27. Pagtutuwid sa Aking mga Motibo sa Aking Tungkulin

Ni Xia Yu, Tsina

Nahalal ako bilang isang lider ng iglesia noong nakaraang Hunyo. Noong panahong iyon, natuwa ako at naisip ko na maganda siguro ang tingin ng mga kapatid sa akin, at na ang ibig sabihin ng napakaraming taong bumoboto sa akin ay nakaaangat ako sa iba. Sinabi ko sa sarili kong kailangan ko talagang pagsikapang gawin nang mabuti ang tungkuling ito, para makita ng mga kapatid kung gaano ako kagaling. Hindi talaga ako pamilyar sa gawain ng iglesia nang magsimula ako, kaya’t talagang atentibo ako sa pakikinig at pag-alala sa mga bagay-bagay habang nagtatrabaho kasama ng sister na itinambal sa akin, na mas pamilyar sa tungkulin. Lagi kong iniisip na, “Yamang isa na akong lider ng iglesia ngayon, kailangan kong maging magaling at makagawa ng ilang bagay, para maging karapatdapat sa titulo. Hindi ako pwedeng makilala bilang isang taong hindi gumagawa ng praktikal na gawain, isang taong sakim sa mga pagpapala ng katayuan. Anong mukha ang ihaharap ko, kung ganoon?” Pinag-isipan ko rin kung paano gagawin nang mabuti ang tungkulin. Kaharap ko ang mga kapatid sa buong iglesia, ang ilan ay matagal nang ginagawa ang kanilang tungkulin at mas maraming prinsipyo ng katotohanan ang nauunawaan kaysa sa akin. Ano na lang ang iisipin nila sa akin kapag sinubukan ko silang tulungang lutasin ang mga problema nila pero hindi ko matukoy ang ugat noon, at hindi ako makapagbahagi ng landas ng pagsasagawa sa pagbabahagi ko? Iisipin ba nilang wala akong kakayahan, na hindi ako akma sa mga tungkuling pamumuno? Naisip kong napakahalaga ng mas mataas na antas ng pagbabahagi kaysa sa kanila bilang isang lider, kaya’t kinailangan kong sangkapan agad-agad ang sarili ko ng katotohanan para kapag nakasagupa ng mga problema ang mga kapatid, magiging handa akong tumulong na lutasin ang mga iyon. Kung gayon ay makikita nila na nagtataglay ako ng kaunting realidad ng katotohanan, at ayos naman ako bilang isang lider. Kaya’t bukod pa sa pagiging abala sa gawain ng iglesia araw-araw, nagbabasa rin ako ng ilang mga salita ng Diyos sa tuwing may libre akong oras. Bawat araw ay punung-puno ang schedule ko, at kahit na pinapaalalahanan ako ng mga ibang sister kapag matutulog na sila na, “Gabing-gabi na. Dapat ka nang matulog,” hindi talaga ako inaantok at madalas ay nagtatrabaho ako nang dis-oras ng gabi. At kahit na lubha kong paghirapan ang paghahanda para sa kanila, hindi pa rin malakas ang loob ko sa mga pagtitipon kasama ng mga kapatid.

Isang gabi, sinabi sa akin ng sister na katrabaho ko na kailangan naming magtipon kinabukasan para sa grupo ng ebanghelyo. Labis akong kinabahan dahil dito. Naisip ko, “Matagal-tagal nang mananampalataya ang mga kapatid sa grupo, at bago lang ako sa tungkuling pamamahala. Wala pa talaga akong alam sa mga klase ng problema at paghihirap na kinakaharap nila sa gawain ng ebanghelyo. Kapag nagbanggit sila ng mga problemang hindi ko kayang ayusin, iisipin ba nilang hindi ako magaling sa aking tungkulin? Hindi ba noon masisira ang imahe ko bilang isang lider? Hindi, mas mabuti nang maghanda nang kaunti sa huling sandali kaysa sa wala, at dapat kong sulitin ang oras na ito para sangkapan ang sarili ko ng ilang makabuluhang katotohanan.” Gayunman, dahil hindi ko naman talaga mauunawaan ang lahat nang biglaan, hindi ako mapalagay. Nagpapabalik-balik ako sa pagtingin sa kung anu-ano sa computer ko, isang bagay sa isang sandali, tapos isa na namang bagay sa isang sandali. Gulung-gulo ang isip ko at wala akong maintindihan—wala na akong ibang magagawa kundi matulog. Sa pagtitipon kinabukasan ay pinanood ko ang sister na katrabaho ko na magbahagi sa kanilang lahat, tinutulungan silang lutasin ang mga problemang nakaharap nila sa pagbabahagi ng ebanghelyo, habang nakaupo lang ako na walang ideya kung ano ang dapat sabihin. Asiwang-asiwa ang pakiramdam ko roon. Naisip ko, “Kapag hindi ako nagsalita, hindi ba’t iisipin nilang palamuti lang ang pagiging lider ko? Dapat akong magsalita. Kilala na ako ng ilan sa mga sister na ito, at ngayong lider na ako, hindi ba’t dapat ay kaya kong magbahagi nang mas malalim? Kung hindi, ano na lang ang iisipin nila sa akin? Sasabihin ba nilang wala akong kwenta?” Isip ako nang isip ng mga karanasang pwede kong ibahagi, pero habang mas kinakabahan ako, lalo akong naguguluhan. Hindi ko alam kung anong sasabihin ko. Para hindi makita ng lahat na wala akong maibabahagi, nakinig akong mabuti sa pagbabahagi ng katrabaho ko, at sa sandaling matapos siya, sumingit lang ako para ibuod ang sinabi niya. Sa ganoong paraan ay maipapakita noon na mas mabuti ang pagbabahagi at pagkaunawa ko kaysa sa kanya, at makikita ng lahat na maayos ang ginagawa ko, na nararapat ako sa posisyon ng lider. Alam na alam kong lahat ng sinasabi ko ay ang pagkaunawa ng katrabaho ko na inaangkin ko. Alam ko talagang kasuklam-suklam na paraan iyon ng pagkilos. Nakadama ako ng malaking kahungkagan sa puso ko pagkatapos ng pagtitipon; alam ko rin na lahat ng tao, pangyayari, at bagay na nakakaharap ko araw-araw ay isinaayos ng Diyos, pero wala akong ideya kung paano haharapin ang mga iyon. Wala akong natutuhan. Hindi maganda ang naramdaman ko dahil sa isiping iyon at medyo pinagsisihan ko pa ngang tinanggap ko ang tungkuling iyon. Sa mga sumunod na ilang araw, pakiramdam ko ay may malaking bigat na dumadagan sa ulo ko—magulo ang isip ko at parang hindi ako makahinga nang malalim. Talagang masakit sa akin ang maharap sa problema sa gawain ng iglesia nang hindi man lang nalalaman kung saan magsisimula. Nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, gusto kong magawa nang maayos ang tungkuling ito, pero palagi kong nararamdamang hindi ko kaya ang gawain. Hindi ko alam kung anong dapat kong gawin. Pakiusap patnubayan Mo ako na makilala ang sarili ko para matakasan ko ang kalagayang ito.”

Pagkatapos noon, nagsabi ako sa katrabaho ko at ikinuwento sa kanya ang tungkol sa kalagayan ko. Binigyan niya ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos para basahin, na galing sa “Para Malutas ang Tiwaling Disposisyon ng Isang Tao, Dapat na Mayroon Siyang Tiyak na Landas ng Pagsasagawa.” Sabi noon: “Lahat ng tiwaling tao ay nagpapakita ng ganitong suliranin: Kapag karaniwan silang mga kapatid na walang katayuan, hindi sila nagmamalaki kapag nakikipag-ugnay o nakikipag-usap sa sinuman, o hindi sila gumagamit ng partikular na estilo o tono sa kanilang pananalita; sila ay karaniwan lamang at normal, at hindi na kailangang ialok ang kanilang mga sarili. Hindi sila nakararamdam ng anumang sikolohikal na presyon, at nakapagbabahagi nang bukas at mula sa puso. Madali silang lapitan at madaling makahalubilo; nararamdaman ng iba na napakabuti nilang mga tao. Gayunman, sa sandaling magkamit sila ng katayuan, sila ay nagiging mapagmataas at makapangyarihan, na parang walang sinumang makakaabot sa kanila; nararamdaman nila na nararapat silang igalang, at na sila ay iba sa mga karaniwang tao. Mababa ang tingin nila sa karaniwang tao at tumitigil sila sa hayagang pagbabahagi sa iba. Bakit hindi na sila nagbabahagi nang hayagan? Nararamdaman nilang may katayuan na sila ngayon, at sila’y mga pinuno. Iniisip nilang dapat magkaroon ng partikular na imahen ang mga pinuno, maging mataas nang bahagya kaysa sa ordinaryong tao, at magkaroon ng higit na tayog at magawang tumupad ng higit na maraming tungkulin; naniniwala sila na kung ihahambing sa mga ordinaryong tao, dapat magtaglay ang mga pinuno ng higit na tiyaga, magawang magdusa at gumugol nang higit, at mapaglabanan ang anumang tukso. Iniisip pa nga nilang hindi makakayang umiyak ng mga pinuno, gaano man karaming kasapi ng kanilang pamilya ang maaaring mamatay, at kung kailangan nilang umiyak, sa kanilang mga kobrekama sila dapat umiyak, upang walang makakikita ng anumang mga pagkukulang, kapintasan, o kahinaan sa kanila. Nararamdaman pa nga nila na hindi maaaring ipaalam ng mga pinuno sa sinuman kung sila ay naging negatibo; sa halip, dapat nilang itago ang lahat ng ganoong mga bagay. Naniniwala silang ganito dapat kumilos ang isang may katayuan(Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Ang pagbabasa rito ay labis na nakakagulat para sa akin—inihayag ng mga salita ng Diyos ang mismong kalagayan ko! Bakit ba takot na takot akong magsalita sa bawat pagtitipon? Bakit ba masyado akong problemado? Iyon ay dahil pinipilit kong itaas ang sarili ko. Simula nang maging lider ako, pakiramdam ko ay may posisyon at katayuan na ako, kaya’t iba na ako sa dati. Ngayon, bilang isang lider, akala ko ay kailangan kong itaguyod ang imahe ng isang lider, na dapat ay nasa mas mataas na baitang ako kaysa sa iba at mas may kakayahan kaysa sa kanila. Kailangan ay mas malalim ang pagbabahagi ko at kailangan kong matukoy nang mas mabuti ang diwa ng mga problema, at malutas ang anumang problemang kinakaharap ng mga kapatid sa kanilang pagpasok sa buhay. Pakiramdam ko ay kailangan na ako ang mamukod-tangi sa mga tao sa mga pagtitipon anumang grupo ang kasama ko, na iyon ang tanging paraan para maging karapat-dapat sa titulo. Kung kaya, matapos tanggapin ang atas na iyon, nagsasalita at kumikilos ako alang-alang sa posisyon ko sa lahat ng bagay. Sa katunayan, kulang ako sa lahat ng aspeto, pero gusto kong magbalatkayo, nagpapanggap na mataas, at gumamit pa nga ako ng mga tusong pagkilos, sinusubukang agawin ang liwanag ng pagbabahagi ng katrabaho ko para itapat sa akin para tingalain ako ng iba. Sa tuwi-tuwina, ang tanging inisip ko ay kung paano pananatilihin ang katayuan ko, at hindi talaga kung paano gawin nang maayos ang tungkulin ko, kung paano tuparin ang mga responsibilidad ko. Hindi talaga ako nakatuon sa tunay, tamang trabaho. Paano iyon naging paghahangad sa katotohanan at paggawa sa tungkulin ko? Iyon ay paghahangad at pagiging lubos na kontrolado ng katayuan—iyon ay pagiging alipin ng katayuan. Kahit na nahalal ako bilang lider, hindi ako basta-bastang nagtaglay ng napakalaking tayog o ng realidad ng katotohanan, kundi ako pa rin ang parehong tao. Ang naiiba lang ay ang tungkulin ko. Gusto ng Diyos na magkaroon ako ng mas maraming pagsasanay sa pamamagitan ng tungkulin ko bilang isang lider, na hanapin ko ang katotohanan para lumutas ng mga problema at gumawa ng praktikal na gawain. Hindi talaga iyon para bigyan ako ng katayuan. Pero itinaas ko ang sarili ko sa katayuan ng isang lider, mali pa ngang iniisip na ang pagiging isang lider ay para lang paglilingkod bilang isang opisyal ng gobyerno sa mundo, na nangangahulugang pagkakaroon ng katayuan. Hindi ba’t iyon ang pananaw ng isang hindi mananampalataya? Katawa-tawa iyon!

Matapos mapagtanto ang lahat ng ito, nanalangin ako sa Diyos: “Diyos ko, salamat sa Iyong kaliwanagan at patnubay na nagpahintulot sa aking maunawaan na ang dahilan sa likod ng aking maling kalagayan ay ang paghahangad ko sa katayuan. Nasa maling landas ako. Diyos ko, handa akong magsisi at hanapin ang katotohanan para lutasin ang kalagayan kong ito. Pakiusap patnubayan Mo ako.” Nagbasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos pagkatapos noon kung saan sinasabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang mga tao mismo ay mga bagay na nilikha. Kaya ba ng mga bagay na nilikha na magkamit ng walang-hanggang kapangyarihan? Kaya ba nilang maging perpekto at walang anumang mali? Kaya ba nilang maging mahusay sa lahat ng bagay, maunawaan ang lahat ng bagay, at maisakatuparan ang lahat ng bagay? Hindi nila kaya. Gayunman, sa kalooban ng mga tao, may isang kahinaan. Sa sandaling matuto sila ng isang kasanayan o propesyon, pakiramdam ng mga tao ay may kakayahan sila, na sila ay mga taong may katayuan at may halaga, at na sila ay mga propesyonal. Gaano man nila isiping ‘may kakayahan’ sila, nais nilang gawing kaakit-akit ang kanilang sarili, na magpanggap na matataas na tao, at magmukhang perpekto at walang anumang mali, wala ni isang depekto; sa mga mata ng iba, nais nilang ituring na dakila, makapangyarihan, lubos na may kakayahan, at nakagagawa ng anumang bagay. … Ayaw nilang maging karaniwang mga tao, normal na mga tao, o mga mortal lamang. Gusto lamang nilang maging nakahihigit sa tao, o isang taong may espesyal na mga kakayahan o mga kapangyarihan. Napakalaking problema nito! Patungkol sa mga kahinaan, mga pagkukulang, kamangmangan, kahangalan, at kawalan ng pang-unawa sa loob ng normal na pagkatao, babalutan nila ang lahat ng iyon, ipapakete, hindi ipapakita sa ibang mga tao, pagkatapos ay patuloy silang magpapanggap. … Hindi nila kilala kung sino sila mismo, ni hindi nila alam kung paano mabuhay nang normal. Ni minsa’y hindi sila kumilos na tulad ng praktikal na mga tao. Sa pagkilos nila, kung ang klase ng landas na ito ang pinipili ng mga tao—laging lumilipad ang isip nila sa halip na manatili silang nakatapak sa lupa, gusto nila palaging lumipad—malamang na magkaroon sila ng mga problema. Ang landas sa buhay na iyong pinili ay mali. Sa totoo lang, kung gagawin mo ito, paano ka man manalig sa Diyos, hindi mo mauunawaan ang katotohanan, ni hindi mo matatamo ito, dahil mali ang simula mo(“Ang Limang Kinakailangang Kalagayan Upang Mapunta sa Tamang Landas ng Pananampalataya ng Isang Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Sa pagbabasa nito, pakiramdam ko ay kaharap ko ang Diyos, hinahatulan Niya. Talagang nakababagabag at nakalulungkot iyon para sa akin, lalo na ang mabasang, “Kung gagawin mo ito, paano ka man manalig sa Diyos, hindi mo mauunawaan ang katotohanan, ni hindi mo matatamo ito, dahil mali ang simula mo.” Napagtanto ko kung gaano kahalaga ang mga motibo ng isang tao at ang landas na tinatahak nila sa kanilang tungkulin, na direktang natutukoy ng mga ito kung matatamo nila ang katotohanan o hindi. Kapag hindi natin hinangad ang katotohanan sa tungkulin natin, kung hindi natin bibigyan ng konsiderasyon ang kalooban ng Diyos, bagkus ay itataguyod ang sarili nating katayuan, hindi na mahalaga kung gaano tayo magsikap, kung gaano tayo magdusa at magbayad—hinding-hindi natin matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos, kundi tatanggihan tayo, hahatulan ng Diyos. Ang Diyos ay banal, at nakikita Niya ang kaibuturan ng ating mga puso at isipan. Matapos akong maging lider, inisip ko lang ang imahe at katayuan ko sa paningin ng mga tao. Sa kagustuhang pag-ingatan ang katungkulan ko sa pamumuno, palagi akong nagbabalatkayo, itinatago ang mga pagkakamali at pagkukulang ko para tingalain at hangaan ako ng ibang tao. Hindi ang atas ng Diyos ang nasa puso ko—naghahangad ako ng katayuan, tumatahak sa landas ng paglaban sa Diyos. Paano ko matatamo ang gawain ng Banal na Espiritu sa ganoong paraan? Ang kadilimang kinasadlakan ko noon ay ang matuwid na disposisyon ng Diyos na dumarating sa akin. Kung hindi pa rin ako magsisisi, tiyak na kasusuklaman ako ng Diyos. Naisip ko ang mga anticristo na natiwalag mula sa bahay ng Diyos. May katayuan sila at palagi nilang iniisip na hindi sila tulad ng iba; naging sakim sila sa mga pagpapala ng katayuan, itinataas ang mga sarili nila at nagpapasikat, nagsisikap na hilahin ang mga hinirang ng Diyos palayo sa Kanya. Gumawa sila ng masama at nilabanan ang Diyos, at sa huli, ang wakas nila ay ang mapalayas, maalis. Habang napagtatanto ko ang lahat ng ito, pinagnilayan ko kung paano ako nakontrol ng katayuan simula nang tanggapin ko ang tungkulin ng pamumuno. Inakala ko na may mga ranggo ang mga tungkulin, nag-uukol ng isang titulo sa aking sarili at itinataas ang sarili ko. Akala ko ay nagtamo na ako ng katayuan, at gusto kong magpasikat sa pamamagitan ng paglutas sa mga problema ng ibang tao para tingalain nila ako. Wala talaga akong kahihiyan! Nag-init ang mukha ko sa kahihiyan dahil sa isiping iyon; nadama ko na kasuklam-suklam ako, at na ang pag-iingat sa katayuan ko sa paningin ng ibang tao sa ganoong paraan, sa totoo, ay pakikipagkompetensya sa Diyos para sa katayuan. Iyon ang landas ng isang anticristo. Noon ko napagtanto kung gaano kapanganib ang kalagayang mayroon ako, at kung hindi ako magsisisi, sa huli ay mapaparusahan ako, tulad rin ng isang anticristo.

Sa kalaunan kong paghahanap at pagninilay, nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Kapag wala kang katayuan, maaari mong himayin ang sarili nang madalas at kilalanin ang iyong sarili. Maaaring makinabang ang iba dito. Kapag mayroon kang katayuan, maaari mo pa ring himayin ang sarili nang madalas at kilalanin ang iyong sarili, hinahayaang maunawaan ng iba ang realidad ng katotohanan at pag-isipan ang kalooban ng Diyos mula sa iyong mga karanasan. Maaari ring makinabang ang mga tao dito, hindi ba? Kung gayon ka nagsasagawa, may katayuan ka man o wala, makikinabang pa rin ang iba sa gayong paraan. Ano, kung gayon, ang kahulugan ng katayuan sa iyo? Sa katunayan, isa itong labis, karagdagang bagay, tulad ng isang piraso ng damit o sumbrero; hangga’t hindi mo ito ginagawang napakalaking bagay, hindi ka nito mapipigilan. Kung mahal mo ang katayuan at binibigyan ito ng natatanging pagpapahalaga, lagi itong itinuturing bilang mahalagang bagay, mapapasailalim ka ng kontrol nito; pagkatapos, hindi mo na gugustuhing kilalanin ang iyong sarili, ni hindi ka na magiging handang magbukas at maghayag ng iyong sarili, o isaisantabi ang iyong tungkulin sa pamumuno upang makipag-usap at makipag-ugnay sa iba at tuparin ang iyong tungkulin. Anong uri ng suliranin ito? Hindi mo ba ginampanan ang katayuang ito para sa iyong sarili? At kung gayon ay hindi mo ba ipinagpatuloy na lang panghawakan ang posisyon na iyon at ayaw mong talikuran, at nakikipagtunggali ka pa sa iba upang mapangalagaan ang iyong katayuan? Hindi ba pinahihirapan mo lang ang iyong sarili? Kung sa huli ay pahihirapan mo lang ang sarili hanggang kamatayan, sino ang dapat mong sisihin? Kung mayroon kang katayuan, makakaya mong pigilin ang paggamit ng kapangyarihan sa iba, at sa halip ay tutukan kung paano gampanan nang maayos ang iyong mga tungkulin, ginagawa ang lahat ng dapat mong gawin at ginagampanan ang lahat ng mga nararapat mong tungkulin, at kung nakikita mo ang sarili bilang karaniwang kapatid, hindi mo ba naitakwil kung gayon ang pamatok ng katayuan?(“Para Malutas ang Tiwaling Disposisyon ng Isang Tao, Dapat na Mayroon Siyang Tiyak na Landas ng Pagsasagawa” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng landas ng pagsasagawa at pagpasok. Hindi mahalaga kung may katayuan man ako o wala, kailangan kong gawin nang wasto ang sarili kong tungkulin, magbahagi sa anumang nauunawaan ko, at kapag nakasagupa ako ng isang bagay na hindi ko nauunawaan, dapat ay lantaran akong magbahagi sa mga kapatid para hanapin ang katotohanan at sama-sama naming lutasin iyon. Ibang tungkulin lang ang ginagawa ko sa iba, pero walang mas mataas o mas mababa sa iba. At ang katotohanang naglilingkod ako bilang isang lider ay ganap na hindi nangangahulugang mas magaling ako sa kanila, mas may kakayahan sa kanila. Pero kumilos ako na parang hangal, labis na nagkukulang sa kamalayan sa sarili. May iba’t-ibang klase rin ako ng pagkukulang at kailangan ko ng tulong mula sa mga kapatid, pero gayunpaman, akala ko ay kailangan kong maging mas magaling sa kanila. Pagmamataas at kamangmangan iyon! Tingin ko ay talagang katawa-tawa ang kahiya-hiya kong pagtataas sa sarili ko. Taos-puso akong nagpasalamat sa Diyos sa paglalantad sa akin sa pamamagitan ng sitwasyong ito, pinahihintulutan akong makita na maling landas ang tinatahak ko. Nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko, salamat sa paglalantad sa akin para makita ko kung gaano ako kaabala sa katayuan, at na ako ay nasa landas ng paglaban sa Iyo. Ayaw kong manatili sa maling landas. Nais kong magsisi, bitiwan ang ideya ng katayuan, baguhin ang pag-uugali ko sa tungkulin ko, at gawin ang tungkulin ko alinsunod sa mga prinsipyo ng katotohanan.”

Minsan ay nagpunta ako sa pagtitipon ng isang grupo kung saan tatlo sa mga kapatid ang mas matagal nang gumagawa ng tungkulin nila kaysa sa akin, at ilan sa kanila ay nakapaglingkod na bilang mga lider. Nakapagbahagi na sila sa akin tungkol sa katotohanan at natulungan na akong lumutas ng mga problema noon, kaya medyo asiwa ang pakiramdam ko sa pagtitipon. Natatakot ako na kapag hindi masyadong maganda ang pagbabahagi ko at hindi ko sila natulungan sa mga problema nila ay baka isipin nilang ganap akong walang realidad ng katotohanan at hindi ako akma sa pamumuno. Hindi ako naglakas loob na tanungin sila kung anong klase ng kalagayan ang mayroon sila, natatakot na magsabi sila ng bagay na hindi ko kayang ayusin. Sa puntong iyon ay napagtanto kong sinusubukan ko na namang pag-ingatan ang sarili kong imahe at katayuan, kung kaya’t nanalangin ako para talikdan ang aking sarili. Tapos ay naisip ko ang mga salitang ito mula sa Diyos: “Kung mayroon kang katayuan, makakaya mong pigilin ang paggamit ng kapangyarihan sa iba, at sa halip ay tutukan kung paano gampanan nang maayos ang iyong mga tungkulin, ginagawa ang lahat ng dapat mong gawin at ginagampanan ang lahat ng mga nararapat mong tungkulin, at kung nakikita mo ang sarili bilang karaniwang kapatid, hindi mo ba naitakwil kung gayon ang pamatok ng katayuan?(“Para Malutas ang Tiwaling Disposisyon ng Isang Tao, Dapat na Mayroon Siyang Tiyak na Landas ng Pagsasagawa” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Alam kong kailangan kong i-angkop ang pagsasagawa ko sa mga hinihingi ng Diyos, at kahit na mababaw ang pang-unawa ko sa katotohanan, handa akong sumandal sa Diyos at gawin ang tungkulin ko sa abot ng makakaya ko. Sa ilalim ng patnubay ng mga salita ng Diyos, nagtamo ako ng matinding pakiramdam ng paglaya at wala na akong pakialam kung anong iisipin ng ibang tao sa akin. Nagpasya akong magbahagi sa pang-unawa na taglay ko. Nang marinig ang sasabihin ko, hindi bumaba ang tingin sa akin ng mga kapatid kahit kaunti, bagkus ay sinabi nilang lahat na may napulot sila mula roon.

Sa pagtitipon, binasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na makikita sa “Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao.” Sabi ng mga salita ng Diyos, “Anuman ang tungkuling ginagampanan ng isang tao, ang pagkakamit ng mga resulta para mapalugod ang Diyos at matamo ang Kanyang pagsang-ayon at ang pagsasagawa ng kanilang tungkulin na tumutugon sa pamantayan ay nakasalalay sa mga kilos ng Diyos. Kung isasakatuparan mo ang iyong mga responsibilidad, kung gagawin mo ang iyong tungkulin, ngunit hindi kumikilos ang Diyos at hindi sinasabi sa iyo ng Diyos kung ano ang gagawin, hindi mo malalaman ang iyong landasin, ang iyong direksyon, o ang iyong mga mithiin. Ano ang resulta niyan sa huli? Walang ibubunga ang pagsisikap na iyan. Sa gayon, ang paggawa ng iyong tungkulin na tumutugon sa pamantayan at pagkakaroon ng kakayahang manindigan sa loob ng bahay ng Diyos, ang magkaloob ng pagpapatibay para sa mga kapatid at ang pagtatamo ng pagsang-ayon ng Diyos ay lubos na nakasalalay sa Diyos! Maaari lamang gawin ng mga tao ang mga bagay na personal na kaya nilang gawin, na dapat nilang gawin, at na likas silang may kakayahang gawin—wala nang iba. Samakatwid, ang mga resultang nakamtan sa huli mula sa iyong tungkulin ay ipinapasiya ng patnubay ng Diyos; ipinapasiya ang mga ito ng landasin, mga mithiin, direksyon, at mga prinsipyong ipinagkaloob ng Diyos(Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Nagliwanag ang puso ko nang mabasa ko ang mga salita ng Diyos. Nakita ko na ang gawain ng bahay ng Diyos ay ginawa at itinaguyod ng Diyos, at bilang mga tao, ginagawa lang natin ang sarili nating tungkulin sa abot ng ating makakaya. Pero kung wala ang gawain ng Banal na Espiritu, kung wala ang pagliliwanag at patnubay ng Diyos, wala tayong magagawa sa tungkulin natin kahit gaano tayo katindi magsikap. Sa ating tungkulin, kailangan nating maunawaan kung ano ang hinihingi ng Diyos, magpasan ng dalahin sa ating mga puso para roon, hanapin at isagawa ang katotohanan sa lahat ng bagay, at gumawa alinsunod sa mga prinsipyo. Iyon ang tanging paraan para matamo ang gawain ng Banal na Espiritu at matamo ang pagsang-ayon ng Diyos. Ang katungkulan ko bilang isang lider ay para lang magbahagi ako tungkol sa katotohanan para makatulong na lutasin ang mga suliranin ng mga kapatid sa kanilang tungkulin at pagpasok sa buhay. Kahit na may mga pagkakataong hindi ko agad malulutas ang isang problema, pwede ko naman iyong tandaan at pagkatapos ay higit na maghanap para malutas iyon kalaunan. Kung kaya, natanong ko sa kanila nang natural na natural kung anong klase ng kalagayang mayroon sila at kung anong mga suliranin ang mayroon sila sa kanilang tungkulin. Nang magbahagi sila kung ano ang kalagayan nila, pinayapa ko ang puso ko sa harap ng Diyos, at atentibo kong hinanap at pinagnilayan iyon. Sa ganoong paraan ay nagawa kong alamin ang kanilang mga kapintasan at kakulangan at gamitin ang mga salita ng Diyos ayon sa mga iyon para makahanap ng landas para malutas nila ang mga bagay na ito at makapasok. Alam kong patnubay ng Diyos ang lahat ng ito. Natuwa ako, at naramdaman ko kung gaanong nakapagpapalaya ang bitawan ang katayuan. Personal na ipinakita sa akin ng karanasang iyon na sa pamamagitan ng pagtutuwid sa pag-uugali ko sa aking tungkulin, pagtutuon sa puso ko sa paggawa sa gawain ng atas ng Diyos, pagninilay at paghahanap kung paano gawin nang mabuti ang tungkulin ko at kung paano makuha ang pinakamagandang resulta, hindi ko namalayan, napalaya na ako sa mga gapos at paghihigpit ng katayuan. Makakamit ko na ang pamumuno at mga pagpapala ng Diyos!

Sinundan: 26. Paano Tingnan ang Iyong Tungkulin

Sumunod: 28. Hindi na Ako Takot sa Responsibilidad

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

45. Pamumuhay sa Harap ng Diyos

Ni Yongsui, South KoreaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Upang makapasok sa realidad, kailangang ibaling ng isang tao ang lahat sa tunay na...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito