Ang mga Ibubunga ng Pagsandig sa Iba sa Isang Tungkulin

Marso 15, 2025

Ni Bai Xue, Italya

Noong Nobyembre 2021, isinaayos ng lider na makapareha ko si Sister Sandra sa paggawa ng mga larawan para sa mga video. Noong una, gumugol ako ng maraming oras sa pagbabasa ng mga nauugnay na prinsipyo at materyal para mahasa ang aking mga teknikal na kasanayan. Pero nakita ko na mahirap gawin ang mga larawang ito at hindi ko pa ito nagawa noon. Pakiramdam ko ay mahirap talaga ang trabahong ito, at kailangan ko ng aktuwal na pagsasanay para unti-unting matuto. Kaya basta na lang akong nagdidisenyo nang hindi isinasaisip ang mga prinsipyo, at palaging may natutukoy na mga problema si Sandra sa mga larawan ko. Nang maharap dito, hindi ko sinuri ang mga pagkakamali ko o pinag-isipang mabuti ang mga pagkukulang ko. Nilimitahan ko lang ang sarili ko, iniisip na, “Wala akong kakayahan at hindi mahusay sa mga ganitong uri ng larawan. Matagal-tagal na akong nagsasanay pero palagi pa rin akong nagkakaproblema. Mukhang hindi na ako makakaalis sa ganitong antas.” Kinainggitan at hinangaan ko rin si Sandra. Pakiramdam ko ay dahil matagal na siyang gumagawa ng mga larawan, mas magaling siya sa akin sa lahat ng aspeto, malinaw na mas lamang siya sa akin, at mas dapat akong umasa sa kanya sa hinaharap. Mula noon, talagang umasa ako sa kanya sa aking mga disenyo, at sa ilang parte na hindi ko maiguhit nang maayos, ipinapasa ko na lang ito sa kanya para matapos na. Minsan, kapag natatapos ko ang isang draft, hindi ko na masyadong iniisip kung naaayon ba ito sa mga prinsipyo at humihingi na lang ako ng mga mungkahi sa sister ko. Minsan, nakikita ko na may mga problema sa mga larawan ko, pero ayaw kong mas gumugol pa ng lakas, kaya ipinapasa ko na lang ang mga ito kay Sandra. Inisip ko na malaking abala lang na maglaan ng oras para ayusin ito at na may limitasyon ang kasanayan ko, kaya dapat hintayin ko na lang na ayusin at pagandahin ito ni Sandra dahil mas magaling siya rito. Sa tuwing nakikita kong inaayos ni Sandra ang isa sa mga larawan ko, tuwang-tuwa ako, iniisip na napakagandang makapareha ang isang sister na katulad nito, at na nakakatipid ako ng maraming oras at lakas dahil dito.

Kalaunan, kinailangan ng mas maraming larawan, kaya para maging mas epektibo, iminungkahi ni Sandra na idisenyo namin ang mga ito nang magkasama. Pero habang gumuguhit, wala sa isip ko na husayan ang trabaho. Pasibo talaga ako. Pakiramdam ko ay hindi ako magaling sa ganitong uri ng larawan, at na mas magiging maganda ang gawa ni Sandra, kaya dapat mas makinig ako sa kanya. Kaya naman kadalasan, ginagawa ko lang ang mga larawan ayon sa sinasabi ni Sandra, at minsan kapag abala siya, naghihintay ako para makapagtrabaho kami nang sabay. Minsan sinusubukan kong isipin ang pinakamabilis na paraan para makabisado ang mga prinsipyo, mahasa ang aking mga kasanayan, at i-draft ang mga larawan nang mag-isa. Pero pagkatapos ay naiisip ko na medyo mahihirapan ako rito, at tutal, dahil nandoon naman si Sandra at napakagaling niya rito, dapat hayaan ko na lang siyang mas gampanan ang papel na ito. Hindi na kailangang mag-alala pa ako nang husto. At kaya patuloy lang akong umasa kay Sandra sa tungkulin ko. Makalipas ang ilang buwan, nakita ng lider na hindi ako gaanong umusad, kaya iwinasto niya ako dahil sa kawalan ng pagkukusa at sa palagiang paghingi ng tulong kay Sandra, na nakakaapekto sa gawain niya. Nakakabalisa talaga na marinig na sabihin ito ng lider. Isinaayos niya na makapareha ko si Sandara unang-una para matutunan ko ang mga bagay-bagay nang mas mabilis hangga’t maaari at pagkatapos ay makakagawa ako ng mga disenyo nang mag-isa. Pero palagi akong umaasa kay Sandra at hindi nakatuon. Matagal na akong nagsasanay pero napakaliit ng pag-usad ko. Bakit ko tinrato nang ganoon ang tungkulin ko? Nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan ako para maunawaan ang aking problema.

Isang sister ang nagbahagi sa akin ng dalawang sipi ng salita ng Diyos: “Madalas, hindi kayo makasagot kapag tinanong kayo tungkol sa mga isyu sa gawain. Ang ilan sa inyo ay nasangkot sa gawain, subalit hindi ninyo kailanman tinanong kung kumusta ang gawain o pinag-isipan nang mabuti ang tungkol dito. Dahil sa inyong kakayahan at kaalaman, dapat may alam kayo, sapagkat kayong lahat ay naging kabahagi sa gawaing ito. Kaya bakit walang sinasabi ang karamihan sa mga tao? Posibleng hindi talaga ninyo alam ang sasabihin—na hindi ninyo alam kung maayos ba ang takbo ng mga bagay-bagay o hindi. May dalawang dahilan para dito: Una ay lubos kayong walang pakialam, at hindi kayo kailanman nagkaroon ng malasakit sa mga bagay na ito, at itinuring lamang ang mga ito bilang gawaing dapat tapusin. At ang isa pa ay iresponsable kayo at ayaw ninyong magmalasakit sa ganitong mga bagay. Kung tunay kang nagmalasakit, at talagang nakisangkot, magkakaroon ka ng pananaw at perspektibo sa lahat ng bagay. Ang kawalan ng perspektibo o pananaw ay kadalasang bunga ng kawalan ng pakialam at kawalang-bahala, at ng hindi pag-ako ng anumang responsibilidad. Hindi ka matiyaga sa tungkuling ginagawa mo, hindi ka humahawak ng anumang responsibilidad, hindi ka handang magbayad ng halaga o makisangkot, ni ayaw mong mahirapan, o hindi handang gumugol ng anumang mas maraming enerhiya; nais mo lamang maging tauhan, na walang ipinagkaiba sa isang hindi mananampalataya na nagtatrabaho para sa kanyang amo. Ang gayong paggawa ng tungkulin ay hindi gusto ng Diyos at hindi nakakalugod sa Kanya. Hindi nito makakamit ang Kanyang pagsang-ayon(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagiging Matapat Lamang Makakapamuhay ang Isang Tao Bilang Isang Tunay na Tao). “Kapag gumaganap ng tungkulin, laging pinipili ng mga tao ang magaan na trabaho, na hindi sila mapapagod, na hindi nila kailangang suungin ang pabagu-bagong panahon sa labas. Pagpili sa madadaling trabaho at pag-iwas sa mahihirap ang tawag dito, at pagpapamalas ito ng pagnanasa sa mga kaginhawahan ng laman. Ano pa? (Palaging pagrereklamo kapag ang kanilang tungkulin ay medyo mahirap, medyo nakakapagod, kapag may kaakibat itong pagbabayad ng halaga.) (Pagkahumaling sa pagkain at pananamit, at sa mga kalayawan ng laman.) Mga pagpapamalas lahat ito ng pagnanasa sa mga kaginhawahan ng laman. Kapag nakikita ng gayong tao na masyadong matrabaho o delikado ang isang gampanin, ipinapasa niya ito sa iba; magaan na trabaho lang ang mismong ginagawa niya, at nagdadahilan kung bakit hindi niya kayang gawin ang isang ito, sinasabing mahina ang kakayahan niya at wala siya ng mga pangunahing kasanayang kailangan, na ito ay masyadong mahirap para sa kanya—pero ang totoo, ito ay dahil nagnanasa siya ng mga kaginhawahan ng laman. … Angkop bang gumanap ng tungkulin ang mga taong nagnanasa ng mga kaginhawahan ng katawan? Banggitin mo ang tungkol sa pagtupad ng kanilang tungkulin, pag-usapan ang tungkol sa pagbabayad ng halaga at pagdanas ng paghihirap, at iling sila nang iling: Magkakaroon sila ng napakaraming problema, ang dami nilang mga reklamo, negatibo sila tungkol sa lahat ng bagay. Walang silbi ang gayong mga tao, wala silang karapatang gampanan ang kanilang tungkulin at dapat silang palayasin(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa). Sa pagninilay-nilay sa salita ng Diyos, nakita ko na sa mga buwang ito na gumagawa ako ng tungkulin, wala akong naging pag-usad, karaniwan ay dahil masyado akong tamad, at walang pagkukusa at pagkaresponsable. Kapag nahaharap ako sa mga kawalang-katiyakan sa gawain ko, hindi ko pinapakalma ang sarili ko at naghahanap ng mga prinsipyo. Pakiramdam ko ay malaking abala na pag-isipan pa ang mga ito, kaya ipinaubaya ko na lang ang mga ito kay Sandra. Kapag marami siyang iminumungkahi tungkol sa natatapos kong gawain, hindi ko pinagninilayan ang mga ito, o kinikilala ang mga pagkukulang ko, kundi nagdadahilan lang ako na wala akong kakayahan at hindi magaling dito, at ipinapasa ang mahihirap na parte para gawin ng sister ko. May ilang parte pa nga na nakikita kong may mga problema, pero hindi ako nag-aabalang ayusin ang mga ito. Sa halip, iniraraos ko lang ang gawain, nagpapakatamad, at nagpapakatuso, hinahayaan si Sandra na ayusin ang mga bagay-bagay. Pakiramdam ko ay hindi ako naaabala sa paggawa nito at mas nagiging epektibo ako, magkasabay kong nakakamtan ang dalawang layunin. Sa pagturing sa sarili ko bilang hindi angkop at walang kakayahan, nakontento na akong maging tagasunod. Sa tingin ko, dahil wala akong kakayahan at mas magaling sa akin si Sandra, natural lang na mas marami siyang ginagawa, kaya hinayaan ko siya. Gumagawa ako sa abot ng aking makakaya, at sa anumang sitwasyon, hindi naman ako nakatunganga lang. Nananabik ako sa kaginhawaan ng katawan at nagiging masama at tuso. Naisip ko ang mga hindi mananampalataya na nagtatrabaho sa mundo sa labas, walang pakialam sa kanilang konsensya o pagkatao o hindi isinasaalang-alang kung paano magbayad ng halaga at gawin nang maayos ang kanilang trabaho, pinapagaan at pinapadali lang ang mga bagay-bagay hangga’t kaya nila, nanlilinlang sa bawat pagkakataon, hindi kailanman umaako ng responsibilidad. Ito ang saloobin ko sa tungkulin ko—kulang sa sipag at responsibilidad, palaging ginagamit ang karanasan ng iba bilang dahilan para maghanap ng ginhawa at hindi magbayad ng halaga sa aking tungkulin. Palagi kong ipinapasa ang mga paghihirap sa iba at pagkatapos ay nagtatago na sa likod, nagpapakarelaks lang. Talagang makasarili ako at mapanlinlang. Dahil palagi kong inaasam ang kaginhawahan at walang pagkukusa, walang pag-usad sa mga kasanayan ko o wala akong nagampanang anumang totoong papel. Talagang hindi ako karapat-dapat sa trabaho. Pakiramdam ko ay talagang binigo ko ang Diyos. Ayaw kong patuloy na gawin ang tungkulin ko nang ganoon.

Nabasa ko ang marami pang salita ng Diyos kalaunan. “Anumang gawain ang ginagawa ng ilang tao o anumang tungkulin ang ginagampanan nila, hindi nila kayang magtagumpay roon, napakabigat niyon para sa kanila, hindi nila kayang tuparin ang anuman sa mga obligasyon o responsibilidad na nararapat tuparin ng mga tao. Hindi ba basura sila? Karapat-dapat pa rin ba silang tawaging mga tao? Maliban sa mga utu-uto, may kapansanan sa pag-iisip, at may mga pisikal na kapansanan, mayroon bang nabubuhay na hindi nararapat gampanan ang kanilang mga tungkulin at tuparin ang kanilang mga responsibilidad? Ngunit ang ganitong uri ng tao ay palaging nakikipagsabwatan at nandaraya, at ayaw tuparin ang kanilang mga responsibilidad; ang implikasyon ay na ayaw nilang umasal na tulad ng isang mabuting tao. Binigyan sila ng Diyos ng kakayahan at mga kaloob, binigyan Niya sila ng oportunidad na maging tao, subalit hindi nila magamit ang mga ito sa pagganap sa kanilang tungkulin. Wala silang ginagawa, ngunit nais nilang tamasahin ang lahat. Angkop bang tawaging tao ang gayong tao? Anumang gawain ang ibigay sa kanila—mahalaga man iyon o pangkaraniwan, mahirap o simple—lagi silang walang ingat at pabasta-basta, laging tamad at tuso. Kapag nagkakaroon ng mga problema, sinisikap nilang ipasa ang kanilang responsibilidad sa ibang mga tao; ayaw nilang managot, na ninanais na patuloy na mabuhay na parang mga linta. Hindi ba mga walang-silbing basura sila? Sa lipunan, sino ang hindi umaasa sa kanilang sarili para mabuhay? Kapag lumaki na ang isang tao, kailangan na niyang tustusan ang kanyang sarili. Natupad na ng kanyang mga magulang ang kanilang responsibilidad. Kahit handa ang kanyang mga magulang na suportahan siya, maaasiwa siya roon, at dapat magawa niyang kilalanin na, ‘Natapos na ng aking mga magulang ang trabaho nilang magpalaki ng mga anak. Nasa hustong gulang na ako, at malusog ang katawan ko—dapat magawa kong mamuhay nang hindi umaasa sa iba.’ Hindi ba ito ang pinakamababang pag-unawa na nararapat taglayin ng isang taong nasa hustong gulang? Kung talagang matino ang isang tao, hindi niya kakayaning patuloy na samantalahin ang kabaitan ng kanyang mga magulang; matatakot siya na pagtawanan ng iba, na mapahiya. Kaya, matino ba ang isang taong tatamad-tamad lamang? (Hindi.) Lagi niyang gustong makuha ang isang bagay nang walang kapalit, ayaw niyang managot kailanman, naghahanap siya ng libreng tanghalian, gusto niyang makakain nang tatlong beses sa isang araw—at pagsilbihan siya ng iba, at maging masarap ang pagkain—nang wala siyang ginagawang anuman. Hindi ba ganito ang pag-iisip ng isang parang linta? At may konsiyensya ba at katinuan ang mga taong parang linta? Mayroon ba silang dignidad at integridad? Talagang wala; lahat sila ay mga walang silbi na nakaasa sa iba, lahat ay mga hayop na walang konsiyensya o katwiran. Walang sinuman sa kanila ang angkop na manatili sa sambahayan ng Diyos(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa). “Ang mga taong tamad ay walang anumang nagagawa. Sa madaling salita, basura sila, nawalan ng silbi dahil sa katamaran. Gaano man kahusay ang kakayahan ng mga taong tamad, paimbabaw lamang iyon; walang silbi ang kanilang mahusay na kakayahan. Ito ay dahil napakatamad nila, alam nila ang dapat nilang gawin, ngunit hindi nila iyon ginagawa; kahit alam nila na may problema, hindi nila hinahanap ang katotohanan para lutasin ito; alam nila kung anong mga paghihirap ang dapat nilang danasin para maging epektibo ang gawain, ngunit ayaw nilang tiisin ang gayon kahalagahang pagdurusa. Dahil dito, hindi sila nagkakamit ng anumang mga katotohanan, at hindi sila gumagawa ng anumang tunay na gawain. Ayaw nilang tiisin ang mga paghihirap na dapat tinitiis ng mga tao; ang alam lamang nila ay kasibaan sa kaginhawahan, kasiyahan ng laman, pagtatamasa ng mga panahon ng kagalakan at paglilibang, pagtatamasa ng malaya at panatag na buhay. Hindi ba wala silang silbi? Ang mga taong hindi kayang tiisin ang paghihirap ay hindi nararapat mabuhay. Sinuman ang laging nagnanais na mabuhay na parang linta ay isang taong walang konsiyensya o katwiran; isa siyang hayop, na ang uri ay ni hindi angkop na gumawa ng serbisyo. Dahil hindi niya kayang tiisin ang paghihirap, ang serbisyo na kanyang ginagawa ay walang kuwenta, at kung nais niyang makamit ang katotohanan, mas lalong wala siyang pag-asang makamit iyon. Ang isang taong hindi kayang magdusa at hindi nagmamahal sa katotohanan ay isang basura, ni hindi nga kuwalipikadong gumawa ng serbisyo. Isa siyang hayop, na wala ni katiting na pagkatao. Wala nang ibang aayon pa sa kalooban ng Diyos kundi ang palayasin ang gayong mga tao(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa). Mula sa salita ng Diyos, naunawaan ko na sa mga mata ng Diyos, yaong laging nananabik sa kaginhawahan, mga hindi handang magbayad ng halaga, hindi tinatapos nang maayos ang gawaing itinalaga sa kanila, at hindi tinutupad ang kanilang mga responsibilidad, ay lubos na mga walang silbi. Ang mga taong ito ay walang pagkukusa at laging tinatamasa ang mga bunga ng pagtatrabaho ng iba. Sila ay mga mapagsamantalang linta sa iglesia at mapapalayas sila. Paulit-ulit kong iniisip kung ano ang ibig sabihin ng Diyos sa “linta” at “basura.” Naisip ko ang mga taong nasa mundo sa labas na nasa hustong gulang na pero humihingi pa rin sa kanilang mga magulang. Paglaki nila, hindi sila naghahanap ng trabaho at tinatamasa lang ang tulong ng kanilang mga magulang, namumuhay nang umaasa sa mga limos, hindi alam kung paano maghanapbuhay. Wala silang normal na katwiran ng tao. Ang mga taong ito ay mga linta. Nakita ko na walang ipinagkaiba ang pag-uugali ko sa mga iresponsable at tamad na lintang ito. Isinaayos ng iglesia na gumawa ako ng mga larawan, at responsibilidad ko ito. Kahit mahirap ang trabaho, dapat masipag kong pinag-aralan na balikatin ito sa lalong madaling panahon. Pero naramdaman kong mahirap gawin ang mga larawang iyon at ayaw kong gumugol ng lakas sa pag-iisip sa mga ito. Pinangangatwiranan ko ang aking katamaran, iniisip na makakabisado ko ang mga prinsipyo sa paglipas ng panahon, at kapag lumilitaw ang mga problema, hindi ko sinusuri ang mga paglihis o hinahanap ang mga prinsipyo. At nang makita ko kung gaano kasanay si Sandra, talagang hindi ko pinahalagahan ang suporta niya, ipinapasa ang mahihirap na bagay sa kanya, at naghihintay lang na umani ng mga pakinabang. Kahit magkatrabaho kami, umaasa pa rin ako sa kanya. Nakikinig lang ako kay Sandra at hindi talaga nag-iisip. Wala akong pagpapahalaga sa responsibilidad sa tungkulin ko at umaasa lang sa iba. Hindi ako nagsisikap at gusto ko lang tamasahin ang mga bunga ng pagsisikap ng iba. Wala akong kwentang tao, isang mapagsamantalang linta sa loob ng iglesia. Talagang kinasusuklaman ako ng Diyos! Kapag natapos na ng sister ko ang sarili niyang gawain, gumugugol naman siya ng oras para tulungan ako sa gawain ko, na nakaantala sa tungkulin niya. Mas lalong sumama ang pakiramdam ko at mas nakonsensya ako. Nagawa kong maging sobrang tamad dahil naimpluwensiyahan ako ng mga satanikong paniniwala tulad ng “Kailangan mong maging mabait sa iyong sarili at matutong mahalin ang iyong sarili,” “Sumandal sa mga puno at tamasahin ang lilim,” at “Ang hindi umasa sa suporta kapag maaari mong gawin ay kahangalan.” Dahil sa mga satanikong ideyang ito, pinakinggan ko lang ang laman at mas lalong naging masama, baluktot, at pasibo. Gusto kong umani nang hindi nagtatrabaho at kapag medyo mahirap ang tungkulin ko, ayaw kong mag-isip o magbayad ng halaga. Nang makita kong mas mahusay ang kapareha ko kaysa sa akin, ipinasa ko lang ang mahihirap na bagay sa kanya, hinahayaan siyang pasanin ang trabaho. Inakala ko na kahangalan ang hindi umasa sa magagamit na suporta. Talagang tuso ako at manloloko! Bagamat hindi ako napapagod sa paggawa ng tungkulin ko sa ganitong paraan, hindi ako kailanman umusad sa gawain ko sa larawan. Kung wala akong gaanong gagampanan na papel sa loob ng mahabang panahon, mapapalayas ako sa malao’t madali. Talagang nalungkot ako nang maisip ito. Nagdasal ako sa Diyos: “Diyos ko, inaasam ko ang kaginhawahan at wala akong pagkukusa sa tungkulin ko. Gusto ko pong magsisi ngayon at tanggapin ang Iyong pagsisiyasat. Kung muli kong susundin ang laman, pakiusap ituwid at disiplinahin Mo po ako.”

Naisip ko ang ilang araw na nakalipas, nang matukoy ni Sandra ang ilang problema sa ilan sa mga larawan ko, ipinapaliwanag ang mga partikular na detalye. Alam kong naipaliwanag na niya sa akin ang ganitong uri ng problema dati, pero sa kabila niyon, nakalimutan ko pa rin. Labis akong nagsisisi. Sa tuwing hindi ko maintindihan nang tama ang isang bagay, matiyagang nagbabahagi sa akin si Sandra. Kung nagsikap ako nang kahit kaunti na isaisip at itala ang mga bagay-bagay, hindi sana patuloy na lilitaw ang mga parehong problema. Pero hindi ko kailanman binigyang-pansin ang paggamit ng mga prinsipyo, umaasa lang sa iba. Kahit gaano karami ang sinabi ng iba, wala akong naunawaan dito, kaya hindi ko pa rin nakabisado ang mga pangunahing prinsipyo. Sa isiping ito, sumulat ako ng isang dokumento, inililista ang mga problema at prinsipyo na kailangan kong pagtuunan kapag nagdidisenyo ng mga larawan, para kapag muli akong naharap sa mga kawalang-katiyakan, malulutas ko ang mga ito nang mag-isa. Kapag lumilitaw ang mga problema, maagap kong itinatala at sinusuri ang mga ito. Unti-unti akong umusad sa gawain ko sa larawan.

Kalaunan, nagnilay-nilay ako sa sarili ko. Bukod sa katamaran, ano pang mga isyu ang humahadlang sa akin sa tungkulin ko? Sa aking pagninilay-nilay, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos “At ano ang pinaniniwalaan ng mga tao na pinagbabatayan ng kanilang pagiging lubhang kwalipikado? Sa kung ilang taon na nilang nagagampanan ang isang partikular na tungkulin, sa kung gaano karaming karanasan na ang kanilang natamo, hindi ba? At dahil sa ganitong sitwasyon, hindi ba kayo unti-unting magsisimulang mag-isip ayon sa tagal ng panunungkulan? Halimbawa, maraming taon nang naniwala sa Diyos ang isang partikular na brother at matagal na siyang nakaganap sa tungkulin, kaya siya ang pinaka-kwalipikadong magsalita tungkol sa tungkuling ito; may isang partikular na sister na hindi pa gaanong matagal dito, at bagama’t maliit ang kanyang kakayahan, wala siyang karanasan sa pagganap sa tungkuling ito, at hindi pa natatagalan ang paniniwala niya sa Diyos, kaya siya ang pinakamababa ang kwalipikasyon para magsalita. Ang taong pinaka-kwalipikadong magsalita ay iniisip sa kanyang sarili na, ‘Dahil mas matagal na ako sa tungkulin, ibig sabihin niyan ay nakaabot na sa pamantayan ang pagganap ko sa aking tungkulin, at nakarating na sa tugatog ang aking paghahangad, at wala na akong sapat pagsumikapan o pasukin pa. Nagampanan ko nang maayos ang tungkuling ito, humigit-kumulang ay nakumpleto ko na ang gawaing ito, dapat ay nasiyahan na ang Diyos.’ At sa ganitong paraan nagsisimula silang makampante. Nagpapahiwatig ba ito na nakapasok na sila sa realidad ng katotohanan? … Kung anong hinahangad talaga ng mga tao at ang daan na tinatahak nila, tinatanggap man nila talaga ang katotohanan o tinatalikuran ito, nagpapasakop man sila sa Diyos o lumalaban sa Kanya—palaging sinusuri ng Diyos ang lahat ng bagay na ito. Bawat iglesia at bawat indibiduwal ay minamasdan ng Diyos. Gaano man karaming tao ang gumaganap ng isang tungkulin o sumusunod sa Diyos sa isang iglesia, sa sandaling lumayo sila sa mga salita ng Diyos, sa sandaling mawala sa kanila ang gawain ng Banal na Espiritu, hindi na nila mararanasan ang gawain ng Diyos, at sa gayon sila—at ang tungkuling ginagampanan nila—ay wala nang koneksyon at wala nang bahagi sa gawain ng Diyos, sa kasong ito ay naging isang relihiyosong grupo na ang iglesiang ito. Sabihin mo sa Akin, ano ang mga kahihinatnan kapag naging relihiyosong grupo ang isang iglesia? Hindi ba ninyo masasabi na nasa malaking panganib ang mga taong ito? Hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan kapag nahaharap sa mga problema at hindi sila kumikilos alinsunod sa mga prinsipyo ng katotohanan, bagkus ay nasa ilalim ng mga pagsasaayos at mga manipulasyon ng mga tao. Marami pa nga ang hindi kailanman nananalangin o naghahanap ng mga prinsipyo ng katotohanan habang ginagampanan ang kanilang tungkulin; nagtatanong lang sila sa iba at ginagawa ang sinasabi ng iba, kumikilos ayon sa mga hudyat ng iba. Anuman ang ipagawa sa kanila ng mga tao, iyon ang ginagawa nila. Pakiramdam nila, ang pagdarasal sa Diyos tungkol sa kanilang mga problema at paghahanap ng katotohanan ay malabo at mahirap, kaya naghahanap sila ng isang simple at madaling solusyon. Iniisip nila na ang pag-asa sa iba at paggawa sa sinasabi ng iba ay madali at napakapraktikal, kaya nga ginagawa na lamang nila ang sinasabi ng ibang mga tao, nagtatanong sila sa iba at ginagawa ang sinasabi ng mga ito sa lahat ng bagay. Bunga nito, kahit matapos ang maraming taon ng pananampalataya, kapag sila ay naharap sa isang problema, ni minsan ay hindi sila humaharap sa Diyos, nananalangin at hinahanap ang Kanyang kalooban at ang katotohanan, at pagkatapos ay nagtatamo ng pag-unawa sa katotohanan, at gumagawa at kumikilos alinsunod sa kalooban ng Diyos—hindi pa sila kailanman nagkaroon ng ganoong uri ng karanasan. Ang gayong mga tao ba ay talagang nagsasagawa ng pananampalataya sa Diyos?(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging sa Pagkakaroon ng Takot sa Diyos Makatatahak ang Isang Tao sa Landas ng Kaligtasan). Sa pag-iisip sa salita ng Diyos at pagninilay-nilay sa sarili ko, napagtanto ko na sa loob-loob ko ay pinanghahawakan ko ang isang pananaw ng paggalang sa mga nakatataas. Itinuturing ko ang mga kaloob, kakayahan, at karanasan sa trabaho bilang puhunan para magawa nang maayos ng isang tao ang tungkulin, at inakala na ang pagkakaroon ng mga ito ay nagbibigay-boses sa isang tao sa tungkuling iyon. Kaya nang makita ko kung gaano na katagal gumagawa ng mga larawan si Sandra, kung gaano siya kasanay at kahusay, nainggit at humanga ako sa kanya. Kapag may mga bagay na hindi ko magawa, hindi ako nagdarasal at umaasa sa Diyos o naghahanap at nag-iisip ng mga prinsipyo. Ipinapasa ko kay Sandra ang mga bagay na hindi ako magaling, palaging umaasa sa kanya. Ginagawa ko lang ang anumang sabihin niya. Napagtanto ko na hindi lamang sa gawaing ito ako umaasa sa iba. Sa tuwing nakakasalubong ko ang isang taong may mas maraming kaloob, kakayahan, abilidad, o karanasan sa gawain kaysa sa akin, buong-puso ko siyang sinasamba at hinahangaan, at madalas na inaasahan siya, hanggang sa puntong wala nang puwang ang Diyos sa puso ko at hindi ako kailanman umaasa sa Diyos o kailanman ay hindi ko hinanap ang katotohanan para lutasin ang mga problemang kinakaharap ko. Bilang resulta, hindi ako umusad at walang mga resulta sa tungkulin ko. Kinasusuklaman ako ng Diyos at hindi ko makamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Gaya ng sinasabi sa Bibliya, “ Sumpain ang tao na nagtitiwala sa tao, at ginagawang laman ang kanyang bisig, at ang puso ay humihiwalay mula kay Jehova(Jeremias 17:5). Sa katunayan, sa ating pananampalataya, dapat nating tingalain ang Diyos bilang dakila. Ang umasa at bumaling sa Diyos sa lahat ng bagay ay ang pinakadakilang karunungan. Anuman ang kakayahan, mga kaloob, mga abilidad, karanasan sa gawain, o ilan mang mga taon ng pananampalataya mayroon ang isang tao, hindi nangangahulugan ang mga ito na taglay niya ang katotohanan. Walang nilikha ang mas dakila o mas mababa kaysa iba. Sa pamamagitan lamang ng pag-asa at pagbaling sa Diyos at ng higit pang paghahanap sa mga prinsipyo ng katotohanan natin makakamit ang patnubay ng Diyos at magagawa nang maayos ang ating mga tungkulin.

Kalaunan, nabasa ko ang dalawa pang sipi ng salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng landas para magawa nang maayos ang tungkulin ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ipagpalagay nang binigyan ka ng iglesia ng gagawing trabaho, at sinabi mong, ‘Isang pagkakataon man ang trabahong ito na mamukod-tangi o hindi—dahil ibinigay sa akin ito, gagawin ko ito nang maayos. Tatanggapin ko ang responsabilidad na ito. Kung itatalaga ako sa pagsalubong sa mga panauhin, gagawin ko ang lahat para magawa nang maayos ang gawaing iyon; aasikasuhin ko nang husto ang mga kapatid, at gagawin ko ang makakaya ko para mapanatili ang kaligtasan ng lahat. Kung itatalaga ako na magpalaganap ng ebanghelyo, sasangkapan ko ang sarili ko ng katotohanan at mapagmahal kong ipapalaganap ang ebanghelyo at gagampanan nang mabuti ang tungkulin ko. Kung aatasan akong mag-aral ng isang wikang banyaga, masigasig kong pag-aaralan iyon at pagsusumikapan ko iyon, at aaralin ko iyon nang husto sa lalong madaling panahon, sa loob ng isa o dalawang taon, upang makapagpatotoo ako sa Diyos sa mga dayuhan. Kung hihilingin sa akin na magsulat ng mga artikulo ng patotoo, maingat kong sasanayin ang sarili ko na gawin iyon at tingnan ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan; pag-aaralan ko ang wika, at bagama’t maaaring hindi ako makasulat ng mga artikulong may magandang prosa, kahit paano ay magagawa kong maiparating nang malinaw ang aking mga karanasan at patotoo , komprehensibong magbahagi tungkol sa katotohanan, at magbigay ng tunay na patotoo para sa Diyos, nang sa gayon kapag binasa ng mga tao ang aking mga artikulo, sisigla sila at makikinabang. Anumang trabaho ang iatas sa akin ng iglesia, tatanggapin ko iyon nang buong puso at lakas. Kung mayroon akong hindi maunawaan o magkaroon ng problema, mananalangin ako sa Diyos, hahanapin ang katotohanan, uunawain ko ang mga prinsipyo ng katotohanan, at gagawin ko nang maayos ang bagay na iyon. Anuman ang tungkulin ko, gagamitin ko ang lahat ng mayroon ako para magampanan iyon nang maayos at mapalugod ko ang Diyos. Dahil anuman ang aking makamit, gagawin ko ang makakaya ko para akuin ang lahat ng responsabilidad na dapat kong pasanin, at kahit paano, hindi ako sasalungat sa konsiyensya at katwiran ko, o magiging pabaya at pabasta-basta, o magiging tuso at batugan, o tatamasahin ang mga bunga ng pagsisikap ng iba. Wala akong gagawin na hindi aabot sa mga pamantayan ng konsiyensya.’ Ito ang pinakamababang pamantayan ng asal ng tao, at ang taong gumaganap sa kanyang tungkulin sa gayong paraan ay maaaring maituring na isang taong matapat at makatwiran. Dapat kahit papaano ay malinis ang konsiyensya mo sa pagganap sa iyong tungkulin, at dapat kahit papaano ay madama mong karapat-dapat ka sa kinakain mo tatlong beses sa isang araw at hindi mo hinihingi ang mga iyon. Ang tawag dito ay pagpapahalaga sa responsabilidad. Mataas man o mababa ang iyong kakayahan, at nauunawaan mo man ang katotohanan o hindi, dapat mong taglayin ang saloobing ito: ‘Dahil ipinagagawa sa akin ang gawaing ito, dapat ko itong seryosohin; dapat kong alalahanin ito at gawin ito nang maayos, nang buong puso at lakas ko. Tungkol sa kung magagawa ko ba ito nang napakaayos, hindi ko maaaring ipagpalagay na garantisado iyon, ngunit ang saloobin ko ay na gagawin ko ang makakaya ko para matiyak na magawa iyon nang maayos, at tiyak na hindi ako magpapabaya at magpapabasta-basta tungkol dito. Kung magkaroon ng problema, dapat kong tanggapin ang responsabilidad, at tiyakin na matuto ako ng aral mula rito at gampanan nang maayos ang aking tungkulin.’ Ito ang tamang saloobin(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa). “Anumang tungkulin ang iyong ginagampanan, kailangan mong maging mapagbigay-pansin, at isaisip ang kalooban ng Diyos. Sa pag-iisip na ito lamang maaaring magampanan nang maayos ang isang tungkulin. Anumang paghihirap ang dumating, umasa sa Diyos, manalangin sa Diyos, at hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga ito. Kung makagawa ng mga pagkakamali, ituwid kaagad ang mga ito, matuto ng aral, at iwasang magawang muli ang pagkakamaling ito. Yaong mga gumaganap ng kanilang tungkulin nang may tamang pag-iisip ay may konsiyensiya at responsable—anumang mahalagang tungkulin ang kanilang ginagawa, hindi sila magsasanhi ng mga pagkaantala sa kanilang gawain(Pagbabahagi ng Diyos). Mula sa salita ng Diyos, nakita ko na ang gawaing isinasaayos ng iglesia para sa atin ay ang tungkuling dapat nating gampanan, at isa itong responsibilidad. Ang tunay na responsableng tao ay kayang masipag na gawin ang kanyang tungkulin, isinasaalang-alang niya ang kalooban ng Diyos. Anuman ang kanilang kakayahan, mga kaloob, antas ng kasanayan, ang mga suliraning kinakaharap nila, o kung ano ang kailangan nilang pagdusahan, nagagawa ng mga taong ito na umasa sa Diyos para talagang makapagbayad ng halaga, malampasan ang mga paghihirap, at maibuhos ang lahat ng mayroon sila sa kanilang tungkulin. Gaya ni Noe, na naharap sa maraming paghihirap sa paggawa ng arka. Hindi lang niya kinailangang ihanda ang lahat ng uri ng materyales at tipunin ang maraming nilikha, namuhay rin siya sa panahon na walang maunlad na industriya, kaya kinailangan niyang umasa sa sarili niyang kalakasan sa bawat aspeto ng gawain. Kinailangan niyang dumaan sa maraming kabiguan at ulitin ang kanyang mga gawa, dagdag pa ang pagkahapo ng katawan, at marami pang iba. Pero hindi kailanman sinunod ni Noe ang kanyang laman, hindi siya nanloko o nagpakatuso, lalong hindi niya ipinasa ang atas ng Diyos sa iba. Sa halip, isinaisip niya ang atas ng Diyos sa lahat ng oras at umasa sa Diyos para malampasan ang iba’t ibang krisis. Pagkaraan ng 120 taon, naitayo niya ang arka at natapos ang atas ng Diyos. Naantig at napahiya ako sa pagsunod at katapatan ni Noe sa atas ng Diyos. Isinilang ako sa mga huling araw at narinig ko ang napakaraming salita ng Diyos at marami nang sinabi ang Diyos tungkol sa mga katotohanan ng paggawa ng isang tungkulin. Hindi kasinghirap ng paggawa ng arka ni Noe ang gawain ko, pero nagiging manloloko at tuso pa rin ako. Wala talaga akong pagkatao. Nakahanap ako ng isang landas ng pagsasagawa sa loob ng salita ng Diyos. Sa tuwing nahihirapan ako, hindi ako pwedeng umasa lang kay Sandra. Kailangan kong magdasal sa Diyos at hanapin ang mga nauugnay na prinsipyo para mapangasiwaan ang mga ito. Kapag isinasapuso ko ang gawain, patuloy na gumaganda ang mga larawang ginagawa ko. Minsan halos wala nang anumang mungkahi si Sandra. Nakita ko na nagawa ko talagang gampanan ang isang papel, at hindi kasinghirap ng inaakala ko ang gawain. Noon, hindi ako nag-aabalang isaalang-alang ang mga prinsipyo, at sinusunod ko lang ang laman at umaasa sa iba, hindi kailanman nauunawaan ang mga prinsipyo.

Isang beses, lumapit sa akin ang isang sister at sinabi sa akin na apurahang kailangan ang isang larawan. Naisip ko: “Mukhang mahirap ang larawang ito at kailangan itong magawa kaagad, baka hindi ko ito magawa nang maayos. Dapat ipagawa ko na lang ito kay Sandra.” Noong gusto ko na siyang puntahan, napagtanto ko na gusto ko na namang sundin ang laman at ipasa ang gawain, kaya dali-dali akong nagdasal sa Diyos at kinalma ang sarili ko para maingat na isaalang-alang ang mga prinsipyo. Sa gulat ko, mabilis ko itong natapos at hindi naantala ang gawain. Hindi ko iniwasan ang tungkulin ko dahil mahirap ito, at nakaramdam ako ng labis na ginhawa sa puso ko!

Sa pamamagitan ng karanasang ito, nalaman ko na anuman ang gampanin, hindi ito magagawa sa pamamagitan lamang ng pagtitiwala sa kakayahan, mga kaloob, o karanasan. Ang pinakamahalaga ay ang paghahangad sa katotohanan at mga prinsipyo. Kapag nahaharap ka sa mga suliranin, kung maiiwasan mong makinig sa laman at magnasa ng kaginhawahan at sa halip ay umasa sa Diyos at hanapin ang katotohanan para malampasan ang mga ito at matupad ang iyong mga responsibilidad, makakamit mo ang patnubay ng Diyos at magagawa mo nang maayos ang tungkulin mo! Naunawaan ko rin na dahil lang sa binibigyan ako ng Diyos ng kapareha, hindi ito nangangahulugan na dapat akong umasa sa kanya. Sa halip, dapat nating tulungan ang bawat isa at punan ang mga pagkukulang ng bawat isa. Dahil binigyan ng Diyos ang bawat isa sa atin ng iba’t ibang kaloob, abilidad, at kakayahan, kailangan nating magtulungan nang may iisang puso at isipan at ialay ang ating sarili para tuparin ang ating mga responsibilidad!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Aking Pinili

Ni Baiyun, Tsina Noong Marso 2012, ibinahagi ng mama ko sa akin ang ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Sinimulan ko...

Liitan ang Font Size
Lakihan ang Font Size
Pumasok sa Full Screen
Lumabas sa Full Screen