e. Paano nabuo ang Bibliya, at kung ang gawain ng Diyos ba ang nauna o ang Bibliya
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Matapos gawin ng Diyos ang gawain ng Kapanahunan ng Kautusan, nabuo ang Lumang Tipan, at noon nagsimulang magbasa ng Bibliya ang mga tao. Matapos dumating ni Jesus, ginawa Niya ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, at isinulat ng Kanyang mga apostol ang Bagong Tipan. Dahil dito ay nabuo ang Luma at Bagong Tipan ng Bibliya, at kahit hanggang ngayon, lahat ng naniniwala sa Diyos ay nagbabasa ng Bibliya. Ang Bibliya ay isang aklat ng kasaysayan. Siyempre, ito rin ay naglalaman ng ilan sa mga propesiya ng mga propeta, at siyempre, ang mga ito ay hindi kabilang sa kasaysayan. Ang Bibliya ay kinabibilangan ng ilang bahagi—hindi lamang propesiya, o gawain lamang ni Jehova, o mga sulat lamang ni Pablo. Kailangan mong malaman kung gaano karami ang mga bahaging napapaloob sa Bibliya. Ang Lumang Tipan ay naglalaman ng Genesis, Exodus…, at mayroon ding mga aklat ng propesiya na isinulat ng mga propeta. Sa huli, ang Lumang Tipan ay nagtatapos sa Aklat ni Malakias. Itinatala nito ang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan, na pinamunuan ni Jehova. Mula sa Genesis hanggang sa Aklat ni Malakias, ito ay isang komprehensibong tala ng lahat ng gawain ng Kapanahunan ng Kautusan. Ibig sabihin, ang Lumang Tipan ay tala ng lahat ng karanasan ng tao na ginabayan ni Jehova sa Kapanahunan ng Kautusan. Noong Kapanahunan ng Kautusan sa Lumang Tipan, ang malaking bilang ng mga propeta na ginamit ni Jehova ay nagwika ng mga propesiya para sa Kanya, nagbigay sila ng mga tagubilin sa iba’t ibang mga tribo at bansa, at ipinropesiya ang gawain na gagawin ni Jehova. Ang lahat ng mga taong ito na itinaguyod ng Diyos ay binigyan ni Jehova ng Espiritu ng propesiya: Nakita nila ang mga pangitain mula kay Jehova, at narinig nila ang Kanyang tinig, at dahil dito, sila’y nabigyan Niya ng inspirasyon at nagsulat ng propesiya. Ang gawain na kanilang ginawa ay paghahayag ng tinig ni Jehova, ang pagpapahayag ng propesiya ni Jehova, at ang gawain ni Jehova noong panahong iyon ay upang magabayan lamang ang mga tao sa pamamagitan ng Espiritu. Hindi Siya nagkatawang-tao, at hindi nakita ng mga tao ang Kanyang mukha. Kung kaya’t gumamit Siya ng maraming propeta upang magawa ang Kanyang gawain, at binigyan sila ng mga orakulo na kanilang ipinasa sa bawat tribo at angkan ng Israel. Ang kanilang gawain ay magsalita ng propesiya, at ang ilan sa kanila ay isinulat ang mga tagubilin ni Jehova sa kanila upang ipakita sa iba. Ginamit ni Jehova ang mga taong ito upang magsalita ng propesiya, upang ipropesiya ang gawain ng hinaharap o ang gawain na gagawin pa sa panahong iyon, upang makita ng mga tao ang pagiging kamangha-mangha at ang karunungan ni Jehova. Ang mga aklat na ito ng propesiya ay medyo naiiba sa ibang mga aklat ng Bibliya. Ang mga ito ay mga salitang binigkas o isinulat ng mga binigyan ng Espiritu ng propesiya—ng mga nagkaroon ng mga pangitain o tinig mula kay Jehova. Maliban sa mga aklat ng propesiya, ang lahat ng iba pa sa Lumang Tipan ay binubuo ng mga talaan na ginawa ng mga tao matapos magawa ni Jehova ang Kanyang gawain. Ang mga librong ito ay hindi maipanghahalili sa mga ipinropesiya ng mga propeta na itinaguyod ni Jehova, sa katulad na paraan na ang Genesis at Exodus ay hindi maikukumpara sa Aklat ni Isaias at sa Aklat ni Daniel. Ang mga propesiya ay sinabi bago pa isinagawa ang gawain, samantalang ang ibang aklat ay isinulat pagkatapos na makumpleto ang gawain, na siya namang kayang gawin ng mga tao. Ang mga propeta ng panahong iyon ay binigyang-inspirasyon ni Jehova at nagsabi ng ilang propesiya, marami silang binigkas na mga salita, at nagpropesiya sila tungkol sa mga bagay-bagay sa Kapanahunan ng Biyaya, pati na rin sa pagkawasak ng mundo sa mga huling araw—ang gawain na binalak gawin ni Jehova. Nakatala sa lahat ng natitirang aklat ang ginawa ni Jehova sa Israel. Kaya kapag binabasa mo ang Bibliya, ang binabasa mo higit sa lahat ay kung ano ang ginawa ni Jehova sa Israel; pangunahing nakatala sa Lumang Tipan ng Bibliya ang gawain ni Jehova ng paggabay sa Israel, ang paggamit Niya kay Moises upang gabayan ang mga Israelita palabas ng Ehipto, na nag-alis ng mga kadena ng Faraon sa kanila, at nagdala sa kanila sa ilang, matapos noon ay pumasok sila sa Canaan at ang lahat ng sumunod dito ay tungkol sa kanilang buhay sa Canaan. Ang lahat ng bukod dito ay mga tala ng gawain ni Jehova sa buong Israel. Ang lahat ng nakatala sa Lumang Tipan ay gawain ni Jehova sa Israel, ito ang gawaing ginawa ni Jehova sa lupain kung saan nilikha Niya sina Adan at Eba. Mula nang opisyal na sinimulan ng Diyos na pamunuan ang mga tao sa daigdig pagkaraan ni Noe, ang lahat ng nakatala sa Lumang Tipan ay gawain sa Israel. At bakit walang nakatala na kahit anong gawain sa labas ng Israel? Dahil ang lupain ng Israel ay ang duyan ng sangkatauhan. Sa simula, walang ibang bansa maliban sa Israel, at si Jehova ay hindi gumawa sa anupamang lugar. Sa ganitong paraan, ang nakasulat sa Lumang Tipan ng Bibliya ay gawaing lahat ng Diyos sa Israel noong panahong iyon. Ang mga salitang binigkas ng mga propeta, ni Isaias, Daniel, Jeremias, at Ezekiel … ang kanilang mga salita ay nagpropesiya ng iba pa Niyang mga gawain sa daigdig, ipinropesiya nila ang gawain ng Mismong Diyos na si Jehova. Ang lahat ng ito ay mula sa Diyos, ito ay ang gawain ng Banal na Espiritu, at bukod sa mga aklat na ito ng mga propeta, ang lahat ng iba pa ay tala ng mga karanasan ng mga tao sa gawain ni Jehova noong panahong iyon.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 1
Sa panahong iyon, maraming nagawa si Jesus na hindi maunawaan ng Kanyang mga disipulo, at hindi Siya nagbigay ng anumang paliwanag. Nang makaalis na Siya, sinimulang mangaral at gumawa ng mga disipulo sa lahat ng dako, at para sa kapakanan ng yugtong iyon ng gawain, sinimulan nilang isulat ang mga liham at mga aklat ng ebanghelyo. Ang mga aklat ng ebanghelyo sa Bagong Tipan ay naitala dalawampu hanggang tatlumpung taon matapos ipako sa krus si Jesus. Noon, Lumang Tipan lang ang binabasa ng bayan ng Israel. Ibig sabihin, sa simula ng Kapanahunan ng Biyaya, Lumang Tipan ang binabasa ng mga tao. Lumitaw lamang ang Bagong Tipan sa Kapanahunan ng Biyaya. Walang Bagong Tipan nang isagawa ni Jesus ang Kanyang gawain; itinala ang Kanyang gawain ng mga tao matapos Siyang mabuhay muli at umakyat sa langit. Noon lamang nagkaroon ng Apat na Ebanghelyo, karagdagan pa rito ang mga sulat nina Pablo at Pedro, gayundin ang Aklat ng Pahayag. Makalipas ang mahigit tatlong daang taon matapos umakyat si Jesus sa langit, mapiling tinipon ng mga sumunod na henerasyon ang mga dokumentong ito, at noon lamang nagkaroon ng Bagong Tipan ang Bibliya. Nagkaroon lang ng Bagong Tipan nang makumpleto ang gawaing ito; wala ito dati. Natapos ng Diyos ang lahat ng gawaing iyon, at sumulat si Pablo at ang iba pang mga apostol ng napakaraming sulat sa mga iglesia sa iba’t ibang lugar. Pinagsama-sama ng mga taong sumunod sa kanila ang mga sulat nila, at idinagdag ang pinakadakilang pangitaing itinala ni Juan sa isla ng Patmos, kung saan ipinropesiya ang gawain ng Diyos ng mga huling araw. Ginawa ng mga tao ang pagkakasunud-sunod na ito, na iba kaysa mga pagbigkas sa ngayon. Ang nakatala ngayon ay ayon sa mga hakbang ng gawain ng Diyos; ang pinagkakaabalahan ng mga tao ngayon ay ang gawaing personal na isinakatuparan ng Diyos, at ang mga salitang personal Niyang binigkas. Ikaw—sangkatauhan—ay hindi kailangang makialam; ang mga salita, na tuwirang nagmula sa Espiritu, ay isinaayos nang paisa-isang hakbang, at naiiba sa pagsasaayos ng mga talaan ng tao. Masasabi na ang kanilang itinala ay ayon sa antas ng kanilang pinag-aralan at kakayahan ng tao. Ang kanilang itinala ay mga karanasan ng mga tao, at bawat isa ay may sariling paraan ng pagtatala at pag-alam, at bawat talaan ay naiiba. Kaya, kung sinasamba mo ang Bibliya bilang Diyos, napakamangmang at napakahangal mo! Bakit hindi mo hinahanap ang gawain ng Diyos sa ngayon? Gawain ng Diyos lamang ang makapagliligtas sa tao. Hindi maililigtas ng Bibliya ang tao, maaaring basahin ito ng mga tao nang ilang libong taon at wala pa ring magiging pagbabago sa kanila kahit katiting, at kung sinasamba mo ang Bibliya, hinding-hindi mo makakamtan ang gawain ng Banal na Espiritu.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 3
Noong panahon ni Jesus, pinamunuan Niya ang mga Hudyo at ang lahat ng sumunod sa Kanya ayon sa gawain ng Banal na Espiritu sa Kanya noong panahong iyon. Hindi Niya ginamit ang Bibliya bilang basehan ng Kanyang ginawa, kundi nagsalita Siya ayon sa Kanyang gawain; hindi Niya binigyang-pansin kung ano ang sinabi ng Bibliya, o kaya ay naghanap sa Bibliya ng landas upang pamunuan ang Kanyang mga tagasunod. Mula noong nagsimula Siyang gumawa, ipinalaganap Niya ang daan ng pagsisisi—ni isang salita tungkol dito ay hinding-hindi nabanggit sa mga propesiya sa Lumang Tipan. Hindi lamang Siya hindi kumilos ayon sa Bibliya, kundi Siya ay namuno rin sa isang bagong daan, at gumawa ng bagong gawain. Kahit kailanman ay hindi Siya sumangguni sa Bibliya kapag Siya ay nangangaral. Noong Kapanahunan ng Kautusan, walang sinuman ang nakagawa ng Kanyang mga himala ng pagpapagaling sa maysakit at pagpapalayas ng mga demonyo. Gayundin, ang Kanyang gawain, ang Kanyang mga turo at ang awtoridad at kapangyarihan ng Kanyang mga salita ay lampas sa sinumang tao noong Kapanahunan ng Kautusan. Basta lamang ginawa ni Jesus ang Kanyang mas bagong gawain, at kahit na maraming tao ang kumondena sa Kanya gamit ang Bibliya—at ginamit pa nga ang Lumang Tipan upang ipapako Siya sa krus—nahigitan ng Kanyang gawain ang Lumang Tipan; kung hindi, bakit ipinako Siya ng mga tao sa krus? Hindi ba ito dahil sa walang binanggit ang Lumang Tipan sa Kanyang turo, at sa Kanyang kakayahan na magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo? Ang Kanyang gawain ay ginawa upang umakay sa bagong daan, hindi ito para sadyang maghamon ng away laban sa Bibliya, o kaya ay sadyang iwaksi ang Lumang Tipan. Pumarito lamang upang gampanan ang Kanyang ministeryo, upang dalhin ang bagong gawain sa mga naghahangad at naghahanap sa Kanya. Hindi Siya dumating upang ipaliwanag ang Lumang Tipan o itaguyod ang gawain nito. Ang Kanyang gawain ay hindi para pahintulutan ang Kapanahunan ng Kautusan na magpatuloy sa pagyabong, dahil hindi isinaalang-alang ng Kanyang gawain kung pagbabatayan ba nito ang Bibliya; si Jesus ay pumarito lamang upang gawin ang gawain na dapat Niyang gawin. Kaya hindi Siya nagpaliwanag ng mga propesiya ng Lumang Tipan, ni hindi Siya gumawa nang ayon sa mga salita ng Kapanahunan ng Kautusan ng Lumang Tipan. Hindi Niya pinansin ang sinabi ng Lumang Tipan, hindi mahalaga sa Kanya kung ang Kanyang gawain ay umaayon dito o hindi, at hindi mahalaga kung ano ang alam ng iba sa Kanyang gawain, o kung paano nila kinondena ito. Ipinagpatuloy lamang Niya ang gawain na dapat Niyang gawin, kahit na maraming tao ang gumamit ng mga propesiya ng mga propeta ng Lumang Tipan upang kondenahin Siya. Sa mga tao, lumitaw na parang ang Kanyang gawain ay walang batayan, at marami rito ang salungat sa mga talaan sa Lumang Tipan. Hindi ba ito kamalian ng tao? Ang doktrina ba ay kailangang iangkop sa gawain ng Diyos? At ang Diyos ba ay dapat na gumawa ayon sa mga propesiya ng mga propeta? Kung tutuusin, alin ang mas dakila: ang Diyos o ang Bibliya? Bakit kailangang gumawa ang Diyos nang naaayon sa Bibliya? Maaari kaya na walang karapatan ang Diyos na higitan ang Bibliya? Hindi ba maaaring lumihis ang Diyos sa Bibliya at gumawa ng ibang gawain? Bakit hindi ipinangilin ni Jesus at ng Kanyang mga disipulo ang araw ng Sabbath? Kung magsasagawa Siya nang isinasaalang-alang ang araw ng Sabbath at nang ayon sa mga utos ng Lumang Tipan, bakit hindi nangilin si Jesus sa Sabbath nang dumating Siya, at sa halip ay naghugas ng mga paa, nagtaklob ng ulo, naghati-hati ng tinapay, at uminom ng alak? Hindi ba wala itong lahat sa mga utos ng Lumang Tipan? Kung iginalang ni Jesus ang Lumang Tipan, bakit Niya hindi isinagawa ang mga doktrinang ito? Dapat mong malaman kung alin ang nauna, ang Diyos o ang Bibliya! Bilang Panginoon ng Sabbath, hindi ba Siya maaaring maging Panginoon din ng Bibliya?
Ang gawain na ginawa ni Jesus sa panahon ng Bagong Tipan ay nagpasimula ng bagong gawain: Hindi Siya gumawa ayon sa gawain ng Lumang Tipan, at hindi rin Niya ginamit ang mga salita na sinabi ni Jehova ng Lumang Tipan. Ginawa Niya ang Kanyang sariling gawain, at gumawa Siya ng mas bagong gawain, at gawain na mas mataas kaysa sa kautusan. Kaya, sinabi Niya: “Huwag ninyong isiping Ako’y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: Ako’y naparito hindi upang sirain ito, kundi upang tuparin ang mga ito.” Kaya alinsunod sa kung ano ang naisakatuparan Niya, maraming mga doktrina ang nasira. Sa araw ng Sabbath, nang dinala Niya ang mga alagad sa mga palayan, sila ay kumuha at kumain ng mga ulo ng butil; hindi Niya sinunod ang Sabbath, at sinabing “ang Anak ng tao ay Panginoon maging ng araw ng sabbath.” Noong panahong iyon, ayon sa mga tuntunin ng mga Israelita, kung sinuman ang hindi mangilin sa Sabbath ay babatuhin hanggang sa kamatayan. Si Jesus, gayunman, ay hindi pumasok sa templo ni nangilin sa Sabbath, at ang Kanyang gawain ay hindi ginawa ni Jehova sa panahon ng Lumang Tipan. Sa ganitong paraan ay nahigitan ng gawain na ginawa ni Jesus ang kautusan ng Lumang Tipan, ito ay mas mataas kaysa rito, at ito ay hindi naaayon dito. Noong Kapanahunan ng Biyaya, hindi gumawa si Jesus ayon sa kautusan ng Lumang Tipan, at humiwalay na sa mga doktrinang iyon. Ngunit mahigpit na kumapit ang mga Israelita sa Bibliya at tinuligsa si Jesus—hindi ba ito pagtanggi sa gawain ni Jesus? Ngayon, mahigpit ding kumakapit ang relihiyosong mundo sa Bibliya, at sinasabi ng ilang tao, “Ang Bibliya ay isang banal na aklat at ito ay dapat basahin.” Sinasabi ng ilang mga tao na, “Ang gawain ng Diyos ay dapat itaguyod magpakailanman, ang Lumang Tipan ay tipan ng Diyos sa mga Israelita, at hindi maaaring iwaksi, at ang Sabbath ay dapat laging ipangilin!” Hindi ba sila katawa-tawa? Bakit hindi ipinangilin ni Jesus ang Sabbath? Siya ba’y nagkakasala? Sino ang maaaring lubos na makaunawa sa mga nasabing bagay? Paano man basahin ng mga tao ang Bibliya, magiging imposibleng malaman ang gawain ng Diyos gamit ang kanilang kakayahang umunawa. Hindi lamang sila hindi makakakuha ng dalisay na kaalaman tungkol sa Diyos, kundi magiging higit na napakasama ng kanilang mga kuru-kuro, kung kaya’t magsisimula silang tumutol sa Diyos. Kung hindi dahil sa pagkakatawang-tao ng Diyos ngayon, mawawasak ang mga tao ng sarili nilang mga kuru-kuro, at sila’y mamamatay sa gitna ng pagkastigo ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 1
Kung nais mong makita ang gawain ng Kapanahunan ng Kautusan, at makita kung paano sinundan ng mga Israelita ang landas ni Jehova, dapat mong basahin ang Lumang Tipan; kung nais mong maunawaan ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, dapat mong basahin ang Bagong Tipan. Ngunit paano mo makikita ang mga gawain sa mga huling araw? Kailangan mong tanggapin ang pamumuno ng Diyos ng kasalukuyan, at pumasok sa gawain sa kasalukuyan, dahil ito ang bagong gawain, at wala pang nakapagtatala nito sa Bibliya. Ngayon, ang Diyos ay naging tao at pumili ng ibang hinirang na mga tao sa Tsina. Ang Diyos ay gumagawa sa mga taong ito, nagpapatuloy Siya mula sa Kanyang gawain sa daigdig, at nagpapatuloy mula sa gawain sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang gawain sa kasalukuyan ay isang daan na hindi pa kailanman nalakaran ng tao, at daan na wala pang sinuman ang nakakita. Ito ay gawain na hindi pa kailanman nagawa—ito ang pinakabagong gawain ng Diyos sa mundo. Kaya ang gawain na hindi pa nagawa noon ay hindi kasaysayan, dahil ang ngayon ay ngayon, at hindi pa nagiging nakaraan. Hindi alam ng mga tao na ang Diyos ay nakagawa nang mas nakahihigit at mas bagong gawain sa mundo, at sa labas ng Israel, na lumampas na ito sa saklaw ng Israel, at lampas sa mga propesiya na ibinigay ng mga propeta, na ito ay bago at kahanga-hangang gawain na hindi sakop ng mga propesiya, at mas bagong gawain na lampas sa Israel, at gawain na hindi makikita o kaya ay magawang akalain ng mga tao. Paanong ang Bibliya ay naglalaman ng malinaw na mga talaan ng nasabing gawain? Sino ang maaaring makapagtala ng bawat isang bahagi ng gawain ngayon bago ito maganap, nang walang makakaligtaan? Sino ang maaaring makapagtala nitong mas makapangyarihan at mas may karunungang gawain na sumasalungat sa kinaugalian na nasa lumang inaamag na libro na iyon? Ang gawain sa kasalukuyan ay hindi kasaysayan, at dahil dito, kung nais mong lumakad sa bagong landas ngayon, kailangan mong lisanin ang Bibliya, dapat mong lagpasan ang mga aklat ng propesiya o kasaysayan na nasa Bibliya. Sa ganitong paraan ka lamang maaaring makalakad sa bagong landas nang maayos, at sa ganitong paraan ka lamang makakapasok sa bagong kaharian at sa bagong gawain. … Ang mga bagong pagbigkas ay maaaring makapagtustos sa inyo, na nagpapatunay na ito ang bagong gawain; ang mga lumang talaan ay hindi ka mabibigyang-kasiyahan, o hindi makatutugon sa iyong kasalukuyang pangangailangan, na nagpapatunay na kasaysayan na ang mga ito, at hindi gawain ng dito at ngayon. Ang pinakamataas na daan ay ang pinakabagong gawain, at sa bagong gawain, kahit gaano pa kataas ang daan ng nakaraan, ito ay kasaysayan lamang na ginugunita ng mga tao, at kahit ano pa ang halaga nito bilang sanggunian, ito ay lumang daan pa rin. Kahit na ito ay naitala sa “banal na aklat,” ang lumang daan ay kasaysayan; kahit na walang nakatala tungkol dito sa “banal na aklat,” ang bagong daan ay para sa naririto at sa ngayon. Ang daan na ito ay maaari kang iligtas, at ang daan na ito ay maaari kang baguhin, dahil ito ang gawain ng Banal na Espiritu.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 1