B. Mga Salita tungkol sa Paghahayag sa Napakasamang Disposisyon ng Tiwaling Sangkatauhan at sa Kanilang Diwang Kalikasan
81. Ang ugat ng pagsalungat at pagiging mapaghimagsik ng tao laban sa Diyos ay ang kanyang katiwalian sa pamamagitan ni Satanas. Dahil sa katiwalian ni Satanas, naging manhid ang konsensiya ng tao; imoral siya, bulok ang kanyang mga saloobin, at paurong ang kanyang pangkaisipang pananaw. Bago siya ginawang tiwali ni Satanas, likas na nagpapasakop sa Diyos ang tao at nagpapasakop sa Kanyang mga salita pagkatapos marinig ang mga ito. Siya ay likas na may maayos na katwiran at konsensiya, at may normal na pagkatao. Matapos gawing tiwali ni Satanas, ang orihinal na katwiran, konsensiya, at pagkatao ng tao ay naging manhid at pininsala ni Satanas. Sa gayon, nawala niya ang kanyang pagpapasakop at pag-ibig sa Diyos. Naging lihis ang katwiran ng tao, naging katulad na ng sa hayop ang kanyang disposisyon, at lalong nadaragdagan at lumulubha ang kanyang pagiging mapaghimagsik sa Diyos. Ngunit hindi pa rin ito batid ni nauunawaan ng tao, at walang tigil lang siyang sumasalungat at naghihimagsik. Ang mga pagbubunyag ng disposisyon ng tao ay ang mga pagpapahayag ng kanyang katwiran, kabatiran, at konsensiya; dahil wala sa ayos ang kanyang katwiran at kabatiran, at sukdulan nang naging manhid ang kanyang konsensiya, kaya mapaghimagsik laban sa Diyos ang kanyang disposisyon. Kung hindi mababago ang katwiran at kabatiran ng tao, imposible ang mga pagbabago sa kanyang disposisyon, gayundin ang umayon sa mga layunin ng Diyos. Kung hindi maayos ang katwiran ng tao, hindi niya maaaring paglingkuran ang Diyos at hindi siya angkop na gamitin ng Diyos. Tumutukoy ang “normal na katwiran” sa pagpapasakop at pagiging tapat sa Diyos, sa paghahangad sa Diyos, sa pagiging ganap tungo sa Diyos, at sa pagkakaroon ng konsensiya tungo sa Diyos. Tumutukoy ito sa pagiging isa sa puso at isip tungo sa Diyos, at hindi pasadyang lumalaban sa Diyos. Hindi ganito ang pagkakaroon ng lihis na katwiran. Mula noong ginawang tiwali ni Satanas ang tao, nakabuo na siya ng mga kuru-kuro ukol sa Diyos, at wala siyang katapatan sa Diyos o paghahangad sa Kanya, at lalo na ang pagkakaroon ng konsensiya tungo sa Diyos. Sadyang sinasalungat at hinuhusgahan ng tao ang Diyos, at, bukod pa riyan, pumupukol sa Kanya ng mga pagtuligsa sa Kanyang likuran. Hinuhusgahan ng tao ang Diyos nang patalikod, nang may malinaw na kaalamang Siya ang Diyos; ganap na talagang walang intensyon ang tao na magpasakop sa Diyos, at palagi lang may mga hinihingi at pakiusap sa Kanya. Ang gayong mga tao—mga taong may lihis na katwiran—ay walang kakayahang makilala ang sarili nilang pag-uugaling kasuklam-suklam o ang pagsisihan ang kanilang mga kilos ng paghihimagsik. Kung may kakayahan ang mga taong makilala ang mga sarili nila, bahagya nilang nabawi na ang kanilang katwiran; kapag ang mga tao ay mas mapaghimagsik laban sa Diyos pero hindi kilala ang sarili nila, mas wala sa ayos ang kanilang katwiran.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos
82. Makalipas ang ilang libong taon ng katiwalian, ang tao ay manhid at mapurol ang isip; siya ay naging masamang demonyong sumasalungat sa Diyos, hanggang naitala na sa mga aklat ng kasaysayan ang paghihimagsik ng tao tungo sa Diyos, at kahit ang tao mismo ay hindi kayang magbigay ng buong ulat ng kanyang ugaling mapaghimagsik—sapagkat ang tao ay nagawang tiwali na nang husto ni Satanas, at nailigaw na ni Satanas, na anupa’t hindi niya nalalaman kung saan tutungo. Kahit sa ngayon, ipinagkakanulo pa rin ng tao ang Diyos: Kapag nakikita ng tao ang Diyos, nagkakanulo ang tao sa Kanya, at kapag hindi nakikita ng tao ang Diyos, Siya ay ipinagkakanulo pa rin ng tao. Mayroon pa ngang iba na, bagaman nasasaksihan na ang mga sumpa ng Diyos at poot ng Diyos, ipinagkakanulo pa rin Siya. Kung kaya’t sinasabi Kong ang katwiran ng tao ay nawalan na ng orihinal nitong gamit, at na ang konsensiya ng tao, gayundin, ay nawalan ng orihinal nitong gamit. Ang taong nasisilayan Ko ay isang hayop sa anyong tao, isa siyang makamandag na ahas, at gaano man niya subukang magmukhang kahabag-habag sa mga mata Ko, hinding-hindi Ko siya kaaawaan, sapagka’t ang tao ay walang pagkaarok sa pagkakaiba ng itim at puti, sa pagkakaiba ng katotohanan at di-katotohanan. Masyadong namanhid ang katwiran ng tao, ngunit patuloy siyang naghahangad na magkamit ng mga pagpapala; masyadong walang-dangal ang kanyang pagkatao ngunit naghahangad pa rin siyang taglayin ang kataas-taasang kapangyarihan ng isang hari. Kanino kaya siya magiging hari sa gayong katwiran? Papaano siya mauupo sa isang trono sa gayong pagkatao? Tunay na walang kahihiyan ang tao! Siya ay isang palalong hamak! Para sa inyong nagnanais magkamit ng mga pagpapala, ipinapayo Kong humanap muna kayo ng salamin at tingnan ang inyong sariling pangit na larawan—taglay mo ba ang mga kinakailangan upang maging hari? Taglay mo ba ang mukha ng isang magtatamo ng mga pagpapala? Wala pa rin kahit katiting na pagbabago sa iyong disposisyon at hindi mo pa naisagawa ang alinman sa katotohanan, ngunit hinahangad mo pa rin ang isang magandang kinabukasan. Nililinlang mo ang iyong sarili! Ang tao, na isinilang sa gayong napakaruming lupain, ay labis nang nahawaan ng lipunan, nakondisyon na siya ng mga etikang piyudal, at natanggap niya ang edukasyon ng “mga institusyon ng mas mataas na pag-aaral.” Ang kaisipang paurong, tiwaling moralidad, mababang-uring pananaw sa buhay, kasuklam-suklam na pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, lubos na walang halagang pag-iral, at mga mababang-uring kaugalian at pang-araw-araw na buhay—lubhang nanghimasok na sa puso ng tao ang lahat ng mga bagay na ito, at lubhang pinipinsala at inaatake ang kanyang konsensiya. Bilang resulta, mas lalong lumalayo ang tao mula sa Diyos, at mas lalong nagiging laban sa Kanya. Lalong nagiging mas walang awa ang disposisyon ng tao sa bawat araw, at wala ni isang tao ang magkukusang isuko ang anumang bagay para sa Diyos, wala ni isang tao ang magkukusang magpasakop sa Diyos, at lalong walang ni isang taong magkukusang hanapin ang pagpapakita ng Diyos. Sa halip, hinahangad ng tao ang kasiyahan hangga’t gusto niya sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at walang pakundangang ginagawang tiwali ang kanyang laman sa putikan. Marinig man nila ang katotohanan, walang pagnanais ang mga nananahan sa kadiliman na isagawa ito, at ayaw nilang maghanap kahit na nakikita nilang nagpakita na ang Diyos. Paanong magkakaroon ng kahit kaunting tsansa sa kaligtasan ang isang tiwaling sangkatauhang tulad nito? Paano mabubuhay sa liwanag ang isang bulok na sangkatauhang tulad nito?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos
83. Walang ibang pinagmumulan ang pagbubunyag ng tiwaling disposisyon ng tao kundi ang mapurol niyang konsensiya, ang mapaminsala niyang kalikasan, at ang katwiran niyang wala sa ayos; kung muling makababalik sa normal ang konsensiya at katwiran ng tao, magiging angkop siyang magamit sa harap ng Diyos. Dahil lamang sa ang konsensiya ng tao ay manhid na noon pa man, at dahil ang katwiran ng tao, na hindi kailanman naging maayos, ay patuloy na mas pumupurol anupa’t lalo pang nagiging mapaghimagsik ang tao sa Diyos, kaya ipinako pa nga niya si Jesus sa krus at itinatakwil sa labas ng kanyang tahanan ang pagkakatawang-tao ng Diyos sa mga huling araw, at kinokondena ang katawang-tao ng Diyos, at mababa ang tingin sa katawang-tao ng Diyos. Kung mayroon kahit kaunting pagkatao ang tao, hindi siya magiging napakalupit sa kanyang pagtrato sa katawang-tao ng Diyos; kung mayroon siyang kahit kaunting katwiran, hindi siya magiging masyadong malupit sa kanyang pagtrato sa katawang-tao ng nagkatawang-taong Diyos; kung mayroon siyang kahit kaunting konsensiya, hindi siya “magpapasalamat” sa nagkatawang-taong Diyos sa ganitong paraan. Nabubuhay ang tao sa panahon na ang Diyos ay nagkakatawang-tao, ngunit hindi niya magawang magpasalamat sa Diyos sa pagbibigay sa kanya ng gayon kagandang pagkakataon, at sa halip ay isinusumpa ang pagdating ng Diyos, o lubusang hindi pinapansin ang katotohanan ng pagkakatawang-tao ng Diyos, at para bang salungat siya rito at tutol dito. Anuman ang pagtrato ng tao sa pagdating ng Diyos, ang Diyos, sa madaling sabi, ay matiyaga nang nagpapatuloy sa Kanyang gawain noon pa man—kahit wala ni katiting na pagtanggap ang tao sa Kanya, at walang taros na humihiling sa Kanya. Naging sukdulang mapaminsala na ang disposisyon ng tao, naging lubos na mapurol na ang kanyang katwiran, at lubusang niyurakan na ng masamang nilalang ang kanyang konsensiya at matagal nang tumigil na maging orihinal na konsensiya ng tao. Hindi lamang walang utang na loob ang tao sa nagkatawang-taong Diyos para sa pagkakaloob Niya ng kayraming buhay at biyaya sa sangkatauhan, bagkus ay may pagkasuklam pa nga siya para sa Diyos dahil sa pagbibigay sa kanya ng katotohanan; ito ay dahil wala ni kaunting interes sa katotohanan ang tao kaya may pagkasuklam siya para sa Diyos. Bukod sa hindi magawa ng taong ialay ang kanyang buhay para sa nagkatawang-taong Diyos, sinusubukan din niyang makakuha ng mga pabor mula sa Diyos, at humihingi ng interes na dose-dosenang beses na mas malaki kaysa sa naibigay na ng tao sa Diyos. Ang mga taong may gayong konsensiya at katwiran ay wala pa ring nakikitang mali rito, at naniniwala pa rin na masyado na nilang iginugol ang sarili nila para sa Diyos, at na masyadong kakaunti ang naibigay na ng Diyos sa kanila. May mga tao na, matapos magbigay sa Akin ng isang mangkok ng tubig, inilalahad ang kanilang mga kamay at humihiling na bayaran Ko sila para sa dalawang mangkok ng gatas, o, matapos makapagbigay sa Akin ng isang kuwarto para sa isang gabi, humihiling na magbayad Ako ng renta para sa maraming gabi. Sa gayong pagkatao at sa gayong konsensiya, paano ninyo nagagawa pa ring naising magkamit ng buhay? Anong kasuklam-suklam na mga buhong kayo!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos
84. Kung hindi Ko hinukay ang kapangitan sa kaibuturan ng puso ninyo, maglalagay ng korona sa ulo ang bawat isa sa inyo at sasarilinin ang lahat ng kaluwalhatian. Ang mapagmataas at palalong mga kalikasan ninyo ang nagtutulak sa inyo na ipagkanulo ang sarili ninyong mga konsensya, na maghimagsik laban at lumaban kay Cristo, at upang ibunyag ang kapangitan ninyo, sa gayo’y inilalantad ang inyong mga intensyon, mga kuru-kuro, mga magagarbong pagnanais, at mga matang puno ng kasakiman. Gayumpaman ay patuloy kayong dumadaldal tungkol sa habambuhay ninyong apoy ng damdamin para sa gawain ni Cristo, at inuulit-ulit ang mga katotohanang matagal nang sinabi ni Cristo. Ito ang “pananalig” ninyo—ang inyong “pananalig na walang karumihan.” Itinakda Ko ang mahigpit na pamantayan sa tao sa buong panahon. Kung may kaakibat na mga intensyon at kondisyon ang katapatan mo, mas nanaisin Ko pang wala ang tinatawag mong katapatan, sapagkat nasusuklam Ako sa mga nanlilinlang sa Akin sa pamamagitan ng kanilang mga intensyon at nangingikil sa Akin sa pamamagitan ng mga kondisyon. Hiling Ko lamang na maging lubos na tapat sa Akin ang tao, at gawin ang lahat ng bagay para sa kapakanan ng—at para patunayan ang—isang salita: pananalig. Kinasusuklaman Ko ang paggamit ninyo ng mga pambobola upang subukang pasayahin Ako, sapagkat palagi Ko kayong pinakitunguhan nang may sinseridad, at kaya ninanais Ko ring pakitunguhan ninyo Ako nang may totoong pananalig. Pagdating sa pananalig, maaaring iniisip ng marami na sumusunod sila sa Diyos sapagkat may pananalig sila, kung hindi ay hindi sila magtitiis ng gayong pagdurusa. Kaya ito ang tanong Ko sa iyo: Kung naniniwala ka sa pag-iral ng Diyos, bakit hindi mo Siya kinatatakutan? Kung naniniwala ka sa pag-iral ng Diyos, bakit wala ka ni katiting na pangamba sa Kanya sa puso mo? Tinatanggap mong si Cristo ang pagkakatawang-tao ng Diyos, ngunit bakit hinahamak mo Siya? Bakit ka lapastangang umaasal sa Kanya? Bakit lantaran mo Siyang hinuhusgahan? Bakit palagi mong minamanmanan ang Kanyang mga pagkilos? Bakit hindi ka nagpapasakop sa Kanyang mga pagsasaayos? Bakit hindi ka kumikilos nang naaayon sa Kanyang salita? Bakit mo kinikikilan at pinagnanakawan Siya ng mga alay para sa Kanya? Bakit ka nagsasalita mula sa kinatatayuan ni Cristo? Bakit mo hinuhusgahan kung tama ba ang gawain at salita Niya? Bakit ka nangangahas na lapastanganin Siya sa Kanyang likuran? Ang mga ito ba at ang iba pa ang bumubuo sa pananalig ninyo?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isa Ka bang Tunay na Mananampalataya sa Diyos?
85. Kung ginagamit ninyo ang mga sarili ninyong kuru-kuro upang sukatin at limitahan ang Diyos, na parang ang Diyos ay isang di-nababagong estatuwa na gawa sa luwad, at kung ganap na nililimitahan ninyo ang Diyos sa loob ng Bibliya at ikulong Siya sa isang limitadong saklaw ng gawain, ito ay nagpapatunay na hinatulan na ninyo ang Diyos. Dahil, sa kanilang mga puso, itinuring ng mga Hudyo sa kapanahunan ng Lumang Tipan ang Diyos bilang isang idolo na hindi nagbabago ang anyo, na para bang ang Diyos ay matatawag lamang na Mesiyas, at tanging Siya lamang na tinawag na Mesiyas ang Diyos, at dahil pinaglingkuran at sinamba ng sangkatauhan ang Diyos na para bang Siya ay isang (walang-buhay na) estatuwang gawa sa luwad, ipinako nila ang Jesus ng panahong iyon sa krus, hinahatulan Siya ng kamatayan—ang walang-kasalanang Jesus ay sa gayon hinatulan ng kamatayan. Inosente ang Diyos sa anumang paglabag, ngunit tumanggi ang tao na hayaan Siyang mabuhay, at nagpumilit na hatulan Siya ng kamatayan, at sa gayon, ipinako si Jesus sa krus. Laging naniniwala ang tao na di-nagbabago ang Diyos, at nililimitahan Siya batay lamang sa iisang aklat, ang Bibliya, na tila ba may perpektong pagkaunawa ang tao sa pamamahala ng Diyos, na tila ba ang lahat ng mga ginagawa ng Diyos ay nasa mga kamay na ng tao. Ang mga tao ay talaga namang katawa-tawa, sukdulan ang pagmamataas, at lahat sila ay mahilig sa eksaherasyon. Gaano man kadakila ang kaalaman mo sa Diyos, sinasabi Ko pa rin na hindi mo kilala ang Diyos, na ikaw ay isa na pinakatumututol sa Diyos, at na hinatulan mo ang Diyos, dahil lubos kang walang kakayahang magpasakop sa gawain ng Diyos at lumalakad sa landas ng paggawang perpekto ng Diyos. Bakit hindi kailanman nasisiyahan ang Diyos sa mga pagkilos ng tao? Sapagka’t hindi kailanman kilala ng tao ang Diyos, sapagka’t napakarami niyang kuru-kuro, at sapagka’t ang kanyang kaalaman sa Diyos ay hindi sumasang-ayon sa anumang paraan sa realidad, ngunit sa halip ay inuulit-ulit lang ang parehong tema nang walang pagbabago at ginagamit ang parehong paraan sa bawat sitwasyon. Kaya, yamang naparito sa lupa ngayon, ang Diyos ay minsan pang ipinako ng tao sa krus. Malupit na sangkatauhan! Ang pang-iintriga at pagpapakana, ang pag-aagawan at paghahablutan sa isa’t isa, ang pagkukumahog para sa kasikatan at pakinabang, ang pagpapatayan—kailan ba ito matatapos? Bagama’t nakapagsalita na ang Diyos ng daang-libong mga salita, walang isa man ang natatauhan. Ang mga tao ay kumikilos para sa kapakanan ng kanilang mga pamilya, mga anak na lalaki at babae, para sa kanilang mga propesyon, kinabukasan, katayuan, hungkag na kaluwalhatian, at pera, para sa pagkain, damit, at sa laman. Ngunit mayroon bang sinuman na ang mga pagkilos ay talagang para sa kapakanan ng Diyos? Kahit sa gitna ng mga kumikilos para sa Diyos, kaunti lamang ang nakakakilala sa Diyos. Ilan ang hindi kumikilos para sa kapakanan ng kanilang sariling mga interes? Ilan ang hindi nang-aapi at nagtatakwil ng iba para sa pagpapanatili ng kanilang sariling katayuan? Kaya, ang Diyos ay sapilitang hinatulan na ng kamatayan nang hindi mabilang na beses, at di-mabilang na malulupit na hukom ang humatol na sa Diyos at minsan pang ipinako Siya sa krus. Gaano karami ang natatawag na matuwid dahil talagang kumikilos sila para sa kapakanan ng Diyos?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Masama ay Tiyak na Parurusahan
86. Hindi ba maraming taong kumokontra sa Diyos at humahadlang sa gawain ng Banal na Espiritu dahil hindi nila alam ang iba’t iba at malawak na gawain ng Diyos, at, bukod pa riyan, dahil napakaliit ng taglay nilang kaalaman at doktrina para sukatin ang gawain ng Banal na Espiritu? Bagama’t mababaw ang mga karanasan ng gayong mga tao, mayabang at likas silang mapagpalayaw at hinahamak nila ang gawain ng Banal na Espiritu, binabalewala ang mga pagdidisiplina ng Banal na Espiritu at, bukod pa riyan, ginagamit nila ang kanilang mga walang-kuwentang lumang argumento upang “pagtibayin” ang gawain ng Banal na Espiritu. Nagkukunwari din sila, at lubos na kumbinsido sa sarili nilang natutuhan at kaalaman, at kumbinsido na nakakapaglakbay sila sa buong mundo. Hindi ba’t itinataboy ng Banal na Espiritu ang gayong mga tao, at hindi ba sila ititiwalag pagsapit ng bagong kapanahunan? Hindi ba mga kasuklam-suklam na taong mangmang at kulang sa kaalaman yaong mga humaharap sa Diyos at lantaran Siyang kinokontra, na nagpapakita lamang kung gaano sila katalino? Sa taglay nilang kaunting kaalaman tungkol sa Bibliya, sinisikap nilang magwala sa “akademya” ng mundo; taglay ang isang mababaw na doktrina para turuan ang mga tao, sinusubukan nilang baligtarin ang gawain ng Banal na Espiritu at tinatangkang paikutin ito sa sarili nilang proseso ng pag-iisip. Dahil hindi nila alam ang mangyayari, sinusubukan nilang masdan sa isang sulyap ang 6,000 taon ng gawain ng Diyos. Walang anumang katinuan ang mga taong ito na dapat banggitin! Sa katunayan, kapag mas maraming kaalaman ang mga tao tungkol sa Diyos, mas mabagal silang manghusga sa Kanyang gawain. Bukod pa riyan, katiting lamang ang binabanggit nilang kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos ngayon, ngunit hindi sila padalus-dalos sa kanilang mga paghusga. Kapag mas kakaunti ang alam ng mga tao tungkol sa Diyos, mas mayabang sila at labis ang tiwala nila sa sarili at mas walang-pakundangan nilang ipinapahayag ang katauhan ng Diyos—subalit ang binabanggit nila ay teorya lamang, at wala silang ibinibigay na tunay na katibayan. Walang anumang halaga ang gayong mga tao. Yaong mga itinuturing na laro ang gawain ng Banal na Espiritu ay mga bobo! Yaong mga hindi maingat kapag nakakatagpo sila ng bagong gawain ng Banal na Espiritu, na walang-tigil magsalita, mabilis humusga, malayang hinahayaan ang kanilang pag-uugali na tanggihan ang pagiging tama ng gawain ng Banal na Espiritu, at iniinsulto at nilalapastangan din ito—hindi ba mangmang sa gawain ng Banal na Espiritu ang ganoon kawalang-galang na mga tao? Bukod pa riyan, hindi ba sila mga taong mayayabang, likas na mapagmataas at pasaway? Kahit dumating ang araw na tanggapin ng gayong mga tao ang bagong gawain ng Banal na Espiritu, hindi pa rin sila palalampasin ng Diyos. Hindi lamang nila hinahamak yaong mga gumagawa para sa Diyos, kundi nilalapastangan din nila ang Diyos Mismo. Ang gayong desperadong mga tao ay hindi patatawarin, sa kapanahunang ito man o sa darating na kapanahunan, at mapapahamak sila sa impiyerno magpakailanman! Ang gayong walang-galang at maluhong mga tao ay nagkukunwaring naniniwala sa Diyos, at kapag mas ganito ang mga tao, mas malamang na labagin nila ang mga atas administratibo ng Diyos. Hindi ba tumatahak sa landas na ito ang lahat ng mayabang na talagang hindi mapigil, at hindi pa sumunod kahit kanino kailanman? Hindi ba nila kinokontra ang Diyos bawat araw, ang Diyos na laging bago at hindi kailanman luma?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkilala sa Diyos
87. Dapat ninyong malaman na kinokontra ninyo ang gawain ng Diyos, o ginagamit ninyo ang inyong sariling mga kuru-kuro upang sukatin ang gawain ngayon, dahil hindi ninyo alam ang mga prinsipyo ng gawain ng Diyos, at dahil sa inyong padalus-dalos na pagtrato sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang inyong pagkontra sa Diyos at paghadlang sa gawain ng Banal na Espiritu ay sanhi ng inyong mga kuru-kuro at likas na kayabangan. Hindi ito dahil mali ang gawain ng Diyos, kundi dahil masyado kayong likas na mapaghimagsik. Matapos masumpungan ang kanilang paniniwala sa Diyos, hindi man lamang masabi ng ilang tao nang may katiyakan kung saan nanggaling ang tao, subalit nangangahas silang magtalumpati sa publiko na sumusukat sa mga tama at mali sa gawain ng Banal na Espiritu. Sinesermunan pa nila ang mga apostol na mayroong bagong gawain ng Banal na Espiritu, na nagkokomento at nagsasalita nang wala sa lugar; napakababa ng kanilang pagkatao, at wala ni katiting na katinuan sa kanila. Hindi ba’t darating ang araw na itataboy ng gawain ng Banal na Espiritu ang gayong mga tao, at susunugin ng mga apoy ng impiyerno? Hindi nila alam ang gawain ng Diyos, kundi sa halip ay hinuhusgahan ang Kanyang gawain, at sinusubukan ding turuan ang Diyos kung paano gumawa. Paano makikilala ng gayong mga taong wala sa katwiran ang Diyos? Nakikilala ng tao ang Diyos habang naghahanap at nagdaranas; ang kaalaman sa Diyos ay hindi nakakamit sa pamamagitan ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu sa panahon ng paghusga ng tao nang pabasta-basta. Kapag mas tumpak ang kaalaman ng mga tao tungkol sa Diyos, mas hindi nila Siya kinokontra. Sa kabilang dako, kapag mas kakaunti ang alam ng tao tungkol sa Diyos, mas malamang na kontrahin nila Siya. Ang iyong mga kuru-kuro, ang dati mong likas na pagkatao, at ang iyong pagkatao, ugali at moral na pananaw ang puhunan na ipinanlalaban mo sa Diyos, at habang mas tiwali ang iyong moralidad, kasuklam-suklam ang iyong mga katangian, at mababa ang iyong pagkatao, mas kaaway ka ng Diyos. Yaong mga nagtataglay ng matitinding kuru-kuro at may mapagmagaling na disposisyon ay mas lalo pang kinapopootan ng Diyos na nagkatawang-tao; ang gayong mga tao ang mga anticristo. Kung hindi naitama ang iyong mga kuru-kuro, palaging magiging laban sa Diyos ang mga ito; hindi ka magiging kaayon ng Diyos kailanman, at lagi kang malalayo sa Kanya.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkilala sa Diyos
88. Ang sinumang hindi nakauunawa sa layunin ng gawain ng Diyos ay lumalaban sa Kanya, at ang nakaunawa sa pakay ng gawain ng Diyos ngunit hindi pa rin nagsisikap na mabigyang-kasiyahan ang Diyos ay lalo pang itinuturing na lumalaban sa Diyos. Mayroong mga nagbabasa ng Bibliya sa malalaking simbahan at bumibigkas nito nang buong araw, ngunit wala ni isa sa kanila ang nakauunawa sa layon ng gawain ng Diyos. Wala ni isa sa kanila ang nakakakilala sa Diyos, lalong wala ni isa sa kanila ang nakakaayon sa mga layunin ng Diyos. Lahat sila ay mga taong walang halaga, ubod ng sama, bawat isa ay nagpapakataas upang pangaralan ang “Diyos.” Sila ay mga taong nagdadala sa bandila ng Diyos ngunit sadyang lumalaban sa Diyos, na nagdadala ng bansag na nananampalataya sa Diyos habang kinakain ang laman at iniinom ang dugo ng tao. Ang lahat ng gayong tao ay masasamang diyablong lumalamon sa kaluluwa ng tao, mga pinunong demonyo na sadyang gumugulo sa pagtahak ng mga tao sa tamang landas, at mga balakid na nakasasagabal sa paghahanap ng mga tao sa Diyos. Sila ay tila may “maayos na pangangatawan,” ngunit paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay walang iba kundi mga anticristo na umaakay sa mga tao na lumaban sa Diyos? Paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay mga nabubuhay na diyablo na nakatuon sa paglamon ng mga kaluluwa ng tao? Ang mga itinataas ang kanilang sarili sa harap ng Diyos ang pinakahamak sa mga tao, samantalang ang nag-iisip sa kanilang sarili na hamak ay ang pinakamarangal. At ang mga nag-aakala na alam nila ang gawain ng Diyos at higit pa rito, ay kayang magpahayag ng gawain ng Diyos sa iba nang may pagpapasikat habang sila ay direktang nakatingin sa Kanya—sila ang mga pinakamangmang sa mga tao. Ang ganitong mga tao ay pawang walang patotoo sa Diyos, lahat sila ay mapagmataas at palalo. Ang mga naniniwala na lubhang kakaunti ang kanilang pagkakilala sa Diyos, sa kabila ng kanilang praktikal na karanasan at praktikal na pagkakilala sa Kanya, ang mga pinakamamahal Niya. Tanging ang ganitong mga tao ang tunay na may patotoo at tunay na magagawang perpekto ng Diyos. Ang mga hindi nakauunawa sa mga layunin ng Diyos ay mga lumalaban sa Diyos. Ang mga nakauunawa sa mga layunin ng Diyos ngunit hindi isinasagawa ang katotohanan ay mga lumalaban sa Diyos. Ang mga kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, ngunit lumalaban sa diwa ng mga salita ng Diyos, ay mga lumalaban sa Diyos. Ang mga may mga kuru-kuro tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, at higit pa rito ay sadyang nakikibahagi sa paghihimagsik, ay mga lumalaban sa Diyos. Ang mga naghuhusga sa Diyos ay mga lumalaban sa Diyos, at ang sinumang hindi kayang makilala ang Diyos o magpatotoo sa Kanya ay isang taong lumalaban sa Diyos. Kaya hinihimok Ko kayo: Kung tunay ngang mayroon kayong pananalig na makakaya ninyong tahakin ang landas na ito, ipagpatuloy ang pagsunod dito. Ngunit kung hindi ninyo kayang umiwas sa paglaban sa Diyos, pinakamabuting lumayo na kayo bago maging huli ang lahat. Kung hindi, ang posibilidad na makasama sa inyo ang mga bagay-bagay ay lubhang mataas, sapagkat ang inyong kalikasan ay talagang labis na tiwali. Wala kayong kahit karampot o katiting na katapatan o pagpapasakop, o pusong uhaw sa pagkamakatuwiran at katotohanan, o pag-ibig para sa Diyos. Maaaring sabihin na ang inyong kalagayan sa harap ng Diyos ay lubos na magulo. Hindi ninyo magawang sumunod sa nararapat ninyong sundin, at hindi ninyo kayang sabihin ang nararapat ninyong sabihin. Nabigo kayong isagawa ang nararapat ninyong isagawa. At ang tungkulin na nararapat ninyong gampanan, hindi ninyo nakayanang gampanan. Wala kayong katapatan, konsensiya, pagpapasakop, o kapasyahan na dapat ay mayroon kayo. Hindi pa ninyo natiis ang pagdurusa na nararapat ninyong tiisin, at wala kayo ng pananalig na nararapat ninyong taglayin. Sa madaling sabi, lubos ang kawalan ninyo ng anumang halaga: Hindi ba kayo nahihiya na patuloy na mabuhay? Hayaan ninyong kumbinsihin Ko kayo na mas mabuti pang isara ninyo ang inyong mga mata sa walang hanggang kapahingahan, upang makaiwas ang Diyos mula sa pag-aalala sa inyo at sa pagdurusa para sa inyong kapakanan. Naniniwala kayo sa Diyos ngunit hindi ninyo nalalaman ang Kanyang mga layunin, kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos ngunit hindi ninyo nagagawang sundin ang mga hinihingi ng Diyos sa tao. Nananampalataya kayo sa Diyos ngunit hindi ninyo Siya kilala, at nananatili kayong buhay na walang layuning pinagsisikapan, walang anumang mga pagpapahalaga, walang anumang kahulugan. Nabubuhay kayo bilang tao ngunit wala ni katiting na konsensiya, integridad, o kredibilidad—matatawag ninyo pa rin ba ang inyong mga sarili na tao? Nananampalataya kayo sa Diyos ngunit nililinlang ninyo Siya; bukod pa rito, kinukuha ninyo ang salapi ng Diyos at kinakain ang mga alay na para sa Kanya. Gayunman, sa huli ay bigo pa rin kayong magpakita ng kahit man lamang katiting na pagsasaalang-alang para sa damdamin ng Diyos o kaunting konsensiya tungo sa Kanya. Maging ang pinakasimpleng hinihingi ng Diyos ay hindi ninyo matugunan. Matatawag ninyo pa rin bang tao ang inyong mga sarili? Kinakain ninyo ang pagkaing ipinagkakaloob sa inyo ng Diyos, nilalanghap ang hanging ibinibigay Niya sa inyo, at tinatamasa ang Kanyang biyaya, ngunit, sa huli, wala kayo ni kaunting kaalaman tungkol sa Diyos. Bagkus, kayo ay naging mga walang silbing lumalaban sa Diyos. Hindi ba kayo nagiging hayop na mas mababa pa sa isang aso dahil dito? Sa lahat ng mga hayop, mayroon bang sinuman na mas mapaminsala kaysa sa inyo?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Lumalaban sa Diyos
89. Ang pinakamalaking suliranin sa tao ay minamahal lamang niya ang mga bagay na hindi nakikita o nahahawakan, mga bagay na labis na mahiwaga at kamangha-mangha at hindi lubos na mawari ng tao at hindi kayang maabot ng mga mortal lamang. Habang lalong hindi makatotohanan ang mga bagay na ito, lalong susuriin ang mga ito ng mga tao, at hinahangad pa ang mga iyon ng mga tao na walang pakialam sa ibang mga bagay, at tatangkaing makamtan ang mga iyon. Habang lalong hindi makatotohanan ang mga iyon, lalong malapitang bubusisiin at sisiyasatin ng mga tao ang mga iyon, na aabot pa nga sa paggawa ng mga sarili nilang puspusang kaisipan tungkol sa mga ito. Taliwas dito, habang higit na makatotohanan ang mga bagay, higit na hindi ito binibigyang-pansin ng mga tao; minamaliit lamang at hinahamak pa nga nila ang mga ito. Hindi ba’t ito ang inyong tunay na saloobin sa makatotohanang gawain Ko ngayon? Habang higit na makatotohanan ang gayong mga bagay, higit na kumikiling kayo laban sa mga ito. Hindi kayo nagbibigay ng kahit kaunting panahon para suriin ang mga iyon, sa halip ay hindi na lamang ninyo pinapansin ang mga iyon; hinahamak ninyo ang ganitong mga pangangailangan na makatotohanan at may mababang pamantayan, at nag-iingat pa nga kayo ng napakaraming kuru-kuro tungkol sa Diyos na pinakapraktikal, at talagang wala kayong kakayahang tanggapin ang Kanyang pagiging praktikal at normal. Sa ganitong paraan, hindi ba’t isang malabong paniniwala ang inyong pinanghahawakan? Mayroon kayong hindi natitinag na paniniwala sa malabong Diyos ng nakalipas na panahon, at walang pagkawili sa praktikal na Diyos ng kasalukuyan. Hindi ba’t ito ay dahil sa ang Diyos ng kahapon at ang Diyos ng kasalukuyan ay mula sa dalawang magkaibang panahon? Hindi rin ba’t ito ay dahil sa ang Diyos ng kahapon ay ang mabunying Diyos ng kalangitan, samantalang ang Diyos ng kasalukuyan ay isa lamang maliit na tao sa lupa? Dagdag pa, hindi ba’t ito ay dahil sa ang diyos na sinasamba ng tao ay ang siyang kinatha ng mga kuru-kuro nito, samantalang ang Diyos ng kasalukuyan ay pisikal na katawang-tao na iniluwal sa lupa? Kapag nasabi at nagawa na ang lahat, hindi ba’t ito ay dahil sa ang Diyos ng kasalukuyan ay masyadong makatotohanan kaya’t hindi Siya hinahangad ng mga tao? Sapagka’t ang hinihingi sa mga tao ng Diyos ng kasalukuyan ay iyong sadyang pinakaayaw gawin ng mga tao, at iyong nakapagpaparamdam sa kanila ng kahihiyan. Hindi ba’t ginagawa lamang nitong mahirap para sa mga tao ang mga bagay? Hindi ba nito inilalantad ang mga pilat ng mga tao? Sa ganitong paraan, maraming tao ang hindi hinahanap ang makatotohanang Diyos, ang praktikal na Diyos, kaya naman nagiging kaaway sila ng nagkatawang-taong Diyos, na ang ibig sabihin, ay mga anticristo sila. Hindi ba’t ito ay isang malinaw na katunayan? Sa nakalipas, noong hindi pa nagkakatawang-tao ang Diyos, ikaw marahil ay naging isang relihiyosong tao o isang debotong mananampalataya. Pagkaraang magkatawang-tao ang Diyos, marami sa gayong mga debotong mananampalataya ang naging mga anticristo nang hindi nila namamalayan. Alam mo ba kung ano ang nangyayari dito? Sa iyong pananampalataya sa Diyos, hindi ka nagtutuon ng pansin sa realidad o naghahangad sa katotohanan, bagkus ay nahuhumaling sa mga kabulaanan—hindi ba’t ito ang pinakamalinaw na pinagmumulan ng iyong pakikipag-alitan sa Diyos na nagkatawang-tao?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang mga Nakakikilala sa Diyos at Nakaaalam sa Kanyang Gawain ang Makapagbibigay-lugod sa Diyos
90. Bago nakaugnayan si Cristo, maaaring naniniwala ka na ang iyong disposisyon ay lubos nang nabago, na isa kang tapat na tagasunod ni Cristo, at wala nang ibang mas karapat-dapat na tumanggap ng mga pagpapala ni Cristo maliban sa iyo—at na, dahil maraming landas ka nang nalakbay, maraming gawain ka nang nagawa, at naghatid ka na ng maraming bunga, siguradong magiging isa ka sa mga tatanggap ng korona sa huli. Subalit may isang katotohanang hindi mo alam: Ang tiwaling disposisyon ng tao at ang kanyang pagkasuwail at paglaban ay nalalantad kapag nakikita niya si Cristo, at ang pagkasuwail at paglaban na nalantad sa sandaling ito ay mas ganap at lubusang nalantad kaysa sa anumang iba pa. Ito ay dahil si Cristo ang Anak ng tao—isang Anak ng tao na nagtataglay ng normal na pagkatao—kaya hindi Siya pinararangalan ni iginagalang ng tao. Ito ay dahil ang Diyos ay nananahan sa katawang-tao kaya ang pagkasuwail ng tao ay nadadala sa liwanag nang lubusan at sa napakalinaw na detalye. Kaya sinasabi Ko na nahukay ng pagparito ni Cristo ang lahat ng pagkasuwail ng sangkatauhan at nabigyan ng malinaw na kaginhawahan ang likas na pagkatao ng sangkatauhan. Ito ay tinatawag na “pag-akit sa tigre na bumaba ng bundok” at “pag-akit sa lobo na lumabas ng yungib nito.” Nangangahas ka bang ipalagay na masasabi mong tapat ka sa Diyos? Nangangahas ka bang ipalagay na masasabi mong nagpapakita ka ng lubos na pagpapasakop sa Diyos? Nangangahas ka bang ipalagay na masasabi mong hindi ka suwail? Sasabihin ng ilan: “Kapag inilalagay ako ng Diyos sa isang bagong kapaligiran, palagi akong nagpapasakop nang hindi bubulung-bulong, at bukod pa rito ay hindi ako nakikinig sa mga kuru-kuro tungkol sa Diyos.” Sasabihin ng ilan: “Anuman ang ipinagagawa sa akin ng Diyos ginagawa ko sa abot ng aking kakayahan at hindi ako kailanman nagpapabaya.” Kung gayon, ito ang tanong Ko sa inyo: Makakaayon ba kayo kay Cristo kapag namumuhay kayong kasama Niya? At gaano katagal kayong magiging kaayon Niya? Isang araw? Dalawang araw? Isang oras? Dalawang oras? Maaaring kapuri-puri nga ang inyong pananampalataya, ngunit hindi kayo gaanong matatag. Kapag talagang namumuhay ka na kasama ni Cristo, ang iyong pagmamagaling at pagpapahalaga sa sarili ay mabubunyag sa pamamagitan ng iyong mga salita at kilos, nang paunti-unti, at gayundin ang iyong mga maluhong pagnanasa, iyong masuwaying isipan at kawalan ng kasiyahan ay likas ding mabubunyag. Sa huli, ang iyong kayabangan ay lalo pang titindi, hanggang sa labis mong kakalabanin si Cristo na tulad ng paglaban ng tubig sa apoy, at sa gayon ay ganap na malalantad ang iyong likas na pagkatao. Sa pagkakataong iyon, ang iyong mga kuru-kuro ay hindi na mapagtatakpan, ang iyong mga reklamo ay likas ding lalabas, at ang iyong abang pagkatao ay lubos na malalantad. Magkagayunman, patuloy ka pa ring tumatangging aminin ang sarili mong pagkasuwail, sa halip ay naniniwala ka na ang isang Cristong tulad nito ay hindi madaling tanggapin ng tao, na napakahigpit Niya sa tao, at na lubos kang magpapasakop kung Siya ay mas mainam na Cristo. Naniniwala kayo na makatarungan ang inyong pagkasuwail, na sumusuway lamang kayo sa Kanya kapag sobra-sobra na ang pamimilit Niya sa inyo. Ni minsan ay hindi ninyo naisip na hindi ninyo itinuturing na Diyos si Cristo, at wala kayong hangaring magpasakop sa Kanya. Sa halip, ipinagpipilitan mong kumilos si Cristo alinsunod sa sarili mong mga inaasam, at sa sandaling gumawa Siya ng isang bagay na laban sa sarili mong iniisip, naniniwala ka na hindi Siya Diyos kundi isang tao. Hindi ba marami sa inyo ang nakipagtunggali sa Kanya sa ganitong paraan? Sino ba ito, kung tutuusin, na pinaniniwalaan ninyo? At sa anong paraan kayo naghahanap?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Hindi Kaayon kay Cristo ay Tiyak na mga Kalaban ng Diyos
91. Lagi ninyong inaasam na makita si Cristo, ngunit hinihimok Ko kayo na huwag ninyong masyadong pahalagahan nang husto ang inyong sarili; maaaring makita ng sinuman si Cristo, ngunit sinasabi Ko na walang sinuman ang karapat-dapat na makita si Cristo. Dahil ang likas na pagkatao ng tao ay punung-puno ng kasamaan, kayabangan, at pagkasuwail, sa sandaling makita mo si Cristo, ang iyong likas na pagkatao ay wawasakin at susumpain ka hanggang kamatayan. Ang iyong pakikisama sa isang kapatid na lalaki (o babae) ay maaaring walang gaanong maipakita tungkol sa iyo, ngunit hindi gayon kasimple kapag nakisama ka kay Cristo. Anumang oras, maaaring yumabong ang iyong mga kuru-kuro, magsimulang umusbong ang iyong kayabangan, at magbunga ng mga igos ang iyong pagkasuwail. Paano ka magiging marapat na makisama kay Cristo kung ganoon ang pagkatao mo? Talaga bang nagagawa mo Siyang tratuhin bilang Diyos sa bawat sandali ng bawat araw? Talaga bang magkakaroon ka ng realidad ng pagpapasakop sa Diyos? Sinasamba ninyo ang matayog na Diyos sa kaibuturan ng inyong puso bilang si Jehova samantalang itinuturing ninyong tao ang Cristong nakikita. Napakaliit ng inyong katinuan at napakababa ng inyong pagkatao! Hindi ninyo kayang ituring palagi si Cristo bilang Diyos; paminsan-minsan lamang kayo nangungunyapit sa Kanya, kapag gusto ninyo, at sumasamba sa Kanya bilang Diyos. Ito ang dahilan kaya Ko sinasabi na hindi kayo mga mananampalataya ng Diyos, kundi isang barkadahan ng magkakasabwat na lumalaban kay Cristo. Kahit ang mga taong nagpapakita ng kabaitan sa iba ay sinusuklian, subalit si Cristo, na nakagawa ng gayong gawain sa inyo, ay hindi natanggap ang pagmamahal ng tao ni ang kanyang kabayaran at pagpapasakop. Hindi ba ito nakakadurog ng puso?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Hindi Kaayon kay Cristo ay Tiyak na mga Kalaban ng Diyos
92. Maaaring sa lahat ng taon ng pananalig mo sa Diyos, hindi ka pa nakasumpa ng sinuman o nakagawa ng masama kailanman, subalit sa pakikisama mo kay Cristo, hindi mo kayang magsabi ng katotohanan, kumilos nang tapat, o magpasakop sa salita ni Cristo; kung gayon, sinasabi Ko na ikaw ang pinakalihim na mapanira at mapaminsalang tao sa mundo. Maaaring napakabait mo at tapat ka sa iyong mga kamag-anak, kaibigan, asawa, anak, at magulang, at hindi ka nagsasamantala sa iba kailanman, ngunit kung hindi mo kayang maging kaayon ni Cristo, kung hindi mo magawang makihalubilo sa Kanya nang may pagkakasundo, kahit gugulin mo pa ang iyong lahat-lahat sa pagtulong sa iyong mga kapitbahay o sa masusing pag-aalaga sa iyong ama, ina, at mga miyembro ng inyong sambahayan, sasabihin Ko na masama ka pa ring tao, at bukod dito ay puno ka ng mga tusong panlilinlang. Huwag mong isiping kaayon ka ni Cristo dahil lamang sa kasundo mo ang iba at gumagawa ka ng ilang mabubuting gawa. Akala mo ba makukuha mo nang may pandaraya ang pagpapala ng Langit dahil sa iyong mapagkawanggawang hangarin? Akala mo ba ang paggawa ng ilang mabubuting gawa ay kapalit ng iyong pagpapasakop? Walang isa man sa inyo ang nagagawang tumanggap ng pagpupungos, at nahihirapan kayong lahat na tanggapin ang normal na pagkatao ni Cristo, sa kabila ng patuloy ninyong pagbabandera ng inyong pagpapasakop sa Diyos. Ang pananalig na tulad ng sa inyo ay magbababa ng isang angkop na ganti. Tigilan ninyo ang paglulunoy sa mga ilusyon na pawang imahinasyon lamang at pag-asam na makita si Cristo, sapagkat napakaliit ng inyong tayog, kaya nga ni hindi kayo karapat-dapat na makita Siya. Kapag ganap ka nang nalinis mula sa iyong paghihimagsik, at kaya mo nang maging kasundo ni Cristo, sa sandaling iyon ay natural na magpapakita ang Diyos sa iyo. Kung makikipagkita ka sa Diyos nang hindi pa sumasailalim sa pagpupungos o paghatol, siguradong magiging kalaban ka ng Diyos at nakatadhana kang wasakin. Ang kalikasan ng tao ay likas na palaban sa Diyos, sapagkat lahat ng tao ay sumailalim na sa pinakamatinding pagtitiwali ni Satanas. Kung susubukan ng tao na makisama sa Diyos sa gitna ng sarili niyang katiwalian, tiyak na walang buti itong maibubunga; ang kanyang mga kilos at salita ay siguradong ilalantad ang kanyang katiwalian sa bawat pagkakataon, at sa pakikisama sa Diyos ang kanyang paghihimagsik ay mabubunyag sa bawat pagkakataon. Hindi namamalayan, dumarating ang tao upang kalabanin si Cristo, linlangin si Cristo, at talikuran si Cristo; kapag nangyari ito, mas manganganib ang tao at, kung magpapatuloy ito, magiging pakay siya ng kaparusahan.
Maaaring naniniwala ang ilan na, kung masyadong mapanganib ang makisama sa Diyos, mas mabuti pa sigurong manatiling malayo sa Diyos. Ano ang posibleng mapala ng mga taong kagaya nito? Maaari ba silang maging tapat sa Diyos? Panigurado, napakahirap makisama sa Diyos—ngunit iyan ay dahil tiwali ang tao, hindi dahil hindi nagagawang makisama ng Diyos sa kanya. Ang pinakamabuti ay maglaan kayo ng higit na pagsisikap sa katotohanan ng pagkilala sa sarili. Bakit hindi natutuwa ang Diyos sa inyo? Bakit kasuklam-suklam para sa Kanya ang inyong disposisyon? Bakit pinupukaw ng inyong pananalita ang Kanyang pagkamuhi? Kapag nagpamalas kayo ng katiting na katapatan, pinupuri ninyo ang inyong sarili; kapag nag-aambag kayo ng maliit, gumigiit kayo ng gantimpala; hinahamak ninyo ang iba kapag nakapagpakita kayo ng kaunting pagpapasakop, at nasusuklam kayo sa Diyos kapag may naisasakatuparan kayong maliit na gampanin. Sa pagpapatuloy sa Diyos, humihingi kayo ng pera, mga materyal na bagay, at mga papuri. Masakit sa puso ninyo ang magbigay ng dalawang barya; kapag nagbigay kayo ng sampu, humihingi kayo ng mga pagpapala at espesyal na pagtrato. Ang uri ng pagkataong mayroon kayo ay talagang nakakainsultong sabihin o pakinggan. Mayroon bang anumang kapuri-puri sa inyong mga salita at kilos? Yaong mga gumagawa ng kanilang tungkulin at yaong mga hindi; yaong mga namumuno at yaong mga sumusunod; yaong mga nagpapatuloy sa Diyos at yaong mga hindi; yaong mga nagbibigay ng mga handog at yaong mga hindi; yaong mga nangangaral at yaong mga tumatanggap sa Salita, at iba pa: lahat ng taong iyon ay pinupuri ang kanilang sarili. Hindi ba ito nakakatawa sa inyo? Lubos na nababatid na naniniwala kayo sa Diyos, magkagayunman ay hindi kayo nagiging kaayon sa Diyos. Lubos na nababatid na hindi kayo karapat-dapat, patuloy pa rin kayong nagyayabang. Hindi ba ninyo nadarama na lumala na ang inyong katwiran kaya wala na kayong kontrol sa sarili? Sa ganitong katwiran, paanong angkop kayo na makiugnayan sa Diyos? Hindi ba kayo nag-aalala para sa inyong sarili sa oras na ito? Lumala na ang inyong disposisyon hanggang sa hindi na ninyo makayang maging kaayon ng Diyos. Dahil dito, hindi ba nakakatawa ang inyong pananalig? Hindi ba kahibangan ang inyong pananalig? Paano mo haharapin ang iyong kinabukasan? Paano mo pipiliin ang landas na tinatahak mo?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Hindi Kaayon kay Cristo ay Tiyak na mga Kalaban ng Diyos
93. Hindi nagmamahal sa katotohanan ang ilang tao, lalo na sa paghatol. Sa halip, nagmamahal sila sa kapangyarihan at mga kayamanan; ang mga taong ganoon ay tinatawag na mga mapaghanap ng kapangyarihan. Hinahanap lamang nila ang mga denominasyon sa mundo na may kapangyarihan, at hinahanap lamang nila ang mga pastor at mga gurong galing sa mga seminaryo. Bagaman tinanggap na nila ang daan ng katotohanan, hindi sila lubos na nananampalataya, at wala silang kakayahang ibigay ang buong puso at isip nila; ang mga bibig nila ay bumibigkas ng mga salita ng paggugol ng mga sarili nila para sa Diyos, ngunit ang kanilang mga mata ay nakatuon sa mga dakilang pastor at guro, at hindi nila sinusulyapang muli si Cristo. Ang isipan nila ay puno ng mga kaisipan ng kasikatan, pakinabang, at kaluwalhatian. Hindi sila naniniwalang ang isang ganoon kaliit na tao ay may kakayahang lupigin ang napakarami, na ang isang taong hindi kapansin-pansin ay kayang maperpekto ang tao. Iniisip nilang imposibleng ang mga hamak na ito na kasama ng alikabok at mga tambak ng dumi ay ang mga taong hinirang ng Diyos. Naniniwala silang kung ang gayong mga tao ang mga pakay ng pagliligtas ng Diyos, ang langit at lupa ay mababaliktad, at ang lahat ng tao ay tatawa nang tatawa. Naniniwala silang kung pinili ng Diyos ang gayong mga tao upang gawing perpekto, kung gayon ang mga dakilang taong iyon ay magiging Diyos Mismo. Ang mga pananaw nila ay may bahid ng kawalan ng pananampalataya; higit pa sa hindi pananampalataya, sila ay mga walang katwirang hayop lamang. Sapagkat pinahahalagahan lamang nila ang katayuan, katanyagan, at kapangyarihan, at pinahahalagahan lamang nila ang malalaking grupo at denominasyon, at wala silang ni katiting na pagpapahalaga sa mga inakay ni Cristo. Sila ay mga nagkakanulo lamang na tumalikod kay Cristo, sa katotohanan, at sa buhay.
Hindi mo hinahangaan ang pagpapakumbaba ni Cristo, pero pinagpipitagan mo ang mga huwad na pastol na iyon na may prominenteng katayuan. Hindi mo minamahal ang pagiging kaibig-ibig o ang karunungan ni Cristo, pero kinagigiliwan mo iyong mahahalay na nakikisabay sa karumihan ng mundo. Ngumingisi ka lang sa pasakit ni Cristo ng kawalan ng lugar na mapagpahingahan ng Kanyang ulo, ngunit hinahangaan mo ang mga bangkay na naghahanap ng mga handog at namumuhay sa kahalayan. Hindi ka handang magdusa sa tabi ni Cristo, ngunit masaya mong inihahagis ang sarili mo sa mga bisig ng mga walang habas at sutil na anticristo, kahit na tinutustusan ka lamang nila ng laman, mga salita, at kontrol. Kahit ngayon, bumabaling pa rin sa kanila ang puso mo, tungo sa kanilang reputasyon, sa kanilang katayuan, sa kanilang mga puwersa. Gayumpaman, patuloy mong tinataglay ang saloobin na nahihirapan kang tanggapin ang gawain ni Cristo at ayaw mo itong tanggapin. Ito ang tanging dahilan kung bakit sinasabi Kong wala kang pananalig na kilalanin si Cristo. Ang dahilan kung bakit ka sumunod sa Kanya hanggang ngayon ay dahil lamang wala kang ibang pagpipilian. Nangingibabaw sa puso mo magpakailanman ang isang serye ng matatayog na imahe; hindi mo makakalimutan ang kanilang bawat salita at gawa, ni ang kanilang maimpluwensiyang mga salita at kamay. Sa puso ninyo, sila ay kataas-taasan at mga bayani magpakailanman. Ngunit hindi ganito para sa Cristo ng kasalukuyan. Sa puso mo, habambuhay Siyang hindi mahalaga, habambuhay na hindi karapat-dapat na katakutan. Sapagkat napakakaraniwan Niya, may lubhang napakaliit na impluwensiya, at malayo sa pagiging matayog.
Ano’t anuman, sinasabi Kong ang lahat ng hindi nagpapahalaga sa katotohanan ay mga hindi mananampalataya at mga nagkakanulo sa katotohanan. Ang mga gayong tao ay hindi kailanman makatatanggap ng pagsang-ayon ni Cristo. Natukoy mo na ba ngayon kung gaano kalaki ang kawalan ng pananampalatayang nasa kalooban mo, at kung gaano kalaki ang pagkakanulo kay Cristo na mayroon ka? Ikaw ay Aking hinihikayat nang ganito: Dahil pinili mo na ang daan ng katotohanan, dapat mong ilaan ang sarili mo nang buong puso; huwag kang mag-alinlangan o maging hindi buo ang loob. Dapat mong maunawaan na ang Diyos ay hindi Diyos ng mundo ni ng sinumang iisang tao, kundi Diyos ng lahat ng totoong nananampalataya sa Kanya, ng lahat ng sumasamba sa Kanya, at ng lahat ng mga deboto at tapat sa Kanya.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isa Ka bang Tunay na Mananampalataya sa Diyos?
94. Ang inaalala lamang ng marami sa sumusunod sa Diyos ay kung paano magtamo ng mga pagpapala o umiwas sa sakuna. Sa sandaling mabanggit ang gawain at pamamahala ng Diyos, tumatahimik sila at nawawalan ng lahat ng interes. Iniisip nila na ang pag-unawa sa gayong nakababagot na isyu ay hindi makakatulong sa paglago ng kanilang buhay o makakapagbigay ng anumang pakinabang. Dahil dito, bagaman narinig nila ang impormasyon tungkol sa pamamahala ng Diyos, tinatrato nila ito nang pabasta-basta. Hindi nila ito nakikita bilang isang kayamanan na dapat tanggapin, lalong hindi nila ito naaarok sa pamamagitan ng pagturing dito bilang isang bahagi ng kanilang buhay. Ang pakay ng mga taong ito sa pagsunod sa Diyos ay napakasimple, at ito ay para sa iisang layon: ang mapagpala. Hindi man lang nag-aabala ang mga taong ito na bigyang-pansin ang iba pang bagay na walang kinalaman sa layong ito. Para sa kanila, walang layon na mas lehitimo kaysa maniwala sa Diyos upang makatanggap ng mga pagpapala—ito ang mismong halaga ng kanilang pananalig. Kung may isang bagay na hindi nakakatulong sa pakay na ito, nananatili silang ganap na hindi naaantig nito. Ganyan ang karamihan sa mga taong naniniwala sa Diyos ngayon. Ang kanilang pakay at intensyon ay mukhang lehitimo, dahil habang naniniwala sila sa Diyos, gumugugol din sila para sa Diyos, inaalay ang kanilang sarili sa Diyos, at ginagampanan ang kanilang tungkulin. Isinusuko nila ang kanilang kabataan, tinatalikuran ang pamilya at propesyon, at gumugugol pa nga ng maraming taon na malayo sa tahanan na abalang-abala. Para sa kapakanan ng kanilang pinakalayon, binabago nila ang kanilang sariling mga interes, ang kanilang pananaw sa buhay, at maging ang direksyong kanilang hinahangad; subalit hindi nila mabago ang pakay ng kanilang pananampalataya sa Diyos. Paroo’t parito sila para sa pamamahala ng sarili nilang mga adhikain; gaano man kalayo ang daan, at gaano man karami ang mga hirap at balakid sa daan, nananatili silang matiyaga at walang takot sa kamatayan. Anong kapangyarihan ang nagtutulak sa kanila na patuloy na ialay ang kanilang sarili sa ganitong paraan? Ang kanila bang konsensiya? Ang kanila bang dakila at marangal na integridad? Ang kanila bang determinasyong labanan ang mga puwersa ng kasamaan hanggang sa pinakahuli? Ang kanila bang pananalig na magpatotoo sa Diyos nang hindi naghahanap ng gantimpala? Ang kanila bang debosyon sa pagiging handang isuko ang lahat upang tuparin ang kalooban ng Diyos? O ang kanila bang dedikadong diwa ng palaging tinatalikuran ang personal na maluluhong kahilingan? Para sa isang tao na hindi kailanman naunawaan ang gawain ng pamamahala ng Diyos na gumugol pa rin ng labis na dugo ng puso, sa payak na pananalita, ay isang himala! Sa sandaling ito, huwag nating talakayin kung gaano kalaki ang naibigay ng mga taong ito. Ang kanilang pag-uugali, gayunman, ay lubos na karapat-dapat nating himayin. Bukod sa mga pakinabang na lubos na nauugnay sa kanila, maaari kayang may iba pang dahilan kaya ang mga taong hindi kailanman nauunawaan ang Diyos ay nagbibigay ng napakalaki sa Kanya? Dito, natutuklasan natin ang isang dating di-matukoy na problema: Ang ugnayan ng tao sa Diyos ay isa lamang hayagang pansariling interes. Isa itong ugnayan sa pagitan ng isang tumatanggap at isang nagbibigay ng mga pagpapala. Sa madaling salita, ito ang ugnayan sa pagitan ng empleyado at ng amo. Nagtatrabaho nang husto ang empleyado para lang makatanggap ng mga gantimpalang ipinagkakaloob ng amo. Walang pagmamahal na parang pamilya sa gayong relasyon na nakabatay lang sa interes, transaksiyon lamang. Walang nagmamahal o minamahal, kawanggawa at awa lamang. Walang pag-unawa, tanging walang magawang pinipigilang pagkagalit at panlilinlang. Walang pagiging matalik, isang pagitan lamang na hindi matatawid. Ngayong umabot na ang mga bagay-bagay sa puntong ito, sino ang makapagbabaligtad ng gayong kalakaran? At ilang tao ang may kakayahang tunay na maunawaan kung gaano na kalala ang ugnayang ito? Naniniwala Ako na kapag ibinuhos ng mga tao ang kanilang sarili sa galak ng pagiging mapalad, walang sinuman ang makakaisip kung gaano kahiya-hiya at kapangit tingnan ang gayong ugnayan sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos
95. Ang pinakamalungkot na bagay tungkol sa pananampalataya ng sangkatauhan sa Diyos ay na isinasagawa ng tao ang kanyang sariling proyekto sa gitna ng gawain ng Diyos, subalit hindi pinapansin ang pamamahala ng Diyos. Ang pinakamalaking kabiguan ng tao ay nasa kung paanong ang tao, kasabay ng paghahangad na magpasakop sa Diyos at sambahin Siya, ay bumubuo ng sarili nitong pangarap tungkol sa isang inaasam na hantungan at nagpaplano kung paano matatanggap ang pinakamalaking pagpapala at pinakamagandang hantungan. Kahit nauunawaan ng isang tao kung gaano siya kahabag-habag, kasuklam-suklam, at kaawa-awa, ilan ang madaling makakatalikod sa kanilang mga adhikain at inaasam? At sino ang nagagawang pahintuin ang sarili niyang mga hakbang at patigilin ang pagbuo ng mga plano para sa sarili niya? Kailangan ng Diyos yaong mga makikipagtulungan nang husto sa Kanya upang tapusin ang Kanyang pamamahala. Kailangan Niya yaong mga magpapasakop sa Kanya sa pamamagitan ng paglalaan ng kanilang buong isipan at katawan sa gawain ng Kanyang pamamahala. Hindi Niya kailangan ang mga taong maglalahad ng kanilang mga kamay para mamalimos sa Kanya araw-araw, lalong hindi Niya kailangan yaong mga nagbibigay ng kaunti at pagkatapos ay naghihintay na magantimpalaan. Kinamumuhian ng Diyos yaong mga gumagawa ng maliit na kontribusyon at pagkatapos ay nagpapakasasa sa kanilang mga tagumpay. Kinamumuhian Niya yaong mga taong walang damdamin na may ayaw sa gawain ng Kanyang pamamahala at nais lamang pag-usapan ang tungkol sa pagtungo sa langit at pagtatamo ng mga pagpapala. Higit pa ang pagkamuhi Niya sa mga nagsasamantala sa pagkakataong hatid ng gawaing Kanyang ginagawa sa pagliligtas sa sangkatauhan. Iyon ay dahil hindi kailanman nagmalasakit ang mga taong ito sa nais ng Diyos na makamit at makuha sa pamamagitan ng gawain ng Kanyang pamamahala. Ang inaalala lamang nila ay kung paano nila magagamit ang pagkakataong laan ng gawain ng Diyos upang magtamo ng mga pagpapala. Wala silang pagsasaalang-alang sa puso ng Diyos, dahil lubos silang abala sa sarili nilang mga inaasam at kapalaran. Yaong mga may ayaw sa gawain ng pamamahala ng Diyos at wala ni katiting na interes kung paano inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan at sa Kanyang mga layunin ay ginagawa lamang kung ano ang ikinasisiya nila sa isang paraan na hiwalay sa gawain ng pamamahala ng Diyos. Ang kanilang pag-uugali ay hindi tinatandaan ni inaaprubahan ng Diyos—lalong hindi pinapaboran ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos
96. Mas higit pa sa bilang ng mga butil ng buhangin sa tabing-dagat ang Aking mga gawa, at mas lalong dakila pa kaysa sa lahat ng anak ni Solomon ang Aking karunungan, ngunit ang palagay sa Akin ng mga tao ay isa lamang manggagamot na walang kabuluhan at isang hindi kilalang guro ng tao. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang pagalingin Ko sila. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang gamitin Ko ang Aking kapangyarihan upang itaboy ang maruruming espiritu mula sa kanilang mga katawan, at napakaraming naniniwala sa Akin para lamang makatanggap sila ng kapayapaan at kagalakan mula sa Akin. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang hingan Ako ng mas maraming materyal na kayamanan. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang gugulin ang buhay na ito sa kapayapaan at maging ligtas at matiwasay sa mundong darating. Napakaraming nananampalataya sa Akin para maiwasan ang pagdurusa ng impiyerno at para matanggap ang mga pagpapala ng langit. Napakaraming nananampalataya sa Akin para lang sa pansamantalang kaginhawahan, ngunit hindi naghahangad magkamit ng anuman sa mundong darating. Kapag ibinuhos Ko ang Aking matinding galit sa mga tao at binabawi Ko ang lahat ng kaligayahan at kapayapaan na dati nilang taglay, napupuno sila ng pagdududa. Kapag ibinigay Ko sa mga tao ang pagdurusa ng impiyerno at binabawi Ko ang mga pagpapala ng langit, nagagalit sila nang husto. Kapag hinihiling sa Akin ng mga tao na pagalingin Ko sila, at hindi Ko sila pinapakinggan at namuhi Ako sa kanila; nililisan nila Ako upang sa halip ay hanapin ang paraan ng panggagaway at pangkukulam. Kapag inaalis Ko ang lahat ng hiningi ng mga tao sa Akin, naglalaho silang lahat nang walang bakas. Samakatwid, sinasabi Ko na ang mga tao ay may pananalig sa Akin sapagkat masyadong masagana ang biyaya Ko, at dahil masyadong maraming pakinabang na makakamit.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Alam Mo sa Pananalig?
97. Umaasa ka na ang iyong pananalig sa Diyos ay hindi magsasanhi ng anumang mga hamon o mga kapighatian, o ng kahit katiting na paghihirap. Lagi mong hinahangad ang mga bagay na iyon na walang-halaga, at hindi mo pinahahalagahan ang buhay, sa halip ay inuuna mo ang iyong sariling malabis na kaisipan bago ang katotohanan. Ikaw ay napakawalang-halaga! Nabubuhay ka na parang isang baboy—ano nga ba ang pagkakaiba sa pagitan mo, at ng mga baboy at mga aso? Hindi ba’t lahat niyaong hindi naghahangad sa katotohanan, at sa halip ay iniibig ang laman, ay pawang mga hayop? Hindi ba’t ang mga patay na walang mga espiritu ay mga naglalakad na mga bangkay? Gaano na karaming salita ang nasambit sa gitna ninyo? Kaunting gawain lamang ba ang nagawa sa gitna ninyo? Gaano na karami ang naipagkaloob Ko sa inyo? Kaya bakit hindi mo ito nakamit? Ano ang iyong mairereklamo? Hindi ba’t wala kang natamo dahil sa iyong labis na pag-ibig sa laman? At hindi ba’t dahil ito sa ang iyong mga kaisipan ay masyadong mataas? Hindi ba’t dahil ito sa ikaw ay napakahangal? Kung hindi mo kayang makamtan ang mga pagpapalang ito, masisisi mo ba ang Diyos sa hindi pagliligtas sa iyo? Ang iyong hinahangad ay ang matamo ang kapayapaan pagkatapos na manampalataya sa Diyos, upang ang iyong mga anak ay mailayo sa sakit, upang ang iyong asawang lalaki ay magkaroon ng magandang trabaho, upang ang iyong anak na lalaki ay magkaroon ng mabuting asawang babae, upang ang iyong anak na babae ay makatagpo ng disenteng asawang lalaki, upang ang iyong mga baka at mga kabayo ay makapag-araro nang mahusay, upang magkaroon ng isang taon ng magandang panahon para sa iyong mga tanim. Ito ang iyong hinahangad. Ang iyong hinahangad ay para mabuhay lamang nang maginhawa, upang walang mga aksidenteng dumating sa iyong pamilya, upang ang hangin ay lampasan ka lamang, upang ang iyong mukha ay hindi mabahiran ng dumi, upang ang mga tanim ng iyong pamilya ay hindi bahain, upang ikaw ay hindi maapektuhan ng anumang sakuna, upang mabuhay sa yakap ng Diyos, upang mabuhay sa isang maginhawang tirahan. Ang duwag na kagaya mo, na palaging naghahangad sa laman—mayroon ka bang puso, mayroon ka bang espiritu? Hindi ka ba isang hayop? Ibinibigay Ko sa iyo ang tunay na daan nang hindi humihingi ng anumang kapalit, gayunman ay hindi ka nagsisikap. Isa ka ba sa mga nananampalataya sa Diyos? Ipinagkakaloob Ko ang tunay na buhay ng tao sa iyo, gayunman ay hindi ka nagsisikap. Wala ka bang pagkakaiba sa isang baboy o isang aso? Ang mga baboy ay hindi naghahangad ng buhay ng tao, hindi nila hinahangad na maging malinis, at hindi nila nauunawaan kung ano ang buhay. Bawat araw, pagkatapos nilang kumain nang busog, natutulog na sila. Naibigay Ko na sa iyo ang tunay na daan, gayunman ay hindi mo ito nakamtan: Wala kang anuman. Handa ka bang magpatuloy sa ganitong buhay, ang buhay ng isang baboy? Ano pang silbi na mabuhay ang gayong mga tao? Ang iyong buhay ay kasumpa-sumpa at walang-dangal, nabubuhay ka sa gitna ng karumihan at kahalayan, at hindi mo hinahangad ang anumang layon; hindi ba’t ang iyong buhay ang pinakahamak sa lahat? Mayroon ka bang lakas ng loob na humarap sa Diyos? Kung magpapatuloy ka na dumanas sa ganitong paraan, hindi ba’t wala kang matatamo? Ang tunay na daan ay naibigay na sa iyo, ngunit kung makakamit mo ito sa huli o hindi ay nakasalalay sa iyong pansariling paghahangad.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
98. Sa mga karanasan ng mga tao sa kanilang buhay, madalas nilang naiisip sa kanilang sarili: “Tinalikuran ko ang aking pamilya at karera para sa Diyos, at ano ang ibinigay Niya sa akin? Dapat kong kuwentahin ito, at siguraduhin ito—may natanggap ba ako na anumang pagpapala kamakailan? Marami ang ibinigay ko sa panahong ito, ako ay tumakbo nang tumakbo, at labis na nagdusa—may ibinalik bang anumang pangako ang Diyos? Naalala ba Niya ang aking mabubuting gawa? Ano ang magiging hantungan ko? Maaari ko bang matanggap ang mga pagpapala ng Diyos? …” Ang bawat tao ay patuloy na gumagawa ng ganitong mga pagkalkula sa loob ng kanilang puso, at naglalatag sila ng mga hinihingi sa Diyos na nagtataglay ng kanilang mga motibasyon, ambisyon, at transaksiyonal na pag-iisip. Ibig sabihin, sa kanyang puso, ang tao ay patuloy na sinusubukan ang Diyos, patuloy na gumagawa ng mga plano tungkol sa Diyos, at patuloy na nangangatwiran sa Diyos para sa kanyang sariling indibidwal na kalalabasan, at sinusubukang makakuha ng pahayag mula sa Diyos, at tingnan kung maaaring ibigay o hindi ng Diyos ang kanyang nais. Kasabay ng paghahangad sa Diyos, hindi itinuturing ng tao ang Diyos bilang Diyos. Palagi niyang sinusubukang makipagtawaran sa Diyos, walang hinto sa paghingi sa Diyos, at pinipilit pa ang Diyos sa bawat hakbang, tinatangkang humingi nang higit pa matapos mapagbigyan nang kaunti. Kasabay ng pagsisikap na makipagtawaran sa Diyos, ang tao ay nakikipagtalo rin sa Diyos, at mayroon pang mga tao na, kapag may dumarating na mga pagsubok sa kanila o kaya ay nalagay sila mismo sa ilang sitwasyon, madalas na sila ay nagiging mahina, negatibo, at pabaya sa kanilang trabaho, at puno ng mga reklamo tungkol sa Diyos. Magmula nang ang tao ay magsimulang maniwala sa Diyos, itinuturing ng tao ang Diyos na isang kornukopya, isang Swiss Army na lanseta, at itinuturing ang sarili niya na pinakamalaking pinagkakautangan ng Diyos, na para bang ang pagsisikap na makakuha ng mga pagpapala at pangako mula sa Diyos ay ang kanyang likas na karapatan at obligasyon, habang ang pagpoprotekta, pangangalaga, at pagtutustos sa tao ang mga responsabilidad na dapat tuparin ng Diyos. Ganito ang pangunahing pagkaunawa sa “pananampalataya sa Diyos,” ng lahat ng taong naniniwala sa Diyos, at ito ang kanilang pinakamalalim na pagkaunawa sa konsepto ng pananampalataya sa Diyos. Mula sa kalikasang diwa ng tao hanggang sa kanyang pansariling hangarin, wala sa mga ito ang may kinalaman sa takot sa Diyos. Hindi maaari na ang layunin ng tao sa paniniwala sa Diyos ay may kinalaman sa pagsamba sa Diyos. Ibig sabihin, hindi kailanman itinuring o naintindihan ng tao na ang pananampalataya sa Diyos ay nangangailangan ng pagkatakot sa Diyos, at pagsamba sa Diyos. Sa harap ng ganitong mga kalagayan, ang diwa ng tao ay halatang-halata. Ano ang diwang ito? Ito ay na ang puso ng tao ay masama, mapanganib, at mapanlinlang, walang pagmamahal sa pagiging patas at pagiging matuwid, at sa mga bagay na positibo, at ito ay kamuhi-muhi at sakim. Ang puso ng tao ay masyado nang sarado sa Diyos; hindi ito ibinigay ng tao sa Diyos kailanman. Hindi kailanman nakita ng Diyos ang tunay na puso ng tao, at hindi rin Siya kailanman sinamba ng tao. Gaano man kalaki ang halagang binabayaran ng Diyos, o gaano man karaming gawain ang Kanyang ginagawa, o gaano man karami ang ibinibigay Niya sa tao, ang tao ay nananatiling bulag dito, at lubos na walang malasakit. Hindi kailanman ibinigay ng tao ang kanyang puso sa Diyos, gusto niya lang na pangalagaan mismo ang kanyang puso, gumawa ng kanyang mga sariling desisyon—ang ibig sabihin ay hindi niya nais na sundan ang daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan, o magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at hindi niya rin gusto na sambahin ang Diyos bilang Diyos. Ganito ang kalagayan ng tao sa kasalukuyan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II
99. Sa tuwing binabanggit ang hantungan, itinuturing ninyo ito nang may espesyal na kaseryosohan; higit pa riyan, kayong lahat ay partikular na sensitibo tungkol sa bagay na ito. May ilang taong hindi makapaghintay na iyukod ang kanilang mga ulo hanggang lupa, yumuyuko nang mababa sa harap ng Diyos para lamang makapagkamit ng magandang hantungan. Nauunawaan Ko ang inyong pagiging masigasig, na hindi na kailangang ilahad pa sa pamamagitan ng mga salita. Ito’y dahil lamang ayaw ninyong humantong ang inyong laman sa sakuna, at bukod pa rito, ayaw ninyong mahulog sa walang hanggang kaparusahan sa hinaharap. Kayo ay umaasa lamang na tulutan ang inyong sarili na mabuhay nang higit na malaya at maalwan. Kaya kayo ay lalong higit na nagiging nasasabik sa tuwing nababanggit ang hantungan, lubos na nangangamba na kapag hindi kayo naging sapat na maingat, maaaring sumalungat kayo sa Diyos at makatatanggap kung gayon ng nararapat na parusa. Hindi kayo nag-alinlangan na makipagkompromiso para lamang sa inyong hantungan, at maging ang marami sa inyo na dating mapanlinlang at walang galang ay bigla na lamang naging napakamalumanay at tapat; ang anyo ng inyong katapatan ay labis na nakakadurog sa puso ng mga tao. Gayon pa man, lahat kayo’y may mga “tapat” na puso, at patuloy ninyong ibinabahagi sa Akin ang mga lihim ng inyong mga puso nang walang anumang itinatago, maging ito man ay hinaing, panlilinlang o katapatan. Sa kabuuan, napakamatapat ninyong “ikinumpisal” sa Akin ang diwa ng mga bagay na nasa kaibuturan ng inyong pagiging tao. Mangyari pa, hindi Ko iniwasan kailanman ang gayong mga bagay, dahil naging napakapamilyar na ang mga ito sa Akin. Mas nanaisin pa ninyong pumasok sa dagat ng apoy alang-alang sa inyong huling hantungan kaysa mawalan ng isa mang hibla ng buhok para makamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Hindi sa Ako ay nagiging masyadong dogmatiko sa inyo; sadyang kayo ay labis na nagkukulang ng isang pusong may katapatan para harapin ang lahat ng Aking ginagawa. Maaaring hindi ninyo naiintindihan kung ano ang kapapahayag Ko lamang, kaya hayaan ninyo Akong magbigay sa inyo ng payak na paliwanag: Ang kailangan ninyo ay hindi ang katotohanan at buhay; ni ang mga prinsipyo kung paano kayo aasal, lalong hindi ang Aking masidhing paggawa. Sa halip, ang kailangan ninyo ay ang lahat na taglay ng inyong laman—kayamanan, katayuan, pamilya, buhay may-asawa, at iba pa. Lubos ninyong ipinagwawalang-bahala ang Aking mga salita at gawain, kung kaya’t malalagom Ko ang inyong pananampalataya sa iisang salita: pabasta-basta. Gagawin ninyo ang kahit ano upang matamo lamang ang mga bagay na labis kayong tapat, ngunit natuklasan Kong hindi ninyo ito gagawin alang-alang sa mga bagay na tungkol sa inyong pananampalataya sa Diyos. Sa halip, kayo ay relatibong tapat, at relatibong masigasig. Iyan ang dahilan kung bakit sinasabi Kong ang mga taong walang pusong may sukdulang katapatan ay mga bigo sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Pag-isipan ninyong mabuti—marami bang mga bigo sa inyong hanay?
Dapat ninyong malaman na natatamo ang tagumpay sa pananampalataya sa Diyos bilang resulta ng sariling mga kilos ng mga tao; kapag hindi nagtatagumpay ang mga tao bagkus ay nabibigo, iyon din ay dahil sa sarili nilang mga kilos, at walang papel na ginagampanan ang anupamang bagay. Naniniwala Ako na gagawin ninyo ang lahat ng maaaring gawin para makamit ang isang bagay na mas mahirap at nangangailangan ng higit na pagdurusa kaysa pananampalataya sa Diyos, at labis ninyo itong sineseryoso, kung kaya’t hindi ninyo pahihintulutan ang anumang mga pagkakamali; ito ang mga uri ng walang-humpay na pagsisikap na ibinubuhos ninyo sa sarili ninyong mga buhay. Kaya pa nga ninyong linlangin ang Aking katawang-tao sa mga pagkakataon na ni hindi ninyo lilinlangin ang sinumang miyembro ng inyong pamilya. Ito ang inyong palagiang pag-uugali at ang prinsipyong ipinamumuhay ninyo. Hindi ba’t nagkukunwari pa rin kayo para linlangin Ako alang-alang sa inyong hantungan, upang ang inyong hantungan ay maging lubos na maganda at ayon sa lahat ng inyong hinahangad? Alam Ko na pansamantala lang ang katapatan ninyo, gayundin ang sinseridad ninyo. Hindi ba’t ang inyong determinasyon at ang halagang ibinabayad ninyo ay para lamang sa ngayon at hindi para sa hinaharap? Nais lamang ninyong magbuhos ng huling pagsisikap para matiyak ang isang magandang hantungan, na ang tanging layunin ay makipagpalitan. Hindi ninyo ginagawa ang pagsisikap na ito upang maiwasan ang pagkakautang sa katotohanan, at lalong hindi upang bayaran Ako sa halagang pinagbayaran Ko. Sa madaling salita, handa lamang kayong gumamit ng mga tusong pakana upang makamit ang inyong gusto, pero hindi ang hayagang makipaglaban para dito. Hindi ba’t ang mga ito ang mga kaloob-loobang kaisipan ninyo? Hindi kayo dapat magbalatkayo, o magpagod sa pag-iisip tungkol sa inyong hantungan hanggang sa puntong wala na kayong ganang kumain o uminom sa araw, at hindi na makatulog nang payapa sa gabi. Hindi ba’t totoo na ang kalalabasan ninyo ay naitakda na sa huli?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Hantungan
100. Sumunod na kayo sa Akin sa mga nakalipas na taon, ngunit hindi ninyo Ako nabigyan ni katiting na katapatan kailanman. Sa halip, nahumaling kayo sa mga taong mahal ninyo at sa mga bagay na gusto ninyo—kaya sa tuwina, at saanman kayo magpunta, pinanatili ninyo silang malapit sa puso ninyo at hindi sila pinabayaan kailanman. Tuwing sabik at maalab kayo tungkol sa anumang bagay na gustung-gusto ninyo, ito ay habang sumusunod kayo sa Akin, o kahit habang nakikinig kayo sa Aking mga salita. Kaya nga, sinasabi Ko na ginagamit ninyo ang katapatang hinihingi Ko sa inyo upang sa halip ay maging matapat sa inyong mga “paborito” at itangi ang mga ito. Magsakripisyo man kayo ng isa o dalawang bagay para sa Akin, hindi ito kumakatawan sa lahat ng maibibigay ninyo, at hindi nagpapakita na sa Akin kayo talaga matapat. Nakikibahagi kayo sa mga gawaing gustung-gusto ninyo: Matapat ang ilang tao sa mga anak na lalaki at babae, ang iba naman sa kanilang asawa, misis, kayamanan, trabaho, nakatataas, katayuan, o kababaihan. Hindi kayo nagsasawa o nayayamot kailanman sa mga bagay na matapat kayo; sa halip, lalo pa kayong nasasabik na magkaroon ng mas marami ng mga bagay na ito na mas mataas ang kalidad, at hindi kayo sumusuko kailanman. Ako at ang Aking mga salita ay palaging inilalagay sa huli ng mga bagay na gustung-gusto ninyo. At wala kayong magagawa kundi ihuli ang mga ito. Mayroon pang mga tao na inihuhuli ito para sa mga bagay na matapat sila na kailangan pa nilang tuklasin. Kailanma’y wala ni katiting na bakas Ko sa puso nila. Maaari ninyong isipin na napakarami Kong hinihingi sa inyo o mali Ako sa pag-akusa sa inyo—ngunit naisip na ba ninyo kahit kailan ang katotohanan na habang masaya kayong gumugugol ng oras sa piling ng inyong pamilya, ni minsan ay hindi kayo naging matapat sa Akin? Sa ganitong mga pagkakataon, hindi ba kayo nasasaktan? Kapag puspos ng kagalakan ang inyong puso dahil ginagantimpalaan kayo para sa inyong mga pagpapagal, hindi ba kayo pinanghihinaan ng loob na hindi ninyo nasangkapan ang inyong sarili ng sapat na katotohanan? Kailan kayo naiyak dahil hindi ninyo natanggap ang Aking pagsang-ayon? Nag-iisip kayong mabuti at lubhang nagpapakasakit alang-alang sa inyong mga anak na lalaki at babae, ngunit hindi pa rin kayo nasisiyahan; naniniwala pa rin kayo na hindi kayo nagpakasipag para sa kanila, na hindi pa ninyo nagagawa ang lahat ng kaya ninyo para sa kanila. Gayunman, sa Akin, lagi kayong nagpapabaya at walang-ingat; nasa alaala lamang ninyo Ako, ngunit hindi Ako nananatili sa puso ninyo. Hindi ninyo kailanman sinusubukang unawain ang Aking masisidhing layunin, o magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga ito. Nagninilay-nilay lamang kayo sandali at naniniwala na sasapat na ito. Hindi ganito ang “katapatan” na matagal Ko nang pinananabikan, kundi ito yaong matagal Ko nang kinamumuhian.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kanino Ka Matapat?
101. Kung maglalatag Ako ng kaunting pera sa harap ninyo ngayon mismo at bibigyan kayo ng kalayaang pumili—at hindi Ko kayo kokondenahin nang dahil sa pinili ninyo—pipiliin ng karamihan sa inyo ang pera at tatalikuran ang katotohanan. Ang mas mabubuti sa inyo ay tatalikuran ang pera at atubiling pipiliin ang katotohanan, habang yaong mga nasa gitna ay susunggaban ang pera sa isang kamay at ang katotohanan sa kabilang kamay. Hindi ba kusang lalabas ang tunay ninyong kulay sa ganoon? Sa pagpili sa pagitan ng katotohanan at ng anumang bagay na tapat kayo, lahat kayo ay pipili sa ganitong paraan, at magiging pareho pa rin ang saloobin ninyo. Hindi ba’t ganoon? Hindi ba marami sa inyo ang nag-alinlangan sa pagitan ng tama at mali? Sa lahat ng pakikibaka sa pagitan ng positibo at negatibo, ng itim at puti—sa pagitan ng pamilya at ng Diyos, ng mga anak at ng Diyos, ng pagkakasundo at pagkakawatak, ng kayamanan at kahirapan, ng katayuan at pagiging ordinaryo, ng masuportahan at ng maitakwil, at iba pa—tiyak na hindi kayo mangmang sa mga ginawa ninyong desisyon! Sa pagitan ng nagkakasundong pamilya at ng watak-watak na pamilya, pinili ninyo ang nauna, at ginawa ninyo iyon nang walang pag-aatubili; sa pagitan ng kayamanan at ng tungkulin, muli ninyong pinili ang nauna, at ayaw pa nga ninyong bumalik sa pampang;[a] sa pagitan ng luho at ng kahirapan, pinili ninyo ang nauna; sa pagpili sa pagitan ng alinman sa inyong mga anak, misis, at mister o Ako, pinili ninyo ang nauna; at sa pagitan ng mga kuru-kuro at ng katotohanan, pinili pa rin ninyo ang nauna. Nahaharap sa lahat ng klase ng inyong masasamang gawa, talagang nawalan na Ako ng tiwala sa inyo, talagang namangha Ako. Hindi inaasahan na ang inyong puso ay walang kakayahan na maging malambot. Ang dugo ng puso na ginugol ko sa loob ng maraming taon ay kagulat-gulat na walang idinulot sa akin kundi ang inyong pang-aabandona at kawalan ng gana, ngunit lumalago ang pag-asa Ko para sa inyo sa bawat araw na lumilipas, dahil ang araw Ko ay ganap nang nailantad sa harapan ng lahat. Ngunit ngayon ay hinahangad pa rin ninyo ang madidilim at masasamang bagay, at ayaw ninyong pakawalan ang mga ito. Ano, kung gayon, ang inyong kalalabasan? Naisaalang-alang na ba ninyo itong mabuti? Kung papipiliin kayong muli, ano kaya ang magiging saloobin ninyo? Ang nauna pa rin kaya? Bibigyan pa rin ba ninyo Ako ng pagkabigo at masakit na kalungkutan? Ang puso ba ninyo ay magtataglay pa rin ng kaunting pagkagiliw lang? Hindi pa rin kaya ninyo malalaman kung paano aaliwin ang puso Ko?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kanino Ka Matapat?
Talababa:
a. Magbago ng isip: isang Chinese idiom na ang ibig sabihin ay “tumalikod sa masasamang gawi.”
102. Sa bawat araw, ang mga gawa at saloobin ng bawat isang tao ay nakikita ng mga mata Niya, kasabay nito, sila ay naghahanda para sa kanilang sariling kinabukasan. Ito ang landas na dapat tahakin ng lahat ng nabubuhay at ito ang Aking paunang itinadhana para sa lahat. Walang sinumang makatatakas dito at walang palalagpasin. Walang bilang ang mga salitang Aking binanggit, at ang gawaing Aking ginagawa, higit pa rito, ay hindi masusukat. Araw-araw, Ako ay nagmamatyag habang ang bawat tao ay natural na tinutupad ang lahat ng dapat niyang gawin alinsunod sa kanyang angking kalikasan at sa paglago ng kanyang kalikasan. Nang hindi namamalayan, marami nang tumahak sa “tamang landas,” na Aking itinalaga para sa paghahayag ng iba’t ibang uri ng tao. Matagal Ko nang nailagay ang bawat uri ng tao sa iba’t ibang mga kapaligiran, at sa kani-kanilang mga lugar, ang bawat isa ay naghahayag ng kanyang mga likas na katangian. Walang sinuman ang gumagapos sa kanila, wala ni isa mang umaakit sa kanila. Sila ay malaya sa kanilang kabuuan at ang kanilang ipinapahayag ay natural na nagaganap. Mayroon lamang isang bagay na pumipigil sa kanila, at iyon ang Aking mga salita. Sa gayon, ang ilang tao ay binabasa ang Aking mga salita nang may sama ng loob, hindi kailanman isinasagawa ang mga ito, ginagawa lamang upang maiwasan ang kamatayan. Samantalang ang iba ay nahihirapang tiisin ang mga araw na wala ang Aking mga salita para gabayan at matustusan sila, kaya natural nilang pinanghahawakan ang Aking mga salita sa lahat ng oras. Sa paglipas ng panahon, natutuklasan nila ang lihim ng buhay ng tao, ang hantungan ng sangkatauhan, at ang halaga ng pagiging tao. Ganito talaga ang sangkatauhan sa presensiya ng Aking mga salita, at hinahayaan Ko lang ang mga pangyayari na tahakin ang natural nitong landas. Wala Akong ginagawang anumang gawain upang pilitin ang tao na gawing pundasyon ng kanilang pag-iral ang Aking mga salita. Kung kaya’t ang mga taong hindi kailanman nagkaroon ng konsensya o iyong ang pag-iral ay hindi kailanman nagkaroon ng halaga, ay buong tapang na isinasantabi ang Aking mga salita at gumagawa ng anumang naisin nila matapos ang tahimik na pagmamasid sa mga nangyayari. Nagsisimula silang maging tutol sa katotohanan at ang lahat ng nagmumula sa Akin. Bukod dito, tutol sila sa pamamalagi sa Aking tahanan. Ang mga taong ito ay pansamantalang nanunuluyan sa loob ng Aking tahanan para sa kapakanan ng kanilang hantungan at upang makatakas sa kaparusahan, kahit na sila ay nagtatrabaho. Ngunit hindi kailanman nagbabago ang kanilang mga layunin, maging ang kanilang mga pagkilos. Higit pa nitong pinatitindi ang kanilang pagnanais para sa mga pagpapala, at pinalalakas ang kanilang pagnanais na makapasok sa kaharian nang isang beses at manatili rito nang walang hanggan—kahit na ang makapasok sa langit na walang hanggan. Habang lalo pa nilang hinahangad na mas mapabilis ang pagdating ng Aking araw, mas lalo nilang nararamdaman na naging isang balakid ang katotohanan, isang sagabal sa kanilang daan. Hindi na sila makapaghintay na tumapak sa kaharian upang maranasan magpakailanman ang mga biyaya ng kaharian ng langit, nang hindi nangangailangang hangarin ang katotohanan o tanggapin ang paghatol at pagkastigo, at higit sa lahat, nang hindi nangangailangang gumapang sa loob ng Aking tahanan at sumunod sa Aking mga utos. Ang mga taong ito ay pumapasok sa Aking bahay hindi upang tuparin ang pagnanais ng kanilang puso na hanapin ang katotohanan o kaya ay makipagtulungan sa Aking pamamahala. Naglalayon lamang silang maging isa sa mga taong hindi wawasakin sa susunod na kapanahunan. Kung kaya’t hindi kailanman nalaman ng kanilang mga puso kung ano ang katotohanan o kung paano tanggapin ang katotohanan. Ito ang dahilan kung bakit ang ganitong uri ng tao ay hindi kailanman isinagawa ang katotohanan o napagtanto ang matinding lalim ng kanilang katiwalian, at sa kabila nito ay nakatira sa Aking tahanan bilang “tagapaglingkod” hanggang sa wakas. Sila ay “matiyagang” naghihintay sa pagdating ng Aking araw, at walang kapaguran kahit nagpaparoo’t parito na sila sa paraan ng Aking gawain. Subalit gaano man kadakila ang kanilang naging pagsisikap o anuman ang halaga na kanilang ibinayad, walang sinumang nakakita na sila ay nagdusa para sa katotohanan o nagbigay ng anuman para sa Akin. Sa kanilang mga puso, hindi nila kayang hintayin na makita ang araw na wawakasan Ko ang lumang kapanahunan, at bukod pa rito, hindi sila makapaghintay na malaman kung gaano kadakila ang Aking kapangyarihan at awtoridad. Ang hindi nila minadaling gawin ay ang baguhin ang kanilang sarili at hangarin ang katotohanan. Mahal nila ang tinututulan Ko, at tutol sila sa minamahal Ko. Kinasasabikan nila ang bagay na kinamumuhian Ko, ngunit natatakot silang mawala ang mga bagay na Aking kinasusuklaman. Nakatira sila sa masamang mundong ito nang hindi kailanman nasuklam dito, gayunman ay natatakot nang masidhi na ito ay Aking wawasakin. Sa kabila ng kanilang nagsasalungat na intensiyon, mahal nila ang mundong ito na Aking kinapopootan, ngunit hinahangad din nila na wasakin Ko ito sa lalong madaling panahon, upang sila ay makaiwas sa paghihirap na dala ng pagkawasak at maging mga panginoon sa susunod na kapanahunan, bago pa sila malihis mula sa tunay na daan. Ito ay dahil hindi nila minamahal ang katotohanan at tutol sila sa lahat ng nanggagaling sa Akin. Marahil sila ay magiging “masunuring tao” sa maikling panahon para lamang hindi mawalan ng mga pagpapala, ngunit ang kanilang pagkabahala na makatanggap ng pagpapala at ang kanilang takot na mapahamak at papasukin sa lawa ng nagniningas na apoy ay hindi kailanman maitatago. Habang papalapit ang Aking araw, lalong lumalakas ang kanilang pagnanais. At habang lumalaki ang kalamidad, mas lalo silang walang magawa, hindi alam kung saan magsisimula upang mapasaya Ako at upang maiwasang mawalan ng mga pagpapala na matagal nilang inasam-asam. Kapag nag-umpisang kumilos ang Aking kamay, ang mga taong ito ay sabik gumawa ng pagkilos upang maglingkod bilang pangunahing hanay. Ang iniisip lamang nila ay ang dumagsa sa pinakaunahang linya ng mga hukbo, sa labis na takot na hindi Ko sila makikita. Ginagawa at sinasabi nila ang sa palagay nila ay tama, nang hindi kailanman nalalaman na ang kanilang mga gawa at kilos ay hindi kailanman nauugnay sa katotohanan, at ang kanilang ginagawa ay sumisira at gumugulo lamang sa Aking mga plano. Bagama’t gumawa sila ng malaking pagsisikap at maaaring naging totoo sa kanilang kagustuhan at layuning tiisin ang mga paghihirap, ngunit wala sa ginagawa nila ang may kinalaman sa Akin, dahil hindi Ko kailanman nakitang nagmula sa mabuting layunin ang kanilang mga gawa, at mas lalo Ko silang hindi nakitang naglagay ng anumang bagay sa Aking altar. Ganyan ang kanilang mga gawa sa Aking harapan sa loob ng maraming taon.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Ninyong Isaalang-alang ang Inyong mga Gawa
103. Maraming tao ang sumusuporta sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos araw-araw, hanggang sa puntong maingat nilang isinasaulo ang lahat ng klasikong sipi roon bilang kanilang pinakaiingatang pag-aari, at bukod pa riyan ay ipinangangaral nila ang mga salita ng Diyos kahit saan, tinutustusan at tinutulungan ang iba sa mga salita ng Diyos. Iniisip nila na ang paggawa nito ay pagpapatotoo sa Diyos, pagpapatotoo sa Kanyang mga salita, na ang paggawa nito ay pagsunod sa daan ng Diyos; iniisip nila na ang paggawa nito ay pamumuhay ayon sa mga salita ng Diyos, na ang paggawa nito ay pagdadala ng Kanyang mga salita sa kanilang tunay na pamumuhay, na ang paggawa nito ay magbibigay-daan para purihin sila ng Diyos, at maligtas at magawang perpekto. Ngunit, kahit ipinangangaral nila ang mga salita ng Diyos, hindi nila kailanman sinusunod ang mga salita ng Diyos sa kanilang pagsasagawa, o sinusubukang ihambing ang kanilang sarili sa inihahayag sa mga salita ng Diyos. Sa halip, ginagamit nila ang mga salita ng Diyos para matamo ang paghanga at tiwala ng iba sa pamamagitan ng pandaraya, para pasuking mag-isa ang pamamahala, at lustayin at nakawin ang kaluwalhatian ng Diyos. Umaasa sila, nang walang saysay, na samantalahin ang pagkakataong ibinibigay sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng mga salita ng Diyos para magantimpalaan ng paggawa ng Diyos at ng Kanyang papuri. Ilang taon na ang lumipas, ngunit hindi lamang walang kakayahang maani ng mga taong ito ang papuri ng Diyos sa proseso ng pangangaral ng mga salita ng Diyos, at hindi lamang sila walang kakayahang tuklasin ang daan na dapat nilang sundan sa proseso ng pagpapatotoo sa mga salita ng Diyos, at hindi lamang nila hindi tinulungan o tinustusan ang kanilang sarili sa proseso ng pagtulong at pagtustos sa iba sa mga salita ng Diyos, at hindi lamang sila walang kakayahang kilalanin ang Diyos, o pukawin ang kanilang sarili sa tunay na pagkatakot sa Diyos, sa proseso ng paggawa ng lahat ng bagay na ito; kundi, bagkus, lalong lumalalim ang kanilang mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, lalo pang lumalala ang kawalan nila ng tiwala sa Kanya, at lalong lumalabis ang kanilang mga imahinasyon tungkol sa Kanya. Dahil tinutustusan at ginagabayan ng kanilang mga teorya tungkol sa mga salita ng Diyos, mukha silang masiglang-masigla, na para bang ginagamit nila ang kanilang angking mga galing nang walang kahirap-hirap, na para bang natagpuan na nila ang kanilang layunin sa buhay, kanilang misyon, at para bang nagkaroon na sila ng bagong buhay at naligtas, na para bang, sa mga salita ng Diyos na malutong na binibigkas ng kanilang dila, natamo na nila ang katotohanan, naintindihan ang mga layon ng Diyos, at natuklasan ang landas tungo sa pagkilala sa Diyos, na para bang, sa proseso ng pangangaral ng mga salita ng Diyos, madalas nilang makaharap ang Diyos. Gayundin, madalas silang “nauudyukan” na manaka-nakang umiyak, at, madalas na inaakay ng “Diyos” sa mga salita ng Diyos, mukha silang walang-tigil sa pag-intindi sa Kanyang maalab na pagmamalasakit at mabuting layon, at kasabay noon ay naintindihan nila ang pagliligtas ng Diyos sa tao at ang Kanyang pamamahala, nalaman ang Kanyang diwa, at naunawaan ang Kanyang matuwid na disposisyon. Batay sa pundasyong ito, tila lalo pang tumibay ang kanilang paniniwala na mayroong Diyos, mas napapansin nila ang Kanyang dakilang kalagayan, at nadarama nang mas matindi ang Kanyang karingalan at kadakilaan. Babad sa mababaw na kaalaman tungkol sa mga salita ng Diyos, magmumukhang lumago na ang kanilang pananampalataya, lumakas ang determinasyon nilang magtiis ng pagdurusa, at lumalim ang kaalaman nila tungkol sa Diyos. Hindi nila alam na, hangga’t hindi nila nararanasan talaga ang mga salita ng Diyos, lahat ng kaalaman nila tungkol sa Diyos at ang kanilang mga ideya tungkol sa Kanya ay nanggagaling sa sarili nilang mga minimithing imahinasyon at haka-haka. Hindi tatagal ang kanilang pananampalataya sa ilalim ng anumang klaseng pagsubok ng Diyos, ang kanilang tinatawag na espirituwalidad at tayog ay hindi talaga tatagal sa ilalim ng pagsubok o pagsusuri ng Diyos, ang kanilang matibay na pasiya ay isang kastilyong buhangin lamang, at ang tinatawag nilang kaalaman tungkol sa Diyos ay kathang-isip lamang nila. Sa katunayan, ang mga taong ito na nagsisikap nang husto, kahit paano, sa mga salita ng Diyos, ay hindi pa natanto kailanman kung ano ang tunay na pananampalataya, ano ang tunay na pagpapasakop, ano ang tunay na pagmamalasakit, o ano ang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos. Kinukuha nila ang teorya, imahinasyon, kaalaman, kaloob, tradisyon, pamahiin, at maging ang mga kagandahang-asal ng sangkatauhan, at ginagawang “puhunan” at “mga sandata” ang mga ito sa paniniwala sa Diyos at pagsunod sa Kanya, ginagawa pa ngang pundasyon ang mga ito ng kanilang paniniwala sa Diyos at pagsunod sa Kanya. Kasabay nito, kinukuha rin nila ang puhunan at mga sandatang ito at ginagawang mga anting-anting para kilalanin ang Diyos, harapin at pakitunguhan ang mga pagsusuri, pagsubok, pagkastigo, at paghatol ng Diyos. Sa huli, ang natamo pa rin nila ay walang iba kundi mga palagay tungkol sa Diyos na puno ng relihiyosong pakahulugan, makalumang pamahiin, at lahat ng romantiko, katawa-tawa, at misteryoso. Ang kanilang paraan ng pagkilala at paglalarawan sa Diyos ay katulad ng sa mga taong naniniwala lamang sa Langit sa Itaas o sa Matandang Tao sa Langit, samantalang ang pagiging praktikal ng Diyos, ang Kanyang diwa, Kanyang disposisyon, Kanyang mga pag-aari at katauhan, at iba pa—lahat ng may kaugnayan sa totoong Diyos Mismo—ay mga bagay na hindi naintindihan ng kanilang kaalaman, na lubhang hiwalay sa kanilang kaalaman, at magkasinglayo pa na tulad ng hilaga at timog. Sa ganitong paraan, bagama’t ang mga taong ito ay nasa ilalim ng panustos at pangangalaga ng mga salita ng Diyos, sila magkagayunman ay hindi tunay na nakatahak sa landas ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Ang totoong dahilan nito ay na hindi talaga nila nakilala ang Diyos kailanman, ni hindi sila nagkaroon ng tunay na pakikipag-ugnayan o pakikipagniig sa Kanya kailanman, kaya nga imposible silang magkaunawaan ng Diyos, o mapukaw sa kanila ang tunay na paniniwala, pagsunod, o pagsamba sa Diyos. Na dapat nilang isaalang-alang ang mga salita ng Diyos nang gayon, na dapat nilang isaalang-alang ang Diyos nang gayon—ang pananaw at saloobing ito ang naging dahilan kaya bumalik sila na walang napala sa kanilang mga pagsisikap, kaya hindi nila nagawa kailanman na tumahak sa landas ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan sa buong kawalang-hanggan. Ang layuning kanilang inaasam, at ang direksyong kanilang tinutungo, ay nagpapahiwatig na sila ay mga kaaway ng Diyos hanggang sa kawalang-hanggan, at na hindi sila kailanman tatanggap ng kaligtasan hanggang sa kawalang-hanggan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paunang Salita
104. Sa loob ng maraming taon ng Aking gawain, maraming natamo ang mga tao, at maraming tinalikdan, subalit sinasabi Ko pa rin na hindi talaga sila naniniwala sa Akin. Sapagkat kinikilala lamang ng mga tao na Ako ang Diyos gamit ang kanilang bibig, ngunit hindi sila sumasang-ayon sa mga katotohanang ipinapahayag Ko, at, dagdag pa riyan, hindi nila isinasagawa ang mga katotohanang hinihiling Kong gawin nila. Ibig sabihin, kinikilala lamang ng mga tao ang pag-iral ng Diyos, ngunit hindi ang katotohanan; kinikilala lamang ng mga tao ang pag-iral ng Diyos, ngunit hindi ang buhay; kinikilala lamang ng mga tao ang pangalan ng Diyos, ngunit hindi ang Kanyang diwa. Kinasusuklaman Ko sila dahil sa kanilang kasigasigan, sapagkat gumagamit lamang sila ng mga salitang masarap pakinggan para linlangin Ako; walang isa man sa kanila ang talagang sumasamba sa Akin. Ang inyong mga salita ay naglalaman ng tukso ng ahas; higit pa riyan, sukdulan sa kahambugan ang mga ito, isang tunay na pagpapahayag ng arkanghel. Dagdag pa riyan, ang inyong mga gawa ay nakakahiya dahil sira-sira at gutay-gutay; ang inyong walang-habas na mga pagnanasa at mapag-imbot na mga intensyon ay kasuklam-suklam pakinggan. Lahat kayo ay naging mga gamu-gamo sa Aking sambahayan, mga bagay na Aking itataboy. Sapagkat walang isa man sa inyo ang nagmamahal sa katotohanan; bagkus, hangad ninyong mapagpala, makaakyat sa langit, mamasdan ang kagila-gilalas na pangitain ni Cristo na ginagamit ang Kanyang kapangyarihan sa lupa. Ngunit naisip ba ninyo kailanman kung paanong ang katulad ninyo, na napakatiwali, na walang ideya kung ano ang Diyos, ay maaaring maging karapat-dapat na sumunod sa Diyos? Paano kayo makakaakyat sa langit? Papaano kayo magiging karapat-dapat na mamasdan ang mariringal na tagpo, mga tagpong walang katulad sa kanilang ningning? Ang inyong bibig ay puno ng mga salita na nanlilinlang sa Akin, mga salita ng karumihan, ng pagkakanulo sa Akin, at mga salita ng kayabangan. Kailanma’y hindi kayo nangusap ng mga salita ng katapatan sa Akin, walang mga banal na salita, walang mga salita ng pagdanas sa aking mga salita at pagpapasakop sa Akin. Ano, sa huli, ang katulad ng inyong pananalig? Walang anuman kundi pagnanasa at salapi ang nasa inyong puso, at wala kundi mga materyal na bagay ang nasa inyong isipan. Araw-araw, kinakalkula ninyo kung paano makakakuha ng isang bagay mula sa Akin. Araw-araw, binibilang ninyo kung gaano kalaking kayamanan at gaano karaming materyal na bagay ang natamo ninyo mula sa Akin. Araw-araw, hinihintay ninyong bumaba sa inyo ang mas marami pang biyaya nang sa gayon ay matamasa ninyo ang mas marami, mas mataas na mga bagay na maaaring matamasa. Hindi Ako ang laman ng inyong isipan sa bawat isang sandali, ni ang katotohanang nagmumula sa Akin, kundi ang inyong asawa, inyong mga anak, at ang mga bagay na inyong kinakain at isinusuot. Iniisip ninyo kung paano kayo magtatamo ng mas mainam at mas mataas pang kasiyahan. Ngunit kahit halos pumutok na ang inyong tiyan sa kabusugan, hindi pa rin ba kayo isang bangkay? Kahit, sa tingin, napapalamutian ninyo nang marangyang bihisan ang inyong sarili, hindi pa rin ba kayo naglalakad na bangkay na walang buhay? Nagpapakahirap kayo alang-alang sa inyong sikmura, hanggang sa puntong tinutubuan na kayo ng uban, subalit walang sinuman sa inyo ang nagsasakripisyo ni isang hibla ng buhok para sa Aking gawain. Palagi kayong humahangos, pinapagod ninyo ang inyong katawan at kinakalog ninyo ang inyong utak, para sa kapakanan ng inyong sariling laman, at para sa inyong mga anak—subalit wala ni isa sa inyo ang nagpapakita ng anumang pag-aalala o malasakit para sa Aking mga layunin. Ano pa ba ang inaasam ninyong matamo mula sa Akin?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Marami ang Tinawag, Datapuwa’t Kakaunti ang Nahirang
105. Nakapagpahayag na Ako ng napakaraming salita, at naipahayag Ko na rin ang mga layunin at disposisyon Ko, ngunit kahit ganoon, walang kakayahan pa rin ang mga tao na makilala Ako at manampalataya sa Akin. O, maaaring sabihin, walang kakayahan pa rin ang mga tao na magpasakop sa Akin. Yaong mga nabubuhay sa loob ng Bibliya, yaong mga nabubuhay sa saklaw ng batas, yaong mga nabubuhay sa krus, yaong mga nabubuhay ayon sa mga regulasyon, yaong mga nabubuhay sa gitna ng mga gawaing ginagawa Ko ngayon—sino sa kanila ang kaayon Ko? Iniisip lamang ninyo na tumanggap ng mga pagpapala at mga gantimpala, ngunit hindi pa ninyo kailanman inisip kung paano talaga magiging kaayon Ko, o kung paano mapipigilan ang mga sarili ninyo na maging laban sa Akin. Sobra Akong dismayado sa inyo, dahil napakarami Ko nang naipagkaloob sa inyo, ngunit napakakaunti ng nakamit Ko mula sa inyo. Ang inyong panlilinlang, kayabangan, kasakiman, labis-labis na mga paghahangad, pagkakanulo, at pagsuway—alin sa mga ito ang makakatakas sa paningin Ko? Pabaya kayo sa Akin, niloloko ninyo Ako, sinisira ninyo ang dangal Ko, sinusuyo ninyo Ako, sinisingil ninyo Ako at kinikikilan ninyo Ako para sa mga sakripisyo—paano makaiiwas sa kaparusahan Ko ang gayong kasamaan? Ang lahat ng paggawa ng masama na ito ay isang patunay na kaaway Ko kayo at patunay ng inyong hindi pagkakatugma sa Akin. Ang bawat isa sa inyo ay naniniwalang ang sarili ninyo ay sobrang kaayon Ko, ngunit kung ganoon nga, kanino mailalapat ang gayong hindi mapabubulaanang patunay? Naniniwala kayong tinataglay ng mga sarili ninyo ang sukdulang kataimtiman at katapatan sa Akin. Iniisip ninyong kayo ay napakabait, napakamahabagin, at naglaan na nang sobra para sa Akin. Iniisip ninyong higit sa sapat na ang nagawa ninyo para sa Akin. Ngunit sinuri na ba ninyo ito kailanman kumpara sa sarili ninyong mga kilos? Sinasabi Kong kayo ay napakamapagmataas, napakasakim, napakapabasta-basta; ang mga panlalansing ginagamit ninyo upang lokohin Ako ay napakatuso, at marami kayong kasuklam-suklam na intensyon at kasuklam-suklam na pamamaraan. Masyadong katiting ang katapatan ninyo, masyadong kaunti ang inyong sinseridad, at lalong wala kayong anumang konsensiya. Ang pagiging mapaminsala ay napakalaki sa loob ng inyong puso, at walang kayong sinumang pinalalampas, kahit pa Ako. Pinagsasarhan ninyo Ako para sa kapakanan ng inyong mga anak, o ng inyong asawa, o para mapangalagaan ninyo ang inyong sarili. Sa halip na magmalasakit sa Akin, nagmamalasakit kayo sa pamilya ninyo, sa mga anak ninyo, sa katayuan ninyo, sa kinabukasan ninyo, at sa sarili ninyong kasiyahan. Kailan ninyo Ako naisip habang nagsasalita o kumikilos kayo? Sa napakalalamig na araw, bumabaling ang isip ninyo sa inyong mga anak, sa inyong asawa, o sa inyong mga magulang. Sa napakaiinit na araw, wala rin Akong lugar sa isip ninyo. Kapag ginagampanan mo ang tungkulin mo, iniisip mo ang sarili mong kapakanan, ang sarili mong kaligtasan, ang mga kasapi ng pamilya mo. Ano ba ang nagawa mo na kailanman na para sa Akin? Kailan mo ba Ako naisip? Kailan mo ba nagawa ang anumang kinakailangan para sa sarili Ko at sa gawain Ko? Nasaan ang katibayan na ikaw ay kaayon Ko? Nasaan ang realidad ng katapatan mo sa Akin? Nasaan ang realidad ng pagpapasakop mo sa Akin? Kailan ba na ang mga intensyon mo ay hindi naging alang-alang sa pagkamit mo ng mga pagpapala Ko? Sinusubukan ninyong lahat na lokohin Ako. Lahat kayo ay nililinlang Ako. Pinaglalaruan ninyo ang katotohanan, itinatago ang pag-iral ng katotohanan, at ipinagkakanulo ang diwa ng katotohanan. Ano ang naghihintay sa inyo sa hinaharap sa paglaban sa Akin sa ganitong paraan? Naghahangad lamang kayo na maging kaayon ng isang malabong diyos, at naghahangad lamang ng isang malabong pananampalataya, ngunit hindi kayo kaayon ni Cristo. Sa gayong masasamang gawa, hindi ba’t magdurusa kayo ng nararapat na retribusyon kasama ang masasamang tao? Sa oras na iyon, mapagtatanto ninyo na walang sinumang di-kaayon ni Cristo ang makatatakas sa araw ng poot, at matutuklasan ninyo kung anong uri ng ganti ang ibibigay sa yaong mga laban kay Cristo.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Hangarin ang Daan ng Pagiging Kaayon kay Cristo
106. Sa inyong paghahangad, napakarami ninyong indibidwal na mga kuru-kuro, pag-asam, at kinabukasan. Ang kasalukuyang gawain ay para pungusan ang inyong pagnanais na magkaroon ng katayuan at ang inyong maluluhong pagnanais. Ang mga pag-asam, katayuan, at mga kuru-kuro ay pawang mga klasikong representasyon ng satanikong disposisyon. Umiiral ang mga ito sa puso ng mga tao dahil palaging unti-unting sinisira ng lason ni Satanas ang isipan ng mga tao, at palaging hindi maiwaksi ng mga tao ang mga tuksong ito ni Satanas. Nakasadlak sila sa kasalanan subalit hindi sila naniniwala na kasalanan iyon, at iniisip pa rin nila: “Naniniwala kami sa Diyos, kaya kailangan Niya kaming pagkalooban ng mga pagpapala at angkop na isaayos ang lahat para sa amin. Naniniwala kami sa Diyos, kaya kailangang maging superyor kami sa iba, at kailangan magkaroon kami ng mas mataas na katayuan at higit na kinabukasan kaysa sa iba. Dahil naniniwala kami sa Diyos, kailangan Niya kaming bigyan ng walang-hanggang mga pagpapala. Kung hindi, hindi iyon matatawag na paniniwala sa Diyos.” Sa loob ng maraming taon, ang mga kaisipang sinasandigan ng mga tao para sa pananatili ng kanilang buhay ay unti-unting sumisira sa kanilang puso hanggang sa punto na sila ay maging taksil, duwag, at kasuklam-suklam. Hindi lamang sila kulang sa tibay ng kalooban at determinasyon, ngunit naging sakim, mayabang, at matigas din ang ulo nila. Walang-wala silang anumang paninindigan na dumaraig sa sarili, at higit pa riyan, wala silang katiting na tapang na iwaksi ang mga paghihigpit ng madidilim na impluwensiya. Ang saloobin at buhay ng mga tao ay bulok na bulok kaya ang kanilang mga pananaw tungkol sa paniniwala sa Diyos ay napakapangit pa rin, at kahit kapag nagsasalita ang mga tao tungkol sa kanilang mga pananaw sa pananampalataya sa Diyos, talagang hindi iyon matitiis pakinggan. Ang lahat ng tao ay duwag, walang kakayahan, kasuklam-suklam, at marupok. Wala silang nadaramang pagkasuklam para sa mga puwersa ng kadiliman, at wala silang nadaramang pagmamahal para sa liwanag at katotohanan; sa halip, ginagawa nila ang kanilang makakaya upang mapatalsik ang mga ito. Hindi ba ganito rin ang inyong kasalukuyang mga iniisip at pananaw? “Dahil naniniwala ako sa Diyos dapat akong buhusan ng mga pagpapala at dapat matiyak na ang aking katayuan ay hindi bababa kailanman at na mananatili itong mas mataas kaysa sa mga walang pananampalataya.” Hindi kayo nagkikimkim ng ganyang klaseng pananaw sa inyong kalooban sa loob ng isa o dalawang taon lamang, kundi sa loob ng maraming taon. Sobra-sobra ang inyong transaksyonal na paraan ng pag-iisip. Bagama’t nakarating na kayo sa hakbang na ito ngayon, hindi pa rin kayo bumibitiw sa katayuan kundi patuloy kayong nagsusumikap na mag-usisa tungkol dito, at inoobserbahan ito araw-araw, nang may malaking takot na balang araw ay mawala ang inyong katayuan at masira ang inyong pangalan. Hindi pa isinasantabi ng mga tao ang pagnanais nilang guminhawa. … Habang mas naghahanap ka sa ganitong paraan, mas kakaunti ang aanihin mo. Kapag mas matindi ang pagnanais ng isang tao sa katayuan, kailangan ay mas higit siyang pungusan at mas nararapat siyang sumailalim sa matinding pagpipino. Ang gayong klaseng mga tao ay walang kuwenta! Kailangan silang pungusan at hatulan nang sapat upang lubusan nilang bitiwan ang mga bagay na ito. Kung maghahangad kayo sa ganitong paraan hanggang sa huli, wala kayong mapapala. Yaong mga hindi naghahangad ng buhay ay hindi mababago, at yaong mga hindi nauuhaw sa katotohanan ay hindi matatamo ang katotohanan. Hindi ka nagtutuon sa paghahangad na matamo ang personal na pagbabago at pagpasok, kundi sa halip ay sa maluluhong pagnanais at mga bagay na naglilimita sa iyong pagmamahal sa Diyos at humahadlang sa iyo na mapalapit sa Kanya. Mababago ka ba ng mga bagay na yaon? Madadala ka ba ng mga iyon papasok sa kaharian?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Bakit Ayaw Mong Maging Panghambing?
107. Nabubuhay ang tao sa gitna ng liwanag, subalit hindi niya namamalayan ang kahalagahan ng liwanag. Wala siyang alam tungkol sa diwa ng liwanag, at sa pinagmumulan ng liwanag, at, bukod pa riyan, kung kanino ang liwanag na ito. Kapag ipinagkakaloob Ko ang liwanag sa tao, agad Kong pinagmamasdan ang mga kondisyon ng tao: Dahil sa liwanag, lahat ng tao ay nagbabago at lumalago, at nilisan na ang kadiliman. Tinitingnan Ko ang bawat sulok ng sansinukob, at nakikita Ko na ang kabundukan ay nakabalot sa hamog, na ang mga tubig ay nagyelo na sa gitna ng lamig, at na, dahil sa pagdating ng liwanag, tumitingin ang mga tao sa Silangan, na nagbabaka-sakaling makatuklas pa ng isang bagay na mas mahalaga—subalit ang tao ay hindi pa rin makahiwatig ng malinaw na direksyon sa loob ng hamog. Dahil nalulukuban ng hamog ang buong mundo, kapag tumitingin Ako mula sa mga ulap, walang taong nakatutuklas sa Aking pag-iral kailanman. May hinahanap na isang bagay ang tao sa lupa; tila mayroon siyang sinisiyasat; mukhang layon niyang hintayin ang Aking pagdating—subalit hindi niya alam ang Aking araw, at makakatingin lamang siya nang madalas sa kislap ng liwanag sa Silangan. Sa gitna ng di-mabilang na hinirang na mga tao Ko, hinahanap Ko yaong mga tunay na nakaayon sa Aking mga layunin. Naglalakad Ako sa gitna ng di-mabilang na hinirang na mga tao Ko, at naninirahan sa piling ng mga ito, ngunit ligtas at matiwasay ang tao sa lupa, kaya nga walang sinumang tunay na nakaayon sa Aking mga layunin. Hindi alam ng mga tao kung paano magpakita ng pagsasaalang-alang ang Aking mga layunin, hindi nila makita ang Aking mga kilos, at hindi sila makagalaw sa loob ng liwanag at masinagan ng liwanag. Bagama’t minsan nang pinahalagahan ng tao ang Aking mga salita, wala siyang kakayahang maaninag ang mapanlinlang na mga pakana ni Satanas; dahil ang tayog ng tao ay napakababa, hindi niya magawa ang minimithi ng kanyang puso. Hindi Ako tapat na minahal ng tao kailanman. Kapag itinataas Ko siya, pakiramdam niya ay hindi siya karapat-dapat, ngunit hindi niya sinusubukang palugurin Ako dahil dito. Hawak lamang niya ang “katayuan” na naibigay Ko sa kanyang mga kamay at sinusuri ito; hindi nadarama ang Aking pagiging kaibig-ibig, sa halip ay patuloy siyang nagpapakasasa sa mga pakinabang ng kanyang katayuan. Hindi ba ito ang kakulangan ng tao? Kapag gumagalaw ang mga bundok, maaari ba silang lumihis ng daan para sa kapakanan ng iyong katayuan? Kapag dumadaloy ang mga tubig, maaari bang huminto ang mga ito sa harap ng katayuan ng tao? Mababaligtad ba ng katayuan ng tao ang kalangitan at ang lupa? Minsan Akong naging maawain sa tao, nang paulit-ulit—subalit walang sinumang nagmamahal o nagpapahalaga rito. Pinakinggan lamang nila ito bilang isang kuwento, o binasa ito bilang isang nobela. Hindi ba talaga naaantig ng Aking mga salita ang puso ng tao? Talaga bang walang bisa ang Aking mga pagbigkas? Maaari kayang walang sinumang naniniwala sa Aking pag-iral? Hindi mahal ng tao ang kanyang sarili; sa halip, nakikiisa siya kay Satanas para lusubin Ako, at ginagamit si Satanas bilang isang “pag-aari” upang paglingkuran Ako. Papasukin Ko ang lahat ng mapanlinlang na mga pakana ni Satanas, at pipigilan ang mga tao sa lupa na iligaw ni Satanas, upang hindi sila kumalaban sa Akin dahil sa pag-iral nito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 22
108. Maraming tao sa Aking likuran ang nagpapakasasa sa mga pakinabang ng katayuan, nagpapakabundat sila sa pagkain, mahilig silang matulog at masusing pinangangalagaan ang laman, palaging natatakot na wala nang pag-asa para sa laman. Hindi nila ginagampanan ang kanilang nararapat na tungkulin sa iglesia, bagkus ay sinasamantala ang iglesia, o kaya ay pinagsasabihan ang kanilang mga kapatid gamit ang Aking mga salita, na pinipigilan ang iba mula sa mataas na posisyon. Palaging sinasabi ng mga taong ito na sumusunod sila sa kalooban ng Diyos at palaging sinasabi na sila ay mga kaniig ng Diyos—hindi ba ito katawa-tawa? Kung ikaw ay may mga tamang motibasyon, ngunit hindi magawang maglingkod ayon sa mga layunin ng Diyos, ikaw ay nagpapakahangal; ngunit kung ang iyong motibasyon ay hindi tama, at sinasabi mo pa rin na ikaw ay naglilingkod sa Diyos, ikaw ay isang taong sumasalungat sa Diyos, at nararapat kang parusahan ng Diyos! Wala Akong simpatya sa ganoong mga tao! Sa sambahayan ng Diyos, nagsasamantala sila, palaging nagpapakasasa sa mga kaginhawahan ng laman, at walang pagsasaalang-alang sa mga interes ng Diyos. Palagi nilang hinahanap kung ano ang mabuti para sa kanila, at hindi nila iniintindi ang mga layunin ng Diyos. Hindi nila matanggap ang pagsisiyasat ng Espiritu ng Diyos sa anumang ginagawa nila. Palagi silang baliko at mapanlinlang at mapandaya sa kanilang mga kapatid, na mga doble-kara, tulad ng isang soro sa ubasan, palaging nagnanakaw ng mga ubas at tinatapak-tapakan ang ubasan. Maaari bang maging mga kaniig ng Diyos ang gayong mga tao? Ikaw ba ay angkop na tumanggap ng mga pagpapala ng Diyos? Hindi ka umaako ng pasanin para sa iyong buhay at sa iglesia, ikaw ba ay angkop na tumanggap ng atas ng Diyos? Sino ang mangangahas na magtiwala sa isang katulad mo? Kapag ikaw ay naglilingkod nang ganito, maaari bang ipagkatiwala ng Diyos sa iyo ang mas malaking gampanin? Hindi ba ito magdudulot ng mga pagkaantala sa gawain?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maglingkod Nang Alinsunod sa mga Layunin ng Diyos
109. Naghahayag pa ang karamihan ng mga tao ng mga kundisyon sa kanilang paglilingkod sa Diyos: Wala silang pakialam kung Siya man ay Diyos o tao, at binabanggit lamang nila ang sarili nilang mga kondisyon, at hinahangad lamang na mabigyang kasiyahan ang sarili nilang mga pagnanais. Kapag nagluluto kayo para sa Akin, naniningil kayo ng bayad para sa serbisyo, kapag tumatakbo kayo para sa Akin, naniningil kayo ng bayad para sa pagtakbo, kapag nagtatrabaho kayo para sa Akin, naniningil kayo ng sahod, kapag nilalabhan ninyo ang Aking mga damit, naniningil kayo ng bayad para sa paglalaba, kapag nagbibigay kayo sa simbahan, naniningil kayo ng pambawi sa gastos, kapag nagsasalita kayo, naniningil kayo ng bayad para sa pagsasalita, kapag namimigay kayo ng mga libro naniningil kayo ng bayad para sa pamamahagi, at kapag nagsusulat kayo, naniningil kayo ng bayad para sa pagsusulat. Iyong pinungusan Ko na ay naniningil pa nga ng kabayaran mula sa Akin, samantalang ang mga napauwi na ay naniningil ng bayad-pinsala para sa pagkasira ng kanilang pangalan; iyong hindi pa kasal ay naniningil ng dote, o ng kabayaran para sa nawala nilang kabataan; iyong kumakatay ng manok ay naniningil ng bayad para sa mangangatay, iyong nagpiprito ng pagkain ay naniningil ng bayad para sa pagpiprito, at iyong nagluluto ng sopas ay naniningil rin ng bayad para rito…. Ito ang inyong matayog at makapangyarihang pagkatao, at ito ang mga pagkilos na idinidikta ng inyong masiglang konsensiya. Nasaan ang inyong katwiran? Nasaan ang inyong pagkatao? Hayaang sabihin Ko sa inyo! Kung magpatuloy kayong gaya nito, titigil Ako sa paggawa sa piling ninyo. Hindi Ako gagawa sa piling ng kawan ng mga hayop na nakadamit-pantao, samakatwid ay hindi Ako magpapakasakit para sa gayong pangkat ng mga tao na ang magagandang mukha ay nagtatago ng mababangis na puso, hindi Ako magtitiis para sa gayong kawan ng mga hayop na wala ni katiting na posibilidad ng kaligtasan. Ang araw na talikuran Ko kayo ay ang araw na mamamatay kayo, ito ang araw na darating sa inyo ang kadiliman, at ang araw na itatakwil kayo ng liwanag. Hayaang sabihin Ko sa inyo! Hindi Ako kailanman magiging mabait sa isang pangkat na katulad ninyo, isang pangkat na mas mababa pa sa mga hayop! May mga hangganan ang Aking mga salita at pagkilos, at sa ganyan ninyong pagkatao at konsensiya, hindi na Ako gagawa pa, sapagka’t sobrang kulang kayo sa konsensiya, nagdulot na kayo ng matinding sakit sa Akin, at lubos Kong kinasusuklaman ang inyong pag-uugaling nakaririmarim. Hindi kailanman magkakaroon ng pag-asa sa kaligtasan ang mga taong kulang na kulang sa pagkatao at konsensiya; hindi Ko kailanman ililigtas ang gayong walang puso at walang utang na loob na mga tao. Pagdating ng araw Ko, walang hanggan Akong magpapaulan ng Aking nakalalapnos na mga apoy sa mga anak ng pagrerebelde na minsang pumukaw sa matindi Kong poot, ipapataw Ko ang Aking walang hanggang kaparusahan sa mga hayop na iyon na minsang pumukol ng pagtuligsa sa Akin at tinalikdan Ako, susunugin Kong magpakailanman sa mga apoy ng Aking galit ang mga anak ng pagrerebelde na minsang kumain at namuhay kasama Ko ngunit hindi naniwala sa Akin, na ininsulto at ipinagkanulo Ako. Isasailalim Ko sa Aking kaparusahan ang lahat ng pumukaw ng Aking galit, ibubuhos Ko ang kabuuan ng Aking galit sa mga hayop na iyon na minsang nagnais na tumayo sa Aking tabi bilang mga kapantay Ko subali’t ay hindi sumamba o nagpapasakop sa Akin; ang tungkod na Aking hinahataw sa tao ay lalapat sa mga hayop na minsang nagtamasa ng Aking kalinga at minsang nasiyahan sa mga hiwagang Aking sinabi, at minsang nagtangkang kumuha ng mga kasiyahang materyal mula sa Akin. Hindi Ako magiging mapagpatawad sa sinumang nagtatangkang kunin ang Aking posisyon; wala Akong palalampasin sa mga nagtatangka na mang-agaw ng pagkain at mga damit sa Akin.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos
110. Ang inyong nakikita ngayon ay ang matalim na espada lamang ng Aking bibig; hindi pa ninyo nakikita ang tungkod sa Aking kamay o ang ningas na ipinansusunog Ko sa tao. Kaya kayo ay mapagmalaki at mapagmalabis pa rin sa Aking presensiya, at kaya nakikipaglaban pa rin kayo sa Akin sa Aking tahanan, pinasusubalian ng dila ng tao iyong sinabi ng Aking bibig. Ang tao ay hindi natatakot sa Akin, at bagaman patuloy siyang nakikipag-away sa Akin hanggang ngayon, nananatili pa rin siyang lubos na walang takot. Mayroon kayong dila at mga ngipin ng mga taong di-matuwid sa inyong mga bibig. Ang inyong mga salita at gawa ay katulad ng sa ahas na tumukso kay Eba na magkasala. Hinihingi ninyo sa isa’t isa ang mata para sa mata at ngipin para sa ngipin, at nagtutunggali kayo sa Aking presensiya para mag-agawan ng katayuan, kasikatan, at pakinabang para sa inyong mga sarili, ngunit hindi ninyo nalalaman na palihim Kong pinagmamasdan ang inyong mga salita at gawa. Bago pa man kayo pumasok sa saklaw ng Aking paningin, natunugan Ko na ang kaibuturan ng inyong mga puso. Ang tao ay palaging nag-aasam na tumakas sa pagkakahawak ng Aking kamay at iwasan ang pagsisiyasat ng Aking mga mata, ngunit hindi Ako kailanman umilag sa kanyang mga salita o gawa. Sa halip, sadya Kong hinahayaan ang mga salita at gawang iyon na makita ng Aking mga mata, upang maaari Kong kastiguhin ang kasamaan ng tao at ipatupad ang paghatol sa kanyang pagiging mapaghimagsik. Kaya nga, ang lihim na mga salita at gawa ng tao ay laging nananatili sa harapan ng Aking hukumang-luklukan, at ang Aking paghatol ay hindi kailanman naalis sa tao, sapagkat labis ang kanyang pagiging mapaghimagsik. Ang Aking gawain ay ang sunugin at dalisayin ang lahat ng salita at gawa ng tao na binigkas at ginawa sa presensiya ng Aking Espiritu. Sa ganitong paraan,[a] kapag nilisan Ko na ang daigdig, mapapanatili pa rin ng mga tao ang kanilang katapatan sa Akin, at magagawa pa rin nilang kumilos tungo sa Aking gawain bilang ang Aking mga banal na lingkod sa paglilingkod sa Akin, na nagtutulot sa Aking gawain sa daigdig na magpatuloy hanggang sa araw na maging ganap ito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ay ang Gawain Din ng Pagliligtas sa Tao
Talababa:
a. Wala sa orihinal na teksto ang pariralang “Sa ganitong paraan.”
111. Kinalulugdan Ko ang mga hindi mapaghinala sa iba, at gusto Ko ang mga handang tumatanggap ng katotohanan; nagpapakita Ako ng labis na pagkalinga sa dalawang uring ito ng mga tao, dahil matatapat silang mga tao sa Aking paningin. Kung mapanlinlang ka, magiging mapagbantay at mapaghinala ka sa lahat ng tao at bagay, kaya ang pananalig mo sa Akin ay maitatayo sa isang pundasyon ng paghihinala. Hindi Ko kailanman maaaring kilalanin ang ganitong pananalig. Sa kakulangan ng tunay na pananalig, mas lalo kang salat sa tunay na pagmamahal. At kung malamang na pagdudahan mo ang Diyos at ginagawan mo Siya ng haka-haka kapag gusto mo, kung gayon walang kaduda-dudang ikaw ang pinakamapanlinlang sa lahat ng tao. Naghihinala ka kung maaaring maging katulad ng tao ang Diyos: makasalanang di-mapapatawad, makitid ang pag-iisip, salat sa pagiging makatarungan at katwiran, walang pagpapahalaga sa katarungan, mahilig sa malulupit na kaparaanan, taksil at tuso, nalulugod sa kasamaan at kadiliman, at iba pa. Hindi ba’t ang dahilan kaya may ganitong kaisipan ang mga tao ay sapagkat wala sila ni bahagyang kaalaman sa Diyos? Kasalanan talaga ang ganitong uri ng pananampalataya! Mayroon pa ngang ibang naniniwala na ang mga nagbibigay-lugod sa Akin ay ang mga nambobola at sumisipsip, at hindi tatanggapin sa tahanan ng Diyos at mawawalan ng lugar doon ang mga walang kasanayan sa ganoong mga bagay. Ito lamang ba ang tanging kaalamang nakuha ninyo pagkatapos ng maraming taon? Ito ba ang nakamit ninyo? At hindi tumitigil sa mga maling pagkaunawang ito ang kaalaman ninyo sa Akin; mas malala pa ay ang kalapastanganan ninyo sa Espiritu ng Diyos at paninirang-puri ninyo sa Langit. Ito ang dahilan kaya sinasabi Kong magdudulot lamang ng lalong paglayo ninyo sa Akin at higit pang pagsalungat sa Akin ang pananampalatayang tulad ng sa inyo. Sa loob ng maraming taon ng gawain, marami na kayong nakitang katotohanan, ngunit alam ba ninyo kung ano ang narinig ng Aking mga tainga? Ilan sa inyo ang handang tanggapin ang katotohanan? Naniniwala kayong lahat na handa kayong bayaran ang halaga ng katotohanan, ngunit ilan sa inyo ang tunay na nagdusa para sa katotohanan? Walang iba kundi pagiging hindi matuwid ang nasa mga puso ninyo, na nagpapaisip sa inyo na ang lahat, maging sino man sila, ay parehong mapanlinlang at baliko—hanggang sa puntong naniniwala pa nga kayo na ang Diyos na nagkatawang-tao, tulad ng karaniwang tao, ay maaaring walang mabuting puso o mapagmalasakit na pagmamahal. Higit pa riyan, naniniwala kayo na sa Diyos na nasa langit lamang umiiral ang isang marangal na katangian at isang mahabagin at mapagmalasakit na kalikasan. Naniniwala kayong walang santong tulad nito, na tanging kadiliman at kasamaan ang naghahari sa lupa, samantalang ang Diyos ay isang bagay na pinaglalagakan ng mga tao ng kanilang pananabik sa mabuti at maganda, isang maalamat na nilalang na gawa-gawa lamang nila. Sa inyong mga isipan, ang Diyos na nasa langit ay lubhang marangal, matuwid, at dakila, karapat-dapat sa pagsamba at paghanga; samantala, itong Diyos na nasa lupa ay panghalili lamang, at isang kasangkapan, ng Diyos na nasa langit. Naniniwala kayo na hindi magiging kapantay ng Diyos na nasa langit ang Diyos na ito, at lalong hindi dapat ituring na kapantay Niya. Pagdating sa kadakilaan at karangalan ng Diyos, tumutukoy ito sa kaluwalhatian ng Diyos na nasa langit, ngunit pagdating sa kalikasan at sa katiwalian ng tao, mga katangian ito na may bahagi ang Diyos na nasa lupa. Walang-hanggang matayog ang Diyos na nasa langit, samantalang magpakailanmang hamak, mahina, at walang kakayahan ang Diyos na nasa lupa. Hindi nadadala ng mga damdamin ng laman ang Diyos na nasa langit, kundi sa pagiging matuwid lamang, samantalang may makasariling motibo lamang at walang anumang pagkamakatarungan o katwiran ang Diyos na nasa lupa. Wala kahit bahagyang pagkabaliko at tapat magpakailanman ang Diyos na nasa langit, samantalang laging may mapandayang katangian ang Diyos na nasa lupa. Mahal na mahal ng Diyos na nasa langit ang tao, samantalang nagpapakita ng hindi sapat na pag-aaruga sa tao ang Diyos na nasa lupa, at lubos pa nga itong pinababayaan. Matagal na sa mga puso ninyo ang walang-katotohanang kaalamang ito at maaari rin itong maipagpatuloy sa hinaharap. Tinitingnan ninyo ang lahat ng gawa ni Cristo mula sa pananaw ng mga hindi matuwid at sinusuri ang lahat ng Kanyang gawain, gayundin ang Kanyang pagkakakilanlan at diwa, mula sa pananaw ng masama. Nakagawa kayo ng matinding pagkakamali at nagawa ninyo ang hindi pa kailanman nagagawa ng mga nauna sa inyo. Ibig sabihin, pinaglilingkuran lamang ninyo ang dakilang Diyos na nasa langit na may korona sa Kanyang ulo, at hindi kayo kailanman nagsisilbi sa Diyos na itinuturing ninyo na napakahamak kaya hindi ninyo Siya nakikita. Hindi ba’t ito ay inyong kasalanan? Hindi ba ito isang karaniwang halimbawa ng pagkakasala ninyo laban sa disposisyon ng Diyos? Sinasamba ninyo ang Diyos na nasa langit. Sinasamba ninyo ang matatayog na larawan at pinahahalagahan ang mga bukod-tangi dahil sa kanilang kahusayang magsalita. Nagagalak kang mautusan ng Diyos na pumupuno sa iyong mga kamay ng mga yaman, at pinananabikan nang labis ang Diyos na makatutupad ng bawat nais mo. Ang Diyos na ito na hindi matayog ang tanging hindi mo sinasamba; ang pakikisama sa Diyos na hindi kayang tingalain ng sinuman ang nag-iisang bagay na kinapopootan mo. Ang paglingkuran ang Diyos na hindi kailanman nagbigay sa iyo ng kahit isang sentimo ang tanging bagay na hindi mo handang gawin, at ang hindi kaibig-ibig na Diyos na ito ang Siyang natatangi na hindi magawang panabikin ka sa Kanya. Walang kakayahan ang ganitong Diyos na mapalawak ang mga pananaw mo, na maiparamdam sa iyo na tila ba may natagpuan kang kayamanan, at lalong hindi Niya matutupad ang nais mo. Kung gayon, bakit mo Siya sinusunod? Napag-isipan mo na ba ang mga katanungang tulad nito? Sa ginagawa mo ay hindi ka lamang sumasalungat sa Cristong ito; mas mahalaga, sumasalungat ka sa Diyos na nasa langit. Sa palagay Ko, hindi ito ang layunin ng pananalig ninyo sa Diyos!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Mababatid ang Diyos na Nasa Lupa
112. Maraming tao ang mas nanaisin pang maparusahan sa impiyerno kaysa magsalita at kumilos nang matapat. Hindi kataka-takang iba ang magiging pagtrato Ko sa mga hindi matapat. Siyempre pa, alam na alam Ko kung gaano kahirap sa inyo ang maging matatapat na tao. Sapagkat “napakamatalino” ninyong lahat, napakahusay sa pagsukat sa puso ng mga marangal na tao batay sa sarili ninyong masamang pag-iisip, ginagawa nitong mas payak ang gawain Ko. At yamang ang bawat isa sa inyo ay niyayakap sa dibdib ang mga lihim ninyo, isa-isa Ko kayong ilalagay sa kapahamakan upang “turuan” sa pamamagitan ng apoy, nang sa gayon pagkatapos nito ay maaaring wala na kayong magawa kundi maniwala sa mga salita Ko. Sa huli, hihilahin Ko mula sa mga bibig ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ay matapat na Diyos,” pagkatapos ay hahampasin ninyo ang mga dibdib ninyo at mananaghoy na, “Masyadong mapanlinlang ang puso ng tao!” Ano ang magiging kalagayan ng isip ninyo sa oras na ito? Tiyak na hindi na magiging malaki ang ulo ninyo hindi tulad ngayon! At lalong hindi kayo magiging kasing “lalim at mahirap unawain” na tulad ninyo ngayon. Sa presensiya ng Diyos, maaayos at wastong kumilos ang ilang tao, at labis na “maayos ang asal,” subalit inilalantad nila ang mga pangil nila at iwinawasiwas ang mga kuko nila sa presensiya ng Espiritu. Ibibilang ba ninyo ang ganitong mga tao sa hanay ng mga tapat? Kung isa kang ipokrito, isang taong bihasa sa “pakikipagkapwa,” sinasabi Kong tiyak na isa kang taong tinatratong basta-basta ang Diyos. Kung puno ng mga palusot at mga walang halagang pangangatwiran ang mga salita mo, sinasabi Kong isa kang taong ayaw isagawa ang katotohanan. Kung marami kang pribadong usapin na mahirap talakayin, kung ayaw na ayaw mong ilantad ang mga lihim mo—ang mga paghihirap mo—sa harap ng iba upang hanapin ang daan ng liwanag, sinasabi Kong isa kang taong labis na mahihirapan na matamo ang kaligtasan, at mahihirapan na makaahon mula sa kadiliman.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala
113. Lubos Kong nauunawaan ang panlilinlang na umiiral sa inyong puso; sumusunod sa Akin ang karamihan sa inyo para mag-usisa at naparito upang hanapin Ako dahil sa kahungkagan. Kapag hindi ninyo natamo ang inyong ikatlong kahilingan—ang kahilingan ninyo para sa isang mapayapa at masayang buhay—napapawi rin ang inyong pag-uusisa. Nalalantad ang panlilinlang na umiiral sa puso ng bawat isa sa inyo sa pamamagitan ng inyong mga salita at gawa. Sa deretsahang pagsasalita, nag-uusisa lamang kayo tungkol sa Akin, ngunit hindi kayo natatakot sa Akin; hindi kayo nag-iingat sa inyong pananalita, at lalo nang hindi niyo kinokontrol ang inyong pag-uugali. Kung gayon ay anong klase ba talaga ang inyong pananampalataya? Tunay ba iyon? Ginagamit lamang ninyo ang Aking mga salita para mawala ang inyong mga pag-aalala at mabawasan ang inyong pagkabagot, para punan ang natitirang kahungkagan sa buhay mo. Sino sa inyo ang nagsagawa na ng Aking mga salita? Sino ang may tunay na pananampalataya? Patuloy ninyong isinisigaw na ang Diyos ay isang Diyos na inoobserbahan ang kaloob-looban ng puso ng mga tao, ngunit paano naging tugma sa Akin ang Diyos na inyong ipinagsisigawan sa puso ninyo? Dahil sumisigaw kayo nang ganito, bakit ganyan kayong kumilos? Maaari kayang ito ang pagmamahal na nais ninyong isukli sa Akin? Hindi kakatiting ang dedikasyon sa inyong mga labi, ngunit nasaan ang inyong mga sakripisyo, at ang inyong mabubuting gawa? Kung hindi dahil sa inyong mga salita na nakararating sa Aking mga tainga, paano Ko kayo labis na kamumuhian? Kung tunay kayong naniwala sa Akin, paano kayo naging ganyan kabalisa? May lumbay sa inyong mukha na para bang kayo ay nililitis sa Hades. Wala kayo ni katiting na sigla, at mahina kayong magsalita tungkol sa tinig sa inyong kalooban; puno pa nga kayo ng mga reklamo at sumpa. Matagal na kayong nawalan ng pananampalataya sa Aking ginagawa at naglaho na maging ang inyong orihinal na pananampalataya, kaya paano kayo posibleng makakasunod hanggang sa huli? Dahil dito, paano kayo maliligtas?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita Para sa mga Kabataan at Matatanda
114. Bagama’t naniniwala ang tao sa Diyos, sa puso ng tao ay walang Diyos, at hindi niya alam kung paano mahalin ang Diyos, ni hindi nga niya gustong mahalin ang Diyos, dahil ang kanyang puso ay hindi kailanman lumalapit sa Diyos at siya ay palaging umiiwas sa Diyos. Bilang resulta, ang puso ng tao ay malayo mula sa Diyos. Nasaan ang kanyang puso? Sa katunayan, ang puso ng tao ay hindi nagpunta sa kung saan: Sa halip na ibigay ito sa Diyos o ibunyag ito upang ipakita sa Diyos, itinago niya ito para sa kanyang sarili. Iyan ay sa kabila ng katunayan na ang ilang tao ay madalas na manalangin sa Diyos at magsabi, “O Diyos, tingnan Mo ang aking puso—alam Mo ang lahat ng nasa isip ko,” at ang ilan ay sumusumpa pa na hinahayaan nila ang Diyos na tingnan sila, nang sa gayon ay maparusahan sila kung hindi nila tutuparin ang kanilang isinumpa. Kahit na pinahihintulutan ng tao ang Diyos na tumingin sa loob ng kanyang puso, hindi ito nangangahulugan na siya ay may kakayahang magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, ni hindi rin ibig sabihin na iniwan niya ang kanyang kapalaran at mga inaasam at ang lahat tungkol sa kanya sa ilalim ng pamamahala ng Diyos. Dahil dito, anupaman ang ipinangako mo sa Diyos o ipinahayag sa Kanya, sa paningin ng Diyos, ang iyong puso ay sarado pa rin sa Kanya, dahil hinahayaan mo lamang na tingnan ng Diyos ang iyong puso ngunit hindi mo Siya pinahihintulutang pamahalaan ito. Sa madaling salita, hindi mo pa talaga ibinibigay ang iyong puso sa Diyos, at nagsasabi ka lamang ng mga salitang maganda sa pandinig ng Diyos; samantala, itinatago mo sa Diyos ang iba’t iba mong mapanlinlang na layunin, kasama na ang iyong mga lihim na intriga, mga pakana, at mga plano, at mahigpit mong hinahawakan ang iyong mga inaasam-asam at kapalaran sa iyong mga kamay, nang may matinding takot na kukunin ng Diyos ang mga ito. Dahil dito, hindi kailanman nakita ng Diyos ang katapatan ng tao sa Kanya. Bagama’t pinagmamasdan ng Diyos ang kailaliman ng puso ng tao, at nakikita kung ano ang iniisip ng tao at mga nais gawin sa kanyang puso, at nakikita kung anong mga bagay ang nakatago sa kanyang puso, ang puso ng tao ay hindi pag-aari ng Diyos, at hindi niya ito isinuko upang pamahalaan ng Diyos. Sinasabi nito na ang Diyos ay may karapatang magmasid, ngunit wala Siyang karapatang mamahala. Sa pansariling kamalayan ng tao, hindi gusto at walang balak ang tao na magpasailalim sa pamamatnugot sa kanya ng Diyos. Hindi lamang isinara ng tao ang kanyang sarili sa Diyos, ngunit mayroon pang mga taong nag-iisip kung paano itatago ang kanilang mga puso, gamit ang mga kaakit-akit na mga salita at labis-labis na papuri upang lumikha ng impresyon na hindi naman tunay at makuha ang tiwala ng Diyos, at nang itinatago sa Diyos ang kanilang tunay na mukha. Ang hindi nila pagpapahintulot sa Diyos na makakita ay dahil sa layon nila na hindi Siya pahintulutang makilala kung ano ba talaga sila. Hindi nila nais na ibigay ang kanilang mga puso sa Diyos, kundi panatilihin ang mga ito para sa kanilang mga sarili. Ang ibig sabihin nito ay ang lahat ng ginagawa ng tao at ang gusto niya ay nakaplano, tinantiya at pinagpasyahan ng tao mismo; hindi niya kailangan ang pakikilahok o pakikialam ng Diyos, at lalong hindi niya kailangan ang mga pagsasaayos at pangangasiwa ng Diyos. Sa gayon, maging tungkol man sa mga utos ng Diyos, sa Kanyang tagubilin, o sa mga hinihingi ng Diyos mula sa tao, ang mga desisyon ng tao ay nakabatay sa kanyang sariling mga layunin at interes, sa kanyang sariling kalagayan at sa mga pangyayari sa panahong iyon. Laging ginagamit ng tao ang kaalaman at karanasang mayroon siya, at ang kanyang sariling pag-iisip, upang humatol at pumili ng landas na dapat niyang tahakin, at hindi niya pinahihintulutan ang panghihimasok o pagkontrol ng Diyos. Ito ang puso ng tao na nakikita ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II
115. Maraming taong nais Akong mahalin nang tapat, ngunit dahil hindi nila pag-aari ang kanilang puso, wala silang kontrol sa kanilang sarili; maraming taong totoong nagmamahal sa Akin habang nararanasan nila ang mga pagsubok na bigay Ko, subalit wala silang kakayahang unawain na talagang umiiral Ako, at minamahal lamang Ako sa kahungkagan, at hindi dahil sa Aking aktwal na pag-iral; maraming taong nag-aalay ng kanilang puso sa Aking harapan at pagkatapos ay hindi nila pinapansin ang kanilang puso, at sa gayon ay inaagaw ni Satanas ang kanilang puso tuwing may pagkakataon ito, at pagkatapos ay tinatalikuran nila Ako; maraming tao ang tunay na nagmamahal sa Akin kapag ibinibigay Ko ang Aking mga salita, subalit hindi itinatangi ang Aking mga salita sa kanilang espiritu, sa halip ay kaswal nilang ginagamit ang mga ito na parang pag-aari ng publiko at inihahagis ang mga ito pabalik sa pinanggalingan ng mga ito kung kailan nila gusto. Hinahanap Ako ng lahat ng tao sa gitna ng pasakit, at bumabaling sila sa Akin sa gitna ng mga pagsubok; sa mga panahon ng kapayapaan ay nagagalak sila sa Akin, kapag nasa panganib ay itinatatwa nila Ako, kapag abala sila ay kinakalimutan nila Ako, at sa kanilang mga libreng oras ay gumagawa sila ng ilang pabasta-bastang pagsisikap upang linlangin Ako. Gayumpaman, wala pang sinuman ang nagmahal sa Akin sa buong buhay nila. Nais Ko sanang maging taimtim ang mga tao sa Aking harapan. Hindi Ko hinihiling na bigyan nila Ako ng anumang bagay, kundi na seryosohin lamang nilang lahat Ako, na, sa halip na bolahin Ako, tulutan nila Akong matamo ang kanilang sinseridad bilang sukli. Laganap sa lahat ng tao ang Aking kaliwanagan, pagtanglaw, at dugo ng puso, subalit laganap din sa lahat ng tao ang tunay na katunayan ng bawat kilos ng tao, tulad ng kanilang panlilinlang sa Akin. Para bang ang mga sangkap ng panlilinlang ng tao ay nasa kanya na mula pa sa sinapupunan, na parang taglay na niya ang mga natatanging kasanayan sa pandaraya mula nang isilang. Bukod pa riyan, hindi niya kailanman naisiwalat ang lihim; walang sinumang nakaaninag sa ugat ng mga kasanayang ito sa pandaraya. Dahil dito, nabubuhay ang tao sa gitna ng panlilinlang nang hindi ito namamalayan, at parang pinatatawad niya ang kanyang sarili, parang ito ang mga pagsasaayos ng Diyos sa halip na kanyang sadyang panlilinlang sa Akin. Hindi ba ito mismo ang pinagmulan ng panlilinlang ng tao sa Akin? Hindi ba ito ang kanyang tusong pakana? Hindi Ako nalito kailanman ng huwad na matatamis ng salita ng tao, sapagkat matagal Ko nang napagtanto ang kanyang diwa. Sino ang nakakaalam kung gaano karumi ang nasa kanyang dugo, at kung gaano karami ang kamandag ni Satanas na nasa utak ng kanyang buto? Lalo iyong nakakasanayan ng tao sa bawat araw na lumilipas, kaya hindi na niya nadarama ang pinsalang dulot ni Satanas, at sa gayon ay wala siyang interes na alamin ang “sining ng malusog na pamumuhay.”
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 21
116. Ang mga tao ay pawang mga nilalang na hindi kilala ang sarili, at hindi nila kayang makilala ang kanilang sarili. Magkagayunman, kilala nila ang lahat ng iba pa na gaya ng likod ng kanilang mga kamay, na para bang lahat ng nagawa at nasabi ng iba ay “nasuri” na muna nila, sa harap nila mismo, at tumanggap ng kanyang pagsang-ayon bago isinagawa. Dahil dito, para bang nakuha pa nila ang buong sukat ng lahat ng iba pa, hanggang sa kalagayan ng kanilang isipan. Ganito ang lahat ng tao. Kahit nakapasok na sila sa Kapanahunan ng Kaharian ngayon, nananatiling walang pagbabago ang kanilang likas na pagkatao. Ginagawa pa rin nila ang Aking ginagawa sa Aking harapan, samantalang sa Aking likuran ay nagsisimula silang gumawa ng kanilang sariling kakaibang “kalakal.” Gayunman, pagkatapos nito, kapag humaharap sila sa Akin, parang ganap na ibang tao na sila, mukhang panatag at walang kinatatakutan, tiwasay ang mukha at matatag ang pulso. Hindi ba ito mismo ang dahilan kaya lubhang kasuklam-suklam ang mga tao? Napakaraming taong nagpapakita ng dalawang ganap na magkaibang mukha—ang isa habang nasa Aking harapan, at ang isa naman habang nasa Aking likuran. Napakarami sa kanila ang umaaktong parang mga bagong-silang na cordero kapag nasa Aking harapan, ngunit kapag nasa Aking likuran, nagiging mababangis silang tigre at kalaunan ay umaaktong parang maliliit na ibon na masayang lumilipad-lipad sa kaburulan. Napakaraming nagpapakita ng layunin at matibay na pagpapasya sa Aking harapan. Napakaraming humaharap sa Akin na hinahanap ang Aking mga salita nang may pagkauhaw at pananabik, ngunit kapag nasa Aking likuran, tinututulan at inaayawan nila ang mga ito, na para bang pabigat ang Aking mga salita. Napakaraming beses, pagkakita Ko na ginawang tiwali ng Aking kaaway ang lahi ng tao, nawalan na Ako ng pag-asa sa mga tao. Napakaraming beses, nang makita Ko sila sa Aking harapan, na luhaang humihingi ng tawad, magkagayunman, dahil sa kawalan nila ng paggalang sa sarili at sa katigasan ng kanilang ulo, sa galit ay ipinikit Ko na ang Aking mga mata sa kanilang mga kilos, kahit wagas ang kanilang puso at tapat ang kanilang mga layon. Napakaraming beses, nakita Ko na ang mga tao na sapat ang tiwalang makipagtulungan sa Akin, na, kapag nasa Aking harapan, tila yakap-yakap Ko, na tinitikman ang init nito. Napakaraming beses, nang masaksikan Ko ang kawalang-malay, sigla, at pagiging kaibig-ibig ng mga taong Aking hinirang, paanong hindi Akong lubhang masisiyahan dahil sa mga bagay na ito? Hindi alam ng mga tao kung paano tamasahin ang kanilang itinakdang mga pagpapala sa Aking mga kamay, sapagkat hindi nila nauunawaan kung ano talaga ang kahulugan kapwa ng “mga pagpapala” at “pagdurusa.” Dahil dito, malayong maging tapat ang mga tao sa kanilang paghahanap sa Akin. Kung walang bukas, sino sa inyo na nakatayo sa Aking harapan ang magiging dalisay na katulad ng pinaspas na niyebe at walang-dungis na katulad ng jade? Maaari kayang ang inyong pagmamahal sa Akin ay isang bagay lamang na maaaring ipagpalit sa masarap na pagkain, para sa isang magarang kasuotan, o para sa isang mataas na katungkulan o malaking suweldo? Maipagpapalit ba ito sa pagmamahal sa iyo ng iba? Maaari kaya na ang pagdaan sa mga pagsubok ay magtutulak sa mga tao na talikuran ang pagmamahal nila sa Akin? Magrereklamo kaya sila tungkol sa Aking mga plano dahil sa pagdurusa at mga kapighatian? Wala pang sinuman talagang nagpahalaga sa matalim na espadang nasa Aking bibig: Alam lamang nila ang mababaw na kahulugan nito nang hindi talaga iniintindi kung ano ang kinakailangan nito. Kung talagang nakikita ng mga tao ang talim ng Aking espada, magtatakbuhan sila na parang mga daga patungo sa kanilang mga lungga. Dahil sa kanilang pagkamanhid, walang nauunawaan ang mga tao sa totoong kahulugan ng Aking mga salita, kaya nga wala silang kaalam-alam kung gaano nakakatakot ang Aking mga pagbigkas o kung gaano talaga ang nalalantad sa kalikasan ng tao at kung gaano na sa kanilang sariling katiwalian ang nahatulan ng mga salitang iyon. Dahil dito, bilang resulta ng kanilang hilaw na mga ideya tungkol sa Aking sinasabi, nanlamig na ang damdamin ng karamihan sa mga tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 15
117. Sa paglipas ng mga kapanahunan, marami nang lumisan sa mundong ito sa kabiguan, at nang may pag-aatubili, at marami ang nakapasok dito na may pag-asa at pananampalataya. Naiplano Ko nang dumating ang marami, at naitaboy Ko na ang marami. Napakaraming taong nagdaan sa Aking mga kamay. Maraming espiritu ang naitapon sa Hades, marami ang namuhay sa katawang-tao, at marami ang namatay at muling isinilang sa mundo. Subalit kailanman ay walang sinuman sa kanila ang nagkaroon ng pagkakataong matamasa ang mga pagpapala ng kaharian ngayon. Napakarami Ko nang naibigay sa tao, subalit kakatiting ang kanyang natamo; dahil sa pagsalakay ng mga puwersa ni Satanas, naiwan siyang walang kakayahang tamasahin ang lahat ng Aking yaman. Naging mapalad lamang siyang matingnan ang mga ito, ngunit hindi niya lubos na natamasa ang mga ito kailanman. Hindi natuklasan ng tao kailanman ang kabang-yaman sa kanyang katawan upang matanggap ang mga yaman ng langit, kaya nawala sa kanya ang mga pagpapalang naipagkaloob Ko sa kanya. Hindi ba ang espiritu ng tao ang kakayahan mismo na nag-uugnay sa kanya sa Aking Espiritu? Bakit hindi nakipag-ugnayan ang tao sa Akin kailanman sa kanyang espiritu? Bakit siya lumalapit sa Akin sa katawang-tao, subalit hindi niya kayang gawin ito sa espiritu? Mukha ba ng katawang-tao ang tunay Kong mukha? Bakit hindi alam ng tao ang Aking diwa? Talaga bang hindi Ako nagkaroon ng anumang bakas kailanman sa espiritu ng tao? Ganap na ba Akong naglaho mula sa espiritu ng tao? Kung hindi papasok ang tao sa espirituwal na dako, paano niya maiintindihan ang Aking mga layon? Sa mga mata ng tao, mayroon bang direktang makakatagos sa espirituwal na dako? Maraming pagkakataon na nanawagan Ako sa tao sa pamamagitan ng Aking Espiritu, subalit kumikilos ang tao na para bang natusok Ko siya, sinisipat Ako mula sa malayo, sa malaking takot na baka akayin Ko siya tungo sa ibang mundo. Maraming pagkakataon na nagtanong Ako sa espiritu ng tao, subalit nananatili siyang lubos na malilimutin, na may malaking takot na papasok Ako sa kanyang tahanan at sasamantalahin Ko ang pagkakataon para alisin sa kanya ang lahat ng kanyang ari-arian. Sa gayon, pinagsasarhan niya Ako sa labas, iniiwan Akong nakaharap sa kawalan maliban sa isang malamig at mahigpit-na-nakasarang pinto. Maraming pagkakataong bumagsak na ang tao at nailigtas Ko siya, subalit pagkagising ay agad niya Akong iniiwan at, dahil hindi naantig ng Aking pagmamahal, maingat Akong sinusulyapan; hindi Ko kailanman napainit ang puso ng tao. Ang tao ay isang walang-damdamin at malupit na hayop. Kahit mainit ang Aking yakap, hindi siya lubhang naantig nito kailanman. Ang tao ay parang isang taong-bundok. Hindi niya pinahalagahan kailanman ang Aking buong pagmamahal sa sangkatauhan. Ayaw niya Akong lapitan, mas gusto niyang manahan sa kabundukan, kung saan tinitiis niya ang banta ng mababangis na hayop—subalit ayaw pa rin niya Akong gawing kanlungan. Hindi ko pinipilit ang sinumang tao: Ginagawa Ko lamang ang Aking gawain. Darating ang araw na lalangoy ang tao patungo sa Aking tabi mula sa kalagitnaan ng malawak na karagatan, upang matamasa niya ang lahat ng yaman sa mundo at iwan ang panganib na lamunin ng dagat.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 20
118. Napakaganda ng pananampalataya ninyo; sinasabi ninyong handa kayong gugulin ang buong buhay ninyo sa ngalan ng gawain Ko, at na handa kayong ialay ang mga buhay ninyo para dito, ngunit hindi gaanong nagbago ang mga disposisyon ninyo. Mapagmataas lamang kayong nagsasalita, sa kabila ng katotohanang ubod ng sama ng aktuwal na pag-uugali ninyo. Ito ay para bang nasa langit ang mga dila at labi ng mga tao ngunit naroroon sa lupa ang mga binti nila, at bunga nito, gutay-gutay at wasak pa rin ang mga salita at mga gawa at mga dangal nila. Nawasak na ang mga dangal ninyo, mababang-uri ang ugali ninyo, ang paraan ninyo ng pagsasalita ay mababa, at kasuklam-suklam ang mga buhay ninyo; maging ang kabuuan ng pagkatao ninyo ay lumubog na sa hamak na kababaan. Makitid ang isip ninyo tungo sa iba, at nakikipagtalo kayo sa bawat maliit na bagay. Nakikipag-away kayo tungkol sa sarili ninyong mga reputasyon at katayuan, kahit na sa puntong handa kayong bumaba sa impiyerno at sa lawa ng apoy. Sapat na sa Akin ang kasalukuyang mga salita at mga gawa ninyo upang matukoy na makasalanan kayo. Ang saloobin ninyo tungo sa gawain Ko ay husto na para matukoy Ko na kayo ay mga di-matuwid, at ang lahat ng mga disposisyon ninyo ay sapat na upang masabing kayo ay ang mga marurungis na kaluluwang puno ng mga karimarimarim na bagay. Ang mga ipinamamalas ninyo at kung ano ang ibinubunyag ninyo ay husto na upang sabihing mga tao kayong nakainom ng labis na dugo ng maruruming espiritu. Kapag nababanggit ang pagpasok sa kaharian, hindi ninyo ibinubunyag ang mga damdamin ninyo. Naniniwala ba kayong kung ano kayo ngayon ay sapat na para makalakad kayo papasok sa pultahan ng Aking kaharian ng langit? Naniniwala ba kayong makakapasok kayo sa banal na lupain ng gawain at mga salita Ko, nang hindi Ko muna nasusubok ang sarili ninyong mga salita at mga gawa? Sino ang makapagtatakip sa mga mata Ko? Paano makatatakas sa paningin Ko ang kasuklam-suklam at abang mga pag-uugali at mga pakikipag-usap ninyo? Natukoy Ko na ang mga buhay ninyo bilang mga buhay ng pag-inom ng dugo at pagkain ng laman nila na maruruming espiritu sapagkat tinutularan ninyo ang mga ito sa harapan Ko bawat araw. Sa harap Ko, masyadong masama ang pag-uugali ninyo, kaya paano Ko kayo hindi maituturing na kasuklam-suklam? Naglalaman ang mga salita ninyo ng mga karumihan ng maruruming espiritu: Nanlilinlang, nagkukubli, at nambobola kayo kagaya nila na nakikibahagi sa pangkukulam at kagaya nila na nagsasagawa ng panlilinlang at umiinom ng dugo ng mga hindi matuwid. Ubod ng baliko ang lahat ng mga pagpapahayag ng tao, kaya paano mailalagay ang lahat ng tao sa banal na lupain kung saan naroroon ang mga matuwid? Iniisip mo bang maitatalaga ka bilang banal mula sa kanila na hindi matuwid dahil sa kasuklam-suklam mong pag-uugali? Sisirain kalaunan ng mala-ahas mong dila itong laman mong nagdudulot ng pagkawasak at nagsasagawa ng mga karima-rimarim na bagay, at ang mga kamay mong iyon na nababalutan ng dugo ng maruruming espiritu ay hihilahin din kalaunan ang kaluluwa mo sa impiyerno. Kung gayon, bakit hindi ka lumulukso sa pagkakataong ito na linisin ang mga kamay mong puno ng dungis? At bakit hindi mo sinasamantala ang pagkakataong ito na putulin ang dila mong iyan na nagsasalita ng hindi matuwid na mga salita? Maaari kayang handa kang magdusa sa mga apoy ng impiyerno alang-alang sa mga kamay, dila, at mga labi mo? Sinisiyasat Ko ng dalawang mata ang puso ng di-mabilang na mga tao, sapagkat matagal na panahon bago Ko pa nilikha ang sangkatauhan, nahawakan Ko na ang mga puso nila sa Aking mga kamay. Matagal Ko nang natalos ang mga puso ng mga tao, kaya paano makatatakas sa paningin Ko ang mga kaisipan nila? Paanong hindi pa masyadong huli upang makatakas sila sa pagsunog ng Espiritu Ko?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Masyadong Hamak ang Pagkatao Ninyong Lahat!
119. Mas mabait kaysa sa mga kalapati ang mga labi mo, ngunit ang puso mo ay mas masama kaysa sa ahas noong unang panahon. Kasing ganda maging ng mga kababaihan ng Lebanon ang mga labi mo, gayon pa man hindi mas mabuti ang puso mo kaysa sa kanila, at tiyak na hindi ito maihahambing sa kagandahan ng mga taga-Canaan. Masyadong mapanlinlang ang puso mo! Ang mga bagay na kinasusuklaman Ko ay ang mga labi lamang ng mga hindi matuwid at ang mga puso nila, at ang mga hinihingi Ko sa mga tao ay hindi mas mataas sa anumang paraan kaysa sa inaasahan Ko sa mga banal na tao; nakararamdam lamang Ako ng pagkasuklam para sa masasamang gawain ng mga hindi matuwid, at umaasa Akong magagawa nilang itakwil ang karumihan nila at tumakas mula sa kasalukuyan nilang suliranin upang umangat sila mula sa kanila na hindi matuwid at mamuhay at maging banal kasama nila na matuwid. Kayo ay nasa kalagayang katulad ng sa Akin, gayon pa man nababalot kayo ng dungis; hindi man lamang kayo nagtataglay ni katiting ng pinakaunang wangis ng mga taong nilikha noong simula. Bukod dito, sapagkat araw-araw ninyong tinutularan ang tulad nila na maruruming espiritu, ginagawa ang ginagawa nila at sinasabi ang sinasabi nila, ang lahat ng mga bahagi ninyo—maging ang mga dila at mga labi ninyo—ay nakababad sa mabahong tubig nila, hanggang sa puntong ganap na kayong nababalutan ng gayong mga mantsa, at wala kahit isang bahagi ninyo ang maaaring gamitin para sa gawain Ko. Masyado itong makadurog-puso! Namumuhay kayo sa ganitong daigdig ng mga kabayo at baka, gayon pa man ay hindi talaga kayo nakararamdam ng ligalig; puno kayo ng galak at namumuhay kayo nang malaya at magaan. Lumalangoy kayo sa paligid ng mabahong tubig na iyon, gayon pa man hindi mo talaga napagtatantong nahulog ka na sa gayong suliranin. Bawat araw, nakikisama ka sa maruruming espiritu at nakikipag-ugnayan sa “dumi ng tao.” Talagang bulgar ang mga buhay ninyo, gayon pa man hindi mo talaga namamalayang lubos kang hindi umiiral sa daigdig ng mga tao at na hindi ikaw ang nagkokontrol sa sarili mo. Hindi mo ba alam na ang buhay mo ay matagal nang nayurakan ng maruruming espiritung iyon, o na ang pagkatao mo ay matagal nang nadungisan ng mabahong tubig? Iniisip mo bang namumuhay ka sa panlupang paraiso, at na nasa gitna ka ng kaligayahan? Hindi mo ba alam na namuhay ka ng isang buhay sa tabi ng maruruming espiritu, at na magkasama kayong umiral kasama ng lahat ng bagay na inihanda ng mga ito para sa iyo? Paano magkakaroon ng anumang kahulugan ang paraan ng pamumuhay mo? Paano magkakaroon ng anumang halaga ang buhay mo? Naging masyado kang abala para sa mga magulang mo, mga magulang na maruruming espiritu, gayon pa man wala ka talagang hinagap na ang mga sumisilo sa iyo ay sila na mga magulang na maruruming espiritu na nagsilang sa iyo at nagpalaki sa iyo. Bukod dito, lingid sa kaalaman mong ang lahat ng dungis mo sa katunayan ay ibinigay nila sa iyo; ang alam mo lamang ay na maaari ka nilang dalhan ng “pagtatamasa,” hindi ka nila kinakastigo, ni hindi ka nila hinahatulan, at lalong hindi ka nila sinusumpa. Hindi pa kailanman sila pumutok sa galit sa iyo, ngunit tinatrato ka nila nang may paggiliw at kabaitan. Ang mga salita nila ay bumubusog sa puso mo at bumibighani sa iyo hanggang sa malito ka at, nang hindi ito napagtatanto, ikaw ay idinamay na nila at handa nang maglingkod sa kanila at nagiging labasan ng sama ng loob at tagasilbi nila. Wala kang anumang karaingan, ngunit handa kang gumawa para kanila na parang mga aso, parang mga kabayo; nilihis ka nila. Sa dahilang ito, ganap na wala kang reaksiyon sa gawaing isinasakatuparan Ko. Hindi nakapagtatakang palagi mong nais na palihim na lumusot sa mga daliri Ko, at hindi nakapagtatakang palagi mong nais gumamit ng matatamis na salita upang mapanlinlang na humingi ng pabor mula sa Akin. Lumalabas na mayroon ka nang iba pang plano, iba pang pagsasaayos. Maaari mong makita nang kaunti ang mga kilos Ko bilang ang Makapangyarihan, ngunit wala ka ni katiting na kaalaman sa paghatol at pagkastigo Ko. Wala kang hinagap kung kailan nagsimula ang pagkastigo Ko; ang alam mo lamang ay kung paano Ako dayain—gayon pa man hindi mo alam na hindi Ako magpaparaya sa anumang paglabag mula sa tao. Yamang gumawa ka na ng mga resolusyon na paglingkuran Ako, hindi kita pakakawalan. Isa Akong Diyos na kinapopootan ang kasamaan, at isa Akong Diyos na naninibugho sa sangkatauhan. Yamang nailagay mo na ang mga salita mo sa dambana, hindi Ko kukunsintihin ang pagtakbo mo sa mismong harap ng mga mata Ko, ni hindi Ko kukunsintihin na naglilingkod ka sa dalawang panginoon. Inisip mo bang maaari kang magkaroon ng pangalawang pagmamahal matapos mong mailagay na ang mga salita mo sa dambana Ko at sa harap ng mga mata Ko? Paano Ko mapapayagan ang mga tao na gawin Akong isang hangal sa gayong paraan? Inisip mo bang maaari kang basta-basta gumawa ng mga panata at mga panunumpa sa Akin gamit ang dila mo? Paano ka nakagagawa ng mga panunumpa sa trono Ko, ang trono Ko na Siyang Kataas-taasan? Inisip mo bang lumipas na ang mga panunumpa mo? Hayaan ninyong sabihin Ko sa inyo: Kahit pa maaaring pumanaw ang mga laman ninyo, ang mga panunumpa ninyo ay hindi. Sa katapusan, parurusahan Ko kayo batay sa mga panunumpa ninyo. Gayunman, naniniwala kayong magagawa ninyong makitungo sa Akin nang pabasta-basta sa pamamagitan ng paglalagay ng mga salita ninyo sa harap Ko, at na makapaglilingkod sa maruruming espiritu at masasamang espiritu ang mga puso ninyo. Paano makapagpaparaya ang galit Ko sa kanila na malaaso at malababoy na mga taong dinaraya Ako? Dapat Kong isakatuparan ang mga atas administratibo Ko, at agawin pabalik mula sa mga kamay ng maruruming espiritu ang lahat ng labis na pormal at “relihiyoso” na mayroong pananampalataya sa Akin upang maaari silang “maghintay” sa Akin sa isang disiplinadong pamamaraan, maging Aking baka, maging Aking mga kabayo, at maging nasa awa ng Aking pagkakatay. Ipag-uutos Ko sa iyong ibalik ang dati mong mga kapasyahan at muling paglingkuran Ako. Hindi Ako magpaparaya sa anumang nilikhang nanlilinlang sa Akin. Inisip mo bang maaari kang walang taros na gumawa ng mga hiling at magsinungaling sa harapan Ko? Inisip mo bang hindi Ko narinig o nakita ang mga salita at mga gawa mo? Paano mawawala sa paningin Ko ang mga salita at mga gawa mo? Paano Ko mapahihintulutan ang mga tao na linlangin Ako na katulad niyan?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Masyadong Hamak ang Pagkatao Ninyong Lahat!
120. Nasa gitna na ninyo Ako, nakikisalamuha sa inyo sa loob ng ilang tagsibol at taglagas; namuhay na Ako sa gitna ninyo sa loob ng matagal na panahon, at namuhay kasama ninyo. Gaano karami sa kasuklam-suklam ninyong pag-uugali ang nakalampas sa mismong harapan ng mga mata Ko? Patuloy na umaalingawngaw sa mga tainga Ko ang mga taos-puso ninyong mga salita; milyon-milyon ng mga kapasyahan ninyo ang nailatag na sa dambana Ko—masyadong marami upang mabilang. Gayunman, sa inyong dedikasyon at ayon sa kung ano ang ginugugol ninyo, hindi kayo nagbibigay nang kahit karampot. Hindi man lamang kayo naglalagay ng kahit isang munting patak ng sinseridad sa Aking dambana. Nasaan ang mga bunga ng paniniwala ninyo sa Akin? Nakatanggap kayo ng hindi-mabilang na biyaya mula sa Akin, at nakakita kayo ng walang-katapusang mga hiwaga mula sa langit; ipinakita Ko pa sa inyo ang mga apoy ng langit, ngunit hindi Ko maatim na sunugin kayo. Gayunman, gaano karami ang naibigay ninyo sa Akin bilang kapalit? Gaano karami ang handa kayong ibigay sa Akin? Sa pagkaing ibinigay Ko sa iyo na nasa kamay mo, bumaling ka at iniaalay ito sa Akin, at nagmamagaling pang sabihin na isa itong bagay na nakuha mo kapalit ng pawis ng pinaghirapan mo at na iniaalay mo sa Akin ang lahat ng pag-aari mo. Paanong hindi mo alam na ang “mga ambag” mo sa Akin ay ang lahat ng ninakaw mo lamang mula sa dambana Ko? Bukod dito, ngayon na iniaalay mo ang mga iyan sa Akin, hindi mo ba Ako dinadaya? Paanong hindi mo alam na ang tinatamasa Ko ngayon ay lahat ng mga handog sa dambana Ko, at hindi kung ano ang kinita mo mula sa pagsisipag mo at pagkatapos ay inialay sa Akin? Talagang nangangahas kayong dayain Ako sa ganitong paraan, kaya paano Ko kayo mapapatawad? Paano ninyo nagagawang umasa na matitiis Ko pa ito nang mas matagal? Naibigay Ko na ang lahat-lahat sa inyo. Nabuksan Ko na ang lahat-lahat sa inyo, nagtustos para sa mga pangangailangan ninyo, at binuksan ang mga mata ninyo, gayon pa man ay dinadaya ninyo Ako na katulad nito, binabalewala ang mga budhi ninyo. Walang pag-iimbot Kong iginawad ang lahat-lahat sa inyo upang kahit pa nagdurusa kayo, nagkamit pa rin kayo mula sa Akin ng lahat-lahat ng nadala Ko mula sa langit. Sa kabila nito, wala kayong dedikasyon sa anumang paraan, at kahit na nakagawa kayo ng munting ambag, sinusubukan ninyong “makipag-ayos ng mga talaan” sa Akin pagkatapos. Hindi ba ang ambag mo ay mawawalan ng halaga? Ang naibigay mo sa Akin ay isang butil lamang ng buhangin, gayon pa man ang hiningi mo sa Akin ay isang toneladang ginto. Hindi ka ba nagiging wala sa katwiran? Gumagawa Ako sa gitna ninyo. Lubos na walang bakas ng sampung porsiyentong dapat Akong mabigyan, lalo na ng anumang karagdagang mga sakripisyo. Higit pa rito, ang sampung porsiyentong iyon na iniambag nila na tapat ay sinunggaban ng masasama. Hindi ba kayo nakakalat na lahat mula sa Akin? Hindi ba kayo palatutol na lahat sa Akin? Hindi ba ginigiba ninyong lahat ang dambana Ko? Paano makikita bilang mga kayamanan sa mga mata Ko ang gayong mga tao? Hindi ba sila mga baboy at mga asong kinamumuhian Ko? Paano Ko ituturing ang paggawa ninyo ng masama bilang isang kayamanan?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Masyadong Hamak ang Pagkatao Ninyong Lahat!
121. Maraming paraang hindi ninyo nauunawaan, maraming bagay kayong hindi nalalaman. Napakamangmang ninyo; alam na alam Ko ang inyong tayog at inyong mga pagkukulang. Samakatuwid, kahit maraming salitang hindi ninyo kayang arukin, handa pa rin Akong sabihin sa inyo ang lahat ng katotohanang ito na hindi ninyo kailanman tinanggap noon, dahil lagi Akong nag-aalala kung nagagawa ninyo, sa inyong kasalukuyang tayog, na manindigan sa inyong patotoo sa Akin. Hindi sa minamaliit Ko kayo; mababangis na hayop kayong lahat na kailangan pang sumailalim sa Aking pormal na pagsasanay, at hindi Ko talaga makita kung gaano kalaki ang kaluwalhatiang nasa inyo. Bagama’t nagpagod na Ako nang husto sa paggawa sa inyo, tila talagang walang mga positibong elementong umiiral sa inyo, at mabibilang sa daliri ang mga negatibong elemento at nagsisilbing mga patotoo lamang na naghahatid ng kahihiyan kay Satanas. Halos lahat ng iba pang nasa inyo ay lason ni Satanas. Ang tingin Ko sa inyo ay parang hindi na kayo maaaring iligtas. Sa lagay ng mga bagay-bagay, tinitingnan Ko ang iba’t ibang pagpapahayag at kilos ninyo, at sa wakas, alam Ko na ang tunay ninyong tayog. Kaya palagi Akong nag-aalala sa inyo: Mag-isang namumuhay, talaga kayang ang kalagayan ng mga tao ay mas mabuti o maikukumpara sa kalagayan nila ngayon? Hindi ba kayo nababahala sa kababaan ninyo? Talaga bang maaari kayong makatulad ng mga taong hinirang sa Israel—tapat sa Akin, at sa Akin lamang, sa lahat ng oras? Ang nakikita sa inyo ay hindi ang kapilyuhan ng mga batang napalayo sa kanilang mga magulang, kundi ang kabangisang lumalabas mula sa mga hayop na hindi abot ng mga latigo ng kanilang mga amo. Dapat ninyong malaman ang inyong likas na pagkatao, na siya ring kahinaan ninyong lahat; ito ay isang sakit na karaniwan sa inyong lahat. Sa gayon, ang payo Ko lamang sa inyo ngayon ay manindigan kayo sa inyong patotoo sa Akin. Anuman ang sitwasyon, huwag ninyong tulutang bumalik ang dati ninyong sakit. Ang pinakamahalaga ay magpatotoo—ito ang buod ng Aking gawain. Dapat ninyong tanggapin ang Aking mga salita tulad ng pagtanggap ni Maria sa paghahayag ni Jehova sa kanya sa isang panaginip: sa paniniwala, at pagkatapos ay pagpapasakop. Ito lamang ang maituturing na pagiging malinis. Sapagkat kayo ang pinakamadalas na makarinig sa Aking mga salita, ang Aking mga pinaka-pinagpala. Ibinigay Ko na sa inyo ang lahat ng mahahalagang pag-aari Ko, lubos Ko nang ipinagkaloob sa inyo ang lahat, subalit lubhang naiiba ang katayuan ninyo sa mga tao ng Israel; talagang malayung-malayo kayo. Ngunit kumpara sa kanila, mas marami kayong natanggap; samantalang desperado silang naghihintay sa Aking pagpapakita, masasaya ang mga araw ninyo sa piling Ko, nakikibahagi sa Aking kabutihan. Dahil sa pagkakaibang ito, ano ang nagbibigay sa inyo ng karapatan na putakan at kataluhin Ako at hingin ang inyong bahagi ng Aking mga pag-aari? Hindi ba marami na kayong natanggap? Napakarami Kong ibinibigay sa inyo, ngunit ang iginaganti ninyo sa Akin ay makabagbag-damdaming kalungkutan at pagkabalisa, di-mapigil na sama ng loob at kawalang-kasiyahan. Napakasama ninyo—subalit nakakaawa rin kayo, kaya wala Akong ibang magagawa kundi lunukin ang lahat ng sama ng loob Ko at iparating ang mga inaayawan Ko sa inyo nang paulit-ulit. Sa nakalipas na ilang libong taon ng gawain, hindi Ako tumutol kailanman sa sangkatauhan dahil natuklasan Ko na, sa buong pag-unlad ng sangkatauhan, ang “mga manloloko” lamang sa inyo ang kilalang-kilala, na parang mahahalagang pamanang iniwan sa inyo ng sikat na mga ninuno noong unang panahon. Galit na galit Ako sa mga taong mas masahol pa kaysa mga baboy at aso. Masyado kayong walang konsiyensya! Napakababa ng pagkatao ninyo! Napakatigas ng puso ninyo! Kung nadala Ko ang mga salita at gawaing ito sa mga Israelita, matagal na sana Akong nagtamo ng kaluwalhatian. Ngunit sa inyo ay hindi ito posibleng makamit; sa inyo, mayroon lamang malupit na kapabayaan, inyong pagbabalewala, at inyong mga pagdadahilan. Masyado kayong walang pakiramdam, at walang halaga!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Pagkaunawa Mo sa Diyos?
122. Gunitain ninyo ang nakaraan: Kailan naging galit ang Aking titig, at ang tinig Ko’y malupit, sa inyo? Kailan Ako nakipagtalo sa inyo tungkol sa maliliit na detalye? Kailan Ko ba kayo pinagsabihan nang wala sa katuwiran? Kailan Ko ba kayo pinagsabihan nang harap-harapan? Hindi ba ito para sa kapakanan ng Aking gawain kaya Ako ay nananawagan sa Aking Ama upang ingatan kayo mula sa lahat ng tukso? Bakit ninyo Ako tinatrato nang ganito? Kahit kailan ba’y nagamit Ko ang Aking awtoridad upang hampasin ang inyong mga laman? Bakit ninyo Ako sinusuklian nang ganito? Matapos magpabago-bago ang inyong saloobin sa Akin, hindi kayo mainit ni malamig, at pagkatapos ay tinatangka ninyong utuin Ako at pagtaguan Ako ng mga bagay-bagay, at ang inyong mga bibig ay puno ng dura ng mga di-matuwid. Sa tingin ba ninyo ay madadaya ng inyong mga dila ang Aking Espiritu? Sa tingin ba ninyo ay matatakasan ng inyong mga dila ang Aking poot? Sa tingin ba ninyo ay makakapagbigay ng paghusga ang inyong mga dila sa mga gawa Ko, si Jehova, paano man ng mga ito naisin? Ako ba ang Diyos na hinuhusgahan ng tao? Mapapayagan Ko ba na ang isang maliit na uod ay lumapastangan sa Akin nang gayon? Paano Ko mailalagay ang ganoong mga anak ng paghihimagsik sa gitna ng Aking mga walang-hanggang pagpapala? Ang inyong mga salita at gawa ay matagal nang naglantad at humatol sa inyo. Nang Aking iniunat ang mga kalangitan at nilikha ang lahat ng bagay, hindi Ko tinulutan ang kahit anong nilikha na lumahok ayon sa kanilang kagustuhan, lalong hindi Ko tinulutan ang kahit na anong bagay na gambalain ang Aking gawain at Aking pamamahala ayon sa kagustuhan nito. Wala Akong hinayaang tao o bagay; paano Ko patatawarin yaong mga malupit at hindi-makatao tungo sa Akin? Paano Ko mapapatawad yaong mga ipinagkakanulo ang Aking mga salita? Paano Ko patatawarin yaong mga naghihimagsik laban sa Akin? Ang kapalaran ba ng tao ay wala sa mga kamay Ko, ang Makapangyarihan sa lahat? Paano Ko maituturing ang iyong di-pagkamatuwid at paghihimagsik bilang banal? Paano madudungisan ng iyong mga kasalanan ang Aking kabanalan? Ako ay hindi nadudungisan ng karumihan ng di-matuwid, ni kinatutuwaan Ko ang mga alay ng mga di-matuwid. Kung ikaw ay tapat sa Akin, si Jehova, makukuha mo ba para sa sarili mo ang mga alay sa Aking altar? Magagamit mo ba ang iyong makamandag na dila upang lapastanganin ang Aking banal na pangalan? Maipagkakanulo mo ba ang Aking mga salita sa ganitong paraan? Maituturing mo ba ang Aking kaluwalhatian at banal na pangalan bilang isang kasangkapan upang maglingkod kay Satanas, ang masama? Ang Aking buhay ay inilalaan para sa pagtatamasa ng mga banal. Paano kita mahahayaang paglaruan ang Aking buhay ayon sa iyong kagustuhan, at gamitin ito bilang isang kasangkapan sa alitan ninyo? Paano kayo nagiging napaka-walang-puso, at kulang na kulang sa daan ng kabutihan, sa kung paano kayo nakikitungo sa Akin? Hindi ba ninyo alam na naitala Ko na ang inyong masasamang gawain sa mga salitang ito ng buhay? Paano ninyo matatakasan ang araw ng poot kapag kinastigo Ko ang Ehipto? Paano Ko kayo mahahayaang labanan at maghimagsik laban sa Akin sa ganitong paraan, nang paulit-ulit? Sinasabi Ko sa inyo nang malinaw, pagdating ng araw, ang inyong pagkastigo ay magiging higit na di-matitiis kaysa roon sa Ehipto! Paano ninyo matatakasan ang Aking araw ng poot?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Walang Sinumang May Katawan ang Makakatakas sa Araw ng Poot
123. Nabibigo ang taong makamit ang Diyos hindi dahil sa ang Diyos ay may mga damdamin ng laman, o dahil ayaw ng Diyos na makamit Siya ng tao, kundi dahil ayaw makamit ng tao ang Diyos, at dahil ang tao ay walang puso na naghahanap sa Diyos nang may pag-aapura. Paanong isusumpa ng Diyos ang isa sa mga tunay na naghahanap sa Diyos? Paanong isusumpa ng Diyos ang isang may maayos na katwiran at sensitibong konsensiya? Paanong lalamunin ng mga apoy ng Kanyang poot ang isang tunay na sumasamba at naglilingkod sa Diyos? Paanong palalayasin sa sambahayan ng Diyos ang isang handang nagpapasakop sa Diyos? Paanong mabubuhay sa kaparusahan ng Diyos ang isang nakadarama na hindi niya kailanman magagawang mahalin nang sapat ang Diyos? Paanong walang matitirang kahit ano sa isang taong handang talikdan ang lahat para sa Diyos? Ayaw ng taong hangarin ang Diyos, ayaw gugulin ang kanyang mga ari-arian para sa Diyos, at ayaw maglaan ng habambuhay na pagsisikap para sa Diyos; sa halip, sinasabi niyang sumobra na ang Diyos, na napakaraming tungkol sa Diyos ang salungat sa mga kuru-kuro ng tao. Sa ganitong uri ng pagkatao, hindi pa rin ninyo makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos kahit na kayo ay walang humpay sa inyong mga pagsisikap, bukod pa sa katotohanan na hindi ninyo hinahanap ang Diyos. Hindi ba ninyo alam na kayo ang depektibong produkto ng sangkatauhan? Hindi ba ninyo alam na walang pagkatao ang mas mababa pa kaysa sa inyo? Hindi ba ninyo alam kung ano ang bansag sa inyo ng iba upang parangalan kayo? Tinatawag kayo ng mga tunay na umiibig sa Diyos na ama ng lobo, ina ng lobo, anak ng lobo, at apo ng lobo; kayo ang mga inapo ng lobo, ang mga tao ng lobo, at dapat ninyong malaman ang sarili ninyong pagkakakilanlan at huwag itong kalimutan kailanman. Huwag ninyong isiping kayo ay kung sinong nakahihigit na tao: Kayo ang pinakamalupit na pangkat ng mga hindi-tao sa piling ng sangkatauhan. Hindi ba ninyo alam ang alinman dito? Hindi ba ninyo alam kung gaano kalaking panganib ang sinuong Ko na sa paggawa sa piling ninyo? Kung hindi muling makababalik sa normal ang inyong katwiran, at hindi gumagana nang normal ang inyong konsensiya, hindi ninyo kailanman maiwawaksi ang bansag na “lobo,” hindi ninyo kailanman matatakasan ang araw ng sumpa at hindi kailanman matatakasan ang araw ng inyong kaparusahan. Isinilang kayong mas mababa, isang bagay na walang anumang halaga. Kayo ay likas na pangkat ng gutom na mga lobo, isang tumpok ng latak at basura, at, hindi kagaya ninyo, hindi Ako gumagawa sa inyo alang-alang sa personal na pakinabang, kundi dahil sa pangangailangan ng gawain. Kung magpapatuloy kayo sa pagiging mapaghimagsik sa ganitong paraan, ititigil Ko ang Aking gawain, at hindi na kailanman gagawang muli sa inyo; sa kabaligtaran, ililipat Ko ang Aking gawain sa isang grupo na gusto Ko, at sa ganitong paraan ay iiwan kayo magpakailanman, sapagkat ayaw Kong makita ang mga kaaway Ko. Kaya kung gayon, nais ba ninyong maging kaayon sa Akin, o maging kaaway Ko?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos
124. Habang naglalakad ka sa landas ng ngayon, ano ang pinakaangkop na klase ng pagsisikap? Sa iyong pagsisikap, anong klase ng tao ang dapat mong makita sa sarili mo? Dapat mong malaman kung paano mo dapat harapin ang lahat ng sumasapit sa iyo ngayon, mga pagsubok man ito o paghihirap, o walang awang pagkastigo at pagsumpa. Habang nahaharap sa lahat ng bagay na ito, dapat mong bigyan ang mga ito ng maingat na pagsasaalang-alang sa lahat ng pagkakataon. Bakit Ko sinasabi ito? Sinasabi Ko ito dahil ang mga bagay na sumasapit sa iyo ngayon, sa kabila ng lahat, ay maiikling pagsubok na paulit-ulit na nangyayari; marahil para sa iyo, hindi mo itinuturing na partikular na mabigat ang mga ito sa espiritu, kaya hinahayaan mo na lang na likas na magdaan at lumipas ang mga bagay na ito, at hindi mo itinuturing ang mga ito na napakahalagang yaman sa pagsisikap na sumulong. Masyado kang walang pagpapahalaga! Sobrang walang pagpapahalaga na ipinapalagay mo na isang ulap ito na nakalutang sa harap ng iyong mga mata; at hindi mo pinahahalagahan ang malulupit na hagupit na bumubuhos paminsan-minsan—mga hagupit na maiikli, at para sa iyo, tila hindi mabigat—kundi basta minamasdan mo ang mga ito nang walang pagpapahalaga, nang walang kaseryosohan, na itinuturing lamang ang mga ito na paminsan-minsang paghagupit lamang. Napakayabang mo! Sa malulupit na pag-atakeng ito, mga pag-atake na katulad ng mga unos na dumarating paminsan-minsan, nagpapakita ka lang ng walang-galang na pagwawalang-bahala; kung minsan, umaabot pa sa punto na malamig pa ang ngiti mo, na naghahayag ng iyong lubos na pagwawalang-bahala—sapagkat hindi mo naisip kailanman sa iyong sarili kung bakit patuloy kang nagdurusa ng gayong “mga kasawian.” Maaari kayang ito ay dahil lubha Akong hindi makatarungan sa tao? Hinahanapan ba kita ng mali? Bagama’t maaaring hindi kasing seryoso ang mga problema sa pag-iisip mo na tulad ng nailarawan Ko, sa ipinapakita mong pagkakalmado, matagal ka nang nakalikha ng perpektong imahe ng niloloob mo. Hindi Ko na kailangang sabihin sa iyo na ang mga bagay na tanging nakatago sa kaibuturan ng puso mo ay mga mapang-abusong salita na hindi makatwiran at katiting na bahid ng kalungkutang halos hindi makita ng iba. Dahil sa palagay mo ay lubhang hindi makatarungan na magdusa ka ng gayong mga pagsubok, nagmumura ka; at dahil ipinadarama sa iyo ng mga pagsubok na ito ang kapanglawan ng mundo, napupuno ka ng kalungkutan. Sa halip na ituring na pinakamainam na proteksyon ang paulit-ulit na paghagupit at disiplinang ito, ang tingin mo sa mga ito ay walang katuturang panggugulo ng Langit, o dili kaya’y angkop na paghihiganti sa iyo. Napakamangmang mo! Walang awa mong itinago sa dilim ang magagandang panahon; sa bawat pagkakataon, itinuring mong pag-atake ng iyong mga kaaway ang magagandang pagsubok at pagdidisiplina. Wala kang kakayahang makibagay sa iyong kapaligiran; at lalo nang ayaw mong gawin iyon, sapagkat ayaw mong magtamo ng anuman mula sa paulit-ulit—at para sa iyo ay malupit—na pagkastigo. Hindi ka nagtatangkang maghanap o magsiyasat, at basta ka na lang sumusuko sa iyong kapalaran, pumupunta kung saan ka dalhin nito. Hindi nabago ng sa tingin mo ay mababagsik na pagkastigo ang puso mo, ni hindi naghari ang mga ito sa puso mo; sa halip, sinasaksak ng mga ito ang puso mo. Ang tingin mo sa “malupit na pagkastigo” na ito ay kaaway mo lamang sa buhay na ito, at kaya wala kang natutuhan. Masyado kang nag-aakalang mas matuwid ka sa iba! Madalang kang maniwala na nagdaranas ka ng ganitong mga pagsubok dahil napakasama mo; sa halip, iniisip mo na napakamalas mo, at sinasabi mo pa bukod rito na palagi kitang hinahanapan ng mali. At ngayon na ang mga bagay-bagay ay dumating na sa sitwasyong ito, gaano ba talaga karami ang alam mo tungkol sa Aking sinasabi at ginagawa? Huwag mong isipin na likas kang matalino, medyo mas mababa lamang kaysa sa kalangitan ngunit walang hanggan na mas mataas kaysa sa lupa. Hindi ka talaga mas matalino kaysa sa iba—at masasabi pa nga na talagang kahanga-hanga na mas hangal ka kaysa sinumang iba pang mga tao sa lupa na may katwiran, sapagkat napakataas ng tingin mo sa iyong sarili, at hindi ka nakaramdam kailanman na mas mababa ka sa iba; na tila nahihiwatigan mo ang pinakamaliit na detalye ng Aking mga kilos. Sa katunayan, isa kang tao na wala talagang katwiran, sapagkat wala kang ideya kung ano ang Aking gagawin, at lalong wala kang alam kung ano ang Aking ginagawa ngayon. Kaya sinasabi Ko na hindi ka man lamang kapantay ng isang matandang magsasaka na nagtatrabaho sa lupain, isang magsasaka na wala ni katiting na pagkaunawa sa buhay ng tao subalit lubos na umaasa sa mga pagpapala ng Langit habang nagbubungkal ng lupa. Hindi ka nag-uukol ng kahit isang segundo para pag-isipan ang iyong buhay, wala kang alam sa katanyagan, at lalo nang wala kang kamalayan sa sarili. Masyado kang “mapagmataas”!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Hindi Natututo at Nananatiling Mangmang: Hindi Ba Sila mga Hayop?
125. Pinapalamutihan ng ilan ang kanilang mga sarili nang maganda, nguni’t paimbabaw lang: pinapalamutihan ng kababaihan ang kanilang mga sarili na kasingganda ng mga bulaklak, at nagdadamit ang kalalakihan na parang mga prinsipe o makikisig at mayayamang binata. Inaasikaso lang nila ang mga panlabas na bagay, gaya ng mga bagay na kinakain at isinusuot nila; sa loob, sila’y mga dukha at wala ni katiting na kaalaman tungkol sa Diyos. Ano kaya ang ibig sabihin nito? At mayroon namang ilan na nakadamit na parang kaawa-awang mga pulubi—mukha talaga silang mga alipin na taga-Silangang Asya! Talaga bang hindi ninyo nauunawaan ang itinatanong ko sa inyo? Mag-usap-usap kayo: Ano ba ang totoong natamo ninyo? Ilang taon na kayong naniniwala sa Diyos, subali’t ito lang lahat ang napala ninyo—hindi ba kayo napapahiya? Hindi ba kayo nahihiya? Ilang taon na kayong naghahanap ng tunay na daan, subali’t ngayon ay mas mababa pa rin sa isang maya ang inyong tayog! Tingnan ninyo ang mga dalaga sa gitna ninyo, kasingganda ng mga larawan sa inyong damit at kolorete, ikinukumpara ang inyong mga sarili sa isa’t isa—at ano ang ikinukumpara ninyo? Ang inyong kasiyahan? Ang inyong mga hinihingi? Palagay ba ninyo naparito ako para mangalap ng mga modelo? Wala kayong hiya! Nasaan ang inyong buhay? Hindi ba ang hinahangad ninyo ay ang sarili lamang ninyong maluhong pagnanasa? Akala mo napakaganda mo, nguni’t kahit maaaring napakagara ng damit mo, hindi ba sa katotohanan ay isa ka lamang malikot na uod, na isinilang sa isang tumpok ng dumi? Ngayon, mapalad mong natatamasa ang makalangit na mga pagpapalang ito hindi dahil sa maganda mong mukha, kundi dahil nagtatangi ang Diyos sa pamamagitan ng pagbabangon sa iyo. Hindi pa rin ba malinaw sa iyo kung saan ka nagmula? Sa pagbanggit ng buhay, tikom ang iyong bibig at wala kang imik, pipi na parang rebulto, subali’t ang lakas pa rin ng loob mong manamit nang magara! Mahilig ka pa ring magpapula ng pisngi at magpulbos sa mukha! At tingnan ninyo ang makikisig na binata sa gitna ninyo, suwail na mga lalaki na ginugugol ang buong maghapon na palakad-lakad lang, walang disiplina, makikita sa mukha na wala silang pakialam sa mundo. Ganito ba dapat umasal ang isang tao? Ano ang pinagkakaabalahan ng bawa’t isa sa inyo, lalaki o babae, sa buong araw? Alam ba ninyo kung kanino kayo umaasa para pakainin ang sarili ninyo? Tingnan mo ang pananamit mo, tingnan mo kung ano ang napala mo sa mga kamay mo, haplusin mo ang tiyan mo—ano ang napala mo mula sa halaga ng dugo at pawis na naibayad mo sa lahat ng mga taon na ito ng pagsampalataya? Iniisip mo pa ring magliwaliw, iniisip mo pa ring gayakan ang iyong umaalingasaw na laman—mga walang-kuwentang paghahabol! Inuutusan kang maging isang taong normal, subali’t ngayon ay hindi ka lang basta abnormal, kakaiba ka pa. Paano nagkaroon ng tapang ang gayong tao na humarap sa Akin? Sa ganitong pagkatao, ipinaparada mo ang iyong kariktan at ipinapasikat ang iyong laman, palaging namumuhay sa loob ng mga pagnanasa ng laman—hindi ka ba isang inapo ng maruruming demonyo at masasamang espiritu? Hindi Ko papayagan ang gayong maruming demonyo na manatiling umiiral nang matagal! At huwag mong ipalagay na hindi Ko alam kung ano ang iniisip mo sa iyong puso. Maaari mong mahigpit na pigilan ang iyong pagnanasa at iyong laman, nguni’t paanong hindi Ko malalaman ang mga kaisipan na kinakandili mo sa iyong puso? Paanong hindi Ko malalaman ang lahat ng hinahangad ng iyong mga mata? Kayong mga dalaga, hindi ba nagpapaganda kayo nang husto para iparada ang inyong laman? Ano ang pakinabang ninyo sa mga lalaki? Talaga bang maililigtas nila kayo mula sa dagat-dagatan ng pagdurusa? Para naman sa inyong makikisig na binata, nagbibihis kayong lahat para magmukha kayong maginoo at marangal, nguni’t hindi ba iyon isang pakana para mapansin ang inyong kakisigan? Para kanino ninyo ginagawa ito? Ano ang pakinabang ninyo sa mga babae? Hindi ba sila ang pinagmumulan ng inyong kasalanan? Kayong kalalakihan at kababaihan, marami na Akong nasabi sa inyo, subali’t iilan lang ang nasunod ninyo sa mga iyon. Mahina ang mga pandinig ninyo, lumabo na ang inyong mga mata, at matigas ang inyong puso hanggang sa puntong wala nang natira kundi pagnanasa sa inyong katawan, kaya nasisilo kayo nito, at hindi kayo makatakas. Sino ang gustong lumapit sa inyo na mga uod, kayo na namimilipit sa karumihan at putikan? Huwag ninyong kalimutan na wala kayong pinagkaiba sa mga pinalaki ko mula sa tumpok ng dumi, na dati ay wala kayong normal na pagkatao. Ang hinihiling ko sa inyo ay ang normal na pagkatao na dati ay wala kayo, hindi ang iparada ninyo ang inyong pagnanasa o bigyan ng kalayaan ang inyong nabubulok na laman, na nasanay na ng mga diyablo sa loob ng napakaraming taon. Kapag ganoon kayo manamit, hindi ba kayo natatakot na baka mas lalo kayong masilo? Hindi ba ninyo alam na dati kayong makasalanan? Hindi ba ninyo alam na ang inyong mga katawan ay punung-puno ng pagnanasa kaya tumatagos pa iyon sa inyong damit, na naghahayag ng inyong mga kalagayan bilang napakapapangit at napakaruruming demonyo? Hindi ba alam na alam ninyo ito nang mas malinaw kaysa sinuman? Ang inyong mga puso, ang inyong mga mata, ang inyong mga labi—hindi ba narungisang lahat ang mga ito ng maruruming demonyo? Hindi ba marumi ang mga bahagi mong ito? Palagay mo ba basta’t hindi ka kumikilos, ikaw na ang pinakabanal? Palagay mo ba maitatago ng magagandang bihis ang inyong nakakadiring mga kaluluwa? Hindi uubra iyan! Ipinapayo Ko sa inyo na maging higit na makatotohanan: Huwag kayong maging madaya at huwad, at huwag ninyong iparada ang inyong mga sarili. Ipinapasikat ninyo ang inyong pagnanasa sa isa’t isa, nguni’t kapalit nito ang tatanggapin lamang ninyo ay walang-hanggang pagdurusa at walang-habas na pagpaparusa! Bakit ninyo kailangang magpapungay ng mga mata sa isa’t isa at mag-ibigan? Ito ba ang sukat ng inyong integridad, ang hangganan ng inyong pagiging matuwid? Kinamumuhian Ko yaong mga nakikisangkot sa inyo sa masasamang panggagamot at pangkukulam; kinamumuhian Ko ang mga binata’t dalaga sa inyo na nagmamahal sa sarili nilang laman. Makabubuting pigilan ninyo ang inyong mga sarili, dahil kinakailangan na ninyo ngayong magtaglay ng normal na pagkatao, at hindi kayo pinapayagang ipasikat ang inyong pagnanasa—subali’t ginagawa ninyo ito sa bawa’t oportunidad na kaya ninyo, sapagka’t ang inyong laman ay napakasagana, at ang inyong pagnanasa ay napakalaki!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa (7)
126. Yaong mga nag-iisip lamang tungkol sa kanilang laman at nagtatamasa ng kaginhawahan; yaong mga mukhang naniniwala ngunit hindi talaga naniniwala; yaong mga nakikilahok sa masasamang panggagamot at pangkukulam; yaong mahahalay, at bagsak ang pagkatao; yaong mga nagnanakaw ng mga alay kay Jehova at ng Kanyang mga pag-aari; yaong mga nagmamahal sa mga suhol; yaong mga nangangarap nang walang ginagawa na makaakyat sa langit; yaong mga mapagmataas at palalo, na nagpupunyagi lamang para sa personal na kasikatan at pakinabang; yaong mga nagkakalat ng mga salitang walang paggalang; yaong mga lumalapastangan sa Diyos Mismo; yaong mga walang ginagawa kundi husgahan at siraang-puri ang Diyos Mismo; yaong mga naggugrupo-grupo at naghahangad na magsarili; yaong mga itinataas ang kanilang sarili nang higit sa Diyos; yaong mga walang delikadesang kabataan, mga may-edad at matatandang kalalakihan at kababaihan na nasilo sa kahalayan; yaong kalalakihan at kababaihan na nagtatamasa ng personal na kasikatan at pakinabang at naghahabol ng personal na katayuan sa gitna ng iba; yaong mga taong hindi nagsisisi na nabitag sa kasalanan—hindi ba sila, lahat sila, ay walang pag-asang maligtas? Ang kahalayan, pagiging makasalanan, masamang panggagamot, pangkukulam, paglalapastangan, at walang-paggalang na mga salita ay lahat talamak sa inyo; at ang katotohanan at mga salita ng buhay ay tinatapakan sa gitna ninyo, at ang banal na pananalita ay dinudungisan sa gitna ninyo. Kayong mga Hentil, na sobra sa karumihan at paghihimagsik! Ano ang kalalabasan ninyo sa huli? Paano naaatim ng mga nagmamahal sa laman, gumagawa ng pangkukulam ng laman, at nabibitag sa mahalay na kasalanan na patuloy na mabuhay! Hindi mo ba alam na ang mga taong katulad ninyo ay mga uod na walang pag-asang maligtas? Ano ang nagbigay sa inyo ng karapatang humingi ng kung anu-ano? Sa ngayon, wala ni katiting na pagbabago sa mga hindi nagmamahal sa katotohanan at nagmamahal lamang sa laman—maliligtas pa ba ang gayong mga tao? Yaong mga hindi minamahal ang daan ng buhay, mga hindi dumadakila sa Diyos at nagpapatotoo sa Kanya, mga nagpapakana alang-alang sa sarili nilang katayuan, na nagtataas sa kanilang mga sarili—hindi ba’t ganoon pa rin sila, kahit ngayon? Ano ang kabuluhan ng pagliligtas sa kanila? Kung maliligtas ka ay hindi depende sa kung gaano kataas ang senyoridad mo o ilang taon ka nang gumagawa, at lalo nang hindi ito depende sa kung gaano karami ang mga kredensyal mo. Bagkus, depende ito sa kung nagbunga na ang iyong paghahangad. Kailangan mong malaman na yaong mga naliligtas ay ang “mga puno” na nagbubunga, hindi ang mga puno na may malalagong dahon at saganang bulaklak subalit hindi nagbubunga. Kahit nakagugol ka na ng maraming taon sa pagpapagala-gala sa mga lansangan, ano ang halaga niyon? Nasaan ang iyong patotoo? Mas higit na kaunti ang iyong may-takot-sa-Diyos na puso kumpara sa iyong pusong nagmamahal sa iyong sarili at sa iyong mahahalay na pagnanais—hindi ba’t bulok ang ganitong klase ng tao? Paano sila magiging uliran at huwaran para sa pagliligtas? Ang iyong kalikasan ay hindi na mababago, napakamapaghimagsik mo, wala ka nang pag-asang maligtas! Hindi ba’t ang gayong mga tao ang ititiwalag? Hindi ba’t ang oras na matatapos ang Aking gawain ang siyang oras ng pagdating ng huling araw mo? Napakarami Kong nagawang gawain at napakarami Kong nasambit na salita sa gitna ninyo—gaano karami nito ang tunay na nakapasok sa inyong mga tainga? Nakapagpasakop na kayo sa gaano karami nito? Kapag natapos ang Aking gawain, iyon ang magiging oras na titigil kang kontrahin Ako, na titigil kang kalabanin Ako. Habang Ako ay gumagawa, patuloy kayong kumikilos laban sa Akin; hindi kayo sumusunod sa Aking mga salita kahit kailan. Ginagawa Ko ang Aking gawain, at ginagawa mo ang iyong sariling “gawain,” gumagawa ng sarili mong munting kaharian. Kayo ay walang iba kundi mga soro at mga aso, ginagawa ang lahat para kontrahin Ako! Palagi ninyong sinusubukang yakapin yaong mga naghahandog sa inyo ng kanilang buong pagmamahal—nasaan ang inyong pusong may takot? Lahat ng ginagawa ninyo ay mapanlinlang! Wala kayong pagpapasakop o pagkatakot, at lahat ng ginagawa ninyo ay mapanlinlang at lapastangan! Maliligtas ba ang ganyang klaseng tao? Ang mga lalaking seksuwal na imoral at mahalay ay palaging gustong akitin ang makikiring haliparot sa kanila para sa sarili nilang kasiyahan. Hindi Ko talaga ililigtas ang gayong sekswal na imoral na mga demonyo. Kinamumuhian Ko kayong maruruming demonyo, at ang inyong kahalayan at pagiging haliparot ay magsasadlak sa inyo sa impiyerno. Ano ang masasabi ninyo para sa inyong mga sarili? Nakakadiri kayong maruruming demonyo at masasamang espiritu! Nakasusuklam kayo! Paano maliligtas ang gayong klaseng basura? Maliligtas pa rin ba sila na nabibitag sa kasalanan? Ngayon, ang katotohanang ito, ang daang ito, at ang buhay na ito ay hindi umaakit sa inyo; bagkus, naaakit kayo sa pagkakasala; sa pera; sa katayuan, kasikatan at pakinabang; sa mga kasiyahan ng laman; sa kaguwapuhan ng mga lalaki at kariktan ng mga babae. Ano ang kalipikasyo mong makapasok sa Aking kaharian? Ang inyong larawan ay higit pa kaysa sa Diyos, ang inyong katayuan ay mas mataas pa kaysa sa Diyos, huwag nang banggitin pa ang inyong katanyagan sa mga tao—naging idolo na kayo na sinasamba ng mga tao. Hindi ba’t naging arkanghel ka? Kapag naibubunyag na ang mga kinalabasan ng mga tao, na kung kailan rin malapit nang matapos ang gawain ng pagliligtas, marami sa inyo ang magiging mga bangkay na wala nang pag-asang maligtas at kailangang itiwalag.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa (7)
127. Mga walang-kuwentang walanghiya ang mga tao, sapagkat hindi nila pinahahalagahan ang kanilang sarili. Kung hindi man lamang nila mahal ang kanilang sarili, sa halip ay niyuyurakan nila ang kanilang sarili, hindi ba ito nagpapakita na wala silang kuwenta? Ang sangkatauhan ay parang isang imoral na babae na nakikipaglaro sa kanyang sarili at kusang-loob na ibinibigay ang kanyang sarili sa iba para halayin. Magkagayunman, hindi pa rin alam ng mga tao kung gaano sila kahamak. Nasisiyahan sila sa pagtatrabaho para sa iba o sa pakikipag-usap sa iba, na inilalagay ang kanilang sarili sa ilalim ng kontrol ng iba; hindi ba ito mismo ang karumihan ng sangkatauhan? Bagama’t hindi pa Ako nakaranas ng buhay sa piling ng sangkatauhan, at hindi Ko pa talaga naranasan ang buhay ng tao, nagtamo na Ako ng napakalinaw na pagkaunawa tungkol sa bawat galaw, bawat kilos, bawat salita, at bawat gawang ginagawa ng mga tao. Nagagawa Ko pa ngang himayin ang mga tao sa kanilang pinakamalalim na kahihiyan, hanggang sa puntong hindi na sila nangangahas na ihayag ang sarili nilang pakikipagsabwatan o bigyang-daan ang kanilang pagnanasa. Tulad ng mga susong umaatras papasok sa bahay ng mga ito, hindi na sila nangangahas na ilantad ang sarili nilang pangit na kalagayan. Dahil hindi kilala ng sangkatauhan ang kanilang sarili, ang pinakamalaki nilang kapintasan ay ang kusang-loob nilang iparada ang kanilang mga alindog sa harap ng iba, na ipinapasikat ang pangit nilang mukha; ito ay isang bagay na lubos na kinamumuhian ng Diyos. Ito ay dahil ang mga relasyon sa pagitan ng mga tao ay abnormal, at walang normal na pakikipag-kapwa-tao sa pagitan ng mga tao, lalo nang walang normal na relasyon sa pagitan nila at ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob,” Kabanata 14
128. Hangga’t hindi nararanasan ng mga tao ang gawain ng Diyos at nauunawaan ang katotohanan, ang kalikasan ni Satanas ang namamahala at nagdodomina sa kanilang kalooban. Ano ba ang partikular na nakapaloob sa kalikasang iyon? Halimbawa, bakit ka makasarili? Bakit mo pinoprotektahan ang sarili mong posisyon? Bakit ka mayroong gayong katitinding damdamin? Bakit ka nasisiyahan sa mga di-matutuwid na bagay na iyon? Bakit gusto mo ang mga kasamaang iyon? Ano ang batayan ng pagkahilig mo sa ganoong mga bagay? Saan nagmumula ang mga bagay na ito? Bakit ka masayang-masaya na tanggapin ang mga ito? Sa ngayon, naunawaan na ninyong lahat na ang pangunahing dahilan sa likod ng lahat ng bagay na ito ay dahil nasa kalooban ng tao ang lason ni Satanas. Kaya, ano ang lason ni Satanas? Paano ito maipapahayag? Halimbawa, kung magtatanong ka ng, “Paano dapat mamuhay ang mga tao? Para saan ba dapat nabubuhay ang mga tao?” sasagot ang mga tao: “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba.” Ipinahahayag ng nag-iisang pariralang ito ang pinakaugat ng problema. Ang pilosopiya at lohika ni Satanas ay naging buhay na ng mga tao. Anuman ang hinahangad ng mga tao, ginagawa nila ito para sa kanilang sarili—kaya’t nabubuhay lamang sila para sa kanilang sarili. “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba”—ito ang pilosopiya sa buhay ng tao, at kinakatawan din nito ang kalikasan ng tao. Naging kalikasan na ng tiwaling sangkatauhan ang mga salitang ito at ang mga ito ang tunay na larawan ng satanikong kalikasan ng tiwaling sangkatauhan. Ang satanikong kalikasang ito na ang naging batayan para sa pag-iral ng tiwaling sangkatauhan. Sa loob ng ilang libong taon, namuhay ang tiwaling sangkatauhan ayon sa lason na ito ni Satanas, hanggang sa kasalukuyang panahon. Lahat ng ginagawa ni Satanas ay para sa sarili nitong mga pagnanais, mga ambisyon, at mga pakay. Nais nitong higitan ang Diyos, makawala sa Diyos, at makuha ang kontrol sa lahat ng bagay na nilikha ng Diyos. Sa kasalukuyan, ganito kalubhang nagawang tiwali ni Satanas ang mga tao: May mga satanikong kalikasan silang lahat, sinusubukan nilang lahat na itatwa at labanan ang Diyos, at gusto nilang makontrol ang sarili nilang mga kapalaran at sinusubukang labanan ang mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Ang kanilang mga ambisyon at pagnanais ay kaparehong-kapareho ng kay Satanas. Samakatwid, ang kalikasan ng tao ay ang kalikasan ni Satanas. Sa katunayan, ang mga motto at kasabihan ng maraming tao ay kumakatawan sa kalikasan ng tao at sumasalamin sa diwa ng katiwalian ng tao. Ang mga bagay na pinipili ng mga tao ay sarili nilang mga kagustuhan, at kumakatawan ang lahat ng iyon sa mga disposisyon at hinahangad ng mga tao. Sa bawat salitang sinasabi ng isang tao, at sa lahat ng ginagawa niya, gaano man iyon ikinubli, hindi nito matatakpan ang kanyang kalikasan. Halimbawa, karaniwang maganda ang pangangaral ng mga Pariseo, pero nang marinig nila ang mga sermon at katotohanang ipinahayag ni Jesus, sa halip na tanggapin ang mga iyon, kinondena nila ang mga iyon. Inilalantad nito ang kalikasang diwa ng pagtutol at pagkamuhi sa katotohanan ng mga Pariseo. Ang ilang tao ay labis na magandang magsalita at mahusay magpanggap, pero matapos silang makahalubilo sandali ng iba, nakikita ng iba na masyadong mapanlinlang at hindi matapat ang kanilang kalikasan. Pagkaraan ng mahabang panahon ng pakikihalubilo sa kanila, natutuklasan ng lahat ng iba pa ang kanilang kalikasang diwa. Sa huli, nabubuo ng ibang tao ang sumusunod na kongklusyon: Hindi sila kailanman nagsasabi ng totoong salita, at sila ay mapanlinlang. Kinakatawan ng pahayag na ito ang kalikasan ng gayong mga tao at ito ang pinakamagandang paglalarawan at patunay ng kanilang kalikasang diwa. Ang pilosopiya nila para sa mga makamundong pakikitungo ay ang huwag magsabi ng katotohanan sa kaninuman, at huwag ding magtiwala kaninuman. Naglalaman ang satanikong kalikasan ng tao ng napakaraming satanikong pilosopiya at lason. Kung minsan ikaw mismo ay hindi man lang namamalayan ang mga ito, at hindi nauunawaan ang mga ito; gayumpaman, bawat sandali ng iyong buhay ay batay sa mga bagay na ito. Bukod pa riyan, iniisip mo na ang mga bagay na ito ay lubhang tama at makatwiran, at hindi talaga mali. Sapat na ito para ipakita na naging kalikasan na ng mga tao ang mga pilosopiya ni Satanas, at namumuhay sila nang lubos na nakaayon sa mga ito, na iniisip na ang ganitong paraan ng pamumuhay ay mabuti, at wala talaga silang anumang pakiramdam ng pagsisisi. Samakatwid, palagi silang nagbubunyag ng kanilang satanikong kalikasan, at patuloy silang namumuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas. Ang kalikasan ni Satanas ay ang buhay ng sangkatauhan, at ito ang kalikasang diwa ng sangkatauhan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin ang Landas ni Pedro
129. Ang kalikasan ng tao ay ganap na naiiba sa Aking diwa, sapagkat ang tiwaling kalikasan ng tao ay lubos na nagmumula kay Satanas; ang kalikasan ng tao ay naproseso na at nagawa nang tiwali ni Satanas. Ibig sabihin, nabubuhay ang tao sa ilalim ng impluwensya ng kasamaan at kapangitan nito. Ang tao ay hindi lumalaki sa isang mundo ng katotohanan o sa isang banal na kapaligiran, at lalo namang hindi nabubuhay ang tao sa liwanag. Samakatwid, hindi posibleng taglayin ninuman ang katotohanan sa kanilang kalikasan mula sa pagsilang, at lalong hindi maisisilang ang sinuman nang may diwang may takot at nagpapasakop sa Diyos. Sa kabaligtaran, nagtataglay ang mga tao ng isang kalikasang lumalaban sa Diyos, naghihimagsik laban sa Diyos, at walang pagmamahal sa katotohanan. Ang kalikasang ito ang problemang nais Kong talakayin—ang pagkakanulo.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagkakanulo (2)
130. Ang pag-uugaling hindi kayang lubusang magpasakop sa Akin ay pagkakanulo. Ang pag-uugaling hindi kayang maging tapat sa Akin ay pagkakanulo. Ang pagdaya sa Akin at paggamit ng mga kasinungalingan upang linlangin Ako ay pagkakanulo. Ang pagtataglay ng maraming kuru-kuro at pagpapakalat sa mga ito sa lahat ng dako ay pagkakanulo. Ang kawalan ng kakayahang itaguyod ang Aking mga patotoo at mga interes ay pagkakanulo. Ang paghahandog ng mga huwad na ngiti kapag malayo sa Akin ang puso ay pagkakanulo. Ang lahat ng ito ay mga gawain ng pagkakanulo na palagi na ninyong nagagawa, at ang mga ito ay karaniwan din sa inyo. Maaaring wala sa inyo ang nag-iisip na ito ay isang problema, ngunit hindi iyon ang iniisip Ko. Hindi Ko maaaring tratuhin ang pagkakanulo sa Akin ng isang tao bilang isang maliit na bagay, at lalo namang hindi Ko maaaring hindi ito pansinin. Ngayon, kapag Ako ay gumagawa sa gitna ninyo, kumikilos kayo sa ganitong paraan—kung darating ang araw na walang sinuman ang naroon upang bantayan kayo, hindi ba kayo magiging gaya ng mga bandido na ipinapahayag ang kanilang sarili na mga hari ng kanilang mga munting bundok? Kapag nangyari iyon at nagsanhi kayo ng isang malaking kalamidad, sino ang naroroon upang ayusin ang problema? Iniisip ninyong ang ilang gawaing pagkakanulo ay paminsan-minsang pangyayari lang, hindi ang inyong namimihasang pag-uugali, at hindi nararapat pag-usapan nang ganito kaseryoso, sa isang paraang pumipinsala sa inyong kapurihan. Kung talagang ganito ang iniisip ninyo, kulang kayo sa katinuan. Ang mag-isip nang ganito ay ang maging isang uliran at halimbawa ng paghihimagsik. Ang kalikasan ng tao ay ang kanyang buhay; ito ay isang prinsipyo kung saan siya umaasa upang manatiling buhay, at hindi niya maaaring baguhin ito. Gawing halimbawa ang kalikasan ng pagkakanulo. Kung kaya mong gumawa ng isang bagay upang ipagkanulo ang isang kamag-anak o kaibigan, ito ay nagpapatunay na bahagi ito ng iyong buhay at ipinanganak kang may ganitong kalikasan. Ito ay isang bagay na hindi maitatanggi ninuman.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagkakanulo (1)
131. Ang sinuman ay maaaring gumamit ng kanilang sariling mga salita at mga pagkilos upang katawanin ang kanilang tunay na mukha. Ang totoong mukhang ito ay, siyempre, ang kanilang kalikasan. Kung ikaw ay isang taong nagsasalita sa isang balikong paraan, ikaw ay may isang balikong kalikasan. Kung ang iyong kalikasan ay mapanlinlang, kumikilos ka sa mapanlinlang na paraan, at ginagawa mong napakadali para sa iba na malansi mo. Kung ang iyong kalikasan ay mapaminsala, maaaring maging kaaya-ayang pakinggan ang iyong mga salita, ngunit hindi maitatago ng iyong mga pagkilos ang iyong mga mapaminsalang pandaraya. Kung ang iyong kalikasan ay tamad, ang lahat ng bagay na iyong sinasabi ay naglalayong umiwas sa responsibilidad para sa iyong pagiging pabasta-basta at katamaran, at ang iyong mga pagkilos ay magiging mabagal at basta-basta, at napakagaling sa pagtatakip ng katotohanan. Kung ang iyong kalikasan ay madamayin, magiging makatwiran ang iyong mga salita, at ang mga kilos mo rin ay aayon nang maigi sa katotohanan. Kung ang iyong kalikasan ay tapat, ang iyong mga salita ay tiyak na taos-puso at ang paraan ng iyong pagkilos ay praktikal, walang anumang magsasanhi para sa iyong amo na mabalisa. Kung ang iyong kalikasan ay mapagnasa o sakim sa pera, ang iyong puso ay kadalasang mapupuno ng mga bagay na ito, at ikaw ay hindi sinasadyang gagawa ng mga lihis at imoral na bagay na magiging mahirap para sa mga tao na makalimutan at na magpapasulasok sa kanila. Tulad ng nasabi Ko, kung mayroon kang isang kalikasan ng pagkakanulo, mahihirapan kang kumawala rito. Huwag mong iasa sa swerte na kung hindi ka nagkasala sa iba ay wala kang kalikasan ng pagkakanulo. Kung ganoon ang iyong iniisip, ikaw nga ay talagang kasuklam-suklam. Ang lahat ng salita Ko, tuwing nagsasalita Ako, ay nakatuon sa lahat ng tao, hindi lamang sa isang tao o isang uri ng tao. Dahil lamang hindi mo pa Ako ipinagkanulo sa isang bagay ay hindi nagpapatunay na hindi mo Ako maaaring ipagkanulo sa anumang bagay. Kapag may mga dagok sa samahan nilang mag-asawa, nawawalan ang ibang tao ng kanilang tiwala sa paghahanap sa katotohanan. Tinatalikdan ng ibang tao ang kanilang obligasyon na maging tapat sa Akin sa panahon ng pagkasira ng pamilya. Iniiwan Ako ng ibang tao upang maghanap ng isang sandali ng kagalakan at katuwaan. Ang ibang tao ay mas gugustuhin pang mahulog sa isang madilim na bangin kaysa mabuhay sa liwanag at matamo ang kaluguran ng gawain ng Banal na Espiritu. Ang ibang tao ay hindi pinapansin ang payo ng mga kaibigan para lang bigyang-kasiyahan ang kanilang pagnanasa sa kayamanan, at kahit ngayon ay hindi kayang kilalanin ang kanilang pagkakamali at baguhin ang kanilang landas. Ang ibang tao ay pansamantalang naninirahan lamang sa ilalim ng Aking ngalan upang matanggap ang Aking pangangalaga, habang ang iba ay sapilitan lang na naglalaan sa Akin nang kaunti sapagkat kumakapit sila sa buhay at takot sa kamatayan. Hindi ba’t ang mga ito at ang iba pang mga imoral na pagkilos, na higit pa rito, ay walang integridad, ay mga pag-uugali lamang na kung saan ang mga tao ay matagal nang ipinagkanulo Ako sa kaibuturan ng kanilang mga puso? Siyempre, alam Kong hindi paunang binabalak ng mga tao ang ipagkanulo Ako; ang pagkakanulo nila ay isang natural na pagbubunyag ng kanilang kalikasan. Walang sinuman ang nagnanais na ipagkanulo Ako, at walang sinuman ang masaya sapagkat nakagawa sila ng isang bagay upang ipagkanulo Ako. Sa kabaligtaran, nanginginig sila sa takot, hindi ba? Kaya, iniisip ba ninyo kung paano tutubusin ang mga pagkakanulong ito, at kung paano babaguhin ang kasalukuyang kalagayan?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagkakanulo (1)
132. Kayo ay inihiwalay mula sa putik at, ano man ang mangyari, kayo ay pinili mula sa mga latak, marumi at kinasusuklaman ng Diyos. Kayo ay napabilang kay Satanas at minsan nang niyurakan at dinungisan nito. Iyon ang dahilan kung bakit sinasabi na kayo ay inihiwalay mula sa putik, at, malayo sa pagiging banal, sa halip kayo ay mga di-taong bagay na matagal nang pakay ng mga panlilinlang ni Satanas. Ito ang pinakaangkop na pagsasalarawan sa inyo. Dapat ninyong matanto na kayo ay orihinal na mga karumihan na matatagpuan sa di-umaagos na tubig at putik, na kabaligtaran sa kanais-nais na mga huli kagaya ng isda at hipon, sapagkat walang bagay na nagbibigay ng kagalakan ang maaaring makuha mula sa inyo. Sa tahasang pananalita, kayo ang pinakaabang mga hayop sa isang mababang lipunan, na mas malala pa kaysa mga baboy at mga aso. Sa tapat na pananalita, ang tawagin kayo gamit ang gayong mga termino ay hindi labis na pagpapahayag o kalabisan, bagkus ay pinasisimple nito ang usapin. Ang tawagin kayo gamit ang gayong mga termino ay maaari pa ngang masabi na isang paraan upang kayo ay bigyang galang. Ang inyong kabatiran, pananalita, pag-uugali bilang mga tao, at ang bawat aspeto ng inyong buhay, kabilang na ang inyong katayuan sa putik, ay sapat na upang patunayan na ang inyong pagkakakilanlan ay “hindi pangkaraniwan.”
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Likas na Pagkakakilanlan ng Tao at ang Kanyang Halaga: Ano Talaga ang mga Ito?
133. Ang mga tao ay walang iba kundi ang Aking mga kaaway. Ang mga tao ay ang masasama na lumalaban at naghihimagsik laban sa Akin. Ang mga tao ay walang iba kundi ang anak ng masama na Aking isinumpa. Ang mga tao ay walang iba kundi ang mga inapo ng arkanghel na nagkanulo sa Akin. Ang mga tao ay walang iba kundi ang pamana ng diyablo, diyablong itinaboy Ko noon pa man, na naging hindi mapagkakasundong kaaway Ko simula noon. Sapagkat ang kalangitan sa itaas ng buong sangkatauhan ay malabo at madilim, wala ni katiting na impresyon ng kalinawan, at ang mundo ng tao ay nalubog sa sukdulang kadiliman, kaya ni hindi makita ng nabubuhay rito ang kanyang nakaunat na kamay na nasa kanyang harapan o ang araw kapag siya ay nakatingala. Ang daan na kanyang tinatapakan, na maputik at puro lubak, ay paliku-liko; nagkalat ang mga bangkay sa buong lupain. Ang madidilim na sulok ay puno ng mga labi ng patay, at sa malalamig at madidilim na sulok ay naninirahan ang mga pulutong ng mga demonyo. At saanman sa mundo ng mga tao paroo’t parito ang mga demonyo nang sama-sama. Ang mga anak ng lahat ng klase ng mga halimaw, na natatakpan ng dumi, ay subsob sa matinding labanan, na ang ingay ay nakasisindak sa puso. Sa gayong mga panahon, sa gayong mundo, sa gayong “paraiso sa lupa,” saan tutungo ang isang tao upang maghanap ng mga kagalakan sa buhay? Saan makakapunta ang isang tao upang mahanap ang kanyang hantungan sa buhay? Ang sangkatauhan, na matagal nang tinatapakan ni Satanas, sa simula pa lamang ay naging isang artistang taglay ang larawan ni Satanas—higit pa riyan, ang sangkatauhan ang pagsasakatawan ni Satanas, at nagsisilbing katibayan na nagpapatotoo kay Satanas, nang napakalinaw. Paano makakapagpatotoo sa Diyos ang gayong lahi ng tao, gayong pangkat ng masama’t kasuklam-suklam, gayong supling ng tiwaling pamilyang ito ng tao? Saan galing ang Aking kaluwalhatian? Saan maaaring magsimula ang isang tao na banggitin ang Aking patotoo? Sapagkat ang kaaway, dahil nagawa nang tiwali ang sangkatauhan, ay kinakalaban Ako, naangkin na ang sangkatauhan—ang sangkatauhang nilikha Ko noong unang panahon at pinuspos ng Aking kaluwalhatian at Aking pagsasabuhay—at dinungisan sila. Naagaw nito ang Aking kaluwalhatian, at ang tanging itinanim nito sa tao ay lason na lubhang nahaluan ng kapangitan ni Satanas, at katas mula sa bunga ng puno ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kahulugan ng Maging Isang Tunay na Tao
134. Ang inyong mga ikinilos sa Aking presensiya sa loob ng maraming taon ay nagbigay sa Akin ng kasagutan na wala pang naging katulad sa nagdaan, at ang tanong sa sagot na ito ay: “Ano ang saloobin ng tao sa harap ng katotohanan at sa tunay na Diyos?” Ang dugo ng pusong ibinuhos Ko para sa tao ay nagpapatunay ng Aking diwa ng pagmamahal sa tao, at ang bawat kilos ng tao sa Aking harapan ay nagpapatunay sa diwa nito ng pagkapoot sa katotohanan at pagsalungat sa Akin. Sa lahat ng panahon, Ako ay nag-aalala sa lahat ng sumunod sa Akin, ngunit sa anumang sandali, hindi kayang tanggapin ng mga sumusunod sa Akin ang Aking mga salita; maging ang Aking mga mungkahi ay hindi nila kayang tanggapin. Ito ang nagpapalungkot sa Akin nang higit sa lahat. Walang sinumang nakaunawa sa Akin kahit kailan, higit pa rito, walang sinuman ang nagawang tumanggap sa Akin, kahit pa ang Aking saloobin ay taos-puso at ang Aking mga salita ay malumanay. Sinusubukan ng bawat isa na gawin ang gawaing ipinagkatiwala Ko sa kanila alinsunod sa kanilang sariling mga ideya; hindi nila hinahanap ang Aking mga layunin, at lalong hindi nila itinatanong kung ano ang hinihingi Ko sa kanila. Sinasabi pa rin nilang naglilingkod sila nang tapat sa Akin, habang silang lahat ay naghihimagsik laban sa Akin. Marami ang naniniwala na ang mga katotohanan na hindi katanggap-tanggap sa kanila o hindi nila kayang isagawa ay hindi mga katotohanan. Sa ganitong uri ng mga tao, ang Aking mga katotohanan ay nagiging bagay na itinatatwa at tinatanggihan. Kasabay nito, kinikilala Ako ng mga tao bilang Diyos sa salita, ngunit naniniwala din sila na Ako ay isang tagalabas na hindi ang katotohanan, ang daan, o ang buhay. Walang nakaaalam sa katotohanang ito: Ang Aking mga salita ay ang katotohanang hindi magbabago kailanman. Ako ang panustos ng buhay para sa tao at ang tanging gabay para sa sangkatauhan. Ang halaga at kahulugan ng Aking mga salita ay hindi itinatakda batay sa kung kinikilala at tinatanggap ba ng sangkatauhan ang mga ito, kundi batay sa diwa ng mismong mga salita. Kahit na wala ni isang tao sa daigdig na ito ang kayang tumanggap sa Aking mga salita, ang halaga ng Aking mga salita at ang tulong ng mga ito sa sangkatauhan ay hindi masusukat ng sinumang tao. Samakatwid, kapag nahaharap sa maraming tao na naghihimagsik laban, nagpapabulaan, o lubos na nanghahamak sa Aking mga salita, ang Aking saloobin ay ito lamang: Hayaan ang panahon at mga katunayan ang maging saksi Ko at magpatunay na ang Aking mga salita ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Hayaang patunayan ng mga ito na ang lahat ng Aking sinabi ay tama, at na ito ang dapat na taglayin ng tao, at, higit pa rito, ito ang dapat tanggapin ng tao. Hahayaan Ko ang lahat ng sumusunod sa Akin na malaman ang katunayang ito: Ang mga hindi kayang tumanggap nang lubos sa Aking mga salita, ang mga hindi kayang isagawa ang Aking mga salita, ang mga hindi makahanap ng layon sa Aking mga salita, at ang mga hindi makatanggap sa biyaya ng kaligtasan dahil sa Aking mga salita, ay ang mga kinokondena ng Aking mga salita; higit pa rito, ang mga ito ang nawalan ng biyaya ng Aking kaligtasan, at hindi kailanman malilihis ang Aking tungkod mula sa kanila.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Ninyong Isaalang-alang ang Inyong mga Gawa