C. Tungkol sa Paano Makilala ang Sarili at Maabot ang Tunay na Pagsisisi
358. Makalipas ang ilang libong taon ng katiwalian, manhid at mapurol ang pag-iisip ng tao; siya’y naging isang demonyong kumakalaban sa Diyos, hanggang naitala na sa mga aklat ng kasaysayan ang pagiging mapanghimagsik ng tao tungo sa Diyos, at kahit ang tao mismo ay hindi kayang ipaliwanag nang buo ang kanyang ugaling mapanghimagsik—sapagka’t ang tao ay nagawang tiwali na nang husto ni Satanas, at nailigaw na ni Satanas, na anupa’t hindi niya nalalaman kung saan tutungo. Kahit sa ngayon, pinagtataksilan pa rin ng tao ang Diyos: Kapag nakikita ng tao ang Diyos, nagtataksil siya sa Kanya, at kapag hindi niya nakikita ang Diyos, Siya’y pinagtataksilan pa rin niya. Mayroon pa ngang iba na, bagaman nasasaksihan na ang mga sumpa ng Diyos at poot ng Diyos, pinagtataksilan pa rin Siya. Kung kaya’t sinasabi Kong nawala na ng katinuan ng tao ang orihinal nitong gamit, at na ang konsensiya ng tao, gayundin, ay nawalan ng orihinal nitong gamit. Ang taong nasisilayan Ko ay isang hayop sa anyong tao, isa siyang makamandag na ahas, at gaano man niya subukang magmukhang kahabag-habag sa mga mata Ko, hinding-hindi Ko siya kaaawaan, sapagka’t ang tao ay walang pagkaunawa sa pagkakaiba ng itim at puti, sa pagkakaiba ng katotohanan at di-katotohanan. Masyadong namanhid ang katinuan ng tao, nguni’t patuloy siyang naghahangad na magkamit ng mga pagpapala; masyadong walang-dangal ang kanyang pagkatao nguni’t naghahangad pa rin siyang taglayin ang kataas-taasang kapangyarihan ng isang hari. Kanino kaya siya magiging hari sa gayong katinuan? Papaano siya mauupo sa isang trono sa gayong katauhan? Tunay na walang kahihiyan ang tao! Siya ay isang palalong kahabag-habag! Para sa inyong nagnanais magkamit ng mga pagpapala, ipinapayo Kong humanap muna kayo ng salamin at tingnan ang inyong sariling pangit na larawan—taglay mo ba ang mga kinakailangan upang maging hari? Taglay mo ba ang mukha ng isang magtatamo ng mga pagpapala? Wala pa rin kahit katiting na pagbabago sa iyong disposisyon at hindi mo pa naisagawa ang alinman sa katotohanan, nguni’t hinahangad mo pa rin ang isang magandang kinabukasan. Nililinlang mo ang iyong sarili! Isinilang sa gayong napakaruming lupain, labis nang naimpluwensiyahan ng lipunan ang tao, naimpluwensiyahan na siya ng mga etikang pyudal, at naturuan na siya sa “mga institusyon ng mas mataas na pag-aaral.” Ang kaisipang paurong, tiwaling moralidad, masamang pananaw sa buhay, kasuklam-suklam na pilosopiya sa pamumuhay, lubos na hungkag na pag-iral, at napakabuktot na uri ng pamumuhay at mga kaugalian—lubhang nanghimasok na sa puso ng tao ang lahat ng mga bagay na ito, at lubhang nagpahina at sumalakay sa kanyang konsensiya. Bilang resulta, mas lalong lumayo ang tao mula sa Diyos, at mas lalong naging tutol sa Kanya. Lalong nagiging mas mabangis ang disposisyon ng tao sa bawat araw, at wala ni isang tao ang magkukusang isuko ang anumang bagay para sa Diyos, wala ni isang tao ang magkukusang sumunod sa Diyos, ni, higit pa rito, isang taong magkukusang hanapin ang pagpapakita ng Diyos. Sa halip, sa ilalim ng sakop ni Satanas, walang ginawa ang tao kundi maghangad ng kalayawan, ibinibigay ang sarili sa katiwalian ng laman sa lupain ng putik. Marinig man nila ang katotohanan, hindi nag-iisip ang mga nananahan sa kadiliman na isagawa ito, ni nakahandang hanapin ang Diyos kahit na nasaksihan na nila ang Kanyang pagpapakita. Paano magkakaroon ng pagkakataon sa kaligtasan ang isang sangkatauhang napakasama? Paano mabubuhay sa liwanag ang isang sangkatauhang labis nang namumulok?
Nagsisimula ang pagbabago ng disposisyon ng tao sa kaalaman ng kanyang diwa at sa pamamagitan ng mga pagbabago sa kanyang pag-iisip, kalikasan, at pangkaisipang pananaw—sa pamamagitan ng mga pangunahing pagbabago. Tanging sa ganitong paraan lamang makakamtan ang mga tunay na pagbabago sa disposisyon ng tao. Nagmumula ang tiwaling disposisyon ng tao sa pagkalason at pagyurak sa kanya ni Satanas, mula sa napakalaking pinsalang idinulot ni Satanas sa kanyang pag-iisip, moralidad, kaunawaan, at katinuan. Sumasalungat ang tao sa Diyos at hindi nauunawaan ang katotohanan dahil mismo nagawa nang tiwali ni Satanas ang mga pangunahing bagay ng tao, at lubhang hindi na katulad ng orihinal na pagkakalikha ng Diyos sa kanila. Sa gayon, dapat magsimula ang mga pagbabago sa disposisyon ng tao sa mga pagbabago sa kanyang pag-iisip, kaunawaan, at katinuan na siyang magbabago ng kanyang pagkakilala sa Diyos at kanyang pagkakilala sa katotohanan. Mas lalong ignorante sa kung ano ang Diyos o sa kung ano ang kahulugan ng paniniwala sa Diyos yaong isinilang sa pinakamalubhang natiwali sa lahat ng lupain. Mas tiwali ang mga tao, mas kakaunti ang kanilang kaalaman sa pag-iral ng Diyos, at mas mahina ang kanilang katinuan at kaunawaan. Ang ugat ng pagsalungat at pagiging mapanghimagsik ng tao laban sa Diyos ay ang kanyang katiwalian sa pamamagitan ni Satanas. Dahil sa katiwalian ni Satanas, naging manhid ang konsensiya ng tao; imoral siya, masama ang kanyang mga saloobin, at paurong ang kanyang pangkaisipang pananaw. Bago siya ginawang tiwali ni Satanas, likas na tumatalima sa Diyos ang tao at sumusunod sa Kanyang mga salita pagkatapos marinig ang mga ito. Siya ay likas na may maayos na katinuan at konsensiya, at may normal na pagkatao. Matapos gawing tiwali ni Satanas, pumurol at pinahina ni Satanas ang orihinal na katinuan, konsensiya, at pagkatao ng tao. Sa gayon, nawala niya ang kanyang pagkamasunurin at pag-ibig sa Diyos. Nalihis ang katinuan ng tao, naging katulad na ng sa hayop ang kanyang disposisyon, at nagiging mas madalas at mas matindi ang kanyang pagiging mapanghimagsik sa Diyos. Nguni’t hindi pa rin ito batid ni kinikilala ng tao, at basta na lamang siyang sumasalungat at naghihimagsik. Ibinubunyag ng mga pagpapahayag ng kanyang katinuan, kaunawaan, at konsensiya ang disposisyon ng tao; dahil wala sa ayos ang kanyang katinuan at kaunawaan, at sukdulan nang pumurol ang kanyang konsensiya, kaya mapanghimagsik laban sa Diyos ang kanyang disposisyon. Kung hindi mababago ang katinuan at pananaw ng tao, hindi posible ang mga pagbabago sa kanyang disposisyon, at ganoon din ang pagsunod sa kalooban ng Diyos. Kung hindi maayos ang katinuan ng tao, hindi niya maaaring paglingkuran ang Diyos at hindi siya akmang gamitin ng Diyos. Tumutukoy “ang normal na katinuan” sa pagsunod at pagiging tapat sa Diyos, sa paghahangad sa Diyos, sa pagiging ganap tungo sa Diyos, at sa pagkakaroon ng konsensiya tungo sa Diyos. Tumutukoy ito sa pagiging isa sa puso at isip tungo sa Diyos, at hindi pasadyang lumalaban sa Diyos. Hindi ganito ang pagkakaroon ng lihis na katinuan. Mula noong ginawang tiwali ni Satanas ang tao, nakabuo na siya ng mga kuru-kuro ukol sa Diyos, at wala siyang katapatan sa Diyos o paghahangad sa Kanya, at lalo na ang pagkakaroon ng konsensiya tungo sa Diyos. Sadyang sinasalungat at hinahatulan ng tao ang Diyos, at, bukod pa riyan, pumupukol sa Kanya ng mga pagtuligsa sa Kanyang likuran. Hinahatulan ng tao ang Diyos nang patalikod, nang may malinaw na kaalamang Siya ang Diyos; walang intensiyon ang tao na sundin ang Diyos, at gumagawa lamang ng mga bulag na kahilingan at pakiusap sa Kanya. Ang gayong mga tao—mga taong may lihis na katinuan—ay walang kakayahang makilala ang sarili nilang pag-uugaling kasuklam-suklam o ang pagsisihan ang kanilang pagiging mapanghimagsik. Kung may kakayahan ang mga taong makilala ang mga sarili nila, bahagya nilang nabawi na ang kanilang katinuan; habang mas naghihimagsik sa Diyos ang mga taong hindi pa nakakikilala sa mga sarili nila, mas wala sa ayos ang kanilang katinuan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos
359. Hangga’t hindi nararanasan ng mga tao ang gawain ng Diyos at natatamo ang katotohanan, ang likas na pagkatao ni Satanas ang namamahala at nagdodomina sa kanilang kalooban. Ano ba ang partikular na nakapaloob sa likas na pagkataong iyon? Halimbawa, bakit ka makasarili? Bakit mo pinoprotektahan ang sarili mong katungkulan? Bakit ka mayroong gayon katinding mga damdamin? Bakit ka nasisiyahan sa mga di-matutuwid na bagay na iyon? Bakit gusto mo ang mga kasamaang iyon? Ano ang batayan ng pagkahilig mo sa mga ganoong bagay? Saan nagmumula ang mga bagay na ito? Bakit ka masayang-masaya na tanggapin ang mga ito? Sa ngayon, naunawaan na ninyong lahat na ang pangunahing dahilan sa likod ng lahat ng bagay na ito ay dahil nasa kalooban mo ang lason ni Satanas. Tungkol naman sa kung ano ang lason ni Satanas, lubos itong maipapahayag sa mga salita. Halimbawa, kung tatanungin mo ang ilang masamang tao kung bakit sila gumawa ng kasamaan, sasagot sila: “Dahil ang bawat tao ay para sa kanyang sarili, at bahala na ang iba.” Ipinahahayag ng nag-iisang pariralang ito ang pinakaugat ng problema. Ang lohika ni Satanas ay naging buhay na ng mga tao. Maaari silang gumawa ng mga bagay-bagay para sa ganito at ganoong layunin, ngunit ginagawa lamang nila iyon para sa kanilang sarili. Iniisip ng lahat ng tao na dahil ang bawat tao ay para sa kanyang sarili at bahala na ang iba, dapat mabuhay ang mga tao para sa sarili nilang kapakanan, at gawin ang lahat ng makakaya nila para magkaroon ng magandang posisyon alang-alang sa pagkain at marangyang pananamit. “Bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba”—ito ang buhay at ang pilosopiya ng tao, at kinakatawan din nito ang likas na pagkatao. Ang mga salitang ito ang mismong lason ni Satanas, at kapag isinapuso ito ng mga tao, nagiging kalikasan na nila ito. Ang kalikasan ni Satanas ay inilalantad sa pamamagitan ng mga salitang ito; lubos itong kinakatawan ng mga ito. Ang lasong ito ay nagiging buhay ng mga tao at nagiging pundasyon din nila sa buhay, at ang sangkatauhang ginawang tiwali ay patuloy nang pinangingibabawan ng lasong ito sa loob ng libu-libong taon. Lahat ng ginagawa ni Satanas ay para sa sarili nito. Nais nitong higitan ang Diyos, makalaya sa Kanya, at maging makapangyarihan, at angkinin ang lahat ng nilikha ng Diyos. Samakatuwid, ang likas na katangian ng tao ay likas na katangian ni Satanas. Sa katunayan, marami sa mga kasabihan ng mga tao ay maaaring kumatawan at sumalamin sa kanilang kalikasan. Paano man tangkain ng mga tao na ipagbalatkayo ang kanilang sarili, sa lahat ng ginagawa at sinasabi nila, hindi nila maikukubli kung sino sila. May ilang hindi kailanman nagsasabi ng katotohanan at magaling magkunwari, ngunit kapag matagal-tagal na silang nakasalamuha ng ibang tao, ang kanilang mapanlinlang na kalikasan at lubos na kawalan ng katapatan ay natutuklasan. Sa huli, dumarating ang ibang tao sa sumusunod nakonklusyon: Hindi kailanman nagsasabi nang totoo ang taong ito, at siya ay mapanlinlang. Kinakatawan ng pahayag na ito ang kalikasan ng gayong tao; ito ang pinakamagandang paglalarawan at patunay ng kanilang kalikasang diwa. Ang pilosopiya nila sa pamumuhay ay huwag magsabi ng katotohanan kaninuman, at huwag ding maniwala kaninuman. Nagtataglay ang satanikong kalikasan ng tao ng ganito kadaming pilosopiya. Kung minsan ikaw mismo ay hindi ito namamalayan at hindi ito nauunawaan, subalit bawat sandali ng iyong buhay ay batay rito. Bukod pa riyan, iniisip mo na ang pilosopiyang ito ay lubhang tama at makatwiran, at hindi talaga mali. Sapat na ito para ipakita na naging kalikasan na ng mga tao ang pilosopiya ni Satanas, at lubos na naaayon ang pamumuhay nila dito, at hindi naghihimagsik laban dito ni katiting. Samakatuwid, palagi silang nagpapakita ng kanilang satanikong kalikasan, at sa lahat ng aspeto, palagi silang nabubuhay ayon sa pilosopiya ni Satanas. Ang kalikasan ni Satanas ay buhay ng sangkatauhan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin Ang Landas ni Pedro
360. Pagdating sa pag-alam sa kalikasan ng tao, ang pinakamahalaga ay makita ito mula sa pananaw ng pagtingin ng tao sa mundo, pagtingin sa buhay, at mga pinahahalagahan. Yaong mga kampon ng diyablo ay nabubuhay na lahat para sa kanilang mga sarili. Ang pagtingin nila sa buhay at mga salawikain ay kalimitang nagmumula sa mga kasabihan ni Satanas, tulad ng, “Bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba.” Ang mga salitang sinambit ng mga diyablong haring iyon, ng matatayog, at ng mga pilosopo sa lupa ay naging ang mismong buhay ng tao. Lalo na, karamihan sa mga salita ni Confucius, na ipinangangalandakan ng mga Chinese na isang “pantas,” ay naging buhay na ng tao. Mayroon ding mga bantog na kasabihan ng Buddhism at Taoism, at ang madalas-sipiin na mga klasikong kasabihan ng iba’t ibang tanyag na tao; lahat ng ito ay mga balangkas ng mga pilosopiya ni Satanas at kalikasan ni Satanas. Ang mga ito rin ang pinakamahusay na paglalarawan at paliwanag tungkol sa kalikasan ni Satanas. Ang mga lason na ito na naipasok sa puso ng tao ay nagmumulang lahat kay Satanas; ni katiting ay walang nagmumula sa Diyos. Ang mga malademonyong salita na iyon ay diretsahan ding kumokontra sa salita ng Diyos. Napakalinaw na ang mga realidad ng lahat ng positibong bagay ay nagmumula sa Diyos, at lahat ng negatibong bagay na iyon na lumalason sa tao ay nagmumula kay Satanas. Samakatuwid, natatalos mo ang kalikasan ng isang tao at kung kanino siya kabilang mula sa pagtingin niya sa buhay at mga pinahahalagahan. Ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao sa pamamagitan ng edukasyon at impluwensiya ng mga pambansang pamahalaan at ng mga sikat at dakila. Ang kanilang mga malademonyong salita ay naging buhay kalikasan na ng tao. Ang “Bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba” ay isang sikat na satanikong kasabihan na naikintal na sa lahat at iyan ay naging buhay na ng tao. May iba pang salita ng pilosopiya para sa pamumuhay na katulad rin nito. Ginagamit ni Satanas ang mainam na tradisyunal na kultura ng bawa’t bayan para turuan ang mga tao, nagsasanhi sa sangkatauhan na mahulog at masadlak sa isang walang-hanggang bangin ng pagkawasak, at sa huli ay winawasak ng Diyos ang tao dahil naglilingkod sila kay Satanas at nilalabanan ang Diyos. Isipin na kunwari’y itinatanong mo ito sa isang tao na maraming taon nang aktibo sa lipunan, “Ipagpalagay nang nabubuhay ka na sa mundo at napakarami mo nang nagawa, anong mga bantog na kasabihan ang batayan mo sa buhay?” Maaaring sabihin niya, “Ang pinakamahalaga ay ‘Hindi gagalawin ng mga opisyal ang mga sipsip sa kanila, at ang mga hindi nambobola ay walang mapapala.’” Hindi ba kumakatawan ang mga salitang ito sa kanyang likas na pagkatao? Naging kalikasan na niya ang walang-pakundangang paggamit ng anumang paraan para makakuha ng katungkulan, at ang pagiging opisyal ang nagbibigay-buhay sa kanya. Marami pa ring satanikong lason sa buhay ng mga tao, sa kanilang pag-uugali at asal; halos wala man lamang silang taglay na katotohanan. Halimbawa, ang mga pilosopiya nila sa pamumuhay, ang kanilang mga paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, at kanilang mga kasabihan ay pawang puno ng mga lason ng malaking pulang dragon, at lahat ng ito ay galing kay Satanas. Kaya, lahat ng dumadaloy sa mga buto at dugo ng mga tao ay pawang kay Satanas. Lahat ng opisyal na iyon, na may kapangyarihan, at yaong mga nagtatagumpay ay may sarili nilang landas at lihim sa tagumpay. Hindi ba lubos na kumakatawan ang mga lihim na iyon sa kanilang likas na pagkatao? Napakalaki ng mga nagawa nila sa mundo, at walang sinumang nakakaaninag sa mga pakana at intrigang nasa likod ng mga iyon. Nagpapakita ito na lubhang masama at makamandag ang kanilang likas na pagkatao. Labis nang nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan. Ang kamandag ni Satanas ay dumadaloy sa dugo ng bawat tao, at makikita na ang kalikasan ng tao ay tiwali, masama, at radikal, puno ng at lubos na nakalubog sa mga pilosopiya ni Satanas—ito, sa kabuuan nito, ay isang likas na pagkatao na nagtataksil sa Diyos. Ito ang dahilan kaya nilalabanan at sinasalungat ng mga tao ang Diyos. Madaling makikilala ng tao ang kanyang sarili kung masusuri ang kanyang kalikasan sa ganitong paraan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao
361. Ano ang pagkaunawa mo sa kalikasan ng tao? Ang talagang ibig sabihin ng maunawaan ang kalikasan mo ay ang paghimay ng kailaliman ng kaluluwa mo; may kinalaman dito kung ano ang nasa buhay mo. Ang lohika at mga pananaw ni Satanas ang ipinamumuhay mo noon pa man; ang ibig sabihin, ang buhay ni Satanas ang ipinamumuhay mo. Mauunawaan mo lamang ang kalikasan mo kung ilalantad mo ang nasa kaibuturan ng iyong kaluluwa. Paano mailalantad ang mga bagay na ito? Hindi mailalantad o mahihimay ang mga ito sa pamamagitan lamang ng isa o dalawang pangyayari; kadalasan, pagkatapos mong matapos ang isang bagay, hindi mo pa rin ito nauunawaan. Maaaring umabot ng tatlo o limang taon bago ka makapagtamo ng kahit katiting na pagkatanto at pagkaunawa. Sa maraming sitwasyon, kailangan mong pagnilayan at makilala ang sarili mo, at makakakita ka lamang ng resulta kapag nagsagawa ka ng malalim na paghuhukay. Habang lumalalim nang lumalalim ang pagkaunawa mo sa katotohanan, unti-unti mong malalaman ang sarili mong kalikasang diwa sa pamamagitan ng pagninilay sa sarili at pagkilala sa sarili. Para malaman mo ang kalikasan mo, kailangan mong magsagawa ng ilang bagay. Una, kailangan mong magkaroon ng malinaw na pagkaunawa kung anong gusto mo. Hindi ito tumutukoy sa gusto mong kainin o isuot; sa halip, tumutukoy ito sa mga uri ng bagay na kinasisiyahan mo, mga bagay na kinaiinggitan mo, mga bagay na sinasamba mo, mga bagay na hinahanap mo, at mga bagay na pinagtutuunan ng puso mo, mga uri ng tao na nasisiyahan kang makaugnayan, mga uri ng bagay na gusto mong gawin, at mga uri ng tao na iniidolo mo sa puso mo. Halimbawa, karamihan sa mga tao ay gusto ang mga taong mataas ang katayuan, mga taong eleganteng magsalita at kumilos, o gusto nila yaong mahuhusay at mapagpuri magsalita o yaong mga mapagkunwari. Ang mga nabanggit ay tungkol sa mga taong gusto nilang makahalubilo. Pagdating naman sa mga bagay na nagpapasaya sa mga tao, kabilang dito ang kahandaang gawin ang ilang bagay na madaling gawin, kasiyahang gawin ang mga bagay na itinuturing ng iba na mabuti at na makapaghihikayat sa mga tao na umawit ng papuri at magbigay ng papuri. Sa kalikasan ng mga tao, may karaniwang katangian ang mga bagay na gusto nila. Ibig sabihin, gusto nila ang mga tao, mga pangyayari at mga bagay na kinaiinggitan ng iba dahil sa mga panlabas na kaanyuan, gusto nila ang mga tao, mga pangyayari at mga bagay na magaganda at mararangya, at gusto nila ang mga tao, mga pangyayari at mga bagay na nagagawa ang ibang sambahin sila dahil sa kanilang mga kaanyuan. Itong mga bagay na kinagigiliwan ng mga tao ay magaganda, maniningning, maririkit, at mariringal. Sinasamba ng lahat ng tao ang mga ito. Makikita na ang mga tao ay hindi nagtataglay ng anumang katotohanan, at wala ring wangis ng mga tunay na tao. Wala ni katiting na kabuluhan sa pagsamba sa mga bagay na ito, subalit gusto pa rin ito ng mga tao. … ang gusto mo, ang pinagtutuunan mo, ang sinasamba mo, ang kinaiinggitan mo, at ang iniisip mo sa iyong puso araw-araw ay lahat kinakatawan ang iyong kalikasan. Sapat na ito para patunayan na kinagigiliwan ng kalikasan mo ang kasamaan, at sa mga seryosong sitwasyon, masama at wala nang lunas ang kalikasan mo. Dapat mong suriin ang kalikasan mo sa ganitong paraan; ibig sabihin, siyasatin mo ang kinagigiliwan mo at ang tinatalikdan mo sa buhay mo. Maaring mabait ka sa isang tao sa isang panahon, nguni’t hindi nito pinatutunayan na kinagigiliwan mo sila. Ang tunay na kinagigiliwan mo ay kung ano eksakto ang nasa kalikasan mo, kahit pa mabali ang mga buto mo, masisiyahan ka pa rin dito at hindi mo ito matatalikdan kailanman. Ito ay hindi madaling baguhin.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Dapat Malaman Tungkol sa Pagbabago ng Disposisyon ng Isang Tao
362. Ang susi sa pagkakamit ng pagbabago sa disposisyon ay ang malaman ng isang tao ang kanyang sariling kalikasan, at kailangang mangyari ito alinsunod sa mga pagbubunyag mula sa Diyos. Sa salita lamang ng Diyos malalaman ng isang tao ang sarili niyang kasuklam-suklam na kalikasan, makikilala sa sarili niyang kalikasan ang iba’t ibang lason ni Satanas, matatanto na siya ay hangal at mangmang, at matutukoy ang mahihina at mga negatibong elemento sa kanyang kalikasan. Pagkatapos malaman nang lubusan ang mga ito, at talagang nagagawa mong kamuhian ang sarili mo at talikdan ang laman, palaging isagawa ang salita ng Diyos, at maging handa na lubusang magpasakop sa Banal na Espiritu at sa salita ng Diyos, nasimulan mo nang tumahak sa landas ni Pedro. Kung wala ang biyaya ng Diyos, kung wala ang kaliwanagan at patnubay mula sa Banal na Espiritu, magiging mahirap tahakin ang landas na ito, dahil hindi taglay ng mga tao ang katotohanan at hindi nila magawang pagtaksilan ang kanilang sarili. Ang pagtahak sa landas ng pagiging perpekto ni Pedro ay nakasalalay una sa lahat sa matibay na pagpapasiya, pagkakaroon ng pananampalataya, at pagtitiwala sa Diyos. Bukod dito, kailangang magpasakop ang tao sa gawain ng Banal na Espiritu; sa lahat ng bagay, hindi makakaraos ang tao nang wala ang mga salita ng Diyos. Ito ang mga pangunahing aspeto, at wala ni isa rito ang maaaring labagin. Napakahirap kilalanin ang sarili mula sa karanasan; kung wala ang gawain ng Banal na Espiritu, napakahirap iyong pasukin. Para matahak ang landas ni Pedro, kailangang magtuon ang tao sa pagkilala sa kanyang sarili at sa pagbabago ng kanyang disposisyon.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
363. Sa isang banda, sa panahon ng mga pagsubok ng Diyos nalalaman ng tao ang kanyang mga kakulangan at nakikita na siya ay walang kabuluhan, kasuklam-suklam, at mababa, na siya ay walang anuman, at walang halaga; sa kabilang dako, sa panahon ng Kanyang mga pagsubok gumagawa ang Diyos ng iba’t ibang sitwasyon para sa tao kaya mas nararanasan ng tao ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos. Bagama’t ang pagdurusa ay matindi, at kung minsan ay hindi makayanan—hanggang sa antas ng nakapanlulumong pagdadalamhati—sa pagdanas nito, nakikita ng tao kung gaano kaibig-ibig ang gawain ng Diyos sa kanya, at sa pundasyong ito lamang nagkakaroon ang tao ng tunay na pagmamahal sa Diyos. Nakikita ngayon ng tao na kung may biyaya, pag-ibig, at awa lamang ng Diyos, wala siyang kakayahan na tunay na makilala ang sarili niya, at lalong hindi niya kayang malaman ang diwa ng tao. Sa pamamagitan lamang kapwa ng pagpipino at paghatol ng Diyos, at sa proseso ng pagpipino mismo, maaaring malaman ng tao ang kanyang mga kakulangan, at malaman na wala siyang anuman.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos
364. Ang susi sa pagmumuni-muni-sa-sarili at pagkilala sa iyong sarili ay ito: Kapag mas nararamdaman mong nakagawa ka ng mabuti sa ilang tukoy na larangan o nagawa ang tama, at kapag mas naiisip mong nabibigyang-kasiyahan mo ang kalooban ng Diyos o kaya mong magmalaki sa ilang aspeto, mas karapat-dapat para sa iyo na kilalanin ang iyong sarili sa mga larangang iyon at mas karapat-dapat para sa iyo na saliksikin pang mabuti ang mga iyon para makita kung anong mga karumihan ang naroon sa iyo, at kung anong mga bagay sa iyo ang hindi makakapagbigay-kasiyahan sa kalooban ng Diyos. Gawin nating halimbawa si Pablo. Si Pablo ay lubhang maalam na tao, at dumanas siya ng maraming paghihirap sa kanyang pangangaral. Siya ay minahal nang lubos ng maraming tao. Bilang resulta, pagkatapos niyang makumpleto ang maraming gawain, ipinagpalagay niya na magkakaroon ng nakalaan na korona para sa kanya. Dahil dito, lalo’t lalo niyang natahak ang maling landas, hanggang sa huli ay pinarusahan siya ng Diyos. Kung pinagnilayan at sinuri niya nang husto ang kanyang sarili noong panahong iyon, hindi niya sana naisip iyon. Sa madaling salita, hindi nagtuon si Pablo sa paghahanap ng katotohanan sa mga salita ng Panginoong Jesus; naniwala lamang siya sa mga sarili niyang kuru-kuro at haka-haka. Inakala niya na hangga’t gumagawa siya ng ilang mabubuting bagay at nagpapakita ng magandang asal, pupurihin siya at gagantimpalaan ng Diyos. Sa huli, binulag ng mga sarili niyang kuru-kuro at guni-guni ang kanyang espiritu at tinakpan ng mga ito ang tunay niyang mukha. Gayunpaman, hindi ito alam ng mga tao, at dahil hindi ito nailantad ng Diyos, patuloy nilang itinakda si Pablo bilang isang pamantayang dapat abutin, isang halimbawa sa pamumuhay, at itinuring nila siya na siyang hinahangad nilang maging katulad at bilang pakay ng kanilang pagsisikap, at bilang isang taong dapat tularan. Ang kuwentong ito tungkol kay Pablo ay nagsisilbing babala para sa lahat ng nananalig sa Diyos, na tuwing nadarama natin na may nagawa tayong talagang maganda, o naniniwala tayo na talagang may talento tayo sa isang bagay, o iniisip natin na hindi natin kailangang magbago o mapakitunguhan sa isang bagay, dapat nating sikaping magnilay at kilalanin ang ating sarili sa aspetong iyon; napakahalaga nito. Ito ay dahil talagang hindi mo pa natutuklasan, napapansin, o nasusuri ang mga aspeto ng iyong sarili na pinaniniwalaan mo na maging mabuti, upang tingnan kung talagang mayroon o walang anuman doon na kumakalaban sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago
365. Kung napakababaw ng kaalaman ng mga tao tungkol sa kanilang sarili, makikita nila na imposibleng lutasin ang mga problema, at talagang hindi magbabago ang kanilang disposisyon sa buhay. Kailangang makilala nang malalim ng isang tao ang kanyang sarili, na ibig sabihi’y malaman ng isang tao ang kanyang sariling likas na pagkatao: anong mga elemento ang kasama sa pagkataong iyon, paano nagsimula ang mga bagay na ito, at saan nanggaling ang mga ito. Bukod pa riyan, talaga bang nagagawa mong kamuhian ang mga bagay na ito? Nakita mo na ba ang sarili mong pangit na kaluluwa at likas na kasamaan? Kung talagang nagagawa mong makita ang katotohanan tungkol sa iyong sarili, magsisimula kang kasuklaman ang iyong sarili. Kapag kinasuklaman mo ang iyong sarili at pagkatapos ay isinagawa mo ang salita ng Diyos, magagawa mong talikuran ang laman at magkakaroon ka ng lakas na isagawa ang katotohanan nang walang hirap. Bakit maraming taong sumusunod sa kagustuhan ng kanilang laman? Dahil itinuturing nila ang kanilang sarili na mahusay, na nadarama na tama at makatwiran ang kanilang ikinikilos, na wala silang kamalian, at na talaga ngang tama sila, samakatuwid ay maaari silang kumilos na ipinapalagay na nasa panig nila ang katarungan. Kapag kinikilala ng isa kung ano ang tunay niyang kalikasan—gaano kapangit, gaano kasuklam-suklam, at gaano kaawa-awa—hindi na niya ipinagmamalaki nang labis ang kaniyang sarili, hindi na masyadong mapagmataas, at hindi na gaanong nasisiyahan sa kaniyang sarili tulad ng dati. Nararamdaman ng gayong tao, “Kailangan kong maging masigasig at makatotohanan, at isagawa ang ilan sa mga salita ng Diyos. Kung hindi, ako ay hindi aabot sa pamantayan ng pagiging tao, at mahihiyang mamuhay sa harapan ng Diyos.” Nakikita niyang tunay ang sarili bilang napakahamak, bilang totoong walang halaga. Sa pagkakataong ito ay nagiging madali para sa isa na isakatuparan ang katotohanan, at ang isa ay mas magmumukhang katulad ng kung ano dapat ang isang tao. Kapag tunay na kinasuklaman ng mga tao ang kanilang sarili, saka lang nila nagagawang talikuran ang laman. Kung hindi nila kinasusuklaman ang kanilang sarili, hindi nila magagawang talikuran ang laman. Ang tunay na pagkamuhi sa sarili ay binubuo ng ilang bagay: Una, pagkaalam sa sariling likas na pagkatao; at pangalawa, pagkakita sa sarili na nangangailangan at kaawa-awa, pagkakita sa sarili na napakahamak at walang kabuluhan, at pagkakita sa sariling kaawa-awa at maruming kaluluwa. Kapag lubos na nakikita ng isang tao kung ano siya talaga, at ito ang kinahinatnan, talagang nagtatamo siya ng kaalaman tungkol sa sarili, at masasabi na lubos na niyang nakilala ang kanyang sarili. Saka lamang niya talaga maaaring kamuhian ang kanyang sarili, hanggang sa isumpa niya ang kanyang sarili, at talagang madama niya na labis siyang nagawang tiwali ni Satanas kaya ni hindi siya mukhang tao. Sa gayon, balang araw, kapag lumitaw ang panganib ng kamatayan, iisipin ng taong iyon, “Ito ang matuwid na parusa ng Diyos. Tunay ngang matuwid ang Diyos; dapat talaga akong mamatay!” Sa puntong ito, hindi siya magrereklamo, lalo nang hindi niya sisisihin ang Diyos, nadarama lamang na siya ay talagang nangangailangan at kaawa-awa, napakarumi at napakatiwali kaya dapat siyang puksain ng Diyos, at ang isang kaluluwang katulad ng sa kanya ay hindi nababagay na mabuhay sa lupa. Sa puntong ito, hindi lalabanan ng taong ito ang Diyos, lalo nang hindi siya magtataksil sa Diyos. Kung hindi nakikilala ng isang tao ang kanyang sarili, at itinuturing pa rin ang sarili niya na mahusay, iisipin ng taong ito kapag malapit na siyang mamatay, “Napakabuti ng nagawa ko sa aking pananampalataya. Talagang nagsumikap ako sa paghahanap! Napakarami kong naibigay, nagdusa ako nang todo, subalit sa huli, hinihingi sa akin ngayon ng Diyos na mamatay ako. Hindi ko alam kung nasaan ang katuwiran ng Diyos. Bakit Niya hinihingi sa aking mamatay ako? Kung kailangang mamatay pati ang isang taong katulad ko, sino na lang ang maliligtas? Hindi ba magwawakas ang lahi ng tao?” Una sa lahat, ang taong ito ay may mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Pangalawa, ang taong ito ay nagrereklamo, at hindi nagpapakita ng anumang pagpapasakop. Katulad lang siya ni Pablo: Noong malapit na siyang mamatay, hindi niya kilala ang kanyang sarili, at noong malapit na ang parusa ng Diyos, huli na para magsisi.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi