Kung Paano Ko Hinarap ang Kanser Ko sa Buto
Ni Jing’en, TsinaIsang araw noong Oktubre 2019, sumakit nang matindi ang binti ko, at kahit ang pag-inom ng mga painkiller ay hindi...
Tinatanggap namin ang lahat ng naghahanap na nasasabik sa pagpapakita ng Diyos!
Noong 2009, ipinangaral sa akin ng isang kamag-anak ko ang ebanghelyo ng kaharian ng Diyos. Sinabi niya sa akin na sa mga huling araw, ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan para dalisayin ang ating katiwalian, iligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan, at palayain tayo sa buhay na ito ng pagdurusa, sa huli ay dinadala tayo sa isang magandang hantungan kung saan wala nang pasakit o pighati. Pagkarinig ko nito, naisip ko, “Di ba’t ito mismo ang buhay na matagal ko nang inaasam?” Pagkatapos ay masaya kong tinanggap ang gawain ng Diyos sa mga huling araw at hindi nagtagal ay nagsimula akong gumawa ng tungkulin sa iglesia. Sa sumunod na ilang taon, naging maayos ang lahat sa pamilya ko at naging maayos ang takbo ng buhay namin. Madalas akong nagpapasalamat sa Diyos, at lalo pa akong ginanahan na talikuran ang mga bagay-bagay at gugulin ang sarili ko.
Pagkatapos, isang hapon noong taglagas ng 2019, nakatanggap ng tawag mula sa istasyon ng pulis ang panganay kong anak na babae. Nagkaroon daw ng aksidente sa construction site kung saan contractor ang asawa ko. Isang migranteng trabahador ang aksidenteng namatay habang nagtatrabaho, at dinala ang asawa ko sa isang detention center habang hinihintay ang pagproseso sa kanyang kaso. Nang marinig ko ang balita, natulala ako. Sa isip-isip ko, “Paano nangyari ito? Magkano kaya ang babayaran namin sa kompensasyon? Wala na nga kaming pera talaga; hindi talaga namin ito mababayaran. Ngayong nakadetene ang asawa ko, di ba’t masisira ang pamilya namin?” Hindi ko man lang magawang ilarawan ang nararamdaman ko. Nagreklamo ang anak ko, “Hindi ba nananampalataya ka sa Diyos? Paanong nangyayari pa rin ang ganito sa pamilya natin?” Nang mabalitaan ito ng mga kamag-anak namin sa probinsya, nagreklamo ang ilan, “Ang malas naman na nangyari ito sa kanila! Sayang lang ang lahat ng perang pinaghirapan nila sa mga nakaraang taon!” Sabi naman ng iba, “Walang nakakaalam kung gaano kalaki ang babayaran nila!” Nang marinig ko silang lahat na nagsasalita nang sabay-sabay, nang walang sinumang nag-aalok na tulungan akong maghanap ng pera at sa halip ay nagsasabi pa ng masasakit na salita, sobrang nanlumo ako. Bukod pa roon, nag-aalala akong baka dumating ang pamilya ng namatay na trabahador at magdulot ng gulo. Noong mga araw na iyon, takot na takot at balisa ako. Hindi ako makakain o makatulog nang maayos. Sa tuwing naiisip ko ang tungkol sa kompensasyon, nababalot ako ng pag-aalala, “Lahat ng perang pinaghirapan ng asawa ko mula umaga hanggang gabi nitong mga nakaraang taon ay napunta lang sa pagbabayad ng mga utang at pagbili ng mga makinarya at kagamitan. Wala na kaming natirang pera. Kung kailangan naming magbayad ng daan-daang libo bilang kompensasyon, saan ako kukuha ng ganoong kalaking pera?” Ang tanging nagawa ko ay ipagkatiwala ang mga paghihirap na ito sa Diyos at manalangin, “O Diyos, hindi ko alam ang gagawin sa napakalaking bayarin na ito sa kompensasyon. Hindi ko maaasahan ang mga kamag-anak o kaibigan ko. Ipinagkakatiwala ko ang lahat ng ito sa Inyong mga kamay. Pakiusap, tulungan Mo akong malampasan ang mahirap na panahong ito.” Makalipas ang ilang buwan, pagkatapos ng pamamagitan ng korte, humingi ang kabilang panig ng 280,000 yuan bilang kompensasyon. Sabi ng abogado, kung mababayaran namin ang pera at pipirma ang kabilang panig ng isang liham ng pagpapatawad, hindi makukulong ang asawa ko. Kung hindi kami makapagbabayad, sesentensiyahan siya. Para sa akin, ang 280,000 yuan ay isang napakalaking halaga! Paano makakakuha ng ganoon kalaking pera ang isang babaeng tulad ko? Pero kung hindi ako makapagbabayad, makukulong ang asawa ko. Wala akong pagpipilian kundi mag-ikot at manghiram ng pera sa lahat ng aming kamag-anak, pero laking gulat ko, nang lumapit ako para humingi ng tulong, lahat sila ay tumanggi sa akin gamit ang iba’t ibang dahilan. Sa harap ng kanilang kawalang-malasakit, nakaramdam ako ng matinding kalungkutan at kawalan ng magawa, at sa sobrang pag-aalala, hindi ako matigil sa pag-iyak. Paulit-ulit akong tumawag sa Diyos, umaasang tutulungan Niya akong malampasan ang mahirap na panahong ito. Pero habang papalapit ang takdang-panahon ng pagbabayad, hindi ko pa rin nalilikom ang halagang iyon. Hindi ko maiwasang magsimulang magreklamo sa puso ko, “Ang mga walang pananampalataya ay maayos namang namumuhay. Nananampalataya ako sa Diyos, iniwan ko ang lahat para sa pananalig ko, at kahit noong sinubukan akong pigilan ng asawa at kapatid kong lalaki, nagpatuloy ako sa paggawa ng tungkulin ko. Isa akong tunay na mananampalataya, kaya bakit hindi ako pinrotektahan ng Diyos? Bakit Niya hinayaang mangyari sa akin ang ganitong sakuna?” Habang mas iniisip ko ito, mas lalo akong nakaramdam ng pagkaagrabyado, at dumaing ako sa Diyos, “O Diyos, ilang taon ko nang ginagawa ang tungkulin ko. Bakit hindi Mo ako pinrotektahan? Para bang dinadaganan ako ng isang malaking bundok dahil sa sakunang ito, at halos hindi na ako makahinga. Hindi ko na kaya. Ano ang dapat kong gawin?” Napagtanto kong mali na magreklamo ako, pero talagang wala na akong mapuntahan, at hindi talaga ako makapagpasakop sa puso ko. Noong mga araw na iyon, hindi ako makakain o makatulog, wala akong lakas kahit kaunti, at nawalan ako ng ganang basahin ang mga salita ng Diyos. Pakiramdam ko, napakalayo ko sa Diyos. Kalaunan, dahil hindi talaga kayang bayaran ng pamilya ko ang kompensasyon, nasentensiyahan ang asawa ko ng isa at kalahating taong pagkakakulong. Sobra akong nabagabag sa naging resulta. Dahil nakakulong ang asawa ko, walang magtatrabaho para sa pamilya. Ano ang gagawin namin para mabuhay sa hinaharap? Sa harap ng mga paghihirap na ito, naramdaman kong wala akong maaasahan kundi ang sarili ko. Nagsimula akong mag-isip na hindi ko na kayang gawin ang tungkulin ko nang full-time, at kailangan kong maglaan ng kalahating araw para magtrabaho nang part-time.
Matapos malaman ng superbisor ng iglesia ang sitwasyon ko, nakipagbahaginan siya para tulungan ako at sinabi niyang dapat kong hanapin ang mga layunin ng Diyos sa nangyari sa pamilya ko at matuto ako ng mga aral mula rito. Kaya nagsimula akong manalangin at maghanap mula sa Diyos. Habang nagdedebosyonal, nabasa ko ang ilang salita ng Diyos: “Ipinaliliwanag na ng pahayag ni Job na, ‘Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng kahirapan?’ kung bakit nagawa niyang magpasakop sa Diyos, at may katotohanang dapat na hanapin dito. Nagpahayag ba siya ng anumang reklamo o hinaing nang sabihin niya ito? (Hindi.) Mayroon bang anumang kalabuan o mga negatibong implikasyon? (Wala.) Tiyak na wala. Sa pagdaranas sa pagsubok na ito, naunawaan ni Job na kung paano tinatrato ng Lumikha ang mga tao ay hindi isang bagay na mapagpapasyahan ng mga tao. Maaaring medyo hindi komportableng pakinggan ito, ngunit iyan ang katunayan. Isinaayos na ng Diyos ang panghabambuhay na kapalaran ng bawat isa; tanggapin mo man ito o hindi, isa itong katunayan. Hindi mo mababago ang iyong kapalaran. Ang Diyos ang Lumikha, at dapat kang magpasakop sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos. Anuman ang gawin ng Diyos ay tama dahil Siya ang katotohanan at Siya ang may Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay—dapat magpasakop sa Kanya ang mga tao. Kasama sa ‘lahat ng bagay’ na ito ang iyong sarili, at kasama rito ang lahat ng iba pang nilikha. Kung gayon, kaninong kasalanan na palagi mong gustong maging nasa oposisyon? (Kasalanan natin mismo.) Ito ay isang problema sa mga tao. Palagi mong gustong humanap ng mga dahilan at makakuha ng kalamangan—tama ba ito? Palagi mong gustong tumanggap ng mga pagpapala at pakinabang mula sa Diyos—tama ba ito? Wala sa mga ito ang tama. Ang mga pananaw na ito ay maling kaalaman at pagkaunawa sa Diyos. Dahil mismo sa hindi tama ang pananaw na nagtutulak sa iyong pananampalataya sa Diyos, hindi maiiwasan na lalabanan mo ang Diyos, makikipagtalo, at kokontra ka sa Diyos sa tuwing may mangyayari sa iyo, palagi mong iniisip, ‘Mali na gawin ito ng Diyos; hindi ko ito maarok. Ang paggawa Niya nito sa ganoong paraan ay hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao. Hindi gawain ng Diyos ang gawin ito sa ganoong paraan!’ Hindi mahalaga kung ang ginagawa ng Diyos ay naaayon sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon—anuman ang gawin ng Diyos, Siya pa rin ang Diyos. Kung wala ka ng katwiran at ng pagkaunawang ito, at palagi kang nagsisiyasat at gumagawa ng mga paghihinuha tungkol sa mga bagay na nangyayari sa iyo sa bawat araw, ang tanging kahihinatnan nito ay na makikipagtalo at kokontra ka sa Diyos sa bawat pagkakataon. Hindi ka makakalaya mula sa kalagayang ito. Ngunit kung mayroon ka ng pagkaunawang ito at kaya mong lumugar nang tama bilang isang nilikha, at kapag nahaharap ka sa mga bagay-bagay ay ikinukumpara mo ang mga ito sa aspektong ito ng katotohanan, at nagsasagawa at pumapasok ka rito, mas lalo kang magkakaroon ng takot sa Diyos sa iyong kalooban. Nang hindi mo namamalayan, mararamdaman mo: ‘Lumalabas na hindi mali ang ginagawa ng Diyos; lahat ng ginagawa ng Diyos ay mabuti. Hindi kailangang siyasatin at suriin ito ng mga tao. Ipapasailalim ko na lang ang aking sarili sa pamamatnugot ng Diyos!’ At kapag natagpuan mo ang iyong sarili na hindi makapagpasakop sa Diyos o matanggap ang Kanyang mga pamamatnugot, makakaramdam ng pagsaway ang iyong puso: ‘Hindi ako naging isang mabuting nilikha. Bakit hindi na lang ako magpasakop? Hindi ko ba pinapalungkot ang Lumikha?’ Habang mas ninanais mong maging isang mabuting nilikha, mas nagiging malinaw at maliwanag sa iyo ang aspektong ito ng katotohanan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Saloobing Dapat Taglayin ng Tao sa Diyos). Dati, madalas kong basahin ang kuwento ni Job, pero tinitingnan ko lang ito bilang isang kuwento. Nang pagnilayan ko ito ulit noong araw na iyon, nakita ko kung paanong hindi nagkasala si Job sa kanyang mga labi kahit na nahaharap sa napakalaking pagsubok, napuno ako ng paghanga sa kanyang pagpapasakop sa Diyos. Nawala kay Job ang lahat ng kanyang tupa at baka na namumutiktik sa mga burol, ang kanyang napakalaking yaman, at ang lahat ng kanyang mga anak; nabalot din siya ng masasakit na pigsa, pero hindi siya nagreklamo tungkol sa Diyos. Alam niyang ang Diyos ang Lumikha, at anuman ang gawin ng Diyos, dapat magpasakop ang tao. Alam niyang ito ang katwirang dapat taglayin ng isang nilikha, at hindi maaaring maging masaya ang isang tao kapag pinagpapala siya ng Diyos pero magrereklamo kapag may binabawi ang Diyos; maling posisyon iyon. Iyon ang dahilan kung bakit nasabi ni Job, “Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng kahirapan?” (Job 2:10). Naniwala si Job na anuman ang ginawa ng Diyos ay mabuti, at kahit hindi niya naiintindihan, kaya pa rin niyang magpasakop. Kung ikukumpara sa mga pagsubok na hinarap ni Job, ano lang ba ang mga naranasan ko? Sa kabila nito, hindi ako nagpakita ng kahit katiting na pagpapasakop. Araw-araw kong ipinapahayag, “Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at namamahala sa lahat ng bagay; dapat tayong magpasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos,” pero nang mapahamak ang asawa ko, hindi ako makapagpasakop. Paulit-ulit akong gumiit sa Diyos na tulungan akong lutasin ang aking mga agarang paghihirap. Nang hindi tinugunan ng Diyos ang aking mga hinihingi, kinuwestiyon ko pa Siya, tinatanong kung bakit Niya hinayaang mangyari sa akin ang isang bagay na tulad niyon. Pakiramdam ko ay pinapahirapan ako ng Diyos, na hindi makatwiran ang Kanyang ginawa. Naisip ko pa ngang talikuran ang tungkulin ko para humanap ng sarili kong paraan. Nakita ko na wala talaga akong pagkaunawa sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at wala akong kahit katiting na may-takot-sa-Diyos na puso. Naisip ko—bago ako manampalataya sa Diyos, may magaganda at mahihirap na panahon ang pamilya ko. Ang mga walang pananampalataya ay nakararanas din minsan ng mga panahon ng ginhawa, samantalang sa ibang pagkakataon ay nahaharap sila sa mga natural o gawa-ng-taong sakuna. Sa realidad, ang kapalaran ng isang tao sa buhay, kabilang na kung gaano karaming paghihirap at pagsubok ang haharapin nila, ay matagal nang paunang inorden ng Diyos. Pero naniwala ako na ang mga nananampalataya sa Diyos ay dapat magkaroon ng mas magandang buhay kaysa sa mga walang pananampalataya at hindi dapat makaranas ng mga sakuna. Hindi ba’t ito ay isang baluktot na pagkaunawa, at kawalan ng kaalaman sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Ang Diyos ang Lumikha. Pinakaalam Niya ang mga pangangailangan natin, at naghahanda Siya ng angkop na mga kapaligiran para danasin natin. Ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos ang laging nasa likod ng nangyayari sa bawat tao sa kung anong oras. Kahit na hindi umaayon sa ating mga kuru-kuro ang mga bagay-bagay sa panlabas, tiyak na kapaki-pakinabang ang mga ito sa ating buhay: Dapat akong magpasakop at maghanap sa mga layunin ng Diyos. Pero, bagama’t natamasa ko ang napakaraming biyaya at pagpapala ng Diyos, at ang pagdidilig at panustos ng Kanyang mga salita, hindi ako nagpakita ng kahit katiting na pasasalamat. Sa sandaling may mangyaring hindi ko gusto, nagreklamo ako nang matindi laban sa Diyos. Nakita ko kung gaano ako kawalang pagkatao! Napuno ako ng pagsisisi at nanalangin ako sa Diyos nang may pagsisisi, handang magpasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos.
Pagkatapos, nagnilay-nilay ako sa sarili ko: Bakit ako nagrereklamo sa Diyos sa tuwing may nangyayaring hindi maganda? Pagkatapos ay nabasa ko ang ilang salita ng Diyos: “Umaasa ka na ang iyong pananalig sa Diyos ay hindi magsasanhi ng anumang mga paghihirap o kapighatian, o ng kahit katiting na pagdurusa. Lagi mong hinahangad ang mga bagay na iyon na walang-halaga, at hindi mo pinahahalagahan ang buhay, sa halip ay inuuna mo ang iyong sariling malabis na kaisipan bago ang katotohanan. Ikaw ay napakawalang-halaga! Nabubuhay ka na parang isang baboy—ano nga ba ang pagkakaiba sa pagitan mo, at ng mga baboy at mga aso? Hindi ba’t lahat ng hindi naghahangad sa katotohanan, at sa halip ay iniibig ang laman, ay pawang mga hayop? Hindi ba’t ang mga patay na walang mga espiritu ay mga naglalakad na mga bangkay? Gaano na karaming salita ang nasambit sa gitna ninyo? Kaunting gawain lamang ba ang nagawa sa gitna ninyo? Gaano na karami ang naipagkaloob Ko sa inyo? Kaya bakit hindi mo ito nakamit? Ano ang iyong mairereklamo? Hindi ba’t wala kang natamo dahil sa iyong labis na pag-ibig sa laman? At hindi ba’t dahil ito sa ang iyong mga kaisipan ay masyadong mataas? Hindi ba’t dahil ito sa ikaw ay napakahangal? Kung hindi mo kayang makamtan ang mga pagpapalang ito, masisisi mo ba ang Diyos sa hindi pagliligtas sa iyo? Ang iyong hinahangad ay ang matamo ang kapayapaan pagkatapos na manampalataya sa Diyos, upang ang iyong mga anak ay mailayo sa sakit, upang ang iyong asawang lalaki ay magkaroon ng magandang trabaho, upang ang iyong anak na lalaki ay magkaroon ng mabuting asawang babae, upang ang iyong anak na babae ay makatagpo ng disenteng asawang lalaki, upang ang iyong mga baka at mga kabayo ay makapag-araro nang mahusay, upang magkaroon ng isang taon ng magandang panahon para sa iyong mga tanim. Ito ang iyong hinahangad. Ang iyong hinahangad ay para mabuhay lamang nang maginhawa, upang walang mga aksidenteng dumating sa iyong pamilya, upang ang hangin ay lampasan ka lamang, upang ang iyong mukha ay hindi mabahiran ng dumi, upang ang mga tanim ng iyong pamilya ay hindi bahain, upang ikaw ay hindi maapektuhan ng anumang sakuna, upang mabuhay sa ‘yakap ng Diyos,’ upang mabuhay sa isang maginhawang tirahan. Ang duwag na kagaya mo, na palaging naghahangad sa laman—mayroon ka bang puso, mayroon ka bang espiritu? Hindi ka ba isang hayop? Ibinibigay Ko sa iyo ang tunay na daan nang hindi humihingi ng anumang kapalit, gayunman ay hindi ka nagsisikap. Isa ka ba sa mga nananampalataya sa Diyos? Ipinagkakaloob Ko ang tunay na buhay ng tao sa iyo, gayunman ay hindi ka nagsisikap. Wala ka bang pagkakaiba sa isang baboy o isang aso? Ang mga baboy ay hindi naghahangad ng buhay ng tao, hindi nila hinahangad na maging malinis, at hindi nila nauunawaan kung ano ang buhay. Bawat araw, pagkatapos nilang kumain nang busog, natutulog na sila. Naipagkaloob Ko na sa iyo ang tunay na daan, gayunman ay hindi mo ito nakamtan: Wala kang anuman. Handa ka bang magpatuloy sa ganitong buhay, ang buhay ng isang baboy? Ano pang silbi na mabuhay ang gayong mga tao? Ang iyong buhay ay kasumpa-sumpa at walang-dangal, nabubuhay ka sa gitna ng karumihan at kahalayan, at hindi mo hinahangad ang anumang layon; hindi ba’t ang iyong buhay ang pinakahamak sa lahat? Mayroon ka bang lakas ng loob na humarap sa Diyos? Kung magpapatuloy ka na dumanas sa ganitong paraan, hindi ba’t wala kang matatamo? Ang tunay na daan ay naibigay na sa iyo, ngunit kung makakamit mo ito sa huli o hindi ay nakasalalay sa iyong pansariling paghahangad” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, tumagos ang mga ito sa puso ko. Hindi ba’t ako mismo ang uri ng taong inilalantad ng Diyos, isang taong laging naghahanap ng kapayapaan ng laman, at walang puso at espiritu? Kaya ako nagsimulang manampalataya sa Diyos ay dahil laging nahaharap sa problema ang pamilya ko, at gusto ko lang makahanap ng masasandalan. Nang marinig kong kayang magligtas ng Diyos ng mga tao at magkaloob ng kapayapaan at mga pagpapala, itinuring ko ang Diyos bilang aking dakilang tagapagligtas. Naisip ko na hangga’t maayos akong nananampalataya sa Diyos at ginagawa ang tungkulin ko, pagpapalain Niya ang pamilya ko ng kapayapaan at ilalayo kami sa sakuna o kalamidad. Nang makuha ng asawa ko ang kontrata sa konstruksyon at bumuti ang kalagayan ng aming pamilya, labis akong nagpasalamat sa Diyos at lalo pang naging aktibo sa tungkulin ko. Pero nang mangyari ang aksidente sa kanyang site, hindi namin kayang bayaran ang kompensasyon, at nasentensiyahan siya ng pagkakakulong, nagreklamo ako na hindi ako pinrotektahan ng Diyos at ayaw kong kumain at uminom ng mga salita ng Diyos o manalangin. Naramdaman ko pa ngang hindi maaasahan ang Diyos at naisip kong humanap ng sarili kong paraan sa pamamagitan ng pagkuha ng part-time na trabaho para kumita ng pera. Kung iisipin, ang Diyos ay nagkatawang-tao sa mga huling araw at pumarito sa lupa upang ipagkaloob sa tao ang saganang katotohanan, pinahihintulutan ang mga tao na danasin ang Kanyang gawain, hangarin ang katotohanan, at magkamit ng pagbabago sa disposisyon, upang sa huli ay maligtas sila at makapasok sa Kanyang kaharian. Ito ang dakilang pagmamahal at pagliligtas ng Diyos para sa sangkatauhan. Pero sa pananampalataya ko sa Diyos, mali ang mga layon ng paghahangad ko; gusto ko lang magtamasa ng kaginhawahan ng laman, at nag-ilusyon pa ako na kung ang isang tao ay nananampalataya sa Diyos, pagpapalain ang kanyang buong pamilya. Hindi ba’t ito rin ang pananaw sa pananalig ng mga tao sa relihiyon? Sa mga huling araw, ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo, ipinahahayag ang katotohanan upang dalisayin ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Umaasa ang Diyos na mahahangad at makakamit ng lahat ang katotohanan at maisasabuhay ang isang makabuluhang buhay. Pero palagi ko lang hinahangad ang biyaya at mga pagpapala, hinahanap ang makalamang kaginhawahan na tulad ng isang hayop. Ito ang pinakakahabag-habag at walang-kuwentang uri ng buhay. Kung magpapatuloy ako sa paghahangad sa ganitong paraan, mabibigo akong makamit ang katotohanan at hindi magkakamit ng pagbabago sa aking disposisyon. Hindi ba’t sa huli ay wala akong makakamit, walang mga resulta? Sa huli, ititiwalag pa rin ako ng Diyos. Nakita ko kung gaano ako kahangal at kamangmang!
Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos, at nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa sarili kong kalikasan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Isa sa mga pangunahing intensiyon at saloobin ng mga anticristo sa kanilang tungkulin ay ang gamitin ito bilang isang pagkakataon para makipagtransaksiyon sa Diyos at para makamit ang mga pakinabang na nais nila. Naniniwala rin sila: ‘Kapag tinatalikuran ng mga tao ang kanilang mga pamilya at tinatalikuran ang kanilang mga makamundong kinabukasan para gawin ang kanilang tungkulin sa sambahayan ng diyos, hindi na kailangang ipaliwanag na dapat may makamit sila, may makuhang kapalit, ito lang ang patas at makatwiran. Kung ginagawa mo ang tungkulin mo at wala kang natatanggap, kahit pa nakakatanggap ka ng ilang katotohanan, hindi sulit ito. Ang pagbabago sa disposisyon ay hindi rin ganoon kakongkretong pakinabang—kahit na nakatanggap ka ng kaligtasan, walang makakakita nito!’ Nagbubulag-bulagan ang mga hindi mananampalatayang ito sa anumang hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan. Hindi nila ito kinikilala o pinaniniwalaan, at mayroon silang saloobin ng pagtatwa. Batay sa mga saloobin at intensiyon ng mga anticristo sa pagtrato nila sa kanilang tungkulin, malinaw na hindi sila mga taong naghahangad sa katotohanan, kundi mga hindi mananampalataya at mga oportunista; sila ay kay Satanas. Narinig na ba ninyo na kaya ni Satanas na tapat na gumawa ng tungkulin? (Hindi.) Kung kaya ni Satanas na gawin ang ‘tungkulin’ nito sa harap ng Diyos, dapat na nakapaloob sa mga panipi ang tungkuling ito dahil ginagawa ito ni Satanas nang pasibo at sapilitan lamang, si Satanas ay pinapakilos ng Diyos, at ginagamit ito ng Diyos. Kaya, dahil sa kanilang anticristong diwa, at dahil hindi nila mahal ang katotohanan, dahil tutol sila sa katotohanan, at higit pa rito, dahil sa kanilang buktot na kalikasan, hindi kayang gawin ng mga anticristo ang kanilang mga tungkulin bilang mga nilikha nang walang kondisyon o walang kabayaran, at hindi rin nila kayang hangarin o kamtin ang katotohanan habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin, o gawin ang mga ito ayon sa mga hinihingi ng mga salita ng Diyos” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikapitong Bahagi)). Inilalantad ng Diyos na ang mga anticristo ay may makasarili at kasuklam-suklam na kalikasan at tutol sa katotohanan. Sa paggawa ng kanilang tungkulin, sinusubukan lang nilang makipagtawaran sa Diyos. Naniniwala sila na dahil nagbayad sila ng halaga sa pamamagitan ng pagtalikod sa mga bagay-bagay at paggugol ng kanilang sarili sa kanilang tungkulin, dapat magkaloob sa kanila ang Diyos ng biyaya at mga pagpapala kapag hinihingi nila, at na ito lamang ang patas at makatwirang paraan; kung hindi, hindi magiging matuwid ang Diyos. Ang kalikasang diwa ko ay kasimpangit at kasimbuktot ng sa isang anticristo. Sa lahat ng taon na iyon, nagawa kong magpatuloy sa aking tungkulin sa kabila ng paghadlang ng aking asawa at panunuya ng aking mga kamag-anak para lang makatanggap ng mas malalaking pagpapala mula sa Diyos. Palagi akong naniniwala na kung gugugulin ko ang sarili ko para sa Diyos at gagawin ang aking tungkulin, pagpapalain at poprotektahan Niya ako, bibigyan ako ng buhay na walang alalahanin, isang buhay na payapa kung saan maayos ang lahat. Hindi ko kailanman inakala na magkakaroon ng aksidente sa construction site ng asawa ko, at na masentensiyahan siya ng pagkakakulong dahil hindi namin kayang bayaran ang kompensasyon. Hindi ko ito makayanan, kaya ginamit ko ang sarili kong pagtalikod at mga paggugol bilang alas para makipagtalo sa Diyos, kinukuwestiyon kung bakit hindi Niya ako pinrotektahan, at kung bakit Niya hinayaang mangyari sa akin ang ganoong kalaking sakuna. Namumuhay ako ayon sa mga satanikong batas ng pananatiling buhay tulad ng, “Huwag kumilos kung walang gantimpala,” “Ipaglaban ang bawat pulgada ng lupa,” at “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba.” Kahit sino pa ang nakakasalamuha ko, kung nagbayad ako ng halaga, umaasa akong may kapalit. Matapos akong magsimulang manampalataya sa Diyos, natural na sinubukan ko ring makipagtawaran sa Kanya. Naniwala ako na hangga’t nagdurusa ako at ginugugol ang sarili ko para sa Diyos, dapat Niya akong pagpalain; kung hindi, hindi Siya matuwid. Ang isang tunay na mananampalataya ay gumagawa ng kanyang tungkulin nang hindi nakikipagtawaran o humihingi ng anuman. Katulad lang ni Noe, na ibinigay ang lahat para itayo ang arka, nagtiyaga sa loob ng isang daan at dalawampung taon, araw-araw. Nagdusa siya at nagbayad ng halaga para lamang makompleto ang atas ng Diyos, hindi kailanman isinasaalang-alang ang kanyang mga personal na pakinabang o kawalan. Pero mula simula hanggang katapusan, ang pananampalataya ko sa Diyos ay tungkol lang sa paggamit sa Kanya para makamit ang sarili kong layon na mapagpala. Hindi talaga ako isang tunay na mananampalataya; sinusubukan kong dayain at gamitin ang Diyos. Ang kalikasan ko ay kasingbuktot at kasingmapanlinlang ng sa isang anticristo. Ako mismo ang uri ng hindi mananampalataya at oportunista na inilalantad ng Diyos. Nang makita na napakamapaghimagsik ng aking mga kilos at lubhang nasaktan ang puso ng Diyos, napuno ako ng pagsisisi at paninisi sa sarili. Muli akong nanalangin sa Diyos, “O Diyos, wala talaga akong pagkatao at katwiran. Ang pananampalataya ko sa Iyo at ang paggampan ko ng aking tungkulin ay pawang mga pagtatangka na makipagtawaran at manlinlang sa Iyo. Labis Kitang binigo! Handa akong magsisi. Magpapasakop ako sa mga sitwasyong inihahanda Mo at hindi na ako maghihimagsik o dudurog sa Iyong puso.”
Kalaunan, nabasa ko ang ilang salita ng Diyos, at nakahanap ako ng landas ng pagsasagawa sa mga ito. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sa anong paraan mali ang pagturing sa paghahangad ng mga pagpapala bilang layunin? Ganap itong sumasalungat sa katotohanan, at hindi ito naaayon sa layunin ng Diyos na magligtas ng mga tao. Dahil ang mapagpala ay hindi isang naaangkop na layuning dapat hangarin ng mga tao, ano ang isang naaangkop na layunin? Ang paghahangad ng katotohanan, ang paghahangad ng mga pagbabago sa disposisyon, at ang magawang magpasakop sa lahat ng pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos: ito ang mga layuning dapat hangarin ng mga tao. … Kapag binitiwan mo ang pagnanais na mapagpala at tinahak mo ang landas ng paghahangad sa katotohanan, mawawala ang bigat na pasan mo sa iyong mga balikat. At magagawa mo pa rin bang maging negatibo? Kahit na may mga pagkakataon pa rin na negatibo ka, hindi mo ito hinahayaang limitahan ka, at sa puso mo, patuloy kang nagdarasal at nakikibaka, binabago ang layunin ng iyong paghahangad mula sa paghahangad na mapagpala at magkaroon ng hantungan, tungo sa paghahangad sa katotohanan, at iniisip mo, ‘Ang paghahangad sa katotohanan ay ang tungkulin ng isang nilikha. Para maunawaan ang ilang partikular na katotohanan ngayon—wala nang mas dakilang ani, ito ang pinakadakilang pagpapala sa lahat. Kahit na ayaw sa akin ng Diyos, at wala akong magandang hantungan, at gumuho ang aking mga pag-asa na mapagpala, gagawin ko pa rin ang aking tungkulin nang maayos, obligado akong gawin iyon. Anuman ang dahilan, hindi ko ito hahayaang makaapekto sa wasto kong paggampan sa aking tungkulin, hindi ko ito hahayaang maapektuhan ang pagsasakatuparan ko sa atas ng Diyos; ito ang prinsipyong sinusunod ko sa aking pag-asal.’ At sa pamamagitan nito, hindi ba’t nalampasan mo ang mga paglilimita ng laman?” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan Mayroong Buhay Pagpasok). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na para manampalataya sa Diyos, dapat hangarin ng isang tao ang katotohanan at ang pagbabago sa disposisyon, at hanapin ang katotohanan at magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos sa mga kapaligirang Kanyang inihahanda. Makatanggap man tayo ng mga pagpapala o makaranas ng paghihirap, dapat nating tuparin ang ating tungkulin. Ito ang tamang landas na dapat tahakin ng isang mananampalataya. Noon, puno ng pagnanais sa mga pagpapala ang puso ko. Kapag tumatama ang sakuna, lagi kong gustong takasan ito. Namumuhay ako sa isang kalagayan ng paghihimagsik laban sa Diyos, na labis na nakapagpapahirap at masakit. Ngayon, naunawaan ko na ang katotohanan. Makatanggap man ako ng mga pagpapala sa hinaharap o hindi, hangad ko lamang na panghawakan ang aking tungkulin at maayos na hangarin ang katotohanan at ang pagbabago sa disposisyon. Pagkatapos, naging normal ang kalagayan ko, at nagawa kong gawin ang tungkulin ko nang may mapayapang puso. Bagama’t naroon pa rin ang mga paghihirap ng aking pamilya, handa akong umasa sa Diyos para danasin ang mga ito. Hindi na ako gumawa ng mga hindi makatwirang kahilingan sa Diyos, ni hindi ko na inisip pa na subukang takasan ang aking mahirap na kalagayan sa pamamagitan ng sarili kong mga abilidad. Nang hindi ko man lang namamalayan, sinimulan kong makita ang gabay ng Diyos. Sa loob ng humigit-kumulang isang taon na nakakulong ang asawa ko, inalagaan ng panganay kong anak na babae ang pang-araw-araw na pangangailangan at pag-aaral ng kanyang nakababatang kapatid na babae, kaya hindi ko na kailangang mag-alala. Tungkol naman sa kompensasyon, nakita ng pamilya ng biktima na talagang hindi kami makapagbabayad at hindi na nila ipinilit pa ang usapin. Tunay kong naramdaman na lihim akong tinutulungan ng Diyos sa buong panahon, inaakay ako sa pinakamahirap na yugto ng aking buhay.
Bagama’t dumaan ako sa ilang sakit at paghihirap sa loob ng humigit-kumulang isang taon na iyon, nakilala ko ang sarili kong makasarili at kasuklam-suklam na kalikasan at ang maling landas na tinahak ko sa aking pananalig. Nagkamit din ako ng tamang pagkaunawa sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Nakita ko na ang lahat ng pinamamatnugutan at isinasaayos ng Diyos ay mabuti at kapaki-pakinabang sa aking buhay. Tunay kong naunawaan na ang pagharap sa kahirapan ay hindi masamang bagay. Anuman ang paghihirap na iyong maranasan, kung mauunawaan mo ang katotohanan at lalago ang iyong buhay, iyon ay pagtanggap ng pagpapala ng Diyos. Salamat sa Diyos!
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.
Ni Jing’en, TsinaIsang araw noong Oktubre 2019, sumakit nang matindi ang binti ko, at kahit ang pag-inom ng mga painkiller ay hindi...
Ni Yang Le, TsinaSabi ng Makapangyarihang Diyos: “May napakahinang katwiran ang mga tao—masyadong marami silang hinihingi sa Diyos at...
Ni He Mu, TsinaTinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw noong lagpas apatnapung taong gulang na ako. Nakita ko...
Ni Tong Yu, TsinaMagmula pa noong bata ako, mayroon na akong mahinang pangangatawan at palaging may sakit, kaya inasam ko ang isang malusog...