Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 1
Ang sangkatauhan, na napakalalim na ginawang tiwali ni Satanas, ay hindi nakakaalam na mayroong Diyos, at nahinto na sa pagsamba sa Diyos. Sa pasimula, nang sina Adan at Eba ay nilikha, ang kaluwalhatian at patotoo ni Jehova ay laging naroon. Ngunit matapos magawang tiwali, ang tao ay nawalan ng kaluwalhatian at patotoo, sapagkat ang lahat ay naghimagsik laban sa Diyos at tuluyang huminto sa pagkatakot sa Kanya. Ang gawain ng paglupig ngayon ay upang mabawi ang lahat ng patotoo at lahat ng kaluwalhatian, at ang lahat ng tao ay pasambahin sa Diyos, upang mayroong patotoo sa gitna ng mga nilikha; ito ang gawaing gagawin sa yugtong ito. Paano ba talaga lulupigin ang sangkatauhan? Sa pamamagitan ng paggamit ng gawain ng mga salita ng yugtong ito upang lubos na hikayatin ang tao; sa pamamagitan ng paggamit ng pagsisiwalat, paghatol, pagkastigo, at walang-awang sumpa upang lubusan siyang mahimok; sa pamamagitan ng pagsisiwalat ng pagiging mapanghimagsik ng tao at paghatol sa kanyang paglaban upang malaman niya ang di-pagkamatuwid at karumihan ng sangkatauhan, at sa gayon ay ginagamit ang mga bagay na ito bilang mapaghahambingan ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Pangunahing sa pamamagitan ng mga salitang ito na ang tao ay nalulupig at lubos na nahihikayat. Ang mga salita ang paraan tungo sa kahuli-hulihang panlulupig sa sangkatauhan, at silang lahat na tumatanggap sa paglupig ng Diyos ay dapat tumanggap sa hampas at paghatol ng mga salita. Ang proseso ng pagsasalita ngayon ay mismong ang proseso ng panlulupig. At paano ba dapat makipagtulungan ang mga tao? Sa pamamagitan ng pagkaalam kung paano kainin at inumin ang mga salitang ito, at pagkakamit ng pagkaunawa sa mga ito. Pagdating sa kung paano nilulupig ang mga tao, ito ay hindi isang bagay na magagawa nila nang mag-isa. Ang magagawa mo lamang ay, sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salitang ito, malaman ang iyong katiwalian at karumihan, ang iyong pagkasuwail at iyong pagiging di-matuwid, at magpatirapa sa harap ng Diyos. Kung, pagkatapos tarukin ang kalooban ng Diyos, naisasagawa mo ito, at kung mayroon kang mga pangitain at kaya mong lubos na magpasakop sa mga salitang ito, at hindi ka gumagawa ng anumang pagpili nang mag-isa, nalupig ka na—at ito ay siyang naging resulta ng mga salitang ito. Bakit naiwala ng sangkatauhan ang patotoo? Dahil walang sinuman ang may pananampalataya sa Diyos, dahil ang Diyos ay walang puwang sa puso ng mga tao. Ang panlulupig sa sangkatauhan ay ang pagpapanumbalik ng pananampalataya ng sangkatauhan. Palaging gusto ng mga tao na tumakbo nang tumakbo sa sanlibutan, nagkakandili sila ng napakaraming inaasahan, nagnanasa nang sobra-sobra para sa kanilang kinabukasan, at may napakaraming maluhong hinihingi. Lagi nilang iniisip ang patungkol sa laman, nagpaplano para sa laman at walang interes sa paghahanap ng daan sa paniniwala sa Diyos. Ang kanilang mga puso ay naagaw na ni Satanas, naiwala na nila ang kanilang may takot sa Diyos na puso, at nakapirmi na sila kay Satanas. Ngunit ang tao ay nilikha ng Diyos. Sa gayon, naiwala ng tao ang patotoo, ibig sabihin ay naiwala niya ang kaluwalhatian ng Diyos. Ang layunin ng panlulupig sa sangkatauhan ay upang bawiin ang kaluwalhatian ng pagkatakot ng tao sa Diyos. Maaari itong sabihin nang ganito: Maraming tao ang hindi naghahangad ng buhay; kung mayroon mang ilan na naghahangad talaga ng buhay, kakaunti lamang sila. Lubhang abala ang mga tao sa kanilang mga kinabukasan at hindi sila nag-uukol ng anumang pansin sa buhay. Ang ilan ay naghihimagsik at lumalaban sa Diyos, hinuhusgahan Siya sa likod Niya, at hindi isinasagawa ang katotohanan. Hindi pinapansin ang mga taong ito sa ngayon; sa sandaling ito, walang ginagawa sa mga anak ng pagkasuwail na ito, ngunit sa hinaharap ikaw ay mabubuhay sa kadiliman, tumatangis at nagngangalit ang mga ngipin. Hindi mo nadarama ang kahalagahan ng liwanag kapag ikaw ay nabubuhay sa loob nito, ngunit matatanto mo ang kahalagahan nito sa sandaling ikaw ay nabubuhay sa madilim na gabi, at magsisisi ka sa panahong iyon. Maayos ang pakiramdam mo ngayon, ngunit darating ang araw na ikaw ay magsisisi. Kapag dumating ang araw na iyon at sumapit ang kadiliman at wala na kailanman ang liwanag, magiging huli na para magsisi. Dahil hindi mo pa rin nauunawaan ang gawain sa ngayon kaya nabibigo kang pahalagahan ang iyong panahon ngayon. Sa sandaling magsimula ang gawain ng buong sansinukob, na ang ibig sabihin ay kapag nagkatotoo na ang lahat ng Aking sinasabi sa kasalukuyan, maraming tao ang hahawak sa kanilang mga ulo at tatangis sa pagdadalamhati. At sa paggawa niyon, hindi ba nahulog na sila sa kadiliman nang tumatangis at nagngangalit ang mga ngipin? Ang lahat ng tunay na naghahangad ng buhay at ginagawang ganap ay magagamit, samantalang ang lahat ng anak ng pagkasuwail na hindi angkop para magamit ay mahuhulog sa kadiliman. Mawawala sa kanila ang gawain ng Banal na Espiritu, at hindi nila makakayang umunawa ng anumang bagay. Kaya naman sila ay hahagulgol, dahil nasadlak na sila sa kaparusahan. Kung maayos kang sinangkapan sa yugtong ito ng gawain at lumago ka na sa iyong buhay, ikaw ay angkop na magamit. Kung hindi ka sinangkapan nang mabuti, kahit pa ikaw ay tawagin para sa susunod na yugto ng gawain, hindi ka magiging angkop na gamitin—sa puntong ito, hindi ka magkakaroon ng isa pang pagkakataon kahit na inaasam mo pang sangkapan ang sarili mo. Ang Diyos ay nakaalis na; saan ka kaya maaaring pumunta upang hanapin ang uri ng pagkakataon na nasa harap mo ngayon? Saan ka kaya maaaring pumunta upang tanggapin ang pagsasanay na personal na ipinagkakaloob ng Diyos? Sa puntong iyon, hindi personal na magsasalita o magpapahayag ang Diyos; ang magagawa mo lamang ay basahin ang mga bagay-bagay na sinasabi ngayon—paano mo ito magagawang maunawaan nang madali? Paano magiging mas mabuti ang buhay sa hinaharap kaysa buhay sa ngayon? Sa puntong iyon, hindi ka ba magdurusa ng isang napakahirap na buhay habang tumatangis ka at nagngangalit ang iyong mga ngipin? Ipinagkakaloob sa iyo ngayon ang mga pagpapala ngunit hindi mo alam kung paano tatamasahin ang mga ito; ikaw ay nabubuhay na pinagpapala, ngunit hindi mo ito namamalayan. Pinatutunayan nito na ikaw ay nakatakdang magdusa! Ngayon, ang ilang tao ay lumalaban, ang ilan ay naghihimagsik, ang ilan ay gumagawa ng ganito o ganoon, at hindi Ko lang ito pinapansin—ngunit huwag mong isipin na hindi Ko namamalayan ang inyong ginagawa. Hindi Ko ba nauunawaan ang inyong diwa? Bakit patuloy kang bumabangga sa Akin? Hindi ka ba naniniwala sa Diyos para hangarin ang buhay at mga pagpapala para sa iyong sariling kapakanan? Hindi ba para sa iyong sariling kapakanan kaya mayroon kang pananampalataya? Sa kasalukuyan, ginagampanan Ko ang gawain ng paglupig sa pamamagitan lamang ng pagsasalita, at sa sandaling matapos ang gawain ng paglupig na ito, mababanaag na ang iyong wakas. Kailangan Ko pa bang sabihin sa iyo nang deretsahan?
Ang kasalukuyang gawain ng paglupig ay naglalayong ipakita ang magiging katapusan ng tao. Bakit sinasabi na ang pagkastigo at paghatol ngayon ay paghatol sa harap ng malaking puting trono ng mga huling araw? Hindi mo ba nakikita ito? Bakit ang gawain ng paglupig ang huling yugto? Hindi ba ito ay upang tiyak na ipamalas kung anong klaseng katapusan ang sasapitin ng bawat uri ng tao? Hindi ba ito ay para hayaan ang lahat, sa pagpapatuloy ng gawain ng paglupig ng pagkastigo at paghatol, na ipakita ang kanilang tunay na mga kulay at sa gayon ay mapangkat ayon sa kanilang uri pagkatapos? Sa halip na sabihing ito ay panlulupig sa sangkatauhan, baka mas maiging sabihin na ipinapakita nito kung ano ang uri ng magiging katapusan para sa bawat uri ng tao. Ito ay tungkol sa paghatol sa mga kasalanan ng mga tao at pagkatapos ay paghahayag ng iba’t ibang uri ng tao, sa gayon ay pinagpapasyahan kung sila ay masama o matuwid. Matapos ang gawain ng paglupig, susunod naman ang gawain ng paggantimpala sa mabuti at pagpaparusa sa masama. Ang mga tao na buung-buong sumusunod—ibig sabihin ang mga lubusang nalupig—ay ilalagay sa susunod na hakbang ng pagpapalaganap ng gawain ng Diyos sa buong sansinukob; ang mga hindi nalupig ay ilalagay sa kadiliman at mahaharap sa kalamidad. Sa gayon, ang tao ay papangkatin ayon sa uri, ang mga gumagawa ng masama ay isasama sa masama, hindi na kailanman muling makakakita ng sikat ng araw, at ang mga matuwid ay isasama sa mabuti, upang tumanggap ng liwanag at mabuhay sa liwanag magpakailanman. Ang katapusan ay nalalapit na para sa lahat ng bagay; ang katapusan ng tao ay maliwanag nang ipinakita sa kanyang mga mata, at ang lahat ng bagay ay papangkatin ayon sa uri. Paano, kung gayon, makatatakas ang mga tao sa dalamhati ng pagpapangkat ng bawat isa ayon sa uri? Ang katapusan ng bawat klase ng tao ay inihahayag kapag ang katapusan ay nalalapit na para sa lahat ng bagay, at ito ay ginagawa habang nasa gawain ng panlulupig sa buong sansinukob (kabilang ang lahat ng gawain ng paglupig, simula sa kasalukuyang gawain). Ang pagbubunyag ng katapusan ng buong sangkatauhan ay ginagawa sa harap ng luklukan ng paghatol, sa pagpapatuloy ng pagkastigo, at sa pagpapatuloy ng gawain ng paglupig sa mga huling araw. Ang pagbubukud-bukod sa mga tao ayon sa uri ay hindi pagbabalik sa mga tao sa kanilang orihinal na mga uri, dahil nang likhain ang tao noong panahon ng paglikha, mayroon lamang isang uri ng tao, ang tanging paghahati ay sa pagitan ng lalaki at babae. Walang maraming iba’t ibang uri ng mga tao. Pagkatapos lamang ng ilang libong taon ng katiwalian na lumitaw ang iba’t ibang uri ng mga tao, na ang ilan ay nasa kapangyarihan ng maruruming diyablo, ang ilan ay nasa kapangyarihan ng masasamang diyablo, at ang ilan, yaong mga naghahangad sa daan ng buhay, sa ilalim ng kapamahalaan ng Makapangyarihan sa lahat. Sa ganitong paraan lamang unti-unting umuusbong ang mga uri sa gitna ng mga tao, at sa gayon lamang naghihiwa-hiwalay ang mga tao tungo sa mga uri sa loob ng malaking pamilya ng tao. Nagkakaroon ng iba’t ibang “ama” ang lahat ng tao; hindi ito ang kalagayan na ang bawat isa ay ganap na nasa ilalim ng kapamahalaan ng Makapangyarihan sa lahat, sapagkat labis ang pagiging mapaghimagsik ng tao. Ibinubunyag ng matuwid na paghatol ang tunay na sarili ng bawat uri ng tao, walang anumang iniiwang nakatago. Ipinakikita ng bawat isa ang kanyang tunay na mukha sa liwanag. Sa puntong ito, ang tao ay hindi na ang dating siya, matagal nang naglaho ang orihinal na wangis ng kanyang mga ninuno, sapagkat ang di-mabilang na mga inapo nina Adan at Eba ay matagal nang nabihag ni Satanas, hindi na kailanman muling malalaman ang araw ng langit at sapagkat napuno na ang mga tao ng lahat ng uri ng mga lason ni Satanas. Kung kaya, ang mga tao ay mayroong kanilang angkop na mga hantungan. Bukod pa roon, sa batayan ng kanilang nagkakaibang mga lason na sila ay pinagbubukud-bukod ayon sa uri, na ang ibig sabihin ay pinagbubukud-bukod sila batay sa lawak ng pagkalupig sa kanila ngayon. Ang katapusan ng tao ay hindi isang bagay na paunang naitadhana sa simula ng paglikha ng mundo. Ito ay dahil sa pasimula ay mayroon lang iisang klase, ito ay ang sama-samang tinatawag na “sangkatauhan,” at ang tao ay hindi pa nagawang tiwali ni Satanas noong una, at lahat ng tao ay nabubuhay sa liwanag ng Diyos, nang walang kadilimang sumasapit sa kanila. Ngunit matapos na ang tao ay nagawang tiwali ni Satanas, lahat ng klase at uri ng tao ay lumaganap sa buong lupa—lahat ng klase at uri ng tao na nanggaling sa isang pamilyang sama-samang pinangalanang “sangkatauhan” na binubuo ng mga lalaki at mga babae. Silang lahat ay inakay ng kanilang mga ninuno upang maligaw palayo sa kanilang pinakamatandang mga ninuno—ang sangkatauhang binubuo ng lalaki at babae (iyon ay, sina Adan at Eba noong simula, ang kanilang pinakamatandang mga ninuno). Sa panahong iyon, ang tanging mga taong ginagabayan ni Jehova ang mga buhay sa lupa ay ang mga Israelita. Ang iba’t ibang uri ng mga tao na lumitaw mula sa buong Israel (ibig sabihin ay mula sa orihinal na angkan ng pamilya) ay naiwala pagkatapos ang paggabay ni Jehova. Itong mga sinaunang tao, na lubusang walang-muwang sa mga usaping tungkol sa mundo ng tao, ay sumama kalaunan sa kanilang mga ninuno upang mamuhay sa mga teritoryong kanilang inangkin, na nagpapatuloy magpahanggang sa ngayon. Sa gayon, sila ay nananatili pa ring walang-muwang tungkol sa kung paano sila napalayo kay Jehova, at tungkol sa kung paano sila nagawang tiwali hanggang sa araw na ito ng lahat ng uri ng maruruming diyablo at masasamang espiritu. Silang mga malalim na nagawang tiwali at nalason hanggang ngayon—silang mga hindi na masasagip sa kahuli-hulihan—ay wala nang pagpipilian pa kundi sumama sa kanilang mga ninuno, ang maruruming diyablo na gumawa sa kanilang tiwali. Silang mga maililigtas sa kahuli-hulihan ay pupunta sa naaangkop na hantungan ng sangkatauhan, nangangahulugang sa katapusang inilaan para sa mga naligtas at nalupig. Ang lahat ay gagawin upang iligtas ang lahat ng kayang mailigtas, ngunit para sa mga taong manhid at walang-lunas, ang kanilang tanging pagpipilian ay ang sumunod sa kanilang mga ninuno papunta sa walang-hanggang hukay ng pagkastigo. Huwag mong isipin na ang iyong katapusan ay itinadhana sa pasimula at ngayon lang nabubunyag. Kung ganyan ka mag-isip, nakalimutan mo na ba na noong unang paglikha sa sangkatauhan, walang hiwalay na uring maka-Satanas ang nilikha? Nakalimutan mo na ba na tanging isang sangkatauhan na binubuo nina Adan at Eba ang nilikha (nangangahulugang tanging lalaki at babae ang mga nilikha)? Kung ikaw ay naging inapo ni Satanas sa pasimula, hindi ba nangangahulugan iyon na noong nilikha ni Jehova ang tao, nagsama Siya ng isang maka-Satanas na grupo sa Kanyang paglikha? Nakagawa kaya Siya ng isang bagay na ganoon? Nilikha Niya ang tao para sa kapakanan ng Kanyang patotoo; nilikha Niya ang tao para sa kapakanan ng Kanyang kaluwalhatian. Bakit Niya sadyang lilikhain ang isang klase na mula sa angkan ni Satanas upang kusang labanan Siya? Paano kaya magagawa ni Jehova ang gayong bagay? Kung nagawa Niya, sino ang magsasabing Siya ay isang matuwid na Diyos? Kapag sinasabi Ko ngayon na ang ilan sa inyo ay sasama kay Satanas sa katapusan, hindi ito nangangahulugang kasama ka ni Satanas mula sa pasimula; sa halip, ito ay nangangahulugang ikaw ay nagpakababa nang husto na kahit pa sinubukan ng Diyos na iligtas ka, ikaw ay nabigo pa rin na matamo ang kaligtasan na iyon. Walang pagpipilian kundi isama ka sa pangkat ni Satanas. Ito ay dahil lang ikaw ay hindi na maililigtas, hindi dahil ang Diyos ay di-matuwid sa iyo at sinadyang itakda ang iyong kapalaran bilang pagsasakatawan ni Satanas at sa gayon isinasama ka sa pangkat ni Satanas at sadyang gusto kang magdusa. Hindi iyan ang katotohanang napapaloob sa gawain ng paglupig. Kung iyan ang iyong pinaniniwalaan, ang iyong pagkaunawa ay lubhang nakahilig sa isang panig lang! Ang kahuli-hulihang yugto ng panlulupig ay naglalayong magligtas ng mga tao, at magbunyag din ng kanilang mga katapusan. Ito ay upang isiwalat ang pagpapakasama ng mga tao sa pamamagitan ng paghatol, sa gayon ay nagsasanhi sa kanila na magsisi, bumangon, at maghangad ng buhay at ng tamang landas ng buhay ng tao. Ito ay upang gisingin ang mga puso ng mga manhid at mapurol na tao at upang ipakita, sa pamamagitan ng paghatol, ang kanilang panloob na pagiging mapaghimagsik. Subalit, kung ang mga tao ay hindi pa rin makayang magsisi, hindi pa rin makayang magpursige ng tamang landas ng buhay ng tao at hindi pa rin makayang itakwil ang mga katiwaliang ito, sila ay hindi na maililigtas, at lalamunin ni Satanas. Gayon ang kabuluhan ng panlulupig ng Diyos: upang iligtas ang mga tao, at upang ipakita rin ang kanilang mga katapusan. Magagandang katapusan, masasamang katapusan—itong lahat ay ibinubunyag ng gawain ng paglupig. Kung ang mga tao ay maliligtas o isusumpa ay ibinubunyag lahat sa panahon ng gawain ng paglupig.
Ang mga huling araw ay kung kailan ang lahat ng bagay ay pagpapangkat-pangkatin ayon sa uri sa pamamagitan ng panlulupig. Ang panlulupig ay ang gawain sa mga huling araw; sa ibang salita, ang paghatol sa mga kasalanan ng bawat tao ay ang gawain sa mga huling araw. Kung hindi, paano mapagpapangkat-pangkat ang mga tao? Ang gawain ng pagpapangkat-pangkat na ginagawa sa inyo ay ang umpisa ng gayong gawain sa buong sansinukob. Pagkatapos nito, yaong mga nasa lahat ng lupain at bayan ay isasailalim din sa gawain ng paglupig. Nangangahulugan ito na ang bawat tao sa sangnilikha ay pagpapangkat-pangkatin ayon sa uri, magpapasakop sa harap ng luklukan ng paghatol upang mahatulan. Walang tao at walang bagay ang makakatakas sa pagdurusa ng pagkastigo at paghatol na ito, at wala ring sinumang tao o bagay ang hindi papangkat-pangkatin ayon sa uri; ang bawat tao ay pagsasama-samahin ayon sa klase, dahil ang katapusan ng lahat ng bagay ay nalalapit na, at lahat ng langit at lupa ay nakarating na sa wakas nito. Paano makatatakas ang tao sa mga huling araw ng pantaong pag-iral? Kaya, gaano katagal pa makapagpapatuloy ang inyong mga gawaing pagsuway? Hindi ba ninyo nakikita na napakalapit na ang inyong mga huling araw? Paanong hindi makikita ng mga natatakot sa Diyos at nasasabik para sa Kanya ang araw ng pagpapakita ng katuwiran ng Diyos? Paanong hindi nila matatanggap ang huling gantimpala para sa kabutihan? Ikaw ba ay isa na gumagawa ng mabuti, o isa na gumagawa ng masama? Ikaw ba ay isa na tumatanggap ng matuwid na paghatol at pagkatapos ay sumusunod, o ikaw ba ay isa na tumatanggap ng matuwid na paghatol at pagkatapos ay sinusumpa? Nabubuhay ka ba sa harap ng luklukan ng paghatol nang nasa liwanag, o nabubuhay ka ba sa gitna ng kadiliman sa Hades? Hindi ba ikaw mismo ang nakakaalam nang pinakamalinaw kung ang iyong wakas ay isa ng gantimpala o isa ng kaparusahan? Hindi ba ikaw ang isa na nakaaalam nang pinakamalinaw at nakauunawa nang pinakamalalim na ang Diyos ay matuwid? Kaya, ano ba talaga ang wangis ng iyong pag-uugali at puso? Habang nilulupig kita ngayon, kailangan mo pa ba talagang idetalye Ko para sa iyo kung ang iyong pag-uugali ay mabuti o masama? Gaano na karami ang iyong naisuko para sa Akin? Gaano kalalim ang pagsamba mo sa Akin? Hindi ba’t alam na alam mo sa sarili mo kung paano ka umaasal tungo sa Akin? Dapat mas alam mo kaysa kaninuman kung ano ang iyong kahahantungan! Totohanang sinasabi Ko sa iyo: Nilikha Ko lamang ang sangkatauhan, at ikaw ay nilikha Ko, ngunit hindi Ko kayo ipinasa kay Satanas; at hindi Ko rin sinadyang papagrebeldehin kayo o labanan Ako at samakatuwid ay maparusahan Ko. Hindi ba ang lahat ng kalamidad at paghihirap na ito ay dahil ang inyong mga puso ay sobrang matigas at ang inyong pag-uugali ay sobrang karumal-dumal? Kaya hindi ba ang inyong kahahantungan ay kayo mismo ang nagpasya? Hindi ba nalalaman ninyo sa inyong mga puso, higit sa kaninuman, kung paano kayo magwawakas? Ang dahilan kung bakit nilulupig Ko ang mga tao ay upang ibunyag sila, at upang mas matiyak ang iyong kaligtasan. Hindi ito upang itulak kang gumawa ng masama, o sadyang itulak kang lumakad papunta sa impiyerno ng pagkawasak. Pagdating ng panahon, lahat ng iyong matinding pagdurusa, ang pagtangis at pagngangalit ng iyong mga ngipin—hindi ba ang lahat ng ito ay magiging dahil sa iyong mga kasalanan? Kaya, hindi ba ang iyong sariling kabutihan o ang iyong sariling kasamaan ang pinakamahusay na paghatol sa iyo? Hindi ba ito ang pinakamahusay na katibayan kung ano ang iyong magiging wakas?
Ngayon, gumagawa Ako sa mga taong hinirang ng Diyos sa Tsina, upang ibunyag ang lahat ng kanilang mapaghimagsik na disposisyon at ilantad ang lahat ng kanilang kapangitan, at nagbibigay ito ng konteksto sa pagsasabi ng lahat ng kailangan Kong sabihin. Pagkatapos, kapag isinasakatuparan Ko ang susunod na hakbang ng gawain ng paglupig sa buong sansinukob, gagamitin Ko ang Aking paghatol sa inyo upang hatulan ang di-pagkamatuwid ng bawat isa sa buong sansinukob, sapagkat kayong mga tao ay ang mga kumakatawan sa mga mapaghimagsik sa sangkatauhan. Silang mga hindi bubuti ay magiging mga panghambing at mga gamit sa paglilingkod lamang, samantalang silang bubuti ay gagamitin. Bakit Ko sinasabi na silang mga hindi bubuti ay magsisilbi lamang bilang mga panghambing? Sapagkat ang Aking mga salita at gawain sa kasalukuyan ay nakatutok sa inyong mga pinagmulan, at dahil kayo ay naging mga kumakatawan at ang halimbawa ng mga mapaghimagsik sa buong sangkatauhan. Kalaunan, dadalhin Ko ang mga salitang ito na lumulupig sa inyo sa mga dayuhang bansa at gagamitin Ko ang mga ito upang lupigin ang mga tao roon, ngunit ang mga ito’y hindi mo nakakamtan. Hindi ka ba magiging panghambingan sa gayon? Ang mga tiwaling disposisyon ng buong sangkatauhan, ang mga mapaghimagsik na kilos ng tao, at ang mga pangit na larawan at mukha ng tao—lahat ng ito ay nakatala ngayon sa mga salita na ginagamit upang lupigin kayo. Gagamitin Ko sa gayon ang mga salitang ito upang lupigin ang mga tao sa bawat bansa at bawat denominasyon sapagkat kayo ang modelo, ang nauna. Gayunpaman, hindi Ko binalak na sadyang pabayaan kayo; kung ikaw ay nagkukulang sa iyong paghahabol at samakatuwid pinatutunayan mong ikaw ay di-mapapagaling, hindi ba’t ikaw ay magiging basta na lang isang gamit sa paglilingkod at isang panghambing Nasabi Ko minsan na ang Aking karunungan ay ginagamit batay sa mga pakana ni Satanas. Bakit Ko sinabi iyon? Hindi ba iyon ang katotohanan sa likod ng Aking sinasabi at ginagawa ngayon? Kung hindi ka bubuti, kung hindi ka nagagawang perpekto ngunit sa halip ay pinarurusahan, hindi ka ba magiging isang panghambingan? Maaaring nagdusa ka nang matindi sa iyong panahon, ngunit wala ka pa ring nauunawaan; ikaw ay mangmang sa lahat ng bagay tungkol sa buhay. Kahit na ikaw ay nakastigo at nahatulan na, hindi ka pa rin nagbago sa anumang paraan, at sa iyong kaibuturan, hindi ka nakatamo ng buhay. Pagdating ng panahon para subukin ang iyong gawain, makararanas ka ng isang pagsubok na kasingbangis ng apoy at higit pang matinding kapighatian. Gagawing abo ng apoy na ito ang iyong buong pagkatao. Bilang isa na hindi nagtataglay ng buhay, isa na wala ni isang onsang dalisay na ginto sa loob, isa na nakakapit pa rin sa dating tiwaling disposisyon, at isa na ni hindi man lang makagawa ng isang mahusay na trabaho bilang isang panghambing, paanong hindi ka maaalis? Mayroon bang silbi sa gawain ng paglupig ang isa na mas mababa pa ang halaga kaysa sa isang kusing, isa na hindi nagtataglay ng buhay? Kapag dumating ang panahong iyon, ang inyong mga araw ay magiging mas mahirap kaysa roon nina Noe at ng Sodoma! Ang iyong mga panalangin ay walang magagawang mabuti para sa iyo sa panahong iyon. Kapag natapos na ang gawaing pagliligtas, paano ka makakabalik kalaunan at mag-uumpisang muli na magsisi? Sa sandaling ang lahat ng gawain ng pagliligtas ay nagawa na, hindi na magkakaroon pa; ang magaganap ay ang simula ng gawain ng pagpaparusa sa mga yaon na masama. Ikaw ay lumalaban, ikaw ay naghihimagsik, at ikaw ay gumagawa ng mga bagay na alam mong masama. Hindi ba ikaw ang pinatutungkulan ng mabigat na kaparusahan? Nililinaw Ko ito sa iyo ngayon. Kung pipiliin mong huwag makinig, kapag sumapit sa iyo ang sakuna kinalaunan, hindi ba magiging huli na kung noon mo lamang sisimulang madama ang pagsisisi at sisimulang maniwala? Ibinibigay Ko sa iyo ang isang pagkakataon na magsisi ngayon, ngunit ayaw mo. Gaano katagal mo nais maghintay? Hanggang sa araw ba ng pagkastigo? Hindi Ko natatandaan ngayon ang iyong nakaraang mga paglabag; pinapatawad kita nang paulit-ulit, tinatalikdan ang iyong negatibong panig upang tumingin lamang sa iyong positibong panig, sapagkat lahat ng Aking salita at gawain sa kasalukuyan ay upang iligtas ka at wala Akong masamang layunin sa iyo. Ngunit tumatanggi kang pumasok; hindi mo makita ang pagkakaiba ng mabuti sa masama at hindi mo alam kung paano pahalagahan ang kagandahang-loob. Hindi ba ang gayong mga tao ay naghihintay lamang sa pagdating ng kaparusahan at matuwid na kagantihan?
Nang hinampas ni Moises ang bato, at ang tubig na ibinigay ni Jehova ay bumukal, ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Nang tinugtog ni David ang lira sa pagpupuri sa Akin, si Jehova—na ang kanyang puso ay puno ng kagalakan—ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Nang nawala kay Job ang kanyang kawan na pumupuno sa mga bundok at ang di-masukat na kayamanan, at ang kanyang katawan ay napuno ng masasakit na pigsa, ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Kapag naririnig niya ang tinig Ko, si Jehova, at nakikita ang Aking kaluwalhatian, si Jehova, ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Nakasunod si Pedro kay Jesucristo dahil sa kanyang pananampalataya. Naipako siya sa krus alang-alang sa Akin at nakapagbigay ng maluwalhating patotoo dahil din sa kanyang pananampalataya. Nang nakita ni Juan ang maluwalhating larawan ng Anak ng tao, ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Nang nakita niya ang pangitain ng mga huling araw, lalo nang lahat ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Ang dahilan kung bakit ang sinasabing karamihan ng mga bansang Hentil ay nakatamo ng Aking paghahayag, at nakaalam na nakabalik na Ako sa katawang-tao upang gawin ang Aking gawain sa gitna ng tao, ay dahil din sa kanilang pananampalataya. Lahat niyaong hinahampas ng Aking malupit na mga salita ngunit nabibigyang-aliw ng mga iyon at inililigtas—hindi ba nila nagawa ang gayon dahil sa kanilang pananampalataya? Ang mga tao ay nakatanggap ng napakarami dahil sa kanilang pananampalataya, at hindi ito palaging pagpapala. Maaaring hindi nila matanggap ang uri ng kaligayahan at kagalakan na nadama ni David, o mapagkalooban ng tubig ni Jehova kagaya ni Moises. Halimbawa, pinagpala ni Jehova si Job dahil sa kanyang pananampalataya, ngunit nagdusa rin siya ng sakuna. Kung ikaw man ay pinagpapala o nagdurusa ng sakuna, kapwa itong mga pinagpalang pangyayari. Kung walang pananampalataya, hindi mo matatanggap ang gawain ng paglupig na ito, lalong hindi mamamasdan ang mga gawa ni Jehova na ipinakikita sa harap mo ngayon. Hindi mo magagawang makakita, at lalong hindi mo magagawang tumanggap. Ang mga hagupit na ito, ang mga kalamidad na ito, at ang lahat ng paghatol—kung hindi sumapit sa iyo ang mga ito, magagawa mo bang makita ang mga gawa ni Jehova ngayon? Ngayon, ang pananampalataya ang nagtutulot sa iyo na malupig, at ang pagiging nalupig ang nagtutulot sa iyo na manalig sa bawat gawa ni Jehova. Dahil lamang sa pananampalataya kaya ka nakatatanggap ng gayong pagkastigo at paghatol. Sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol na ito, ikaw ay nilulupig at pineperpekto. Kung wala ang uri ng pagkastigo at paghatol na tinatanggap mo ngayon, ang iyong pananampalataya ay mawawalan ng kabuluhan, sapagkat hindi mo makikilala ang Diyos; kahit gaano ka naniniwala sa Kanya, ang iyong pananampalataya ay mananatiling mga hungkag na salita na walang basehan sa realidad. Matapos mo lang tanggapin ang gawaing ito ng paglupig, gawain na gumagawa sa iyo na lubos na masunurin, na ang iyong pananampalataya ay nagiging totoo, at maaasahan, at ang iyong puso ay bumabaling sa Diyos. Kahit na ikaw ay nagdurusa ng matinding paghatol at pagsumpa dahil sa salitang ito, “pananampalataya,” ikaw magkagayunman ay may totoong pananampalataya at ikaw ay tumatanggap ng pinakatunay, pinakatotoo, at pinakamahalagang bagay. Ito ay dahil sa pagpapatuloy lamang ng paghatol na nakikita mo ang huling hantungan ng mga nilalang ng Diyos; sa paghatol na ito mo nakikita na ang Lumikha ay dapat ibigin; sa ganitong uri ng gawain ng paglupig mo namamasdan ang bisig ng Diyos; sa panlulupig na ito ka dumarating sa lubos na pagkaunawa sa buhay ng tao; sa panlulupig na ito mo natatamo ang tamang landas ng buhay ng tao at dumarating sa pagkaunawa sa totoong kahulugan ng “tao”; sa panlulupig na ito mo lang nakikita ang matuwid na disposisyon ng Makapangyarihan sa lahat at ang Kanyang maganda at maluwalhating mukha; sa gawain ng paglupig na ito mo natututunan ang tungkol sa pinagmulan ng tao at nauunawaan ang “walang-kamatayang kasaysayan” ng buong sangkatauhan; sa ganitong panlulupig ka dumarating sa pagkaintindi sa mga ninuno ng sangkatauhan at sa pinagmulan ng katiwalian ng sangkatauhan; sa panlulupig na ito ka nakatatanggap ng kaligayahan at kaginhawahan gayundin ng walang-katapusang pagkastigo, pagdidisiplina, at mga pangaral ng Lumikha sa sangkatauhang Kanyang nilikha; sa gawain ng paglupig na ito ka nakatatanggap ng mga pagpapala, gayundin ng mga sakuna na dapat tanggapin ng tao…. Hindi ba ang lahat ng ito ay dahil sa iyong mumunting pananampalataya? Matapos matamo ang mga bagay na ito, hindi ba lumago ang iyong pananampalataya? Hindi ka ba nakatamo ng napakalaking halaga? Hindi mo lamang narinig ang salita ng Diyos at nakita ang karunungan ng Diyos, kundi personal mo ring naranasan ang bawa’t hakbang ng Kanyang gawain. Siguro sasabihin mo na kung wala kang pananampalataya, hindi ka magdurusa ng ganitong uri ng pagkastigo o ganitong uri ng paghatol. Ngunit dapat mong malaman na kung walang pananampalataya, hindi ka lang hindi makatatanggap ng ganitong uri ng pagkastigo o ganitong uri ng pagkalinga mula sa Makapangyarihan sa lahat, kundi magpakailanmang maiwawala mo ang pagkakataong makatagpo ang Lumikha. Hinding-hindi mo malalaman ang pinagmulan ng sangkatauhan at hindi mauunawaan kailanman ang kabuluhan ng buhay ng tao. Kahit na ang iyong katawan ay mamatay at ang iyong kaluluwa ay yumao, hindi mo pa rin mauunawaan ang lahat ng gawa ng Lumikha, lalong hindi mo malalaman na gumawa ng gayong kadakilang gawain sa mundo ang Lumikha matapos Niyang likhain ang sangkatauhan. Bilang kasapi nitong sangkatauhan na Kanyang ginawa, ikaw ba ay pumapayag na walang-muwang na mahulog sa kadiliman nang ganito at magdusa ng walang-hanggang kaparusahan? Kung ihihiwalay mo ang iyong sarili sa pagkastigo at paghatol ngayon, ano ang iyong kakatagpuin? Sa tingin mo ba na kapag maihiwalay mula sa kasalukuyang paghatol, makatatakas ka sa mahirap na buhay na ito? Hindi ba totoo na kung lilisanin mo ang “lugar na ito,” ang iyong haharapin ay masakit na pagpapahirap o malulupit na pinsalang ipinataw ng diyablo? Maaari ka bang maharap sa di-makayanang mga araw at mga gabi? Sa tingin mo ba dahil lang tinatakasan mo ang paghatol na ito ngayon, magpakailanman mong maiiwasan ang pagpapahirap sa hinaharap? Ano kaya ang darating sa iyo? Ito kaya ang Shangri-La na iyong inaasahan? Sa tingin mo ba ay matatakasan mo ang walang-hanggang pagkastigo sa hinaharap sa pamamagitan lang ng pagtakas sa realidad gaya ng iyong ginagawa ngayon? Pagkatapos ng ngayon, makahahanap ka pa kaya muli ng ganitong uri ng pagkakataon at ganitong uri ng pagpapala? Matatagpuan mo ba ang mga ito kapag dinatnan ka ng sakuna? Matatagpuan mo ba ang mga ito kapag ang buong sangkatauhan ay pumasok na sa kapahingahan? Ang kasalukuyang masaya mong buhay at ang iyong magkaayong munting pamilya—makakahalili ba sila sa iyong walang-hanggang hantungan sa hinaharap? Kung ikaw ay may totoong pananampalataya, at kung marami kang natatamo dahil sa iyong pananampalataya, lahat ng iyan ay ang dapat mo—na isang nilalang—na matamo at gayundin ay ang dapat mong taglay noon pa man. Wala nang mas kapaki-pakinabang sa iyong pananampalataya at buhay kaysa gayong panlulupig.
Ngayon, kailangan mong maunawaan kung ano ang hinihingi ng Diyos sa mga nilulupig, kung ano ang Kanyang saloobin sa mga ginagawang perpekto, at kung ano ang dapat mong pasukin sa kasalukuyan. Ang ilang bagay ay kailangan mo lamang maunawaan nang kaunti. Ang ilang salita ng hiwaga ay hindi mo na kailangan pang suriin; hindi gaanong nakatutulong ang mga ito sa buhay, at sapat na ang sulyapan lamang ang mga ito. Nakakabasa ka ng mga misteryong kagaya ng misteryo tungkol kina Adan at Eba: kung tungkol saan sina Adan at Eba noong panahong iyon, at kung anong gawain ang gusto ng Diyos na gawin ngayon. Kailangan mong maunawaan na sa paglupig at sa pagpeperpekto ng tao, ninanais ng Diyos na ibalik ang tao sa naging kalagayan nina Adan at Eba. Sa iyong puso, dapat kang magkaroon ng mabuting ideya kung gaano kaperpekto dapat ang tao upang makaabot sa pamantayan ng Diyos, at pagkatapos ay sikaping maabot ito. Iyon ay nakaugnay sa iyong pagsasagawa, at ito ay isang bagay na dapat mong maunawaan. Sapat na na hangarin mong pumasok alinsunod sa mga salita tungkol sa mga usaping ito. Kapag nababasa mo na “Sampu-sampung libong taon ng kasaysayan ang kinailangan upang marating ng sangkatauhan ang kinalalagyan nila ngayon,” nagiging interesado ka, at kaya tinatangka mong alamin ito kasama ng mga kapatid. “Sinasabi ng Diyos na ang pag-unlad ng sangkatauhan ay nagsimula anim na libong taon na ang nakararaan, tama? Ano itong tungkol sa sampu-sampung libong taon na ito?” Ano ang kabuluhan ng pagtatangkang tuklasin ang sagot sa tanong na ito? Kung ang Diyos man ay gumagawa na sa loob ng sampu-sampung libong taon o sa loob ng daan-daang milyong taon—kailangan ba talaga Niyang malaman mo ang tungkol dito? Hindi ito isang bagay na dapat mong malaman bilang isang nilikha. Hayaan mo lamang ang sarili mo na sandaling isaalang-alang ang ganitong uri ng usapin, at huwag subukang unawain ito na para bang ito ay isang pangitain. Dapat may kamalayan ka sa kung ano ang dapat mong pasukin at maunawaan ngayon, at pagkatapos ay matibay na panghawakan ito. Saka ka pa lamang malulupig. Pagkatapos basahin ang nasa itaas, dapat kang magkaroon ng normal na reaksyon: Ang Diyos ay nag-aapoy sa kabalisahan. Nais Niyang lupigin tayo at magtamo ng kaluwalhatian at patotoo, kaya paano tayo dapat makipagtulungan sa Kanya? Ano ang dapat nating gawin upang ganap Niya tayong malupig at maging Kanyang patotoo? Ano ang dapat nating gawin upang magawa ng Diyos na magtamo ng kaluwalhatian? Ano ang dapat nating gawin upang tulutan ang mga sarili natin na mabuhay sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos at hindi sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas? Ito ang dapat na pinag-iisipan ng mga tao. Ang bawat isa sa inyo ay dapat malinaw tungkol sa kabuluhan ng paglupig ng Diyos. Iyon ay pananagutan ninyo. Pagkatapos lamang na matamo ang kaliwanagang ito saka kayo magkakaroon ng pagpasok, malalaman ang yugtong ito ng gawain, at magiging ganap na masunurin. Kung hindi, hindi ninyo makakamit ang tunay na pagsunod.