513 Hanapin ang Katotohanan sa Lahat ng Bagay
1 Ang pagsang-ayon ng Diyos ang una mong dapat pag-isipan at pagsumikapan kapag kumikilos ka; ito dapat ang prinsipyo at saklaw ng iyong pagsasagawa. Dapat mong tukuyin kung ang iyong ginagawa ay naaayon sa katotohanan dahil kung naaayon ito sa katotohanan, tiyak na naaayon ito sa kalooban ng Diyos. Hindi naman sa dapat mong masukat kung tama o mali ang bagay na ito, o kung naaayon ito sa mga panlasa ng lahat ng iba pa, o kung naaayon ito sa sarili mong mga kagustuhan; sa halip, dapat mong tukuyin kung alinsunod ito sa katotohanan, at kung may pakinabang man ito sa gawain at mga interes ng iglesia o wala. Kung isasaalang-alang mo ang mga bagay na ito, mas lalo kang makakaayon sa kalooban ng Diyos kapag gumagawa ka ng mga bagay-bagay.
2 Kung hindi mo isasaalang-alang ang mga aspetong ito, at aasa ka lamang sa sarili mong kalooban kapag ginagawa mo ang mga bagay-bagay, kung gayon garantisadong gagawin mo ang mga ito nang mali, dahil ang kalooban ng tao ay hindi ang katotohanan at, mangyari pa, hindi kaayon ng Diyos. Kung nais mong masang-ayunan ng Diyos, kailangan mong magsagawa ayon sa katotohanan sa halip na ayon sa sarili mong kalooban. Ano man ang iyong ginagawa, gaano man kalaki o kaliit ang isang bagay, at ginagawa mo man iyon upang gampanan ang iyong tungkulin sa pamilya ng Diyos o para sa sarili mong mga lihim na dahilan, kailangan mong isipin kung naaayon ang ginagawa mo sa kalooban ng Diyos, at kung ito ba ay isang bagay na dapat gawin ng isang taong makatao. Kung ganito ang paghahanap mo ng katotohanan sa lahat ng ginagawa mo, isa kang taong tunay na nananalig sa Diyos. Kung taimtim mong tinatrato ang bawat bagay at bawat katotohanan sa ganitong paraan, magkakamit ka ng mga pagbabago sa iyong disposisyon.
3 Iniisip ng ilang tao na kapag gumagawa sila ng isang personal na bagay, maaari nilang basta balewalain ang katotohanan, gawin ito ayon sa gusto nila, gawin ito sa anumang paraang nagpapasaya sa kanila at sa anumang paraang makakabuti sa kanila. Wala sila ni katiting na konsiderasyon kung paano nito maaapektuhan ang pamilya ng Diyos, ni wala silang konsiderasyon kung ang ginagawa nila ay naaangkop sa banal na kawastuhan. Sa huli, kapag tapos na sila sa bagay na ito, nagdidilim ang kanilang kalooban at hindi sila mapakali. Paghihiganti ba ito na hindi nararapat? Kung gumagawa ka ng mga bagay na hindi sinasang-ayunan ng Diyos, nagkasala ka sa Diyos. Kung hindi mahal ng isang tao ang katotohanan, at madalas nilang ginagawa ang mga bagay ayon sa sarili nilang kalooban, madalas silang magkakasala sa Diyos. Ang gayong mga tao ay karaniwang hindi sinasang-ayunan ng Diyos sa kanilang ginagawa, at kung hindi sila magsisisi, hindi malayong parusahan sila.
Hango sa Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi