20. Paano danasin ang pag-uusig at mga pagdurusa

Mga Salita ng Diyos Mula sa Bibliya

“At huwag kayong mangatakot sa mga nagsisipatay ng katawan, datapuwat hindi nangakakapatay sa kaluluwa: kundi bagkus ang katakutan ninyo’y Siyang makapupuksa sa kaluluwa at sa katawan sa impiyerno” (Mateo 10:28).

“Ang nakasusumpong ng kanyang buhay ay mawawalan nito; at ang mawalan ng buhay dahil sa Akin ay makasusumpong niyaon” (Mateo 10:39).

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Bilang mga mananampalataya sa Diyos, dapat maunawaan ng bawat isa sa inyo ba tunay ninyong natamo ang sukdulang pagtataas at pagliligtas sa pamamagitan ng pagtanggap ngayon sa gawain ng Diyos sa mga huling araw at sa lahat ng gawain ng Kanyang plano na ginagawa Niya sa iyo. Ganap na itinuon ng Diyos ang gawain Niya sa sansinukob sa grupong ito ng mga tao. Isinakripisyo na Niya ang lahat ng dugo ng puso Niya para sa inyo; binawi at ibinigay na Niya sa inyo ang buong gawain ng Espiritu sa sansinukob. Ito ang dahilan kung bakit kayo ang mapapalad. Bukod pa rito, inilipat na Niya ang Kanyang kaluwalhatian mula sa Israel, ang Kanyang hinirang, patungo sa inyo, at lubos Niyang ipamamalas ang layunin ng Kanyang plano sa pamamagitan ng grupong ito. Samakatwid, kayo ang mga tatanggap ng pamana ng Diyos, at higit pa rito, kayo ang mga tagapagmana ng kaluwalhatian ng Diyos. Marahil ay naaalala ninyong lahat ang mga salitang ito: “Sapagkat ang magaan na pagdurusa na panandalian lamang ay naghahatid sa atin ng lalong dakila at walang hanggang kaluwalhatian.” Narinig na ninyong lahat dati ang mga salitang ito, subalit walang sinuman sa inyo ang nakaunawa sa tunay na kahulugan ng mga ito. Ngayon, lubos ninyong namamalayan ang tunay na kabuluhan ng mga ito. Ang mga salitang ito ay isasakatuparan ng Diyos sa mga huling araw, at matutupad doon sa mga malupit na inusig ng malaking pulang dragon sa lupain kung saan ito nakahimlay nang nakapulupot. Inuusig ng malaking pulang dragon ang Diyos at ito ang kaaway ng Diyos, kaya nga, ang mga tao sa lupaing ito ay sumasailalim sa pamamahiya at pang-uusig dahil sa pananampalataya nila sa Diyos, at natutupad ang mga salitang ito sa inyo, ang grupong ito ng mga tao, bilang resulta. Dahil isinasagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa isang lupain na kumokontra sa Diyos, ang lahat ng gawain Niya ay nahaharap sa malalaking balakid, at marami sa Kanyang mga salita ang hindi maisasakatuparan agad-agad; kaya, ang mga tao ay pinipino bilang resulta ng mga salita ng Diyos, na bahagi rin ng pagdurusa. Napakahirap para sa Diyos na isagawa ang Kanyang gawain sa lupain ng malaking pulang dragon, ngunit sa pamamagitan ng hirap na ito na ginagawa ng Diyos ang isang yugto ng gawain Niya, nang sa gayon ay maibunyag Niya ang Kanyang karunungan at mga kamangha-manghang gawa, at ginagamit ng Diyos ang pagkakataong ito upang gawing ganap ang grupong ito ng mga tao. Sa pamamagitan ng pagdurusa ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang kakayahan, at sa pamamagitan ng lahat ng satanikong disposisyon ng mga tao sa maruming lupaing ito na ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagdadalisay at paglupig, nang sa gayon, mula rito, magkakamit Siya ng kaluwalhatian at yaong mga nagpapatotoo sa Kanyang mga gawa. Ganoon ang buong kabuluhan ng lahat ng halagang ibinayad ng Diyos para sa grupong ito ng mga tao. Ibig sabihin, ginagawa ng Diyos ang gawain ng panlulupig sa pamamagitan ng mga kumokontra sa Kanya, at sa gayon lamang maibubunyag ang malaking kapangyarihan ng Diyos. Sa madaling salita, yaon lamang mga nasa maruming lupain ang karapat-dapat na magmana ng kaluwalhatian ng Diyos, at ito lamang ang makapagpapatingkad sa dakilang kapangyarihan ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit sa maruming lupain, at sa mga yaon na naninirahan doon, nakakamit ng Diyos ang kaluwalhatian—iyon ang layunin ng Diyos. Katulad lang ito ng yugto ng gawain ni Jesus: Maaari lamang Siyang magtamo ng kaluwalhatian sa gitna ng mga Pariseo na umusig sa Kanya; kung hindi sa pag-uusig ng mga Pariseo at sa pagkakanulo ni Hudas, hindi sana napagtawanan o nasiraang-puri si Jesus, lalong hindi sana Siya ipinako sa krus, at hindi sana Siya nagkamit ng kaluwalhatian. Kung saan gumagawa ang Diyos sa bawat kapanahunan, at kung saan Siya gumagawa ng Kanyang gawain sa katawang-tao, doon Siya nagkakamit ng kaluwalhatian at doon Niya nakakamit yaong mga nais Niyang makamtan. Ito ang plano ng gawain ng Diyos, at ito ang Kanyang pamamahala.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?

Kapag pormal Kong sinimulan ang Aking gawain, lahat ng tao ay gagalaw tulad ng Aking paggalaw, kaya magpapakaabala ang mga tao sa sansinukob kasama Ko, ang buong sansinukob ay nasa kalagayan ng “kagalakan,” at nauudyukan Kong sumulong ang tao. Dahil dito, maging ang malaking pulang dragon mismo ay napupunta sa kalagayan ng kawalang kaayusan at balisang nalilito dahil sa Akin, at nagseserbisyo ito sa Aking gawain, at, kahit ayaw nito, hindi nito magawang sundin ang sarili nitong mga pagnanais, bagkus ay wala itong mapagpilian kundi ang hayaan Ako na mamatnugot ayon sa gusto Ko. Sa lahat ng plano Ko, ang malaking pulang dragon ang Aking hambingan, Aking kaaway, pero ito rin ang Aking alipin; dahil dito, hindi Ko kailanman niluwagan ang Aking “mga hinihingi” rito. Samakatwid, ang huling yugto ng gawain ng Aking pagkakatawang-tao ay natatapos sa sambahayan nito—mas nakatutulong ito sa maayos na pagseserbisyo ng malaking pulang dragon sa Akin, at sa pamamagitan nito ay lulupigin Ko ito at tatapusin ang Aking plano.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 29

Ang Aking gawain sa grupo ng mga tao ng mga huling araw ay isang proyektong hindi pa kailanman nangyari, at sa gayon, upang mapuno ng Aking kaluwalhatian ang kalangitan, lahat ng tao ay dapat magdusa ng huling paghihirap para sa Akin. Nauunawaan mo ba ang Aking mga layunin? Ito ang huling hinihingi Ko sa tao, na ibig sabihin, umaasa Ako na lahat ng tao ay makapagpatotoo nang malakas at matunog sa Akin sa harap ng malaking pulang dragon, na maialay nila ang kanilang sarili sa Akin sa huling pagkakataon, at matupad ang Aking mga kinakailangan sa huling pagkakataon. Talaga bang magagawa ninyo ito? Hindi ninyo kinayang palugurin ang Aking puso noong araw—maaari kaya ninyong putulin ang huwarang ito sa huling pagkakataon? Binibigyan Ko ang mga tao ng pagkakataong magbulay-bulay; hinahayaan Ko silang magnilay-nilay na mabuti bago Ako sagutin sa huli—mali bang gawin ito? Hinihintay Ko ang tugon ng tao, hinihintay Ko ang kanyang “liham ng pagtugon”—mayroon ba kayong pananalig na tuparin ang Aking mga hinihingi?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 34

Sinabi na noon na ang mga taong ito ang anak ng malaking pulang dragon. Sa katunayan, upang maging malinaw, sila ang pagsasakatawan ng malaking pulang dragon. Kapag pinupuwersa sila ng Diyos tungo sa dulo ng daan at kinakatay sila, kung gayon—nang walang alinlangan—ang espiritu ng malaking pulang dragon ay wala nang pagkakataong gumawa sa kanila. Sa paraang ito, kapag naglalakad ang mga tao patungo sa dulo ng daan ay kung kailan din nagwawakas ang malaking pulang dragon sa kamatayan. Maaaring masabi na gumagamit ito ng kamatayan upang suklian ang “dakilang kabaitan” ng Diyos—na siyang layon ng gawain ng Diyos sa bansa ng malaking pulang dragon. Kapag handang isakripisyo ng mga tao ang kanilang mga buhay, ang lahat ng bagay ay nagiging balewala, at walang makalalamang sa kanila. Ano ang maaaring maging higit na mahalaga kaysa buhay? Sa ganitong paraan nawawalan si Satanas ng kakayahang gumawa pa sa mga tao, walang anumang magagawa ito sa tao. Bagaman sa pakahulugan ng “laman” ay sinasabi na ginawang tiwali ni Satanas ang laman, kung tunay na ibinibigay ng mga tao ang kanilang mga sarili, at hindi nahihimok ni Satanas, kung gayon walang sinuman ang makagagapi sa kanila—at sa sandaling ito, gagampanan ng laman ang isa pa nitong tungkulin, at magsisimulang opisyal na tanggapin ang patnubay ng Espiritu ng Diyos. Ito ay isang kinakailangang proseso, dapat itong mangyari nang isa-isang hakbang; kung hindi, hindi magkakaroon ang Diyos ng paraan para makagawa sa sutil na laman. Ganoon ang karunungan ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbubunyag sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob,” Kabanata 36

Kahit gaano pa “kalabis na makapangyarihan” si Satanas, kahit gaano pa ito kapangahas at kaambisyoso, gaano pa kalaki ang abilidad nito na magdulot ng pinsala, gaano pa kalawak ang mga kapabilidad nito na gawing tiwali at akitin ang tao, gaano pa katalino ang mga panlalansi at mga pakana nito sa pananakot nito sa tao, gaano pa kaiba-iba ang anyo ng pag-iral nito, hindi pa ito kailanman nakalikha ng kahit isang buhay na nilalang, hindi pa kailanman nakapagtakda ng mga batas at patakaran para sa pag-iral ng lahat ng bagay, at hindi pa kailanman nakapamahala o nagkaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa anumang bagay, may buhay man o wala. Sa loob ng kosmos at sa kalangitan, wala ni isang tao o bagay ang dinala sa buhay o na umiiral dahil dito; wala ni isang tao o bagay na nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan nito, o pinamamahalaan nito. Sa kabaligtaran, hindi lamang nito kailangang umiral sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos, kundi kailangan din nitong sumunod sa lahat ng utos at tuntunin ng Diyos. Kung walang pahintulot ang Diyos, hindi madali para kay Satanas na hipuin kahit na ang isang patak ng tubig o isang butil ng buhangin sa lupa; kung walang pahintulot ang Diyos, ni hindi magagalaw ni Satanas ang mga langgam sa lupa, lalo na ang sangkatauhan, na nilikha ng Diyos. Sa mga mata ng Diyos, mas mababa pa si Satanas sa mga liryo ng kabundukan, sa mga ibon na lumilipad sa himpapawid, sa mga isda sa karagatan, at sa mga uod sa lupa. Ang papel nito sa lahat ng bagay ay para pagsilbihan ang lahat ng bagay, para pagsilbihan ang sangkatauhan, at para pagsilbihan ang gawain ng Diyos at ang Kanyang plano ng pamamahala. Kahit gaano pa kamapaminsala ang kalikasan nito, at gaano man kabuktot ang diwa nito, ang tanging bagay na magagawa nito ay ang gampanan ang papel nito nang naaayon: nagseserbisyo sa Diyos—nagseserbisyo nang maayos bilang isang hambingan. Ito ang diwa at orihinal na kinatatayuan ni Satanas. Ang diwa nito ay walang kinalaman sa buhay, kapangyarihan, o awtoridad; laruan lamang ito sa mga kamay ng Diyos, isa lang makina na ginagamit ng Diyos para sa pagseserbisyo!

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I

Hindi ka dapat matakot sa ganito at ganyan; gaano man karaming hirap at panganib ang maaari mong harapin, dapat magawa mong manatiling matatag sa Aking harapan, hindi nahahadlangan ng anumang balakid, upang ang Aking kalooban ay maisagawa nang walang sagabal. Ito ang iyong tungkulin; kung hindi ay mapapasaiyo ang Aking poot, at gagawin Ko ito sa pamamagitan ng Aking kamay…. Pagkatapos ay magtitiis ka ng walang hanggang pagdurusa ng isipan. Kailangan mong tiisin ang lahat; para sa Akin, kailangan mong maging handang talikuran ang lahat at sumunod sa Akin gamit ang buong lakas mo, at maging handang magbayad ng anumang halaga. Ngayon ang panahon na susubukin kita: Ihahandog mo ba ang iyong katapatan sa Akin? Makasusunod ka ba sa Akin hanggang sa dulo ng daan nang may katapatan? Huwag matakot; Ako bilang iyong suporta, sino ang makakahadlang sa daang ito? Tandaan ito! Tandaan! Ang lahat ng bagay ay naglalaman ng Aking mabubuting layunin at nasa ilalim ng Aking pagsisiyasat. Sumusunod ba sa Aking salita ang bawat salita at gawa mo? Kapag ang mga pagsubok ng apoy ay sumapit sa iyo, luluhod ka ba at tatawag? O yuyukod ka ba at hindi na kakayaning sumulong?

Kailangan mong taglayin ang Aking katapangan sa iyong kalooban at kailangan mong magkaroon ng mga prinsipyo kapag humaharap ka sa mga di-nananampalatayang kamag-anak. Gayunman, para sa Akin, hindi ka rin dapat na sumuko sa kahit anong mga puwersa ng kadiliman. Dapat kang umasa sa Aking karunungan upang makalakad sa perpektong daan, at huwag hayaan ang mga pakikipagsabwatan ni Satanas na magtagumpay. Gawin ang lahat ng makakaya mo para ilagay ang puso mo sa harap Ko, at pagiginhawahin kita at bibigyan ka ng kapayapaan at kagalakan sa puso mo. Huwag mong isipin kung ano ang tinginsa iyo ng ibang tao; hindi ba’t mas mahalaga at matimbang ang bigyan Ako ng kasiyahan? Hindi ka ba higit na bibigyan nito ng walang-hanggan at panghabambuhay na kapayapaan at kaligayahan? Ang kasalukuyang pagdurusa mo ay indikasyon kung gaano kalaki ang iyong magiging mga pagpapala sa hinaharap; hindi kayang isalarawan ang mga ito. Hindi mo nalalaman kung gaano kalaki ang mga pagpapala na iyong makakamtan; hindi mo man lamang ito kayang pangarapin. Ngayon ang mga iyon ay nagkatotoo; talagang totoong-totoo! Hindi ito napakalayo—nakikita mo ba ito? Bawat huling himaymay nito ay nasa loob Ko; kay liwanag ng daan pasulong! Pahirin ang iyong mga luha, at huwag nang masaktan o magdalamhati. Ang lahat ng bagay ay isinasaayos ng Aking mga kamay, at ang Aking layunin ay ang gawin kayong mga mananagumpay at dalhin kayo sa kaluwalhatian kasama Ko. Dapat kang magkaroon ng ganitong uri ng pasasalamat at pagpuri; iyan ay magbibigay sa Akin ng malalim na kasiyahan.

Ang hindi pangkaraniwang buhay ni Cristo ay nagpakita na, wala kang dapat katakutan. Ang mga Satanas ay nasa ilalim ng ating mga paa, at hindi na magtatagal ang kanilang panahon. Gumising nang mabilis! Tumakas mula sa lugar na ito ng kahalayan; palayain ang iyong sarili mula sa bangin ng kamatayan! Maging tapat sa Akin anuman ang mangyari, at sumulong nang may katapangan; Ako ang iyong matibay na sandigan, kaya manalig sa Akin!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 10

Kung ang mga tao ay walang anumang pananalig, hindi madali para sa kanila na magpatuloy sa landas na ito. Nakikita ng lahat ngayon na ang gawain ng Diyos ay hindi umaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao kahit kaunti. Napakarami nang nagawa ng Diyos at bumigkas na Siya ng napakaraming salita, at bagama’t maaaring kilalanin ng mga tao na ang mga ito ay ang katotohanan, malamang pa ring lumitaw sa kanila ang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Kung nais ng mga tao na maunawaan ang katotohanan at makamit ito, dapat silang magkaroon ng pananalig at determinasyon, at magawa nilang manindigan sa nakita na nila at sa nakamit na nila mula sa kanilang mga karanasan. Anuman ang gawin ng Diyos sa mga tao, kailangan nilang panindigan ang taglay nila mismo, maging taos sa harap ng Diyos, at manatiling tapat sa Kanya hanggang sa pinakahuli. Ito ang tungkulin ng sangkatauhan. Kailangang panindigan ng mga tao iyong dapat nilang gawin. Kinakailangan sa pananampalataya sa Diyos ang pagpapasakop sa Kanya at pagdanas ng Kanyang gawain. Napakalaki ng nagawa ng Diyos—masasabi na para sa mga tao lahat ng ito ay pagpeperpekto, pagpipino, at bukod pa rito, pagkastigo. Wala pa ni isang hakbang ng gawain ng Diyos na nakaayon sa mga kuru-kuro ng tao; ang natamasa ng mga tao ay ang mahihigpit na salita ng Diyos. Kapag pumarito ang Diyos, dapat matamasa ng mga tao ang Kanyang pagiging maharlika at Kanyang poot. Gayunman, gaano man kabagsik ang Kanyang mga salita, pumaparito Siya para iligtas at gawing perpekto ang tao. Bilang mga nilikha, dapat tuparin ng mga tao ang mga tungkuling dapat nilang tuparin, at manindigan sila sa kanilang patotoo sa Diyos sa gitna ng pagpipino. Sa bawat pagsubok dapat nilang panindigan ang pagpapatotoong dapat nilang gawin, at magbigay ng matunog na patotoo para sa Diyos. Ang isang taong gumagawa nito ay isang mananagumpay. Paano ka man pinuhin ng Diyos, dapat manatili kang puno ng pananalig at hindi nawawalan ng pananalig sa Kanya. Dapat mong gawin ang dapat gawin ng tao. Hinihingi ng Diyos ang mga bagay na ito sa tao nang sa gayon ay magagawa ng puso ng tao na lubos na bumalik sa Kanya at bumaling sa Kanya sa bawat sandali. Ito ay isang mananagumpay. Ang mga tinutukoy ng Diyos bilang “mga mananagumpay” ay mga taong kaya pa ring manindigan sa kanilang patotoo, magpanatili ng kanilang pananalig at ng kanilang katapatan sa Diyos, at anuman ang mangyari, magpanatili ng isang dalisay na puso sa harap ng Diyos at magpanatili ng kanilang tunay na pagmamahal sa Diyos, habang nasa ilalim ng impluwensiya ni Satanas at habang kinukubkob ni Satanas—ibig sabihin, habang nasa gitna sila ng mga puwersa ng kadiliman. Sa ganitong paraan, nakapanindigan sila sa kanilang patotoo sa harap ng Diyos. Ang gayong mga tao ang mga tinutukoy ng Diyos bilang “mga mananagumpay.” Kung napakaganda ng iyong paghahangad kapag pinagpapala ka ng Diyos, ngunit umuurong ka kapag wala ang Kanyang mga pagpapala, kadalisayan ba ito? Yamang nakatitiyak ka na ito ang tunay na daan, kailangan mo itong sundan hanggang sa dulo; kailangan mong panatilihin ang iyong katapatan sa Diyos. Yamang nakita mo na ang Diyos ay naparito sa lupa upang personal na gawin kang perpekto, dapat mong ibigay nang lubusan ang iyong puso sa Kanya. Kung, anuman ang gawin ng Diyos—marahil ay bibigyan ka ng isang hindi kanais-nais na kinalabasan sa pinakahuli—kaya mo pa ring sumunod sa Kanya, nangangahulugan ito na napanatili mo ang iyong kadalisayan sa harap ng Diyos. Ang pag-aalay ng isang banal na espirituwal na katawan at isang dalisay na birhen sa Diyos, na nabanggit na, ay nangangahulugang pagpapanatili ng isang sinserong puso sa harap ng Diyos. Ang sinseridad ng tao ay kadalisayan, at ang mga kayang maging sinsero sa Diyos ay napanatili ang kadalisayan. Ito ang dapat mong isagawa. Kapag dapat kang manalangin, manalangin ka; kapag dapat kang makitipon sa pagbabahaginan, gawin mo iyon; kapag dapat kang umawit ng mga himno, umawit ka ng mga himno; at kapag dapat kang maghimagsik laban sa laman, maghimagsik ka laban sa laman. Kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, hindi mo ito iniraraos lang; kapag nahaharap ka sa mga pagsubok, naninindigan ka. Ito ay katapatan sa Diyos. Kung hindi mo panghahawakan ang dapat gawin ng mga tao, lahat ng dati mong pinagdusahan at mga ipinasya ay nawalan ng saysay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Debosyon sa Diyos

Sa ngayon, ang mga pangitain at katotohanang iyon na nauunawaan mo ay nagtatatag ng pundasyon para sa iyong mga karanasan sa hinaharap; sa kapighatian sa hinaharap, magkakaroon kayong lahat ng tunay na karanasan sa mga salitang ito. Kalaunan, kapag sumapit sa iyo ang mga pagsubok at sumailalim ka sa paghihirap, iisipin mo ang mga salitang sinasabi mo ngayon, na: “Anumang kapighatian, mga pagsubok, o malalaking kalamidad ang aking maranasan, kailangan kong palugurin ang Diyos.” Isipin ang mga karanasan ni Pedro at pagkatapos ay ang mga karanasan ni Job—patitibayin ka ng mga salita ngayon. Sa ganitong paraan lamang mabibigyang-inspirasyon ang iyong pananalig. Sa panahong iyon, sinabi ni Pedro na hindi siya karapat-dapat na tumanggap ng paghatol at pagkastigo ng Diyos, at pagdating ng panahon magiging handa ka ring ipakita sa mga tao ang matuwid na disposisyon ng Diyos sa pamamagitan mo. Handa mong tatanggapin ang Kanyang paghatol at pagkastigo, at magiging aliw sa iyo ang Kanyang paghatol, pagkastigo, at sumpa. Ngayon, hindi talaga katanggap-tanggap para sa iyo na hindi masangkapan ng katotohanan. Kung wala ito, hindi mo lamang hindi magagawang manindigan sa hinaharap, kundi baka hindi mo kayang danasin ang kasalukuyang gawain. Kung magkagayon, hindi ka ba magiging isa sa mga iyon na itiniwalag at pinarusahan? Sa ngayon, wala pang anumang mga katunayang dumating sa iyo, at natustusan na kita sa alinmang mga aspektong wala sa iyo; nagsasalita Ako mula sa bawat aspekto. Hindi pa talaga kayo nakapagtiis ng maraming pagdurusa; tinatanggap lamang ninyo kung ano ang nariyan nang walang isinasakripisyo, at, higit pa riyan, wala kayong taglay na sarili ninyong tunay na mga karanasan at kabatiran. Kaya, ang inyong nauunawaan ay hindi ang inyong tunay na tayog. Nakalimita kayong makaunawa, makaalam, at makakita, ngunit wala pa kayong gaanong natutunan. Kung hindi Ko kayo pinag-ukulan ng pansin kailanman kundi pinadaan Ko kayo sa mga karanasan sa inyong sariling tahanan, matagal na sana kayong tumakas pabalik sa malaki at malawak na mundo. Ang landas na inyong tatahakin sa hinaharap ay magiging isang daan ng pagdurusa, at kung matagumpay ninyong tatahakin ang kasalukuyang bahaging ito ng landas, magkakaroon kayo ng patotoo kapag sumailalim kayo sa mas matinding paghihirap sa hinaharap. Kung nauunawaan mo ang kabuluhan ng buhay ng tao at natahak ang tamang landas ng buhay ng tao, at kung sa hinaharap ay magpapasakop ka sa Kanyang mga pamamatnugot nang walang anumang mga reklamo o pagpipilian paano ka man pinakikitunguhan ng Diyos, at kung hindi ka hihiling ng anuman sa Diyos, sa ganitong paraan ay magiging isa kang taong may halaga. Sa ngayon, hindi ka pa sumailalim sa kapighatian, kaya masusunod mo ang anumang bagay. Sinasabi mo na paano man nag-aakay ang Diyos, mainam ang paraang iyon, at na ipagkakatiwala mo ang lahat sa mga pamamatnugot ng Diyos! Kinakastigo ka man o isinusumpa ng Diyos, magiging handa kang palugurin Siya. Matapos sabihin iyon, ang sinasabi mo ngayon ay hindi kinakailangang kumatawan sa iyong tayog. Kung ano ang handa kang gawin ngayon ay hindi maipapakita na kaya mong sumunod hanggang wakas. Kapag sumapit sa iyo ang matitinding paghihirap o kapag sumasailalim ka sa ilang pag-uusig o pamimilit o maging sa mas matitinding pagsubok, hindi mo magagawang sabihin ang mga salitang iyon. Kung kaya mong taglayin ang gayong uri ng pag-unawa pagkatapos at maninindigan ka, ito ang iyong magiging tayog. Ano si Pedro noong panahong iyon? Sabi ni Pedro: “Panginoon, isasakripisyo ko ang aking buhay para sa Iyo. Kung loloobin Mong mamatay ako, mamamatay ako!” Iyon ang paraan ng pagdarasal niya noong panahong iyon. Sinabi rin niya: “Kahit hindi Ka mahal ng iba, kailangan kong mahalin Ka hanggang wakas. Susunod ako sa Iyo sa lahat ng oras.” Iyon ang sinabi niya noon, ngunit nang dumating ang mga pagsubok sa kanya, bumagsak siya at nanangis. Alam ninyong lahat na tatlong beses na ikinaila ni Pedro ang Panginoon, hindi ba? Maraming taong iiyak at magpapakita ng kahinaan ng tao kapag dumarating sa kanila ang mga pagsubok. Hindi ka panginoon ng iyong sarili. Dito, hindi mo mapipigilan ang iyong sarili. Ngayon siguro ay talagang gumagawa ka nang mahusay, ngunit iyon ay dahil angkop ang iyong sitwasyon. Kung magbago iyon bukas, ipapakita mo ang iyong karuwagan at kawalan ng kakayahan, ang iyong pagiging kasuklam-suklam at kawalan ng halaga. Ang iyong “pagkalalaki” ay matagal nang ganap na nawala, at kung minsan ay maaari mo pang abandonahin ang iyong gawain at lumayo. Ipinapakita nito na ang naunawaan mo sa panahong iyon ay hindi ang iyong totoong tayog. Kailangang tingnan ng isang tao ang totoong tayog ng isang tao upang makita kung talagang mahal nila ang Diyos, kung nagagawa nila talagang magpasakop sa pamamatnugot ng Diyos, at kung nagagawa nilang ibigay ang buong lakas nila sa pagsasagawa ng kinakailangan ng Diyos; at kung nananatili silang tapat sa Diyos at iniaalay nila sa Diyos ang pinakamabuti sa lahat ng bagay, kahit mangahulugan pa ito ng pagsasakripisyo ng kanilang sariling buhay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Mo Dapat Tahakin ang Huling Bahagi ng Landas

Sa mga panahong ito, karamihan sa mga tao na nananampalataya sa Diyos ay hindi pa nakatahak sa tamang landas at hindi pa nauunawaan ang katotohanan, kaya nararamdaman pa rin nilang hungkag ang kalooban, na ang mabuhay ay pagdurusa, at na wala silang enerhiya upang gawin ang kanilang mga tungkulin. Ganito ang mga mananampalataya sa Diyos bago sila magkaroon ng pangitain sa kanilang puso. Hindi pa nakakamtan ng mga tao ang katotohanan at hindi pa nakikilala ang Diyos, kaya hindi pa sila nakadarama ng malaking kagalakan. Kayong lahat, lalo na, ay nagdanas na ng pag-uusig at paghihirap sa pag-uwi. Kapag nagdurusa kayo, naiisip din ninyong mamatay na at ayaw na ninyong mabuhay. Mga kahinaan ito ng laman. Iniisip pa ng ilang tao, “Ang pananampalataya sa Diyos ay dapat maging kasiya-siya. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ipinagkaloob ng Banal na Espiritu ang kapayapaan at kagalakan sa mga tao. Ngayon, napakakaunti na ng kapayapaan at kagalakan, at wala nang masyadong kasiyahan gaya noong sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang pananampalataya sa Diyos sa kasalukuyan ay lubhang nakakabagabag.” Ang alam mo lang ay na mas mabuti pa kaysa sa anupaman ang kasiyahan ng laman. Hindi mo alam kung ano ang gawaing ginagawa ng Diyos ngayon. Kailangang tulutan ng Diyos na magdusa ang inyong katawan para magbago ang inyong disposisyon. Kahit nagdurusa ang inyong katawan, nasa inyo ang salita at pagpapala ng Diyos. Hindi ka maaaring mamatay kahit gusto mo. Matitiis mo bang tanggapin na hindi makilala ang Diyos at hindi matamo ang katotohanan? Ngayon, kadalasan, hindi pa lang talaga nakakamtan ng mga tao ang katotohanan, at hindi nila taglay ang buhay. Sila ay nasa kalagitnaan ng paghahangad ng kaligtasan, kaya kailangang magdusa sila nang kaunti sa prosesong ito. Sa kasalukuyan, bawat tao sa mundo ay sumasailalim sa mga pagsubok, maging ang Diyos ay nagdurusa, kaya paanong hindi kayo magdurusa? Nang hindi napipino sa pamamagitan ng malalaking kalamidad, hindi magkakaroon ng tunay na pananalig ang isang tao o magkakamit ng katotohanan at buhay. Ang hindi pagkakaroon ng mga pagsubok at pagpipino ay hindi maaari. Tingnan na lang ninyo si Pedro—sa huli ay sumailalim siya sa pitong taong pagsubok (matapos niyang maging limampu’t tatlong taong gulang). Nakaranas siya ng daan-daang pagsubok sa loob ng pitong taong iyon. Kinailangan niyang dumaan sa isa sa mga pagsubok na ito kada ilang araw, at pagkatapos lamang dumaan sa lahat ng uri ng pagsubok niya natamo ang buhay at nakaranas siya ng pagbabago sa kanyang disposisyon. Kapag tunay mong nakamit ang katotohanan at nakilala ang Diyos, mararamdaman mong dapat kang mamuhay para sa Diyos, at na kung hindi ka mamumuhay para sa Diyos, lubha kang magsisisi, at mamumuhay ka sa mapait na panghihinayang at matinding pagsisisi sa mga natitirang araw ng buhay mo. Mararamdaman mo na hindi ka pa maaaring mamatay, na dapat mong ikuyom nang mahigpit ang iyong mga kamao at matatag kang magpatuloy na mabuhay, at na dapat kang mamuhay para sa Diyos. Kapag ang mga tao ay may katotohanan sa kanilang loob, nagkakaroon sila ng ganitong paninindigan at hindi na kailanman nagnanais na mamatay. Kapag pinagbabantaan ka ng kamatayan, sasabihin mo, “O Diyos, hindi ko gustong mamatay. Hindi pa rin Kita kilala. Hindi ko pa nasusuklian ang Iyong pag-ibig. Hindi ako puwedeng mamatay hangga’t hindi pa Kita nakikilala nang mabuti.” Nasa ganitong punto na ba kayo ngayon? Wala pa, hindi ba? Ang ilang tao ay nahaharap sa pag-uusig mula sa kanilang mga pamilya, ang ilan ay nahaharap sa pagtatakwil mula sa kanilang mga mahal sa buhay, at ang ilan, sa ilalim ng pag-uusig, ay hindi makabalik sa kanilang mga tahanan, na walang ligtas na lugar na mapagpapahingahan. Nagdudulot ito ng pagdurusa sa kanilang mga puso. Hindi ba’t ang pagdurusang kinakaharap ninyo ngayon ay kapareho ng tiniis ng Diyos? Nagdurusa kayo ngayon kasama ang Diyos, at sinasamahan ng Diyos ang mga tao sa pagdurusa. Tanging kung mayroon kayong parte sa kapighatian, kaharian, at pagtitiis ni Cristo ngayon kayo magtatamo ng kaluwalhatian sa huli! Makabuluhan ang paghihirap na ito. Hindi ba’t ganoon naman ito? Hindi maaaring wala kang determinasyon. Kailangan mong maunawaan ang kabuluhan ng pagdurusa ngayon at kung bakit labis kang nagdurusa. Kailangan mong hanapin ang katotohanan at maunawaan ang layunin ng Diyos, at pagkatapos ay magkakaroon ka ng determinasyong magdusa. Kung hindi mo nauunawaan ang layunin ng Diyos, at iniisip mo lang ang tungkol sa pagdurusa, kung gayon ay habang mas iniisip mo ito, mas nagiging nakakabagabag ito at mas lalo kang nagiging negatibo, na para bang magwawakas na ang landas ng iyong buhay. Magsisimula kang magdusa sa pagpapahirap ng kamatayan. Kung ibubuhos mo ang puso at lahat ng pagsisikap mo sa katotohanan, at mauunawaan mo ang katotohanan, liliwanag ang puso mo, at makararanas ka ng kasiyahan. Makakahanap ka sa buhay ng kapayapaan at kagalakan sa loob ng puso mo, at kapag sumapit ang karamdaman o naaninag na ang kamatayan, sasabihin mo na, “Hindi ko pa nakamit ang katotohanan, kaya hindi ako maaaring mamatay. Kailangan kong gumugol nang mabuti para sa Diyos, magpatotoo nang mabuti sa Diyos, at suklian ang pagmamahal ng Diyos. Hindi mahalaga kung paano ako mamamatay sa huli, dahil makapamumuhay ako ng kasiya-siyang buhay. Kahit anong mangyari, hindi pa ako puwedeng mamatay. Kailangan kong magpatuloy at mabuhay.” Kailangang malinaw sa iyo ang bagay na ito, at kailangan mong maunawaan ang katotohanan sa mga bagay na ito. Kapag nasa mga tao ang katotohanan, mayroon silang lakas. Kapag nasa kanila ang katotohanan, nagtataglay sila ng hindi nauubos na enerhiya na pumupuno sa kanilang katawan. Kapag nasa kanila ang katotohanan, mayroon silang determinasyon. Kung wala ang katotohanan, ang mga tao ay kasinglambot ng mga bulok na gulay; kapag taglay nila ang katotohanan, nagiging malakas at matapang sila. Gaano man kapait ang mga bagay-bagay, hindi sila makararamdam ng kapaitan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao

Sa ngayon, karamihan sa mga tao ay walang ganoong pagkatanto. Naniniwala sila na ang pagdurusa ay walang halaga, at na itinatakwil sila ng mundo, magulo ang buhay nila sa tahanan, hindi nalulugod ang Diyos sa kanila, at madilim ang kinabukasan nila. Gusto pa nga ng ilang tao na mamatay kapag nagdurusa sila sa isang partikular na antas. Hindi ito tunay na pagmamahal sa Diyos; ang gayong mga tao ay mga duwag, wala silang pagtitiyaga, sila ay duwag at walang kakayahan! Inaasam ng Diyos na mahalin Siya ng tao, ngunit kapag lalo Siyang minamahal ng tao, lalong tumitindi ang pagdurusa ng tao, at kapag lalo Siyang minamahal ng tao, lalong tumitindi ang mga pagsubok sa tao. Kung minamahal mo Siya, bawat uri ng pagdurusa ay darating sa iyo—at kung hindi mo Siya mahal, marahil ay magiging maayos ang lahat para sa iyo at lahat ay magiging payapa sa paligid mo. Kapag minamahal mo ang Diyos, madarama mo palagi na marami sa paligid mo ang hindi mo makakayanan. At dahil ang iyong tayog ay napakababa, ikaw ay pipinuhin, at hindi mo makakayang palugurin ang Diyos—palagi mong madarama na napakatayog ng mga layunin ng Diyos, na hindi kayang abutin ng tao ang mga ito. Dahil sa lahat ng ito, ikaw ay pipinuhin—dahil maraming kahinaan sa loob mo, at sa maraming aspekto, hindi mo kayang tugunan ang mga layunin ng Diyos, pipinuhin ka nang panloob. Ngunit kailangan ninyong makita nang malinaw na ang pagdadalisay ay natatamo lamang sa pamamagitan ng pagpipino. Kaya, sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan ninyong maging tapat sa Diyos at magpasailalim sa pamamatnugot ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo. Kapag ikaw ay tinutukso ni Satanas, dapat mong sabihin: “Ang aking puso ay pag-aari ng Diyos, at nakamit na ako ng Diyos. Hindi kita mapapalugod—kailangan kong ilaan ang lahat sa pagpapalugod sa Diyos.” Kapag lalo mong pinalulugod ang Diyos, lalo kang pagpapalain ng Diyos, at lalong titindi ang pagmamahal mo sa Diyos; kaya, gayundin, magkakaroon ka ng pananalig at paninindigan, at madarama mo na walang mas mahalaga o makabuluhan kaysa sa isang buhay na ginugol sa pagmamahal sa Diyos. Masasabi na kailangan lang mahalin ng tao ang Diyos para hindi siya malulungkot. Bagama’t may mga pagkakataon na nanghihina ang iyong laman at naliligiran ka ng maraming totoong problema, kung sa mga panahong ito ay tunay kang aasa sa Diyos, kung gayon, sa kalooban ng iyong espiritu ikaw ay aaluin, makadarama ka ng kapanatagan, at magkakaroon ka ng isang bagay na maaasahan. Sa ganitong paraan, madaraig mo ang maraming sitwasyon, kaya nga hindi ka na magrereklamo tungkol sa Diyos dahil sa dalamhating dinaranas mo. Sa halip, gugustuhin mong umawit, sumayaw, at magdasal, makipagtipon at makipagbahaginan, isipin ang Diyos, at madarama mo na lahat ng tao, pangyayari, at bagay sa paligid mo na isinaayos ng Diyos ay angkop. Kung hindi mo mahal ang Diyos, lahat ng makikita mo ay makakayamot sa iyo at walang magiging kaaya-aya sa iyong mga mata; hindi ka magiging malaya sa iyong espiritu bagkus ay napipigilan, laging magrereklamo ang puso mo tungkol sa Diyos, at lagi mong madarama na napakarami mong pinagdurusahan, at na hindi iyon makatarungan. Kung hindi ka maghahangad alang-alang sa kaligayahan, kundi upang mapalugod ang Diyos at hindi maakusahan ni Satanas, ang gayong paghahangad ay magbibigay sa iyo ng matinding lakas na mahalin ang Diyos. Naisasagawa ng tao ang lahat ng sinasabi ng Diyos, at lahat ng ginagawa niya ay nagpapalugod sa Diyos—ito ang ibig sabihin ng magtaglay ng realidad. Ang paghahangad na mapalugod ang Diyos ay nangangahulugan ng paggamit ng iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso upang maisagawa ang Kanyang mga salita; anumang oras—kahit walang lakas ang iba—sa loob mo ay mayroon pa ring isang mapagmahal-sa-Diyos na puso, at sa kaibuturan mo, nananabik at nangungulila ka sa Diyos. Ito ay tunay na tayog. Ang laki ng iyong tayog ay nakasalalay sa laki ng tinataglay mong mapagmahal-sa-Diyos na puso, kung nagagawa mong maging matatag sa oras ng pagsubok, kung nanghihina ka kapag sumasapit sa iyo ang isang partikular na sitwasyon, at kung kaya mong manindigan kapag inayawan ka ng iyong mga kapatid; ang pagdating ng mga katunayan ay magpapakita kung ano ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso. Makikita sa marami sa gawain ng Diyos na talagang mahal ng Diyos ang tao, bagama’t hindi pa ganap na mulat ang mga mata ng espiritu ng tao at hindi niya malinaw na nakikita ang marami sa gawain ng Diyos at ang Kanyang mga layunin, ni ang maraming bagay na kaibig-ibig tungkol sa Diyos; napakaliit ng tunay na pagmamahal ng tao sa Diyos. Nanampalataya ka na sa Diyos sa buong panahong ito, at sa ngayon ay pinutol na ng Diyos ang lahat ng paraan ng pagtakas. Sa totoo lang, wala kang pagpipilian kundi tahakin ang tamang landas, at ang mabagsik na paghatol at sukdulang pagliligtas ng Diyos ang umaakay sa iyo papunta sa tamang landas. Pagkatapos lamang makaranas ng paghihirap at pagpipino nalalaman ng tao na ang Diyos ay kaibig-ibig. Sa pagdanas nito hanggang sa ngayon, masasabi na nalaman na ng tao ang isang bahagi ng pagiging kaibig-ibig ng Diyos, ngunit hindi pa rin ito sapat, dahil malaki ang kulang sa tao. Kailangang maranasan ng tao ang higit pa sa kamangha-manghang gawain ng Diyos, at ang higit pa sa pagpipino sa pamamagitan ng lahat ng pagdurusang inihanda ng Diyos para sa kanya. Saka lamang mababago ang buhay disposisyon ng tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos

Kailangan mong tandaan na ang mga salitang ito ay sinalita na ngayon: Kalaunan, daranas ka ng mas matinding kapighatian at mas matinding pagdurusa! Ang magawang perpekto ay hindi isang simple o madaling bagay. Kahit paano ay kailangan mong taglayin ang pananalig ni Job, o mas malaki pang pananalig kaysa sa kanya. Dapat mong malaman na ang mga pagsubok sa hinaharap ay magiging mas malaki kaysa sa mga pagsubok kay Job, at na kailangan mong sumailalim sa pangmatagalang pagkastigo. Simpleng bagay ba ito? Kung hindi huhusay ang iyong kakayahan, kung wala kang abilidad na umarok, at kung masyadong kakaunti ang iyong nalalaman, sa panahong iyon ay hindi ka magkakaroon ng anumang patotoo, kundi ikaw ay magiging isang biro, isang laruan para kay Satanas. Kung hindi mo mapanghawakan ang mga pangitain ngayon, wala kang pundasyon kahit kaunti, at ikaw ay iwawaksi sa hinaharap! Walang bahagi ng daan ang madaling tahakin, kaya huwag mo itong balewalain. Timbangin mong mabuti at gumawa ka ng mga paghahanda kung paano tatahakin nang wasto ang huling bahagi ng landas na ito. Ito ang landas na kailangang tahakin sa hinaharap, ang landas na kailangang tahakin ng lahat ng tao. Huwag mong balewalain ang kaalamang ito; huwag mong isipin na nagsasalita Ako nang walang kabuluhan. Darating ang araw na magagamit mo ang lahat ng ito—hindi maaaring sambitin ang Aking mga salita nang walang kabuluhan. Ito ang panahon para sangkapan ang iyong sarili, ang panahon upang ihanda ang daan para sa hinaharap. Dapat mong ihanda ang landas na tatahakin mo sa hinaharap; dapat kang mag-alala at mabalisa tungkol sa kung paano mo magagawang manindigan sa hinaharap, at maghandang mabuti para sa iyong landas sa hinaharap. Huwag maging matakaw at tamad! Kailangan mong gawin talaga ang lahat ng makakaya mo para magamit nang pinakamainam ang iyong oras, upang makamit mo ang lahat ng iyong kailangan. Ibinibigay Ko sa iyo ang lahat upang ikaw ay makaunawa. Nakita na ng sarili ninyong mga mata na wala pang tatlong taon, napakarami Ko nang nasabi at napakarami Ko nang nagawa. Ang isang dahilan kaya Ako gumagawa sa ganitong paraan ay dahil napakalaki ng pagkukulang ng mga tao, at ang isa pa ay dahil sa napakaikli ng panahon; hindi na maaaring magkaroon pa ng anumang mga karagdagang pagkaantala. Iniisip mo na kailangan munang makamit ng mga tao ang perpektong kalinawan ng kalooban bago sila makapagpatotoo at magamit—ngunit hindi kaya napakabagal niyon? Kaya, gaano katagal ba kita kailangang samahan? Kung magpapasama ka sa Akin hanggang sa tumanda na Ako at pumuti ang buhok, imposible iyan! Sa pagdanas ng mas matinding kapighatian, makakamtan ang tunay na pagkaunawa sa loob ng lahat ng tao. Ito ang mga hakbang ng gawain. Kapag lubos mo nang nauunawaan ang mga pangitaing ibinahagi ngayon at nagtamo ka ng tunay na tayog, anumang pagdurusa ang danasin mo sa hinaharap ay hindi ka madadaig, at magagawa mong manindigan. Kapag natapos Ko na ang huling hakbang na ito ng gawain at natapos Kong bigkasin ang huling mga salita, sa hinaharap ay kakailanganing tahakin ng mga tao ang sarili nilang landas. Tutuparin nito ang mga salitang sinabi noon: Ang Banal na Espiritu ay may atas para sa bawat isang tao, at gawaing gagawin sa bawat isang tao. Sa hinaharap, tatahakin ng lahat ang landas na dapat nilang tahakin, na inaakay ng Banal na Espiritu. Sino ang makakapangalaga sa iba habang dumaranas ng kapighatian? Bawat indibidwal ay may sariling pagdurusa, at bawat isa ay may sariling tayog. Walang tayog ninuman ang kapareho ng iba. Hindi magagawang alagaan ng mga mister ang kanilang misis, o ng mga magulang ang kanilang mga anak; walang sinumang magagawang magmahal sa iba. Hindi iyon magiging kagaya ngayon, na posible pa ring magmahalan at magsuportahan. Iyon ang magiging panahon na ang bawat uri ng tao ay ibubunyag. Ibig sabihin, kapag hinampas ng Diyos ang mga pastol, magsisikalat ang mga tupa ng kawan, at sa panahong iyon ay hindi kayo magkakaroon ng tunay na lider. Magkakawatak-watak ang mga tao—hindi iyon magiging kagaya ngayon, na maaari kayong magtipun-tipon bilang isang kongregasyon. Sa hinaharap, ipapakita ng mga walang gawain ng Banal na Espiritu ang tunay na kulay nila. Ipagkakanulo ng mga mister ang kanilang misis, ipagkakanulo ng mga misis ang kanilang mister, ipagkakanulo ng mga anak ang kanilang mga magulang, at uusigin ng mga magulang ang kanilang mga anak—ang puso ng tao ay hindi maaarok! Ang tanging magagawa ay kumapit ang isang tao sa kung ano ang mayroon siya, at tahakin nang wasto ang huling bahagi ng landas. Sa ngayon, hindi ninyo ito malinaw na nakikita; makitid ang isip ninyong lahat. Hindi madaling maranasan nang matagumpay ang hakbang na ito ng gawain.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Mo Dapat Tahakin ang Huling Bahagi ng Landas

Kung kinikilala mo na isa kang nilikha, dapat mong ihanda ang iyong sarili na magdusa at magbayad ng halaga alang-alang sa pagtupad ng iyong responsabilidad na ipangaral ang ebanghelyo at alang-alang sa maayos na pagganap sa iyong tungkulin. Maaaring ang kabayaran ay ang pagdanas ng ilang pisikal na karamdaman o paghihirap, o pagdusahan ang mga pang-uusig ng malaking pulang dragon o ang mga maling pagkaunawa ng mga taong makamundo, gayundin ang mga kapighatian na pinagdaraanan ng isang tao kapag nangangaral ng ebanghelyo: ang maipagkanulo, mabugbog at mabulyawan, makondena—ang dumugin pa nga at malagay sa panganib ang buhay. Posible, habang nangangaral sa ebanghelyo, na mamamatay ka bago matapos ang gawain ng Diyos, at na hindi ka na mabubuhay upang masilayan ang araw ng kaluwalhatian ng Diyos. Dapat kayong maging handa rito. Hindi ito para takutin kayo; ito ay katotohanan. Ngayong nailinaw Ko na ito, at naunawaan na ninyo ito, kung taglay pa rin ninyo ang determinasyong ito, at nakasisiguro kayong hindi ito magbabago, at mananatili kayong tapat hanggang sa kamatayan, nagpapatunay ito na taglay ninyo ang isang tiyak na tayog. Huwag ipagpalagay na magiging ligtas sa panganib ang pangangaral ng ebanghelyo sa ibayong mga bansang ito na may mga kalayaan sa relihiyon at mga karapatang pantao at magiging maayos ang lahat ng gagawin mo, na lahat ito ay magkakaroon ng mga pagpapala ng Diyos at kalakip ang Kanyang dakilang kapangyarihan at awtoridad. Ito ay mga kuru-kuro at imahinasyon lamang ng tao. Naniwala rin sa Diyos ang mga Pariseo, ngunit dinakip nila ang Diyos na nagkatawang-tao at ipinako Siya sa krus. Kaya anong masasamang bagay laban sa Diyos na nagkatawang-tao ang kayang gawin ng kasalukuyang mundo ng relihiyon? Napakarami na nilang ginawang masamang bagay—hinuhusgahan ang Diyos, kinokondena ang Diyos, nilalapastangan ang Diyos—walang masamang bagay ang hindi nila kayang gawin. Huwag kalimutan na mga mananampalataya ang dumakip sa Panginoong Jesus at nagpako sa Kanya sa krus. Sila lang ang may pagkakataong gawin ang ganitong uri ng bagay. Walang pakialam sa gayong mga bagay ang mga walang pananampalataya. Ang mga mananampalatayang ito ang nakipagsabwatan sa pamahalaan upang dakpin ang Panginoong Jesus at ipako Siya sa krus. Bukod pa rito, paano namatay ang mga disipulo ng Panginoong Jesus? Sa mga disipulo, may mga pinukol ng bato, ipinakaladkad sa kabayo, ipinakong patiwarik, pinaghiwa-hiwalay ng limang kabayo ang katawan—iba’t ibang uri ng kamatayan ang sumapit sa kanila. Ano ang dahilan ng kanilang kamatayan? Ito ba ay dahil may ginawa silang masamang gawa at pagkatapos ay pinatay ng batas? Hindi. Ipinalaganap nila ang ebanghelyo ng Panginoon, pero hindi ito tinanggap ng mga tao ng mundo, at sa halip ay kinondena, binugbog, at binatikos sila, at pinatay pa nga sila—ganyan kung paano sila minartir. Huwag nating pag-usapan ang pangwakas na kalalabasan ng mga martir na iyon, o ang pagtatakda ng Diyos sa kanilang mga gawa, bagkus ay itanong ito: Nang sumapit ang mga martir na iyon sa kawakasan, umayon ba sa mga kuru-kuro ng tao ang mga paraan ng pagtatapos ng kanilang mga buhay? (Hindi, hindi umayon ang mga ito.) Mula sa perspektiba ng mga kuru-kuro ng tao, nagbayad ang mga martir na iyon ng gayon kalaking halaga upang ipakalat ang gawain ng Diyos, pero sa huli ay labis silang pininsala ni Satanas hanggang sa mamatay sila. Hindi ito umaayon sa mga kuru-kuro ng tao. Gayumpaman, ang mga bagay na iyon ang mismong sumapit sa kanila—ito ang tinulutan ng Diyos. Anong katotohanan ang mahahanap dito? Ang pagpapahintulot ba ng Diyos na mamatay sila sa ganitong paraan ay sumpa at pagkondena Niya, o ito ba ay Kanyang pagsasaayos at pagpapala? Kapwa hindi. Ano ito? Nagdudulot ng pighati sa mga tao ang pag-iisip sa mga pagkamatay ng mga martir na iyon, ngunit ang mga ito ay talagang mga katunayan. Anong paliwanag ang dapat ibigay tungkol sa mga mananampalataya sa Diyos na namamatay sa ganitong paraan? Kapag binabanggit natin ang paksang ito, inilalagay ninyo ang inyong sarili sa kanilang kalagayan, kaya sa inyong puso, nakakaramdam ba kayo ng bigat ng kalooban at ng kaunting nakatagong kirot? Iniisip ninyo, “Ginawa ng mga taong ito ang kanilang tungkulin na maipakalat ang ebanghelyo ng Diyos at dapat ituring na mabubuting tao, kaya’t paano sila umabot sa gayong wakas at sa gayong kinalabasan?” Ang totoo, ganito namatay ang kanilang mga katawan at sumakabilang-buhay; ito ang paraan nila ng paglisan sa mundo ng tao, ngunit hindi iyon nangangahulugan na ganoon din ang kanilang kinalabasan. Anuman ang paraan ng kanilang pagkamatay at paglisan o kung paano man ito nangyari, hindi ito ang paraan ng Diyos sa pagtakda sa pangwakas na mga kinalabasan ng mga buhay na iyon, ng mga nilikhang iyon. Ito ay isang bagay na dapat mong malinaw na makita. Sa kabaligtaran, ito mismo ang paraan ng pagkondena nila sa mundong ito at sa pagpatotoo sa mga gawa ng Diyos. Ginamit ng mga nilikhang ito ang kanilang napakahalagang buhay—ginamit nila ang huling sandali ng kanilang buhay upang magpatotoo sa mga gawa ng Diyos, upang magpatotoo sa dakilang kapangyarihan ng Diyos, at upang ipahayag kay Satanas at sa mundo na tama ang mga gawa ng Diyos, na ang Panginoong Jesus ay Diyos, na Siya ang Panginoon, at ang nagkatawang-taong laman ng Diyos. Kahit hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay, hindi nila kailanman itinatwa ang pangalan ng Panginoong Jesus. Hindi ba ito isang anyo ng paghatol sa mundong ito? Ginamit nila ang kanilang mga buhay upang ipahayag sa mundo, upang patunayan sa mga tao na ang Panginoong Jesus ay ang Panginoon, na ang Panginoong Jesus ay Cristo, na Siya ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, na ang gawain ng pagtutubos sa buong sangkatauhan na ginawa Niya ay nagpapahintulot sa sangkatauhang ito na patuloy na mabuhay—hindi nagbabago ang katunayang ito magpakailanman. Hanggang sa anong antas ginagampanan ng mga naging martir sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Panginoong Jesus ang kanilang tungkulin? Hanggang sa pinakahuling punto ba? Paano naipakita ang pinakahuling punto? (Inialay nila ang kanilang buhay.) Tama iyan, buhay nila ang kanilang naging kabayaran. Pawang panlabas na mga bagay ang pamilya, kayamanan, at ang materyal na mga bagay sa buhay na ito; ang tanging bagay na may kaugnayan sa sarili ay ang buhay. Sa bawat nabubuhay na tao, ang buhay ang bagay na pinakakarapat-dapat na pakaingatan, ang pinakamahalagang bagay at, sa katunayan, nagawa ng mga taong ito na ialay ang pinakamahalagang pagmamay-ari nila bilang patunay at patotoo sa pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan. Hanggang sa kanilang kamatayan, hindi nila itinatwa ang pangalan ng Diyos, at hindi rin nila itinatwa ang gawain ng Diyos, at ginamit nila ang kanilang mga huling sandali ng buhay upang magpatotoo sa pag-iral ng katunayang ito—hindi ba ito ang pinakamataas na anyo ng patotoo? Ito ang pinakamahusay na paraan ng paggampan ng isang tao sa kanyang tungkulin; ito ang pagtupad sa kanyang responsabilidad. Nang pagbantaan at takutin sila ni Satanas, at, sa huli, kahit pa nang ipabayad sa kanila ang kanilang mga buhay, hindi nila tinalikdan ang kanilang responsabilidad. Ito ang kahulugan ng pagtupad ng isang tao sa tungkulin hanggang sa pinakasukdulang punto. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Ibig Ko bang sabihin na gamitin ninyo ang ganoon ding paraan upang magpatotoo sa Diyos at upang maipakalat ang Kanyang ebanghelyo? Sadyang hindi kinakailangang gawin mo ang ganoon, ngunit dapat mong maunawaan na ito ay iyong pananagutan, na kung kinakailangan ng Diyos na gawin mo ito, dapat mo itong tanggapin bilang iyong obligasyon. May takot at pag-aalala sa kalooban ang mga tao ngayon, ngunit anong silbi ng mga damdaming iyon? Kung hindi kailangan ng Diyos na gawin mo ito, para saan ang pag-aalala tungkol dito? Kung kailangan ng Diyos na gawin mo ito, hindi ka dapat umiwas o tumanggi sa pananagutang ito. Dapat kang maagap na makipagtulungan at tanggapin ito nang walang pag-aalala. Paano man mamatay ang isang tao, hindi siya dapat mamatay sa harap ni Satanas, at hindi mamatay sa mga kamay ni Satanas. Kung mamamatay ang isang tao, dapat siyang mamatay sa mga kamay ng Diyos. Nagmula sa Diyos ang mga tao, at sa Diyos sila magbabalik—gayon ang katwiran at saloobing dapat taglayin ng isang nilikha. Ito ang panghuling katotohanan na dapat maunawaan ng isang tao sa pangangaral sa ebanghelyo at paggampan sa kanyang tungkulin—dapat ibayad ng isang tao ang halaga ng kanyang buhay upang maipakalat at mapatotohanan ang ebanghelyo ng paggawa ng Diyos na nagkatawang-tao sa Kanyang gawain at pagliligtas Niya sa sangkatauhan. Kung mayroon ka ng ganitong determinasyon, kung makakapagpatotoo ka sa ganitong paraan, kahanga-hanga iyon. Kung hindi ka pa rin nagtataglay ng ganitong uri ng determinasyon, kahit paano ay dapat mong maayos na tuparin ang pananagutan at tungkuling nasa harapan mo, ipinagkakatiwala na sa Diyos ang iba. Sa gayon marahil, habang lumilipas ang mga buwan at mga taon at dumarami ang iyong karanasan at ikaw ay tumatanda, at lumalalim ang iyong pagkaunawa sa katotohanan, matatanto mo na mayroon kang obligasyon at responsabilidad na ialay ang iyong buhay sa gawain ng ebanghelyo ng Diyos, maging hanggang sa huling sandali ng iyong buhay.

Ito na ang tamang panahon para simulang pag-usapan ang tungkol sa mga paksang ito dahil nagsimula na ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian. Dati, noong Kapanahunan ng Kautusan at Kapanahunan ng Biyaya, ibinuwis ng ilang sinaunang propeta at banal ang kanilang mga buhay sa pangangaral sa ebanghelyo, kaya maaari ding ibuwis ng mga ipinanganak sa mga huling araw ang kanilang buhay para sa layuning ito. Hindi ito isang bagay na bago o biglaan, lalong hindi ito isang malabis na kahilingan. Ito ang marapat gawin ng mga nilikha at ang tungkuling nararapat nilang gampanan. Ito ang katotohanan; ito ang pinakamataas na katotohanan. Kung ang ginagawa mo lang ay sumigaw ng mga islogan tungkol sa kung ano ang gusto mong gawin para sa Diyos, kung paanong gusto mong tuparin ang iyong tungkulin, at kung gaano karami ang gusto mong gugulin at pagsikapan para sa Diyos, wala itong silbi. Kapag nahaharap ka na sa realidad, kapag hinihingi na sa iyo na isakripisyo mo ang iyong buhay, kung magrereklamo ka ba sa pinakahuling sandali, kung handa ka ba, at kung tunay ka bang nagpapasakop—ito ang pagsubok sa iyong tayog.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pangangaral sa Ebanghelyo ay ang Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya

Ang tao ay lubusang gagawing ganap sa Kapanahunan ng Kaharian. Pagkatapos ng gawain ng panlulupig, ang tao ay isasailalim sa pagpipino at kapighatian. Iyong mga makakapagtagumpay at makakapanindigan sa kanilang patotoo nitong panahon ng kapighatian ay iyong mga gagawing ganap sa kahuli-hulihan; sila ang mga mananagumpay. Sa panahon nitong kapighatian, hinihingi sa tao na tanggapin ang pagpipinong ito, at ang pagpipinong ito ang huling pagkakataon ng gawain ng Diyos. Ito ang huling pagkakataon na pipinuhin ang tao bago ang pagtatapos ng lahat ng gawain ng pamamahala ng Diyos, at ang lahat ng sumusunod sa Diyos ay kailangang tumanggap sa huling pagsubok na ito, at kailangan nilang tanggapin itong huling pagpipino. Iyong mga nasa gitna ng kapighatian ay walang gawain ng Banal na Espiritu at paggabay ng Diyos, ngunit iyong mga tunay na nalupig na at tunay na naghahangad sa Diyos ay makakatayo nang matatag sa kahuli-hulihan; sila iyong mga nagtataglay ng pagkatao, at mga tunay na nagmamahal sa Diyos. Kahit na ano ang gawin ng Diyos, ang mga matagumpay na ito ay hindi mawawalan ng mga pangitain at magsasagawa pa rin sa katotohanan nang hindi nawawalan ng kanilang patotoo. Sila iyong mga makakaalpas mula sa malaking kapighatian sa wakas. Kahit na ang mga nagraraos lang ay maaari pa ring maging palamunin ngayon, walang makatatakas sa pangwakas na kapighatian, at walang makatatakas mula sa pangwakas na pagsubok. Para sa mga nagtatagumpay, ang ganoong kapighatian ay isang matinding pagpipino; ngunit para sa mga nagraraos lang, ito ang gawain ng lubos na pagtitiwalag. Kahit paano man sila sinusubukan, ang katapatan ng mga taong nasa mga puso nila ang Diyos ay nananatiling hindi nagbabago; ngunit para sa mga taong walang Diyos sa kanilang mga puso, sa sandaling ang gawain ng Diyos ay hindi kapaki-pakinabang sa kanilang laman, binabago nila ang kanilang pananaw tungkol sa Diyos, at nililisan pa ang Diyos. Ganoon ang mga hindi maninindigan sa katapusan, na naghahanap lamang ng mga pagpapala ng Diyos at walang anumang pagnanais na gumugol ng kanilang mga sarili para sa Diyos at ialay ang kanilang mga sarili sa Kanya. Ang gayong mga mababang-uri na tao ay “itataboy” lahat kapag natapos na ang gawain ng Diyos, at hindi sila papakitaan ng awa kahit kaunti. Iyong mga walang pagkatao ay talagang hindi nagtataglay ng tunay na pagmamahal para sa Diyos. Kapag ang paligid ay komportable, o may bagay silang makakamit, sila ay lubusang masunurin sa Diyos, ngunit sa sandaling ang kanilang mga pagnanais ay nakompromiso o nawasak sa huli, agad silang tumitindig para maghimagsik. Kahit na pagkatapos lamang ng isang gabi, mula sa isang nakangiti at “mabait” na tao, sila ay nagiging mamamatay-tao na malupit ang hitsura, di-inaasahan na itinuturing na mortal na kaaway ang kanilang tagapagbigay ng tulong kahapon, nang walang katwiran o kadahilanan. Kung ang masasamang demonyong ito na pumapatay nang hindi kumukurap ay hindi pinapalayas, hindi ba’t sila ay magiging isang malubhang nakatagong panganib? Hindi ito ang kaso na sa sandaling ang gawain ng panlulupig ay matapos na, ang gawain ng pagliligtas sa tao ay nagiging ganap na kompleto. Kahit natapos na ang gawain ng panlulupig, ang gawain ng pagdadalisay sa tao ay hindi pa natapos; tanging kapag ang tao ay lubusan nang dalisay, sa sandaling iyong mga tunay na nagpapasakop sa Diyos ay nagawa nang ganap, at sa sandaling iyong mga mapagpanggap na walang Diyos sa kanilang mga puso ay napaalis na, saka matatapos ang gawain. Iyong mga hindi nakalulugod sa Diyos sa huling yugto ng Kanyang gawain ay lubusang ititiwalag, at iyong mga itinitiwalag ay sa mga diyablo. Dahil hindi nila kayang paluguran ang Diyos, sila ay mapaghimagsik laban sa Diyos, at kahit na sumusunod ang mga taong ito sa Diyos ngayon, ito ay hindi nagpapatunay na sila ang mga mananatili sa wakas. Sa mga salitang “iyong mga sumusunod sa Diyos hanggang sa katapusan ay tatanggap ng kaligtasan,” ang kahulugan ng “sumunod” ay tumayo nang matatag sa kabila ng kapighatian. Ngayon, marami ang naniniwala na madali ang sumunod sa Diyos, ngunit kapag ang gawain ng Diyos ay malapit nang matapos, malalaman mo ang tunay na kahulugan ng “sumunod.” Hindi dahil kaya mo pang sumunod sa Diyos ngayon matapos lupigin, ito ay hindi nagpapatunay na isa ka sa mga gagawing perpekto. Iyong mga hindi kinakayang pagtiisan ang mga pagsubok, silang mga hindi kayang maging matagumpay sa gitna ng kapighatian ay hindi makakayang tumayo nang matatag sa kahuli-hulihan, kaya’t hindi makakayang sumunod sa Diyos hanggang sa katapusan. Ang mga tunay na sumusunod sa Diyos ay kayang matagalan ang pagsubok sa kanilang gawain, samantalang iyong mga hindi talaga sumusunod sa Diyos ay hindi kayang matagalan ang anumang mga pagsubok ng Diyos. Sa malao’t madali, sila ay mapatatalsik, habang ang mga mananagumpay ay mananatili sa kaharian. Kung ang tao ay tunay bang naghahanap sa Diyos o hindi ay maaari lamang na matukoy sa pamamagitan ng pagsubok sa kanyang gawain, ibig sabihin, sa pamamagitan ng mga pagsubok ng Diyos, at walang kaugnayan sa mismong itinatakda ng tao. Hindi itinatakwil ng Diyos ang sinumang tao nang basta-basta; lahat ng ginagawa Niya ay lubusang makakakumbinsi sa tao. Hindi Siya gumagawa ng anumang bagay na hindi nakikita ng tao, o anumang gawain na hindi makakakumbinsi sa tao. Kung ang pananampalataya ba ng tao ay tunay o hindi, ay napapatunayan ng mga katunayan at hindi maitatakda ng tao. Walang duda na ang “trigo ay hindi magagawang mapanirang damo, at ang mapanirang damo ay hindi magagawang trigo.” Ang lahat ng tunay na nagmamahal sa Diyos ay mananatili sa kaharian sa kahuli-hulihan, at hindi tatratuhin nang masama ng Diyos ang sinumang tunay na nagmamahal sa Kanya. Batay sa iba’t iba nilang mga tungkulin at mga patotoo, ang mga mananagumpay sa kaharian ay magsisilbing mga pari o tagasunod, at lahat ng matagumpay sa gitna ng kapighatian ay magiging kalipunan ng mga pari sa loob ng kaharian. Ang kalipunan ng mga pari ay mabubuo kapag ang gawain ng ebanghelyo sa loob ng sansinukob ay natapos na. Kapag dumating ang panahong iyon, ang kailangang gawin ng tao ay ang paggampan sa kanyang tungkulin sa kaharian ng Diyos, at ang paninirahan niyang kasama ang Diyos sa loob ng kaharian. Sa kalipunan ng mga pari mayroong magiging mga punong pari at mga pari, at ang natitira ay magiging mga anak at mga tao ng Diyos. Ito ay pawang natutukoy sa pamamagitan ng kanilang mga patotoo sa Diyos sa panahon ng kapighatian; ang mga ito ay hindi mga titulo na ibinibigay lamang batay sa kagustuhan. Sa sandaling ang katayuan ng tao ay naitatag na, ang gawain ng Diyos ay titigil, dahil ang lahat ng tao ay ibinubukod-bukod ayon sa kanilang uri at ibinabalik sa kanilang orihinal na posisyon, at ito ang tanda ng katuparan ng gawain ng Diyos, ito ang pangwakas na kinalabasan ng gawain ng Diyos at ng pagsasagawa ng tao, at ito ang pagkakabuo-buo ng mga pangitain ng gawain ng Diyos at ng pakikipagtulungan ng tao. Sa huli, ang tao ay makakapasok sa kaharian ng Diyos at doon ay makakasumpong ng kapahingahan, at ang Diyos din ay babalik sa Kanyang tahanan upang mamahinga. Ito ang magiging pangwakas na kinalabasan ng 6,000 taong pakikipagtulungan sa pagitan ng Diyos at ng tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao

Lumalawak ang kaharian sa gitna ng sangkatauhan, nabubuo ito sa gitna ng sangkatauhan, at tumitindig ito sa gitna ng sangkatauhan; walang puwersang maaaring magwasak sa Aking kaharian. Mga tao Ko, na nasa kaharian ng ngayon, sino sa inyo ang hindi kasapi sa lahi ng tao? Sino sa inyo ang namamalagi sa labas ng kalagayan ng tao? Kapag isinasapubliko ang Aking bagong panimula, ano ang magiging reaksiyon ng mga tao? Nakita na ng sarili ninyong mga mata ang kalagayan ng mundo ng tao; hindi pa ba ninyo naiwaksi ang kaisipan ng pamumuhay sa mundong ito magpakailanman? Naglalakad Ako ngayon sa gitna ng Aking mga tao at naninirahan Ako sa gitna nila. Ngayon, yaong may tunay na pagmamahal sa Akin—mapalad ang gayong mga tao. Mapalad ang mga nagpapasakop sa Akin, mananatili sila sa Aking kaharian. Mapalad ang mga nakakakilala sa Akin, sila ay maghahari sa Aking kaharian. Mapalad ang mga naghahangad sa Akin, makakalaya sila mula sa mga gapos ni Satanas at magtatamasa ng Aking mga pagpapala. Mapalad ang mga nagagawang maghimagsik laban sa kanilang sarili, sila ay magiging Akin at magmamana sila ng kasaganaan ng Aking kaharian. Aalalahanin Ko ang mga nagsusumikap para sa Akin, tatanggapin Ko ang mga gumugugol ng kanilang sarili para sa Akin, at pagkakalooban ko ng mga bagay na tatamasahin nila yaong mga nag-aalay sa Akin. Pagpapalain Ko ang mga nagtatamasa sa Aking mga salita; magiging mga haligi sila ng Aking kaharian, magtatamasa sila ng walang-kapantay na kasaganaan sa Aking sambahayan, at walang maikukumpara sa kanila. Tinanggap na ba ninyo ang mga pagpapalang inihanda para sa inyo? Sinikap na ba ninyong kamtin ang mga pangakong binitiwan para sa inyo? Kayo ay, sa ilalim ng patnubay ng Aking liwanag, makakawala mula sa pagsakal ng mga puwersa ng kadiliman. Sa gitna ng kadiliman, hindi mawawala sa inyo ang paggabay ng liwanag. Kayo ang magiging mga panginoon ng lahat ng bagay. Kayo ay magiging mga mananagumpay sa harap ni Satanas. Sa pagbagsak ng bansa ng malaking pulang dragon, kayo ay tatayo sa gitna ng di-mabilang na tao bilang patunay ng Aking tagumpay. Kayo ay magiging matatag at di-natitinag sa lupain ng Sinim. Sa pamamagitan ng mga pagdurusang tinitiis ninyo, mamanahin ninyo ang Aking mga pagpapala, at pasisikatin ninyo ang Aking liwanag ng kaluwalhatian sa loob ng buong sansinukob.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 19

Kaugnay na mga Video

Dulang Pang-entablado “Paggunita sa Yumaong Minamahal”

Isang Di-Nabuburang Sugat

Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan

Ang Kwento ni Angel

Pinaghahanap Ngunit Inosente

Mga Araw ng Pang-aabuso at Pagpapahirap

Siniil ng Aking Pamilya: Isang Karanasang Nagbibigay-Aral

Ang Aking Malubak na Karanasan sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo

Kaugnay na mga Himno

Kayo ang mga Tatanggap sa Pamana ng Diyos

Awit Ng Mga Mananagumpay

Hangaring Mahalin ang Diyos Kahit Gaano Kalaki ang Iyong Pagdurusa

Patotoo ng Buhay

Sinundan: 19. Paano harapin ang pag-aasawa

Sumunod: 21. Paano madaig ang tukso ni Satanas

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito