B. Tungkol sa Kung Paano Isagawa ang Katotohanan, Unawain ang Katotohanan at Pumasok sa Realidad
344. Ngayon ang Kapanahunan ng Kaharian. Nakapasok ka man sa bagong kapanahunang ito ay depende sa kung nakapasok ka sa realidad ng mga salita ng Diyos, kung naging buhay realidad mo ang Kanyang mga salita. Ang mga salita ng Diyos ay ipinapaalam sa bawat tao upang, sa huli, lahat ng tao ay mabuhay sa mundo ng mga salita ng Diyos, at liliwanagan at tatanglawan ng Kanyang mga salita ang kalooban ng bawat tao. Kung, sa panahong ito, hindi ka maingat sa pagbasa sa mga salita ng Diyos, at wala kang interes sa Kanyang mga salita, nagpapakita ito na mali ang iyong kalagayan. Kung hindi ka makapasok sa Kapanahunan ng Salita, hindi gumagawa sa iyo ang Banal na Espiritu; kung nakapasok ka sa kapanahunang ito, gagawin Niya ang Kanyang gawain. Ano ang magagawa mo sa pagsisimula ng Kapanahunan ng Salita upang matamo ang gawain ng Banal na Espiritu? Sa kapanahunang ito, at sa gitna ninyo, isasakatuparan ng Diyos ang sumusunod na katunayan: na bawat tao ay isasabuhay ang mga salita ng Diyos, maisasagawa ang katotohanan, at taimtim na mamahalin ang Diyos; na gagamitin ng lahat ng tao ang mga salita ng Diyos bilang pundasyon at bilang kanilang realidad, at magkakaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso; at na, sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga salita ng Diyos, gagamit ang tao ng pangharing kapangyarihan kasama ang Diyos. Ito ang gawaing isasakatuparan ng Diyos. Makakaya mo bang magpatuloy nang hindi binabasa ang mga salita ng Diyos? Ngayon, pakiramdam ng marami ay hindi nila kayang magpatuloy nang kahit isa o dalawang araw lamang nang hindi binabasa ang Kanyang mga salita. Kailangan nilang basahin ang Kanyang mga salita araw-araw, at kung hindi tutulutan ng panahon, sasapat nang makinig sila sa mga ito. Ito ang pakiramdam na ibinibigay ng Banal na Espiritu sa mga tao, at ito ang paraan na sinisimulan Niya silang antigin. Ibig sabihin, pinamamahalaan Niya ang mga tao sa pamamagitan ng mga salita, nang sa gayon ay makapasok sila sa realidad ng mga salita ng Diyos. Kung, pagkaraan ng kahit isang araw lamang na hindi kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, makadarama ka ng kadiliman at pagkauhaw, at hindi mo ito matatagalan, ipinakikita nito na naantig ka na ng Banal na Espiritu, at na hindi ka pa Niya tinatalikuran. Ikaw, kung gayon, ay isang tao na nasa daloy na ito. Gayunman, kung pagkaraan ng isa o dalawang araw nang hindi kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, wala kang anumang nadarama, kung hindi ka nauuhaw, at ni hindi ka man lamang naaantig, nagpapakita ito na tinalikuran ka na ng Banal na Espiritu. Nangangahulugan ito, kung gayon, na may hindi tama sa kalagayang nasa iyong kalooban; hindi ka pa nakapasok sa Kapanahunan ng Salita, at isa ka sa mga yaong naiwan. Gumagamit ang Diyos ng mga salita upang pamahalaan ang mga tao; maganda ang iyong pakiramdam kung kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos, at kung hindi, wala kang landas na susundan. Ang mga salita ng Diyos ay nagiging pagkain ng mga tao, at ang puwersang nagtutulak sa kanila. Sinasabi sa Bibliya na “Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Diyos” (Mateo 4:4). Ngayon, tatapusin ng Diyos ang gawaing ito, at isasakatuparan Niya ang katotohanang ito sa inyo. Paano nakakatagal ang mga tao nang maraming araw, noong araw, nang hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos subalit nakakakain at nakakagawa pa rin tulad ng dati, ngunit hindi ganito ang nangyayari ngayon? Sa kapanahunang ito, mga salita ang pangunahing ginagamit ng Diyos upang pamahalaan ang lahat. Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, hinahatulan at ginagawang perpekto ang tao, pagkatapos ay dinadala sa kaharian sa huli. Tanging ang mga salita ng Diyos ang makapagtutustos sa buhay ng tao, at mga salita lamang ng Diyos ang makakapagbigay sa tao ng liwanag at isang landas para magsagawa, lalo na sa Kapanahunan ng Kaharian. Basta’t hindi ka lumalayo mula sa realidad ng mga salita ng Diyos, at kumakain at umiinom ka ng Kanyang mga salita araw-araw, magagawa kang perpekto ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita
345. Sa loob ng mga salita ng Diyos ay ang mga katotohanang kailangang taglayin ng tao, mga bagay na lubhang kapaki-pakinabang at nakakatulong sa sangkatauhan, ito ang pampalakas at panustos na kailangan ng inyong katawan, mga bagay na tumutulong sa panunumbalik ng normal na pagkatao ng tao, at ang mga katotohanan na dapat taglayin ng tao. Habang lalo ninyong isinasagawa ang salita ng Diyos, lalong bumibilis ang pamumukadkad ng inyong buhay, at lalong lumilinaw ang katotohanan. Habang lumalago ang inyong tayog, makikita ninyo nang mas malinaw ang mga bagay ng espirituwal na mundo, at lalo kayong lalakas upang magtagumpay laban kay Satanas. Karamihan sa katotohanang hindi ninyo nauunawaan ay lilinaw kapag isinasagawa ninyo ang salita ng Diyos. Karamihan sa mga tao ay nasisiyahan na maunawaan lamang ang teksto ng salita ng Diyos at magtuon sa pagsasangkap sa kanilang sarili ng mga doktrina sa halip na palalimin ang kanilang karanasan sa pagsasagawa, ngunit hindi ba iyon ang paraan ng mga Pariseo? Kung ginagawa nila ito makakamit ba nila ang realidad ng pariralang “Ang salita ng Diyos ay buhay”? Hindi makalalago ang buhay ng isang tao sa pagbabasa lamang ng salita ng Diyos, kundi kapag isinasagawa lamang niya ang salita ng Diyos. Kung ang pananampalataya mo ay na ang pag-unawa lamang sa salita ng Diyos ang kailangan upang magkaroon ng buhay at tayog, may depekto ang pang-unawa mo. Nangyayari ang tunay na pagkaunawa sa salita ng Diyos kapag isinasagawa mo ang katotohanan, at kailangan mong maunawaan na “sa pagsasagawa lamang ng katotohanan ito maaaring maunawaan.” Sa araw na ito, matapos basahin ang salita ng Diyos, masasabi mo lamang na alam mo ang salita ng Diyos, ngunit hindi mo masasabi na nauunawaan mo ito. Sinasabi ng ilan na dapat munang maunawaan ng isang tao ang katotohanan bago niya ito maisagawa, ngunit medyo tama lamang ito, at walang dudang hindi ganap na tumpak. Bago ka magkaroon ng kaalaman tungkol sa isang katotohanan, hindi mo pa nararanasan ang katotohanang iyon. Ang pakiramdam na nauunawaan mo ang isang bagay na naririnig mo sa isang sermon ay hindi tunay na pagkaunawa—pagtataglay lamang ito ng literal na mga salita ng katotohanan, at hindi kagaya ng pagkaunawa sa tunay na kahulugan niyon. Hindi dahil mayroon kang paimbabaw na kaalaman tungkol sa katotohanan ay talagang nauunawaan mo na ito o may kaalaman ka na tungkol dito; ang tunay na kahulugan ng katotohanan ay nanggagaling mula sa pagdanas nito. Samakatwid, kapag naranasan mo na ang katotohanan, saka mo lamang ito mauunawaan, at saka mo lamang maaarok ang mga natatagong bahagi nito. Ang pagpapalalim ng iyong karanasan ang tanging paraan upang maarok ang mga konotasyon at ang diwa ng katotohanan. Samakatuwid, makakapunta ka kahit saan na dala ang katotohanan, ngunit kung wala ang katotohanan sa iyo, huwag mong isiping kumbinsihin kahit ang iyong mga kapamilya, lalo na ang mga relihiyosong tao. Kung wala sa iyo ang katotohanan, para kang lilipad-lipad na niyebe, ngunit kapag nasa iyo ang katotohanan maaari kang maging masaya at malaya, at walang maaaring umatake sa iyo. Gaano man katibay ang isang teorya, hindi nito madaraig ang katotohanan. Kung mayroong katotohanan, ang mundo mismo ay maaaring yanigin at ang mga bundok at dagat ay maaaring ilipat, samantalang kung walang katotohanan ay maaaring durugin ng mga uod ang matitibay na pader ng lungsod. Ito ay isang malinaw na katotohanan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Sandaling Maunawaan Ninyo ang Katotohanan, Dapat Ninyo Itong Isagawa
346. Hindi lamang kakayahang magsalita tungkol sa realidad ang kinakailangan ng Diyos sa mga tao; napakadali sana niyan, hindi ba? Kung gayon, bakit binabanggit ng Diyos ang buhay pagpasok? Bakit Siya nagsasalita tungkol sa pagbabago? Kung ang kaya lamang ng mga tao ay hungkag na pananalita tungkol sa realidad, magkakamit ba sila ng pagbabago sa kanilang disposisyon? Ang mabubuting kawal ng kaharian ay hindi sinanay na maging isang grupo ng mga tao na kaya lamang magsalita tungkol sa realidad o magyabang; sa halip, sinanay silang isabuhay ang mga salita ng Diyos sa lahat ng oras, manatiling hindi sumusuko anumang mga dagok ang kinakaharap nila, at patuloy na mamuhay alinsunod sa mga salita ng Diyos at hindi na bumalik sa mundo. Ito ang realidad na sinasabi ng Diyos; ito ang kinakailangan ng Diyos sa tao. Sa gayon, huwag ituring na napakadali ng realidad na binabanggit ng Diyos. Ang kaliwanagan lamang mula sa Banal na Espiritu ay hindi kapantay ng pagtataglay ng realidad. Hindi gayon ang tayog ng tao—ito ang biyaya ng Diyos, kung saan walang iniaambag ang tao. Bawat tao ay kailangang tiisin ang mga pagdurusa ni Pedro, at, higit pa rito, taglayin ang kaluwalhatian ni Pedro, na kanilang isinasabuhay matapos nilang matamo ang gawain ng Diyos. Ito lamang ang matatawag na realidad. Huwag isipin na taglay mo ang realidad dahil lamang sa kaya mong magsalita tungkol dito; maling akala iyan. Ang gayong mga saloobin ay hindi naaayon sa mga layunin ng Diyos at walang tunay na kabuluhan. Huwag mong sabihin ang gayong mga bagay sa hinaharap—pawiin ang gayong mga kasabihan! Lahat ng may kakatwang pagkaunawa sa mga salita ng Diyos ay mga walang pananampalataya. Wala silang anumang tunay na kaalaman, lalo nang walang anumang totoong tayog; sila ay mga mangmang na walang realidad. Sa madaling salita, lahat ng nabubuhay sa labas ng diwa ng mga salita ng Diyos ay mga walang pananampalataya. Yaong mga itinuturing ng mga tao na walang pananampalataya ay mga hayop sa mga mata ng Diyos, at yaong mga itinuturing ng Diyos na mga walang pananampalataya ay mga taong walang mga salita ng Diyos bilang kanilang buhay. Kung gayon ay masasabi na yaong mga hindi nagtataglay ng realidad ng mga salita ng Diyos at bigong isabuhay ang Kanyang mga salita ay mga walang pananampalataya. Ang hiling ng Diyos ay ipasabuhay sa lahat ang realidad ng Kanyang mga salita—hindi lamang basta mapagsalita ang lahat tungkol sa realidad, kundi, higit pa riyan, bigyang kakayahan ang lahat na isabuhay ang realidad ng Kanyang mga salita.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan ang Pagtataglay ng Realidad
347. Ang makarating sa tunay na pagkaunawa sa mga salita ng Diyos ay hindi simpleng bagay. Huwag kang mag-isip nang ganito: “Naipapaliwanag ko ang literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos, at sinasabi ng lahat na magaling ang aking pagpapaliwanag, at sinasang-ayunan nila ako, kaya ibig sabihin nito ay nauunawaan ko ang mga salita ng Diyos.” Hindi ito kapareho ng pag-unawa sa mga salita ng Diyos. Kung nakatamo ka na ng kaunting liwanag mula sa mga pagbigkas ng Diyos, at medyo naunawaan mo na ang tunay na kahulugan ng mga salita Niya, at kung naipapahayag mo ang layunin sa likod ng mga salita Niya at kung ano ang ibubunga ng mga ito sa huli—kung mayroon kang malinaw na pagkaunawa sa lahat ng bagay na ito—maituturing ka nang nagtataglay ng kaunting pagkaunawa sa mga salita ng Diyos. Kaya, hindi ganoon kasimple ang maunawaan ang mga salita ng Diyos. Hindi dahil nakapagbibigay ka ng mabulaklak, malabis na paliwanag sa literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos ay nangangahulugang nauunawaan mo ang mga ito. Gaano mo man maipaliwanag ang literal na kahulugan ng mga ito, nakabatay pa rin ang iyong paliwanag sa imahinasyon at paraan ng pag-iisip ng tao. Walang silbi ito! Paano mo mauunawaan ang mga salita ng Diyos? Ang susi ay hanapin ang katotohanang nakapaloob sa mga iyon. Sa gayong paraan mo lamang tunay na mauunawaan ang mga salita ng Diyos. Hindi kailanman nagsasabi ang Diyos ng mga salitang walang kabuluhan. Bawat pangungusap na binibigkas Niya ay naglalaman ng mga detalye na tiyak na ilalantad pa sa Kanyang mga salita, at maaaring maipahayag ang mga ito sa ibang paraan. Hindi maaarok ng tao ang mga paraan ng pagpapahayag ng Diyos ng katotohanan. Ang mga pagbigkas ng Diyos ay napakalalim at hindi madaling maaarok gamit ang pag-iisip ng tao. Maaaring matuklasan ng mga tao ang halos buong kahulugan ng bawat aspekto ng katotohanan basta’t pinagsisikapan nila. Ang natitirang mga detalye ay pupunan sa kanilang mga susunod na karanasan, sa pamamagitan ng pagbibigay-liwanag ng Banal na Espiritu. Ang isang bahagi ay pagninilay at pag-unawa sa mga salita ng Diyos at paghahanap sa partikular na nilalaman ng mga ito sa pamamagitan ng pagbabasa sa mga ito. Ang isa pang bahagi ay pag-unawa sa kahulugan ng mga salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagdanas sa mga ito at pagtatamo ng kaliwanagan mula sa Banal na Espiritu. Sa pamamagitan ng patuloy na pag-unlad sa dalawang aspektong ito, unti-unti mong mauunawaan ang salita ng Diyos. Kung binibigyang-kahulugan mo ito nang literal at ayon sa teksto o mula sa sarili mong pag-iisip o mga imahinasyon, kahit ipaliwanag mo ito sa mabulaklak na pananalita, hindi mo pa rin talaga nauunawaan ang katotohanan, at batay pa ring lahat iyon sa pag-iisip at mga imahinasyon ng tao. Hindi iyon natamo mula sa kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Malamang na bigyang-kahulugan ng mga tao ang mga salita ng Diyos batay sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, at maaari pa silang magkamali ng pakahulugan sa mga salita ng Diyos nang wala sa konteksto, kaya malamang ay magkamali sila ng pagkaunawa at manghusga sa Diyos, at problema ito. Samakatwid, ang katotohanan ay natatamo higit sa lahat sa pamamagitan ng pag-unawa sa mga salita ng Diyos at ng pagiging nabigyang-liwanag ng Banal na Espiritu. Ang magawang maunawaan at maipaliwanag ang literal na kahulugan ng salita ng Diyos ay hindi nangangahulugan na natamo mo na ang katotohanan. Kung ang pag-unawa sa literal na kahulugan ng salita ng Diyos ay nangangahulugan na naunawaan mo ang katotohanan, mangangailangan ka lang ng kaunting pag-aaral at kaalaman, kaya bakit mo kakailanganin ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu? Ang gawain ba ng Diyos ay isang bagay na maaarok ng isipan ng tao? Samakatwid, ang pag-unawa sa katotohanan ay hindi batay sa mga kuru-kuro o imahinasyon ng tao. Kailangan mo ng kaliwanagan, pagtanglaw, at gabay ng Banal na Espiritu para magkaroon ka ng tunay na kaalamang batay sa karanasan. Ito ang proseso ng pag-unawa at pagtatamo sa katotohanan, at isa rin itong kinakailangang kondisyon.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao
348. Kung marami na kayong nabasang salita ng Diyos ngunit nauunawaan lamang ninyo ang kahulugan ng mga salita at at hindi ninyo sinusubukan na danasin ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng mga totoong tagpo, hindi mo malalaman ang salita ng Diyos. Para sa iyo, ang salita ng Diyos ay hindi buhay, kundi mga salita lamang na walang buhay. At kung ang ipamumuhay mo ay mga salita lamang na walang buhay, hindi mo mauunawaan ang diwa ng salita ng Diyos, ni mauunawaan ang Kanyang mga layunin. Kapag naranasan mo na ang Kanyang salita sa iyong mga tunay na karanasan, saka lamang kusang mahahayag sa iyo ang espirituwal na kahulugan ng salita ng Diyos, at sa pamamagitan lamang ng karanasan mo mauunawaan ang espirituwal na kahulugan ng maraming katotohanan at mabubuksan ang mga hiwaga ng salita ng Diyos. Kung hindi mo ito isasagawa, gaano man kalinaw ang Kanyang salita, ang tanging nasa kamay mo ay mga hungkag na salita at doktrina, na naging mga tuntuning pangrelihiyon na sa iyo. Hindi ba ito ang ginawa ng mga Pariseo? Kung isinasagawa at nararanasan ninyo ang salita ng Diyos, nagiging praktikal ito sa inyo; kung hindi ninyo hinahangad isagawa ito, hihigit lang nang kaunti sa alamat ng ikatlong langit ang salita ng Diyos para sa iyo. Sa katunayan, ang proseso ng pananampalataya sa Diyos ay ang proseso ng inyong pagdanas sa Kanyang salita gayundin ang pagiging nakamit Niya, o para mas maliwanag, ang manampalataya sa Diyos ay ang magkaroon ng kaalaman at pagkaunawa sa Kanyang salita at ang maranasan at isabuhay ang Kanyang salita; ganyan ang realidad sa likod ng inyong pananampalataya sa Diyos. Kung kayo ay nananampalataya sa Diyos at umaasa lang sa buhay na walang hanggan nang hindi naghahangad na isagawa ang salita ng Diyos at pumasok sa katotohanang realidad, kayo ay hangal. Magiging para itong pagpunta sa isang piging at pagtingin lamang sa masasarap na pagkain at pagtatala nito sa isipan, nang hindi aktuwal na tinitikman ang mga ito, o kinakain o iniinom ang anuman sa mga ito. Hindi ba hangal ang gayong tao?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Sandaling Maunawaan Ninyo ang Katotohanan, Dapat Ninyo Itong Isagawa
349. Ang hinihingi ng Diyos sa mga tao ay hindi ganoon katayog. Hangga’t masipag at taos-pusong nagsasagawa ang mga tao, tatanggap sila ng “pasadong marka.” Ang totoo, mas kumplikado pa ang pagtatamo ng pagkaunawa, kaalaman, at pagkaintindi sa katotohanan kaysa sa pagsasagawa ng katotohanan. Isagawa mo muna ang sa abot ng nauunawaan mo at isagawa kung anong naintindihan mo. Sa ganitong paraan, magagawa mong unti-unting makamit ang tunay na kaalaman at pagkaintindi sa katotohanan. Ito ang mga hakbang at kaparaanan kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu. Kung hindi mo isasagawa ang pagpapasakop sa ganitong paraan, wala kang makakamit. Kung lagi kang kumikilos ayon sa sarili mong kagustuhan, at hindi isinasagawa ang pagpapasakop, gagawa ba ang Banal na Espiritu sa loob mo? Gumagawa ba ang Banal na Espiritu ayon sa gusto mo? O gumagawa ba Siya ayon sa kung ano ang kulang sa iyo, at batay sa mga salita ng Diyos? Kung hindi ito malinaw sa iyo, hindi ka makakapasok sa katotohanang realidad. Bakit ba labis na nagsisikap ang karamihan sa mga tao sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, ngunit nagkamit lamang ng kaalaman at walang masabing anuman tungkol sa isang tunay na landas pagkatapos? Sa palagay mo, ang pagkakaroon ba ng kaalaman ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng katotohanan? Hindi ba ito isang magulong pananaw? Nagagawa mong magsabi ng kaalaman na kasingdami ng buhangin sa dalampasigan, subalit wala sa mga ito ang nagtataglay ng anumang tunay na landas. Hindi ka ba nagtatangkang linlangin ang mga tao sa pamamagitan ng paggawa nito? Hindi ka ba gumagawa ng isang walang kabuluhang palabas na walang anumang diwang sumusuporta rito? Ang lahat ng ganitong pag-uugali ay nakapipinsala sa mga tao! Kapag mas mataas ang teorya at mas walang katotohanan, mas walang kakayahan ito na dalhin ang mga tao sa realidad. Kapag mas mataas ang teorya, lalo ka nitong itutulak na maghimagsik laban at sumalungat sa Diyos. Huwag mong tangkilikin ang espirituwal na teorya—wala itong kabuluhan! Pinag-uusapan ng ilang tao ang tungkol sa espirituwal na teorya sa loob ng mga dekada, at sila’y naging mga malalaking espiritwal na personalidad, subalit sa huli, bigo pa rin silang makapasok sa katotohanang realidad. Dahil hindi nila isinagawa o naranasan ang mga salita ng Diyos, wala silang mga prinsipyo o landas sa pagsasagawa. Walang katotohanang realidad ang mga taong kagaya nito, kaya paano nila maaakay ang ibang tao sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos? Ang kaya lamang nila ay iligaw ang mga tao. Hindi ba ito pagpinsala sa iba at sa kanilang sarili? Kahit papaano man lang, dapat magawa mong lutasin ang mga totoong problema na nasa harapan mo mismo. Ibig sabihin, dapat magawa mong isagawa at maranasan ang mga salita ng Diyos, at maisagawa ang katotohanan. Ito lamang ang pagpapasakop sa Diyos. Magiging kwalipikado ka lamang magtrabaho para sa Diyos kapag mayroon ka nang buhay pagpasok, at sasang-ayunan ka lamang ng Diyos kapag taos-puso kang gumugol para sa Diyos. Huwag kang laging magbitiw ng matatayog na salita at magsalita ng mabulaklak na teorya; hindi ito totoo. Ang pagmamarunong sa espirituwal na teorya para hangaan ka ng mga tao ay hindi pagpapatotoo sa Diyos, kundi pagpapakitang-gilas. Hinding-hindi ito kapaki-pakinabang sa mga tao at hindi nakapagpapatibay sa kanila, at madali silang maibubuyo nito para sumamba sa espirituwal na teorya at hindi tumuon sa pagsasagawa ng katotohanan—at hindi ba ito pagliligaw sa mga tao? Kung magpapatuloy nang ganito, lilitaw ang napakaraming walang kabuluhang teorya at tuntunin na pipigil at sisilo sa mga tao; ito’y tunay na pasakit. Kaya lalong magsabi ng totoo, magsalita pa tungkol sa mga problemang talagang umiiral, gumugol pa ng mas maraming oras sa paghahanap ng katotohanan para malutas ang mga totoong problema; ito ang pinakamahalaga. Huwag ipagpaliban na matutong isagawa ang katotohanan: Ito ang landas sa pagpasok sa realidad. Huwag mong angkinin bilang sarili mong pribadong pag-aari ang karanasan at kaalaman ng ibang tao at huwag ipagmalaki ang mga ito upang hangaan ng iba. Dapat magkaroon ka ng sarili mong buhay pagpasok. Sa pamamagitan lamang ng pagsasagawa ng katotohanan at pagpapasakop sa Diyos ka magkakaroon ng pagpasok sa buhay. Ito ang dapat isinasagawa at pinagtutuunan ng bawat tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Magtuon ng Higit na Pansin sa Realidad
350. Kalakip ba ng sariling mga kalagayan ang inyong pagkaunawa sa katotohanan? Sa totoong buhay, dapat mo munang isipin kung aling mga katotohanan ang nauugnay sa mga tao, pangyayari, at bagay na iyong nakaharap na; matatagpuan mo sa mga katotohanang ito ang mga layunin ng Diyos at maiuugnay sa Kanyang mga layunin kung ano ang iyong nakaharap na. Kung hindi mo nalalaman kung aling mga aspekto ng katotohanan ang nauugnay sa mga bagay na iyong nakaharap na subalit sa halip ay dumiretso sa paghahanap sa mga layunin ng Diyos, isang bulag na pamamaraan ito na hindi makapagkakamit ng mga resulta. Kung nais mong hanapin ang katotohanan at maunawaan ang mga layunin ng Diyos, kailangan mo munang tingnan kung anong uri ng mga bagay ang nangyari na sa iyo, sa aling mga aspekto ng katotohanan nauugnay ang mga ito, at hanapin ang partikular na katotohanan sa salita ng Diyos na nauugnay sa kung anong naranasan mo na. At pagkatapos ay hanapin mo ang landas ng pagsasagawa na naaayon para sa iyo sa katotohanang iyon; sa ganitong paraan ay makakamit mo ang isang di-tuwirang pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos. Ang paghahanap at pagsasagawa sa katotohanan ay hindi pagsasabuhay ng isang doktrina nang wala sa loob o pagsunod sa isang pormula. Ang katotohanan ay hindi gaya ng isang pormula, hindi rin ito isang batas. Hindi ito patay—ito ay buhay mismo, ito ay isang buhay na bagay, at ito ang patakaran na dapat sundin ng isang nilikha habang nabubuhay at ang patakaran na dapat taglayin ng isang tao habang nabubuhay. Isang bagay ito na dapat mong, hangga’t maaari, ay maunawaan sa pamamagitan ng karanasan. Ano mang yugto ang narating mo na sa iyong karanasan, hindi ka maihihiwalay sa salita ng Diyos o sa katotohanan, at kung ano ang iyong pagkaunawa sa disposisyon ng Diyos at kung ano ang iyong nalalaman sa kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos ay ipinahahayag lahat sa mga salita ng Diyos; nauugnay ang mga ito nang hindi maihihiwalay sa katotohanan. Ang disposisyon ng Diyos at kung ano ang mayroon at kung ano Siya ay, mismong, ang katotohanan; ang katotohanan ay isang tunay na pagpapamalas ng disposisyon ng Diyos at ng kung ano ang mayroon at kung ano Siya. Ginagawa nitong kongkreto ang kung ano ang mayroon at kung ano Siya, at malinaw nitong ipinahahayag ang kung ano ang mayroon at kung ano Siya; sinasabi nito sa iyo nang mas tuwiran kung ano ang gusto ng Diyos, kung ano ang hindi Niya gusto, kung ano ang nais Niyang gawin mo at kung ano ang hindi Niya pinahihintulutang gawin mo, kung anong mga tao ang kinamumuhian Niya at kung anong mga tao ang kinagigiliwan Niya. Sa likod ng mga katotohanang ipinahahayag ng Diyos, makikita ng tao ang Kanyang kagalakan, galit, kalungkutan, at kasiyahan, gayundin ang Kanyang diwa—ito ang paghahayag ng Kanyang disposisyon. Maliban sa pagkaalam sa kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos, at pagkaunawa sa Kanyang disposisyon mula sa Kanyang salita, ang pinakamahalaga ay ang pangangailangan na marating ang pagkaunawang ito sa pamamagitan ng praktikal na karanasan. Kung inaalis ng isang tao ang kanyang sarili mula sa tunay na buhay upang makilala ang Diyos, hindi nila makakamit ang kaalaman sa Diyos. Kahit na may mga tao na makapagkakamit ng kaunting pagkaunawa mula sa salita ng Diyos, ang kanilang pagkaunawa ay limitado sa mga teorya at salita, at lumilitaw ang pagkakaiba sa kung ano talaga ang Diyos Mismo.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III
351. Magmula nang maniwala ang mga tao sa Diyos, nagkimkim na sila ng maraming maling intensyon. Kapag hindi mo isinasagawa ang katotohanan, nararamdaman mong lahat ng iyong layunin ay tama, ngunit kapag may nangyari sa iyo, makikita mong maraming maling intensyon sa kalooban mo. Kaya, kapag ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao, sinasanhi Niya na matanto nila na maraming kuru-kuro sa kanilang kalooban na humahadlang sa kanilang pagkakilala sa Diyos. Kapag natatanto mong mali ang iyong mga intensyon, kung nagagawa mong itigil ang pagsasagawa ayon sa iyong mga kuru-kuro at intensyon, at nagagawa mong magpatotoo sa Diyos at panindigan ang iyong posisyon sa lahat ng nangyayari sa iyo, nagpapatunay ito na nalabanan mo na ang laman. Kapag nilalabanan mo ang laman, tiyak na magkakaroon ng isang labanan sa iyong kalooban. Susubukang himukin ni Satanas ang mga tao na sundin ito, susubukan sila nitong utusan na sundin ang mga kuru-kuro ng laman at panindigan ang mga interes ng laman—ngunit liliwanagan at paliliwanagin ng mga salita ng Diyos ang kalooban ng mga tao, at sa oras na ito ay nasa iyo na kung susundin mo ang Diyos o susundin si Satanas. Hinihingi ng Diyos sa mga tao na isagawa ang katotohanan, pangunahin upang pungusan ang mga bagay na nasa kalooban nila, upang pungusan ang kanilang mga kaisipan at mga kuru-kuro na hindi naaayon sa mga layunin ng Diyos. Pinupukaw ng Banal na Espiritu ang mga tao sa kanilang puso, at nililiwanagan at pinaliliwanag sila. Kaya sa likod ng lahat ng bagay na nangyayari ay isang labanan: Tuwing isinasagawa ng mga tao ang katotohanan, o isinasagawa ang pagmamahal sa Diyos, mayroong isang malaking labanan, at bagama’t maaaring mukhang maayos ang lahat sa kanilang laman, sa kaibuturan ng kanilang mga puso, sa katunayan ay nagpapatuloy ang isang labanan sa pagitan ng buhay at kamatayan—at matapos lamang ng matinding labanang ito, matapos ang napakaraming pagmumuni-muni, saka mapagpapasyahan ang tagumpay o pagkatalo. Hindi alam ng isang tao kung tatawa o hihikbi. Dahil marami sa mga intensyon na nasa kalooban ng mga tao ang mali, o kaya’y dahil marami sa gawain ng Diyos ang taliwas sa kanilang mga kuru-kuro, kapag isinagawa ng mga tao ang katotohanan, isang malaking labanan ang nagaganap sa likod ng mga eksena. Matapos maisagawa ang katotohanang ito, sa likod ng mga eksena, hindi na mabilang ang mga patak ng luhang ibinuhos ng mga tao dahil sa kalungkutan bago nila tuluyang napagpasyahan na bigyang-kasiyahan ang Diyos. Dahil sa labanang ito kung kaya’t dumaranas ang mga tao ng paghihirap at pagdadalisay; ito ay totoong pagdurusa. Kapag nangyari sa iyo ang labanan, kung magagawa mong tunay na pumanig sa Diyos, magagawa mong bigyan ng kasiyahan ang Diyos. Habang isinasagawa ang katotohanan, tiyak na magdurusa ang kalooban ng isang tao; kung, kapag isinagawa nila ang katotohanan, ang lahat ng nasa kalooban ng mga tao ay tama, hindi na sila kailangan pang gawing perpekto ng Diyos, at hindi magkakaroon ng labanan, at hindi sila magdurusa. Dahil maraming bagay sa kalooban ng tao ang hindi akmang gamitin ng Diyos, at dahil maraming mapaghimagsik na disposisyon ng laman, kung kaya’t kailangang mas malalim na matutunan ng tao ang aral ng paghihimagsik laban sa laman. Ito ang tinatawag ng Diyos na paghihirap na Kanyang hiningi sa tao na pagdaanan kasama Niya. Kapag nakakaranas ka ng mga paghihirap, magmadali kang manalangin sa Diyos: “O Diyos! Nais kong magbigay-kasiyahan sa Iyo, nais kong tiisin ang sukdulang paghihirap upang makapagbigay-kasiyahan sa Iyong puso, at gaano man kalaki ang mga dagok na aking makatagpo, kailangan ko pa ring magbigay-kasiyahan sa Iyo. Kahit na kailanganin ko pang ibigay ang aking buong buhay, kailangan ko pa ring magbigay-kasiyahan sa Iyo!” Kapag may ganito kang kapasyahan, kapag nananalangin ka nang ganito, magagawa mong panindigan ang iyong patotoo. Tuwing isinasagawa nila ang katotohanan, tuwing sumasailalim sila sa pagpipino, tuwing sinusubok sila, at tuwing dumarating sa kanila ang gawain ng Diyos, kailangang magtiis ang mga tao ng matinding sakit. Ang lahat ng ito ay isang pagsubok para sa mga tao, at kaya sa loob nilang lahat ay may isang digmaan. Ito ang aktwal na halagang kanilang binabayaran. Ang higit pang pagbabasa ng mga salita ng Diyos at higit pang pag-aabala ay bahagi ng kabayarang iyon. Ito ang nararapat gawin ng mga tao, tungkulin nila ito, at ang pananagutan na dapat nilang tuparin, ngunit dapat na isantabi ng mga tao iyong nasa loob nila na kailangang maisantabi. Kung hindi, gaano man katindi ang iyong panlabas na pagdurusa, gaano ka man magpakaabala, ang lahat ay mawawalan ng kabuluhan! Na ang ibig sabihin, tanging ang mga pagbabago sa iyong kalooban ang makapagsasabi kung may halaga ang iyong panlabas na paghihirap. Kapag nagbago na ang iyong panloob na disposisyon at naisagawa mo na ang katotohanan, magkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos ang lahat ng iyong panlabas na paghihirap; kung walang naging pagbabago sa iyong panloob na disposisyon, kahit gaano karaming paghihirap ang iyong tiisin o gaano ka man magpakaabala sa panlabas, walang magiging pagsang-ayon mula sa Diyos—at ang paghihirap na hindi pinagtibay ng Diyos ay walang kabuluhan. Kaya, kung sinasang-ayunan ng Diyos ang halaga na iyong ibinayad ay malalaman sa pamamagitan ng kung nagkaroon na ba ng pagbabago sa iyo o hindi, at kung isinasagawa mo ba ang katotohanan o hindi at kung lumalaban ka ba sa sarili mong mga intensyon at mga kuru-kuro upang makamit ang pagsasakatuparan ng mga layunin ng Diyos, ang pagkakilala sa Diyos, at ang katapatan sa Diyos. Gaano man ang iyong pag-aabala, kung hindi mo pa kailanman nagawang labanan ang sarili mong mga intensyon, kundi naghahanap ka lamang ng panlabas na mga aksyon at sigasig, at hindi kailanman nagbibigay-pansin sa iyong buhay, ang iyong paghihirap ay walang kabuluhan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos
352. Para maging tumpak, ang pagtahak sa landas ni Pedro sa pananalig ng isang tao ay nangangahulugan ng pagtahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan, na siya ring landas para tunay niyang makilala ang kanyang sarili at mabago ang kanyang disposisyon. Sa pamamagitan lamang ng pagtahak sa landas ni Pedro mapupunta ang isang tao sa landas ng pagpeperpekto ng Diyos. Dapat maging malinaw sa isang tao kung paano ba talaga tumahak sa landas ni Pedro, gayundin kung paano ito isagawa. Una, dapat munang isantabi ng isang tao ang kanyang mga sariling intensyon, mga di-wastong paghahangad, at maging ang kanyang pamilya at lahat ng bagay na para sa kanyang sariling laman. Dapat buong-pusong mag-ukol ang isang tao; na ang ibig sabihin, kailangang ganap niyang ilaan ang kanyang sarili sa salita ng Diyos, magtuon sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, tumutok sa paghahanap sa katotohanan at sa mga pagnanais ng Diyos sa Kanyang mga salita, at subukang maarok ang mga layunin ng Diyos sa lahat ng bagay. Ito ang pinakapangunahin at pinakamahalagang paraan ng pagsasagawa. Ito ang ginawa ni Pedro pagkatapos niyang makita si Jesus, at sa pamamagitan lamang ng pagsasagawa sa ganitong paraan nakakamit ng isang tao ang pinakamahusay na mga resulta. Ang buong-pusong debosyon sa salita ng Diyos ay pangunahing kinapapalooban ng paghahanap sa katotohanan at sa mga pagnanais ng Diyos sa loob ng Kanyang mga salita, pagtutuon ng pansin sa pag-arok sa mga layunin ng Diyos, at pag-unawa at pagkakamit ng mas maraming katotohanan mula sa mga salita ng Diyos. Kapag binabasa ang mga salita ng Diyos, hindi nakatuon si Pedro sa pag-unawa sa mga doktrina at siya ay lalo pang hindi nakatuon sa pagkakamit ng kaalamang pangteolohiya. Sa halip, siya ay nakatuon sa pag-arok sa katotohanan at pag-arok sa mga layunin ng Diyos, gayundin sa pagtatamo ng pagkaunawa sa disposisyon at pagiging kaibig-ibig ng Diyos. Sinubukan din ni Pedro na unawain ang iba’t ibang tiwaling kalagayan ng tao mula sa mga salita ng Diyos, gayundin ang kalikasang diwa, at aktuwal na mga pagkukulang ng tao, kaya madali niyang natutugunan ang mga hinihingi ng Diyos upang mapalugod ang Diyos. Nagkaroon si Pedro ng napakaraming wastong mga pagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos. Ito ang pinakanaaayon sa mga layunin ng Diyos, at ito ang pinakamahusay na paraan ng pakikipagtulungan ng tao habang nararanasan ang gawain ng Diyos. Noong dumaranas ng daan-daang pagsubok na ipinadala ng Diyos, mahigpit na ikinumpara ni Pedro ang kanyang sarili sa bawat salita ng paghatol at paglalantad ng Diyos sa tao—at sa bawat salita ng Kanyang mga hinihingi sa tao—sinuri ang kanyang sarili, at sinikap na tumpak na unawain ang kahulugan ng mga salita ng Diyos. Masigasig niyang pinagbulay-bulayan ang lahat ng sinabi sa kanya ni Jesus, mahigpit na isinasaisip ang bawat salita—nagbunga ng napakagagandang resulta ang pamamaraang ito. Sa pagsasagawa sa ganitong paraan, nagawa niyang makilala ang kanyang sarili sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, at hindi lang niya nagawang maunawaan ang iba’t ibang tiwaling kalagayan at kakulangan ng tao, kundi nalaman din niya ang diwa at kalikasan ng tao. Ipinapakita nito na tunay na kilala ni Pedro ang sarili niya. Mula sa mga salita ng Diyos, sa isang banda, nagkamit si Pedro ng tunay na kaalaman sa sarili niya, at sa kabilang banda, nakita niya ang matuwid na disposisyong ipinahayag ng Diyos, ang mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos, ang mga layunin ng Diyos para sa Kanyang gawain, at ang mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan. Mula sa mga salitang ito ay tunay niyang nakilala ang Diyos. Nakarating siya sa pagkakilala sa disposisyon ng Diyos, at sa Kanyang diwa; nakilala at naunawaan niya ang mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos, gayundin ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos at mga hinihingi ng Diyos para sa tao. Bagama’t ang Diyos ay hindi gaanong nagsalita noong panahong iyon kagaya ng Kanyang ginagawa sa kasalukuyan, nagkaroon ng bunga kay Pedro sa mga aspektong ito. Ito ay isang bihira at napakahalagang bagay. Dumaan si Pedro sa daan-daang pagsubok; hindi siya nagdusa nang walang-saysay. Hindi lamang niya nakilala ang kanyang sarili mula sa mga salita at sa gawain ng Diyos, kundi nakilala rin niya ang Diyos. Dagdag pa riyan, sa loob ng mga salita ng Diyos ay partikular siyang nagbigay-pansin sa mga hinihingi ng Diyos sa tao at sa mga aspekto na kung saan dapat tugunan ng tao ang Diyos para maging naaayon sa mga layunin ng Diyos, at nagawa niyang pagsikapan nang husto ang mga bagay na ito, nagkakamit ng ganap na kalinawan. Lubhang kapaki-pakinabang ito pagdating sa kanyang buhay pagpasok. Alinmang aspekto ito ng mga salita ng Diyos, basta’t nagagawa ng mga salitang iyon na magsilbing buhay at katotohanan, inukit ni Pedro ang mga ito sa puso niya, kung saan niya madalas na pagbulayan at arukin ang mga ito. Nang marinig ang mga salita ni Jesus, nakaya niyang isapuso ang mga ito, na nagpapakita na siya ay espesyal na nakatuon sa mga salita ng Diyos, at tunay na nakamtan niya ang mga resulta sa huli. Ibig sabihin, nakaya niyang mahusay na isagawa ang mga salita ng Diyos, tumpak na isagawa ang katotohanan at kumilos ayon sa mga layunin ng Diyos, gawin ang mga bagay nang ganap na naaayon sa mga pagnanais ng Diyos, at isuko ang kanyang sariling personal na mga opinyon at imahinasyon. Sa ganitong paraan, pumasok si Pedro sa realidad ng mga salita ng Diyos. Ang serbisyo ni Pedro ay umayon sa mga layunin ng Diyos, pangunahing dahil sa ginawa niyang ito.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin ang Landas ni Pedro
353. Kung kaya mong ilaan ang iyong puso, katawan, at lahat ng iyong tunay na pagmamahal sa Diyos, iharap ang mga iyon sa Kanya, maging ganap na mapagpasakop sa Kanya, at maging lubos na mapagsaalang-alang sa Kanyang mga layunin—hindi para sa laman, hindi para sa pamilya, at hindi para sa iyong sariling personal na mga pagnanais, kundi para sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, na itinuturing ang salita ng Diyos bilang prinsipyo at pundasyon sa lahat—sa paggawa niyon, ang iyong mga intensyon at iyong mga pananaw ay malalagay na lahat sa tamang lugar, at magiging isa kang tao sa harap ng Diyos na tumatanggap ng Kanyang papuri. Ang mga taong gusto ng Diyos ay yaong mga ganap na tapat sa Kanya; sila yaong sa Kanya lamang magiging deboto. Ang mga kinasusuklaman ng Diyos ay yaong mga hindi deboto sa Kanya at naghihimagsik laban sa Kanya. Kinasusuklaman Niya yaong mga naniniwala sa Kanya at laging gustong masiyahan sa Kanya habang hindi pa nagagawang lubos na gugulin ang kanilang sarili para sa Kanyang kapakanan. Kinasusuklaman Niya yaong mga nagsasabi na Siya ay mahal nila ngunit naghihimagsik laban sa Kanya sa kanilang puso; kinasusuklaman Niya yaong mga gumagamit ng magagaling at mabulaklak na salita upang manlinlang. Yaong mga hindi tunay na nakalaan sa Diyos o hindi pa tunay na nagpapasakop sa Kanya ay mga taksil at masyadong likas na mayabang. Yaong mga hindi tunay na makapagpasakop sa harap ng normal at praktikal na Diyos ay mas mayabang pa, at sila ay talagang ang masunuring mga inapo ng arkanghel. Ang mga taong tunay na ginugugol ang kanilang sarili para sa Diyos ay inilalaan ang buo nilang pagkatao sa Kanya at inilalagay ang kanilang sarili sa harapan Niya; kaya nilang magpasakop sa lahat ng Kanyang mga salita at gawain, at naisasagawa nila ang Kanyang mga salita. Kaya nilang tanggapin ang mga salita ng Diyos at ituring ang mga ito na pundasyon ng kanilang pag-iral, at nagagawa nilang taimtim na saliksikin ang nilalaman ng mga salita ng Diyos upang alamin kung aling mga bahagi ang isasagawa. Sila yaong mga tao na tunay na namumuhay sa harap ng Diyos. Kung magsasagawa ka sa ganitong paraan, magiging kapaki-pakinabang ito para sa iyong buhay, at sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng Kanyang mga salita ay matutugunan mo ang mga panloob na pangangailangan at kakulangan upang magbago ang iyong disposisyon sa buhay, matutugunan nito ang mga layunin ng Diyos. Kung kikilos ka alinsunod sa mga kinakailangan ng Diyos, at kung hindi mo binibigyan ng kasiyahan ang laman kundi sa halip ay pinalulugod mo ang Kanyang mga layunin, dito ay nakapasok ka na sa realidad ng Kanyang mga salita. Ang pagpasok sa realidad ng mga salita ng Diyos ay nangangahulugang kaya mong gampanan ang iyong tungkulin at tugunan ang mga hinihingi ng gawain ng Diyos. Ang ganitong mga uri lamang ng praktikal na mga kilos ang matatawag na pagpasok sa realidad ng Kanyang mga salita. Kung nagagawa mong pumasok sa realidad na ito, tataglayin mo ang katotohanan. Ito ang simula ng pagpasok sa realidad; kailangan mo munang magdaan sa pagsasanay na ito, at saka ka lamang makakapasok sa mas malalalim na realidad.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Tunay na Nagmamahal sa Diyos ay Yaong mga Talagang Nagpapasakop sa Kanyang Pagiging Praktikal
354. Ang Diyos ay isang praktikal na Diyos: Lahat ng Kanyang gawain ay praktikal, lahat ng salitang binibigkas Niya ay praktikal, at lahat ng katotohanang ipinahahayag Niya ay praktikal. Lahat ng hindi mga salita ng Diyos ay hungkag, hindi umiiral, at hindi matatag. Ngayon, ginagabayan ng Banal na Espiritu ang mga tao sa mga salita ng Diyos. Kung hahangarin ng mga tao ang pagpasok sa realidad, dapat nilang hanapin ang realidad, at kilalanin ang realidad, at pagkatapos ay dapat nilang maranasan ang realidad, at isabuhay ang realidad. Kapag mas nakikilala ng mga tao ang realidad, mas nagagawa nilang makilatis ang mga salita ng iba; kapag mas nakikilala ng mga tao ang realidad, nagiging mas kaunti ang kanilang mga kuru-kuro; kapag mas nararanasan ng mga tao ang realidad, mas nalalaman nila ang mga gawa ng praktikal na Diyos, at nagiging mas madali para sa kanilang kumalas mula sa kanilang mga tiwali at satanikong disposisyon; kapag mas mayroong realidad ang mga tao, mas nakikilala nila ang Diyos at mas kinamumuhian nila ang laman at minamahal ang katotohanan; at kapag mas mayroong realidad ang mga tao, mas nagiging malapit sila sa mga pamantayang hinihingi ng Diyos. Ang mga taong nakamit ng Diyos ay ang mga nagtataglay ng realidad, nakakakilala ng realidad, at nakakakilala sa mga praktikal na gawain ng Diyos sa pamamagitan ng pagdanas ng realidad. Kapag mas nakikipagtulungan ka sa Diyos sa praktikal na paraan at dinidisiplina mo ang iyong katawan, mas matatamo mo ang gawain ng Banal na Espiritu, mas matatamo mo ang realidad, at mas maliliwanagan ka ng Diyos, at sa ganitong paraan, mas lalaki ang iyong kaalaman sa mga praktikal na gawa ng Diyos. Kung nakakapamuhay ka sa kasalukuyang liwanag ng Banal na Espiritu, magiging mas malinaw sa iyo ang kasalukuyang landas tungo sa pagsasagawa, at mas makakaya mong ihiwalay ang iyong sarili mula sa mga relihiyosong kuru-kuro at lumang gawi ng nakaraan. Ngayon, ang aktuwalidad ang pinagtutuunan: Kapag mas mayroong realidad ang mga tao, nagiging mas malinaw ang kanilang kaalaman sa katotohanan, at mas lumalaki ang kanilang pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos. Napapangibabawan ng realidad ang lahat ng salita at mga doktrina, napapangibabawan nito ang lahat ng teorya at kasanayan, at kapag mas pinagtutuunan ng mga tao ang realidad, mas tunay silang umiibig sa Diyos, at nagugutom at nauuhaw sa Kanyang mga salita. Kung lagi kang nakatuon sa realidad, ang iyong pilosopiya sa mga makamundong pakikitungo, mga relihiyosong kuru-kuro, at likas na katangian ay natural na mabubura kasunod ng gawain ng Diyos. Ang mga hindi naghahangad ng realidad, at walang pagkilala sa realidad, ay malamang na maghangad ng kababalaghan at madali silang malalansi. Walang paraan ang Banal na Espiritu na gumawa sa gayong mga tao, kung kaya’t nakakaramdam sila ng kahungkagan, at na walang kabuluhan ang kanilang buhay.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Makikilala ang Realidad
355. Ang mga nagmamahal sa Diyos ay ang mga nagmamahal sa katotohanan, at habang lalo itong isinasagawa ng mga nagmamahal sa katotohanan, mas nagkakaroon sila ng marami nito; habang mas isinasagawa nila ito, mas nagkakaroon sila ng higit pang pagmamahal ng Diyos; at habang mas isinasagawa nila ito, mas pinagpapala sila ng Diyos. Kung lagi kang nagsasagawa sa ganitong paraan, ang pag-ibig ng Diyos ay unti-unti kang bibigyang-kakayahan na makakilatis, tulad nang makilala ni Pedro ang Diyos: Sinabi ni Pedro na ang Diyos ay hindi lamang nagtataglay ng karunungang likhain ang langit at lupa at lahat ng bagay, kundi higit pa rito ay may karunungan din Siya na gawin ang praktikal na gawain sa mga tao. Sinabi ni Pedro na hindi lamang Siya karapat-dapat sa pag-ibig ng mga tao dahil sa Kanyang paglikha ng langit at lupa at lahat ng bagay, ngunit, higit pa rito, dahil sa Kanyang kakayahang likhain ang tao, iligtas ang tao, gawing perpekto ang tao, at ipagkaloob ang Kanyang pag-ibig sa tao. Kaya sinabi rin ni Pedro na maraming bagay na taglay ng Diyos ang karapat-dapat sa pag-ibig ng tao. Sinabi ni Pedro kay Jesus: “Ang paglikha ba ng langit at lupa at lahat ng bagay ang tanging dahilan upang maging karapat-dapat Ka sa pag-ibig ng mga tao? Marami Ka pang tinataglay na kaibig-ibig. Gumaganap at kumikilos Ka sa tunay na buhay, inaantig ng Iyong Espiritu ang kalooban ko, dinidisiplina Mo ako, sinasaway Mo ako—higit pang karapat-dapat ang mga bagay na ito sa pag-ibig ng mga tao.” Kung nais mong makita at maranasan ang pag-ibig ng Diyos, kung gayon ay dapat kang tumuklas at maghanap sa tunay na buhay at dapat maging handang isantabi ang iyong sariling laman. Dapat mong gawin ang kapasyahang ito. Dapat kang maging isang taong may determinasyon na magagawang magbigay-lugod sa Diyos sa lahat ng bagay, nang hindi nagiging tamad o nag-iimbot sa mga kasiyahan ng laman, nang hindi nabubuhay para sa laman kundi nabubuhay para sa Diyos. Marahil ay hindi mo nabibigyang-lugod ang Diyos sa pagkakataong ito. Iyon ay dahil sa hindi mo nauunawaan ang mga layunin ng Diyos; sa susunod, mangailangan man ito ng higit pang pagsisikap, dapat mo Siyang bigyang-kaluguran at hindi dapat bigyang-kasiyahan ang laman. Kapag naranasan mo ito sa ganitong paraan, makikilala mo na ang Diyos. Makikita mo na kayang likhain ng Diyos ang langit at lupa at lahat ng bagay, na Siya ay nagkatawang-tao upang tunay Siyang makita ng mga tao at tunay na makisalamuha sa Kanya; makikita mo na nagagawa Niyang lumakad sa gitna ng mga tao, na makakaya ng Kanyang Espiritu na gawing perpekto ang mga tao sa tunay na buhay, na nagtutulot sa kanila na makita ang Kanyang pagiging kaibig-ibig at danasin ang Kanyang pagdidisiplina, ang Kanyang pagtutuwid, at ang Kanyang mga biyaya. Kung lagi kang nakadaranas sa ganitong paraan, hindi ka mawawalay sa Diyos sa tunay na buhay, at kung isang araw ay naging hindi na normal ang ugnayan mo sa Diyos, magagawa mong sumailalim sa paninisi at makaramdam ng pagsisisi. Kung may normal kang relasyon sa Diyos, hindi mo na nanaisin kailanman na iwan ang Diyos, at kung dumating ang araw na sabihin ng Diyos na iiwan ka Niya, matatakot ka, at sasabihin na nanaisin mo pang mamatay kaysa iwan ng Diyos. Sa sandaling may ganito ka nang mga damdamin, mararamdaman mo na hindi mo kayang lisanin ang Diyos, at sa ganitong paraan, magkakaroon ka ng isang pundasyon, at tunay na matatamasa ang pag-ibig ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nagmamahal sa Diyos ay Mabubuhay Magpakailanman sa Kanyang Liwanag
356. Ang pinakamalaking pagkakamali ng mga tao sa kanilang pananampalataya sa Diyos ay yaong sa salita lamang ang kanilang pananampalataya, at ang Diyos ay lubos na wala sa pang-araw-araw nilang buhay. Ang lahat nga ng tao ay naniniwala sa pag-iral ng Diyos, subalit ang Diyos ay hindi bahagi ng kanilang pang-araw-araw na mga buhay. Namumutawi sa bibig ng mga tao ang maraming panalangin sa Diyos, ngunit ang Diyos ay may maliit lamang na lugar sa kanilang puso, at dahil dito ay paulit-ulit silang sinusubok ng Diyos. Sa dahilang ang mga tao ay hindi dalisay kung kaya’t ang Diyos ay walang mapagpipilian kundi subukin sila, upang mapahiya sila at makilala ang kanilang mga sarili sa gitna ng mga pagsubok na ito. Kung hindi, ang sangkatauhan ay magiging mga inapo ng arkanghel, at lalo’t lalong magiging tiwali. Sa proseso ng kanilang pananampalataya sa Diyos, iwinawaksi ng bawat tao ang marami sa kanilang personal na motibo at mga layunin habang sila ay walang-humpay na nililinis ng Diyos. Kung hindi, walang magiging paraan ang Diyos upang magamit ang sinuman, at walang paraan na gawin sa tao ang gawaing dapat Niyang gawin. Nililinis muna ng Diyos ang mga tao, at sa prosesong ito, maaaring makilala ng mga tao ang kanilang sarili, at maaaring mabago sila ng Diyos. Pagkatapos lamang nito saka inilalakip ng Diyos ang Kanyang buhay sa kanila, at sa ganitong paraan lamang lubusang makababaling ang puso nila sa Diyos. At kaya sinasabi Ko, ang pananampalataya sa Diyos ay hindi kasingsimple ng sinasabi ng mga tao. Sa paningin ng Diyos, kung may kaalaman ka lamang ngunit wala ang salita Niya bilang buhay, at kung limitado ka lamang sa iyong sariling kaalaman ngunit hindi kayang maisagawa ang katotohanan o maisabuhay ang salita ng Diyos, kung gayon ito ay patunay pa rin na wala kang mapagmahal-sa-Diyos na puso, at ipinakikita nito na ang iyong puso ay hindi pag-aari ng Diyos. Makikilala ng isang tao ang Diyos sa pamamagitan ng pananalig sa Kanya: Ito ang panghuling mithiin at ang mithiin ng pagsisikap ng tao. Dapat kang magsikap na isabuhay ang mga salita ng Diyos upang ang mga ito ay magbunga sa iyong pagsasagawa. Kung mayroon ka lamang kaalaman tungkol sa doktrina, ang iyong pananampalataya sa Diyos ay mauuwi sa wala. Tanging kung iyo ring isinasagawa at isinasabuhay ang Kanyang salita saka lamang maituturing na ganap ang iyong pananampalataya at ayon sa mga layunin ng Diyos. Sa landas na ito, maraming tao ang makapagsasalita ng maraming kaalaman, ngunit sa oras ng kanilang kamatayan, ang kanilang mga mata ay umaapaw sa mga luha, at kinapopootan nila ang kanilang mga sarili sa pagkakasayang sa isang buong buhay at pagkabuhay hanggang sa katandaan nang para sa wala. Nauunawaan lang nila ang mga doktrina ngunit hindi nila kayang isagawa ang katotohanan o magpatotoo sa Diyos; tumatakbo lang sila paroo’t parito, abalang-abala sila, at kapag naghihingalo na sila, saka lang nila nakikita sa wakas na kulang sila sa tunay na patotoo, na wala silang anumang kaalaman tungkol sa Diyos. Hindi ba’t ito ay masyadong huli na? Bakit hindi mo samantalahin ang araw at hangarin ang katotohanan na iyong minamahal? Bakit maghihintay ka pa hanggang kinabukasan? Kung sa buhay mo ay hindi ka nagdurusa para sa katotohanan o naghahangad na makamit ito, maaari kayang ninanais mong maramdaman ang panghihinayang sa oras na malapit ka nang mamatay? Kung gayon, bakit ka naniniwala sa Diyos? Sa realidad, maraming bagay kung saan maaaring isagawa ng mga tao ang katotohanan at palugurin ang Diyos, kung magsisikap lang sila nang napakakaunti. Ito ay dahil lang sobrang naguguluhan ang isipan ng mga tao na hindi sila makakilos alang-alang sa Diyos, at palaging nagmamadali para sa kapakanan ng kanilang laman, nang walang anumang nakakamit sa huli. Dahil dito, ang mga tao ay palaging pinahihirapan ng mga problema at paghihirap. Hindi ba’t ito ang mga pagpapahirap ni Satanas? Hindi ba’t ito ang katiwalian ng laman? Hindi mo dapat subukang linlangin ang Diyos sa pamamagitan ng walang kabuluhang salita. Sa halip, dapat kang gumawa ng aktwal na pagkilos. Huwag mong linlangin ang iyong sarili—ano ang magiging punto niyon? Ano ang iyong makakamit sa pamumuhay para sa kapakanan ng iyong laman at pakikipaglaban para sa kapakinabangan at kasikatan?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Kang Mamuhay Para sa Katotohanan Yamang Naniniwala Ka sa Diyos
357. Ang mga taong tunay na nananampalataya sa Diyos ay iyong mga handang isagawa ang salita ng Diyos at handang isagawa ang katotohanan. Ang mga taong tunay na nagagawang manindigan sa kanilang patotoo sa Diyos ay iyon ding mga handang isagawa ang Kanyang salita at talagang kayang pumanig sa katotohanan. Ang mga taong nakikibahagi sa mga baliko at di-makatarungang pagsasagawa ay pawang walang katotohanan, at nagdadala silang lahat ng kahihiyan sa Diyos. Iyong mga nagsasanhi ng mga alitan sa iglesia ay mga alipin ni Satanas, sila ang sagisag ni Satanas. Ang gayong mga tao ay napakamapaminsala. Lahat ng walang pagkakilala at walang kakayahang pumanig sa katotohanan ay pawang mga taong nagkikimkim ng masasamang intensyon at dinudungisan ang katotohanan. Sila ay mas tipikal na mga kinatawan ni Satanas. Hindi na sila matutubos, at natural lamang na itiwalag. Hindi tinutulutan ng pamilya ng Diyos na manatili ang mga hindi nagsasagawa ng katotohanan, ni hindi nito tinutulutang manatili iyong mga sadyang gumigiba sa iglesia. Gayunman, hindi ito ang panahon para gawin ang gawain ng pagpapatalsik; ibubunyag at ititiwalag lamang ang gayong mga tao sa huli. Wala nang walang-silbing gawaing iuukol sa mga taong ito; iyong mga Satanas ay hindi kayang pumanig sa katotohanan, samantalang iyong mga naghahanap sa katotohanan ay kayang gawin ito. Ang mga tao na hindi nagsasagawa ng katotohanan ay hindi karapat-dapat na marinig ang Salita ng katotohanan at hindi karapat-dapat na magpatotoo tungkol sa katotohanan. Ang katotohanan ay hindi talaga para sa kanilang mga pandinig; sa halip, ito ay para sa mga nagsasagawa nito. Bago ibunyag ang kalalabasan ng bawat tao, iyong mga nanggugulo sa iglesia at nakakagambala sa gawain ng Diyos ay isasantabi muna sa ngayon, upang pakitunguhan kalaunan. Kapag natapos na ang gawain, ibubunyag ang bawat isa sa mga taong ito, at pagkatapos ay ititiwalag sila. Samantala, habang ipinagkakaloob ang katotohanan, hindi sila papansinin. Kapag ibinunyag sa sangkatauhan ang buong katotohanan, dapat itiwalag ang mga taong iyon; iyon ang panahon kung kailan pagbubukud-bukurin ang lahat ng tao ayon sa kanilang uri. Ang maliliit na panlalansi ng mga walang pagkilatis ay hahantong sa kanilang pagkawasak sa mga kamay ng masasamang tao, ililigaw sila ng mga ito, at hindi na makakabalik. At gayong pagtrato ang nararapat sa kanila, dahil hindi nila mahal ang katotohanan, dahil hindi nila kayang pumanig sa katotohanan, dahil sumusunod sila sa masasamang tao at pumapanig sa masasamang tao, at dahil nakikipagsabwatan sila sa masasamang tao at lumalaban sa Diyos. Alam na alam nila na ang ibinubunyag ng masasamang taong iyon ay kasamaan, subalit pinatitigas nila ang kanilang puso at tinatalikuran ang katotohanan upang sumunod sa mga ito. Hindi ba gumagawa ng kasamaan ang lahat ng taong ito na hindi nagsasagawa ng katotohanan kundi gumagawa ng nakakasira at karumal-dumal na mga bagay? Bagama’t mayroon sa kanila na naghahari-harian at sumusunod naman sa kanila ang iba, hindi ba’t pareho ang kalikasan nila ng paglaban sa Diyos? Ano ang ikakatwiran nila para sabihin na hindi sila inililigtas ng Diyos? Ano ang ikakatwiran nila para sabihin na hindi matuwid ang Diyos? Hindi ba ang sarili nilang kasamaan ang sumisira sa kanila? Hindi ba ang sarili nilang paghihimagsik ang humahatak sa kanila pababa sa impiyerno? Ang mga taong nagsasagawa ng katotohanan, sa bandang huli, ay maliligtas at gagawing perpekto dahil sa katotohanan. Iyong mga hindi nagsasagawa ng katotohanan, sa bandang huli, ay maghahatid ng pagkawasak sa kanilang sarili dahil sa katotohanan. Ang mga ito ang mga kalalabasan na naghihintay sa mga nagsasagawa at hindi nagsasagawa ng katotohanan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan