23. Paano manindigan sa patotoo sa panahon ng mga pagsubok
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Kinakailangan sa pananampalataya sa Diyos ang pagpapasakop sa Kanya at pagdanas ng Kanyang gawain. Napakalaki ng nagawa ng Diyos—masasabi na para sa mga tao lahat ng ito ay pagpeperpekto, pagpipino, at bukod pa rito, pagkastigo. Wala pa ni isang hakbang ng gawain ng Diyos na nakaayon sa mga kuru-kuro ng tao; ang natamasa ng mga tao ay ang mahihigpit na salita ng Diyos. Kapag pumarito ang Diyos, dapat matamasa ng mga tao ang Kanyang pagiging maharlika at Kanyang poot. Gayunman, gaano man kabagsik ang Kanyang mga salita, pumaparito Siya para iligtas at gawing perpekto ang tao. Bilang mga nilikha, dapat tuparin ng mga tao ang mga tungkuling dapat nilang tuparin, at manindigan sila sa kanilang patotoo sa Diyos sa gitna ng pagpipino. Sa bawat pagsubok dapat nilang panindigan ang pagpapatotoong dapat nilang gawin, at magbigay ng matunog na patotoo para sa Diyos. Ang isang taong gumagawa nito ay isang mananagumpay. Paano ka man pinuhin ng Diyos, dapat manatili kang puno ng pananalig at hindi nawawalan ng pananalig sa Kanya. Dapat mong gawin ang dapat gawin ng tao. Hinihingi ng Diyos ang mga bagay na ito sa tao nang sa gayon ay magagawa ng puso ng tao na lubos na bumalik sa Kanya at bumaling sa Kanya sa bawat sandali. Ito ay isang mananagumpay. Ang mga tinutukoy ng Diyos bilang “mga mananagumpay” ay mga taong kaya pa ring manindigan sa kanilang patotoo, magpanatili ng kanilang pananalig at ng kanilang katapatan sa Diyos, at anuman ang mangyari, magpanatili ng isang dalisay na puso sa harap ng Diyos at magpanatili ng kanilang tunay na pagmamahal sa Diyos, habang nasa ilalim ng impluwensiya ni Satanas at habang kinukubkob ni Satanas—ibig sabihin, habang nasa gitna sila ng mga puwersa ng kadiliman. Sa ganitong paraan, nakapanindigan sila sa kanilang patotoo sa harap ng Diyos. Ang gayong mga tao ang mga tinutukoy ng Diyos bilang “mga mananagumpay.” Kung napakaganda ng iyong paghahangad kapag pinagpapala ka ng Diyos, ngunit umuurong ka kapag wala ang Kanyang mga pagpapala, kadalisayan ba ito? Yamang nakatitiyak ka na ito ang tunay na daan, kailangan mo itong sundan hanggang sa dulo; kailangan mong panatilihin ang iyong katapatan sa Diyos. Yamang nakita mo na ang Diyos ay naparito sa lupa upang personal na gawin kang perpekto, dapat mong ibigay nang lubusan ang iyong puso sa Kanya. Kung, anuman ang gawin ng Diyos—marahil ay bibigyan ka ng isang hindi kanais-nais na kinalabasan sa pinakahuli—kaya mo pa ring sumunod sa Kanya, nangangahulugan ito na napanatili mo ang iyong kadalisayan sa harap ng Diyos. Ang pag-aalay ng isang banal na espirituwal na katawan at isang dalisay na birhen sa Diyos, na nabanggit na, ay nangangahulugang pagpapanatili ng isang sinserong puso sa harap ng Diyos. Ang sinseridad ng tao ay kadalisayan, at ang mga kayang maging sinsero sa Diyos ay napanatili ang kadalisayan. Ito ang dapat mong isagawa. Kapag dapat kang manalangin, manalangin ka; kapag dapat kang makitipon sa pagbabahaginan, gawin mo iyon; kapag dapat kang umawit ng mga himno, umawit ka ng mga himno; at kapag dapat kang maghimagsik laban sa laman, maghimagsik ka laban sa laman. Kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, hindi mo ito iniraraos lang; kapag nahaharap ka sa mga pagsubok, naninindigan ka. Ito ay katapatan sa Diyos. Kung hindi mo panghahawakan ang dapat gawin ng mga tao, lahat ng dati mong pinagdusahan at mga ipinasya ay nawalan ng saysay.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Debosyon sa Diyos
Ang matunog na magpatotoo para sa Diyos, sa pangunahin, ay may kaugnayan sa kung mayroon o wala kang pagkaunawa sa praktikal na Diyos, at kung nagagawa mong magpasakop o hindi sa harap ng taong ito na hindi lamang karaniwan, kundi normal, at magpasakop kahit hanggang kamatayan. Kung ikaw, sa pamamagitan ng pagpapasakop na ito, ay tunay na nagpapatotoo para sa Diyos, ibig sabihin niyan ay nakamit ka ng Diyos. Kung makakapagpasakop ka hanggang kamatayan, at sa Kanyang harapan, hindi magrereklamo, hindi manghuhusga, hindi maninirang-puri, wala kang anumang mga kuru-kuro, at wala kang anumang mga lihim na motibo, sa ganitong paraan ay magtatamo ng kaluwalhatian ang Diyos. Ang pagpapasakop sa harap ng isang karaniwang tao na hinahamak ng tao, at nagagawang magpasakop hanggang kamatayan nang walang anumang mga kuru-kuro—ito ay tunay na patotoo. Ang realidad na hinihingi ng Diyos na pasukin ng mga tao ay na nagagawa mong magpasakop sa Kanyang mga salita, isagawa ang mga ito, yumuko sa harap ng praktikal na Diyos at makilala ang sarili mong katiwalian, buksan ang iyong puso sa Kanyang harapan, at, sa bandang huli, makamit Niya sa pamamagitan ng mga salita Niyang ito. Nagtatamo ng kaluwalhatian ang Diyos kapag nilulupig ka ng mga pagbigkas na ito at idinudulot na lubos kang magpasakop sa Kanya; sa pamamagitan nito, hinihiya Niya si Satanas at kinukumpleto ang Kanyang gawain. Kapag wala kang anumang mga kuru-kuro tungkol sa pagiging praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao—ibig sabihin, kapag nakapanindigan ka sa pagsubok na ito—mahusay kang nagpatotoo rito. Kung dumating ang araw na magkaroon ka ng lubos na pagkilala sa praktikal na Diyos at kaya mong magpasakop hanggang kamatayan kagaya ni Pedro, makakamit ka ng Diyos at magagawa ka Niyang perpekto. Anumang ginagawa ng Diyos na hindi nakaayon sa iyong mga kuru-kuro ay isang pagsubok para sa iyo. Kung ang gawain ng Diyos ay nakaayon sa iyong mga kuru-kuro, hindi ka na kailangang magdusa o mapino. Ito ay dahil sa ang Kanyang gawain ay napaka-praktikal at hindi nakaayon sa iyong mga kuru-kuro kaya kailangan mong pakawalan ang mga kuru-kurong iyon. Kaya nga ito ay isang pagsubok para sa iyo. Dahil sa pagiging praktikal ng Diyos kaya lahat ng tao ay nasa gitna ng mga pagsubok; ang Kanyang gawain ay praktikal, hindi higit sa karaniwan. Sa pamamagitan ng lubos na pag-unawa sa Kanyang praktikal na mga salita at Kanyang praktikal na mga pagbigkas nang walang anumang mga kuru-kuro, at sa tunay na pagmamahal sa Kanya habang lalo pang nagiging praktikal ang Kanyang gawain, makakamit ka Niya. Ang grupo ng mga tao na makakamit ng Diyos ay yaong mga nakakikilala sa Diyos; ibig sabihin, yaong mga nakakaunawa sa Kanyang pagiging praktikal. Bukod pa riyan, sila yaong mga nagagawang magpasakop sa praktikal na gawain ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Tunay na Nagmamahal sa Diyos ay Yaong mga Talagang Nagpapasakop sa Kanyang Pagiging Praktikal
Ano ba talaga ang tunay na patotoo? Ang patotoong binabanggit dito ay may dalawang bahagi: Ang isa ay patotoo ng pagkalupig, at ang isa pa ay patotoo na nagawa na siyang perpekto (na, natural, ay magiging patotoo kasunod ng malalaking pagsubok at kapighatian sa hinaharap). Sa madaling salita, kung kaya mong manindigan sa oras ng mga kapighatian at pagsubok, nakapagbigay kana ng pangalawang hakbang ng patotoo. Ang pinakamahalaga ngayon ay ang unang hakbang ng patotoo: magawang manindigan sa bawat pagkakataon ng mga pagsubok ng pagkastigo at paghatol. Ito ang patotoo na nalupig na ang isang tao. Iyon ay dahil ngayon ang panahon ng paglupig. (Dapat mong malaman na ngayon ang panahon ng gawain ng Diyos sa lupa; ang pangunahing gawain ng Diyos na nagkatawang-tao sa lupa ay ang paglupig sa grupo ng mga taong ito sa lupa na sumusunod sa Kanya sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo.) Kung may kakayahan ka o wala na magpatotoo na nalupig ka na ay nakasalalay hindi lamang sa kung nakakasunod ka hanggang sa pinakahuli, kundi, ang mas mahalaga, kung kaya mo, habang dinaranas mo ang bawat hakbang ng gawain ng Diyos, na tunay na maunawaan ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, at kung tunay mong nahihiwatigan ang lahat ng gawaing ito. Hindi ka makakalusot sa pagsunod lamang hanggang sa huli. Kailangan ay handa kang sumuko sa bawat pagkakataon ng pagkastigo at paghatol, kailangang may kakayahan kang tunay na maunawaan ang bawat hakbang ng gawaing nararanasan mo, at kailangan mong magtamo ng kaalaman, at pagpapasakop sa disposisyon ng Diyos. Ito ang huling patotoo ng pagkalupig, na kailangan mong ibigay. Ang patotoo ng pagkalupig ay pangunahing tumutukoy sa iyong kaalaman tungkol sa pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang mahalaga, ang hakbang na ito ng patotoo ay sa pagkakatawang-tao ng Diyos. Hindi mahalaga kung ano ang iyong ginagawa o sinasabi sa harap ng mga tao sa mundo o sa yaong mga may kapangyarihan; ang pinakamahalaga sa lahat ay kung nagagawa mong magpasakop sa lahat ng salitang nagmumula sa bibig ng Diyos at lahat ng Kanyang gawain. Kung gayon, ang hakbang na ito ng patotoo ay nakadirekta kay Satanas at sa lahat ng kaaway ng Diyos—ang mga demonyo at mga mapanlaban na hindi naniniwala na ang Diyos ay magkakatawang-tao sa ikalawang pagkakataon at darating upang gumawa ng mas dakilang gawain, at bukod pa roon, hindi naniniwala sa katunayan ng pagbabalik ng Diyos sa katawang-tao. Sa madaling salita, nakadirekta ito sa lahat ng anticristo—lahat ng kaaway na hindi naniniwala sa pagkakatawang-tao ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa (4)
Ang huling hakbang ng patotoo ay ang patotoo ng kung magagawa ka bang perpekto o hindi—na ang ibig sabihin, matapos mong maarok ang lahat ng salitang nagmumula sa bibig ng Diyos na nagkatawang-tao, nag-aangkin ka ng kaalaman tungkol sa Diyos at nakatitiyak ka tungkol sa Kanya, isinasabuhay mo ang lahat ng salitang nagmumula sa bibig ng Diyos, at nagagawa ang mga kondisyong hinihiling sa iyo ng Diyos—ang estilo ni Pedro at pananalig ni Job—kaya nakakapagpasakop ka hanggang kamatayan, naibibigay mo nang lubusan ang iyong sarili sa Kanya, at sa huli ay nakakamtan ang larawan ng isang taong pasok sa pamantayan, na ibig sabihin ay ang larawan ng isang taong nalupig na at nagawang perpekto matapos danasin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. Ito ang pangwakas na patotoo—ito ang patotoong dapat ibigay ng isang taong nagawang perpekto sa huli. Ito ang dalawang hakbang ng patotoo na dapat mong ibigay, at magkaugnay ang mga ito, bawat isa ay kailangang-kailangan. Ngunit may isang bagay na kailangan mong malaman: Ang patotoong hinihingi ko sa iyo ngayon ay hindi nakadirekta sa mga tao sa mundo, ni hindi sa sinumang indibidwal, kundi tungkol sa hinihingi Ko sa iyo. Nasusukat ito sa kung napapalugod mo ba Ako, at kung nagagawa mo bang lubos na tugunan ang Aking mga hinihinging pamantayan para sa bawat isa sa inyo. Ito ang dapat ninyong maunawaan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa (4)
Sumasailalim ka sa mga pagsubok ni Job, kasabay nito, ay sumasailalim ka rin sa mga pagsubok ni Pedro. Noong sinubok si Job, nanindigan siya sa kanyang patotoo, at sa huli, nagpakita sa kanya si Jehova. Pagkatapos niyang manindigan sa kanyang patotoo, saka lamang siya naging karapat-dapat na makita ang mukha ng Diyos. Bakit sinabing: “Nagtatago Ako mula sa lupain ng karumihan ngunit nagpapakita Ako sa banal na kaharian”? Ibig sabihin nito ay kapag ikaw ay pinabanal at naninindigan sa iyong patotoo, saka ka lamang magkakaroon ng dignidad na makita ang mukha ng Diyos. Kung hindi ka makakapanindigan sa iyong patotoo, wala kang dignidad para makita ang Kanyang mukha. Kung aatras ka o magrereklamo laban sa Diyos sa harap ng mga pagpipino, sa gayon ay bigo kang makapanindigan sa iyong patotoo at nagiging katatawanan ka ni Satanas, hindi mo makakamtan ang pagpapakita ng Diyos. Kung katulad ka ni Job, na sa gitna ng mga pagsubok ay isinumpa ang kanyang sariling laman, pero hindi nagreklamo laban sa Diyos, at nagawang kamuhian ang kanyang sariling laman nang hindi nagrereklamo o nagkakasala sa pamamagitan ng kanyang mga salita, makakapanindigan ka sa iyong patotoo. Kapag sumasailalim ka sa mga pagpipino sa isang antas at kaya mong maging katulad ni Job, na lubos na mapagpasakop sa harap ng Diyos at walang ibang mga hinihingi sa Kanya o sarili mong mga kuru-kuro, magpapakita sa iyo ang Diyos. Ngayon ay hindi nagpapakita sa iyo ang Diyos dahil napakarami mong sariling mga kuru-kuro, personal na pagkiling, makasariling kaisipan, indibidwal na hinihingi at interes ng laman, at hindi ka karapat-dapat na makita ang Kanyang mukha. Kung makikita mo ang Diyos, susukatin mo Siya sa pamamagitan ng iyong sariling mga kuru-kuro, at dahil doon, ipapako mo Siya sa krus. Kung maraming bagay ang sumasapit sa iyo na hindi nakaayon sa iyong mga kuru-kuro ngunit nagagawa mong isantabi ang mga iyon at magtamo ng pagkakilala sa mga kilos ng Diyos mula sa mga bagay na ito, at kung sa gitna ng mga pagpipino ay ipinapakita mo ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso, ito ay paninindigan sa iyong patotoo.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Iyong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino
Ang pananalig, at pagpapasakop ni Job, at ang kanyang patotoo sa pagtatagumpay laban kay Satanas ay pinagkukunan ng malaking tulong at lakas ng loob ng mga tao. Kay Job, sila ay nakakakita ng pag-asa para sa kanilang sariling kaligtasan, at nakita nila na sa pamamagitan ng pananalig, at pagpapasakop at takot sa Diyos, ganap na posibleng talunin si Satanas at manaig laban kay Satanas. Nakikita nila na hangga’t nagpapasakop sila sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at taglay nila ang determinasyon at pananalig na hindi itakwil ang Diyos matapos na mawala sa kanila ang lahat, maaari silang magdala ng kahihiyan at pagkatalo kay Satanas, at kailangan lamang nilang taglayin ang determinasyon at tiyaga upang manindigan sa kanilang patotoo—kahit na ito ay nangangahulugan ng pagkawala ng kanilang mga buhay—upang maduwag at umurong nang mabilis si Satanas. Ang patotoo ni Job ay isang babala sa mga sumusunod na henerasyon, at ang babalang ito ay nagsasabi sa kanila na kung hindi nila tatalunin si Satanas, hindi nila kailanman magagawang makawala sa mga paratang at panggugulo sa kanila ni Satanas, at hindi rin nila kailanman magagawang makatakas sa pang-aabuso at pag-aatake ni Satanas. Ang patotoo ni Job ay nagbigay ng kaliwanagan sa mga sumunod na henerasyon. Itinuturo ng kaliwanagang ito sa mga tao na kung sila ay perpekto at matuwid, saka lamang nila magagawang magkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan; itinuturo nito sa kanila na kapag sila ay may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan, saka lamang nila makakayanang magkaroon ng malakas at matunog na patotoo sa Diyos; kapag sila ay may malakas at matunog na patotoo sa Diyos, saka lamang sila kailanman hindi na makokontrol ni Satanas at mabubuhay sa ilalim ng paggabay at pag-iingat ng Diyos—at doon lamang sila tunay na nailigtas. Ang personalidad ni Job at ang hinangad niya sa kanyang buhay ay dapat tularan ng lahat ng naghahangad ng kaligtasan. Ang kanyang isinabuhay sa kanyang buong buhay at ang kanyang asal sa panahon ng kanyang mga pagsubok ay isang mahalagang kayamanan para sa lahat ng sumusunod sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II
Kung nais mong makapanindigan sa hinaharap, mas bigyang-kasiyahan ang Diyos, at sumunod sa Kanya hanggang sa pinakawakas, kailangan mong bumuo ngayon ng isang matatag na pundasyon. Dapat mong bigyang-kasiyahan ang Diyos sa pamamagitan ng pagsasagawa ng katotohanan sa lahat ng bagay, at isaalang-alang ang Kanyang mga layunin. Kung lagi kang nagsasagawa sa ganitong paraan, magkakaroon ng pundasyon sa kalooban mo, at pupukawin sa iyo ng Diyos ang isang pusong nagmamahal sa Kanya, at bibigyan ka Niya ng pananalig. Isang araw, kapag tunay na dumating sa iyo ang isang pagsubok, maaari kang magdusa ng kaunting sakit at medyo mabagabag, at magdusa ng matinding dalamhati, na para bang ikaw ay namatay—ngunit ang iyong pagmamahal sa Diyos ay hindi magbabago, at magiging mas malalim pa nga. Ganyan ang mga pagpapala ng Diyos. Kung nagagawa mong tanggapin ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng Diyos ngayon nang may isang pusong nagpapasakop, tiyak na pagpapalain ka ng Diyos, at sa gayon magiging isa kang taong pinagpapala ng Diyos at tumatanggap ng Kanyang pangako. Kung ngayon ay hindi ka nagsasagawa, kapag dumating sa iyo ang mga pagsubok balang araw, mawawalan ka ng pananalig o mapagmahal na puso, at sa oras na iyon ang pagsubok ay magiging tukso; malulublob ka sa gitna ng panunukso ni Satanas at hindi magkakaroon ng paraan upang makatakas. Ngayon, maaaring kaya mong manindigan kapag dumarating sa iyo ang isang maliit na pagsubok, ngunit hindi nangangahulugang magagawa mong manindigan kapag dumating sa iyo ang isang malaking pagsubok balang araw. Ang ilang tao ay palalo at iniisip na malapit na silang maging perpekto. Kung hindi ka mas magpapakalalim sa nasabing mga pagkakataon, at mananatiling kampante, malalagay ka sa panganib. Ngayon, hindi ginagawa ng Diyos ang gawain ng mas matitinding pagsubok at tila maayos ang lahat, ngunit kapag sinubukan ka ng Diyos, matutuklasan mong masyado kang kulang, dahil masyadong mababa ang tayog mo at wala kang kakayahang magtiis ng matitinding pagsubok. Kung mananatili ka kung paano ka ngayon at hindi ka umuusad, babagsak ka pagdating ng mga pagsubok. Dapat ninyong tingnan nang madalas kung gaano kababa ang inyong tayog; sa ganitong paraan lamang kayo lalago. Kung sa mga panahon lamang ng pagsubok mo makikita na napakababa ng iyong tayog, na ang iyong tibay ng loob ay napakahina, na napakakaunti lamang sa loob mo ang tunay, at hindi ka sapat para sa mga layunin ng Diyos—kung saka mo lamang mapagtatanto ang mga bagay na ito, magiging huli na ang lahat.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananalig sa Diyos
Kung wala ang mga salita ng Diyos bilang iyong realidad, wala kang tunay na tayog. Pagdating ng panahon ng pagsubok, tiyak na babagsak ka, at pagkatapos ay mabubunyag ang iyong tunay na tayog. Ngunit yaong mga regular na naghahangad na pumasok sa realidad, kapag nahaharap sa mga pagsubok, ay nauunawaan ang layunin ng gawain ng Diyos. Ang isang taong may konsiyensya, at nauuhaw sa Diyos, ay dapat gumawa ng praktikal na pagkilos upang masuklian ang Diyos sa Kanyang pagmamahal. Yaong mga walang realidad ay hindi makakatayo nang matatag kahit sa harap ng walang-kuwentang mga bagay. Gayon ang pagkakaiba sa pagitan ng mga may tunay na tayog at ng mga wala. Bakit kaya, bagama’t sila ay kapwa kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, ay nagagawang tumayo nang matatag sa gitna ng mga pagsubok, samantalang ang iba ay tumatakas? Ang malinaw na pagkakaiba ay na walang tunay na tayog ang ilan; wala sa kanila ang mga salita ng Diyos upang magsilbing kanilang realidad, at ang Kanyang mga salita ay hindi nag-ugat sa kanilang kalooban. Kapag sinubukan na sila, narating na nila ang dulo ng kanilang landas. Kung gayon, bakit nagagawang manindigan ng ilan sa gitna ng mga pagsubok? Dahil ito sa nauunawaan nila ang katotohanan at mayroon silang isang pangitain, at nauunawaan nila ang mga layunin ng Diyos at ang Kanyang mga hinihingi, at sa gayon ay nagagawa nilang manindigan sa oras ng mga pagsubok. Ito ay tunay na tayog, at ito rin ay buhay. Maaari ding basahin ng ilan ang mga salita ng Diyos, ngunit hindi ito isinasagawa, hindi sineseryoso ang mga ito; yaong mga hindi sineseryoso ang mga ito ay hindi pinahahalagahan ang pagsasagawa. Yaong mga walang mga salita ng Diyos para magsilbing kanilang realidad ay yaong mga walang tunay na tayog, at ang gayong mga tao ay hindi makapanindigan nang matatag sa oras ng mga pagsubok.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita
Yamang nananampalataya ka sa Diyos, dapat mong isuko ang iyong puso sa harap ng Diyos. Kung ihahandog at ilalatag mo ang iyong puso sa harap ng Diyos, sa panahon ng pagpipino ay magiging imposible para sa iyo na ikaila ang Diyos, o iwan ang Diyos. Sa ganitong paraan ang iyong relasyon sa Diyos ay magiging lalong mas malapit, at lalong mas normal, at ang iyong pakikipagbahaginan sa Diyos ay magiging lalong mas madalas. Kung palagi kang nagsasagawa sa ganitong paraan, gugugol ka ng mas maraming panahon sa liwanag ng Diyos, at ng mas maraming panahon sa ilalim ng gabay ng Kanyang mga salita. Magkakaroon din ng higit pang mas maraming pagbabago sa iyong disposisyon, at ang iyong kaalaman ay madaragdagan araw-araw. Kapag dumating ang araw na ang mga pagsubok ng Diyos ay biglang sumapit sa iyo, hindi ka lamang makapaninindigan sa panig ng Diyos, ngunit magagawa mo ring magpatotoo sa Diyos. Sa panahong iyon, ikaw ay magiging kagaya ni Job, at ni Pedro. Sa pagpapatotoo sa Diyos iibigin mo Siya nang tunay, at magiging handa kang ialay ang iyong buhay para sa Kanya; ikaw ay magiging saksi ng Diyos, at ang siyang iniibig ng Diyos. Ang pag-ibig na nakaranas na ng pagpipino ay matatag, hindi marupok. Kailan man o paano ka man isinasailalim ng Diyos sa Kanyang mga pagsubok, nagagawa mong isantabi ang iyong mga pag-aalala kung mabubuhay ka ba o mamamatay, handang isantabi ang lahat para sa Diyos, at nagagalak na tiisin ang anuman para sa Diyos—sa ganitong paraan, magiging dalisay ang pag-ibig mo, at magkakaroon ng realidad ang iyong pananalig. Sa gayon ka lamang magiging isang tunay na iniibig ng Diyos, at isang tunay na nagawang perpekto na ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Magtaglay ang Tao ng Tunay na Pag-ibig
Habang sumasailalim sa mga pagsubok, normal sa mga tao ang manghina, na maging negatibo sa kalooban, na hindi maunawaan ang mga layunin ng Diyos, o hindi malinawan sa landas ng pagsasagawa. Ngunit sa anumang kaso, kailangan mong magkaroon ng pananalig sa gawain ng Diyos, at, tulad ni Job, huwag itanggi ang Diyos. Bagama’t mahina si Job at isinumpa ang araw ng kanyang sariling pagsilang, hindi niya itinanggi na lahat ng bagay na taglay ng mga tao pagkatapos silang ipanganak ay ipinagkaloob ni Jehova, at na si Jehova rin ang Siyang babawi sa mga ito. Anumang mga pagsubok ang pinagdaanan niya, pinanatili niya ang paniniwalang ito. Sa loob ng mga karanasan ng mga tao, anumang pagpipino ang pinagdaraanan nila mula sa mga salita ng Diyos, ang gusto ng Diyos sa pangkalahatan, ay ang kanilang pananalig at mapagmahal-sa-Diyos na mga puso. Ang Kanyang ginagawang perpekto sa pamamagitan ng paggawa sa ganitong paraan ay ang pananalig, pagmamahal, at determinasyon ng mga tao. Ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagpeperpekto sa mga tao, at hindi nila ito nakikita, hindi ito nahahawakan; sa gayong mga sitwasyon, kinakailangan ang pananalig. Kapag may isang bagay na hindi nakikita ng mata lamang, kinakailangan ang pananalig. Kapag hindi mo mabitiwan ang iyong sariling mga kuru-kuro, kinakailangan ang pananalig. Kapag hindi malinaw sa iyo ang gawain ng Diyos, kailangan mong magkaroon ng pananalig at tumayo nang matatag at manindigan sa iyong patotoo. Nang umabot si Job sa puntong ito, nagpakita sa kanya ang Diyos at nangusap sa kanya. Ibig sabihin, kapag may pananalig ka ay saka mo lamang makikita ang Diyos. Kapag mayroon kang pananalig, gagawin kang perpekto ng Diyos, at kung wala kang pananalig, hindi Niya ito magagawa. Ipagkakaloob sa iyo ng Diyos ang anumang inaasam mong makamtan. Kung wala kang pananaliga, hindi ka magagawang perpekto at hindi mo makikita ang mga kilos ng Diyos, lalo na ang Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat. Kapag, sa mga tunay mong karanasan, may pananalig kang makita ang Kanyang mga gawa, magpapakita sa iyo ang Diyos, at bibigyang-liwanag at gagabayan ka Niya sa iyong kalooban. Kung wala ang pananalig na iyon, hindi iyan magagawa ng Diyos. Kung nawala na ang pag-asa mo sa Diyos, paano mo mararanasan ang Kanyang gawain? Kung gayon, kapag lamang mayroon kang pananalig at hindi ka nagkikimkim ng mga pagdududa sa Diyos, kapag lamang mayroon kang tunay na pananalig sa Kanya anuman ang gawin Niya, saka ka Niya bibigyang-liwanag at tatanglawan sa iyong mga karanasan, at saka mo pa lamang makikita ang Kanyang mga kilos. Nakakamtan ang lahat ng ito sa pamamagitan ng pananalig. Ang pananalig ay dumarating lamang sa pamamagitan ng pagpipino, at kapag walang pagpipino, hindi magkakaroon ng pananalig. Ano ang tinutukoy ng pananalig? Ang pananalig ay ang tunay na paniniwala at tapat na pusong dapat taglayin ng mga tao kapag hindi nila nakikita o nahahawakan ang isang bagay, kapag ang gawain ng Diyos ay hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao, o kapag hindi ito kayang abutin ng tao. Ito ang pananalig na binabanggit Ko. Kailangan ng mga tao na magkaroon ng pananalig sa mga panahon ng pagdurusa at sa mga panahon ng pagpipino, at kapag may pananalig sila, sila pagkatapos, ay nahaharap sa pagpipino—hindi maaaring paghiwalayin ang pagpipino at pananalig. Kung paano man gumagawa ang Diyos, at anuman ang iyong kapaligiran, nagagawa mong hangarin ang buhay at hanapin ang katotohanan, hangarin ang kaalaman sa gawain ng Diyos, at hangarin na malaman ang Kanyang mga gawa, at nagagawa mong kumilos alinsunod sa katotohanan, ito ay pagkakaroon ng tunay na pananalig, at pinatutunayan nito na hindi ka nawalan ng pananalig sa Diyos. Kung, habang pinipino, nagagawa mong patuloy na hangarin ang katotohanan, tunay na mahalin ang Diyos, at hindi ka nagkakaroon ng mga pagdududa tungkol sa Kanya, at kung anuman ang ginagawa Niya ay isinasagawa mo pa rin ang katotohanan upang mapalugod Siya, at nagagawa mong hanapin ang Kanyang mga layunin sa kaibuturan mo at isaalang-alang ang Kanyang mga layunin, ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng tunay na pananalig sa Diyos. Noon, nang sinabi ng Diyos na mamumuno ka bilang isang hari, minahal mo Siya, at nang hayagan Siyang magpakita sa iyo, hinangad mo Siya. Ngunit ngayon ay nakatago ang Diyos, hindi mo Siya nakikita, at dumating sa iyo ang mga paghihirap—sa panahong ito, nawawalan ka ba ng pag-asa sa Diyos? Kaya nga, kailangan mong hangarin ang buhay at hangaring tugunan ang mga layunin ng Diyos sa lahat ng oras. Ang tawag dito ay tunay na pananalig, at ito ang pinakatunay at pinakamagandang uri ng pagmamahal.
Noong araw, lahat ng tao ay humaharap sa Diyos para gawin ang kanilang mga pagpapasya, at sinasabing: “Kahit wala nang ibang nagmamahal sa Diyos, kailangan ko Siyang mahalin.” Ngunit ngayon, sumasapit sa iyo ang pagpipino, at dahil hindi ito nakaayon sa iyong mga kuru-kuro, nawawalan ka ng pananalig sa Diyos. Tunay na pagmamahal ba ito? Nabasa mo na nang maraming beses ang mga gawa ni Job—nalimutan mo na ba ang mga iyon? Ang tunay na pagmamahal ay nabubuo lamang mula sa pananalig. Nagkakaroon ka ng tunay na pagmamahal para sa Diyos sa pamamagitan ng mga pagpipinong pinagdaraanan mo; sa iyong mga praktikal na karanasan, sa pamamagitan ng iyong pananalig mo nagagawang isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, at nagagawang maghimagsik laban sa iyong sariling laman at hangarin ang buhay—ito ang dapat gawin ng mga tao. Kung gagawin mo ito, makikita mo ang mga kilos ng Diyos, ngunit kung wala kang pananalig, hindi mo makikita ang mga kilos ng Diyos o mararanasan ang Kanyang gawain. Kung gusto mong gamitin at maperpekto ng Diyos, kailangan mong taglayin ang bawat aspekto ng katotohanan: ang determinasyong magdusa, pananalig, pagtitiis, pagpapasakop, at kakayahang hanapin ang katotohanan at maunawaan ang mga layunin ng Diyos, ang kakayahang maging mapagsaalang-alang sa Kanyang pighati at masisidhing layunin, at iba pa. Hindi madaling gawing perpekto ang isang tao, at bawat isang pagpipinong nararanasan mo ay nangangailangan ng iyong pananalig at pagmamahal. Kung gusto mong magawang perpekto ng Diyos, hindi sapat ang magpakaabala lamang, ni sapat ang gugulin lamang ang iyong sarili para sa Diyos. Kailangan mong magtaglay ng maraming bagay upang maging isang tao na ginawang perpekto ng Diyos. Kapag nahaharap ka sa pagdurusa, kailangan mong magawang hindi intindihin ang laman at huwag magreklamo laban sa Diyos. Kapag itinatago ng Diyos ang Kanyang Sarili mula sa iyo, kailangan mong magkaroon ng pananalig na sundan Siya, mapanatili ang iyong dating pagmamahal nang hindi hinahayaang manlamig o maglaho ito. Anuman ang gawin ng Diyos, kailangang hayaan mo Siyang mamatnugot ayon sa Kanyang kagustuhan, at sa halip ay sumpain ang iyong sariling laman kaysa magreklamo laban sa Kanya. Kapag nahaharap ka sa mga pagsubok, kailangan mong maging handang tiisin ang sakit ng pagbitiw sa mga bagay na minamahal mo, at maging handang humagulgol, upang mapalugod ang Diyos. Ito lamang ang tunay na pagmamahal at tunay na pananalig. Anuman ang aktuwal mong tayog, kailangan mo munang taglayin pareho ang determinasyong ito na magdusa at ang tunay na pananalig, at kailangan mo ring magkaroon ng determinasyong maghimagsik laban sa laman. Kahit na mangahulugan ito ng pagdurusa at pagdanas ng mga kawalan sa iyong personal na mga interes, dapat mong tugunan ang mga layunin ng Diyos. Dapat makaramdam ka rin ng pagsisisi sa puso mo: Noong araw, hindi mo nagawang mapalugod ang Diyos, at ngayon, kaya mo nang magsisi. Hindi ka dapat magkulang sa alinman sa mga aspektong ito—sa pamamagitan ng mga bagay na ito, gagawin kang perpekto ng Diyos. Kung hindi mo natutugunan ang mga kondisyong ito, hindi ka magagawang perpekto.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Iyong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino
Ang bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao sa panlabas ay mukhang pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga tao, na para bang mula sa pagsasaayos ng tao, o mula sa panggugulo ng tao. Ngunit sa likod ng bawat hakbang ng gawain, at lahat ng nangyayari, ay isang pustahan na ginawa ni Satanas sa harap ng Diyos, at hinihingi nito sa mga tao na manindigan sa kanilang patotoo para sa Diyos. Gaya nang si Job ay sinubok, halimbawa: Sa likod ng mga eksena, nakikipagpustahan si Satanas sa Diyos, at ang nangyari kay Job ay mga gawa ng mga tao, at ang panggugulo ng mga tao. Sa likod ng bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa inyo ay ang pakikipagpustahan ni Satanas sa Diyos—sa likod nito ay isang labanan. Halimbawa, kung ikaw ay may pagkiling tungo sa iyong mga kapatid, magkakaroon ka ng mga salita na nais mong sabihin—mga salita na sa pakiramdam mo ay maaaring hindi ikatuwa ng Diyos—ngunit kung hindi mo sasabihin ang mga ito, makararamdam ka ng paghihirap sa kalooban mo, at sa sandaling ito, magsisimula ang isang paglalaban sa kalooban mo: “Magsasalita ba ako o hindi?” Ito ang paglalaban. Kaya, sa lahat ng bagay na makatagpo mo ay may labanan, at kapag may labanan sa iyong kalooban, dahil sa iyong aktuwal na pakikipagtulungan at aktuwal na pagdurusa, gumagawa ang Diyos sa iyong kalooban. Sa huli, nagagawa mong isantabi sa kalooban mo ang pangyayari at ang galit ay likas na nawawala. Ganito ang epekto ng iyong pakikipagtulungan sa Diyos. Sa lahat ng ginagawa ng mga tao, kinakailangan ng partikular na dami ng dugo ng kanilang puso. Kung walang aktuwal na pagdurusa, hindi nila mabibigyang-kasiyahan ang Diyos; hindi man lamang sila nakakaabot sa pagbibigay-kasiyahan sa Diyos, at naglilitanya lamang sila ng mga hungkag na islogan! Mabibigyang-kasiyahan ba ng mga hungkag na islogang ito ang Diyos? Kapag naglalaban sa espirituwal na mundo ang Diyos at si Satanas, paano mo dapat bigyang-kasiyahan ang Diyos, at paano ka dapat manindigan sa iyong patotoo para sa Kanya? Dapat mong malaman na ang lahat ng nangyayari sa iyo ay isang malaking pagsubok at ang oras na kailangan ka ng Diyos na magpatotoo. Bagama’t maaaring mukhang hindi mahalaga ang mga ito sa panlabas, kapag nangyayari ang mga bagay na ito, ipinakikita ng mga ito kung mahal mo ba o hindi ang Diyos. Kung mahal mo, makakapanindigan ka sa iyong patotoo para sa Kanya, at kung hindi mo naisagawa ang pagmamahal sa Diyos, ipinapakita nito na ikaw ay hindi isang taong nagsasagawa ng katotohanan, na ikaw ay walang katotohanan, at walang buhay, na ikaw ay ipa! Sa lahat ng bagay na nangyayari sa mga tao, kailangan sila ng Diyos na manindigan sa kanilang pagpapatotoo sa Kanya. Bagama’t walang malaking nangyayari sa iyo sa sandaling ito at hindi ka lubos na nagpapatotoo, ang lahat ng detalye ng iyong pang-araw-araw na buhay ay nauugnay sa patotoo sa Diyos. Kung makakamit mo ang paghanga ng iyong mga kapatid, mga miyembro ng iyong pamilya, at lahat ng tao sa iyong paligid; kung, isang araw, dumating ang mga walang pananampalataya, at humanga sa lahat ng iyong ginagawa, at makitang ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay kahanga-hanga, nakapagpatotoo ka na. Kahit wala kang kabatiran at mababa ang iyong kakayahan, sa pamamagitan ng pagperpekto sa iyo ng Diyos, nagagawa mong bigyan Siya ng kasiyahan at isaalang-alang ang Kanyang mga layunin, na ipinapakita sa iba ang dakilang gawaing nagawa Niya sa mga tao na may pinakamabababang kakayahan. Kapag nakikilala ng mga tao ang Diyos at nagiging mga mananagumpay sila sa harap ni Satanas, na lubhang tapat sa Diyos, wala nang iba pang mas may tapang kaysa sa grupong ito ng mga tao, at ito ang pinakadakilang patotoo. Bagama’t hindi mo kayang gumawa ng dakilang gawain, kaya mong bigyang-kasiyahan ang Diyos. Hindi maisantabi ng iba ang kanilang mga kuru-kuro, ngunit kaya mo; hindi kaya ng iba na magpatotoo sa Diyos sa panahon ng kanilang aktuwal na mga karanasan, ngunit nagagamit mo ang iyong aktuwal na tayog at mga pagkilos upang suklian ang pagmamahal ng Diyos at magbigay ng matunog na patotoo sa Kanya. Ito lamang ang mabibilang na aktuwal na pagmamahal sa Diyos. Kung hindi mo ito kayang gawin, hindi ka nagpapatotoo sa mga miyembro ng iyong pamilya, sa iyong mga kapatid, o sa harap ng mga tao sa mundo. Kung hindi mo kayang magpatotoo sa harap ni Satanas, tatawanan ka ni Satanas, ituturing ka nito bilang isang katatawanan, bilang isang laruan, at madalas ka nitong gagawing hangal at guguluhin ang isip mo Sa hinaharap, maaaring dumating sa iyo ang malalaking pagsubok—pero ngayon, kung mahal mo ang Diyos nang may tunay na puso, at gaano man kalaki ang mga pagsubok na darating, anuman ang mangyari sa iyo, nagagawa mong manindigan sa iyong pagpapatotoo, at nagagawa mong bigyang-kasiyahan ang Diyos, kung gayon, pagiginhawahin ang iyong puso, at hindi ka matatakot gaano man kalaki ang mga pagsubok na iyong makakatagpo sa hinaharap. Hindi ninyo makikita kung ano ang mangyayari sa hinaharap; maaari lamang ninyong bigyang-kasiyahan ang Diyos sa mga kalagayan sa ngayon. Wala kayong kakayahang gumawa ng anumang dakilang gawain—dapat kayong tumuon sa pagbibigay-kasiyahan sa Diyos sa pamamagitan ng pagdanas ng Kanyang mga salita sa tunay na buhay, at dapat kayong magbigay ng malakas at matunog na patotoo at sa gayon ay magbigay-kahihiyan kay Satanas. Bagama’t mananatiling hindi nasisiyahan ang iyong laman at magdurusa, naghatid ka ng kasiyahan sa Diyos at nagdala ng kahihiyan kay Satanas. Kung lagi kang nagsasagawa sa ganitong paraan, magbubukas ang Diyos ng isang landas sa harap mo. Kapag, isang araw, dumating ang isang malaking pagsubok, babagsak ang iba, ngunit makatatayo ka nang matatag: Dahil sa halaga na iyong binayaran, poprotektahan ka ng Diyos upang matatag kang makatayo at hindi bumagsak. Kung sa karaniwan ay naisasagawa mo ang katotohanan at nabibigyang-kasiyahan ang Diyos nang may tunay na mapagmahal-sa-Diyos na puso, tiyak na poprotektahan ka ng Diyos sa mga pagsubok sa hinaharap. Bagama’t ikaw ay hangal, maliit ang tayog mo, at mahina ang kakayahan, hindi kikiling ang Diyos laban sa iyo. Depende ito sa kung ang iyong mga intensyon ay tama. Ipagpalagay na ngayon, nabibigyang-kasiyahan mo ang Diyos—metikuloso ka sa maliliit na detalye, at pinalulugod mo ang Diyos sa lahat ng bagay, mayroon kang tunay na mapagmahal-sa-Diyos na puso, ibinibigay mo ang tunay mong puso sa Diyos, at bagama’t may ilang bagay na hindi mo malinaw na makita, kaya mong lumapit sa Diyos upang maitama ang iyong mga intensyon, at hanapin ang mga layunin ng Diyos, at ginagawa mo ang lahat upang bigyang-kasiyahan ang Diyos. At bagama’t maaaring itakwil ka ng iyong mga kapatid, pinalulugod ng puso mo ang Diyos, at hindi mo iniimbot ang mga kasiyahan ng laman. Kung lagi kang nagsasagawa sa ganitong paraan, poprotektahan ka pagdating sa iyo ng malalaking pagsubok.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananalig sa Diyos
Para maranasan ng mga tao ang gawain ng Diyos, kailangan muna nilang maunawaan ang Kanyang kasalukuyang gawain at kung paano dapat makipagtulungan ang sangkatauhan. Tunay ngang ito ay isang bagay na dapat maunawaan ng lahat. Anuman ang gawin ng Diyos, pagpipino man iyon o kahit hindi Siya nagsasalita, wala ni isang hakbang ng gawain ng Diyos ang nakaayon sa mga kuru-kuro ng sangkatauhan. Bawat hakbang ng Kanyang gawain ay sumisira at lumalampas sa mga kuru-kuro ng mga tao. Ito ay Kanyang gawain. Ngunit kailangan mong maniwala na, dahil nakaabot na ang gawain ng Diyos sa isang tiyak na yugto, hindi Niya papatayin ang buong sangkatauhan anuman ang mangyari. Nagbibigay Siya kapwa ng mga pangako at mga pagpapala sa sangkatauhan, at lahat ng naghahangad sa Kanya ay makakamtan ang Kanyang mga pagpapala, ngunit iyong mga hindi ay ititiwalag ng Diyos. Nakasalalay ito sa iyong paghahangad. Ano’t anuman ang mangyari, kailangan mong maniwala na kapag nagwakas na ang gawain ng Diyos, bawat tao ay magkakaroon ng isang angkop na hantungan. Ang Diyos ay naglaan sa sangkatauhan ng magagandang adhikain, ngunit kung walang paghahangad ay hindi makakamit ang mga ito. Dapat mo nang magawang makita ito ngayon—ang pagpipino at pagkastigo ng Diyos sa mga tao ay Kanyang gawain, ngunit para sa mga tao, kailangan nilang hangaring baguhin ang kanilang disposisyon sa lahat ng oras. Sa iyong tunay na karanasan, kailangan mo munang malaman kung paano kumain at uminom ng mga salita ng Diyos; kailangan mong hanapin sa Kanyang mga salita kung ano ang dapat mong pasukin at ang sarili mong mga pagkukulang, dapat mong hangaring makapasok sa iyong tunay na karanasan, at kunin ang bahagi ng mga salita ng Diyos na dapat isagawa at subukang gawin iyon. Ang pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos ay isang aspekto. Bukod pa rito, ang buhay ng iglesia ay kailangan ding panatilihin, kailangan mong magkaroon ng isang normal na espirituwal na buhay, at kailangan mong magawang ipagkatiwala sa Diyos ang lahat ng iyong kasalukuyang kalagayan. Paano man magbago ang Kanyang gawain, dapat manatiling normal ang iyong espirituwal na buhay. Mapapanatili ng isang espirituwal na buhay ang iyong normal na pagpasok. Anuman ang gawin ng Diyos, dapat ay ipagpatuloy mo ang iyong espirituwal na buhay nang walang gambala at gampanan mo ang iyong tungkulin. Ito ang dapat gawin ng mga tao. Ito ay gawaing lahat ng Banal na Espiritu, ngunit samantalang para sa mga may normal na kalagayan ito ay pagpeperpekto, para sa mga may abnormal na kalagayan ito ay isang pagsubok. Sa kasalukuyang yugto ng gawaing pagpipino ng Banal na Espiritu, sinasabi ng ilang tao na napakadakila ng gawain ng Diyos at na talagang kailangan ng mga tao ng pagpipino, kung hindi ay magiging napakababa ng kanilang tayog at wala silang magiging paraan para matugunan ang mga layunin ng Diyos. Gayunman, para sa mga iyon na hindi maganda ang kalagayan, nagiging dahilan ito upang hindi hangarin ang Diyos, at dahilan upang huwag dumalo sa mga pagtitipon o kumain at uminom ng salita ng Diyos. Sa gawain ng Diyos, anuman ang gawin Niya o anumang mga pagbabago ang gawin Niya, sa pinakamababa, kailangang panatilihin ng mga tao ang isang normal na espirituwal na buhay. Marahil ay hindi ka naging maluwag sa kasalukuyang yugtong ito ng iyong espirituwal na buhay, ngunit wala ka pa ring gaanong natamo, at wala kang gaanong napala. Sa ganitong klaseng mga sitwasyon, kahit na panghawakan mo ang iyong espirituwal na buhay na para bang sumusunod ka sa isang regulasyon, kailangan mo pa rin itong panghawakan; kailangan mong sundin ang regulasyong ito upang hindi ka mawalan sa iyong buhay at upang matugunan mo ang mga layunin ng Diyos. Kung abnormal ang iyong espirituwal na buhay, hindi mo mauunawaan ang kasalukuyang gawain ng Diyos, at sa halip ay palagi mong madarama na ito ay lubos na hindi kaayon ng iyong mga kuru-kuro, at bagama’t handa kang sundan Siya, wala kang panloob na motibasyon. Kaya, anuman ang kasalukuyang ginagawa ng Diyos, kailangang makipagtulungan ang mga tao. Kung hindi makikipagtulungan ang mga tao, hindi magagawa ng Banal na Espiritu ang Kanyang gawain, at kung wala sa puso ng mga tao ang makipagtulungan, mahihirapan silang makamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Kung nais mong taglayin ang gawain ng Banal na Espiritu sa iyong kalooban, at kung nais mong makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, kailangan mong panatilihin ang iyong orihinal na katapatan sa harap ng Diyos. Ngayon, hindi mo kailangang magkaroon ng mas malalim na pagkaunawa, mas mataas na teorya, o iba pang gayong mga bagay—ang kailangan lamang ay panghawakan mo ang salita ng Diyos sa orihinal na pundasyon. Kung hindi nakikipagtulungan ang mga tao sa Diyos at hindi naghahangad ng mas malalim na pagpasok, kukunin ng Diyos ang lahat ng bagay na dating kanila. Sa kanilang kalooban, palaging nag-iimbot ang mga tao ng kariwasaan at mas gusto nilang tamasahin kung ano ang nariyan na. Nais nilang makamit ang mga pangako ng Diyos nang hindi nagbabayad ng anumang halaga. Ito ang maluluhong ideyang isinasaloob ng sangkatauhan. Ang pagkakamit ng buhay mismo nang hindi nagbabayad ng halaga—ngunit mayroon bang anumang bagay na naging ganito kadali? Kapag ang isang tao ay nananampalataya sa Diyos at naghahangad ng buhay pagpasok at naghahangad ng pagbabago sa kanilang disposisyon, kailangan nilang magbayad ng halaga at matamo ang isang kalagayan kung saan palagi nilang susundin ang Diyos, anuman ang Kanyang gawin. Ito ay isang bagay na kailangang gawin ng mga tao. Kahit sundin mo ang lahat ng ito bilang isang regulasyon, kailangan mong laging panindigan ito, at gaano man katindi ang mga pagsubok, hindi mo maaaring bitiwan ang iyong normal na kaugnayan sa Diyos. Dapat mong magawang manalangin, mapanatili ang iyong buhay iglesia, at hindi iwanan kailanman ang iyong mga kapatid. Kapag sinubok ka ng Diyos, dapat mo pa ring hanapin ang katotohanan. Ito ang pinakamaliit na kinakailangan para sa isang espirituwal na buhay. Ang palaging pagnanais na maghangad, at sikaping makipagtulungan, gamitin ang lahat ng iyong lakas—magagawa ba ito?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Debosyon sa Diyos
Anumang pagsubok ang sumapit sa iyo, kailangan mong ituring ito na isang pasaning bigay sa iyo ng Diyos. Halimbawa, ang ilang tao ay nagkakasakit nang malubha—hindi makayanan ang pasakit nila, at ang ilan ay nahaharap pa sa kamatayan. Paano nila dapat harapin ang ganitong uri ng sitwasyon? Sa maraming pagkakataon, ang mga pagsubok ng Diyos ay mga pasaning ibinibigay Niya sa mga tao. Gaano man kabigat ang pasaning inilagay sa iyo ng Diyos, iyan ang pasaning dapat mong buhatin, sapagkat nauunawaan ka ng Diyos, at alam Niyang kaya mong tiisin ito. Ang pasaning bigay sa iyo ng Diyos ay hindi hihigit sa iyong tayog o sa mga limitasyon ng iyong pagtitiis, at walang duda na makakayanan mong tiisin iyon. Anumang uri ng pasanin ang ibinibigay sa iyo ng Diyos, anumang uri ng pagsubok, tandaan mo ang isang bagay: Nauunawaan mo man o hindi ang mga layunin ng Diyos at binibigyang-liwanag at tinatanglawan ka man o hindi ng Banal na Espiritu pagkatapos mong manalangin, dinidisiplina o binabalaan ka man ng Diyos sa pagsubok na ito o hindi, hindi mahalaga kung hindi mo ito nauunawaan—basta’t hindi ka nagpapaliban sa paggawa ng iyong tungkulin at tapat mong napanghahawakan ang iyong tungkulin, malulugod ang Diyos, at maninindigan ka sa iyong patotoo. Habang nakikitang nagdurusa sila mula sa malubhang karamdaman at mamamatay na, iniisip ng ilang tao sa kanilang sarili: “Nagsimula akong manampalataya sa Diyos para maiwasan ang kamatayan—ngunit lumalabas na kahit pagkatapos ng maraming taong ito ng paggampan sa aking tungkulin, hahayaan Niya akong mamatay. Dapat kong pangasiwaan ang sarili kong kapakanan, gawin ang mga bagay na matagal ko nang gustong gawin, at tamasahin ang mga bagay na hindi ko pa natatamasa sa buhay. Maaari kong ipagpaliban ang aking tungkulin.” Anong saloobin ito? Ilang taon mo nang ginagawa ang iyong tungkulin, nakinig ka na sa lahat ng sermon na ito, at hindi mo pa rin nauunawaan ang katotohanan. Ibinabagsak ka, pinaluluhod ka, at inilalantad ka ng isang pagsubok. Karapat-dapat bang pangalagaan ng Diyos ang gayong tao? (Hindi siya karapat-dapat.) Ganap siyang walang katapatan. Kaya ano ang tawag sa tungkuling ilang taon na nilang ginagampanan? Tinatawag itong “pagtatrabaho,” at iginugugol lang nila ang kanilang sarili. Kung, sa iyong pananalig sa Diyos at paghahangad sa katotohanan, nasasabi mong, “Itulot man ng Diyos ang karamdaman o anumang hindi kaaya-ayang pangyayari na sumapit sa akin—anuman ang gawin ng Diyos—kailangan kong magpasakop, at manatili sa aking lugar bilang isang nilikha. Bago ang lahat, kailangan kong isagawa ang aspektong ito ng katotohanan—ang pagpapasakop—dapat ko itong ipatupad, at isabuhay ang realidad ng pagpapasakop sa Diyos. Bukod pa rito, hindi ko dapat isantabi ang inatas sa akin ng Diyos at ang tungkuling dapat kong gawin. Kahit sa aking huling hininga, kailangan kong panghawakan ang aking tungkulin,” hindi ba ito pagpapatotoo? Kapag mayroon kang ganitong uri ng determinasyon at ganitong uri ng kalagayan, magrereklamo ka pa rin ba tungkol sa Diyos? Hindi, hindi ka magrereklamo. Sa gayong pagkakataon, iisipin mo sa iyong sarili, “Ibinibigay sa akin ng Diyos ang hiningang ito, tinustusan at pinrotektahan Niya ako sa lahat ng taong ito, inilayo Niya ako sa labis na pasakit, binigyan ako ng maraming biyaya, at maraming katotohanan. Naunawaan ko na ang mga katotohanan at hiwaga na hindi naunawaan ng mga tao sa maraming henerasyon. Napakarami kong nakamit mula sa Diyos, kaya kailangan kong suklian ang Diyos! Dati-rati, mababa ang tayog ko, hindi ko alam ang mas makakabuti, at palagi akong gumagawa ng mga bagay na nakakasakit sa Diyos. Maaaring wala na akong mga pagkakataon para suklian ang Diyos sa hinaharap. Gaano man kahabang panahon ang natitira sa akin para mabuhay, kailangan kong ilaan ang kaunting lakas na mayroon ako, at ialay sa Diyos ang lahat ng aking makakaya, upang makita ng Diyos na lahat ng taon ng pagtustos Niya para sa akin ay hindi nawalan ng saysay, kundi nagkaroon ng bunga, at nang sa gayon ay makapaghatid ako ng kapanatagan sa Diyos, at hindi ko na Siya saktan o biguin.” Ano ang tingin mo roon? Huwag mong isipin kung paano iligtas ang sarili mo o tumakas, na iniisip, “Kailan gagaling ang karamdamang ito? Kapag gumaling ito, gagawin ko ang aking makakaya para gawin ang aking tungkulin at maging deboto. Paano ako magiging deboto kapag may karamdaman ako? Paano ko magagawa ang tungkulin ng isang nilikha?” Hangga’t mayroon kang isang hininga, hindi mo ba kayang gawin ang iyong tungkulin? Hangga’t mayroon kang isang hininga, kaya mo bang hindi magbigay ng kahihiyan sa Diyos? Hangga’t mayroon kang isang hininga, hangga’t matino ang iyong pag-iisip, kaya mo bang hindi magreklamo tungkol sa Diyos? (Oo.) Madaling sabihing “Oo” ngayon, pero kapag tunay na sumapit sa iyo ang karamdamang ito, sasabihin mong “Hindi ito madali.” Kaya, kailangan ninyong hangarin ang katotohanan, madalas na magsumikap sa katotohanan, at higit na pagnilayan kung paano mo matutugunan ang mga layunin ng Diyos, paano mo masusuklian ang pagmamahal ng Diyos, at paano mo matutupad ang tungkulin ng isang nilikha. Ano ang isang nilikha? Ang responsabilidad ba ng isang nilikha ay makinig lamang sa mga salita ng Diyos? Hindi—iyon ay para din isabuhay ang mga salita ng Diyos. Binigyan ka na ng Diyos ng napakaraming katotohanan, napakaraming daan, at napakaraming buhay, para maisabuhay mo ang mga bagay na ito, at magpatotoo ka para sa Kanya. Ito ang dapat gawin ng isang nilikha, at ito ang responsabilidad at obligasyon mo.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Madalas na Pagbabasa Lamang ng mga Salita ng Diyos at Pagninilay sa Katotohanan Maaaring Magkaroon ng Landas na Susundin
Sa bawat hakbang ng gawain ng Diyos, may isang paraan na dapat makipagtulungan ang mga tao. Pinipino ng Diyos ang mga tao upang magkaroon sila ng pananalig sa gitna ng mga pagpipino. Ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao upang magkaroon sila ng pananalig na magawang perpekto ng Diyos at maging handang tanggapin ang Kanyang mga pagpipino at mapungusan ng Diyos. Gumagawa ang Espiritu ng Diyos sa mga tao upang bigyan sila ng kaliwanagan at pagtanglaw, at upang makipagtulungan sila sa Kanya at magsagawa. Ang Diyos ay hindi nagsasalita sa mga oras ng pagpipino. Hindi Niya ipinaparinig ang Kanyang tinig, ngunit mayroon pa ring gawaing dapat gawin ang mga tao. Dapat mong panindigan ang natamo mo na, dapat mo pa ring magawang manalangin sa Diyos, maging malapit sa Diyos, at manindigan sa iyong patotoo sa harap ng Diyos; sa ganitong paraan magagampanan mo ang iyong tungkulin. Dapat makita ninyong lahat nang malinaw mula sa gawain ng Diyos na kinakailangan sa Kanyang mga pagsubok sa pananalig at pagmamahal ng mga tao na lalo pa silang manalangin sa Diyos, at na mas madalas nilang lasapin ang mga salita ng Diyos sa Kanyang harapan. Kung nililiwanagan ka ng Diyos at ipinauunawa sa iyo ang Kanyang mga layunin, subalit hindi ka naman nagsasagawa, wala kang mapapala. Kapag isinasagawa mo ang mga salita ng Diyos, dapat ay magawa mo pa ring manalangin sa Kanya, at kapag nilalasap mo ang Kanyang mga salita dapat kang humarap sa Kanya at maghangad at maging buo ang iyong pananalig sa Kanya, nang walang bahid ng pananamlay o panlalamig. Iyong mga hindi nagsasagawa ng mga salita ng Diyos ay masiglang-masigla sa mga oras ng pagtitipon, ngunit nalulugmok sa kadiliman pagkauwi nila. Mayroong ilan na ni ayaw man lang makipagtipon. Kaya, kailangan mong makita nang malinaw kung anong tungkulin ang dapat gampanan ng mga tao. Maaaring hindi mo alam kung ano talaga ang mga layunin ng Diyos, ngunit maaari mong gampanan ang iyong tungkulin, maaari kang manalangin kung kailan nararapat, maaari mong isagawa ang katotohanan kung kailan nararapat, at maaari mong gawin ang nararapat gawin ng mga tao. Maaari mong panindigan ang iyong orihinal na pangitain. Sa ganitong paraan, mas magagawa mong tanggapin ang susunod na hakbang ng gawain ng Diyos. Kapag tago ang paraan ng paggawa ng Diyos, problema iyan kung hindi ka maghahangad. Kapag Siya ay nagsasalita at nangangaral sa oras ng mga pagpupulong, masigasig kang nakikinig, ngunit kapag hindi Siya nagsasalita, wala kang sigla at umuurong ka. Anong klaseng tao ang kumikilos nang ganito? Ito ay isang taong sumusunod lamang sa karamihan. Wala silang paninindigan, walang patotoo, at walang pangitain! Ganito ang karamihan sa mga tao. Kung magpapatuloy ka sa gayong paraan, balang araw kapag nagkaroon ka ng matinding pagsubok, babagsak ka sa kaparusahan. Ang pagkakaroon ng paninindigan ay pinakamahalaga sa proseso ng pagperpekto ng Diyos sa mga tao. Kung wala kang duda sa anumang hakbang ng gawain ng Diyos, kung tinutupad mo ang tungkulin ng tao, kung tapat mong pinaninindigan ang ipinagagawa sa iyo ng Diyos, ibig sabihin, natatandaan mo ang mga panghihikayat ng Diyos, at anuman ang Kanyang gawin sa kasalukuyan ay hindi mo kinalilimutan ang Kanyang mga panghihikayat, kung wala kang duda tungkol sa Kanyang gawain, nananatili kang naninindigan, pinaninindigan mo ang iyong patotoo, at tagumpay ka sa bawat hakbang ng proseso, sa bandang huli ay gagawin kang perpekto ng Diyos at gagawin kang isang mananagumpay. Kung nagagawa mong manindigan sa bawat hakbang ng mga pagsubok ng Diyos, at kung kaya mo pa ring manindigan hanggang sa pinakahuli, ikaw ay isang mananagumpay, isa kang taong nagawa nang perpekto ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Debosyon sa Diyos
Noong siya ay kinakastigo ng Diyos, nanalangin si Pedro, “O Diyos! Ang aking laman ay mapaghimagsik, at kinakastigo Mo ako at hinahatulan ako. Ako ay nagagalak sa Iyong pagkastigo at paghatol, at kahit hindi Mo ako nais, sa Iyong paghatol ay nakikita ko ang Iyong banal at matuwid na disposisyon. Kapag hinahatulan Mo ako, upang makita ng iba ang Iyong matuwid na disposisyon sa Iyong paghatol, ako ay nasisiyahan. Sapat na ito kung ang paghatol Mo ay kayang ipahayag ang Iyong disposisyon at mapahihintulutan ang Iyong matuwid na disposisyon na makita ng lahat ng nilikha, at kung gagawin nitong mas dalisay ang aking puso na nagmamahal sa Iyo, upang makamit ko ang wangis ng isang taong matuwid. Mabuti ang paghatol Mong ito, dahil iyon ay ang Iyong mabuting layunin. Batid ko na marami pa rin sa akin ang mapaghimagsik, at na ako ay hindi pa rin nararapat na lumapit sa harap Mo. Nais kong ako ay mas hatulan Mo pa. Ilagay Mo man ako sa mga mapanlaban na kapaligiran o sa matitinding kapighatian, anuman ang gawin Mo, pinanghahawakan ko ito bilang napakahalaga. Ang Iyong pag-ibig ay napakalalim, at handa akong magpasailalim sa Iyong pamamatnugot nang walang kahit katiting na pagdaing.” Ito ang kaalaman ni Pedro pagkatapos niyang maranasan ang gawain ng Diyos, at ito rin ay isang patotoo sa kanyang pag-ibig sa Diyos. … Noong malapit na siyang mamatay, matapos siyang gawing perpekto, sinabi ni Pedro, “O Diyos! Kung ako ay mabubuhay ng ilan pang mga taon, nais kong magkamit ng mas higit na dalisay at higit na malalim na pag-ibig sa Iyo.” Noong siya ay ipapako na sa krus, nanalangin siya sa kanyang puso, “O Diyos! Ang Iyong panahon ay dumating na ngayon; ang panahong Iyong inihanda para sa akin ay dumating na. Ako ay dapat na maipako sa krus para sa Iyo, dapat akong magpatotoo sa Iyo, at umaasa ako na ang aking pag-ibig ay makatutugon sa Iyong mga hinihingi, at na ito ay mas magiging dalisay. Ngayon, ang mamatay para sa Iyo, at maipako sa krus para sa Iyo, ay nagbibigay ng kaginhawahan at katiyakan sa akin, sapagkat wala nang higit pang kasiya-siya sa akin kaysa sa mapako sa krus para sa Iyo at matugunan ang Iyong mga nais, at upang maibigay ang aking sarili sa Iyo, upang maialay ang aking buhay sa Iyo. O Diyos! Ikaw ay lubhang kaibig-ibig! Kung pahihintulutan Mo akong mabuhay, lalo pa akong magiging handang ibigin Ka. Habang ako ay nabubuhay, iibigin Kita. Nais kong ibigin Ka pa nang higit na malalim. Hinahatulan Mo ako, at kinakastigo at sinusubukan dahil ako ay hindi matuwid, dahil ako ay nagkasala. At ang Iyong matuwid na disposisyon ay nagiging higit na maliwanag sa akin. Ito ay isang pagpapala sa akin, sapagkat nagagawa kong ibigin Ka nang higit na malalim, at handa akong ibigin Ka sa ganitong paraan kahit na hindi Mo ako iniibig. Handa akong makita ang Iyong matuwid na disposisyon, sapagkat mas nagkakaroon ako ng kakayahan upang isabuhay ang isang makabuluhang buhay. Nararamdaman ko na ang buhay ko ngayon ay higit na may kabuluhan, sapagkat ipinapako ako sa krus dahil sa Iyo, at makabuluhan ang mamatay para sa Iyo. Gayon pa man hindi pa rin ako nakakaramdam ng kasiyahan, sapagkat lubhang kakaunti ang nalalaman ko tungkol sa Iyo, batid ko na hindi ko ganap na matutupad ang Iyong mga nais, at kakaunti lamang ang isinukli ko sa Iyo. Sa aking buhay, hindi ko nakayang ibalik ang buong sarili ko sa Iyo. Malayo pa ako roon. Habang nagbabalik-tanaw ako sa sandaling ito, nararamdaman ko ang lubhang pagkakautang ko sa Iyo, at ang sandaling ito lamang ang mayroon ako upang makabawi sa lahat ng pagkakamali ko at lahat ng pag-ibig na hindi ko naibalik sa Iyo.”
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
Ngayon, dapat mong mabatid kung paano malupig, at kung paano umaasal ang mga tao matapos silang malupig. Maaari mong sabihin na nalupig ka na, ngunit makakapagpasakop ka ba hanggang sa kamatayan? Kailangan mong magawang sumunod hanggang sa kahuli-hulihan mayroon ka man o walang anumang kinabukasan, at hindi ka dapat mawalan ng pananalig sa Diyos anuman ang kapaligiran. Sa huli, kailangan mong makamit ang dalawang aspekto ng patotoo: ang patotoo ni Job—pagpapasakop hanggang sa kamatayan; at ang patotoo ni Pedro—ang sukdulang pagmamahal sa Diyos. Sa isang banda, kailangan mong maging kagaya ni Job: nawala ang lahat ng kanyang materyal na ari-arian, at pinahirapan siya ng karamdaman ng katawan, subalit hindi niya tinalikuran ang pangalan ni Jehova. Ito ang patotoo ni Job. Nagawang mahalin ni Pedro ang Diyos hanggang kamatayan—nang hinarap niya ang kanyang kamatayan, minahal pa rin niya ang Diyos, nang siya ay ipinako sa krus, minahal pa rin niya ang Diyos. Hindi niya inisip ang sarili niyang kinabukasan o hinangad ang magagandang pag-asa o maluluhong saloobin, at hinangad lamang niyang mahalin ang Diyos at magpasakop sa lahat ng pagsasaayos ng Diyos. Iyan ang pamantayang kailangan mong maabot bago ka maituring na nagpatotoo, bago ka maging isang tao na nagawang perpekto matapos na malupig.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig (2)
Kaugnay na mga Extract ng Pelikula
Matapos Malamang May Kanser ang Kanyang Anak na Babae
Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan
Ang Ani na Nakamit sa Pamamagitan ng Karamdaman
Pagkatapos ng Pagpanaw ng Aking Asawa
Kaugnay na mga Himno
Kailangan ang Pananampalataya sa mga Pagsubok
Kailangan Mong Magpatotoo sa Diyos sa Lahat ng Bagay
Dapat Mong Makamit ang mga Patotoo nina Job at Pedro
Ang mga Mananagumpay ay ang mga Taong Nagbibigay ng Umaalingawngaw na Pagsaksi para sa Diyos