6. Ang relasyon sa pagitan ng bawat isa sa tatlong yugto ng gawain ng Diyos

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Mula sa gawain ni Jehova hanggang sa gawain ni Jesus, at mula sa gawain ni Jesus hanggang sa gawain sa kasalukuyang yugto, ang tatlong yugtong ito ay sumasaklaw sa kabuuang lawak ng pamamahala ng Diyos, at lahat ng ito ay gawain ng isang Espiritu. Mula nang likhain ang mundo, lagi nang pinamamahalaan ng Diyos ang sangkatauhan. Siya ang Simula at ang Wakas, Siya ang Una at ang Huli, at Siya ang Siyang nagpapasimula ng kapanahunan at Siyang naghahatid sa kapanahunan sa katapusan nito. Ang tatlong yugto ng gawain, sa magkakaibang kapanahunan at lugar, ay tiyak na gawain ng isang Espiritu. Ang lahat ng naghihiwalay sa tatlong yugtong ito ay sumasalungat sa Diyos.

mula sa “Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang gawain sa mga huling araw ay ang huling yugto sa tatlo. Ito ay ang gawain ng isa pang bagong kapanahunan at hindi kumakatawan sa buong gawain ng pamamahala. Ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ay nahahati sa tatlong yugto ng gawain. Walang nag-iisang yugto ang kayang kumatawan sa gawain ng tatlong kapanahunan kundi kaya lamang kumatawan sa isang bahagi ng kabuuan. Ang pangalang Jehova ay hindi maaaring kumatawan sa buong disposisyon ng Diyos. Ang katunayan na nagsagawa Siya ng gawain sa Kapanahunan ng Kautusan ay hindi nagpapatunay na ang Diyos ay maaaring maging Diyos lamang sa ilalim ng kautusan. Nagtakda si Jehova ng mga batas para sa tao at nagbaba ng mga kautusan sa kanya, na humihingi sa tao na magtayo ng templo at mga altar; ang gawain na ginawa Niya ay kumakatawan lamang sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang gawain na ginawa Niya ay hindi nagpapatunay na ang Diyos ay isang Diyos lamang na humihingi sa tao na panatilihin ang kautusan, na Siya ang Diyos sa templo, o ang Diyos sa harapan ng altar. Ang sabihin ito ay hindi katotohanan. Ang gawaing ginawa sa ilalim ng kautusan ay maaari lamang kumatawan sa isang kapanahunan. Samakatuwid, kung ginawa lamang ng Diyos ang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan, ikukulong ng tao ang Diyos sa sumusunod na kahulugan at sasabihing, “Ang Diyos ay ang Diyos sa templo. Upang makapaglingkod sa Diyos, kailangan nating magsuot ng mga kasuotang pangsaserdote at pumasok sa templo.” Kung ang gawain sa Kapanahunan ng Biyaya ay hindi naisagawa kahit kailan at ang Kapanahunan ng Kautusan ay nagpatuloy hanggang sa kasalukuyan, hindi malalaman ng tao na ang Diyos ay maawain din at mapagmahal. Kung ang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan ay hindi nagawa, at tanging yaong sa Kapanahunan ng Biyaya ang nagawa, ang malalaman lamang ng tao ay na ang Diyos ay nakakapagtubos lamang sa tao at nakakapagpatawad lamang sa mga kasalanan ng tao. Ang malalaman lamang niya ay na Siya’y banal at walang-sala, at na kaya Niyang isakripisyo ang Sarili Niya at mapako sa krus para sa tao. Ito lamang ang malalaman ng tao at wala na siyang magiging kaunawaan sa iba pa. Kaya ang bawa’t kapanahunan ay kumakatawan sa isang bahagi ng disposisyon ng Diyos. Tungkol naman sa kung aling mga aspeto ng disposisyon ng Diyos ang kinakatawan sa Kapanahunan ng Kautusan, alin sa Kapanahunan ng Biyaya, at alin sa kasalukuyang kapanahunan: ang disposisyon ng Diyos ay maibubunyag lamang nang lubusan kapag pinagsama-sama ang lahat ng tatlong yugto. Tanging kapag nalalaman na ng tao ang buong tatlong yugto saka ito ganap na mauunawaan ng tao. Walang isa sa mga tatlong yugto ang maaaring hindi isama. Makikita mo lamang ang disposisyon ng Diyos sa kabuuan nito kapag nalaman mo itong tatlong yugto ng gawain. Ang katunayang natapos ng Diyos ang Kanyang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan ay hindi nagpapatunay na Siya lamang ang Diyos sa ilalim ng kautusan, at ang katunayang natapos Niya ang Kanyang gawain ng pagtubos ay hindi nangangahulugan na ang Diyos ay tutubos sa sangkatauhan magpakailanman. Ang lahat ng ito ay mga konklusyon na binuo ng tao. Dahil ang Kapanahunan ng Biyaya ay dumating na sa katapusan, hindi mo masasabi sa gayon na ang Diyos ay para lamang sa krus at na ang krus ang natatanging kumakatawan sa pagliligtas ng Diyos. Kung ginagawa mo ang ganoon, binibigyan mo ng pakahulugan ang Diyos. Sa yugto ngayon, ang Diyos ay pangunahing gumagawa ng gawain ng salita, ngunit hindi mo maaaring sabihin na ang Diyos ay hindi kailanman naging maawain sa tao at na ang tanging nadala Niya ay pagkastigo at paghatol. Ang gawain sa mga huling araw ay naglalantad sa gawain ni Jehova at ni Jesus at sa lahat ng hiwaga na hindi naintindihan ng tao. Ginagawa ito upang ibunyag ang hantungan at ang katapusan ng sangkatauhan at tapusin ang lahat ng gawain ng pagliligtas sa gitna ng sangkatauhan. Itong yugtong ito ng gawain sa mga huling araw ay naghahatid sa lahat ng bagay sa katapusan. Lahat ng hiwaga na hindi naintindihan ng tao ay dapat malantad upang pahintulutan ang tao na masukat ang lalim ng mga ito at magkaroon ng lubos na malinaw na pagkaunawa sa kanilang mga puso. Saka lamang maaaring mahati ang mga tao ayon sa kanilang mga uri. Pagkatapos lamang na maging ganap ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala saka maiintindihan ng tao ang buong disposisyon ng Diyos, dahil ang Kanyang pamamahala ay doon lamang darating sa pagtatapos.

mula sa “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Naisulong na ng gawain ngayon ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya; ibig sabihin, nakasulong na ang gawain sa ilalim ng buong anim-na-libong-taong plano ng pamamahala. Bagama’t natapos na ang Kapanahunan ng Biyaya, nagkaroon na ng pag-unlad sa gawain ng Diyos. Bakit Ko ba sinasabi nang paulit-ulit na ang yugtong ito ng gawain ay batay sa Kapanahunan ng Biyaya at sa Kapanahunan ng Kautusan? Dahil ang gawain ng panahong ito ay pagpapatuloy ng gawaing ginawa sa Kapanahunan ng Biyaya, at isang pag-unlad doon sa ginawa sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang tatlong yugto ay mahigpit na magkakaugnay, na bawat kawing sa kadena ay nakarugtong na mabuti sa kasunod. Bakit Ko ba sinasabi rin na ang yugtong ito ng gawain ay batay sa ginawa ni Jesus? Ipagpalagay nang ang yugtong ito ay hindi batay sa gawaing ginawa ni Jesus, kakailanganing maganap ang isa pang pagpapapako sa krus sa yugtong ito, at ang gawain ng pagtubos ng naunang yugto ay kakailanganing uliting muli. Magiging walang saysay ito. Kaya nga hindi sa ganap nang natapos ang gawain, kundi nakasulong na ang kapanahunan at ang antas ng gawain ay naitaas na nang mas mataas kaysa rati. Masasabi na ang yugtong ito ng gawain ay nakabatay sa pundasyon ng Kapanahunan ng Kautusan at nakasalig sa bato ng gawain ni Jesus. Ang gawain ng Diyos ay itinatatag nang yugtu-yugto, at ang yugtong ito ay hindi isang bagong simula. Ang pinagsamang tatlong yugto ng gawain lamang ang maaaring ituring na anim-na-libong-taong plano ng pamamahala.

mula sa “Ginagawang Ganap ng Dalawang Pagkakatawang-tao ang Kabuluhan ng Pagkakatawang-tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang huling yugto ng gawain ay hindi tumatayong mag-isa, kundi bahagi ng buo na magkasamang hinulma ng naunang dalawang yugto, na ibig sabihin ay imposibleng makumpleto ang buong gawain ng pagliligtas sa paggawa lamang ng isa sa tatlong yugto ng gawain. Kahit kayang lubos na iligtas ng huling yugto ng gawain ang tao, hindi nito ibig sabihin na kailangan lamang isagawa ang iisang yugtong ito nang mag-isa, at na hindi kinakailangan ang naunang dalawang yugto ng gawain para iligtas ang tao mula sa impluwensya ni Satanas. Walang iisang yugto ng tatlong yugto ang maaaring ipakita bilang tanging pangitaing kailangang malaman ng buong sangkatauhan, sapagkat ang kabuuan ng gawain ng pagliligtas ang tatlong yugto ng gawain, hindi ang iisang yugto nila. Basta’t hindi pa naisasakatuparan ang gawain ng pagliligtas hindi ganap na matatapos ang pamamahala ng Diyos. Ang katauhan ng Diyos, Kanyang disposisyon, at Kanyang karunungan ay ipinapahayag sa kabuuan ng gawain ng pagliligtas; hindi inihahayag ang mga ito sa tao sa simula pa lamang, kundi unti-unting naipahayag sa gawain ng pagliligtas. Bawat yugto ng gawain ng pagliligtas ay nagpapahayag ng bahagi ng disposisyon ng Diyos, at bahagi ng Kanyang katauhan; walang isang yugto ng gawain ang maaaring tuwiran at ganap na magpahayag ng kabuuan ng katauhan ng Diyos. Dahil dito, maaari lamang matapos nang lubusan ang gawain ng pagliligtas kapag natapos na ang tatlong yugto ng gawain, kaya nga ang kaalaman ng tao tungkol sa kabuuan ng Diyos ay hindi maihihiwalay mula sa tatlong yugto ng gawain ng Diyos. Ang natatamo ng tao mula sa isang yugto ng gawain ay ang disposisyon lamang ng Diyos na ipinapahayag sa iisang bahagi ng Kanyang gawain. Hindi ito maaaring kumatawan sa disposisyon at katauhang ipinapahayag sa mga yugto bago o pagkatapos nito. Iyan ay dahil sa ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay hindi matatapos kaagad sa isang panahon, o sa isang lugar, kundi unti-unting mas lumalalim ayon sa antas ng pag-unlad ng tao sa magkakaibang panahon at lugar. Ito ay gawaing isinasagawa sa paisa-isang yugto, at hindi natatapos sa iisang yugto. Kaya, ang buong karunungan ng Diyos ay nabubuo sa tatlong yugto, sa halip na sa isang indibiduwal na yugto. Ang Kanyang buong katauhan at buong karunungan ay inilalatag sa tatlong yugtong ito, at bawat yugto ay naglalaman ng Kanyang katauhan, at bawat yugto ay isang tala ng karunungan ng Kanyang gawain. … Bawat isa sa tatlong yugto ng gawain ay isinasagawa ayon sa pundasyon ng naunang yugto; hindi ito isinasagawa nang paisa-isa, na hiwalay sa gawain ng pagliligtas. Bagama’t may malalaking pagkakaiba sa kapanahunan at sa gawaing isinasagawa, nasa sentro pa rin nito ang pagliligtas sa sangkatauhan, at bawat yugto ng gawain ng pagliligtas ay mas malalim kaysa sa huli.

mula sa “Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkilala sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang gawain ng buong plano ng pamamahala ng Diyos ay personal na ginagawa ng Diyos Mismo. Ang unang yugto—ang paglikha ng mundo—ay personal na ginawa ng Diyos Mismo, at kung hindi nangyari ito, walang sinumang may kakayahang likhain ang sangkatauhan; ang ikalawang yugto ay ang pagtubos sa buong sangkatauhan, at ito ay personal ding ginawa ng Diyos Mismo; ang ikatlong yugto ay malinaw: Mas malaki ang pangangailangan na ang Diyos Mismo ang tumapos sa Kanyang buong gawain. Ang gawain ng pagtubos, panlulupig, pagtamo, at pagpeperpekto sa buong sangkatauhan ay personal na isinasakatuparang lahat ng Diyos Mismo. Kung hindi Niya personal na ginawa ang gawaing ito, kung gayon ang Kanyang pagkakakilanlan ay hindi makakatawan ng tao, o magagawa ng tao ang Kanyang gawain. Upang talunin si Satanas, upang makamit ang sangkatauhan, at upang bigyan ang tao ng isang normal na buhay sa lupa, personal Niyang pinangungunahan ang tao at personal na gumagawa sa gitna ng tao; para sa kapakanan ng Kanyang buong plano ng pamamahala, at para sa lahat ng Kanyang gawain, kailangang personal Niyang gawin ang gawaing ito.

mula sa “Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang tatlong yugto ng gawain ay ginawa ng isang Diyos; ito ang pinakadakilang pangitain, at ito ang tanging daan upang makilala ang Diyos. Ang tatlong yugto ay maaaring nagawa lamang ng Diyos Mismo, at walang taong maaaring makagawa ng gayong gawain para sa Kanya—na ibig sabihin ay ang Diyos lamang Mismo ang maaaring nakagawa ng Kanyang sariling gawain mula sa simula hanggang ngayon. Bagama’t ang tatlong yugto ng gawain ng Diyos ay naisakatuparan sa magkaibang kapanahunan at lugar, at bagama’t ang gawain ng bawat isa ay magkaiba, lahat ng iyon ay ginawa ng isang Diyos. Sa lahat ng pangitain, ito ang pinakadakilang pangitaing dapat malaman ng tao, at kung ganap itong mauunawaan ng tao, magagawa niyang tumayo nang matatag.

mula sa “Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkilala sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Sinundan: 5. Tanging Ang Paghatol at Pagkastigo ng Diyos sa Mga Huling Araw ay Ang Kanyang Mahalaga, Hindi Mapasusubaliang Gawain Para sa Pagliligtas sa Sangkatauhan

Sumunod: 7. Paano unti-unting lumalalim ang tatlong yugto ng gawain ng Diyos para mailigtas at magawang perpekto ang mga tao?

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 8: Ang sinabi mo tungkol sa pagpunta sa impiyerno dahil sa pagkalaban sa Diyos, hindi ako naniniwala d’yan. Sino na ang nakakita sa impiyerno? Ano ang hitsura ng impiyerno? Ni hindi ko alam kung mayroon ngang Diyos. Hindi ko kinikilala na mayroong Diyos. Mayroon nga bang Diyos? Sino na ang nakakita sa Diyos? Kung ang Makapangyarihang Diyos ang tunay na Diyos, kapag desperadong tinutuligsa at inaatake ng CCP ang Makapangyarihang Diyos, bakit hindi pa ito pinupuksa ng Diyos? Kung ibubunyag ng Diyos ang Kanyang walang-hanggang kapangyarihan at pupuksain ang Communist Party, Siya nga ang tunay na Diyos. Sa gayong paraan, kailangang kilalanin ng buong sangkatauhan na ang Makapangyarihang Diyos ang tunay na Diyos, kahit ang CCP ay kailangang manikluhod at sumamba sa tunay na Diyos. Sino ang mangangahas na kalabanin ang Diyos? Pero ano ang totoong nangyari? Ang nakita ko ay inaaresto ng mga pulis ng CCP ang mga nananalig sa Diyos sa lahat ng dako. Marami sa mga nananalig sa Diyos ang ibinilanggo, pinahirapan at nilumpo. Marami sa kanila ang pinatay. Gayunman, iniligtas ba sila ng Diyos n’yo? Paano nito mapapaniwala ang isang tao na totoo ang Diyos na pinananaligan n’yo? Hindi ko talaga kayo maunawaan. Tunay ba o huwad ang Diyos na pinananaligan n’yo? Nangangamba ako na ni hindi n’yo ito alam. Kung gayon, hindi ba kahangalan ’yan? Ano ang batayan n’yo sa pagsasabi na ang Diyos na pinananaligan n’yo ang tunay na Diyos? Malinaw ba n’yong maipapaliwanag ’yan?

Sagot: May karanasan na kayo. Tungkol sa pag-iral at pangingibabaw ng Diyos, talaga bang wala kayong alam? Mula nang likhain ang mundo,...

Tanong 10: Matagal na akong nagtatrabaho para sa United Front, at napag-aralan ko na ang iba’t ibang relihiyon. Ang Kristiyanismo, Katolisismo at Eastern Orthodoxy ay pawang mga relihiyong orthodox na nananalig kay Jesus. Pero ibang-iba ang pananalig n’yo sa Makapangyarihang Diyos. Ayon sa mga dokumento ng CCP, ang Makapangyarihang Diyos ay ni hindi kabilang ng Kristiyanismo. Nangangaral kayo ng ebanghelyo sa iba’t ibang sekta sa ilalim ng Kristiyanismo na hindi kayo kinikilalang Kristiyano. Kaya hinding-hindi ko kayo papayagang manalig sa Makapangyarihang Diyos. Maaari lang kayong manalig sa Kristiyanismo kung gusto nyo. Mas magaan ang pagpapahirap ng gobyerno sa ganitong paraan. Kung maaresto at mabilanggo kayo dahil sa pananalig sa Makapangyarihang Diyos, manganganib ang buhay n’yo. Nakita na ng CCP na lahat ng nananalig sa Makapangyarihang Diyos ay walang salang mga alagad ni Cristo sa mga huling araw na mga disipulo at apostol ni Cristo. Ang lubhang pinangangambahan ng CCP ay ang mga pahayag at patotoo sa aklat na Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao na ipinahayag ni Cristo sa mga huling araw, pati na ang matatag na grupong sumusunod kay Cristo sa mga huling araw. Napag-aralan na namin ang kasaysayan ng Kristiyanismo. Ang lubhang pinangambahan ng imperyong Romano ay ang mga disipulo at apostol ni Jesus. Kaya nang hulihin ang mga taong ito, pinagpapatay sila sa iba’t ibang pamamaraan. Ngayon, kung hindi ginawa ang mga hakbang na ito para supilin at lubos na ipagbawal ang grupong ito ng mga tao na sumusunod sa Cristo ng mga huling araw, ilang taon pa lang, mapapailalim sa kanila ang lahat ng iba’t ibang relihiyon. Sa ngayon, ang ilang pangunahing grupong Kristiyano sa China ay napailalim na ng Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Kung hindi inimbento ng CCP ang ilang opinyon ng publiko at nagpakana ng Kaso sa Zhaoyuan, darating siguro ang araw na mapapailalim ang iba’t ibang relihiyon sa mundo sa Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Kapag napailalim sa Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ang lahat ng iba’t ibang relihiyon, lubhang makakasama ’yan sa pamamahala ng CCP. Sa gayon, matatag ang determinasyon ng Central Committee na gamitin ang lahat ng puwersa para lubos na ipagbawal ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos sa loob ng maikling panahon. Dapat n’yong malaman, ang paglitaw ng Kidlat ng Silanganan ay hindi lamang nabalita sa China, malaking balita rin ito sa mundo. Dahil gumawa kayo ng napakalaking hakbang, paanong hindi galit na maglulunsad ng malakihang pagsupil at pag-aresto ang CCP laban sa inyo? Kung kailangan n’yong maniwala sa Diyos, maaari lang kayong manalig sa Kristiyanismo. Talagang bawal kayong manalig sa Makapangyarihang Diyos. Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay hindi kabilang ng Kristiyanismo, hindi n’yo ba alam ’yan?

Sagot: Kasasabi n’yo lang ng mismong dahilan kaya sinusupil ng CCP ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Pero hindi ba n’yo alam kung...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito