Ang Landas ng Pangangaral ng Ebanghelyo

Enero 20, 2022

Naaalala ko noong una pa lang akong natututong magbahagi ng ebanghelyo, nakasalubong ko sa Hubei si Brother Xu, na isang miyembro ng Great Praise Church. Hindi nagtagal, nagsimula kaming magkuwentuhan tungkol sa kung paano salubungin ang pagparito ng Panginoon, at sabi niya palaging sinasabi noon ng lider nila na paparito ang Panginoon sakay ng isang ulap para dalhin sila sa Kanyang kaharian sa taong 2000. Hinintay iyon ng lahat nang may buong pananalig. Pero lumipas ang bawat taon, at hindi pa rin naparito ang Panginoon sakay ng isang ulap. Hindi alam ng lider nila kung paano ito ipaliliwanag, kaya iniwasan na lang niyang magsalita tungkol sa pagparito ng Panginoon. Marami-raming mananampalataya ang naguluhan, na nagsasabing tumitindi ang mga sakuna at ang mga propesiya ng pagparito ng Panginoon ay natupad nang lahat, kaya parang dapat ay nakabalik na Siya. Nagtaka sila kung bakit hindi pa nila nakikitang pumarito ang Panginoon sakay ng isang ulap. Sabi ni Brother Xu hindi niya rin alam kung paano iyon ipaliliwanag sa mga kapatid. Nagbahagi ako, “Ang tanong na ito ay nagpalito sa napakaraming tao sa mundo ng relihiyon. Ang sigasig ng maraming tao ay tumatamlay dahil dito, at nagtatanong ang ilan kung ang Panginoon ba ay paparito bago ang mga sakuna, sa gitna ng mga ito, o pagkatapos. Sinasabi ng ilan na ang lahat ay nasa sa Panginoon, at ang magagawa lang natin ay maghintay. Brother Xu, naisip mo na ba kahit kailan na nagbalik na ang Panginoon, at may dahilan kaya hindi natin Siya nasalubong matapos ang maraming taon? Baka may mali sa sarili nating ideya ng kung paano Siya magpapakita?” Binigyan ko siya ng isang halimbawa. Kung darating ang isang importanteng bisita sa harap na pinto, pero naghihintay tayo sa likod na pinto, nasa magkaibang lugar tayo, kaya puwede tayong maghintay ng isandaang taon nang hindi siya nasasalubong. Tapos nagbigay ako ng ilang pagbabahagi sa mga propesiya ng pagparito ng Panginoon. Sinabi ko na alam ng lahat ng pamilyar sa Biblia na ang mayroon ay hindi lang mga propesiya tungkol sa pagparito ng Panginoon sakay ng isang ulap, mayroon ding ilang tungkol sa pagparito Niya nang lihim bilang ang Anak ng tao. Tulad ng “Datapuwa’t pagkahating gabi ay may sumigaw, Narito, ang kasintahang lalaki! Magsilabas kayo upang salubungin Siya(Mateo 25:6). “Narito, Ako’y pumaparitong gaya ng magnanakaw(Pahayag 16:15). “Sapagka’t paririto ang Anak ng tao sa oras na hindi ninyo iniisip(Mateo 24:44). “Sapagka’t gaya ng kidlat na kumikidlat sa silanganan, at nakikita hanggang sa kanluran; gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao(Mateo 24:27). Ang lahat ng bersikulong ito’y ipinopropesiya ang ikalawang pagparito ng Panginoon bilang ang Anak ng tao. “Ang Anak ng tao” ay laging tumutukoy sa Diyos sa katawang-tao, kaya kung lilimitahan natin ang pagparito ng Panginoon sa pagiging sakay lang ng isang ulap, paano matutupad ang mga propesiyang ito tungkol sa Anak ng tao? Tapos sinabi ko sa kanya, “Palihim munang babalik ang Panginoon, at pagkatapos ay lantarang magpapakita. Batay sa mga propesiya ng Kasulatan, magiging tao muna ang Diyos sa mga huling araw, nagpapahayag ng mga katotohanan at gumagawa ng gawain ng paghatol sa piling ng tao. Ang mga nakaririnig sa tinig ng Diyos at tinatanggap ang Kanyang gawain sa mga huling araw ay itataas sa harap ng Kanyang trono. Sa pamamagitan ng paghatol at paglilinis ng Kanyang mga salita, kukumpletuhin ng Diyos ang isang grupo ng mananagumpay bago ang sakuna, at matapos silang makumpleto ng Diyos, ang palihim na gawain ng Diyos na nagkatawang-tao sa piling ng tao ay matatapos, at magpapaulan Siya ng mga sakuna para gantimpalaan ang mabubuti at parusahan ang masasama. Pagkatapos no’n, lantaran Siyang magpapakita sakay ng isang ulap sa lahat ng bansa at lahat ng tao. Iyong mga nakatitig sa langit na naghihintay sa Kanyang pagbaba ay mapapalampas ang gawain ng pagliligtas ng Diyos na nagkatawang-tao, at masasadlak sa sakuna, tumatangis at nagngangalit ang mga ngipin, na tutupad sa propesiyang ito mula sa Pahayag: ‘Narito, Siya’y pumaparitong nasasa mga alapaap; at makikita Siya ng bawa’t mata, at ng nangagsiulos sa Kanya; at ang lahat ng mga angkan sa lupa ay magsisitaghoy dahil sa Kanya(Pahayag 1:7).” Talagang nagulat si Brother Xu sa puntong ito. Ganap na salungat iyon sa lahat ng kanyang mga dating ideya. Tapos nagbahagi ako, “Sinabi sa atin ng Panginoong Jesus matagal na panahon na ang nakararaan na para salubungin ang Panginoon, kailangan nating abangang marinig ang tinig ng Diyos. Sabi ng Panginoong Jesus, ‘Dinirinig ng Aking mga tupa ang Aking tinig, at sila’y Aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa Akin(Juan 10:27). Sinasabi sa Pahayag, ‘Narito Ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinuman ay duminig ng Aking tinig at magbukas ng pinto, Ako’y papasok sa kanya, at hahapong kasalo niya, at siya’y kasalo Ko(Pahayag 3:20). ‘Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia(Pahayag Mga Kabanata 2, 3). Bakit pitong beses sinabi sa Pahayag na kailangan nating abangang marinig ang Banal na Espiritu? Itinuturo nito ang ating landas: Ang susi sa pagsalubong sa Panginoon ay ang paghahanap sa mga salita ng Banal na Espiritu sa mga iglesia, at siguraduhin na abangang marinig ang tinig ng Diyos. Ang mga nakakarinig sa tinig ng Diyos at sinasalubong ang Panginoon ay ang matatalinong dalaga. Ang mga hindi nakakarinig sa tinig ng Diyos ay ang mga hangal na dalaga na hindi masasalubong ang Panginoon.” Habang nakikinig si Brother Xu, nagliwanag ang kanyang mga mata at tango siya nang tango.

Tapos nagbasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Minsan na Akong nakilala bilang Jehova. Tinawag din Akong ang Mesiyas, at tinawag Akong minsan ng mga tao na Jesus na Tagapagligtas nang may pagmamahal at paggalang. Gayunman, ngayon ay hindi na Ako ang Jehova o Jesus na nakilala ng mga tao noong araw; Ako ang Diyos na bumalik na sa mga huling araw, ang Diyos na magbibigay-wakas sa kapanahunan. Ako ang Diyos Mismo na nagbabangon mula sa dulo ng daigdig, puno ng Aking buong disposisyon, at puspos ng awtoridad, karangalan, at kaluwalhatian. Hindi nakipag-ugnayan sa Akin ang mga tao kailanman, hindi Ako nakilala kailanman, at palagi nang walang-alam tungkol sa Aking disposisyon. Mula sa paglikha ng mundo hanggang ngayon, wala ni isa mang tao na nakakita sa Akin. Ito ang Diyos na nagpapakita sa tao sa mga huling araw ngunit nakatago sa tao. Nananahan Siya sa piling ng tao, tunay at totoo, tulad ng nagniningas na araw at naglalagablab na apoy, puspos ng kapangyarihan at nag-uumapaw sa awtoridad. Wala ni isa mang tao o bagay na hindi hahatulan ng Aking mga salita, at wala ni isa mang tao o bagay na hindi padadalisayin sa pamamagitan ng pagliliyab ng apoy. Sa huli, lahat ng bansa ay pagpapalain dahil sa Aking mga salita, at dudurugin din nang pira-piraso dahil sa Aking mga salita. Sa ganitong paraan, makikita ng lahat ng tao sa mga huling araw na Ako ang Tagapagligtas na nagbalik, at na Ako ang Makapangyarihang Diyos na lumulupig sa buong sangkatauhan. At makikita ng lahat na minsan na Akong naging handog dahil sa kasalanan para sa tao, ngunit na sa mga huling araw ay nagiging mga ningas din Ako ng araw na tumutupok sa lahat ng bagay, gayundin ang Araw ng katuwiran na nagbubunyag sa lahat ng bagay. Ito ang Aking gawain sa mga huling araw. Ginamit Ko ang pangalang ito at taglay Ko ang disposisyong ito upang makita ng lahat ng tao na Ako ay isang matuwid na Diyos, ang nagliliyab na araw, ang nagniningas na apoy, at upang lahat ay sambahin Ako, ang iisang tunay na Diyos, at upang makita nila ang Aking tunay na mukha: Hindi lamang Ako ang Diyos ng mga Israelita, at hindi lamang Ako ang Manunubos; Ako ang Diyos ng lahat ng nilalang sa buong kalangitan at sa lupa at sa karagatan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Nakabalik Na ang Tagapagligtas Sakay ng Isang “Puting Ulap”). Pagkatapos no’n, nasabik siya at sinabing, “Napakamaawtoridad nito. Galing siguro ito sa Diyos. Walang taong makapagsasabi ng ganyan!” Tapos sabi niya, “Sa paghihintay sa Panginoon, ang alam ko lang gawin ay makinig sa mga pastor ng mundo ng relihiyon, pero nakaligtaan kong hanapin ang mga salita ng Banal na Espritu. Naging napakahangal ko!” Tuwang-tuwa akong makita kung gaano kabuti niya ito nauunawaan. Marami pa kaming binasang mga salita ng Makapangyarihang Diyos pagkatapos no’n, tulad ng “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao,” “Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan,” “Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkilala sa Diyos.” at “Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan.” Habang nagbabasa, emosyonal na sinabi ni Brother Xu, “Ibinunyag ng Makapangyarihang Diyos ang lahat ng katotohanan at misteryong ito na hindi natin kailanman nalaman matapos ang maraming taon ng pananalig. Ito ang tinig ng Diyos, at mga salita ng Diyos! Nagbalik na ang Panginoon! Nasalubong ko na Siya sa wakas matapos ang lahat ng panahong lumipas! Kailangan kong ibahagi agad ang magandang balitang ito sa ibang kapatid.” Kaya umalis kami ni Brother Xu para magkasamang ibahagi ang ebanghelyo. Mabilis naming napasampalataya ang mahigit 20 tao. Sinabi nilang lahat na napakapalad nila na salubungin ang Panginoon habang buhay pa sila, at gusto nilang magtipon araw-araw.

Pero makalipas ang dalawang araw, nagpunta ako sa isang pagtitipon kasama si Brother Yang, at sa sandaling pumasok ako, may naramdaman akong hindi tama. Patakbong lumapit sa amin ang isa sa kanila at nagsabing, “Mga mafia ba kayo? Nagbabahagi ba kayo ng ebanghelyo, o sinusubukang makakuha ng pera? Kung hindi n’yo ipapaliwanag ang lahat, isusumbong ko kayo sa mga pulis!” Pinalilibutan kami ng lahat ng iba pa at ang ilan ay sinabing ninanakaw namin ang mga tupa mula sa kanilang iglesia. Unang beses kong nakaranas ng ganoon at hindi ko alam kung paano ito haharapin. Habang nakikita ang higit sa 20 tao na kinokompronta kami, kinabahan ako at medyo natakot. Iniisip ko na determinado silang isumbong kami sa mga pulis, at kung mapasakamay kami ng mga pulis, sino ang nakakaalam kung paano kami pahihirapan. Gusto kong makaalis doon sa lalong madaling panahon, at tumatawag ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan kami. Tapos naisip ko ang ilan sa mga salita ng Diyos: “Naisip mo na ba kung gaano kalungkot at kabalisa ang puso ng Diyos? Paano Niya matitiis na makita ang inosenteng sangkatauhan, na nilikha ng sarili Niyang mga kamay, na nagdaranas ng gayong paghihirap? Kunsabagay, ang sangkatauhan ang kapus-palad na mga biktimang nalason na. At bagama’t nanatiling buhay ang tao hanggang sa araw na ito, sino ang makakaalam na matagal nang nalason ng masamang nilalang ang sangkatauhan? Nalimutan mo na ba na isa ka sa mga biktima? Hindi ka ba handang patuloy na mabuhay, dala ng iyong pagmamahal sa Diyos, upang iligtas ang mga taong ito? Hindi ka ba handang ilaan ang lahat ng iyong lakas upang suklian ang Diyos, na nagmamahal sa sangkatauhan na parang sarili Niyang laman at dugo?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Mo Dapat Asikasuhin ang Misyon Mo sa Hinaharap?). Talagang nakakaantig ito para sa akin. Naging katulad din nila ako pagkatanggap ko sa ebanghelyo, nakikinig sa lahat ng kasinungalingang iyon mula sa mundo ng relihiyon at sa pamahalaang CCP. Nagkaroon ako ng mga pagdududa at alalahanin, at kinailangan ng mga kapatid na sumuong sa panganib na maaresto para magbahagi sa akin nang paulit-ulit para ibaba ko ang depensa ko, hanggang sa naunawaan ko sa wakas ang katotohanan, nagkamit ng pagkakilala, at pumasok sa sambahayan ng Diyos. Nagbayad ng malaking halaga ang Diyos para sa akin, pero gusto kong tumakbo sa unang banta ng panganib, na abandonahin na lang ang mga kapatid na ’yon. Hindi ’yon makatao! Gusto ng Diyos na magdala ako ng marami pang tunay na mananampalataya na nananabik sa pagpapakita ng Diyos sa harap Niya, para tanggapin ang Kanyang pagliligtas. Iyon ang madaliang hiling ng Diyos. Kung sa oras na iyon ay tumakas ako, labis na masasaktan at madidismaya ang Diyos. Alam kong kailangang-kailangan kong manatili at magbahagi nang mabuti sa kanila, na gawin ang tungkulin ko. Dahil napalakas ang loob ko ng mga salita ng Diyos, nag-ipon ako ng tapang at nagsabing, “Mga kapatid, nauunawaan ko ang nararamdaman n’yo. Natatakot kayong maligaw sa inyong pananalig. Mahigit dalawang linggo na tayong araw-araw na nagbabahagian tungkol sa mga salita ng Diyos. Nakita n’yo ba kaming kumilos na parang parte kami ng underworld? Pag-isipan n’yo. Matapos ang buong panahong ’to, nakakuha ba kami ni isang sentimo mula sa inyo? Hindi. Mabuti na may pag-iingat sa ganito. Ang susi ay pag-unawa sa mga prinsipyo ng pagkilala sa tunay na daan mula sa mga huwad na daan. Kung wala ’yon, at kung walang paghahanap sa katotohanan, bagkus laging nakikinig sa ibang tao, tiyak na mapupunta kayo sa maling landas. Alam nating lahat na noong gumagawa ang Panginoong Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya, umimbento ang mga Fariseo ng lahat ng uri ng sabi-sabi tungkol sa Kanya para pigilan ang mga mananampalataya sa pagsunod sa Kanya. Sinabi nilang nagpalayas si Jesus ng mga demonyo sa tulong ng hari ng mga demonyo, at nagbigay sila ng maling patotoo na hindi Siya muling nabuhay. Ang mga Judio na hindi nakinig sa mga katotohanan ng Panginoong Jesus bagkus ay bulag na sumunod sa kanilang mga lider ng relihiyon ay nilabanan at kinondena ang Panginoong Jesus kasama nila, at sa huli’y ipinapako Siya sa krus, at sinumpa at pinarusahan sila ng Diyos. Ngayon ay nagbalik na ang Panginoong Jesus bilang ang Makapangyarihang Diyos, nagpapahayag ng lahat ng katotohanang kailangan para linisin at iligtas ang sangkatauhan. Narinig n’yo ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos sa ating mga pagtitipon, at kinilala na ang mga ito ang katotohanan, na maawtoridad at makapangyarihan ang mga ito. Malinaw na mula sa Diyos ang mga ito. Pero hindi n’yo iniisip kung ang mga salita ba ng Makapangyarihang Diyos ay ang katotohanan at ang tinig ng Diyos, o kung ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ba ay may gawain ng Banal na Espiritu at may tustos ng katotohanan, bagkus bulag lang kayong nakikinig sa mga pastor, itinatatwa at kinokondena ang Makapangyarihang Diyos. Hindi ba’t muli ’yong pagpapako sa Panginoon sa krus?” Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang pagbabalik ni Jesus ay isang dakilang kaligtasan para sa mga may kakayahang tanggapin ang katotohanan, ngunit para sa mga hindi nagagawang tanggapin ang katotohanan ito ay isang tanda ng paghatol. Dapat ninyong piliin ang sarili ninyong landas, at hindi ninyo dapat lapastanganin ang Banal na Espiritu at tanggihan ang katotohanan. Hindi kayo dapat maging mangmang at mayabang, kundi isang taong sumusunod sa patnubay ng Banal na Espiritu at nananabik at naghahanap sa katotohanan; sa ganitong paraan lamang kayo makikinabang. Pinapayuhan Ko kayo na tahakin nang maingat ang landas ng paniniwala sa Diyos. Huwag kayong magsalita nang patapos; bukod pa riyan, huwag kayong maging kaswal at walang-ingat sa inyong paniniwala sa Diyos. Dapat ninyong malaman na, kahit paano, yaong mga naniniwala sa Diyos ay dapat maging mapagpakumbaba at mapitagan. Yaong mga nakarinig sa katotohanan subalit minamaliit ito ay mga hangal at mangmang. Yaong mga nakarinig sa katotohanan subalit walang-ingat na nagsasalita nang patapos o hinuhusgahan ito ay puno ng kayabangan. Walang sinumang naniniwala kay Jesus ang may karapatang sumpain o husgahan ang iba. Lahat kayo ay dapat magkaroon ng katinuan at maging mga taong tumatanggap sa katotohanan. Marahil, matapos marinig ang daan ng katotohanan at marinig ang salita ng buhay, naniniwala ka na isa lamang sa 10,000 ng mga salitang ito ang naaayon sa iyong mga paniniwala at sa Biblia, at sa gayon ay dapat kang patuloy na maghanap sa ika-10,000 ng mga salitang ito. Pinapayuhan pa rin kita na maging mapagpakumbaba, huwag kang masyadong tiwala sa sarili, at huwag kang masyadong magmalaki. Sa kaunting pagpipitagang taglay mo sa puso mo para sa Diyos, magtatamo ka ng higit na liwanag. Kung sinusuri mong mabuti at paulit-ulit na pinagbubulayan ang mga salitang ito, mauunawaan mo kung katotohanan ang mga iyon o hindi, at kung ang mga iyon ay buhay o hindi. Marahil, dahil iilang pangungusap lamang ang nabasa, pikit-matang huhusgahan ng ilang tao ang mga salitang ito, na sinasabing, ‘Kaunting kaliwanagan lamang ito mula sa Banal na Espiritu,’ o, ‘Huwad na Cristo ito na naparito upang linlangin ang mga tao.’ Yaong mga nagsasabi ng gayong mga bagay ay nabubulagan ng kamangmangan! Kakaunti ang nauunawaan mo tungkol sa gawain at karunungan ng Diyos, at pinapayuhan kita na magsimulang muli sa wala! Huwag ninyong pikit-matang husgahan ang mga salitang ipinahayag ng Diyos dahil sa paglitaw ng mga huwad na Cristo sa mga huling araw, at huwag kayong maging isang taong lumalapastangan sa Banal na Espiritu dahil natatakot kayong malinlang. Hindi ba kaawa-awa naman iyon? Kung, matapos ang maraming pagsusuri, naniniwala ka pa rin na ang mga salitang ito ay hindi ang katotohanan, hindi ang daan, at hindi pagpapahayag ng Diyos, sa huli ay parurusahan ka, at mawawalan ka ng mga pagpapala. Kung hindi mo matatanggap ang katotohanang iyon na sinambit nang napakaliwanag at napakalinaw, hindi ba hindi ka akma sa pagliligtas ng Diyos? Hindi ba isa kang taong hindi sapat na pinagpalang makabalik sa harap ng luklukan ng Diyos? Pag-isipan mo ito! Huwag kang padalus-dalos at mapusok, at huwag mong ituring na laro ang paniniwala sa Diyos. Mag-isip ka alang-alang sa iyong patutunguhan, alang-alang sa iyong mga inaasam, alang-alang sa iyong buhay, at huwag kang maglaro sa sarili mo. Matatanggap mo ba ang mga salitang ito?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa). Huminahon sila nang husto matapos makinig sa mga salita ng Diyos at isa-isang tahimik na umalis.

Kalaunan, sinabi sa amin ni Brother Li na nagho-host sa amin na ang matataas na lider sa kanilang iglesia ay nagbigay sa kanila ng booklet na laban sa Kidlat ng Silanganan na nagsabing kami raw ay isang grupong underworld na kumukuha ng pera ng mga tao. Iyon ang ikinatakot nilang lahat. Sabi ni Brother Li, “Hinding-hindi ko kayo iho-host kung totoo ang sinasabi ng booklet na ’yon, pero dahil napakaganda ng pagbabahagi n’yo, ayokong paalisin kayo. At saan kayo pupunta sa kalagitnaan ng taglamig? May kaunting tira-tira na puwede n’yong kaining dalawa, at puwede kayong magpalipas ng gabi sa silid sa attic.” Medyo maingat siya. Sabi ni Brother Yang, “Muntik na silang tumawag ng pulis ngayong araw. Kung dumating ang mga lider nila, sino ang nakakaalam kung ano ang gagawin nila sa atin? Delikado rito—dapat na tayong umalis.” Natakot din ako pero naisip ko na hindi namin puwedeng basta na lang isantabi ang mga bagong mananampalatayang ito dahil nalinlang sila ng mga sabi-sabi. Ang basta pag-alis na lang sa panahong katulad no’n ay magiging katapusan nila. Tapos naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos. “Dapat mong malaman kung mayroong totoong pananampalataya at totoong katapatan sa loob mo, kung may tala ka ng pagdurusa para sa Diyos, at kung ganap kang nagpasakop sa Diyos. Kung kulang ka sa mga ito, nananatili sa loob mo ang pagsuway, panlilinlang, kasakiman, at pagdaing. Dahil malayo ang puso mo sa pagiging tapat, hindi ka kailanman nakatanggap ng positibong pagkilala mula sa Diyos at hindi kailanman namuhay sa liwanag(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala). Habang pinag-iisipan ito, nakita ko na gaano man karaming panganib at pagdurusa ang mayroon sa pangangaral, ang pagbalewala sa mga personal na interes at kaligtasan, pagsasakripisyo, pagdadala sa mga tao sa harap ng Diyos, pagtulong sa kanilang malaman ang katotohanan at tanggapin ang pagliligtas ng Diyos ay pagkakaroon ng pananalig sa Diyos, at iyon ay pagiging matapat. Naisip ko ang mga apostol at disipulo ng Panginoon. Dumanas sila ng maraming pang-aapi at paghihirap habang nagbabahagi ng ebanghelyo. Ang ilan ay inaresto at ikinulong, at ang ilan ay nagbuwis ng kanilang buhay. Sinasabi ng Biblia, “Ang buong sanlibutan ay nakahilig sa masama(1 Juan 5:19). Ang pagbabahagi ng ebanghelyo sa ganoon kadilim at kasamang mundo ay isang daan na puno ng panganib at paghihirap. Sino ang hindi magdurusa at magsasakripisyo habang ginagawa ’yon? Alam kong hindi ako puwedeng umatras, bagkus kailangan kong sumandal sa Diyos para gampanan ang tungkulin ko. Ibinahagi ko kay Brother Yang ang mga saloobin ko pagkatapos no’n, at nagpasya rin siyang manatili at magpatuloy. Magkasama kaming dalawa na nagdasal sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan kami, na bigyan kami ng karunungan at ng paninindigan na makayanan ang pagdurusa at maharap ang mga paghihirap.

Nang gabing ’yon hindi talaga kami makatulog sa malamig at mahangin na silid na ’yon sa attic, kaya nagbahagian kami at pinalakas ang loob ng isa’t isa. Naisip namin ang isang himno ng karanasan, ang “Natunaw Na ng Pag-ibig ng Diyos ang Aking Puso.” “O Diyos! Ang Iyong pag-ibig ay napakatotoo, natunaw na nito ang aking puso. Matiyaga Mong hinihintay ang pagsisisi ng tao, kaya paano ako mag-aalangan pa? Natamasa ko na ang Iyong labis na pag-ibig, at dapat na maging mas maalalahanin sa Iyong kalooban; Napagpasyahan ko na hanapin ang katotohanan, gampanan nang maayos ang aking tungkulin, at suklian ang Iyong pag-ibig. Handa akong magtiis ng mga pagsubok, pagpipino, at paghihirap, matatag na tumayo sa aking patotoo, at mapalugod Ka. Mamahalin Kita nang totoo at mamumuhay sa Iyong mga salita; susunod ako at magpapatotoo sa Iyo magpakailanman” (Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Sobrang nakakaantig para sa akin na kantahin ito, at nadama ko na kahit na nagdusa kami, talagang kasama namin ang Diyos, nasa tabi namin sa mga paghihirap na ’to. Kumpara sa pagmamahal ng Diyos at sa isinakripisyo Niya, ang kaunting pagdurusa namin ay hindi kabanggit-banggit. Naisip ko kung paanong dalawang beses na nagkatawang-tao ang Diyos para sa ating kaligtasan, labis na nagdurusa, pero nagrereklamo ako tungkol sa katiting na paghihirap kapag nagpapalaganap ng ebanghelyo. Gusto kong tumakas at pabayaan ang mga kapatid na ’yon. Wala akong anumang konsiyensiya o katwiran. Pakiramdam ko labis ang pagkakautang ko sa Diyos. Umusal ako ng dasal, handang ibigay ang lahat ng mayroon ako para mabawi sila. Hindi na masyadong masama ang pakiramdam ko nang isipin ko ’yon sa ganoong paraan.

Kinaumagahan, tinutulungan namin si Brother Li na magtabas ng damo para sa mga baboy gaya ng dati. Narinig naming sinabi sa kanya ng isa sa mga kasamahan sa iglesia na nasa kusina, “Hindi talaga ako nakatulog kagabi. Iniisip ko ang tungkol sa dalawang brother na ’yon na nagbabahagi ng ebanghelyo sa atin sa loob ng dalawang linggo. Parang hindi naman sila katulad ng sinasabi ng booklet na ’yon tungkol sa kanila. Nag-ambagan tayo ng kaunting pera para sa gastusin nila sa biyahe, pero ayaw nilang tanggapin ang kahit kaunti noon, at ibinigay nila sa atin ang mga libro nang libre. Sinabi nilang ang buhay na tubig ng buhay ay ibinibigay sa mga tao nang libre. Kahanga-hanga rin ang ipinapangaral nila. Nakapagtutustos ito para sa ating lahat, at may pananalig na tayo ngayon.” Nagpatuloy siya, “Kailan ka nakakita ng mga kapatid na sabik na sabik na makibahagi sa mga pagtitipon? Gawain ito ng Banal na Espiritu. Pero tungkol naman sa ating mga pastor, wala naman talaga silang ibinabahagi, bagkus ay laging humihingi ng higit pang handog, at kailangan natin silang paghainan ng masasarap na pagkain. Nagpapakita ng mas magandang halimbawa ang mga brother na ’yon kaysa sa ating mga pastor.” Tapos sinabi ni Brother Li, “Hindi rin ako nakatulog. Ang mga brother na ’yon ay hindi nasuya sa napakasimpleng pagkain at inumin, at handa silang tumulong sa anumang gawain. Para silang pamilya, at hindi talaga katulad ng mga bagay na sinasabi ng mga lider natin tungkol sa kanila. Kahapon, dahil naimpluwensiyahan ng mga lider, binigyan ko lang sila ng kalahating mangkok ng tira-tira at pinatulog sila do’n sa maruming silid sa attic. Hindi ko alam kung paano nila ’yon kinaya sa ganito kalamig na panahon. Hindi ko dapat ginawa ’yon.” Tapos sinabi niyang, “Maninindigan ako. Kahit na hindi tanggapin ng iba ang Makapangyarihang Diyos, tatanggapin ko.” Sinabi ng kasamahang ’yon na pagkatapos ng almusal, titipunin niya ang lahat para sa isang pagtitipon. Tuwang-tuwa kami nang marinig namin ang pag-uusap nila at paulit-ulit akong tahimik na nagpasalamat sa Diyos. Sa pamamagitan ng higit pang pagbabahagi, lahat ng kapatid na ’yon ay nagsimulang magtipon ulit nang normal nang walang nabawas ni isa. Sabik nilang sinabi sa amin na muntik na silang maloko ng mga pastor, halos mapalampas ang pagkakataon nilang salubungin ang Panginoon.

Nang makita ng mga pastor nila na hindi gumagana ang kanilang mga kasinungalingan, nahibang sila sa pagtatangkang ilayo ang kanilang kongregasyon mula sa tunay na daan. Isang araw nang bumisita kami kay Brother Xu, pagpasok ko pa lang sa pinto, mukha siyang takot at sinabi niyang, “Kailangan n’yong umalis.” Tinanong ko siya kung anong problema, at sabi niya alam ng mga nakatataas nilang lider na naroon kami at nagbabahagi ng ebanghelyo at determinado silang ipaaresto kami at dalhin sa himpilan ng pulisya, na hindi niya kami kayang protektahan kaya kailangan naming umalis. Sinabi niya sa amin na noong ibinahagi namin ang ebanghelyo sa bahay niya, isa sa mga lider ng kanilang iglesia ang nagsabing ipapaaresto niya kami at papunta na sana roon, pero hindi ito nakarating dahil sa kung anong aberya. Muntik na kaming maaresto. Sa totoo lang, takot na takot ako nang oras na ’yon at naisipan kong umalis. Pero naisip ko na kung umalis nga kami at sumuko na lang, hinahayaan naming manalo si Satanas. At sa ganitong paraan ay hindi maipapalaganap ang ebanghelyo rito. Nang maisip ko ’yon, agad akong umusal ng dasal. Tapos naalala ko ang mga siping ito ng mga salita ng Diyos: “Sa lahat ng bagay na nagaganap sa sansinukob, walang anuman na hindi Ako ang may huling kapasyahan. Mayroon bang anumang wala sa Aking mga kamay?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 1). “Nagtitiwala kami na walang bansa o kapangyarihan ang maaaring pumigil sa kung ano ang nais ng Diyos na makamit. Ang mga humahadlang sa gawain ng Diyos, lumalaban sa salita ng Diyos at nanggugulo at sumisira sa plano ng Diyos ay parurusahan ng Diyos sa huli(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan). Binigyan ako nito ng pananalig at lakas. Ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos at walang puwersa ang makapipigil sa Kanyang gawain. Kung darating ang mga lider ng relihiyon na ’yon, kung aarestuhin kami ay nasa mga kamay lahat ng Diyos. Iyong oras na determinado silang mahuli kami pero umatras sa kalagitnaan, hindi ba iyon ganap na kamangha-manghang gawa ng Diyos, plano at pagsasaayos ng Diyos? Kailangan kong malampasan ’yon na umaasa sa aking pananalig, at nang may karunungan, na nakasandal sa Diyos. Sa pamamagitan lang ng pananalig ko makikita ang mga gawa ng Diyos. Sa sandaling naunawaan ko ang kalooban ng Diyos, nagbahagi ako kay Brother Xu gamit ang mga salita ng Diyos at pagkatapos ay hindi na siya masyadong natakot. Sinabi niya sa amin na dapat kaming magtago sa bahay ni Brother Li.

Isang araw habang papunta ako sa bahay ni Brother Li, nasalubong ko ang isa sa mga kapitbahay niya. Nagmadali siyang pigilan ako, nagsasabing, “Wala ka ba talagang takot? Kahapon isang grupo ng pulis ang dumating para sa ’yo. Bakit ka babalik kung halos kaaalis lang nila?” Napagtanto kong tumawag sila ng mga pulis, at napaisip ako kung nahuli nila si Brother Yang. Nagmadali akong pumunta sa bahay ni Brother Li at nakahinga nang maluwag nang makita kong naroon ang lahat. Sinabi nila sa akin na nagbahay-bahay ang mga pulis, naghahanap ng dalawang mangangaral ng ebanghelyo mula sa ibang bayan at hinalughog nila ang loob at labas ng bahay ni Brother Li. Nasa kusina si Brother Yang at nagluluto no’n. Hindi siya pinansin ng mga pulis, napagkamalan siyang isang tagaroon. Nang marinig kong muntikan na si Brother Yang, paulit-ulit akong nagpasalamat sa Diyos. Makikita natin ang mga gawa ng Diyos anumang oras, kahit saan. Ang kanilang mga lider ng relihiyon at ang pamahalaang CCP ay masiklab na tinatangkang pigilan ang paglaganap ng ebanghelyo, pero hindi umatras ang mga kapatid. Nakita na nila ang mga pastor sa kung ano talaga sila, mga mapagpaimbabaw na laban sa Diyos, at nagkaroon sila ng higit na pagkakilala. Tumibay ang kanilang pagpapasyang sumunod sa Makapangyarihang Diyos. Ang karunungan ng Diyos ay talagang isinasakatuparan batay sa panlalansi ni Satanas. Personal kong naranasan ang katotohanan sa kasabihang ’yon.

Laging may panganib na maisumbong, o maatake ng mga lider ng relihiyon o maaresto ng mga pulis. Pero higit sa lahat, nakikita ko ang patnubay ng Diyos at ang Kanyang kamangha-manghang mga gawa sa landas ng pagbabahagi ng ebanghelyo. Minsan sa Lalawigan ng Hunan, isang mid-level na lider sa isang bahay-iglesia, si Sister Jiang, at ang kanyang kasamahang si Brother Chen, ay tinanggap ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, tapos ay ibinahagi ito sa mga miyembro ng kanilang iglesia. Hindi nagtagal ay mahigit isandaang tao ang sumali. Isang araw, dumating ang isang kapatid para ipaalam sa amin na nang malaman ng iba nilang lider ng iglesia na napakarami nang tumanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, galit na galit sila at pinaplanong magmaneho ng isang truck na may sakay na mahigit dalawampung katao para hulihin ang mga taga-Kidlat ng Silanganan, at sinabi nilang huhulihin nila ang bawat isa. Talagang nakakabalisa iyong marinig at gusto kong masigurong ligtas ang lahat ng tao namin, at na hindi natakot ang mga bagong mananampalataya. Agad akong umusal ng dasal sa Diyos: “Makapangyarihang Diyos! Noong nahaharap ako sa panganib dati, lagi kong makasariling pinoprotektahan ang sarili ko. Naranasan ko ang napakarami sa Iyong gawain at nakita ang napakarami sa Iyong mga gawa. Naniniwala akong lahat ay nasa Iyong mga kamay. Hindi ako aatras at tatakbo sa pagkakataong ito, bagkus ay aakuin ko ang responsibilidad ko at gagawin ang tungkulin ko.” Buong gabi kaming nagtrabaho para maabisuhan ang lahat ng nagbabahagi ng ebanghelyo, at naghanda kaming harapin ang hamon na iyon sa pamamagitan ng pagsandal sa Diyos. Kinaumagahan nang buksan ko ang pinto, tahimik ang lahat. Naharangan ng makapal na niyebe ang lahat ng kalsada, at nagyelo ang lahat. Nakatira ang lahat ng pastor sa ibaba ng bundok at hindi sila makaakyat sa bundok gaano man karaming tao ang kasama nila. Puwede naming patuloy na ibahagi ang ebanghelyo nang walang anumang alalahanin. Nakita ko kung gaano talaga kamapaghimala ang mga pagkilos ng Diyos. Tuwang-tuwa ang lahat at walang tigil na nagpasalamat sa Diyos.

Sa sumunod na hapon nang pito kaming nagtitipon sa bahay ni Sister Jiang, hindi inaasahang bumalik ang anak niya at ang kasintahan nito. Masyadong maliit para sa aming lahat ang bahay niya, kaya kinailangan naming ilipat ang pagtitipon sa kalapit na bahay. Mayamaya matapos naming lumipat, nakatanggap ng tawag si Sister Jiang at naririnig namin ang isang pulis na sumisigaw, “Pulis ’to! Nasaan ka? Napapaligiran namin ang bahay mo.” Napapaligiran ng mga pulis ang lugar na pinagtitipunan namin kanina lang. Kung hindi dahil do’n sa biglaang pagbabago, naaresto sana kaming lahat. May nagsumbong na dinukot ni Sister Jiang si Liu Jing. Isa siyang bagong mananampalataya na tumutulong sa aming ipalaganap ang ebanghelyo. Ipinasa ni Sister Jiang ang telepono kay Liu Jing, nagtanong ng ilang katanungan ang pulis, nakumpirmang hindi siya dinukot, tapos ibinaba na ang telepono. Nang itanong ni Sister Jiang, ang sabi ng pulis ay isa pang mananampalataya ang nagsumbong no’n. Galit na galit siya nang ibaba niya ang telepono at sinabing, “Sumobra na talaga ang mga pastor namin! Paano nila natatawag ang mga sarili nila na mananampalataya? Paano nila nagagawang umimbento ng mga kasinungalingan para maaresto tayo?” Nagbahagi ako sa kanya na dalawang libong taon na ang nakararaan nang pumarito ang Panginoong Jesus, gusto ng mga Fariseo na protektahan ang kanilang katayuan, kaya umimbento sila ng mga kasinungalingan tungkol sa Panginoong Jesus, walang katotohanang pinaratangan Siya at ipinaaresto Siya. Inilagay nila Siya sa mga kamay ng gobernador ng Roma at ipinapako Siya sa krus. Nalantad sila bilang mga anticristo sa pamamagitan ng gawain ng Diyos. Ang mga pastor at elder ng relihiyon ang katumbas nila sa makabagong panahon. Matapos makita ang Makapangyarihang Diyos na nagpapahayag ng mga katotohanan para iligtas ang mga tao, hindi lang sila tumatangging ibigay ang mga tupa ng Diyos sa Diyos, bagkus kapag nakikita nila na napakaraming tao ang sumusunod sa Makapangyarihang Diyos, natatakot silang mawalan ng posisyon, kaya nagagalit sila at nagsusumbong sa mga pulis para maaresto ang mga kapatid. Paano sila naiiba sa mga Fariseo? Hindi ba’t masasamang tagapaglingkod sila, mga anticristong inilantad ng gawain ng Diyos sa mga huling araw? Dahil madalian ang sitwasyon, walang oras para sa higit pang pagbabahagi. Napakarami pang bagong mananampalataya sa nayong ’yon sa bundok na wala pang matibay na pundasyon. Kung gagambalain sila ng pastor ng iglesia o mahaharap sila sa pag-aresto, mahihirapan sila na tumayo nang matatag, kaya nagsimula kaming gumawa ng mga plano para bigyan sila ng suporta sa lalong madaling panahon. Naggrupo-grupo kami sa tatlo, at naglakad mula alas siyete ng gabing ’yon hanggang alas nuwebe kinaumagahan. Sobrang nagyeyelo ang mga kalsada kaya halos imposibleng lakaran ang mga ’yon. Tinalian namin ang mga sapatos namin para hindi kami madulas, pero mahirap ang bawat hakbang. Hindi mabilang na beses kaming natumba, at isang kapatid ang napinsala ang kanyang braso, na namaga nang husto. Isang kapatid ang bahagyang nakaakyat ng isang burol, tapos dumulas din agad pababa, at muntik nang mahulog sa isang bangin. Nang makita kung gaano nagsisikap kaming mga kapatid para bigyan sila ng suporta, labis na naantig ang mga baguhan, at sinabi na magagawa lang ’yon kung may gawain ng Banal na Espiritu. Lalo silang nakatiyak na ito ang tunay na daan.

Nagkaroon ng sunod-sunod na car crash dahil sa mayelong kondisyon. May isang caravan ng escort para sa isang babaeng ikakasal ang dumulas sa kalsada, at marami-rami ang nahulog sa bangin. Walang nakaligtas. Ang mga lider ng relihiyon at mga pulis ay hindi nangahas na umakyat ng bundok, kaya ginamit namin ang pagkakataong ’yon para mas ibahagi pa ang ebanghelyo. Hindi nagtagal, mahigit dalawang daang kapatid ang tumanggap na sa gawain ng Diyos sa mga huling araw at unti-unti silang nagkaroon ng pundasyon sa tunay na daan. Nang magsimulang matunaw ang yelo, ang mga pastor na ’yon ng iglesia ay nagdala ng isang grupo ng tao para pigilan ang mga kapatid na ’to, pero nagkaroon na silang lahat ng pagkakilala at tumigil nang makinig sa kanila. Sobrang ikinagalit ito ng mga pastor kaya isinumbong nila sa mga pulis ang pangalan ng lahat ng bagong mananampalataya. Nagpunta ang mga pulis sa mga bahay ng mga ito, nagbabanta na aarestuhin sila at ikukulong sila, at sinasabi sa kanilang isumbong ang lahat ng iba pang tumanggap sa Makapangyarihang Diyos, na mawawalan sila ng trabaho kung hindi nila ibabahagi ang nalalaman nila. May isang guro na isinuko ang kanyang pananalig dahil sa mga pagbabanta ng mga pulis, pero karamihan ay nanatiling matatag dahil sa panahong iyon ng pagsuporta. Nagkaroon sila ng pananalig kaya nalampasan nila ito nang hindi umaatras. Nakatulong din ito sa kanila na makita nang mas malinaw ang kanilang mga pastor ng iglesia. Puno ng emosyon na sinabi ni Sister Jiang, “Palagi ko dating pinupuri nang husto ang mga nakatataas na lider ng iglesia namin at tinatanggap ko sila gamit ang pinakamahusay na mayroon ako sa tuwing bumibisita sila. Pero ngayon, dahil lang tinanggap ko ang Makapangyarihang Diyos at sinalubong ang pagbabalik ng Panginoon, at hindi ko na sila sinusunod at iniidolo, walang katotohanan nila akong isinumbong sa mga pulis para sa kidnapping. Napakasama no’n! Hindi sila mga tunay na mananampalataya na sasalubungin ang Panginoon, kundi isang pangkat ng anticristo na nakikipaglaban sa Diyos para sa katayuan at sa Kanyang mga tao. Sila’y mga Fariseo ng makabagong panahon.” Binasahan ko siya ng isang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Mayroong mga nagbabasa ng Biblia sa mga malalaking iglesia at nagsasalaysay nito nang buong araw, ngunit wala ni isa sa kanila ang nakauunawa sa layunin ng gawain ng Diyos. Wala ni isa sa kanila ang nakakilala sa Diyos, lalong wala ni isa sa kanila ang nakaayon sa kalooban ng Diyos. Lahat sila ay walang halaga, masasamang tao, bawat isa ay nagpapakataas upang pangaralan ang Diyos. Sadya nilang sinasalungat ang Diyos kahit na dala-dala nila ang Kanyang bandila. Sinasabi nilang sila ay nananampalataya sa Diyos, subalit kumakain pa rin sila ng laman at umiinom ng dugo ng tao. Ang lahat ng ganitong tao ay mga diyablong lumalamon sa kaluluwa ng tao, mga pinunong demonyo na sadyang humahadlang sa mga sumusubok na tumapak sa tamang landas, at mga balakid na nakasasagabal sa mga naghahanap sa Diyos. Sila ay tila may ‘mahuhusay na konstitusyon,’ ngunit paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay walang iba kundi mga anticristo na umaakay sa mga tao na manindigan laban sa Diyos? Paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay mga nabubuhay na diyablo na nakatuon sa paglamon ng mga kaluluwa ng tao?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Sumasalungat sa Diyos). Ang pinagsamang mga katotohanan at mga salita ng Diyos ay ipinakita sa lahat na ang mga lider ng relihiyon ay naglilingkod sa Diyos sa pangalan, pero ang totoo, sakim lang sila sa mga pakinabang ng katayuan. Pinapanatili nilang mahigpit na kontrolado nila ang mga mananampalataya, hindi nag-aabalang maghanap o magsiyasat nang marinig nilang nagbalik na ang Panginoon. Natatakot lang silang mawala ang kanilang katayuan at ang mga pakinabang nito. Sinusubukan nila ang lahat ng panlalansi para pigilan ang mga mananampalataya na tanggapin ang tunay na daan, gumagawa ng mga kasinungalingan para iligaw at takutin ang mga tao, nagsusumbong pa nga sa mga pulis para maaresto ang mga taong bahagi ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Hindi ba sila “mga diyablong lumalamon sa kaluluwa ng tao” at “mga pinunong demonyo na sadyang humahadlang sa mga sumusubok na tumapak sa tamang landas”? Kung hindi nagsaayos ang Diyos ng mga bagay para ilantad sila, sino ang makakakita sa kanilang anticristong kalikasan at diwa? Kahit na ang mga pastor ng mga taong ito ay nahihibang na sinusubukang humadlang sa kanila, lahat sila’y nanatiling matatag, at nakita nila kung anong uri talaga ng mga tao ang mga pastor. Iyon ay karunungan at pagiging makapangyarihan sa lahat ng Diyos.

Sa loob ng mga taong ito, hindi lang ako nagkamit ng karunungan at kabatiran, kundi naging mas malakas ang pananalig ko, at naging mas malinaw sa akin kung paanong ang mundo ng relihiyon, ang mga pastor ay gumagawa laban sa Diyos. Personal kong naranasan na ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat at naghahari sa lahat. Gaano man kahibang ang masasamang puwersa ni Satanas, hinding-hindi nila mapipigilan ang pagpapalawak ng gawain ng Diyos. Tulad ng sinasabi ng Diyos, “Ngayon, ang Diyos ay bumalik sa mundo upang gawin ang Kanyang gawain. Ang Kanyang unang hinintuan ay ang halimbawa ng mga diktador na pamumuno: ang China, ang matatag na balwarte ng ateismo. Nagkamit ang Diyos ng isang grupo ng mga tao sa pamamagitan ng Kanyang karunungan at kapangyarihan. Sa panahong iyon, Siya ay tinutugis ng namumunong partido ng China sa lahat ng paraan at sumailalim sa matinding pagdurusa, walang lugar sa pamamahinga ng Kanyang ulo at hindi makahanap ng sisilungan. Sa kabila nito, ipinagpapatuloy pa rin ng Diyos ang gawaing Kanyang binabalak: Binibigkas Niya ang Kanyang tinig at ipinapalaganap ang ebanghelyo. Walang sinuman ang makakaarok sa pagka-makapangyarihan sa lahat ng Diyos. Sa China, isang bansa na itinuturing ang Diyos bilang isang kaaway, ang Diyos ay hindi kailanman tumigil sa Kanyang gawain. Sa halip, mas maraming tao ang tumanggap ng Kanyang mga gawain at salita, dahil inililigtas ng Diyos ang bawat isang miyembro ng sangkatauhan hangga’t maaari. Nagtitiwala kami na walang bansa o kapangyarihan ang maaaring pumigil sa kung ano ang nais ng Diyos na makamit. Ang mga humahadlang sa gawain ng Diyos, lumalaban sa salita ng Diyos at nanggugulo at sumisira sa plano ng Diyos ay parurusahan ng Diyos sa huli(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan). Sa lahat ng taong ito sa landas na ito, talagang nasaksihan ko ang pagiging makapangyarihan sa lahat, ang karunungan, at ang kamangha-manghang mga gawa ng Diyos. Labis akong nagpapasalamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Hindi Na Isang Pasikat

Ni Mo Wen, SpainNaalala ko noong taong 2018, nasa tungkuling ebanghelyo ako sa iglesia, at pagkatapos ay ginawang tagapamahala ng gawaing...