Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 4

Ano ang ibig sabihin ng magawang perpekto? Ano ang ibig sabihin ng malupig? Ano ang pamantayang kailangang matugunan para malupig ang mga tao? At ano ang pamantayang kailangang matugunan para magawa silang perpekto? Ang paglupig at pagpeperpekto ay kapwa para sa layunin na gawing ganap ang tao upang maipanumbalik siya sa kanyang orihinal na wangis, at mapalaya sa kanyang tiwali at napakasamang disposisyon at sa impluwensya ni Satanas. Ang paglupig na ito ay maagang dumarating sa proseso ng paghubog sa tao; tunay ngang ito ang unang hakbang ng gawain. Pagpeperpekto ang pangalawang hakbang, at ito ang pangwakas na gawain. Bawat tao ay kailangang dumaan sa proseso ng paglupig. Kung hindi, walang paraan para makilala nila ang Diyos, ni hindi nila malalaman na may isang Diyos, na ibig sabihin ay imposible nilang kilalanin ang Diyos. At kung hindi kinikilala ng mga tao ang Diyos, imposible ring magawa silang ganap ng Diyos, yamang hindi mo naaabot ang mga pamantayang ito para magawang ganap. Kung hindi mo man lamang kinikilala ang Diyos, paano mo Siya makikilala? Paano mo Siya masusundan? Hindi mo rin magagawang magpatotoo sa Kanya, at lalong hindi ka magkakaroon ng pananampalataya upang palugurin Siya. Kaya, para sa sinumang nais magawang ganap, ang unang hakbang dapat ay magdaan sa gawain ng paglupig. Ito ang unang kundisyon. Ngunit ang paglupig at pagpeperpekto ay kapwa para hubugin ang mga tao at baguhin sila, at bawat isa ay bahagi ng gawain ng pamamahala sa tao. Kinakailangan ang dalawang hakbang na ito upang gawing buo ang isang tao, at parehong hindi maaaring pabayaan. Totoong ang “malupig” ay di-gaanong magandang pakinggan, ngunit sa totoo lang, ang proseso ng paglupig sa isang tao ay ang proseso ng pagbago sa kanila. Kapag nalupig ka na, maaaring hindi pa naalis nang lubusan ang iyong tiwaling disposisyon, ngunit malalaman mo na ito. Sa pamamagitan ng gawain ng paglupig, malalaman mo na ang iyong abang pagkatao, pati na ang sarili mong pagsuway. Kahit hindi mo magawang alisin o baguhin ang mga bagay na ito sa loob ng maikling panahon ng gawain ng paglupig, malalaman mo ang mga ito, at ito ang maglalatag ng pundasyon para sa iyong pagka-perpekto. Sa gayon, ang panlulupig at pagpeperpekto ay kapwa ginagawa upang baguhin ang mga tao, upang alisin sa kanila ang kanilang tiwali at satanikong mga disposisyon upang lubos nilang maialay ang kanilang sarili sa Diyos. Ang malupig ay unang hakbang lamang sa pagbabago ng disposisyon ng mga tao, at unang hakbang din sa lubusang pag-aalay ng mga tao ng kanilang sarili sa Diyos, at mas mababa kaysa sa hakbang na magawang perpekto. Ang disposisyon sa buhay ng isang taong nalupig ay di-gaanong nagbabago kumpara sa disposisyon ng isang taong nagawang perpekto. Ang malupig at magawang perpekto ay magkaiba sa isa’t isa sa tingin dahil magkaibang yugto ng gawain ang mga ito at dahil magkaiba ang mga pamantayan nila sa mga tao; mas mababa ang mga pamantayan ng paglupig sa mga tao, samantalang mas mataas ang mga pamantayan ng pagpeperpekto sa kanila. Ang mga nagawang perpekto ay mga taong matuwid, mga taong nagawang banal; sila ang mga kaganapan ng gawain ng pamamahala sa sangkatauhan, o ang mga resulta. Kahit hindi sila mga perpektong tao, sila ay mga taong naghahangad na mamuhay nang makabuluhan. Samantala, kinikilala ng mga nalupig ang pag-iral ng Diyos sa salita lamang; kinikilala nila na nagkatawang-tao na ang Diyos, na nagpakita na ang Salita sa katawang-tao, at na pumarito na ang Diyos sa lupa upang gawin ang gawain ng paghatol at pagkastigo. Kinikilala rin nila na ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at ang Kanyang paghampas at pagpipino, ay kapaki-pakinabang na lahat sa tao. Kailan lamang sila nagsimulang magkaroon ng kaunting wangis ng tao. Mayroon silang kaunting mga kabatiran sa buhay, ngunit may kalabuan pa rin ito sa kanila. Sa madaling salita, nagsisimula pa lamang silang magtaglay ng pagkatao. Ito ang mga epekto ng malupig. Kapag nagsimulang tumahak ang mga tao sa landas ng pagkaperpekto, ang dati nilang mga disposisyon ay may kakayahang magbago. Bukod dito, patuloy na lumalago ang kanilang buhay, at unti-unti silang pumapasok nang mas malalim sa katotohanan. Nagagawa nilang kamuhian ang mundo at lahat ng hindi nagsisikap na matamo ang katotohanan. Kinamumuhian nila lalo na ang kanilang sarili, ngunit higit pa riyan, malinaw nilang kilala ang kanilang sarili. Handa silang mamuhay ayon sa katotohanan at ginagawa nilang kanilang layunin na sikaping matamo ang katotohanan. Ayaw nilang mamuhay ayon sa mga kaisipang nabuo sa sarili nilang utak, at nakararamdam sila ng pagkamuhi sa pagmamagaling, kahambugan, at kapalaluan ng tao. Nagsasalita sila nang may matinding pagpapahalaga sa kagandahang-asal, nangangasiwa sa mga bagay-bagay nang may pagkakilala at karunungan, at matapat at masunurin sa Diyos. Kung nakararanas sila ng isang pagkakataon ng pagkastigo at paghatol, hindi lamang sila hindi nagiging walang kibo o mahina, kundi nagpapasalamat pa sila para sa pagkastigo at paghatol na ito ng Diyos. Naniniwala sila na hindi maaaring wala silang pagkastigo at paghatol ng Diyos, na pinoprotektahan sila nito. Hindi sila nagsisikap na maghangad ng pananampalatayang magkaroon ng kapayapaan at kagalakan at maghanap ng tinapay upang mapawi ang gutom. Ni hindi rin sila naghahangad ng panandaliang kaaliwan ng laman. Ito ang nangyayari sa mga naperpekto. Matapos malupig ang mga tao, kinikilala nila na may isang Diyos, ngunit ang pagkilala na iyon ay naipapamalas sa kanila sa limitadong bilang ng mga pamamaraan. Ano ba talaga ang ibig sabihin ng Salitang nagpapakita sa katawang-tao? Ano ang kahulugan ng pagkakatawang-tao? Ano na ang nagawa ng Diyos na nagkatawang-tao? Ano ang layunin at kabuluhan ng Kanyang gawain? Matapos maranasan ang napakarami sa Kanyang gawain, matapos maranasan ang Kanyang mga gawa sa katawang-tao, ano ang iyong natamo? Matapos maunawaan ang lahat ng bagay na ito ay saka ka lamang magiging isang tao na nalupig. Kung sinasabi mo lamang na kinikilala mo na may isang Diyos, ngunit hindi mo tinatalikuran ang dapat mong talikuran, at hindi mo maisuko ang mga makamundong kasiyahang dapat mong isuko, kundi sa halip ay patuloy kang nag-iimbot sa mga makamundong kaginhawahan tulad ng dati, at kung hindi mo magawang pakawalan ang anumang mga pagkiling laban sa mga kapatid, at hindi ka nagsasakripisyo sa pagsasakatuparan ng maraming simpleng pagsasagawa, pinatutunayan nito na hindi ka pa nalulupig. Kung gayon, kahit marami kang nauunawaan, mawawalan ng kabuluhan ang lahat ng iyon. Ang mga nalupig ay mga taong nagtamo ng ilang paunang mga pagbabago at paunang pagpasok. Ang pagdanas ng paghatol at pagkastigo ng Diyos ay nagdudulot sa mga tao ng paunang kaalaman tungkol sa Diyos, at ng paunang pagkaunawa sa katotohanan. Maaaring hindi mo kayang lubos na makapasok sa realidad ng mas malalim at mas detalyadong mga katotohanan, ngunit naisasagawa mo ang maraming panimulang katotohanan sa iyong aktwal na buhay, tulad ng mga may kinalaman sa iyong mga makamundong kasiyahan o sa iyong personal na katayuan. Lahat ng ito ay epekto na natatamo sa mga tao habang sila ay nilulupig. Makikita rin ang mga pagbabago sa disposisyon sa nalupig; halimbawa, ang paraan ng kanilang pananamit at pag-aayos sa kanilang sarili, at kung paano sila namumuhay—magbabago ang lahat ng ito. Ang kanilang pananaw tungkol sa paniniwala sa Diyos ay nagbabago, malinaw sa kanila ang mga layunin ng kanilang patuloy na pagsisikap, at may mas matataas silang hangarin. Sa gawain ng paglupig, nangyayari din ang nauukol na mga pagbabago sa kanilang disposisyon sa buhay. May mga pagbabago, ngunit mababaw, panimula, at napakababa kumpara sa mga pagbabago sa disposisyon at mga layunin ng patuloy na pagsisikap ng mga nagawang perpekto. Habang nilulupig, kung hindi man lamang magbago ang disposisyon ng isang tao, at hindi sila magtamo ng anumang katotohanan, ang taong ito ay isang basura, at ganap na walang silbi! Ang mga taong hindi pa nalulupig ay hindi maaaring magawang perpekto! Kung hinahangad lamang ng isang tao na malupig, hindi sila lubos na magagawang ganap, kahit nagpapakita ng ilang pagbabago ang kanilang mga disposisyon sa panahon ng gawain ng paglupig. Mawawala rin sa kanila ang mga paunang katotohanang kanilang natamo. May malaking pagkakaiba sa pagitan ng pagbabago sa mga disposisyon sa mga nalupig at sa mga naperpekto. Ngunit ang malupig ang unang hakbang sa pagbabago; ito ang pundasyon. Ang kawalan ng paunang pagbabagong ito ay katunayan na talagang hindi man lamang kilala ng isang tao ang Diyos, yamang ang kaalamang ito ay nagmumula sa paghatol, at ang paghatol na iyon ay isang malaking bahagi ng gawain ng paglupig. Sa gayon, lahat ng ginawang perpekto ay kailangan munang malupig. Kung hindi, walang paraan para magawa silang perpekto.

Sinasabi mo na kinikilala mo ang Diyos na nagkatawang-tao at kinikilala mo ang pagpapakita ng Salita sa katawang-tao, subalit gumagawa ka ng ilang bagay sa Kanyang likuran, mga bagay na salungat sa Kanyang hinihingi, at sa puso mo ay wala kang takot sa Kanya. Pagkilala ba ito sa Diyos? Kinikilala mo ang mga sinasabi Niya, ngunit hindi mo isinasagawa ang kaya mong isagawa, ni hindi mo sinusundan ang Kanyang daan. Pagkilala ba ito sa Diyos? At bagama’t kinikilala mo Siya, nagkikimkim ka ng isang pusong nag-iingat sa Kanya, hindi kailanman isang pusong may takot. Kung nakita mo na at kinilala ang Kanyang mga gawain at alam mo na Siya ang Diyos, subalit nananatili kang malamig at lubos na walang pagbabago, ikaw ang klase ng taong hindi pa rin nalulupig. Ang mga nalupig ay kailangang gawin ang lahat ng makakaya nila, at bagama’t hindi sila makapasok sa mas matataas na katotohanan, at ang mga katotohanang ito ay hindi nila makayanan, handa ang gayong mga tao sa puso nila na matamo ito. Dahil sa may mga limitasyon sa kaya nilang tanggapin, kaya may mga hangganan at limitasyon sa kaya nilang isagawa. Gayunman, kahit paano, kailangan nilang gawin ang lahat ng makakaya nila, at kung magagawa mo iyan, isa itong epektong nakamit dahil sa gawain ng paglupig. Ipagpalagay nang sinasabi mo, “Dahil kaya Niyang magpahayag ng napakaraming salita na hindi kaya ng tao, kung hindi Siya ang Diyos, sino na?” Ang gayong pag-iisip ay hindi nangangahulugan na kinikilala mo ang Diyos. Kung kinikilala mo ang Diyos, kailangan mong ipakita iyon sa iyong aktwal na mga kilos. Kung namumuno ka sa isang iglesia, subalit hindi ka matuwid, kung nagnanasa ka sa pera at kayamanan, at lagi kang nagbubulsa ng pera ng iglesia para sa sarili mo, pagkilala ba ito na may isang Diyos? Ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat, at karapat-dapat Siyang katakutan. Paanong hindi ka natatakot kung tunay mong kinikilala na may isang Diyos? Kung kaya mong gawin ang gayong kasuklam-suklam na mga bagay, talaga bang kinikilala mo Siya? Ang Diyos ba ang iyong pinaniniwalaan? Ang iyong pinaniniwalaan ay isang malabong Diyos; kaya hindi ka natatakot! Yaong mga totoong kumikilala at nakakakilala sa Diyos ay takot lahat sa Kanya at hindi nangangahas na gumawa ng anumang bagay na kontra sa Kanya o lumalabag sa kanilang konsiyensya; lalo nang takot silang gumawa ng anumang bagay na alam nilang laban sa kalooban ng Diyos. Ito lamang ang maituturing na pagkilala sa pag-iral ng Diyos. Ano ang dapat mong gawin kapag sinusubukan kang pigilan ng iyong mga magulang na maniwala sa Diyos? Paano mo dapat mahalin ang Diyos kung mabait sa iyo ang asawa mong walang pananampalataya? At paano mo dapat mahalin ang Diyos kapag kinamumuhian ka ng mga kapatid? Kung kinikilala mo Siya, sa mga bagay na ito ay kikilos ka nang angkop at isasabuhay mo ang realidad. Kung bigo kang kumilos talaga ngunit sinasabi mo lamang na kinikilala mo ang pag-iral ng Diyos, puro bunganga ka lamang! Sinasabi mo na naniniwala ka sa Kanya at kinikilala Siya, ngunit paano mo Siya kinikilala? Paano mo Siya pinaniniwalaan? Kinikilabutan ka ba sa Kanya sa puso mo? May takot ka ba sa Kanya? Taglay mo ba ang isang pusong nagmamahal sa Kanya sa kaloob-looban? Kapag ikaw ay balisa at walang masandalan, nararamdaman mo na kaibig-ibig ang Diyos, ngunit pagkatapos ay nalilimutan mo ang lahat tungkol doon. Hindi iyan pagmamahal sa Diyos, at hindi rin iyan paniniwala sa Diyos! Ano, sa bandang huli, ang nais ng Diyos na makamtan ng tao? Lahat ng kalagayang Aking binanggit, gaya ng labis na paghanga sa sarili mong kahalagahan, na madali kang makakuha at makaunawa sa mga bagong bagay, pagkontrol sa iba, paghamak sa iba, paghusga sa mga tao batay sa kanilang hitsura, pang-aapi sa mga simpleng tao, pag-iimbot sa pera ng iglesia, at iba pa—kapag naalis na sa iyo, kahit paano, ang lahat ng tiwaling satanikong disposisyong ito, saka lamang mapapamalas na nalupig ka na.

Ang gawain ng paglupig na ginawa sa inyong mga tao ang may pinakamalalim na kabuluhan: Sa isang banda, ang layunin ng gawaing ito ay upang gawing perpekto ang isang grupo ng mga tao, ibig sabihin, upang gawin silang perpekto, para maging isang grupo sila ng mga mananagumpay—bilang unang grupo ng mga tao na nagawang ganap, ibig sabihin ay mga unang bunga. Sa kabilang banda, ito ay upang hayaang matamasa ng mga nilalang ang pagmamahal ng Diyos, matanggap ang lubos at pinakadakilang pagliligtas ng Diyos, at matamasa hindi lamang ang awa at kagandahang loob ng Diyos, kundi ang mas mahalaga ay ang pagkastigo at paghatol. Mula nang likhain ang mundo hanggang ngayon, lahat ng nagawa ng Diyos sa Kanyang gawain ay pagmamahal, na walang anumang pagkapoot sa tao. Kahit ang pagkastigo at paghatol na nakita mo ay pagmamahal din, isang mas totoo at mas tunay na pagmamahal, isang pagmamahal na umaakay sa mga tao patungo sa tamang landas ng buhay ng tao. Sa isa pang banda, iyon ay upang magpatotoo sa harap ni Satanas. At sa isang banda pa rin, iyon ay upang magtatag ng isang pundasyon para sa pagpapalaganap ng gawain ng ebanghelyo sa hinaharap. Lahat ng gawaing Kanyang ginawa ay para sa layunin ng pag-akay sa mga tao sa tamang landas ng buhay ng tao, upang maaari silang mabuhay bilang normal na mga tao, sapagkat hindi alam ng mga tao kung paano mamuhay, at kung wala ang ganitong pag-akay, magiging hungkag ang iyong buhay; mawawalan ng halaga o kabuluhan ang iyong buhay, at lubos kang mawawalan ng kakayahang maging normal na tao. Ito ang pinakamalalim na kabuluhan ng paglupig sa tao. Lahat kayo ay mga inapo ni Moab; kapag isinagawa sa inyo ang gawain ng paglupig, dakilang pagliligtas iyan. Lahat kayo ay naninirahan sa isang lupain ng kasalanan at kahalayan, at lahat kayo ay mahalay at makasalanan. Ngayon ay hindi lamang ninyo nakikita ang Diyos, kundi ang mas mahalaga, natanggap ninyo ang pagkastigo at paghatol, natanggap ninyo ang tunay na malalim na pagliligtas, ibig sabihin, natanggap ninyo ang pinakadakilang pagmamahal ng Diyos. Sa lahat ng Kanyang ginagawa, totoong mapagmahal ang Diyos sa inyo. Wala Siyang masamang layon. Dahil sa inyong mga kasalanan kaya Niya kayo hinahatulan, upang suriin ninyo ang inyong sarili at tanggapin ang napakalaking pagliligtas na ito. Lahat ng ito ay ginagawa para gawing ganap ang tao. Mula simula hanggang wakas, ginagawa na ng Diyos ang Kanyang buong makakaya upang iligtas ang tao, at wala Siyang hangaring ganap na wasakin sa Kanyang sariling mga kamay ang mga taong Kanyang nilikha. Ngayon, naparito Siya sa inyo upang gumawa; hindi ba ito mas maituturing na pagliligtas? Kung kinamuhian Niya kayo, gagawa pa ba Siya ng gayon kalaking gawain upang personal kayong gabayan? Bakit Niya kailangang magdusa nang gayon? Hindi kayo kinamumuhian ng Diyos o wala Siyang anumang masamang layon sa inyo. Dapat ninyong malaman na ang pagmamahal ng Diyos ang pinakatotoong pagmamahal. Dahil lamang sa suwail ang mga tao kaya Niya sila kailangang iligtas sa pamamagitan ng paghatol; kung hindi dahil dito, imposible silang mailigtas. Dahil hindi ninyo alam kung paano mamuhay at ni wala kayong malay kung paano mabuhay, at dahil kayo ay nabubuhay sa mahalay at makasalanang lupaing ito at kayo mismo ay mahalay at maruming mga diyablo, hindi Niya matiis na hayaan kayong maging mas masama, hindi Niya matiis na makita kayong nabubuhay sa maruming lupaing ito tulad ngayon, na tinatapak-tapakan ni Satanas kung kailan nito gusto, at hindi Niya matiis na hayaan kayong mahulog sa Hades. Nais lamang Niyang maangkin ang grupong ito ng mga tao at lubusan kayong iligtas. Ito ang pangunahing layunin ng paggawa ng gawain ng paglupig sa inyo—para lamang ito sa pagliligtas. Kung hindi mo makita na lahat ng ginawa sa iyo ay pagmamahal at pagliligtas, kung iniisip mo na isa lamang itong pamamaraan, isang paraan upang pahirapan ang tao, at isang bagay na hindi mapagkakatiwalaan, mas mabuti pang bumalik ka na sa iyong mundo upang magdanas ng pasakit at paghihirap! Kung handa kang mapasama sa daloy na ito, at masiyahan sa paghatol na ito at sa napakalawak na pagliligtas na ito, at matamasa ang lahat ng pagpapalang ito, mga pagpapalang hindi matatagpuan saanman sa mundo ng tao, at matamasa ang pagmamahal na ito, mabuti kung gayon: Mamalagi sa daloy na ito para tanggapin ang gawain ng paglupig upang magawa kang perpekto. Ngayon, maaaring nagdaranas ka ng kaunting pasakit at pagpipino dahil sa paghatol ng Diyos, ngunit may halaga at kabuluhan ang pagdanas ng pasakit na ito. Bagama’t pinipino at walang-awang inilalantad ang mga tao sa pagkastigo at paghatol ng Diyos—na ang layon ay parusahan sila para sa kanilang mga kasalanan, parusahan ang kanilang laman—wala sa gawaing ito ang nilayong isumpa ang kanilang laman hanggang sa mawasak. Ang matitinding pagsisiwalat ng salita ay para lahat sa layunin na akayin ka sa tamang landas. Personal na ninyong naranasan ang napakarami sa gawaing ito at, malinaw, hindi kayo naakay nito sa isang masamang landas! Lahat ay upang maisabuhay mo ang normal na pagkatao, at magagawa ang lahat ng ito ng iyong normal na pagkatao. Bawat hakbang ng gawain ng Diyos ay batay sa iyong mga pangangailangan, ayon sa iyong mga kahinaan, at ayon sa iyong aktwal na tayog, at walang pasaning ibinigay sa inyo na hindi ninyo kakayanin. Hindi ito malinaw sa iyo ngayon, at pakiramdam mo ay parang pinahihirapan kita, at totoong palagi kang naniniwala na kaya kita kinakastigo, hinahatulan at sinasaway araw-araw ay dahil kinamumuhian kita. Ngunit kahit ang dinaranas mo ay pagkastigo at paghatol, ang totoo ay pagmamahal ito sa iyo, at ito ang pinakamalaking proteksyon. Kung hindi mo maunawaan ang mas malalim na kahulugan ng gawaing ito, imposibleng magpatuloy ka pa sa iyong pagdanas. Ang pagliligtas na ito ay dapat maghatid sa iyo ng ginhawa. Huwag kang tumangging patinuin ang iyong pag-iisip. Dahil malayo na ang iyong narating, dapat mong malinawan ang kahalagahan ng gawain ng paglupig, at wala ka na dapat mga opinyon tungkol dito sa anumang paraan!

Sinundan: Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 3

Sumunod: Paano Mo Dapat Asikasuhin ang Misyon Mo sa Hinaharap?

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito