat ng kamag-anak ko rito para magpaayos ng buhok.” Natuwa akong marinig itong sinasabi ng kustomer—paulit-ulit kong pinasalamatan ang Diyos. Naranasan ko kung gaano kaganda, gaano katamis ang maging tapat at magsabi ng totoo.

Sa mga sumunod na araw, kumilos ako bilang isang tapat na tao ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Ang lahat ng takot, ang lahat ng pag-aalala sa aking puso ay naglaho na lang nang hindi ko namamalayan at hindi na ako nag-aalala na may babalik at magrereklamo. Masarap ang tulog ko tuwing gabi. Akala ko kaya kong isagawa ang katotohanan at magsalita nang tapat. Pero sa gulat ko, malalim palang nakabaon ang mga satanikong disposisyon at pilosopiya ko. Nang matukso ng malaking tubo, bumalik ako sa dati kong gawi.

Isang araw, limang babae ang pumunta sa salon ko. Kagagaling lang nila sa bakasyon at inirekomenda ng drayber ng taxi nila ang aking salon, kaya dumiretso sila rito. Sinabi ng isa sa kanila, “Hindi problema ang pera, basta’t siguraduhin mo lang na gagalingan mo.” Nang marinig ko ito sa kanya, naisip ko, “Nasa bulsa ko na ito. Medyo magsisinungaling ako, ngayon lang, at dapat patawarin ako ng Diyos.” Kaya, sinabi ko na ang 160-yuan na pagpapakulot ay 260 yuan at wala silang sinabi. Kumita ako ng ekstrang 500 sa ganoong paraan. Masayang-masaya ako nang makuha ko ang pera, iniisip na hindi ko kailangang alalahanin ang renta ko sa tindahan sa buwang iyon. Pero malungkot at dismayado ako kinagabihan. Hindi ako mapakali, hindi makatulog.

Kalaunan, naisip ko kung paanong alam kong ang pagiging tapat na tao ay isang positibong bagay at may kinalaman sa kung paano tayo umaasal at kung maliligtas ba tayo at makakapasok sa kaharian ng Diyos. Kaya bakit hindi ko ito maisagawa? Ano ang tunay na dahilan? Sa paghahanap ng mga sagot, napanood ko ang isang video ng isang pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Pinatatakbo ng mga tao noong una ang kanilang mga negosyo sa paraang hindi nandadaya ninuman; at ibinebenta ang mga bagay sa parehong presyo maging sinuman ang bumibili. Hindi ba nito ipinapakita ang ilang elemento ng konsensya at pagkatao? Kapag nagsasagawa ang mga tao ng kanilang negosyo gaya nito, nang walang masamang hangarin, makikita rito na mayroon pa rin silang kaunting konsensya at kaunting pagkatao sa panahong iyon. Ngunit dahil sa palaki nang palaking pangangailangan ng tao para sa pera, walang kamalay-malay na natutunan ng mga tao na lalo pang ibigin ang salapi, pakinabang at kasiyahan. Sa madaling salita, tiningnan ng mga tao ang salapi bilang mas mahalaga pa kaysa sa dati. Kapag tinatanaw ng mga tao ang salapi bilang mas mahalaga, walang malay nilang napapabayaan ang kanilang reputasyon, kanilang katanyagan, kanilang karangalan, at kanilang katapatan, hindi ba? Kapag ikaw ay nagnenegosyo, nakikita mo ang ibang gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan upang dayain ang mga tao at maging mayaman. Bagaman ang salaping kinita ay nakaw, sila ay payaman nang payaman. Bagama’t kapareho ng negosyo nila ang sa iyo, ngunit ang kanilang buong pamilya ay nasisiyahan sa buhay nang mas higit kaysa sa iyo, at masama ang loob mo, na sinasabi sa sarili mong: ‘Bakit hindi ko gawin ang gayon? Bakit hindi ako dapat kumita ng kasinglaki ng sa kanila? Dapat akong makaisip ng paraan upang magkaroon ng mas maraming salapi, upang gawing masagana ang aking negosyo.’ Sa gayon pag-iisipan mo kung paano kumita ng malaking pera. Ayon sa karaniwang paraan ng pagkita ng salapi—pagbebenta sa kaparehong presyo para sa lahat—anumang perang kinikita mo ay ayon sa mabuting konsensya. Subalit hindi ka agad mapapayaman nito. Gayunpaman, sa ilalim ng udyok na magkaroon ng tubo, ang iyong pag-iisip ay sasailalim sa isang dahan-dahang pagbabago. Sa panahon ng pagbabagong ito, ang mga prinsipyo mo ay nagsisimula ring magbago. Nang unang pagkakataong nandaya ka ng isang tao, mayroon ka pang mga pag-aatubili, na sinasabing, ‘Ito na ang huling pagkakataon na dadayain ko ang isang tao. Hindi ko na ito uulitin. Hindi ako maaaring mandaya ng mga tao. Ang pandaraya ng mga tao ay may masasamang kahihinatnan. Magdadala ito ng kapahamakan sa akin!’ Nang unang nandaya ka ng isang tao, ang iyong puso ay nagkaroon ng ilang pag-aatubili; ito ang gawain ng konsensya ng tao—ang magkaroon ng pag-aatubili at sisihin ka, kaya hindi natural na mandaya ka ng tao. Subalit matapos mong matagumpay na dayain ang isang tao, nakikita mo na ngayon ay mas marami kang pera kaysa dati, at iniisip mo na ang paraang ito ay maaaring maging mas kapaki-pakinabang para sa iyo. Sa kabila ng kaunting kirot sa iyong puso, nais mo pa ring batiin ang sarili mo sa iyong tagumpay, at nasisiyahan ka nang kaunti sa iyong sarili. Sa unang pagkakataon, sinasang-ayunan mo ang iyong sariling pagkilos, sarili mong mapandayang pamamaraan. Pagkatapos, sa sandaling mahawahan ang tao ng ganitong uri ng pandaraya, kagaya lang ito sa isang tao na nasangkot sa pagsusugal at pagkatapos ay naging isang sugarol. Sa iyong kawalang kamalayan, sinasang-ayunan mo ang iyong mapandayang gawain at tinatanggap ito. Sa iyong kawalang kamalayan, iniisip mo na ang pandaraya ay isang lehitimong gawain sa negosyo, at pinakakapaki-pakinabang na paraan para sa kaligtasan ng iyong buhay at kabuhayan; iniisip mo na sa paggawa nito maaari kang yumaman nang mabilis. Sa simula ng prosesong ito, hindi matatanggap ng mga tao ang ganitong uri ng pag-uugali, mababa ang tingin nila sa ganitong pag-uugali. Pagkatapos personal nilang sinusubukan ang ganitong pag-uugali, at sinusubukan ito sa kanilang sariling paraan, at ang kanilang mga puso ay dahan-dahang nagbabago. Ano’ng uri ng pagbabago ito? Ito ay pagsang-ayon at pagtanggap sa kalakarang ito, sa kaisipan na ikinintal sa iyo ng kalakarang panlipunan. Hindi mo namamalayan, nadarama mo na kapag hindi ka nandaya sa negosyo malulugi ka, na kapag hindi ka nandaya mawawalan ka. Hindi mo namamalayan, ang ganitong pandaraya ang nagiging pinaka-kaluluwa mo na, ang pangunahing sandigan mo, at isang uri ng pag-uugali na lubos na kailangan na naging prinsipyo na sa iyong buhay. Matapos tanggapin ng tao ang ganitong pag-uugali at pag-iisip, hindi ba ito nagdala ng pagbabago sa kanyang puso? Ang iyong puso ay nagbago, ang karangalan mo ba ay nagbago na rin? Ang pagkatao mo ba ay nagbago? Ang konsensya mo ba ay nagbago? (Oo.) Oo, ang kabuuan ng taong ito ay sumasailalim sa isang pagbabago ng kalidad, mula sa kanilang puso hanggang sa kanilang mga pag-iisip, hanggang sa puntong sila ay nababago mula sa loob palabas. Ang pagbabagong ito ang lalong mas nagpapalayo sa iyo sa Diyos, at ikaw ay lalong mas nagiging kaayon ni Satanas, lalong mas nagiging kapareho nito(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Ang mga salita ng Diyos ay sinasalaming lahat ang realidad. Ganoon ako mismo. Nung una, sinunod ko ang konsensya ko at tapat na nagnegosyo. Ngunit nang kailangang maospital ang tatay ko, matapos maudyukan ng aking kaibigan at kasamahan, nagsimula akong magsinungaling at mandaya para mas kumita ng pera. Nauwi akong hindi na makontrol ang sarili. Gusto kong tumigil pero hindi ko magawa. Nakita kong ang lahat ng ito ay dahil sa katiwalian ni Satanas. Naimpluwensyahan ako ng lipunan at ginamit ang mga pilosopiya ni Satanas gaya ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba,” “Una ang pera,” “Hindi kalahatan ang pera, ngunit kapag wala ito, wala kang magagawa,” at “Pera ang nagpapaikot sa mundo” bilang aking mga kasabihan. Sinundan ko ang masasamang kalakaran sa halip na marangal na kumita ng pera. Inabandona ko ang aking mga pangunahing pamantayan ng pag-uugali para kumita, natuto kung paano iakma ang aking diskarte sa naobserbahan ko sa iba. Nag-isip ako nang mabuti at hindi tumigil sa panloloko ng mga kustomer, mas lalong naging makasarili, tuso, masama, at sakim. Nawalan ako ng konsensya, katinuan, at dignidad na dapat mayroon ang isang normal na tao. Kahit na bahagya akong kumita ng pera mula sa pagsisinungaling at pandaraya sa mga nakaraang taon, nabayaran ang mga utang ko at may mas komportableng buhay, hindi ko naranasan ang tunay na kaligayahan. Palagi akong nakokonsensya, palaging nag-aalala na mabunyag sa aking mga kasinungalingan at masira ang aking pangalan. Ngunit nakakulong ako rito at hindi makatakas. Matapos maging isang mananampalataya, kahit na alam kong gusto ng Diyos ang mga tapat na tao at nagpapasya sa panalangin na isagawa ang mga salita ng Diyos, nang tuksuhin ako ng isang malaking halaga ng pera, hindi ko napigilan ang sarili ko sa pagsisinungaling at pandaraya. Nakita ko na kung gaano ako kalalim na ginawang tiwali ni Satanas. Natanto ko sa wakas na ang mga satanikong pilosopiyang ito para sa pamumuhay ay mga negatibong bagay na nagliligaw at nagpapahamak sa tao. Sobra akong ginawang tiwali ng mga ito na mas lalo akong nagiging buktot at masama. Ang pamumuhay sa ganitong mga ideya at hindi tapat na pagnenegosyo ay hindi ang tamang landas sa buhay. Ang pagsasagawa ng mga salita ng Diyos, at pagsasagawa ng katotohanan gaya ng hinihingi ng Diyos, bilang isang tapat na tao ay ang tanging tamang landas sa buhay!

Binasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos matapos noon: “Paano magiging matapat ang isang tao? Paano isinasagawa ang pagiging isang matapat na tao? (Sa pamamagitan ng hindi pagsali sa panlilinlang at hindi pagpapalabnaw kapag nagsasalita.) Tama iyan, at may mga detalyeng nakapaloob. Ano ang ibig sabihin ng ‘hindi pagpapalabnaw’? Nangangahulugan itong huwag magsinungaling o magkimkim ng mga pansariling pakay at hangarin sa iyong sinasabi. Kung nagkikimkim ka ng panlilinlang o personal na pakay at hangarin, likas na lilitaw ang mga kasinungalingan. Kung wala kang pandaraya o pansariling pakay o hangarin sa kalooban mo, hindi lalabnaw kung gayon ang sasabihin mo, o hindi ito maglalaman ng anumang kasinungalingan; kapag sinabi mong ‘oo,’ mangangahulugan itong ‘oo,’ at kapag sinabi mong ‘hindi,’ mangangahulugan itong ‘hindi.’ Ang pagdalisay muna ng iyong puso ang pinakamahalagang hakbang. Kapag nadalisay na ang iyong puso, ang mga suliranin ng iyong pagmamataas at mapanlinlang na mga kasinungalingan ay malulutas lahat. Upang maging isang matapat na tao, dapat linisin ang puso sa mga paghahalong ito; kapag nagawa ito, magiging madaling maging isang matapat na tao. Masalimuot bang maging isang matapat na tao? Hindi. Hindi masalimuot. Gaano karami mang kalagayan o tiwaling disposisyon ang nasa kalooban mo, may isang katotohanang lulutas sa lahat ng iyon. Huwag magsinungaling, tukuyin ang totoong kalikasan ng mga bagay, magsagawa alinsunod sa katotohanan, at walang itatago sa lahat ng iyong ginagawa; mamuhay bilang isang taong nilalang sa harap ng Diyos, at mamuhay sa liwanag(“Ang Landas sa Pagtutuwid ng Tiwaling Disposisyon” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Nakahanap ako ng isang landas ng pagsasagawa mula sa mga salita ng Diyos. Una, kailangan nating ituwid ang ating mga layunin, huwag magsinungaling at huwag mag-isip ng panlilinlang. Kailangan nating mamuhay nang bukas, maging karapat-dapat sa respeto at tiwala ng mga tao, at lalo’t lalong isabuhay ang wangis ng tao. Gusto at pinagpapala ng Diyos ang mga tapat na tao. Ang gayong uri ng tao ay hindi namumuhay sa kadiliman o sakit at hindi niya pinag-iisipan kung paano ipagpatuloy ang kasinungalingan. Lalong hindi siya araw-araw namumuhay sa takot na ang kanyang mga kasinungalingan ay babalik para multuhin siya. Hindi napipigilan nang ganoon ang mga tapat na tao, sa halip sila ay malaya at payapa. Oras na naintindihan ko ang tunay na kahulugan nito, naging handa akong isagawa ang pagiging tapat na tao tulad ng hinihingi ng Diyos.

Nang sumunod na araw, bandang tanghali, nasa kalagitnaan ako ng paggugupit ng buhok nang nakasimangot na pumasok ang babaeng nirekomendahan ko ng pampalago ng buhok dati. Naisip ko, “Mukhang gagawa siya ng gulo. Paano kung sabihin niyang hindi maganda ’yung produkto at marinig iyon ng ibang mga kustomer? Maaaring maapektuhan noon ang negosyo ko. Anong pwede kong gawin para mapaalis ko siya rito?” Nang sinusubukan kong isipin kung papaano ko siya pakikitunguhan, naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Huwag magsinungaling, tukuyin ang totoong kalikasan ng mga bagay, magsagawa alinsunod sa katotohanan, at walang itatago sa lahat ng iyong ginagawa; mamuhay bilang isang taong nilalang sa harap ng Diyos, at mamuhay sa liwanag(“Ang Landas sa Pagtutuwid ng Tiwaling Disposisyon” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Natanto kong hindi ko na kayang magsinungaling o mandaya at anuman ang sasabihin ng babaeng iyon at anuman ang isipin ng ibang mga kustomer sa akin, kung kikita man ako ng pera pagkatapos o hindi, kailangan kong maging tapat ayon sa mga salita ng Diyos at magsabi lang ng totoo, at pagkatapos ay tanggapin ang kanyang reklamo nang naaangkop. Habang nasa isip ko iyon, narinig kong galit niyang sinabi, “Hindi ba sabi mo itong pampakapal ng buhok ay makakatulong sa paglago ng buhok? Wala akong kahit isang hibla ng bagong buhok. Niloloko mo ako, hindi ba?” Taos-puso kong sinabi sa kanya, “May ilang kustomer na nagsabing ang produktong ito ay medyo epektibo, at may ibang nagsabing hindi. Hindi ko pa nagamit ito mismo, kaya hindi ko masabi. Kung tingin mo hindi ito gumagana, huwag mo na lang gamitin at ibabalik ko sa iyo ang bayad mo.” Nang marinig niyang sabihin ko ito, nawala ang galit niya at nakangiti niyang sinabi, “Gusto ko lang malaman ang totoo sa bagay na ito. Dahil handa kang maging tapat, hindi na kailangang ibalik ang bayad. Gayunpaman, kahit na hindi kumapal ang buhok ko sa paggamit ng produktong ito, mas malambot at mas makintab ito kaysa dati.” Nang umalis na siya, binalikan ko kung anong nangyari. Talagang naranasan ko na na ang pagiging tapat at pagsasagawa ng katotohanan ay hindi pagiging dehado. Hindi lang nito nakukuha ang respeto at tiwala ng iba, maganda rin ito sa pakiramdam. Binigyan ako nito ng higit na kumpyansa na maging tapat na tao.

Isang katapusan ng linggo, pumunta sa salon ang nakatatanda kong kapatid na babae para magpahugas ng buhok habang may isang kustomer na gustong magpakulay ng buhok. Tiningnan ko ang kanyang buhok at sinabi sa kanya, “Kakakulay mo lang nito. Dapat maghintay ka pa nang kaunti, kasi may mga kemikal ang mga pangkulay na ito na masama para sa iyo.” Bahagyang gulat na sumagot ang kustomer, “Hindi ako makapaniwalang may mga taong nagnenegosyo sa ganitong paraan. Hindi nakakagulat na malakas ang negosyo mo. Ang mabuting pag-uugali ang dahilan ng isang matagumpay na negosyo!” Pagkaalis niya, makahulugan akong tiningnan ng kapatid ko at sinabing, “May lagnat ka ba o ano? Nasa kamay mo na ang pera na ’yun pero hindi mo pa kinuha.” Mahinahon kong sinabi, “Naaapektuhan ng ating pag-uugali ang ating negosyo. Paanong mapapatakbo ng isang masamang tao ang isang magandang negosyo? Pwede kang mabilis na kumita ng pera sa pagiging walang konsensya, pero hindi magtatagal. Ganap na ginagawa ko nang tapat ang mga bagay ngayon at mas masarap sa pakiramdam ko ang kumita ng pera nang may konsensya.” Ngumiti ang kapatid ko at sinabing, “Hindi ka ganyan magnegosyo dati. Nagbago ka na talaga.” Nang makita ang kanyang pagkamangha, paulit-ulit kong pinasalamatan ang Diyos. Ito ay dahil lahat sa mga salita ng Diyos, at natikman ko ang kapayapaan ng pagiging tapat na tao at pagsasabi ng totoo.

Pagkatapos noon, buhay na buhay ang salon ko tuwing katapusan ng linggo at bakasyon, at maraming tao ang pumunta dahil sa bali-balita o rekomendasyon ng isang kaibigan. Dati akala ko ay wala akong kahahantungan sa negosyo nang hindi nagsisinungaling at na pagtatawanan ako ng mga tao. Ngunit sa wakas ay nakita ko kung gaano katawa-tawa at gaano kawalang katotohanan ang kuru-kurong iyon. Ang pagsunod sa mga satanikong pilosopiya ay nagdadala ng pansamantalang pakinabang at nag-iiwan lang ng kahungkagan at sakit. Ito ay isang kasuklam-suklam at masamang paraan para mamuhay, walang anumang wangis ng tao. Ngayon nakatuon ako sa pagsasagawa ng katotohanan, pagsasalita nang tapat, at pamumuhay nang marangal. Hindi ko lang nakuha ang respeto at tiwala ng iba, personal pa akong nakaramdam ng kapayapaan. Isa itong magandang paraan para mamuhay! Ang maliit na pagbabagong naranasan ko ngayon ay dahil lahat sa mga salita ng Diyos. Salamat sa Makapangyarihang Diyos!

Sinundan: 10. Ang Paglaya ng Puso

Sumunod: 12. Tanging Katapatan ang Nagdudulot ng Pagiging Kawangis ng Tao

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

45. Pamumuhay sa Harap ng Diyos

Ni Yongsui, South KoreaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Upang makapasok sa realidad, kailangang ibaling ng isang tao ang lahat sa tunay na...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito