Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 3

Ang epektong nilayon ng gawain ng panlulupig, una sa lahat, ay upang hindi na maging suwail ang laman ng tao; ibig sabihin, upang magtamo ng bagong kaalaman ang isipan ng tao tungkol sa Diyos, upang ang puso ng tao ay lubusang sumunod sa Diyos, at upang higit na hangarin ng tao na maging para sa Diyos. Hindi itinuturing na nalupig ang mga tao kapag nagbago ang kanilang pag-uugali o laman; kapag nagbago ang pag-iisip, kamalayan, at katinuan ng tao, ibig sabihin, kapag nagbago ang iyong buong ugaling pangkaisipan—iyon ay kapag nalupig ka na ng Diyos. Kapag naipasiya mo nang sumunod at nagkaroon ka na ng isang bagong mentalidad, kapag hindi mo na dala-dala ang anuman sa iyong sariling mga kuru-kuro o layon sa mga salita at gawain ng Diyos, at kapag nakakapag-isip na nang normal ang iyong utak—na ibig sabihin, kapag kaya mo nang magsikap para sa Diyos nang buong puso mo—ikaw ang uri ng tao na lubusang nalupig. Sa relihiyon, maraming taong nagdurusa nang husto sa buong buhay nila: Sinusupil nila ang kanilang katawan at pinapasan ang kanilang krus, at patuloy pa silang nagdurusa at nagtitiis kapag nasa bingit na ng kamatayan! Nag-aayuno pa rin ang ilan sa umaga ng kanilang kamatayan. Buong buhay nila ay pinagkakaitan nila ang kanilang sarili ng masasarap na pagkain at magagarang damit, habang nakatuon sa pagdurusa. Nagagawa nilang supilin ang kanilang katawan at talikuran ang kanilang laman. Kapuri-puri ang sigla nilang magtiis ng pagdurusa. Ngunit ang kanilang pag-iisip, ang kanilang mga kuru-kuro, ang kanilang ugaling pangkaisipan, at tunay ngang ang dati nilang likas na pagkatao, ay hindi pa napakitunguhan kahit kaunti. Wala silang tunay na kaalaman tungkol sa kanilang sarili. Ang larawan ng Diyos na nasa kanilang isipan ay ang tradisyunal at malabong Diyos. Ang matibay na pasiya nilang magdusa para sa Diyos ay nagmumula sa kanilang kasigasigan at mabuting katangian ng kanilang pagkatao. Kahit naniniwala sila sa Diyos, hindi nila Siya nauunawaan ni hindi nila alam ang Kanyang kalooban. Pikit-mata lamang silang gumagawa at nagdurusa para sa Diyos. Hindi nila binibigyan ng anumang halaga ang pagtukoy, halos walang pakialam kung paano titiyakin na talagang tinutupad ng kanilang paglilingkod ang kalooban ng Diyos, lalo nang wala silang kamalayan kung paano magkamit ng kaalaman tungkol sa Diyos. Ang Diyos na kanilang pinaglilingkuran ay hindi ang Diyos sa Kanyang orihinal na larawan, kundi isang Diyos na inilarawan nila sa kanilang isip, isang Diyos na nabalitaan lamang nila, o nabasa lamang nila sa mga nakasulat na alamat. Pagkatapos ay ginagamit nila ang kanilang mayayabong na imahinasyon at pagiging deboto upang magdusa para sa Diyos at isagawa ang gawain ng Diyos na nais gawin ng Diyos. Lubhang walang katuturan ang kanilang paglilingkod, kaya nga halos walang sinuman sa kanila ang tunay na nagagawang maglingkod sa Diyos alinsunod sa kalooban ng Diyos. Gaano kasaya man silang nagdurusa, ang orihinal nilang pananaw sa paglilingkod at ang larawan ng Diyos sa kanilang isipan ay hindi nagbabago, dahil hindi pa sila nagdaraan sa paghatol, pagkastigo, pagpipino, at pagpeperpekto ng Diyos, ni hindi sila nagabayan ng sinuman gamit ang katotohanan. Kahit naniniwala sila kay Jesus na Tagapagligtas, walang sinuman sa kanila ang nakakita sa Tagapagligtas kailanman. Nalalaman lamang nila ang tungkol sa Kanya sa pamamagitan ng mga alamat at sabi-sabi. Dahil dito, ang kanilang paglilingkod ay katumbas lamang ng walang pinipiling paglilingkod nang nakapikit, tulad ng isang bulag na naglilingkod sa sarili niyang ama. Ano, sa bandang huli, ang makakamit ng gayong uri ng paglilingkod? At sino ang sasang-ayon dito? Mula simula hanggang wakas, ganoon pa rin ang kanilang paglilingkod sa lahat ng dako; tumatanggap lamang sila ng mga aral na gawa ng tao at ibinabatay lamang nila ang kanilang paglilingkod sa kanilang naturalesa at sa kanilang sariling mga kagustuhan. Anong gantimpala ang idudulot nito? Kahit si Pedro, na nakakita kay Jesus, ay hindi alam kung paano maglingkod alinsunod sa kalooban ng Diyos; nalaman lamang niya ito sa bandang huli, noong matanda na siya. Ano ang sinasabi nito tungkol sa mga taong bulag na hindi pa nakaranas ng kahit kaunting pakikitungo o pagtatabas, at walang sinumang gumagabay sa kanila? Hindi ba kagaya nang sa mga taong bulag na ito ang paglilingkod ng marami sa inyo ngayon? Lahat ng hindi pa nakatanggap ng paghatol, hindi pa nakatanggap ng pagtatabas at pakikitungo, at hindi pa nagbago—hindi ba lahat sila ay hindi pa lubusang nalupig? Ano ang silbi ng gayong mga tao? Kung ang iyong pag-iisip, iyong kaalaman tungkol sa buhay, at iyong kaalaman tungkol sa Diyos ay hindi nagpapakita ng pagbabago at wala ka talagang napapala, hindi ka magkakamit kailanman ng anumang pambihira sa iyong paglilingkod! Kung wala kang pangitain at bagong kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos, ikaw ay hindi nalupig. Ang paraan ng pagsunod mo sa Diyos kung gayon ay magiging katulad ng mga nagdurusa at nag-aayuno: maliit ang halaga! Dahil mismo sa maliit na patotoo sa kanilang ginagawa kaya Ko sinasabi na walang saysay ang kanilang paglilingkod! Ang mga taong ito ay buong buhay na nagdusa at gumugol ng oras sa bilangguan; lagi silang matiisin, mapagmahal, at nagpapasan ng krus, nililibak sila at itinatakwil ng mundo, nagdaranas ng lahat ng hirap, at bagama’t masunurin sila hanggang sa huli, hindi pa rin sila nalulupig, at walang maibahaging patotoo na nalupig na sila. Nagdusa na sila nang malaki, ngunit sa kanilang kalooban ay ni hindi man lamang nila kilala ang Diyos. Wala sa kanilang dating pag-iisip, mga kuru-kuro, mga relihiyosong gawi, kaalamang gawa ng tao, at mga ideya ng tao ang napakitunguhan. Wala sila ni katiting na pahiwatig ng bagong kaalaman sa kanilang kalooban. Wala ni katiting ng kanilang kaalaman tungkol sa Diyos ang totoo o tumpak. Mali ang pagkaunawa nila sa kalooban ng Diyos. May silbi ba ito sa Diyos? Anuman ang kaalaman mo tungkol sa Diyos noong araw, kung ganoon pa rin iyon ngayon at patuloy mong ibinabatay ang iyong kaalaman tungkol sa Diyos sa sarili mong mga kuru-kuro at ideya anuman ang ginagawa ng Diyos, na ang ibig sabihin ay kung wala kang taglay na bago at tunay na kaalaman tungkol sa Diyos at kung nabigo kang malaman ang tunay na larawan at disposisyon ng Diyos, kung ang iyong kaalaman tungkol sa Diyos ay ginagabayan pa rin ng pyudal at mapamahiing pag-iisip at nagmumula pa rin sa mga imahinasyon at kuru-kuro ng tao, hindi ka pa nalulupig. Ang lahat ng maraming salitang sinasabi Ko ngayon sa iyo ay para malaman mo na upang maakay ka ng kaalamang ito sa isang bago at tumpak na kaalaman; ang mga ito ay para alisin rin ang mga lumang kuru-kuro at mga lumang kaalaman mo, upang magtaglay ka ng bagong kaalaman. Kung tunay mong kinakain at iniinom ang Aking mga salita, ang iyong kaalaman ay lubhang magbabago. Basta’t kinakain at iniinom mo ang mga salita ng Diyos na may pusong masunurin, babaligtad ang iyong pananaw. Basta’t nagagawa mong tanggapin ang paulit-ulit na mga pagkastigo, unti-unting magbabago ang iyong dating mentalidad. Basta’t lubos na napalitan ng bago ang iyong dating mentalidad, magbabago rin ang iyong pagsasagawa ayon dito. Sa ganitong paraan, ang iyong paglilingkod ay unti-unting makakaayon sa layunin, unti-unting magagawang tuparin ang kalooban ng Diyos. Kung mababago mo ang iyong pamumuhay, ang iyong kaalaman tungkol sa buhay ng tao, at ang iyong maraming kuru-kuro tungkol sa Diyos, unti-unting mababawasan ang iyong naturalesa. Ito, at wala nang iba, ang epekto kapag nilupig ng Diyos ang mga tao, ito ang pagbabagong nangyayari sa mga tao. Kung, sa iyong pananampalataya sa Diyos, ang tanging alam mo ay supilin ang iyong katawan at magtiis at magdusa, at hindi mo alam kung iyan ay tama o mali, lalo na kung para kanino ito ginagawa, paano maaaring humantong sa pagbabago ang gayong uri ng pagsasagawa?

Unawain na ang Aking hinihiling sa inyo ay hindi ang alipinin ang inyong katawan o pigilan ang inyong isipan sa pag-iisip ng mga kaisipang di-makatwiran. Hindi ito ang layunin ng gawain, ni ang gawaing kailangang gawin ngayon mismo. Ngayon mismo, kailangan ninyong magkaroon ng kaalaman mula sa positibong aspeto upang mabago ninyo ang inyong sarili. Ang pinaka-kailangang gawin ay sangkapan ang inyong sarili ng mga salita ng Diyos, ibig sabihin ay lubusang armasan ang inyong sarili ng katotohanan at pananaw ng kasalukuyan, at pagkatapos ay humayo at isagawa ang mga ito. Ito ang inyong responsibilidad. Hindi Ko hinihiling sa inyo na maghangad at magtamo ng higit pang pagpapalinaw. Sa kasalukuyan, hindi talaga ninyo taglay ang tayog para doon. Ang kinakailangan sa inyo ay gawin ang lahat ng inyong makakaya upang makain at mainom ang mga salita ng Diyos. Kailangan ninyong maunawaan ang gawain ng Diyos at malaman ang inyong likas na pagkatao, ang inyong diwa, at ang dati ninyong pamumuhay. Kailangan ninyong malaman, lalo na, ang mga mali at kakatwang gawing iyon at ang mga ginagawa ng tao na sinasalihan ninyo. Para magbago, kailangan ninyong simulang baguhin ang inyong pag-iisip. Una, palitan ng bago ang inyong dating pag-iisip, at hayaang gabayan ng inyong bagong pag-iisip ang inyong mga salita at kilos at ang inyong pamumuhay. Ito ang hinihiling sa bawat isa sa inyo ngayon. Huwag magsasagawa nang pikit-mata o sumunod nang pikit-mata. Dapat kayong magkaroon ng isang batayan at isang pakay. Huwag ninyong lokohin ang inyong sarili. Dapat ninyong malaman kung para saan talaga ang inyong pananampalataya sa Diyos, kung ano ang mapapala ninyo mula rito, at kung ano ang dapat ninyong pasukin ngayon mismo. Kinakailangang malaman ninyo ang lahat ng ito.

Ang dapat ninyong pasukin sa kasalukuyan ay ang iangat ang inyong pamumuhay at paghusayin ang inyong kakayahan. Dagdag pa rito, kailangan ninyong baguhin yaong mga dating pananaw mula sa inyong nakaraan, baguhin ang inyong pag-iisip, at baguhin ang inyong mga kuru-kuro. Ang inyong buong pamumuhay ay nangangailangan ng pagpapanibago. Kapag nagbago ang iyong kaalaman tungkol sa mga gawa ng Diyos, kapag mayroon kang bagong kaalaman tungkol sa katotohanan ng lahat ng sinasabi ng Diyos, at kapag ang kaalamang nasa iyong kalooban ay angat, bubuti ang iyong pamumuhay. Lahat ng ginagawa at sinasabi ng mga tao ngayon ay praktikal. Hindi ito mga doktrina, kundi sa halip ay mga bagay na kailangan ng mga tao sa kanilang buhay at dapat nilang taglayin. Ito ang pagbabagong nagaganap sa mga tao sa gawain ng panlulupig, ang pagbabagong dapat maranasan ng tao, at ito ang epekto matapos silang malupig. Kapag nabago mo na ang iyong pag-iisip, nag-angkin ka na ng bagong ugaling pangkaisipan, nabaligtad mo na ang iyong mga kuru-kuro at layunin at ang dati mong mga lohikal na pangangatwiran, naitapon mo na ang mga bagay na nakaugat nang malalim sa iyong kalooban, at nagtamo ka na ng bagong kaalaman tungkol sa pananampalataya sa Diyos, ang mga patotoong iyong ibinibigay ay aangat, at ang iyong buong pagkatao ay tunay nang nabago. Ang lahat ng ito ang pinaka-praktikal, pinaka-makatotohanan, at pinaka-pangunahin sa lahat ng bagay—mga bagay na hindi maintindihan ng mga tao noong araw, at mga bagay na hindi nila kayang harapin. Ang mga ito ang tunay na gawain ng Espiritu. Gaano mo ba talaga naunawaan ang Bibliya noong araw? Ikumpara ito sa ngayon at malalaman mo. Noong araw iniangat mo sa iyong isipan sina Moises, Pedro, Pablo, o ang lahat ng pahayag at pananaw sa Bibliya, at pinahalagahan ito sa lahat. Ngayon, kung hihilingan kang pahalagahan ang Bibliya sa lahat, gagawin mo ba iyon? Makikita mo na ang Bibliya ay naglalaman ng napakaraming tala na isinulat ng tao, at na ang Bibliya ay kuwento lamang ng tao tungkol sa dalawang yugto ng gawain ng Diyos. Ito ay isang aklat ng kasaysayan. Hindi ba ito nangangahulugan na nagbago na ang kaalaman mo tungkol dito? Kung tiningnan mo ang talaangkanan ni Jesus na nasa Ebanghelyo ni Mateo ngayon, sasabihin mong, “Talaangkanan ni Jesus? Kalokohan! Talaangkanan ito ni Jose, hindi ni Jesus. Walang kaugnayan si Jesus kay Jose.” Kapag tiningnan mo ang Bibliya ngayon, iba ang kaalaman mo tungkol dito, ibig sabihin ay nagbago na ang iyong pananaw, at naghahatid ka ng isang mas mataas na antas ng kaalaman dito kaysa sa mga nakatataas na relihiyosong pantas. Kung sasabihin ng isang tao na may isang bagay sa talaangkanang ito, sasagot ka ng, “Ano ang mayroon dito? Magpatuloy ka at magpaliwanag. Hindi magkamag-anak sina Jesus at Jose. Hindi mo ba alam iyon? Maaari bang magkaroon ng talaangkanan si Jesus? Paano magkakaroon ng mga ninuno si Jesus? Paano Siya magiging inapo ng tao? Ang Kanyang katawang-tao ay ipinanganak ni Maria; ang Kanyang Espiritu ay ang Espiritu ng Diyos, hindi ang espiritu ng tao. Si Jesus ang pinakamamahal na Anak ng Diyos, kaya maaari ba Siyang magkaroon ng talaangkanan? Habang nasa lupa hindi Siya isang miyembro ng sangkatauhan, kaya paano Siya magkakaroon ng talaangkanan?” Kapag sinuri mo ang talaangkanan at ipinaliwanag mo nang malinaw ang katotohanan sa loob nito, na ibinabahagi kung ano ang iyong naunawaan, hindi makakaimik ang taong iyon. Sasangguni ang ilang tao sa Bibliya at tatanungin ka, “May talaangkanan si Jesus. May talaangkanan ba ang iyong Diyos sa ngayon?” Sa gayon ay sasabihin mo sa kanila ang iyong kaalaman, na siyang pinaka-totoo sa lahat, at sa ganitong paraan, ang iyong kaalaman ay nagkaroon na ng epekto. Ang totoo, walang kaugnayan si Jesus kay Jose, lalo na kay Abraham; isinilang lamang Siya sa Israel. Gayunman, ang Diyos ay hindi isang Israelita o isang inapo ng mga Israelita. Dahil lamang sa isinilang Siya sa Israel ay hindi nangangahulugan na ang Diyos ay Diyos lamang ng mga Israelita. Para lamang sa Kanyang gawain kaya Niya isinagawa ang gawain ng pagkakatawang-tao. Ang Diyos ay ang Diyos ng lahat ng nilikha sa buong sansinukob. Isinagawa lamang muna Niya ang isang yugto ng Kanyang gawain sa Israel, pagkatapos ay nagsimula Siyang gumawa sa mga bansang Hentil. Gayunman, itinuring ng mga tao si Jesus na Diyos ng mga Israelita, at saka ibinilang Siya sa mga Israelita at sa mga inapo ni David. Sinasabi sa Bibliya na sa mga huling araw, ang pangalan ni Jehova ay magiging dakila sa mga bansang Hentil, ibig sabihin ay gagawa ang Diyos sa mga bansang Hentil sa mga huling araw. Ang pagkakatawang-tao ng Diyos sa Judea ay hindi nagpapahiwatig na mga Hudyo lamang ang mahal ng Diyos. Nangyari lamang iyon dahil iyon ang hinihingi ng gawain; hindi totoo na ang Diyos ay nagkatawang-tao lamang sa Israel (dahil ang mga Israelita ang mga taong Kanyang hinirang). Hindi ba matatagpuan din ang mga taong hinirang ng Diyos sa mga bansang Hentil? Nang matapos si Jesus sa paggawa sa Judea, saka pinalawak ang gawain sa mga bansang Hentil. (Tinawag ng mga Israelita ang lahat ng bansa maliban sa Israel na “mga bansang Hentil.”) Ang totoo, mayroon ding mga hinirang na tao ng Diyos sa mga bansang Hentil; kaya lamang ay wala pang gawaing ginagawa roon sa panahong iyon. Gayon ang pagbibigay-diin ng mga tao sa Israel dahil ang unang dalawang yugto ng gawain ay naganap sa Israel samantalang walang gawaing ginagawa noon sa mga bansang Hentil. Ang gawain sa mga bansang Hentil ay nagsisimula pa lamang ngayon, kaya nga nahihirapang masyado ang mga tao na tanggapin ito. Kung kaya mong unawain nang malinaw ang lahat ng ito, kung nagagawa mong intindihin at ituring ito nang tama, magkakaroon ka ng tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos ng ngayon at noong araw, at ang bagong kaalamang ito ay magiging mas mataas kaysa sa kaalaman tungkol sa Diyos na tinaglay ng lahat ng banal sa buong kasaysayan. Kung nararanasan mo ang gawain ng ngayon at naririnig ang personal na mga pagbigkas ng Diyos ngayon, subalit walang kaalaman tungkol sa kabuuan ng Diyos, at ang iyong paghahangad ay nananatiling tulad ng dati at hindi napalitan ng anumang bago, lalo na kung nararanasan mo ang buong gawaing ito ng panlulupig, subalit sa bandang huli ay walang makitang anumang pagbabago sa iyo, hindi ba ang iyong pananampalataya ay katulad ng mga naghahanap lamang ng tinapay para mapawi ang kanilang gutom? Kung gayon, walang natamong anumang epekto sa iyo ang gawain ng panlulupig. Sa gayon ay hindi ka ba magiging isa sa mga aalisin?

Kapag nagwakas na ang lahat ng gawain ng panlulupig, mahalagang unawain ninyong lahat na ang Diyos ay hindi lamang Diyos ng mga Israelita, kundi ng lahat ng nilikha. Nilikha Niya ang buong sangkatauhan, hindi lamang ang mga Israelita. Kung sasabihin mo na ang Diyos ay Diyos lamang ng mga Israelita o na imposibleng magkatawang-tao ang Diyos sa anumang bansa sa labas ng Israel, kailangan mo pang magtamo ng kahit anong kaalaman habang nagpapatuloy ang gawain ng panlulupig, at hindi mo kinikilala kahit sa pinakamaliit na paraan na ang Diyos ay iyong Diyos; kinikilala mo lamang na ang Diyos ang lumipat mula Israel hanggang Tsina at pinipilit na maging Diyos mo. Kung ganito pa rin ang pagtingin mo sa mga bagay-bagay, hindi nagbunga ang Aking gawain sa iyo, at hindi mo naunawaan ni isang bagay na Aking sinabi. Kung, sa bandang huli, sumulat ka ng isa pang talaangkanan para sa Akin tulad ng ginawa ni Mateo, na hinahanap ang angkop na ninuno para sa Akin, hinahanap ang tama Kong ninuno—nang sa gayon ay may dalawang talaangkanan ang Diyos para sa Kanyang dalawang pagkakatawang-tao—hindi ba iyon ang magiging pinakamalaking biro sa mundo? Hindi ba ikaw, itong “taong may mabuting hangarin” na nakatagpo ng isang talaangkanan para sa Akin, ang naging isang taong naghati sa Diyos? Kaya mo bang pasanin ang bigat ng kasalanang ito? Pagkatapos ng lahat ng gawain ng panlulupig na ito, kung hindi ka pa rin naniniwala na ang Diyos ang Diyos ng lahat ng nilikha, kung iniisip mo pa rin na ang Diyos ay Diyos lamang ng mga Israelita, hindi mo ba hayagang nilalabanan ang Diyos? Ang layunin ng paglupig sa iyo ngayon ay upang kilalanin mo na ang Diyos ay iyong Diyos at Diyos din ng iba, at ang pinakamahalaga ay Siya ang Diyos ng lahat ng nagmamahal sa Kanya, at ang Diyos ng lahat ng nilikha. Siya ang Diyos ng mga Israelita at ang Diyos ng mga tao sa Ehipto. Siya ang Diyos ng mga Briton at ang Diyos ng mga Amerikano. Hindi lamang Siya Diyos nina Adan at Eba, kundi Diyos din ng lahat ng inapo nila. Siya ang Diyos ng lahat ng nasa langit at lahat ng nasa lupa. Lahat ng pamilya, Israelita man sila o Hentil, ay pawang nasa mga kamay ng iisang Diyos. Hindi lamang Siya gumawa sa Israel nang ilang libong taon at minsang isinilang sa Judea, kundi ngayon ay bumaba Siya sa Tsina, ang lugar na ito kung saan nakahimlay na nakapalupot ang malaking pulang dragon. Kung sa pagsilang sa Judea ay naging Hari Siya ng mga Hudyo, hindi ba sa pagbaba sa piling ninyong lahat ngayon ay naging Diyos Siya ninyong lahat? Ginabayan Niya ang mga Israelita at isinilang Siya sa Judea, at isinilang din Siya sa isang lupain ng mga Hentil. Hindi ba ginagawa ang lahat ng Kanyang gawain para sa buong sangkatauhan na Kanyang nilikha? Mahal ba Niya ang mga Israelita nang isandaang ulit at kinamumuhian ang mga Hentil nang isanlibong ulit? Hindi ba iyan ang inyong kuru-kuro? Hindi totoo na ang Diyos hindi ninyo naging Diyos kailanman, kundi sa halip ay hindi lamang ninyo Siya kinikilala; hindi totoo na ayaw ng Diyos na maging inyong Diyos, kundi sa halip ay ayaw ninyo sa Kanya. Sino sa mga nilikha ang wala sa mga kamay ng Makapangyarihan sa lahat? Sa paglupig sa inyo ngayon, hindi ba ang layunin ay upang kilalanin ninyo na ang Diyos ay walang iba kundi ang inyong Diyos? Kung iginigiit pa rin ninyo na ang Diyos ay Diyos lamang ng mga Israelita, at iginigiit pa rin ninyo na ang sambahayan ni David sa Israel ang pinanggalingan ng pagsilang ng Diyos, at na walang bansa maliban sa Israel ang karapat-dapat na “gumawa” ng Diyos, lalong hindi kaya ng sinumang pamilyang Hentil na personal na tanggapin ang gawain ni Jehova—kung ganito pa rin ang iniisip mo, hindi ba matigas ang ulo mo? Huwag kang magtuon palagi sa Israel. Narito mismo ang Diyos sa piling ninyo ngayon. Huwag ka ring tumingala palagi sa langit. Tumigil ka sa pangungulila sa iyong Diyos sa langit! Naparito na ang Diyos sa piling ninyo, kaya paano Siya mapupunta sa langit? Hindi ka naniwala sa Diyos sa loob ng napakahabang panahon, subalit napakarami mong kuru-kuro tungkol sa Kanya, hanggang sa hindi ka nangangahas kahit saglit na isipin na mamarapatin ng Diyos ng mga Israelita na biyayaan kayo ng Kanyang presensya. Lalo pang hindi kayo nangangahas na isipin kung paano ninyo makikita ang Diyos na magpakita nang personal, dahil talagang napakarumi ninyo. Ni hindi ninyo naisip kahit kailan kung paano maaaring personal na bumaba ang Diyos sa isang lupain ng mga Hentil. Dapat Siyang bumaba sa Bundok ng Sinai o sa Bundok ng mga Olivo at magpakita sa mga Israelita. Hindi ba kinamumuhian Niya ang lahat ng Hentil (ibig sabihin, ang mga tao sa labas ng Israel)? Paano Siya personal na gagawa sa kanila? Lahat ng ito ay mga kuru-kuro na malalim nang nag-ugat sa inyo sa paglipas ng maraming taon. Ang layunin ng paglupig sa inyo ngayon ay upang putulin ang mga kuru-kuro ninyong ito. Sa gayon ninyo namamasdan ang personal na pagpapakita ng Diyos sa inyo—hindi sa Bundok ng Sinai o sa Bundok ng mga Olivo, kundi sa mga taong hindi pa Niya nagabayan dati. Matapos isagawa ng Diyos ang dalawang yugto ng Kanyang gawain sa Israel, ang mga Israelita pati na ang lahat ng Hentil ay nagkaroon ng kuru-kuro na samantalang totoo na nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay, nakahanda lamang Siyang maging Diyos ng mga Israelita, hindi Diyos ng mga Hentil. Naniniwala ang mga Israelita sa mga sumusunod: Ang Diyos ay Diyos lamang namin, hindi Diyos ninyong mga Hentil, at dahil hindi kayo natatakot kay si Jehova, si Jehova kung gayon—ang aming Diyos—ay kinasusuklaman kayo. Naniniwala rin ang mga Hudyong iyon sa mga sumusunod: Ang Panginoong Jesus ay kamukha naming mga Hudyo at Siya ay isang Diyos na nagtataglay ng tanda ng mga Hudyo. Sa amin gumagawa ang Diyos. Magkatulad ang larawan ng Diyos at ang aming larawan; ang aming larawan ay hawig sa Diyos. Ang Panginoong Jesus ang Hari naming mga Hudyo; ang mga Hentil ay hindi karapat-dapat na tumanggap ng gayon kadakilang kaligtasan. Ang Panginoong Jesus ang handog dahil sa kasalanan para sa aming mga Hudyo. Batay lamang sa dalawang yugtong iyon ng gawain nabuo ng mga Israelita at Hudyo ang lahat ng kuru-kuro na ito. Mapagmataas nilang inaangkin na sa kanila lamang ang Diyos, at hindi pumapayag na ang Diyos ay Diyos din ng mga Hentil. Sa ganitong paraan, naging isang puwang ang Diyos sa puso ng mga Hentil. Ito ay dahil lahat ay naniwala na ayaw ng Diyos na maging Diyos ng mga Hentil at ang tanging gusto Niya ay ang mga Israelita—ang mga taong Kanyang hinirang—at ang mga Hudyo, lalo na ang mga disipulong sumunod sa Kanya. Hindi ba ninyo alam na ang gawaing ginawa nina Jehova at Jesus ay para sa ikaliligtas ng buong sangkatauhan? Kinikilala na ba ninyo ngayon na ang Diyos ay Diyos ninyong lahat na isinilang sa labas ng Israel? Hindi ba narito mismo ang Diyos sa piling ninyo ngayon? Hindi ito maaaring maging isang panaginip, hindi ba? Hindi ba ninyo tinatanggap ang realidad na ito? Hindi kayo nangangahas na maniwala rito o pag-isipan ito. Ano man ang tingin ninyo rito, hindi ba narito mismo ang Diyos sa inyong piling? Natatakot pa rin ba kayong maniwala sa mga salitang ito? Simula sa araw na ito, hindi ba lahat ng taong nalupig at lahat ng nais maging alagad ng Diyos ay mga taong hinirang ng Diyos? Hindi ba lahat kayo, na mga alagad ngayon, ang mga taong hinirang sa labas ng Israel? Hindi ba kapareho ng mga Israelita ang inyong katayuan? Hindi ba ang lahat ng ito ang dapat ninyong tanggapin? Hindi ba ito ang layunin ng gawain ng panlulupig sa inyo? Dahil nakikita ninyo ang Diyos, Siya ang magiging Diyos ninyo magpakailanman, mula simula hanggang sa hinaharap. Hindi Niya kayo pababayaan, basta’t handa kayong lahat na sumunod sa Kanya at maging Kanyang tapat at masunuring mga nilalang.

Gaano man hangarin ng mga tao na mahalin ang Diyos, karaniwan ay naging masunurin sila sa pagtalima sa Kanya hanggang ngayon. Pagsapit ng wakas, kung kailan matatapos ang yugtong ito ng gawain, saka lamang sila lubos na magsisisi. Iyon ang panahon kung kailan tunay na malulupig ang mga tao. Sa ngayon, nasa proseso lamang sila ng nalulupig. Sa sandaling magwakas ang gawain, ganap na silang malulupig, ngunit hindi pa ngayon! Kahit kumbinsido ang lahat, hindi ito nangangahulugan na lubos na silang nalupig. Ito ay dahil, sa kasalukuyan, mga salita pa lamang ang nakita ng mga tao at hindi ang totoong mga pangyayari, at hindi pa rin sila nakatitiyak, gaano man kalalim sila naniniwala. Kaya nga sa huling totoong pangyayari lamang na iyon, na nagkakatotoo ang mga salita, lubos na malulupig ang mga tao. Sa ngayon, ang mga taong ito ay nilulupig dahil marami silang naririnig na hiwaga na noon lamang nila narinig. Ngunit sa kalooban ng bawat isa sa kanila, naghahanap at naghihintay pa rin sila sa ilang totoong pangyayari na nagtutulot sa kanilang makita na nagkakatotoo ang bawat salita ng Diyos. Saka lamang sila ganap na makukumbinsi. Sa bandang huli, kapag nakita na ng lahat na nagkatotoo ang mga ito, at ang mga realidad na ito ay naging sanhi para makadama sila ng katiyakan, saka lamang sila magpapakita ng pananalig sa kanilang puso, sa kanilang pananalita, at sa kanilang mga mata, at lubos silang makukumbinsi sa kaibuturan ng kanilang puso. Ito ang likas na pagkatao ng tao: Kailangan ninyong makita na nagkakatotoong lahat ang mga salita, kailangan ninyong makitang nagaganap ang ilang totoong pangyayari at makita ang kalamidad na sumasapit sa ilang tao, at sa gayon ay lubos kayong makukumbinsi sa inyong kalooban. Gaya ng mga Hudyo, abala kayong tumingin sa mga tanda at himala. Subalit patuloy kayong nabibigong makita na mayroong mga tanda at himala at na nangyayari ang mga realidad na dapat magmulat nang husto sa inyong mga mata. Isang tao man ito na bumababa mula sa langit, o isang haligi ng mga ulap na nagsasalita sa inyo, o ang Aking pagsasagawa ng pagpapalayas ng masamang espiritu sa isa sa inyo, o ang Aking tinig na dumadagundong na parang kulog sa inyo, lagi ninyong nais at laging nanaisin na makita ang ganitong klaseng pangyayari. Masasabi ng isang tao na sa paniniwala sa Diyos, ang inyong pinakadakilang hiling ay makita ang Diyos na dumarating at personal na nagpapakita sa inyo ng isang tanda. Sa gayon ay masisiyahan kayo. Para malupig kayong mga tao, kailangan Kong magsagawa ng gawaing katulad ng paglikha ng mga kalangitan at lupa, at pagkatapos bukod pa rito, ay pakitaan kayo ng isang tanda. Sa gayon, ganap na malulupig ang inyong puso.

Sinundan: Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 1

Sumunod: Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 4

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito