Ang Pagbabayad ng Halaga Para Makamit ang Katotohanan ay Mayroong Malaking Kabuluhan
Ang punto ng paniniwala sa Diyos ay para magtamo ng kaligtasan, ngunit simpleng bagay ba ang pagtatamo ng kaligtasan? Ano ang pinakamahirap tungkol dito? Maraming tao na hindi ito nakikita nang malinaw, ngunit ang totoo, ang pagtatamo sa katotohanan ang pinakamahirap na bahagi ng pagtatamo ng kaligtasan. Samakatwid, ang pagdaranas ng maraming pasakit at pagbabayad ng halaga upang matamo ang katotohanan ay palaging kapaki-pakinabang, gaano man kalaki ang iyong natatamo. Kaya, ano ang kailangan mong pagdusahan upang matamo ang katotohanan? Kailangan mong magdusa sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo, mga pagsubok at pagpipino, at ang mapungusan, kailangan mong pagdusahan ang pang-uusig at paghihirap na nagmumula sa pagsunod sa Diyos, kailangan mong pagdusahan ang pagkabilanggo, at ang paninirang-puri at pagkondena ng relihiyosong mundo. Kailangan mong tiisin ang lahat ng hirap na ito. Kung matitiis mo ang lahat ng ito, matatamo mo ang katotohanan. Ngayon, karamihan sa mga tao ay handang hangarin ang katotohanan. Nakatuon sila sa pagsasagawa ng kanilang mga tungkulin nang maayos, at nais nilang magsanay sa pagsasagawa ng katotohanan habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, at matamo ang katotohanan. Ang paniniwala sa Diyos at paggawa ng tungkulin ang tamang landas sa buhay ng isang tao. Tamang piliin ang landas ng ito, at ito ang pinakapinagpala ng Diyos. Maaaring taimtim na gugulin ng mga tao ang kanilang sarili para sa Kanya, at tuparin ang tungkulin ng mga nilalang—ito ang dakilang biyaya at pagpapala ng Diyos. May ilan na hindi nakikita nang malinaw ang kabuluhan ng pagganap sa isang tungkulin, na laging sinusubukang makipagtransaksyon sa Diyos—anuman ang mangyari sa kanila, maaari na sila ay palaging mapigilan at mabagabag, maaari na sila ay palaging maimpluwensiyahan at matangay, na humahantong sa kawalan nila ng kakayahang isagawa nang normal ang kanilang mga tungkulin, hanggang sa pinapabayaan pa nila ang kanilang mga tungkulin at tumatakbo palayo. Nakakapanghinayang! Maaaring hindi sila makadama masyado ng panghihinayang, ngunit kapag lumaki ang mga sakuna, at natapos ang gawain ng Diyos, at nagsimula Siyang gantimpalaan ang mabubuti at parusahan ang masasama, malalaman nila ang mga kahihinatnan ng kilos na ito. Kaya nga kailangan ninyong sama-samang manalangin nang madalas, patahimikin ang inyong sarili sa harap ng Diyos, magbasa pa ng Kanyang mga salita, at magbahaginan pa tungkol sa katotohanan. Isantabi sa ngayon ang mga isyung iyon na walang kinalaman sa paghahangad sa katotohanan, na hindi dapat isaalang-alang sa ngayon. Hindi lamang pagpapakasal, trabaho, kinabukasan ng isang tao, at pag-aasawa ang mahahalagang bagay sa buhay, ni hindi ang paghahanap ng lugar ng isang tao sa lipunan at pagkakaroon ng sapat na makakain. Wala sa mga bagay na ito ang pinakamahahalagang bagay sa buhay. Ano ang pinakamahalagang bagay sa buhay? Ito ay ang tuparin ang tungkulin at gawain na kailangang tuparin ng isang nilalang at ang tapusin ang misyon ng Diyos at ang ipinagkatiwala Niya sa iyo. Iyon ang pinakamakabuluhang bagay. Iyon ang kapasyahang dapat taglayin ng mga tao.
Ngayon, kayo na naniniwala sa Diyos ay maaaring kumain at uminom ng Kanyang mga salita araw-araw, at ang mga higit na naghahangad sa katotohanan ay ginagawa rin ang kanilang mga tungkulin. Ito ang tamang panimula para sa direksyon ninyo sa buhay, kaya paano kayo dapat magpatuloy sa pagtahak sa landas na ito? (Dapat kaming maglatag ng pundasyon sa landas ng pagpasok sa buhay.) Oo, kung nais ninyong matamo ang katotohanan at buhay, kailangan kayong maglatag ng pundasyon sa mga salita ng Diyos. Tutulutan kayo nitong magsimula sa landas ng paghahangad sa katotohanan, na siyang nag-iisang mithiin at direksyon sa buhay. Talagang isa ka lamang sa mga hinirang ng Diyos at paunang itinalaga kung tutulutan mo ang Kanyang mga salita at ang katotohanan na maglatag ng pundasyon sa puso mo. Sa ngayon, hindi pa matatag ang inyong mga pundasyon. Kung sapitan kayo ng kahit isang maliit na tukso mula kay Satanas, maliban pa sa isang malaking sakuna o pagsubok, maaari kayong manginig at madapa. Ito ay kawalan ng pundasyon, na napakamapanganib! Maraming tao ang nadarapa at nagtataksil sa Diyos kapag sumapit sa kanila ang pang-uusig o paghihirap. Ang ilang tao ay nagsisimulang kumilos nang walang-ingat matapos silang magtamo ng kaunting katayuan, at pagkatapos ay ibinubunyag sila at itinitiwalag. Nakikita ninyong lahat ang mga bagay na ito nang napakalinaw. Kaya, dapat muna ninyong tukuyin ngayon ang direksiyon at mithiin na dapat ninyong hangarin sa buhay, gayundin ang landas na dapat ninyong tahakin, at pagkatapos ay panatagin ang inyong isipan at magsipag, gugulin ang inyong sarili, magsikap, at magbayad ng halaga para sa mithiing iyan. Isantabi muna ang iba pang mga bagay—kung patuloy mong pagninilayan ang mga ito, makaaapekto ito sa pagganap mo sa iyong tungkulin, at makaaapekto ito sa mahalagang bagay na paghahangad sa katotohanan at sa iyong kaligtasan. Kung kailangan mong pag-isipang makahanap ng trabaho, kumita nang malaki, at yumaman, at magkaroon ng isang matatag na katayuan sa lipunan, at mahanap ang iyong lugar, kung kailangan mong pag-isipan ang pag-aasawa at paghahanap ng makakatuwang, at ang pagtanggap ng responsabilidad na suportahan ang isang pamilya at pagbibigay sa kanila ng magandang buhay, at kung nais mo ring matuto ng ilang bagong kasanayan, magpakahusay at maging mas magaling sa ibang mga tao—hindi ba’t nakapapagod ang pag-iisip sa lahat ng bagay na ito? Ilang bagay ba ang magkakasya sa iyong isipan? Gaano karaming enerhiya ba ang taglay ng isang tao sa buhay nito? Gaano karami ba ang maiinam na taon sa buhay ng isang tao? Sa buhay na ito, pinakamalakas ang enerhiya ng mga tao kapag sila ay nasa edad dalawampu hanggang apatnapung taong gulang. Sa panahong ito, kailangan ninyong magpakadalubhasa sa mga katotohanang kailangang maunawaan ng mga mananampalataya sa Diyos, at pagkatapos ay pumasok sa katotohanang realidad, at tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, gayundin ang Kanyang pagpipino at mga pagsubok, at makarating sa punto kung saan hindi ninyo itatakwil ang Diyos, anuman ang sitwasyon. Ito ang pinakapangunahing bagay. Bukod pa riyan, sinuman ang gumagamit ng pag-ibig at pagpapakasal para tuksuhin at akitin ka, o gaano man kalaking katanyagan, pakinabang, katayuan, o mga pakinabang ang ialok ng isang tao sa iyo, hindi mo dapat isuko ang iyong tungkulin, o kung ano ang dapat gawin ng isang nilalang. Kahit kalaunan ay ayaw sa iyo ng Diyos, dapat mo pa ring hangarin ang katotohanan, dapat mo pa ring hangaring tumahak sa landas ng pagkatakot sa Diyos at pagwawaksi ng kasamaan. Kailangan mong abutin ang taas na ito. Sa gayong paraan, ang mga taon na iniukol mo sa paggugol sa iyong sarili para sa Diyos ay hindi mawawalan ng saysay. Kung ginugugol mo ang pinakamaiinam mong taon sa pag-iisip na makahanap ng magandang trabaho o ng mapapangasawa, na umaasang magtamasa ng buhay ng laman habang naniniwala sa Diyos, na gawin pareho nang sabay ang mga ito, pagkaraan ng ilang taon, maaari kang makahanap ng mapapangasawa, magpakasal, magkaanak, at magtatag ng isang tahanan at isang propesyon, ngunit wala kang makakamit sa paniniwala sa Diyos sa lahat ng taon na iyon, wala kang matatamong anumang katotohanan, magiging hungkag ang puso mo, at lilipas na ang pinakamaiinam na taon sa buhay mo. Kapag gugunitain mo ito sa edad na kwarenta, mayroon ka nang pamilya, mga anak, at hindi ka nag-iisa, ngunit kakailanganin mong suportahan ang iyong pamilya. Iyan ang isang kadena na hindi ka makahuhulagpos. Kung nais mong gampanan ang iyong tungkulin, kailangan mong gawin iyon habang nakagapos ka sa mga responsabilidad mo sa iyong pamilya. Gaano man kataba ang puso mo, hindi mo maaaring pagsabayin ang dalawang iyon—hindi mo buong-pusong masusundan ang Diyos at magagampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Maraming tao ang tumatalikod sa pamilya at sa mga makamundong bagay, ngunit matapos maniwala sa Diyos nang ilang taon, ang tangi pa rin nilang hinahangad ay katanyagan, pakinabang, at katayuan. Hindi pa nila natatamo ang katotohanan, at ni wala silang anumang tunay na patotoo batay sa karanasan. Katulad ito ng pagsasayang nila ng kanilang oras. Kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin ngayon, hindi nila maunawaan kahit ang isang maliit na bahagi ng katotohanan, at kapag may nangyayari sa kanila, hindi nila alam kung paano ito danasin—kaya nagsisimula silang humikbi, at napupuno sila ng lubos na pagsisisi. Kapag ginugunita nila ang umpisa, sa lahat ng kabataang sama-samang namumuhay ng mga buhay-iglesia, gumaganap sa kanilang mga tungkulin, kumakanta ng mga himno at sama-samang pumupuri Diyos, iniisip nila kung gaano kaganda ang mga panahong iyon, at kung gaano nila kagustong balikan ang panahong iyon! Sa kasamaang-palad, sa mundong ito ay walang gamot para sa panghihinayang. Walang makapagbabalik sa oras, kahit gustuhin pa nila. Walang paraan para bumalik sa simula at ulitin ang naging buhay. Kaya nga, kapag nakalagpas na ang isang pagkakataon, hindi na ito maibabalik pa. Ang buhay ng isang tao ay tumatagal lamang nang ilang dekada, kung makalagpas sa iyo ang mainam na panahong ito para hangarin ang katotohanan, walang saysay ang iyong magiging panghihinayang. Naniniwala na ang ilang tao sa Diyos hanggang sa araw na ito, at naguguluhan pa rin sila. Ganap silang walang alam kung anong yugto na ang narating ng gawain ng Diyos. Dumating na ang malalaking sakuna, at nananaginip pa rin ang mga taong ito, iniisip na: “Napakarami pang panahon bago matapos ng Diyos ang Kanyang gawain! Ngayon ay kumakain, umiinom, at nag-aasawa pa rin ang mga tao gaya ng dati. Kailangan kong magmadali at magpakasaya sa buhay, hindi ko maaaring palagpasin ito!” Nagnanasa pa rin sila ng makamundong kaginhawahan, nang wala ni katiting na pagkauhaw sa katotohanan sa kanilang puso. Sa ganitong gawi, napalalagpas nila ang pagkakataong maligtas na minsan lamang dumarating sa buhay. Sa katunayan, gumagawa ang Diyos para iligtas ang sangkatauhan, at kapag natapos na ang Kanyang gawain ng pagliligtas, kahit isang tao lamang ang makaligtas, hindi iisipin ng Diyos na napakakaunti lamang nito. Kukunin ng Diyos ang isang taong iyon, at iiwan ang lahat ng iba pa. Ito ang disposisyon ng Diyos, na hindi nakikita nang malinaw ng sinumang tao. Nang wawasakin na ng Diyos ang mundo sa pamamagitan ng baha, sinabihan Niya si Noe na gumawa ng isang arka para iligtas ang mga naniwala sa Diyos. Nang matapos ang arka, ang walong miyembro lamang ng pamilya ni Noe ang pumasok sa arka at nagtamo ng pagliligtas ng Diyos. Ano ang nangyari sa iba pa? Lahat sila ay nalunod sa baha at namatay sa sakuna. Ngayon, maraming taong nakakakita na ipinapahayag ng Diyos ang lahat ng katotohanang ito, na lubos na nakakaalam na ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagliligtas, ngunit nagdududa pa rin sila, may sarili silang mga haka-haka, at ayaw itong tanggapin. Ang ganitong uri ng tao ay nasisiyahan sa kanyang sarili, ngunit kapag dumating ang malalaking sakuna, malilipol sila, at sino ang sisisihin nila rito? Sa mga mata ng Diyos, ang mga hindi tumatanggap sa Kanyang pagliligtas ay mga surot, mga buhay na multo, mas mababa kaysa sa mga hayop! Sa panahon ng pagliligtas ng Diyos, ang Kanyang disposisyon ay maawain, mapagmahal, at mapagpatawad, ngunit kapag nagwakas ang gawain ng pagliligtas ng Diyos, hindi na Niya iaalok ang Kanyang kapatawaran sa tao. Babawiin ito ng Diyos, at haharapin lamang ng mga tao ang Kanyang poot at pagiging maharlika. Sa ngayon, tamang-tama lang ang dating ninyo para sa dakilang sandaling ito—ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol sa mga huling araw. Ito ang kaisa-isang pagkakataon ng mga tao na maligtas at magawang perpekto ng Diyos. Ginagampanan ninyong lahat ang mga tungkulin ninyo sa mahalagang sandaling ito ng pagpapalawak ng Diyos sa ebanghelyo ng kaharian. Talagang ito ang kakaibang pagdadakila ng Diyos sa inyo. Anumang larangan ang pinag-aralan mo, o anong aspeto ng kaalaman ang taglay mo, o anong mga kaloob o kadalubhasaan ang mayroon ka, anuman ang sitwasyon, nagpapakita ng biyaya sa iyo ang Diyos sa pamamagitan ng pagtutulot sa iyo na gamitin ang kadalubhasaang ito para gawin ang tungkulin sa Kanyang sambahayan. Iyan ay isang pagkakataon na bihirang dumating. Kapag kumilos ang Diyos, wala Siyang kinikilingang tao, pantay-pantay ang trato Niya sa lahat. Tinatrato ng Diyos nang mabuti ang sinumang tumatanggap at nagsasagawa ng katotohanan, at itinataboy Niya ang sinumang hindi nagmamahal sa katotohanan, na tutol sa katotohanan at tumatanggi sa katotohanan. Matuwid ang Diyos sa bawat tao. Basta’t kaya mong tanggapin ang katotohanan at magpasakop sa Diyos, tatratuhin ka ng Diyos nang mabuti, at hindi ka Niya pananagutin sa mga nakaraan mong paglabag. Anumang uri ng solusyon ang ibigay ng Diyos sa iyo, gaano ka man Niya tratuhin nang mabuti, sa huli ay iisa lamang ang Kanyang hangarin, at iyon ay ang ipaunawa sa iyo ang Kanyang mga layunin, ituro sa iyo ang mga aral, at ipaunawa ang katotohanan sa mga kapaligirang angkop sa pag-usad mo sa buhay. Sa sandaling nasa iyong kalooban at naging buhay mo na ang mga salita ng Diyos at ang mga katotohanan, at tinuturing mo ang Diyos bilang magulang ng iyong muling pagsilang, at nagagawa mong magpasakop at magkaroon ng takot sa Diyos, magiging alinsunod ka na sa mga layunin ng Diyos. Bagama’t karamihan sa inyo ay medyo bata pa, kung sa pamamagitan ng pagbabasa sa mga salita ng Diyos at pag-unawa sa katotohanan, nagkaroon kayong lahat ng determinasyon, lumago kayo sa buhay, nagkaroon kayo ng may-takot-sa-Diyos na puso, at nagawa ninyong manindigan kapag sumapit sa inyo ang mga pagsubok at paghihirap, magkakaroon kayo ng tayog, at masisiyahan ang Diyos. Sasabihin ng Diyos na hindi nasayang ang Kanyang pagpapakahirap nang tratuhin ka Niya nang mabuti. Aani Siya ng mga gantimpala, makikita Niya ang mga bunga ng Kanyang gawain sa iyo, at titingnan ito nang may kasiyahan at kagalakan. Ang resultang ito ay lubos na nakamtan ng gawain ng Diyos; hindi ito isang bagay na dapat ipagyabang ng tao.
Hindi lamang basta nagbabayad ng halaga ang Diyos para sa bawat tao sa mga dekada mula sa kanilang pagsilang hanggang sa kasalukuyan. Tulad ng pagtingin dito ng Diyos, nakarating ka na sa mundong ito nang maraming beses, at muling nabuhay nang maraming beses. Sino ang namamahala rito? Ang Diyos ang namamahala rito. Hindi mo malalaman ang mga bagay na ito. Tuwing dumarating ka sa mundong ito, personal na gumagawa ng mga pagsasaayos ang Diyos para sa iyo: isinasaayos Niya kung ilang taon ka mabubuhay, ang uri ng pamilya kung saan ka isisilang, kung kailan ka magkakaroon ng pamilya at propesyon, gayundin kung ano ang gagawin mo sa mundong ito at kung paano ka maghahanapbuhay. Nagsasaayos ang Diyos ng paraan para makapaghanapbuhay ka, upang maisakatuparan mo ang iyong misyon sa buhay na ito nang walang hadlang. At patungkol naman sa dapat mong gawin sa iyong susunod na buhay, isinasaayos at ibinibigay ng Diyos ang buhay na iyon sa iyo ayon sa nararapat na mapasaiyo at ano ang nararapat na ibigay sa iyo…. Nagawa na ng Diyos ang mga pagsasaayos na ito para sa iyo nang maraming beses, at, sa wakas, isinilang ka na sa kapanahunan ng mga huling araw, sa iyong kasalukuyang pamilya. Nagsaayos ang Diyos ng isang kapaligiran para sa iyo kung saan maaari kang maniwala sa Kanya, tinulutan ka Niyang marinig ang Kanyang tinig at bumalik sa Kanyang harapan, upang masundan mo Siya at makaganap ka ng tungkulin sa Kanyang sambahayan. Dahil lamang sa gayong patnubay ng Diyos kaya ka nabubuhay hanggang sa ngayon. Hindi mo alam kung ilang beses ka na naisilang sa piling ng tao, ni kung ilang beses nang nagbago ang iyong hitsura, ni kung nakailang pamilya ka na, ni kung ilang kapanahunan at dinastiya ka na nabuhay—ngunit laging nakasuporta sa iyo ang mga kamay ng Diyos, at lagi Siyang nakasubaybay sa iyo. Kaylaki ng pagpapagal ng Diyos para sa kapakanan ng tao! Sabi ng ilang tao, “Animnapung taong gulang na ako. Sa loob ng animnapung taon, binabantayan ako ng Diyos, pinoprotektahan ako, at ginagabayan ako. Kung, kapag matanda na ako, hindi ko magampanan ang isang tungkulin at wala akong magawang anuman—pangangalagaan pa rin ba ako ng Diyos?” Hindi ba’t katawa-tawang sabihin ito? Ang Diyos ang namamahala sa kapalaran ng tao, at binabantayan Niya ito at pinoprotektahan hindi lamang sa iisang haba ng buhay. Kung tungkol lamang ito sa iisang haba ng buhay, iisang pagkabuhay, mabibigo iyang ipamalas na ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat at may kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ang tinatrabaho ng Diyos at ang halagang ibinabayad Niya para sa isang tao ay hindi lamang para isaayos ang gagawin nito sa buhay na ito, kundi ang isaayos para sa mga ito ang napakaraming pagkabuhay. Inaako ng Diyos ang buong responsabilidad para sa bawat kaluluwang reinkarnado. Alisto Siyang nagtatrabaho, ibinabayad ang halaga ng Kanyang buhay, ginagabayan ang bawat tao at isinasaayos ang bawat buhay nila. Nagpapagal at nagbabayad ng halaga ang Diyos sa ganitong paraan para sa kapakanan ng tao, at ipinagkakaloob Niya sa tao ang lahat ng katotohanang ito at ang buhay na ito. Kung hindi gagampanan ng mga tao ang tungkulin ng mga nilalang sa mga huling araw na ito, at hindi sila babalik sa harap ng Lumikha—kung, sa bandang huli, ilang buhay at henerasyon man ang kanilang isinabuhay, hindi nila ginagawa nang maayos ang kanilang mga tungkulin at nabibigo silang tugunan ang mga hinihingi ng Diyos—hindi ba’t magiging napakalaki ng kanilang pagkakautang sa Diyos? Hindi ba’t hindi sila magiging karapatdapat sa lahat ng ibinayad na halaga ng Diyos? Magiging masyado silang walang konsiyensiya, hindi sila magiging karapatdapat na tawaging mga tao, dahil magiging napakalaki ng pagkakautang nila sa Diyos. Samakatwid, sa buhay na ito—hindi Ko tinutukoy ang dati ninyong buhay, kundi ang buhay na ito—kung hindi ninyo nagagawang isuko ang mga bagay na minamahal ninyo o ang mga panlabas na bagay para sa kapakanan ng inyong misyon—tulad ng mga materyal na kasiyahan at pagmamahal at kagalakan ng pamilya—kung hindi ninyo isusuko ang mga kasiyahan ng laman para sa kapakanan ng mga halagang ibinayad ng Diyos para sa iyo o para suklian ang pagmamahal ng Diyos, masama ka talaga! Ang totoo, sulit ang anumang halagang ibayad mo para sa Diyos. Kumpara sa halagang ibinayad ng Diyos alang-alang sa iyo, ano ba ang halaga ng kakatiting na inihahandog o ginugugol mo? Ano ba ang halaga ng katiting na pagdurusa mo? Alam mo ba kung gaano nagdusa ang Diyos? Ang katiting na pinagdusahan mo ay ni hindi nararapat banggitin kapag ikinumpara sa napagdusahan ng Diyos. Bukod pa riyan, sa paggawa ng iyong tungkulin ngayon, natatamo mo ang katotohanan at ang buhay, at sa huli, makaliligtas ka at makapapasok sa kaharian ng Diyos. Napakalaking pagpapala niyan! Habang sumusunod ka sa Diyos, nagdudusa ka man o nagbabayad ng halaga, ang totoo ay nakikipagtulungan ka sa Diyos. Anuman ang ipagawa sa atin ng Diyos, nakikinig tayo sa mga salita ng Diyos, at nagsasagawa ayon sa mga ito. Huwag maghimagsik laban sa Diyos o gumawa ng anumang bagay na ikalulungkot Niya. Para makipagtulungan sa Diyos, kailangan mong magdusa nang kaunti, at kailangan mong talikuran at isantabi ang ilang bagay. Kailangan mong talikuran ang katanyagan, pakinabang, katayuan, pera, at mga makamundong kasiyahan—kailangan mo pa ngang talikuran ang mga bagay na tulad ng pag-aasawa, trabaho, at mga inaasam mo sa mundo. Alam ba ng Diyos kung natalikuran mo na ang mga bagay na ito? Nakikita ba ng Diyos ang lahat ng ito? (Oo.) Ano ang gagawin ng Diyos kapag nakita Niya na natalikuran mo na ang mga bagay na ito? (Mapapanatag ang Diyos, at masisiyahan Siya.) Hindi lamang masisiyahan ang Diyos at magsasabing, “Nagbunga na ang mga halagang ibinayad Ko. Handang makipagtulungan sa Akin ang mga tao, mayroon silang ganitong determinasyon, at nakamtan Ko na sila.” Nalulugod man ang Diyos o masaya, nasisiyahan o naaaliw, hindi lamang gayong saloobin ang taglay ng Diyos. Kumikilos din Siya, at nais Niyang makita ang mga resultang nakakamtan ng Kanyang gawain, kung hindi ay mawawalan ng kabuluhan ang hinihingi Niya sa mga tao. Ang biyaya, pagmamahal, at habag na ipinapakita ng Diyos sa tao ay hindi lamang isang uri ng saloobin—katunayan din ang mga iyon. Anong katunayan iyon? Iyon ay na inilalagay ng Diyos ang Kanyang mga salita sa iyong kalooban, nililiwanagan ka, upang makita mo kung ano ang kaibig-ibig sa Kanya, at kung tungkol saan ang mundong ito, upang ang puso mo ay mapuspos ng liwanag, na nagtutulot sa iyo na maunawaan ang Kanyang mga salita at ang katotohanan. Sa ganitong paraan, nang hindi mo nalalaman, natatamo mo ang katotohanan. Gumagawa ang Diyos ng napakaraming gawain sa iyo sa napakatotoong paraan, na nagbibigay sa iyo ng kakayahang matamo ang katotohanan. Kapag natamo mo ang katotohanan, kapag natamo mo ang buhay na walang hanggan na siyang pinakanatatanging bagay, nasisiyahan ang mga layunin ng Diyos. Kapag nakikita ng Diyos na hinahangad ng mga tao ang katotohanan at handa silang makipagtulungan sa Kanya, masaya Siya at kontento. Sa gayon ay nagkakaroon Siya ng isang saloobin, at habang taglay Niya ang saloobing iyon, gumagawa Siya, at sinasang-ayunan at pinagpapala Niya ang tao. Sinasabi Niya, “Gagantimpalaan kita ng mga pagpapalang nararapat sa iyo.” At pagkatapos ay matatamo mo na ang katotohanan at ang buhay. Kapag mayroon kang kaalaman sa Lumikha at natamo mo ang Kanyang pagpapahalaga, makadarama ka pa rin ba ng kahungkagan sa puso mo? Hindi na. Madarama mo na kontento ka na at may kagalakan. Hindi ba’t ito ang kahulugan ng pagkakaroon ng halaga ng buhay ng isang tao? Ito ang pinakamahalaga at pinakamakabuluhang buhay.
Tingnan mo si Job: Ipinagdasal ba niya kahit kailan na bigyan siya ng Diyos ng santambak na mga alagang hayop at malalaking kayamanan? (Hindi.) Ano ang hinangad niya? (Hinangad niyang magkaroon ng takot sa Diyos at maiwaksi ang kasamaan.) Ano ang tingin ng Diyos sa “pagkatakot sa Diyos at pagwawaksi sa kasamaan”? Sabi ng Diyos: “Nakita ng Diyos na mabuti ito.” Kapag hinahangad ng mga tao na matakot sa Diyos at iwaksi ang kasamaan, naghahatid iyon ng napakalaking kagalakan sa Diyos, at ito ay pinagpapala Niya. Sinasambit lamang ba ng Diyos ang mga salitang ito at wala na Siyang ibang ginagawa? Ano pa ang ginawa ng Diyos kay Job? (Sinubukan Niya si Job.) Isinugo ng Diyos si Satanas para tuksuhin si Job, para kuhain ang santambak niyang mga alagang hayop, kanyang malaking kayamanan, kanyang mga anak, kanyang mga alipin—sinubukan siya ng Diyos. Ano ang gustong makamit ng Diyos sa pagsubok sa kanya? Ginusto ng Diyos ang patotoo ni Job. Ano ang ibinigay ng Diyos kay Job sa panahong iyon? Pinagninilayan ng mga tao: “Ano ang ibinigay ng Diyos kay Job? Kinuha ang kanyang mga alagang hayop at malaking kayamanan, at ano ang natira sa kanya? Walang anumang ibinigay ang Diyos sa kanya!” Kung titignan, tila binawi rin ng Diyos ang ibinigay Niya kay Job, at mukhang walang natira kay Job, ngunit ang pagbawi mismo ay isang malaking gantimpala. Walang sinuman ang nakakita nang malinaw kung ano ang gantimpalang ibinigay ng Diyos kay Job. Ninais ng Diyos ang patotoo ni Job, at binigyan Niya ng pagkakataon si Job. Anong klaseng pagkakataon iyon? Iyon ang pagkakataon ni Job na magpatotoo para sa Diyos sa harap ni Satanas at sa lahat ng tao, na magpatotoo sa realidad ng kanyang takot sa Diyos at pagwawaksi sa kasamaan, na magpatotoo sa katotohanan ng kanyang takot sa Diyos at pagwawaksi sa kasamaan, na magpatotoo na isa siyang perpekto at matwid na tao. Hindi ba’t ibinigay ito ng Diyos sa kanya? Kung hindi binigyan ng Diyos si Job ng pagkakataong ito, mangangahas kaya si Satanas na kumilos laban kay Job? (Hindi.) Tiyak na hindi sana mangangahas si Satanas, tiyak na tiyak iyan. Kung hindi nangahas si Satanas na tuksuhin si Job, nagkaroon kaya ng ganitong pagkakataon si Job? Hindi siya magkakaroon ng ganitong pagkakataon. Kaya nga binigyan ng Diyos ng gayong pagkakataon si Job, para patunayan sa lahat na ang landas na kanyang tinahak—yaong pagkatakot sa Diyos at pagwawaksi sa kasamaan—ay tama, na katanggap-tanggap ito sa paningin ng Diyos, at na si Job ay isang matwid at perpektong tao. Nakita ng lahat ang mga bagay na ito, nakita rin ng Diyos ang mga ito, at hindi binigo ni Job ang Diyos sa gitna ng pagkakataong ito. Nagpatotoo siya para sa Diyos, tinalo niya si Satanas, at nakita ng Diyos na mabuti ito. Ginantimpalaan ba ng Diyos si Job sa huli? (Oo.) Ano ang pangalawang gantimpala ng Diyos kay Job? Sinabi ng Diyos na ang takot ni Job sa Diyos at pagwawaksi nito sa kasamaan ay katanggap-tanggap sa Kanya. Nagpatotoo si Job para sa Diyos sa harap ni Satanas, at nakita ng Diyos na lahat ng ito ay mabuti. Kapwa Siya nasiyahan at nalugod, at nagkaroon Siya ng isang uri ng saloobin. Matapos magkaroon ang Diyos ng saloobing ito, wala na ba Siyang ibang ginawa? Ano ang ginawa ng Diyos? Tila hindi kayo lubhang pamilyar sa Aklat ni Job. Sa anong mga sitwasyon sinabi ni Job na: “Narinig Kita sa pakikinig ng pakinig: ngunit ngayo’y nakikita Ka ng aking mata”? Sinabi niya ang mga salitang ito matapos niyang mapakinggan ang mga salitang sinambit sa kanya ng Diyos. Nakita na ba ni Job ang Diyos bago ito? (Hindi.) Para kay Job, ang marinig ang tinig ng Diyos ay kapareho ng makita ang Kanyang mukha, at hindi ba’t ito ang pagpapalang pinakaaasam ng isang nilalang? (Ito nga.) Natamo ito ni Job. Naiinggit ba kayo sa kanya? (Oo.) Ang pagpapalang ito ay hindi madaling matamo. Kaya, paano ninyo makakamtan ang pagkakataong ito at matatanggap ang ganitong uri ng biyaya at gantimpala? Kailangan mong magpatotoo para sa Diyos, na ibig sabihin, kailangan mong magpatotoo para sa Diyos sa gitna ng mga tukso ni Satanas. Kailangan mong tahakin ang landas ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pagwawaksi sa kasamaan. Kailangan ay magawa mong mapasabi sa Diyos na, “Nakita ng Diyos na mabuti ito.” Kapag nasisiyahan at nalulugod ang Diyos, at nakikita Niya na ang iyong patotoo at lahat ng nagawa mo ay mabuti, kapag sinasabi ng Diyos na isa kang perpektong tao, at isang taong naghahangad sa katotohanan, makakamit mo ang Kanyang mga pagpapala. Matapos marinig ni Job ang tinig ng Diyos, ano pa ang ginawa ng Diyos? Binigyan Niya si Job ng higit pa sa mayroon na ito noon. Naging mas mayaman pa si Job kaysa dati—kung isa siyang multimilyonaryo dati, malamang ay naging bilyonaryo siya pagkatapos niyon. Kaya’t makikita mo na kung ang isang tao ay may takot sa Diyos at iwinawaksi niya ang kasamaan, madali para sa kanya ang maging bilyonaryo; isang salita lamang ng Diyos ang kailangan. Iyan ang biyaya ng Diyos. May takot si Job sa Diyos at iwinaksi niya ang kasamaan, at natamo niya ang mga pagpapala ng Diyos.
Ang ibinibigay ng Diyos sa mga tao ay higit pa sa maaari nilang hilingin o akalain, ngunit kung nais mong tumanggap ng gantimpala na higit pa sa anumang maaari mong hilingin o akalain, kailangan mong sundan ang daan ng Diyos. Hindi simple ang pagsunod sa daan ng Diyos. Kailangang magbayad ng halaga ng mga tao, ngunit hindi mawawalan ng saysay ang pagbabayad ng halagang iyon, magagantimpalaan iyon. Iniisip ng mga tao na ang Diyos ay may isang uri lamang ng saloobin sa kanila, na wala Siyang ginagawa, na lagi Siyang nakamasid sa kanila, tinitingnan Niya kung paano sila kumilos. Ganoon nga ba talaga? Hindi. Ang totoo ay parang magulang ang Diyos. Kung makikinig ka sa iyong mga magulang, kung ikaw ay matino, kung inaasikaso mo ang iyong nararapat na mga tungkulin, at nagdurusa nang husto para sumunod sa tamang landas, ano ang mararamdaman ng iyong mga magulang? Mararamdaman ng iyong mga magulang ang pagmamahal at kalungkutan para sa iyo. Labis silang nasasabik na ialay ang buhay nila para sa kanilang mga anak, at para mabawasan ang pagdurusa ng kanilang mga anak, para matiyak na kumakain ang mga ito nang husto, nakapagsusuot ng magagandang damit, at naliligayahan sa buhay—sa gayon ay nasisiyahan sila. Ayaw nilang magdusa ka talaga. Iyan ang puso ng isang magulang. Kumpara sa puso ng isang magulang, ang puso ng Diyos ay mas mabuti, mas maganda, mas mabait—ganito talaga ang Kanyang puso. Nauunawaan ninyong lahat nang kaunti ang puso ng inyong mga magulang. Alam na alam ninyong lahat kung gaano talaga naging mabuti ang inyong mga magulang sa inyo, at nais ninyong lahat na bigyang karangalan ang inyong mga magulang. Kaya, dapat muna ninyong gamitin ang pagiging anak ninyo sa inyong mga magulang para magpakita ng konsiderasyon para sa puso ng Diyos. Ang mga gumagawa nito ay nagtataglay ng pinakamalaking katwiran. Nadarama ng mga anak ang pagmamahal sa kanila ng kanilang mga magulang, ngunit dapat ay mas lalong madama ng mga tao ang pagmamahal ng Diyos sa kanila, dahil lahat ng nasa kanila ay isinaayos at pinangasiwaan ng Diyos. Diyos lamang ang maaaring magpasya ng lahat para sa isang tao. Hindi maaaring pagpasyahan ng mga magulang ang lahat para sa isang anak, gaano man kalaki ang pagmamahal nila. Kahit paano, hindi taglay ng mga magulang ang katotohanan. Ang kanilang pagmamahal ay sa laman at damdamin; talagang hindi nito maililigtas ang isang tao mula sa katiwalian, ni hindi sila mabibigyan nito kahit papaano ng paglago sa buhay. Tanging ang pagmamahal ng Diyos ang makapagliligtas sa mga tao. Ang salita ng Diyos ay maaaring akayin ang mga tao at tustusan sila upang makatahak sila sa tamang landas sa buhay. Nakikita mo kung gaanong mas malaki ang pagmamahal ng Diyos kaysa sa pagmamahal ng isang magulang—ipinapakita ng Diyos sa mga tao ang lahat ng konsiderasyon! Isinilang ka ng iyong mga magulang, at para sa kanila, ikaw ay sarili nilang laman at dugo. Pinagmamalasakitan ka nila, itinatangi, at pinoprotektahang maigi—kaya ano sa palagay mo ang tingin ng Diyos sa mga tao, na siyang binigyang-anyo ng sarili Niyang mga kamay? Itinatangi ng Diyos ang mga tao na para bang ang mga ito ay sarili Niyang mga anak; ang mga tao ay sarili Niyang laman at dugo. Hindi ito katulad ng konsepto ng tao sa mga magulang na nagsilang sa isang bata, at may koneksyon sa dugo—nilikha ng Diyos ang mga tao gamit ang sarili Niyang mga kamay, ngunit binigyan Niya sila ng Kanyang hininga, at may mga inaasahan Siya sa mga ito. Ipinagkatiwala ng Diyos sa mga tao ang Kanyang mga inaasam; may mga hinihingi Siya sa mga ito, at ipinagkatiwala niya sa mga ito ang mga bagay-bagay. Hindi basta nilikha ng Diyos ang mga tao, binigyan ng hininga, binuhay, at pagkatapos ay tapos na ang Kanyang gawain. Hindi ito parang kung masama ang sangkatauhan, basta na lamang ito gagawing muli ng Diyos, dahil kung tutuusin ay makapangyarihan ang Diyos at makapangyarihan sa lahat. Matapos likhain ng Diyos ang mga tao, nag-alala Siya para sa mga ito. Ang mga tao ay Kanyang laman at dugo, katuwang Niya ang mga ito, at kasabay nito, sa Kanyang plano ng pamamahala, ang mga ito ang mga katiwala at may taglay ng lahat ng Kanyang inaasam. Sa huli, nais Niyang makakita ng pag-asa sa mga taong ito, at magtamo ng mga resulta. Kung, batay rito, makapagpapakita kayo ng kaunting pagkaunawa sa mga pagnanais at mga layunin ng Diyos, hindi ba’t mapapalalim niyan nang kaunti ang inyong pagkaunawa? (Oo.) Katulad lamang ng mga magulang na gustong mag-aral at umasenso ang kanilang mga anak sa buhay, na nanatili sa tabi ng kanilang mga anak habang nag-aaral ang mga ito, pinapaypayan ang mga ito, pinaiinom ang mga ito ng kaunting tsaa makalipas ang isang sandali, hinahandaan ang mga ito ng masarap na pagkain kapag oras nang kumain—walang alam na mas magandang gawin ang mga magulang na iyon, ang kanilang isipan ay laging umiikot sa kanilang mga anak. Hindi ba’t tinatrato ka nang ganito ng mga magulang mo dahil may mga inaasahan sila sa iyo, dahil ikaw ang kanilang pag-asa? Kung hindi ka nakikinig sa kanila, at lagi mo silang sinusuway, hindi ba’t masasaktan sila? Hindi ba’t malulungkot sila? (Oo.) Kung gayon ay pagnilayan ang mga layunin ng Diyos batay sa ideyang ito. Kapag tumitingin ang Diyos sa mga tao, anuman ang edad nila, bata pa sila sa Kanyang paningin. Kung sasabihin mong, “Walumpung taong gulang na ako,” sasabihin ng Diyos na bata ka pa. Kung sasabihin mong, “Dalawampung taong gulang na ako,” mas lalong bata ka pa. Walumpu, walong daan, o walong libong taon ka man, ang mga tao ay pawang mga bata pa sa paningin ng Diyos. Sa pananaw ng Diyos, wala talagang ipinagkaiba ang edad. Sa paningin ng Diyos, ang mga tao ay pawang mga sanggol at bata pa; ganyan ang tingin ng Diyos sa sangkatauhan. Kaya nga, sa paningin ng Diyos, ikaw ay Kanyang laman at dugo, at isa sa Kanyang mga katuwang. Paano ka magiging marapat, kung gayon, na maging Kanyang laman at dugo, Kanyang katuwang, isang taong kasundo ng Kanyang sariling puso, para bigyan Siya ng kasiyahan? Hindi ba’t ito ay tanong na nararapat isipin at pagnilayan ng sangkatauhan? (Oo.) Tinatrato ng Diyos ang sangkatauhan bilang Kanyang laman at dugo, Kanyang mga katuwang, mga may taglay ng mga halaga at dugong Kanyang naibayad. Anong klase ang pagmamahal ng Diyos para sa tao? Anong klase ang Kanyang pag-iisip? Paano Niya tinatrato ang mga tao na ganito ang antas ng relasyon sa Kanya? Nauunawaan ba ng mga tao, kahit katiting, ang klase ng pagmamahal ng Diyos para sa mga taong ito? Sabi ng ilang tao: “Hindi ko pa nakita ang Diyos kailanman, at hindi ko nadarama ang mga bagay na nagawa Niya para sa akin sa mga nakaraan kong buhay.” Buhay ka ngayon, kaya hindi mo ba nadarama ang patnubay ng Diyos at ang mga halagang ibinayad Niya para sa iyo? Nauunawaan mo ba ang mga ito? (Oo.) Kung nauunawaan mo ang mga ito, ayos lang iyan—pinatutunayan niyan na mayroon kang puso at kaluluwa. Kung ganito karami ang nauunawaan mo, sapat na ito. Sulit nang isantabi mo ang lahat para sundan ang Diyos.
Mayo 29, 2017