Ang Nakamit Mula sa Pag-uulat
Noong tag-init ng 2019, narinig ko na si Sister Jocelyn, isang lider ng iglesia, ay itinalaga si Brother Eli bilang superbisor ng gawain ng pagdidilig, at sabi nito’y mahusay ang kakayahan niya at ang pagbabahagi niya sa mga pagtitipon ay nagbibigay ng kaliwanagan. Medyo nabigla ako sa balitang iyon. Nakasama ko siya sa tungkulin ko dati, kaya marami-rami akong nalalaman tungkol sa kanya. Totoo na magaling siyang magsalita at wala siyang tigil sa pagsasalita sa kanyang pagbabahagi sa mga pagtitipon, pero karamihan sa mga sinasabi niya ay mga salita at doktrina lang at hindi talaga kayang lumutas ng mga totoong problema. May pagka-arogante din siya at ginagawa niya madalas ang mga bagay-bagay sa sarili niyang paraan, at gumagawa siya ng mga desisyon sa trabaho sa sarili lang niya nang hindi tinatalakay ang mga bagay-bagay sa iba. Nagbunga ito ng ilang problema na nakapinsala sa gawain ng iglesia. Ilang beses naming binanggit ng isang sister sa kanya ang mga problemang ito, pero patuloy siyang nakipagtalo, hindi niya ito tinanggap, hindi siya nagnilay sa kanyang sarili kahit kailan, at sa huli ay hindi siya kailanman nagbago. Hindi nagtagal, natanto ko na siya’y isang taong laging bumubulalas ng mga salita at doktrina, pero hindi kayang tumanggap ng katotohanan. Ang isang prinsipyo para sa paghahalal ng mga lider at manggagawa sa iglesia ay mayroon dapat silang dalisay na pagkaunawa sa katotohanan, kailangan ay nagagawa nilang tanggapin ang katotohanan, mayroon silang pagkaunawa sa pananagutan, at may mahusay na kakayahan. Bukod dito, ang superbisor ng gawain ng pagdidilig ay magaling dapat sa paglutas ng mga isyu sa pamamagitan ng pagbabahagi sa katotohanan at dapat ay nakagagawa ng ilang totoong gawain. Ang tanging dahilan kaya ginawang superbisor ng gawain ng pagdidilig ni Jocelyn si Eli ay may kaunti siyang kakayahan at mahusay siyang magsalita. Hindi iyon nakaayon sa mga prinsipyo. Lalo akong nabalisa nang mas iniisip ko iyon, at gusto ko sanang ibahagi ang aking mga saloobin kay Jocelyn, pero nag-atubili ako. Naisip ko, “Katatanggal ko pa lang sa aking tungkulin bilang superbisor ng gawain ng pagdidilig. Kung hindi ko sasang-ayunan ang taong kapipili pa lang ng lider, ano ang magiging dating ko no’n? Sasabihin kaya ng mga tao na katatanggal ko pa lang sa tungkuling iyon, kaya naiinggit ako sa taong nakakuha ng posisyon, at na nagsisikap akong mahanapan siya ng mali? Paano kung sabihin nila na ginagambala ko ang gawain ng iglesia? Hindi na bale, mas mabuting panatilihing simple ang mga bagay-bagay sa halip na magsalita at humanap ng gulo.” Kaya’t nilunok ko ang mga salita nang sasabihin ko na ang mga ito. Kalaunan, nabalitaan ko na nakatrabaho rin ng ilang kapatid si Eli dati, at naramdaman nila na hindi niya binalikat kailanman ang pasanin para sa kanyang tungkulin, at na hindi siya akmang maglingkod bilang superbisor. Pagkarinig nito, mas nakasiguro ako na tama ako tungkol sa kanya at naisip ko, “Dapat kong kausapin si Jocelyn sa lalong madaling panahon para hindi maantala ang gawain ng iglesia dahil maling tao ang namamahala rito. Pero siya ang nagtalaga kay Eli, kaya kung babanggitin ko ito sa kanya, hindi ba’t magiging paghahanap iyon ng mali sa harap niya mismo? Nang makatrabaho ko na siya dati, nalaman kong siya ay napakamapagmataas, nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, at mapanupil. Kinausap ko siya tungkol sa mga bagay na ito pero hindi lang niya tinanggihang tanggapin ito, pinagalitan pa niya ako nang husto. Kaya’t kung magbabanggit ako ng problema tungkol sa taong ipinromote niya ng tungkulin ngayon, baka isipin niyang nagiging pasaway ako sa kanya, at na sinusubukan ko lang na magkadahilan na magkamali siya. Tapos ano ang gagawin ko kung pinahirap niya ang mga bagay-bagay para sa akin? Naalala ko, ilang taon ang nakararaan nang punahin namin ng isang sister ang ilang pagkakamali ng isang lider, pinagbintangan kami ng lider na iyon na pinagtutulungan at inaatake namin siya. Natanggal ako sa tungkulin dahil doon. Kahit na nalantad kalaunan ang lider na iyon bilang isang anticristo at napatalsik, matagal akong hindi nagkaroon ng tungkulin dahil pinipigilan ako ng anticristo. Nag-alala ako na baka hindi tanggapin ni Jocelyn ang problemang babanggitin ko, at tapos ay maghahanap siya ng dahilan para tanggalin ang tungkulin ko sa akin. Ano kung gayon ang gagawin ko? Ngayon ang pinakakritikal na panahon para gumawa ng tungkulin. Kung hindi ako makakagawa ng tungkulin at maghahanda ng mabubuting gawa sa panahong gaya nito, nag-aalala akong mawawala ang aking pagkakataon na maligtas. Kung gayon hindi ba’t sa pangkalahatan ay talo ako?” Nang maisip ko iyon, inalis ko na sa aking isip ang ideya ng pagbanggit sa problema.
Pagkatapos noon, narinig kong sinabi ng ilang kapatid na mula nang maging superbisor ng gawain ng pagdidilig si Eli, naglilitanya lang siya ng mga salita at doktrina at nagsasalita lang nang nagsasalita sa mga pagtitipon, at hindi talaga niya tinutulungan ang mga tao sa kanilang mga tunay na problema. Hindi niya rin inaako ang responsibilidad sa kanyang tungkulin, at sa mga baguhan na pinamamahalaan niya, ilan na ang tumigil sa pagpunta sa mga pagtitipon dahil nalinlang na sila ng mga tsismis ng Partido Komunista. Hindi niya kaagad inalok ang mga ito ng pagbabahaginan at suporta, kaya ilan sa kanila ang tumalikod na sa pananampalataya. Napagtanto ko kung gaano kaseryoso ang problema nang marinig ko ang tungkol dito. Kung mananatili siyang nagsisilbi bilang superbisor, mas maraming pinsala lang ang maidudulot nito sa gawain ng iglesia, at alam kong kailangan ko itong iulat agad kay Jocelyn. Pero natakot akong mapasama ang loob niya at mailagay ang sarili ko sa gulo, kaya’t talagang nagtalo ang kalooban ko: “Dapat ko ba itong isumbong, o hindi? Kung gagawin ko ito, natatakot ako sa magiging epekto nito sa akin, pero kung hindi ko gagawin, talagang makokonsensiya ako hinggil dito. Inisip ko kung paano ko ito babanggitin sa paraang mapoprotektahan ko ang aking sarili at makatitiyak ako na walang magiging aberya.” Hindi ako makawala sa mga isiping ito na para bang nakatali ako, kaya’t hindi ako mapalagay at nabalisa ako.
Minsan sa isang pagtitipon, tinanong kami ng isang lider ng grupo kung meron kaming anumang opinyon na nais ibahagi tungkol sa promosyon ni Eli, at kung ganon, dapat kaming magpadala sa kanya ng mensahe tungkol dito. Nasabik talaga akong marinig iyon, at naisip ko, “Isa itong magandang pagkakataon. Siya ang haharap, at titipunin niya ang mga opinyon namin para ibahagi sa lider, sa gayon hindi malalaman ng lider kung sino ang nagsulat ng ano. Kung susubukan talaga niyang usisain ito, ang lider ng grupo ang magiging pananggalang.” Kaya isinulat ko ang mga problemang nakita ko at ibinigay iyon sa lider ng grupo. Kinaumagahan, nagulat ako nang sinabi niyang ipinadala na niya ang isinulat ko sa lider. Labis akong nabahala nang marinig ko na hindi niya ibinahagi ang mga bagay-bagay sa lider bilang feedback mula sa buong grupo namin. Tinanong ko, “Bakit basta mo na lang ipinadala nang direkta ang mensahe ko kay Jocelyn?” Nang makita ang aking matinding reaksyon, sabi niya, “Ang saloobin ng lahat ay ipinasa sa lider at dapat ay maging tapat tayong lahat tungkol sa ating mga opinyon. Ano ang dapat ikabahala doon?” Hindi ko alam kung ano ang sasabihin bilang tugon dito. Nabigla ako at medyo napahiya at naisip ko, “Tama iyan, bakit takot na takot ako na maging tapat tungkol sa problema?” Lumapit ako sa Diyos sa panalangin, naghahanap ng paggabay at nagninilay sa aking sarili.
Habang nagninilay ako, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Anong klaseng tao ang isang taong walang konsiyensiya at walang katwiran ng normal na pagkatao? Sa pangkalahatan, siya ay isang taong walang pagkatao, isang taong sukdulan ng sama ang pagkatao. Kung mas bubusisiin ang mga detalye, anong mga pagpapamalas ng kawalan ng pagkatao ang ipinapakita ng taong ito? Subukang suriin kung anong mga katangian ang matatagpuan sa gayong mga tao at anong partikular na mga pagpapamalas ang ipinapakita nila. (Makasarili sila at mababang-uri.) Ang mga taong makasarili at mababang-uri ay basta-basta lang sa kanilang mga pagkilos, at walang malasakit sa mga bagay na wala silang pansariling kinalaman. Hindi nila isinasaalang-alang ang mga kapakanan ng sambahayan ng Diyos, ni hindi sila nagpapakita ng pagsasaalang-alang para sa mga layunin ng Diyos. Wala silang dinadalang pasanin sa pagganap sa kanilang mga tungkulin o sa pagpapatotoo sa Diyos, at hindi sila responsable. … May ilang tao na hindi umaako ng anumang responsabilidad kahit ano pa ang tungkuling ginagampanan nila. Hindi rin nila iniuulat kaagad sa mga nakatataas sa kanila ang mga problemang nadidiskubre nila. Kapag may nakikita silang mga taong nanggagambala at nanggugulo, nagbubulag-bulagan sila. Kapag nakikita nilang gumagawa ng kasamaan ang mga masasamang tao, hindi nila sinusubukang pigilan sila. Hindi nila pinoprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, o isinasaalang-alang kung ano ang kanilang tungkulin at responsabilidad. Kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, hindi gumagawa ng anumang tunay na gawain ang mga taong kagaya nito; sila ay mga mahilig magpalugod ng iba at sakim sa kaginhawahan; nagsasalita at kumikilos sila para lamang sa sarili nilang banidad, reputasyon, katayuan, at mga interes, at handa lamang silang ilaan ang kanilang panahon at pagsisikap sa mga bagay na kapaki-pakinabang sa kanila. Malinaw sa lahat ang mga kilos at layunin ng isang taong katulad niyon: Lumalabas siya tuwing may pagkakataong maipakita ang kanyang mukha o magtamasa ng kaunting pagpapala. Ngunit, kapag walang pagkakataong maipakita ang kanyang mukha, o sa sandaling nagkaroon ng panahon ng pagdurusa, naglalaho sila sa paningin tulad ng isang pagong na nag-atras ng ulo nito. May konsiyensiya at katwiran ba ang ganitong klaseng tao? (Wala.) Nakadarama ba ng paninisi sa sarili ang isang taong walang konsiyensiya at katwiran na ganito kung kumilos? Ang gayong mga tao ay walang pakiramdam ng paninisi sa sarili; walang silbi ang konsiyensiya ng ganitong klaseng tao. Hindi sila kailanman nakadama ng paninisi ng kanilang konsiyensiya, kaya’t mararamdaman ba nila ang paninisi o disiplina ng Banal na Espiritu? Hindi, hindi nila ito mararamdaman” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagbibigay ng Isang Tao ng Puso Niya sa Diyos, Makakamit Niya ang Katotohanan). Inilarawan ng mga salita ng Diyos ang eksaktong kalagayan ko. Alam kong ang lider ay hindi nagtatalaga ng mga tao ayon sa mga prinsipyo, at nakita ko na hindi gumagawa ng totoong gawain si Eli bilang superbisor, at na hinahadlangan niya ang pagpasok sa buhay ng mga kapatid. Dapat sana ay nanindigan ako at isinumbong ang problema para mapangalagaan ang gawain ng iglesia. Ito ang tungkuling obligasyon ko bilang isa sa mga hinirang na mga tao ng Diyos. Pero sa halip, natakot akong mapasama ang loob ni Jocelyn at mawala sa akin ang aking tungkulin, kaya’t nagbulag-bulagan ako sa problema. Kahit na ibinahagi ko nga ang aking opinyon sa lider ng grupo sa pamamagitan ng pagsulat, hindi ko gustong malaman ni Jocelyn na ako ang nagsulat nito, at natakot ako na magiging sanhi ito ng problema para sa akin. Napagtanto kong pansariling interes ko lang sa lahat ng bagay ang iniisip ko, at hindi talaga kung paano pangangalagaan ang mga interes ng iglesia. Napakawala kong konsensiya at katwiran. Tinamasa ko ang napakaraming pagdidilig at pagtustos mula sa mga salita ng Diyos, pero nang magdusa ang gawain ng iglesia, inisip ko lang na protektahan ang sarili ko. Wala akong anumang katapatan sa Diyos. Kinakagat ko ang kamay na nagpapakain sa akin. Wala talaga akong anumang pagkatao. Lalo akong nakonsensya nang mas inisip ko ito, at napaisip ako: “Bakit ako takot na takot at balisang-balisa kapag nahaharap ako sa gayong isyu? Ang pagsasabi ng isang matapat na salita ay napakahirap na sa akin—anong uri ng disposisyon ang kumokontrol sa akin?”
Kalaunan nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagpalinaw ng lahat sa akin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Karamihan sa mga tao ay nais hanapin at isagawa ang katotohanan, ngunit kadalasan ay may pagpapasya at hangarin lamang sila na gawin iyon; hindi nila naging buhay ang katotohanan. Dahil dito, kapag nakahaharap sila ng masasamang puwersa o ng masasamang tao na gumagawa ng masasamang gawa, o ng mga huwad na pinuno at anticristo na gumagawa ng mga bagay sa isang paraang lumalabag sa mga prinsipyo—sa gayon ay nagugulo ang gawain ng iglesia at napapahamak ang mga hinirang ng Diyos—nawawalan sila ng lakas ng loob na manindigan at magsalita. Ano ang ibig sabihin kapag wala kang lakas ng loob? Ibig bang sabihin niyan ay kimi ka o hindi makapagsalita? O hindi mo ito lubos na nauunawaan, at sa gayon ay wala kang tiwalang magsalita? Walang isa man dito; ito una sa lahat ang ibinubunga ng mapigilan ng mga tiwaling disposisyon. Ang isa sa mga tiwaling disposisyong ito na inilalantad mo ay ang mapanlinlang na disposisyon; kapag may nangyayari sa iyo, ang una mong iniisip ay ang sarili mong mga interes, ang una mong isinasaalang-alang ay ang mga ibubunga, kung ito ba ay kapaki-pakinabang sa iyo. Ito ay isang mapanlinlang na disposisyon, hindi ba? Ang isa pa ay makasarili at mababang-uri na disposisyon. Iniisip mo, ‘Ano ang kinalaman sa akin ng kawalan sa mga interes ng sambahayan ng Diyos? Hindi ako isang lider, kaya bakit ako mag-aalala? Wala itong kinalaman sa akin. Hindi ko responsabilidad ito.’ Ang gayong mga saloobin at salita ay hindi mga bagay na sadya mong iniisip, kundi inilalabas ng iyong isip nang hindi mo namamalayan—na tumutukoy sa tiwaling disposisyong nabubunyag kapag ang mga tao ay nahaharap sa isyu. Pinamamahalaan ng mga tiwaling disposisyon na tulad nito ang paraan ng iyong pag-iisip, itinatali ng mga ito ang iyong mga kamay at paa, at kinokontrol kung ano ang sinasabi mo. Sa puso mo, gusto mong tumayo at magsalita, ngunit mayroon kang mga pag-aalinlangan, at kahit na magsalita ka pa, nagpapaliguy-ligoy ka, at nag-iiwan ka ng puwang upang makakambiyo, o kaya naman ay nagsisinungaling ka at hindi nagsasabi ng katotohanan. Nakikita ito ng mga taong malinaw ang mga mata; ang totoo, alam mo sa puso mo na hindi mo sinabi ang lahat ng dapat mong sabihin, na ang sinabi mo ay walang bisa, na iniraraos mo lamang ang lahat, at na hindi nalutas ang problema. Hindi mo natupad ang iyong responsabilidad, ngunit lantaran mong sinasabi na natupad mo ang iyong responsabilidad, o hindi sa iyo malinaw ang nangyayari. Totoo ba ito? At ito ba talaga ang iniisip mo? Hindi ba ganap ka nang kontrolado ng iyong satanikong disposisyon? Kahit naaayon sa katotohanan ang ilan sa sinasabi mo, sa mahahalagang sitwasyon at isyu, nagsisinungaling ka at nanlilinlang ng mga tao, na nagpapatunay na isa kang taong sinungaling, at nabubuhay ayon sa iyong satanikong disposisyon. Lahat ng sinasabi at iniisip mo ay naiproseso ng utak mo, na humahantong sa pagiging huwad, hungkag, kasinungalingan ng bawat pahayag mo; sa totoo lang, lahat ng sinasabi mo ay salungat sa mga katotohanan, para bigyang-katwiran ang iyong sarili, para sa sarili mong kapakinabangan, at pakiramdam mo ay nakamtan mo na ang iyong mga layon kapag nalihis mo ang mga tao at napaniwala mo sila. Ganyan kang magsalita; kumakatawan din iyan sa iyong disposisyon. Ganap kang kontrolado ng sarili mong satanikong disposisyon. Wala kang kapangyarihan sa mga sinasabi at ginagawa mo. Gustuhin mo man, hindi mo masabi ang katotohanan o masabi kung ano talaga ang iniisip mo; gustuhin mo man, hindi mo maisagawa ang katotohanan; gustuhin mo man, hindi mo matupad ang iyong mga responsabilidad” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko na hindi ko isinasagawa ang katotohanan o pinangangalagaan ang gawain ng iglesia dahil ako ay likas na mapanlinlang, makasarili, at kasuklam-suklam. Naisip ko kung paanong alam kong hindi sinusunod ni Jocelyn ang mga prinsipyo sa kanyang pagtatalaga kay Eli at kung paano niya ngayon kinokompromiso ang gawain ng iglesia dahil hindi siya gumagawa ng anumang totoong gawain. Nakita ko ang lahat ng ito na kasinglinaw ng sikat ng araw at alam kong dapat kong punahin ang mga bagay na ito, na makatutulong ito sa gawain ng iglesia, at na mabuti ang epekto nito sa pagpasok sa buhay ng lahat, pero hindi ako nagkaroon ng lakas nang loob na tumayo at magsalita. Tapos, nang manguna ang lider ng grupo ko, isinulat ko sa wakas ang aking mga pananaw, pero nang malaman ko na direkta niya itong ipinasa sa lider, nagalit ako at pakiramdam ko’y inilantad niya ako. Piniga ko ang utak ko, kinakalkula kung paano ko poprotektahan ang aking sarili para hindi ako mawalan nang kahit ano. Sinusunod ko ang mga satanikong pilosopiya na “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” “Hayaan lang ang mga bagay-bagay kung hindi naman personal na nakakaapekto ang mga ito sa iyo,” “Ang matitinong tao ay mahusay sa pag-iingat sa sarili, tanging hangad nila ay hindi magkamali,” at “Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril.” Kinokontrol ng mga bagay na ito ang aking saloobin, pinananatili ako sa ilalim ng gayuma ng mga ito, at ginagawa akong tuso at mapanlinlang. Kahit na may pananampalataya ako at nagbabasa ng mga salita ng Diyos, wala ni kaunting puwang ang Diyos sa puso ko. Halos hindi ako makapagsabi ng isang matapat na bagay o makapagbigay ng liwanag sa isang aktwal na sitwasyon. Sunud-sunuran ako kay Satanas, namumuhay ng isang kaawa-awang buhay. Ako ay makasarili, kasuklam-suklam, at wala ni kaunting pagkatao. Dahil dito’y namumuhi sa akin ang Diyos. Nakaramdam ako ng matinding pagsisisi at nanalangin ako ng tahimik sa Diyos: “O, Diyos, labis po akong makasarili at mapanlinlang. Hindi po ako nanagot nang makita ko ang isang problema at hindi ko po isinasagawa ang katotohanan o pinoprotektahan ang gawain ng iglesia. Namumuhay po ako sa gayong kahabag-habag na paraan. O Diyos, ayoko na pong mamuhay nang ganito. Gusto ko pong isagawa ang katotohanan at mapalugod Ka.” Medyo mas nagkakompiyansa ako matapos ang aking panalangin at tumigil na ako sa pag-aalala sa magiging reaksyon ni Jocelyn pagkatapos niyang mabasa ang aking ulat.
Naisip ko na kapag nabasa na niya ang mga ulat namin tungkol sa mga problema sa kanya, malalaman ni Jocelyn na nilalabag niya ang mga prinsipyo sa pagtatalaga kay Eli, pero hindi siya nagnilay sa sarili niya at hindi niya agad tinanggal si Eli. At saka, natuklasan ko na hindi niya aktuwal na hinaharap ang mga problema ng mga proyektong mabagal ang usad o kaya’y hindi epektibo. Naisip ko: “Hindi niya kayang tanggapin ang katotohanan o gawin ang anumang totoong gawain, kaya batay sa mga prinsipyo ng pagkilala sa mga huwad na lider, malamang talaga na iyon nga siya.” Gusto ko itong iulat sa mga nakatataas, pero muli akong nag-atubili, iniisip na, “Paano kung malaman niya ito, ano ang iisipin niya sa akin? Kung hindi siya maalis bagkus ay nanatili bilang isang lider, hahanap kaya siya ng mga dahilan para sikilin ako? Hindi na bale. Ang pagtangging magbago o gumawa ng totoong gawain ay problema niya, kaya dapat ko na lang gawin nang maayos ang aking tungkulin at tingnan kung paano ang magiging takbo ng mga bagay-bagay.” Kaya hinayaan ko na lang ang mga bagay-bagay nang ganoon.
Hindi nagtagal, narinig ko na may isang lider sa ibang iglesia na nailantad na isang anticristo at napatalsik. Marami-rami siyang nagawang kasamaan sa panahon niya bilang lider, at nakita ito ng lahat, pero walang nangahas na magsalita. Wala ni isang tao sa buong iglesia ang nag-ulat sa kanya, at kahit pagkatapos siyang mailantad at mapatalsik, hindi pa rin nila ibinunyag ang mga kasamaang ginawa niya. Ibinaling lang nila ang sisi sa iba at nagkunwaring walang alam. Pinagtatakpan at pinapanigan nilang lahat ang anticristong iyon, nilalabanan ang Diyos sa pamamagitan ng pagiging kasabwat ni Satanas, na talagang lumabag sa disposisyon ng Diyos. Bunga nito, ang buong iglesia ay inihiwalay para makapagnilay sa kanilang sarili. Napakalaki ng naging impresyon nito sa akin, at ipinaalala nito sa akin ang ilang salita ng Diyos: “Kung walang sinuman sa isang iglesia ang handang magsagawa ng katotohanan at walang sinumang nagagawang tumindig sa kanilang patotoo sa Diyos, dapat ay ihiwalay nang lubusan ang iglesiang iyon, at kailangang putulin ang mga koneksyon nito sa ibang mga iglesia. Tinatawag itong ‘paglilibing sa kamatayan’; ito ang ibig sabihin ng pagtataboy kay Satanas. Kung may ilang lokal na maton sa isang iglesia, at sinusundan sila ng ‘maliliit na langaw’ na lubos na hindi makaintindi, at kung ang mga tao sa gayong iglesia, kahit nakita na nila ang katotohanan, ay wala pa ring kakayahang tanggihan ang mga gapos at manipulasyon ng mga maton na ito, lahat ng hangal na iyon ay ititiwalag sa huli. Maaaring walang nagawang kakila-kilabot ang maliliit na langaw na ito, ngunit mas mapanlinlang pa sila, mas tuso at mahusay umiwas, at lahat ng kagaya nito ay lilipulin. Wala ni isang matitira! Yaong mga nabibilang kay Satanas ay ibabalik kay Satanas, samantalang yaong nabibilang sa Diyos ay tiyak na hahanapin ang katotohanan; ipinapasya ito ng kanilang mga likas na pagkatao. Hayaang mapahamak ang lahat ng sumusunod kay Satanas! Walang habag na ipapakita sa gayong mga tao. Hayaan yaong mga naghahanap sa katotohanan na matustusan, at nawa ay masiyahan sila sa salita ng Diyos hangga’t nais nila. Ang Diyos ay matuwid; hindi Siya magpapakita ng paboritismo kaninuman. Kung ikaw ay isang diyablo, wala kang kakayahang magsagawa ng katotohanan; kung ikaw ay isang taong naghahanap sa katotohanan, tiyak na hindi ka mabibihag ni Satanas. Walang kaduda-duda iyan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan). Mula sa mga salita ng Diyos, naramdaman ko ang Kanyang pagiging maharlika at matuwid na disposisyon na hindi pinahihintulutan ang pagkakasala at ang Kanyang poot para sa mga hindi nagsasagawa ng katotohanan. Kahit na tila wala silang anumang ginawang napakasama, nanood lang sila nang gumawa ng masama ang anticristo at wala silang ginagawa para isumbong o ilantad siya. Hinayaan nilang manggulo ang anticristo, sinisira ang gawain ng iglesia, pero wala silang ginawang kahit ano. Pinagtakpan nila ang anticristo at naging mga kasabwat sila ni Satanas. Ito ay pakikibahagi sa kasamaan ng anticristo at malubha itong lumalabag sa disposisyon ng Diyos. Hindi ba’t ganoon na ganoon din ako? Napakarami ko nang nabasa na mga salita ng Diyos at nagkaroon na ako nang kaunting pagkakilala. Nakita ko na hindi sumusunod ang líder sa mga prinsipyo ng pagpili ng tauhan, na hindi niya kayang tanggapin ang katotohanan, at bukod dito, hindi siya gumagawa ng totoong gawain na nakahadlang na sa gawain ng iglesia. Nakita ko na siya’y isang huwad na lider, pero natakot akong mapapasama ko ang loob niya, at na ako’y susupilin niya, kaya’t pinalampas ko ito dahil hindi ako personal na naapektuhan nito. Pakiramdam ko’y nasa kanya na kung magbago man siya o hindi, at wala itong kinalaman sa akin. Natamasa ko ang labis na pagtustos ng Diyos, pero kinagat ko pa rin ang kamay na nagpakain sa akin at tumayo ako sa panig ni Satanas. Nakita ko na nakokompromiso ang mga interes ng iglesia, pero wala akong ginawa. Hindi ba’t katulad lang ako ni Satanas? Bagama’t ginagampanan ko ang isang tungkulin, binabantayan ng Diyos ang bawat maliit na bagay na aking ginagawa. Alam ko na kung hindi ako magsisisi, kasusuklaman at ititiwalag Niya ako. Nakakatakot ang isiping ito para sa akin. Kaagad akong nanalangin at nagsisi sa Diyos: “Diyos ko, nakita ko po ang isang huwad na lider na kumikilos nang hindi naaayon sa mga prinsipyo at ginagambala ang gawain ng iglesia pero hindi ko siya inilantad at isinumbong, para lang maprotektahan ko ang aking sarili. Naging kasabwat ako ni Satanas. Ako’y napakasuwail at nakasusuklam. Diyos ko, nais ko pong magsisi sa Iyo.”
Pagkatapos ay napapaisip ako, “Bakit ako takot na takot na isumbong ang mga problema sa lider? Ano ba talaga ang kinatatakutan ko?” Sa pamamagitan ng aking pananalangin at paghahanap, nabasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos na nakatulong sa aking mas maunawaan ang isyu. Sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Ano ang saloobing dapat taglayin ng mga tao pagdating sa kung paano tratuhin ang isang pinuno o manggagawa? Kung tama at alinsunod sa katotohanan ang ginagawa ng isang pinuno o manggagawa, maaari mo siyang sundin; kung mali at hindi alinsunod sa katotohanan ang ginagawa niya, hindi mo siya dapat sundin at maaari mo siyang ibunyag, salungatin at maaari kang maghayag ng ibang opinyon. Kung hindi siya nakakagawa ng aktuwal na gawain o gumagawa siya ng masasamang gawa na nagsasanhi ng kaguluhan sa gawain ng iglesia, at nabunyag na isang huwad na lider, isang huwad na manggagawa o isang anticristo, maaari mo siyang kilatisin, ilantad at iulat. Gayunman, hindi nauunawaan ng ilang taong hinirang ng Diyos ang katotohanan at lalo nang napakaduwag; natatakot silang masupil at mapahirapan ng mga huwad na lider at anticristo, kaya hindi sila nangangahas na itaguyod ang mga prinsipyo. Sinasabi nila, ‘Kung patatalsikin ako ng lider, tapos na ako; kung hihikayatin niyang ibunyag o talikuran ako ng lahat, hindi ko na magagawang maniwala sa Diyos. Kung patatalsikin ako sa iglesia, hindi ako gugustuhin at hindi ako ililigtas ng Diyos. At hindi ba’t mawawalan ng saysay ang aking pananalig?’ Hindi ba katawa-tawa ang gayong pag-iisip? May tunay bang pananalig sa Diyos ang gayong mga tao? Kakatawanin ba ng isang huwad na lider o anticristo ang Diyos kapag pinatalsik ka niya? Kapag pinahirapan at pinatalsik ka ng isang huwad na lider o anticristo, kagagawan ito ni Satanas, at wala itong kinalaman sa Diyos; kapag inaalis o pinatatalsik ang mga tao mula sa iglesia, nakaayon lamang ito sa mga layunin ng Diyos kapag magkasamang nagdesisyon ang iglesia at ang lahat ng taong hinirang ng Diyos, at kapag ang pag-aalis o pagpapatalsik ay lubos na nakaayon sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo ng mga salita ng Diyos. Paanong ang mapatalsik ng isang huwad na lider o anticristo ay mangangahulugan na hindi ka maliligtas? Pag-uusig ito ni Satanas at ng anticristo, at hindi nangangahulugan na hindi ka maililigtas ng Diyos. Maliligtas ka man o hindi ay depende na sa Diyos. Walang taong kwalipikadong magdesisyon kung maaari ka bang iligtas ng Diyos. Dapat malinaw ito sa iyo. At para tratuhin ang pagpapatalsik sa iyo ng isang huwad na lider o anticristo bilang pagpapatalsik ng Diyos—hindi ba ito maling pag-unawa sa Diyos? Maling pag-unawa ito. At hindi lamang ito maling pag-unawa sa Diyos, kundi paghihimagsik din laban sa Diyos. Medyo paglapastangan din ito sa Diyos. At hindi ba’t kamangmangan at kahangalan ang maling pagkaunawa sa Diyos sa ganitong paraan? Kapag pinatalsik ka ng isang huwad na lider o anticristo, bakit hindi mo hanapin ang katotohanan? Bakit hindi ka maghanap ng isang taong nakauunawa sa katotohanan upang magkamit ka ng kaunting pagkakilala? At bakit hindi mo ito ipinaaalam sa mga nakatataas? Pinatutunayan nito na hindi ka naniniwalang naghahari ang katotohanan sa sambahayan ng Diyos, ipinapakita nito na wala kang tunay na pananampalataya sa Diyos, na hindi ka isang taong tunay na naniniwala sa Diyos. Kung nagtitiwala ka sa pagkamakapangyarihan sa lahat ng Diyos, bakit ka natatakot sa pagganti ng isang huwad na lider o anticristo? Mapagpapasyahan ba niya ang iyong kapalaran? Kung may kakayahan kang makakilala, at natukoy mong salungat ang kanilang mga ikinikilos sa katotohanan, bakit hindi ka makipagbahaginan sa mga taong hinirang ng Diyos na nakauunawa sa katotohanan? May bibig ka naman, kaya bakit hindi ka naglalakas-loob na magsalita? Bakit takot na takot ka sa isang huwad na lider o anticristo? Pinatutunayan nitong duwag ka, walang silbi, isang kampon ni Satanas. Kung hindi ka maglalakas-loob na ipaalam sa mga nakatataas kapag ikaw ay pinagbantaan ng isang huwad na lider o anticristo, ipinapakita nito na naigapos ka na ni Satanas at kaisa ka na nila ng damdamin; hindi ba’t pagsunod ito kay Satanas? Paano nabibilang ang ganitong tao sa mga taong hinirang ng Diyos? Siya ay patapon, ganoon lang kasimple” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikatlong Aytem: Inihihiwalay at Binabatikos Nila ang mga Naghahanap ng Katotohanan). “Ang lahat ng gawain o mga salita ng Diyos na kaugnay sa hantungan ng sangkatauhan ay angkop na iwawasto ang mga tao batay sa diwa ng bawat isa; walang magaganap na bahagya mang kamalian, at walang magagawang isa mang pagkakamali. Tuwing gumagawa lamang ng gawain ang mga tao na nahahaluan ito ng mga damdamin at kahulugan. Pinakaangkop ang gawaing ginagawa ng Diyos; lubusan Siyang hindi naglalabas ng mga maling paratang laban sa sinumang nilikha” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama). Matapos mabasa ito, nakita ko na hindi ako nangahas na isumbong ang problema sa lider dahil mapanlinlang ang pananaw ko. Inisip ko na kayang itakda ng lider ang aking kinabukasan at kapalaran, kaya kung mapapasama ko ang loob ng isang lider at ako’y kanyang sinupil at pinigilan sa pagganap ng tungkulin, mawawalang lahat ang aking pag-asang maligtas. Itinuring ko ang mga lider na mas mataas pa kaysa sa Diyos. Sa anong paraan ako naging isang mananampalataya? Ang kapalaran ng tao ay nasa mga kamay ng Diyos. Kung ano ang kahihinatnan ko, at kung ako man ay maliligtas ay lubos na nakasalalay sa Diyos. Hindi ito pinagpapasyahan ng sinumang tao. Kahit na ako’y minaltrato dati dahil sa pagpuna ko sa mga isyu sa gawain ng isang lider, napagtanto kalaunan ng mga kapatid na siya ay isang anticristo at siya’y tinanggal sa iglesia. Hindi nawala ang pagkakataon kong maligtas dahil pansamantala akong nagdusa mula sa hindi patas na panunupil ng isang anticristo, pero nakabuo ako ng pagkakilala tungkol sa mga anticristo at natuto ng ilang aral. May ilang kapatid na naglalantad at nag-uulat sa mga huwad na lider at anticristo para protektahan ang gawain ng iglesia, at pagkatapos ay sinusupil sila at nagagalit sa kanila ang mga huwad na lider at anticristo. Ang ilan sa kanila ay napatalsik pa nga sa iglesia, pero dahil meron silang tunay na pananampalataya at nagpatuloy sila sa pagbabahagi ng ebanghelyo at sa paggawa ng kanilang tungkulin, nasa kanila pa rin ang gawain ng Banal na Espiritu at ang patnubay ng Diyos. Maaari pa rin silang maghanda ng mabubuting gawa at maligtas. Kapag ang mga anticristo ay nalantad at natanggal na, pinahihintulutan silang bumalik muli sa iglesia. Ipinakita nito sa akin na ang Diyos ay matuwid at ang katotohanan ang naghahari sa sambahayan ng Diyos. Ang Diyos ang namamahala sa lahat ng bagay. Naisip ko ulit ang iglesiang iyon kung saan wala ni isang tao ang naglantad sa anticristo at nagbulag-bulagan lang ang lahat sa kanyang masasamang gawa, hindi pinapansin ang hindi personal na nakakaapekto sa kanila, binigyan ng kalayaan ang anticristo na gambalain ang iglesia. Kahit na hindi sila sinupil at nakapagpatuloy sila sa paggawa sa kanilang tungkulin sa iglesia, kumampi sila sa anticristo, at pumanig laban sa Diyos. Kinamuhian at itinaboy ng Diyos ang buong iglesia sa huli. Habang iniisip ito, naniwala ako na ang hindi pag-uulat sa mga huwad na lider at mga anticristo ay pangangalaga kay Satanas at pamiminsala sa mga taong hinirang ng Diyos, at ang hindi pag-uulat sa kanila kapag ginugulo nila ang gawain ng iglesia ay paglabag sa disposisyon ng Diyos. Medyo natakot ako, at talagang kinamuhian ang sarili ko. Nagbigay ito sa akin ng motibasyon na isagawa ang katotohanan.
Naisip ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Huwag kang laging gumawa ng mga bagay para sa sarili mong kapakanan at huwag mong palagiang isaalang-alang ang iyong mga sariling interes; huwag mong isaalang-alang ang mga interes ng tao, at huwag isipin ang iyong sariling pagpapahalaga sa sarili, reputasyon, at katayuan. Kailangan mo munang isaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at unahin ang mga iyon. Dapat mong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at magsimula sa pagkonsidera kung mayroon ba o walang karumihan sa paggampan mo sa iyong tungkulin, kung ikaw ba ay naging tapat, kung natupad ang iyong mga pananagutan, at kung naibigay mo ang lahat mo, gayundin kung buong-puso mo bang iniisip o hindi ang iyong tungkulin at ang gawain ng iglesia. Kailangan mong isaalang-alang ang mga bagay na ito” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos ang landas ng pagsasagawa. Sa pagharap sa bagay na ito, kailangan kong unahin ang mga interes ng iglesia, kailangan ko iyong bigyan ng prayoridad at sadyang maghimagsik laban sa aking mga maling motibo. Dapat kong tigilan ang pag-una sa aking mga personal na interes. Kaya isinulat ko ang mga problemang nakita ko at naghandang iulat ang mga ito sa nakatataas na lider. Kasabay din nun, sinabi sa akin ng ilan pang sister na napansin din nilang si Jocelyn ay hindi gumagawa ng totoong gawain, hindi lumulutas ng matatagal nang problema sa iglesia, na itinataas niya ang tungkulin ng mga tao ayon sa kagustuhan niya at na patuloy siyang tumatangging alisin ang ilang taong may mababang kakayahan na hindi mahuhusay sa kanilang trabaho, at matagal nang pabasta-basta sa kanilang tungkulin, idinadahilan na wala siyang makitang akmang kandidato. Malaking pinsala na ang idinulot nito sa gawain ng iglesia. Ayon sa mga prinsipyo, si Jocelyn ay isang huwad na lider. Kaya magkakasama kaming sumulat ng isang liham na nag-uulat tungkol sa kanya, at isinumite ito sa isang lider.
Kalaunan, tiningnan ng mga nakatataas na lider ang sitwasyon, at natuklasan nilang hindi kailanman gumawa ng totoong gawain si Jocelyn, na naging mala-diktador siya sa kanyang pamamaraan, at ginamit ang kanyang katayuan upang pigilin ang iba. Natukoy siya bilang isang huwad na lider at tinanggal sa kanyang posisyon. Si Eli ay natuklasan ding hindi akma na maging superbisor ng gawain ng pagdidilig, kaya inilagay siya ng ibang tungkulin. Napuno ako ng lahat ng uri ng damdamin nang makita ko ang kinahinatnan nito. Nakita ko na sa sambahayan ng Diyos, si Cristo at ang katotohanan ang nasusunod, at nagkaroon ako nang higit na kompiyansa na isagawa ang katotohanan. Napuno ako ng pasasalamat sa Diyos. Lubos akong nagpapasalamat sa kaliwanagan at patnubay ng mga salita ng Diyos na nagpahintulot sa akin na unti-unting makalaya sa pagkontrol at mga tanikala ng mga satanikong pilosopiya na iyon, at na magkaroon ng tapang na isagawa ang katotohanan, na isumbong ang isang huwad na lider, at mamuhay nang may dignidad!
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.