37. Ang Nasa Likod ng Hindi Pagkakaroon ng Paninindigan

Ni Kelly, Timog Korea

Noong nakaraan, lubha akong walang kasanayan sa aking tungkulin. Sa tuwing gagawa ako ng video project, palagi ko itong binabagu-bago nang maraming beses. Seryosong nakaapekto ito sa pangkalahatang pagsulong ng gawain. Noong una, akala ko’y dahil ito sa kakulangan ko ng sariling mga opinyon—sa tuwing nagmumungkahi ang mga kapatid ko ng ilang rebisyon, hindi ko sinuri kung kailangan ang mga ito batay sa mga prinsipyo, at ginawa lamang ang anumang mga pagbabago na iminungkahi nila. Ang ilang mungkahi ay hindi masyadong makatwiran, na nagresulta sa paulit-ulit na paggawa. Kalaunan, matapos matabasan at maiwasto, at magnilay sa aking sarili ayon sa inihahayag ng salita ng Diyos, napagtanto kong may mga satanikong disposisyon at kasuklam-suklam na layunin sa likod ng kawalan ko ng paninindigan.

Iyon ay ilang buwan na ang nakalipas. Tapos, may ilang kapatid na mayabang at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, na laging iginigiit ang kanilang sariling mga pananaw at hindi matanggap ang mga mungkahi ng iba, na lubhang nakaapekto sa pagsulong ng gawain. Ilang beses nang nakipagbahaginan ang aming lider upang ilantad sila, ngunit hindi pa rin sila nagbago at tinanggal. Nang makita ko silang matanggal, lihim kong binalaan ang sarili ko, “Kapag bibigyan ako ng mga kapatid ng mga mungkahi sa hinaharap, hindi ko puwedeng igiit lang ang mga sarili kong pananaw.” Pagkatapos no’n, kapag nagbibigay ang lahat ng mga mungkahi para sa pagrerebisa ng isang video, halos lagi kong tinatanggap ang mga ito, kahit na ang ilan sa mga ito’y maliliit na isyu na hindi naman talaga kailangang baguhin. Sa totoo lang ay naisip ko na ang ilan sa mga mungkahing iyon ay hindi naaayon sa mga prinsipyo, at ang ilan ay napakawalang-saysay na isyu, pero nag-alala ako, “Kung hindi ko gagawin ang rebisyong ito, ano ang iisipin sa akin ng superbisor at mga kapatid ko? Iisipin ba nilang mayabang ako at hindi ko kayang tumanggap ng payo ng ibang tao? Kung bibigyan ko sila ng masamang impresyon na hindi ko kayang tumanggap ng katotohanan, napipinto na akong matanggal. At saka, hindi ako siguradung-sigurado sa mga opinyon ko. Kung mali ako at hindi gagawin ang kinakailangang pagbabago, kung matutuklasan ang problemang iyon pagkatapos ma-post online ang video, ako ang mananagot.” Matapos pag-isipan ito, upang makasiguro, tinanggap ko ang lahat ng mungkahi at gumawa ng bagong mga rebisyon. Minsan may iba’t ibang mungkahi para sa iisang isyu, kaya gumawa ako ng maraming bersyon at hiniling sa aking superbisor na magpasya kung alin ang pinakamaganda, o habang pinag-uusapan ng grupo namin ang gawain, tinalakay ko ito sa aking mga kapatid at sama-sama naming pinagdesisyunan. Naisip ko, “Ginawa ng aking superbisor at karamihan sa mga kapatid ang desisyong ito. Ito ang opinyon ng karamihan, kaya walang magiging malaking problema. Ito ang pinakasiguradong paraan. Kung may mangyayaring mali sa hinaharap, hindi lang ako ang may responsibilidad.” Minsan, nakatanggap ako ng maraming mungkahi, at hindi ako sigurado kung paano gagawin ang mga rebisyon, kaya hinanap ko ang superbisor at nagpatulong sa kanya na magdesisyon kung aling direksyon ang susundin. Minsan nakarinig ako ng napakaraming payo, at sa huli, hindi ko alam kung anong effect ang dapat ipresenta, na humantong sa hindi epektibong pagganap sa tungkulin. Sa mga talakayan sa trabaho, ang palagi kong paghingi ng tulong sa mga kapatid na magpasya ay kumuha ng oras sa kanilang mga tungkulin at nagpabagal sa pangkalahatang pagsulong ng gawain.

Minsan, gumagawa ako ng video background image. Kailangan nitong maipakita ang kalagayan ng pagdurusa ng mga taong namumuhay sa kasalanan, kaya ginawa kong may madilim na kulay na may backlighting ang larawan. Ang tingin ng ilang kapatid ay masyado itong madilim at hindi magandang tingnan, at iminungkahing paliwanagin ko nang kaunti ang larawan at magdagdag ng ilang effects ng liwanag at anino. Nag-alangan ako sa mga suhestiyong ito. Dahil sa tema, kapag sobrang maliwanag ang larawan, hindi ito babagay sa pangkalahatang kapaligiran ng mga taong namumuhay sa kadiliman, at ang pagdagdag ng liwanag ay lalabag sa mga obhetibong alituntunin, kaya sa tingin ko’y di-makatwiran ang mungkahi. Subalit naisip ko, dahil maraming tao ang nagmungkahi nito, kung hindi ko ito gagawin, at naapektuhan nito ang effect ng video matapos itong ma-post online, magiging pananagutan ko ito. Habang nahihirapan ako rito, nakita kong sumang-ayon din ang lider sa rebisyon, kaya nagsimula akong magkompromiso. Kung irerekomenda ko ang aking pananaw at hindi sasang-ayon sa rebisyon, iisipin ba ng lahat na iginigiit ko ang sarili kong pananaw? Iisipin ba nilang gumagawa lang ako ng palusot para hindi ito baguhin dahil matrabaho? Kaya nagpasya akong baguhin na lang ito. Kung may problema, hindi lang ako ang magiging responsable rito, dahil ginawa ko ang pagbabago batay sa mga suhestiyon ng lahat. Malinaw kong nadama na ang pagbabagong ito ay hindi angkop, pero gumugol pa rin ako ng maraming oras sa pagbago sa buong larawan. Nagulat ako nang, sa sandaling natapos ko ito, sinuri ito ng superbisor batay sa mga nauugnay na prinsipyo at sa totoo nitong epekto matapos ang rebisyon, na sinasabing hindi ito nakaayon sa mga obhetibong katunayan, at kailangan kong ibalik ito sa dati. Sinabi rin niya na labis akong nagpapaubaya sa aking mga tungkulin kamakailan, na wala akong mga opinyon tungkol sa mga mungkahi ng iba at hinahadlangan ko ang pagsulong ng gawain, at sinabihan niya akong magnilay sa aking sarili. Hindi ko mapakalma ang sarili ko sa loob ng mahabang panahon, at sobrang nalungkot at nakonsensya ako. Gumugol ako ng napakaraming oras sa pagbabago ng larawan, at ngayon kailangan kong ibalik iyon sa dati, na talagang nakaantala sa pagsulong ng gawain. Napagtanto ko na sa panahong ito, sa tuwing nahaharap ako sa iba’t ibang mungkahi, sa totoo lang ay may sarili akong mga opinyon, ngunit para maiwasang tawagin akong mayabang ng mga tao, hindi ako nagsalita noong nagkaroon ako ng mga opinyong iyon. Nang maharap ako sa pag-aalinlangan sa isang problema, hindi ko hinanap ang mga katotohanang prinsipyo, hinintay ko lang na gumawa ng huling pasya ang iba, laging ginagawa ang mga bagay ayon sa utos ng ibang tao. Ang pagsasagawa ng aking tungkulin sa ganitong paraan ay talagang napakapasibo, at naantala na nito ang gawain ng iglesia. Lumapit ako sa Diyos at nanalangin upang hilingin sa Kanya na gabayan ako sa pagninilay at pagkilala sa aking sarili.

Sa aking paghahanap at pagninilay-nilay, nabasa ko ang salita ng Diyos: “Ang mga maaaring gumanap ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos ay dapat mga taong tumatanggap ng pasanin para sa gawain ng iglesia, tumatanggap ng responsabilidad, nagtataguyod sa mga katotohanang prinsipyo, at kayang magdusa at magbayad ng halaga. Kung nagkukulang ang isang tao sa mga aspetong ito, hindi siya akmang gumanap sa isang tungkulin, at hindi niya tinataglay ang mga kundisyon sa pagganap ng tungkulin. Maraming taong natatakot tumanggap ng responsabilidad na gumanap sa isang tungkulin. Ang kanilang takot ay naipapamalas sa tatlong pangunahing paraan. Ang una ay na pinipili nila ang mga tungkuling walang kaakibat na responsabilidad. Kung isinasaayos ng isang lider ng iglesia na gampanan nila ang isang tungkulin, tinatanong muna nila kung dapat ba silang tumanggap ng responsabilidad para doon: Kung magkagayon, hindi nila iyon tinatanggap. Kung hindi nila kailangang umako ng responsabilidad at maging responsable para doon, tinatanggap nila iyon nang may pag-aatubili, pero kailangan pa rin nilang tiyakin kung nakakapagod o malaking abala ang gawain, at sa kabila ng kanilang atubiling pagtanggap ng tungkulin, wala silang ganang gampanan iyon nang maayos, na mas gusto pa ring maging hindi maingat at walang interes. Libangan, walang trabaho, at walang pagod sa katawan—ito ang kanilang prinsipyo. Ang pangalawa ay na kapag nahihirapan sila o nagkakaproblema, ang unang ginagawa nila ay iulat iyon sa isang lider at ipaasikaso at ipalutas iyon sa lider, sa pag-asa na maging madali iyon sa kanila. Wala silang pakialam kung paano nilulutas ng lider ang isyu at hindi ito pinapansin—basta’t hindi sila mismo ang responsable, ayos ang lahat sa kanila. Katapatan ba sa Diyos ang gayong pagganap sa tungkulin? Ang tawag dito ay pagpapasa ng responsabilidad, pagpapabaya sa tungkulin, panloloko. Puro salita lamang ito; wala naman silang anumang tunay na ginagawa. Sinasabi nila sa kanilang sarili, ‘Kung ako ang lulutas sa bagay na ito, paano kung magkamali ako? Kapag siniyasat nila kung sino ang may kasalanan, hindi ba’t haharapin nila ako? Hindi ba sa akin muna babagsak ang responsabilidad para dito?’ Ito ang ipinag-aalala nila. Pero naniniwala ka ba na sinisiyasat ng Diyos ang lahat ng bagay? Lahat ay nagkakamali. Kung ang isang taong tama ang layunin ay walang karanasan at hindi pa nakapag-asikaso ng ganitong klaseng bagay dati, pero nagawa nila ang lahat ng makakaya nila, nakikita iyan ng Diyos. Dapat kang maniwala na sinusuring mabuti ng Diyos ang lahat ng bagay at ang puso ng tao. Kung ni hindi ito pinaniniwalaan ng isang tao, hindi ba isa siyang walang pananalig? Anong kabuluhan ang maaaring mayroon sa gayong tao na gumaganap sa tungkulin? Hindi naman talaga mahalaga kung ginagampanan nila ang tungkuling ito o hindi, tama ba? Natatakot silang umako ng responsabilidad at umiiwas sila sa responsabilidad. Kapag may nangyayari, ang una nilang ginagawa ay hindi ang mag-isip ng paraan para mapangasiwaan ang problema, sa halip, ang una nilang ginagawa ay ang tawagan at abisuhan ang lider. Siyempre, sinusubukan ng ilang tao na asikasuhin ang problema nang mag-isa habang inaabisuhan nila ang lider, pero hindi ito ginagawa ng ilang tao, at ang una nilang ginagawa ay ang tawagan ang lider, at pagkatapos ng tawag, pasibo lamang silang naghihintay, naghihintay ng mga tagubilin. Kapag inutusan sila ng lider na gumawa ng hakbang, gagawa sila ng hakbang; kung sasabihin ng lider na gawin nila ang isang bagay, gagawin nila ito. Kung walang sasabihin o ibibigay na mga tagubilin ang lider, wala rin silang gagawin at magpapaliban na lamang. Kung walang mag-uudyok sa kanila o mangangasiwa sa kanila, hindi rin sila gagawa ng anumang gawain. Sabihin mo sa Akin, gumagawa ba ng tungkulin ang gayong tao? Kahit na nagseserbisyo sila, wala naman silang katapatan! May isa pang paraan kung saan naipapamalas ang takot ng isang tao sa pagtanggap ng responsabilidad. Kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, ang ilang tao ay gumagawa lang ng kaunting mababaw at simpleng gawain, gawaing walang kaakibat na pagtanggap ng responsabilidad. Ang gawaing may kaakibat na mga paghihirap at pagtanggap ng responsabilidad ay ibinabato nila sa iba, at kung may mangyaring mali, ipinapasa nila ang sisi sa mga taong iyon at iniiwasang madamay sa gulo. Kapag nakikita ng mga lider ng iglesia na iresponsable sila, matiyagang nag-aalok ng tulong ang mga ito, o tinatabasan at iwinawasto sila ng mga ito, nang sa gayon ay magawa nilang tumanggap ng responsabilidad. Pero ayaw pa rin nilang gawin iyon, at iniisip nila, ‘Mahirap gampanan ang tungkuling ito. Kakailanganin kong managot kapag may nangyaring mali, at baka matanggal at mapalayas pa ako, at iyon na ang magiging katapusan ko.’ Anong uri ng saloobin ito? Kung wala silang pagpapahalaga sa responsabilidad sa pagganap ng kanilang tungkulin, paano nila magagampanan nang mabuti ang kanilang tungkulin? Ang mga hindi tunay na gumugugol ng kanilang sarili para sa Diyos ay hindi makakagampan nang maayos sa anumang tungkulin, at ang mga natatakot tumanggap ng responsabilidad ay maaantala lamang ang mga bagay-bagay kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin. Ang gayong mga tao ay hindi mapagkakatiwalaan o maaasahan; ginagampanan lang nila ang kanilang tungkulin para makakain sila. Dapat bang palayasin ang ganitong ‘mga pulubi’? Dapat. Ayaw ng sambahayan ng Diyos sa gayong mga tao(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Unang Bahagi)). Inihayag ng salita ng Diyos ang aking kalagayan. Naalala ko ang pagganap ko sa aking mga tungkulin sa panahong ito. Nang makatanggap ako ng napakaraming mungkahi, napagtanto ko na ang ilan sa mga ito ay hindi angkop. Ang ilang rebisyon ay labag sa mga prinsipyo, at ang ilan ay hindi kailangan. Pero natakot akong kung hindi ako makikinig sa payo ng lahat at may mangyaring mali, ako lang ang dapat sisihin. Natakot din ako na ang pagkapit sa aking pananaw ay magbibigay sa mga tao ng masamang impresyon na ako ay mayabang at nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, kaya pinagbigyan ko ang mga opinyon ng lahat, ginawa ang anumang pagbabagong iminungkahi ng iba, at paulit-ulit ko pang binago ang mga bagay-bagay at gumawa ng maraming bersyon, hinihintay na magdesisyon ang superbisor at mga kapatid ko. Hindi ko kailanman hinanap ang mga katotohanang prinsipyo o gumawa ng sarili kong mga desisyon sa takot na sisihin. Inisip ko na ang paggawa ng mga bagay sa ganitong paraan ay mas maingat, dahil kapag ang mga bagay ay isang desisyon ng grupo, mas malabong magkaproblema, at kahit may problema, hindi ako mag-iisa. Sa panlabas, lagi akong abala sa aking mga tungkulin, ngunit ang totoo, isinasaalang-alang ko ang sarili kong mga interes sa lahat ng bagay at pinag-iisipan ko kung paano protektahan ang sarili ko at iwasan ang responsibilidad. Hindi ba nanlilinlang ako sa ganito? Ang paggawa ng aking tungkulin sa ganitong paraan ay pag-aalok lang ng pagsisikap ko at pagsunod sa kung anong sinasabi sa’kin. Hindi ako kailanman naging masigasig, ni hindi ako umako ng responsibilidad sa tungkulin ko. Hindi ko talaga isinaalang-alang ang gawain ng iglesia at talagang hindi ako makatao. Iyong mga taos na gumaganap ng kanilang mga tungkulin ay isinasaalang-alang ang mga interes ng iglesia sa lahat ng bagay, at kapag nahaharap sa mga usaping hindi nila maintindihan, hinahanap nila ang kalooban ng Diyos, hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, at kaisang puso ng Diyos sa kanilang mga tungkulin. Pero ako? Ako ay ganap na hindi taos at hindi nag isip sa aking tungkulin. Para akong isang katulong, naghihintay lang na utusan akong gumawa ng isang bagay. Hindi ko kailanman sinikap na lutasin ang mga problema gamit ang katotohanan. Walang kinalaman sa Diyos o sa katotohanan ang pagganap ko sa tungkulin nang ganito, mababaw na iniraraos ko lamang ang gawain, ni hindi man lang kapantay ng isang taga-serbisyo.

Naalala ko ang isa pang sipi ng salita ng Diyos: “Ano ang pamantayang ginagamit para husgahan kung mabuti o masama ang mga ikinikilos at inaasal ng isang tao? Ito ay kung taglay ba niya o hindi, sa kanyang mga iniisip, ipinapakita, at ikinikilos, ang patotoo tungkol sa pagsasagawa ng katotohanan at pagsasabuhay ng katotohanang realidad. Kung wala ka ng realidad na ito o hindi mo ito isinasabuhay, walang duda, isa kang masamang tao. Ano ang tingin ng Diyos sa masasamang tao? Para sa Diyos, ang mga iniisip at ipinapakita mong kilos ay hindi nagpapatotoo sa Kanya, ni ipinapahiya o tinatalo si Satanas; sa halip, nagbibigay ang mga ito ng kahihiyan sa Kanya, at puno ang mga ito ng mga marka ng kasiraan ng puri na idinulot mo sa Kanya. Hindi ka nagpapatotoo para sa Diyos, hindi mo ginugugol ang sarili mo para sa Diyos, ni ginagampanan ang mga responsabilidad at obligasyon mo sa Diyos; sa halip, kumikilos ka para sa iyong sariling kapakanan. Ano ang kahulugan ng ‘para sa iyong sariling kapakanan’? Sa tiyak na pananalita, ang ibig sabihin nito ay para sa kapakanan ni Satanas. Samakatuwid, sa bandang huli, sasabihin ng Diyos, ‘Magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.’ Sa mga mata ng Diyos, hindi ituturing na mabubuting gawa ang iyong mga ikinilos, ituturing ang mga ito na masasamang gawa. Hindi lamang mabibigong makamit ng mga ito ang pagsang-ayon ng Diyos—kokondenahin pa ang mga ito. Ano ang inaasahang makamit ng isang tao mula sa ganitong pananalig sa Diyos? Hindi ba mabibigo sa huli ang gayong paniniwala?(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Mula sa mga salita ng Diyos ay naunawaan ko na minamasdan Niya ang puso ng lahat. Hindi Niya tinitingnan kung gaano karaming trabaho ang ating ginagawa o gaano karaming pagdurusa ang ating tinitiis. Sa halip ay tinitingnan Niya kung ang mga layunin ng mga tao sa kanilang mga tungkulin ay para sa Diyos o para sa kanilang sarili at kung mayroon silang patotoo ng pagsasagawa ng katotohanan sa kanilang mga tungkulin. Kung ang mga tungkulin ay ginagampanan para lang bigyang-kasiyahan ang sarili, ito ay kabuktutan sa mata ng Diyos, at kinasusuklaman Niya ito. Sa pamamagitan ng salita ng Diyos, nakita ko na ang aking mga iniisip habang ginagampanan ang aking tungkulin ay para sa aking sarili. Upang maiwasang managot, inaayos ko ang mga bagay na hindi naman mahalaga, gaano man iyon katagal, gumagawa pa nga ako ng paulit-ulit na mga rebisyon nang walang pakialam sa mga pagkaantala sa pagsulong ng gawain. Nilabag ko ang sarili kong kalooban para gawin ang mga rebisyon batay sa mga mungkahing alam na alam kong hindi angkop, at bilang resulta, pumangit ang kalidad ng mga video. Naantala ko ang gawain, ngunit hindi ako kailanman nabahala o nakaramdam ng pagmamadali, ni hindi ko sinubukang pataasin ang kahusayan sa pamamagitan ng paghahanap sa mga katotohanang prinsipyo. Ang ginagawa ko lang sa tungkulin ko ay sumusunod sa proseso at iniraraos ang gawain, at inisip na basta matapos ko lang ang rebisyon at sumang-ayon ang lahat, ayos na ito. Ang aking iresponsableng pag-uugali ay hindi talaga pagganap ng aking tungkulin, at hindi ito pag-iipon ng mabubuting gawa. Ito ay kabuktutan. Para protektahan ang sarili kong mga interes, paulit-ulit kong hinadlangan ang gawain ng iglesia. Kumikilos lamang ako bilang lingkod ni Satanas at ginagambala ang gawain ng iglesia! Nang maisip ito, nakaramdam ako ng takot. Agad akong nanalangin sa Diyos, hinihiling ang Kanyang patnubay sa pagbabago ng aking saloobin sa aking tungkulin.

Pagkatapos no’n, nang makaharap ako ng lahat ng uri ng mungkahi sa aking tungkulin, lumapit muna ako sa Diyos para manalangin at maghanap, sinuri kung aling mga iminungkahing pagbabago ang kinakailangan at alin ang hindi, at isinaalang-alang kung paano pagbutihin ang aking kahusayan upang lumikha ng mas mabuting mga resulta. Para sa mga iminungkahing pagbabago na hindi kinakailangan, inilahad ko ang aking mga opinyon batay sa mga prinsipyong naunawaan ko, naghanap at nakipagbahaginan sa lahat, at may napagkasunduan. Dahil sa pagsasagawa nang ganito, naging mas mahusay ako sa aking tungkulin. Akala ko may kaunting pagbabago at pagpasok na ako sa aspetong ito, ngunit nang maharap sa mga bagay na maaaring may kaakibat na pagtanggap ng responsibilidad, bumalik ako sa mga dati kong gawi.

Minsan, gumawa ako ng video vignette, at lahat ay may iba’t ibang opinyon sa ilang detalye tungkol sa larawan. Pagkatapos naming mag-usap at magtalakay, hindi pa rin kami nakakapagpasya kung paano ito babaguhin, at medyo matagal kaming naantala. Sa totoo lang, alam ko na para sa isang vignette, hangga’t ito ay maganda at ang nilalaman ng larawan ay hindi lumalabag sa obhetibong katotohanan, hindi na kailangan pang mahinto sa ilang detalye. Subalit pagkatapos marinig ang napakaraming iba’t ibang mungkahi, hindi ko alam kung ano ang gagawin, “Kung babaguhin ko ang mga bagay batay sa sarili kong mga ideya, ano ang mangyayari kung may problema pagkatapos i-upload ang video? Kung gayon, magiging responsibilidad ko ito.” Natakot akong managot sa isang pagkakamali, kaya gumawa akong muli ng maraming bersyon batay sa mga mungkahi ng lahat at hinintay ang lahat na magbigay sa’kin ng pinal na desisyon. Kaso, sa huli, walang nagbigay sa akin ng malinaw na sagot. Habang tinitingnan ko ang mga araw na lumipas, nababalisa ako. Hindi ko ba inaantalang muli ang pag-usad ng paggawa ng video? Tinanong ko ang sarili ko, “Bakit ang hirap magdesisyon? Bakit parang nakagapos ang mga kamay ko at hindi ko makalas ang mga ito?” Kaya’t lumapit ako sa Diyos upang manalangin at maghanap, at hiniling sa Diyos na gabayan ako sa pagninilay at pagkilala sa aking sarili.

Kalaunan, nabasa ko ang salita ng Diyos: “Dapat isa kang taong matapat, dapat magkaroon ka ng pagpapahalaga sa responsibilidad kapag humaharap ka sa mga problema, at dapat makahanap ka ng mga paraan para hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga problema. Huwag kang maging isang taong taksil. Kung iniiwasan mo ang responsibilidad at naghuhugas-kamay rito kapag lumilitaw ang mga problema, kahit ang mga hindi mananampalataya ay kokondenahin ka, bukod pa sa sambahayan ng Diyos! Ito ay kinokondena at isinusumpa ng Diyos at kinamumuhian at inaayawan ng mga hinirang ng Diyos ang gayong pag-uugali. Mahal ng Diyos ang mga taong matapat, pero kinapopootan naman ang mga taong mapanlinlang at madaya. Kung isa kang tusong tao at nagtatangkang manloko, hindi ba mapopoot ang Diyos sa iyo? Hahayaan ka lang ba ng sambahayan ng Diyos na makalusot? Sa malao’t madali, papapanagutin ka. Gusto ng Diyos ang mga taong matapat at ayaw naman Niya ng mga taong tuso. Dapat malinaw itong maunawaan ng lahat, at huwag nang malito at gumawa ng mga kahangalan. Ang panandaliang kamangmangan ay maaaring unawain, pero ang talagang pagtanggi na tanggapin ang katotohanan ay pagiging sutil. Marunong humawak ng responsabilidad ang mga taong matapat. Hindi nila isinasaalang-alang ang sarili nilang mga pakinabang at kawalan, iniingatan lamang nila ang gawain at mga interes ng sambahayan ng Diyos. Mayroon silang mababait at matatapat na puso na gaya ng mga mangkok ng malinaw na tubig na makikita mo ang ilalim sa isang sulyap. Wala rin silang itinatago sa kanilang mga kilos. Ang isang taong mapanlinlang ay laging nanloloko, laging ikinukubli ang mga bagay-bagay, pinagtatakpan, at binabalot nang husto ang sarili para walang sinumang makahalata sa kanya. Hindi naaaninagan ng mga tao ang iyong mga saloobin, pero kaya ng Diyos na makita ang pinakamalalalim na bagay sa iyong puso. Kung nakikita ng Diyos na hindi ka isang matapat na tao, na madaya ka, na hindi mo kailanman tinatanggap ang katotohanan, na lagi mo na lang sinusubukang linlangin Siya, at na hindi mo ibinibigay ang iyong puso sa Kanya, kung gayon ay hindi ka magugustuhan ng Diyos, kapopootan at tatalikuran ka Niya. Ang mga umuunlad sa mga hindi mananampalataya, na mga matatamis ang dila at mabilis mag-isip, anong uri sila ng mga tao? Malinaw ba ito sa inyo? Ano ang diwa nila? Masasabi na lahat sila ay pambihira ang pagiging mapanlamang, sobrang mapanlinlang at tuso nilang lahat, sila ang tunay na diyablong si Satanas. Maaari bang iligtas ng Diyos ang isang taong gaya nito? Wala nang higit pang kinapopootan ang Diyos kundi ang mga diyablo—mga taong mapanlinlang at tuso. Hinding-hindi ililigtas ng Diyos ang gayong mga tao, kaya anuman ang gawin ninyo, huwag kayong maging kagaya ng taong ito. Ang mga mabilis mag-isip at isinasaalang-alang ang lahat ng anggulo kapag nagsasalita sila, na kumpiyansa at nakakabilib at tinitingnan kung ano ang opinyon ng nakararami kapag inaasikaso nila ang mga bagay-bagay—sinasabi Ko sa iyo, pinakakinasusuklaman ng Diyos ang mga taong ito, hindi na maililigtas pa ang mga taong gaya nito. Kapag mapanlinlang at tuso ang mga tao, kahit gaano pa kagandang pakinggan ang sinasabi nila, mapanlinlang na kasinungalingan pa rin ang mga ito. Kapag mas gumagandang pakinggan ang kanilang mga salita, lalo silang nagiging ang diyablong si Satanas. Sila mismo ang klase ng mga tao na pinakakinamumuhian ng Diyos. Ano ang masasabi ninyo: Matatanggap ba ng mga taong mapanlinlang, magaling magsinungaling at madulas ang dila ang gawain ng Banal na Espiritu? Matatanggap ba nila ang pagtanglaw at pagbibigay-liwanag ng Banal na Espiritu? Hinding-hindi. Ano ang saloobin ng Diyos ukol sa mga taong mapanlinlang at tuso? Kinasusuklaman at tinatanggihan Niya ang mga ito, isinasantabi Niya sila at hindi pinapansin, itinuturing Niya sila bilang kauri ng mga hayop. Sa paningin ng Diyos, ang gayong mga tao ay nakabihis lamang ng anyong tao; sa kanilang diwa, kauri sila ng diyablong si Satanas, sila ay mga naglalakad na bangkay, at hindi sila kailanman ililigtas ng Diyos(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 8). Inihayag ng salita ng Diyos ang aking kalagayan. Palagi akong urong-sulong kapag nahaharap sa iba’t ibang mungkahi, takot na akuin ang responsibilidad para sa mga pagkakamali, at palaging sinubukang protektahan ang aking sarili, dahil kontrolado ako ng mga satanikong lason gaya ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba,” “Ang matitinong tao ay mahusay sa pag-iingat sa sarili, tanging hangad nila ay hindi magkamali,” at “Ang batas ay hindi maipatutupad kapag lahat ay lumalabag.” Kapag nahaharap sa mga mungkahi ng iba, may sarili akong mga opinyon, pero hindi ko inilahad ang mga ito at naghanap sa oras. Minsan kapag sa tingin ko hindi angkop ang mga mungkahi ng iba, matigas ang ulo ko pa ring ipinipilit na gawin ang mga iyon para protektahan ang sarili ko. Sa ganitong paraan, kapag nagkaroon ng mga problema, hindi ako mananagot sa mga ito at hindi ako maiwawasto. Sa panlabas, ako ay tila nakikinig sa payo ng ibang tao, at na kaya kong tanggapin at ipatupad ang mga suhestiyon, na nagpakita ng ilusyon na hindi ako mayabang at kaya kong tanggapin ang katotohanan. Ang totoo niyan, nasa likod nito ang sarili kong kasuklam-suklam na mga layunin. Naalala ko kung paano ako kumilos, at kung paanong sa bawat oras na maaari akong maging responsable para sa isang bagay, iningatan ko ang aking sarili. Minsan, kapag may mga problema ang iba at humihingi ng payo sa akin, sinusuri ko muna ang mga iniisip at opinyon nila, at kung ang mga ito ay sang-ayon sa akin, ginagamit ko ang mga ito bilang batayan at idinadagdag ko ang aking sariling payo, subalit kung ang kanilang mga opinyon ay naiiba, ayaw kong ibahagi ang sa akin, dahil takot akong magkamali at magkaproblema, kailangan kong managot, kaya nagsabi na lang ako ng isang bagay na malabo at basta-basta. Sa pamumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya sa buhay na ito, lalo akong naging tuso at mapanlinlang, hindi ko kailanman malinaw na mailahad ang aking sariling mga pananaw, wala akong mga prinsipyo o paninindigan, at nagsalita at kumilos ako sa mga paraang nakalito sa mga tao at ginawang malabo ang mga sarili kong pananaw. Inakala ko pa nga na matalinong gawin ito para hindi ko kakailanganing pasanin ang mga kalalabasan, hindi ako matatabasan at maiwawasto o matatanggal. Hindi ko alam na nililinlang at pinagbabalakan ko ang Diyos at ang aking mga kapatid, na ginagawa kong kasuklaman at kamuhian ako ng Diyos. Hindi inililigtas ng Diyos ang mga taong tulad nito. Maaaring nagawa kong linlangin ang aking mga kapatid, ngunit minasdan ng Diyos ang aking puso. Kung patuloy kong nilinlang ang Diyos nang ganito, naging iresponsable sa aking tungkulin, iniraos lamang ang gawain, at hindi tumuon sa paghahanap ng mga katotohanang prinsipyo, sa huli ay hinding-hindi ko makakamit ang anumang katotohanan, at maaalis pa rin ako. Nakita kong masyado akong matalino para sa sarili kong kapakanan. Napakaignorante ko talaga! Nang napagtanto ko ito, saka lang ako natakot. Gusto ko talagang magsisi sa Diyos. Hindi ako puwedeng magpatuloy nang ganito.

May nabasa akong dalawa pang sipi ng salita ng Diyos: “Sa sambahayan ng Diyos, dapat mong unawain ang prinsipyo ng bawat tungkulin na ginagampanan mo, kahit ano pa ito, at maisagawa ang katotohanan. Iyan ang kahulugan ng magkaroon ng prinsipyo. Kung hindi malinaw sa iyo ang isang bagay, kung hindi ka sigurado kung ano ang nararapat na gawin, hangarin na makipagbahaginan upang may mapagkasunduan. Sa sandaling mapagpasyahan na kung ano ang pinakamainam para sa gawain ng iglesia at sa mga kapatid, gawin mo iyon. Huwag magpatali sa mga tuntunin, huwag magpaliban, huwag maghintay, huwag maging isang tagamasid na walang ginagawa. Kung lagi kang isang tagamasid, at kahit kailan ay wala kang sariling opinyon, kung lagi ka na lang maghihintay hanggang sa ibang tao ang nakagawa ng desisyon bago ka gumawa ng anumang bagay at, kapag walang nagdesisyon, nagmamabagal at naghihintay lamang, ano ang kahihinatnan nito? Nahihinto ang bawat bahagi ng gawain, at wala tuloy natatapos. Dapat kang matutong hanapin ang katotohanan, o makakilos man lang ayon sa iyong konsiyensya at katwiran. Basta’t malinaw sa iyo ang angkop na paraan para gawin ang isang bagay, at iniisip ng ibang nakararami na ayos naman ang paraang iyon, dapat kang magsagawa sa gayong paraan. Huwag kang matakot na akuin ang responsabilidad para sa bagay na ito, o mapasama ang loob ng iba, o magkaroon ng masamang kahihinatnan. Kung walang anumang tunay na ginagawa ang isang tao, at lagi siyang may binabalak gawin, at takot siyang umako ng responsabilidad, at hindi nangangahas na itaguyod ang mga prinsipyo sa mga bagay na kanyang ginagawa, ipinapakita nito na siya ay partikular na mapanlinlang at tuso, at napakarami niyang masamang pakana. Napakasama namang maghangad na tamasahin ang biyaya at mga pagpapala ng Diyos gayong wala namang ginagawang totoo. Wala nang higit pang kinamumuhian ang Diyos kundi ang gayong mga tao na tuso at mahilig makipagsabwatan. Kahit ano pa ang iniisip mo, hindi mo isinasagawa ang katotohanan, wala kang katapatan, at laging sangkot ang mga pansarili mong isinasaalang-alang, at lagi kang may sariling mga kaisipan at ideya. Pinagmamasdan ng Diyos ang mga bagay na ito, alam ng Diyos—akala mo ba ay hindi alam ng Diyos? Kahangalang isipin ito! At kung hindi ka magsisisi kaagad, mawawala sa iyo ang gawain ng Diyos(Pagbabahagi ng Diyos). “Ano ang mga pagpapamalas ng isang matapat na tao? Una, ang hindi pagkakaroon ng pagdududa sa mga salita ng Diyos. Isa iyon sa mga pagpapamalas ng isang matapat na tao. Bukod dito, ang pinakamahalagang pagpapamalas ay ang paghahanap at pagsasagawa ng katotohanan sa lahat ng bagay—ito ang pinakamahalaga. Sinasabi mong ikaw ay matapat, pero palagi mong iniiwasang isipin ang mga salita ng Diyos at ginagawa lang ang anumang gusto mo. Pagpapamalas ba iyon ng isang matapat na tao? Sinasabi mo, ‘Bagama’t mahina ang kakayahan ko, mayroon akong matapat na puso.’ Gayunpaman, kapag may tungkulin na itinalaga sa iyo, natatakot kang magdusa at magpasan ng responsabilidad kung hindi mo ito magagawa nang maayos, kaya nagpapalusot ka para iwasan ang tungkulin mo o nagmumungkahi ka na iba na lang ang gumawa nito. Pagpapamalas ba ito ng isang matapat na tao? Malinaw na hindi. Kung gayon, paano dapat umasal ang isang matapat na tao? Dapat silang magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos, maging tapat sa tungkulin na dapat nilang gampanan, at magsikap na mapalugod ang kalooban ng Diyos. Naipapamalas ito sa iba’t ibang paraan: Ang isa ay ang pagtanggap sa iyong tungkulin nang may matapat na puso, hindi isinasaalang-alang ang mga interes ng iyong laman, hindi nagiging walang sigla sa iyong tungkulin, at hindi nagpapakana para sa sarili mong pakinabang. Iyon ang mga pagpapamalas ng katapatan. Ang isa pa ay ang pagganap nang maayos sa iyong tungkulin nang buong puso at buong lakas mo, paggawa sa mga bagay-bagay nang tama, at pagsasapuso at pagmamahal sa iyong tungkulin para palugurin ang Diyos. Ito ang mga pagpapamalas na dapat mayroon ang isang matapat na tao habang ginagampanan ang kanyang tungkulin(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Mula sa salita ng Diyos, nakita ko na mahal ng Diyos ang matatapat na tao. Hindi mahalaga kahit mangmang tayo at mababa ang kakayahan. Ang susi ay ang magkaroon ng tama at tapat na puso, huwag magpanggap, magsalita nang hayagan tungkol sa ating iniisip, maghanap at makipagbahaginan sa iba tungkol sa hindi natin naiintindihan, kumilos alinsunod sa mga prinsipyo at para sa kapakinabangan ng gawain ng iglesia, at maging tapat sa ating mga tungkulin. Gawin mo ito, at nasisiyahan ang Diyos. Minamasdan ng Diyos ang puso ng mga tao. Kung gagawin natin ang ating makakaya, kahit na minsan nagkakamali tayo dahil sa mababang kakayahan o hindi pagkakaintindi sa katotohanan, may mga aral pa ring matututunan. Hangga’t kaya nating tanggapin ang katotohanan, hanapin ang katotohanan, at ibuod ang mga problema sa oras, mas mababawasan ang ating paglihis sa paglipas ng panahon, at unti-unting makakabisado ang mga prinsipyo at magagampanan nang maayos ang ating mga tungkulin. Hindi kinokondena at pinapanagot ng iglesia ang mga tao sa isang pagkakamali. Nang naintindihan ko ito, mas gumaan ang pakiramdam ko.

Kalaunan, nagtapat at nakipagbahaginan ako sa isang sister tungkol sa kalagayan ko sa panahong ito, at matiyaga niya akong tinulungan. Sa pamamagitan ng magkasamang pagbabahaginan at paghahanap sa katotohanan, nabago ko ang maling pananaw na pinanghahawakan ko noon pa man. Dati, lagi akong nag-aalala na kung hindi ko tanggapin ang payo ng iba at mag-alok ng magkakaibang pananaw at opinyon, iisipin nila na mayabang ako at hindi tinanggap ang katotohanan. Sa totoo lang, dahil iyon sa hindi ko makita ang kaibahan ng pagmamataas at pagtataguyod ng mga prinsipyo. Ang pagtataguyod sa mga prinsipyo ay nangangahulugang, sa pamamagitan ng paghahanap ng katotohanan, pagtukoy ng mga pagsasagawa na naaayon sa mga prinsipyo at nagpoprotekta sa mga interes ng iglesia, at patuloy na pagtataguyod sa mga ito at hindi pagkikipagkompromiso kapag ang iba ay tumutol o naglabas ng mga isyu. Bagama’t sa panlabas ay tila katulad ito ng pagmamataas, ito ay pagtataguyod ng katotohanan at isang positibong bagay. Ang pagmamataas ay palaging pagkadama na nakahihigit ka kaysa sa iba, pinaniniwalaang tama ang sariling mga opinyon at ideya; kapag ang iba ay nagbigay ng iba’t ibang pananaw, may pagmamatigas sa sarili mong paraan nang hindi paghahanap o pagninilay-nilay; sinusunod lamang ang sariling paraan, at iginigiit na ang mali ay tama. Ang lahat ng opinyong ito ay nagmumula sa kanilang sariling paghuhusga, at walang batayan sa prinsipyo. Gayunpaman, hinihingi nila sa iba na pakinggan sila at gawin ang kanilang sinasabi. Ito ay isang satanikong disposisyon, isang pagpapamalas ng pagmamataas. Naalala ko ang mga kapatid na natanggal noon. Ang ilan sa kanila ay ipinilit ang kanilang sariling mga pananaw, hindi sineryoso ang mga mungkahi ng mga kapatid, hindi naghanap o nagnilay, palaging nakipagtalo para sa kanilang sariling ideya, at ayaw gumawa ng rebisyon at pagbutihin. Ang kanilang iginiit ay hindi kailanman naaayon sa mga prinsipyo, ito ay ang kanilang mga personal na kaisipan at kagustuhan lamang. Ito ang pagpapamalas ng pagmamataas. Kung ang isang tao ay kayang suriin at tukuyin, ayon sa mga prinsipyo, na ang mga mungkahi ng iba ay hindi naaangkop, at ipahayag ang sariling mga pananaw, hindi ito pagmamataas, ito ay pagseryoso sa mga bagay, at matapat na pag-ako ng responsibilidad para sa gawain. Kapag hindi lubos na nauunawaan ng isang tao ang problema, ang magpahayag ng kanyang pananaw sa paghahanap at pakikipagbahaginan sa iba ay hindi mayabang na pagpipilit ng kanyang sariling paraan, kundi paghahanap ng mga prinsipyo bago kumilos. Nang naunawaan ko ang aspetong ito ng katotohanan, nakadama ako ng malaking kaginhawahan.

Kalaunan, nang makatanggap ako ng maraming suhestiyon sa aking tungkulin, nanalangin ako sa Diyos ng katahimikan at hinanap ang nauugnay na mga katotohanang prinsipyo, at sinuri kung kailangan ang mga rebisyon batay sa mga prinsipyo. Nagkusa rin ako na makipag-usap at talakayin ang sarili kong mga ideya sa lahat. Minsan, nang natapos ko ang isang larawan na background ng video, sinabi ng lider ko na hindi nababagay ang kulay at inirekomendang palitan ko ito. Naisip ko, “Kung babaguhin ko ito batay sa mungkahing ito, magiging matinding rebisyon ito, at siguradong maaantala nito ang pag-upload ng video. Ito ay hindi talaga isang usapin ng prinsipyo, ito’y isang personal na kagustuhan lamang, kaya hindi na kailangang baguhin ito. Pero kung hindi ko gagawin, mararamdaman ba ng lider ko na ako’y mayabang, nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, at hindi kayang tanggapin ang mga mungkahi ng ibang tao?” Nang magsimula na naman akong mag-alinlangan, nanalangin ako para hilingin sa Diyos na gabayan ako sa pagsasagawa ayon sa mga prinsipyo. Matapos kong magdasal, nakakita ako ng ilang sangguniang materyales, at pagkatapos ay nakipagtulungan sa aking lider at superbisor upang magkasama naming hanapin ang mga nauugnay na prinsipyo. Nakipagpalitan din ako ng sarili kong pagkaunawa at pananaw. Sumang-ayon ang lider at superbisor sa aking pananaw, at hindi nagtagal ay na-post na online ang video. Naging napakasaya ko at matiwasay.

Sa paggunita ko sa aking karanasan sa panahong ito, napagtanto ko na alang-alang sa pagprotekta sa aking sarili at pag-iwas sa responsibilidad, pinigilan ko ang aking sarili sa tungkulin kalakip ang lahat ng uri ng pag-aalala. Nakakapagod ang mamuhay sa ganoong paraan, at hindi ako masyadong mahusay. Subalit nang naunawaan ko ang kalooban ng Diyos at nagsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo, madaling nalutas ang mga problema at pakiramdam ko’y mas madali at maluwag ang aking tungkulin. Tunay kong naranasan na sa pamumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya sa buhay, maaari lamang akong maging mas tuso at mapanlinlang, hindi karapat-dapat sa tiwala ng mga tao, at hindi nakalulugod sa Diyos. Sa pamamagitan lamang ng pagsasagawa sa katotohanan at pagtupad sa tungkulin ayon sa mga katotohanang prinsipyo maaaring magkaroon ng pagpapala ng Diyos ang isang tao. Sa ganitong paraan lamang maaaring maging matatag at matapat ang pakiramdam niya, at makahanap ng kagalakan at kapayapaan sa puso niya.

Sinundan: 36. Pakikinig sa Tinig ng Diyos at Pagsalubong sa Panginoon

Sumunod: 38. Pagharap sa Nakamamatay na Karamdaman ng Aking Anak

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

88. Ang Hirap ng Kulungan

Ni Xiao Fan, TsinaIsang araw noong Mayo 2004, dumadalo ako sa isang pagtitipon kasama ng ilang kapatid nang biglang pumasok ang mahigit 20...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito