A. Tungkol sa Paghahayag Kung Ano ang Pananalig sa Diyos
331. Bagama’t maraming tao ang nananampalataya sa Diyos, kakaunti ang nakakaunawa kung ano ang kahulugan ng pananampalataya sa Diyos, at kung paano sila dapat kumilos upang makaayon sa mga layunin ng Diyos. Ito ay dahil, bagama’t alam ng mga tao ang salitang “Diyos” at ang mga pariralang tulad ng “ang gawain ng Diyos,” hindi nila kilala ang Diyos, at lalong hindi nila alam ang Kanyang gawain. Hindi nakapagtataka, kung gayon, na ang lahat ng hindi nakakakilala sa Diyos ay naguguluhan sa kanilang pananampalataya sa Kanya. Hindi sineseryoso ng mga tao ang pananampalataya sa Diyos, at ito ay ganap na dahil sa masyadong hindi pamilyar at masyadong kakaiba para sa kanila ang pananampalataya sa Diyos. Sa ganitong paraan, labis nilang hindi natutugunan ang mga hinihingi ng Diyos. Sa madaling salita, kung hindi kilala ng mga tao ang Diyos, at hindi nila alam ang Kanyang gawain, hindi sila magiging angkop na gamitin ng Diyos, at lalong hindi nila matutugunan ang Kanyang mga layunin. Ang ibig sabihin ng “pananampalataya sa Diyos” ay paniniwala na mayroong Diyos; ito ang pinakasimpleng konsepto ng pananampalataya sa Diyos. Para mapalawak pa ito, ang paniniwala na mayroong Diyos ay hindi kapareho ng tunay na pananampalataya sa Diyos; sa halip, ito ay isang uri ng simpleng pananalig na may matitinding kahulugang panrelihiyon. Ang ibig sabihin ng tunay na pananampalataya sa Diyos ay ang mga sumusunod: Batay sa pananampalataya na ang Diyos ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay, dinaranas ng isang tao ang mga salita ng Diyos at ang gawain ng Diyos, at sa gayon ay iwinawaksi ang kanyang mga tiwaling disposisyon, tinutugunan ang mga layunin ng Diyos, at nakikilala ang Diyos. Ganitong uri lamang ng paglalakbay ang maaaring tawaging “pananampalataya sa Diyos.” Subalit madalas ituring ng mga tao ang pananampalataya sa Diyos bilang isang napakasimple at napakababaw na bagay. Kapag ang mga tao ay nananampalataya sa Diyos sa ganitong paraan, nawawalan ito ng kahulugan, at bagama’t maaari silang patuloy na manampalataya hanggang sa kahuli-hulihan, hindi nila kailanman makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos, dahil tumatahak sila sa maling landas. Ang mga nananampalataya sa Diyos hanggang ngayon sa gitna ng mga salita at mga hungkag na doktrina ay hindi pa rin nakakaalam na wala silang diwa ng pananampalataya sa Diyos, at na hindi nila matatanggap ang pagsang-ayon ng Diyos. Nagdarasal pa rin sila na pagpalain sila ng Diyos ng kapayapaan at sapat na biyaya. Patahimikin natin ang ating puso at mag-isip tayo nang husto: Maaari kaya na ang pananampalataya sa Diyos ang pinakamadaling bagay sa lupa? Maaari kaya na ang pananampalataya sa Diyos ay nangangahulugan lamang ng pagtanggap ng maraming biyaya mula sa Diyos? Talaga bang ang mga taong nananampalataya sa Diyos nang hindi Siya nakikilala o na nananampalataya sa Diyos subalit nilalabanan Siya ay makatutugon sa mga layunin ng Diyos?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita
332. Ano ang praktikal na pananampalataya sa Diyos ngayon? Ito ay ang pagtanggap sa salita ng Diyos bilang buhay realidad mo, pagkilala sa Diyos mula sa Kanyang salita, at sa gayon ay pagkamit ng tunay na pagmamahal sa Kanya. Upang maging malinaw: Ang pananampalataya sa Diyos ay upang magpasakop ka sa Diyos, mahalin ang Diyos, at tuparin ang tungkulin na dapat tuparin ng isang nilikha. Ito ang layunin ng pananampalataya sa Diyos. Dapat mong makilala ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos, kung gaano kakarapat-dapat ang Diyos sa paggalang, at kung paanong ang gawaing ginagawa ng Diyos sa Kanyang mga nilikha ay ang pagliligtas at paggawang perpekto sa kanila—ito ang mga pinakabatayan na dapat mong taglayin sa iyong pananampalataya sa Diyos. Ang pananampalataya sa Diyos ay pangunahing ang paglipat mula sa isang pamumuhay ng laman tungo sa isang pamumuhay ng pagmamahal sa Diyos, at mula sa pamumuhay sa katiwalian tungo sa pamumuhay sa buhay ng mga salita ng Diyos; ito ay paglabas mula sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at pamumuhay sa ilalim ng pangangalaga at pag-iingat ng Diyos; ito ay upang magawa mong magpasakop sa Diyos sa halip na sa laman, nang sa gayon ay makamit ng Diyos ang iyong buong puso at magawa kang perpekto, at nang sa gayon ay mapalaya ka mula sa mga satanikong tiwaling disposisyon. Ang pananampalataya sa Diyos ay pangunahing upang ang dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian ng Diyos ay maipamalas sa iyo, nang sa gayon ay makasunod ka sa kalooban ng Diyos, nang sa gayon ay maisakatuparan ang plano ng Diyos, at nang sa gayon ay magawa mong magpatotoo para sa Diyos sa harap ni Satanas. Ang pananampalataya sa Diyos ay hindi dapat umikot sa pagnanais na makita ang mga tanda at mga kababalaghan, ni hindi ito dapat alang-alang sa iyong sariling laman. Tungkol ito dapat sa paghahangad sa pagkilala sa Diyos, kakayahang magpasakop sa Diyos, at, tulad ni Pedro, pagpapasakop sa Kanya hanggang sa kamatayan. Ang pangunahing layunin ay ang kamtin ito. Ang tao ay kumakain at umiinom din ng salita ng Diyos upang makilala ang Diyos at upang mapalugod Siya. Ang pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos ay nagbibigay sa iyo ng higit na pagkakilala sa Diyos, at pagkaraan lamang nito ka makakapagpasakop sa Diyos. Tanging kung may pagkakilala ka sa Diyos mo magagawang ibigin Siya, at ito lang ang layong dapat taglayin ng tao sa kanyang pananampalataya sa Diyos. Kung, sa iyong pananampalataya sa Diyos, palagi mong gustong makakita ng mga tanda at mga kababalaghan, kung gayon ay mali ang pananaw na ito sa pananampalataya sa Diyos. Ang pananampalataya sa Diyos ay pangunahing pagtanggap sa mga salita ng Diyos bilang buhay realidad ng isang tao. Kapag ang mga salitang nagmumula sa bibig ng Diyos ay isinasagawa ng mga tao at naisasakatuparan sa kanila, sa gayon ay nakakamit ang layunin ng Diyos. Sa pananampalataya sa Diyos, dapat hangarin ng tao na magawang perpekto ng Diyos, na makapagpasakop sa Diyos, at makamit ang ganap na pagpapasakop sa Diyos. Kung makakapagpasakop ka sa Diyos nang hindi dumaraing, makapagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, makapagkakamit ng tayog ni Pedro, at makapagtataglay ng estilo ni Pedro na sinabi ng Diyos, kung gayon, iyon ang panahon na natamo mo ang tagumpay sa pananampalataya sa Diyos, at ito ang magpapahiwatig na nakamit ka na ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Lahat ay Nakakamit sa Pamamagitan ng Salita ng Diyos
333. Dahil nananampalataya ka sa Diyos, kailangan mong kainin at inumin ang Kanyang mga salita, danasin ang Kanyang mga salita, at isabuhay ang Kanyang mga salita. Ito lamang ang matatawag na pananampalataya sa Diyos! Kung nananampalataya ka sa Diyos sa salita subalit hindi mo naisasagawa ang anuman sa Kanyang mga salita o naipapamalas ang anumang realidad, hindi ito tinatawag na pananampalataya sa Diyos. Sa halip, ito ay “paghahangad na makinabang hangga’t nais.” Ang pagsasalita lamang ng maliliit na patotoo, walang-silbing mga bagay, at mababaw na mga bagay, nang wala ni katiting na realidad: ang mga ito ay hindi katumbas ng pananampalataya sa Diyos, at sadyang hindi mo naarok ang tamang landas ng pananampalataya sa Diyos. Bakit mo kailangang mas kainin at inumin pa ang mga salita ng Diyos? Kung hindi ka kumakain at umiinom ng Kanyang mga salita kundi naghahangad ka lamang na mapunta sa langit, pananampalataya ba iyon sa Diyos? Ano ang unang hakbang na dapat gawin ng isang nananampalataya sa Diyos? Sa anong pamamaraan ginagawang perpekto ng Diyos ang tao? Maaari ka bang magawang perpekto nang hindi ka kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos? Maituturing ka bang isang tao ng kaharian kung hindi nagsisilbing iyong realidad ang mga salita ng Diyos? Ano nga ba talaga ang pananampalataya sa Diyos? Ang mga nananampalataya sa Diyos ay dapat man lamang kumilos nang maayos sa labas; ang pinakamahalaga sa lahat ay ang magtaglay ng mga salita ng Diyos. Anuman ang mangyari, hindi ka maaaring tumalikod kailanman mula sa Kanyang mga salita. Ang pagkilala sa Diyos at pagtugon sa Kanyang mga layunin ay nakakamit lahat sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. Sa hinaharap, bawat bansa, denominasyon, relihiyon, at sektor ay malulupig sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Magsasalita nang tuwiran ang Diyos, at lahat ng tao ay hahawakan ang mga salita ng Diyos sa kanilang mga kamay, at sa pamamagitan nito, sila ay magagawang perpekto. Sa loob at sa labas, ang mga salita ng Diyos ay lumalaganap saanman: Ang lahat ay magbibigkas ng mga salita ng Diyos gamit ang kanilang bibig, magsasagawa alinsunod sa mga salita ng Diyos, at magpapanatili ng mga salita ng Diyos sa loob nila, nananatiling nakababad sa mga salita ng Diyos kapwa sa loob at sa labas. Sa ganitong paraan, sila ay magagawang perpekto. Yaong mga tumutugon sa mga layunin ng Diyos at nagagawang magpatotoo para sa Kanya ay ang mga taong nagtataglay ng mga salita ng Diyos bilang kanilang realidad.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita
334. Ngayon, bilang isang mananampalataya sa praktikal na Diyos, kailangan mong tumapak sa tamang landas. Sa pananampalataya mo sa Diyos, hindi ka lamang dapat maghanap ng mga pagpapala; sa halip, dapat mong hangarin na mahalin ang Diyos at makilala ang Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang kaliwanagan, sa pamamagitan ng iyong personal na paghahangad, dapat magawa mong kumain at uminom ng Kanyang salita, bumuo ng isang tunay na pagkakilala sa Diyos, at magkaroon ng isang tunay na pagmamahal para sa Diyos na nagmumula sa kaibuturan ng iyong puso. Sa madaling salita, kapag ang iyong pagmamahal para sa Diyos ang pinakatunay, at walang sinumang makasisira o makahahadlang sa iyong pagmamahal para sa Kanya, iyon ang oras na ikaw ay nasa tamang landas sa iyong pananampalataya sa Diyos. Pinatutunayan nito na nasa panig ka ng Diyos, sapagkat ang puso mo ay pag-aari na ng Diyos at wala nang iba pang makakapag-angkin sa iyo. Sa pamamagitan ng iyong karanasan, sa pamamagitan ng iyong ibinayad na halaga, at sa pamamagitan ng gawain ng Diyos, nagagawa mong magkaroon ng kusang pagmamahal para sa Diyos—at kapag nagkagayon, ikaw ay mapapalaya mula sa impluwensiya ni Satanas at mamumuhay sa liwanag ng salita ng Diyos. Kapag ikaw ay nakalaya na mula sa impluwensiya ng kadiliman, saka lang masasabi na nakamit mo na ang Diyos. Sa iyong pananampalataya sa Diyos, dapat mong sikaping hangarin ang layong ito. Ito ang responsabilidad ng bawat isa sa inyo. Wala sa inyo ang dapat masiyahan sa kasalukuyang kalagayan ng mga bagay-bagay. Hindi kayo maaaring magdalawang-isip tungkol sa gawain ng Diyos, ni hindi ninyo ito dapat ituring nang basta-basta lang. Dapat ninyong isipin ang Diyos sa lahat ng sitwasyon at bawat sandali, at gawin ang lahat ng bagay alang-alang sa Kanya. At sa inyong pananalita at mga kilos, dapat ninyong unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Tanging sa ganitong paraan kayo magiging kaayon sa mga layunin ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Kang Mamuhay Para sa Katotohanan Yamang Naniniwala Ka sa Diyos
335. Maaari mong isipin na ang pananampalataya sa Diyos ay tungkol lang sa pagdurusa, o paggawa ng maraming bagay para sa Kanya, o pagiging mapayapa ng iyong laman, o ang pagiging maayos ng takbo ng lahat ng bagay para sa iyo, at pagiging komportable at maalwan mo sa lahat ng bagay. Wala sa mga ito ang mga pakay na dapat taglayin ng mga tao sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Kung nananampalataya ka dahil sa mga pakay na ito, mali ang iyong pananaw, at imposible ka talagang magawang perpekto. Ang mga gawa ng Diyos, matuwid na disposisyon ng Diyos, Kanyang karunungan, Kanyang mga salita, at Kanyang pagiging kamangha-mangha at pagiging di-maarok ay pawang mga bagay na dapat maunawaan ng mga tao. Sa pamamagitan ng pagkaunawang ito, dapat magawa mong alisin sa puso mo ang personal mong mga hinihingi, inaasam, at kuru-kuro. Sa pamamagitan lamang ng pag-aalis ng mga bagay na ito mo matutugunan ang mga kondisyong hinihingi ng Diyos. Sa pamamagitan lamang nito ka magkakaroon ng buhay at mapapalugod mo ang Diyos. Ang layunin ng pananampalataya sa Diyos ay upang mapalugod Siya at maisabuhay ang disposisyon na Kanyang hinihingi, upang maipamalas ang Kanyang mga gawa at kaluwalhatian sa pamamagitan ng grupong ito ng hindi karapat-dapat na mga tao. Ito ang tamang pananaw sa pananampalataya sa Diyos, at ito rin ang layong dapat mong hangarin. Ang pananaw mo tungkol sa pananampalataya sa Diyos ay dapat maitama, at dapat mong hangaring makamit ang mga salita ng Diyos. Kailangan mong kainin at inumin ang mga salita ng Diyos at magawang isabuhay ang katotohanan, at sa partikular, kailangan mong makita ang Kanyang praktikal na mga gawa, ang Kanyang kamangha-manghang mga gawa sa buong sansinukob, gayundin ang praktikal na gawaing Kanyang ginagawa sa katawang-tao. Dapat maunawaan ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang aktuwal na mga karanasan, kung paano talaga ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa kanila at kung ano ang mga layunin Niya sa kanila. Ang layunin ng lahat ng ito ay ang maiwaksi nila ang kanilang mga satanikong tiwaling disposisyon. Sa pagwawaksi sa lahat ng karumihan at pagiging hindi matuwid na nasa iyong kalooban, at pagwawaksi sa iyong mga maling intensyon, magkakaroon ka ng tunay na pananampalataya sa Diyos. Sa pamamagitan lamang ng tunay na pananampalataya mo magagawang tunay na mahalin ang Diyos. Magagawa mo lamang na tunay na mahalin ang Diyos sa pundasyon ng pananampalataya sa Kanya. Makapagtatamo ka ba ng pagmamahal sa Diyos nang hindi ka nananampalataya sa Kanya? Yamang nananampalataya ka sa Diyos, hindi ka maaaring maguluhan tungkol dito. Napupuno ng motibasyon ang ilang tao sa sandaling makita nila na ang pananalig sa Diyos ay maghahatid sa kanila ng mga pagpapala, ngunit nawawala ang lahat ng motibasyon nila sa sandaling makita nila na kailangan nilang dumanas ng mga pagpipino. Iyan ba ang pananampalataya sa Diyos? Sa huli, kailangan mong ganap at lubos na magpasakop sa harap ng Diyos sa iyong pananalig. Nananampalataya ka sa Diyos, ngunit kung mayroon ka pa ring mga hinihingi sa Kanya, marami ka pa ring mga relihiyosong kuru-kuro na hindi mo mabitawan, mga personal na interes na hindi mo mapakawalan, at naghahangad ka pa rin ng mga pagpapala ng laman at gusto mong iligtas ng Diyos ang iyong laman, iligtas ang iyong kaluluwa, kung gayon ay nagpapakita ka ng pag-uugali ng isang taong may maling perspektiba. Kahit may pananalig sa Diyos ang mga taong may mga relihiyosong paniniwala, hindi sila naghahangad na baguhin ang kanilang mga disposisyon at hindi sila naghahangad ng pagkilala sa Diyos, kundi ang tanging hinahangad nila ay ang mga interes ng kanilang laman. Marami sa inyo ang may pananalig na nabibilang sa kategorya ng mga relihiyosong paninindigan; hindi iyan tunay na pananalig sa Diyos. Upang manampalataya sa Diyos, kailangang magkaroon ang mga tao ng isang pusong handang magdusa para sa Kanya at ng determinasyon na isuko ang kanilang sarili. Hangga’t hindi natutugunan ng mga tao ang dalawang kondisyong ito, walang bisa ang kanilang pananalig sa Diyos, at hindi sila makapagtatamo ng pagbabago sa kanilang mga disposisyon. Ang mga tao lamang na tunay na naghahangad sa katotohanan, sa pagkakilala sa Diyos, at sa buhay ang mga tunay na nananampalataya sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Iyong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino
336. Makalipas ang napakaraming taon, nakita Ko na ang maraming tao na naniniwala sa Diyos. Ano ang nabago ng kanilang paniniwala sa Diyos sa kanilang isipan? Naniniwala ang ilang tao sa Diyos na para bang wala Siyang halaga. Walang sagot ang mga taong ito sa mga tanong tungkol sa pag-iral ng Diyos, dahil hindi nila nadarama ni nararamdaman ang Kanyang presensya o pagkawala, lalo nang hindi nila nakikita nang malinaw o nauunawaan ito. Hindi nila namamalayan, iniisip ng mga taong ito na hindi umiiral ang Diyos. Naniniwala ang iba pa sa Diyos na para bang Siya ay isang tao. Iniisip ng mga taong ito na hindi Niya kayang gawin ang lahat ng bagay na hindi rin nila kayang gawin, at na dapat Siyang mag-isip kung paano sila mag-isip. Ang pakahulugan nila sa Diyos ay “isang taong hindi nakikita at hindi nahahawakan.” Mayroon ding isang grupo ng mga tao na naniniwala sa Diyos na para bang Siya ay isang tau-tauhan; naniniwala ang mga taong ito na walang damdamin ang Diyos. Iniisip nila na ang Diyos ay isang rebultong gawa sa luwad, at na kapag naharap sa isang isyu, ang Diyos ay walang saloobin, pananaw, o mga ideya; naniniwala sila na Siya ay minamanipula ng sangkatauhan. Naniniwala lamang ang mga tao kung paano nila gustong maniwala. Kung ginagawa nila Siyang dakila, Siya ay dakila; kung ginagawa nila Siyang maliit, Siya ay maliit. Kapag nagkakasala ang mga tao at kailangan nila ang awa, pagpaparaya, at pagmamahal ng Diyos, ipinapalagay nila na dapat ipaabot ng Diyos ang Kanyang awa. Nag-iimbento ang mga taong ito ng isang “Diyos” sa sarili nilang isipan, at pagkatapos ay ginagawa ang “Diyos” na ito na tuparin ang kanilang mga kahilingan at palugurin ang lahat ng pagnanasa nila. Kailan man o saan man, at anuman ang ginagawa ng gayong mga tao, gagamitin nila ang kahibangang ito sa pagtrato nila sa Diyos at sa kanilang pananampalataya. Mayroon pa ngang mga tao, matapos galitin ang disposisyon ng Diyos, na naniniwala pa rin na maaari Niya silang iligtas, dahil ipinapalagay nila na ang pagmamahal ng Diyos ay walang hangganan at ang Kanyang disposisyon ay matuwid, at gaano man magkasala ang mga tao sa Diyos, hindi Niya aalalahanin ang anuman dito. Iniisip nila na yamang ang mga pagkakamali ng tao, mga pagsalangsang ng tao, at mga pagrerebelde ng tao ay pansamantalang mga pagpapahayag ng disposisyon ng isang tao, bibigyan ng Diyos ng mga pagkakataon ang mga tao, at magpaparaya at magpapasensya sa kanila; naniniwala sila na mamahalin pa rin sila ng Diyos tulad ng dati. Sa gayon, nananatiling malaki ang kanilang pag-asa na magtamo ng kaligtasan. Sa katunayan, paano man naniniwala ang mga tao sa Diyos, basta’t hindi nila sinisikap na matamo ang katotohanan, negatibo pa rin ang Kanyang saloobin sa kanila. Ito ay dahil habang sumasampalataya ka sa Diyos, bagamat nakuha at napahalagahan mo na ang aklat ng mga salita ng Diyos, at pinag-aaralan at binabasa mo ito araw-araw, isinasantabi mo ang tunay na Diyos. Itinuturing mo Siyang walang halaga, o isang tao lamang—at ang ilan sa inyo ay itinuturing Siyang isang tau-tauhan lamang. Bakit Ko ito sinasabi sa ganitong paraan? Ginagawa Ko iyon dahil ang tingin Ko rito, nahaharap ka man sa isang problema o sa isang sitwasyon, ang mga bagay na umiiral sa likod ng iyong isipan, ang mga bagay na nabubuo sa iyong kalooban, ay hindi kailanman nagkaroon ng anumang kaugnayan sa mga salita ng Diyos o sa pagsisikap na matamo ang katotohanan. Alam mo lamang kung ano ang iniisip mo mismo, kung ano ang sarili mong pananaw, at pagkatapos ay ipinipilit mo ang sarili mong mga ideya at opinyon sa Diyos. Sa iyong isipan nagiging mga pananaw ng Diyos ang mga ito, at ginagawa mong mga pamantayan ang mga pananaw na ito na walang-sawa mong pinaninindigan. Sa paglipas ng panahon, ang pagpapatuloy nang ganito ay lalong maglalayo sa iyo sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain
337. Bakit ka nga ba nananampalataya sa Diyos? Karamihan sa mga tao ay magulo pa rin ang isip tungkol sa tanong na ito, at palagi silang mayroong dalawang lubos na magkaibang pananaw tungkol sa praktikal na Diyos at sa Diyos na nasa langit. Ipinapakita nito na nananampalataya ang mga tao sa Diyos hindi para magpasakop sa Kanya, kundi para makatanggap ng ilang pakinabang, o para makatakas sa pagdurusa na dala ng sakuna; saka lamang sila medyo mapagpasakop. May kondisyon ang ganitong uri ng pagpapasakop—ang kanilang personal na kinabukasan ang paunang kondisyon ng kanilang pagpapasakop; nagpapasakop sila dahil wala silang ibang pagpipilian. Kaya, bakit ka nga ba nananampalataya sa Diyos? Kung para lamang ito sa kinabukasan at kapalaran mo, mas makabubuti pang huwag ka nang manampalataya sa Kanya. Ang ganitong pananampalataya ay panloloko sa sarili mo, pagpapanatag sa sarili mo, at paghanga sa sarili mo. Kung hindi nakabatay ang pananalig mo sa pundasyon ng pagpapasakop sa Diyos, parurusahan ka sa huli dahil sa paglaban sa Kanya. Lahat ng mga hindi naghahanap ng pagpapasakop sa Diyos sa pananalig nila ay mga taong lumalaban sa Diyos. Hinihingi ng Diyos na hanapin ng mga tao ang katotohanan, na mauhaw sila sa mga salita Niya, na kainin at inumin ang mga salita Niya, at isagawa ang mga ito, lahat ito ay upang makamit nila ang pagpapasakop sa Diyos. Kung iyon ang tunay mong intensiyon, tiyak na itataas ka ng Diyos, at tiyak na magiging mapagbiyaya Siya sa iyo. Ito ay hindi mapagdududahan at hindi mababago. Kung ang intensiyon mo ay hindi magpasakop sa Diyos, at mayroon kang ibang mga pakay, lahat ng sinasabi at ginagawa mo—maging ang mga panalangin mo sa harap ng Diyos, at higit pa nga rito, ang bawat kilos mo—ay magiging paglaban sa Kanya. Kahit na ang mga salita mo ay malumanay at ikaw ay banayad, kahit na ang bawat kilos at ekspresyon mo ay tila wasto para sa iba, na para bang isa kang mapagpasakop na tao, pagdating sa mga intensiyon mo at sa mga pananaw mo tungkol sa pananalig sa Diyos, ang bawat kilos mo ay paglaban sa Diyos, ito ay paggawa ng kasamaan. Ang mga taong mukhang masunurin na parang mga tupa, ngunit may masasamang intensiyon sa puso, ay mga lobong nakadamit-tupa, at ang mga tuwirang gumagawa ng pagkakasala laban sa Diyos. Hindi palalampasin ng Diyos ang kahit isa sa kanila, at ihahayag ng Banal na Espiritu ang bawat isa sa kanila. Makikita ng lahat na ang lahat ng mapagpaimbabaw ay tiyak na itataboy ng Banal na Espiritu. Huwag mainip: Papanagutin at iwawaksi ng Diyos ang bawat isa sa kanila nang sunod-sunod.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pananampalataya Mo sa Diyos, Dapat Kang Magpasakop sa Diyos
338. Ang pinakamalaking pagkakamali ng mga tao sa kanilang pananalig sa Diyos ay yaong sa salita lamang ang kanilang pananampalataya, at ang Diyos ay lubos na wala sa pang-araw-araw nilang buhay. Ang lahat nga ng tao ay naniniwala sa pag-iral ng Diyos, subalit ang Diyos ay hindi bahagi ng kanilang pang-araw-araw na mga buhay. Namumutawi sa bibig ng mga tao ang maraming panalangin sa Diyos, ngunit ang Diyos ay may maliit lamang na lugar sa kanilang puso, at dahil dito ay paulit-ulit silang sinusubok ng Diyos. Sa dahilang ang mga tao ay hindi dalisay kung kaya’t ang Diyos ay walang mapagpipilian kundi subukin sila, upang mahiya sila at makilala nila ang kanilang sarili sa gitna ng mga pagsubok na ito. Kung hindi, ang sangkatauhan ay magiging mga inapo ng arkanghel, at lalo’t lalong magiging tiwali. Sa proseso ng kanilang pananalig sa Diyos, iwinawaksi ng bawat tao ang marami sa kanilang personal na mga intensiyon at pakay habang sila ay walang-humpay na nililinis ng Diyos. Kung hindi, walang magiging paraan ang Diyos upang magamit ang sinuman, at walang paraan na gawin sa tao ang gawaing dapat Niyang gawin. Nililinis muna ng Diyos ang mga tao, at sa prosesong ito, makikilala ng mga tao ang kanilang sarili, at mababago sila ng Diyos. Saka lamang maikikintal ng Diyos ang Kanyang buhay sa kanila, at sa ganitong paraan lamang lubusang makababaling ang puso nila sa Diyos. At kaya, ang pananampalataya sa Diyos ay hindi kasingsimple ng sinasabi ng mga tao. Sa paningin ng Diyos, kung may pagkakilala ka lamang ngunit wala ka ng salita Niya bilang buhay, at kung limitado ka lamang sa iyong sariling pagkakilala ngunit hindi kayang maisagawa ang katotohanan o maisabuhay ang salita ng Diyos, kung gayon ito ay patunay pa rin na wala kang mapagmahal-sa-Diyos na puso, at ipinakikita nito na ang iyong puso ay hindi pag-aari ng Diyos. Makikilala ng isang tao ang Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanya: Ito ang panghuling pakay at ang layon ng paghahangad ng tao. Dapat kang magsikap na isabuhay ang mga salita ng Diyos upang ang mga ito ay maisakatuparan sa iyong pagsasagawa. Kung mayroon ka lamang kaalaman tungkol sa doktrina, ang iyong pananalig sa Diyos ay mauuwi sa wala. Tanging kung iyo ring isinasagawa at isinasabuhay ang Kanyang salita saka lamang maituturing na ganap ang iyong pananalig at ayon sa mga layunin ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Kang Mamuhay Para sa Katotohanan Yamang Naniniwala Ka sa Diyos
339. Sa pananampalataya sa Diyos at pagsunod sa Kanya, kailangang mayroon kang mapagmahal-sa-Diyos na puso, kailangan mong iwaksi ang iyong tiwaling disposisyon, kailangan mong hangarin na matugunan ang mga layunin ng Diyos, at kailangan mong tuparin nang maayos ang tungkulin ng isang nilikha. Dahil nananampalataya at sumusunod ka sa Diyos, dapat mong ialay ang lahat sa Kanya, at hindi ka dapat gumawa ng mga personal na pagpili o kahingian, at dapat mong makamit ang katugunan sa mga layunin ng Diyos. Dahil ikaw ay isang nilikhang tao, dapat kang magpasakop sa Panginoon na lumikha sa iyo, sapagkat likas mong hindi makontrol ang iyong sarili, at wala kang likas na abilidad na kontrolin ang sarili mong tadhana. Dahil isa kang taong nananampalataya sa Diyos, dapat kang maghangad ng pagpapabanal at pagbabago. Dahil ikaw ay isang nilikha, dapat kang kumapit sa iyong tungkulin, at manatili sa iyong lugar, at huwag kang lumampas sa iyong tungkulin. Ito ay hindi upang limitahan ka, o supilin ka sa pamamagitan ng doktrina, kundi sa halip ay ang landas upang magampanan mo ang iyong tungkulin, at makakamit ito—at dapat makamit—ng lahat ng gumagawa ng katuwiran.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao
340. Ang pinakapundamental na kailangan sa pananampalataya ng tao sa Diyos ay na mayroon siyang matapat na puso, at na kaya niyang lubos na ilaan ang kanyang sarili, at kaya niyang tunay na magpasakop. Ang pinakamahirap para sa tao ay ibigay ang kanyang buong buhay kapalit ng tunay na pananampalataya, at sa pamamagitan nito ay matamo niya ang buong katotohanan, at magampanan ang kanyang tungkulin bilang isang nilikha. Ito ang hindi kayang matamo ng mga nabibigo, at lalo pang hindi ito natatamo ng mga hindi makasumpong kay Cristo. Dahil mismo ang tao ay hindi magaling sa buong paglalaan ng kanyang sarili sa Diyos, dahil ang tao ay hindi handang gampanan ang kanyang tungkulin para sa Lumikha, dahil nakita na ng tao ang katotohanan ngunit iniiwasan ito at tumatahak sa kanyang sariling landas, dahil laging naghahangad ang tao sa pamamagitan ng pagsunod sa landas ng mga nabigo na, dahil laging naghihimagsik ang tao sa Langit, na laging nabibigo ang tao, laging nabibitag sa panlalansi ni Satanas, at sa sarili niyang patibong. Dahil hindi kilala ng tao si Cristo, dahil hindi sanay ang tao sa pag-unawa at pagdanas ng katotohanan, dahil masyadong sinasamba ng tao si Pablo at may masyadong matinding pagnanais na pumunta sa langit, dahil laging iginigiit ng tao na sundin siya ni Cristo at inuutus-utusan niya ang Diyos, lahat ng matatayog na dakilang tao at iyong mga nakaranas na ng mga pagbabagong nangyayari sa mundo ay hindi pa rin makatakas sa kamatayan, at namamatay sa gitna ng pagkastigo ng Diyos. Ang masasabi Ko lamang tungkol sa gayong mga tao ay na namamatay sila sa hindi natural na paraan. Ang mga kinahihinatnan nila—ang kanilang kamatayan—ay hindi walang katwiran, at bukod pa roon, hindi ba’t ang kanilang kabiguan ay lalo pang hindi mapapalampas sa batas ng Langit? Ang katotohanan ay nagmumula sa mundo ng tao, subalit ang katotohanang nasa tao ay ipinapasa ni Cristo. Ito ay nagmumula kay Cristo, ibig sabihin, mula sa Diyos Mismo, at hindi ito isang bagay na kaya ng tao. Subalit itinutustos lang ni Cristo ang katotohanan; hindi Siya pumarito upang magpasya kung ang tao ay magiging matagumpay sa kanyang paghahangad na matamo ang katotohanan. Samakatwid, ang tao man ay matagumpay o hindi sa usapin ng katotohanan ay ganap na nakasalalay sa kanyang sariling paghahangad. Isa itong usapin na hindi nagkaroon ng kinalaman kay Cristo kailanman, kundi sa halip ay napagpapasyahan sa pamamagitan ng paghahangad ng tao. Ang hantungan at tagumpay o kabiguan ng tao ay hindi maaaring ipatong lahat sa ulo ng Diyos, para ang Diyos Mismo ay magpasan nito, dahil hindi ito isang bagay na para sa Diyos Mismo, kundi direkta itong nauugnay sa tungkuling dapat gampanan ng mga nilikha. Karamihan sa mga tao ay mayroon talagang kaunting kaalaman tungkol sa pinagsisikapan at hantungan nina Pablo at Pedro, subalit walang ibang alam ang mga tao bukod sa mga kinalabasan nina Pedro at Pablo, at wala silang alam tungkol sa lihim sa likod ng tagumpay ni Pedro, o sa mga kakulangang humantong sa kabiguan ni Pablo. Kaya nga, kung kayo ay lubos na walang kakayahang makakita sa diwa ng kanilang pinagsisikapan, mabibigo pa rin ang pinagsisikapan ng karamihan sa inyo, at kahit may kaunti sa inyo na magtatagumpay, hindi pa rin nila makakapantay si Pedro. Kung ang landas ng iyong pagsisikap ang siyang tama, may pag-asa kang magtagumpay; kung ang landas na iyong tinatahak sa paghahangad ng katotohanan ay mali, hindi mo makakayang magtagumpay magpakailanman, at hahantong sa kinalabasang katulad ng kay Pablo.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao
341. Sa iyong pananampalataya sa Diyos, kailangan mong magpasakop sa Diyos, isagawa ang katotohanan, at tuparin ang lahat ng iyong tungkulin. Bukod pa rito, kailangan mong maunawaan ang mga bagay na dapat mong maranasan. Kung ang nararanasan mo lamang ay mapungusan, madisiplina, at mahatulan, kung tinatamasa mo lamang ang Diyos ngunit hindi mo nararamdaman kapag dinidisiplina o pinupungusan ka ng Diyos—hindi ito katanggap-tanggap. Marahil sa pagkakataong ito ng pagpipino, naninindigan ka, ngunit hindi pa rin ito sapat; kailangan mo pa ring patuloy na sumulong. Ang aral tungkol sa pagmamahal sa Diyos ay walang katapusan; hindi ito kailanman magtatapos. Ang tingin ng mga tao sa pananampalataya sa Diyos ay isang bagay na napakasimple, ngunit sa sandaling aktuwal nila itong maranasan, napagtatanto nila na ang pananampalataya sa Diyos ay hindi kasingsimple ng iniisip ng mga tao. Kapag ang Diyos ay gumagawa upang pinuhin ang tao, nagdurusa ang tao. Kapag mas matindi ang pagpipino sa tao, mas lalong lumalaki ang kanyang mapagmahal-sa-Diyos na puso, at mas lalong mabubunyag sa kanya ang dakilang kapangyarihan ng Diyos. Sa kabaligtaran, habang mas kakaunti ang nararanasang pagpipino ng isang tao, mas lumiliit ang kanyang mapagmahal-sa-Diyos na puso, at mas kaunti ang nabubunyag na dakilang kapangyarihan ng Diyos sa kanya. Habang mas tumitindi ang pagpipino at pasakit sa isang tao at habang mas nadadagdagan ang pagpapahirap na dinaranas niya, mas lalalim ang kanyang magiging pagmamahal sa Diyos, magiging mas tunay ang kanyang pananalig sa Diyos, at mas lalalim ang kanyang pagkakilala sa Diyos. Sa iyong mga karanasan, makikita mo na iyong mga tao na sumasailalim sa labis na pagpipino at pagdurusa, na pinupungusan at dinidisiplina nang husto, ay may masidhing pagmamahal sa Diyos at mas malalim at lubusang pagkakilala sa Diyos. Ang mga hindi pa nakaranas na mapungusan ay may mababaw lamang na pagkakilala. Ang masasabi lamang nila, “Napakabuti ng Diyos, pinagkakalooban Niya ng biyaya ang mga tao upang matamasa nila Siya.” Kung naranasan nilang mapungusan at madisiplina, nagagawa nilang magsalita tungkol sa tunay na pagkakilala sa Diyos. Kaya habang mas kamangha-mangha ang gawain ng Diyos sa tao, mas mahalaga at makabuluhan ito. Kapag mas hindi mo ito maarok at mas hindi ito tumutugma sa iyong mga kuru-kuro, mas nagagawa kang lupigin, kamtin, at gawing perpekto ng gawain ng Diyos. Napakalaki ng kabuluhan ng gawain ng Diyos! Kung hindi pinino ng Diyos ang tao sa ganitong paraan, kung hindi Siya gumawa ayon sa pamamaraang ito, hindi magiging epektibo at mawawalan ng kabuluhan ang gawain ng Diyos. Naroroon ang ekstraordinaryong kabuluhan ng kung ano ang binanggit noong araw—ang pagpili at pagkakamit ng Diyos sa grupong ito, at paggawang ganap sa kanila sa mga huling araw. Kapag mas malaki ang gawaing isinasagawa Niya sa inyo, mas malalim at mas dalisay ang inyong pagmamahal sa Diyos. Kapag mas dakila ang gawain ng Diyos, mas nagagawa ng tao na maunawaan nang bahagya ang Kanyang karunungan at mas malalim ang pagkakilala ng tao sa Kanya.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Iyong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino
342. Kinakailangan sa pananampalataya sa Diyos ang pagpapasakop sa Kanya at pagdanas ng Kanyang gawain. Napakaraming nagawa ng Diyos—masasabi na para sa mga tao lahat ng ito ay pagpeperpekto, pagpipino, at higit pa rito, pagkastigo. Wala pa ni isang hakbang ng gawain ng Diyos na nakaayon sa mga kuru-kuro ng tao; ang natamasa ng mga tao ay ang mahihigpit na salita ng Diyos. Kapag pumarito ang Diyos, kailangang matamasa ng mga tao ang Kanyang pagiging maharlika at Kanyang poot. Gayunman, gaano man kabagsik ang Kanyang mga salita, pumaparito Siya para iligtas at gawing perpekto ang tao. Bilang mga nilikha, dapat tuparin ng mga tao ang mga tungkuling dapat nilang tuparin, at manindigan sila sa kanilang patotoo sa Diyos sa gitna ng pagpipino. Sa bawat pagsubok dapat nilang panindigan ang pagpapatotoong dapat nilang gawin, at magbigay ng matunog na patotoo para sa Diyos. Ang isang taong gumagawa nito ay isang mananagumpay. Paano ka man pinuhin ng Diyos, dapat kang manatiling puno ng pananalig at hindi kailanman mawalan ng pananalig sa Kanya, at dapat mo ring gawin ang dapat gawin ng tao. Ito lahat ang hinihingi ng Diyos sa tao—hinihingi Niya na magawa ng puso ng tao na lubos na bumalik sa Kanya at bumaling sa Kanya sa bawat sandali. Ang gayong tao ay isang mananagumpay. Ang mga tinutukoy ng Diyos bilang “mga mananagumpay” ay mga taong nagagawa pa ring manindigan sa kanilang patotoo, magpanatili ng kanilang pananalig at ng kanilang katapatan sa Diyos, at anuman ang mangyari, magpanatili ng isang dalisay na puso sa harap ng Diyos at magpanatili ng kanilang tunay na pagmamahal sa Diyos, habang nasa ilalim ng impluwensiya ni Satanas at habang kinukubkob ni Satanas—ibig sabihin, habang nasa gitna sila ng mga puwersa ng kadiliman. Sa ganitong paraan, nakapanindigan sila sa kanilang patotoo sa harap ng Diyos. Ang gayong mga tao ang mga tinutukoy ng Diyos bilang “mga mananagumpay.” Kung napakaganda ng iyong paghahangad kapag pinagpapala ka ng Diyos, ngunit umuurong ka kapag wala ang Kanyang mga pagpapala, kadalisayan ba ito? Yamang nakatitiyak ka na ito ang tunay na daan, kailangan mo itong sundan hanggang sa dulo; kailangan mong panatilihin ang iyong katapatan sa Diyos. Yamang nakita mo na ang Diyos ay naparito sa lupa upang personal na gawin kang perpekto, dapat mong ibigay nang lubusan ang iyong puso sa Kanya. Kung, anuman ang gawin ng Diyos—marahil ay bibigyan ka ng isang hindi kanais-nais na kinalabasan sa pinakahuli—kaya mo pa ring sumunod sa Kanya, nangangahulugan ito na napanatili mo ang iyong kadalisayan sa harap ng Diyos. Ang pag-aalay ng isang banal na espirituwal na katawan at isang dalisay na birhen sa Diyos, na nabanggit na, ay nangangahulugang pagpapanatili ng isang sinserong puso sa harap ng Diyos. Ang sinseridad ng tao ay kadalisayan, at ang mga kayang maging sinsero sa Diyos ay nakapagpanatili ng kadalisayan. Ito ang dapat mong isagawa. Kapag dapat kang manalangin, manalangin ka; kapag dapat kang makitipon sa pagbabahaginan, gawin mo iyon; kapag dapat kang umawit ng mga himno, umawit ka ng mga himno; at kapag dapat kang maghimagsik laban sa laman, maghimagsik ka laban sa laman. Kapag ginagawa mo ang iyong tungkulin, hindi ka pabasta-basta; kapag nahaharap ka sa mga pagsubok, naninindigan ka. Ito ay katapatan sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Katapatan sa Diyos
343. Nang hinampas ni Moises ang bato, at ang tubig na ibinigay ni Jehova ay bumukal, ito ay dahil sa kanyang pananalig. Nang tinugtog ni David ang alpa at lira sa pagpupuri sa Akin, si Jehova—na ang kanyang puso ay puno ng kagalakan—ito ay dahil sa kanyang pananalig. Nang nawala kay Job ang kanyang mga hayop na pumupuno sa mga bundok at ang di-masukat na kayamanan, at ang kanyang katawan ay napuno ng masasakit na pigsa, ito ay dahil sa kanyang pananalig. Kapag narinig niya ang tinig Ko, ni Jehova, at nakita ang Aking kaluwalhatian, ni Jehova, ito ay dahil sa kanyang pananalig. Nakasunod si Pedro kay Jesucristo dahil sa kanyang pananalig. Naipako siya sa krus alang-alang sa Akin at nakapagbigay ng maluwalhating patotoo dahil din sa kanyang pananalig. Nang makita ni Juan ang maluwalhating wangis ng Anak ng tao, ito ay dahil sa kanyang pananalig. Nang makita niya ang pangitain ng mga huling araw, ang lahat ng ito ay lalong dahil sa kanyang pananalig. Ang dahilan kung bakit ang sinasabing karamihan ng mga bayan ng Hentil ay nagkamit ng Aking paghahayag, at nakaalam na nakabalik na Ako sa katawang-tao upang gawin ang Aking gawain sa gitna ng tao, ay dahil din sa kanilang pananalig. Lahat niyaong hinahampas ng Aking mahihigpit na salita ngunit nagkakamit ng ginhawa mula rito at inililigtas—hindi ba nila nagawa ang gayon dahil sa kanilang pananalig? Dahil sa kanilang pananalig, nakatanggap ang mga tao ng napakaraming bagay, at hindi ito palaging mga pagpapala. Maaaring hindi nila matanggap ang uri ng kaligayahan at kagalakan na nadama ni David, o mapagkalooban ng tubig ni Jehova kagaya ni Moises. Halimbawa, pinagpala ni Jehova si Job dahil sa kanyang pananalig, ngunit nakatanggap din siya ng kagipitan. Kung ikaw man ay nakakatanggap ng mga pagpapala o kagipitan, parehong mga pinagpalang pangyayari ang mga ito. Kung hindi dahil sa pananalig mo, hindi mo matatanggap ang gawaing ito ng paglupig, at lalong hindi mo makikita ang mga gawa ni Jehova na naipapamalas sa harap ng mga mata mo ngayon—hindi mo ito makikita, at lalong hindi mo ito makakamit. Ang mga kagipitang ito, ang mga kalamidad na ito, at ang lahat ng paghatol—kung hindi dumating sa iyo ang mga ito, magagawa mo bang makita ang mga gawa ni Jehova ngayon? Ngayon, ang pananalig ang nagtutulot sa iyo na malupig, at ang pagiging nalupig ang nagtutulot sa iyo na manampalataya sa bawat gawa ni Jehova. Dahil lamang sa pananalig kaya ka nakatatanggap ng gayong pagkastigo at paghatol. Sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol na ito, ikaw ay nilulupig at pineperpekto. Kung hindi dahil sa pagkastigo at paghatol ngayon, ang iyong pananalig ay mawawalan ng kabuluhan, sapagkat hindi mo makikilala ang Diyos; kahit gaano ka nananampalataya sa Kanya, ang iyong pananalig ay magiging mga hungkag na salita lamang at hindi magkakaroon ng anumang realidad. Matapos mo lang tanggapin ang gawaing ito ng paglupig, na ginagawa kang lubos na mapagpasakop, na ang iyong pananalig ay nagiging totoo, at maaasahan, at ang iyong puso ay bumabaling sa Diyos. Kahit na ikaw ay isinasailalim sa maraming paghatol o maraming pagsumpa dahil sa salitang ito, “pananalig,” ikaw magkagayunman ay may totoong pananalig at ikaw ay nagkamit ng pinakatunay, pinakatotoo, at pinakamahalagang bagay. Ito ay dahil sa proseso lamang ng paghatol na nakikita mo ang hantungan ng mga nilikha; sa paghatol na ito mo nakikita ang pagiging kaibig-ibig ng Lumikha; sa ganitong uri ng gawain ng paglupig mo namamasdan ang bisig ng Diyos; sa panlulupig na ito mo lubos na nauunawaan ang buhay ng tao; sa panlulupig na ito mo natatamo ang tamang landas sa buhay ng tao at nauunawaan ang totoong kahulugan ng “tao”; sa panlulupig na ito mo lang nakikita ang matuwid na disposisyon ng Makapangyarihan sa lahat at ang Kanyang maganda at maluwalhating mukha; sa gawain ng paglupig na ito mo natutuklasan ang tungkol sa pinagmulan ng tao at nauunawaan ang “walang kamatayang kasaysayan” ng buong sangkatauhan; sa panlulupig na ito mo natutuklasan ang tungkol sa mga ninuno ng sangkatauhan at ang pinagmulan ng katiwalian ng sangkatauhan; sa panlulupig na ito ka nakatatanggap ng kagalakan at kapanatagan gayundin ng walang katapusang pagtutuwid, pagdidisiplina, at ng mga salita ng pagsaway ng Lumikha sa sangkatauhang Kanyang nilikha; sa gawain ng paglupig na ito ka nakatatanggap ng mga pagpapala, gayundin ng mga kasawian na dapat tanggapin ng tao…. Hindi ba’t ang lahat ng ito ay dahil sa iyong kaunting pananalig? At hindi ba lumalago ang iyong pananalig mula sa pagkakamit ng mga bagay na ito? Hindi ba napakarami ng iyong nakamit?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig (1)