45. Paano mauunawaan ang matuwid na disposisyon ng Diyos
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Sa panghuli Niyang gawain ng pagwawakas sa kapanahunan, ang disposisyon ng Diyos ay disposisyon ng pagkastigo at paghatol, kung saan ibinubunyag Niya ang lahat ng di-matuwid, upang hayagang hatulan ang masa, at gawing perpekto ang mga sinserong nagmamahal sa Kanya. Ang ganitong disposisyon lamang ang makapagwawakas sa kapanahunang ito. Dumating na ang mga huling araw. Ang lahat ng bagay ay pinagbubukod-bukod ayon sa uri ng mga ito, at hinahati sa iba’t ibang kategorya ayon sa iba’t ibang katangian ng mga ito. Ito mismo ang panahon kung kailan ibinubunyag ng Diyos ang mga kalalabasan at hantungan ng mga tao. Kung hindi mararanasan ng mga tao ang pagkastigo at paghatol, hindi malalantad ang kanilang pagiging mapaghimagsik at di-matuwid. Sa pamamagitan lamang ng pagkastigo at paghatol mabubunyag ang mga kalalabasan ng lahat ng bagay. Ipinapakita lamang ng mga tao ang kanilang tunay na kulay kapag kinakastigo at hinahatulan sila. Ang masasama ay isasama sa masasama, ang mabubuti sa mabubuti, at ang mga tao ay pagbubukud-bukurin ayon sa kanilang uri. Sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol, ang mga kalalabasan ng lahat ng bagay ay mabubunyag, para maparusahan ang masasama at magantimpalaan ang mabubuti, at ang masa ay magpasailalim sa kapamahalaan ng Diyos. Ang lahat ng gawaing ito ay kailangang magawa sa pamamagitan ng matuwid na pagkastigo at paghatol. Dahil umabot na sa sukdulan ang katiwalian ng mga tao at napakalala na ng kanilang paghihimagsik, ang matuwid na disposisyon lamang ng Diyos, na pangunahing kinapapalooban ng pagkastigo at paghatol at inihahayag sa mga huling araw, ang lubusang makapagbabago at makagagawang ganap sa mga tao, at makapagbubunyag sa kasamaan, at lahat ng hindi matuwid ay mapaparusahan nang matindi. Samakatwid, ang disposisyong tulad nito ay puno ng kahalagahan ng kapanahunan. Ang disposisyon ng Diyos ay nabubunyag at nasisiwalat para sa kapakanan ng gawain ng bawat bagong kapanahunan. Hindi sa ibinubunyag ng Diyos ang Kanyang disposisyon nang basta-basta at nang walang kabuluhan. Ipagpalagay na, sa mga huling araw ng pagbubunyag sa mga kalalabasan ng mga tao, mamahalin pa rin ng Diyos ang mga tao nang may walang hanggang awa at mapagmahal na kabaitan, at patuloy na magiging mapagmahal sa kanila, hindi sila isinasailalim sa matuwid na paghatol kundi nagpapakita sa kanila ng pagpaparaya, pagtitimpi, at pagpapatawad, at papatawarin sila gaano man kalubha ang mga kasalanan nila, nang wala ni katiting na matuwid na paghatol. Kung gayon, kailan magwawakas ang buong pamamahala ng Diyos? Kailan magagawang akayin ng ganitong disposisyon ang mga tao patungo sa angkop na hantungan ng sangkatauhan? Gawing halimbawa, ang isang hukom na laging mapagmahal sa mga tao, isang mapagmahal na hukom na may maamong mukha at malambot na puso. Mahal niya ang mga tao anuman ang kanilang mga nagawang krimen, at siya ay mapagmahal at mapagparaya sa mga tao sinuman sila. Kung gayon, kailan siya makaaabot sa isang makatarungang hatol? Sa mga huling araw, ang matuwid na paghatol lamang ang makakapagbukod-bukod sa mga tao ayon sa kanilang uri at makapagdadala sa kanila sa isang bagong mundo. Sa ganitong paraan, ang buong kapanahunan ay matatapos sa pamamagitan ng matuwid na disposisyon ng paghatol at pagkastigo ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)
Ako ang walang-katulad na Diyos Mismo at, higit pa, Ako ang kaisa-isang persona ng Diyos. Bukod pa roon, Ako, ang kabuuan ng katawang-tao, ang ganap na pagpapakita ng Diyos. Sinumang nangangahas na hindi matakot sa Akin, sinumang maglalakas-loob na magpakita ng paglaban sa kanilang mga mata, at sinumang maglalakas-loob na magsalita ng mga salita ng paglaban sa Akin ay tiyak na mamamatay mula sa Aking mga sumpa at poot (magkakaroon ng pagsumpa dahil sa Aking poot). At sinumang maglalakas-loob na hindi maging tapat o maging mabuting anak sa Akin, at sinumang maglalakas-loob na subukang manlinlang sa Akin ay tiyak na mamamatay sa Aking pagkamuhi. Ang Aking katuwiran, pagiging maharlika at paghatol ay mananatili magpakailan pa man. Noong una, Ako ay mapagmahal at mahabagin, ngunit hindi ito ang disposisyon ng Aking ganap na pagka-Diyos; tanging ang pagiging matuwid, pagiging maharlika at paghatol ang disposisyon Ko—ang disposisyon ng ganap na Diyos Mismo. Noong Kapanahunan ng Biyaya, Ako ay mapagmahal at mahabagin. Dahil sa gawain na kailangan Kong tapusin, taglay Ko ang maibiging kabaitan at habag; ngunit pagkatapos, wala nang pangangailangan para sa mga ganoong bagay (at hindi na nagkaroon simula noon). Pawang katuwiran, pagiging maharlika, at paghatol, at ito ang ganap na disposisyon ng Aking normal na pagkatao kasama ang Aking ganap na pagka-Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 79
Parurusahan Ko ang masama at gagantimpalaan ang mabuti, ipatutupad Ko ang Aking katuwiran, isasagawa Ko ang Aking paghatol, at gagamitin Ko ang Aking mga salita para isakatuparan ang lahat, na ipaparanas sa lahat ng tao at lahat ng bagay ang Aking kamay na kumakastigo. Tiyak na ipapakita Ko sa lahat ng tao ang Aking buong kaluwalhatian, ang Aking buong karunungan, at ang Aking buong kasaganaan. Walang taong mangangahas na tumindig para humusga, dahil para sa Akin, lahat ng bagay ay naisakatuparan na; at dito, hayaang makita ng lahat ng tao ang Aking buong karangalan, at matikman ang Aking buong tagumpay, dahil para sa Akin lahat ng bagay ay nahayag na. Sapat ito para mapakita ang Aking dakilang kapangyarihan at ang Aking awtoridad. Walang mangangahas na sumalungat sa Akin, at walang mangangahas na humadlang sa Akin. Para sa Akin, hayag ang lahat—sino ang mangangahas na magtago ng anuman? Tiyak na hindi Ko sila patatawarin! Kailangang tumanggap ng Aking matinding parusa ang mga tampalasang iyon, at kailangang mapawi mula sa Aking paningin ang mga kasuklam-suklam na taong iyon. Pamamahalaan Ko sila gamit ang tungkod na bakal at gagamitin Ko ang Aking awtoridad para hatulan sila, nang wala ni katiting na awa at hindi man lamang isinasaalang-alang ang kanilang mga damdamin, sapagkat Ako Mismo ang Diyos, na maharlika at na walang mga damdamin ng laman at hindi nalalabag. Dapat itong maunawaan at makita ng lahat, kung hindi ay mahahampas at malilipol sila sa Akin “nang walang dahilan o katwiran,” sapagkat hahampasin ng Aking tungkod ang lahat ng sumasalungat sa Akin. Wala Akong pakialam kung alam man nila ang Aking mga atas administratibo; wala iyang halaga sa Akin, dahil hindi nalalabag ng sinuman ang Aking persona. Ito ang dahilan kaya sinasabi na Ako ay isang leon; hinahampas Ko ang sinumang Aking hipuin. Kaya nga sinasabi na kalapastanganan na ngayong sabihin na Ako ang Diyos na may awa at mapagmahal na kabaitan. Sa diwa, hindi Ako isang kordero, kundi isang leon. Walang nangangahas na sumalungat sa Akin; sinumang sumasalungat sa Akin, parurusahan Ko ng kamatayan, agad-agad, nang hindi isinasaalang-alang ang kanilang mga damdamin kahit kaunti.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 120
Ako ay matuwid, Ako ay mapagkakatiwalaan, at Ako ang Diyos na nagsisiyasat sa kaibuturan ng puso ng tao! Ibubunyag Ko agad kung sino ang tunay at kung sino ang huwad. Huwag kayong maalarma, lahat ng bagay ay kumikilos ayon sa Aking oras. Sino ang taos na nagnanais sa Akin, sino ang hindi—sasabihin Ko sa inyo, isa-isa. Siguraduhin lamang ninyong kumain nang mabuti, uminom nang mabuti, at lumapit sa Akin kapag kayo ay nasa presensya Ko, at Ako Mismo ang gagawa ng Aking gawain. Huwag kayong labis na masabik sa mga agarang resulta; ang Aking gawain ay hindi isang bagay na maisasagawa agad-agad. Nakapaloob dito ang Aking mga hakbang at ang Aking karunungan, at iyan ang dahilan kung kaya mabubunyag ang Aking karunungan. Hahayaan Ko kayong makita kung ano ang ginagawa ng Aking mga kamay—ang pagpaparusa sa kasamaan at paggantimpala sa kabutihan. Ako ay talagang walang pinapaboran na kahit na sino. Ikaw na tapat na nagmamahal sa Akin, tapat Kitang mamahalin, at yaon namang mga hindi tapat na nagmamahal sa Akin, ang Aking poot ay mamamalagi magpakailanman sa kanila, upang maalala nila magpakailanman na Ako ang tunay na Diyos, ang Diyos na nagsisiyasat sa kaibuturan ng puso ng tao. Huwag kang kumilos ng isang paraan kapag kaharap ang kapwa ngunit ibang paraan kapag nakatalikod sila; malinaw Kong nakikita ang lahat ng ginagawa mo, at kahit malinlang mo ang iba, hindi mo Ako malilinlang. Malinaw Kong nakikita iyong lahat. Hindi posibleng maitago mo ang anumang bagay; ang lahat ay nasa Aking mga kamay. Huwag mong isiping napakatalino mo dahil lamang sa nagtagumpay ka sa iyong mga mumunting kalkulasyon para sa iyong sariling kapakinabangan. Sinasabi Ko sa iyo: gaano man karaming plano ang gawin ng tao, libo-libo man o sampu-sampung libo, sa huli ay hindi sila makatatakas mula sa Aking palad. Lahat ng kaganapan ay kontrolado ng Aking mga kamay, lalo naman ang isang tao! Huwag mo Akong subukang iwasan o pagtaguan, huwag mong subukang mambola o magtago. Maaari kayang hindi mo pa rin nakikita na ang Aking maluwalhating mukha, ang Aking poot at Aking paghatol, ay naibunyag na sa madla? Sinumang hindi nagnanais sa Akin nang tapat, agad at walang habag Ko silang hahatulan. Ang Aking awa ay natapos na; wala nang natitira pa roon. Huwag na kayong maging mga paimbabaw, at itigil na ninyo ang inyong mga gawing mararahas at pabaya.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 44
Upang maunawaan ang matuwid na disposisyon ng Diyos, kailangang maunawaan muna ng isang tao ang mga emosyon ng Diyos: kung ano ang Kanyang kinamumuhian, kung ano ang Kanyang kinasusuklaman, kung ano ang Kanyang minamahal, kung kanino Siya nagpaparaya at naaawa, at sa anong uri ng tao Niya ipinagkakaloob ang awang iyon. Ito ay isang pangunahing punto. Dapat ding maunawaan ng isang tao na gaano man kamapagmahal ang Diyos, gaano man karami ang habag at pagmamahal na mayroon Siya para sa mga tao, hindi hinahayaan ng Diyos ang sinuman na lumalabag sa Kanyang pagkakakilanlan at posisyon, ni hindi Niya tinutulutan ang sinuman na lumalabag sa Kanyang dignidad. Kahit mahal ng Diyos ang mga tao, hindi Niya sila kinukunsinti. Ibinibigay Niya sa mga tao ang Kanyang pagmamahal, ang Kanyang habag, at ang Kanyang pagpaparaya, ngunit hindi Niya sila kailanman kinunsinti; ang Diyos ay mayroong Kanyang mga prinsipyo at Kanyang mga hangganan. Gaano man kalaki ang naramdaman mong pagmamahal sa iyo ng Diyos, gaano man kalalim ang pagmamahal na iyon, kailanman ay hindi mo dapat tratuhin ang Diyos sa paraan ng pagtrato mo sa isa pang tao. Bagaman totoo na itinuturing ng Diyos ang mga tao na sukdulang malapit sa Kanya, kung itinuturing ng isang tao ang Diyos bilang ibang tao lamang, bilang isang taong katumbas ng isang nilikha, o bilang isang kaibigan o isang bagay ng pagsamba, itatago ng Diyos ang Kanyang mukha sa kanila at tatalikdan sila. Ito ang Kanyang disposisyon, at hindi dapat tratuhin nang walang-ingat ng mga tao ang isyung ito. Kaya, madalas nating nakikita ang mga salitang gaya nito na sinasabi ng Diyos tungkol sa Kanyang disposisyon: Gaano man karami ang mga daan na iyong nalakbay, gaano man karami ang gawain na iyong nagawa o gaano man karami ang iyong tiniis na, sa sandaling sumalungat ka sa disposisyon ng Diyos, gagantihan Niya ang bawat isa sa inyo batay sa inyong nagawa. Ibig sabihin nito ay itinuturing ng Diyos ang mga tao bilang sukdulang malapit sa Kanya, ngunit hindi dapat ituring ng mga tao ang Diyos bilang isang kaibigan o isang kaanak. Huwag tawagin ang Diyos bilang iyong “katropa.” Gaano mo man nadarama na minamahal ka ng Diyos at nagpaparaya Siya sa iyo, kailanman ay hindi mo dapat ituring ang Diyos bilang iyong kaibigan. Ito ang matuwid na disposisyon ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VII
Ang pagiging hindi nalalabag ng Diyos ang Kanyang natatanging diwa; ang poot ng Diyos ang Kanyang natatanging disposisyon; ang pagiging maharlika ng Diyos ang Kanyang natatanging diwa. Ang prinsipyo sa likod ng galit ng Diyos ay ang pagrerepresenta sa Kanyang pagkakakilanlan at katayuan na Siya lamang ang nagtataglay. Hindi na kailangang sabihin pa na ang prinsipyong ito ay sagisag din ng diwa ng natatanging Diyos Mismo. Ang disposisyon ng Diyos ay ang Kanyang sariling likas na diwa, na hindi nababago kahit kaunti ng paglipas ng panahon, o ng mga pagbabago man sa heograpikal na lokasyon. Ang Kanyang likas na disposisyon ay ang Kanyang tunay na diwa. Kanino man Niya isinasakatuparan ang Kanyang gawain, hindi nagbabago ang Kanyang diwa at maging ang Kanyang matuwid na disposisyon. Kapag ginagalit ng isang tao ang Diyos, yaong ipinapahayag ng Diyos ay ang Kanyang likas na disposisyon; sa pagkakataong ito, ang prinsipyo sa likod ng Kanyang galit ay hindi nagbabago, gayundin ang Kanyang natatanging pagkakakilanlan at katayuan. Hindi Siya nagagalit dahil sa isang pagbabago sa Kanyang diwa o dahil ang Kanyang disposisyon ay nagbunga ng iba’t ibang mga elemento, kundi dahil ang paglaban ng tao sa Kanya ay sumasalungat sa Kanyang disposisyon. Ang lantarang pagpapagalit ng tao sa Diyos ay isang matinding hamon sa sariling pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos. Sa pananaw ng Diyos, kapag hinahamon Siya ng tao, kinakalaban Siya ng tao at tinutukso ang Kanyang galit. Kapag sinasalungat ng tao ang Diyos, kapag kinakalaban ng tao ang Diyos, kapag patuloy na sinusubok ng tao ang galit ng Diyos, iyon mismo ang sandali kung kailan laganap ang kasalanan—sa gayong mga pagkakataon, ang poot ng Diyos ay likas na mabubunyag at magpapakita. Samakatwid, ang pagpapahayag ng Diyos ng Kanyang poot ay isang simbolo na ang lahat ng puwersa ng kabuktutan ay titigil sa pag-iral; isa itong simbolo na ang lahat ng mapanlabang puwersa ay wawasakin. Ito ang pagiging natatangi ng matuwid na disposisyon ng Diyos at ng Kanyang poot. Kapag hinahamon ang dangal at kabanalan ng Diyos, kapag ang mga makatarungang puwersa ay hinahadlangan at hindi nakikita ng tao, ipadadala ng Diyos ang Kanyang poot. Dahil sa diwa ng Diyos, lahat ng puwersang iyon sa mundo na kumakalaban sa Diyos, sumasalungat at nakikipagtunggali sa Kanya ay buktot, tiwali at hindi makatarungan; ang mga ito ay nagmumula at nabibilang kay Satanas. Dahil makatarungan ang Diyos, at Siya ay liwanag at banal na walang-dungis, lahat ng bagay na buktot, tiwali at kay Satanas ay maglalaho kapag pinakawalan na ang poot ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II
Kapag ipinapahayag ng Diyos ang Kanyang matinding galit, napipigil ang mga puwersa ng kabuktutan at nawawasak ang mga buktot na bagay, samantalang tinatamasa ng mga makatarungan at positibong mga bagay ang pangangalaga at pag-iingat ng Diyos, at sila ay pinahihintulutang magpatuloy. Ipinadadala ng Diyos ang Kanyang poot dahil ang hindi makatarungan, negatibo at buktot na bagay ay humahadlang, nanggugulo o sumisira sa normal na gawain at pagsulong ng makatarungan at positibong mga bagay. Ang layon ng galit ng Diyos ay hindi ang protektahan ang Kanyang sariling katayuan at pagkakakilanlan, kundi ingatan ang pag-iral ng makatarungan, positibo, magaganda at mabubuting mga bagay, upang pangalagaan ang mga batas at tuntunin ng normal na pananatiling buhay ng sangkatauhan. Ito ang pinag-uugatan ng poot ng Diyos. Ang matinding galit ng Diyos ay talagang nararapat, likas at tunay na pagbubunyag ng Kanyang disposisyon. Walang mga lihim na motibo sa Kanyang matinding galit, ni panlilinlang man o pagbabalak, o lalo na ng mga pagnanasa, katusuhan, malisya, karahasan, kabuktutan o alinman sa mga katangiang taglay ng tiwaling sangkatauhan. Bago ipadala ng Diyos ang Kanyang matinding galit, natalos na Niya ang diwa ng bawat bagay nang lubhang malinaw at ganap, at nakapagbuo na Siya ng tumpak at malinaw na mga pagtukoy at mga kongklusyon. Sa gayon, ang layon ng Diyos sa bawat bagay na Kanyang ginagawa ay sinlinaw ng kristal, tulad din ng Kanyang saloobin. Hindi magulo ang Kanyang pag-iisip; hindi Siya bulag, mapusok, o pabaya; at tiyak na may prinsipyo Siya. Ito ang praktikal na aspekto ng poot ng Diyos, at dahil sa praktikal na aspektong ito ng poot ng Diyos kaya naabot ng sangkatauhan ang normal na pag-iral nito. Kung wala ang poot ng Diyos, malulugmok ang sangkatauhan sa mga hindi normal na kalagayan ng pamumuhay; at ang lahat ng bagay na makatarungan, maganda at mabuti ay mawawasak at hihinto sa pag-iral. Kung wala ang poot ng Diyos, ang mga batas at mga alituntunin ng pag-iral para sa mga nilikha ay masisira o maaaring tuluyang mawasak. Mula sa paglikha sa tao, patuloy na ginagamit ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon upang pangalagaan at panatilihin ang normal na pag-iral ng sangkatauhan. Sapagkat ang Kanyang matuwid na disposisyon ay naglalaman ng poot at pagiging maharlika, ang lahat ng buktot na tao, mga bagay at gamit, at lahat ng bagay na gumugulo at sumisira sa normal na pag-iral ng sangkatauhan ay naparurusahan, nakokontrol at nawawasak bilang resulta ng Kanyang poot. Sa mga nakalipas na libu-libong taon, patuloy na ginagamit ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon upang hampasin at wasakin ang lahat ng uri ng maruruming diyablo at masasamang mga espiritu na kumakalaban sa Diyos at kumikilos bilang mga kasabwat at alagad ni Satanas laban sa gawain ng Diyos na pamamahala sa sangkatauhan. Sa gayon, ang gawain ng Diyos na pagliligtas sa tao ay laging sumusulong ayon sa Kanyang plano. Masasabi natin na dahil sa pag-iral ng poot ng Diyos, ang pinakamakatarungang mga layon sa gitna ng sangkatauhan ay hindi kailanman nawasak.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II
Ang pakikitungo ng Diyos sa kabuuan ng sangkatauhan, hangal at mangmang man ito, ay pangunahing nakabatay sa awa at pagpaparaya. Sa kabilang banda, ang Kanyang poot ay nakatago sa mas nakararaming pagkakataon at sa mas nakararaming pangyayari, at hindi ito nalalaman ng tao. Bilang resulta, mahirap para sa tao na makitang inilalabas ng Diyos ang Kanyang poot, at mahirap ding maunawaan ang Kanyang poot. Dahil dito, minamaliit ng tao ang poot ng Diyos. Kapag humaharap na ang tao sa huling gawain at hakbang ng pagpaparaya at pagpapatawad sa tao ng Diyos—iyan ay kapag ang huling pagkakataon para sa awa ng Diyos at ang huling babala Niya ay dumapo sa sangkatauhan—kung gagamitin pa rin ng mga tao ang parehong mga paraan upang salungatin ang Diyos at hindi gumawa ng kahit anong pagsisikap upang magsisi, ayusin ang kanilang mga pag-uugali at tanggapin ang Kanyang awa, hindi na ipagkakaloob ng Diyos ang Kanyang pagpaparaya at pasensya sa kanila. Bagkus, babawiin ng Diyos ang Kanyang awa sa panahong ito. Kasunod nito, ipadadala na lamang Niya ang Kanyang poot. Maaari Niyang ipahayag ang Kanyang poot sa iba’t ibang mga paraan, gaya ng kung paanong nakagagamit Siya ng iba’t ibang mga pamamaraan upang parusahan at wasakin ang mga tao.
Ang paggamit ng Diyos ng apoy upang wasakin ang lungsod ng Sodoma ang pinakamabilis Niyang paraan upang lubos na lipulin ang isang sangkatauhan o ano pa mang bagay. Ang pagsusunog sa mga mamamayan ng Sodoma ay hindi lang para wasakin ang kanilang mga pisikal na katawan, higit pa rito, ito ay para wasakin ang kabuuan ng kanilang mga espiritu, ang kanilang mga kaluluwa at kanilang mga katawan, tinitiyak na ang mga tao sa loob ng lungsod na ito ay titigil sa pag-iral sa kapwa materyal na mundo at mundong hindi nakikita ng tao. Ito ay isang paraan kung paano ibinubunyag ng Diyos at ipinahahayag ang Kanyang poot. Ang ganitong paraan ng pagbubunyag at pagpapahayag ay isang aspekto ng diwa ng poot ng Diyos, kung paano ring ito ay likas na pagbubunyag ng diwa ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Kapag ipinadadala ng Diyos ang Kanyang poot, tumitigil Siya sa pagbubunyag ng anumang awa o mapagmahal na kabaitan, ni hindi na Siya nagpapakita pa ng Kanyang pagpaparaya o pasensya; walang tao, bagay o dahilan na makahihimok sa Kanya upang patuloy na maging mapagpasensya, na muling ibigay ang Kanyang awa, at minsan pang ipagkaloob ang Kanyang pagpaparaya. Kapalit ng mga bagay na ito, walang isa mang sandali ng pag-aalinlangan, ipinadadala ng Diyos ang Kanyang poot at pagiging maharlika, ginagawa kung ano ang Kanyang nais. Isasagawa Niya ang mga bagay na ito sa isang mabilis at malinis na paraan ayon sa Kanyang sariling mga kagustuhan. Ito ang paraan kung paano ipinadadala ng Diyos ang Kanyang poot at pagiging maharlika, na hindi dapat salungatin ng tao, at ito ay isa ring pagpapahayag ng isang aspekto ng Kanyang matuwid na disposisyon. Kapag nasasaksihan ng mga tao na nagpapakita ng pag-aalala at pagmamahal ang Diyos sa tao, hindi nila napapansin ang Kanyang poot, nakikita ang Kanyang pagiging maharlika o nadarama ang Kanyang pagiging hindi nalalabag. Ang mga bagay na ito ang maling nagpapapaniwala sa mga tao na ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay yaong awa, pagpaparaya at pagmamahal lamang. Gayunman, kapag nakita ng isang tao na winasak ng Diyos ang isang lungsod o kinamuhian ang isang sangkatauhan, ang Kanyang matinding galit sa pagwasak ng tao at ang Kanyang pagiging maharlika ang nagbibigay-daan sa mga tao na masilayan ang kabilang panig ng matuwid Niyang disposisyon, na siyang pagiging hindi nalalabag ng Diyos. Ang disposisyon ng Diyos na hindi nalalabag ay lumalampas sa imahinasyon ng anumang nilikha, at sa mga di-nilikha, walang may kakayahang panghimasukan ito o maapektuhan ito; at lalong hindi ito kayang gayahin o tularan. Sa gayon, ang aspektong ito ng disposisyon ng Diyos ang siyang dapat na talagang mabatid ng sangkatauhan. Tanging ang Diyos Mismo ang may ganitong uri ng disposisyon, at tanging Diyos Mismo ang nagtataglay ng ganitong uri ng disposisyon. Nagtataglay ang Diyos ng ganitong uri ng matuwid na disposisyon dahil nasusuklam Siya sa kasamaan, kadiliman, paghihimagsik at mga buktot na gawa ni Satanas—pagtitiwali at paglamon sa sangkatauhan—sapagkat kinasusuklaman Niya ang lahat ng paggawa ng kasalanan na salungat sa Kanya at dahil sa Kanyang banal at walang-dungis na diwa. Ito ang dahilan kaya hindi Niya hahayaan ang sinumang nilikha o di-nilikha na hayagang salungatin o labanan Siya. Kahit ang isang indibidwal na pinagpakitaan Niyang minsan ng awa o Kanyang pinili ay kailangan lamang pukawin ang Kanyang disposisyon at salangsangin ang Kanyang prinsipyo ng pagpapasensya at pagpaparaya, at pakakawalan Niya at ibubunyag ang Kanyang matuwid na disposisyon na hindi nalalabag, nang walang kahit katiting na awa o pag-aalinlangan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II
Kapag hinaharap ang bawat isang gawa ng Diyos, kailangang tiyakin mo muna na malaya mula sa anumang ibang mga elemento ang matuwid na disposisyon ng Diyos, na ito ay banal at walang kapintasan. Kasama sa mga gawang ito ang paghampas, kaparusahan at pagwasak ng Diyos sa sangkatauhan. Walang eksepsiyon, ang bawat isa sa mga gawa ng Diyos ay ginawa sa mahigpit na pagsunod sa Kanyang likas na disposisyon at Kanyang plano—hindi kasama rito ang kaalaman, tradisyon at pilosopiya ng sangkatauhan. Ang bawat isa sa mga gawa ng Diyos ay pagpapahayag ng Kanyang disposisyon at diwa, na walang kaugnayan sa anumang bagay na kabilang sa tiwaling sangkatauhan. Sa kuru-kuro ng sangkatauhan, tanging ang pag-ibig ng Diyos, awa at pagpaparaya sa sangkatauhan ang walang-bahid, walang-halo at banal, at, walang nakaaalam na ang matinding galit ng Diyos at ang Kanyang poot ay wala ring halo; dagdag pa rito, walang nakapag-isip nang mabuti ng mga tanong tulad ng bakit hindi nalalabag ang Diyos o bakit ang Kanyang poot ay napakatindi. Bagkus, napagkakamalan ng ilan ang poot ng Diyos bilang init ng ulo, gaya ng sa tiwaling sangkatauhan, at nagkakamali ng pagkaunawa sa poot ng Diyos bilang kagaya ng matinding galit ng tiwaling sangkatauhan. Nagkakamali nga rin sila sa pagpapalagay na ang matinding galit ng Diyos ay katulad lamang ng likas na pagbubunyag ng tiwaling disposisyon ng sangkatauhan at na ang pagpapalabas ng poot ng Diyos ay katulad lamang ng galit ng tiwaling mga tao kapag sila ay nahaharap sa isang hindi masayang sitwasyon, at naniniwala pa sila na ang pagpapalabas ng poot ng Diyos ay isang pagpapahayag ng Kanyang lagay ng loob. … Ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay ang Kanyang sariling tunay na diwa. Hindi ito isang bagay na hinubog o isinulat ng tao. Ang Kanyang matuwid na disposisyon ay ang Kanyang matuwid na disposisyon at wala itong relasyon o ugnayan sa anumang nilikha. Ang Diyos Mismo ay ang Diyos Mismo. Hindi Siya kailanman magiging isang nilikha, at kahit na maging miyembro Siya ng mga nilikha, ang Kanyang likas na disposisyon at diwa ay hindi magbabago. Samakatwid, ang pagkakilala sa Diyos ay hindi pagkakilala sa isang bagay; hindi ito paghihimay sa isang bagay, ni katulad ng pag-unawa sa isang tao. Kung ginagamit ng tao ang kanyang konsepto o pamamaraan ng pagkilala sa isang bagay o pag-unawa sa isang tao upang makilala ang Diyos, hindi siya kailanman magkakamit ng kaalaman tungkol sa Diyos. Ang pagkakilala sa Diyos ay hindi nakasalalay sa karanasan o imahinasyon, at samakatwid hindi mo dapat ipagpilitan kahit kailan ang iyong karanasan o imahinasyon sa Diyos. Gaano man kayaman ang iyong karanasan at imahinasyon, may hangganan pa rin ang mga iyan. Higit pa riyan, ang iyong imahinasyon ay hindi umaayon sa mga katunayan, at lalong hindi ito umaayon sa katotohanan, at ito ay hindi kaayon ng tunay na disposisyon at diwa ng Diyos. Hindi ka kailanman magtatagumpay kung aasa ka lamang sa iyong imahinasyon upang maunawaan ang diwa ng Diyos. Ang tanging landas ay ito: Tanggapin ang lahat ng nagmumula sa Diyos, at pagkatapos, unti-unting danasin at unawain ito. Darating ang araw na bibigyang-liwanag ka ng Diyos upang Siya ay lubos mong maunawaan at makilala dahil sa iyong pakikipagtulungan at dahil sa iyong pagkagutom at pagkauhaw para sa katotohanan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II
Nang binago ng Diyos ang Kanyang puso para sa mga taga-Ninive, isang pagkukunwari lamang ba ang Kanyang awa at pagpaparaya? Siyempre hindi! Kung gayon, ano ang naipakita ng pagbabago sa pagitan ng dalawang aspektong ito ng disposisyon ng Diyos sa panahon ng pagharap ng Diyos sa isang sitwasyong ito? Ang disposisyon ng Diyos ay isang ganap na buo—hinding-hindi ito nahahati. Naghahayag man Siya ng galit o awa at pagpaparaya tungo sa mga tao, ang lahat naman ng ito ay pagpapahayag ng Kanyang matuwid na disposisyon. Ang disposisyon ng Diyos ay puno ng buhay at masigla, at binabago Niya ang Kanyang isip at saloobin batay sa pag-unlad ng mga bagay-bagay. Ang pagbabago ng Kanyang saloobin tungo sa mga taga-Ninive ay nagsasabi sa sangkatauhan na mayroon Siyang sariling mga kaisipan at ideya; hindi Siya isang robot o luwad na rebulto, kundi ang buhay na Diyos Mismo. Maaari Siyang magalit sa mga mamamayan ng Ninive, kung paanong maaari rin Niyang patawarin ang kanilang mga nakaraan dahil sa kanilang mga saloobin. Maaari Siyang magpasya na magpadala ng kasawian sa mga taga-Ninive, at maaari rin Niyang baguhin ang Kanyang pagpapasya dahil sa kanilang pagsisisi. Gusto ng mga tao na mahigpit na maglapat ng mga alituntunin at gamitin ang mga ganoong alituntunin upang limitahan at ilarawan ang Diyos, tulad ng kanilang pagnanais na gumamit ng mga pormula upang subukang unawain ang disposisyon ng Diyos. Samakatwid, batay sa kayang abutin ng pag-iisip ng tao, ang Diyos ay hindi nag-iisip, ni wala Siyang anumang esensiyal na mga ideya. Ngunit sa realidad, ang mga kaisipan ng Diyos ay patuloy na nagbabago ayon sa mga pagbabago sa mga bagay-bagay at sa mga kapaligiran. Habang ang mga kaisipang ito ay nagbabago, nabubunyag ang iba’t ibang aspekto ng diwa ng Diyos. Sa prosesong ito ng pagbabago, sa mismong sandaling binabago ng Diyos ang Kanyang puso, ang totoong pag-iral ng Kanyang buhay ang ibinubunyag Niya sa sangkatauhan, at na ang Kanyang matuwid na disposisyon ay puno ng buhay at masigla. Kasabay nito, ginagamit ng Diyos ang Kanyang sariling tunay na mga pagbubunyag upang patunayan sa sangkatauhan ang katotohanan ng pag-iral ng Kanyang poot, Kanyang awa, Kanyang mapagmahal na kabaitan at Kanyang pagpaparaya. Ang Kanyang diwa ay mabubunyag sa anumang oras at saan mang lugar alinsunod sa pag-unlad ng mga bagay-bagay. May angkin Siyang poot ng isang leon at pagkahabag at pagpaparaya ng isang ina. Ang Kanyang matuwid na disposisyon ay hindi nagpapahintulot ng pagdududa, paglabag, pagbabago, o pamamaluktot ng sinumang tao. Sa lahat ng usapin at mga bagay-bagay, ang matuwid na disposisyon ng Diyos—iyon ay, ang poot ng Diyos at awa ng Diyos—ay mabubunyag sa anumang oras at saan mang lugar. Nagbibigay Siya ng puno-ng-buhay na pagpapahayag sa mga aspektong ito sa bawat sulok ng sangnilikha, at isinasakatuparan Niya ang mga iyon nang may sigla sa bawat paglipas ng sandali. Ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi nalilimitahan ng panahon o lugar, sa madaling salita, ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi ipinapahayag na parang makina o ibinubunyag ayon sa paglilimita ng mga hangganan ng panahon o lugar, kundi sa halip, ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay malayang naihahayag at nabubunyag sa lahat ng panahon at mga lugar. Kapag nakita mong binago ng Diyos ang Kanyang puso at huminto sa paghahayag ng Kanyang poot at tumigil sa pagwasak sa lungsod ng Ninive, masasabi mo ba na mahabagin at mapagmahal lamang ang Diyos? Masasabi mo ba na ang poot ng Diyos ay binubuo ng walang-saysay na mga salita? Kapag nagpupuyos ang Diyos sa matinding poot at binabawi ang Kanyang awa, masasabi mo ba na hindi Siya nakadarama ng tunay na pagmamahal sa sangkatauhan? Inihahayag ng Diyos ang matinding poot na ito bilang tugon sa masasamang gawa ng mga tao; ang Kanyang poot ay walang kapintasan. Ang puso ng Diyos ay naaantig bilang tugon sa pagsisisi ng mga tao, at ang pagsisising ito ang siyang nagdudulot ng pagbabago sa Kanyang puso. Kapag naaantig Siya, kapag may pagbabago sa Kanyang puso, at kapag nagpapakita Siya ng awa at pagpaparaya sa tao, ang lahat ng ito ay lubos na walang kapintasan; ang mga iyon ay malinis, dalisay, walang-dungis at walang halo. Ang pagpaparaya ng Diyos ay sadyang pagpaparaya, at ang Kanyang awa ay sadyang awa. Ang Kanyang disposisyon ay nagbubunyag ng poot o nagpapahayag ng awa at pagpaparaya ayon sa iba’t ibang pagpapamalas ng tao at sa pagsisisi nito. Kahit anuman ang Kanyang ibunyag at ipahayag, lahat ng ito ay dalisay at tuwiran; ang diwa nito ay naiiba sa diwa ng anumang nilikha. Sa loob ng mga prinsipyo ng pagkilos, ng mga kaisipan, at ng mga ideyang ipinapahayag ng Diyos, pati na ng bawat desisyon at kilos na ginagawa Niya—walang anumang kapintasan o dungis. Dahil sa nakapagpasya na nang gayon ang Diyos at nakakilos na Siya nang gayon, gayon Niya rin tinatapos ang Kanyang mga gawain. Ang resulta ng Kanyang mga gawain ay tama at walang pagkakamali sapagkat ang pinagmulan ng mga iyon ay walang-kapintasan at walang-dungis. Ang poot ng Diyos ay walang-kapintasan. Gayundin, ang awa at pagpaparaya ng Diyos—na hindi taglay ng anumang mga nilikha—ay banal at walang-kapintasan, at kayang tagalan ang maingat na paglilimi at karanasan.
Sa pamamagitan ng pagkakaunawa ninyo sa kuwento ng Ninive, nakikita na ba ninyo ang kabilang panig ng diwa ng matuwid na disposisyon ng Diyos? Nakikita ba ninyo ang kabilang panig ng natatanging matuwid na disposisyon ng Diyos? Mayroon bang sinuman sa sangkatauhan na nagtataglay ng ganitong uri ng disposisyon? Mayroon bang sinuman na nagtataglay ng ganitong uri ng poot, ang poot ng Diyos? Mayroon bang sinuman na nagtataglay ng awa at pagpaparaya na tulad ng sa Diyos? Sino sa mga nilikha ang makatatawag ng gayon katinding poot at makapagpapasya na wasakin o padalhan ng sakuna ang sangkatauhan? At sino ang karapat-dapat na magkaloob ng awa sa tao, na magparaya at magpatawad, at sa gayon ay baguhin ang kanyang pasya na wasakin ang tao? Ipinahahayag ng Lumikha ang Kanyang matuwid na disposisyon sa pamamagitan ng Kanyang sariling natatanging mga pamamaraan at prinsipyo, at hindi Siya nagpapasailalim sa kontrol o mga pagbabawal ng sinumang tao, alinmang mga pangyayari o bagay-bagay. Sa Kanyang natatangi na disposisyon, walang sinuman ang nakapagpapabago sa Kanyang kaisipan at mga ideya, ni walang sinuman ang nakahihimok sa Kanya at nakapagpapabago ng alinman sa Kanyang mga pagpapasya. Ang lahat ng asal at kaisipan ng mga nilikha ay umiiral sa ilalim ng paghatol ng Kanyang matuwid na disposisyon. Walang sinumang makapipigil kung magpapahayag man Siya ng pagkapoot o pagkaawa; tanging ang diwa lamang ng Lumikha—o sa madaling salita, ang matuwid na disposisyon ng Lumikha—ang nakapagpapasya rito. Ito ang natatanging kalikasan ng matuwid na disposisyon ng Lumikha!
Sa pamamagitan ng pagsusuri at pag-unawa sa pagbabago ng saloobin ng Diyos sa mga taga-Ninive, nagagamit mo na ba ang salitang “natatangi” upang ilarawan ang awa na matatagpuan sa matuwid na disposisyon ng Diyos? Nauna na nating sinabi na ang poot ng Diyos ay isang aspekto ng diwa ng Kanyang natatanging matuwid na disposisyon. Bibigyang-kahulugan Ko ngayon ang dalawang aspekto—ang poot ng Diyos at ang awa ng Diyos—bilang Kanyang matuwid na disposisyon. Ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay banal; ito ay hindi nalalabag, ni hindi nito pinapalampas ang makuwestiyon ng sinuman; ito ay isang bagay na hindi taglay ng sinuman sa mga nilikha o di-nilikha. Ito ay kapwa natatangi at para lamang sa Diyos. Sinasabi nito na ang poot ng Diyos ay banal at hindi nalalabag. Sa ganito ring paraan, ang isa pang aspekto ng matuwid na disposisyon ng Diyos—ang awa ng Diyos—ay banal at hindi maaaring salungatin. Walang sinuman sa mga nilikha o hindi-nilikha ang makapapalit o kayang kumatawan sa Diyos sa paggawa ng layon Niyang maisakatuparan, ni makapapalit o kayang kumatawan sa Kanya sa pagwasak sa Sodoma o sa pagliligtas sa Ninive. Ito ang tunay na pagpapahayag ng natatanging matuwid na disposisyon ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II
Ang habag at pagpapaubaya ng Diyos ay talagang umiiral, ngunit ang kabanalan at pagiging matuwid ng Diyos kapag pinapakawalan Niya ang Kanyang poot ay nagpapakita rin sa tao ng panig ng Diyos na hindi nalalabag. Kapag kaya na ng tao na sundin nang ganap ang mga utos ng Diyos at kumilos alinsunod sa mga kinakailangan ng Diyos, masagana ang habag ng Diyos sa tao; kapag ang tao ay puno ng katiwalian, gayunman, at umaapaw sa pagkamapanlaban at pagkapoot sa Kanya, ang Diyos ay labis na napopoot. Hanggang sa anong antas Siya napopoot? Mananatili ang Kanyang poot hanggang hindi na nakikita ng Diyos ang paglaban at masasamang gawa ng tao, hanggang sa mawala na ang mga ito sa Kanyang paningin. Saka lamang mawawala ang poot ng Diyos. Sa madaling salita, kahit na sino pa ang tao, kung ang kanyang puso ay naging malayo sa Diyos at tumalikod sa Diyos, hindi kailanman bumalik, kung gayon, sa lahat ng anyo o sa usapin ng kanyang mga personal na pagnanais, paano man niya nais na sumamba at sumunod at magpasakop sa Diyos sa kanyang katawan o sa kanyang pag-iisip, sa sandaling lumayo ang kanyang puso sa Diyos, ang poot ng Diyos ay pakakawalan nang walang humpay. Masasabi na kapag lubos na pinapakawalan ng Diyos ang Kanyang galit, dahil nabigyan na ng sapat na pagkakataon ang taong iyon, sa oras na pakawalan ito, wala nang paraan upang bawiin ito, at hindi na Siya kailanman pa mahahabag at magpapaubaya sa naturang tao. Ito ay isang panig ng disposisyon ng Diyos na hindi nagpapahintulot ng anumang pagkakasala. … Siya ay mapagparaya at maawain sa mga bagay na mabait at maganda at mabuti. Sa mga bagay na masama, makasalanan, at buktot, malalim ang Kanyang poot, sa paraang hindi Siya tumitigil sa Kanyang pagkapoot. Ang mga ito ay dalawang pangunahing aspekto ng disposisyon ng Diyos na mga pinakamahalaga, pinakaprominente, at, higit pa rito, naibunyag ng Diyos mula simula hanggang katapusan: saganang habag at malalim na poot.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II
Sa lahat ng bagay na ginagawa ng Diyos, kumikilos Siya nang may tamang sukatan. Alam Niya kung ano ang gagawin at kung paano ito gagawin, at tiyak na hindi Niya ipapagawa sa mga tao ang anumang bagay na higit pa sa kanilang likas na mga kapabilidad. Ang pagtrato ng Diyos sa bawat tao ay batay sa mga aktuwal na sitwasyon at konteksto sa panahong iyon, pati na rin sa mga kilos at pag-uugali ng taong iyon at sa kanyang kalikasang diwa. Hindi kailanman inaagrabyado ng Diyos ang sinuman. Ito ang pagiging matuwid ng Diyos. Halimbawa, natukso si Eba ng ahas na kumain ng bunga mula sa puno ng kaalaman ng mabuti at masama, ngunit hindi siya sinumbatan ni Jehova sa pagsasabing, “Sinabi Ko sa iyo na huwag kainin iyan, kaya bakit ginawa mo pa rin? Dapat ay nagkaroon ka ng pagkilatis; dapat ay nalaman mo na nagsalita lang ang ahas para tuksuhin ka.” Hindi sinumbatan ni Jehova si Eba nang ganoon. Ito ay dahil ang mga tao ay nilikha ng Diyos, at alam Niya kung ano ang kanilang likas na mga kapabilidad at kung ano ang itinutulot ng mga ito na gawin ng mga tao, kung hanggang saan kayang kontrolin ng mga tao ang kanilang sarili, at kung gaano kalaki ang maaaring makamit ng mga tao. Alam na alam ng Diyos ang lahat ng ito. Ang pagtrato ng Diyos sa isang tao ay hindi kasingsimple ng inaakala ng mga tao. Ang saloobin ng Diyos sa isang tao—kung gusto Niya ito, tutol dito, o kinasusuklaman ito—ay pangunahing nakabatay sa saloobin ng taong iyon sa katotohanan. Anuman ang sabihin ng isang tao sa anumang konteksto, sinisiyasat at nauunawaan ito ng Diyos, dahil sinisiyasat ng Diyos ang puso at diwa ng tao. Palaging naniniwala ang mga tao: “Taglay ng Diyos ang pagka-Diyos lang. Siya ay matuwid at hindi nalalabag ng tao. Hindi Niya isinasaalang-alang ang mga paghihirap ng tao o inilalagay ang Kanyang sarili sa kanilang kalagayan. Kung lalabanan ng isang tao ang Diyos, parurusahan Niya ito.” Hindi talaga ganoon ang mga bagay-bagay. Kung ganoon ang pagkaunawa ng mga tao sa gawain ng Diyos, sa Kanyang mga prinsipyo sa pagtrato sa mga tao, at sa Kanyang pagiging matuwid, isa itong malubhang pagkakamali. Ang pagtatakda ng Diyos sa kalalabasan ng bawat tao ay hindi batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, kundi sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Susuklian Niya ang bawat tao ayon sa kanilang nagawa. Matuwid ang Diyos, at sa malao’t madali, gagawin Niyang lubos na kumbinsido ang lahat ng tao.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Sinasabi ng mga tao na ang Diyos ay isang matuwid na Diyos, at hangga’t sinusunod Siya ng tao hanggang sa katapus-tapusan, tiyak na magiging patas Siya tungo sa tao, sapagkat Siya ang pinakamatuwid. Kung sinusunod Siya ng tao hanggang sa katapus-tapusan, kaya ba Niyang isantabi ang tao? Ako ay patas sa lahat ng tao, at hinahatulan ang lahat ng tao ayon sa Aking matuwid na disposisyon, gayunman mayroong akmang mga kondisyon sa mga hinihingi Ko sa tao, at iyong Aking hinihingi ay dapat na matupad ng lahat ng tao, maging sinuman sila. Wala Akong pakialam kung ano ang mga kalipikasyon mo, o kung gaano katagal mo nang taglay ang mga ito; ang pinahahalagahan Ko lamang ay kung sinusunod mo ang Aking daan, at kung umiibig ka at nauuhaw para sa katotohanan o hindi. Kung ikaw ay kulang sa katotohanan, at sa halip nagdadala ng kahihiyan sa Aking pangalan, at hindi kumikilos ayon sa Aking daan, sumusunod lamang nang walang pakialam o malasakit, kung gayon sa sandaling iyon ay hahampasin kita at parurusahan dahil sa iyong kasamaan, at ano nga ang masasabi mo sa panahong iyon? Masasabi mo bang ang Diyos ay hindi matuwid? Kung nakasunod ka sa mga salita na Aking sinabi ngayon, kung gayon ikaw ang uri ng taong Aking sinasang-ayunan. Sinasabi mo na ikaw ay laging nagdurusa habang sumusunod sa Diyos, na nakasunod ka sa Kanya sa kabila ng mga bagyo, at naibahagi sa Kanya ang mga pagkakataong mabubuti at ang masasama, ngunit hindi mo naisabuhay ang mga salitang winika ng Diyos; ninanais mo lamang na magparoo’t parito para sa Diyos at gugulin ang sarili para sa Diyos bawat araw, at kailanman ay hindi naisip na isabuhay ang isang buhay na makabuluhan. Sinasabi mo rin, “Ano’t anuman, naniniwala ako na ang Diyos ay matuwid. Nagdurusa ako para sa Kanya, nagparoo’t parito para sa Kanya, at inilalaan ko ang aking sarili sa Kanya, at kahit na wala akong anumang nakakamit, nagsusumikap ako; tiyak na tatandaan Niya ako.” Totoo na ang Diyos ay matuwid, gayunman ang pagiging matuwid na ito ay walang bahid ng anumang karumihan: Wala itong taglay na kalooban ng tao, at hindi nabahiran ng laman, o ng pantaong transaksyon. Ang lahat ng mapanghimagsik at lumalaban, ang lahat ng hindi nakaayon sa Kanyang daan, ay parurusahan; walang pinatatawad, at walang ititira! May ilang tao na nagsasabi, “Ngayon ay nagpaparoo’t parito ako para sa Iyo; kapag dumating ang katapusan, maaari Mo ba akong bigyan ng munting pagpapala?” Kaya tinatanong kita, “Nakatupad ka ba sa Aking mga salita?” Ang pagiging matuwid na iyong sinasalita ay nakasalig sa isang transaksyon. Iniisip mo lamang na Ako ay matuwid at patas sa lahat ng tao, at ang lahat ng sumusunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan ay siguradong maliligtas at makakamtan ang Aking mga pagpapala. Mayroong panloob na kahulugan ang Aking mga salita na “lahat ng sumusunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan ay tiyak na maliligtas”: Lahat ng sumusunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan ay silang mga lubos Kong makakamtan, sila iyong, pagkatapos Kong malupig, ay hinahanap ang katotohanan at ginagawang perpekto. Anong mga kondisyon ang iyong natamo? Ang nakamit mo lamang ay pagsunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan, ngunit bukod doon ay ano pa? Ikaw ba ay nakasunod sa Aking mga salita? Natupad mo ang isa sa Aking limang hinihingi, gayunman ay wala kang intensyon na tuparin ang natitirang apat. Natagpuan mo ang pinakasimple, pinakamadaling landas, at hinangad ito nang may saloobin na umaasa lamang na maging mapalad. Sa gayong tao na katulad mo ang Aking matuwid na disposisyon ay isang disposisyon ng pagkastigo at paghatol, ito ay isa ng matuwid na pagganti, at ito ay ang matuwid na kaparusahan sa lahat ng taong gumagawa ng masama; ang lahat ng hindi sumusunod sa Aking daan ay tiyak na parurusahan, kahit na sila ay sumunod hanggang sa katapus-tapusan. Ito ang pagiging matuwid ng Diyos. Kapag ang ganitong matuwid na disposisyon ay inihayag sa kaparusahan sa tao, ang tao ay matitigilan, at nakadarama ng panghihinayang na, habang sinusunod ang Diyos, hindi siya sumunod sa Kanyang daan. “Noong panahong iyon, nagdusa lamang ako nang kaunti habang sumusunod sa Diyos, ngunit hindi ko sinunod ang daan ng Diyos. Ano ang mga maidadahilan? Wala nang ibang pagpipilian kundi ang makastigo!” Gayunman sa kanyang isipan siya ay nag-iisip, “Ano’t anuman, nakasunod naman ako sa Iyo hanggang sa katapus-tapusan, kaya kahit na kastiguhin Mo ako, hindi ito magiging matinding pagkastigo, at pagkatapos akong makastigo, nanaisin Mo pa rin ako. Alam kong matuwid Ka, at hindi Mo ako pakikitunguhan nang gayon magpakailanman. Sa kabila ng lahat, hindi ako katulad ng mga lilipulin; iyong mga lilipulin ay makatatanggap ng matinding pagkastigo, samantalang ang aking pagkastigo ay magiging mas magaan.” Ang matuwid na disposisyon ay hindi gaya ng iyong sinabi. Hindi ito ang kaso na iyong mabubuti sa pag-amin ng kanilang mga kasalanan ay pinakikitunguhan nang maluwag. Ang pagiging matuwid ay kabanalan, at isang disposisyon na hindi nalalabag ng tao, at lahat ng marumi at hindi nabago ay ang tampulan ng pagkasuklam ng Diyos. Ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi batas, kundi atas administratibo: Ito ay atas administratibo sa kaharian, at ang atas administratibong ito ay ang matuwid na kaparusahan sa sinumang hindi nagtataglay ng katotohanan at hindi nababago, at walang palugit para sa kaligtasan. Sapagkat kapag ang bawat tao ay mabubukod-bukod ayon sa kanilang uri, ang mabuti ay gagantimpalaan at ang masama ay parurusahan. Iyon ang panahon na ang hantungan ng tao ay mabubunyag; ito ang panahon na ang gawain ng pagliligtas ay darating sa katapusan, pagkatapos niyon, ang gawain ng pagliligtas sa tao ay hindi na gagawin, at ang paghihiganti ay ilalapat sa bawat isa sa mga gumagawa ng kasamaan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
Dapat lubos na maunawaan ng isang tao ang pagmamahal at pagiging matuwid ng Diyos at dapat niyang maipaliwanag at maarok ang mga ito batay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Higit pa riyan, dapat ding pagdaanan ng isang tao ang tunay na karanasan at makamtan ang kaliwanagan ng Diyos para tunay niyang makilala ang pagmamahal at pagiging matuwid ng Diyos. Hindi dapat sukatin ng isang tao ang pagmamahal at pagiging matuwid ng Diyos batay sa kanyang mga kuru-kuro at imahinasyon. Ayon sa mga kuru-kuro ng tao, ginagantimpalaan ang mabubuti at pinaparusahan ang masasama, sinusuklian ng kabutihan ang mabubuting tao at sinusuklian ng kasamaan ang masasamang tao, at ang mga taong hindi gumagawa ng masama ay dapat pagkalooban ng kabutihan at makatanggap ng mga pagpapala. Tila ba ipinapakita nito na ang lahat ng tao na hindi masama ay dapat suklian ng kabutihan. Ito ang pagiging matuwid ng Diyos. Hindi ba’t ito ang kuru-kuro ng mga tao? Kung hindi sila pagkalooban ng kabutihan, sasabihin mo bang hindi matuwid ang Diyos? Halimbawa, noong kapanahunan ni Noe, sinabi ng Diyos kay Noe: “Ang wakas ng lahat ng laman ay dumating sa harap Ko; sapagkat ang lupa ay napuno ng karahasan dahil sa kanila; at, narito, sila’y Aking lilipuling kalakip ng lupa” (Genesis 6:13). Pagkatapos ay inutusan Niya si Noe na gawin ang arka. Pagkatapos tanggapin ni Noe ang atas ng Diyos at gawin ang arka, bumuhos sa mundo ang malakas na ulan sa loob ng apatnapung araw at gabi, nalubog ang buong mundo sa baha at, maliban kay Noe at sa pitong miyembro ng kanyang pamilya na sumakay sa arka, nilipol ng Diyos ang lahat ng tao sa kapanahunang iyon. Ano ang tingin mo rito? Masasabi mo bang hindi mapagmahal ang Diyos? Para sa mga tao, gaano man katiwali ang sangkatauhan, basta’t lilipulin sila ng Diyos, ibig sabihin nito ay hindi Siya mapagmahal. Tama ba ito? Hindi ba’t katawa-tawa ito? Hindi minahal ng Diyos ang mga taong nilipol Niya, pero masasabi mo ba na hindi Niya minahal iyong mga nabuhay at iyong mga nakatamo ng Kanyang pagliligtas? Buong-pusong minahal ni Pedro ang Diyos at minahal ng Diyos si Pedro—masasabi mo bang hindi mapagmahal ang Diyos? Mahal ng Diyos ang mga tunay na nagmamahal sa Kanya at kinamumuhian at sinusumpa Niya ang mga taong lumalaban sa Kanya at nagmamatigas na tumatangging magsisi. Ang Diyos ay mayroong pagmamahal at pagkamuhi. Ito ay totoo. Hindi dapat limitahan o husgahan ng mga tao ang Diyos ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila, dahil ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng sangkatauhan, ibig sabihin, ang kanilang mga paraan ng pagtingin sa mga bagay-bagay, ay walang anumang katotohanan. Dapat makilala ng isang tao ang Diyos batay sa Kanyang saloobin sa tao, sa Kanyang disposisyon at diwa. Hinding-hindi dapat subukan ng isang tao na limitahan kung anong diwa ang mayroon ang Diyos batay sa mga anyo ng mga bagay na ginagawa at tinutugunan ng Diyos. Napakalalim na nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan na talagang hindi nila alam ang kalikasang diwa ng tiwaling sangkatauhan, lalo na kung ano talaga ang tiwaling sangkatauhan sa harap ng Diyos, o kung paano sila dapat tratuhin ayon sa Kanyang matuwid na disposisyon. Gawing halimbawa si Job, siya ay isang matuwid na tao at pinagpala siya ng Diyos. Ito ang katuwiran ng Diyos. Nakipagpustahan si Satanas kay Jehova: “Natatakot ba nang walang kabuluhan si Job sa diyos? Hindi mo ba kinulong siya, at ang kanyang sambahayan, at ang lahat niyang tinatangkilik, sa bawat dako? Iyong pinagpala ang gawa ng kanyang mga kamay, at ang kanyang pag-aari ay dumami sa lupain. Ngunit pagbuhatan mo siya ng Iyong kamay ngayon, at galawin mo ang lahat niyang tinatangkilik, at susumpain ka niya ng mukhaan” (Job 1:9–11). Sinabi ng Diyos na si Jehova, “Lahat niyang tinatangkilik ay nasa iyong kapangyarihan; siya lamang ang huwag mong pagbuhatan ng iyong kamay” (Job 1:12). Kaya’t nagpunta si Satanas kay Job at inatake at tinukso si Job, at naharap si Job sa mga pagsubok. Ang lahat ng mayroon siya ay kinuha sa kanya—nawala ang kanyang mga anak at pag-aari, at ang kanyang buong katawan ay nabalot ng pigsa. Kumatawan ba sa matuwid na disposisyon ng Diyos ang mga pagsubok kay Job? Hindi ninyo masabi nang malinaw, hindi ba? Kahit na ikaw ay isang matuwid na tao, mayroong karapatan ang Diyos na isailalim ka sa mga pagsubok, at idulot na magpatotoo ka sa Kanya. Ang disposisyon ng Diyos ay matuwid; pantay-pantay ang pagtrato Niya sa lahat. Hindi naman totoo na ang mga taong matuwid ay hindi na kailangang sumailalim sa mga pagsubok dahil kaya nilang tiisin ang mga ito o na dapat protektahan ang mga taong matuwid. Hindi ganoon iyon. May karapatan ang Diyos na isailalim ang matutuwid na tao sa mga pagsubok. Ito ang paghahayag ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Sa huli, matapos na si Job ay sumailalim sa mga pagsubok at nagpatotoo siya kay Jehova, pinagpala siya ni Jehova nang higit pa kaysa dati, nang mas mainam pa nga kaysa dati, at dinoble ng Diyos ang mga pagpapalang ibinigay sa kanya. Bukod dito, nagpakita sa kanya si Jehova at kinausap siya mula sa hangin, at nakita ni Job ang Diyos na tila kaharap niya ang Diyos. Isa itong pagpapalang ibinigay sa kanya ng Diyos. Ito ang katuwiran ng Diyos. Paano kung matapos sumailalim si Job sa mga pagsubok at nakita ni Jehova kung paano nagpatotoo si Job sa Kanya sa presensya ni Satanas at ipinahiya ni Job si Satanas, ay tumalikod na si Jehova at binalewala Niya si Job, at hindi tumanggap si Job ng mga pinagpala pagkatapos—magkakaroon ba ito ng katuwiran ng Diyos? Pinagpala man si Job pagkatapos ng mga pagsubok o hindi, o kung si Jehova ay nagpakita man sa kanya o hindi, naglalaman ito ng mabuting layunin ng Diyos. Ang pagpapakita kay Job ay pagiging matuwid ng Diyos, at ang hindi pagpapakita sa kanya ay pagiging matuwid din ng Diyos. Sa anong batayan ka—na isang nilikha—may mga kahingian sa Diyos? Ang mga tao ay hindi kalipikado na magkaroon ng mga kahingian sa Diyos. Wala nang mas hindi makatwiran pa kaysa sa paggawa ng mga kahingian sa Diyos. Gagawin Niya ang dapat Niyang gawin, at matuwid ang Kanyang disposisyon. Ang katuwiran ay walang kinalaman sa pagiging patas o makatwiran; hindi ito egalitaryanismo, o pagbibigay sa iyo ng nararapat sa iyo para sa iyong gawain, o pagbabayad sa iyo para sa anumang gawaing natapos mo, o pagbibigay sa iyo ng nararapat sa iyo ayon sa kung gaano ka nagsisikap. Hindi ito pagiging matuwid, pagiging patas at makatwiran lamang ito. Kakaunting tao lamang ang may kakayahang makilala ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Ipagpalagay na nilipol ng Diyos si Job matapos magpatotoo sa Kanya si Job: Magiging matuwid ba ito? Sa katunayan, oo. Bakit ito tinatawag na pagiging matuwid? Ano ang tingin ng mga tao sa pagiging matuwid? Kung ang isang bagay ay nakaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, napakadali para sa kanila ang sabihin na matuwid ang Diyos; gayunman, kung hindi nila nakikita ang isang bagay bilang naaayon sa kanilang mga kuru-kuro—kung ito ay isang bagay na hindi nila kayang unawain—mahihirapan silang sabihin na matuwid ang Diyos. Kung nilipol ng Diyos si Job noon, hindi sasabihin ng mga tao na Siya ay matuwid. Ang totoo, hindi alintana kung ang mga tao man ay nagawang tiwali o hindi, at kung lubos man silang nagawang tiwali o hindi, kailangan bang bigyang-katwiran ng Diyos ang Kanyang sarili kapag nilipol Niya sila? Kailangan ba Niyang ipaliwanag sa mga tao kung sa anong batayan Niya ginagawa ito? Dapat bang sabihin ng Diyos sa mga tao ang mga kautusan na inorden Niya? Hindi na kinakailangan. Sa paningin ng Diyos, ang isang taong tiwali at malamang na lumaban sa Diyos ay walang anumang silbi; paano man siya pakikitunguhan ng Diyos ay magiging angkop, at lahat ito ay ayon sa mga pagsasaayos ng Diyos. Kung hindi ka naging kalugod-lugod sa mga mata ng Diyos, at kung sabihin Niya na wala ka nang silbi sa Kanya pagkatapos ng iyong patotoo kaya winasak ka, ito ba ay pagiging matuwid Niya? Ganoon din ito. Maaaring hindi mo pa ito maunawaan sa ngayon mula sa perspektiba ng mga katunayan, ngunit dapat mo itong maunawaan sa doktrina. Ano ang sasabihin ninyo—ang pagwasak ba ng Diyos kay Satanas ay isang pagpapahayag ng Kanyang pagiging matuwid? (Oo.) Paano kung tinulutan Niyang manatili si Satanas? Hindi na kayo mangangahas na sabihin iyon, tama ba? Ang diwa ng Diyos ay pagiging matuwid. Bagama’t hindi madaling maunawaan ang Kanyang ginagawa, matuwid ang lahat ng Kanyang ginagawa; hindi lamang talaga ito nauunawaan ng mga tao. Nang ibigay ng Diyos si Pedro kay Satanas, paano tumugon si Pedro? “Hindi maarok ng sangkatauhan ang Iyong ginagawa, ngunit lahat ng Iyong ginagawa ay kinapapalooban ng Iyong mabubuting layunin; mayroong katuwiran sa lahat ng iyon. Paanong hindi ko pupurihin ang Iyong karunungan at mga gawa?” Dapat makita ninyo na ngayon na ang dahilan kaya hindi pinupuksa ng Diyos si Satanas sa panahon ng Kanyang pagliligtas sa tao ay para maaaring makita nang malinaw ng mga tao kung paano sila nagawang tiwali ni Satanas at kung gaano sila nito nagawang tiwali, at kung paano sila dinadalisay at inililigtas ng Diyos. Sa huli, kapag naunawaan na ng mga tao ang katotohanan at malinaw nang nakita ang nakakapangilabot na hitsura ni Satanas, at namasdan ang napakalaking kasalanan ng pagtitiwali sa kanila ni Satanas, pupuksain ng Diyos si Satanas, ipapakita sa kanila ang Kanyang pagiging matuwid. Ang panahon ng pagkawasak ni Satanas ay naglalaman ng disposisyon at karunungan ng Diyos. Lahat ng ginagawa ng Diyos ay matuwid. Bagama’t maaaring hindi ito maintindihan ng mga tao, hindi sila dapat manghusga nang basta-basta. Kung may ginagawa Siya na mukhang hindi makatwiran para sa mga tao, o kung mayroon silang anumang mga kuru-kuro tungkol doon, at pagkatapos ay sinasabi nila na hindi Siya matuwid, masyado silang hindi makatwiran. Kita mo, nakita rin ni Pedro ang ilang bagay na hindi maarok, ngunit sigurado siya na naroon ang karunungan ng Diyos at nasa mga bagay na iyon ang mabubuting layunin ng Diyos, na hindi maarok ng mga tao ang mga iyon, at na mayroong napakakaunting mga bagay na kaya nilang maarok. Sa gayon, hindi madaling makilala ang disposisyon ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Ang awa Ko ay ipinapahayag sa mga nagmamahal sa Akin at tumatalikod sa kanilang mga sarili. Samantala, ang kaparusahang sumasapit sa masama ay mismong patunay ng matuwid na disposisyon Ko at, higit pa, patotoo sa poot Ko. Kapag sumapit ang sakuna, lahat ng sumasalungat sa Akin ay mananangis habang sila’y binibiktima ng taggutom at salot. Silang sumunod sa Akin sa loob ng maraming taon pero nakagawa ng lahat ng uri ng masamang gawa, ay hindi makatatakas sa pagbabayad para sa kanilang mga kasalanan; sila rin ay mahuhulog sa sakuna, na ang katulad ay bihirang nakita sa loob ng milyon-milyong taon, at mamumuhay sila na palaging may sindak at takot. At yaong mga tagasunod Ko na nakapagpakita na ng lubos na katapatan sa Akin ay magagalak at papalakpak, pinupuri ang kapangyarihan Ko. Mararanasan nila ang isang di-mailarawang lagay ng loob ng kaligayahang walang inaalala at mabubuhay sila sa gitna ng kagalakang kailanman ay hindi Ko pa naipagkaloob sa sangkatauhan. Dahil itinuturing Kong yaman ang mabubuting gawa ng tao at kinapopootan ang kanyang masasamang gawa. Mula nang una Kong simulang pangunahan ang sangkatauhan, masugid na Akong umaasa na makamit ang isang grupo ng mga taong kaisa Ko ng isipan. Samantala, hindi Ko kailanman nalilimutan yaong mga hindi Ko kaisa ng isipan; palagi Ko silang kinamumuhian sa puso Ko, hinihintay ang pagkakataong mapanagot sila sa kanilang masasamang gawa, na ikalulugod Kong makita. Ngayon ay dumating na sa wakas ang araw Ko, at hindi Ko na kailangan pang maghintay!
Ang huling gawain Ko ay hindi lamang alang-alang sa pagpaparusa sa tao, kundi alang-alang din sa pag-aayos ng destinasyon ng tao. Higit pa rito, ito ay alang-alang sa pagdulot sa lahat ng tao na kilalanin ang mga gawa at mga kilos Ko. Ipapakita Ko sa bawat tao na ang lahat ng nagawa Ko ay tama at isang pagpapahayag ng disposisyon Ko, na hindi ito kagagawan ng tao, at lalong hindi ito kalikasan na nagluwal sa sangkatauhan, at na sa halip ay Ako ang nagbibigay-sustansya sa lahat ng nabubuhay na nilalang sa gitna ng lahat ng bagay. Kung wala ang pag-iral Ko, mamamatay lamang ang sangkatauhan at pagdurusahan ang hagupit ng kapahamakan. Walang tao ang kailanman ay makikitang muli ang napakarikit na araw at buwan, o ang luntiang mundo; tanging madilim at malamig na gabi lamang ang sasapitin ng sangkatauhan at ang di-matatakasang lambak ng anino ng kamatayan. Ako lamang ang katubusan ng sangkatauhan. Ako lamang ang pag-asa ng sangkatauhan at, higit pa rito, Ako ang Siya kung saan nakasalalay ang pag-iral ng lahat ng sangkatauhan. Kung wala Ako, agad na hihinto ang sangkatauhan, kung wala Ako, magdurusa lang ng masaklap na kalamidad at yuyurakan ng lahat ng uri ng mga multo ang sangkatauhan, bagaman walang nagbibigay ng pansin sa Akin. Nakagawa na Ako ng gawaing walang ibang sinumang makagagawa, at umaasa lamang na mababayaran Ako ng tao ng ilang mabubuting gawa. Bagaman iilan lamang ang nagagawang makabayad sa Akin, tatapusin Ko pa rin ang paglalakbay Ko sa mundo ng tao at sisimulan ang susunod na hakbang ng gawain na malapit nang maganap, sapagkat ang lahat ng nagmamadaling paroo’t parito Ko sa gitna ng tao nitong maraming taon ay naging mabunga, at napakanasisiyahan Ako. Ang pinahahalagahan Ko ay hindi ang bilang ng mga tao, kundi ang mabubuti nilang gawa. Gayunman, umaasa Akong naghahanda kayo ng sapat na mabubuting gawa para sa patutunguhan ninyo. Kung gayon ay malulugod Ako; kung hindi, wala sa inyong makatatakas sa daluyong ng sakuna. Magmumula sa Akin ang sakuna at mangyari pa ay pinapamatnugutan Ko. Kung hindi kayo lilitaw bilang mabuti sa paningin Ko, hindi ninyo matatakasang pagdusahan ang sakuna.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan
Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan
Ang Diyos ay Napakamatuwid
Nang Alisin ang mga Magulang Ko sa Iglesia
Kaugnay na mga Himno
Ang Paghatol ng Diyos ay Ganap nang Naihayag
Matuwid na Disposisyon ng Diyos ay Malinaw at Makatotohanan
Ang Matuwid na Disposisyon ng Diyos ay Natatangi
Ang Diyos ay Sagana sa Awa at Malalim ang Poot
Ang Disposisyon ng Diyos ay Maawain at Mapagmahal, at Higit na Mahalaga, Matuwid at Maharlika