Mga Pagninilay sa Pagtangging Maiwasto

Marso 15, 2025

Ni Xiaoguang, Tsina

Noong 2021, naatasan akong diligan ang mga baguhan kasama si Li Xiao. Noong una, hindi ako pamilyar sa gawain, kaya matiyaga akong tinutulungan ni Li Xiao, sinasabi sa akin ang mga prinsipyo at mga kinakailangan ng tungkulin. Pagkaraan ng ilang panahon, unti-unti kong nagamay ang mga bagay-bagay, kaya kapag pinaalalahanan niya ako tungkol sa ilang isyu, iniisip kong alam ko na ito, at hindi ako nakikinig. Nagsanhi ito ng mga paglihis sa gawain ko kalaunan. Nang malaman ito ni Li Xiao, direkta niyang tinukoy ang mga ito, at pinaalalahanan akong maging masipag. Noong una, sang-ayon ako na kulang talaga ako sa sipag at nagsilbing magandang paalala para sa akin ang panunumbat niya. Pero sa paglipas ng panahon, patuloy akong nagkaroon ng ilang kapuna-punang isyu sa aking gawain: Nabigo akong gawin ang mga gampanin na itinalaga sa akin, na nakakaimpluwensya sa pag-usad ng gawain. Kapag nakikita ni Li Xiao na paulit-ulit na nangyayari ang mga pagkakamaling ito, gumagamit siya ng mas mabagsik na tono sa kanyang pagpuna at sinasaway pa nga ako: “Bakit hindi mo naalala? Bakit hindi mo ginawa ang trabaho mo?” Alam ko na ang intensiyon lang niya ay na mabilis kong maituwid ang aking mga isyu at mga paglihis at makakuha ng mas magagandang resulta sa aking tungkulin, pero medyo pinanghinaan ako ng loob nang marinig ko siyang gumamit ng mas mabagsik na tono. Naisip ko: “Pinagmumukha niyang parang sobra akong pabaya sa gawain ko at na wala akong magawang tama, kahit na matagal na akong nandito. Ano kaya ang iisipin ng iba kapag narinig nila ito? Kahit na may mga problema, hindi ba pwedeng pag-usapan na lang namin nang mahinahon? Hindi naman sa ayaw kong mapabuti. Hindi bale na—mula ngayon, iiwasan ko na lang siya, para hindi na niya ako pagalitan.” Pagkatapos niyon, hindi ko na siya pinapansin, at kung minsan ay pinupukol ko siya ng masasamang tingin para malaman niyang hindi ako nasisiyahan. Paminsan-minsan, kailangan kong talakayin sa kanya ang gawain, pero nag-aalala ako na kung hahanapin ko siya at matutuklasan niya ang ilang isyu sa gawain ko, baka sumbatan at iwasto niya ako. Hindi ba ako mas magmumukhang masama niyon? Kalaunan, kapag may kailangan akong talakayin sa kanya, naghihintay ako hanggang sa pinakahuling sandali o hinahayaan ko na lang na siya ang humanap sa akin bago ako magsalita. Sa paglipas ng panahon, napipigilan si Li Xiao dahil sa akin. Isang beses, naulinigan kong sinabi niya na pakiramdam niya ay malaya siyang magmungkahi sa iba, pero napipigilan siya kapag kasama niya ako. Kung minsan, kapag napapansin niya ang ilang problema at paglihis sa gawain ko, hindi siya sigurado kung ano ang sasabihin sa akin, at natatakot na baka magalit ako kung may kabagsikan sa tono niya. Nang marinig ko ito, medyo nakonsensya ako. Pero pagkatapos ay naisip ko: “Kung may mas banayad kang tono, hindi ako magkakaganito. Masyado kang mayabang.” Habang iniisip ito, hindi pa rin ako nagnilay sa sarili ko.

Kalaunan, nalaman ito ng superbisor ko, at nagbahagi siya sa akin nang ilang beses, sinasabi sa akin na magnilay-nilay muna sa aking sarili bago ko ituon ang aking atensyon sa iba. Sa panlabas, kaya kong talakayin sa superbisor ang pagninilay-nilay sa sarili, pero sa loob-loob ko, pakiramdam ko ay naagrabyado ako at inisip kong si Li Xiao ang may problema. Kaya, sa tuwing ikinukwento ko ang tungkol sa kalagayan ko, binibigyang-diin ko kung paanong gumagamit si Li Xiao ng mabagsik na tono sa akin para maipakita ko sa superbisor na pawang dahil sa kayabangan ni Li Xiao ang mga pagpapakita ko ng katiwalian. Umaasa ako na makikipagbahaginan sa kanya ang superbisor at mahikayat siya nitong mapahinahon ang tono niya. Noong panahong iyon, nakita ng isa pang superbisor na hindi ko nakilala ang mga isyu ko at nagbahagi siya sa akin ng sarili niyang karanasan. Binasa rin niya ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Sa iglesia, pinupungusan at iwinawasto ang ilang tao dahil hindi nila ginagawa nang maayos ang kanilang tungkulin. Sa mga sinasabi kapag pinupungusan at iwinawasto ang isang tao, kadalasan ang taong iyon ay pinagsasabihan at marahil ay pinagagalitan pa nga. Tiyak na sasama ang loob niya rito, at gugustuhin niyang magdahilan at sumagot. Sinasabi niya ang mga bagay gaya ng, ‘Bagamat iwinasto mo ako sa pamamagitan ng pagsasabi ng mga bagay na tama, ang ilan sa sinabi mo ay talagang nakasasama ng loob, at ipinahiya mo ako at sinaktan mo ang damdamin ko. Sa lahat ng taong ito ay nananalig na ako sa Diyos, nagsusumikap kahit na hindi nakapag-aambag—paanong natatrato ako nang ganito? Bakit wala kayong ibang iwinawasto? Hindi ko ito matatanggap at hindi ko ito mapalalampas!’ Isa itong uri ng tiwaling disposisyon, hindi ba? (Oo.) Ang tiwaling disposisyong ito ay naipamamalas lamang sa pamamagitan ng mga reklamo, pagsuway, at antagonismo, pero hindi pa ito umaabot sa sukdulan nito, hindi pa ito umaabot sa rurok nito, bagamat nagpapakita na ito ng ilang tanda, at nagsimula na itong umabot sa punto kung saan malapit na itong makaabot. Ano ang agad niyang saloobin pagkatapos nito? Matigas ang kanyang ulo, naiinis siya at palaban at nagsisimula siyang kumilos nang dahil sa pagkainis. Nagsisimula siyang mangatwiran na: ‘Hindi laging tama ang mga lider at manggagawa kapag nagwawasto ng mga tao. Maaaring kaya ninyong lahat na tanggapin ito, pero hindi ko kaya. Kaya ninyong tanggapin ito dahil mga hangal at duwag kayo. Hindi ko ito tinatanggap! Talakayin natin ito at tingnan natin kung sino ang tama o mali.’ Pagkatapos ay nagbabahagi sa kanya ang mga tao, sinasabing, ‘Tama man o mali, ang una mong kailangang gawin ay ang sumunod. Posible bang ni wala man lang bahid ang iyong paggawa ng tungkulin? Ginagawa mo ba nang tama ang lahat? Kahit pa ginagawa mo nang tama ang lahat, makatutulong pa rin sa iyo na maiwasto! Napakaraming beses na kaming nagbahagi sa iyo tungkol sa mga prinsipyo, pero hindi ka kailanman nakinig at pinili mong pikit-mata na lang na gawin ang gusto mo, na nagdulot ng mga pagkagambala sa gawain ng iglesia at nagsanhi ng malalaking kawalan, kaya paanong hindi mo maharap na mapungusan at maiwasto? Maaaring malupit ang pagkakasabi, at maaaring masakit itong pakinggan, pero normal lang iyon, hindi ba? Kaya bakit ka nakikipagtalo? Dapat bang payagan ka na lang na gumawa ng masasamang bagay nang hindi hinahayaan ang ibang tao na iwasto ka?’ Pero makakaya ba niyang tanggapin na iwasto siya pagkatapos niyang marinig ito? Hindi. Magpapatuloy lang siya sa pagpapalusot at paglaban. Anong disposisyon ang naihayag niya? Ang pagka-diyablo; isa itong masamang disposisyon. Ano ang talagang ibig niyang sabihin? ‘Hindi ko tinitiis na inisin ako ng mga tao. Walang dapat sumubok na makialam sa akin. Kung ipapakita ko sa iyo na hindi ako basta-basta puwedeng guluhin, hindi ka magtatangkang iwasto ako sa hinaharap. Hindi ba’t nanalo na ako kapag nagkaganoon?’ Anong tingin ninyo rito? Nailantad na ang disposisyon, hindi ba? Isa itong masamang disposisyon. Ang mga taong may masasamang disposisyon ay hindi lamang nayayamot sa katotohanan—kinamumuhian nila ang katotohanan! Kapag isinasailalim sila sa pagpupungos at pagwawasto, tinatakasan nila ito o kaya naman ay hindi pinapansin—sa puso nila, labis silang lumalaban. Hindi lang ito kaso kung saan gumagawa sila ng mga palusot. Hindi iyan ang saloobin nila ni paano man. Sumusuway sila at palaban, nakikipagtalo pa nga sila na gaya ng isang malupit na babae. Sa puso nila, iniisip nila, ‘Nauunawaan kong sinusubukan mo akong alipustahin at sadyang ipahiya, at kahit na hindi ako nangangahas na salungatin ka nang harapan, maghahanap ako ng pagkakataon para makabawi! Akala mo ba ay puwede mo akong basta na lang iwasto at ipagtulakan? Gagawin ko ang lahat na pumanig sa akin, ibukod ka, at pagkatapos ay ipatitikim ko sa iyo ang ginawa mo sa akin!’ Ito ang kanilang iniisip sa kanilang puso; sa wakas ay nahayag na ng kanilang masamang disposisyon ang sarili nito. Para matamo nila ang kanilang mga mithiin at mailabas ang kanilang galit, ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para makahanap ng mga palusot na magagamit nila upang mapangatwiranan ang sarili nila at magawa ang lahat na pumanig sa kanila. Saka lamang sila magiging masaya at mapayapa. Malisyoso ito, hindi ba? Isa itong masamang disposisyon(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Kaalaman Lamang Tungkol sa Anim na Uri ng Tiwaling Disposisyon ang Tunay na Pagkakilala sa Sarili). Inilantad ng mga salita ng Diyos ang mismong kalagayan ko. Naging pabasta-basta at pabaya ako sa tungkulin ko, at nabigong gawin ang mga bagay na ilang beses nang sinabi sa akin ni Li Xiao na gawin ko, na nakakaantala sa gawain. Pagkakamali ko ito. Tama lang na tinutukoy niya ang isyu ko. Bagamat medyo mabagsik ang tono niya, para ito sa ikabubuti ko at sa ikabubuti ng gawain ng iglesia. Pero hindi man lang ako nagnilay sa sarili ko—inisip ko pa nga na hindi niya ako nirerespeto at pinapahirapan niya ako. Pinupukol ko siya ng masasamang tingin dahil pakiramdam ko ay ipinapahiya niya ako sa pagtukoy ng mga isyu ko. Dahil sa akin, pakiramdam niya ay napipigilan siya. Napagtanto ko na hindi ako naging makatwiran. Kapag tinatabasan at iwinawasto, hindi lang ako hindi nagninilay sa sarili, binabaliktad ko pa ang sitwasyon at tinatawag siyang mayabang. Ginamit ko pa nga ang pagkakilala ko sa sarili para magreklamo tungkol sa kanya, umaasa na iwawasto siya ng superbisor. Talagang mayroon akong masamang disposisyon. Nang mapagtanto ang lahat ng ito, medyo napahiya ako.

Kalaunan, nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Kapag karamihan sa mga tao ay pinupungusan at iwinawasto, maaaring iyon ay dahil naglantad sila ng mga tiwaling disposisyon. Maaari ding dahil gumawa sila ng mali dahil sa kamangmangan at nagtaksil sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Maaari ding dahil ang mga pagtatangka nilang iraos lang ang kanilang tungkulin ay nakapinsala sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Ang pinakagrabeng dahilan ay kapag lantarang ginagawa ng mga tao ang gusto nila nang walang pagpipigil, nilalabag ang mga prinsipyo, at ginagambala at ginugulo ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Ito ang mga pangunahing dahilan kaya pinupungusan at iwinawasto ang mga tao. Anuman ang mga sitwasyong nagiging dahilan para iwasto o pungusan ang isang tao, ano ang pinakamahalagang saloobing dapat taglayin ukol dito? Una, dapat mong tanggapin ito, sinuman ang nagwawasto sa iyo, anuman ang dahilan, malupit man ito, o anuman ang tono at pananalitang ginagamit, dapat mong tanggapin ito. Pagkatapos, dapat mong aminin ang nagawa mong mali, ang tiwaling disposisyon na nailantad mo, at kung kumilos ka ba alinsunod sa mga prinsipyo ng katotohanan. Kapag ikaw ay pinupungusan at iwinawasto, unang-una sa lahat, ito ang saloobing dapat mong taglayin(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikawalong Bahagi)). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, natutunan ko na may dahilan kung bakit tayo iwinawasto: Kadalasan, ang dahilan ay hindi tayo naghahanap ng mga prinsipyo sa ating mga tungkulin at nagpapadala lamang sa ating mga tiwaling disposisyon. Iwinawasto tayo dahil pinipinsala natin ang gawain ng iglesia. Ang pagwawastong ito ay ginagawa dahil sa pagpapahalaga sa responsibilidad sa gawain, at para protektahan ang mga interes ng iglesia—isa itong positibong bagay. Pagkatapos maiwasto, makilala man natin o hindi ang ating isyu, dapat nating tanggapin ito, pagnilayan ang ating sarili at hanapin ang mga prinsipyo ng mga pagkilos. Nagpapakita ito ng pagtanggap sa katotohanan—ito ang saloobin na dapat taglayin ng isang tao kapag iwinawasto. Sa pagbabalik-tanaw sa panahong kasama ko si Li Xiao, kapag hindi ako pamilyar sa gawain, matiyaga niya akong tinuturuan nang pahakbang-hakbang, pero madalas na iniraraos ko lang ang gawain—hindi ako metikuloso at hindi ko ginagawa ang gawaing itinalaga sa akin. Bilang resulta, patuloy na napipigilan ang pag-usad namin. Noon lang niya ako iwinasto at sinumbatan. Sinusubukan niyangpagnilay-nilayin ako at ipatuwid ang aking mga kilos, hindi niya ako sinasaway nang walang prinsipyo. Pero hindi ko tinanggap ang katotohanan, at hindi ako nagnilay nang sumbatan niya ako at bigyan ako ng mga mungkahi. Sa halip, tumuon ako sa kanya at sa mga kilos niya. Inakala ko na pinupuna niya ang mga kapintasan ko nang gumamit siya nang medyo mabagsik na tono sa akin, at na ipinapahiya niya ako at pinapahirapan. Lumalaban ako, at hindi ko kayang tanggapin ito. Bilang resulta, napalampas ko ang maraming pagkakataon na matuto ng mga aral, napinsala ang aking pagpasok sa buhay at naantala ang gawain ng iglesia. Sobra akong hindi naging makatwiran! Pagkatapos, nagnilay ako kung bakit sa kabila ng katunayan na malinaw na nakakatulong sa akin ang kanyang pagpuna at kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia, hindi ko ito natanggap nang maayos, at nagkaroon pa nga ako ng pagkiling laban sa kanya. Habang naghahanap ako, nakita ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Pagdating sa usapin ng pagkakapungos, hindi ito kayang tanggapin ng mga anticristo. At may mga dahilan kung bakit hindi nila ito matanggap, ang pangunahing dahilan ay na kapag pinupungusan sila, pakiramdam nila ay napahiya sila, nawalan ng reputasyon, katayuan, at dignidad, na naiwan silang wala nang mukhang maihaharap sa lahat. May epekto sa puso nila ang mga bagay na ito, kaya’t nahihirapan silang tanggapin ang pagkakapungos, at pakiramdam nila, ang sinumang pumupungos sa kanila ay pinupuntirya sila at kaaway nila. Ito ang mentalidad ng mga anticristo kapag pinupungusan sila. Makakasiguro ka rito. Sa katunayan, sa pagpupungos lubusang nabubunyag kung kaya bang tanggapin ng isang tao ang katotohanan at kung tunay ba siyang makakapagpasakop. Ang matinding paglaban ng mga anticristo sa pagkakapungos ay sapat na para maipakita na tutol sila sa katotohanan at hindi nila ito tinatanggap kahit kaunti. Ito, kung gayon, ang pinakabuod ng problema. Hindi ang kanilang pride ang pinakabuod ng usapin; ang hindi pagtanggap sa katotohanan ang diwa ng problema. Kapag pinupungusan sila, hinihingi ng mga anticristo na gawin ito nang may magandang tono at ugali. Kung seryoso ang tono ng pumupungos at mabagsik ang kanyang ugali, lalaban at magiging suwail ang isang anticristo, at magagalit siya dahil sa kahihiyan. Hindi niya iniisip kung tama ba ang inilalantad sa kanya o kung katunayan ba ito, at hindi rin siya nagninilay-nilay kung saan siya nagkamali o kung dapat ba niyang tanggapin ang katotohanan. Ang iniisip lang niya ay kung nasaktan ba ang kanyang banidad at pride. Ganap na hindi kayang kilalanin ng mga anticristo na ang pagpupungos ay nakakatulong, mapagmahal, at nakapagliligtas sa mga tao, na kapaki-pakinabang ito sa mga tao. Ni hindi nila ito makita. Hindi ba’t medyo wala silang pagkilatis at katwiran? Kung gayon, kapag napupungusan, anong disposisyon ang ibinubunyag ng isang anticristo? Walang duda na disposisyon ito ng pagtutol sa katotohanan, pati na rin ng kayabangan at pagiging mapagmatigas. Ibinubunyag nito na pagtutol sa katotohanan at pagkamuhi rito ang kalikasang diwa ng mga anticristo(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikawalong Bahagi)). Mula sa mga salita ng Diyos, natutunan ko na likas na namumuhi ang mga anticristo sa katotohanan at nagnanasa ng katayuan. Kapag iwinawasto at tinatabasan, alam nilang tumpak ang pagpuna, pero dahil ipinapahiya sila nito at inilalantad nito ang kanilang tunay na kalikasan, ayaw nilang tanggapin ito. Itatakwil pa nila bilang kaaway ang taong nagwawasto sa kanila. Kapareho ng sa isang anticristo ang disposisyon ko. Nang tukuyin ni Li Xiao ang mga isyu ko, alam kong totoo ang sinabi niya, pero hindi ko hinanap ang katotohanan o pinagnilayan ang aking sarili. Ayaw kong tanggapin ang mga payo niya dahil direkta niyang nailantad ang mga kakulangan ko, at ipinahiya ako. Inakala kong pinapahirapan niya ako. Para protektahan ang sarili kong reputasyon, hindi ko lang siya tinatapunan ng masasamang tingin, pinipigilan siya, kundi inirereklamo ko rin siya sa superbisor ko para iwasto siya ng superbisor at pigilan siyang punahin ako. Napagtanto ko na mayroon akong disposisyong namumuhi-sa-katotohanan katulad ng mga anticristo. Ang isang taong kayang tanggapin ang katotohanan ay itinuturing na nakakatulong ang magkaroon ng kapareha na tumutukoy sa kanyang mga pagkukulang—sa ganitong paraan, maiiwasan niyang gawin ang kanyang tungkulin ayon sa kanyang tiwaling disposisyon, at maiiwasang gambalain ang gawain ng iglesia. Kapaki-pakinabang ito kapwa sa kanya at sa gawain ng iglesia. Kaya naman, kaya niyang tanggapin ang pagtatabas at pagpuna ng ibang tao. Pero malinaw na napuno ako ng katiwalian at kakulangan, at may mga problema sa gawain ko, pero ayaw kong may sinumang tumukoy sa mga ito. Kapag talagang tinutukoy nila ang mga ito, hinihingi kong gawin nila ito nang may mahusay na pakikitungo para hindi ako mapahiya. Kapag ang sinasabi nila ay nagbabanta sa aking katayuan at reputasyon, itinuturing ko silang parang isang kaaway at naghahanap ako ng mga paraan para ibukod sila nang walang anumang pagsasaalang-alang sa gawain ng iglesia o sa kanilang mga damdamin, lalong walang anumang paggalang sa Diyos. Tinatahak ko ang landas ng isang anticristo, at kung hindi ako magsisisi, kamumuhian ako ng Diyos at palalayasin.

Kalaunan, nakakita ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Paano ipinapahayag ang nakakatulong na pananalita? Ito ay pangunahing nanghihikayat, nagtuturo, gumagabay, nagpapayo, umuunawa, at nagpapanatag. Isa pa, sa ilang natatanging pagkakataon, kinakailangan na direktang ibunyag ang mga kamalian ng ibang tao at iwasto at tabasan sila, upang magtamo sila ng kaalaman sa katotohanan at kagustuhang magsisi. Saka lang makakamtan ang nararapat na epekto. Ang ganitong paraan ng pagsasagawa ay tunay na kapaki-pakinabang sa mga tao. Tunay na tulong ito sa kanila, at mapakikinabangan nila ito, hindi ba? Sabihin natin, halimbawa, na napakasutil at napakayabang mo. Hindi mo ito namalayan kahit kailan, ngunit lumitaw ang isang taong lubos na nakakakilala sa iyo at sinabi niya sa iyo ang problema. Iniisip mo sa sarili mo, ‘Sutil ba ako? Mayabang ba ako? Wala nang ibang nangahas na sabihin iyon sa akin, ngunit nauunawaan niya ako. Kung nasabi niya ang gayong bagay, nagpapahiwatig iyon na talagang totoo iyon. Kailangan kong gumugol ng kaunting panahon para pagnilayan ito.’ Pagkatapos niyon sasabihin mo sa taong iyon, ‘Magagandang bagay lamang ang sinasabi ng ibang mga tao sa akin, pinupuri nila ako nang husto, walang sinumang nakikipag-usap sa akin nang masinsinan kahit kailan, wala pang sinumang bumanggit ng mga pagkukulang at isyung ito sa akin. Ikaw lamang ang nakapagsabi niyon sa akin, na kumausap sa akin nang masinsinan. Napakagaling niyon, napakalaking tulong sa akin.’ Pag-uusap ito nang puso-sa-puso, hindi ba? Paunti-unti, sinabi sa iyo ng taong iyon ang nasa isip niya, ang mga naiisip niya tungkol sa iyo, at ang kanyang mga karanasan kung paano siya nagkaroon ng mga kuru-kuro, imahinasyon, pagkanegatibo at kahinaan tungkol sa bagay na ito, at nagawang takasan iyon sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan. Ito ay pag-uusap nang puso-sa-puso, ito ay pagniniig ng mga kaluluwa(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 3). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, natutunan ko na bukod pa sa pananalita na nagpapalakas-loob at nagbibigay-ginhawa sa mga tao, ang pananalita na kumukumpronta sa mga isyu ng mga tao at tumutukoy sa kanilang mga kakulangan ay talagang nakakatulong din. Kung minsan ay dinidiktahan tayo ng mga tiwaling disposisyon at hindi nakikita ang sarili nating mga problema, at ang mga salitang nagwawasto at naglalantad sa ating mga isyu ay maaari pa ngang maging mas kapaki-pakinabang. Sa sandaling iyon, maaaring medyo mapahiya tayo, ngunit ang pagpuna at suportang ito ay maaaring magtulak sa atin na lumapit sa Diyos para hanapin ang katotohanan at pagnilayan ang ating sarili. Talagang kapaki-pakinabang ito para sa ating pagpasok sa buhay. Hindi ko pinapahalagahan ang pagpasok sa buhay at hindi ako aktibong nagninilay sa aking sarili. Malapit sa akin si Li Xiao, kaya malinaw na malinaw sa kanya kung anong mga isyu ang umiiral sa gawain ko. May pagkaunawa siya sa pagiging matuwid, at responsableng gumagawa, at kayang direktang tukuyin ang mga isyu at paglihis ko. Maaaring hindi naging maganda ang pakikitungo niya, at medyo mabagsik pa nga, pero talagang sinusubukan niya akong tulungan. Kahit nang maramdaman niya na napipigilan siya ng aking tiwaling disposisyon, hindi sumama ang tingin niya sa akin at nagpatuloy na makipagtulungan sa akin gaya pa rin ng dati. Pagkatapos akong iwasto at ilantad ni Li Xiao, saka lang ako nabalisa at natutong lumapit sa Diyos para pagnilayan ang aking problema. Unti-unti, sinimulan kong ituwid ang aking saloobin sa aking tungkulin. Ang mga pagpapabuting ito ay resultang lahat ng panunumbat at pagwawasto sa akin ni Li Xiao. Pero hindi ko alam kung ano ang mabuti para sa akin—inakala ko na noong gamitan niya ako ng mabagsik na tono, binabatikos niya ako at pinupuna ang mga kapintasan ko. Kaya patuloy akong umiiwas, lumalaban, tumatangging tumanggap, at hindi tumuon sa pagninilay sa sarili ko. Sa huli, hindi talaga ako nagbago at pinalampas ang mga pagkakataong makamit ang katotohanan. Napakahangal ko! Kung ipinares ako sa isang mapagpalugod ng tao na hindi tinutukoy ang mga problema ko, bagamat sa panlabas ay hindi ako nito maipapahiya, sa realidad, wala talaga itong maitutulong sa akin at hindi magiging kapaki-pakinabang sa pagpasok ko sa buhay o sa gawain ng iglesia. Sa pamamagitan ng mga napagtanto kong ito, nagkaroon ako ng landas ng pagsasagawa. Alam ko na sa hinaharap, kapag tinabas at iwinasto ako, hindi ko dapat paboran lang ang mga nakalulugod na komento, o isaalang-alang lang ang sarili kong reputasyon at katayuan. Dapat kong tanggapin na maiwasto, at hanapin ang katotohanan tungkol sa mga pagpuna ng mga tao, pagnilayan ang aking sarili at agarang magsisi at ituwid ang aking mga kilos. Sa pamamagitan ng pakikipagpareha sa iba sa ganitong paraan, saka ko lang magagampanan nang maayos ang aking tungkulin at responsibilidad.

Kalaunan sa pagbabahaginan, hayagan kong ibinahagi kay Li Xiao ang natutunan ko. Pagkatapos, pareho kaming nakaramdam ng labis na kalayaan at sa wakas ay nagawa ko nang muling makipagpareha sa kanya nang normal. Isang beses, may isang baguhan na dumaranas ng ilang isyu, kaya nagbahagi ako sa kanya sa aking pagkaunawa, pero nang marinig ni Li Xiao ang sinabi ko, prangka nitong sinabi sa akin na nagbigay lang ng kaunting pampatibay-loob sa baguhan ang pagbabahagi ko pero hindi nito malulutas ang isyu ng baguhan. Medyo napahiya ako sa sinabi niya. Sa panlabas, nagpakita ako ng pagtanggap sa kanyang pagpuna, pero sa loob-loob ko, medyo hindi ako nasiyahan sa kanya. Pero napagtanto ko na hindi tama ang kalagayan ko, kaya dali-dali akong nagdasal sa Diyos at tinalikdan ang aking sarili. Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Ngayon, ang pinakamahalagang bahagi ng paggawa ng inyong tungkulin ay ang matutong magpasakop—matutong magpasakop sa katotohanan at sa mga bagay na nagmumula sa Diyos. Sa ganitong paraan, habang sumusunod kayo sa Diyos ay matututuhan ninyo ang inyong mga aral, at unti-unti kayong makapapasok sa realidad ng katotohanan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Matamo ang Katotohanan, Dapat Matuto ang Isang Tao mula sa mga Tao, Usapin, at Bagay sa Malapit). Totoo nga, kapag nahaharap sa mga problema, dapat tayong matutong tumanggap ng pananalita na naaayon sa katotohanan at kapaki-pakinabang sa ating tungkulin. Ito ang hinihingi ng Diyos, at ito ang dapat nating gawin. Dahil tinukoy ni Li Xiao ang problema ko, dapat kong tanggapin ang kanyang pagpuna, maghanap at magnilay. Sa pamamagitan ng pagdarasal at pagninilay-nilay, nalaman ko na hindi ko talaga naunawaan ang isyu ng baguhan at hindi nakapagbahagi sa pinakapunto ng usapin. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, nagkaroon ako ng kaunting pagkakilala sa aking mga paglihis at kakulangan at nagkamit ng higit na kabatiran sa aspetong ito ng katotohanan. Nakita ko talaga kung paanong ang pagkakaroon ng ganoong kapareha sa tabi ko ay labis na kapaki-pakinabang para sa aking pagpasok sa buhay at paggawa ng aking tungkulin. Naramdaman ko rin ang mga pakinabang ng pagtanggap sa pagpuna ng iba. Simula ngayon, tatanggapin ko ang mga pagpuna ng aking mga kapatid at gagawin nang maayos ang aking tungkulin.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Liitan ang Font Size
Lakihan ang Font Size
Pumasok sa Full Screen
Lumabas sa Full Screen