Mga Pagninilay Pagkatapos Matanggal sa Tungkulin
Noong Abril 2021, nagdidilig ako ng mga bagong mananampalataya sa iglesia. Nang una kong gawin ang tungkuling ito, mayroon akong pagpapahalaga sa pasanin at pinagtuunan kong pagsikapan ang mga prinsipyo. Sa tuwing nakakaharap ako ng mga problemang hindi ko nauunawaan, nananalangin ako at naghahanap, madalas na akong nakikipagbahaginan sa mga kapatid. Unti-unti, naarok ko ang ilan sa mga prinsipyo at nagsimula nang magbunga ang gawain ko. Pagkaraan ng ilang buwan, habang dumarami ang mga taong naghahanap at nagsisiyasat sa tunay na daan, marami ang tumanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw. Upang madiligan sa lalong madaling panahon ang mga bagong mananampalatayang ito, ipinangasiwa sa akin ng lider ang tatlo pang grupo ng mga ito. Nang makita ko na dumami pa ang mga bagong mananampalataya, nagdalawang-isip ako, inisip ko, “Marami na akong inaalala sa mga grupo ng bagong mananampalataya na dinidiligan ko ngayon, na may maraming kuru-kuro, problema, at suliraning kailangang lutasin. Minsan kailangan ng paulit-ulit na pagbabahaginan upang magtamo ng resulta sa kanila. Ngayon na dumami pa ang mga mananampalataya, kakailanganin ng maraming oras at pagsisikap upang madiligan silang lahat nang maayos para magkaroon sila ng matibay na pundasyon sa tunay na daan. Napakahirap nito. Paano kakayanin ng katawan ko kung magpapatuloy nang ganito? Hindi na nga maayos ang kalusugan ko! Kapag magkakasakit ako sa sobrang pagod, talagang magiging problema iyon para sa akin.” Alam ko na matagal nang nagdidilig ng mga bagong mananampalataya ang superbisor at may malalim siyang pagkaarok sa mga prinsipyo ng gawaing ito, kaya sinabi ko sa sarili ko, “Sa hinaharap, para sa mas mahihirap na problema, dapat ipalutas ko na lang sa superbisor ang mga iyon. Sa ganitong paraan, hindi ko na kailangan pang magsikap upang maghanap ng mga salita ng Diyos at makipagbahaginan tungkol sa mga ito sa mga bagong mananampalataya. Hindi lamang mabilis na malulutas ang mga problema nila, kundi makakapagpahinga pa ako at makakatipid ng oras at lakas. Hindi ba’t ito ang pinakamainam na gawin?” Kaya mula noon, sa tuwing nagdidilig ako sa mga bagong mananampalataya at nakakaranas ako ng mga hirap o problemang hindi ko matukoy nang malinaw, hindi ko hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, bagkus, direkta kong ipinapasa sa superbisor ang mga problema at hinihiling ko na siya na ang makipagbahaginan at lumutas ng mga iyon.
Sa isang pagtitipon, inilantad ako ng superbisor, “Ano ba ang nangyayari sa iyo nitong mga nakaraang araw? Hindi ka masigasig sa tungkulin mo. Sa tuwing mahaharap sa problema o paghihirap ang isang bagong mananampalataya, hindi mo hinahanap ang katotohanan para lutasin ito, kundi ipinapasa mo sa akin ang pakikipagbahaginan tungkol dito. Sa ganitong paraan, maaaring hindi ka pisikal na mahirapan, pero makakamit mo ba ang katotohanan? Kung gagawin mo ang tungkulin mo nang walang pagpapahalaga sa pasanin, at patuloy mong hahangarin ang mga kaginhawahan ng laman, madaling mawawala sa iyo ang gawain ng Banal na Espiritu, at sa malao’t madali, mabubunyag at ititiwalag ka. Dapat mong maingat na pagnilayan ang sarili mo!” Pagkarinig ko sa mga salita ng superbisor, nalungkot ako at nakaramdam ng pagsisisi, napagtanto ko na talagang mapanganib ang magpatuloy sa ganitong paraan. Kaya nanalangin ako sa Diyos, hinihiling na gabayan Niya ako upang pagnilayan ko at higit kong maunawaan ang sarili ko.
Isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Anumang gawain ang ginagawa ng ilang tao o anumang tungkulin ang ginagampanan nila, hindi nila kayang magtagumpay roon, hindi nila ito kayang pasanin, hindi nila kayang tuparin ang anuman sa mga obligasyon o responsabilidad na nararapat tuparin ng mga tao. Hindi ba basura sila? Karapat-dapat pa rin ba silang tawaging tao? Maliban sa mga utu-uto, may kapansanan sa pag-iisip, at may mga pisikal na kapansanan, mayroon bang nabubuhay na hindi nararapat gawin ang kanilang mga tungkulin at tuparin ang kanilang mga responsabilidad? Ngunit ang ganitong uri ng tao ay palaging tuso at nagpapakatamad, at ayaw tuparin ang kanilang mga responsabilidad; ang implikasyon ay na ayaw nilang umasal nang maayos. Binigyan sila ng Diyos ng oportunidad na maging tao, at binigyan Niya sila ng kakayahan at mga kaloob, subalit hindi nila magamit ang mga ito sa paggawa ng kanilang tungkulin. Wala silang ginagawa, ngunit nais nilang lasapin ang kasiyahan sa bawat pagkakataon. Angkop bang tawaging tao ang gayong tao? Anumang gawain ang ibigay sa kanila—mahalaga man iyon o pangkaraniwan, mahirap o simple—lagi silang pabasta-basta at tuso. Kapag nagkakaroon ng mga problema, sinisikap nilang ipasa ang kanilang responsabilidad sa ibang mga tao, hindi sila umaako ng pananagutan, pero ninanais na patuloy na mabuhay na parang mga linta. Hindi ba mga walang-silbing basura sila? Sa lipunan, sino ang hindi umaasa sa kanilang sarili para mabuhay? Kapag lumaki na ang isang tao, kailangan na niyang tustusan ang kanyang sarili. Natupad na ng kanyang mga magulang ang kanilang responsabilidad. Kahit handa ang kanyang mga magulang na suportahan siya, maaasiwa siya roon. Dapat magawa niyang kilalanin na tapos na ang mga magulang niya sa trabaho ng mga ito na pagpapalaki sa kanya, bilang hustong gulang na may malusog na katawan, dapat magawa niyang mamuhay nang nagsasarili. Hindi ba’t ito ang pinakamababang katwiran na dapat mayroon ang isang taong nasa hustong gulang? Kung talagang may katwiran ang isang tao, hindi niya kakayaning patuloy na samantalahin ang kabaitan ng kanyang mga magulang; matatakot siya na pagtawanan ng iba, na mapahiya. Kaya, may katwiran ba ang isang taong mahilig sa ginhawa at namumuhi sa trabaho? (Wala.) Lagi niyang gustong makuha ang isang bagay nang walang kapalit; ayaw niyang managot kailanman, nais niyang mahulog na lang mula sa langit ang matatamis na pagkain at mahulog sa kanyang bibig; gusto niyang makakain parati nang tatlong beses sa isang araw, gusto niyang may magsisilbi sa kanya, at magpakasasa sa masarap na pagkain at inumin nang walang ginagawa ni katiting na trabaho. Hindi ba ganito ang pag-iisip ng isang parang linta? At may konsensiya ba at katwiran ang mga taong parang linta? Mayroon ba silang dignidad at integridad? Talagang wala. Lahat sila ay mga walang silbi na nakaasa sa iba, lahat ay mga hayop na walang konsensiya o katwiran. Walang sinuman sa kanila ang angkop na manatili sa sambahayan ng Diyos” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 8). Sa pagninilay ko sa aking sarili batay sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na masyadong mapanghamak at pabaya ang saloobin ko sa aking tungkulin. Ni hindi ko nga matupad ang mga responsabilidad at obligasyong dapat kong gawin. Talagang wala akong pinagkaiba sa basura. Tuwing nadaragdagan ang gawain ko at kailangan kong magdusa at magbayad ng halaga, una kong isinasaalang-alang ang laman ko. Inisip ko na dahil mas maraming bagong mananampalataya na didiligan, mas marami rin ang magiging problema na kailangang harapin at lutasin. Kung kailangan kong tiyagaing makipagbahaginan at suportahan ang bawat bagong mananampalataya, masyado akong maraming aalalahanin at mapapagod ako. Natatakot akong magdusa at magkasakit dahil sa sobrang pagod, kaya nagsimula akong magpakatamad at magpabaya. Sa tuwing may nakakaharap akong problema na kahit katiting lang na komplikado, ipinapasa ko agad ito sa superbisor ko, nang hindi man lang nagsusumikap na hanapin ang katotohanan at lutasin ito. Talagang makasarili at mapanlinlang ako! Gusto ko lang na walang gawin at hindi mapagod ang katawan ko. Hindi ko man lang inisip ang gawain at mga paghihirap ng iba, o kung makakaantala ba ang pag-uugali ko sa paggawa ng iba ng mga tungkulin nila. Kahit na walang ginagawa at hindi masyadong nagdurusa ang katawan ko sa ganitong paraan, hindi naman umuunlad ang buhay ko dahil hindi ko hinahanap ang katotohanan, kaya ano nga ba ang mapapala ko sa huli? Hindi ba’t ipinapahamak ko ang aking sarili? Sinasabi ng Diyos na walang kuwentang basura ang mga tamad at tusong tao, at hindi ba’t itinataboy at itinitiwalag ng Diyos ang basura? Sa pag-iisip na ito, medyo nakaramdam ako ng pagsisisi at takot, kaya nanalangin ako sa Diyos, sinabi kong gusto kong baguhin ang aking saloobin sa mga tungkulin ko at gawin ang mga ito nang masigasig.
Pagkatapos niyon, sa tuwing nahaharap ako sa mga paghihirap habang nagdidilig ng mga bagong mananampalataya, sadya akong nananalangin at umaasa sa Diyos, naghahanap sa katotohanan, at matiyagang nakikipagbahaginan upang lutasin ang kanilang mga paghihirap, sa halip na ipasa ang mga ito sa iba. Subalit, ang ilan sa mga bagong mananampalataya ay may matitinding relihiyosong kuru-kuro, na minsan ay mahigpit nilang pinanghahawakan, kaya’t kailangan kong makipagbahaginan sa kanila nang ilang beses bago nila bitiwan ang mga ito. Makalipas ang ilang panahon, nagsimula akong mag-alala at gumamit ng maraming lakas dahil dito. Sa puntong iyon, medyo nabagabag ako at inisip ko, “Kung magpapatuloy ang mga bagay-bagay nang ganito, gaano pa kalaking pagsisikap ang kailangan kong igugol upang maayos na madiligan ang mga bagong mananampalataya? Sobrang nakakapagod ito. Puwede akong maghanap na lang ng ilang nauugnay na sipi ng mga salita ng Diyos batay sa mga kuru-kuro nila, ipadala ito sa mga bagong mananampalataya at hayaan silang basahin ito, pagkatapos ay makipagbahaginan sa kanila kung mayroon silang hindi nauunawaan. Maiibsan niyon nang kaunti ang mga alalahanin ko.” Pero medyo hindi ako mapakali tuwing ginagawa ko ito. “Ang hirap nang ipaabandona sa kanila ang mga kuru-kuro nila kahit na detalyado at harapan akong nakikipagbahaginan sa kanila,” sinabi ko sa sarili ko. “Kung pababayaan ko lang silang basahin ang lahat ng ito, paano nila ito magagawang unawain? Ah, bahala na. Hihintayin ko na lang na may mga lumitaw na problema bago ako makipagbahaginan.” Nang ganoon ganoon lang, binitawan ko ito nang hindi ito masyadong pinag-isipan. Pagkalipas ng ilang panahon, ayaw nang makipagtipon ng ilang bagong mananampalataya dahil hindi kaagad na nalutas ang mga pangrelihiyong kuru-kuro nila, at tumigil pa nga ang ilan sa pananampalataya at umalis sila pagkatapos iligaw at guluhin ng mga pastor at elder. Nang makita kong nangyayari ang ganitong klase ng bagay, medyo nakonsensiya ako, pero naisip ko, “Hindi ko responsabilidad ang lahat ng ito. Pinadalhan ko na sila ng mga nauugnay na sipi ng mga salita ng Diyos para basahin nila; talagang masyado lang mayabang at mapagmagaling ang mga bagong mananampalatayang ito. Palagi silang mahigpit na sumusunod sa sarili nilang mga kuru-kuro at hindi nila tinatanggap ang katotohanan, kaya wala na akong magagawa para tulungan sila.” Dahil palagi akong tamad at pabaya sa paggawa ng aking tungkulin, nadama kong itinago ng Diyos ang Kanyang mukha sa akin, at lalong naging malabo ang mga iniisip ko. Hindi ako makakita ng solusyon sa maraming problema, at matamlay at nakakabagot ang pakikipagbahaginan ko sa mga bagong mananampalataya. Naging nakakapagod ang paggawa ko ng aking tungkulin at pasama nang pasama ang mga resulta. Kalaunan, nakita ng superbisor na hindi nagbago ang kalagayan ko at seryoso nang naaapektuhan ang tungkulin ko, kaya sinabihan niya akong itigil ang paggawa nito at sa halip ay isagawa ko ang espirituwal na debosyon para makapagnilay ako sa sarili ko. Nang marinig ko ito, bumagsak ako, at nagsimulang tumulo nang walang tigil ang luha pababa sa mukha ko. Alam na alam ko na ito ang kinahinatnan ng pagiging mapagsaalang-alang ko sa laman at patuloy na kapabayaan sa paggawa ng tungkulin ko. Inakala kong katapusan ko na. Sinuspende ako sa aking tungkulin kung kailan patapos na ang gawain ng Diyos. Hindi ba’t itinitiwalag ako? Isang pagsubok ang ilang araw na iyon at hindi ko nagawang kumain o matulog nang maayos. Sa gitna ng aking pagdurusa, lumuhod ako at taimtim na nanalangin sa Diyos, “O Diyos, alam kong nasusuklam at namumuhi Ka sa akin dahil sa nagawa ko, pero gusto kong magsisi. Pakiusap bigyang-liwanag at gabayan Mo ako para magkamit ako ng mas malaking pagkaunawa sa sarili ko.” Pagkatapos manalangin, binasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “May ilang taong ayaw talagang magdusa sa kanilang mga tungkulin, na laging nagrereklamo sa tuwing may nakakaharap silang problema at ayaw nilang magbayad ng halaga. Anong klaseng saloobin iyan? Iyan ay saloobing pabasta-basta. Kung gagampanan mo ang iyong tungkulin nang pabasta-basta, at haharapin ito nang may saloobing walang galang, ano ang magiging resulta? Hindi mo magagampanan nang mabuti ang iyong tungkulin, bagama’t may kakayahan kang gampanan ito nang maayos—ang iyong pagganap ay hindi aabot sa pamantayan, at ang Diyos ay lubos na hindi masisiyahan sa saloobin mo sa iyong tungkulin. Kung nanalangin ka sa Diyos, hinanap ang katotohanan, at isinapuso at isinaisip mo iyon, kung nakipagtulungan ka sa ganitong paraan, naihanda sana nang maaga ng Diyos ang lahat ng bagay para sa iyo, nang sa gayon ay kapag nag-aasikaso ka ng mga bagay-bagay, ang lahat ay magiging nasa ayos, at makakukuha ng magagandang resulta. Hindi mo kakailanganing gumugol ng napakaraming lakas; kapag ginagawa mo ang lahat ng makakaya mo upang makipagtulungan, inaayos na ng Diyos ang lahat para sa iyo. Kung ikaw ay madaya at tamad, kung hindi mo inaasikaso nang wasto ang iyong tungkulin, at palagi kang napupunta sa maling landas, hindi kikilos ang Diyos sa iyo; mawawala sa iyo ang pagkakataong ito, at sasabihin ng Diyos, ‘Wala kang silbi; hindi kita magagamit. Tumayo ka sa tabi. Gusto mo ang pagiging tuso at tamad, ano? Gusto mo ang pagiging tamad, at hindi nagpapakahirap, hindi ba? Kung gayon, huwag kang magpakahirap magpakailanman!’ Ibibigay ng Diyos ang biyaya at pagkakataon na ito sa ibang tao. Ano ang sasabihin ninyo: Ito ba ay kawalan o natamo? (Isang pagkatalo.) Ito ay isang napakalaking pagkatalo!” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na walang matataas na hinihingi ang Diyos sa mga tao; gusto lang Niyang gampanan nila nang buong puso ang tungkulin nila sa abot ng kanilang makakaya. Basta’t ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin sa abot ng makakaya ng abilidad nila, sasang-ayunan sila ng Diyos. Pagdating sa mga taong palaging pabasta-basta kapag ginagampanan ang tungkulin nila—sa mga taong mapanlinlang at mapagsamantala, at naghahangad na tumunganga at maging komportable sa halip na gawin ang dapat at kaya nilang gawin—itinataboy ng Diyos at hindi Niya ililigtas ang gayong mga tao. Sa pagbubulay-bulay sa mga salita ng Diyos at pagbabalik-tanaw sa mga ginawi ko, hindi ba’t ako ang klase ng taong itinataboy ng Diyos? Isang karangalan para sa akin na ipamahala sa akin ng iglesia ang pagdidilig sa mga bagong mananampalataya. Napakamakabuluhan na magawa ang gayong mahalagang tungkulin sa kritikal na panahong ito, kung kailan lumalaganap ang ebanghelyo ng kaharian ng Diyos! Pero hindi ako mapagpahalaga, pabaya ako sa aking mga tungkulin, at palagi kong pinananabikan ang kaginhawahan. Sa kaunting pagsisikap at sakripisyo, nagawa ko sana nang maayos ang pagdidilig sa mga bagong mananampalataya, pero ayaw kong magdusa ng kaunting hirap pa. Kahit na alam na alam kong magkakaroon ng limitadong pang-unawa ang mga bagong mananampalataya kung sila lang ang magbabasa ng salita ng Diyos, ayaw ko pa ring makipagbahaginan sa kanila. Bilang resulta, ayaw na ng ilang bagong mananampalataya na dumalo sa mga pagtitipon dahil hindi pa nalulutas ang mga panrelihiyong kuru-kuro nila, at iniligaw at ginulo ng mga pastor at elder ang ilan, na dahilan kaya nawalan sila ng pananalig. Nang malantad ang mga katunayan, saka ko lang natanto na hindi ko talaga ginagawa ang tungkulin ko, sa halip ay ginagambala at ginugulo ko ang gawain ng iglesia. Noon, hindi ko talaga nakilala ang sarili ko. Sa halip, iniwasan ko ang responsabilidad at isinisi ang mga problema sa mga bagong mananampalataya mismo. Napakairesponsable ko! Paanong hindi ako nito kasusuklaman at kamumuhian ng Diyos? Napagtanto ko na nagtalaga sa akin ang iglesia ng gayong kahalagang trabaho sa pag-asang kaya kong tuparin ang mga responsabilidad ko at diligan nang wasto ang mga bagong mananampalataya, para makapagtatag sila ng isang matibay na pundasyon sa tunay na daan sa lalong madaling panahon at matanggap nila ang pagliligtas ng Diyos. Pero naging tamad ako, palaiwas, at nilalayon ko lang na magtago, magtamasa ng isang maginhawang buhay at gumawa ng pinakakaunti ng maaari kong gawin sa tuwing may pagkakataon ako. Hindi ko man lang isinaalang-alang ang layunin ng Diyos, at hindi ko man lang magampanan ang tungkulin ko. Paano ako naging napakawalang-konsensiya o katwiran? Alam maging ng mga aso kung paano maging tapat sa amo ng mga ito at bantayan ang bahay, samantalang tinatamasa ko ang masaganang panustos ng Diyos pero hindi ko man lang matupad ang mga sarili kong responsabilidad. Karapat-dapat man lang ba akong tawaging tao? Matuwid at hindi nalalabag ang disposisyon ng Diyos. Kasalanan ko lahat kaya natanggal ako at pinatigil sa paggawa ng tungkulin ko. Sinira ko ang pagkakataong gawin ang tungkulin ko at kamtin ang katotohanan.
Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng salita ng Makapangyarihang Diyos na nagsasabing: “Upang maabot ang pagkaunawa sa mga kalikasan, bukod sa pagtuklas sa mga bagay na kinagigiliwan ng mga tao sa kanilang mga kalikasan, kailangan ding tuklasin ang ilan sa mga pinakamahalagang aspektong may kinalaman sa kanilang kalikasan. Halimbawa, ang mga pananaw ng mga tao sa mga bagay-bagay, ang mga pamamaraan at mga layon ng mga tao sa buhay, ang mga pinahahalagahan ng mga tao sa buhay at pananaw sa buhay, pati na rin ang mga palagay at ideya nila sa lahat ng bagay na may kaugnayan sa katotohanan. Lahat ng ito ay umiiral sa kaibuturan ng kaluluwa ng mga tao at may direktang kaugnayan ang mga ito sa pagbabago ng disposisyon. Ano, kung gayon, ang pananaw sa buhay ng tiwaling sangkatauhan? Masasabi na ito iyon: ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba.’ Lahat ng tao ay nabubuhay para sa kanilang sarili; sa deretsahang salita, nabubuhay sila para sa laman. Nabubuhay sila para lamang kumain. Paano naiiba ang pag-iral na ito sa pag-iral ng mga hayop? Walang anumang halaga sa pamumuhay nang ganito, at lalong wala itong anumang kabuluhan. Ang pananaw sa buhay ng isang tao ay tungkol sa kung saan ka umaasa para mabuhay sa mundo, para saan ka nabubuhay, at paano ka namumuhay—at ang lahat ng ito ay mga bagay na may kinalaman sa diwa ng kalikasan ng tao. Sa pamamagitan ng paghihimay sa kalikasan mga tao, makikita mo na lahat ng tao ay lumalaban sa Diyos. Mga diyablo silang lahat at walang totoong mabuting tao. Sa pamamagitan lamang ng paghihimay sa kalikasan ng mga tao mo tunay na malalaman ang katiwalian at diwa ng tao at mauunawaan kung saan talaga nabibilang ang mga tao, ano talaga ang kulang sa mga tao, ano ang dapat nilang isangkap sa kanilang sarili, at paano sila dapat mamuhay na kawangis ng tao. Tunay na hindi madaling himayin ang kalikasan ng isang tao, at hindi ito magagawa nang hindi nararanasan ang mga salita ng Diyos o nagkakaroon ng tunay na mga karanasan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Dapat Malaman Tungkol sa Pagbabago ng Disposisyon ng Isang Tao). Sa pamamagitan ng pagbabasa sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang mga satanikong pilosopiya at kautusan gaya ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” “Magpakasaya ka na ngayon, bukas ka na mag-alala” at “Mabuhay nang hindi nag-iisip” ay nilason ako nang sobra. Ginawa akong sobrang makasarili, kasuklam-suklam, traydor at mapanlinlang ng pamumuhay nang ayon sa mga panuntunang ito. Anuman ang ginagawa ko, isinaalang-alang ko lang ang sarili kong mga pisikal na interes, nagnanasa ako ng kaginhawahan, hinahamak ko ang pagtatrabaho, at wala akong pagpapahalaga sa pasanin o responsabilidad sa paggawa sa tungkulin ko. Araw-araw akong namuhay nang walang mga layon at direksyon, wala ni katiting na halaga o kabuluhan ang buhay ko. Kung babalikan ko noong bago ako nanampalataya sa Diyos, masyado kong isinaalang-alang ang laman at pinanabikan ang mga kaginhawahan. Anuman ang ginagawa ko, palagi ko itong ginagawa sa isang pabayang paraan sa tuwing may pagkakataon, ginagawa ko anuman ang kinakailangan para matugunan ang sariling mga interes ng laman ko, at namumuhay ako ng isang kasuklam-suklam at kaawa-awang buhay. Kahit na noong magsimula akong manampalataya sa Diyos, namuhay pa rin ako ayon sa mga nakalilinlang na pananaw na ito. Tuwing masyado akong napupuno ng mga tungkulin, na humihinging magdusa at magbayad ako ng halaga, natatakot ako sa pisikal na pagsisikap at palagi kong hinahangad na ipasa sa iba ang mga trabahong mabigat at nakakapagod sa isip. Ayaw ko nang mag-alala o abalahin ang sarili ko nang higit sa kinakailangan. Dahil pabasta-basta ako sa tungkulin ko, hindi kaagad na nalutas ang mga problema ng mga bagong mananampalataya, na nagdulot sa ilan sa kanila na umayaw sa pagtitipon, at dahil dito, nagulo at nahadlangan ang gawain ng pagdidilig. Napagtanto kong namumuhay ako ayon sa mga satanikong pilosopiya at kautusan, na ganap na walang konsensiya o katwiran. Makasarili, kasuklam-suklam, at inisip ko lang ang sarili ko. Hindi ko man lang isinaalang-alang kung pwede bang malutas ang mga paghihirap ng mga bagong mananampalataya, o kung nagdusa ba sila ng mga kawalan sa buhay pagpasok nila. Namumuhay ako sa kalagayan ng pagpapakasaya sa kaginhawahan, paghihimagsik at paglaban sa Diyos nang hindi man lang ito nalalaman. Napakamapanganib niyon! Sa puntong ito, binasa ko ang siping ito ng salita ng Diyos: “Hindi binibigyan ng Diyos ang mga tao ng pasanin na masyadong mabigat para sa kanila. Kung kaya mong magpasan ng isandaang libra, tiyak na hindi ka bibigyan ng Diyos ng pasanin na mas mabigat pa sa isandaang libra. Hindi ka Niya gigipitin. Ganito ang Diyos sa lahat ng tao. At hindi ka pipigilan ng anuman—ng sinumang tao o anumang kaisipan at pananaw. Ikaw ay malaya” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 15). Ang mga pasaning ibinibigay ng Diyos sa mga tao ay pawang mga bagay na kaya nilang dalhin, at kayang makamit sa pamamagitan lang ng kaunting pagsisikap. Minsan, maaaring mas maraming bagong mananampalataya kaysa sa karaniwan ang didiligan, na may marami ring suliranin at paghihirap na humihingi ng mas maraming oras at lakas para hanapin ang katotohanan at pagbabahaginan para lutasin ang mga iyon, pero sa kaunti pang pagsisikap at sakripisyo, kaya kong makasabay. Hindi ako nito pababagsakin o hindi ako magkakasakit dahil sa sobrang pagod. Sa mga pagtitipon, madalas pinagbabahaginan ng mga kapatid ang katunayan na ang paggawa sa mga tungkulin natin ay isang magandang pagkakataon para maunawaan natin ang katotohanan. Nakakaharap natin ang iba’t ibang problema at paghihirap sa paggawa ng mga tungkulin natin, pero sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan ay pwede tayong matuto ng mga aral mula sa mga iyon at unti-unting maunawaan ang ilang katotohanan, at makapasok sa katotohanang realidad. Pero palagi kong nadarama na masyadong nakakapagod ang paggawa sa tungkulin ko sa ganoong paraan, at nag-aalala pa nga ako tungkol sa pagkakasakit dahil sa kapaguran, dahil lamang sa masyado akong nanabik sa kaginhawahan at hindi ako handang magdusa. Kaya, nagreklamo at naghinanakit ako kapag ginagawa ang tungkulin ko, pinabayaan ko ang gawain ko at nabigo pa nga akong tuparin ang sarili kong mga responsabilidad. Napagtanto ko sa wakas na ang pamumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya ay magiging pag-aaksaya lang ng buhay ko at ipapahamak at wawasakin lang ako ako sa huli. Medyo natakot ako nang mapagtanto ko ito, kaya nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, salamat sa Iyo para sa Iyong kaliwanagan at gabay, na ipinaunawa sa akin nang mas mabuti ang sarili ko, at malinaw na ipinakita ang pinsala at mga kahihinatnan ng pamumuhay batay sa mga satanikong pilosopiya. Napagtanto ko rin na hindi malalabag ang Iyong matuwid na disposisyon. O Diyos, gusto kong magsisi. Mula ngayon, praktikal ko nang gagawin ang tungkulin ko. Hindi na ako magiging pabaya sa tungkulin ko at hindi na Kita sasaktan.”
Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos na talagang pumukaw sa akin. Sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Bawat salita at pariralang binigkas ng Diyos ay nakakintal sa puso ni Noe na parang mga salitang nakaukit sa tapyas na bato. Hindi alintana ang mga pagbabago sa mundo sa labas, ang pangungutya ng mga tao sa paligid niya, ang kaakibat na hirap, o ang mga paghihirap na dinanas niya, nagtiyaga siya, sa lahat ng ito, sa ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos, nang hindi kailanman nawawalan ng pag-asa o nag-iisip na sumuko. Ang mga salita ng Diyos ay nakakintal sa puso ni Noe, at ang mga ito ang kanyang naging pang-araw-araw na realidad. Inihanda ni Noe ang bawat mga materyales na kailangan sa pagbubuo ng arka, at ang anyo at mga detalye para sa arka na iniutos ng Diyos ay unti-unting nagkahugis sa bawat maingat na pukpok ng martilyo at pait ni Noe. Sa lahat ng paghangin at pag-ulan, at paano man siya kinutya o siniraan ng mga tao, nagpatuloy ang buhay ni Noe sa ganitong paraan, taun-taon. Lihim na minasdan ng Diyos ang bawat kilos ni Noe, nang hindi kailanman bumibigkas ng isa pang salita sa kanya, at naantig ni Noe ang Kanyang puso. Gayunman, hindi ito nalaman ni nadama ni Noe; mula simula hanggang wakas, binuo lamang niya ang arka, at tinipon ang bawat uri ng nabubuhay na nilalang, nang hindi natitinag ang katapatan sa mga salita ng Diyos. Sa puso ni Noe, walang mas dakilang tagubilin na dapat niyang sundin at isagawa: ang mga salita ng Diyos ang kanyang panghabambuhay na direksyon at mithiin. Kaya, anuman ang sinabi sa kanya ng Diyos, anuman ang ipinagawa sa kanya ng Diyos, ang iniutos sa kanyang gawin, ganap na tinanggap ito ni Noe, at ikinintal ito sa kanyang memorya; itinuring at pinangasiwaan niya ito bilang ang pinakamahalagang bagay sa kanyang buhay. Hindi lamang niya ito hindi kinalimutan, hindi lamang niya ito ipinako sa kanyang isipan, kundi isinakatuparan niya ito sa kanyang pang-araw-araw na buhay, ginagamit ang kanyang buhay para tanggapin at isagawa ang atas ng Diyos. At sa ganitong paraan, sa paisa-isang tabla, nabuo ang arka. Bawat galaw ni Noe, bawat araw niya, ay inilaan sa mga salita at utos ng Diyos. Maaaring hindi mukhang nagsagawa si Noe ng isang napakadakilang gawain, ngunit sa mga mata ng Diyos, lahat ng ginawa ni Noe, maging ang bawat hakbang na kanyang ginawa para may makamit, bawat kayod ng kanyang kamay—lahat ng iyon ay mahalaga, at nararapat gunitain, at nararapat tularan ng sangkatauhang ito. Sumunod si Noe sa ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos. Hindi siya natinag sa kanyang paniniwala na ang bawat salitang binigkas ng Diyos ay totoo; wala siyang pagdududa rito. At bilang resulta, natapos ang arka, at ang bawat uri ng nabubuhay na nilalang ay nabuhay roon” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalawang Ekskorsus: Kung Paano Nakinig sina Noe at Abraham sa mga Salita ng Diyos at Nagpasakop sa Kanya (Unang Bahagi)). Talagang naantig ako ng saloobin ni Noe sa atas ng Diyos. Sinabi ng Diyos kay Noe na magtayo ng arka, at ganap siyang masunurin at mapagpasakop, iniwan niya ang lahat ng kasiyahan ng laman para tuparin ang atas ng Diyos. Kahit na mahirap ang pagtatayo ng arka, may pananalig si Noe sa Diyos at hindi siya takot sa pagdurusa. Nagpatuloy siya sa harap ng bawat paghihirap at kakulangan, sa huli, naisakatuparan niya ang atas ng Diyos at natanggap niya ang pagsang-ayon ng Diyos. Kumpara kay Noe, napagtanto kong wala akong pagkatao, Hindi ako tapat at masuwayin ako sa tungkulin ko, tamad at mapanlinlang ako. Ang ginawa ko lang ay ang panabikan ang mga kaginhawahan ng laman, sa halip na akuin ang tungkulin ko bilang isang kasalukuyang responsabilidad at subukang gawin ito nang maayos sa abot ng makakaya ko. Kung nagpatuloy ang bagay-bagay nang ganito, magiging komportable ang laman ko, malaya sa pagdurusa at labis na pagkapagod, pero hindi ko naman makakamit ang katotohanan. Kung walang katotohanan, hindi ba’t magiging lumalakad na bangkay ako? Ano pang saysay ng pamumuhay nang ganito? Nang mapagtanto ko na napakababa ng saloobin ko sa tungkulin ko, at na walang paraan para makabawi sa mga kawalang idinulot ko sa gawain ng iglesia, napuno ako ng pagsisisi at paghingi ng tawad. Lihim akong nagpasya na hindi ko na pwedeng bigyang-layaw ang laman. Kailangan kong sundan ang halimbawa ni Noe at buong pusong gawin ang tungkulin ko at gawin kong personal na responsabilidad na aluin ang puso ng Diyos, anumang mga paghihirap ang kaharapin ko.
Paglipas ng isang buwan, nagpasya ang lider na ituloy ko na ang pagdidilig sa mga bagong mananampalataya. Puno ako ng pasasalamat at nagpasya akong sa pagkakataong ito ay siguradong gagawin ko na nang maayos ang tungkulin ko at titigil na ako sa paggawa ng mga bagay batay sa mga tiwaling disposisyon. Sa pag-aalalang baka bumalik ako sa mga lumang gawi ko, madalas akong nananalangin sa Diyos, hinihiling kong gabayan at siyasatin Niya ako, at madalas kong pinapaalalahanan ang sarili ko na tratuhin nang masigasig ang tungkulin ko. Pagkatapos niyon, tuwing nagsasagawa ako ng mga pagtitipon kasama ang mga bagong mananampalataya, matiyaga akong nakikipagbahaginan sa kanila batay sa mga problema at paghihirap nila, tinutulungan silang maunawaan ang katotohanan at nilulutas ang mga panrelihiyong kuru-kuro nila. Sa bihirang pagkakataon na walang nagiging resulta ang paulit-ulit na pagbabahaginan, isinaalang-alang ko kung ano ang pwede kong sabihin para makaunawa sila. Unti-unti, nagsimulang magkaroon ng mga resulta ang gawain ko, na nagbigay sa akin ng pakiramdam ng labis na katatagan at kapayapaan.
Ang pagkatanggal ko ay nagbigay-daan sa akin na maunawaan nang mas mabuti ang satanikong kalikasan ko, at baguhin ang saloobin ko sa paggawa sa tungkulin ko. Nakita ko nang malinaw na perdisyon at pagkawasak ang mga kahihinatnan ng pagiging pabaya sa tungkulin ng isang tao at hindi paghahangad sa katotohanan, at sa puso ko ay may kaunti na akong takot sa Kanya. Lahat ito ay dahil sa kaliwanagan at gabay ng Diyos. Salamat sa Diyos!