18. Paano harapin ang mga relasyon sa pamilya at laman

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Ang mga mapanirang impluwensiya at pyudal na pag-iisip na naitanim nang malalim sa puso ng tao sa pamamagitan ng libu-libong taon na “matayog na diwa ng nasyonalismo” ay ginapos at kinadena ang mga tao, iniwan silang wala ni gatuldok na kalayaan, walang ambisyon o pagtitiyaga, at walang pagnanais na umusad, sa halip ay pinananatili silang negatibo at paurong, nakabaon sa kaisipan ng isang alipin, at iba pa. Ang mga obhetibong salik na ito ay nag-iwan ng di-mabuburang bakas ng karumihan at kapangitan sa ideolohikal na pananaw, mga adhikain, moralidad, at disposisyon ng sangkatauhan. Tila nakatira ang mga tao sa isang madilim na mundo ng terorismo, at hindi iniisip ng sinuman sa kanila na lagpasan ito, o iniisip na lumipat sa isang ideyal na mundo; sa halip, ginugugol nila ang mga araw nila nang may pakiramdam ng pagkakontento sa kalagayan nila sa buhay: panganganak at pagpapalaki ng mga anak, pagsusumikap, pagpapapawis, pag-aasikaso ng mga trabaho, at pangangarap na magkaroon ng isang maginhawa at masayang pamilya, mapagmahal na buhay may-asawa, ng paggalang ng mga anak, ng kagalakan sa kanilang katandaan, at ng payapang pamumuhay…. Sa loob ng mga dekada, ng libo-libo, sampu-sampung libong taon hanggang sa ngayon, inaaksaya na ng mga tao ang kanilang oras sa ganitong paraan, na walang sinuman ang lumilikha ng pinakamagandang buhay sa lahat ng buhay ng tao, nakatuon lamang sa pagpapatayan, nakikipagkarera para sa kasikatan at pakinabang, at nagpapakana laban sa isa’t isa sa madilim na mundong ito. Sino ang naghanap na sa mga layunin ng Diyos? Mayroon na bang nagbigay-pansin sa gawain ng Diyos? Ang lahat ng bahagi ng mga tao na sinakop ng impluwensiya ng kadiliman ay matagal nang naging kalikasan ng tao, kaya napakahirap na isakatuparan ang gawain ng Diyos, at lalo pang walang pagnanais ang mga tao na bigyang-pansin ang ipinagkatiwala ng Diyos sa kanila ngayon.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok (3)

Ang mga taong namumuhay sa tunay na lipunang ito ay lubhang ginawang tiwali ni Satanas. Edukado man sila o hindi, ang kanilang mga iniisip at pananaw ay naglalaman ng maraming bagay mula sa tradisyonal na kultura. Sa partikular, hinihingi sa mga babae na asikasuhin ang kanilang mga asawa at palakihin ang kanilang mga anak, at maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, inilalaan ang kanilang buong buhay sa kanilang mga asawa at anak at namumuhay para sa mga ito. Dapat nilang maayos na pangasiwaan ang lahat ng gawaing-bahay, tulad ng pang-araw-araw na pagkain ng pamilya at ang paglalaba at paglilinis. Ito ang tinatanggap na pamantayan ng pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Iniisip din ng bawat babae na ito ang dapat niyang gawin, at kung hindi niya ito gagawin, hindi siya isang mabuting babae, at nilabag niya ang kanyang konsensiya at ang tradisyonal na pamantayang ito ng moralidad. Hindi maaatim ng ilang tao na labagin ang pamantayang moral na ito sa kanilang konsensiya; mararamdaman nilang nagkasala sila sa kanilang asawa at mga anak, at na hindi sila isang mabuting babae. Ngunit pagkatapos mong manampalataya sa Diyos, magbasa ng maraming salita Niya, maunawaan ang ilang katotohanan, at makilatis ang ilang bagay, iisipin mo, “Ako ay isang nilikha at dapat kong gawin ang tungkulin ng isang nilikha, at gugulin ang aking sarili para sa Diyos.” Sa oras na ito, mayroon bang hindi pagkakatugma sa pagitan ng pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, at sa paggampan mo ng iyong tungkulin bilang isang nilikha? Kung nais mong maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, hindi mo magagawa ang tungkulin mo nang buong oras, ngunit kung nais mong gawin ang tungkulin mo nang buong oras, hindi ka maaaring maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Ano ang gagawin mo ngayon? Kung pipiliin mong gawin ang tungkulin mo nang maayos at maging responsable para sa gawain ng iglesia at maging deboto sa Diyos, dapat mong isuko ang pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Ano nang iisipin mo ngayon? Anong uri ng pagtatalo ng kalooban ang lilitaw sa isip mo? Mararamdaman mo bang binigo mo ang iyong mga anak at asawa? Saan nanggagaling ang damdaming ito ng pagkakasala at pagkabalisa? Kapag hindi mo ginagampanan ang tungkulin ng isang nilikha, nararamdaman mo bang binigo mo ang Diyos? Wala kang pagkaramdam ng pagkakasala o pagsaway dahil sa puso at isip mo ay wala ni katiting na bahid ng katotohanan. Kaya, anong naiintindihan mo? Ang tradisyonal na kultura—ang pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Kaya ang kuru-kuro na “Kung hindi ako isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, hindi ako isang mabuti o disenteng babae” ay lilitaw sa isip mo. Ikaw ay gagapusin at pipigilan ng kuru-kurong ito mula sa puntong iyon, at mananatili kang nakagapos dito kahit pagkatapos mong manampalataya sa Diyos at gawin ang tungkulin mo. Kapag mayroong hindi pagkakatugma sa pagitan ng paggawa mo sa tungkulin mo at ng pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, bagama’t maaaring piliin mo nang may pag-aatubili na gawin ang tungkulin mo o magpakita ng kaunting debosyon sa Diyos, magkakaroon pa rin ng pagkaramdam ng pagkabalisa at kaunting pagsaway sa puso mo. Kaya naman, kapag mayroon kang kaunting bakanteng oras habang ginagawa mo ang tungkulin mo, maghahanap ka ng mga pagkakataon upang alagaan ang iyong mga anak at asawa, higit pang ninanais na bumawi sa kanila, at iisipin mo na ayos lang kahit na kailanganin mo pang lalong magdusa, basta’t mayroon kang kapayapaan ng isip. Hindi ba’t ito ay idinulot ng impluwensiya ng ideya at teorya ng tradisyonal na kultura tungkol sa pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina? Ngayon ay nakatapak ka na sa magkabilang kampo, nagnanais na gampanan ang tungkulin mo nang maayos ngunit nagnanais ding maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Ngunit sa harap ng Diyos, mayroon lang tayong iisang responsabilidad at obligasyon, iisang misyon: ang tuparin nang maayos ang tungkulin ng isang nilikha. Natupad mo na ba nang maayos ang tungkuling ito? Bakit ka lumihis ulit? Wala ba talagang pagkaramdam ng pagsisisi o paninisi sa puso mo? Dahil ang katotohanan ay hindi pa rin nakapaglatag ng mga pundasyon sa puso mo, at hindi pa ito naghahari doon, maaari kang malihis habang ginagawa mo ang tungkulin mo. Bagama’t ngayon ay nagagawa mo ang tungkulin mo, ang totoo ay hindi mo pa rin naaabot ang mga pamantayan ng katotohanan at ang mga hinihingi ng Diyos. Nakikita mo na ba nang malinaw ngayon ang katunayang ito? Ano ang ibig sabihin ng Diyos nang sabihin Niyang “Diyos ang pinagmulan ng buhay ng tao”? Ito ay para mapagtanto ng lahat na: Ang buhay natin at kaluluwa ay nagmula lahat sa Diyos at nilikha Niya—ang mga ito ay hindi mula sa mga magulang natin, at lalong hindi mula sa kalikasan, kundi ipinagkaloob sa atin ng Diyos; sadya lang na ang laman natin ang isinilang ng mga magulang natin, at ang mga anak natin ay isinilang natin, gayumpaman, ang mga kapalaran nila ay ganap na nasa kamay ng Diyos. Na tayo ay nakakapanampalataya sa Diyos ay isang oportunidad na ipinagkaloob Niya; ito ay inorden Niya at biyaya Niya. Kaya, hindi mo na kailangang tuparin pa ang obligasyon o responsabilidad mo sa kahit kaninuman; dapat mo lang tuparin ang tungkulin sa Diyos na nararapat mong tuparin bilang isang nilikha. Ito ang dapat gawin ng mga tao higit sa ano pa man, at ito ang pinakapangunahing usapin na pinakanararapat na tapusin ng mga tao sa buhay nila. Kung hindi mo gagampanan nang maayos ang tungkulin mo, hindi ka isang nilikhang pasok sa pamantayan. Sa paningin ng iba, maaaring isa kang mabuting asawa at mapagmahal na ina, isang mahusay na maybahay, isang mabuting anak, at isang mabuting miyembro ng lipunan, ngunit sa harap ng Diyos, ikaw ay isang taong naghihimagsik laban sa Kanya, isang taong nananampalataya sa Diyos ngunit hindi tumutupad sa tungkulin at obligasyon ng isang nilikha, isang taong nananampalataya sa Diyos ngunit hindi naghahangad ng katotohanan, hindi tunay na nagpapasakop sa Diyos, at ilalantad at ititiwalag. Makakamit ba ng isang tulad nito ang pagsang-ayon ng Diyos? Ang mga taong tulad nito ay walang halaga.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw Maaaring Tunay na Magbago ang Isang Tao

Kung titingnan natin ito mula sa perspektiba ng mga anak, ang kanilang buhay at katawan ay nagmumula sa kanilang mga magulang, na may kabutihan din para palakihin at turuan sila, kaya dapat sundin ng mga anak ang bawat sabihin ng kanilang mga magulang, tuparin ang kanilang obligasyon bilang anak, at huwag maghanap ng mali sa kanilang mga magulang. Ang lihim na kahulugan ng mga salitang ito ay na hindi mo dapat kilatisin kung sino talaga ang iyong mga magulang. Kung susuriin natin ito mula sa perspektibang ito, tama ba ang pananaw na ito? (Hindi, mali ito.) Paano natin dapat tratuhin ang bagay na ito ayon sa katotohanan? Paano ba ito maipapahayag nang tama? Ang katawan at buhay ba ng mga anak ay ibinigay sa kanila ng kanilang mga magulang? (Hindi.) Ang katawan ng isang tao ay ipinanganak ng kanilang mga magulang, ngunit saan nanggagaling ang kakayahan ng mga magulang na magkaanak? (Ito ay ibinigay ng Diyos at nanggagaling sa Diyos.) Paano naman ang kaluluwa ng isang tao? Saan ito nanggaling? Galing din ito sa Diyos. Kaya sa pinakaugat, ang mga tao ay nilikha ng Diyos, at ang lahat ng ito ay pauna na Niyang itinalaga. Ang Diyos ang paunang nagtalaga na maisilang ka sa pamilyang ito. Nagpadala ang Diyos ng kaluluwa sa pamilyang ito, at pagkatapos ay ipinanganak ka sa pamilyang ito, at mayroon ka nitong pauna nang itinakdang relasyon sa iyong mga magulang—ito ay pauna nang itinalaga ng Diyos. Dahil sa kataas-taasang kapangyarihang at paunang pagtatalaga ng Diyos, naging anak ka ng iyong mga magulang at isinilang ka sa pamilyang ito. Ito ang ugat na dahilan dito. Ngunit paano kung hindi paunang itinalaga ng Diyos ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan? Kung gayon, hindi ka magiging anak ng iyong mga magulang at hindi kayo kailanman magkakaroon ng ugnayan bilang magulang at anak. Wala sanang relasyon sa dugo, walang pagmamahal sa pamilya, at walang anumang ugnayan. Samakatuwid, maling sabihin na ang buhay ng isang tao ay ibinigay sa kanila ng kanilang mga magulang. Ang isa pang aspekto ay na, kung titingnan ito mula sa perspektiba ng anak, isang henerasyon ang tanda sa kanila ng kanilang mga magulang. Ngunit kung ang mga tao ang tatanungin, ang mga magulang ay katulad lang ng iba, dahil lahat sila ay miyembro ng tiwaling sangkatauhan, at lahat ay may mga tiwaling disposisyon ni Satanas. Wala silang ipinagkaiba sa sinuman, at walang ipinagkaiba sa iyo. Bagamat ipinanganak ka ng kanilang katawan, at sa usapin ng inyong relasyon sa laman-at-dugo ay isang henerasyon ang tanda nila sa iyo, gayunpaman, pagdating sa iyong disposisyong diwa bilang tao, namumuhay kayong lahat sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at lahat kayo ay ginawang tiwali ni Satanas at nagtataglay ng mga tiwali at satanikong disposisyon. Batay sa katunayan na ang lahat ng tao ay may mga tiwali at satanikong disposisyon, ang mga diwa ng lahat ng tao ay pare-pareho lang. Anuman ang pagkakaiba sa katandaan, o sa edad ng isang tao, o gaano man kaaga o kahuli dumating ang isang tao sa mundong ito, sa diwa ay pare-pareho lang ang mga tiwaling disposisyong diwa ng mga tao, lahat sila ay mga taong ginawang tiwali ni Satanas, at hindi naiiba sa usaping ito. Hindi mahalaga kung mabuti o masama ang kanilang pagkatao, dahil sila ay may mga tiwaling disposisyon, pinanghahawakan nila ang mga parehong perspektiba at paninindigan pagdating sa pagtingin sa mga tao at mga bagay, at sa pagharap sa katotohanan. Sa ganitong pananaw, wala silang pinag-iba sa isa’t isa. Gayundin, ang lahat ng naninirahan kasama ang masamang sangkatauhang ito ay tumatanggap ng iba’t ibang ideya at pananaw na laganap sa masamang mundong ito, sa mga salita man o kaisipan, o sa anyo o ideolohiya, at tumatanggap ng lahat ng uri ng ideya mula kay Satanas, sa pamamagitan man ng edukasyon ng estado o ng pagkokondisyon ng mga kaugaliang panlipunan. Ang mga bagay na ito ay hinding-hindi naaayon sa katotohanan. Walang katotohanan sa mga ito, at talagang hindi nauunawaan ng mga tao kung ano ang katotohanan. Mula sa pananaw na ito, ang mga magulang at ang kanilang mga anak ay pantay-pantay at may mga parehong ideya at pananaw. Sadyang tinanggap lang ng iyong mga magulang ang mga ideya at pananaw na ito 20 o 30 taon na ang nakalilipas, samantalang medyo kamakailan mo lang tinanggap ang mga ito. Ibig sabihin, dahil sa magkatulad na kalagayan ng lipunan, hangga’t ikaw ay isang normal na tao, kapwa ikaw at ang mga magulang mo ay tumanggap ng parehong pagtitiwali ni Satanas, ng pagkokondisyon ng mga kaugaliang panlipunan, at ng mga parehong ideya at pananaw na nagmumula sa iba’t ibang masamang kalakaran sa lipunan. Mula sa pananaw na ito, ang mga anak ay kapareho ng uri ng kanilang mga magulang. Mula sa pananaw ng Diyos, kung isasantabi muna ang pangunahing batayan na Siya ang paunang nagtatalaga, nagtatakda, at pumipili, sa mga mata ng Diyos, ang mga magulang at kanilang mga anak ay magkatulad sapagkat sila ay mga nilikha, at sila man ay mga nilikhang sumasamba sa Diyos o hindi, lahat sila ay kilala bilang mga nilikha, at silang lahat ay tumatanggap sa kataas-taasang kapangyarihan, mga pangangasiwa, at mga pagsasaayos ng Diyos. Mula sa pananaw na ito, sa totoo lang, ang mga magulang at ang kanilang mga anak ay may pantay na katayuan sa mga mata ng Diyos, at lahat sila ay tumatanggap sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos nang pare-pareho at pantay-pantay. Ito ay isang obhektibong katunayan. Kung silang lahat ay hinirang ng Diyos, lahat sila ay may pantay-pantay na pagkakataon na hangarin ang katotohanan. Siyempre, mayroon din silang pantay-pantay na pagkakataon na tanggapin ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, at pantay-pantay na pagkakataon na maligtas. Bukod sa mga pagkakatulad sa itaas, may isang pagkakaiba lamang sa pagitan ng mga magulang at ng kanilang mga anak, at iyon ay na mas mataas ang antas ng mga magulang kaysa sa kanilang mga anak sa tinatawag na herarkiya ng pamilya. Ano ang ibig sabihin ng kanilang antas sa herarkiya ng pamilya? Nangangahulugan ito na isang henerasyon lang ang tanda nila, mga 20 o 30 taon—ito ay isang malaking agwat sa edad lamang. At dahil sa espesyal na katayuan ng mga magulang, kailangang maging magalang ang mga anak at tuparin ang kanilang mga obligasyon sa kanilang mga magulang. Ito ang tanging responsabilidad ng isang tao sa kanyang mga magulang. Subalit dahil ang mga anak at mga magulang ay pawang bahagi ng iisang tiwaling sangkatauhan, ang mga magulang ay hindi mga moral na halimbawa para sa kanilang mga anak, hindi rin sila isang pamantayan o huwaran para sa paghahangad ng kanilang mga anak sa katotohanan, ni hindi rin sila huwaran para sa kanilang mga anak pagdating sa pagsamba at pagpapasakop sa Diyos. Siyempre, ang mga magulang ay hindi ang pagkakatawang-tao ng katotohanan. Ang mga tao ay walang obligasyon o responsabilidad na ituring ang kanilang mga magulang bilang mga moral na halimbawa at mga taong dapat sundin nang walang kondisyon. Hindi dapat matakot ang mga anak na makilala ang asal, mga kilos, at diwa ng disposisyon ng kanilang mga magulang. Ibig sabihin, pagdating sa pagtrato sa sarili nilang mga magulang, hindi dapat sumunod ang mga tao sa mga ideya at pananaw gaya ng “Ang magulang ay palaging tama.” Ang pananaw na ito ay batay sa katunayan na ang mga magulang ay may espesyal na katayuan, dahil ipinanganak ka nila sa ilalim ng paunang pagtatalaga ng Diyos, at sila ay 20, 30 o kahit na 40 o 50 taong mas matanda sa iyo. Mula lamang ito sa perspektiba ng relasyong ito ng laman-at-dugo, pagdating sa kanilang katayuan at antas sa herarkiya ng pamilya, na sila ay naiiba sa kanilang mga anak. Ngunit dahil sa pagkakaibang ito, itinuturing ng mga tao ang kanilang mga magulang bilang walang anumang pagkakamali. Tama ba ito? Ito ay mali, hindi makatwiran, at hindi naaayon sa katotohanan. Ang ilang tao ay napapaisip kung paano dapat tratuhin ng isang tao ang sarili niyang mga magulang, dahil sa may ganitong relasyon ng laman-at-dugo ang mga magulang at mga anak. Kung nananampalataya sa Diyos ang mga magulang, dapat silang tratuhin bilang mga mananampalataya; kung hindi sila nananampalataya sa Diyos, dapat silang tratuhin bilang mga walang pananampalataya. Anumang uri ng tao ang mga magulang, dapat silang tratuhin ayon sa mga kaukulang katotohanang prinsipyo. Kung sila ay mga diyablo, dapat mong sabihin na sila ay mga diyablo. Kung wala silang pagkatao, dapat mong sabihin na wala silang pagkatao. Kung ang mga ideya at pananaw na itinuturo nila sa iyo ay hindi naaayon sa katotohanan, hindi mo kailangang pakinggan o tanggapin ang mga ito, at maaari mo pa ngang kilatisin kung ano talaga sila at ilantad sila. Kung sasabihin ng mga magulang mo, “Ginagawa ko ito para sa ikabubuti mo,” at mag-aalburuto at magagalit sila nang husto, mag-aalala ka ba? (Hindi.) Kung hindi nananampalataya ang iyong mga magulang, huwag mo na lang silang pansinin, at hayaan na lang. Kung magagalit sila nang husto, makikita mo na sila ay walang iba kundi mga diyablo. Ang mga katotohanang ito tungkol sa pananalig sa Diyos ay ang mga ideya at pananaw na pinakakailangang tanggapin ng mga tao. Hindi nila kayang tanggapin o unawain ang mga ito, kaya anong uri sila? Hindi nila nauunawaan ang mga salita ng Diyos, kaya sila ay mas mababa pa kaysa sa tao, hindi ba?

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (13)

Gaano ka man inalagaan ng iyong mga magulang o gaano man nila ginampanan ang kanilang responsabilidad sa iyo habang pinapalaki ka nila, ginagawa lang nila ang isang bagay na dapat gawin ng isang nilikha—instinto nila ito. Tingnan mo na lang ang mga ibon, sa loob ng higit isang buwan bago ang panahon ng pagsasamang-dingas, palagi silang naghahanap ng ligtas na lugar para gawin ang kanilang mga pugad. Ang mga ibon na lalaki at babae ay nagsasalitan sa paglabas, nagdadala ng iba’t ibang uri ng halaman, balahibo, at sanga para simulan ang paggawa ng kanilang mga pugad sa medyo makakapal na puno. Ang maliliit na pugad na gawa ng iba’t ibang uri ng ibon ay pawang lubos na matitibay at masinsin. Alang-alang sa kanilang mga supling, ginugugol ng mga ibon ang lahat ng pagsisikap na ito sa paggawa ng mga pugad at pagtatayo ng mga silungan. Pagkatapos nilang maitayo ang kanilang mga pugad at panahon na para sa paglilimlim, palaging may ibon sa bawat pugad; ang mga lalaki at babaeng ibon ay naghahalinhinan sa pagbabantay sa loob ng 24 na oras sa isang araw, at lubos silang alerto—kapag ang isa sa kanila ay bumalik na, agad namang lilipad ang isa pagkatapos. Hindi nagtatagal pagkatapos nito, napipisa ang ilang itlog at lumalabas ang ulo ng mga sisiw, at maririnig mo silang magsimulang humuni sa mga puno. Ang mga ibong nasa hustong gulang ay pabalik-balik na lumilipad, babalik para pakainin ang kanilang mga sisiw ng ilang uod, tapos ay babalik uli para pakainin ang mga sisiw ng iba pang pagkain, nagpapakita ng labis na pagkamaasikaso. Pagkalipas ng ilang buwan, lumaki na nang kaunti ang ilan sa mga sisiw, at kaya na nilang tumayo sa gilid ng kanilang mga pugad at ipayagpag ang kanilang mga pakpak; ang kanilang mga magulang ay lumilipad pabalik-balik, naghahalinhinan sa pagpapakain at pagbabantay sa kanilang mga sisiw. … Ang lahat ng uri ng buhay na nilalang at hayop ay nagtataglay ng mga instinto at batas na ito, at sinusunod nila ang mga ito nang mabuti, ganap na isinasakatuparan ang mga ito. Ito ay isang bagay na hindi kayang sirain ninuman. Mayroon ding ilang espesyal na hayop, tulad ng mga tigre at leon. Kapag nasa hustong gulang na ang mga hayop na ito, iniiwan nila ang kanilang mga magulang, at ang ilang lalaki ay nagiging magkaribal pa nga, nangangagat, nakikipaglaban, at nakikipagtunggali kung kinakailangan. Normal lang ito, ito ay isang batas. Hindi nila binibigyang pansin ang kanilang mga damdamin, at hindi sila namumuhay ayon sa mga damdamin gaya ng ginagawa ng mga tao, palaging gustong suklian ang kabaitan na ipinakita sa kanila ng kanilang mga magulang sa pagpapalaki sa kanila, palaging nag-aalala na kung hindi sila magiging mabuting anak sa mga magulang nila, kokondenahin sila ng ibang tao, kagagalitan sila, at pupunahin sila kapag nakatalikod sila. Ang mga ideyang ito ay hindi umiiral sa mundo ng hayop. Bakit sinasabi ng mga tao ang gayong mga bagay? Dahil sa lipunan at sa loob ng mga grupo ng mga tao, mayroong iba’t ibang ideya at mga pangkalahatang pinanghahawakang pananaw na hindi tama. Matapos maimpluwensiyahan, unti-unting masira, at mabulok ang mga tao sa mga bagay na ito, nagiging iba’t iba ang pagbibigay-kahulugan at pagharap nila sa relasyon ng magulang at anak, at sa huli ay tinatrato nila ang kanilang mga magulang bilang kanilang mga pinagkakautangan—mga pinagkakautangan na hinding-hindi nila mababayaran sa buong buhay nila. Mayroon pa ngang mga taong nakokonsensiya sa buong buhay nila pagkatapos mamatay ang kanilang mga magulang, nakokonsensiya na nabigo silang suklian ang kabaitan ng kanilang mga magulang, dahil minsan ay gumawa sila ng isang bagay na hindi nakapagpasaya sa kanilang mga magulang o hindi naaayon sa kagustuhan ng mga ito. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t kalabisan ito? Ang mga tao ay namumuhay sa gitna ng kanilang mga damdamin, kaya maaari lamang silang masakop at mabagabag ng iba’t ibang ideyang nagmumula sa mga damdaming ito. Ang mga tao ay namumuhay sa isang kapaligirang kinukulayan ng ideolohiya ng tiwaling sangkatauhan, kaya’t nasasakop at nagugulo sila ng iba’t ibang walang-katotohanang ideya, na ginagawang nakakapagod at hindi gaanong simple ang kanilang buhay kumpara sa mga ibang buhay na nilalang. Gayumpaman, sa ngayon, dahil ang Diyos ay gumagawa at nagpapahayag ng katotohanan para sabihin sa mga tao ang katotohanan ng lahat ng katunayang ito, at para bigyan sila ng kakayahang maunawaan ang katotohanan, pagkatapos mong maunawaan ang katotohanan, hindi na magpapabigat sa iyo ang mga walang-katotohanang ideya at pananaw na ito, at hindi mo na gagamitin ang mga ito bilang gabay sa kung paano mo pangasiwaan ang relasyon mo sa mga magulang mo. Kung gayon, mapapanatag ka sa buhay. Ang makaramdam ng kapanatagan sa buhay ay hindi nangangahulugan na hindi mo alam kung ano ang iyong mga responsabilidad at obligasyon—alam mo pa rin ang mga bagay na ito. Depende lang ito sa kung aling perspektiba at mga pamamaraan ang pipiliin mo sa pagharap sa iyong mga responsabilidad at obligasyon. Ang isang landas ay ang tahakin ang landas ng mga damdamin, at harapin ang mga bagay na ito sa pamamaraan na batay sa emosyon, at nang batay sa mga pamamaraan, ideya, at pananaw na itinuturo ni Satanas sa tao. Ang isa pang landas ay ang harapin ang mga bagay na ito batay sa mga salitang itinuro ng Diyos sa tao. Kapag pinangangasiwaan ng mga tao ang mga usaping ito ayon sa mga walang-katotohanang ideya at pananaw ni Satanas, maaari lamang silang mamuhay sa mga komplikasyon ng kanilang damdamin, at hindi nila kailanman nakikilala ang kaibahan ng tama at mali. Sa ilalim ng mga sitwasyong ito, maaari lang silang mamuhay sa isang patibong, palaging naiipit sa mga usapin ng, “Tama ka, mali ako. Marami kang naibigay sa akin; mas kaunti ang naibigay ko sa iyo. Wala kang utang na loob. Wala ka sa lugar,” at iba pa—hindi kailanman nakakawala. Gayumpaman, pagkatapos maunawaan ng mga tao ang katotohanan, nakakawala sila mula sa kanilang mga walang-katotohanang ideya at pananaw at sa bitag ng sarili nilang mga damdamin, at kapag muli nilang tinitingnan ang mga usaping ito, nagiging mas lalong simple ang lahat. Kung susunod ka sa isang aspekto ng mga katotohanang prinsipyo o sa isang ideya at pananaw na wasto at nagmumula sa Diyos, talagang makakaramdam ka ng kapanatagan sa buhay. Hindi na mahahadlangan ng opinyon ng publiko, o ng kamalayan ng iyong konsensiya, o ng bigat ng iyong damdamin kung paano mo pinangangasiwaan ang relasyon mo sa iyong mga magulang; sa halip, bibigyang-kakayahan ka ng mga katotohanang prinsipyong ito na harapin at pangasiwaan ang relasyong ito sa tama at makatwirang paraan. … Hindi Ako nagbabahagi tungkol dito para ipagkanulo mo ang iyong mga magulang, at lalong hindi Ko ito ginagawa para magkaroon ng distansiya sa pagitan mo at ng iyong mga magulang—hindi tayo nagsisimula ng isang kilusan, hindi na kailangang maglagay ng anumang distansiya. Nagbabahagi Ako tungkol dito para lang mabigyan ka ng tamang pang-unawa sa mga usaping ito, at para matulungan kang tumanggap ng tamang ideya at pananaw. Isa pa, nagbabahagi Ako tungkol dito upang kapag nangyari sa iyo ang mga bagay na ito, hindi ka mababagabag ng mga ito, o ganap na maigagapos ng mga ito, at ang mas mahalaga, kapag naharap ka sa mga bagay na ito, hindi nito maaapektuhan ang paggampan mo sa tungkulin ng isang nilikha. Sa ganitong paraan, makakamit ang layon ng pagbabahagi Ko.

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (17)

Ang pagpapakita ba ng pagiging mabuting anak ang katotohanan? (Hindi.) Ang pagiging mabuting anak ay isang tama at positibong bagay, ngunit bakit natin sinasabing hindi ito ang katotohanan? (Dahil ang mga tao ay hindi nagpapakita ng pagiging mabuting anak nang may mga prinsipyo at hindi nila nakikilatis kung anong uri talaga ng tao ang kanilang mga magulang.) Ang paraan kung paano dapat tratuhin ng isang tao ang kanyang mga magulang ay nauugnay sa katotohanan. Kung nananampalataya ang iyong mga magulang sa Diyos at tinatrato ka nang mabuti, dapat mo ba silang igalang? (Oo.) Paano ka gumagalang sa iyong mga magulang? Iba ang pakikitungo mo sa kanila kaysa sa mga kapatid. Ginagawa mo ang lahat ng sinasabi nila, at kung matatanda na sila, kinakailangang manatili ka sa tabi nila upang alagaan sila, na pumipigil sa iyo na lumabas upang gampanan ang iyong tungkulin. Tama bang gawin ito? (Hindi.) Ano ang dapat mong gawin sa gayong mga pagkakataon? Depende ito sa mga pangyayari. Kung kaya mo pa rin silang alagaan habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin nang malapit sa iyong tahanan, at hindi tinututulan ng iyong mga magulang ang pananalig mo sa Diyos, dapat mong tuparin ang iyong responsabilidad bilang isang anak at tulungan ang iyong mga magulang sa ilang gawain. Kung mayroon silang karamdaman, alagaan mo sila; kung may bumabagabag sa kanila, aliwin mo sila; kung ipahihintulot ng iyong kalagayang pinansiyal, ibili mo sila ng mga nutritional supplement na pasok sa badyet mo. Subalit, ano ang dapat mong piliing gawin kung ikaw ay abala sa iyong tungkulin, walang mag-aalaga sa iyong mga magulang, at sila rin naman, ay nananampalataya sa Diyos? Anong katotohanan ang dapat mong isagawa? Yamang ang pagiging mabuting anak ay hindi ang katotohanan, kundi isa lamang responsabilidad at obligasyon ng tao, ano, kung gayon, ang dapat mong gawin kung ang iyong obligasyon ay sumasalungat sa iyong tungkulin? (Gawing prayoridad ang aming tungkulin; unahin ang tungkulin.) Ang isang obligasyon ay hindi naman palaging tungkulin ng isang tao. Ang pagpili na gawin ang tungkulin ng isang tao ay pagsasagawa ng katotohanan, samantalang ang pagtupad sa isang obligasyon ay hindi. Kung may ganito kang kondisyon, maaari mong tuparin ang responsabilidad o obligasyong ito, pero kung hindi ito pinahihintulutan ng kasalukuyang kapaligiran, ano ang dapat mong gawin? Dapat mong sabihin na, “Kailangan kong gampanan ang aking tungkulin—iyon ang pagsasagawa ng katotohanan. Ang paggalang sa aking mga magulang ay pamumuhay ayon sa aking konsensiya at hindi ito umaabot sa pagsasagawa ng katotohanan.” Kaya, dapat mong unahin ang iyong tungkulin at panindigan ito. Kung wala kang tungkulin ngayon, at hindi malayo sa bahay ang pinagtatrabahuhan mo, at malapit ang tirahan mo sa iyong mga magulang, maghanap ka ng mga paraan para alagaan sila. Gawin ang iyong makakaya para tulungan silang gawing mas maginhawa nang kaunti ang kanilang buhay at makaiwas sila sa ilang pagdurusa. Pero depende pa rin ito sa kung anong klase ng tao ang mga magulang mo. Kung ang mga magulang mo ay may masamang pagkatao, kung palagi ka nilang hinahadlangan na manampalataya sa Diyos at na gawin ang iyong tungkulin, at kung kinamumuhian at isinusumpa ka nila dahil nananampalataya ka sa Diyos, ano ang dapat mong gawin? Anong katotohanan ang dapat mong isagawa? (Pagtakwil.) Sa pagkakataong ito, kailangan mo silang itakwil. Wala ka nang anumang obligasyong magpakita ng paggalang bilang isang mabuting anak sa kanila. Kung nananampalataya sila sa Diyos, sa gayon ay kapamilya sila, mga magulang mo. Kung hindi sila nananampalataya sa Diyos at lumalaban pa nga sa Diyos, magkaibang mga landas ang tinatahak ninyo: Nananampalataya sila kay Satanas at sumasamba sa haring diyablo, at tinatahak nila ang landas ni Satanas; sila ay nasa landas na kaiba sa iyo. Hindi na kayo isang pamilya. Itinuturing nilang mga kalaban at kaaway ang mga mananampalataya sa Diyos, kaya wala ka nang obligasyong alagaan sila at kailangan mo nang ganap na putulin ang ugnayan sa kanila. Alin ang katotohanan: ang pagiging mabuting anak o ang paggawa sa tungkulin? Siyempre, ang gawin ang tungkulin ng isang tao. Ang paggawa ng tungkulin ng isang tao sa sambahayan ng Diyos ay hindi isang bagay na kasingsimple ng pagtupad sa kaunti sa mga obligasyon ng isang tao at paggawa ng kaunti sa dapat gawin ng isang tao. Ito ay paggawa ng tungkulin ng isang nilikha. Narito ang atas ng Diyos; ito ay obligasyon mo, responsabilidad mo. Isa itong tunay na responsabilidad; na tuparin ang iyong responsabilidad at obligasyon sa harap ng Lumikha. Ito ang hinihingi ng Lumikha sa mga tao, at ito ang malaking usapin ng buhay. Samantalang ang pagpapakita ng pagiging mabuting anak ay responsabilidad at obligasyon lamang ng isang anak. Tiyak na hindi ito iniatas ng Diyos, at lalo nang hindi ito naaayon sa hinihingi ng Diyos. Samakatwid, sa pagitan ng pagpapakita ng pagiging mabuting anak at paggawa sa tungkulin ng isang tao, walang duda na ang paggawa sa tungkulin ng isang tao, at iyon lamang, ang pagsasagawa ng katotohanan. Ang paggawa sa tungkulin ng isang tao bilang isang nilikha ay ang katotohanan, at isa itong tungkuling dapat gampanan. Ang pagpapakita ng pagiging mabuting anak ay tungkol sa pagiging mabuting anak para sa mga tao. Hindi ito nangangahulugang ginagawa ng isang tao ang kanyang tungkulin, ni nangangahulugang isinasagawa niya ang katotohanan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Katotohanang Realidad?

Kung, batay sa kapaligirang pinamumuhayan mo at sa kontekstong kinalalagyan mo, ang paggalang sa iyong mga magulang ay hindi sumasalungat sa pagkumpleto mo sa atas ng Diyos at paggawa mo sa iyong tungkulin—o, sa madaling salita, kung hindi naaapektuhan ng paggalang sa iyong mga magulang ang iyong debosyon sa iyong tungkulin—maaari mong parehong isagawa ang mga ito nang sabay. Hindi mo kailangang humiwalay sa iyong mga magulang sa panlabas, at hindi mo kailangang talikuran o tanggihan sila sa panlabas. Sa anong sitwasyon ito nalalapat? (Kapag hindi sumasalungat ang paggalang sa mga magulang sa paggampan sa tungkulin.) Tama iyan. Sa madaling salita, kung hindi sinusubukan ng iyong mga magulang na hadlangan ang iyong pananampalataya sa Diyos, at mga mananampalataya rin sila, at talagang sinusuportahan at hinihikayat ka nila na gawin ang iyong tungkulin nang may debosyon at kumpletuhin mo ang atas ng Diyos, ang relasyon mo sa iyong mga magulang ay hindi isang tipikal na relasyon ng laman sa pagitan ng magkakamag-anak; sa halip, isa itong relasyon sa pagitan ng magkakapatid sa iglesia. Sa ganoong sitwasyon, bukod sa pakikisalamuha sa kanila bilang mga kapatid sa iglesia, dapat mo ring tuparin ang ilan sa iyong mga responsabilidad bilang kanilang anak. Tama rin na pakitaan mo sila ng kaunti pang malasakit. Basta’t hindi ito nakaaapekto sa paggampan sa tungkulin mo, ibig sabihin, basta’t hindi nila nalilimitahan ang iyong puso, maaari mong tawagan ang iyong mga magulang upang kumustahin sila at magpakita ng kaunting pagmamalasakit sa kanila, maaari mo silang tulungang lutasin ang ilang suliranin at asikasuhin ang ilan sa kanilang problema sa buhay, at maaari mo silang tulungang lutasin ang ilan sa mga suliraning mayroon sila sa usapin ng kanilang buhay pagpasok—maaari mong gawin ang lahat ng bagay na ito. Sa madaling salita, kung hindi hinahadlangan ng iyong mga magulang ang iyong pananampalataya sa Diyos, dapat mong panatilihin ang relasyong ito sa kanila, at dapat mong tuparin ang iyong mga responsabilidad sa kanila. At bakit dapat mo silang pakitaan ng malasakit, alagaan, at kumustahin? Dahil anak ka nila. Dahil may ganito kang relasyon sa kanila, at mayroon kang isa pang uri ng responsabilidad, kaya dapat mo silang kumustahin pa nang kaunti at bigyan sila ng higit pang tulong. Basta’t hindi ito nakaaapekto sa paggampan mo sa iyong tungkulin, at basta’t hindi hinahadlangan o ginugulo ng mga magulang mo ang iyong pananalig sa Diyos at ang iyong paggampan sa tungkulin, at hindi ka rin nila pinipigilan, kung gayon ay natural at nararapat na tuparin mo ang iyong mga responsabilidad sa kanila, at dapat mo itong gawin hanggang sa antas na hindi ka inuusig ng iyong konsensiya—ito ang pinakamababang pamantayan na dapat mong matugunan. Kung hindi mo magawang maging mabuting anak sa iyong mga magulang sa tahanan dahil sa epekto at paghadlang ng iyong mga sitwasyon, hindi mo kailangang sundin ang regulasyong ito. Dapat mong ipasailalim ang iyong sarili sa mga pamamatnugot ng Diyos at dapat kang magpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos, at hindi mo kailangang ipilit na maging mabuting anak sa iyong mga magulang. Kinokondena ba ito ng Diyos? Hindi ito kinokondena ng Diyos; hindi Niya pinipilit ang mga tao na gawin ito. … Kung hindi nananalig sa Diyos ang mga magulang mo, at magkaiba ang inyong wika o mga paghahangad at mithiin, at iba ang landas na tinatahak nila sa landas na tinatahak mo, at hinahadlangan at inuusig pa nga nila ang iyong pananalig sa Diyos, kung gayon ay matutukoy mo sila, makikilatis mo ang kanilang diwa, at maitatakwil sila. Siyempre pa, kung berbal nilang aabusuhin ang Diyos o isusumpa ka nila, maaari mo silang isumpa sa iyong puso. Kung gayon, ano ang tinutukoy ng sinasabi ng Diyos na “paggalang sa mga magulang”? Paano mo ito dapat isagawa? Ibig sabihin, kung maaari mong tuparin ang iyong mga responsabilidad, tuparin mo ang mga ito nang kaunti, at kung wala kang ganoong pagkakataon, o kung naging napakatindi na ng tensyon sa iyong mga pakikisalamuha sa kanila, at may alitan na sa pagitan ninyo, at umabot na sa puntong hindi na ninyo kayang makita ang isa’t isa, dapat kang magmadaling ilayo ang sarili mo sa kanila. Kapag nagsasalita ang Diyos tungkol sa paggalang sa ganitong mga uri ng mga magulang, ibig Niyang sabihin ay dapat mong tuparin ang iyong mga responsabilidad bilang anak mula sa perspektiba ng iyong posisyon bilang kanilang anak, at gawin mo ang mga bagay na nararapat na gawin ng isang anak. Hindi mo dapat maltratuhin ang iyong mga magulang, o hindi ka dapat makipagtalo sa kanila, hindi mo sila dapat saktan o sigawan, hindi mo sila dapat abusuhin, at dapat mong tuparin ang iyong mga responsabilidad sa kanila sa abot ng makakaya mo. Ito ang mga bagay na nararapat isakatuparan sa saklaw ng pagkatao; ito ang mga prinsipyo na dapat isagawa ng isang tao kaugnay ng “paggalang sa mga magulang.” Hindi ba’t madaling isakatuparan ang mga ito? Hindi mo kailangang harapin ang iyong mga magulang nang mainit ang ulo mo, na sinasabing, “Kayong mga diyablo at hindi mananampalataya, isinusumpa kayo ng Diyos tungo sa lawa ng apoy at asupre at sa napakalalim na hukay, ipadadala Niya kayo sa ikalabingwalong antas ng impiyerno!” Hindi iyon kinakailangan, hindi mo kailangang maging ganito katindi. Kung pahihintulutan ng mga sirkumstansiya, at kung hinihingi ng sitwasyon, maaari mong tuparin ang iyong mga responsabilidad bilang anak sa iyong mga magulang. Kung hindi ito kinakailangan, o kung hindi ito pinahihintulutan ng mga sirkumstansiya at hindi ito posible, maaari mong hindi gawin ang obligasyong ito. Ang kailangan mo lang gawin ay tuparin ang iyong mga responsabilidad bilang anak kapag nakikipagkita ka sa iyong mga magulang at nakikisalamuha ka sa kanila. Kapag nagawa mo na iyon, nakumpleto mo na ang iyong gawain. Ano ang tingin mo sa prinsipyong ito? (Maganda ito.) Dapat ay mayroong mga prinsipyo sa kung paano mo tinatrato ang lahat ng tao, kabilang ang iyong mga magulang. Hindi ka maaaring kumilos nang pabigla-bigla, at hindi mo maaaring berbal na abusuhin ang iyong mga magulang dahil lang sa inuusig nila ang iyong pananalig sa Diyos. Napakaraming tao sa mundo ang hindi nananalig sa Diyos, napakaraming walang pananampalataya, at napakaraming taong nang-iinsulto sa Diyos—isusumpa at sisigawan mo ba silang lahat? Kung hindi, hindi mo rin dapat sigawan ang iyong mga magulang. Kung sisigawan mo ang iyong mga magulang ngunit hindi ang iba pang taong iyon, kung gayon ay namumuhay ka sa gitna ng init ng ulo, at hindi ito gusto ng Diyos. Huwag mong isiping malulugod ang Diyos sa iyo kung berbal mong aabusuhin at isusumpa ang iyong mga magulang nang walang mabuting layon, sinasabing sila ay mga diyablo, nabubuhay na mga Satanas, at kampon ni Satanas, at isinusumpa silang mapunta sa impiyerno—sadyang hindi iyon ganoon. Hindi ka magiging katanggap-tanggap sa Diyos o hindi Niya sasabihing mayroon kang pagkatao dahil sa huwad na pagpapakitang ito ng pagiging aktibo. Sa halip, sasabihin ng Diyos na ang iyong mga kilos ay may kasamang mga emosyon at init ng ulo. Hindi magugustuhan ng Diyos ang pagkilos mo sa ganitong paraan, masyado itong sukdulan, at hindi ito naaayon sa Kanyang mga layunin. Dapat na mayroong mga prinsipyo sa kung paano mo tinatrato ang lahat ng tao, kabilang na ang iyong mga magulang; nananalig man sila sa Diyos o hindi, at masasamang tao man sila o hindi, dapat mo silang tratuhin nang may mga prinsipyo. Sinabi ng Diyos sa tao ang prinsipyong ito: Tungkol ito sa pagtrato sa iba nang patas—sadya lamang na may karagdagang antas ng responsabilidad ang mga tao sa kanilang mga magulang. Ang kailangan mo lang gawin ay tuparin ang responsabilidad na ito. Mananampalataya man o hindi ang iyong mga magulang, hinahangad man nila o hindi ang kanilang pananalig, umaayon man o hindi ang kanilang pananaw sa buhay at pagkatao sa iyong pananaw sa buhay at pagkatao, kailangan mo lang tuparin ang iyong responsabilidad sa kanila. Hindi mo sila kailangang iwasan—hayaan mo lang na natural na mangyari ang lahat, nang ayon sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Kung hinahadlangan nila ang iyong pananalig sa Diyos, dapat mo pa ring tuparin ang iyong mga responsabilidad bilang anak sa abot ng makakaya mo, upang kahit papaano ay hindi makaramdam ang iyong konsensiya na may pagkakautang ka sa kanila. Kung hindi ka nila hinahadlangan, at sinusuportahan nila ang iyong pananalig sa Diyos, kung gayon ay dapat ka ring magsagawa nang ayon sa mga prinsipyo, tinatrato sila nang maayos kapag naaangkop na gawin ito. Bilang buod, anuman ang mangyari, hindi nagbabago ang mga hinihingi ng Diyos sa tao, at hindi maaaring magbago ang mga katotohanang prinsipyo na dapat isagawa ng mga tao. Sa mga usaping ito, kailangan mo lang itaguyod ang mga prinsipyo, at tuparin ang mga responsabilidad na magagawa mong tuparin.

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (4)

Anong prinsipyo ang dapat pagbatayan ng pagtrato ng mga tao sa iba ayon sa hinihingi ng mga salita ng Diyos? Mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos. Ito ang prinsipyong dapat sundin ng mga tao. Mahal ng Diyos ang mga naghahangad ng katotohanan at nakasusunod sa Kanyang kalooban; ito rin ang mga taong dapat nating mahalin. Ang mga hindi nakasusunod sa kalooban ng Diyos, mga namumuhi at naghihimagsik laban sa Diyos—ito ang mga taong kinasusuklaman ng Diyos, at dapat din natin silang kasuklaman. Ito ang hinihingi ng Diyos sa tao. Kung hindi naniniwala sa Diyos ang iyong mga magulang, kung alam na alam nila na ang pananalig sa Diyos ang tamang landas, at na maaari itong humantong sa kaligtasan, subalit ayaw pa rin nila itong tanggapin, walang duda na sila ay mga taong tumututol at namumuhi sa katotohanan, at na sila ang mga taong lumalaban at namumuhi sa Diyos—at natural lang na kinapopootan at kinamumuhian sila ng Diyos. Magagawa mo bang kapootan ang gayong mga magulang? Nilalabanan at nilalapastangan nila ang Diyos—kung magkagayon ay tiyak na mga demonyo at Satanas sila. Magagawa mo ba silang kamuhian at sumpain? Mga totoong katanungan ang lahat ng ito. Kung hinahadlangan ka ng iyong mga magulang na manampalataya sa Diyos, paano mo sila dapat tratuhin? Gaya ng hinihingi ng Diyos, dapat mong mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos. Noong Kapanahunan ng Biyaya, sinabi ng Panginoong Jesus, “Sino ang Aking ina? At sino-sino ang Aking mga kapatid?” “Sinumang gumagawa ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit, ay siyang Aking kapatid na lalaki at Aking kapatid na babae, at ina.” Umiiral na ang mga salitang ito noon pang Kapanahunan ng Biyaya, at lalo pang mas malinaw ang mga salita ng Diyos ngayon: “Mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos.” Deretsahan ang mga salitang ito, ngunit madalas na hindi naaarok ng mga tao ang tunay na kahulugan ng mga ito. Kung itinatatwa at sinasalungat ng isang tao ang Diyos, na siya ay isinusumpa ng Diyos, ngunit siya ay magulang o kamag-anak mo, at sa tingin mo ay hindi naman siya mukhang masamang tao, at maayos ang pagtrato niya sa iyo, baka hindi mo magawang kamuhian ang taong iyon, at baka manatili pa nga ang malapit ninyong ugnayan, na hindi nagbabago ang relasyon ninyo. Ikababahala mo na marinig na kinamumuhian ng Diyos ang gayong mga tao, at hindi mo magagawang pumanig sa Diyos at malupit na tanggihan ang taong iyon. Lagi kang nalilimitahan ng mga damdamin, at hindi mo ganap na mapakawalan ang mga ito. Ano ang dahilan nito? Nangyayari ito dahil masyadong matindi ang iyong mga damdamin, at hinahadlangan ka ng mga ito na maisagawa ang katotohanan. Mabait sa iyo ang taong iyon, kaya hindi mo maatim na kamuhian siya. Makakaya mo lang siyang kamuhian kung sinaktan ka nga niya. Ang pagkamuhing iyon ba ay aayon sa mga katotohanang prinsipyo? Gayundin, ginagapos ka ng tradisyonal na mga kuru-kuro, na iniisip na isa siyang magulang o kamag-anak, kaya kung kamumuhian mo siya, hahamakin ka ng lipunan at lalaitin ng publiko, kokondenahin bilang hindi mabuting anak, walang konsensiya, at ni hindi nga tao. Iniisip mo na magdurusa ka ng pagkondena at kaparusahan ng langit. Kahit gusto mong kamuhian siya, hindi iyon kakayanin ng konsensiya mo. Bakit gumagana nang ganito ang konsensiya mo? Ito ay dahil isang paraan ng pag-iisip ang naitanim na sa kalooban mo buhat nang ikaw ay bata pa, sa pamamagitan ng pamana ng iyong pamilya, ang turong ibinigay sa iyo ng mga magulang mo, at ang indoktrinasyon ng tradisyonal na kultura. Ang paraang ito ng pag-iisip ay nakaugat na nang napakalalim sa puso mo, at dahil dito ay nagkakaroon ka ng maling paniniwala na ang pagiging mabuting anak ay ganap na likas at may katwiran, at na ang anumang minana mo mula sa mga ninuno mo ay palaging mabuti. Una mo itong natutunan at nananatili pa rin itong nangingibabaw, na lumilikha ng isang malaking sagabal at kaguluhan sa iyong pananalig at pagtanggap sa katotohanan, na iniiwan kang walang kakayahan na isagawa ang mga salita ng Diyos, at mahalin ang minamahal ng Diyos at kamuhian ang kinamumuhian ng Diyos. Sa katunayan, alam mo sa puso mo na ang buhay mo ay nagmula sa Diyos, hindi mula sa iyong mga magulang, at alam mo rin na ang mga magulang mo ay hindi lamang hindi nananampalataya sa Diyos, kundi nilalabanan ang Diyos, na kinamumuhian sila ng Diyos at dapat kang magpasakop sa Diyos, pumanig sa Kanya, ngunit hindi mo lang talaga magawang kamuhian sila, kahit na gusto mo. Hindi mo ito malampasan, hindi mo mapatatag ang puso mo, at hindi mo maisagawa ang katotohanan. Ano ang ugat nito? Ginagamit ni Satanas ang mga tradisyonal na kulturang ito at ang mga kuru-kurong ito ng moralidad upang igapos ang iyong puso at isipan, ginagawang baligho ang iyong mga pananaw sa mga bagay-bagay at idinudulot na itatwa at labanan mo ang Diyos sa iyong puso, kaya hindi mo magawang tanggapin ang mga salita ng Diyos; sinakop ka ng mga bagay na ito na kay Satanas, at ginawang walang kakayahang tanggapin ang mga salita ng Diyos. Kung nais mong isagawa ang mga salita ng Diyos, ang mga bagay na ito ay mag-aalburuto at magdudulot ng mga kaguluhan sa loob mo, at idinudulot na labanan mo ang katotohanan at ang mga hinihingi ng Diyos. Kahit na nais mong alisin ang iyong sarili mula sa pamatok ng tradisyonal na kultura, wala kang magiging lakas na gawin ito. Pagkatapos makipagbaka nang ilang panahon, makikipagkompromiso ka. Maniniwala ka na ang mga tradisyonal na kuru-kuro ng moralidad ay tama at naaayon sa katotohanan, at kaya’t tatanggihan o pagdududahan mo ang mga salita ng Diyos, hindi tatanggapin ang mga salita ng Diyos bilang katotohanan, at hindi mag-aalala kung makakamit mo ba ang kaligtasan, nararamdaman na, tutal naman, namumuhay ka pa rin sa mundong ito, at magkakaroon ka lamang ng paraan para umusad sa buhay sa pamamagitan ng pag-asa sa mga bagay na ito. Dahil hindi kayang tiisin ang pagkondena ng opinyon ng publiko, pipiliin mong isuko ang katotohanan at ang mga salita ng Diyos, at sa halip ay kakapit ka sa mga kuru-kuro ng moralidad ng tradisyonal na kultura, pumapanig kay Satanas at naninindigan kasama ni Satanas, mas pinipiling salungatin ang Diyos kaysa tanggapin ang katotohanan. Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t kaawa-awa ang tao? Hindi ba’t kailangan niya ang pagliligtas ng Diyos? Ang ilang tao ay maraming taon nang nananampalataya sa Diyos, ngunit hindi pa rin nila makita nang malinaw ang usapin ng pagiging mabuting anak. Gaano man pagbahaginan ang katotohanan, hindi nila ito maunawaan. Hindi nila kailanman mapagtagumpayan ang makamundong ugnayang ito; wala silang lakas ng loob, ni pananalig, lalo na ang determinasyon, kaya hindi nila kayang magmahal at magpasakop sa Diyos. Nagagawa ng ilang tao na makita ang higit pa rito, at talagang hindi madaling bagay para sa kanila na sabihing, “Hindi nananampalataya sa Diyos ang mga magulang ko, at pinipigilan nila akong manampalataya. Sila ay mga diyablo.” Wala ni isang walang pananampalataya ang nananalig na mayroong Diyos, o na Siya ang lumikha ng langit at lupa at ng lahat ng bagay, o na ang tao ay nilikha ng Diyos. May iba pa nga na nagsasabi, “Ang buhay ay ibinigay sa tao ng kanyang mga magulang, at dapat niya silang igalang.” Saan nanggaling ang gayong kaisipan o pananaw? Nanggaling ba ito kay Satanas? Ang libo-libong taon ng tradisyonal na kultura ang nagturo at naglihis sa tao sa ganitong paraan, na nagdudulot sa kanya na itanggi ang paglikha at ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung hindi dahil sa panlilihis at pagkontrol ni Satanas sa mga tao, sisiyasatin ng tao ang gawain ng Diyos at babasahin ang Kanyang mga salita, at malalaman nilang sila ay nilikha ng Diyos, na ang buhay nila ay ibinigay ng Diyos; malalaman nila na ang lahat ng mayroon sila ay ibinigay ng Diyos, at na ang Diyos ang dapat nilang pasalamatan. Kung mayroong sinuman na tutulong sa atin, dapat natin itong tanggapin mula sa Diyos—sa partikular, ang ating mga magulang, na nagsilang at nagpalaki sa atin; ang lahat ng ito ay isinaayos ng Diyos. Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat; ang tao ay isa lamang kasangkapan para sa paglilingkod. Kung maisasantabi ng isang tao ang kanyang mga magulang, o ang kanyang asawa at mga anak, upang gugulin ang sarili niya para sa Diyos, ang taong iyon ay mas lalakas at higit na magkakaroon ng pagpapahalaga sa katarungan sa harap ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw Maaaring Tunay na Magbago ang Isang Tao

Balang araw, kapag naunawaan mo na ang ilan sa katotohanan, hindi mo na iisipin na ang nanay mo ang pinakamabuting tao, o na ang mga magulang mo ang pinakamabubuting tao. Matatanto mo na mga miyembro din sila ng tiwaling sangkatauhan, na pare-pareho lahat ang kanilang mga tiwaling disposisyon, na ang tanging nagbubukod sa kanila ay ang ugnayan ng dugo sa pagitan ninyo, at na kung hindi sila nananampalataya sa Diyos, kapareho sila ng mga walang pananampalataya. Hindi mo na sila titingnan mula sa pananaw ng isang kapamilya, o mula sa pananaw ng inyong ugnayan sa laman, kundi mula sa panig ng katotohanan. Ano ang mga pangunahing aspektong dapat mong tingnan? Dapat mong tingnan ang kanilang mga pananaw tungkol sa pananampalataya sa Diyos, ang kanilang mga pananaw tungkol sa mundo, ang kanilang mga pananaw kapag pinangangasiwaan ang mga usapin, at ang pinakamahalaga, ang kanilang saloobin ukol sa Diyos. Kung tumpak mong titingnan ang mga aspektong ito, malinaw mong makikita kung sila ay mabubuti o masasamang tao. Isang araw ay maaaring malinaw mong makita na sila ay mga taong may mga tiwaling disposisyon katulad mo, at hindi sila ang mababait na tao na may tunay na pagmamahal para sa iyo na tulad ng inaakala mo, at na hindi ka nila talaga maaakay sa katotohanan o sa tamang landas sa buhay. Maaaring malinaw mong makita na ang nagawa nila para sa iyo ay walang gaanong pakinabang sa iyo, at na hindi ito nakakatulong sa iyo sa pagtahak mo sa tamang landas sa buhay. Maaaring makita mo rin na marami sa kanilang mga kilos at opinyon ang sumasalungat sa katotohanan, ang sa laman, at nagpaparamdam sa iyo ng paghamak, pag-ayaw, at pagkasuklam. Kung makikita mo ang mga bagay na ito, matatrato mo na nang tama ang iyong mga magulang sa puso mo, at hindi ka na mangungulila sa kanila, mag-aalala tungkol sa kanila, at makakaya mo nang mamuhay nang malayo sa kanila; nakompleto na nila ang kanilang misyon bilang mga magulang. Hindi mo na sila ituturing bilang pinakamalapit na mga tao sa iyo o iidolohin sila. Sa halip, ituturing mo silang mga ordinaryong tao, at sa panahong iyon, ganap kang makakalaya mula sa gapos ng pagkagiliw at tunay na makakaahon mula sa pagmamahal sa pamilya. Kapag lumayo ka na sa pagkagiliw at pagmamahal sa pamilya, mapagtatanto mo na hindi karapat-dapat pahalagahan ang mga bagay na iyon. Sa puntong iyon, makikita mo na ang mga kamag-anak, pamilya, at relasyon sa laman ay mga balakid sa pag-unawa sa katotohanan at sa pagpapalaya ng iyong sarili mula sa pagmamahal. Makikita mo na dahil mayroon kang pampamilyang relasyon, ang relasyon sa lamang iyon, sa mga magulang mo, na nagpaparalisa sa iyo, at nagliligaw sa iyo, naniniwala ka na sila ang pinakamalapit sa iyo, nag-aalaga sa iyo nang higit pa sa sinuman, at pinakanagmamahal sa iyo, at hindi mo malinaw na makilatis kung sila ba ay mabuti o masamang tao. Sa sandaling tunay na makalayo ka mula sa pagmamahal, mangungulila ka pa rin ba sa kanila nang buong puso, pakaiisipin mo pa rin ba sila, at mag-aalala sa kanila gaya ng ginagawa mo ngayon kapag naiisip mo sila paminsan-minsan? Hindi na. Hindi mo sasabihing: “Ang taong talagang hindi ko kayang mawalay sa akin ay ang nanay ko; siya ang nagmamahal sa akin, nag-aalaga sa akin, at nagmamalasakit sa akin higit sa lahat.” Kapag mayroon kang ganitong antas ng pang-unawa, mangungulila ka pa rin ba sa kanila nang husto na maiiyak ka? Hindi na. Ang problemang ito ay malulutas. Kaya, kapag nahaharap ka sa mga suliranin sa mga partikular na isyu o usapin, kung hindi mo pa nakamit ang aspektong iyon ng katotohanan at kung hindi ka pa nakapasok sa aspektong iyon ng katotohanang realidad, makukulong ka sa gayong mga paghihirap o kalagayan, at hinding-hindi ka makakalabas sa mga ito. Kung tinatrato mo ang ganitong mga uri ng mga paghihirap at problema bilang mga pangunahing problema ng buhay pagpasok at pagkatapos ay hahanapin mo ang katotohanan para malutas ang mga ito, magagawa mong pumasok sa aspektong ito ng katotohanang realidad; nang hindi namamalayan, matututo ka ng mga aral mula sa mga suliranin at problemang ito. Kapag nalutas na ang mga problema mo sa pagkagiliw, mararamdaman mo na hindi ka na ganoon kalapit sa iyong mga magulang at kapamilya, makikita mo nang mas malinaw ang kanilang kalikasang diwa, at makikita mo kung anong uri ng mga tao talaga sila. Ipagpalagay na malinaw mong nakikita ang iyong mga kamag-anak, at sasabihin mong: “Hindi talaga tinatanggap ng nanay ko ang katotohanan; sa totoo lang, tutol siya sa katotohanan at kinasusuklaman niya ito. Sa diwa niya, isa siyang masamang tao, isang diyablo. Palaging sinusubukang palugurin ng ama ko ang mga tao, at palagi siyang pumapanig sa nanay ko. Hindi niya tinatanggap ni isinasagawa ang katotohanan; hindi siya isang taong naghahangad sa katotohanan. Isa siyang hindi mananampalataya. Ganap akong maghihimagsik laban sa kanila, at kailangan kong magtakda ng malilinaw na hangganan sa kanila.” Sa ganitong paraan, titindig ka sa panig ng katotohanan, at magagawa mo silang tanggihan. Kapag nagawa mong kilatisin kung sino sila, kung anong uri ng tao sila, magkakaroon ka pa rin ba ng pagmamahal para sa kanila? Makakaramdam ka pa rin ba ng pagmamahal sa pamilya para sa kanila? Magkakaroon ka pa ba ng relasyon sa laman sa kanila? Hindi na. Kakailanganin mo pa rin bang pigilan ang ganitong uri ng pagmamahal? (Hindi na.) Kung gayon, paano mo ba talaga lulutasin ang mga suliraning ito? Sa pamamagitan ng pag-unawa sa katotohanan, sa pamamagitan ng pagsandal sa Diyos, at sa pamamagitan ng pagbaling sa Diyos. Kung malinaw ang mga bagay na ito sa iyo sa puso mo, kailangan mo pa bang pigilan ang iyong sarili? Nararamdaman mo pa rin ba na naagrabyado ka? Kailangan mo pa bang magdusa ng gayon katinding pasakit? Kailangan mo pa ba ang iba na makipagbahaginan sa iyo at payuhan ka sa iyong paraan ng pag-iisip? Hindi na kailangan, dahil naayos mo na mismo ang mga bagay-bagay—napakadali nito. Sa pagbabalik sa usapin, paano mo dapat lutasin ang isyu nang sa gayon ay hindi mo sila isipin o mangulila sa kanila? (Hanapin ang katotohanan para lutasin ito.) Tila matayog ang mga salitang iyan na medyo pormal kung pakikinggan—ngunit magsalita ka nang medyo mas praktikal nang kaunti. (Gamitin ang mga salita ng Diyos upang lubusang maunawaan ang kanilang diwa; ibig sabihin, kilatisin sila batay sa kanilang diwa. Pagkatapos, magagawa nating isantabi ang ating pagkagiliw, at ang ating relasyon sa laman.) Tama iyan. Tungkol ito sa pagkilatis sa kalikasang diwa ng isang tao, at para magawa ito, dapat mong gawing batayan ang mga salita ng Diyos. Kung wala ang pagsisiwalat ng salita ng Diyos, walang sinuman ang lubos na makakaunawa sa kalikasang diwa ng iba. Sa pamamagitan lamang ng pagbatay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan lubusang mauunawaan ng isang tao ang kalikasang diwa ng mga tao; saka lamang malulutas sa pinagmulan ang problema ng mga damdamin ng tao. Magsimula sa pamamagitan ng pag-iwan ng iyong mga pagkagiliw at relasyon sa laman; kung kanino pinakamatindi ang iyong mga damdamin, siya ang una mong kailangang himayin at kilalanin. Ano ang palagay mo sa solusyong ito? (Mabuti ito.) Sinasabi ng ilang tao: “Ang kilatisin at himayin ang mga taong may pinakamatindi akong emosyonal na ugnayan—napakatigas naman ng puso kapag ganoon!” Ang punto ng pagkilatis mo sa kanila ay hindi para putulin mo ang iyong relasyon sa kanila—hindi ito para putulin ang iyong ugnayan sa iyong magulang bilang kanilang anak, hindi rin para tuluyan mo silang talikuran, at hindi na muling makipag-ugnayan sa kanila. Kailangan mong tuparin ang iyong mga responsabilidad sa iyong mga mahal sa buhay, ngunit hindi ka maaaring magpapigil o magpatali sa kanila, dahil ikaw ay isang tagasunod ng Diyos; dapat mong taglayin ang prinsipyong ito. Kung maaari ka pa rin nilang mapigilan at matali, hindi mo magagawa nang maayos ang iyong tungkulin, at hindi mo rin magagarantiya na masusundan mo ang Diyos hanggang sa dulo ng daan. Kung hindi ka isang tagasunod ng Diyos o isang nagmamahal sa katotohanan, walang sinuman ang hihingi nito sa iyo.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Paglutas Lamang sa mga Tiwaling Disposisyon ng Isang Tao ang Makapagdudulot ng Tunay na Pagbabago

Paano tinrato ni Job ang kanyang mga anak? Tinupad lang niya ang kanyang responsabilidad bilang ama, ipinapangaral ang ebanghelyo sa kanila at nakikipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan. Gayumpaman, makinig man sila o hindi sa kanya, sumunod man sila o hindi, hindi sila pinilit ni Job na manampalataya sa Diyos—hindi niya sila kinaladkad nang nagpupumiglas, o pinakialaman ang kanilang buhay. Naiiba ang kanilang mga ideya at opinyon sa kanya, kaya hindi siya nakialam sa ginagawa nila, at hindi nakialam kung anong uri ng landas ang tinatahak nila. Bihira bang nagsalita si Job sa kanyang mga anak tungkol sa pananampalataya sa Diyos? Tiyak na natalakay sana niya nang sapat sa kanila ang tungkol dito, pero tumanggi silang makinig, at hindi tinanggap ang mga ito. Ano ang saloobin ni Job tungkol doon? “Natupad ko na ang responsabilidad ko; sa kung anong uri ng landas ang tatahakin nila, iyon ay nakasalalay sa kanilang pipiliin, at ito ay nakasalalay sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Kung hindi gagawa ang Diyos sa kanila, o aantigin sila, hindi ko sila susubukang pilitin.” Kung kaya, hindi nagdasal si Job para sa kanila sa harap ng Diyos, o umiyak sa pagdadalamhati dahil sa kanila, o nag-ayuno para sa kanila o nagdusa sa anumang paraan. Hindi niya ginawa ang mga bagay na ito. Bakit hindi ginawa ni Job ang alinman sa mga bagay na ito? Dahil wala sa mga ito ang mga paraan ng pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos; lahat ng ito ay nagmula sa mga ideya ng tao at mga paraan ng aktibong pamumwersa sa mga bagay. Noong ayaw tahakin ng mga anak ni Job ang parehong landas na kanyang tinahak, ito ang kanyang saloobin; kaya’t nang mamatay ang kanyang mga anak, ano ang kanyang naging saloobin? Umiyak ba siya o hindi? Inilabas ba niya ang kanyang mga nararamdaman? Nasaktan ba siya? Walang tala ang Bibliya sa alinman sa mga bagay na ito. Nang makita ni Job na namatay ang kanyang mga anak, nagdalamhati o nalungkot ba siya? (Oo.) Sa usapin ng kanyang pagmamahal na nadarama sa kanyang mga anak, tiyak na bahagya siyang nakadama ng kalungkutan, ngunit nagpasakop pa rin siya sa Diyos. Paano ipinahayag ang kanyang pagpapasakop? Sinabi niyang: “Ibinigay sa akin ng Diyos ang mga anak na ito. Nanampalataya man sila sa Diyos o hindi, nasa mga kamay ng Diyos ang kanilang buhay. Kung nanampalataya sila sa Diyos, at ibig silang alisin ng Diyos, gagawin pa rin Niya ito; kung hindi sila nanampalataya sa Diyos, aalisin pa rin sila kapag sinabi ng Diyos na sila ay aalisin. Ang lahat ng ito ay nasa mga kamay ng Diyos; kung hindi, sinong may kayang mag-alis ng buhay ng mga tao?” Sa madaling salita, ano ba ang ibig sabihin nito? “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21). Pinanatili niya ang ganitong saloobin sa kanyang pagtrato sa kanyang mga anak. Buhay man sila o patay, ipinagpatuloy niya ang ganitong saloobin. Ang kanyang paraan ng pagsasagawa ay tama; sa bawat paraang nagsagawa siya, sa pananaw, saloobin at kalagayan kung paano niya tinrato ang lahat, palagi siyang nasa isang posisyon at kalagayan ng pagpapasakop, paghihintay, paghahanap, at pagkatapos ay pagkakamit ng kaalaman. Napakahalaga ng ganitong saloobin. Kung ang mga tao ay hindi kailanman magkakaroon ng ganitong uri ng saloobin sa anumang bagay na ginagawa nila, at talagang may matinding pansariling mga ideya at inuuna ang mga pansariling layunin at pakinabang bago ang lahat, talaga bang nagpapasakop sila? (Hindi.) Sa gayong mga tao ay hindi makikita ang tunay na pagpapasakop; hindi nila kayang makamit ang tunay na pagpapasakop.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyo ng Pagsasagawa ng Pagpapasakop sa Diyos

Ang isa pang bahagi ng pagkatao ni Job ay ipinapakita sa pag-uusap sa pagitan niya at ng kanyang asawa: “Nang magkagayo’y sinabi ng kanyang asawa sa kanya, ‘Pinananatili mo pa rin ba ang iyong integridad? Sumpain mo ang Diyos, at mamatay ka.’ Ngunit sinabi niya sa kanya, ‘Ikaw ay nagsasalita na gaya ng pagsasalita ng isa sa mga hangal na babae. Ano? Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng kahirapan?’” (Job 2:9–10). Nang makita ang paghihirap na dinaranas niya, sinubukan ng asawa ni Job na payuhan si Job upang tulungan siyang makatakas sa kanyang paghihirap, ngunit ang kanyang “mabubuting layunin” ay hindi sinang-ayunan ni Job; sa halip, naging dahilan ito upang si Job ay magalit, sapagkat itinakwil nito ang pananalig at pagpapasakop ni Job sa Diyos na si Jehova, at itinakwil din nito ang pag-iral ng Diyos na si Jehova. Hindi ito katanggap-tanggap kay Job, dahil hindi niya kailanman pinayagan ang kanyang sarili na gumawa ng kahit ano na sasalungat o makasasakit sa Diyos, lalo pa kaya ang ibang tao. Paano siya mananatiling walang malasakit kung nakita niya ang iba na nagbibigkas ng mga salitang lumalapastangan at umiinsulto sa Diyos? Kaya tinawag niya ang kanyang asawa na isang “hangal na babae.” Ang saloobin ni Job sa kanyang asawa ay may galit at pagkamuhi, pati na rin ang pagsaway at mahigpit na pangangaral. Ito ay ang likas na pagpapahayag ng pagkatao ni Job—na kumikilala sa pagkakaiba ng pag-ibig at pagkamuhi—at isang tunay na paglalarawan ng kanyang matuwid na pagkatao. Si Job ay nagtaglay ng pagpapahalaga sa katarungan—na dahilan upang mamuhi siya sa mga uso at agos ng kasamaan, at kapootan, kondenahin, at tanggihan ang walang saysay na maling pananampalataya, mga katawa-tawang argumento, at katawa-tawang mga pahayag, at nagpahintulot sa kanya na maging totoo sa kanyang sarili, sa mga wastong prinsipyo at makapanindigan nang siya ay itinakwil ng masa at iwan ng mga taong malapit sa kanya.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II

Ang bawat tao ay may kanya-kanyang tadhana, at ang lahat ng ito ay paunang inorden ng Diyos; walang sinumang makakakontrol sa tadhana ng ibang tao. Kailangan mo nang itigil ang pamomroblema sa iyong pamilya at matutunang bitiwan at talikuran ang lahat ng bagay. Paano mo ito gagawin? Ang isang paraan ay manalangin sa Diyos. Dapat ka ring magbulay-bulay kung paanong ang mga kapamilya mo na hindi nananampalataya sa Diyos ay naghahangad ng mga makamundong bagay, kayamanan, at mga materyal na kaginhawahan. Sila ay kay Satanas, at sila ay ibang uri ng tao sa iyo. Mamumuhay ka sa pagdurusa kung hindi mo gagampanan ang tungkulin mo at mamumuhay kang kasama nila. Yamang ang pagtingin mo sa mga bagay ay iba kaysa sa kanila, hindi mo sila makakasundo at sa halip ikaw ay magdurusa nang labis. Magkakaroon lamang ng pasakit at walang kasiyahan. Ang pagmamahal ba ay magdadala sa iyo ng kapayapaan at kagalakan? Ang pagsisilbi sa laman ay walang idudulot sa iyo kundi pagdurusa, kawalan ng kabuluhan, at habambuhay na pagsisisi. Ito ay isang bagay na dapat mong lubos na maunawaan. Kaya, ang pangungulila mo sa iyong pamilya ay makaisang panig; ito ay pagiging sentimental nang hindi naman kinakailangan! Iba ang nilalakaran mong landas kumpara sa kanila. Ang pananaw mo sa buhay, pananaw sa mundo, landas sa buhay, at mga layon sa paghahangad ay pawang iba. Hindi mo kasama ang pamilya mo ngayon, ngunit dahil kayo ay magkadugo, palagi mong nararamdaman na ikaw ay malapit sa kanila at na kayo ay iisang pamilya. Gayunman, kapag ikaw ay aktuwal na namumuhay kasama nila, ilang araw mo pa lang silang pinakikitunguhan ay maiinis ka na nang husto. Punong-puno sila ng kasinungalingan; ang sinasabi nila ay pawang kabulaanan, matamis na pananalita, at panlilinlang. Ang paraan ng kanilang pag-asal at pakikitungo sa mundo ay nakabatay lahat sa satanikong pilosopiya at mga kasabihan sa buhay. Ang kanilang mga kaisipan at pananaw ay pawang mali at baligho, at ang mga ito ay sadyang mahirap na pakinggan. Pagkatapos ay iisipin mo, “Dati ay nasa isip ko sila parati, at palagi akong natatakot na baka hindi sila nabubuhay nang maayos. Ngunit ang pamumuhay kasama ng mga taong ito ngayon ay tunay na napakahirap!” Ikaw ay masusuklam sa kanila. Hindi mo pa natutuklasan kung anong uri sila ng mga tao, kaya iniisip mo pa rin na ang mga ugnayan ng magkakapamilya ay higit na mahalaga at higit na totoo kaysa anuman. Nililimitahan ka pa rin ng pagmamahal. Subukan mong bitiwan ang mga bagay na iyon na ukol sa pagmamahal sa anumang paraan na kaya mo. Kung hindi mo kaya, unahin mo muna ang tungkulin mo. Ang atas ng Diyos at ang iyong misyon ang pinakamahalaga. Ang pagtupad mo muna sa tungkulin mo ang pinakaprayoridad sa lahat ng bagay, at huwag mo munang alalahanin ngayon ang mga bagay na iyon na ukol sa iyong mga kaanak sa laman. Kapag ang iyong atas at ang iyong tungkulin ay naisakatuparan na, nagiging higit na malinaw ang katotohanan sa iyo, ang ugnayan mo sa Diyos ay nagiging higit na normal, ang puso mong nagpapasakop sa Diyos ay higit pang lumalago, at ang may-takot-sa-Diyos na puso mo ay higit pang lumalaki at nagiging higit pang maliwanag, pagkatapos ang kalagayan sa kalooban mo ay magbabago. Kapag ang kalagayan mo ay nagbago, ang mga pananaw mo sa mundo at mga pagmamahal ay lilipas, hindi mo na hahanapin ang mga bagay na iyon, at hahanapin na lamang ng puso mo kung paano mamahalin ang Diyos, paano Siya palulugurin, paano mamumuhay sa paraang nakalulugod sa Kanya, at paano mamumuhay nang may katotohanan. Kapag ito na ang pinagsusumikapan ng puso mo, ang mga bagay na may kaugnayan sa mga pagmamahal ng laman ay unti-unting lilipas, at hindi ka na maigagapos o makokontrol pa ng mga ito.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Labis na makasarili yaong mga nagkakaladkad tungong iglesia sa kanilang mga lubusang di-nananampalatayang anak at kamag-anak, at nagpapakita lamang sila ng kabaitan. Nakatuon lamang ang mga taong ito sa pagiging mapagmahal, naniniwala man sila o hindi o kung layunin man ito ng Diyos. Dinadala ng ilan ang kanilang esposa sa harap ng Diyos, o kinakaladkad ang kanilang mga magulang sa harap ng Diyos, at sumasang-ayon man sa kanila o hindi ang Banal na Espiritu o gumagawa sa kanila, walang taros silang nagpapatuloy sa “pag-ampon ng matatalinong tao” para sa Diyos. Anong pakinabang ang maaaring makamit mula sa pagpapaabot ng kabaitan sa mga walang pananampalatayang ito? Kahit na ang mga hindi mananampalatayang ito, na walang presensiya ng Banal na Espiritu, ay atubiling sumusunod sa Diyos, hindi pa rin sila maililigtas tulad ng maaaring paniwala ng tao. Yaong mga makakatanggap ng kaligtasan ay hindi talaga ganoon kadaling makamit. Lubos na walang kakayahan na magawang ganap ang mga tao na hindi sumailalim sa gawain at mga pagsubok ng Banal na Espiritu, at hindi nagawang perpekto ng Diyos na nagkatawang-tao. Samakatwid, mula sa sandaling simulan nilang sundan sa turing ang Diyos, salat sa presensya ng Banal na Espiritu ang mga taong iyon. Dala ng kanilang mga kondisyon at tunay na kalagayan, sadyang hindi sila magagawang ganap. Sa gayon, nagpapasya ang Banal na Espiritu na huwag gumugol ng gaanong sigla sa kanila, ni nagkakaloob Siya ng anumang kaliwanagan o ginagabayan sila sa anumang paraan; pinahihintulutan lamang Niya silang makisunod, at ibubunyag sa huli ang mga kalalabasan nila—sapat na ito. Ang sigasig at mga layunin ng sangkatauhan ay mula kay Satanas, at hindi makakaya ng mga bagay na ito sa anumang paraan na gawing ganap ang gawain ng Banal na Espiritu. Anupaman ang mga tao, dapat silang magtaglay ng gawain ng Banal na Espiritu. Maaari bang gawing ganap ng mga tao ang mga tao? Bakit minamahal ng isang lalaki ang kanyang asawa? Bakit minamahal ng isang babae ang kanyang asawa? Bakit masunurin ang mga anak sa kanilang mga magulang? Bakit malalim ang pagmamalasakit ng mga magulang sa kanilang mga anak? Saan nakatuon ang lahat ng intensiyon ng mga tao? Hindi ba’t nakatuon ang lahat ng ito sa pagtupad ng sarili nilang mga plano at mga makasariling pagnanais? Tunay bang ibig nilang kumilos alang-alang sa plano ng pamamahala ng Diyos? Tunay nga bang kumikilos sila alang-alang sa gawain ng Diyos? Ang layon ba nila ay tuparin ang tungkulin ng isang nilikha? Yaong mga hindi nagagawang matamo ang presensya ng Banal na Espiritu mula noong sandaling nagsimula silang maniwala sa Diyos ay hindi kailanman makakayang makamit ang gawain ng Banal na Espiritu; ang mga taong ito ay tiyak na mga pakay na wawasakin. Gaano man kalaki ang pagmamahal na mayroon ang isang tao para sa kanila, hindi nito makakayang halinhan ang gawain ng Banal na Espiritu. Kumakatawan ang sigasig at pagmamahal ng mga tao sa mga layunin ng tao, ngunit hindi maaaring kumatawan ang mga ito sa mga layunin ng Diyos, ni hindi maaaring ipanghalili sa gawain ng Diyos. Kahit na ipinaabot ng isang tao ang pinakamalaking posibleng dami ng pagmamahal o awa sa mga tao na naniniwala sa turing sa Diyos at nagpapanggap na sumusunod sa Kanya nang hindi nalalaman kung ano ang tunay na kahulugan ng maniwala sa Diyos, hindi pa rin nila matatamo ang simpatya ng Diyos, ni makakamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Kahit na mahina ang kakayahan ng mga tao na taos-pusong sinusundan ang Diyos at hindi magawang maunawaan ang maraming katotohanan, makakaya pa rin nila na paminsan-minsang makamit ang gawain ng Banal na Espiritu; gayunman, yaong mga may masyadong mahusay na kakayahan, ngunit hindi taos-pusong naniniwala, ay sadyang hindi makakamit ang presensya ng Banal na Espiritu. Walang lubos na posibilidad para sa kaligtasan ng gayong mga tao. Kahit binabasa nila ang mga salita ng Diyos o paminsan-minsang pinakikinggan ang mga pangaral, o kahit inaawit ang mga papuri sa Diyos, sa huli ay hindi nila magagawang makaligtas hanggang sa oras ng pamamahinga.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama

Yaong mga salitang sinabi sa nakaraan, “Kapag naniniwala ang isang tao sa Panginoon, ngumingiti ang kapalaran sa buong pamilya ng isang tao,” ay angkop para sa Kapanahunan ng Biyaya, ngunit walang kaugnayan sa hantungan ng sangkatauhan. Naaangkop lamang ang mga ito para sa isang yugto noong Kapanahunan ng Biyaya. Nakatuon ang pahiwatig ng mga salitang iyon sa biyayang pangkapayapaan at panlupa na tinamasa ng mga tao; hindi nangangahulugan ang mga ito na ang buong pamilya ng isang tao na naniniwala sa Panginoon ay maililigtas, ni hindi nangangahulugan ang mga ito na kapag nakakatanggap ang isang tao ng mga pagpapala, makakaya ring madala sa pamamahinga ang buong pamilya niya. Tumatanggap man ng mga pagpapala ang isang tao o nagdurusa sa kasawian ay natutukoy ayon sa diwa ng isang tao, at hindi ayon sa anumang karaniwang diwang maaaring ibahagi ng isang tao sa iba. Wala na nga lamang puwang sa kaharian ang ganoong uring kasabihan o panuntunan. Kung sa huli ay magagawang makaligtas ng isang tao, ito ay dahil natugunan nila ang mga hinihingi ng Diyos, at kung sa huli ay hindi nila magagawang manatili hanggang sa oras ng pamamahinga, ito ay dahil naging mapaghimagsik sila sa Diyos at hindi natugunan ang mga hinihingi ng Diyos. May angkop na hantungan ang lahat, na natutukoy ayon sa diwa ng bawat tao, at ganap na walang kinalaman sa ibang mga tao. Ang masasamang gawa ng isang bata ay hindi maililipat sa kanyang mga magulang, ni hindi maibabahagi sa mga magulang ang pagiging matuwid ng isang bata. Hindi maililipat sa kanyang mga anak ang masasamang gawa ng isang magulang, hindi rin maibabahagi sa kanyang mga anak ang pagiging matuwid ng isang magulang. Pinapasan ng lahat ang kani-kaniyang mga kasalanan, at tinatamasa ng lahat ang kani-kaniyang mga pagpapala. Walang sinuman ang maaaring maging panghalili sa isa pang tao; ito ang pagiging matuwid. Sa pananaw ng tao, kung tumatanggap ng mga pagpapala ang mga magulang, kung gayon ay dapat tumanggap din ang kanilang mga anak, at kung gumagawa ng masama ang mga anak, dapat magbayad ang kanilang mga magulang para sa mga kasalanang iyon. Isa itong pananaw ng tao at isang paraan ng tao sa paggawa ng mga bagay; hindi ito pananaw ng Diyos. Natutukoy ang kinalabasan ng lahat ayon sa diwa ng kanilang mga gawa, at palagi itong angkop na natutukoy. Walang sinumang makapapasan sa mga kasalanan ng iba; higit pa, walang sinumang makatatanggap ng kaparusahan na nauukol sa iba. Ito ay lubos. Ang mapagmahal na pag-aaruga ng isang magulang sa kanyang mga anak ay hindi nagpapahiwatig na makakaya niyang gampanan ang mga gawang matuwid sa halip ng kanyang mga anak, ni ang masunuring pagkamagiliw ng isang anak sa kanyang mga magulang ay nangangahulugang makakaya niyang gampanan ang mga gawang matuwid sa halip ng kanyang mga magulang. Ito ang tunay na pakahulugan ng mga salitang, “Kung gayon ay magkakaroon ng dalawa sa batawan; ang isa ay kukunin, at ang isa ay iiwan. Maggigiling sa kiskisan ang dalawang babae; ang isa ay kukunin, at ang isa ay iiwan.” Hindi madadala ng mga tao sa pamamahinga ang mga anak nilang gumagawa ng masama batay sa malalim nilang pagmamahal sa mga ito, ni hindi madadala ng sinuman sa pamamahinga ang kanyang asawa batay sa matutuwid nitong gawa. Isa itong administratibong panuntunan; hindi maaaring magkaroon ng mga pagtatangi para sa sinuman. Ang mga gumagawa ng katuwiran ay mga gumagawa ng katuwiran sa huli, at ang mga taong gumagawa ng masama ay mga taong gumagawa ng masama sa huli. Magagawa ng mga gumagawa ng katuwiran na manatiling buhay sa huli, samantalang wawasakin ang mga taong gumagawa ng masama. Ang mga banal ay mga banal; hindi sila madumi. Ang madudumi ay madudumi, at walang isa mang bahagi nila ang banal. Ang mga taong wawasakin ay ang lahat ng masasama, at ang mga makaliligtas ay ang lahat ng mga matuwid—kahit pa ang mga anak ng masasama ay tagagawa ng matutuwid na gawa, at kahit pa ang mga magulang ng matutuwid ay tagagawa ng masasamang gawa. Walang ugnayan sa pagitan ng isang nananampalatayang esposo at ng isang di-nananampalatayang esposa, at walang ugnayan sa pagitan ng mga nananampalatayang anak at mga di-nananampalatayang magulang; hindi magkaayon ang dalawang uring ito ng mga tao. Bago pumasok sa pamamahinga, ang mga tao ay may pagmamahal sa laman, sa pamilya, ngunit sa sandaling pumasok sila sa pamamahinga, wala nang magiging anumang pagmamahal sa laman, sa pamilya. Yaong mga gumagawa ng kanilang tungkulin ay likas na mga kaaway ng mga yaong hindi gumagawa ng kanilang tungkulin; yaong mga nagmamahal sa Diyos at yaong mga namumuhi sa Kanya ay likas na magkasalungat sa isa’t isa. Yaong mga papasok sa pamamahinga at yaong mga mawawasak na ay dalawang di-magkaayong uri ng mga nilikha. Ang mga nilikha na gumagampan sa kanilang mga tungkulin ay makakapagpatuloy na mamuhay, habang yaong mga hindi gumagampan sa kanilang mga tungkulin ay magiging mga pakay ng pagkawasak; higit pa rito, magtatagal ito hanggang sa kawalang-hanggan. Minamahal mo ba ang iyong esposo upang magampanan ang tungkulin mo bilang isang nilikha? Minamahal mo ba ang iyong esposa upang magampanan ang tungkulin mo bilang isang nilikha? Masunurin ka ba sa mga di-nananampalatayang magulang upang magampanan ang tungkulin mo bilang isang nilikha? Talaga bang tama o mali ang mga pananaw ng mga tao hinggil sa pananampalataya sa Diyos? Para saan ka mismo nananampalataya sa Diyos? Ano mismo ang nais mong makamit? Paano mo mismo minamahal ang Diyos? Yaong mga hindi makatupad sa kanilang mga tungkulin bilang mga nilikha, at hindi makagawa ng sagarang pagsisikap, ay magiging mga pakay ng pagkawasak. May mga ugnayan ng laman na umiiral sa pagitan ng mga tao ng ngayon, gayundin ang mga pagkakaugnay sa dugo, ngunit sa hinaharap, mapuputol ang lahat ng ito. Likas na hindi magkaayon ang mga mananampalataya at ang mga walang pananampalataya; bagkus ay magkasalungat sila sa isa’t isa. Yaong mga nasa pamamahinga ay magiging mga tao lahat na naniniwala na may Diyos at nagpapasakop sa Diyos, samantalang yaong mga mapaghimagsik laban sa Diyos ay pawang mawawasak. Hindi na iiral sa lupa ang mga pamilya; paano pa magkakaroon ng mga magulang o mga anak o mga ugnayan ng mag-asawa? Ang mismong hindi pagiging magkaayon ng paniniwala at di-paniniwala ay lubos na papatid sa gayong mga ugnayan ng laman!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama

Sa sandaling pumasok sa kapahingahan ang sangkatauhan, nali na ang mga taong gumagawa ng masama at mapupunta sa tamang landas ang lahat ng sangkatauhan; ang mga klase ng mga tao ay mabubukod-bukod ayon sa kanilang uri batay sa mga papel na dapat nilang isagawa. Tanging ito ang magiging araw ng kapahingahan ng sangkatauhan, at ito lamang ang di-maiiwasang kalakaran para sa pag-unlad ng sangkatauhan. Tanging kapag nakapasok sa kapahingahan ang sangkatauhan tuluyang matatapos ang dakilang gawain ng Diyos; ito ang magiging pangwakas na bahagi ng gawain Niya. Ang gawaing ito ang tatapos sa lahat ng bulok na buhay ng laman ng sangkatauhan, gayundin sa buhay ng tiwaling sangkatauhan. Simula roon, papasok ang mga tao sa isang bagong mundo. Bagama’t mamumuhay sa laman ang lahat ng tao, ang diwa ng buhay na ito at sa buhay ng tiwaling sangkatauhan ay magiging lubhang magkaiba. Magkaiba rin ang kabuluhan ng pag-iral na ito at ng pag-iral ng tiwaling sangkatauhan. Bagama’t hindi ito ang magiging buhay ng isang bagong uri ng tao, masasabi na buhay ito ng isang sangkatauhang nailigtas, at isang buhay na rin na kung saan nabawi na ang pagkatao at katwiran. Ang mga ito ay mga taong minsan nang naging mapaghimagsik laban sa Diyos, na nalupig na ng Diyos at pagkatapos ay iniligtas Niya; ang mga ito ay mga taong nagbigay-kahihiyan sa Diyos at kalaunan ay nagpatotoo para sa Kanya. Pagkatapos sumailalim sa Kanyang pagsubok at manatiling buhay, ang kanilang pag-iral ay magiging ang pinakamakabuluhang pag-iral; sila ay mga taong nagpatotoo sa Diyos sa harap ni Satanas, at mga tao na karapat-dapat mabuhay. Yaong mga malilipol ay ang mga hindi makapanindigan sa kanilang patotoo sa Diyos at hindi akmang patuloy na mabuhay. Magiging bunga ng masama nilang pag-uugali ang kanilang pagkalipol, at ang gayong pagpuksa ang pinakamainam na hantungan para sa kanila. Sa hinaharap, kapag pumasok ang sangkatauhan sa magandang mundo, mawawala na ang mga ugnayan sa pagitan ng mag-asawa, sa pagitan ng ama at anak na babae, o sa pagitan ng ina at anak na lalaki na inaakala ng mga tao na kanilang matatagpuan. Sa oras na iyon, ang bawat tao aya ibubukod-bukod ayon sa kanilang uri, at ang mga pamilya ay nagkahiwa-hiwalay na. Dahil sa ganap na pagkabigo, hindi na muling guguluhin ni Satanas ang sangkatauhan, at kaya hindi na magkakaroon ng mga tiwaling satanikong disposisyon ang mga tao. Nalipol na yaong mga mapaghimagsik na tao, at tanging ang mga tao na nagpapasakop ang mananatili. Dahil dito, napakakaunting pamilya ang mananatiling buhay nang buo, at kaya, paano makapagpapatuloy sa pag-iral ang mga ugnayan ng laman? Lubos nang ipagbabawal ang dating buhay sa laman ng sangkatauhan; paano makaiiral kung gayon, ang mga ugnayan ng laman sa pagitan ng mga tao? Kung walang mga tiwaling satanikong disposisyon, ang buhay ng tao ay hindi na magiging ang lumang buhay ng nakaraan, kundi isang bagong buhay. Mawawalan ng mga anak ang mga magulang, at mawawalan ng mga magulang ang mga anak. Mawawalan ng misis ang mga mister, at mawawalan ng mister ang mga misis. Kasalukuyang umiiral ang mga ugnayan ng laman sa pagitan ng mga tao, ngunit hindi na iiral ang mga ito sa sandaling pumasok na ang lahat ng tao sa kapahingahan. Tanging ang ganitong uri ng sangkatauhan ang magtataglay ng pagiging matuwid at kabanalan; tanging ang ganitong uri ng sangkatauhan ang makasasamba sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama

Kaugnay na mga Video

Dulang Pang-entablado “Ang Labanan ng Pagpapatalsik sa Masamang Tao”

Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan

Makita ang Aking mga Magulang sa Kung Sino Talaga Sila

Hindi Ako Nakapag-isip nang Malinaw Dahil sa Aking Pagmamahal

Kaugnay na mga Himno

Hindi ba Kayang Isantabi ng Tao ang Kanyang Laman sa Loob ng Maiksing Oras na Ito?

Pinagpapasyahan ng Diyos ang Kalalabasan ng mga Tao Ayon sa Kanilang Diwa

Sinundan: 17. Paano harapin ang karamdaman at pasakit

Sumunod: 19. Paano harapin ang pag-aasawa

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito