Sa Likod ng Pagbagsak ng isang Pamilya
Tinanggap naming mag-asawa ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw noong Mayo 2012. Lagi kaming magkasamang nagbabasa ng mga salita ng Diyos at umaawit ng mga himno bilang papuri sa Diyos, at pakiramdam ko’y napakasaya ko at wala na akong mahihiling pa. Hindi nagtagal, tumanggap ako ng tungkulin sa iglesia at lumabas ako nang madalas para dumalo sa mga pagtitipon at ibahagi ang ebanghelyo. Talagang suportadong-suportado ako ng aking asawa. Pero kalaunan, pinipigilan na ako ng aking pamilya sa pagsasagawa ng aking pananampalataya dahil sa pang-aapi ng Partido Komunista, at mula noon, tuluyan nang nasira ang minsan ay matiwasay at payapa naming buhay.
Isang araw, tinawagan ako ng kuya ko at sinabing napanuod niya sa balita na seryosong hinuhuli ng gobyerno ang mga mananampalataya ng Makapangyarihang Diyos, inaaresto sila at saka sinisintensyahan silang makulong. Sabi niya, “Kung mananampalataya ang isang tao, apektado rin ang mga susunod niyang henerasyon. Hindi makakapasok sa unibersidad ang kanyang mga anak, at hindi sila magkakatrabaho o magkakaroon ng magandang kinabukasan. Hindi ka maaaring magpatuloy sa relihiyong ito.” Nagtatrabaho sa isang paaralan ang asawa ko, at nang marinig niya ang sinabi ng kapatid ko, sinabi niya sa akin nang may pag-aalala, “Ang pananampalataya ay isang mabuting bagay, pero wala nang habas na inaaresto ng Partido Komunista ang mga mananampalataya. Pati ang kinabukasan ng ating mga anak ay maaapektuhan. Ayoko nang isabuhay ang relihiyong ito, at dapat ka nang tumigil sa pagdalo sa mga pagtitipon. Kung gusto mong sumunod sa Diyos, gawin mo na lang ito nang patago sa bahay.” Sumagot ako, “Matatawag pa ba akong isang mananampalataya kung hindi ako magpupunta sa mga pagtitipon? Matututunan ko ba ang katotohanan sa ganoong paraan? Sa pananampalataya natin, hinahanap natin ang katotohanan—iyon ang tamang landas sa buhay. Hindi puwedeng hindi ako magpunta sa mga pagtitipon.” Nang makita niyang hindi ako matitinag, kumuha siya ng upuan at flashlight, at sinira niya ang mga ito sa galit. Kinabukasan, umuwi siya ng bahay galing sa paaralan niya at sinabi sa akin, “Nagkaroon kami ng pulong ngayon sa paaralan. Nag-isyu ng opisyal na dokumento ang Sentral na Komite na nagsasabing ang mga mananampalataya sa Makapangyarihang Diyos ay itinuturing na mga kriminal na pulitikal, at mga puntirya ng malawakang panghuhuli sa buong bansa. Hindi pinapayagan ang mga guro at ang kanilang mga pamilya na magkarelihiyon, at sinumang mapag-alamang relihiyoso ay patatalsikin at hindi na makakapasok sa anumang trabaho. Hindi papayagan ang kanilang mga inapo na makapasok sa kolehiyo—walang paaralan ang tatanggap sa kanila. Hindi mo maaaring ipagpatuloy ang pagsasabuhay mo ng iyong relihiyon.” Kung may makahuli at mag-ulat sa iyo, mawawalan ako ng trabaho at magdurusa ang kinabukasan ng ating mga anak. Sisirain nito ang ating pamilya.” Nang marinig kong sabihin niya ito, naisip kong kailangan namin ang suweldo ng asawa ko para sa mga gastusin ng aming pamilya. Kung masisisante nga siya dahil sa pananampalataya ko, paano na kaya kami mabubuhay niyan? At hindi ba ako kamumuhian ng aming mga anak kung hindi sila makakapasok sa unibersidad o makakahanap ng trabaho? Talagang nakakalungkot na isipin ang mga ito para sa akin, kaya tumawag ako sa Diyos sa aking puso, hinihiling sa Kanya na gabayan akong maunawaan ang Kanyang kalooban. May naisip akong isang bagay mula sa mga salita ng Diyos pagkatapos kong manalangin: “Ang kapalaran ng tao ay nasa kontrol ng mga kamay ng Diyos. Ikaw ay walang kakayahang kontrolin ang iyong sarili: Kahit na parating nagmamadali at nag-aabala ang tao para sa kanyang sarili, nananatili siyang walang kakayahan na kontrolin ang kanyang sarili. Kung kaya mong malaman ang iyong mga sariling hinaharap, kung makokontrol mo ang iyong sariling kapalaran, mananatili ka pa rin bang isang nilikha?” (“Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Habang pinag-iisipan ito, nakita kong nasa mga kamay talaga ng Diyos ang kapalaran ng mga tao. Anumang trabahoang maaaring magkaroon ang asawa ko at anuman ang uri ng magiging kinabukasan ng aming mga anak ay nakasalalay sa tuntunin at mga pagsasaayos ng Diyos—hindi nakasalalay ang mga bagay na iyon sa sinumang tao. Hindi ko maisuko ang aking pananampalataya para maprotektahan ang kanilang mga trabaho o kinabukasan. Naramdaman kong handa na akong ipaubaya ang aming kinabukasan sa mga kamay ng Diyos at magpasakop sa Kanyang mga pangangasiwa. Hindi na ako masyadong nag-alala pa nang maisip ko ito sa ganoong paraan, at patuloy akong dumalo sa mga pagtitipon at gumanap ng aking tungkulin, gaya ng dati.
Hanggang sa isang araw noong Hulyo 2013, naaresto ako kasama ng ilang sisters habang nasa pagtitipon kami. Nang gabing iyon, tinanong ako ni Kapitan Zhao ng himpilan ng pulis, pilit na gustong malaman, “Sino ang nakapagpabalik-loob sa iyo? Sino ang lider mo sa iglesia?” Hindi ako sumagot. Tapos ay nagpatuloy siya, “Guro ko ang asawa mo. Sabihin mo sa akin ang lahat ng tungkol sa iglesia at papayagan na kitang makauwi, yamang guro ko naman siya.” Napag-isip-isip ko na isa ito sa mga pakana ni Satanas para ipagkanulo ko ang mga kapatid at pagtaksilan ang Diyos—hindi ako dapat padaya rito. Paulit-ulit akong nanalangin nang tahimik sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bantayan ako at tulungan akong makatayong saksi. Pagkatapos noon, hindi ko na lang pinansin si Kapitan Zhao, kahit ano pa ang itanong niya sa akin. Kalaunan ay ibinalik na lang niya ako sa isang kuwarto para idetena. Kinabukasan, pinuntahan ako ng isang opisyal ng Public Security Bureau ng munisipyo para tanungin ako. Nagulat akong makita na pinsan ko ito. Nang makita niyang ako ito, lumuwa ang mata niya sa galit at ang sabi niya, habang itinuturo ako, “Nakakagulat naman! Relihiyoso ka? Kailan ka pa nagsimulang maniwala? Sino ang nakapagpabalik-loob sa iyo?” Hindi ko siya pinansin. Nagsalita pa siya ng ilang bagay na paglapastangan sa Diyos, at saka patuloy na sinabing, “Matagal nang nag-isyu ang pambansang gobyerno ng mga opisyal na dokumento na nagsasabing kung mahuli ang sinuman na naniniwala sa Makapangyarihang Diyos, damay ang tatlong henerasyon ng kanyang salinlahi. Katatapos lang sa kolehiyo ng panganay mong lalaki at naghahanap pa ng trabaho, at ang bunso mo naman ay papasok pa lang sa kolehiyo. Kailangan mong isipin ang kinabukasan ng mga anak mo. Napakamakapangyarihan ng Partido Komunista—ang ipagpilitan mong maniwala sa harap noon ay parang isang itlog na sinusubukang basagin ang isang bato. Kailangan mo nang isuko ito!” Pagkarinig ng lahat ng ito, iniisip ko noon na tiyak na maaapektuhan ang kinabukasan ng aking mga anak kapag ipinagpatuloy ko pa ang pagsasagawa ng aking pananampalataya. Malaki na talaga ang nagastos ko para sa kanilang edukasyon—hindi ba mawawalan ng kabuluhan ang lahat ng taon na iyon ng dugo, pawis, at mga luha kung sa huli'y talagang hindi sila makakahanap ng trabaho? Naging miserable talaga ako nang maisip ko ito. Nanalangin ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bantayan ang aking puso at gabayan akong maunawaan ang Kanyang kalooban, para malaman kung ano ang dapat kong gawin. Tapos ay naalala ko ang sipi na ito ng mga salita ng Diyos: “Sa sandaling isilang kang umiiyak sa mundong ito, sinisimulan mong gampanan ang iyong tungkulin. Para sa plano ng Diyos at sa Kanyang ordinasyon, ginagampanan mo ang iyong papel at sinisimulan ang iyong paglalakbay sa buhay. Anuman ang iyong pinagmulan, at anumang paglalakbay ang nasa iyong harapan, walang makakaiwas sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Langit, at walang sinumang may kontrol sa sarili nilang tadhana, dahil Siya lamang na namumuno sa lahat ng bagay ang may kakayahang gawin iyon. … Ang puso’t espiritu ng tao ay nasa kamay ng Diyos, lahat ng tungkol sa buhay niya ay namamasdan ng mga mata ng Diyos. Naniniwala ka man dito o hindi, anuman at lahat ng bagay, buhay man o patay, ay lilipat, magbabago, mapapanibago, at maglalaho alinsunod sa mga iniisip ng Diyos. Ganito pinamumunuan ng Diyos ang lahat ng bagay” (“Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Nakita ko mula sa mga salita ng Diyos na ang lahat talaga ng bagay ay nasa Kanyang mga kamay, kaya hindi ba’t kasama roon ang kinabukasan at kapalaran ng aking mga anak? Gaano man ang ipagdurusa ng isang tao sa buhay at kung anuman ang uri ng trabahong ginagawa niya, ang lahat ng ito'y itinakda na ng Diyos. Hindi ako dapat mangamba tungkol sa mga bagay na iyon. At gaaano man kaganda ang edukasyon at trabaho ng isang tao sa mundong ito, hindi ito nangangahulugang magkakaroon na sila ng magandang kinabukasan at kapalaran. Kapag walang pananampalataya, kapag walang pagtanggap sa pagliligtas ng Diyos, mamamatay lang ang tao sa mga sakuna kapag dumating ang mga ito, at wala na silang anumang kinabukasan. Ang paglapit sa harap ng Diyos, ang pagtanggap sa katotohanan, at ang maligtas ng Diyos ay ang tanging paraan para tunay na magkaroon ng kinabukasan at destinasyon. Kaya sinabi ko sa aking pinsan, “Anuman ang maging kinabukasan ng aking mga anak, kapalaran nila ito—hindi ito nakasalalay sa sinumang tao. Naniniwala ako sa Diyos at hinahanap ang katotohanan. Ito ang tamang landas at naninindigan ako rito. Huwag ka nang mag-abalang payuhan ako!” Hindi siya nakasagot nang makita niya kung gaano katatag ang paninindigan ko sa aking pananampalataya. Idinitena nila ako roon ng isang araw at isang gabi, pagkatapos ay pinauwi ako.
Pagkauwing-pagkauwi ko sa bahay, dumampot ang asawa ko ng upuan at ihahambalos sana niya ito sa akin, pero pinigilan siya ng panganay naming anak na lalaki. Habang minumura ako, sinabi ng asawa ko, “Dahil sa pananampalataya mo, napahiya ako nang husto, at sa malao't madali, sisirain mo ang kinabukasan ng mga anak natin. Kung mananatili ka sa pananampalatayang ito, bubugbugin kita hanggang sa mamatay ka!” Nang makita ko siya sa ganoong kalagayan, naisip ko sa aking sarili na kitang-kita namang masyadong mahina ang ugnayan namin bilang mag-asawa para harapin ang anumang totoong paghihirap. Nang maaresto ako dahil sa aking pananampalataya at naapektuhan nito ang mga sarili niyang interes at reputasyon, nagbanta na siyang bubugbugin niya ako. Paanong naging pag-ibig iyon sa pagitan ng mag-asawa? Nasa bahay noon ang nakababata kong kapatid na babae, at sumabat siya, “Hindi ba puwedeng talikuran mo na lang ang pananampalataya mo? Kung ipagpapatuloy mo ito, sisirain mo ang kinabukasan ng mga anak mo!” Sinabi ko sa kanila, “Ang ginagawa ko lang naman ay dumalo sa mga pagtitipon at magbasa ng mga salita ng Diyos. Ito ang tamang landas na dapat tahakin sa buhay—Wala naman akong ginawang mali. Paano naman nito makokompromiso ang kinabukasan ng mga anak ko? Ang Partido Komunista ang siyang nang-aapi sa mga mananampalataya at idinadamay nila rito ang mga henerasyon ng kanilang pamilya. Kung hindi makakahanap ng trabaho ang ating mga anak pagdating ng panahon, dahil iyon sa Partido Komunista. Bakit hindi ninyo makilala kung ano ang tama sa mali?” Pagkatapos ay tinawagan ng nakababata kong kapatid na lalaki ang asawa ko at sinabing, “Kung patuloy na susunod ang kapatid ko sa relihiyong ito, baliin mo na lang ang mga binti niya. Tingnan natin kung magawa pa niyang makapunta sa mga pagtitipon na iyon.” At malupit na sinabi ng kanyang asawa, “Bugbugin mo siya hanggang sa mamatay kung ipagpipilitan pa niya iyan. Hindi makikipag-areglo ang panig ng pamilya namin sa iyo.” Nadurog ang puso ko. Akala ko'y uunawain ako ng aking pamilya. Hindi ko lubos akalaing makikinig sila sa Partido Komunista, na sila'y magiging walang-puso para lang maprotektahan ang sarili nilang mga interes, at wala man lang pakialam kung mabuhay ako o mamatay sa pagpigil nila sa akin sa pagsasagawa ng aking pananampalataya. Nasaan na ang kanilang pagkatao? Kinabukasan, tinawagan ng kuya ko ang asawa ko at sinabing, “Kung mananatili ang kapatid ko sa kanyang relihiyon, puputulin na namin ang anumang kaugnayan namin sa kanya. Susuportahan kita kung gusto mo ng diborsyo. Huwag mo siyang iwanan ng kahit ano at palayasin mo siya. Tingnan na lang natin kung paano siya mabubuhay pagkatapos niyan.” Dumaan ng bandang tanghali ang pinsan ko sakay ng isang sasakyan ng pulis at sinabihan ang asawa kong bantayan akong maigi at pigilan akong isagawa ang aking pananampalataya, dahil kung hindi, madadamay ang buong pamilya. Sabi sa akin ng asawa ko, “Para sa kapakanan ng mga anak natin at ng pamilyang ito, ngayong araw kailangan mong tumingin nang diretso sa mga mata ng pinsan mo at gumawa ng pahayag na tatalikuran mo na ang pananampalataya mo.” Sinabi ko sa kanya, “Ang pagsunod sa Diyos ay matuwid at tama. Hindi ko tatalikuran ang pananampalataya ko.” Nang makita niyang hindi niya ako matitinag, galit niyang sinabi, “Kung ipagpipilitan mong maniwala sa Diyos at ipagwawalang-bahala mo ang kinabukasan ng mga bata, kailangan ko nang makipagdiborsyo sa iyo.” Kumuha siya ng kasunduan para sa diborsyo at sinabihan niya akong lagdaan ito. Nakasaad sa kasunduan na lalayas ako, nang walang anumang bibitbitin. Pareho kaming nagtrabaho nang husto para maitayo ang aming tahanan—paano naman kaya ako mabubuhay kung aalis ako nang walang kadala-dala? Pero muli kong naisip ang tungkol sa kung paanong itinakda na ng Diyos kung gaano ang ipagdurusa ng sinuman sa kanilang buhay, at kahit ano pang mangyari, hindi ko maaaring itigil ang paniniwala ko sa Diyos, pero kailangan kong manindigan sa aking pananampalataya at patuloy na hanapin ang katotohanan. Lalagda na sana ako, nang mapansin ng asawa ko na wala akong intensyong sumuko, kaya sinabi niya, “Huwag na nga lang tayong magdiborsyo. Kung gusto mong maging mananampalataya, hindi kita mapipigilan. Sige lang at gawin mo ito.” Iyon ang sabi niya, pero sa realidad, lalo pang tumindi ang pagkontrol niya sa akin. Hindi siya pumapayag na sabihin ko ang salitang “Diyos” sa loob ng bahay, at sinasaktan niya ako sa tuwing may nasasabi akong hindi niya nagustuhan. Itinigil na niya ang pagpunta sa kung saan-saan para sa kanyang mga bakasyon, at sa halip ay nanatili na lang sa bahay para mabantayan akong mabuti. Nang makita niyang nagbabasa ako ng mga salita ng Diyos, hinablot niya ang aklat mula sa akin, at sinabing, “Kapag nakita ko pa ito nang isa pang beses, susunugin ko na ang aklat na ito ng mga salita ng Diyos!” Hindi muna ako makalabas para dumalo sa mga pagtitipon, hindi ako makatawag sa mga kapatid, o makapagbasa ng mga salita ng Diyos sa bahay nang ilang panahon. Wala talaga akong kalayaan.
Isang gabi pumasok ako sa aming silid-tulugan para magbasa ng mga salita ng Diyos nang bigla namang pumasok ang aking asawa at talagang galit na galit na sinabing, “Nangangahas ka pa ring basahin iyan! Kung maaresto ka ulit, mawawala na ang aking trabaho at ang kinabukasan ng mga anak natin! May kakayahan ang Partido Komunista na gawin ang anumang bagay.” Sinabi ko sa kanya, “Nagbabasa lang naman ako ng mga salita ng Diyos. Paano maapektuhan nito ang kinabukasan mo at ng ating mga anak?” Nabigla ako nang tumakbo siya papunta sa akin at sinakal niya ng dalawang kamay ang aking leeg, pinipiga ito at sinasabing, “sasakalin na lang kita at nang matapos na ito.” Hindi sapat ang lakas ko para makawala at hindi ako makapagsalita. Hindi niya ako pinakawalan hanggang sa hindi na ako humihinga at hindi na rin gumagalaw. Hinahabol ko ang hininga ko noon, at labis ang nararamdaman kong sakit sa aking damdamin. Pakiramdam ko'y para bang ang pagiging isang mananampalataya sa China, ang pagtahak sa tamang daan, ay masyadong napakahirap. Naaresto ako ng Partido Komunista, hinahadlangan ako ng aking pamilya, hindi na ko makaganap ng tungkulin, at ngayon naman inalisan ako ng karapatang basahin ang mga salita ng Diyos. Ano pa ang natitirang kahulugan sa buhay ko? Pakiramdam ko'y mas mabuti pang mamatay na lang ako. Dinakma ko ang labaha ng aking asawa, balak ko nang laslasin ang aking pulso, para magpatiwakal. Nang biglang pumasok sa isip ko ang sipi na ito ng mga salita ng Diyos: “Sa ngayon, karamihan sa mga tao ay walang gayong kaalaman. Naniniwala sila na ang pagdurusa ay walang halaga, tinatalikuran sila ng mundo, puro problema ang buhay nila sa tahanan, hindi sila minamahal ng Diyos, at ang kanilang hinaharap ay malabo. Ang pagdurusa ng ilang tao ay umaabot sa isang sukdulan, at ang kanilang mga iniisip ay nagiging tungkol sa kamatayan. Hindi ito tunay na pagmamahal sa Diyos; ang gayong mga tao ay mga duwag, wala silang pagtitiyaga, sila ay mahihina at walang lakas! Nasasabik ang Diyos na mahalin Siya ng tao, ngunit kapag lalo Siyang minamahal ng tao, lalong tumitindi ang pagdurusa ng tao, at kapag lalo Siyang minamahal ng tao, lalong tumitindi ang mga pagsubok ng tao. …Kaya, sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasakop sa pagsasaayos ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo” (“Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Salamat at ginising ako ng mga salita ng Diyos sa tamang sandali, kaya hindi ko ginawa ang kahangalang iyon. Ginusto ko na sanang patayin ang aking sarili dahil sa miserable ako at labis na nasaktan, hindi na makayanan ang mga pang-aabuso. Napakaduwag ko naman. Lubhang kulang ako sa pananampalataya, at wala akong kahit anumang patotoo. Umaasa ang Diyos na hindi mawalan ng pananampalataya ang mga tao sa Kanya kapag dumadaan sila sa sakit at hirap, na kaya nilang tumayong saksi para sa Kanya. Paano ako makapagbibigay ng anumang patotoo kung namatay ako? Hindi ba ako lalabas na katawa-tawa niyan kay Satanas? Nang mapag-isip-isip ko ito, nanindigan ako na kahit gaano pa ako usigin ng aking asawa at ng mga kamag-anak at subukang hadlangan ako sa aking pananampalataya sa hinaharap, kahit gaano pa katindi ang kailangan kong pagdusahan, hangga't may natitira pa akong hininga, mamumuhay ako nang maayos at susundin ko ang Diyos hanggang sa huli. Pero dahil minamanmanan ako ng pulis at pinipigilan ng aking pamilya matapos ng aking pagkakaaresto, hindi ako nakapamuhay ng isang maayos na buhay-iglesia sa loob ng tatlong taon. Kinailangan kong tumakas papunta sa bahay ng tatay ko para patagong magbasa ng mga salita ng Diyos doon. Hanggang sa noong tag-init ng 2016, sa wakas ay naka-usap ko na ang mga kapatid. Naipagpatuloy ko ang buhay sa iglesia at muli na naman akong tumanggap ng tungkulin.
Patuloy akong inusig ng aking asawa sa loob ng ilang taon. Naalala ko nga minsan pagkauwi ko galing sa isang pagtitipon, dinala niya ako sa bahay ng kuya ko, kung saan nakita ko siyang kasama ang dalawa ko pang kapatid na lalaki at ang kanilang mga asawa—galit silang lahat na nakatitig sa akin. Alam kong pipilitin na naman nila ako na talikuran ang aking pananampalataya, kaya tahimik akong nanalangin, hinihiling sa Diyos na gabayan ako nang sa gayon anuman ang gawin nila sa akin, hindi nila ako mapipigilan. Pinandilatan ako ng kuya ko at sabi niya, “Ateistiko ang Partido Komunista. Ilan taon na nitong sinusugpo ang mga paniniwalang panrelihiyon at walang makapagpapabago nito. Ang paniniwala sa Diyos sa ilalim ng paghahari ng Partido ay tiyak na ikaaaresto mo, at madadamay rin ang buong pamilya. Hindi ba’t naghahanap ka lang ng gulo?” Sinegundahan pa ito ng bayaw ko, “Kumuha ng pagsusulit ang anak ko para makapasok sa kolehiyo at kinailangan niyang sagutan ang background check sa pulitika, at nagtanong sila tungkol sa sinumang relihiyosong miyembro ng pamilya. Nakita ng pulis ang rekord mo ng paniniwala sa Makapangyarihang Diyos at hindi na sana nila siya ipapasa. Kinailangan kong gamitin ang aking mga koneksyon at magpadala ng mga regalo sa mga tao—nahirapan ako nang husto, at sa kabila noon muntik-muntikan pa siyang hindi makapasa. Sa China, kung naniniwala ang isang tao sa Makapangyarihang Diyos, nadadamay ang buong pamilya niya rito. Kailangan mo nang talikuran ang pananampalataya mo!” Pagkatapos ay tinanong ako ng nakababata kong kapatid na lalaki, “Hindi mo ba pwedeng isipin ang ating pamilya, ang kinabukasan ng mga anak mo? Tigilan mo na ang paniniwala sa Diyos! Ano'ng mangyayari kung tatalikuran mo ang relihiyon mo? Ikamamatay mo ba ito?” Kaya sinabi ko sa kanila, “Alam ba ninyo kung ano ang kinabukasan at kapalaran? Iniisip ba ninyong ang pagkakaroon ng magandang trabaho, ang pagkakaroon ng masarap na pagkain at maayos na pananamit ay pagkakaroon na ng magandang kinabukasan? Tumitindi ang mga sakuna sa lahat ng oras at sinuman na hindi mananampalataya ay mahuhulog sa mga ito. Ang mga naniniwala lamang sa Diyos at ang mga iniligtas Niya ang matitira, at sila lamang ang magkakaroon ng magandang kinabukasan at kapalaran.” Sumagot ang asawa ko, “Hindi ko alam kung ano'ng mangyayari sa hinaharap—ang nakikita ko lamang ay kung ano mismo ang nasa harapan ko ngayon. Ito ang kasalukuyang patakaran ng Partido Komunista—kung isa kang mananampalataya, aarestuhin ka nila, tatanggalan ka ng trabaho, at idadamay pati ang pamilya mo. Sa loob ng maraming taon, walang nakapagpabago ng patakaran nilang ito, at 'di hamak na mas malakas sila kaysa sa atin! Talikuran mo na lang ang pananampalataya mo! Dito sa harapan ng lahat, sabihin mong gagawin mo.” Pagkatapos na pagkatapos niyang magsalita, nagsimula nang magsalita ng ganito at ganyan ang iba pa, hinihimok ako na huwag nang maniwala pa sa Diyos. Dati kaming isang malaki, at masayang pamilya, pero ginulo ito ng pang-aapi ng Partido Komunista. Palagi akong sinasaktan at sinisigawan ng asawa ko, at wala nang araw na payapa kami. Kailan kaya ito matatapos? Lalo akong nababalisa, kaya nanalangin ako sa Diyos at inisip ang pahayag na ito mula sa Kanyang mga salita: “Dapat kang magdusa ng kahirapan alang-alang sa katotohanan, dapat mong ibigay ang iyong sarili sa katotohanan, dapat kang magtiis ng kahihiyan para sa katotohanan, at upang higit pang makamit ang katotohanan, dapat kang sumailalim sa higit pang pagdurusa. Ito ang dapat mong gawin. Hindi mo dapat itapon ang katotohanan alang-alang sa isang mapayapang buhay pamilya, at hindi mo dapat iwala ang dangal at katapatan ng iyong buhay para sa pansamantalang kasiyahan. Dapat mong hangarin ang lahat ng mainam at mabuti, at dapat mong hangarin ang isang landas sa buhay na higit na makahulugan. Kung ang pinangungunahan mo ay isang mahalay na buhay, at walang hinahangad na anumang mga layunin, hindi ba’t sinasayang mo ang iyong buhay? Ano ba ang iyong makakamtan mula sa ganitong pamumuhay? Dapat mong talikuran ang lahat ng kasiyahan ng laman alang-alang sa nag-iisang katotohanan, at hindi mo dapat sayangin ang lahat ng katotohanan alang-alang sa isang munting kasiyahan. Ang mga ganitong tao ay walang katapatan o dangal. Walang kabuluhan ang kanilang pag-iral!” (“Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Tinulungan ako ng mga salita ng Diyos na maunawaan ang Kanyang kalooban. Matapat kong sinusunod ang Diyos at ginagampanan ang aking tungkulin—nasa landas ako ng paghahanap sa katotohanan. Ang mga kapamilya ko'y naghahangad ng pera at reputasyon. Nasa magkaiba kaming mga landas, at hindi maiiwasan na magkawatak-watak ang aming pamilya. Kinailangan kong tanggapin ang pagdurusang iyon para matamo ang katotohanan. May katuturan ito. Hindi ko matatalikuran ang aking pananampalataya para sa kapakanan ng aking pamilya. Kaya sinabi ko sa kanila, “Sigurado akong ang Makapangyarihang Diyos ay ang tunay na Diyos, ang Tagapagligtas na naparito para iligtas ang sangkatauhan. Hinding-hindi ko tatalikuran ang aking pananampalataya!” Umalis silang lahat nang makita nilang hindi nila mababago ang isip ko.
Pagkauwi ko ng bahay isang gabi galing sa isang pagtitipon, nakahandusay ang asawa ko sa isang mesa, lasing at umiiyak. Sabi niya, “Araw-araw kang nasa mga pagtitipon. Kapag naaresto ka na naman walang makapagsasabi kung kailan masisira ang ating tahanan nang dahil sa iyo.” Pagkatapos ay padabog niyang itinumba ang mesa, dinakma niya ako sa damit ng isang kamay, saka sinampal ako ng kabilang kamay. Bago ko pa mahabol ang aking hininga, marahas niya akong inihampas sa sahig ng banyo, sinuntok niya ako nang malakas sa ulo, at mabagsik na sinabing, “Talikuran mo na ang pananampalataya mo! Handa akong isugal ang lahat ngayong gabi—bubugbugin kita hanggang sa mamatay ka. Sabagay, wala namang pakialam ang sarili mong pamilya kung mabuhay ka o mamatay.” Nahilo ako at nanlabo ang paningin ko matapos tamaan. Kinaladkad niya ako papunta sa itaas ng hagdan at itinulak ako pababa, at sabi niya, “Kung mamamatay ka sa pagkakahulog, ipasusunog ko na lang ang katawan mo at ihahagis ang mga abo mo sa ilog.” Takot na takot talaga ako nang marinig ko iyon mula sa kanya—nanalangin ako nang nanalangin sa Diyos. Salamat sa pagprotekta ng Diyos, nadakma ko pa sa huling segundo ang isang kurdon sa may barandilya, na naglitas sa akin para huwag tuluyang mahulog pababa ng hagdanan. Pagkatapos lumapit ang bunso naming anak at sinabi sa aking asawa, “Nasisiraan ka na ba ng ulo dahil sa kaiinom? Wala namang nagawang mali si nanay dahil sa kanyang pananampalataya. Bakit mo siya sinasaktan?”Ang sagot niya ay, “Ayokong saktan siya, pero kung maaresto na naman siya, katapusan na ninyong magkapatid. Wala akong ibang magagawa.” Dahil nasa tabi ko ang aking anak, hindi na siya nangahas pang saktan ako, kundi dumampot na lang siya ng isang babasaging mesa at binasag ito sa pader, kaya napuno ng mga bubog ang buong kuwarto. Pagkaraan noon, nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Hindi magkatugma ang mga mananampalataya at ang mga di-mananampalataya; bagkus ay magkasalungat sila sa isa’t isa” (“Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Pinag-isipan ko iyon nang mabuti, at alam ko sa puso ko na bagama't naniwala sa Diyos noong una ang asawa ko, iyon ay dahil gusto lamang niyang makatanggap ng mga pagpapala. Hindi siya isang tunay na mananampalataya. Narinig niya na ang pagkakaroon ng pananampalataya ay maaaring makaapekto sa kinabukasan niya at ng aming mga anak, kaya tuluyan siyang umatras. Hindi lamang niya tinalikuran ang kanyang pananampalaya, kundi sinubukan pa niya akong hadlangan para huwag maniwala sa Diyos. Nang hindi na niya ako mapigilan, naging marahas siya sa akin at itinuring na niya ako na parang kaaway dahil naaapektuhan ng aking pananampalataya ang kanyang mga personal na interes. Nakita ko kumbaga na napopoot ang asawa ko sa katotohanan at napopoot siya sa Diyos. Ang Partido Komunista ang sinunod niya para maprotektahan ang kanyang sariling pamumuhay; ang hinangad niya ay isang makamundong kinabukasan at mga interes. Naniwala ako sa Diyos at hinahanap ko ang katotohanan, tinatahak ang tamang landas sa buhay—nasa magkaibang landas kami. Ang ginawang pang-uusig sa akin ng aking asawa at ng iba pang miyembro ng pamilya sa ganoong paraan nang dahil sa aking pananampalataya ay malinaw na nagpakita sa akin na mayroon silang masamang kalikasan at diwa, na sila'y laban sa Diyos. Nagpunta sa mga pagtitipon ang asawa ko at alam niyang ang Makapangyarihang Diyos ang tunay na Diyos. Ibinahagi ko ang ebanghelyo sa aking mga kamag-anak at binasahan ko sila ng marami-raming salita ng Diyos. Walang naging mananampalataya sa kanila, at sa sandaling nakompromiso ng aking pananampalataya ang kanilang mga interes, nakiayon agad sila sa Partido Komunista, at inusig ako at nagsabing puputulin ang anumang kaugnayan nila sa akin. Anong klase silang mga mahal sa buhay? Lahat sila'y mga kampon ni Satanas, pumapanig sa Partido Komunista, at gumagawang laban sa Diyos. Nagkatawang-tao na ang Diyos at ipinapahayag ang mga katotohanan, inilalantad ang kalikasan at diwa ng bawat uri ng tao, na nagpakita sa akin na tumatahak ako ng ibang landas mula sa aking pamilya—magkaibang uri ng mga tao ang mga mananampalataya at mga hindi mananampalataya. Hindi ko na nadamang lubha akong napipigilan nang mapagtanto ko ang lahat ng iyon, at sa halip ay nakadama ako ng paglaya.
Nabasa ko ang sipi na ito ng mga salita ng Diyos kalaunan: “Sa loob ng libu-libong taon, ito ang naging lupain ng karumihan. Hindi matitiis ang karumihan nito, napakalungkot dito, naglipana ang mga multo sa buong paligid, nanlalansi at nanlilinlang, nagpaparatang nang walangbatayan,[1] walang-awa at malupit, niyuyurakan ang bayang ito ng mga multo at iniiwan itong nagkalat ang mga patay na katawan; ang amoy ng pagkabulok ay bumabalot sa lupain at kumakalat sa hangin, at ito ay mahigpit na binabantayan.[2] Sino ang makakakita sa mundo sa kabila ng himpapawid? Mahigpit na ginagapos ng demonyo ang buong katawan ng tao, binubulag nito ang pareho niyang mga mata, at siniselyuhan nang mahigpit ang kanyang mga labi. Nagwala na ang hari ng mga diyablo sa loob ng ilang libong taon, magpahanggang sa ngayon, kung kailan patuloy pa rin nitong mahigpit na binabantayan ang bayan ng mga multo, na para bang ito ay di-mapapasok na palasyo ng mga demonyo; samantala, ang pangkat na ito ng mga asong-tagapagbantay ay nakatitig nang nanlilisik ang mga mata, takot na takot na mahuhuli sila ng Diyos nang hindi nila namamalayan at lilipulin silang lahat, at iiwan sila na walang lugar ng kapayapaan at kaligayahan. Paano kaya nakita kailanman ng mga taong nakatira sa ganitong bayan ng mga multo ang Diyos? Natamasa na ba nila kahit kailan ang pagiging kagiliw-giliw at ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos? Anong pagpapahalaga ang mayroon sila para sa mga bagay sa mundo ng tao? Sino sa kanila ang maaaring makaunawa sa sabik na kalooban ng Diyos? Hindi na gaanong nakapagtataka, kung gayon, na nananatiling ganap na nakatago ang Diyos na nagkatawang-tao: Sa isang madilim na lipunang tulad nito, kung saan ang mga demonyo ay walang puso at hindi makatao, paanong matitiis ng haring mga diyablo, na pumapatay ng mga tao nang walang pakundangan, ang pag-iral ng isang Diyos na kaibig-ibig, mabait, at banal din? Paano nito maaaring papurihan at ipagsaya ang pagdating ng Diyos? Ang mga sunud-sunurang ito! Sinusuklian nila ng poot ang kabaitan, matagal na nilang hinamak ang Diyos, inaabuso nila ang Diyos, sukdulan ang kanilang kalupitan, wala sila ni bahagyang pagsasaalang-alang para sa Diyos, nandarambong sila at nanloloob, nawalan na silang lubusan ng budhi, wala silang konsensya, at tinutukso nila ang mga walang-muwang upang mawalan ng katwiran. Mga ninuno ng sinauna? Minamahal na mga lider? Tinututulan nilang lahat ang Diyos! Iniwan ng kanilang panghihimasok ang lahat sa silong ng langit sa isang kalagayan ng kadiliman at ganap na kaguluhan! Kalayaang pangrelihiyon? Lehitimong mga karapatan at mga interes ng mga mamamayan? Ang mga iyon ay mga panlalansing lahat para pagtakpan ang kasalanan!” (“Gawain at Pagpasok (8)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Napakapraktikal ng mga salita ng Diyos. Kapag nasa kapangyarihan ang Partido Komunista, nasa kapangyarihan ang diyablong si Satanas. Kinamumuhian nito ang Diyos at hindi nito matitiis ang mga taong may pananampalataya at sumusunod sa Diyos. Gusto nito na ito lamang ang sundin at sambahin ng mga tao. Kunwaring iwinawagayway ng Partido Komunista ang bandila ng kalayaan ng relihiyon, pero malupit namang inaapi at inaaresto nang patago ang mga mananampalataya, at idinadamay ang ilang henerasyon ng pamilya ng mga mananampalataya. Nag-iimbento pa nga ito ng mga usap-usapan at kasinungalingan para iligaw ang mga taong hindi nakakaalam ng katotohanan, para maibuyo nila ang mga Tsino na mag-alsa at lumaban sa mga taong may pananampalataya. Napakaraming tao na ang pinaglaruan at sinamantala ng Partido Komunista, at sinusunod nila ang Partido sa pagtatatwa at paglaban sa Diyos, at sa pang-aapi sa mga mananampalataya. Mapapahamak silang lahat kasama ng Partido Komunista—parurusahan at lilipulin sila ng Diyos. Isa kaming masayang pamilya dati, pero dahil sa pang-aapi at panghuhuli ng Partido Komunista, natakot silang mapasok sa gulo, at nagsimula na ring pagmalupitan ako, at dahil dito'y naging mga kasangkapan sila ni Satanas. Malinaw kong nakita ang masamang diwa ng Partido Komunista ng pagkapoot sa katotohanan at pagkapoot sa Diyos, at nakita ko rin na ang Diyos lamang ang may totoong pagmamahal para sa mga tao. Ang mga salita ng Diyos ang siyang laging gumabay sa akin, nagbibigay sa akin ng pananampalataya at nagtutulot na maunawaan ko ang katotohanan, para malinaw na makita ang mga pakana ni Satanas. Sinusubakan pa rin akong hadlangan ng asawa ko sa aking pananampalataya, pero hindi na niya ako napipigilan. Patuloy akong nagpupunta sa mga pagtitipon at gumaganap ng aking tungkulin, at lalo pa nga akong naging matatag sa aking determinasyon na sundin ang Diyos. Pinasasalamatan ko ang Diyos mula sa aking puso!
Mga Talababa:
1. Ang “nagpaparatang nang walang batayan” ay tumutukoy sa mga paraan kung paano pinipinsala ng diyablo ang mga tao.
2. Ang “mahigpit na binabantayan” ay nagpapahiwatig na ang mga paraan na pinahihirapan ng diyablo ang mga tao ay lalo nang malupit, at labis nitong kontrolado ang mga tao na hindi na sila makakilos.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.