5. Paano lutasin ang problema ng pag-iimbot sa mga kasiyahan ng laman sa pamilya

Mga Salita ng Diyos Mula sa Bibliya

“Kung ang sinumang tao’y pumaparito sa Akin, at hindi napopoot sa kanyang sariling ama, at ina, at asawang babae, at mga anak, at mga kapatid na lalaki, at mga kapatid na babae, oo, at pati sa kanyang sariling buhay man, ay hindi siya maaaring maging disipulo Ko” (Lucas 14:26).

“Sinuman sa inyo na hindi tumatalikod sa lahat niyang tinatangkilik, ay di maaaring maging alagad Ko” (Lucas 14:33).

“Katotohanang sinasabi Ko sa inyo, Walang taong umiwan sa bahay, o asawang babae, o mga kapatid, o mga magulang o mga anak, alang-alang sa kaharian ng Diyos, na ‘di tatanggap ng makapupung higit sa panahong ito, at sa sanlibutang darating, ng walang hanggang buhay” (Lucas 18:29–30).

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Ang mga mapanirang impluwensiya at pyudal na pag-iisip na naitanim nang malalim sa puso ng tao sa pamamagitan ng libu-libong taon na “matayog na diwa ng nasyonalismo” ay ginapos at kinadena ang mga tao, iniwan silang wala ni gatuldok na kalayaan, walang ambisyon o pagtitiyaga, at walang pagnanais na umusad, sa halip ay pinananatili silang negatibo at paurong, nakabaon sa kaisipan ng isang alipin, at iba pa. Ang mga obhetibong salik na ito ay nag-iwan ng di-mabuburang bakas ng karumihan at kapangitan sa ideolohikal na pananaw, mga adhikain, moralidad, at disposisyon ng sangkatauhan. Tila nakatira ang mga tao sa isang madilim na mundo ng terorismo, at hindi iniisip ng sinuman sa kanila na lagpasan ito, o iniisip na lumipat sa isang ideyal na mundo; sa halip, ginugugol nila ang mga araw nila nang may pakiramdam ng pagkakontento sa kalagayan nila sa buhay: panganganak at pagpapalaki ng mga anak, pagsusumikap, pagpapapawis, pag-aasikaso ng mga trabaho, at pangangarap na magkaroon ng isang maginhawa at masayang pamilya, mapagmahal na buhay may-asawa, ng paggalang ng mga anak, ng kagalakan sa kanilang katandaan, at ng payapang pamumuhay…. Sa loob ng mga dekada, ng libo-libo, sampu-sampung libong taon hanggang sa ngayon, inaaksaya na ng mga tao ang kanilang oras sa ganitong paraan, na walang sinuman ang lumilikha ng pinakamagandang buhay sa lahat ng buhay ng tao, nakatuon lamang sa pagpapatayan, nakikipagkarera para sa kasikatan at pakinabang, at nagpapakana laban sa isa’t isa sa madilim na mundong ito. Sino ang naghanap na sa mga layunin ng Diyos? Mayroon na bang nagbigay-pansin sa gawain ng Diyos? Ang lahat ng bahagi ng mga tao na sinakop ng impluwensiya ng kadiliman ay matagal nang naging kalikasan ng tao, kaya napakahirap na isakatuparan ang gawain ng Diyos, at lalo pang walang pagnanais ang mga tao na bigyang-pansin ang ipinagkatiwala ng Diyos sa kanila ngayon.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok (3)

Sino ang tunay na ganap na makagugugol ng kanilang sarili para sa Akin at makapaghahandog ng lahat-lahat nila para sa Akin? Lahat kayo ay walang gana; nagpapaikot-ikot ang inyong mga kaisipan, iniisip ang pamilya, ang mundo sa labas, ang pagkain at damit. Sa kabila ng katotohanang ikaw ay nasa harap Ko, gumagawa ng mga bagay-bagay para sa Akin, sa puso mo ay iniisip mo pa rin ang iyong asawa, mga anak, at mga magulang na nasa bahay. Sila ba ay pag-aari mo? Bakit hindi mo ipinagkakatiwala ang mga ito sa Aking mga kamay? Wala ka bang tiwala sa Akin? O ito ba ay dahil natatakot ka na gagawa Ako ng mga hindi angkop na pagsasaayos para sa iyo? Bakit palaging nasa isip mo ang pamilya ng iyong laman at ang iyong mga mahal sa buhay? Mayroon ba Akong partikular na puwang sa puso mo? Pero sinasabi mo na hahayaan Mo akong magkaroon ng kapamahalaan sa loob mo at sakupin ang iyong buong pagkatao—lahat ng ito ay mapanlinlang na mga kasinungalingan! Ilan sa inyo ang buong pusong tapat sa iglesia? At sino sa inyo ang hindi nag-iisip tungkol sa mga sarili ninyo, kundi sa kaharian ng ngayon? Pag-isipan ito nang napakabuti.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 59

Sumunod na kayo sa Akin sa mga taong ito, ngunit hindi ninyo Ako nabigyan ni katiting na katapatan kailanman. Sa halip, nakaikot kayo sa mga tao at mga bagay na gusto ninyo—sobra-sobra kaya sa tuwina, at saanman kayo magpunta, pinanatili ninyo silang malapit sa puso ninyo at hindi sila tinalikuran kailanman. Tuwing sabik at maalab kayo tungkol sa anumang bagay na gustung-gusto ninyo, ito ay habang sumusunod kayo sa Akin, o kahit habang nakikinig kayo sa Aking mga salita. Kaya nga, sinasabi Ko na ginagamit ninyo ang katapatang hinihingi Ko sa inyo upang sa halip ay maging tapat sa inyong mga “paborito” at itangi ang mga ito. Magsakripisyo man kayo ng isa o dalawang bagay para sa Akin, hindi ito kumakatawan sa lahat ng maibibigay ninyo, at hindi nagpapakita na sa Akin kayo talaga tapat. Nakikibahagi kayo sa mga gawaing gustung-gusto ninyo: Tapat ang ilang tao sa mga anak na lalaki at babae, ang iba naman sa kanilang asawa, misis, kayamanan, trabaho, nakatataas, katayuan, o kababaihan. Hindi kayo nagsasawa o nayayamot kailanman sa mga bagay na tapat kayo; sa halip, lalo pa kayong nasasabik na magkaroon ng mas marami ng mga bagay na ito, at taglayin ang mga ito sa mas mabuting paraan, at hindi kayo sumusuko kailanman. Ako at ang Aking mga salita ay palaging inilalagay sa huli ng mga bagay na gustung-gusto ninyo. At wala kayong magagawa kundi ihuli ang mga ito. Mayroon pang mga tao na inihuhuli ito para sa mga bagay na tapat sila na kailangan pa nilang tuklasin. Kailanma’y wala ni katiting na bakas Ko sa puso nila. Maaari ninyong isipin na napakarami Kong hinihingi sa inyo o mali Ako sa pag-akusa sa inyo—ngunit naisip na ba ninyo kahit kailan ang katunayan na habang masaya kayong gumugugol ng oras sa piling ng inyong pamilya, ni minsan ay hindi kayo naging tapat sa Akin? Sa ganitong pagkakataon, hindi ba kayo nasasaktan? Kapag puspos ng kagalakan ang inyong puso dahil binabayaran kayo para sa inyong mga pagtatrabaho, hindi ba kayo pinanghihinaan ng loob na hindi ninyo nasangkapan ang inyong sarili ng sapat na mga katotohanan? Kailan kayo naiyak dahil hindi ninyo natanggap ang Aking pagsang-ayon? Pinipiga ninyo ang inyong utak at lubha kayong nagpapakasakit alang-alang sa inyong mga anak na lalaki at babae, ngunit hindi pa rin kayo nasisiyahan; naniniwala pa rin kayo na hindi kayo nagpakasipag para sa kanila, na hindi pa ninyo nagagawa ang lahat ng kaya ninyo para sa kanila. Gayunman, sa Akin, lagi kayong nagpapabaya at walang-ingat; nasa alaala lamang ninyo Ako, ngunit hindi Ako nananatili sa puso ninyo. Hindi ninyo kailanman sinusubukang unawain ang Aking masisidhing layunin, o magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga ito. Nagninilay-nilay lamang kayo sandali at naniniwala na sasapat na ito. Hindi ganito ang “katapatan” na matagal Ko nang pinananabikan, kundi ito iyong matagal Ko nang kinamumuhian.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kanino Ka Mismo Tapat?

Hindi Ako ang laman ng inyong isipan sa bawat isang sandali, ni ang katotohanang nagmumula sa Akin, kundi ang inyong asawa, inyong mga anak, at ang mga bagay na inyong kinakain at isinusuot. Iniisip ninyo kung paano kayo magtatamo ng mas mainam at mas mataas pang pagtatamasa. Ngunit kahit halos pumutok na ang inyong tiyan sa kabusugan, hindi pa rin ba kayo isang bangkay? Kahit, sa tingin, napapalamutian ninyo nang marangyang bihisan ang inyong sarili, hindi pa rin ba kayo naglalakad na bangkay na walang buhay? Nagpapakahirap kayo alang-alang sa inyong sikmura, hanggang sa puntong tinutubuan na kayo ng uban, subalit walang sinuman sa inyo ang nagsasakripisyo ni isang hibla ng buhok para sa Aking gawain. Palagi kayong humahangos, pinapagod ninyo ang inyong katawan at kinakalog ninyo ang inyong utak, para sa kapakanan ng inyong sariling laman, at para sa inyong mga anak—subalit wala ni isa sa inyo ang nagpapakita ng anumang pag-aalala o malasakit para sa Aking mga layunin. Ano pa ba ang inaasam ninyong matamo mula sa Akin?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Marami ang Tinawag, Datapuwa’t Kakaunti ang Nahirang

Ang mga sumusunod sa Diyos ay dapat man lang kayang talikuran ang lahat ng mayroon sila. Minsang sinabi ng Diyos sa Bibliya, “Sinuman sa inyo na hindi tumatalikod sa lahat niyang tinatangkilik, ay di maaaring maging alagad Ko” (Lucas 14:33). Ano ang ibig sabihin ng pagtalikod sa lahat ng mayroon ang isang tao? Ang ibig sabihin nito ay talikuran ang pamilya, talikuran ang trabaho, talikuran ang lahat ng makamundong pagkagapos. Madali ba itong gawin? Napakahirap nito. Kung walang determinasyong gawin ito, hinding-hindi ito maisasakatuparan. Kapag ang isang tao ay may determinasyong tumalikod, natural na taglay niya ang determinasyong magtiis ng paghihirap. Kung hindi kayang magtiis ng paghihirap ang isang tao, hindi niya magagawang talikuran ang anuman, kahit na gustuhin pa niya. May ilan naman na, dahil tinalikuran nila ang kanilang mga pamilya at nilayuan ang kanilang mga mahal sa buhay, ay nangungulila matapos nilang gawin ang kanilang mga tungkulin sa loob ng ilang panahon. Kung talagang hindi nila ito matitiis, maaaring palihim silang umuwi upang sumilip, at pagkatapos ay bumalik para gampanan ang kanilang mga tungkulin. Ang ilan na umalis sa kanilang mga tahanan upang gampanan ang kanilang mga tungkulin ay hindi maiwasang hanap-hanapin ang kanilang mga mahal sa buhay sa Bagong Taon at iba pang mga kapistahan, at kapag ang iba ay natutulog na sa gabi, sila ay palihim na umiiyak. Kapag tapos na sila, nananalangin sila sa Diyos at bumubuti ang kanilang pakiramdam, pagkatapos ay ipinagpapatuloy nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin. Bagama’t nagawa ng mga taong ito na talikuran ang kanilang mga pamilya, hindi nila kayang magtiis ng matinding pasakit. Kung hindi man lang nila maiwawaksi ang kanilang mga damdamin para sa mga relasyong ito ng laman, paano nila magagawang tunay na gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos? Nagagawa ng ilang tao na talikuran ang lahat ng mayroon sila at sundin ang Diyos, tinatalikuran ang kanilang mga trabaho at pamilya—ngunit ano ang kanilang layon sa paggawa nito? Ang ilang tao ay nagsisikap na makakuha ng biyaya at mga pagpapala, at ang ilan ay tulad ni Pablo, na naghahangad lamang ng korona at gantimpala. Iilan lamang ang mga taong tumatalikod sa lahat ng mayroon sila upang makamit ang katotohanan at buhay, at matamo ang kaligtasan. Alin sa mga paghahangad na ito ang naaayon sa mga layunin ng Diyos? Siyempre, ito ay ang paghahangad sa katotohanan at pagkakamit ng buhay. Ito ay ganap na naaayon sa mga layunin ng Diyos, at ito ang pinakamahalagang bahagi ng pananampalataya sa Diyos. Makakamit ba ng isang tao ang katotohanan kung hindi niya kayang bitiwan ang mga makamundong bagay o kayamanan? Hinding-hindi. … Ikaw ay makakapasok lamang sa kaharian ng Diyos kung magagawa mong talikuran ang lahat ng pinakamahalaga sa iyo upang sundin ang Diyos at gampanan ang iyong tungkulin, at hangarin ang katotohanan at makamit ang buhay. Ano ang ibig sabihin ng makapasok sa kaharian ng Diyos? Nangangahulugan ito na kaya mong talikuran ang lahat ng mayroon ka at sundin ang Diyos, pakinggan ang Kanyang mga salita, at magpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos, magpasakop sa Kanya sa lahat ng bagay; nangangahulugan ito na Siya ay naging Panginoon at Diyos mo. Sa Diyos, nangangahulugan ito na nakapasok ka sa Kanyang kaharian, at anumang mga kalamidad ang dumating sa iyo, tataglayin mo ang Kanyang proteksyon at mananatili kang buhay, at ikaw ay magiging isa sa mga tao ng Kanyang kaharian. Kikilalanin ka ng Diyos bilang Kanyang tagasunod, o kaya ay aalukin ng Kanyang pangako na gagawin ka Niyang perpekto—ngunit bilang unang hakbang mo, dapat kang sumunod kay Cristo. Sa ganitong paraan ka lamang magkakaroon ng gagampanang bahagi sa pagsasanay ng kaharian. Kung hindi ka susunod kay Cristo at nasa labas ka ng kaharian ng Diyos, hindi ka kikilalanin ng Diyos. At kung hindi ka kikilalanin ng Diyos, kahit na nais mong maligtas at makamit ang pangako ng Diyos at ang Kanyang pagpeperpekto, makakamit mo ba ang mga bagay na ito? Hindi. Kung nais mong makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, dapat ay maging kalipikado ka muna na makapasok sa Kanyang kaharian. Kung kaya mong talikuran ang lahat ng mayroon ka para mahangad mo ang katotohanan, kung kaya mong hanapin ang katotohanan sa pagganap mo ng iyong tungkulin, kung kaya mong kumilos ayon sa mga prinsipyo, at kung mayroon kang tunay na patotoong batay sa karanasan, kalipikado kang makapasok sa kaharian ng Diyos at makatanggap ng Kanyang pangako. Kung hindi mo kayang talikuran ang lahat ng mayroon ka para sundan ang Diyos, hindi ka kalipikadong makapasok man lang sa Kanyang kaharian, at wala kang karapatan sa Kanyang pagpapala at sa Kanyang pangako. Maraming tao ngayon ang tumalikod sa lahat ng mayroon sila at gumaganap ng mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos, ngunit hindi nangangahulugang makakamit nila ang katotohanan. Kailangang mahalin ng isang tao ang katotohanan at magawa niya itong tanggapin bago niya ito makakamit. Kung hindi hinahangad ng isang tao ang katotohanan, hindi niya ito makakamit. Lalo na ang mga gumaganap ng kanilang tungkulin sa libre nilang mga oras—ang karanasan nila sa gawain ng Diyos ay napakalimitado kung kaya’t magiging mas mahirap para sa kanila na makamit ang katotohanan. Kung hindi ginagampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin o kaya ay hindi niya hinahangad ang katotohanan, mawawalan siya ng kamangha-manghang pagkakataon na makamit ang pagliligtas at pagpeperpekto ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao na nananampalataya sila sa Diyos, ngunit hindi nila ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, at hinahangad nila ang mga makamundong bagay. Ito ba ay pagtalikod sa lahat ng mayroon sila? Kung ganito manalig sa Diyos ang isang tao, magagawa ba niyang sundan ang Diyos hanggang sa wakas? Tingnan ninyo ang mga disipulo ng Panginoong Jesus: kabilang sa kanila ay mga mangingisda, magsasaka, at maniningil ng buwis. Noong tinawag sila ng Panginoong Jesus at sinabihan na, “Sundan ninyo Ako,” iniwan nila ang kanilang mga trabaho at sumunod sila sa Panginoon. Hindi nila inisip ang isyu ng kanilang trabaho, o ang problema na kung magkakaroon ba sila ng landas para patuloy na mabuhay sa mundo pagkatapos, at agad-agad silang sumunod sa Panginoong Jesus. Buong-pusong inalay ni Pedro ang kanyang sarili, tinupad ang atas ng Panginoong Jesus hanggang sa wakas at pinanindigan ang kanyang tungkulin. Sa buong buhay niya, hinangad niya ang pagmamahal ng Diyos, at sa huli, ginawa siyang perpekto ng Diyos. Mayroong ilang tao ngayon na hindi man lang kayang talikuran ang lahat ng mayroon sila, ngunit nais pa rin nilang makapasok sa kaharian. Hindi ba sila nananaginip?

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

(Pagsagot sa mga tanong mula sa mga kapatid)

(Nalilimitahan pa rin ako ng aking pagmamahal para sa aking pamilya habang ginagampanan ang aking tungkulin. Madalas akong nangungulila sa kanila, at nakakaapekto ito sa pagganap ko sa aking tungkulin. Bahagyang bumuti ang aking kalagayan nitong huli, ngunit minsan ay nag-aalala pa rin ako na aarestuhin ng malaking pulang dragon ang aking pamilya upang pagbantaan ako, at natatakot ako na hindi ako makakapanindigan kung magkagayon.) Ang mga takot na ito ay walang basehan. Kapag iniisip mo ang mga bagay na ito, kailangan mong hanapin ang katotohanan para sa isang resolusyon. Kailangan mong maunawaan na anumang pangyayari ang hinaharap mo, pinamatnugutan at isinaayos ito ng Diyos. Dapat mong matutunang magpasakop sa Diyos at magawang hanapin ang katotohanan at manindigan kapag nahaharap sa mga sitwasyon. Ito ay isang aral na dapat matutunan ng mga tao. Dapat kang madalas na magbulay-bulay: Paano mo dinaranas ang pagdidilig at pagpapastol ng Diyos sa panahong ito? Ano ang aktuwal mong tayog? Paano mo dapat tuparin ang tungkulin ng isang nilikha? Dapat mong pagbulayan ang mga bagay na ito! Kung naiisip mo ang tungkol sa pagbabanta sa iyo ng malaking pulang dragon, bakit hindi mo isipin kung paano pumasok sa katotohanan? Bakit hindi mo pagbulay-bulayan ang katotohanan? (Kapag naiisip ko nga ang mga ito, ako ay nananalangin sa Diyos at gumagawa ng resolusyon na kung isang araw ay maharap talaga ako sa mga pangyayaring ito, mananatili akong tapat sa Diyos hanggang kamatayan. Ngunit natatakot talaga ako na hindi ko magagawa ito dahil sa maliit kong tayog.) Pagkatapos ay mananalangin ka, “Diyos ko, nangangamba ako na hindi ko magagawa ito dahil sa maliit kong tayog. Sobra akong natatakot. Pakiusap, huwag Mong gawin iyon. Maaari Mo itong gawin kapag mayroon na akong tayog.” Ito ba ay isang mabuting paraan ng pananalangin? (Hindi.) Ganito ka dapat na manalangin: “O Diyos, maliit ang tayog at pananalig ko ngayon, natatakot akong kailangan kong harapin ang isang bagay; ang totoo, hindi talaga ako naniniwala na ang lahat ng pangyayari at ang lahat ng bagay ay nasa Iyong mga kamay. Hindi ko pa ipinagkatiwala ang sarili ko sa Iyong mga kamay; labis akong mapaghimagsik! Nakahanda akong magpasakop sa Iyong mga pagsasaayos at pamamatnugot. Anuman ang gawin Mo, nakahanda ang puso ko na magpatotoo para sa Iyo. Nakahanda akong manindigan sa aking patotoo nang hindi sinisira ang puri Mo. Pakiusap, gawin Mo ang ayon sa kalooban Mo.” Kailangan mong ipagkatiwala ang iyong determinasyon at ang gusto mong sabihin sa harap ng Diyos—ganito ka magkakaroon ng tunay na pananalig. Kung atubili kang manalangin maging sa ganitong paraan, tiyak na napakaliit ng pananalig mo! Kailangan mong madalas na manalangin nang ganito. Kahit na nananalangin ka nang ganito, hindi tiyak na kikilos ang Diyos sa ganoong paraan. Hindi pinagpapasan ng Diyos ang mga tao ng higit pa sa makakaya nila, ngunit kung lilinawin mo ang iyong saloobin at determinasyon, tatanggapin ng Diyos ang mga ito. Kapag tinanggap ng Diyos ang mga ito, ang puso mo ay hindi na magugulo at malilimitahan ng usaping ito. “Ang mga bagay na gaya ng asawa, mga anak, pamilya, ari-arian—ang lahat ng ito ay nasa mga kamay ng Diyos. Walang kabuluhan ang mga ito. Ang buong sansinukob ay nasa mga kamay ng Diyos; hindi ba’t ang pamilya ko ay nasa mga kamay Niya rin? Anong silbi ng pag-aalala ko sa kanila? Wala akong kontrol dito, wala akong kakayahan, at hindi ko sila mapoprotektahan. Ang kanilang tadhana at ang lahat ng tungkol sa kanila ay nasa mga kamay ng Diyos!” Kailangang may pananalig ka upang lumapit sa harap ng Diyos at manalangin, matatag na naninindigan at nagpapasya na magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos. Pagkatapos ay magbabago ang kalagayang nasa kalooban mo. Hindi ka na magkakaroon ng anumang alalahanin, at hindi ka na mag-aalala pa. Hindi ka magiging labis na maingat at punong-puno ng pagkabahala sa lahat ng ginagawa mo. Habang ang lahat ay mabilis na sumusulong, ikaw ay nagpapaiwan, palaging nagnanais na lumayo—hindi ba’t ito ang ginagawa ng isang duwag? Kapag ginagampanan ng mga tao ng Diyos ang kanilang tungkulin sa kaharian at ginagampanan ng mga nilikha ang kanilang tungkulin sa harap ng Lumikha, dapat mahinahon silang sumulong nang may-takot-sa-Diyos na puso. Hindi sila dapat na nangangapa, umuurong, o nagiging sobrang maingat. Kung alam mo na ang kalagayang ito ay mali at palagi kang nag-aalala tungkol dito sa halip na hanapin ang katotohanan upang lutasin ito, kung gayon ikaw ay nililimitahan at iginagapos nito, at hindi mo matutupad ang tungkulin mo. Nais mong gawin ang tungkulin mo bilang isang nilikha nang buong puso mo, nang buong pag-iisip mo, at nang buong lakas mo, ngunit kaya mo ba itong makamit? Hindi mo mararating ang punto ng pagbibigay nang buong puso mo dahil ang puso mo ay wala sa tungkulin mo—sa pinakamainam ay inilaan mo lamang ang 1/10 na bahagi ng puso mo. Paano mo maibibigay ang buong isip at lakas mo kung hindi mo maibibigay ang buong puso mo? Ang puso mo ay wala sa tungkulin mo, at ang mayroon ka lamang ay kaunting kahandaan upang gampanan ito. Matutupad mo ba talaga ang tungkulin mo nang may buong puso at isip mo? Wala kang kapasyahan na isagawa ang katotohanan, kaya ikaw ay tiyak na malilimitahan ng pamilya at ng pagmamahal mo para sa kanila. Ganap kang igagapos ng mga ito; kokontrolin ng mga ito ang pag-iisip mo at ang puso mo, at hindi mo maaabot ang katotohanan at ang mga hinihingi ng Diyos—ikaw ay magiging handa, ngunit wala kang lakas. Kaya, dapat kang manalangin sa harap ng Diyos, inuunawa ang mga layunin ng Diyos sa isang banda habang inaalam din kung saan ka dapat lumugar bilang isang nilikha; dapat mong taglayin ang paninindigan at ang saloobin na dapat mayroon ka at ilatag ang mga ito sa harap ng Diyos. Ito ang saloobing dapat mayroon ka. Bakit ang ibang tao ay walang mga ganitong alalahanin? Sa palagay mo ba ay walang pamilya o mga paghihirap na ganito ang ibang tao? Sa katunayan, ang lahat ay mayroong partikular na mga makalaman at pampamilyang gusot, ngunit nalulutas ng ibang tao ang mga ito sa pamamagitan ng pananalangin sa Diyos at paghahanap sa katotohanan. Pagkaraan ng ilang panahon ng paghahanap, malinaw nilang nauunawaan ang mga pagmamahal na ito ng laman at binibitiwan ang mga ito mula sa kanilang puso; pagkatapos, ang mga bagay na ito ay hindi na paghihirap para sa kanila, at hindi na sila makokontrol o mapipigilan ng mga ito. Hindi nakakaapekto ang mga ito sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, at kaya sila ay nagiging malaya. Mayroong linya ng mga salita ng Diyos sa Bibliya na nagsasabi, “Sinuman sa inyo na hindi tumatalikod sa lahat niyang tinatangkilik, ay di maaaring maging alagad Ko” (Lucas 14:33). Ano itong pagtalikod sa lahat ng tinatangkilik ng isang tao? Ano ang ibig sabihin ng “lahat”? Mga bagay na gaya ng katayuan, kasikatan at pakinabang, pamilya, mga kaibigan, at ari-arian—ang lahat ng ito ay kasama sa salitang “lahat.” Kaya anong mga bagay ang mayroong importanteng puwang sa puso mo? Para sa iba ito ay ang mga anak, para sa iba ito ay ang mga magulang, para sa iba ito ay ang kayamanan, at para sa iba ito ay ang katayuan, kasikatan at pakinabang. Kung pinahahalagahan mo ang mga bagay na ito, kokontrolin ka ng mga ito. Kung hindi mo pinahahalagahan ang mga ito at lubos mong binibitiwan ang mga ito, hindi ka makokontrol ng mga ito. Ito ay nakadepende lang sa kung ano ang saloobin mo ukol sa mga ito at sa kung paano mo pinangangasiwaan ang mga bagay na ito.

Dapat ninyong maunawaan na anumang oras o saanmang yugto ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain, palagi Niyang kailangan ng ilang tao upang makatuwang Niya. Na ang mga taong ito ay nakikipagtulungan sa gawain ng Diyos o na ginagawa nila ang kanilang parte sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ay pauna na Niyang inorden. Kaya, ang Diyos ba ay may atas sa bawat tao na Kanyang paunang inorden? Ang bawat isa ay mayroong misyon at responsabilidad; ang bawat isa ay mayroong atas. Kapag binigyan ka ng Diyos ng isang atas, ito ay nagiging responsabilidad mo. Kailangan mong pasanin ang responsabilidad na ito; ito ay tungkulin mo. Ano ang tungkulin? Ito ay ang misyon na ibinigay ng Diyos sa iyo. Ano ang isang misyon? (Ang atas ng Diyos ay ang misyon ng tao. Ang buhay ng isang tao ay dapat na gugulin para sa atas ng Diyos. Ang atas na ito ay ang tanging bagay sa puso niya, at hindi siya dapat mamuhay para sa iba pa.) Ang atas ng Diyos ay ang misyon ng tao; ito ang tamang pagkaunawa. Ang mga taong nananampalataya sa Diyos ay inilagay sa lupa upang kumpletuhin ang atas ng Diyos. Kung ang tanging hinahangad mo sa buhay na ito ay ang umangat sa lipunan, mag-impok ng kayamanan, mamuhay nang maginhawa, matamasa ang pagiging malapit sa pamilya, at magpakasaya sa kasikatan, pakinabang, at katayuan—kung magkakamit ka ng katayuan sa lipunan, magiging tanyag ang iyong pamilya, at lahat sa iyong pamilya ay ligtas at maayos—ngunit binabalewala mo ang misyong ibinigay ng Diyos sa iyo, mayroon bang anumang halaga sa buhay na ito na ipinamumuhay mo? Paano ka sasagot sa Diyos pagkatapos mong mamatay? Hindi ka makakasagot, at ito ang pinakamalaking paghihimagsik; ito ang pinakamalaking kasalanan! Walang sinuman sa inyo ang gumagampan ng inyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos ngayon nang nagkataon lang—anuman ang pinagmulan ng sinuman sa inyo para gampanan ang inyong tungkulin, hindi ito nagkataon. Walang sinuman sa mga taong gumagampan ng mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos ang basta na lang pinili ng kung sinong tao; anuman ang tungkuling ginagampanan ng isang tao, pauna itong inorden ng Diyos bago pa ang mga kapanahunan. Ano ang ibig sabihin na ito ay paunang inorden? Ano sa partikular? Ang ibig sabihin nito ay sa Kanyang kabuuang plano ng pamamahala, matagal nang naiplano ng Diyos kung ilang ulit kang darating sa mundo, sa aling lipi at sa aling pamilya ka isisilang sa mga huling araw, ano ang mga magiging kalagayan ng pamilyang ito, ikaw ba ay magiging lalaki o babae, ano ang iyong magiging mga kalakasan, anong antas ng edukasyon ang maaabot mo, gaano ka magiging mahusay magsalita, ano ang iyong magiging kakayahan, ano ang magiging itsura mo, sa anong edad ka darating sa sambahayan ng Diyos at magsisimulang gumampan ng iyong tungkulin, at anong tungkulin ang iyong gagampanan at anong panahon. Maagang paunang inorden ng Diyos ang bawat hakbang para sa iyo. Noong hindi ka pa isinilang, at noong dumating ka sa mundo sa iyong nakaraang ilang buhay, naisaayos na ng Diyos para sa iyo ang tungkuling iyong gagampanan sa huling yugtong ito ng gawain. Tiyak na hindi ito biro! Na nagagawa mong makinig ng sermon dito ay pauna nang itinakda ng Diyos. Hindi ito dapat na balewalain! Dagdag pa, ang tangkad, hitsura, mata, pangangatawan, kalagayan ng kalusugan, at mga karanasan sa buhay mo at kung aling mga tungkulin ang kaya mong pasanin sa partikular na edad, at kung anong uri ng kakayahan at abilidad ang taglay mo—ang mga ito ay matagal nang paunang inorden ng Diyos para sa iyo, at tiyak na hindi kasalukuyang isinasaayos ang mga ito. Matagal nang paunang inorden ng Diyos ang mga ito para sa iyo, ibig sabihin, kung layon Niyang gamitin ka, inihanda ka na Niya bago ibinigay sa iyo ang atas na ito at ang misyong ito. Kaya katanggap-tanggap ba na takasan mo ito? Katanggap-tanggap ba na hindi maging buo ang puso mo tungkol dito? Parehong hindi katanggap-tanggap ang mga iyon; binibigo mo ang Diyos kung magkagayon! Pinakamasamang uri ng paghihimagsik ang talikuran ng mga tao ang kanilang tungkulin. Ito ay isang kasuklam-suklam na gawa. Masidhing nag-isip ang Diyos, pauna Niyang itinadhana simula pa noong unang panahon upang makarating ka sa araw na ito at mapagkalooban ng misyong ito. Kung gayon, hindi ba’t ang misyong ito ang responsabilidad mo? Hindi ba’t ito ang nagbibigay ng halaga sa pamumuhay ng buhay mong ito? Kung hindi mo kukumpletuhin ang misyong ibinigay ng Diyos sa iyo, mawawala sa iyo ang halaga at kabuluhan ng pamumuhay; ito ay para kang nabuhay nang walang saysay. Isinaayos ng Diyos ang mga tamang kondisyon, kapaligiran, at konteksto para sa iyo. Ipinagkaloob Niya sa iyo ang kakayahan at abilidad na ito, inihanda ka upang mabuhay hanggang sa edad na ito, at inihanda ka upang magkaroon ng lahat ng kalipikasyon na kakailanganin mo upang magampanan ang tungkulin mong ito, isinaayos Niya ang lahat ng ito para sa iyo, subalit hindi mo pa rin masigasig na isinasakatuparan ang tungkuling ito. Hindi mo makayanan ang tukso at pinipili mong tumakas, palaging inaasam na mamuhay nang matiwasay at maghangad ng mga makamundong bagay. Kinukuha mo ang kaloob at abilidad na ibinigay ng Diyos sa iyo at pinaglilingkuran si Satanas gamit ito, namumuhay ka para kay Satanas. Ano ang nararamdaman ng Diyos dahil dito? Yamang ganitong bigo Siya sa mga inaasahan Niya sa iyo, hindi ba’t kasusuklaman ka Niya? Hindi ba’t kamumuhian ka Niya? Ibubuhos Niya ang matinding poot sa iyo. At maituturing bang naayos na ang usaping ito kung magkagayon? Maaari kayang ito ay kasing simple lang ng iniisip mo? Iniisip mo ba na kung hindi mo makukumpleto ang misyon mo sa buhay na ito, ang lahat ng ito ay mauuwi sa iyong kamatayan? Hindi ito natatapos doon; ang kaluluwa mo ay malalagay sa panganib kung magkagayon. Hindi mo ginampanan ang tungkulin mo, hindi mo tinanggap ang atas ng Diyos sa iyo, at tumakas ka mula sa presensiya ng Diyos. Naging napakalubha na ang mga bagay-bagay. Saan ka maaaring tumakbo? Makakatakas ka ba sa mga kamay ng Diyos? Paano inuuri ng Diyos ang ganitong tao? (Ang mga ito ang mga taong nagkanulo sa Kanya.) Anong uri ng pagtakda ang ginagamit ng Diyos sa mga taong nagkanulo sa Kanya? Anong uri ng pagtakda ang ginagamit ng Diyos sa mga taong tumakas mula sa Kanyang hukumang-luklukan? Perdisyon at paglipol. Wala nang anumang panibagong buhay o muling kapanganakan para sa iyo, at imposibleng pagkatiwalaan ka ng Diyos ng iba pang atas. Wala nang anumang misyon para sa iyo, at wala ka nang pagkakataong tumanggap ng kaligtasan. Ito ay seryosong problema! Sasabihin ng Diyos: “Ang taong ito ay minsan nang tumakas mula sa Aking paningin, tumakas mula sa Aking hukumang-luklukan at sa Aking presensiya. Hindi niya isinakatuparan ang kanyang misyon o kinumpleto ang kanyang atas. Ang buhay niya ay nagwawakas dito. Tapos na ito; nagwakas na ito.” Ang laking trahedya nito! Upang magampanan ninyo ang inyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos ngayon, malaki man ito o maliit, pisikal man ito o mental, at ito man ay ang pangangasiwa sa mga panlabas na isyu o panloob na gawain, walang sinuman ang aksidenteng gumagampan ng tungkulin niya. Paano mangyayaring ito ay desisyon mo? Ang lahat ng ito ay pinangunahan ng Diyos. Dahil lamang sa pag-aatas ng Diyos sa iyo kaya ka naaantig nang ganito, na mayroon kang pakiramdam ng misyon at responsabilidad, at na nagagampanan mo ang tungkulin mo. Napakarami sa mga walang pananampalataya ang may magagandang hitsura, kaalaman, o talento, ngunit tinitingnan ba sila ng Diyos nang may pabor? Hindi. Hindi sila pinili ng Diyos, at ang grupong ito ng mga tao lang ang tinitingnan Niya nang may pabor. Lahat kayo ay binibigyan Niya ng lahat ng uri ng papel, pinagagampan ng lahat ng uri ng tungkulin, at pinaaako ng iba’t ibang responsabilidad sa Kanyang gawain ng pamamahala. Kapag sa wakas ay natapos na at natupad ang plano ng pamamahala ng Diyos, napakalaking kaluwalhatian at pribilehiyo nito! Kaya, kapag nakararanas ng kaunting hirap ang mga tao habang ginagampanan nila ang tungkulin nila ngayon; kapag kailangan nilang isuko ang ilang bagay, gugulin nang bahagya ang kanilang sarili, at magbayad ng partikular na halaga; kapag nawala ang katayuan nila at ang katanyagan at pakinabang nila sa mundo; at kapag ang mga bagay na ito ay nawalang lahat, tila ang Diyos ang kumuha ng lahat ng ito sa kanila, ngunit may nakamit silang isang bagay na mas katangi-tangi at mas mahalaga. Ano ang nakamit ng mga tao mula sa Diyos? Nakamit nila ang katotohanan at buhay sa pamamagitan ng paggampan sa tungkulin nila. Kapag natupad mo ang tungkulin mo, nakompleto ang atas ng Diyos, ginugol ang buong buhay mo para sa misyon mo at sa iniatas ng Diyos sa iyo, mayroon kang magandang patotoo, at namumuhay ka nang may halaga—saka pa lamang masasabi na ikaw ay isang totoong tao! At bakit sinasabi Kong ikaw ay isang totoong tao? Dahil pinili ka ng Diyos at pinagampan Niya sa iyo ang tungkulin ng isang nilikha sa Kanyang pamamahala. Ito ang pinakamahalaga at ang pinakadakilang kahulugan sa buhay mo.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Kapag marami ka nang narinig na sermon, katotohanan, at salita ng Diyos, at natiyak mo na ang landas na ito ang tamang landas, at ang wastong landas sa buhay, ano ang kailangan mo sa puntong ito? Kailangan mong hilingin sa Diyos na maghanda ng angkop na kapaligiran para sa iyo na makakapagpatibay at makakatulong sa buhay mo at na makakapagpalago sa iyo sa buhay. Ang kapaligirang ito ay maaaring hindi gaanong komportable—ang laman ng isang tao ay kailangang magdusa ng paghihirap at kailangan niyang talikuran at bitiwan ang maraming bagay. Ito ay isang bagay na naranasan na ninyong lahat sa ngayon. Halimbawa, sabihin natin na ikaw ay inusig at hindi makauwi, hindi makapagkita o makapag-ugnayan sa iyong mga anak o asawa, makipagkita sa iyong mga kamag-anak o kaibigan, o makatanggap ng anumang balita mula sa kanila. Sa kalaliman ng gabi, mapapaisip ka tungkol sa iyong tahanan: “Kumusta na kaya ang aking ama? Matanda na siya, at wala akong paraan para igalang at alagaan siya. Ang aking ina ay mahina ang kalusugan, at hindi ko alam kung kumusta na siya.” Hindi ba’t lagi mong iisipin ang mga bagay na ito? Kung ang iyong puso ay palaging nililimitahan ng mga ganitong bagay, ano ang mga kahihinatnan na idudulot nito sa paggampan mo ng iyong tungkulin? Dapat ay bawasan mo ang iyong pakikisangkot o pag-aabala sa mga makamundo at makalaman na bagay. Makakabuti ito sa iyong pag-usad sa buhay. Ang pagiging abala at pagod ng iyong isip ay walang maitutulong. Ang lahat ng bagay na ito ay nasa mga kamay ng Diyos, at hindi mo mababago ang kapalaran ng iyong mga mahal sa buhay. Kailangan mong maunawaan na ang iyong pangunahing prayoridad bilang isang mananampalataya ay ang maging mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, gawin ang iyong tungkulin, magkamit ng tunay na pananalig, pumasok sa realidad ng mga salita ng Diyos, lumago sa buhay, at makamit ang katotohanan. Ito ang pinakamahalaga. Sa panlabas, mukhang aktibong tinatalikuran ng mga tao ang mundo at ang kanilang mga pamilya, ngunit ano nga ba talaga ang nangyayari? (Ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan at namamatnugot dito.) Pinamatnugutan ito ng Diyos. Ang Diyos ang pumipigil sa iyo na makita ang iyong mga mahal sa buhay. Sa mas angkop na pananalita, ipinagkakait sila ng Diyos sa iyo. Hindi ba’t ito ang mga pinakapraktikal na salita? (Tama.) Palaging sinasabi ng mga tao na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan at nagsasaayos ng mga bagay-bagay, kaya paano Siya nagkakaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa usaping ito? Inilalabas ka Niya sa iyong tahanan, hindi hinahayaan ang mga taong ito na maging mga pasanin na nagpapabigat sa iyo. Kung gayon, saan ka dinadala ng Diyos? Dinadala ka Niya sa isang kapaligiran kung saan walang mga kagusutan ng laman, kung saan hindi mo makikita ang iyong mga mahal sa buhay. Kapag nag-aalala ka tungkol sa kanila, at gusto mong gumawa ng kaunting pagsisikap para sa kanila, hindi mo magagawa, at kapag gusto mong magpakita ng pagiging mabuting anak, hindi mo magagawa. Hindi ka na nila magugusot. Inilayo ka ng Diyos sa kanila, tinatanggalan ka ng lahat ng kagusutang ito. Kung hindi Niya ito ginawa, magpapakita ka pa rin ng dedikasyon sa kanila, magseserbisyo sa kanila at magpapaalipin. Ang paglalayo ba sa iyo ng Diyos sa lahat ng mga panlabas na kagusutang ito ay isang mabuting bagay o isang masamang bagay? (Mabuti.) Ito ay isang mabuting bagay, at hindi ito kailangang pagsisihan. Dahil ito ay isang mabuting bagay, anong dapat gawin ng mga tao? Dapat magpasalamat ang mga tao sa Diyos, sinasabing, “Mahal na mahal ako ng Diyos!” Hindi mapagtatagumpayan ng isang tao ang gapos ng pagmamahal nang mag-isa, dahil ang puso ng mga tao ay nalilimitahan ng pagmamahal. Inaasam nilang lahat na magkakasama ang buong pamilya nila, na ang lahat—bata at matanda—sa kanilang tabi, at ang lahat ay ligtas, malusog, at masaya, at gugulin ang bawat araw nang ganito, na hindi kailanman naghihiwalay. Ngunit mayroong hindi magandang bahagi rito. Ilalaan mo ang iyong buong lakas ng buhay, dugo ng puso, kabataan, at ang iyong magagandang taon—ang lahat ng pinakamagandang bahagi ng iyong buhay—sa kanila. Isasakripisyo mo ang iyong buong buhay para sa kapakanan ng iyong laman, pamilya, mga mahal sa buhay, trabaho, kasikatan at pakinabang, at lahat ng uri ng komplikadong relasyon, at ganap mong sisirain ang iyong sarili dahil dito. Kung gayon, paano minamahal ng Diyos ang tao? Sinasabi ng Diyos, “Huwag mong sirain ang iyong sarili sa putikang ito. Parehong hindi makaalis ang iyong mga paa, at hindi mo mahihila paahon ang sarili mo gaano mo man pagurin ang sarili mo. Hindi mo taglay ang tayog o tapang, at lalo na ang pananalig na gawin ito. Ako Mismo ang maglalabas sa iyo.” Ito ang ginagawa ng Diyos, at hindi Niya ito tinatalakay sa iyo. Bakit hindi hinihingi ng Diyos ang mga opinyon ng mga tao? Sinasabi ng ilang tao, “Ang Diyos ang Lumikha, ginagawa Niya ang anumang gusto Niya. Ang mga tao ay tulad ng mga langgam at uod, wala silang halaga sa paningin ng Diyos.” Masasabing ganoon ito, pero ganoon ba tinatrato ng Diyos ang mga tao? Hindi, hindi ganito. Ang Diyos ay nagpapahayag ng napakaraming katotohanan at nagkakaloob ng mga ito sa tao, na nagbibigay-daan na malinis ang mga tao sa kanilang katiwalian, at magkamit ng bagong buhay mula sa Kanya. Napakadakila ng pagmamahal ng Diyos sa tao. Ang lahat ng ito ay maliwanag sa lahat ng tao. May mga layunin para sa iyo ang Diyos, ang layon Niya sa pagdala sa iyo palabas ay upang bigyang-kakayahan ka na tahakin ang tamang landas sa buhay, upang isabuhay mo ang isang buhay na makahulugan. Kung hinayaan ka lang na mag-isa, hindi mo pipiliin ang landas na ito. Ang subhetibong kahilingan ng mga tao ay ang gugulin ang kanilang buhay nang ligtas at maayos, at kahit na hindi sila magkakamit ng malaking kayamanan at katayuan, sa pinakamababa ay gusto nilang makasama ang kanilang buong pamilya habang-buhay, at matamasa ang ganitong uri ng kaligayahang pampamilya. Hindi nila alam kung paano maging mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, ni hindi nila alam kung paano pag-isipan ang kanilang mga destinasyon sa hinaharap o ang layunin ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan. Ngunit hindi ginagawang isyu ng Diyos ang kawalan nila ng pag-unawa, at hindi Niya kailangang masyadong magsalita sa kanila, dahil hindi nila nauunawaan, masyadong mababa ang kanilang tayog, at ang anumang talakayan ay walang ibubungang mga resulta. Bakit wala itong ibubungang mga resulta? Dahil ang dakilang bagay ng plano ng pamamahala ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan ay hindi isang bagay na mauunawaan ng mga tao sa pamamagitan lamang ng isa o dalawang pangungusap na paliwanag. Dahil iyon ang sitwasyon, ang Diyos ay gumagawa ng mga desisyon at kumikilos nang direkta, at isang araw, ikaw ay makakaunawa.

Kapag kinukuha ng Diyos ang ilan sa Kanyang mga hinirang na tao mula sa malupit na kapaligiran ng mainland China, ang Kanyang mabubuting layunin ay narito, na nakikita na ng lahat ngayon. Tungkol sa bagay na ito, dapat maging mapagpasalamat ang mga tao at magpasalamat sa Diyos sa Kanyang biyaya. Ikaw ay nakaahon mula sa iyong kapaligirang pampamilya, humiwalay sa lahat ng komplikadong pakikipag-ugnayan ng laman, at pinakawalan ang iyong sarili mula sa lahat ng mga makamundo at makalaman na kagusutan. Inakay ka ng Diyos palayo mula sa isang komplikadong patibong at dinala sa Kanyang harapan at sa Kanyang sambahayan. Sinasabi ng Diyos: “Mapayapa rito, napakaganda ng lugar na ito, at angkop na angkop ito para sa iyong paglago. Dito makikita ang mga salita at patnubay ng Diyos, at kung saan naghahari ang katotohanan. Ang layunin ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan ay naririto, at ang gawain ng pagliligtas ay nakasentro rito. Kaya, lumago ka rito nang malaya.” Dinala ka ng Diyos sa ganitong uri ng kapaligiran, isang kapaligiran na maaaring hindi nagtataglay ng kaginhawahan mula sa iyong mga mahal sa buhay, kung saan wala ang iyong mga anak upang alagaan ka kapag ikaw ay nagkasakit, at kung saan walang sinuman na puwede mong pagsabihan ng niloloob mo. Kapag ikaw ay nag-iisa, at naiisip mo ang pagdurusa at mga paghihirap ng iyong laman at ang iyong kakaharapin sa hinaharap, makakaramdam ka ng pangungulila. Bakit mangungulila ka? Ang isang obhetibong dahilan dito ay na masyadong mababa ang tayog ng mga tao. Ano ang subhetibong dahilan? (Hindi lubusang binitiwan ng mga tao ang kanilang mga makalaman na mahal sa buhay.) Tama iyan, ito ay dahil hindi kayang bitiwan ng mga tao ang kanilang mga mahal sa buhay. Itinuturing ng mga taong nabubuhay sa laman na kasiyahan ang iba’t ibang relasyon at pagmamahal ng pamilya sa laman. Naniniwala sila na hindi mabubuhay ang mga tao nang wala ang kanilang mga mahal sa buhay. Bakit hindi mo naiisip kung paano ka dumating sa mundo ng sangkatauhan? Dumating ka sa mundong ito nang mag-isa. Hindi ka nagsimula nang may anumang ugnayan sa iyong mga mahal sa buhay. Dinadala ng Diyos ang mga tao sa mundo nang paisa-isa. Nang dumating ka rito, sa katunayan, mag-isa ka. Hindi ka nangulila noon, kaya bakit ka nangungulila ngayon matapos kang ilayo ng Diyos sa iyong tahanan? Iniisip mong wala kang kapareha na mapagsasabihan ng niloloob mo, mga anak mo man ito, mga magulang mo, o kabiyak mo—ang iyong mister o misis—kaya naman nangungulila ka. Kung gayon, kapag nangungulila ka, bakit hindi mo iniisip ang Diyos? Ang Diyos ba ay isang kasama ng tao? (Oo.) Kapag nakakaramdam ka ng labis na pagdurusa at kalungkutan, sino ang tunay na makakapagbigay-ginhawa sa iyong puso? Sino ang tunay na makakalutas ng iyong mga paghihirap? (Ang Diyos.) Ang Diyos lamang ang tunay na makakalutas ng mga paghihirap ng mga tao. Kung ikaw ay may sakit, at ang iyong mga anak ay nasa iyong tabi, pinagsisilbihan ka, at nagbabantay sa iyo, lubos kang masisiyahan, ngunit pagdating ng panahon, magsasawa ang iyong mga anak at wala nang sinuman ang magnanais na magbantay sa iyo. Sa mga panahong tulad niyon, makakaramdam ka ng tunay na pangungulila! Iniisip mong wala kang katuwang sa iyong tabi ngayon, pero ganoon ba talaga? Sa katunayan, hindi, dahil ang Diyos ay palaging nasa tabi mo! Hindi iniiwan ng Diyos ang mga tao. Siya ang Nag-iisang maaasahan nila at masisilungan sa lahat ng oras, at ang kanilang nag-iisang kapalagayang-loob. Kaya, anuman ang mga paghihirap at pagdurusang dumating sa iyo, at anuman ang mga bagay na nagpaparamdam sa iyo ng pagkaagrabyado o mga bagay na nagpapanegatibo at nagpapahina sa iyo, dapat kang lumapit at manalangin sa Diyos kaagad, at ang Kanyang mga salita ay magbibigay sa iyo ng ginhawa, at lulutasin ng mga ito ang iyong mga paghihirap at ang iyong iba’t ibang problema. Sa isang kapaligirang tulad nito, ang iyong pangungulila ang magiging batayang kondisyon para maranasan ang mga salita ng Diyos at makamit ang katotohanan. Habang ikaw ay dumaranas, unti-unti mong mapagtatanto: “Namumuhay pa rin ako ng magandang buhay matapos iwanan ang aking mga magulang. Namumuhay pa rin ako nang may kabuluhan matapos iwanan ang aking asawa. Namumuhay pa rin ako nang payapa at masaya matapos iwanan ang aking mga anak. Hindi na ako nakakaramdam ng kahungkagan. Hindi na ako umaasa sa mga tao. Natutunan ko nang umasa sa Diyos. Ang Diyos ang aking laging naririyan na tagapagtustos at tagatulong. Bagama’t hindi ko Siya mahawakan o makita, alam kong nasa tabi ko Siya sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar. Hangga’t nananalangin ako sa Kanya, hangga’t tumatawag ako sa Kanya, pakikilusin Niya ako at ipauunawa sa akin ang Kanyang mga layunin at ipapakita ang landas na dapat kong tahakin.” Sa puntong ito, Siya ay tunay na magiging Diyos mo, at malulutas ang lahat ng iyong problema.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

May ilang taong gustong maunawaan ang katotohanan, matamo ang katotohanan, at gugulin din ang sarili nila para sa Diyos, pero wala silang kayang talikuran. Hindi nila kayang talikuran ang kanilang kinabukasan, hindi nila kayang talikuran ang mga makalamang kaginhawahan, ang pagkakaisa ng kanilang pamilya, ang kanilang mga anak at mga magulang, ni hindi nila kayang bitiwan ang kanilang mga mithiin, layon, o pagnanais. Anuman ang sitwasyon, palagi nilang ginagawang pangunahing priyoridad ang kanilang sarili. Inuuna nila ang sarili nilang mga usapin at sariling makasariling mga pagnanais, at inihuhuli ang katotohanan; nauuna para sa kanila ang pagtugon sa kanilang mga makalamang interes at sa kanilang mga tiwaling satanikong disposisyon, habang sekundarya at panghuli ang pagsasagawa sa salita ng Diyos at pagbibigay-kasiyahan sa Diyos. Matatanggap ba ng gayong mga tao ang pagsang-ayon ng Diyos? Kailan kaya sila makakapasok sa realidad ng katotohanan sa ganitong paraan? Kailan kaya nila matutugunan ang mga layunin ng Diyos? (Hindi kailanman.) Kung sa panlabas ay nagampanan mo ang iyong tungkulin at hindi ka naging tamad, pero hindi man lang nalutas ang iyong tiwaling disposisyon, matatawag ba itong pagsunod sa daan ng Diyos? (Hindi.) Nauunawaan ninyong lahat ang mga bagay na ito, pero pagdating sa pagsasagawa sa katotohanan, nahihirapan kayo. Dapat mong ilapat ang iyong pagdurusa at sakripisyo sa pagsasagawa ng katotohanan, hindi sa pagsunod sa mga regulasyon at pagkilos nang wala sa loob. Gaano ka man magdusa para sa katotohanan, sulit ito. Ang pagdurusang tinitiis mo alang-alang sa pagsasagawa ng katotohanan para matugunan ang mga layunin ng Diyos ay katanggap-tanggap sa Kanya at sinasang-ayunan Niya.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Kung kaya mong ilaan ang iyong puso, katawan, at lahat ng iyong tunay na pagmamahal sa Diyos, iharap ang mga iyon sa Kanya, maging ganap na mapagpasakop sa Kanya, at maging lubos na mapagsaalang-alang sa Kanyang mga layunin, at hindi kumilos para sa laman, para sa pamilya, at para sa iyong sariling mga pagnanais, kundi para sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, na itinuturing ang salita ng Diyos bilang iyong prinsipyo at pundasyon sa lahat ng bagay, pagkatapos, sa paggawa niyon, ang iyong mga motibo at iyong mga perspektiba ay maaayos, at magiging isa kang tao na tumatanggap ng pagsang-ayon ng Diyos sa Kanyang presensiya. Ang mga taong gusto ng Diyos ay yaong mga ganap na tapat sa Kanya; sila yaong mga kayang maging tapat sa Kanya lamang. Ang mga kinasusuklaman ng Diyos ay yaong mga hindi deboto sa Kanya at naghihimagsik laban sa Kanya. Kinasusuklaman Niya yaong mga naniniwala sa Kanya at laging gustong masiyahan sa Kanya habang hindi pa nagagawang lubos na gugulin ang kanilang sarili para sa Kanyang kapakanan. Kinasusuklaman Niya yaong mga nagsasabi na Siya ay mahal nila ngunit naghihimagsik laban sa Kanya sa kanilang puso; kinasusuklaman Niya yaong mga gumagamit ng magagaling at mabulaklak na salita upang manlinlang. Yaong mga hindi tunay na nakalaan sa Diyos o hindi pa tunay na nagpapasakop sa Kanya ay mga taksil at masyadong likas na mayabang. Yaong mga hindi tunay na makapagpasakop sa harap ng normal at praktikal na Diyos ay mas mayabang pa, at sila ay talagang ang masunuring mga inapo ng arkanghel. Ang mga taong tunay na ginugugol ang kanilang sarili para sa Diyos ay inilalaan ang buo nilang pagkatao sa Kanya at inilalagay ang kanilang sarili sa harapan Niya; kaya nilang magpasakop sa lahat ng Kanyang mga salita at gawain, at naisasagawa nila ang Kanyang mga salita. Kaya nilang tanggapin ang mga salita ng Diyos at ituring ang mga ito na pundasyon ng kanilang pag-iral, at nagagawa nilang taos-pusong maghanap sa loob ng mga salita ng Diyos upang alamin kung aling mga bahagi ang isasagawa. Sila yaong mga tao na tunay na namumuhay sa harap ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Tunay na Nagmamahal sa Diyos ay Yaong mga Talagang Nagpapasakop sa Kanyang Pagiging Praktikal

Dapat hangarin ng lahat ng tao na isabuhay ang isang makabuluhang buhay, at hindi dapat masiyahan sa kanilang kasalukuyang mga kalagayan. Dapat nilang maisabuhay ang wangis ni Pedro, at dapat nilang taglayin ang kaalaman at mga karanasan ni Pedro. Dapat nilang hangarin ang mga bagay na mas matatayog at mas malalalim. Dapat nilang hangarin ang isang mas malalim, mas dalisay na pagmamahal sa Diyos, at isang buhay na may halaga at kahulugan. Ito lamang ang buhay; sa ganito lamang sila magiging katulad kay Pedro. Dapat kang tumuon sa kusang pagpasok sa positibong panig, at hindi ka dapat maging pasibo at hayaan ang iyong sarili na umurong dahil kontento ka sa pansamantalang ginhawa, habang kasabay nito ay binabalewala ang mas malalim, mas detalyado, at mas praktikal na mga katotohanan. Dapat kang magtaglay ng praktikal na pagmamahal, at dapat kang humanap ng lahat ng posibleng paraan upang mapalaya ang iyong sarili mula sa dekadente at walang-pakialam na pamumuhay na walang pinagkaiba sa paraan ng pamumuhay ng isang hayop. Dapat mong isabuhay ang isang buhay na may kabuluhan at halaga, at hindi mo dapat linlangin ang iyong sarili o ituring ang iyong buhay na parang isang laruan na dapat paglaruan. Para sa lahat ng may determinasyon at nagmamahal sa Diyos, walang katotohanang hindi maaabot at walang katarungan na hindi nila mapaninindigan. Paano mo dapat ipamuhay ang iyong buhay? Paano mo ba dapat ibigin ang Diyos, at gamitin ang pag-ibig na ito para matugunan ang Kanyang mga layunin? Wala nang mas mahalagang bagay sa iyong buhay. Higit sa lahat, ikaw ay dapat magkaroon ng ganitong uri ng determinasyon at pagtitiyaga, at hindi dapat maging mahina na walang gulugod. Dapat mong matutunan kung paano maranasan ang isang makahulugang buhay, at maranasan ang makahulugang mga katotohanan, at hindi dapat ituring ang iyong sarili nang pabasta-basta sa ganitong paraan. Ang iyong buhay ay lilipas nang hindi mo namamalayan; pagkatapos niyon, magkakaroon ka pa rin ba ng ganitong uri ng oportunidad na mahalin ang Diyos? Maaari bang mahalin ng tao ang Diyos pagkatapos niyang bawian ng buhay? Dapat kang magkaroon ng determinasyon at ng konsensiya na katulad ng kay Pedro; dapat kang mamuhay ng makabuluhang buhay, at hindi mo dapat pinaglalaruan ang iyong sarili. Bilang isang tao, at bilang isang tao na naghahangad sa Diyos, dapat mong isaalang-alang at harapin ang buhay mo nang maingat—isinasaalang-alang kung paano mo dapat ialay ang iyong sarili sa Diyos, kung paano ka magkakaroon ng isang mas makabuluhang pananalig sa Diyos, at dahil sa iniibig mo ang Diyos, paano mo Siya dapat ibigin sa paraang mas dalisay, mas maganda, at mas mabuti. … Dapat kang magdusa ng paghihirap para sa katotohanan, dapat mong isakripisyo ang iyong sarili para sa katotohanan, dapat kang magtiis ng kahihiyan para sa katotohanan, at dapat kang sumailalim sa higit pang pagdurusa para magkamit ng higit pang katotohanan. Ito ang dapat mong gawin. Hindi mo dapat itapon ang katotohanan alang-alang sa pagtatamasa ng pagkakasundo ng pamilya, at hindi mo dapat iwala ang dangal at integridad ng buong buhay mo alang-alang sa pansamantalang pagtatamasa. Dapat mong hangarin ang lahat ng maganda at mabuti, at dapat mong hangarin ang isang landas sa buhay na higit na makabuluhan. Kung namumuhay ka ng gayong isang ordinaryo at makamundong buhay, at wala kang anumang layong hahangarin, hindi ba’t pag-aaksaya ito sa iyong buhay? Ano ba ang iyong makakamtan mula sa ganitong paraan ng pamumuhay? Dapat mong talikuran ang lahat ng kasiyahan ng laman alang-alang sa isang katotohanan, at hindi mo dapat itapon ang lahat ng katotohanan alang-alang sa isang munting kasiyahan. Ang ganitong mga tao ay walang integridad o dangal; walang kabuluhan ang kanilang pag-iral!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol

Ngayon, hindi mo pinaniniwalaan ang mga salitang Aking sinasabi, at hindi mo binibigyang-pansin ang mga iyon; kapag dumating na ang araw para ang gawaing ito ay lumaganap, at nakita mo ang kabuuan nito, magsisisi ka, at sa sandaling iyon ikaw ay matitigilan. Mayroong mga pagpapala, gayunman ay hindi mo alam kung paano magtamasa sa mga iyon, at naroon ang katotohanan, gayunman ay hindi mo ito hinahabol. Hindi ba’t nagdadala ka ng problema sa iyong sarili? Ngayon, bagaman magsisimula pa lamang ang susunod na hakbang sa gawain ng Diyos, walang anumang karagdagan tungkol sa mga hinihingi sa iyo at sa kung ano ang ipinasasabuhay sa iyo. Napakarami ng gawain, at napakaraming katotohanan; ang mga iyon ba ay hindi karapat-dapat na malaman mo? Hindi ba kayang gisingin ng pagkastigo at paghatol ang iyong espiritu? Hindi ba kaya ng pagkastigo at paghatol na tulutan kang kamuhian ang iyong sarili? Kontento ka na ba sa pamumuhay sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas, nang may kapayapaan at kagalakan, at kaunting makalamang kaginhawahan? Hindi ba’t ikaw ang pinakamababa sa lahat ng tao? Wala nang mas hahangal pa kaysa sa mga iyong nakakita sa kaligtasan ngunit hindi naghangad na makamit ito; sila ay mga taong nagpapakasasa sa laman at nasisiyahan kay Satanas. Umaasa ka na ang iyong pananalig sa Diyos ay hindi magsasanhi ng anumang mga paghihirap o kapighatian, o ng kahit katiting na pagdurusa. Lagi mong hinahangad ang mga bagay na iyon na walang-halaga, at hindi mo pinahahalagahan ang buhay, sa halip ay inuuna mo ang iyong sariling malabis na kaisipan bago ang katotohanan. Ikaw ay napakawalang-halaga! Nabubuhay ka na parang isang baboy—ano nga ba ang pagkakaiba sa pagitan mo, at ng mga baboy at mga aso? Hindi ba’t lahat ng hindi naghahangad sa katotohanan, at sa halip ay iniibig ang laman, ay pawang mga hayop? Hindi ba’t ang mga patay na walang mga espiritu ay mga naglalakad na mga bangkay? Gaano na karaming salita ang nasambit sa gitna ninyo? Kaunting gawain lamang ba ang nagawa sa gitna ninyo? Gaano na karami ang naipagkaloob Ko sa inyo? Kaya bakit hindi mo ito nakamit? Ano ang iyong mairereklamo? Hindi ba’t wala kang natamo dahil sa iyong labis na pag-ibig sa laman? At hindi ba’t dahil ito sa ang iyong mga kaisipan ay masyadong maluho? Hindi ba’t dahil ito sa ikaw ay napakahangal? Kung mabibigo kang makamit ang mga pagpapalang ito, masisisi mo ba ang Diyos sa hindi pagliligtas sa iyo? Ang lahat ng iyong hinahangad ay ang matamo ang kapayapaan pagkatapos na manampalataya sa Diyos, ang iyong mga anak ay mailayo sa sakit, ang iyong asawang lalaki ay magkaroon ng magandang trabaho, ang iyong anak na lalaki ay magkaroon ng mabuting asawang babae, ang iyong anak na babae ay makatagpo ng mabuting asawang lalaki, ang iyong mga baka at mga kabayo ay makapag-araro nang mahusay, magkaroon ng isang taon ng magandang panahon para sa iyong mga tanim. Ito ang iyong hinahangad. Ang iyong hinahangad ay para mabuhay lamang nang maginhawa—walang mga aksidenteng dumating sa iyong pamilya, ang hangin ay lampasan ka lamang, ang iyong mukha ay hindi mabahiran ng dumi, ang mga tanim ng iyong pamilya ay hindi bahain, hindi maapektuhan ng anumang sakuna, mabuhay sa “yakap ng Diyos,” mabuhay sa isang maginhawang tirahan. Ang duwag na kagaya mo, na palaging naghahangad sa laman—mayroon ka bang puso, mayroon ka bang espiritu? Hindi ka ba isang hayop? Ipinagkakaloob Ko sa iyo ang tunay na daan nang hindi humihingi ng anumang kapalit, gayunman ay hindi ka naghahangad. Isa ka pa rin ba sa mga nananampalataya sa Diyos? Ipinagkakaloob Ko ang tunay na buhay ng tao sa iyo, gayunman ay hindi ka naghahangad. Hindi ba’t kauri ka ng mga baboy o aso? Ang mga baboy ay hindi naghahangad ng buhay ng tao, hindi nila hinahangad na maging malinis, at hindi nila nauunawaan kung ano ang buhay. Bawat araw, pagkatapos nilang kumain nang busog, natutulog na sila. Naipagkaloob Ko na sa iyo ang tunay na daan, gayunman ay hindi mo ito nakamtan, wala kang anuman. Handa ka bang magpatuloy sa ganitong buhay, ang buhay ng isang baboy? Ano pang silbi na mabuhay ang gayong mga tao? Ang iyong buhay ay kasumpa-sumpa at walang-dangal, nabubuhay ka sa gitna ng karumihan at kahalayan, at hindi mo hinahangad ang anumang layon, kaya hindi ba’t ang iyong buhay ang pinakahamak sa lahat? Mayroon ka bang lakas ng loob na humarap sa Diyos? Kung magpapatuloy ka na dumanas sa ganitong paraan, hindi ba’t wala kang matatamo? Ang tunay na daan ay naipagkaloob na sa iyo, ngunit kung makakamit mo ito sa huli o hindi ay nakasalalay sa iyong sariling paghahangad.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol

Ngayon na ang panahon kung kailan ang Aking Espiritu ay gumagawa ng dakilang gawain, at ang panahon kung kailan sinisimulan Ko ang Aking gawain sa mga bayan ng Hentil. Higit pa riyan, ito ang panahon kung kailan ikinaklasipika Ko ang lahat ng nilikha, inilalagay ang bawat isa sa kanya-kanyang kaukulang kategorya, upang ang Aking gawain ay maaaring magpatuloy nang mas mabilis at mas madaling makamit ang mga resulta. Kung kaya, ang Aking hinihingi pa rin sa iyo ay ang ialay mo ang iyong buong pagkatao sa lahat ng Aking gawain, at, higit pa rito, ang malinaw mong makilatis at makita nang may katumpakan ang lahat ng gawaing Aking ginagawa sa iyo, at gugulin ang lahat ng iyong lakas upang ang Aking gawain ay makapagkamit ng mas magagandang resulta. Ito ang dapat mong maunawaan. Tigilan ang pakikipagkompetensiya sa isa’t isa, ang paghahanap ng alternatibong plano, o ang paghahanap ng kaginhawahan para sa iyong laman, para maiwasan na maantala ang Aking gawain at na mahadlangan ang iyong magandang kinabukasan. Ang paggawa ng gayon, sa halip na protektahan ka, ay maaari lamang magdulot sa iyo ng pagkawasak. Hindi ba’t kahangalan ito para sa iyo? Iyang pinagpapakasasahan mo ngayon ay ang mismong bagay na sumisira sa iyong kinabukasan, samantalang ang pasakit na iyong tinitiis ngayon ay ang mismong bagay na nagpoprotekta sa iyo. Dapat mong malinaw na malaman ang mga bagay na ito, upang maiwasang mabitag sa mga tukso kung saan mahihirapan kang makawala, at upang maiwasang mapunta sa makapal na hamog at hindi na muling makita ang araw kailanman. Kapag nahawi ang makapal na hamog, masusumpungan mo ang iyong sarili sa kalagitnaan ng paghatol ng dakilang araw.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ay ang Gawain Din ng Pagliligtas sa Tao

Ngayon, mahal Ko ang sinumang makakasunod sa Aking kalooban, ang sinumang makapagsasaalang-alang sa Aking mga pasanin, at ang sinumang makapagbibigay ng kanilang lahat-lahat para sa Akin nang may sinseridad at pagiging totoo, at patuloy Ko silang liliwanagan, at hindi Ko sila hahayaang makalayo sa Akin. Madalas Kong sabihin, “Kayong mga taos-pusong gumugugol para sa Akin, kayo ay tiyak na labis Kong pagpapalain.” Ano ang tinutukoy ng “pagpapalain”? Alam mo ba? Sa konteksto ng kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu, tumutukoy ito sa mga pasaning ibinibigay Ko sa iyo. Para sa lahat ng nagagawang bumalikat ng pasanin para sa iglesia, at taos-pusong inaalay ang kanilang sarili para sa Akin, ang kanilang mga pasanin at kanilang sinseridad ay kapwa mga pagpapalang nagmumula sa Akin. Dagdag pa rito, ang Aking mga paghahayag sa kanila ay isa ring pagpapala mula sa Akin.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 82

Naglalakad Ako ngayon sa gitna ng Aking mga tao at naninirahan Ako sa gitna nila. Ngayon, yaong may tunay na pagmamahal sa Akin—mapalad ang gayong mga tao. Mapalad ang mga nagpapasakop sa Akin, mananatili sila sa Aking kaharian. Mapalad ang mga nakakakilala sa Akin, sila ay maghahari sa Aking kaharian. Mapalad ang mga naghahangad sa Akin, makakalaya sila mula sa mga gapos ni Satanas at magtatamasa ng Aking mga pagpapala. Mapalad ang mga nagagawang maghimagsik laban sa kanilang sarili, sila ay magiging Akin at magmamana sila ng kasaganaan ng Aking kaharian. Aalalahanin Ko ang mga nagsusumikap para sa Akin, tatanggapin Ko ang mga gumugugol ng kanilang sarili para sa Akin, at pagkakalooban ko ng mga bagay na tatamasahin nila yaong mga nag-aalay sa Akin. Pagpapalain Ko ang mga nagtatamasa sa Aking mga salita; magiging mga haligi sila ng Aking kaharian, magtatamasa sila ng walang-kapantay na kasaganaan sa Aking sambahayan, at walang maikukumpara sa kanila. Tinanggap na ba ninyo ang mga pagpapalang inihanda para sa inyo? Sinikap na ba ninyong kamtin ang mga pangakong binitiwan para sa inyo? Kayo ay, sa ilalim ng patnubay ng Aking liwanag, makakawala mula sa pagsakal ng mga puwersa ng kadiliman. Sa gitna ng kadiliman, hindi mawawala sa inyo ang paggabay ng liwanag. Kayo ang magiging mga panginoon ng lahat ng bagay. Kayo ay magiging mga mananagumpay sa harap ni Satanas. Sa pagbagsak ng bansa ng malaking pulang dragon, kayo ay tatayo sa gitna ng di-mabilang na tao bilang patunay ng Aking tagumpay. Kayo ay magiging matatag at di-natitinag sa lupain ng Sinim. Sa pamamagitan ng mga pagdurusang tinitiis ninyo, mamanahin ninyo ang Aking mga pagpapala, at pasisikatin ninyo ang Aking liwanag ng kaluwalhatian sa loob ng buong sansinukob.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 19

Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan

Ang mga Mananampalataya ay Hindi Dapat Iugnay Nang Di-Pantay sa mga Walang Pananampalataya

Pinili ko ang Tamang Landas

Pagtakas sa Pagkulong ng Pamilya Ko

Kaugnay na mga Himno

Ibigay ang Buong Sarili Mo sa Gawain ng Diyos

Dapat Mong Talikdan ang Lahat para sa Katotohanan

Dapat Hangarin ng mga Tao na Isabuhay ang Isang Makabuluhang Buhay

Sinundan: 4. Paano lutasin ang problema ng palaging pagkakaroon ng mga hinihingi sa Diyos

Sumunod: 6. Paano lutasin ang problema ng pagtrato sa mga tao nang ayon sa mga damdamin

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 17: Pinatotohanan n’yo na ang Makapangyarihang Diyos ang Diyos ng mga huling araw na nagpapakita at gumagawa, at sinabi n’yo ring naghahanap ng katotohanan ang paniniwala n’yo sa Kanya, at tinatahak n’yo ang tamang daan ng buhay. Pero sa pagkakaalam ko, marami sa mga naniniwala sa Kanya sa Makapangyarihang Diyos ay katulad ng mga misyonaryo ni Jesus, na sa layunin ng pagpapakalat ng ebanghelyo at pagpapatotoo sa Diyos, ay hindi nag-alinlangang iwan ang pamilya at propesyon, at ibinigay ang katawan at kaluluwa sa Diyos. Sa kanilang lahat marami sa mga kabataan ang hindi nagpapakasal, ginagawa nila ang tungkulin nila sa pagsunod kay Cristo ng mga huling araw. Hindi n’yo yata alam na, dahil iniiwan n’yo ang pamilya n’yo at kumikilos para ikalat ang ebanghelyo at magpatotoo sa Diyos, lalong dumarami ang mga taong naniniwala sa Diyos. Kapag ang lahat ng tao ay napalapit na sa Diyos, sino pang maniniwala sa Partido Komunista, at susunod sa kanila? Malinaw na dahil dito, pinipigilan kayo at inaaresto ng gobyerno. May nakikita ba kayong mali rito? Dahil naniniwala kayo sa Diyos sa ganitong paraan kaya maraming tao ang inaresto at sinintesyahang makulong, at marami ang umalis ng bahay at lumikas. Maraming mag-asawa ang nagdiborsyo, at maraming bata ang walang mga magulang na, magmamahal sa kanila. Maraming matatanda ang walang karamay para mag-alaga sa kanila. Sa paniniwala sa Diyos sa ganitong paraan, dinanas ng mga pamilya ninyo ang matinding paghihirap. Ano ba talagang gusto ninyong makamit? Hindi kaya ito ang tamang daan para sa buhay ng tao na sinasabi n’yo? Ang tradisyunal na kultura ng Tsina ay nagbibigay ng higit na pagpapahalaga sa kabanalan ng pamilya. Ayon sa kasabihan: “Sa lahat ng kabutihan, ang paggalang ng anak sa magulang ang pinakamahalaga.” Sabi ni Confucius: “Habang buhay pa ang mga magulang n’yo, huwag kayong maglalakbay nang malayo.” Ang pagrespeto sa mga magulang ang pundasyon ng pag-uugali ng tao. Sa paniniwala at pagsunod sa Diyos sa paraang ginagawa n’yo, hindi nyo magawang alagaan kahit na ang mga magulang n’yong nagbigay-buhay at nag-aruga sa inyo, pa’no ito naituring na tamang daan para sa buhay ng tao? Madalas kong marinig sa mga tao na, mabubuti ang lahat ng sumasampalataya. Hindi mali yon. Pero naniniwala kayong lahat sa Diyos, sumasamba at nagtatanghal sa Kanya bilang dakila. Ito ang dahilan para magpuyos sa galit ang Partido Komunista, at mapuno ng pagkamuhi. Ginagawa n’yo ang tungkulin n’yo para maikalat ang ebanghelyo, pero ni hindi n’yo maalagaan ang mga sarili n’yong pamilya. Paano ito maituturing na kagandahang asal? Anong masasabi n’yo? Posible kaya na kahit hindi nakikita ay nagkamali kayo ng tinahak na daan sa paniniwala sa Diyos? Sa pagpapakalat ng ebanghelyo at pagpapatotoo sa Diyos sa ganitong paraan, hindi ba’t sinisira n’yo ang pagkakaisa at katatagan ng lipunan? Nakikiusap ako sa inyo na itigil n’yo na ang paggawa ng mali. Bumalik na kayo sa lipunan sa lalong madaling panahon, samahan n’yo na ang pamilya n’yo, magkaro’n ng normal na buhay, at alagaang mabuti ang inyong pamilya. Dapat n’yong gawin ang tungkulin n’yo bilang mga anak at magulang. Ito lang ang pundasyon sa pag-uugali ng tao, at ito lang ang pinakapraktikal.

Sagot: Paulit-ulit mong sinasabi na maling daan ang tinahak namin sa paglisan sa mga pamilya at propisyon namin para maniwala sa Diyos at...

Tanong 14: Sa paniniwala n’yo sa Kanya, lahat kayo ay may mga sariling ideya at opinyon. Sa tingin ko ang mga ideya nyo at teyorya, ay pawang mga pakiramdam ng pansariling kamalayan, at puro ilusyon lamang ninyo sa mga bagay-bagay. Naniniwala kaming mga Komunista na ang materyalismo at teorya ng ebolusyon ang katotohanan, dahil naayon ang lahat ng yon sa syensya. Malinaw na nagbibigay ang ating bansa ng materyalista at ebolusyonistang edukasyon mula paaralang elementarya hanggang sa unibersidad. Sa tingin n’yo bakit? Yun ay para ipalaganap ang ateista at ebolusyonistang pag-iisip sa lahat ng kabataan sa murang edad, para lumayo sila sa relihiyon at ganun na rin sa pamahiin, at ng sa ganun siyentipiko at maayos nilang maipaliwanag ang lahat ng katanungan. Isang halimbawa ang, tanong tungkol sa pinagmulan ng buhay. Ignorante at makaluma ang mga tao sa nakaraan, at naniwala sa mga kwentong gaya ng paghihiwalay ni Pangu sa langit at lupa, at paglikha ni Nüwa sa mga tao. Ang mga taga-kanluran naman, ay naniwalang ang Diyos ang lumikha sa sangkatauhan. Ang totoo, mitolohiya lang at alamat ang lahat ng ito, at hindi naaayon sa syensya. Mula nang lumitaw ang teorya ng ebolusyon na nagpaliwanag sa pinagmulan ng sangkatauhan, kung paano nagmula ang tao sa mga unggoy, pinabulaanan ng teorya ng ebolusyon ang alamat ng paglikha ng Diyos sa tao. Nalikha ang lahat ng bagay sa natural na pamamaraan. Yun lamang ang katotohanan. Kaya nga Kailangan nating maniwala sa syensya, at sa teorya ng ebolusyon. Kayong lahat ay mga edukado at maraming nalalaman. Kaya bakit kayo naniniwala sa Diyos? Kaya n’yo bang sabihin sa’min ang inyong pananaw?

Sagot: Naniniwala kayong mga Komunista na ang materyalismo at teorya ng ebolusyon ang katotohanan, at kinikilala n’yo sina Marx at Darwin....

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito