24. Paano lutasin ang problema ng paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Sa inyong paghahangad, napakarami ninyong personal na mga kuru-kuro, pag-asam, at mga kinabukasan. Ang gawain ay ginagampanan na ngayon sa ganitong paraan para pungusan ang inyong pagnanais para sa katayuan at ang inyong maluluhong pagnanais. Ang mga pag-aasam na ito, ang pagnanais na ito para sa katayuan, at ang mga kuru-kurong ito ay pawang mga huwaran ng mga satanikong disposisyon. Umiiral ang mga ito sa puso ng mga tao ganap na dahil palaging unti-unting sinisira ng mga lason ni Satanas ang kaisipan ng mga tao, at hindi kailanman maiwaksi ng mga tao ang mga tuksong ito ni Satanas. Nakasadlak sila sa kasalanan subalit hindi sila naniniwala na kasalanan iyon, at dagdag pa rito, iniisip pa rin nila, “Nananampalataya kami sa Diyos, kaya kailangan Niya kaming pagkalooban ng mga pagpapala at angkop na isaayos ang lahat para sa amin. Nananampalataya kami sa Diyos, kaya kailangang maging superyor kami sa iba, at kailangan naming magkaroon ng mas mataas na katayuan at mas magagandang kinabukasan kaysa sa sinumang iba. Dahil nananampalataya kami sa Diyos, kailangan Niya kaming bigyan ng walang-hanggang mga pagpapala. Kung hindi, hindi iyon matatawag na pananampalataya sa Diyos.” Sa loob ng maraming taon, ang mga kaisipang sinasandigan ng mga tao para sa pananatili ng kanilang buhay ay unti-unting sumisira sa kanilang puso hanggang sa punto na sila ay maging tuso, duwag, at kasuklam-suklam. Hindi lamang sila hindi nagtataglay ng pagtitiyaga o determinasyon, ngunit naging sakim, mayabang, at matigas din ang ulo nila. Walang-wala sila ng anumang determinasyon na lampasan ang kanilang sarili, at higit pa riyan, wala sila ni katiting na lakas ng loob na iwaksi ang mga paglilimita ng madidilim na impluwensiyang ito. Ang buhay at mga kaisipan ng mga tao ay napakabulok na ang kanilang mga perspektiba tungkol sa pananampalataya sa Diyos ay napakapangit pa rin, at lubos na nakakalabag pakinggan. Ang lahat ng tao ay duwag, walang kapangyarihan, kasuklam-suklam, at marupok. Hindi sila nasusuklam sa mga puwersa ng kadiliman, at wala silang nadaramang pagmamahal para sa liwanag at katotohanan; sa halip, ginagawa nila ang kanilang makakaya upang mapatalsik ang mga ito. Hindi ba’t ganito rin ang inyong kasalukuyang mga iniisip at pananaw? Ibig sabihin, dahil nananampalataya kayo sa Diyos, samakatwid ay dapat kayong magkamit ng mga pagpapala, at dapat matiyak na ang inyong katayuan ay hindi bababa kailanman, na mananatili itong mas mataas kaysa sa mga walang pananampalataya—hindi kayo nagkikimkim ng ganitong klase ng perspektiba sa loob ng isa o dalawang taon lamang, kundi sa loob ng maraming taon. Sobra-sobra ang inyong transaksyonal na paraan ng pag-iisip. Bagama’t nakarating na kayo sa hakbang na ito ngayon, hindi pa rin kayo mapanatag pagdating sa katayuan; patuloy kayong humahanap ng paraan para usisain ito, at inoobserbahan ito araw-araw, nang may malaking takot na balang araw ay mawala ang inyong katayuan at masira ang inyong pangalan. Hindi pa isinasantabi ng mga tao ang pagnanais nilang guminhawa. … Habang mas naghahangad ka sa ganitong paraan, mas kakaunti ang aanihin mo. Kapag mas matindi ang pagnanais ng isang tao sa katayuan, kailangan ay mas higit siyang pungusan at mas nararapat siyang sumailalim sa matinding pagpipino. Ang gayong klaseng mga tao ay labis na walang kuwenta! Kailangan silang sumailalim sa maraming pagpupungos at paghatol upang lubusan nilang bitiwan ang kanilang pagnanais para sa katayuan. Kung maghahangad kayo sa ganitong paraan hanggang sa huli, wala kayong mapapala. Iyong mga hindi naghahangad ng buhay ay hindi mababago, at iyong mga hindi nauuhaw sa katotohanan ay hindi matatamo ang katotohanan. Hindi ka nagtutuon sa paghahangad na matamo ang personal na pagbabago at pagpasok, kundi sa halip ay palagi kang tumutuon sa maluluhong pagnanais at mga bagay na naglilimita sa iyo mula sa pagmamahal at paglapit sa Diyos. Mababago ka ba ng mga bagay na iyon? Madadala ka ba ng mga iyon papasok sa kaharian?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Bakit Ayaw Mong Maging Panghambing?
Bawat isa sa inyo ay nakaakyat na sa tugatog ng maraming tao; nakaakyat na kayo upang maging mga ninuno ng masa. Masyado kayong wala sa katwiran, at naghuhuramentado kayo sa gitna ng lahat ng uod, na naghahanap ng isang maginhawang lugar at nagtatangkang lamunin ang mga uod na mas maliliit kaysa sa inyo. Mapaminsala kayo at may maitim na hangarin sa inyong puso, na higit pa maging sa mga multo na lumubog na sa pusod ng dagat. Naninirahan kayo sa ilalim ng dumi, ginagambala ang mga uod mula ibabaw hanggang ilalim hanggang sa mawalan na ng kapayapaan ang mga ito, nag-aaway sandali at pagkatapos ay kumakalma. Hindi ninyo alam ang inyong lugar, subalit nilalabanan pa rin ninyo ang isa’t isa sa dumi. Ano ang mapapala ninyo sa ganyang sagupaan? Kung totoong mayroon kayong pusong may takot sa Akin, paano ninyo naaatim na mag-away-away sa Aking likuran? Gaano man kataas ang iyong katayuan, hindi ba’t isa ka pa ring mabahong maliit na uod sa dumi? Magagawa mo bang magpatubo ng mga pakpak at maging isang kalapati sa himpapawid?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag ang mga Dahong Nalalaglag ay Bumalik sa mga Ugat Nito, Pagsisisihan Mo ang Lahat ng Kasamaang Nagawa Mo
Hindi Ako sinserong minahal ng tao kailanman. Kapag itinataas Ko siya, pakiramdam niya ay hindi siya karapat-dapat, ngunit hindi niya sinusubukang palugurin Ako dahil dito. Hinahawakan lamang niya ang “katayuan” na ibinigay Ko sa kanya at sinusuri niya ito; hindi nadarama ang Aking pagiging kaibig-ibig, sa halip ay patuloy siyang nagpapakasasa sa mga pakinabang ng kanyang katayuan. Hindi ba’t ito ang kakulangan ng tao? Kapag gumagalaw ang mga bundok, maaari ba silang lumihis ng daan para sa kapakanan ng iyong katayuan? Kapag dumadaloy ang mga tubig, maaari bang huminto ang mga ito sa harap ng katayuan ng tao? Mababaligtad ba ng katayuan ng tao ang kalangitan at ang lupa? Minsan Akong nagpakita ng habag sa tao nang paulit-ulit—subalit walang sinumang nagtangi o nagpahalaga rito. Pinakinggan lamang nila ito bilang isang kuwento, o binasa ito bilang isang nobela. Hindi ba talaga naaantig ng Aking mga salita ang puso ng tao? Talaga bang walang epekto ang Aking mga pagbigkas? Maaari kayang walang sinumang naniniwala sa Aking pag-iral? Hindi mahal ng tao ang kanyang sarili; sa halip, nakikiisa siya kay Satanas para atakihin Ako, at ginagamit si Satanas bilang isang “pag-aari” upang paglingkuran Ako. Kikilatisin Ko ang lahat ng mapanlinlang na mga pakana ni Satanas, nang sa gayon, mula ngayon, ang mga tao sa lupa ay hindi na maililigaw ni Satanas, at upang hindi nila Ako labanan dahil sa pag-iral nito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 22
Gaano man kaengrande ang mga adhikain ng tao, gaano man kamakatotohanan ang mga pagnanais ng tao o gaano man maaaring kaangkop ang mga ito, ang lahat ng gustong matamo ng tao, ang lahat ng hinahanap ng tao, ay hindi mapaghihiwalay na nauugnay sa dalawang salita. Ang dalawang salitang ito ay lubhang mahalaga sa bawat tao sa buong buhay nila, at ang mga ito ay mga bagay na binabalak na ikintal ni Satanas sa tao. Ano ang dalawang salitang ito? Ang mga ito ay “kasikatan” at “pakinabang.” Gumagamit si Satanas ng isang napakabanayad na paraan, isang paraan na lubos na naaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, at na hindi masyadong agresibo, para magdulot sa mga tao na tanggapin nila nang hindi nila namamalayan ang mga paraan at batas nito ng pananatiling buhay, makagawa ng mga layon sa buhay at direksyon sa buhay, at magtaglay ng mga adhikain sa buhay. Gaano man tila katayog pakinggan ang mga paglalarawan ng mga tao sa kanilang mga adhikain sa buhay, ang mga adhikain na ito ay palaging umiikot lamang sa kasikatan at pakinabang. Ang lahat ng hinahabol ng sinumang dakila o sikat na tao—o, sa katunayan, ng sinumang tao—sa buong buhay niya ay nauugnay lang sa dalawang salitang ito: “kasikatan” at “pakinabang.” Iniisip ng mga tao na sa sandaling magkaroon sila ng kasikatan at pakinabang, may kapital sila para magtamasa ng mataas na katayuan at malaking kayamanan, at upang magsaya sa buhay. Iniisip nila na sa sandaling mayroon na silang kasikatan at pakinabang, may kapital na sila para maghangad ng kasiyahan at makibahagi sa walang-pakundangang pagtatamasa ng laman. Alang-alang sa kasikatan at pakinabang na ito na ninanais nila, ang mga tao ay masaya at di-namamalayang ibinibigay kay Satanas ang kanilang mga katawan, puso, at maging ang lahat ng mayroon sila, kasama na ang kanilang kinabukasan at kapalaran. Ginagawa nila ito nang walang reserbasyon, ni wala ni isang sandali ng pagdududa, at hindi kailanman nalalaman na bawiin ang lahat ng minsang mayroon sila. Mapapanatili ba ng mga tao ang anumang kontrol sa kanilang mga sarili sa sandaling isuko na nila ang kanilang sarili kay Satanas at maging tapat dito sa ganitong paraan? Tiyak na hindi. Sila ay ganap at lubos na kontrolado ni Satanas. Sila ay ganap at lubos na nalugmok sa putikang ito, at hindi magawang mapalaya ang kanilang mga sarili. Kapag ang isang tao ay nasadlak sa kasikatan at pakinabang, hindi na nila hinahanap ang kung ano ang maliwanag, ang makatarungan, o ang mga bagay na iyon na maganda at mabuti. Ito ay dahil masyadong malakas ang pang-aakit sa mga tao ng kasikatan at pakinabang, at ang mga ito ay mga bagay na puwedeng hangarin ng mga tao nang walang katapusan sa buong buhay nila at maging sa magpasawalang hanggan. Hindi ba’t ito ang aktuwal na sitwasyon? …
… Ginagamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang upang kontrolin ang mga kaisipan ng mga tao, wala nang ibang ipinapaisip sa kanila kundi ang dalawang bagay na ito at idinudulot sa kanila na makibaka para sa kasikatan at pakinabang, magdusa ng mga paghihirap para sa kasikatan at pakinabang, magtiis ng kahihiyan at magbuhat ng mabibigat na pasanin para sa kasikatan at pakinabang, magsakripisyo ng lahat ng mayroon sila para sa kasikatan at pakinabang, at gumawa ng bawat paghuhusga o pagpapasya alang-alang sa kasikatan at pakinabang. Sa ganitong paraan, naglalagay si Satanas ng mga di-nakikitang kadena sa mga tao, at, sa mga kadenang ito, wala silang abilidad ni tapang na makaalpas. Nang di-namamalayan, dala-dala nila ang mga kadenang ito habang naglalakad-lakad sila nang hakbang-hakbang, nang may labis na paghihirap. Alang-alang sa kasikatan at pakinabang na ito, lumilihis ang sangkatauhan mula sa Diyos at ipinagkakanulo Siya at lalo silang nagiging buktot. Sa ganitong paraan, sunud-sunod na nawawasak ang mga henerasyon sa gitna ng kasikatan at pakinabang ni Satanas. Kung titingnan ngayon ang mga kilos ni Satanas, hindi ba’t lubos na kamuhi-muhi ang mga lihim na mapanirang motibo nito? Marahil ay hindi pa rin ninyo nakikilatis ngayon ang masasamang motibo ni Satanas dahil iniisip ninyo na kung walang kasikatan at pakinabang, mawawalan ng kabuluhan ang buhay, at hindi na makikita ng mga tao ang daan sa kanilang harapan, hindi na nila makikita ang kanilang mga layon, at magiging madilim, malabo at mapanglaw ang kanilang hinaharap. Ngunit, unti-unti, balang araw ay mauunawaan ninyong lahat na ang kasikatan at pakinabang ay malalaking kadenang inilalagay ni Satanas sa tao. Pagdating ng araw na iyon, lubusan mong lalabanan ang pagkontrol ni Satanas at ang mga kadenang dinadala sa iyo ni Satanas. Kapag ninais mong palayain ang sarili mo mula sa lahat ng bagay na ito na ikinintal sa iyo ni Satanas, ganap kang hihiwalay kay Satanas, at talagang kamumuhian mo ang lahat ng naidulot ni Satanas sa iyo. Saka ka lamang magkakaroon ng tunay na pagmamahal at pananabik sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI
Pagdating sa anumang may kinalaman sa reputasyon, katayuan, o pagkakataong mamukod-tangi—halimbawa, kapag naririnig ninyo na ang sambahayan ng Diyos ay nagpaplanong maglinang ng iba’t ibang uri ng mga taong may talento—ang bawat isa sa inyo ay nangangati sa pagnanais, at gustong maging tanyag at sentro ng atensyon. Lahat kayo ay nais na makipag-agawan para sa reputasyon at katayuan. Nahihiya kayong umasal nang ganito, pero hindi ninyo maatim na huwag umasal nang ganoon. Nakararamdam kayo ng inggit, pagkamuhi, at nagrereklamo kayo sa tuwing may nakikita kayong mga taong napipili at nagiging sentro ng atensyon, at iniisip ninyo na hindi ito patas: “Bakit hindi ako makapamukod-tangi? Bakit palagi na lang ibang tao ang napapansin? Bakit hindi ako kahit kailan?” Nakakaramdam kayo ng sama ng loob sa inyong puso, at bagama’t sinusubukan ninyong supilin ito, hindi ninyo magawa. Nagdarasal kayo sa Diyos at maaaring gumanda ang inyong kalagayan sa loob ng ilang panahon, ngunit kapag naharap kayong muli sa ganitong sitwasyon, hindi pa rin ninyo ito madaig. Hindi ba’t isa itong pagpapamalas ng isang mababang tayog? Kapag naiipit kayo sa gayong mga kalagayan, hindi ba’t nahulog na kayo sa patibong ni Satanas? Ganito iginagapos ng satanikong tiwaling kalikasan ang mga tao. Kung iwawaksi ng mga tao ang mga tiwaling disposisyong ito, kung gayon, hindi ba nila mararamdaman na malaya at napalaya na sila? Pag-isipan ninyo: Kung nais ninyong maiwasang malagay sa mga kalagayang ito ng pakikipag-agawan para sa kasikatan at pakinabang—na mapalaya ninyo ang inyong sarili mula sa mga tiwaling kalagayang ito, at na makawala kayo mula sa pagkabagabag at pagkagapos sa kasikatan, pakinabang, at katayuan—aling mga katotohanan ang kailangan ninyong maunawaan? Aling mga katotohanang realidad ang kailangan ninyong taglayin para matamo ninyo ang kalayaan at pagpapalaya? Una, dapat mong makilatis ang katunayan na ginagamit ni Satanas ang kasikatan, pakinabang, at katayuan para ilihis ang mga tao, para gawing tiwali sila, para lubhang pinsalain sila, at para kontrolin sila, na nagiging dahilan para sila ay maging masama at mahulog sa kasalanan; ang paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan ay magdadala sa mga tao sa landas ng paglaban sa Diyos. Dagdag pa rito, kung gusto ng mga taong makalaya mula sa gapos ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, dapat nilang tanggapin ang katotohanan at makilatis ang diwa ng paghahangad sa mga bagay na ito. Saka lamang nila magagawang talikuran at bitiwan ang mga iyon. Napakahirap para sa kaninuman na bitiwan ang mga bagay na ito, siya man ay bata o matanda, o bago o matagal nang mananampalataya. Bagama’t hindi palakibo ang ilang tao, at mukhang hindi sila gaanong nagsasalita, ang totoo ay nagkikimkim sila ng mas maraming paghihirap sa puso nila kaysa sa iba. Mahirap para sa lahat na bitiwan ang kasikatan, pakinabang, at katayuan; hindi kayang madaig ninuman ang panunukso ng mga bagay na iyon—pare-pareho lahat ang panloob na kalagayan ng mga tao. Ginawang tiwali ni Satanas ang tao nang walang ibang ginagamit maliban sa kasikatan at pakinabang; sadyang naikintal na sa mga tao ang mga bagay na ito ng ilang libong taon ng tradisyonal na kultura. Samakatwid, mahal at hangad ng tiwaling kalikasan ng tao ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, magkakaiba nga lang ang mga paraan ng paghahangad at pagpapahayag dito ng iba’t ibang tao. May ilan na hindi kailanman nagsasalita tungkol dito, at itinatago ito sa puso nila, samantalang may iba na ibinubunyag ito sa kanilang mga salita. May ilan na nakikipag-agawan para sa mga bagay na ito, nang walang anumang moralidad, samantalang may iba naman na hindi nakikipaglaban para sa mga ito, pero lihim silang nagrereklamo, nagmamaktol, at naninira ng mga bagay-bagay. Bagamat iba-iba ang pagpapamalas nito sa iba’t ibang tao, parehong-pareho ang mga kalikasan nila. Lahat sila ay mga tiwaling taong lumalaban sa Diyos. Kung palagi kang nakatuon sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, kung masyado mong pinahahalagahan ang mga bagay na ito, kung pinupuno ng mga ito ang puso mo, at kung kahit kailan ay ayaw mong bitiwan ang mga ito, kokontrolin at gagapusin ka ng mga ito. Magiging alipin ka ng mga ito, at sa huli, lubos kang sisirain ng mga ito. Dapat mong matutuhang talikuran at bitiwan ang mga bagay na ito, matutuhang irekomenda ang iba, at hayaang mamukod-tangi ang iba kapag may magagandang pagkakataon. Huwag makipag-agawan o makipagkompetensya para sa mga pagkakataong mamukod-tangi at sumikat sa tuwing makakaharap mo ang mga ito. Dapat magawa mong isuko ang iyong mga personal na interes, pero hindi mo rin dapat maantala ang paggampan sa iyong tungkulin. Maging isang taong gumagawa nang hindi napapansin, hindi nagpapasikat, at deboto ring ginagampanan ang kanyang tungkulin. Habang mas tinatalikuran mo ang iyong pride at katayuan, at habang mas isinusuko mo ang iyong mga interes, mas magiging payapa ang pakiramdam mo, mas magkakaroon ng liwanag sa iyong puso, at mas bubuti ang iyong kalagayan. Habang mas nakikipag-agawan at nakikipagkompetensya ka, mas magiging madilim ang iyong kalagayan. Kung hindi ka naniniwala sa Akin, subukan mo at tingnan! Kung gusto mong baguhin ang ganitong uri ng tiwaling kalagayan, at hindi makontrol ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, dapat mong hanapin ang katotohanan, makilatis ang diwa ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at pagkatapos ay bitiwan at talikuran ang mga ito. Kung hindi, habang mas nakikipag-agawan ka para sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, mas magiging madilim ang iyong puso. Habang mas nakikipag-agawan ka para sa mga ito, mas lalaki ang iyong inggit at pagkamuhi sa iba. Mas gugustuhin mong makipag-away para sa mga ito, at kapag nabigo kang makuha ang mga ito, mas matinding pagkamuhi ang mararamdaman mo. Habang mas matindi ang pagkamuhing nararamdaman mo, mas magiging madilim ang iyong kalooban, mas sasama ang paggampan mo sa iyong tungkulin, at habang mas sumasama ang paggampan mo sa iyong tungkulin, mas hindi ka magagamit ng sambahayan ng Diyos. Isa itong magkakaugnay na malupit na siklo. Kung hindi mo kailanman gagampanan nang maayos ang iyong tungkulin, unti-unti kang ititiwalag.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling mga Tiwaling Disposisyon
Sa halip na hanapin ang katotohanan, gumagamit ang karamihan ng mga tao ng maliliit na panlalansi. Nagbibigay sila ng malaking kahalagahan sa sarili nilang mga interes, pride, at sa kanilang lugar o katayuan sa isipan ng ibang tao. Ito lang ang mga bagay na pinahahalagahan nila. Mahigpit silang kumakapit sa mga bagay na ito at itinuturing ang mga ito bilang kanilang pinakabuhay—para naman sa kung paano tinitingnan at tinatrato ng Diyos ang mga bagay na ito, hindi nila ito ikinababahala; una nilang isinasaalang-alang kung sila ba ang amo ng grupo, kung makakakuha ba sila ng isang posisyon kung saan mataas ang tingin sa kanila ng iba, at kung may sinuman ba na nakikinig sa sinasabi nila. Una nilang sinisikap na sakupin ang posisyong iyon. Halos lahat ng tao, kapag nasa isang grupo, ay naghahanap ng ganitong uri ng posisyon, ng ganitong uri ng oportunidad. Kung mataas ang kakayahan nila, siyempre sinusubukan nilang sakupin ang pinakamataas na puwesto. Kung pangkaraniwan lang sila, sinusubukan pa rin nilang magkaroon ng prominenteng posisyon sa grupo. At kung bahagi sila ng mas mabababang ranggo sa grupo, na karaniwan lang ang kakayahan at abilidad, sinusubukan din nilang gawing mataas ang tingin ng iba sa kanila; hindi nila hahayaang maliitin sila ng iba. Nasa kanilang pride at dignidad ang kanilang hangganan; iniisip nilang dapat nilang panghawakan ang mga bagay na ito. Kahit pa mawala ang kanilang integridad, o hindi nalulugod sa kanila ang Diyos at hindi sila kinikilala, kailangan pa rin nilang magsikap para sa kanilang pride at katayuan; dapat nilang iwasan ang kahihiyan kahit anong mangyari. Isa itong satanikong disposisyon. Ngunit hindi nila ito napagtatanto. Iniisip nilang hindi sila puwedeng mawalan ng kaunting pride na natitira sa kanila. Hindi nila alam na kapag ganap nang naisuko at natalikuran ang mga paimbabaw na bagay na ito, saka lamang sila magiging mga tunay na tao, at na kung babantayan nila na parang sariling buhay ang mga bagay na ito na dapat itapon, mawawala ang kanilang buhay. Hindi lang talaga nila alam kung ano ang nakataya. Samakatwid, sa anumang ginagawa nila, palagi silang may reserbasyon, palagi silang kumikilos alang-alang sa pagprotekta sa sarili nilang pride at katayuan, at inuuna nila ang mga bagay na ito. Nagsasalita at gumagawa sila ng mga walang-katotohanang argumento para lamang sa kanilang sariling kapakanan—gagawin nila ang anumang bagay para sa kanilang sarili. Sumusugod sila agad sa anumang bagay na nagniningning, ipinapaalam sa lahat na naging kabahagi sila nito. Ang totoo, wala naman itong kinalaman sa kanila, subalit ayaw na ayaw nilang mapag-iwanan, lagi silang natatakot na hamakin ng ibang tao, lagi silang nangangamba na sabihin ng ibang tao na wala silang kuwenta, na wala silang anumang kayang gawin, na wala silang kasanayan. Hindi ba’t ang lahat ng ito ay kontrolado ng kanilang mga satanikong disposisyon? Kapag nagagawa mong bitiwan ang mga bagay na gaya ng reputasyon at katayuan, higit na mas magiging panatag at malaya ka; matatahak mo ang landas ng pagiging tapat. Ngunit para sa marami, hindi ito madaling makamit. Kapag lumitaw ang kamera, halimbawa, hindi magkamayaw sa pagpunta sa harapan ang mga tao; gusto nilang nakikita ang kanilang mukha sa kamera, mas matagal na makuhanan, mas mabuti; takot silang hindi magkaroon ng sapat na oras sa kamera, at magbabayad sila ng kahit anong halaga para sa pagkakataong makuha ito. At hindi ba ito kontrolado lahat ng kanilang mga satanikong disposisyon? Ito ang mga sataniko nilang disposisyon. Nakuhanan ka na—ano na ngayon? Mataas na ang tingin sa iyo ng mga tao—ano naman ngayon? Iniidolo ka nila—ano naman ngayon? Pinatutunayan ba ng anuman dito na mayroon kang katotohanang realidad? Walang anumang halaga ang mga ito. Kapag kaya mong mapagtagumpayan ang mga bagay na ito—kapag wala ka nang pakialam sa mga ito, at hindi mo na nararamdamang mahalaga ang mga ito, kapag hindi na nakokontrol ng reputasyon, banidad, katayuan, at paghanga ng mga tao ang iyong mga saloobin at pag-uugali, lalong hindi ng kung paano mo gampanan ang iyong tungkulin—kung gayon, lalong magiging epektibo, at mas dalisay ang pagganap mo sa iyong tungkulin.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Gustung-gusto ng tiwaling sangkatauhan ang reputasyon at katayuan. Lahat sila ay naghahangad ng kapangyarihan. Kayong mga lider at manggagawa na ngayon, hindi ba ninyo nararamdaman na dinadala ninyo ang inyong titulo o ranggo sa inyong mga ikinikilos? Gayon din ang mga anticristo at huwad na lider, nararamdaman nilang lahat na sila ay mga opisyal sa sambahayan ng Diyos, na mas mahusay sila kaysa sa iba, na nakahihigit sila sa iba. Kung wala silang opisyal na mga titulo at ranggo, wala silang pasanin sa paggampan ng kanilang mga tungkulin, at hindi sila taimtim na gagawa. Itinuturing ng lahat ang pagiging lider o manggagawa bilang katumbas ng pagiging opisyal, at lahat ay handang kumilos bilang isang opisyal. Kung titingnan sa positibong anggulo, tinatawag natin itong paghahangad ng isang propesyon—ngunit kung sa negatibong anggulo, ito ay tinatawag na pagsasagawa ng sariling proyekto. Ito ay pagtatayo ng isang independiyenteng kaharian upang matugunan ang sariling mga ambisyon at hangarin. Sa huli, mabuti ba o masama ang magkaroon ng katayuan? Sa mga mata ng tao, isa itong magandang bagay. Kapag mayroon kang opisyal na titulo, nagiging iba ang pagsasalita at pagkilos. Ang iyong mga salita ay may puwersa, at bibigyang-pansin ng mga tao ang mga ito. Bobolahin ka nila nang husto, magmamartsa sila sa harap mo habang sumisigaw at aalalayan ka nila mula sa likuran. Ngunit kung wala ang iyong katayuan at mga titulo, magbibingi-bingihan sila sa iyong mga salita. Bagama’t maaaring totoo ang iyong mga salita, puno ng mabuting katuturan, at kapaki-pakinabang sa mga tao, walang sinuman ang magbibigay-pansin sa iyo. Ano ang ipinapakita nito? Lahat ng tao ay sinasamba ang katayuan. Lahat sila ay may mga ambisyon at hangarin. Lahat sila ay naghahangad sa pagsamba ng iba at mahilig pangasiwaan ang mga bagay mula sa posisyon ng katayuan. Maisasakatuparan ba ng isang tao ang mabubuting gawa mula sa isang posisyon ng katayuan? Makagagawa ba siya ng mga bagay na kapaki-pakinabang sa mga tao? Hindi iyon tiyak. Depende ito sa landas na iyong tinatahak at kung paano mo itinuturing ang katayuan. Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, ngunit gusto mo palaging makuha ang pabor ng iba, ninanais na tugunan ang sarili mong mga ambisyon at hangarin, at tuparin ang pananabik mo sa katayuan, kung gayon ay tumatahak ka sa landas ng mga anticristo. Ang isang taong tumatahak sa landas ng mga anticristo ay makakaayon ba sa katotohanan sa kanyang paghahangad at paggampan sa kanyang tungkulin? Talagang hindi. Ito ay dahil ang landas na pipiliin ng isang tao ang magpapasya sa lahat. Kung pipiliin ng isang tao ang maling landas, ang lahat ng kanyang mga pagsisikap, kanyang paggampan sa tungkulin, at kanyang paghahangad ay hinding-hindi aayon sa katotohanan. Ano sa mga ito ang salungat sa katotohanan? Ano ang hinahangad niya sa kanyang mga ikinikilos? (Katayuan.) Ano ang ipinapakita ng lahat ng tao na gumagawa ng mga bagay-bagay alang-alang sa katayuan? Sabi ng ilan, “Palagi silang sumasambit ng mga salita at doktrina, hindi sila kailanman nagbabahagi ng katotohanang realidad, lagi silang nagpapakitang gilas, lagi silang nagsasalita para sa sarili nilang kapakanan, hindi nila kailanman dinadakila o pinatototohanan ang Diyos. Ang mga taong nagpapakita ng gayong mga bagay ay kumikilos para lamang sa katayuan.” Tama ba ito? (Oo.) Bakit sila sumasambit ng mga salita at doktrina at nagpapakitang gilas? Bakit hindi nila dinadakila at pinatototohanan ang Diyos? Dahil sa kanilang puso, naroon lamang ang katayuan, at ang kanilang kasikatan at pakinabang—lubusang wala ang Diyos sa kanilang puso. Partikular na iniidolo ng gayong mga tao ang katayuan at awtoridad. Napakahalaga sa kanila ng kanilang kasikatan at pakinabang; naging buhay na nila ang kanilang kasikatan, pakinabang, at katayuan. Wala ang Diyos sa kanilang mga puso, hindi nila kinatatakutan ang Diyos, at lalo namang hindi sila nagpapasakop sa Kanya; itinataas lamang nila ang kanilang sarili, pinatototohanan ang kanilang sarili, at nagpapakitang-gilas upang makuha ang paghanga ng iba. Kaya, madalas nilang ipinagmamayabang ang kanilang sarili, kung ano ang kanilang nagawa, kung gaano sila nagdusa, kung paano nila binigyang-lugod ang Diyos, kung gaano sila naging mapagtimpi noon nang pinupungusan sila, lahat ng ito upang makuha ang simpatiya at paghanga ng mga tao. Ang mga taong ito ang kauri ng mga anticristo, tinatahak nila ang landas ni Pablo.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Lutasin ang mga Tukso at Gapos ng Katayuan
Kung kayo ay isang lider o manggagawa, natatakot ba kayong tanungin at pangasiwaan ng sambahayan ng Diyos ang inyong gawain? Natatakot ba kayong matuklasan ng sambahayan ng Diyos ang mga kapintasan at paglihis sa inyong gawain at pungusan kayo? Natatakot ba kayo na kapag nalaman na ng ang Itaas ang inyong tunay na kakayahan at tayog, maiiba ang tingin nila sa inyo at hindi kayo isasaalang-alang na iangat? Kung may ganito kang mga kinatatakutan, pinatutunayan nito na hindi para sa kapakanan ng gawain ng iglesia ang mga motibasyon mo, gumagawa ka alang-alang sa reputasyon at katayuan, na nagpapatunay na may disposisyon ka ng isang anticristo. Kung may disposisyon ka ng isang anticristo, malamang na tahakin mo ang landas ng mga anticristo, at gawin ang lahat ng kasamaang inihasik ng mga anticristo. Kung, sa iyong puso, hindi ka natatakot na pangasiwaan ng sambahayan ng Diyos ang iyong gawain, at nagagawa mong magbigay ng mga tunay na sagot sa mga katanungan at pag-uusisa ng ang Itaas, nang walang itinatagong anuman, at sinasabi kung ano ang nalalaman mo, kung gayon tama man o mali ang sinasabi mo, kahit ano pang katiwalian ang naibunyag mo—kahit naibunyag mo pa ang disposisyon ng isang anticristo—siguradong hindi ka ilalarawan bilang isang anticristo. Ang susi ay kung nagagawa mo bang kilalanin ang sarili mong disposisyon ng isang anticristo, at kung nagagawa mo bang hanapin ang katotohanan upang malutas ang problemang ito. Kung isa kang taong tinatanggap ang katotohanan, maaayos ang iyong anticristong disposisyon. Kung alam na alam mo na mayroon kang disposisyon ng isang anticristo pero hindi mo hinahanap ang katotohanan para lutasin ito, kung sinusubukan mo pang pagtakpan o pagsinungalingan ang mga problemang nagaganap at iniiwasan ang responsabilidad, at kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan kapag isinasailalim ka sa pagpupungos, kung gayon ay isa itong seryosong problema, at wala kang ipinagkaiba sa isang anticristo. Nababatid na may disposisyon ka ng isang anticristo, bakit hindi ka nangangahas na harapin ito? Bakit hindi mo ito maharap nang tapatan at sabihing, “Kung magtatanong ang ang Itaas tungkol sa aking gawain, sasabihin ko ang lahat ng alam ko, at kahit malantad pa ang masasamang bagay na nagawa ko, at hindi na ako gamitin ng ang Itaas sa sandaling malaman nila, at mawalan ako ng katayuan, sasabihin ko pa rin nang malinaw ang kailangan kong sabihin”? Ang takot mong pangasiwaan at kuwestiyunin ang gawain mo ng sambahayan ng Diyos ay nagpapatunay na mas pinahahalagahan mo ang iyong katayuan kaysa sa katotohanan. Hindi ba’t ito ang disposisyon ng isang anticristo? Ang pagpapahalaga sa katayuan nang higit sa lahat ay disposisyon ng isang anticristo. Bakit mo pinahahalagahan nang husto ang katayuan? Ano ang mga kapakinabangang makukuha mo mula sa katayuan? Kung naghatid sa iyo ng kapahamakan, mga paghihirap, kahihiyan, at pasakit ang katayuan, pahahalagahan mo pa rin ba ito? (Hindi.) Napakaraming kapakinabangang nagmumula sa pagkakaroon ng katayuan, mga bagay na tulad ng inggit, paggalang, pagpapahalaga, at pambobola mula sa ibang mga tao, pati na ang kanilang paghanga at pagpipitagan. Nariyan din ang pakiramdam na superyor ka at may pribilehiyo na dulot ng iyong katayuan, na nagbibigay sa iyo ng dangal at pakiramdam ng pagpapahalaga sa sarili. Dagdag pa rito, matatamasa mo rin ang mga bagay-bagay na hindi natatamasa ng iba, tulad ng mga pakinabang ng katayuan at espesyal na pagtrato. Ito ang mga bagay na ni hindi ka nangangahas na isipin, at ang mga inaasam-asam mo sa iyong mga panaginip. Pinahahalagahan mo ba ang mga bagay na ito? Kung hungkag lamang ang katayuan, walang tunay na kabuluhan, at walang tunay na silbi ang pagtatanggol dito, hindi ba kahangalang pahalagahan ito? Kung kaya mong bitiwan ang mga bagay na tulad ng mga interes at tinatamasa ng laman, kung gayon hindi ka na matatali sa kasikatan, pakinabang, at katayuan. Kaya, ano muna ang kailangang malutas para maresolba ang mga isyung nauugnay sa pagpapahalaga at paghahangad sa katayuan? Una, kilatisin ang kalikasan ng problema ng paggawa ng masama at panlilinlang, pagtatago, at pagtatakip, maging pagtanggi sa pangangasiwa, pagtatanong, at pagsusuri ng sambahayan ng Diyos, upang matamasa ang mga pakinabang ng katayuan. Hindi ba’t ito ay lantarang paglaban at pagsalungat sa Diyos? Kung makikilatis mo ang kalikasan at mga kahihinatnan ng pag-iimbot sa mga pakinabang ng katayuan, malulutas ang problema ng paghahangad ng katayuan. Kung hindi mo kayang makilatis ang diwa ng pag-iimbot sa mga pakinabang ng katayuan, hindi malulutas ang problemang ito kailanman.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Ikalawang Bahagi)
Ang ganitong uri ng tao, na gumagawa ng mga bagay alang-alang sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, ay pinakabihasa sa panlilihis ng iba. Kapag una mo siyang nakilala, hindi mo makikita ang tunay niyang kulay. Makikita mo na tila maganda ang doktrinang kanyang tinatalakay, tila praktikal ang kanyang sinasabi, talagang akma ang gawaing kanyang isinasaayos, at tila may kakayahan siya, at medyo hinahangaan mo siya. Ang ganitong uri ng tao ay handa ring magbayad ng halaga kapag ginagampanan ang kanyang tungkulin. Araw-araw siyang nagsisikap ngunit hindi kailanman nagreklamo na napapagod na siya. Wala siyang kahit kaunting karupukan. Kapag nanghihina ang ibang tao, siya ay hindi. Hindi rin siya nagnanasa sa mga kaginhawahan ng laman, at hindi siya mapili sa pagkain. Kapag may espesyal na inihanda para sa kanya ang nagpapatuloy sa kanya, tinatanggihan niya ito at hindi kinakain. Kumakain lang siya ng mga ordinaryong pagkain. Ang sinumang nakakakita ng mga ganitong tao ay humahanga sa kanila. Kaya, paano makikilatis kung ginagawa niya ang mga bagay alang-alang sa katayuan? Una, dapat tingnan kung isa siyang taong naghahangad sa katotohanan. Saan ito magiging kitang-kita? (Sa kanyang layunin at batayan kapag gumagawa ng mga bagay.) Isang bahagi ito. Pangunahin itong makikita sa layon na kanyang hinahangad. Kung ito ay alang-alang sa pagtatamo sa katotohanan, pahahalagahan niya ang madalas na pagbabasa ng mga salita ng Diyos, pag-unawa sa katotohanan at pagkilala sa kanyang sarili sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Kung madalas siyang nagbabahagi tungkol sa pagkilala sa kanyang sarili, makikita niyang masyadong maraming bagay ang wala sa kanya, na hindi niya tinataglay ang katotohanan, at likas niyang pagsisikapang hangarin ang katotohanan. Habang mas nakikilala ng mga tao ang kanilang sarili, lalo nilang nagagawang hangarin ang katotohanan. Ang mga taong palaging nagsasabi at gumagawa ng mga bagay alang-alang sa katayuan ay malinaw na hindi mga taong naghahangad sa katotohanan. Kapag sila ay pinupungusan, hindi nila ito tinatanggap—takot na takot silang masira ang kanilang reputasyon. Kaya, nagagawa ba nilang tanggapin ang mga salita ng paghatol at pagkastigo ng Diyos at pagnilayan ang kanilang sarili? Kaya ba nilang tunay na maunawaan ang mga paglihis sa sarili nilang karanasan? Kung wala sila ng alinman sa mga pagpapamalas na ito, makakatiyak na hindi sila mga taong naghahangad sa katotohanan. Sabihin ninyo sa Akin, ano pa ang ibang pagpapamalas ng mga tao na hindi nagmamahal sa katotohanan at na naghahangad sa katayuan? (Kapag pinupuna sila ng ibang tao, hindi nila ito tinatanggap, at sa halip ay nagiging depensibo sila, pinangangatwiranan nila ang kanilang sarili, at nagdadahilan sila. Nagsasalita sila upang mapanatili ang kanilang pride at maingatan ang kanilang katayuan. Kung may taong hindi sumusuporta sa kanila, inaatake at hinuhusgahan nila ito.) Kapag inaatake at hinuhusgahan ng mga tao ang iba, at nagsasalita sila at ipinagtatanggol ang kanilang sarili alang-alang sa sarili nilang pride at katayuan, ang hangarin at layon sa likod ng kanilang mga kilos ay malinaw na mali, at ganap silang nabubuhay para sa katayuan. Ang uri ba ng mga tao na nagsasabi at gumagawa ng lahat ng bagay alang-alang sa katayuan ay may pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos? Kaya ba nilang tanggapin ang katotohanan? Talagang hindi. Iniisip nilang kung may pagsasaalang-alang sila para sa mga layunin ng Diyos dapat nilang isagawa ang katotohanan, at kung isasagawa nila ang katotohanan dapat silang magdusa at magbayad ng halaga. Pagkatapos, mawawala na sa kanila ang kasiyahang kaakibat ng katayuan, at hindi na nila matatamasa ang mga pakinabang ng katayuan. Samakatwid, pinipili na lang nilang hangarin ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, at hangaring makakuha ng mga gantimpala. Sa ano pang mga paraan nagpapamalas ang mga taong naghahangad ng katayuan? Ano pang mga bagay ang ginagawa nila? (Kung makakakita sila ng ilang talentadong indibidwal sa paligid nila na mas may pagkahilig sa paghahangad ng katotohanan, at na karapat-dapat sa paglilinang, at na mas may tendensiyang suportahan ng mga kapatid, dala ng takot na magiging kilala ang mga ito at papalitan sila ng mga taong ito, at magiging banta sa kanilang katayuan, nag-iisip sila ng mga paraan upang supilin ang mga talentadong indibidwal na ito, at naghahanap ng lahat ng uri ng dahilan at palusot upang ipahiya ang mga ito. Ang pinakakaraniwang paraan ay ang ilarawan ang mga ito na masyadong mapagmataas, nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, at palaging naglilimita sa iba, at papaniwalain ang mga tao na totoo ang mga bagay na ito, at hindi hayaan ang sambahayan ng Diyos na iangat o linangin ang mga indibidwal na ito.) Ito ang pinakakaraniwang pagpapamalas. May iba pa ba kayong gustong idagdag? (Palagi nilang gustong magpatotoo para sa sarili nila at magpasikat. Palagi silang nagkukuwento ng kung anong kamangha-manghang bagay tungkol sa sarili nila; kailanman ay hindi sila nagkuwento ng hindi magandang aspekto nila, at kung may gawin silang masama, hindi nila pinagninilayan o hinihimay ang kanilang mga kilos.) Palagi nilang ikinukuwento kung paano sila nagdurusa at nagbabayad ng halaga, kung paano sila pinapatnubayan ng Diyos, at ibinibida ang kanilang mga ambag. Bahagi rin ito ng paraan ng pagpapamalas sa pagprotekta at pagpapatibay ng katayuan. Ang mga taong naghahangad ng katayuan at gumagawa ng mga bagay alang-alang sa katayuan ay may isa pang—mas kapansin-pansing—katangian, ito ay na anuman ang mangyari, sila dapat ang may huling salita. Naghahangad sila ng katayuan dahil gusto nilang sila ang may huling pasya. Gusto nilang sila ang nasusunod, at ang tanging taong may awtoridad. Anuman ang sitwasyon, dapat silang pakinggan ng lahat, at kahit na sino pa ang may isyu, dapat lumapit ang mga ito sa kanila at maghanap at humingi ng patnubay. Ang mga pakinabang na ito ng katayuan ang nais nilang matamasa. Anuman ang sitwasyon, dapat ay sila ang may huling pasya. Kahit pa tama o mali ang sinasabi nila, kahit na mali ito, kailangan ay sila pa rin ang may huling pasya, at dapat nilang magawa na makinig at sundin sila ng iba. Isa itong malubhang problema. Anuman ang sitwasyon, dapat ay sila ang may huling pasya; nauunawaan man nila ang sitwasyong ito o hindi, kailangan silang manghimasok dito at magkaroon ng huling pasya. Anuman ang usaping pinagbabahaginan ng mga lider at manggagawa, sila dapat ang magdesisyon, at walang pagkakataon ang iba para magsalita. Anuman ang solusyong imumungkahi nila, dapat mapatanggap nila ito sa lahat, at kung hindi ito tatanggapin ng iba, magagalit sila at pupungusan nila ang mga ito. Kung may puna o opinyon ang sinuman, kahit na tama ito at naaayon sa katotohanan, kailangan nilang mag-isip ng lahat ng uri ng paraan upang pabulaanan ito. Masyado silang magaling sa tusong pangangatwiran, hihimukin nila ang taong ito gamit ang matatamis na pananalita, at sa huli ay mapapasunod nila ito na gawin ang mga bagay-bagay sa paraang gusto nila. Dapat ay sila ang may huling pasya sa lahat ng bagay. Hindi sila kailanman nakikipagnegosasyon sa mga katrabaho o kapareha nila; hindi sila demokratiko. Sapat na ito upang mapatunayang masyado silang mapagmataas at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, hindi talaga nila kayang tanggapin ang katotohanan, at hindi talaga sila nagpapasakop sa katotohanan. Kung, kapag may nangyayaring malaki o napakahalagang bagay, nagagawa ng isang tao na hayaan ang lahat na gumawa ng pagsusuri at magpahayag ng opinyon ng mga ito, at sa huli ay makapili ng isang paraan ng pagsasagawa ayon sa opinyon ng nakararami, at tiyaking hindi nito mapipinsala ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at na magiging kapaki-pakinabang ito sa kabuuan ng gawain—kung ito ang kanyang saloobin, siya ay isang taong nagpoprotekta sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at isang taong kayang tumanggap sa katotohanan, dahil may mga prinsipyo sa likod ng paggawa ng mga bagay sa ganitong paraan. Gayumpaman, ang mga tao bang naghahangad ng katayuan ay gumagawa ng mga bagay sa ganitong paraan? (Hindi.) Paano nila ginagawa ang mga bagay? Kapag may nangyayari, wala silang pakialam kung ano ang payo ng ibang tao. May solusyon o desisyon na sila bago pa man magbigay ng payo ang iba. Sa kanilang puso, nakapagpasya na sila na iyon ang gagawin nila. Sa puntong ito, anuman ang sinasabi ng mga tao, hindi nila ito papansinin. Kahit na pinagsasabihan sila ng isang tao, wala talaga silang magiging pakialam. Hindi nila isinasaalang-alang ang mga katotohanang prinsipyo, kapaki-pakinabang man ito sa gawain ng iglesia, o kaya man itong tanggapin ng mga kapatid. Wala ang mga bagay na ito sa saklaw ng kanilang pagsasaalang-alang. Ano ba ang isinasaalang-alang nila? Kailangan ay sila ang may huling pasya; gusto nilang sila ang maging tagapasya sa bagay na ito; dapat ay magawa ang bagay na ito sa paraang gusto nila; dapat nilang tingnan kung kapaki-pakinabang ba ang bagay na ito sa kanilang katayuan o hindi. Ito ang perspektibang ginagamit nila sa pagtingin sa mga bagay. Isa ba itong taong naghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Kapag ang mga taong hindi naghahangad sa katotohanan ay gumagawa ng mga bagay, palagi nilang isinasaalang-alang ang sarili nilang katayuan, kasikatan, at pakinabang; palagi nilang isinasaalang-alang kung paano ito nagiging kapaki-pakinabang sa kanila. Ito ang kanilang batayan sa paggawa ng mga bagay.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan Mayroong Buhay Pagpasok
Kumpara sa mga ordinaryong tao, mas matindi ang pagmamahal ng mga anticristo sa kanilang reputasyon at katayuan, at isa itong bagay na nakapaloob sa kanilang disposisyong diwa; hindi ito isang pansamantalang interes, o ang lumilipas na epekto ng kanilang paligid—ito ay isang bagay na nasa kanilang buhay, nasa kanilang mga buto, kaya ito ay kanilang diwa. Masasabing sa lahat ng ginagawa ng mga anticristo, ang una nilang isinasaalang-alang ay ang kanilang sariling reputasyon at katayuan, wala nang iba pa. Para sa mga anticristo, ang reputasyon at katayuan ang kanilang buhay, at ang layong hinahangad nila sa buong buhay nila. Sa lahat ng kanilang ginagawa, ang una nilang isinasaalang-alang ay: “Ano ang mangyayari sa aking katayuan? At sa aking reputasyon? Ang paggawa ba nito ay magbibigay sa akin ng magandang reputasyon? Itataas ba nito ang aking katayuan sa isipan ng mga tao?” Iyon ang unang bagay na kanilang iniisip, na sapat na patunay na mayroon silang disposisyon at diwa ng mga anticristo—at dahil dito kaya nila isinasaalang-alang ang mga bagay sa ganitong paraan. Maaaring sabihin na para sa mga anticristo, ang reputasyon at katayuan ay hindi kung anong karagdagang hinihingi lamang, lalong hindi mga bagay na panlabas sa kanila na makakaya nila kahit wala ang mga ito. Bahagi ang mga iyon ng kalikasan ng mga anticristo, iyon ay nasa kanilang mga buto, sa kanilang dugo, ang mga iyon ay likas sa kanila. Hindi masasabing ang mga anticristo ay walang pakialam kung sila ba ay nagtataglay ng reputasyon at katayuan; hindi ganito ang kanilang saloobin. Kung gayon, ano ang kanilang saloobin? Ang reputasyon at katayuan ay malapit na nauugnay sa kanilang pang-araw-araw na buhay, sa kanilang pang-araw-araw na kalagayan, sa kung ano ang kanilang hinahangad sa araw-araw. Para sa mga anticristo, ang katayuan at reputasyon ang buhay nila. Paano man sila mabuhay, anuman ang kapaligiran na tinitirhan nila, anuman ang gawain na kanilang ginagawa, anuman ang kanilang hinahangad, anuman ang kanilang mga layon, anuman ang direksyon ng kanilang buhay, umiikot ang lahat ng ito sa pagkakaroon ng magandang reputasyon at mataas na katayuan. At hindi nagbabago ang pakay na ito; hinding-hindi nila kayang isantabi ang gayong mga bagay. Ito ang totoong mukha ng mga anticristo at ang kanilang diwa. Maaari mo silang ilagay sa isang sinaunang gubat sa pusod ng kabundukan, at hindi pa rin nila bibitiwan ang paghahangad nila sa reputasyon at katayuan. Maaari mo silang ilagay sa gitna ng anumang grupo ng mga tao, at ang pawang maiisip nila ay reputasyon at katayuan pa rin. Kahit na naniniwala sa Diyos ang mga anticristo, itinutumbas nila ang paghahangad sa reputasyon at katayuan sa pananalig sa Diyos at tinatrato ang dalawang bagay na ito nang magkapantay. Ibig sabihin, habang tinatahak nila ang landas ng pananalig sa Diyos, hinahangad din nila ang kanilang sariling reputasyon at katayuan. Masasabi na sa puso ng mga anticristo, ang paghahangad sa katotohanan sa kanilang pananampalataya sa Diyos ay ang paghahangad sa reputasyon at katayuan, at ang paghahangad sa reputasyon at katayuan ay ang paghahangad din sa katotohanan—ang magkamit ng reputasyon at katayuan ay ang makamit ang katotohanan at buhay. Kung nararamdaman nila na hindi sila nagkamit ng kasikatan, pakinabang, o katayuan, na walang tumitingala sa kanila, nagpapahalaga sa kanila, o sumusunod sa kanila, nasisiraan sila ng loob, naniniwala silang wala nang saysay pang manampalataya sa Diyos, wala na itong kabuluhan, at napapaisip sila sa loob-loob nila, “Nabigo ba ako sa pananampalataya sa Diyos nang ganito? Wala na ba akong pag-asa?” Madalas na kinakalkula nila ang gayong mga bagay sa kanilang puso. Kinakalkula nila kung paano sila makalilikha ng sariling puwang sa sambahayan ng Diyos, kung paano sila maaaring magkaroon ng matayog na reputasyon sa iglesia, kung paano nila mapapakinig ang mga tao kapag nagsasalita sila, at mapasuporta ang mga ito sa kanila kapag kumikilos sila, kung paano nila mapapasunod sa kanila ang mga tao nasaan man sila, at kung paano sila magkakaroon ng maimpluwensiyang tinig sa iglesia, at ng kasikatan, pakinabang, at katayuan—talagang pinagtutuunan nila ang gayong mga bagay sa puso nila. Ang mga ito ang hinahangad ng gayong mga tao. Bakit palagi nilang pinapahalagahan ang ganoong mga bagay? Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, matapos marinig ang mga sermon, hindi ba talaga nila nauunawaan ang lahat ng ito, hindi ba talaga nila nagagawang makilala ang lahat ng ito? Talaga bang hindi kayang baguhin ng mga salita ng Diyos at ng katotohanan ang kanilang mga kuru-kuro, ideya, at opinyon? Hindi talaga iyon ang kaso. Ang problema ay nasa kanila; ito ay lubos na dahil hindi nila minamahal ang katotohanan, dahil sa puso nila, tutol sila sa katotohanan, at bilang resulta, lubos nilang hindi tinatanggap ang katotohanan—na siyang natutukoy ng kanilang kalikasang diwa.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)
Ano ang kasabihan ng mga anticristo, kahit nasaang grupo man sila? “Kailangan kong makipagkompetensiya! Makipagkompetensiya! Makipagkompetensiya! Dapat akong makipagkompetensiya upang maging ang pinakamataas at pinakadakila!” Ito ang disposisyon ng mga anticristo; kahit saan sila pumunta, sila ay nakikipagkompetensiya at sumusubok na kamtin ang kanilang mga pakay. Sila ang mga alipin ni Satanas, at ginugulo nila ang gawain ng iglesia. Ang disposisyon ng mga anticristo ay ganito: Nagsisimula sila sa pagtingin-tingin sa iglesia para makita kung sino ang maraming taon nang nananampalataya sa Diyos at mayroong kapital, sino ang may ilang kaloob o talento, sino ang naging kapaki-pakinabang sa mga kapatid sa buhay pagpasok nila, sino ang may higit na katanyagan, sino ang mas matagal na sa posisyon, sino ang pinupuri ng mga kapatid, at sino ang may mas maraming positibong bagay. Ang mga taong iyon ang magiging kakompetensiya nila. Sa kabuuan, tuwing nasa isang grupo ng mga tao ang mga anticristo, ito ang palagi nilang ginagawa: Sila ay nakikipagkompetensiya para sa katayuan, nakikipagkompetensiya para sa magandang reputasyon, nakikipagkompetensiya para sila ang may huling salita sa mga bagay-bagay at ang may karapatan na gumawa ng mga desisyon sa grupo, na siyang, kapag nakamit na nila ito, nagpapasaya sa kanila. Nakakagawa ba sila ng aktuwal na gawain matapos nilang makamit ang mga bagay na ito? Tiyak na hindi, hindi sila nakikipagkompetensiya at nakikipaglaban para gumawa ng aktuwal na gawain; ang layon nila ay ang madaig ang lahat. “Wala akong pakialam kung handa kang magpaubaya sa akin o hindi; kung kapital ang pag-uusapan, ako ang pinakamagaling, pagdating sa mga kasanayan sa pagsasalita, ako ang pinakamahusay, at pagdating sa mga kaloob at talento, ako ang may pinakamarami.” Anuman ang larangan, palagi nilang gustong makipagkompetensiya para sa nangungunang puwesto. Kung pipiliin sila ng mga kapatid na maging mga superbisor, makikipagkompetensiya ang mga anticristo sa kanilang mga katuwang para magkaroon sila ng huling salita at karapatan na gumawa ng mga desisyon. Kung ipinapapamahala sa kanila ng iglesia ang isang partikular na gawain, igigiit nila na sila ang masusunod sa kung paano ito isasakatuparan. Gugustuhin nila na magsikap para magtagumpay at maging realidad ang lahat ng kanilang sinasabi at ang lahat ng bagay na kanilang pinagpapasyahan. Kung panghahawakan ng mga kapatid ang ideya ng ibang tao, papalampasin ba nila ito? (Hindi.) Magkakaroon ng gulo. Kung hindi ka makikinig sa kanila, tuturuan ka nila ng leksiyon, ipaparamdam nila sa iyo na hindi mo kaya nang wala sila, at ipapakita sa iyo kung ano ang magiging mga kahihinatnan kung hindi mo sila susundin. Ganito kapalalo, kakasuklam-suklam, at ka-di-makatwiran ang disposisyon ng mga anticristo. Wala silang konsensiya ni katwiran, ni wala sila kahit kaunting bahid ng katotohanan. Nakikita ng isang tao sa mga kilos at gawa ng isang anticristo na ang ginagawa niya ay wala sa katwiran ng isang normal na tao, at bagama’t maaaring magbahagi sa kanya ang isang tao tungkol sa katotohanan, hindi niya iyon tinatanggap. Gaano man katama ang sinasabi mo, hindi iyon katanggap-tanggap sa kanya. Ang tanging gusto niyang hangarin ay reputasyon at katayuan, na kanyang pinagpipitaganan. Basta’t natatamasa niya ang mga pakinabang ng katayuan, kontento na siya. Pinaniniwalaan niyang ito ang kahalagahan ng kanyang pag-iral. Anumang grupo ng mga tao ang kanyang kinabibilangan, kailangan niyang ipakita sa mga tao ang “liwanag” at “init” na ibinibigay niya, ang kanyang mga talento, ang kanyang pagiging natatangi. At ito ay dahil naniniwala siyang espesyal siya kaya likas sa kanyang isipin na dapat siyang tratuhin nang mas mabuti kaysa sa mga ordinaryong tao, na dapat siyang tumanggap ng suporta at paghanga ng mga tao, na dapat siyang tingalain ng mga tao, at sambahin siya—iniisip niyang ang lahat ng ito ay naaangkop sa kanya. Hindi ba’t garapal at walang kahihiyan ang gayong mga tao? Hindi ba’t problema ang magkaroon ng gayong mga tao sa iglesia? Kapag may nangyayari, natural lang na dapat makinig ang mga tao sa sinumang nagsasalita nang tama, magpasakop sa sinumang nagbibigay ng isang mungkahi na kapaki-pakinabang sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at tanggapin ng mga tao ang mungkahi ng sinuman na siyang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kung may sasabihin ang mga anticristo na hindi naaayon sa mga prinsipyo, maaaring hindi sila pakinggan ng lahat o hindi tanggapin ang kanilang mungkahi. Sa ganoong sitwasyon, ano ang gagawin ng mga anticristo? Patuloy nilang sisikapin na ipagtanggol at pangatwiranan ang kanilang sarili, at mag-iisip sila ng mga paraan upang makumbinsi ang iba at mahikayat ang mga kapatid na pakinggan sila at tanggapin ang kanilang mungkahi. Hindi nila isinasaalang-alang kung ano ang maaaring maging epekto nito sa gawain ng iglesia kung tatanggapin ang kanilang mungkahi. Wala ito sa saklaw ng mga bagay na kanilang isinasaalang-alang. Ano ang tanging bagay na kanilang isasaalang-alang? “Kung hindi tatanggapin ang aking mungkahi, saan ko maipapakita ang aking mukha? Kaya, kailangan kong makipagkompetensiya at magsikap para matanggap ang aking mungkahi.” Sa tuwing may nangyayari, ganito sila mag-isip at kumilos. Hindi sila kailanman nagninilay-nilay kung naaayon ba ito sa mga prinsipyo o hindi, at hindi nila kailanman tinatanggap ang katotohanan. Ito ang disposisyon ng mga anticristo.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)
Kung sinasabi ng isang tao na mahal niya ang katotohanan at hinahangad niya ang katotohanan, subalit sa diwa, ang layong hinahangad niya ay gawing tanyag ang sarili, magpakitang-gilas, gawing mataas ang tingin ng mga tao sa kanya, makamit ang kanyang sariling mga interes, at ang paggampan ng kanyang tungkulin ay hindi upang magpasakop o bigyang-kaluguran ang Diyos, at sa halip ay upang magtamo ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, kung gayon ay hindi lehitimo ang kanyang paghahangad. At kung ganoon ang kaso, pagdating sa gawain ng iglesia, balakid ba ang kanyang mga kilos, o nakakatulong ba ang mga ito upang maisulong iyon? Malinaw na balakid ang mga ito; hindi napapasulong ng mga ito ang gawain ng iglesia. Ang ilang tao ay nagkukunwaring gumagawa ng gawain ng iglesia subalit naghahangad naman ng sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan, nagsasagawa ng sarili nilang proyekto, bumubuo ng sarili nilang maliit na grupo, ng sarili nilang munting kaharian—ginagawa ba ng ganitong uri ng tao ang kanyang tungkulin? Lahat ng gawaing ginagawa nila, sa diwa, ay nakakagambala, nakakagulo, at nakakapinsala sa gawain ng iglesia. Ano ang kahihinatnan ng paghahangad nila ng kasikatan, pakinabang, at katayuan? Una, naaapektuhan nito kung paano kinakain at iniinom ng mga taong hinirang ng Diyos ang salita ng Diyos nang normal at paano nila nauunawaan ang katotohanan, hinahadlangan nito ang kanilang buhay pagpasok, pinipigilan silang pumasok sa tamang landas ng pananalig sa Diyos, at inaakay sila patungo sa maling landas—na nakakapinsala sa mga taong hinirang, at dinadala sila sa kapahamakan. At ano ang ginagawa nito sa gawain ng iglesia sa huli? Ito ay panggugulo, pamiminsala, at pagbuwag. Ito ang kahihinatnang idinudulot ng paghahangad ng mga tao ng kasikatan, pakinabang, at katayuan. Kapag ginagawa nila ang kanilang tungkulin sa ganitong paraan, hindi ba’t masasabing ito ay pagtahak sa landas ng isang anticristo? Kapag hinihingi ng Diyos na isantabi ng mga tao ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, hindi naman sa pinagkakaitan Niya ang mga tao ng karapatang mamili; bagkus, ito ay dahil habang naghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, nagagambala at nagugulo ng mga tao ang gawain ng iglesia at ang buhay pagpasok ng mga taong hinirang ng Diyos, at maaari pa nga silang makaimpluwensiya sa pagkain at pag-inom ng maraming tao ng mga salita ng Diyos, sa pag-unawa nila sa katotohanan, at sa pagkamit nila ng pagliligtas ng Diyos. Ito ay isang katunayang hindi mapag-aalinlanganan. Kapag hinahangad ng mga tao ang sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan, siguradong hindi nila hahangarin ang katotohanan at hindi nila matapat na tutuparin ang kanilang tungkulin. Magsasalita at kikilos lamang sila alang-alang sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, at lahat ng gawaing ginagawa nila, nang wala ni katiting na eksepsiyon, ay alang-alang sa mga bagay na iyon. Ang umasal at kumilos sa gayong paraan ay walang pagdududang pagtahak sa landas ng mga anticristo; ito ay isang paggambala at panggugulo sa gawain ng Diyos, at lahat ng iba’t ibang kahihinatnan nito ay nakakahadlang sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian at sa pagsasakatuparan sa kalooban ng Diyos sa loob ng iglesia. Kaya, maaaring sabihin ng isang tao nang may katiyakan na ang landas na tinatahak ng mga naghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan ay ang landas ng paglaban sa Diyos. Ito ay sadyang paglaban sa Kanya, pagkontra sa Kanya—ito ay ang makipagtulungan kay Satanas sa paglaban sa Diyos at pagsalungat sa Kanya. Ito ang kalikasan ng paghahangad ng mga tao ng kasikatan, pakinabang, at katayuan. Ang mali sa mga taong naghahangad ng pansarili nilang mga interes ay ang hinahangad nila ang mga mithiin ni Satanas, at ang mga ito ay mga buktot at hindi makatarungang layon. Kapag hinahangad ng mga tao ang mga personal na interes gaya ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, hindi nila namamalayang nagiging kasangkapan na pala sila ni Satanas, nagagamit na sila ni Satanas, at, higit pa rito, nagiging kinatawan na sila ni Satanas. Isang negatibong papel ang ginagampanan nila sa iglesia; sa gawain ng iglesia, at sa normal na buhay iglesia at normal na paghahangad ng mga taong hinirang ng Diyos, ang epekto nila ay ang mang-abala at maminsala; mayroon silang masama at negatibong epekto. Kapag hinahangad ng isang tao ang katotohanan, nagagawa niyang isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at ang pasanin ng Diyos. Kapag ginagawa niya ang kanyang tungkulin, itinataguyod niya ang gawain ng iglesia sa lahat ng aspekto. Nagagawa niyang dakilain ang Diyos at magpatotoo sa Diyos, pakinabang ang dulot niya sa mga kapatid, at sinusuportahan at tinutustusan niya ang mga ito, at nakakamit ng Diyos ang kaluwalhatian at patotoo, na nagdadala ng kahihiyan kay Satanas. Bilang resulta ng kanyang paghahangad, nagkakamit ang Diyos ng isang nilikha na tunay ngang may kapabilidad na matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, na nagagawang sambahin ang Diyos. Bilang resulta rin ng kanyang paghahangad, naisasakatuparan ang kalooban ng Diyos, at ang gawain ng Diyos ay umuunlad. Sa mga mata ng Diyos, positibo ang gayong paghahangad—ito ay matapat. Ang gayong paghahangad ay napakalaking pakinabang para sa mga hinirang ng Diyos, at lubos ding kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia, nakakatulong ito upang mapausad ang mga bagay-bagay, at sinasang-ayunan ito ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Unang Bahagi)
Ang paghahangad ng reputasyon at katayuan ay hindi ang tamang landas—kabaligtaran mismo ng paghahangad sa katotohanan ang direksyong iyon. Sa kabuuan, anuman ang direksyon o layon ng iyong hangarin, kung hindi ka nagninilay tungkol sa paghahangad ng katayuan at reputasyon, at kung nahihirapan kang isantabi ito, maaapektuhan niyon ang iyong buhay pagpasok. Hangga’t may puwang ang katayuan sa puso mo, ganap itong magkakaroon ng kapabilidad na kontrolin at impluwensiyahan ang direksyon ng buhay mo at ang layon ng paghahangad mo, kaya nga magiging napakahirap sa iyo na pumasok sa katotohanang realidad, maliban pa sa mahihirapan kang baguhin ang iyong disposisyon; makamit mo man sa bandang huli ang pagsang-ayon ng Diyos, siyempre pa, ay hindi na kailangang sabihin pa. Bukod pa riyan, kung hindi mo kailanman magawang isuko ang paghahangad mo ng katayuan, maaapektuhan nito ang abilidad mong gawin ang iyong tungkulin sa paraan na pasok sa pamantayan, kaya talagang mahihirapan kang maging isang nilikha na pasok sa pamantayan. Bakit Ko sinasabi ito? Wala nang higit pang kinapopootan ang Diyos kundi kapag naghahangad ang mga tao ng katayuan, dahil ang paghahangad ng katayuan ay isang satanikong disposisyon, isa itong maling landas, bunga ito ng katiwalian ni Satanas, isa itong bagay na kinokondena ng Diyos, at ito mismo ang bagay na hahatulan at lilinisin ng Diyos. Wala nang higit pang kinapopootan ang Diyos kundi kapag naghahangad ang mga tao ng katayuan, pero nagmamatigas ka pa ring nakikipagkompetensiya para sa katayuan, walang sawa mo itong iniingatan at pinoprotektahan, at laging sinusubukang makuha ito para sa iyong sarili. Hindi ba’t ang lahat ng ito ay antagonistiko sa Diyos? Hindi inorden ng Diyos ang katayuan para sa mga tao; ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, para sa huli ay maging isang nilikha sila na pasok sa pamantayan, isang maliit at hamak na nilikha—hindi isang tao na may katayuan at katanyagan at iginagalang ng libo-libong tao. Kung kaya, saanmang perspektiba ito tingnan, ang paghahangad ng katayuan ay isang daan tungo sa pagkawasak. Gaano man kamakatwiran ang iyong pagdadahilan para maghangad ng katayuan, mali pa rin ang landas na ito, at hindi ito sinasang-ayunan ng Diyos. Gaano ka man magpakahirap o gaano man kalaki ang halagang bayaran mo, kung nagnanais ka ng katayuan, hindi ito ibibigay sa iyo ng Diyos; kung hindi ito ibinibigay ng Diyos sa iyo, mabibigo ka sa pakikipaglaban para matamo ito, at kung patuloy kang makikipaglaban, isa lamang ang kalalabasan nito: Mabubunyag at matitiwalag ka—mapupunta ka sa daan patungo sa pagkawasak. Nauunawaan mo ito, hindi ba?
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)
Kung mapagmataas at mapagmagaling man ang mga tao, tumatangging magpasakop sa katotohanan, o mapanlinlang, kumikilos nang may balikong intensiyon, o sakim, o may taglay na ambisyon at pagnanais, ano ang nagsasanhi ng lahat ng bisyong ito? (Ang tiwaling disposisyon ni Satanas.) Nagmumula ang mga ito sa tiwaling disposisyon ni Satanas at ginagawa ng satanikong kalikasan na kumokontrol sa tao. Ang pagsusumikap ng tao sa katayuan ay isa lamang pagpapamalas nito. Ang pagpapamalas na ito, tulad ng mayabang na disposisyon ng tao, tulad ng kanyang paghihimagsik at paglaban sa Diyos, ay nagmumula sa kanyang satanikong kalikasan. Anong pamamaraan ang maaaring gamitin para malutas ito? Dapat mo pa ring gamitin ang pinakapangunahing pamamaraan. Hangga’t sinusunod mo ang daan ng Diyos at tinatahak ang landas ng paghahangad sa katotohanan, lahat ng problemang ito ay malulutas. Kapag wala kang katayuan, maaari mong himayin ang sarili mo nang madalas at kilalanin ang iyong sarili. Maaaring makinabang ang iba rito. Kapag mayroon kang katayuan at kaya mo pa ring himayin at unawain ang iyong sarili nang madalas, tinutulutan ang mga tao na makita ang iyong mga kalakasan, na nauunawaan mo ang katotohanan, na mayroon kang praktikal na karanasan, at na tunay kang nagbabago, hindi pa ba makikinabang dito ang iba? Mayroon ka mang katayuan o wala, basta’t naisasagawa mo ang katotohanan at mayroon kang tunay na patotoong batay sa karanasan, na nagtutulot sa mga tao na maunawaan ang mga layunin ng Diyos at ang katotohanan mula sa iyong karanasan, hindi ba nakikinabang dito ang mga tao? Ano, kung gayon, ang kahulugan ng katayuan sa iyo? Sa katunayan, ang katayuan ay isa lamang pasobra, isang karagdagang bagay, tulad ng isang piraso ng damit o sumbrero. Isang palamuti lamang ito. Wala itong totoong silbi, at hindi naaapektuhan ng presensya nito ang anumang bagay. Mayroon ka mang katayuan o wala, ikaw pa rin ang taong iyan. Hindi mo makakamit ang katotohanang realidad dahil lang sa nakamit mo ang katayuan. Kung kaya bang maunawaan ng mga tao ang katotohanan at magtamo ng katotohanan at buhay ay walang kinalaman sa katayuan. Hangga’t hindi mo itinuturing na malaking bagay ang katayuan, hindi ka nito malilimitahan. Gayumpaman, kung mahal mo ang katayuan at partikular kang nakatuon dito, palaging itinuturing ito bilang isang mahalagang bagay, kung gayon ay makokontrol ka nito, at palagi mong gugustuhing pangalagaan ang iyong katayuan at ang iyong imahe sa isipan ng mga tao. Hindi ka magiging handang maging bukas at ilantad ang iyong sarili, o magtamo ng pagkakilala sa sarili, at hindi ka magiging handang isantabi ang iyong pagkakakilanlan at katayuan bilang isang lider sa iyong mga kilos, pananalita, pakikisalamuha sa iba, at paggampan sa iyong tungkulin. Anong uri ng suliranin ito? Hindi ba’t isa itong usapin ng pagiging nalilimitahan ng katayuan? Nangyayari ito dahil nagsasalita at kumikilos ka mula sa isang mataas na katayuan at hindi maitigil ang pagmamataas. Hindi ba’t pinahihirapan mo lamang ang sarili mo sa paggawa nito? Kung talagang nauunawaan mo ang katotohanan, at kung maaari kang magkaroon ng katayuan nang hindi umaasta nang nakatataas gaya ng ginagawa mo, kundi sa halip ay natututukan mo ang pagtupad sa lahat ng tungkulin at responsabilidad na dapat mong gawin, at kung nakikita mo ang sarili bilang karaniwang kapatid, hindi ka ba malilimitahan ng katayuan? Kapag hindi ka nalilimitahan ng katayuan at may normal kang buhay pagpasok, ikukumpara mo pa rin ba ang sarili mo sa iba? Kapag mas mataas ang katayuan ng iba, gaano katinding pagiging di-komportable ang mararamdaman mo? Dapat mong hanapin ang katotohanan at palayain ang iyong sarili sa mga paglilimita ng katayuan at ang lahat ng paglilimita ng iba pang tao, pangyayari, at bagay. Wala nang mas mahalaga pa kaysa sa paggawa nang maayos sa iyong tungkulin. Saka ka lamang magiging isang taong nagtataglay ng katotohanang realidad.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Lutasin ang mga Tukso at Gapos ng Katayuan
Paano malulutas ang problema ng pagtahak sa landas ng mga anticristo? (Sa isang aspekto, dapat magkaroon ng kaalaman ang isang tao sa usaping ito, at dapat silang lumapit sa Diyos para magdasal kapag nagbubunyag sila ng mga kaisipan at ideya ng pakikipag-agawan para sa katayuan. Dagdag pa rito, dapat silang magbukas at maglantad ng kanilang sarili sa mga kapatid, at pagkatapos ay sadya silang maghimagsik laban sa mga di-wastong kaisipan at ideyang ito. Dapat din nilang hilingin sa Diyos na hatulan, kastiguhin, pungusan, at disiplinahin sila. Pagkatapos, magagawa na nilang tumahak sa tamang landas.) Napakagandang sagot niyan. Gayumpaman, hindi ito madaling makamit; sa partikular, para sa mga taong mahal na mahal ang reputasyon at katayuan, lalo itong mas mahirap makamit. Hindi madaling talikuran ang reputasyon at katayuan—makakamit lang ito ng mga tao sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan. Sa pag-unawa lamang sa katotohanan nila makikilala ang kanilang sarili, makikita nang malinaw ang kahungkagan ng paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at makikita nang malinaw ang katotohanan ng katiwalian ng sangkatauhan. Saka lamang matatalikuran ng mga tao ang katayuan at reputasyon kapag tunay na nilang nakilala ang kanilang sarili. Hindi madaling iwaksi ang iyong tiwaling disposisyon. Kung inaamin mo na hindi mo taglay ang katotohanan, na masyado kang maraming kakulangan, at na nagbubunyag ka ng masyadong maraming katiwalian, subalit hindi mo sinisikap na hangarin ang katotohanan, at nagpapanggap at nagpapaimbabaw ka, na mali mong pinaniniwala ang mga tao na kaya mong gawin ang anumang bagay, ilalagay ka nito sa panganib—sa malao’t madali, darating ang panahon na babangga ka sa pader at ikaw ay babagsak. Kailangan mong aminin na wala sa iyo ang katotohanan, at buong tapang mong harapin ang realidad. Mayroon kang mga kahinaan, nagbubunyag ka ng katiwalian, at nagtataglay ng lahat ng uri ng kakulangan. Normal lang ito, dahil isa kang karaniwang tao, hindi ka superhuman o omnipotente, at kailangan mong kilalanin iyan. Kapag hinahamak o tinutuya ka ng ibang mga tao, huwag kaagad tumugon nang may pagkasuklam dahil lamang sa hindi kaaya-aya ang sinasabi nila, o tumutol dito dahil naniniwala kang mayroon kang kapabilidad at perpekto ka—hindi dapat ganito ang iyong saloobin sa gayong mga salita. Ano ang dapat na maging saloobin mo? Dapat mong sabihin sa iyong sarili, “May mga pagkakamali ako, tiwali at may kapintasan ang lahat ng bagay tungkol sa akin, at isang ordinaryong tao lamang ako. Anuman ang kanilang paghamak at panunuya sa akin, may katotohanan ba rito? Kung parte ng sinasabi nila ay totoo, dapat ko itong tanggapin mula sa Diyos.” Kung may ganito kang saloobin, katunayan ito na kaya mong tratuhin nang tama ang katayuan, reputasyon, at mga sinasabi ng ibang tao patungkol sa iyo. Hindi madaling isantabi ang katayuan at reputasyon. Para sa mga taong medyo may kaloob, medyo mahusay ang kakayahan, o nagtataglay ng kaunting karanasan sa gawain, mas mahirap isantabi ang mga bagay na ito. Bagama’t minsan ay sinasabi nila na isinantabi na nila ang mga ito, hindi nila magawa ang mga ito sa kaibuturan ng puso nila. Sa sandaling pinahihintulutan ng sitwasyon at mayroon silang pagkakataon, magpapatuloy silang magsumikap para sa kasikatan, pakinabang, at katayuan gaya ng dati, dahil mahal ng lahat ng tiwaling tao ang mga bagay na ito, sadyang medyo mas mahina lang ang pagnanais ng mga walang kaloob o talento na maghangad ng katayuan. Ang mga may taglay na kaalaman, talento, magandang hitsura, at espesyal na kapital, ay talagang may matinding pagnanais para sa reputasyon at katayuan, hanggang sa puntong puno na sila ng ambisyon at pagnanais na ito. Ito ang pinakamahirap para sa kanila na isantabi. Kapag wala silang katayuan, ang pagnanais nila ay nasa yugtong nag-uumpisa pa lamang. Kapag nagkaroon na sila ng katayuan, kapag pinagkakatiwalaan na sila ng sambahayan ng Diyos ng ilang mahahalagang gampanin, at lalo na kung nakapagtrabaho na sila nang maraming taon at malawak na ang kanilang karanasan at malaki na ang kanilang kapital, ang pagnanais ay hindi ngayon lang sumisibol, kundi nag-ugat na ito, namukadkad, at malapit nang magbunga. Kung ang isang tao ay palaging may pagnanais at ambisyon na gumawa ng mga dakilang bagay, maging sikat, maging isang dakilang tao, kung gayon, sa sandaling gumawa siya ng malaking kasamaan, at magkaroon ng epekto ang mga kahihinatnan nito, ganap na magiging katapusan na niya, at siya ay matitiwalag. Kaya, bago pa ito humantong sa malaking kalamidad, dapat niyang baligtarin kaagad ang sitwasyon habang may oras pa. Sa tuwing ginagawa mo ang anumang bagay, at sa anumang konteksto, dapat mong hanapin ang katotohanan, isagawa ang pagiging isang taong matapat at masunurin sa Diyos, at isantabi ang paghahangad ng katayuan at reputasyon. Kapag palagi kang nag-iisip at nagnanais na makipagkompetensiya para sa katayuan, kailangan mong matanto kung anong masasamang kahihinatnan ang kahahantungan ng ganitong uri ng kalagayan kung hindi ito malulutas. Kaya huwag magsayang ng oras, hanapin ang katotohanan, sugpuin ang pagnanais mo na makipagkompetensiya para sa katayuan habang nag-uumpisa pa lang ito, at palitan ito ng pagsasagawa sa katotohanan. Kapag isinasagawa mo ang katotohanan, mababawasan ang iyong pagnanais at ambisyon na makipagkompetensiya para sa katayuan, at hindi ka manggugulo sa gawain ng iglesia. Sa ganitong paraan, matatandaan at sasang-ayunan ng Diyos ang iyong mga ginawa. Kaya ano ang sinusubukan Kong bigyang-diin? Ito iyon: Dapat alisin mo sa iyo ang mga pagnanais at ambisyon mo bago mamulaklak at magbunga ang mga ito at mauwi sa matinding kalamidad. Kung hindi mo lulutasin ang mga ito habang maaga pa, mapapalampas mo ang isang magandang oportunidad; at sa sandaling nauwi na ang mga ito sa matinding kalamidad, huli na ang lahat para lutasin ang mga ito. Kung wala ka man lang determinasyon para maghimagsik laban sa laman, magiging napakahirap para sa iyo na makatungtong sa landas ng paghahangad sa katotohanan; kung may nasasagupa kang mga dagok at kabiguan sa paghahangad mo ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at hindi ka natatauhan, mapanganib ito: May posibilidad na matitiwalag ka. Kapag naharap ang mga nagmamahal sa katotohanan sa isa o dalawang kabiguan at dagok pagdating sa kanilang reputasyon at katayuan, malinaw nilang nakikita na wala talagang anumang halaga ang kasikatan, pakinabang, at katayuan. Nagagawa nilang lubos na talikuran ang katayuan at reputasyon, at pagpasyahan na, kahit hindi sila kailanman nagtataglay ng katayuan, patuloy pa rin nilang hahangarin ang katotohanan at gagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin, at ibabahagi ang kanilang patotoong batay sa karanasan, at nang sa gayon ay matamo ang resulta ng pagpapatotoo sa Diyos. Kahit mga ordinaryong tagasunod sila, may kakayahan pa rin silang sumunod hanggang wakas, at ang tanging gusto nila ay matanggap ang pagsang-ayon ng Diyos. Ang mga taong ito lamang ang tunay na nagmamahal sa katotohanan at may determinasyon. Marami nang anticristo at masasamang tao ang naitiwalag ng sambahayan ng Diyos, at ang ilang naghahangad sa katotohanan, matapos makita ang kabiguan ng mga anticristo, ay nagninilay-nilay sa landas na tinahak ng mga taong iyon, at pinagninilay-nilayan din nila at kinikilala ang kanilang sarili. Mula rito, nagkakamit sila ng pagkaunawa tungkol sa layunin ng Diyos, nagpapasya na maging mga ordinaryong tagasunod, at nagtutuon sa paghahangad sa katotohanan at paggampanan nang maayos sa kanilang tungkulin. Kahit pa sinasabi ng Diyos na sila ay mga tagapagserbisyo o mabababang tao na walang kabuluhan, ayos lang sa kanila. Susubukan lang nilang maging mabababang tao, maliit at hamak na mga tagasunod sa mga mata ng Diyos, na sa huli ay tatawagin ng Diyos na mga pasok sa pamantayan na nilikha. Ang mga taong tulad nito ang mabubuti at sila ang mga sinasang-ayunan ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)
Kapag hinihingi ng Diyos na maayos na tuparin ng mga tao ang kanilang tungkulin, hindi Niya hinihingi sa kanila na tapusin ang tiyak na bilang ng mga gampanin, o magsakatuparan ng anumang malaking proyekto, ni magkamit ng anumang malalaking tagumpay. Ang nais ng Diyos ay magawa ng mga tao ang lahat ng makakaya nila sa isang praktikal na paraan, at mamuhay ayon sa Kanyang mga salita. Hindi kailangan ng Diyos na maging dakila o marangal ka, o na gumawa ka ng anumang himala, at hindi rin Niya nais na makakita ng anumang kaaya-ayang mga sorpresa sa iyo. Hindi Niya kailangan ang ganoong mga bagay. Ang kailangan lang ng Diyos ay na isagawa mo ang mga salita Niya sa isang praktikal na paraan. Pagkatapos mong maunawaan ang mga salita ng Diyos, gawin mo ang mga ito at isakatuparan ang mga ito, o pagkatapos mong marinig ang mga salita ng Diyos, tandaan mo nang mabuti ang mga ito, at pagdating ng panahon para magsagawa, gawin mo ito ayon sa mga salita ng Diyos. Hayaan mong ang mga ito ang maging buhay mo, ang mga realidad mo, at ang isinasabuhay mo. Sa gayon, masisiyahan ang Diyos. Palagi kang naghahangad ng kadakilaan, karangalan, at katayuan; palagi kang naghahangad na maging mas mataas kaysa sa iba. Anong nararamdaman ng Diyos kapag nakikita Niya ito? Kinamumuhian Niya ito, at lalayo Siya sa iyo. Habang mas hinahangad mo ang kadakilaan at pagiging marangal, at naghahangad na maging nakatataas sa iba, na mangibabaw sa karamihan, na maging pambihira, at maging bukod-tangi, lalong nagkakaroon ng pagtutol ang Diyos sa iyo. Kung hindi mo pagninilayan ang iyong sarili at hindi ka magsisisi, kamumuhian at itatakwil ka ng Diyos. Talagang hindi ka dapat maging isang taong tinututulan ng Diyos; dapat kang maging isang taong minamahal ng Diyos. Kaya, paano ka magiging isang taong minamahal ng Diyos? Tanggapin ang katotohanan nang masunurin, akuin ang iyong wastong posisyon bilang isang nilikha, kumilos batay sa mga salita ng Diyos sa praktikal na paraan, gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, maging isang matapat na tao, at isabuhay ang wangis ng tao. Sapat na ito, at mapapalugod nito ang Diyos. Ang mga tao ay talagang hindi dapat magkimkim ng mga ambisyon o ng mga hindi makatotohanang pantasya, hindi nila dapat hangarin ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, o hangarin na mangibabaw sa karamihan. Higit pa rito, hindi sila dapat maghangad na maging higit sa tao o isang dakilang tao, na maging nakatataas sa iba, at na idolohin sila ng iba. Ito ang inaasam ng mga tiwaling tao, at ito ang landas ni Satanas; hindi inililigtas ng Diyos ang gayong mga tao. Kung walang tigil na hinahangad ng mga tao ang kasikatan, pakinabang, at katayuan at matigas na tumatangging magsisi, kung gayon ay hindi na sila matutubos, at mayroon lang iisang kalalabasan para sa kanila: pagtitiwalag. Ngayon, kung mabilis kayong magsisisi, may panahon pa; subalit kapag dumating na ang araw na natapos na ng Diyos ang Kanyang gawain, at lalo pang lumaki ang mga sakuna, hindi na kayo magkakaroon ng pagkakataong magsisi. Kapag dumating ang oras na iyon, ang mga naghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, subalit matigas na tumatangging magsisi, sila ay ititiwalag. Kailangang maging malinaw sa inyong lahat kung anong uri ng mga tao ang nilalayong iligtas ng Diyos sa Kanyang gawain, at kung ano ang kahulugan ng Kanyang pagliligtas. Hinihingi ng Diyos sa mga tao na lumapit sa harapan Niya, makinig sa mga salita Niya, tanggapin ang katotohanan, iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at magsagawa ayon sa sinasabi at inaatas ng Diyos. Ang ibig sabihin nito ay ang mamuhay ayon sa Kanyang mga salita, sa halip na mamuhay ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila, at ayon sa mga satanikong pilosopiya, at ang maghangad ng tinatawag ng mga tao na “kaligayahan.” Kung hindi nakikinig sa mga salita ng Diyos o hindi tumatanggap sa katotohanan ang isang tao, subalit namumuhay pa rin ayon sa mga pilosopiya ni Satanas, at namumuhay sa loob ng mga satanikong disposisyon at matigas na tumatangging magsisi, kung gayon ang ganitong uri ng tao ay hindi maliligtas ng Diyos. Siyempre, sumusunod ka sa Diyos dahil hinirang ka ng Diyos—pero ano ang kahulugan ng pagkakahirang sa iyo ng Diyos? Ito ay upang gawin kang isang tao na nagtitiwala sa Diyos, na sinserong sumusunod sa Diyos, na kayang talikdan ang lahat para sa Diyos, na nagagawang sumunod sa daan ng Diyos, at na nagwaksi ng kanyang mga satanikong disposisyon, hindi na sumusunod kay Satanas o namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan nito. Kung sumusunod ka sa Diyos at gumaganap ka ng tungkulin sa Kanyang sambahayan, subalit nilalabag mo ang katotohanan sa lahat ng aspekto, hindi ka nagsasagawa o dumaranas ayon sa Kanyang mga salita, at nilalabanan mo pa Siya, matatanggap ka kaya ng Diyos? Siguradong hindi. Ano ba ang ibig Kong sabihin sa bagay na ito? Hindi talaga mahirap na gampanan ang iyong tungkulin, at hindi rin ito mahirap gawin nang may debosyon at nang pasok sa pamantayan. Hindi mo kailangang isakripisyo ang iyong buhay o gumawa ng anumang natatangi o mahirap, kailangan mo lamang sundin ang mga salita at tagubilin ng Diyos sa isang masunurin at praktikal na paraan, nang hindi nagkakaroon ng sarili mong mga ideya o isinasakatuparan ang sarili mong proyekto, kundi tumatahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Kung magagawa ito ng mga tao, halos magkakaroon sila ng wangis ng tao. Kapag mayroon silang tunay na pagpapasakop sa Diyos, at naging matatapat na tao, tataglayin nila ang wangis ng isang tunay na tao.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Wastong Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Pagtutulungan na may Pagkakasundo
Habang hinahatulan Ko kayo nang ganito ngayon, anong antas ng pagkaunawa ang tataglayin ninyo sa huli? Sasabihin ninyo na bagama’t hindi mataas ang inyong katayuan, natamasa pa rin ninyo ang pagtataas ng Diyos. Dahil hamak ang inyong pagsilang ay wala kayong katayuan, ngunit nagtatamo kayo ng katayuan dahil itinataas kayo ng Diyos—ito ay isang bagay na ipinagkaloob Niya sa inyo. Ngayon ay personal ninyong nagagawang tumanggap ng pagsasanay ng Diyos, ng Kanyang pagkastigo, at ng Kanyang paghatol. Ito, higit pa, ay Kanyang pagtataas. Nagagawa ninyong personal na tumanggap ng Kanyang pagdadalisay at pagsunog. Ito ay dakilang pagmamahal ng Diyos. Sa nagdaang mga kapanahunan wala ni isang tao ang nakatanggap ng Kanyang pagdadalisay at pagsunog, at wala ni isang tao ang nagawang perpekto ng Kanyang mga salita. Ang Diyos ay nakikipag-usap sa inyo ngayon nang harapan, dinadalisay kayo, inilalantad ang paghihimagsik ng inyong kalooban—tunay na ito ay Kanyang pagtataas. Anong mga abilidad ang taglay ng mga tao? Mga anak man sila ni David o mga inapo ni Moab, sa kabuuan, ang mga tao ay mga nilikha na walang nararapat na ipagmayabang. Dahil kayo ay mga nilikha, kailangan ninyong gampanan ang tungkulin ng isang nilikha. Wala nang iba pang mga hinihiling sa inyo. Ganito kayo dapat manalangin: “O Diyos! May katayuan man ako o wala, nauunawaan ko na ngayon ang sarili ko. Kung mataas ang katayuan ko, iyon ay dahil sa Iyong pagtataas, at kung mababa ito, iyon ay dahil sa Iyong paunang pag-orden. Ang lahat ay nasa Iyong mga kamay. Wala akong anumang pagpipilian, ni anumang reklamo. Pauna Mong inorden na maisilang ako sa bansang ito at sa piling ng mga taong ito, at ang tanging magagawa ko ay maging ganap na mapagpasakop sa ilalim ng Iyong kapamahalaan dahil ang lahat ng bagay ay ang pauna Mong inorden. Hindi ko iniisip ang katayuan; isa lamang akong nilikha. Kung ilalagay Mo ako sa walang-hanggang hukay, sa lawa ng apoy at asupre, isa lamang akong nilikha. Kung gagamitin Mo ako, isa akong nilikha. Kung gagawin Mo akong perpekto, isa pa rin akong nilikha. Kung hindi Mo ako gagawing perpekto, mamahalin pa rin Kita dahil isa lamang akong nilikha. Isa lamang akong munting nilikha ng Lumikha, isa lamang sa gitna ng lahat ng taong nilikha. Ikaw ang lumikha sa akin, at inilagay Mo ako ngayon sa Iyong mga kamay upang gawin sa akin ang kalooban Mo. Handa akong maging Iyong kasangkapan at Iyong hambingan dahil ang lahat ay ang Iyong paunang inorden. Walang sinumang makakapagbago nito. Lahat ng bagay at lahat ng pangyayari ay nasa Iyong mga kamay.” Kapag dumating ang panahon na hindi mo na iniisip ang katayuan, makakalaya ka na roon. Saka mo lamang magagawang maghangad nang may tiwala at tapang, at saka lamang magiging malaya ang puso mo sa anumang mga paglilimita. Kapag napalaya na ang mga tao mula sa mga bagay na ito, mawawalan na sila ng mga alalahanin.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Bakit Ayaw Mong Maging Panghambing?
Bilang isang miyembro ng nilikhang sangkatauhan, kailangan mong manatili sa iyong wastong posisyon, at umasal nang maayos. Matapat na panghawakan ang ipinagkatiwala sa iyo ng Lumikha. Huwag kumilos nang wala sa lugar, o gawin ang mga bagay-bagay na labas sa saklaw ng iyong kakayahan o na kasuklam-suklam sa Diyos. Huwag hangarin na maging isang dakilang tao, isang superman, o isang engrandeng indibidwal, at huwag hangarin na maging Diyos. Ang lahat ng ito ay kahilingan na hindi dapat taglayin ng mga tao. Ang paghahangad na maging isang dakilang tao o isang superman ay katawa-tawa. Ang paghahangad na maging Diyos ay lalo pang mas kahiya-hiya; ito ay karima-rimarim, at kasuklam-suklam. Ang tunay na mahalaga, at ang dapat na panghawakan ng mga nilikha nang higit pa sa anumang bagay, ay ang maging tunay na nilikha; ito lamang ang tanging layon na dapat hangarin ng lahat ng tao.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I
Kaugnay na mga Extract ng Pelikula
Ang Pagbitiw sa Kasikatan at Katayuan sa Pamamagitan ng Paghatol at Pagkastigo ng Diyos
Bago Mag-eleksyon
Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan
Nahanap Ko ang Lugar Ko
Ang Paghatol at Pagkastigo ay Pagmamahal ng Diyos
Ang Aking Kaunting Kaalaman sa mga Anticristong Disposisyon
Ano ang Dapat Nating Hangarin sa Buhay?
Kaugnay na mga Himno
Kinokontrol ni Satanas ang Kaisipan ng mga Tao Gamit ang Kasikatan at Kapakinabangan
Ano ang Halaga sa Pagpapahalaga sa Katayuan?
Dapat Mong Tanggapin ang Pagsisiyasat ng Diyos sa Lahat ng Bagay
Isa Lamang Akong Napakaliit na Nilikha