Nakasasama sa Iba at sa Iyo ang Paggawa ng Gusto Mo
Nahalal ako bilang isang lider ng iglesia noong Abril 2020, una sa lahat para maging responsable sa gawain ng pagdidilig. Ilang buwan pa na ang nakalipas, napansin ko na hindi palaging dumadalo ang ilang bagong mananampalataya sa mga pagtitipon, huli na kung dumating at maagang umaalis. Ang ilan ay abala sa eskuwela o trabaho at sabi nila ay pupunta sila kapag nagkaoras sila. Hindi pumupunta ang ilan dahil nalihis sila ng mga tsismis at kamalian ng CCP at ng mundo ng relihiyon. Sinubukan naming kausapin sila, pero hindi sumasagot ang ilan sa telepono—parang naglaho na sila. Inisip ko na dahil nasubukan na namin silang kontakin, kung ayaw nilang dumalo sa mga pagtitipon, hindi namin responsibilidad iyon at dapat na lang namin silang pabayaan. Isa pa, nais ng Diyos ang pinakamababait na tao, hindi lang mas maraming tao. Inililigtas Niya ang mga may tunay na pananampalataya at nagmamahal sa katotohanan. Kung wala silang tunay na pananampalataya, anumang pagsisikap namin ay hindi makakatulong. Kaya, hindi ko ipinagdasal, hinanap, o tinalakay ito sa aking lider, at nagpasya na lang akong isuko ang mga baguhang iyon. Sa panahong ito, kinausap ko ang ilan sa kanila, pero ayaw nilang dumalo sa mga pagtitipon, kaya mas lalo kong nasiguro na tama ang naging pasya ko. Kalaunan, napansin ng isang sister na katrabaho ko na maraming bagong mananampalataya akong isinuko sa loob ng dalawang buwang magkasunod at tinanong niya ako kung talaga bang angkop na gawin iyon. Iminungkahi niya na maaari akong makipagbahaginan sa aming lider at matuto ng mga prinsipyo. Naisip ko, “Ganito rin namin pinamahalaan dati ang ganitong uri ng bagay. Sinubukan naman naming kausapin ang mga baguhan, hindi lang namin makontak ang ilan sa kanila ngayon, at ni ayaw pang maniwala ng iba. Hindi ko na kailangang magtanong tungkol sa mga prinsipyo.” Kaya tinanggihan ko ang mungkahi niya. Medyo hindi ako napakali pagkatapos niyon, at inisip ko kung ito ba talaga ang tamang gawin. Pero naisip ko na hindi maaaring maging mali ang nagawa ko dahil inalok namin sila ng suporta, at na hindi namin kasalanan kung hindi sila nagpunta sa mga pagtitipon. Ang mahalaga ay na hindi sila mga tunay na mananampalataya sa Diyos. Kaya hindi ako nagdasal o nagtanong, at bawat buwan ay isinuko ko ang ilang baguhan.
Kalaunan, nalaman ng lider ko na hindi ko sinusunod ang mga prinsipyo sa pagsusuko sa mga baguhan at talagang marahas akong pinungusan, na sinasabing hindi ko alam ang mga prinsipyo at hindi ako nagtanong tungkol sa mga iyon, at na ginawa ko lang ang gusto ko. Sinabi rin niya na ang pagharap sa Diyos ay mahirap para sa bawat isa sa mga baguhan, na ibinubuhos ng ibang mga kapatid ang lahat sa pagsuporta sa kanila, pero walang habas ko lang binalewala ang ilan sa kanila. Binalewala ko sila nang hindi sila binibigyan ng anumang mapagmahal na suporta, at talagang iresponsable iyon. Pagkatapos ay tinanong niya ako, “Bakit hindi dumadalo ang mga baguhan sa mga pagtitipon? Anong uri ng mga haka-haka at isyu ang mayroon sila? Nakipagbahaginan ka na ba para lutasin ang mga iyon? Sinusubukan mo bang mag-isip ng ibang mga paraan para tulungan ang mga baguhan?” Hindi ako nakakibo sa dami ng tanong, at naglaro sa aking isipan na parang pelikula ang sunud-sunod na pagsusuko ko sa mga bagong mananampalataya. Noon ko lang natanto sa wakas na hindi ako kumilos nang responsable sa mga baguhan, na hindi ko talaga sila tinulungan at sinuportahan nang may pagmamahal. Hindi ko nalinawan kung ano ang kanilang mga haka-haka na hindi pa nalulutas o kung bakit hindi sila pumupunta sa mga pagtitipon. Matagal-tagal na silang hindi nakapunta sa mga pagtitipon, kaya inakala ko na ayaw na nilang manalig, at hindi ko sila pinansin. Nakita ko na talagang nabigo ako sa responsibilidad ko sa mga bagong mananampalataya, at sinasalungat ko ang mga prinsipyo sa kaswal na pagpapabaya sa kanila. Talagang wala akong pagkatao! Kaya humarap ako sa Diyos para magdasal, na hinihiling sa Kanya na bigyan ako ng kaliwanagan para maunawaan ko ang Kanyang layunin, at mapagnilayan at makilala ko ang aking sarili.
Pagkatapos niyon, nakita ko ang mga salitang ito mula sa Diyos: “Dapat maging maingat at mapagtimpi kayo at umasa sa pagmamahal sa pakikitungo ninyo sa mga taong nagsisiyasat sa tunay na daan. Ito ay dahil lahat ng nagsisiyasat sa tunay na daan ay walang pananampalataya—maging ang mga relihiyoso sa kanila ay humigit-kumulang mga walang pananampalataya—at lahat sila ay marurupok: Kung sakaling may anumang hindi umaayon sa kanilang mga kuru-kuro, malamang na kontrahin nila iyon, at kung sakaling hindi umaayon ang anumang parirala sa kanilang kagustuhan, malamang na labanan nila iyon. Samakatuwid, ang pagpapalaganap ng ebanghelyo sa kanila ay nangangailangan ng ating pagpaparaya at pagpapasensya. Nangangailangan iyon ng ating matinding pagmamahal, at nangangailangan ng ilang pamamaraan at diskarte. Gayunman, ang mahalaga ay basahan sila ng mga salita ng Diyos, iparating sa kanila ang lahat ng katotohanang ipinapahayag ng Diyos para iligtas ang tao, at iparinig sa kanila ang tinig ng Diyos at ang mga salita ng Lumikha. Sa ganitong paraan, magtatamo sila ng mga pakinabang. Ang pinakamahalagang prinsipyo ng pagpapalaganap sa ebanghelyo ay ang hayaan ang mga nauuhaw sa pagpapakita ng Diyos at nagmamahal sa katotohanan na basahin ang mga salita ng Diyos at marinig ang tinig ng Diyos. Samakatuwid, huwag masyadong talakayin sa kanila ang mga salita ng tao bagkus ay lalo pang basahin sa kanila ang mga salita ng Diyos. Pagkatapos mong magbasa, ibahagi mo ang tungkol sa katotohanan para marinig nila ang tinig ng Diyos at may maunawaan sila tungkol sa katotohanan. Pagkatapos, malamang na magbalik-loob sila sa Diyos. Ang pagpapalaganap sa ebanghelyo ay responsabilidad at obligasyon ng bawat isa at ng lahat. Kahit kanino pa maatang ang obligasyong ito, hindi nila ito dapat iwasan o hindi sila dapat magdahilan o magpalusot para tanggihan ito” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapalaganap sa Ebanghelyo ang Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya). “May mga taong kasisimula pa lang manalig sa Diyos na madalas ay negatibo at mahina. Ito ay dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan, napakababa ng kanilang tayog, at hindi nila nauunawaan ang iba’t ibang katotohanan tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Kaya, naniniwala silang mahina ang kanilang kakayahan, na hindi nila kayang makisabay, na marami silang paghihirap—ito ay nagdudulot ng pagkanegatibo, at nagpapasuko pa nga sa kanila: Nagpapasya silang sumuko, na hindi na hangarin ang katotohanan. Sila ang nagtitiwalag sa mga sarili nila. Ang iniisip nila ay, ‘Ano’t anuman, hindi ako sasang-ayunan ng Diyos sa aking pananalig sa Kanya. Ayaw rin sa akin ng Diyos. At wala akong gaanong panahon para pumunta sa mga pagtitipon. Mahirap ang buhay ng pamilya ko at kailangan kong kumita ng pera,’ at iba pa. Lahat ng ito ay nagiging mga dahilan kung bakit hindi sila nakakapunta sa mga pagtitipon. Kung hindi ka mabilis sa pag-alam kung ano ang nangyayari, malamang ay ipagpapalagay mo na hindi nila mahal ang katotohanan, at na hindi sila taong tunay na nananalig sa Diyos, o kaya naman ay ipagpapalagay mong nagnanasa sila ng mga kaginhawahan ng laman, na naghahangad sila ng mga makamundong bagay at hindi nila mabitiwan ang mga iyon—at dahil dito, iiwanan mo na sila. Tumutugma ba ito sa mga katotohanang prinsipyo? Tunay bang kinakatawan ng mga dahilang ito ang kanilang kalikasang diwa? Sa katunayan, dahil sa kanilang mga paghihirap at mga gusot kung kaya’t nagiging negatibo sila; kung malulutas mo ang mga problemang ito, hindi sila gaanong magiging negatibo, at magagawa nilang sumunod sa Diyos. Kapag sila ay mahina at negatibo, kailangan nila ang suporta ng mga tao. Kung tutulungan mo sila, magagawa nilang tumayong muli sa kanilang mga paa. Ngunit kung babalewalain mo sila, magiging madali para sa kanila na sumuko dahil sa pagiging negatibo. Nakasalalay ito sa kung ang mga taong gumagawa ng gawain ng iglesia ay may pagmamahal, sa kung dinadala nila ang pasaning ito. Ang hindi madalas na pagpunta ng ilang tao sa mga pagtitipon ay hindi nangangahulugan na hindi sila tunay na naniniwala sa Diyos, hindi iyon katumbas ng hindi pagkagusto sa katotohanan, hindi iyon nangangahulugan na nagnanasa sila ng mga kasiyahan ng laman, at hindi nila nagagawang isantabi ang kanilang pamilya at trabaho—lalong hindi sila dapat husgahan na masyadong emosyonal o humaling sa pera. Sadya lamang na sa mga bagay na ito, iba-iba ang mga tayog at hangarin ng mga tao. Ang ilang tao ay minamahal ang katotohanan, at nagagawa nilang hangarin ang katotohanan; handa silang magdusa para maisuko ang mga bagay na ito. Ang ilang tao ay kakatiting ang pananampalataya, at kapag naharap sila sa aktuwal na mga paghihirap ay wala silang magawa, at hindi nila mapagtagumpayan ang mga ito. Kung walang tumutulong o sumusuporta sa kanila, titigil sila sa pagsisikap at susukuan nila ang sarili nila; sa gayong mga panahon, kailangan nila ang suporta, malasakit, at tulong ng mga tao. Maliban na lamang kung sila ay hindi mananampalataya, walang pagmamahal sa katotohanan, at hindi mabuting tao—kung magkagayon ay maaari silang balewalain. Kung sila ay taong tunay na nananalig sa Diyos at hindi sila madalas nakakapunta sa mga pagtitipon dahil sa ilang totoong paghihirap, hindi sila dapat iwanan, kundi bigyan ng tulong at suporta nang may pagmamahal. Kung sila ay mabubuting tao, at may kakayahang makaarok, at may mahusay na kakayahan, lalo na silang mas karapat-dapat na tulungan at suportahan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Talagang hiyang-hiya ako nang pag-isipan ko ang mga salita ng Diyos. Ang Diyos ay nagkatawang-tao sa mga huling araw at pumarito para magsalita at gumawa kasama natin para sa ating kaligtasan. Ang Diyos ay dumanas ng matinding kahihiyan, at nang may napakalaking pasensya inililigtas Niya ang sangkatauhan sa pinakaposibleng paraan. Basta’t naririnig ng isang tao ang tinig ng Diyos at tinatanggap ang katotohanan, ililigtas siya ng Diyos at hindi pababayaan ang sinuman. Bagama’t ang tao ay lumalabag, paulit-ulit na nagpapatawad ang Diyos. Basta’t may kaunting pagsisisi sa iyong puso, bibigyan ka Niya ng pagkakataon. Mula rito ay makikita natin na nag-uumapaw ang awa at pagpaparaya ng Diyos sa mga tao—ang Kanyang pagmamahal sa atin ay tunay na napakadakila. Ang mga baguhan ay parang mga bagong silang na sanggol, na hindi pa nauunawaan ang katotohanan at wala pang pundasyon sa tamang daan. Hinihingi ng Diyos na tratuhin natin ang mga baguhang ito nang may matinding pagmamahal at pagpaparaya. Basta’t mayroon silang mabuting pagkatao at tunay na naniniwala sa Diyos, kahit sila ay mahina, may mga haka-hakang panrelihiyon, o masyadong abala para dumalo sa mga pagtitipon, hindi natin sila maaaring basta-basta paalisin, at siguradong hindi natin sila dapat balewalain nang lubusan. Kung iniisip natin na hindi sila tunay na mga mananampalataya at pinabayaan natin sila dahil hindi sila dumadalo sa mga pagtitipon matapos natin silang suportahan nang ilang beses lang, iresponsable pa rin tayo. Noong bago ako sa pananampalataya, hindi ako regular na dumadalo sa pagtitipon dahil abala ako sa bahay. Talagang naging maunawain ang mga kapatid ko at binabago nila ang oras ng mga patitipon para tumugma sa iskedyul ko, at walang pagod silang nagbahagi sa akin. Ang kanilang tulong at suporta ay ipinakita sa akin ang kahalagahan ng pagsisikap na matamo ang katotohanan, at naramdaman ko ang pagmamahal at pagpaparaya ng Diyos sa akin. Pagkatapos niyon regular na akong nakakadalo sa mga pagtitipon at tumatanggap ng mga tungkulin. Kung inayawan na ako ng aking mga kapatid sa panahong iyon at inisip na hindi ko mahal ang katotohanan at hindi ako mananampalataya, matagal na siguro nila akong isinuko, at wala na ako rito ngayon! Hindi ko talaga isinaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, ni hindi ko inunawa ang mga paghihirap ng mga baguhan. Hindi ako nasiyahan sa kanila, iniisip na masyado silang abala at napakarami nilang haka-haka. Kaya binalewala at isinuko ko sila, dahil ayaw ko nang magpakahirap para tulungan sila. Napakasama ng pagkatao ko, at hindi ako umako ni katiting na responsibilidad para sa mga baguhang ito. Nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, gusto kong magsisi sa Iyo. Handa akong itama ang aking mga pagkakamali sa lalong madaling panahon, at suportahan ang mga baguhang ito nang may pagmamahal.”
Pagkatapos niyon nagsimula akong sumama sa ibang mga kapatid para mag-alok ng suporta sa mga baguhang ito. Nalaman namin ang kanilang mga paghihirap at matiyaga kaming nagbahagi sa kanila, at ang ilan sa kanila ay muling dumalo sa mga pagtitipon. Ang isa sa kanila ay naging masyadong abala sa trabaho kaya mahirap siyang makapunta sa mga pagtitipon, at sabi niya, “Basta’t nananalig ako sa puso ko, hindi ako itatakwil ng Diyos kailanman.” Dati-rati ay naisip ko na nakatuon lang siya sa pagkita ng pera at wala siyang tunay na pananampalataya, pero nang maunawaan ko siya ay nakita ko na hindi siya nakakadalo sa mga pagtitipon dahil itinakda namin ang mga iyon sa mga oras na hindi siya puwede. Kaya, inakma namin ang mga oras ng aming pagtitipon sa oras na puwede siya at ibinahagi namin sa kanya, “Sa mga huling araw, ginagamit ng Diyos ang katotohanan para linisin at iligtas ang sangkatauhan. Ang mga tunay na mananampalataya ay dapat magtipon at magbahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos, iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at baguhin ang kanilang mga disposisyon sa buhay. Iyon lang ang paraan para maligtas ng Diyos at makapasok sa Kanyang kaharian. Kung may pananampalataya tayo pero hindi naman tayo dumadalo sa mga pagtitipon, kung kinikilala lang natin ang Diyos sa mga salita at naniniwala sa ating puso, kung tinatrato natin ang ating paniniwala na parang isang libangan, ginagawa tayo niyang katulad ng mga walang pananampalataya sa mga mata ng Diyos. Kahit naniwala tayo sa Kanya hanggang sa pinakahuli, hindi natin kailanman matatamo ang Kanyang pagsang-ayon.” Sa pamamagitan ng pagbabahagi, natanto ng baguhang ito na mali ang pananaw niya at ginusto nang dumalo sa mga pagtitipon. Napuspos ng pagsisisi ang puso ko nang makita ko ang mga bagong mananampalatayang ito na handa nang dumalo sa mga pagtitipon, nang sunud-sunod. Matagal ko silang binalewala batay sa sarili kong mga ideya. Hindi ko ba sila pinipinsala sa paggawa nito? Nakagawa talaga ako ng malaking kasamaan!
Isang araw, tinanong ako ng aking lider, “Mula nang malipat sa iyo ang gawain ng pagdidilig, ilang baguhan na ang napabayaan mo dahil sa pagiging iresponsable mo? Nang pabayaan mo sila, hinanap mo ba ang mga katotohanang prinsipyo?” Sa panahong iyon, wala akong ideya kung ano ang sasabihin ko sa kanya. Pagkatapos ay pinadalhan niya ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Maraming tao ang sinusunod ang sarili nilang mga ideya anuman ang ginagawa nila, at isinasaalang-alang ang mga bagay-bagay sa napakasimpleng paraan, at hindi rin hinahanap ang katotohanan. Ganap na walang prinsipyo, at hindi nila iniisip sa puso nila kung paano kumilos ayon sa hinihingi ng Diyos, o sa isang paraan na nakalulugod sa Diyos, at ang alam lamang nila ay magmatigas na sundin ang sarili nilang kagustuhan. Walang puwang ang Diyos sa puso ng mga ganoong tao. Sinasabi ng ilang tao, ‘Nagdarasal lang ako sa Diyos kapag nakakaharap ako ng hirap, pero pakiramdam ko ay wala pa ring anumang epekto ito—kaya karaniwan kapag may nangyayari sa akin ngayon hindi ako nagdarasal sa Diyos, dahil walang silbi ang pagdarasal sa Diyos.’ Lubos na wala ang Diyos sa puso ng gayong mga tao. Hindi nila hinahanap ang katotohanan anuman ang kanilang ginagawa sa mga ordinaryong panahon; sinusunod lamang nila ang sarili nilang mga ideya. May mga prinsipyo ba ang kanilang mga kilos? Talagang wala. Ang tingin nila ay simple lang ang lahat. Kahit kapag nagbabahagi sa kanila ang mga tao tungkol sa mga katotohanang prinsipyo, hindi nila matanggap ang mga iyon, dahil kailanman ay hindi nagkaroon ng mga prinsipyo ang kanilang mga kilos, walang puwang ang Diyos sa puso nila, at walang sinuman sa puso nila kundi ang kanilang mga sarili. Pakiramdam nila ay maganda ang kanilang mga layunin, na wala silang ginagawang kasamaan, na hindi maaaring ituring na labag sa katotohanan ang mga iyon, iniisip nila na ang pagkilos ayon sa kanilang sariling mga layunin ay tiyak na pagsasagawa ng katotohanan, na ang pagkilos nang gayon ay pagpapasakop sa Diyos. Sa katunayan, hindi sila tunay na naghahanap o nagdarasal sa Diyos tungkol sa bagay na ito, kundi kumikilos nang hindi pinag-iisipan, nang ayon sa kanilang sariling masugid na mga layunin, hindi nila ginagampanan ang kanilang tungkulin na gaya ng hinihingi ng Diyos, wala silang pusong nagpapasakop sa Diyos, wala silang ganitong hangarin. Ito ang pinakamalaking pagkakamali sa pagsasagawa ng mga tao. Kung naniniwala ka sa Diyos subalit wala Siya sa puso mo, hindi mo ba sinusubukang linlangin ang Diyos? At ano ang maaaring maging epekto ng gayong pananampalataya sa Diyos? Ano ba talaga ang mapapala mo? At ano ang katuturan ng gayong pananampalataya sa Diyos?” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Ibinunyag ng mga salita ng Diyos ang mismong kalagayan at pag-uugali ko. Nang isuko ko ang mga baguhang iyon, hindi ako nagdasal o naghanap ng katotohanan, o tinalakay man lang ito sa aking lider. Pikit-mata akong kumilos ayon sa karanasan, na iniisip ang ilang bagong mananampalatayang nadiligan namin dati na lumiban sa mga pagtitipon nang ilang buwan at kung paano namin sila pinabayaan nang mabigo kaming kontakin sila. Inakala ko na dapat na lang naming gawin ngayon ang dati naming ginawa nang hind na bumalik ang mga baguhan. Naniwala pa ako na nakita ko nang malinaw kung sino sa kanila ang mga tunay na naghahanap ng katotohanan at sino ang hindi mananampalataya, kaya basta ko na lang sila pinabayaan at tinalikuran. Kahit hindi ako mapakali kung minsan, hindi ako naghanap. Nang banggitin iyon ng kapartner ko, hindi ko sineryoso ang kanyang mungkahi at ginawa ko lang ang gusto ko. Tinrato ko ang aking mga ideya na parang mga katotohanang prinsipyo, na iniisip na hindi ako maaaring magkamali. Hindi ba kayabangan at kahambugan iyan? Hindi ko inisip ang ibang mga tao, at wala sa puso ko ang Diyos. Napakatigas ng ulo ko! Hinusgahan ko kung ang mga bagong mananampalataya ba ay may tunay na pananampalataya batay lang sa kung dumalo sila sa mga pagtitipon o hindi, na iniisip na kung hindi sila nagpakita nang matagal-tagal at hindi ko sila makontak, puwede namin silang pabayaan. Sa katunayan, hindi komo hindi dumadalo ang mga baguhan sa mga pagtitipon ay hindi na sila mananampalataya. Ang pagtukoy kung sino ang mga tunay na mananampalataya at kung sino ang mga hindi mananampalataya ay nangangailangan ng isang totoong pag-unawa sa kanilang mga sitwasyon—kailangan silang tratuhin nang magkakaiba. Ang ilan sa mga hindi nagpupunta sa mga pagtitipon ay atubiling sumasama sa mga kapamilya na umaasa na magiging mga mananampalataya sila. Pero ni hindi sila naniniwala na mayroong Diyos, hindi sila nasisiyahang magbasa ng Kanyang mga salita o dumalo sa mga pagtitipon. Ang ilan ay patuloy na naghahangad ng mga makamundong bagay o katanyagan o sumusunod sa masasamang kalakaran at hindi interesado ni katiting sa pagsunod sa Diyos at pagdalo sa mga pagtitipon. Tutol sila at lumalaban sa anumang uri ng pagbabahagi tungkol sa mga salita ng Diyos. Ang mga taong ito ay likas na tutol sa katotohanan, kaya likas na hindi sila mananampalataya. Kung ayaw nilang dumalo sa mga pagtitipon, maaari natin silang ganap na pabayaan. Gayunman, ang ilang baguhan ay may mabuting pagkatao at tunay na pananampalataya sa Diyos, pero hindi nila nauunawaan ang katotohanan o ang kabuluhan ng mga pagtitipon dahil nagsisimula pa lang sila. Iniisip nila na kailangan lang nilang kilalanin ang Diyos sa kanilang puso at na walang ipinagkaiba kung pumunta man sila sa mga pagtitipon o hindi. Kaya hindi nila ito gaanong iniisip at pumupunta lang sila kung gusto nila. At ang ilan ay may mga aktuwal na problema at ayaw pumunta dahil sabay ang oras ng trabaho sa oras ng pagtitipon. Kailangan natin silang bigyan ng mapagmahal na tulong at suporta sa kanilang mga problema, gamitin ang katotohanan para lutasin ang kanilang mga haka-haka at paghihirap at ipaunawa sa kanila ang layunin ng Diyos na iligtas ang tao. Kasabay nito ay dapat nating iakma ang mga oras ng pagtitipon para maging angkop sa kanila. Pero hindi ko tinrato ang mga bagong mananampalataya ayon sa kanilang mga aktwal na sitwasyon o pagkakaroon ng prinsipyo sa aking tungkulin. Hindi ko naunawaan ang katotohanan, sa halip ay nagmatigas akong gawin ang mga bagay sa sarili kong paraan, na tinatrato ang ilang baguhang hindi dumadalo sa mga pagtitipon na parang mga hindi mananampalataya, at walang habas silang isinantabi.
Nakagawa ang Diyos ng maraming gawain nang palihim, nakagawa ng maraming pagsasaayos at nagpakahirap nang husto para sa bawat bagong mananampalataya na tumanggap sa Kanyang gawain sa mga huling araw. Matiyaga at mapagmahal ding ibinahagi ng mga kapatid ang ebanghelyo sa kanila nang maraming beses. Pero ni hindi man lang hinahangad ang mga prinsipyo, kaswal kong binalewala ang ilang baguhan at itinuring silang mga tao na hindi ililigtas ng Diyos. Talagang wala sa katwiran ang kayabangan ko. Hindi nila kasalanan na hindi sila nagpupunta sa mga pagtitipon, kasalanan ko iyon dahil hindi ko alam ang pinagdaraanan nila at hindi ko sila tinutulungan at sinusuportahan na tulad ng nararapat. Ginagamit ko pa nga ang pahayag na “Gusto ng Diyos ang pinakamababait na tao, hindi lang mas maraming tao” bilang isang dahilan para isuko ang mga baguhan. Pero ang ibig sabihin talaga niyon ay na kailangan sa kaharian ng Diyos ang mga taong may tunay na pananampalataya at nagmamahal sa katotohanan, at na hindi ililigtas ng Diyos ang mga hindi mananampalataya, masasamang tao at anticristo. Pero hinusgahan ko ang lahat ng bagong mananampalatayang iyon na hindi dumalo sa mga pagtitipon bilang mga taong hindi ililigtas ng Diyos. Mali ang pagkaunawa ko sa mga salita ng Diyos. Hindi ako nagbigay ng anumang aktuwal na pagbabahagi o tulong sa kanila, o nagpakahirap na tuparin ang aking mga responsibilidad. Hindi ko rin naunawaan kung talaga bang may pakialam sila sa katotohanan o wala, o kung sila ay tunay na hindi mananampalataya, pikit-mata ko lang silang binalewala at pinabayaan batay sa sarili kong mga ideya. Kung hindi ako pinungusan ng aking lider, hindi ko alam ilan pang mga baguhan ang nasaktan ko. Nakita ko kung gaano naging kasuklam-suklam ang pag-uugali ko. Hindi ko alam ang mga katotohanang prinsipyo at hindi ko hinanap ang mga iyon, sa halip ay kumilos lang ako ayon sa aking satanikong disposisyon. Paglabag ang mga iyon! Alam ko na kung hindi ako nagsisi at nagbago, tiyak na itataboy ako ng Diyos.
Bilang isang lider ng iglesia, ang layunin ng Diyos para sa akin ay diligan at suportahan ang mga kapatid na ito na baguhan sa pananampalataya, tulungan silang lutasin ang kanilang mga haka-haka at problema upang matuto sila tungkol sa Kanyang gawain at mas tumatag sa tamang daan sa lalong madaling panahon. Pero ginawa ko ang anumang gusto ko at walang ingat akong gumawa ng masasamang gawa. Bukod sa bulag kong tinatahak ang sarili kong landas, inililigaw ko rin ang iba. Bilang resulta, basta-basta ring pinabayaan ng aking mga kapatidang mga bagong mananampalataya. Masama ang ginagawa ko. Nakikita kung gaano kaseryoso ang mga kahihinatnan nito, hindi ko napigilang matakot at magalit sa sarili ko. Bakit hindi ako nagdasal sa Diyos o naghanap ng mga katotohanang prinsipyo sa oras na iyon? Bakit hindi ko kinausap ang lider ko, bagkus ay kaswal ko lang isinuko ang mga hindi pumupunta sa mga pagtitipon? Ano ang nagtulak sa akin na kumilos nang gayon kapangahas? Nagdasal ako sa Diyos at pagkatapos ay binasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kung tunay mong nauunawaan ang katotohanan sa iyong puso, malalaman mo kung paano isagawa ang katotohanan at magpasakop sa Diyos, at natural na matatahak ang landas ng paghahanap ng katotohanan. Kung tama ang landas na tinatahak mo, at nakaayon ito sa mga layunin ng Diyos, hindi ka iiwanan ng gawain ng Banal na Espiritu—kung magkagayon ay mababawasan nang mababawasan ang pagkakataon mong pagtaksilan ang Diyos. Kung wala ang katotohanan, madaling gumawa ng masama, at gagawin mo iyon kahit ayaw mo. Halimbawa, kung mayroon kang mapagmataas at palalo na disposisyon, walang kaibahan kung sabihan kang huwag kalabanin ang Diyos, hindi mo mapigilan ang sarili mo, hindi ito sakop ng kontrol mo. Hindi mo gagawin ito nang sadya; gagawin mo ito dahil nangingibabaw ang iyong likas na pagmamataas at kapalaluan. Dahil sa iyong pagmamataas at kapalaluan, hahamakin mo ang Diyos at hindi mo Siya bibigyan ng halaga; magiging dahilan ang mga ito para dakilain mo ang iyong sarili, palaging ibandera ang iyong sarili; magiging dahilan ang mga ito para hamakin mo ang iba, para wala nang matira sa puso mo kundi ang sarili mo; nanakawin ng mga ito ang puwang ng Diyos sa puso mo, at sa huli ay magiging sanhi ang mga ito para ilagay mo ang iyong sarili sa puwesto ng Diyos at hingin sa mga tao na magpasakop sila sa iyo, at magiging dahilan para igalang mo ang sarili mong mga kaisipan, ideya at kuru-kuro bilang katotohanan. Napakaraming kasamaan ang ginagawa ng mga tao dahil nangingibabaw ang kanilang mapagmataas at palalong kalikasan!” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Matatamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Kanyang Disposisyon). Ilang beses ko nang nabasa ang mga salitang ito, pero naantig lang ako talaga nito nang ikumpara ko ang mga ito sa karanasang ito. Hindi pa ako nagtatagal sa pagsisilbi bilang isang lider ng iglesia at wala akong anumang katotohanang realidad. Maraming katotohanang prinsipyo na hindi ko naunawaan, pero talagang naging mataas pa rin ang tingin ko sa sarili ko, na para bang naunawaan ko ang lahat. Sa mga bagong mananampalataya, itinuring ko lang ang lahat ng hindi nakikitipon bilang mga hindi mananampalataya, sa halip na tratuhin sila sa ibang paraan ayon sa kanilang mga aktwal na sitwasyon. Masyado akong naging mapagmagaling kaya hindi ako nagdasal, naghanap o nakipag-usap sa lider ko, o nakinig man lang sa payo ng kapartner ko. Napakayabang ko! Sa katunayan, maraming katotohanang prinsipyo tungkol sa kung paano tratuhin ang mga bagong mananampalataya, tulad ng mga prinsipyo ng pagtulong sa mga tao nang may pagmamahal, mga prinsipyo ng pagtrato sa mga tao nang patas, at mayroon ding mga katotohanan tungkol sa paglutas ng mga haka-haka ng mga baguhan, at iba pa. Kung nagkaroon ako ng kahit katiting na may-takot-sa-Diyos na puso at hindi ako naging masyadong mayabang at mapagmagaling, kung isinaalang-alang ko talaga ang mga prinsipyong ito, hindi sana ako naging sutil kailanman at nakagambala sa ating gawain. Natanto ko na ang pamumuhay ayon sa aking mayabang na disposisyon ay nangangahulugan na hindi ko mapigilang gumawa ng masama at labanan ang Diyos. Kinamuhian ko talaga ang sarili ko, at naramdaman ko na nararapat talaga akong isumpa ng Diyos. Sumumpa ako na kailangan kong hanapin ang katotohanan para malutas aking mayabang na disposisyon.
Pagkatapos niyon, nabasa ko ang dalawang sipi ng salita ng Diyos: “Sa kanilang gawain, kailangang bigyang-pansin ng mga lider at manggagawa ng iglesia ang dalawang prinsipyo: Ang isa ay ang gawing ganap ang kanilang gawain ayon sa mga prinsipyong nakasaad sa mga pagsasaayos ng gawain, nang hindi kailanman nilalabag ang mga prinsipyong iyon at hindi ibinabatay ang kanilang gawain sa anumang maaari nilang mailarawan sa isip o sa alinman sa mga sarili nilang pag-iisip. Sa lahat ng ginagawa nila, dapat silang magpakita ng malasakit sa gawain ng iglesia, at laging unahin ang kapakanan ng sambahayan ng Diyos. Isang bagay pa—at ito ang pinakamahalaga—iyon ay sa lahat ng bagay, dapat silang magtuon sa pagsunod sa patnubay ng Banal na Espiritu at gawin ang lahat nang mahigpit na sinusunod ang mga salita ng Diyos. Kung nakakaya pa rin nilang salungatin ang patnubay ng Banal na Espiritu, o kung sutil pa rin nilang sinusunod ang sarili nilang mga ideya at ginagawa ang mga bagay-bagay ayon sa sarili nilang imahinasyon, ang mga kilos nila ang bubuo sa pinakamatinding paglaban sa Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). “Paano mo ba dapat pagnilayan ang iyong sarili, at subukang kilalanin ang iyong sarili, kapag may nagawa kang isang bagay na lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo at hindi nakalulugod sa Diyos? Nang gagawin mo na ang bagay na iyon, nanalangin ka ba sa Kanya? Kahit kailan ba ay inisip mong, ‘Naaayon ba sa katotohanan ang paggawa sa mga bagay na ito sa ganitong paraan? Paano titingnan ng Diyos ang bagay na ito kung iniharap ito sa Kanya? Masisiyahan ba Siya o maiinis kung malaman Niya ang tungkol dito? Kamumuhian o kasusuklaman ba Niya ito?’ Hindi mo hinanap iyon, hindi ba? Kahit pinaalalahanan ka ng iba, iisipin mo pa rin na ang usapin ay hindi malaking bagay, at na hindi iyon labag sa anumang mga prinsipyo at hindi iyon kasalanan. Dahil dito, nalabag mo ang disposisyon ng Diyos at ginalit mo Siya, hanggang sa puntong kamumuhian ka Niya. Ito ay dulot ng pagrerebelde ng mga tao. Samakatuwid, dapat mong hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay. Ito ang dapat mong sundin. Kung taimtim kang makakalapit sa Diyos para manalangin muna, at pagkatapos ay hanapin ang katotohanan ayon sa mga salita ng Diyos, hindi ka magkakamali. Maaaring mayroon kang ilang paglihis sa iyong pagsasagawa ng katotohanan, ngunit mahirap itong maiwasan, at magagawa mong magsagawa nang wasto matapos kang magtamo ng kaunting karanasan. Gayunman, kung alam mo kung paano kumilos alinsunod sa katotohanan, subalit hindi mo ito isinasagawa, ang problema ay ang pag-ayaw mo sa katotohanan. Ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay hinding-hindi ito hahanapin, anuman ang mangyari sa kanila. Tanging ang mga nagmamahal sa katotohanan ang may-takot-sa-Diyos na puso, at kapag may mga nangyayaring bagay-bagay na hindi nila nauunawaan, nagagawa nilang hanapin ang katotohanan. Kung hindi mo maarok ang mga layunin ng Diyos at hindi mo alam kung paano magsagawa, dapat kang makipagbahaginan sa ilang taong nakakaunawa sa katotohanan. Kung hindi mo mahanap yaong mga nakauunawa sa katotohanan, dapat kang humanap ng ilang tao na may dalisay na pagkaunawa na makakasama mong manalangin sa Diyos nang may iisang isipan at iisang puso, maghanap sa Diyos, maghintay sa takdang oras ng Diyos, at hintaying magbukas ng daan ang Diyos para sa iyo. Basta’t nananabik kayong lahat sa katotohanan, naghahanap ng katotohanan, at sama-samang nagbabahaginan tungkol sa katotohanan, maaaring dumating ang oras na makakaisip ng magandang solusyon ang isa sa inyo. Kung sa tingin ninyong lahat ay angkop at magandang paraan ang solusyon, maaaring dahil ito sa kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu. Pagkatapos kung magpapatuloy kayo na sama-samang magbahaginan para makaisip ng isang mas tumpak na landas ng pagsasagawa, tiyak na aayon iyon sa mga katotohanang prinsipyo. Sa iyong pagsasagawa, kung matuklasan mo na hindi pa rin gaanong angkop ang paraan ng iyong pagsasagawa, kailangan mong itama iyon kaagad. Kung magkamali ka nang kaunti, hindi ka kokondenahin ng Diyos, dahil tama ang mga layunin mo sa iyong ginagawa, at nagsasagawa ka ayon sa katotohanan. Medyo nalilito ka lang tungkol sa mga prinsipyo at nakagawa ng pagkakamali sa iyong pagsasagawa, na maaaring mapatawad. Ngunit kapag gumagawa ng mga bagay-bagay ang karamihan sa mga tao, ginagawa nila ang mga iyon batay sa kung paano nila naiisip na dapat gawin ang mga iyon. Hindi nila ginagamit ang mga salita ng Diyos bilang batayan ng pagninilay-nilay kung paano magsagawa ayon sa katotohanan o paano matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos. Sa halip, iniisip lang nila kung paano sila makikinabang, paano sila titingalain ng iba, at paano sila hahangaan ng iba. Ginagawa nila ang mga bagay-bagay na ganap na nakabatay sa kanilang sariling mga ideya at para lang mabigyang-kasiyahan ang kanilang sarili, na kaligaligalig. Hinding-hindi gagawin ng gayong mga tao ang mga bagay-bagay alinsunod sa katotohanan, at palagi silang kinasusuklaman ng Diyos. Kung talagang ikaw ay isang taong may konsensya at katwiran, anuman ang mangyari, dapat lumalapit ka sa Diyos para manalangin at maghanap, magawang seryosong suriin ang mga motibo at karumihan sa iyong mga kilos, magawang tukuyin kung ano ang tamang gawin ayon sa mga salita at hinihingi ng Diyos, at paulit-ulit na timbangin at pagnilayan kung anong mga kilos ang nakasisiya sa Diyos, anong mga kilos ang nakasusuklam sa Diyos, at anong mga kilos ang nagkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos. Dapat mong pag-aralan nang paulit-ulit ang mga bagay na ito sa iyong isipan hanggang sa malinaw mong maunawaan ang mga ito. Kung alam mo na mayroon kang sariling mga motibo sa paggawa ng isang bagay, dapat mong pagnilayan kung ano ang iyong mga motibo, kung iyon ba ay para mapalugod ang sarili mo o mapalugod ang Diyos, kung kapaki-pakinabang ba iyon sa sarili mo o sa hinirang na mga tao ng Diyos, at kung ano ang mga kahihinatnan nito…. Kung mas maghahanap ka at magninilay nang ganito sa iyong mga panalangin, at magtatanong sa sarili mo ng mas maraming tanong para hanapin ang katotohanan, liliit nang liliit ang mga paglihis sa iyong mga kilos. Tanging ang mga kayang maghanap ng katotohanan sa ganitong paraan ang mga taong nagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos at may takot sa Diyos, dahil naghahanap ka alinsunod sa mga hinihingi ng mga salita ng Diyos at nang may pusong nagpapasakop, at ang mga konklusyon na naaabot mo sa paghahanap sa ganitong paraan ay aayon sa mga katotohanang prinsipyo” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Ang mga salita ng Diyos ay nagbigay sa akin ng isang landas ng pagsasagawa. Ang mga lider at manggagawa ay kailangang magtrabaho nang mahigpit alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo at mga pagsasayos ng sambahayan ng Diyos, at laging sundin ang patnubay ng Banal na Espiritu. Kailangan din nating magdasal at maghanap nang madalas sa ating mga tungkulin, at magpanatili ng may-takot-sa-Diyos na puso. Hindi natin dapat sundin kailanman ang sarili nating mga ideya at karanasan, o ang ating mga imahinasyon at haka-haka, na ginagawa lang kung ano ang gusto natin. Lalong hindi tayo dapat maniwala nang pikit-mata sa ating sarili—kailangan nating hanapin ang mga katotohanang prinsipyo. Kapag mayroon tayong hindi nauunawaan, kailangan nating maghanap at makipagbahaginan sa ating mga kapatid para magkaroon tayo ng matibay na pagkaunawa sa mga prinsipyo bago kumilos. Ganyan natin kailangang gawin ang ating tungkulin para matugunan ang layunin ng Diyos. Talagang tinuruan ako ng leksyon ng karanasang ito. Kung hindi isinaayos ng Diyos ang mga bagay at tinulutan ang aking lider na pungusan ako, hindi ko pa rin mauunawaan kung gaano kaseryoso ang mga kahihinatnan ng pagtatrabaho batay sa sarili kong mga ideya. Sinabi ko sa sarili ko na mula sa sandaling iyon, kailangan kong hanapin ang katotohanan at gawin ang aking tungkulin ayon sa mga prinsipyo. Kalaunan, dalawang bagong miyembro ang tumigil sa pagpunta sa mga pagtitipon, at hindi ako nangahas na sundin ang aking mayabang na disposisyon at basta-bastang nagpalagay at nagpabaya sa kanila. Matapos makipag-usap para maunawaan, matulungan at masuportahan ang isa sa kanila nang maraming beses at makipagbahaginan sa aming lider tungkol sa kanyang sitwasyon, natiyak namin sa huli na hindi siya mananampalataya at pinabayaan namin siya. Pero ang isa naman ay isang sister na wala pang dalawang taong nananalig sa Diyos, mahilig magbasa ng mga salita ng Diyos at ginawa ang lahat ng kaya niya sa kanyang tungkulin. Gayunman, nang mabasa niya ang mga salita ng Diyos tungkol sa paghatol at paglalantad sa katiwalian ng mga tao, ikinumpara niya ang kanyang sarili sa mga ito at nalaman niya na masyado siyang tiwali. Ipinasiya niya na wala na siyang pag-asa, at sinimulan niyang sukuan ang kanyang sarili. Nakipagbahaginan kami ng iba pang mga miyembro sa kanya tungkol sa mga salita ng Diyos para makita niya na ang pagliligtas ng Diyos ay para sa buong sangkatauhan, na labis na nagawang tiwali ni Satanas. Ibinahagi namin na nauunawaan ng Diyos ang ating mga paghihirap, kahinaan at mga pangangailangan, at na basta’t hindi tayo sumusuko sa ating pagsisikap na matamo ang katotohanan, hindi tayo agad pababayaan ng Diyos, dahil lagi Niyang sinisikap na iligtas ang mga tao hangga’t maaari. Napaluha ang sister na iyon, at nadama niya ang pagmamahal ng Diyos. Ilang beses namin siyang tinulungan at sinuportahan, at ngayon ay regular na ulit siyang nakikipagtipon.
Talagang ipinakita sa akin ng karanasang ito ang mabubuting layunin at kamangha-manghang pagmamahal ng Diyos sa Kanyang pagliligtas sa tiwaling sangkatauhan. Kasabay nito, sa pamamagitan ng paghatol at paghahayag ng mga salita ng Diyos, nagtamo ako ng kaunting pag-unawa sa aking mayabang na disposisyon at nakita ko ang pinsala at mga kinahinatnan ng paggawa ng aking tungkulin sa sarili kong paraan. Sa wakas ay nagkaroon ako ng kaunting may-takot-sa-Diyos na puso. Ngayon ay nagagawa ko na ang aking tungkulin ayon sa mga prinsipyo, at nakamtan ito sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Salamat sa Diyos!
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.