Mga Kapahamakang Dulot ng Kayabangan

Hulyo 9, 2022

Noong Agosto 2018, tinanggap ko ang responsibilidad para sa isang iglesia ng mga baguhan. Kamakailan lang ito itinayo, kaya hindi lahat ng tungkulin ay naitalaga na at mabagal ang pag-usad ng mga proyekto. Nagdasal ako at sumandal sa Diyos, at nakipagtulungan sa kapareha ko para maghanap ng magagaling na kandidato at magtalaga ng mga kapatid ayon sa kanilang mga kalakasan at kakayahan. Mabilis na umusad ang gawain ng iglesia. Pakiramdam ko’y may mahusay akong kabatiran at nagtataglay ng isang tiyak na kakayahan at kagalingan. Sa partikular, isang beses, sinabi sa akin ng isang lider ng grupo na napakatamad ni Brother Xiao at walang ginagawa sa kanyang tungkulin at tatanggalin niya ito. Hindi ako sumang-ayon. Nakasalamuha ko si Brother Xiao dati at nagkaroon ako ng kaunting pagkakakilala sa kanya. Masipag siya at may magandang pagkatao, pero kulang sa mas malalim na karanasan. Inisip ko kung may pinagdadaanan siyang ilang problema na nakakaapekto sa tungkulin niya. Iminungkahi ko sa lider ng grupo na alamin niya kung anong nangyayari kay Brother Xiao bago ito tanggalin. Kalaunan, nadiskubre niya na napilayan ang pupulsuhan nito at nahihirapang gumamit ng computer, kaya mabagal ang pag-usad nito sa tungkulin nito. Pero walang sinabihan na kahit sino si Brother Xiao, kaya akala ng iba, hindi siya masipag. Nang gumaling ang kanyang pupulsuhan, naging mahusay siya sa kanyang tungkulin. Pagkatapos noon, mas lalo kong naramdaman na magaling akong bumasa ng mga tao. Mula noon, kapag pumipili ng mga tao, ayaw kong makipagkompromiso kapag may ibang opinyon ang mga kapatid sa akin. Inisip ko na kulang sila sa pagkakilala at walang maliwanag na pagkaunawa sa mga tao. Sa paglipas ng panahon, nagsimula akong maging mapangahas sa ilan sa aking mga pagsasaayos.

Kalaunan, pinangasiwaan ko ang gawain ng video team ng iglesia. Minsan, noong gagawa kami ng isang video, kulang kami at nangangailangan ng mas maraming tao sa grupo. May napakataas na pamantayan para sa mga teknikal na kasanayan sa proyektong iyon at talagang medyo nakakahamon ito. Nagpasya ako na kailangan namin ng isang taong may mataas na pinag-aralan, may teknikal na kasanayan para maayos na magpatuloy ang mga bagay. Gumugol ako ng ilang araw sa paghahanap ng isang taong makakatugon sa pangangailangang iyon, pero wala akong mahanap na magaling na kandidato. Handang pag-aralan ng ilang kapatid ang mga kasanayang iyon, pero nang nakita kong wala silang mataas na pinag-aralan at walang kaugnay na propesyunal na kasanayan, inalis ko sila sa pagpipilian. May mga naisip akong pwedeng maging angkop pero ‘di kayang tanggapin ang tungkulin iyon nang panahong iyon, sa kung anong dahilan. Tapos, nagkataong nalaman ko na nag-aral si Brother Wu ng mga nauugnay na teknikal na kasanayan at may malawak na propesyunal na karanasan. Wala siyang magiging problema sa proyektong iyon, kaya aalukin ko siyang tanggapin ang tungkuling iyon. Pero binalaan ako ng isang kapatid na dapat kong tingnan ang ilang pagsusuri sa kanya. Sabi ng kapatid, dati, may ilang tao na nagsasabing hindi maganda ang pagkatao niya at tuso siya, kaya kailangan kong maging maingat sa pagtatalaga sa kanya para gawin ang tungkuling iyon. Pinayuhan niya akong magsagawa ng ilang paghahanap. Sinabi kong gagawin ko, pero iniisip ko na kahit na medyo tuso siya at may hindi magandang pagkatao, mataas ang kanyang pinag-aralan at kasanayan, kung gayon, kaya niyang magbigay ng kaunting patnubay sa iba sa ilang teknikal na aspeto. Magagawa niyang gampanan ito nang walang problema. Pagkatapos, binasa ko ang mga pagsusuri ng mga kapatid kay Brother Wu at nakita kong sinabi nga nilang hindi maganda ang pagkatao niya, na talagang marahas siya sa iba noong ginampanan niya ang tungkulin niya at nasakal sila. Sa pagbabasa ng mga iyon, naisip ko na ilang beses ko na siyang nakasama dati at mukha naman siyang mabuting tao, hindi katulad ng inilarawan nila. Baka may partikular na konteksto sa sinabi nila? Gayunpaman, inisip ko na ayos naman siya, isa pa, marami siyang karanasan sa gawain, at ang isang talentong tulad niya ay mahirap hanapin. Hindi dapat ikabahala ang pagtatalaga sa kanya. Sa puntong iyon, hindi ko na pinag-isipan pa ang mga mungkahi ng iba at hindi ko na pinag-aralan ang mga pagsusuring iyon kay Brother Wu. Isinaayos ko na lang siya para gampanan ang paggawa ng video.

Talagang nagulat ako nang makalipas ang kulang-kulang isang buwan, narinig kong hindi niya pinagninilayan ang sarili kapag nahaharap sa mga problema, at talagang palaging naghahanap ng mali, at na nagpapakalat siya ng mga kuru-kuro at naghahasik ng awayan. Talagang hindi ko iyon inaasahan. Nagkamali ba ako? Kinumusta ko muna ang sitwasyon bago ko ito problemahin, at nakita kong lahat ng sinabi nila ay tama. Ang isa sa mga video na ginawa nila ay nagkaroon ng maraming isyu at kinailangang ulitin at nang pinag-uusapan ng lahat kung papaano haharapin ang mga problema, sinabi ni Brother Wu na hindi ito kailangang ulitin, at na masyadong maraming hinihingi ang mga lider, na palahanap sila ng mali. Nang marinig ito, sumama rin ang loob ng ilang kapatid sa mga lider. Hindi lang ‘yon, kapag nakakakita ng ilang problema si Brother Wu sa mga tungkulin ng iba, hindi siya naghahanap ng solusyon para rito, sa halip ay pinupuna niya ang lider ng grupo dahil sa kawalan nito ng kakayahan at itinatakwil ito, nag-uudyok ng mga problema sa pagitan ng mga miyembro ng grupo at lider ng grupo. Naging negatibo at napipigilan ang lider ng grupo. Dahil doon, pumanig ang isang kapatid laban sa lider ng grupo at pagkatapos ay pinagbuntunan ito at ang ibang lider. At minsang nagbigay ng ilang mungkahi si Brother Wu para sa gawain. Isinaalang-alang ito ng lider ng grupo, pero tingin niya ay hindi ito akma at hindi ito sinunod. Tapos, nadismaya siya sa lider ng grupo at nagsimulang gamitin ang kanyang pagbabahagi sa mga pagtitipon para sabihing may nakita siyang mga problema sa aming gawain na hindi siya naglakas-loob na sabihin, sa takot na siya’y matatanggal kapag binanggit niya ito, inililigaw ang iba sa isiping aapihin ang mga tao kapag nagmungkahi sila. Nagkunwari siya na gusto niya talagang pangalagaan ang kalooban ng Diyos, pero inaapi siya ng lider ng grupo at pinipigilan na gawin nang maayos ang kanyang tungkulin. Ipinakita ng pag-uugali niya na hindi lang siya palahanap ng mali, kundi nagkukunwari din siya na para bang siya’y isang tagapagbantay ng katuwiran at pinangangalagaan ang kalooban ng Diyos. Pinapalabas niya na pinoprotektahan niya ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, pero sa totoo lang ay nagpapakalat siya ng pagkanegatibo at naghahasik ng ‘di pagkakaunawaan sa iba, kinukumbinsi niya sila na lumaban sa mga lider nang sa gayon ay isipin nilang ang mga ito ang may problema, at baka apihin at pigilan sila kung hindi sila mag-iingat. Naging dahilan ito para pagdudahan ng mga tao ang mga tuntunin ng katotohanan sa iglesia, kaya lahat sila ay nagtalo kung anong tama at mali, at hinahatulan nila at nagiging maingat sila laban sa mga lider. Naantala na ng kanyang pag-uugali ang gawain ng iglesia. At nang panahong iyon, ginagabayan ni Brother Wu ang teknikal na gawain, at wala siyang masyadong pakinabang. Lahat ng kanyang iminungkahi ay teoretikal na walang anumang praktikal na pagsasagawa. Nakikita ko ang mga problema niya, pero hindi pa ako ganap na handa na tanggapin ang aking pagkakamali. Buo ang loob na gusto kong makipag-usap sa kanya at punahin ang kanyang mga problema, at kung makikita niya ang mga ito, baka matanggap niya ang katotohanan at magkaroon ng makatwirang pagkatao, at mangangahulugan iyon na hindi masyadong sablay ang paghatol ko. Kaya, sinabi ko sa kanya ang kanyang mga problema. Hindi lang niya hindi pinagnilayan ang kanyang sarili, kundi sinabi niyang pinipigilan ko ang iba’t ibang opinyon, na inaapi ko siya. Sa puntong iyon, nakita kong hindi lang hindi maganda ang kanyang pagkatao at hindi matanggap ang katotohanan, kundi tuso siya at ganap na taliwas sa katotohanan ang paraan niya ng pagsasalita. Ang makita ito ay parang isang malakas na sampal sa akin. Napakaraming beses na binigyang-diin ng sambahayan ng Diyos na kahit kailan ay hindi natin pwedeng italaga ang mga importanteng tungkulin sa mga taong hindi maganda ang katauhan, pero kahit ito ay sinalungat ko, napakasimpleng prinsipyo. Gumawa ako ng malaking pagkakamali sa pagpili ng tao na nakakagambala sa buhay ng iglesia. Sumama nang sumama ang loob ko habang lalo ko itong iniisip, at kalaunan ay tinanggal si Brother Wu, ayon sa prinsipyo.

Matapos gawin iyon, sinimulan kong pagnilayan ang tunay na dahilan ng aking kabiguan. Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Karamihan sa mga huwad na lider ay mahihina ang kakayahan, bulag ang mata at puso, at hindi nila nauunawaan ang mga prinsipyo ng katotohanan, na siyang mismong napakalaking problema. May isa pa silang mas malubhang problema, na kapag naunawaan at naging bihasa na sila sa ilang titik at salita ng doktrina at kayang humiyaw ng ilang salawikain, inaakala nila na taglay nila ang realidad ng katotohanan. Kaya anumang gawain ang kanilang ginagawa at sinuman ang pinipili nilang gamitin, hindi sila naghahanap at hindi nila pinag-iisipang mabuti, at hindi sila nakikipagbahaginan sa iba, at lalong hindi nila masusing sinusuri ang mga pagsasaayos ng gawain at ang mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos. Tiwalang-tiwala sila, naniniwala na ang ginagawa nila ay tama, na ang anumang iniisip nila ang dapat gawin, at na anuman ang pinaniniwalaan nila ay tama at tumpak, at lahat ay alinsunod sa mga prinsipyo. Bukod pa riyan, madalas din silang magkamaling maniwala na dahil maraming taon na silang gumagawa, sapat na ang kanilang karanasan sa paglilingkod bilang isang lider sa sambahayan ng Diyos, na alam nila kung paano pinapatakbo at umuunlad ang gawain ng sambahayan ng Diyos; iniisip nila na nauunawaan nila ang lahat ng ito. Sinusukat nila ang gawain ng sambahayan ng Diyos at ginagawa ang gawain ng iglesia sa pamamagitan ng kanilang karanasan, mga imahinasyon, kuru-kuro, at panuntunan, na nagiging sanhi na maging magulo, maligalig, at walang ibinubunga ang gawain ng iglesia habang sila ay nanunungkulan(Pagkilala sa mga Huwad na Lider). Hindi lang bulag sa paningin at puso ang mga huwad na lider, na hindi nakikita ang diwa ng mga tao o nauunawaan ang mga prinsipyo, kundi mas malala pa, hindi nila hinahanap ang katotohanan. Umaasa sila sa kanilang karanasan at mga kuru-kuro para gawin ang gawain ng iglesia, na labis na nagpapagulo sa mga bagay-bagay. Sa mga ikinilos ko, itinalaga si Brother Wu sa posisyong iyon, hindi ako naghanap ng mga prinsipyo sa paggamit ng mga tao sa sambahayan ng Diyos, sa halip ay sinunod ang sarili kong paghatol, iniisip na marami siyang karanasan sa gawain, kaya siguradong bagay siya sa paggawa ng video. Noong binalaan ako ng iba na hindi maganda ang pagkatao niya at dapat akong mag-ingat, at pinayuhan akong gumawa ng ilang paghahanap, ganap ko iyong isinawalang-bahala. Pakiramdam ko’y may mahusay akong kabatiran at pagkakilala, at walang anumang malalaking problema sa pagtatalaga ko dati, kaya siguradong ayos lang ang pagpili ko kay Brother Wu. Ginamit ko ang sarili kong karanasang iyon sa gawain bilang personal na kapital at hindi talaga naghanap ng mga prinsipyo ng katotohanan o mapagpakumbabang tinanggap ang mga mungkahi ng iba at tunay na naghanap, o nagtanong-tanong para lubos na maunawaan kung anong klaseng tao si Brother Wu, kung ang masama ba niyang pag-uugali ay panandaliang katiwalian lang na nagpapakita, o siya ba ay likas na masama. Kung ito’y pansamantalang katiwalian na nagpapakita, o may ilang konteksto rito at nagbago na siya mula noon, sa gano’ng sitwasyon, pwede siyang gamitin. Kung ito’y palagian niyang pag-uugali, at hindi maganda ang pagkatao niya at isa siyang masamang tao, hindi namin siya pwedeng gamitin. Ipapahamak lang ng gano’ng klase ng tao ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Pero hindi talaga ako nagtanong-tanong para maunawaan ang mga bagay-bagay. Gumawa ako ng bulag na paghatol ayon sa sarili kong karanasan at imahinasyon. Ipinakita sa akin ng realidad na isa akong huwad na lider, bulag sa paningin at puso. Hindi ko naunawaan ang katotohanan o mga prinsipyo, at ang mas malala pa, talagang tiwala ako sa sarili at ayaw tanggapin ang mga mungkahi ng iba. Sa kakaunting karanasan sa gawain at kakaunting pagkaunawa sa literal na doktrina, inisip kong alam ko ang mga prinsipyo at kayang gawin ang gawain ng iglesia, pero maling tao ang itinalaga ko, na nagpabagal sa pag-unlad namin at nakaantala sa buhay-iglesia. Talagang umaasta ako bilang alagad ni Satanas, sinasabotahe ang gawain ng iglesia.

Naisip ko ang isang bagay na sinabi ng Diyos sa aking pagninilay-nilay mayamaya: “Kung tunay mong nauunawaan ang katotohanan sa iyong puso, malalaman mo kung paano isagawa ang katotohanan at sundin ang Diyos, at natural na matatahak ang landas ng paghahanap ng katotohanan. Kung tama ang landas na tinatahak mo, at nakaayon ito sa kalooban ng Diyos, hindi ka iiwanan ng gawain ng Banal na Espiritu—kung magkagayon ay mababawasan nang mababawasan ang pagkakataon mong pagtaksilan ang Diyos. Kung wala ang katotohanan, madaling gumawa ng masama, at gagawin mo iyon kahit ayaw mo. Halimbawa, kung mayroon kang mapagmataas at palalo na disposisyon, walang kaibahan kung sabihan kang huwag kalabanin ang Diyos, hindi mo mapigilan ang sarili mo, hindi ito sakop ng kontrol mo. Hindi mo gagawin ito nang sadya; gagawin mo ito dahil nangingibabaw ang iyong likas na pagmamataas at kapalaluan. Dahil sa iyong pagmamataas at kapalaluan, hahamakin mo ang Diyos at hindi mo Siya bibigyan ng halaga; magiging dahilan ang mga ito para dakilain mo ang iyong sarili, palaging ibandera ang iyong sarili; magiging dahilan ang mga ito para hamakin mo ang iba, para wala nang matira sa puso mo kundi ang sarili mo; nanakawan ka nila ng puwang ng Diyos sa puso mo, at sa huli’y magiging sanhi ang mga ito para ilagay mo ang iyong sarili sa puwesto ng Diyos at hingin sa mga tao na magpasakop sila sa iyo, na iginagalang ang iyong mga kaisipan, ideya at kuru-kuro bilang katotohanan. Tingnan mo kung gaano kalaking kasamaan ang ginagawa ng mga tao dahil nangingibabaw ang kanilang likas na pagmamataas at kapalaluan!(“Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Makakagawa ng Pagbabago sa Disposisyon ang Isang Tao” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita kong hindi ako naghanap ng mga prinsipyo ng katotohanan sa aking tungkulin dahil masyado akong mayabang at walang paggalang sa Diyos. Kontrolado ako ng mayabang kong kalikasan at masyadong mataas ang kumpiyansa sa sarili. Pakiramdam ko palagi ay bihasa ako at may maliwanag na pagkaunawa, kaya hindi ko sineseryo ang mga babala ng iba. Ipinipilit ko ang gusto kong gawin. Bilang resulta, maling tao ang naitalaga ko at naantala ang gawain ng iglesia. Itinuring ko ang mga sarili kong opinyon at karanasan na parang katotohanan, iniisip na anumang gusto ko ay gusto ng Diyos, at kung anong naiisip kong akma ay siguradong akma rin sa paningin ng Diyos. Napagkamalan ko pa ngang ang mga opinyon ko ay mga sariling opinyon ng Diyos. Hindi lang ito nagpapakita ng paghamak sa katotohanan, kundi paglapastangan sa Diyos. Namumuhay ako sa kayabangan, pinapalaki ang sarili, ginagawa ang mga bagay sa sarili kong pamamaraan habang sinasabing ginagawa ko ang aking tungkulin. ‘Yon ay talagang paglaban sa Diyos. Alam kong kailangan kong magsisi, kundi, magkakasala ako sa Diyos at maaalis sa huli. Alam ko rin na itinaas ako ng Diyos sa isang pang-lider na posisyon, at ang kalooban Niya ay ang pagtuunan ko ang paghahanap ng katotohanan sa tungkulin na iyon para magkaroon ako ng mga prinsipyo sa aking mga pagkilos. Bawat desisyon sa gawain ay makakaapekto sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, kaya kung hindi ko hahanapin ang katotohanan, sa halip ay aasta nang ayon sa kayabangan at kumpiyansa sa sarili, nagiging di-makatwiran at diktador, anumang oras ay pwede akong makagawa ng isang bagay na makakaantala sa gawain ng iglesia. Sa huli, makakasama ito sa mga interes ng iglesia, at ng mga kapatid. Kaya nagdasal ako sa Diyos at tahimik na nagpasya na tumigil sa paggawa ng aking tungkulin ayon sa aking kayabangan, sa halip ay maghanap ng katotohanan at kumilos nang ayon sa prinsipyo.

Sa aking pagninilay-nilay pagkatapos noon, napagtanto ko ang isa pang bagay na naging dahilan ng aking pagkabigo. Mali ang mga pananaw ko sa mga tao at bagay-bagay. Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “May isang partikular na pananaw na madalas na makita sa mga huwad na lider: Iniisip nilang ang lahat ng may kadalubhasaan, may katayuan, o ang mga nakapaglingkod sa isang opisyal na posisyon ay mga taong may talento, at na ang gayong mga tao ay dapat sanayin at kuhaning tao ng sambahayan ng Diyos sa sandaling maniwala na sila sa Diyos. May partikular silang paggalang at paghanga para sa gayong mga tao, tinatrato pa nga nila silang gaya ng sariling nilang kamag-anak at kapamilya, at kapag ipinakikilala nila sila sa iba, madalas nilang sinasabi kung paanong may hawak na mas mataas na posisyon ang mga taong ito sa isang kumpanya, o na sila ay mga lider sa isang kagawaran ng gobyerno, o sinasabi nila kung aling pahayagan sila naging patnugot, o na sila’y isang direktor sa PSB, o hindi kaya ay sinasabi nila kung gaano kayaman ang mga ito. Mataas talaga ang tingin ng mga huwad na lider sa gayong mga tao. Ano ang masasabi ninyo, may kakayahan ba ang mga huwad na lider? Hindi kaya ang lagay ay huwad ang kanilang espirituwalidad, at hindi nila nakikita ang mga bagay-bagay sa kung ano talaga ang mga ito? Iniisip ng mga huwad na lider na ang mga taong ito ay mga bigating tao sa lipunan, at na kapag naging kaanib sila sa sambahayan ng Diyos, dapat silang sanayin ng sambahayan ng Diyos at bigyan sila ng mahalagang papel na gagampanan. Tama ba ang pananaw na ito? Nakaayon ba ito sa mga prinsipyo ng katotohanan? Kung walang pagmamahal ang mga taong ito para sa katotohanan, at wala silang konsensya o matinong pag-iisip, maaari ba silang sanayin at bigyan ng mahalagang papel sa sambahayan ng Diyos? Hindi sila kwalipikadong sanayin. … Paulit-ulit na binigyang-diin ng pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos na ang mga tao ay dapat itaas ng ranggo at sanayin ayon sa tatlong batayan: Una, dapat may taglay silang pagkatao, konsensya, at katinuan; pangalawa, dapat ay nagmamahal sila sa katotohanan at nagagawa nilang tanggapin ang katotohanan; at pangatlo, dapat ay may partikular silang antas ng kakayahan at may kakayahang magtrabaho. Ang mga taong nakakatugon lamang sa tatlong batayang ito ang maaaring itaas ng ranggo at sanayin, sila lamang ang mga kwalipikadong kandidato(Pagkilala sa mga Huwad na Lider). “Ang mga huwad na lider ay pawang mga taong naniniwala na sa Diyos nang maraming taon at madalas makinig sa mga sermon, kaya bakit hindi nila matukoy ang mga walang pananampalataya? Karagdagang patunay ito na ang mga huwad na lider ay napakahina ng kakayahan, na hindi nila kayang tumanggap ng katotohanan, at na sayang lang ang katotohanan sa kanila. Bulag ang mata at puso nila, medyo wala silang pagkakilala sa iba. Paano sila magiging akmang mga lider o manggagawa sa iglesia? Naniniwala sila na ang mahuhusay magsalita ay mga taong may talento; kapag nakakakita sila ng isang taong marunong kumanta at sumayaw, iniisip nila na siya ay isang taong may talento; kapag nakakakita sila ng isang taong nakasalamin na nakapag-aral sa kolehiyo, iniisip nila na siya ay isang taong may talento; kapag nakakakita sila ng isang taong may katayuan sa lipunan, na mayaman at may negosyo at sangkot sa nakalilinlang na mga gawi, na gumagawa ng kung anong uri ng mahalagang gawain sa lipunan, iniisip ng huwad na lider na siya ay taong may talento, at dapat linangin sa sambahayan ng Diyos. Hindi sila tumitingin sa kalidad ng pagkatao ng mga taong ito o kung may pundasyon ang kanilang paniniwala sa Diyos, at lalong hindi sila tumitingin sa saloobin ng mga taong ito sa pagtrato sa katotohanan at sa Diyos. Tumitingin lang sila sa katayuan sa lipunan at sa pinagmulan ng mga tao. Hindi ba’t kakatwa para sa mga huwad na lider na tingnan ang mga tao at bagay-bagay sa ganitong paraan? Walang ipinagkaiba sa mga hindi mananampalataya ang tingin ng mga huwad na lider sa mga tao at bagay-bagay, ito ang pananaw na mayroon ang mga hindi mananampalataya sa mga bagay-bagay, na nagpapatunay na ang mga huwad na lider ay hindi mga taong nagmamahal at nakauunawa sa katotohanan, at na kulang sila sa anumang kakayahang makita ang pagkakaiba. Hindi ba’t sukdulan silang walang kabuluhan? Talagang bulag sila—bulag na bulag!(Pagkilala sa mga Huwad na Lider). Ibinubunyag ng mga salita ng Diyos ang mga huwad na lider bilang mga bulag at hangal, at hindi magaling sa pagtatalaga ng iba. Makamundong edukasyon, katayuan, at mga propesyunal na kasanayan lang ang tinitingnan nila, iniisip na ang pagkakaroon ng kaalaman at kultura, at pagiging bihasa ay nangangahulugang may talento sila sa sambahayan ng Diyos. Hindi nila tinitingnan ang kanilang pagkatao, kung tinatanggap ba nila ang katotohanan, o hanggang saan nila nauunawaan ang katotohanan. ‘Yon ang pananaw ko noong naghahanap ako ng isang taong gagawa ng mga video, iniisip na ang pagkakaroon ng mataas na pinag-aralan at mga kasanayan ay nangangahulugang kaya niyang gawin nang maayos ang tungkuling iyon. Kaya buong panahon akong nakatuon lang sa pinag-aralan at mga teknikal na kasanayan ng mga kapatid. Nang makita ang antas ng pinag-aralan ni Brother Wu at ang lahat ng kanyang karanasan sa gawain, inakala kong tiyak na makakatulong siya sa ibang nasa video team at kayang gawin ang mga teknikal na kumplikadong gawain. Ni hindi ko man lang isinaalang-alang ang kanyang pagkatao, o kung paano siya umasta sa kanyang tungkulin dati. Kaya hindi lang nagdusa ang gawain habang nandoon siya, kundi naging palahanap siya ng mali at lumikha ng di-pagkakaunawaan sa pagitan ng mga lider at miyembro ng grupo. Talagang nakagambala ito sa buhay-iglesia at gawain ng iglesia. Napagtanto ko kung gaano kakutya-kutya ang pananaw ko sa mga bagay-bagay. Inirerespeto at nililinang ng sambahayan ng Diyos ang mga talento, pero iba ito sa labas na mundo. Hindi ito tungkol sa kung anong antas ng pinag-aralan mayroon ang isang tao, kundi tungkol sa kanyang pagkatao, kung minamahal at hinahanap niya ang katotohanan. Nakita ko na ang ilang kapatid ay naging mahusay sa iba’t ibang larangan sa lipunan, pero ang ilan sa kanila ay hindi maganda ang pagkatao at hindi minamahal ang katotohanan. Hindi nila hinanap ang mga prinsipyo ng katotohanan sa kanilang tungkulin o tinanggap ang katotohanan, sa halip ay ginawa ang anumang gusto nila, umaasta nang ayon sa katiwalian. Hindi nila ginawa nang maayos ang kanilang tungkulin, at lubos ding inantala ang gawain ng iglesia. Mas maraming nawala kaysa nakamit sa kanila, at sa huli ay inalis sila. ‘Yong mga pwedeng manatili at gumawa ng tungkulin ay hindi lang may mga propesyunal na kasanayan, kundi may magandang pagkatao. Ang ilan ay minamahal at tinatanggap din ang katotohanan at praktikal sa kanilang tungkulin. Ginagamit nila ang anumang propesyunal na kasanayan na mayroon sila sa kanilang tungkulin, at maaaring ang ilan sa kanila ay hindi gano’n kagaling, pero nasa tamang lugar ang kanilang puso, at nagsusumikap sila sa kanilang tungkulin. Nakakamit nila ang kaliwanagan at patnubay ng Diyos, at napapabuti ang kanilang gawain. Hindi lang sila gumagaling sa kanilang mga propesyunal na kasanayan, kundi ay mas nagiging maprinsipyo.

Mayamaya ay nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Ginagampanan mo man ang iyong tungkulin, nakikisalamuha ka man sa iba, o humaharap sa ilang partikular na bagay na nangyayari sa iyo, kailangan mong magkaroon ng ugaling naghahanap at sumusunod. Sa ganitong klase ng saloobin, masasabi na mayroon kang pusong may pagpipitagan sa Diyos, at nagagawa mong hanapin at sundin ang katotohanan. Ito ang landas sa pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Kung hindi mo ugaling maghanap at sumunod, at sa halip ay masyado kang palaban, at kumakapit ka sa sarili mo, tinatanggihan at kinasusuklaman ang katotohanan, kung gayon ay likas kang gagawa ng malaking kasamaan. Hindi mo mapipigilan iyon! … Hindi madaling gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin, na bigyang-kasiyahan ang Diyos at magkaroon ng takot sa Diyos at maiwasan ang kasamaan sa kanilang pananampalataya. Subalit ipinaalam lamang sa inyo ang isang prinsipyo ng pagsasagawa: Kung ugali mong maghanap at sumunod kapag may nangyayari sa iyo, poprotektahan ka nito. Ang pangunahing mithiin ay hindi ang maprotektahan ka. Ito ay ang maipaunawa sa iyo ang katotohanan, at makapasok sa realidad ng katotohanan, at matamo ang kaligtasan ng Diyos; ito ang pangunahing mithiin. Kung ganito ang ugali mo sa lahat ng nararanasan mo, hindi mo na madarama na ang pagganap sa iyong tungkulin at pag-abot sa kalooban ng Diyos ay mga hungkag na salita at mga palasak na opinyon; hindi na ito parang napakahirap. Sa halip, bago mo pa matanto, mauunawaan mo na ang ilang katotohanan. Kung patuloy mo itong nararanasan, tiyak na aani ka ng mga gantimpala(Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Itinuro ng mga salita ng Diyos ang isang landas para sa akin. Anuman ang harapin ko, kailangan kong panatilihin ang pagpapasakop at paggalang sa Diyos, at hanapin ang mga prinsipyo ng katotohanan. ‘Yon lang ang paraan para makamit ang patnubay ng Diyos at magawa nang maayos ang aking tungkulin. Kung hindi, malamang na aasta ako ayon sa kayabangan at makakagambala sa gawain. Pagkatapos noon, ako at ang kapareha ko ay nakahanap ng ilan pang pwedeng sumama sa video production batay sa mga prinsipyo ng pagpili ng mga tao. Wala silang teoretikal na kaalaman na katulad ng kay Brother Wu, pero may mas maayos na pag-uugali sila, at talagang nagsumikap silang matutuhan ito sa mapagpakumbabang paraan. Kapag nagkakaroon sila ng mga problema, nagsasama-sama sila para maghanap at magbahagi. Kapag may nagpakita ng katiwalian na nakakaapekto sa kanilang mga pag-unlad, nakakapagnilay-nilay sila at natututo ng leksyon mula rito. Makalipas ang ilang panahon, sa pagtutulungan ng lahat, nagkaroon ng mga tunay na pambihirang tagumpay sa gawain, na may paganda nang pagandang mga resulta. Isa itong magandang sorpresa para sa akin. Tunay kong naranasan na ang paggawa ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos ay hindi lang tungkol sa mga teknikal na kasanayan o kakayahan, kundi higit sa lahat, dapat maging tamang tao sila, maging praktikal, hanapin ang katotohanan at magkaroon ng paggalang sa Diyos. ‘Yon lang ang paraan para makamit ang patnubay ng Banal na Espiritu at matamo ang kahit ano sa isang tungkulin. Nakita ko rin na ang paghahanap sa katotohanan at pagkilos ayon sa prinsipyo ay ang tanging paraan para makaayon ang kalooban ng Diyos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman