Paano Lutasin ang mga Tukso at Gapos ng Katayuan

Gustung-gusto ng tiwaling sangkatauhan ang reputasyon at katayuan. Lahat sila ay naghahangad ng kapangyarihan. Kayong mga lider at manggagawa na ngayon, hindi ba ninyo nararamdaman na dinadala ninyo ang inyong titulo o ranggo sa inyong mga ikinikilos? Gayon din ang mga anticristo at huwad na lider, nararamdaman nilang lahat na sila ay mga opisyal sa sambahayan ng Diyos, na mas mahusay sila kaysa sa iba, na nakahihigit sila sa iba. Kung wala silang opisyal na mga titulo at ranggo, wala silang pasanin sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, at hindi sila masigasig na gagawa. Itinuturing ng lahat ang pagiging lider o manggagawa bilang katumbas ng pagiging opisyal, at lahat ay handang kumilos bilang isang opisyal. Kung titingnan sa positibong anggulo, tinatawag natin itong paghahangad ng isang propesyon—ngunit kung sa negatibong anggulo, ito ay tinatawag na pag-aasikaso ng mga pansariling usapin. Ito ay pagtatayo ng isang independiyenteng kaharian upang matugunan ang sariling mga ambisyon at hangarin. Sa huli, mabuti ba o masama ang magkaroon ng katayuan? Sa mga mata ng tao, isa itong magandang bagay. Kapag mayroon kang opisyal na titulo, nagiging iba ang pagsasalita at pagkilos. Ang iyong mga salita ay may kapangyarihan, at susunod ang mga tao sa mga ito. Bobolahin ka nila nang husto, magmamartsa sila sa harap mo habang sumisigaw at aalalayan ka nila mula sa likuran. Ngunit kung wala ang iyong katayuan at mga titulo, magbibingi-bingihan sila sa iyong mga salita. Bagamat maaaring totoo ang iyong mga salita, puno ng mabuting katuturan, at kapaki-pakinabang sa mga tao, walang sinuman ang susunod sa iyo. Ano ang ipinapakita nito? Lahat ng tao ay iginagalang ang katayuan. Lahat sila ay may mga ambisyon at hangarin. Lahat sila ay naghahangad sa pagsamba ng iba at mahilig pangasiwaan ang mga bagay mula sa posisyon ng katayuan. Maisasakatuparan ba ng isang tao ang mabubuting gawa mula sa isang posisyon ng katayuan? Makagagawa ba siya ng mga bagay na kapaki-pakinabang sa mga tao? Hindi iyon tiyak. Depende ito sa landas na iyong tinatahak at kung paano mo itinuturing ang katayuan. Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, ngunit gusto mo palagi na paboran ka ng ibang tao, ninanais na tugunan ang sarili mong mga ambisyon at hangarin, at tuparin ang pananabik mo sa katayuan, kung gayon ay tumatahak ka sa landas ng mga anticristo. Ang isang taong tumatahak sa landas ng mga anticristo ay makakaayon ba sa katotohanan sa kanyang paghahangad at pagganap sa kanyang tungkulin? Talagang hindi. Ito ay dahil ang landas na pipiliin ng isang tao ang magpapasya sa lahat. Kung pipiliin ng isang tao ang maling landas, ang lahat ng kanyang mga pagsisikap, kanyang pagganap sa tungkulin, at kanyang paghahangad ay hinding-hindi aayon sa katotohanan. Ano sa mga ito ang salungat sa katotohanan? Ano ang hinahangad niya sa kanyang mga ikinikilos? (Katayuan.) Ano ang ipinapakita ng lahat ng tao na gumagawa ng mga bagay-bagay alang-alang sa katayuan? Sabi ng ilan, “Palagi silang sumasambit ng mga salita at doktrina, hindi sila kailanman nagbabahagi ng katotohanang realidad, lagi silang nagpapakitang gilas, lagi silang nagsasalita para sa sarili nilang kapakanan, hindi nila pinupuri o pinatototohanan ang Diyos kailanman. Ang mga taong nagpapakita ng gayong mga bagay ay kumikilos para lamang sa katayuan.” Tama ba ito? (Oo.) Bakit sila sumasambit ng mga salita at doktrina at nagpapakitang gilas? Bakit hindi nila pinupuri at pinatototohanan ang Diyos? Dahil sa kanilang puso, naroon lamang ang katayuan, at ang kanilang katanyagan at pakinabang—lubusang wala ang Diyos sa kanilang mga puso. Partikular na iniidolo ng gayong mga tao ang katayuan at awtoridad. Napakahalaga sa kanila ng kanilang katanyagan at pakinabang; naging buhay na nila ang kanilang katanyagan, pakinabang, at katayuan. Wala ang Diyos sa kanilang mga puso, hindi nila kinatatakutan ang Diyos, at lalo namang hindi sila nagpapasakop sa Kanya; pinupuri lamang nila ang kanilang sarili, pinatototohanan ang kanilang sarili, at nagpapakitang-gilas upang makuha ang paghanga ng iba. Kaya, madalas nilang ipinagmamayabang ang kanilang sarili, kung ano ang kanilang nagawa, kung gaano sila nagdusa, kung paano nila binigyang-lugod ang Diyos, kung gaano sila naging mapagpasensya noon nang pinupungusan sila, lahat ng ito upang makuha ang simpatiya at paghanga ng mga tao. Ang mga taong ito ang kauri ng mga anticristo, tinatahak nila ang landas ni Pablo. At ano ang kalalabasan nila sa huli? (Sila ay nagiging mga anticristo at itinitiwalag.) Alam ba ng mga taong ito na naghihintay sa kanila ang gayong kalalabasan? (Alam nila.) Alam nila? Kung alam nila, bakit patuloy nilang ginagawa ang gayong ginagawa nila? Ang totoo, hindi nila alam. Naniniwala sila na mabuti at tama ang kanilang mga kilos. Hindi nila kailanman sinusuri ang kanilang sarili upang malaman kung alin sa mga bagay na kanilang ginagawa ang lumalaban sa Diyos o hindi nakalulugod sa Diyos, o alin sa mga bagay na ginagawa nila ang may kaunting intensiyon sa likod ng mga ito, o kung anong landas ang kanilang tinatahak. Palagi silang nabibigong suriin ang mga gayong bagay.

Bilang mga lider at manggagawa, ni minsan ba ay napag-isipan ninyo ang mga katanungang ito: Ang atas na ipinagkatiwala sa akin ng Diyos ay isang espesyal na atas, hindi ang ordinaryong tungkulin ng isang ordinaryong tagasunod. Ang tungkuling ito ay nangangailangan ng espesyal na responsabilidad at may espesyal na kabuluhan. Kaya, sa pagganap ng espesyal na tungkuling ito at pagsabalikat sa responsabilidad na ito, anong landas ang dapat kong tahakin upang umayon sa layunin ng Diyos, o kahit papaano ay maiwasan ang pagkasuklam ng Diyos? Paano ako dapat maghangad upang magawang perpekto ng Diyos at maiwasang tahakin ang landas ng mga anticristo at maitiwalag? Naisip na ba ninyo ang mga katanungang ito? (Pakiramdam ko ay itinaas ako ng Diyos noong nagsimula akong maglingkod bilang lider. Bagamat alam kong dapat kong hangarin ang katotohanan at gampanan nang maayos ang aking tungkulin, hindi ko pa rin maiwasan na palaging hangarin ang reputasyon at katayuan dahil sa aking likas na kayabangan. Pagkatapos kong mapagtanto ito, nagawa kong manalangin sa Diyos at makahanap ng mga nauugnay na sipi sa Kanyang mga salita upang magkaroon ng solusyon. Medyo nabago ko ang aking direksiyon noong panahong iyon, pero mangyayaring muli sa hinaharap ang sitwasyong ito, at kahit pa lubos kong kinasusuklaman ang aking sarili, mahirap na ganap na lutasin ang problemang ito.) Hindi mo makokontrol ang iyong mga iniisip at ideya, at ang iyong ambisyon at pagnanais na hangarin ang reputasyon at katayuan ay wala rin sa iyong kontrol. Ito ay patunay na nag-ugat na sa puso mo ang isang tiwaling disposisyon. Hindi ito pansamantalang pakiramdam o panandaliang emosyon, at hindi rin ito ipinuwersa sa iyo ng iba. Hindi ito kailangang ituro sa iyo ng ibang tao; ito ang likas na tendensiya ng iyong mga iniisip at ang natural na direksiyon ng iyong kilos. Ito ang iyong kalikasan. Ang mga bagay na likas sa isang tao ay yaong mga pinakamahirap baguhin. Kung may satanikong kalikasan, samakatuwid, sa sandaling magtamo ng katayuan ang mga tao, nanganganib na sila. Kaya ano ang dapat gawin? Wala ba silang landas na susundan? Sa sandaling masadlak sila sa mapanganib na sitwasyong iyon, wala na bang paraan para makabalik sila? Sabihin mo sa Akin, sa sandaling magtamo ang mga tiwaling tao ng katayuan—sino man sila—sila ba ay nagiging mga anticristo? Tiyak ba ito? (Kung hindi nila hinahangad ang katotohanan, kung gayon sila ay magiging mga anticristo, ngunit kung hinahangad nga nila ang katotohanan, hindi sila magkakagayon.) Tama talaga iyan: Kung hindi hahangarin ng mga tao ang katotohanan, siguradong magiging mga anticristo sila. At totoo bang ang lahat ng tumatahak sa landas ng mga anticristo ay ginagawa iyon dahil sa katayuan? Hindi, ang pangunahing dahilan niyon ay wala silang pagmamahal sa katotohanan, dahil hindi sila ang mga tamang tao. May katayuan man sila o wala, ang mga taong hindi hinahangad ang katotohanan ay tumatahak lahat sa landas ng mga anticristo. Gaano man karaming sermon ang narinig nila, hindi tinatanggap ng gayong mga tao ang katotohanan, hindi sila tumatahak sa tamang landas, sa halip ay determinado silang tahakin ang maling landas. Maitutulad ito sa paraan ng pagkain ng mga tao: May ilang hindi kumakain ng nagpapalusog ng kanilang katawan at sumusuporta ng isang normal na buhay, ngunit sa halip ay ipinipilit ang pagkonsumo ng mga bagay na nakasasama sa kanila, na sa huli ay nakapipinsala sa kanilang mga sarili. Hindi ba nila ito sariling pagpili? Matapos maitiwalag, ang ilang lider at manggagawa ay nagpapakalat ng mga kuru-kuro, sinasabing, “Huwag kang mamuno, at huwag hayaan ang sarili mong magtamo ng anumang katayuan. Mapapahamak ang mga tao sa sandaling nagtamo sila ng katayuan, at ibubunyag sila ng Diyos! Sa sandaling sila ay maibunyag, ni hindi sila magiging kwalipikado na maging mga karaniwang mananampalataya, at hindi talaga makakatanggap ng mga pagpapala.” Anong uri ba ng pananalita iyan? Sa pinakamababaw, kinakatawan nito ang maling pagkaintindi sa Diyos; sa pinakamalala, ito ay kalapastanganan sa Kanya. Kung hindi mo tinatahak ang tamang landas, hindi hinahangad ang katotohanan, at hindi sinusunod ang daan ng Diyos, sa halip ay pinipilit mong tahakin ang daan ng mga anticristo at humantong sa landas ni Pablo, nagkaroon ng kaparehong kinalabasan sa huli, kaparehong katapusan gaya ng kay Pablo, nagrereklamo pa rin tungkol sa Diyos at hinuhusgahan ang Diyos bilang hindi matuwid, hindi ba ikaw ang tunay na pantukoy ng isang anticristo? Isinumpa ang gayong pag-uugali! Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, lagi silang namumuhay ayon sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, kadalasang nagkakamali ng pag-unawa sa Diyos, at nadarama na salungat ang mga kilos ng Diyos sa sarili nilang mga kuru-kuro, kaya nagkakaroon sila ng negatibong emosyon; nangyayari ito dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao. Nagsasabi sila ng mga negatibong bagay at nagrereklamo dahil napakaliit ng kanilang pananampalataya, napakaliit ng kanilang tayog, at lubhang kakaunti ang katotohanang kanilang nauunawaan—na pawang mapapatawad, at hindi maaalala ng Diyos. Pero, mayroong mga hindi tumatahak sa tamang landas, na partikular na tumatahak sa landas ng panlilinlang, pagtutol, pagtataksil sa Diyos, at paglaban sa Diyos. Ang mga taong ito ay pinarurusahan at isinusumpa ng Diyos sa huli, at isinasadlak sa kapahamakan at pagkalipol. Paano sila umaabot sa puntong ito? Dahil hindi nila pinagnilayan at kinilala ang kanilang sarili kailanman, dahil hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan, at sila ay walang ingat at may sariling pasya, at matigas na tumatangging magsisi, at nagrereklamo pa nga tungkol sa Diyos matapos silang ibunyag at itiwalag, na sinasabing ang Diyos ay hindi matuwid. Maaari bang maligtas ang gayong mga tao? (Hindi.) Hindi maaari. Kaya, totoo ba na lahat ng ibinubunyag at itinitiwalag ay hindi na maliligtas? Hindi masasabi na ganap silang hindi na matutubos. Mayroong mga lubhang kakaunti ang katotohanang nauunawaan, at bata pa at walang karanasan—na, kapag naging mga lider o manggagawa at nagkaroon ng katayuan, ay namamanduhan ng kanilang tiwaling disposisyon, at naghahangad ng katayuan, at nagagalak sa katayuang ito, kaya natural na tumatahak sa landas ng mga anticristo. Kung, matapos malantad at mahatulan, nagawa nilang pagnilayan ang kanilang sarili, at tunay na magsisi, na tinatalikdan ang kasamaan tulad ng mga tao ng Ninive, hindi na tumatahak sa landas ng kasamaan na tulad ng dati, may pagkakataon pa rin silang maligtas. Pero ano ang mga kondisyon ng gayong pagkakataon? Dapat ay tunay silang magsisi at magawa nilang tanggapin ang katotohanan. Kung magagawa nila ito, mayroon pa rin silang kaunting pag-asa. Kung hindi nila kayang pagnilayan ang kanilang sarili, hindi talaga tinatanggap ang katotohanan, at walang intensyon na tunay na magsisi, ganap silang ititiwalag.

Ang salitang “katayuan” mismo, ay hindi isang pagsubok o isang tukso. Depende ito sa kung paano pinangangasiwaan ng mga tao ang katayuan. Kung gagawin mong tungkulin mo ang gawain ng pamumuno, bilang responsabilidad na dapat mong ipatupad, hindi ka mapipigilan ng katayuan. Kung tatanggapin mo ito bilang isang opisyal na titulo o posisyon, mahihirapan ka at tiyak na babagsak sa lupa. Ano, kung gayon, ang mentalidad na dapat taglayin ng isang tao kapag naging lider at manggagawa ng iglesia? Saan dapat nakatuon ang paghahangad mo? Kailangan mong magkaroon ng landas! Kung hindi mo hinahanap ang katotohanan at wala kang landas ng pagsasagawa, mabibitag ka ng katayuan mong ito, at babagsak ka. Ang ilang tao ay nag-iiba kapag nagkakaroon sila ng katayuan, at nagbabago ang kanilang mentalidad. Hindi nila alam kung paano magbihis, kung paano makipag-usap sa iba, kung anong tono ang dapat gamitin, kung paano makisalamuha sa mga tao, o kung anong mga ekspresyon ang ipapakita. Bilang resulta, nagsisimula silang bumuo ng imahe para sa kanilang sarili. Hindi ba’t kabuktutan ito? Ang ilang tao ay tumitingin sa mga ayos ng buhok ng mga walang pananampalataya, sa mga damit na isinusuot ng mga ito, at sa mga katangian ng pananalita at tindig ng mga ito. Ginagaya nila ang mga ito at sinusunod ang direksyon ng mga walang pananampalataya sa landas na ito. Isa ba itong positibong bagay? (Hindi.) Ano ang nangyayari dito? Bagamat mukhang mabababaw na mga kagawian ito, ang totoo, ang mga ito ay isang uri ng paghahangad. Ang mga ito ay isang imitasyon. Hindi ito ang tamang paraan. Ngayon, kaya na ninyong tukuyin ang tama sa mali sa malilinaw na imahe at pagbabalatkayong ito, ngunit kaya ba ninyong tanggihan at maghimagsik laban sa mali? (Oo, kapag alam namin ito.) Ito ang kasalukuyan ninyong tayog. Kapag sariwa sa puso ninyo ang mga ideyang ito, matutukoy at makikilala ninyo ang mga ito. Kung may motibasyon kayong hangarin ang katayuan, maaari ninyong pahupain ang pagnanais na ito nang mag-isa, para hindi kayo matulad sa nahuhumaling na tagahanga, na sa kanyang paghahabol sa kanyang idolo, ay tila isang mabangis na hayop na nawalan ng katwiran. Sa sarili mo, kaya mong makilala ang mga ideyang iyon. Kaya mong maghimagsik laban sa laman nang walang anumang tukso kapag hindi ka napapalibutan ng mga tao. Ngunit paano kung susundan ka ng mga tao, palilibutan ka, aasikasuhin ang pang-araw-araw mong pangangailangan, pakakainin at bibihisan ka, at tutugunan ang bawat pangangailangan mo? Anong mga damdamin ang mapupukaw sa puso mo? Hindi ba’t tatamasahin mo ang mga pakinabang ng katayuan? Magagawa mo pa rin bang maghimagsik laban sa laman kung gayon? Kapag nagtitipon-tipon ang mga tao sa paligid mo, kapag pinalilibutan ka nila na para kang isang bituin, paano mo pangangasiwaan ang iyong katayuan kung gayon? Ang mga bagay sa iyong kamalayan tulad ng mga bagay sa gitna ng iyong mga iniisip at ideya—pagpapahalaga sa katayuan, pagtatamasa sa katayuan, kasakiman, o maging pagkahaling sa katayuan—kaya mo bang suriin ang puso mo para hanapin ang mga bagay na ito? Makikilala mo ba ang mga ito? Kung masusuri mo ang iyong puso at makikilala ang mga bagay na ito sa loob ng iyong puso, kaya mo bang maghimagsik laban sa laman sa sitwasyong iyon? Kung wala kang kagustuhang isagawa ang katotohanan, hindi ka makakapaghimagsik laban sa mga bagay na ito. Tatamasahin mo ang mga ito at ipagdiriwang ang mga ito. Puno ng kasiyahan sa sarili, sasabihin mong, “Ang magkaroon ng katayuan bilang isang mananampalataya sa Diyos ay talagang kamangha-mangha. Bilang lider, ginagawa ng lahat ang sinasabi ko. Ang sarap sa pakiramdam. Ako ang namumuno at nagdidilig sa mga taong ito. Masunurin na sila sa akin ngayon. Kapag sinasabi kong pumunta sa silangan, walang pumupunta sa kanluran. Kapag sinasabi kong magdasal, walang nangangahas kumanta. Isa iyong tagumpay.” Pagkatapos ay magsisimula ka nang tamasahin ang mga pakinabang ng katayuan. Ano na ang magiging kahulugan sa iyo ng katayuan kung gayon? (Lason.) At bagamat lason ito, hindi mo kailangang katakutan ito. Sa mismong sitwasyong ito, kailangan mong magkaroon ng tamang paghahangad at mga tamang pamamaraan ng pagsasagawa. Kadalasan, kapag ang mga tao ay may katayuan, ngunit hindi pa nakapagkamit ng mga resulta ang gawain nila, sasabihin nila na, “Hindi ko natatamasa ang katayuan, at hindi ko natatamasa ang lahat ng naidudulot sa akin ng katayuan.” Gayunpaman, kapag nagpapakita na ng kaunting tagumpay ang kanilang gawain, at nararamdaman nilang matatag ang kanilang katayuan, nawawala nila ang kanilang katwiran at nagsasaya sa mga pakinabang ng katayuan. Naniniwala ka ba na, dahil lamang sa nakikilala mo ang tukso ay kaya mo nang maghimagsik laban sa laman? Taglay mo ba talaga ang ganoong tayog? Ang totoo ay wala kang ganoong tayog. Ang iyong pagkakilala at pagrerebelde ay nakakamit lamang sa pamamagitan ng konsiyensiya ng tao at ng pinakamababang katwiran na taglay ng tao. Iyon ang mga nagsasabi sa iyo na huwag kumilos sa ganitong paraan. Ang pamantayan ng konsiyensiya at ang kaunting katwiran na nakakamit mo sa pagkakaroon ng pananampalataya sa Diyos ang tumutulong sa iyo o naglalayo sa iyo sa maling landas. Ano ang konteksto nito? Ito ay na kapag mahal mo ang katayuan ngunit hindi mo pa ito nakakamit, maaaring taglay mo pa rin ang iyong kaunting konsiyensiya at katwiran. Maaari ka pa ring mapigilan ng mga salitang ito at maipabatid sa iyo na ang pagtatamasa ng katayuan ay hindi mabuti at hindi umaayon sa katotohanan, na hindi ito ang tamang daan, at ito ay paglaban sa Diyos, at hindi ito nakalulugod sa Kanya. Pagkatapos, kaya mo nang sadyang maghimagsik laban sa laman at tigilan ang pagtamasa ng katayuan. Kaya mong maghimagsik laban sa laman kapag wala kang mga tagumpay o mga kahusayang maipakita, ngunit sa sandaling nakagawa ka ng kahanga-hangang gawain, mapipigilan ka ba ng iyong pakiramdam ng kahihiyan, ng iyong konsiyensiya, katwiran, at ng iyong mga moral na konsepto? Ang maliit na pamantayan ng konsiyensiya na taglay mo ay malayong-malayo sa pagkakaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso, at wala man lang magiging silbi ang iyong kaunting pananalig. Kaya, ang kaunting konsiyensiya ba na taglay mo ngayon ay katumbas ng katotohanang realidad? Malinaw na hindi. At dahil hindi ito ang katotohanang realidad, kung ano ang kaya mong gawin ay hindi maaaring higit pa sa kung ano ang nagmumula sa mga limitasyon ng konsiyensiya at katwiran ng tao. Dahil hindi ninyo taglay ngayon ang realidad ng mga salita ng Diyos bilang buhay ninyo, ano ang mangyayari sa inyo sa sandaling magkaroon kayo ng katayuan at opisyal na mga titulo? Tatahakin ba ninyo ang landas ng mga anticristo? (Hindi iyon sigurado.) Ito ang pinakamapanganib na panahon. Nakikita ba ninyo ito nang malinaw? Sabihin ninyo sa Akin, mapanganib ba ang maging isang lider o isang manggagawa? (Mapanganib.) Sa kabila ng kaalaman sa panganib na ito, handa pa rin ba kayong gampanan ang tungkuling ito? (Oo.) Ang kahandaang ito na gampanan ang inyong tungkulin ay kalooban ng tao, at isa itong positibong bagay. Gayunpaman, sapat na ba ang positibong bagay na ito upang maisagawa ninyo ang katotohanan? Magagawa ba ninyong maghimagsik laban sa mga kagustuhan ng laman? Sa pag-asa sa mabubuting layunin ng tao at kalooban ng tao, at sa pag-asa sa mga hangarin at mithiin ng tao, magagawa ba ninyong tuparin ang inyong kalooban? (Hindi.) Kung gayon, dapat ninyong pag-isipan kung ano ang dapat ninyong gawin upang ang iyong mga kahilingan, mga mithiin, at kagustuhan ay maging realidad mo at tunay mong tayog. Hindi iyon masyadong problema talaga. Ang tunay na problema ay na dahil sa kasalukuyang kalagayan at tayog ng tao, at dahil sa mga katangian ng kanyang pagkatao, hindi niya matugunan ang mga kondisyon ng pagsang-ayon ng Diyos. Ang karakter ninyo bilang tao ay nagtataglay ng hindi hihigit sa isang katiting na konsiyensiya at katwiran, hindi ng kagustuhang hangarin ang katotohanan. Kapag ginagampanan ninyo ang inyong tungkulin, maaaring ninanais ninyo na huwag maging pabaya, o huwag subukang lansihin ang Diyos, ngunit gagawin ninyo ito. Batay sa inyong kasalukuyan, tunay na kalagayan at tayog, kayo ay nanganganib na. Paniniwalaan pa rin ba ninyo na ang pagkakaroon ng katayuan ay mapanganib, at ang kawalan nito ay nangangahulugan na ligtas kayo? Sa katunayan, ang kawalan ng katayuan ay mapanganib din. Hangga’t namumuhay kayo sa isang tiwaling disposisyon, nasa panganib kayo. Ngayon, totoo ba na delikado lamang ang maging isang lider, samantalang ligtas naman ang mga hindi lider? (Hindi.) Kung isa kang taong hindi naghahangad sa katotohanan at hindi nagtataglay ng katiting na katotohanang realidad, nanganganib ka, ikaw man ay lider o hindi. Kaya, paano mo dapat hangarin ang katotohanan para makatakas sa panganib na ito? Naisip na ba ninyo ang katanungang ito? Kung mayroon ka lamang kaunting pagnanais at sumusunod lamang sa ilang patakaran, gagana ba iyon? Makakatakas ka ba talaga sa panganib sa ganitong paraan? Maaaring gumana ito sa maikling panahon, ngunit hindi natin masasabi kung ano ang mangyayari sa pagtagal-tagal ng panahon. Kaya, ano ang dapat gawin? Sinasabi ng ilang tao na ang paghahangad sa katotohanan ang pinakamainam na paraan. Ganap itong tama, ngunit sa anong paraan dapat maghangad ang isang tao upang makapasok sa katotohanang realidad nito? At upang lumago ang kanyang buhay? Hindi simpleng usapin ang mga ito. Una, dapat mong maunawaan ang katotohanan, at pagkatapos ay dapat mo itong isagawa. Hangga’t nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, kalahati ng mga problemang ito ay nalutas na. Magagawa niyang pagnilayan ang sarili niyang kalagayan at makikita ito nang malinaw. Mararamdaman niya ang panganib na kanyang kinalalagyan. Maagap niyang maisasagawa ang katotohanan. Ang gayong pagsasagawa ay likas na umaakay sa isang tao tungo sa pagpapasakop sa Diyos. Ligtas na ba sa kapahamakan ang isang taong nagpapasakop sa Diyos? Kailangan mo ba talaga ng sagot? Ang mga tunay na nagpapasakop sa Diyos ay hindi na magrerebelde o lalaban sa Diyos, lalong hindi na Siya ipagkakanulo ng mga ito. Natitiyak ang kanilang kaligtasan. Hindi ba’t ganap na ligtas na sa panganib ang gayong tao? Samakatuwid, ang pinakamainam na paraan ng paglutas ng mga problema ay ang pagiging seryoso ng isang tao sa katotohanan at ang pagsisikap ng isang tao sa katotohanan. Sa sandaling tunay na maunawaan ng mga tao ang katotohanan, lahat ng problema ay malulutas.

Para sa inyo, ano ang espesyal sa pagiging mga lider at manggagawa? (Ang pag-ako ng higit pang responsabilidad.) Ang responsabilidad ay bahagi nito. Ito ay isang bagay na alam ninyong lahat, ngunit paano ninyo magagampanan nang maayos ang inyong mga responsabilidad? Saan kayo magsisimula? Ang pagtupad sa responsabilidad na ito nang maayos ay, sa katunayan, pagtupad nang maayos sa tungkulin ng isang tao. Kung pakikinggan, tila may kung anong espesyal sa salitang “responsabilidad,” ngunit sa huling pagsusuri, ito ay tungkulin ng isang tao. Para sa inyo, hindi madaling gawin nang maayos ang inyong tungkulin, dahil maraming bagay sa harap ninyo ang humahadlang, mga bagay tulad ng paghadlang ng katayuan, na siyang pinakamahirap para sa inyo na malampasan. Kung wala kang anumang katayuan at isa ka lamang ordinaryong mananampalataya, maaaring maharap ka sa mas kaunting tukso at magiging mas madali para sa iyo na gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Maaaring mamuhay ka ng isang espirituwal na buhay araw-araw, tulad ng ginagawa ng mga ordinaryong tao, kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, at nagbabahaginan sa katotohanan, at nagagampanan nang maayos ang iyong mga tungkulin. Sapat na ito. Gayunpaman, kung mayroon kang katayuan, kailangan mo munang malampasan ang balakid na kaakibat ng katayuan. Kailangan mo munang makapasa sa pagsubok na ito. Paano mo malalampasan ang hadlang na ito? Hindi ito madali para sa mga ordinaryong tao, dahil malalim na nakaugat sa tao ang mga tiwaling disposisyon. Ang lahat ng tao ay namumuhay sa kanilang mga tiwaling disposisyon at likas na nahuhumaling sa paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan. Pagkatapos magpakahirap sa pagkamit ng katayuan sa wakas, sino ang hindi lubusang magpapakasaya sa mga pakinabang nito? Kung mahal mo ang katotohanan sa puso mo at mayroon kang kaunting may-takot-sa-Diyos na puso, maingat at mapagbantay mong pangangasiwaan ang iyong katayuan, habang nagagawa mo ring hanapin ang katotohanan sa pagganap ng iyong tungkulin. Sa ganitong paraan, hindi magkakaroon ng puwang sa puso mo ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, at hindi rin makakahadlang ang mga ito sa pagganap ng iyong tungkulin. Kung masyadong mababa ang tayog mo, dapat kang manalangin nang madalas, pigilan ang sarili mo gamit ang mga salita ng Diyos. Kakailanganin mong maghanap ng mga paraan para gumawa ng patikular na mga bagay o sadyang iwasan ang ilang kapaligiran at tukso. Halimbawa, sabihin nang ikaw ay isang lider. Kapag kasama mo ang ilang ordinaryong kapatid, hindi ba’t iisipin nila na medyo nakatataas ka sa kanila? Magiging ganito ang tingin ng tiwaling sangkatauhan dito, at isa na itong tukso para sa iyo. Hindi ito isang pagsubok, ngunit isang tukso! Kung naniniwala ka rin na nakatataas ka sa kanila, lubha itong mapanganib, ngunit kung iniisip mong mga kapantay mo sila, ang iyong mentalidad ay normal at hindi ka magugulo ng mga tiwaling disposisyon. Kung iniisip mo na bilang lider, mas mataas ang katayuan mo kaysa sa kanila, paano ka nila tatratuhin? (Titingalain nila ang lider.) Titingalain ka lang ba nila at hahangaan, wala nang iba? Hindi. Kakailanganin nilang magsalita at kumilos batay rito. Halimbawa, kung nagkasipon ka at nagkasipon din ang isang ordinaryong kapatid, sino ang una nilang aalagaan? (Ang lider.) Hindi ba’t may pinapaboran kapag gayon? Hindi ba’t isa ito sa mga pakinabang ng katayuan? Kung magkakaroon ka ng alitan sa isang kapatid, tatratuhin ka ba nila nang patas dahil sa katayuan mo? Papanigan ba nila ang katotohanan? (Hindi.) Ang mga bagay na ito ay mga tuksong kinakaharap mo. Maiiwasan mo ba ang mga ito? Paano mo dapat harapin ito? Kung tinatrato ka ng isang tao nang masama, maaaring hindi mo siya magustuhan at iisipin mo kung paano siya aatakihin, ibubukod, at gagantihan, gayong sa katunayan ay wala namang mali sa taong iyon. Sa kabilang banda, maaaring purihin ka ng ilang tao, at maliban sa hindi ka magiging tutol dito, talagang masisiyahan ka pa sa pakiramdam na ito. Hindi ba’t nakakabahala iyon? Hindi ba’t agad mong sisimulan na itaas ang ranggo at sanayin ang tagapuri mo upang siya ang mapagkakatiwalaan mo at susunod sa iniuutos mo? Kung gagawin mo iyon, anong landas ang matatahak mo? (Ang landas ng mga anticristo.) Kung mahuhulog ka sa mga tuksong ito, manganganib ka. Mabuting bagay ba na magkaroon ng mga tao sa paligid mo buong araw? Narinig Ko na ang ilang tao, pagkatapos maging lider, ay hindi ginagawa ang sarili nilang gawain o nilulutas ang mga praktikal na problema. Sa halip, ang iniisip lamang nila ay ang mga kasiyahan ng laman. Minsan ay kumakain pa sila ng mga pagkaing ginawa para lang sa kanila, habang pinaglalaba nila ang iba ng kanilang maruruming damit. Pagkaraan ng ilang panahon, nabubunyag at naititiwalag sila. Ano ang dapat ninyong gawin kapag naharap kayo sa ganitong bagay? Kung nagtataglay ka ng katayuan, pupurihin ka ng mga tao at tatratuhin ka nang may espesyal na konsiderasyon. Kung malalampasan at matatanggihan mo ang mga tuksong ito at patuloy na matatrato nang patas ang mga tao, anuman ang maging pagtrato nila sa iyo, nagpapatunay ito na ikaw ay ang nararapat na tao. Kung mayroon kang katayuan, titingalain ka ng ilang tao. Palagi silang nasa paligid mo, nambobola at pumupuri. Kaya mo bang wakasan ito? Paano ninyo pinangangasiwaan ang mga ganitong sitwasyon? Kapag hindi kayo kailangang alagaan, ngunit may isang taong nag-aabot sa inyo ng “tulong” at nanunulsol sa inyo, maaaring lihim kayong nagagalak, iniisip na dahil sa mayroon kayong katayuan ay naiiba na kayo at na dapat ninyong tamasahin nang lubos ang espesyal na pagtrato. Hindi ba’t nangyayari ang gayong mga bagay? Hindi ba’t isa itong tunay na problema? Kapag nangyari sa iyo ang gayong mga bagay, sinasaway ka ba ng puso mo? Nakararamdam ka ba ng pagkayamot at pagkasuklam? Kung ang isang tao ay hindi nakararamdam ng pagkayamot at pagkasuklam, at hindi ito tinatanggihan, at malaya ang puso sa akusasyon at paninisi, bagkus ay gustong-gusto niyang tamasahin ang mga bagay na ito, nararamdamang magandang magkaroon ng katayuan, ang gayong tao ba ay may konsiyensiya? Nagtataglay ba siya ng pagkamakatwiran? Ito ba ay isang taong naghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Ano ang ipinapakita nito? Ito ay pagnanasa para sa mga pakinabang ng katayuan. Bagamat hindi ka makaklasipikang isang antikristo dahil dito, nagsimula ka nang tumahak sa landas ng mga anticristo. Kapag nasanay ka na sa espesyal na pagtrato, kung isang araw, hindi ka na makatanggap ng gayong espesyal na pagtrato, hindi ka ba magagalit? Kung ang ilang kapatid ay mahirap at walang pera upang magpatuloy sa iyo, tatratuhin mo ba sila nang patas? Kung may sasabihin sila sa iyong isang katunayan na ikayayamot mo, gagamitin mo ba ang iyong kapangyarihan laban sa kanila at mag-iisip ka ba kung paano sila parurusahan? Mayayamot ka ba kapag nakita mo sila at gugustuhin mo bang turuan sila ng leksyon? Kapag naiisip mo ang mga ito, malamang na gagawa ka ng kasamaan, hindi ba? Madali bang matatahak ng mga tao ang landas ng mga anticristo? Madali bang maging anticristo? (Oo.) Lubha itong nakakabalisa! Bilang mga lider at manggagawa, kung hindi ninyo hahanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay, lumalakad kayo sa landas ng mga anticristo.

Ang ilang tao ay hindi nauunawaan ang gawain ng Diyos, at hindi nila alam kung paano nagliligtas ang Diyos o kung sino ang inililigtas Niya. Nakikita nila na ang lahat ng tao ay taglay ang disposisyon ng mga anticristo at maaaring lumakad sa landas ng mga anticristo, at kaya nararamdaman nila na ang gayong mga tao ay tiyak na walang pag-asang mailigtas. Sa huli, hahatulan silang lahat bilang mga anticristo. Hindi sila maliligtas at dapat silang mamatay lahat. Tama ba ang gayong mga kaisipan at pananaw? (Hindi.) Kaya, paano malulutas ang problemang ito? Una, kailangan mong magkaroon ng pagkaunawa sa gawain ng Diyos. Ang tiwaling tao ang inililigtas ng Diyos. Ang tiwaling tao ay maaaring lumakad sa landas ng mga anticristo at lumaban sa Diyos. Iyon ang dahilan kung bakit kailangan niya ang pagliligtas ng Diyos. Kaya, paano tunay na makakasunod ang tao sa Diyos, sa halip na tumahak sa landas ng mga anticristo? Kailangan niyang maunawaan ang katotohanan, pagnilayan at kilalanin ang kanyang sarili, alamin ang sarili niyang tiwaling disposisyon at satanikong kalikasan. Pagkatapos, kailangan niyang hanapin ang katotohanan at lutasin ang kanyang tiwaling disposisyon. Sa gayon mo lang masisiguro na hindi mo matatahak ang landas ng mga anticristo, maiiwasang maging isang anticristo mismo, at maging isang taong itinataboy ng Diyos. Ang Diyos ay hindi gumagawa sa mga supernatural na paraan. Sa halip, malalim Siyang nagsisiyasat sa puso ng mga tao. Kung palagi mong tinatamasa ang mga pakinabang ng katayuan, sasawayin ka lang ng Diyos. Ipapaunawa Niya sa iyo ang pagkakamaling ito upang pagnilayan mo ang iyong sarili at malaman na hindi ito nakaayon sa katotohanan at hindi nakalulugod sa Diyos. Kung mapagtatanto mo ito, at mapagninilayan at makikilala ang iyong sarili, hindi ka mahihirapang lutasin ang problema. Ngunit kung matagal kang namumuhay sa ganoong kalagayan, palaging tinatamasa ang mga pakinabang ng katayuan, hindi nagdarasal sa Diyos o hindi pinagninilayan ang sarili mo, at hindi hinahanap ang katotohanan, kung gayon, walang gagawin ang Diyos. Tatalikuran ka Niya, para hindi mo maramdaman na kasama mo Siya. Ipapaunawa sa iyo ng Diyos na, kung magpapatuloy ka nang ganito, tiyak na magiging isa kang taong kinasusuklaman ng Diyos. Ipapaalam ng Diyos sa iyo na mali ang landas na ito, na mali ang pamumuhay mo. Ang layon ng Diyos sa pagbibigay ng gayong kabatiran sa mga tao ay upang ipaalam sa kanila ang mga tama at maling pagkilos, upang gumawa sila ng tamang pasya. Gayunpaman, kung kaya ng isang tao na tahakin ang tamang landas ay nakasalalay sa kanyang pananalig at pakikipagtulungan. Kapag ginagawa ng Diyos ang mga bagay na ito, ginagabayan ka Niya tungo sa pag-unawa sa katotohanan, ngunit higit pa riyan, ipinapaubaya Niya sa iyo ang kapangyarihang magpasya, at ang pinakamahalaga ay kung tinatahak mo ba ang tamang landas. Kailanman ay hindi ka pinipilit ng Diyos. Kailanman ay hindi ka Niya sapilitang kinokontrol o inuutusan na gumawa ng isang bagay, na ipinapagawa sa iyo ang kung ano-ano. Hindi gayon kumikilos ang Diyos. Hinahayaan ka Niyang magpasya nang malaya. Sa gayong mga pagkakataon, ano ang dapat gawin ng isang tao? Kapag napagtanto mo na mali ang iyong ginagawa, na mali ang iyong pamumuhay, makapagsasagawa ka ba kaagad alinsunod sa mga tamang pamamaraan? Magiging napakahirap niyon. Mayroong magiging labanan dito, dahil ang mga bagay na minamahal ng tao ay ang mga pilosopiya at lohika ni Satanas, na sumasalungat sa katotohanan. Kung minsan, alam mo kung ano ang magiging tama at kung ano ang magiging mali, at may labanan sa puso mo. Sa panahon ng gayong labanan, dapat kang magdasal nang madalas, hayaan ang Diyos na gabayan ka, at hayaan Siyang sawayin ka, para malaman mo ang mga bagay na hindi mo dapat gawin. Pagkatapos ay aktibong maghimagsik laban, umiwas, at lumayo sa gayong mga tukso. Nangangailangan ito ng iyong kooperasyon. Sa panahon ng labanan, magkakamali ka pa rin, at madaling tumahak sa maling landas. Bagamat maaaring piliin mo ang tamang direksyon sa iyong puso, hindi natitiyak na tatahakin mo ang tamang landas. Hindi ba’t ganito talaga ang mga bagay-bagay? Sa isang sandali ng kapabayaan, tatahakin mo ang maling landas. Ano ang ibig sabihin dito ng “isang sandali ng kapabayaan”? Nangangahulugan ito na masyadong malakas ang isang tukso. Para sa iyo, maaaring sanhi ito ng mga pagsasaalang-alang sa reputasyon, o sa iyong mood, o sa ilang espesyal na konteksto o espesyal na kapaligiran. Sa katunayan, ang pinakamahalagang salik ay ang iyong tiwaling disposisyon, na nangingibabaw at kumokontrol sa iyo. Ito ang dahilan kung bakit mahirap para sa iyo na sundin ang tamang landas. Maaaring may kaunti kang pananalig, ngunit pabaling-baling ka pa rin kahit saan at naiimpluwensiyahan ng sitwasyon. Hangga’t hindi ka pinupungusan, hangga’t hindi ka pinarurusahan at dinidisiplina, hangga’t hindi nagkakalat sa daan mo ang mga balakid at wala kang nakikitang daang pasulong, hindi mo mapagtatanto na ang paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan ay hindi ang tamang daan, kundi ito ay isang bagay na kinasusuklaman at isinusumpa ng Diyos, na ang pagtahak lamang sa landas na hinihingi ng Diyos ang tamang daan sa buhay, at na kung hindi mo itatakda ang iyong kalooban sa pagtahak sa landas na ito, tuluyan kang ititiwalag. Ang mga tao ay hindi umiiyak hangga’t hindi nila nakikita ang kabaong! Gayunpaman, sa takbo ng labang ito, kung may matibay na pananampalataya ang isang tao, isang malakas na determinasyon na makipagtulungan, at isang kahandaan na hangarin ang katotohanan, magiging mas madali para sa kanya na madaig ang mga tuksong ito. Kung ang napakalaking kahinaan mo ay ang partikular na pag-aalala sa dignidad at pagmamahal sa katayuan, ang kasakiman para sa kasikatan at pakinabang at mga kasiyahan ng laman, at ang mga ito ay napakalakas sa loob mo, mahihirapan kang magtagumpay. Ano ang ibig sabihin nito, na mahihirapan kang magtagumpay? Nangangahulugan ito na magiging mahirap para sa iyo na piliin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, kaya sa halip ay maaaring piliin mo ang maling landas, na magiging sanhi upang kasuklaman at talikdan ka ng Diyos. Gayunpaman, kung palagi kang maingat at marunong, at madalas na nakakaharap sa Diyos para masaway at madisiplina ng Diyos, at kung hindi ka nasisiyahan sa mga pakinabang ng katayuan, o nagnanasa ng kasikatan, pakinabang, o mga kaginhawaan ng laman, at kung, kapag mayroon kang gayong mga pag-iisip, umaasa ka sa Diyos na maghimagsik ka laban sa mga ito nang buong lakas, bago umepekto ang mga ito, at nananalangin ka sa Diyos at hinahanap ang katotohanan, at sa huli ay nakakalakad sa landas ng pagsasagawa ng katotohanan at nakapapasok sa realidad na iyon, sa kabila ng lahat, hindi ba’t mas malamang na pipiliin mo ang tamang direksyon kapag naharap ka sa matinding tukso? (Oo.) Depende ito sa mga naipon mo sa paglipas ng panahon. Sabihin mo sa Akin: Kung nahaharap ang isang tao sa isang malaking tukso, lubos ba niyang matutugunan ang layunin ng Diyos sa pamamagitan ng pag-asa sa kanyang kasalukuyang tayog, sa sarili niyang kalooban, o sa kanyang karaniwang naipong lakas? (Hindi.) Maaari ba niya itong matugunan nang bahagya? (Oo.) Maaaring matugunan ito ng tao nang bahagya, ngunit kapag naharap siya sa matitinding paghihirap, kakailanganing makialam ng Diyos. Kung nais mong isagawa ang katotohanan, ang umasa lamang sa pagkaunawa ng tao sa katotohanan at kalooban ng tao ay hindi makapagbibigay sa iyo ng ganap na proteksyon, ni hindi mo matutugunan ang mga layunin ng Diyos at ganap na maiiwasan ang kasamaan. Ang susi ay na dapat magkaroon ng determinasyon ang tao na makipagtulungan, at umasa sa mga gawain ng Diyos sa iba pang bagay. Ipagpalagay na sasabihin mong, “Nagsikap ako nang husto para makamit ang layong ito at ginawa ko ang lahat ng makakaya ko. Anumang tukso o sitwasyon ang mararanasan ko sa hinaharap, limitado lang ang tayog ko, at limitado lang ang magagawa ko.” Kapag nakikita kang kumikilos nang ganito, ano ang gagawin ng Diyos? Poprotektahan ka ng Diyos mula sa mga tuksong ito. Kapag pinoprotektahan ka ng Diyos mula sa mga tuksong ito, maisasagawa mo ang katotohanan, magiging mas matatag ang pananampalataya mo, at unti-unting lalago ang tayog mo.

Gustong-gusto ng tiwaling tao na hangarin ang katayuan at tamasahin ang mga pakinabang nito. Totoo ito para sa sinumang tao, kasalukuyan ka mang may katayuan o wala: Napakahirap talikuran ang katayuan at alisin ang mga tukso nito. Nangangailangan ito ng higit na kooperasyon ng tao. Ano ang kaakibat ng naturang pagtutulungan? Una, ang paghahanap sa katotohanan, pagtanggap sa katotohanan, pag-unawa sa mga layunin ng Diyos, at malinaw na pag-arok sa diwa ng mga problema. Magkakaroon ng pananalig ang isang tao na madaig ang tukso ng katayuan kapag mayroon siya ng mga bagay na ito. Dagdag pa rito, dapat kang mag-isip ng mabibisang paraan para maiwaksi mo ang tukso at matugunan ang mga layunin ng Diyos. Dapat kang magkaroon ng mga landas ng pagsasagawa. Pananatilihin ka nito sa tamang landas. Kung walang mga landas ng pagsasagawa, madalas kang mahuhulog sa tukso. Bagamat gugustuhin mong tahakin ang tamang landas, hindi gaanong magtatagumpay ang iyong mga pagsusumikap sa huli, gaano ka man magsikap. Kaya, ano ang mga tukso na madalas ninyong nakahaharap? (Kapag nagkamit ako ng kaunting tagumpay sa pagganap ng aking tungkulin at nakuha ko ang mataas na paggalang ng mga kapatid, nasisiyahan ako sa aking sarili at labis akong nasisiyahan sa pakiramdam na ito. Minsan, hindi ko namamalayan ito; minsan natatanto ko na mali ang kalagayang ito, ngunit hindi pa rin ako makapaghimahsik laban dito.) Iyan ay isang tukso. Sino pa ang magsasalita? (Dahil isa akong lider, minsan ay binibigyan ako ng espesyal na pagtrato ng mga kapatid namin.) Tukso rin iyan. Kung wala kang malay sa mga tuksong nakahaharap mo, bagkus ay hindi mo ito maayos na napangangasiwaan at hindi ka nakakagawa ng mga tamang pagpapasya, magdadalamhati at magiging miserable ka dahil sa mga ito. Bilang halimbawa, sabihin nating ang espesyal na pagtrato ng mga kapatid sa iyo ay may kasamang mga materyal na pakinabang na tulad ng pagpapakain sa iyo, pagbibihis sa iyo, pagpapatira sa iyo, at pagbibigay ng iyong pang-araw-araw na mga pangangailangan. Kung ang tinatamasa mo ay mas maganda kaysa sa mga ibinibigay nila sa iyo, hahamakin mo ito, at maaaring tanggihan mo ang kanilang mga regalo. Gayunpaman, kung makakilala ka ng isang mayamang tao at binigyan ka niya ng magagandang damit, at sinabing hindi niya isinusuot ito, makapaninindigan ka ba sa harap ng gayong tukso? Maaaring pag-iisipan mo ang sitwasyon, sasabihin sa iyong sarili na, “Mayaman siya, at balewala sa kanya ang mga damit na ito. Hindi naman niya isinusuot ang mga ito. Kung hindi niya ito ibibigay sa akin, itatambak na lamang niya ito sa kung saan. Kaya, tatanggapin ko ang mga ito.” Ano ang tingin mo sa desisyong iyon? (Tinatamasa na nila ang mga pakinabang ng katayuan.) Bakit ito pagtatamasa sa mga pakinabang ng katayuan? (Dahil tinanggap nila ang magagandang bagay.) Pagtatamasa ba sa mga pakinabang ng katayuan ang tanggapin lang ang magagandang bagay na inaalok sa iyo? Kung inalok sa iyo ang isang ordinaryong bagay, pero talagang ito ang kailangan mo at kaya tinanggap mo ito, maituturing din ba itong pagtatamasa sa mga pakinabang ng katayuan? (Oo. Sa tuwing tinatanggap nila ang mga bagay mula sa iba upang tugunan ang kanilang mga makasariling pagnanais, ito ay pagtatamasa.) Mukhang hindi malinaw sa iyo ito. Ni minsan ba ay naisip mo ito: Kung hindi ka isang lider at wala kang katayuan, iaalok pa rin ba niya ang regalong ito? (Hindi.) Tiyak na hindi. Isa kang lider kaya niya ibinibigay ang regalong ito sa iyo. Nagbago na ang sirkumstansya ng bagay na ito. Hindi ito karaniwang kagandahang-loob, at narito ang problema. Kung tatanungin mo siya, “Kung hindi ako lider, kundi isang ordinaryong kapatid lamang, bibigyan mo ba ako ng gayong regalo? Kung kailangan ng isang kapatid ang bagay na ito, ibibigay mo ba ito sa kanya?” Sasabihin niyang, “Hindi. Hindi ako pwedeng basta-basta na lang magbigay ng mga bagay-bagay kahit kanino. Ibinibigay ko ito sa iyo dahil ikaw ang lider ko. Kung wala kang ganitong espesyal na katayuan, bakit kita bibigyan ng gayong regalo?” Ngayon, tingnan mo kung paano ka nabigong unawain ang sitwasyon. Naniwala ka sa kanya noong sinabi niyang hindi niya ginagamit ang magandang damit na iyon, pero nililinlang ka niya. Ang layon niya ay tanggapin mo ang kanyang regalo upang, sa hinaharap, magiging mabuti ka sa kanya at bibigyan mo siya ng espesyal na pagtrato. Ito ang intensyon sa likod ng kanyang regalo. Ang totoo, alam mo sa iyong puso na hindi ka niya bibigyan ng gayong regalo kung wala kang katayuan, ngunit tinanggap mo pa rin ito. Sa salita, sinasabi mong “Salamat sa Diyos. Natanggap ko ang regalong ito mula sa Diyos, ito ay kabutihan ng Diyos sa akin.” Hindi mo lamang tinatamasa ang mga pakinabang ng katayuan, kundi tinatamasa mo rin ang mga bagay ng mga hinirang ng Diyos, na para bang karapat-dapat ka sa mga ito. Hindi ba’t kawalan ng kahihiyan iyon? Kung ang tao ay walang konsiyensiya at walang anumang kahihiyan, kung gayon ay iyon ang problema. Isa lang ba itong usapin ng pag-uugali? Mali lang ba talaga na tanggapin ang mga bagay mula sa iba at tama ba na tanggihan ang mga ito? Ano ang dapat ninyong gawin kapag naharap kayo sa gayong sitwasyon? Dapat mong tanungin ang nagreregalo kung umaayon ba sa mga prinsipyo ang ginagawa niya. Sabihin sa kanya na, “Hanapin natin ang patnubay mula sa salita ng Diyos o ang mga atas administratibo ng iglesia at tingnan kung ang ginagawa mo ay naaayon sa mga prinsipyo. Kung hindi, hindi ko matatanggap ang regalong iyon.” Kung maipababatid ng mga sangguniang iyon sa nagreregalo na lumalabag ang kilos nito sa mga prinsipyo ngunit nais pa rin nitong ibigay sa iyo ang regalo, ano ang dapat mong gawin? Dapat kang kumilos ayon sa mga prinsipyo. Hindi ito kayang mapagtagumpayan ng mga ordinaryong tao. Nananabik silang mabigyan ng iba ng higit pa, at nais nilang matamasa ang higit na espesyal na pagtrato. Kung ikaw ang tamang uri ng tao, dapat kang magdasal kaagad sa Diyos kapag naharap sa gayong sitwasyon, sabihin mo na, “O Diyos, ang kinakaharap ko ngayon ay tiyak na tanda ng Iyong mabuting kalooban. Isa itong aral na itinakda Mo para sa akin. Handa akong hanapin ang katotohanan at kumilos ayon sa mga prinsipyo.” Masyadong matindi ang mga tuksong kinakaharap ng mga may katayuan, at sa sandaling may dumating na tukso, mahirap ngang malampasan ito. Kailangan mo ang proteksyon at tulong ng Diyos; dapat kang manalangin sa Diyos, at dapat mo ring hanapin ang katotohanan at madalas na pagnilayan ang iyong sarili. Sa ganitong paraan, magiging panatag at payapa ang pakiramdam mo. Gayunpaman, kung hinihintay mong makatanggap ng gayong mga regalo bago magdasal, makakaramdam ka pa rin ba ng gayong kapanatagan at kapayapaan? (Hindi na.) Ano ang iisipin ng Diyos sa iyo kung gayon? Malulugod ba ang Diyos sa mga kilos mo, o masusuklam Siya? Kamumuhian Niya ang mga kilos mo. Isa lang ba itong problema ng kung tinatanggap mo ba ang isang bagay? (Hindi.) Kung gayon, nasaan ang problema? Ang problema ay matatagpuan sa mga opinyon at saloobin na pinanghahawakan mo kapag kinakaharap ang gayong sitwasyon. Nagpapasya ka ba nang ikaw lang o hinahanap mo ba ang katotohanan? Mayroon ka bang anumang pamantayan ng konsiyensiya? Mayroon ka bang may-takot-sa-Diyos na puso? Nagdarasal ka ba sa Diyos sa tuwing nakakaharap mo ang sitwasyon? Hinahangad mo bang matugunan muna ang mga sarili mong pagnanais, o nagdarasal ka ba at hinahangad muna ang mga layunin ng Diyos? Nabubunyag ka sa bagay na ito. Paano mo dapat pangasiwaan ang gayong sitwasyon? Dapat mayroon kang mga prinsipyo ng pagsasagawa. Una, sa panlabas, dapat mong tanggihan ang mga espesyal na materyal na pabor na ito, ang mga tuksong ito. Kahit na inalok ka ng isang bagay na talagang gusto mo o siyang mismong bagay na kailangan mo, dapat mo ring tanggihan ito. Ano ang ibig sabihin ng mga materyal na bagay? Ang pagkain, damit, at tirahan, at ang mga bagay na gamit sa pang-araw-araw ay kasama lahat. Ang mga espesyal na materyal na pabor na ito ay dapat tanggihan. Bakit kailangan mong tanggihan ang mga ito? Ang paggawa ba niyon ay isang usapin lamang ng kung paano ka kumilos? Hindi; usapin ito ng iyong matulungin na saloobin. Kung gusto mong isagawa ang katotohanan, palugurin ang Diyos, at iwasan ang tukso, kailangan mo munang magkaroon ng ganitong matulungin na saloobin. Sa ganitong saloobin, magagawa mong iwasan ang tukso, at magiging payapa ang konsiyensiya mo. Kung iaalok sa iyo ang isang bagay na gusto mo at tatanggapin mo ito, medyo mararamdaman ng puso mo ang pagsaway ng iyong konsiyensiya. Gayunpaman, dahil sa mga palusot mo at pangangatwiran sa sarili, sasabihin mo na dapat kang mabigyan ng bagay na ito, na nararapat ito sa iyo. At pagkatapos, ang kirot ng iyong konsiyensiya ay hindi magiging tumpak o malinaw. Kung minsan, maaaring maimpluwensiyahan ng mga partikular na katwiran o kaisipan at pananaw ang iyong konsiyensiya, kaya hindi halata ang kirot nito. Kaya, isa bang maaasahang pamantayan ang iyong konsiyensiya? Hindi. Isa itong pang-alerto na nagbababala sa mga tao. Anong uri ng babala ang ibinibigay nito? Na walang seguridad sa pag-asa sa mga nararamdaman lamang ng konsiyensiya; dapat ding hanapin ng isang tao ang mga katotohanang prinsipyo. Iyon ang mapagkakatiwalaan. Kung walang katotohanang pipigil sa kanila, maaari pa ring mahulog sa tukso ang mga tao, magbibigay ng iba’t ibang dahilan at palusot na magtutulot sa kanilang tugunan ang kanilang kasakiman sa mga pakinabang ng katayuan. Samakatuwid, bilang lider, dapat mong sundin sa puso mo ang isang prinsipyong ito: Palagi kong tatanggihan, palaging iiwasan, at ganap na tatanggihan ang anumang espesyal na pagtrato. Ang ganap na pagtanggi ang pang-unang kinakailangan sa pag-iwas sa kasamaan. Kung taglay mo ang pang-unang kinakailangan sa pag-iwas sa kasamaan, ikaw ay medyo nasa ilalim na ng proteksyon ng Diyos. At kung mayroon kang gayong mga prinsipyo ng pagsasagawa at pinanghahawakan mo ang mga ito, ginagawa mo na ang katotohanan at binibigyang-kasiyahan ang Diyos. Tinatahak mo na ang tamang landas. Kapag tinatahak mo ang tamang landas at nabibigyang-kasiyahan mo na ang Diyos, kakailanganin pa rin bang suriin ang iyong konsiyensiya? Ang pagkilos ayon sa mga prinsipyo at pagsasagawa ng katotohanan ay mas mataas kaysa sa mga pamantayan ng konsiyensiya. Kung ang isang tao ay may determinasyong makipagtulungan at kayang kumilos ayon sa mga prinsipyo, napalugod na niya ang Diyos. Ito ang pamantayang hinihingi ng Diyos sa mga tao.

Ang abilidad ng isang tao na magkaroon ng takot sa Diyos at iwasan ang kasamaan ay higit na nakasalalay sa kanyang pakikipagtulungan. Ang pakikipagtulungan ay napakahalaga. Nang matakot si Job sa Diyos at umiwas sa kasamaan, sa tayog at realidad na taglay niya noon, malamang na hindi siya natakot na mahulog sa anumang tukso. Kung nakaupo siya sa hapag ng piging, hindi sana siya madaling nagkasala sa Diyos sa anumang salita o gawa. Kung gayon, bakit tumanggi pa rin siyang dumalo sa gayong mga piging? (Hindi niya gusto ang mga ito.) Hindi niya gusto ang gayong mga okasyon. Ito ay isang obhektibong dahilan, ngunit mayroon ding praktikal na isyu na maaaring hindi ninyo naisip. Si Job ay may takot sa Diyos at umiwas siya sa kasamaan. Gumawa siya ng mga hakbang at pinanghawakan ang mga patakaran upang matanggap niya ang proteksyon ng Diyos, nag-iingat laban sa paggawa ng kasalanan o pagkakasala sa Diyos. Ginamit niya ang mga pamamaraan ng pakikipagtulungan ng tao. Isa itong aspeto ng usapin. Bukod pa rito, may ilang sitwasyon kung saan hindi kayang kontrolin ng tao ang kanyang tiwaling kalikasan nang mag-isa, kaya hindi dumalo si Job sa mga okasyon kung saan matutukso siya. Sa ganitong paraan, naiwasan niya ang tukso. Ngayon, naiintindihan na ba ninyo kung bakit hindi dumadalo si Job sa gayong mga piging? Ito ay dahil ang gayong okasyon ay magiging napakalaking tukso para sa sinuman. Ano ang ibig sabihin kapag ang isang bagay ay isang napakalaking tukso? Maaaring makagawa ng kasalanan ang mga tao at magkasala sa Diyos anumang oras, saanman sila naroroon. Kung mag-isa ka lang, ang may-takot-sa-Diyos na puso mo, at ang iyong pananampalataya sa Diyos at ang iyong determinasyon, ay hindi sapat para palayain ang sarili mo sa tukso. Hindi ka nito mapipigilan na magkasala sa Diyos kapag ikaw ay natutukso. Naiintindihan mo ba? Dapat mo talagang tanggihan ang espesyal na pagtrato sa iyo ng iba. Dapat kang tumanggi sa bawat pagkakataon. Anong uri ng paraan ito ng paggawa sa mga bagay-bagay? Sa aling aspeto ng mga problema ng tao nakatuon ang gayong mga prinsipyo at regulasyon? (Nakatuon ang mga ito sa sakim na kalikasan ng tao.) Dahil sa tiwaling disposisyon ng tao, madali siyang mahulog sa tukso. Samakatuwid, dapat mong panghawakan ang ilang prinsipyo o pamamaraan para maiwasan ang gayong mga tukso, upang hindi magkasala sa Diyos. Ito ay isang makapangyarihan at epektibong paraan ng pakikipagtulungan. Kung mabibigo kang gawin ito, kung huhusgahan mo ang sitwasyon at kung minsan ay tatanggapin ang espesyal na pagtrato at sa ibang pagkakataon naman ay tatanggihan ito, mayroon ka bang mabuting pagkaunawa sa bagay na ito? (Wala.) Bakit wala kang mabuting pagkaunawa rito? (Dahil ang tao ay may satanikong kalikasan at hindi kayang kontrolin ang kanyang sarili.) Ang mga walang may-takot-sa-Diyos na puso ay walang mga prinsipyo kapag nahaharap sa gayong mga sitwasyon. Tinatanggap nila ang lahat at kailanman ay wala silang tinatanggihan. Kung may nagsasabi sa kanila na ito ay isang handog, isang bagay na inihahandog sa Diyos, hindi pa rin sila natatakot. Inilalagay lang nila ito sa sarili nilang bulsa. Nangangahas silang agawin at samsamin ang gayong mga handog, nang walang kahit kaunting pagsaway sa sarili. Malinaw na ganap silang walang may-takot-sa-Diyos na puso, likas na nahuhulog sa gayong mga kondisyon, gaya ng ginagawa nila. Mananampalataya pa ba sila sa Diyos? Ito ang kahihinatnan ng paghahanap ng kaginhawahan at kaalwanan at pagtatamasa ng mga pakinabang ng katayuan. Kung madalas kang nahuhulog sa tukso at hindi ito iniiwasan, hindi maiiwasang maaakay ka, nang hindi nahahalata, pababa sa landas na ito. Ang tiwaling disposisyon ng tao ang umaakay sa kanya sa maling landas. Maaari bang maging maayos ang mga bagay-bagay kung hindi malulutas ang problemang ito? Kaya naman, anuman ang mga problemang nakakaharap mo, dapat kang sumunod sa mga katotohanang prinsipyo, gumamit ng mga espesyal na paraan upang makayanan ang mga espesyal na problema. Ang mahigpit na pagsunod sa mga patakaran ay hindi ang paraan. Anumang mga pamamaraan ang nagtutulot sa iyo na manalo laban sa tukso, katanggap-tanggap ang mga ito.

Mas madaling madaig ang mga materyal na tukso. Hangga’t mayroon kang makakain, maisusuot, at isang kontentong puso, magagawa mo ito. Kung gayon, ang gayong mga tukso ay madaling madadaig. Gayunpaman, ang mga tukso ng kasikatan, pakinabang, at katayuan ang pinakamahirap sa lahat na madaig. Halimbawa, kapag ang dalawang tao ay nagtutulungan, kung ang katayuan ng kasama mo ay mas mababa sa iyo, kung ang katayuan mo ay mas mataas kaysa sa kanya, matutuwa ka. Ngunit kung ang katayuan mo ay mas mababa sa kanya, hindi ka matutuwa. Mababalisa ang puso mo, mapipigilan ka, magiging negatibo, at manghihina, at hindi ka magdarasal. Madali bang lutasin ang problemang ito? Wala itong madaling solusyon. Kayang tanggihan at iwasan ng mga tao ang mga materyal na tukso, iniiwasan ang karumihan ng mga ito, ngunit ang katayuan, katanyagan, pakinabang, banidad, at reputasyon ay ang mga pinakamahirap daigin. Bagamat hindi ito madali, mayroon naman talagang solusyon. Hangga’t kaya mong hanapin ang katotohanan, manalangin sa Diyos, at matukoy ang kawalang-kabuluhan ng kasikatan, pakinabang, at katayuan upang maarok ang diwa ng mga ito, magkakaroon ka ng kumpiyansa na iwaksi ang kasikatan, pakinabang, at katayuan. Dahil dito, hindi ka mahuhulog sa mga tukso nito. Ang mga tao ay may tiwaling kalikasan, na nagsasanhi sa kanilang magbunyag at magsabuhay ng iba’t ibang tiwaling disposisyon. Inaakay sila nito na lumaban at maghimagsik sa Diyos. Ang isinasabuhay nila ay hindi makatao at hindi naaayon sa katotohanan. Kung mapagmataas at mapagmagaling man ang mga tao, tumatangging magpasakop sa katotohanan, o mapanlinlang, kumikilos nang may buktot na intensyon, o sakim, o may taglay na ambisyon at pagnanasa, ano ang nagsasanhi ng lahat ng bisyong ito? (Ang tiwaling disposisyon ni Satanas.) Nagmumula ang mga ito sa tiwaling disposisyon ni Satanas at ginagawa ng satanikong kalikasan na kumokontrol sa tao. Ang pagsusumikap ng tao sa katayuan ay isa lamang pagpapamalas nito. Ang pagpapamalas na ito, tulad ng mayabang na disposisyon ng tao, tulad ng kanyang paghihimagsik at paglaban sa Diyos, ay nagmumula sa kanyang satanikong kalikasan. Anong pamamaraan ang maaaring gamitin para malutas ito? Dapat mo pa ring gamitin ang pinakapangunahing pamamaraan. Hangga’t sinusunod mo ang daan ng Diyos at tinatahak ang landas ng paghahangad sa katotohanan, lahat ng problemang ito ay malulutas. Kapag wala kang katayuan, maaari mong himayin ang sarili mo nang madalas at kilalanin ang iyong sarili. Maaaring makinabang ang iba rito. Kapag mayroon kang katayuan at nahihimay at nauunawaan mo pa rin ang iyong sarili nang madalas, tinutulutan ang mga tao na makita ang iyong mga kalakasan, na nauunawaan mo ang katotohanan, na mayroon kang praktikal na karanasan, at na tunay kang nagbabago, hindi pa ba makikinabang dito ang iba? Mayroon ka mang katayuan o wala, basta’t naisasagawa mo ang katotohanan at mayroon kang tunay na patotoong batay sa karanasan, na nagtutulot sa mga tao na maunawaan ang mga layunin ng Diyos at ang katotohanan mula sa iyong karanasan, hindi ba nakikinabang dito ang mga tao? Ano, kung gayon, ang kahulugan ng katayuan sa iyo? Sa katunayan, ang katayuan ay isa lamang pasobra, isang karagdagang bagay, tulad ng isang piraso ng damit o sumbrero. Isang palamuti lamang ito. Wala itong totoong silbi, at hindi naaapektuhan ng presensya nito ang anumang bagay. Mayroon ka mang katayuan o wala, ikaw pa rin ang taong iyan. Nauunawaan man ng mga tao ang katotohanan at nakakamit ang katotohanan at buhay ay walang kinalaman sa katayuan. Basta’t hindi mo ginagawang napakalaking bagay ang katayuan, hindi ka nito mapipigilan. Kung mahal mo ang katayuan at binibigyan ito ng natatanging pagpapahalaga, lagi itong itinuturing bilang mahalagang bagay, mapapasailalim ka ng kontrol nito; hindi ka na magiging handang magtapat, maglantad ng iyong sarili, kilalanin ang iyong sarili, o isantabi ang iyong tungkulin sa pamumuno upang kumilos, magsalita at makipag-ugnayan sa iba at gampanan ang iyong tungkulin. Anong uri ng suliranin ito? Hindi ba’t isa itong usapin ng pagiging napipigilan ng katayuan? Nangyayari ito dahil nagsasalita at kumikilos ka mula sa isang mataas na katayuan at hindi maitigil ang pagmamataas. Hindi ba’t pinahihirapan mo lamang ang sarili mo sa paggawa nito? Kung talagang nauunawaan mo ang katotohanan, at kung maaari kang magkaroon ng katayuan nang hindi umaasta na gaya ng ginagawa mo, kundi sa halip ay matututukan mo kung paano gampanan nang maayos ang iyong mga tungkulin, gawin ang lahat ng dapat mong gawin at tuparin ang nararapat mong tungkulin, at kung nakikita mo ang sarili bilang karaniwang kapatid, hindi ka ba mapipigilan ng katayuan? Kapag hindi ka napipigilan ng katayuan at may normal kang buhay pagpasok, ikukumpara mo pa rin ba ang sarili mo sa iba? Kapag mas mataas ang katayuan ng iba, hind ka pa rin ba magiging komportable? Dapat mong hanapin ang katotohanan at palayain ang iyong sarili sa mga pagpipigil ng katayuan at lahat ng iba pang tao, pangyayari, at bagay. Wala nang mas mabuti pa kaysa sa paggawa nang maayos sa iyong tungkulin. Saka ka lamang magiging isang taong nagtataglay ng katotohanang realidad.

Lahat ng natiwaling tao ay nagdurusa mula sa isang magkakatulad na suliranin: Kapag wala silang katayuan, hindi sila nagmamalaki kapag nakikipag-ugnay o nakikipag-usap sa sinuman, o hindi sila gumagamit ng partikular na estilo o tono sa kanilang pananalita; sila ay karaniwan lamang at normal, at hindi na kailangang balutan ang kanilang mga sarili. Hindi sila nakararamdam ng anumang sikolohikal na presyon, at nakapagbabahagi nang bukas at mula sa puso. Madali silang lapitan at madaling makahalubilo; nararamdaman ng iba na napakabuti nilang mga tao. Sa sandaling magkamit sila ng katayuan, sila ay nagiging mapagmataas, hindi nila pinapansin ang mga karaniwang tao, walang sinumang nakakalapit sa kanila; pakiramdam nila ay mas mataas sila, at na sila ay iba sa mga karaniwang tao. Mababa ang tingin nila sa karaniwang tao, nagmamalaki sila kapag nagsasalita, at tumitigil sila sa hayagang pagbabahagi sa iba. Bakit hindi na sila nagbabahagi nang hayagan? Nararamdaman nilang may katayuan na sila ngayon, at sila ay mga pinuno. Iniisip nilang dapat magkaroon ng partikular na imahe ang mga pinuno, maging mataas nang bahagya kaysa sa ordinaryong tao, magkaroon ng higit na tayog at maging mas mahusay na tumupad ng responsabilidad; naniniwala sila na kung ihahambing sa mga karaniwang tao, dapat magtaglay ang mga pinuno ng higit na pasensya, magawang magdusa at gumugol nang higit, at mapaglabanan ang anumang tukso mula kay Satanas. Kahit na mamatay ang kanilang mga magulang o ibang kapamilya, pakiramdam nila ay dapat mayroon silang pagpipigil sa sarili na huwag maiyak, o na dapat man lang ay umiyak sila nang lihim, nang hindi nakikita ng iba, upang walang makakita ng anuman sa kanilang mga pagkukulang, kapintasan, o kahinaan. Nararamdaman pa nga nila na hindi maaaring ipaalam ng mga pinuno sa sinuman kung sila ay naging negatibo; sa halip, dapat nilang itago ang lahat ng ganoong mga bagay. Naniniwala silang ganito dapat kumilos ang isang may katayuan. Kapag pinipigilan nila ang kanilang sarili nang ganito, hindi ba ang katayuan ay nagiging kanilang Diyos, kanilang Panginoon? At dahil dito, nagtataglay pa rin ba sila ng normal na pagkatao? Kapag mayroon silang ganitong mga ideya—kapag ikinulong nila ang kanilang sarili rito, at ginawa nila ito—hindi ba sila nahumaling sa katayuan? Sa tuwing may ibang mas malakas at mas mahusay kaysa sa kanila, nakakaapekto ito sa kanilang malubhang kahinaan. Madadaig kaya nila ang laman? Kaya ba nilang tratuhin nang wasto ang ibang tao? Siguradong hindi. Upang mapalaya ang sarili mo mula sa kontrol ng katayuan, ano ang unang dapat mong gawin? Kailangan mo muna itong tanggalin sa iyong mga intensyon, iyong mga saloobin, at iyong puso. Paano ito nakakamit? Dati-rati, noong wala kang katayuan, hindi mo papansinin ang mga hindi kaakit-akit sa iyo. Ngayong mayroon ka nang katayuan, kung makakikita ka ng isang taong hindi kahanga-hanga, o mayroong mga isyu, pakiramdam mo ay responsabilidad mong tulungan siya, at kaya gumugugol ka ng mas maraming oras sa pakikipagbahaginan sa kanya, sinusubukang lutasin ang ilang praktikal na problemang mayroon siya. At ano ang nararamdaman ng puso mo kapag ginagawa mo ang mga bagay na ito? Nakararamdam ito ng kagalakan at kapayapaan. Gayundin, dapat kang magtapat sa mga tao at mas madalas na maging bukas sa kanila kapag nahihirapan ka o nakararanas ng kabiguan, magbahagi sa iyong mga problema at kahinaan, kung paano ka naghimagsik laban sa Diyos, at kung paano mo ito nalampasan, at nagawang matugunan ang mga layunin ng Diyos. At ano ang epekto ng pagtatapat sa kanila sa ganitong paraan? Walang duda na ito ay positibo. Hindi ka mamaliitin ng sinuman—at maaaring mainggit pa sila sa iyong abilidad na pagdaanan ang mga karanasang ito. Palaging iniisip ng ilang tao na kapag ang mga tao ay may katayuan, dapat silang mas kumilos na parang mga opisyal at magsalita sa isang partikular na paraan para seryosohin at igalang sila. Tama ba ang ganitong paraan ng pag-iisip? Kung mapagtatanto mo na mali ang ganitong paraan ng pag-iisip, dapat kang manalangin sa Diyos at maghihimagsik laban sa mga bagay ng laman. Huwag magmayabang, at huwag lumakad sa landas ng pagpapaimbabaw. Sa sandaling magkaroon ka ng gayong kaisipan, dapat mong tugunan ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan. Kung hindi mo hahanapin ang katotohanan, ang kaisipang ito, ang pananaw na ito, ay magkakaroon ng anyo at magkakaugat sa puso mo. Bilang resulta, mangingibabaw ito sa iyo at magbabalatkayo ka at gagawa ka ng iyong imahe hanggang sa puntong wala nang sinumang makakikita sa iyo o makauunawa sa iyong mga iniisip sa likod ng imaheng ito. Makikipag-usap ka sa iba sa likod ng isang maskara na nagtatago ng iyong tunay na puso mula sa kanila. Dapat kang matutong hayaan ang iba na makita ang puso mo, at matutong buksan ang iyong puso sa iba at maging malapit sa kanila. Dapat kang maghimagsik laban sa mga kagustuhan ng laman at umasal ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Sa ganitong paraan, makararamdam ang puso mo ng kapayapaan at kaligayahan. Anumang mangyari sa iyo, pagnilayan mo muna kung anong mga problema ang umiiral sa iyong sariling ideolohiya. Kung ninanais mo pa ring magbalatkayo at gumawa ng isang imahe para sa sarili mo, dapat kang manalangin kaagad sa Diyos: “O Diyos! Gusto ko na namang magbalatkayo. Mapanlinlang na naman akong nagpapakana. Tunay ngang isa akong diyablo! Tiyak na talagang kasuklam-suklam ako sa Iyo! Lubos akong nasusuklam sa aking sarili. Nagmamakaawa ako sa Iyo na sawayin, disiplinahin, at parusahan Mo ako.” Dapat kang magdasal, ihayag ang saloobin mo, at umasa sa Diyos na ibunyag ito, himay-himayin ito, at paghigpitan ito. Kung susuriin at paghihigpitan mo nga ito, hindi magdudulot ng mga problema ang mga kilos mo dahil napipigilan ang iyong tiwaling disposisyon at hindi ito kusang nabubunyag. Sa oras na ito, anong mga emosyon ang nasa puso mo? Kahit papaano, makararamdam ka ng kaunting paglaya. Magagalak at mapapayapa ang puso mo. Mababawasan ang iyong pasakit, at hindi ka magdurusa sa pagpipino. Sa pinakamalalang senaryo, magkakaroon ng mga pagkakataon kung saan saglit kang malilito at maiisip mo na, “Isa akong lider, isang taong may katayuan at posisyon, bakit ako magiging katulad lamang ng mga ordinaryong tao? Bakit ako makikipag-usap sa mga ordinaryong tao sa isang taos-puso, tunay, at bukas na paraan? Masyado ko namang ibinababa ang aking sarili kung ganito!” Gaya ng nakikita mo, medyo problema ito. Ang tiwaling disposisyon ng tao ay hindi agad maiwawaksi lahat, hindi rin ito ganap na malulutas sa maikling panahon. Inakala mo na ang paglutas sa iyong tiwaling disposisyon ay magiging napakasimple, na katulad ito ng kung ano ang iniisip ng mga tao—na sa sandaling malinaw silang nakapagbabahagi sa katotohanan at nakakikilala sa kanilang tiwaling disposisyon, agad nilang maiwawaksi. Hindi ito isang napakasimpleng bagay. Ang proseso kung saan isinasagawa ng tao ang katotohanan ay ang proseso ng pakikipaglaban sa kanyang tiwaling disposisyon. Ang indibidwal na kalooban, imahinasyon, at labis na pagnanais ng tao ay hindi ganap na nalulutas sa pamamagitan ng paghihimagsik at pagdaig sa mga ito sa panalangin. Sa halip, ganap lamang na maiwawaksi ang mga ito pagkatapos ng maraming paulit-ulit na labanan. Kapag naisasagawa ng isang tao ang katotohanan, saka lang tunay na magbubunga ang prosesong ito. Lalo na sa mas malalaking bagay, mas titindi ang labanan sa puso mo, na may walang katapusang pagkaligalig na kung minsan ay tumatagal ng isa o dalawang buwan, minsan anim na buwan o isang taon pa nga. Medyo matigas ang tiwaling disposisyon ng tao. Walang uri ng tiwaling disposisyon ang malulutas sa pamamagitan ng isa o dalawang pagbabahaginan sa katotohanan. Lalabanan ka nito nang paulit-ulit, at dapat mong ipagpatuloy ang paghahangad sa katotohanan hanggang sa malinaw mong maunawaan ang katotohanan, lubusang makilala ang iyong tiwaling disposisyon, at magsimulang kamuhian ang laman at si Satanas. Pagkatapos, magiging isang ordinaryong bagay na lang sa iyo ang pagsasagawa sa katotohanan, isang bagay na natural at walang kahirap-hirap. Ito ang ibig sabihin ng madaig ang laman at manalo laban kay Satanas. Sa panahon ng labanan, dapat magdasal ang mga tao sa Diyos sa lahat ng oras at gumugol ng mas maraming oras sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Hindi sila dapat pumunta sa mga walang pananampalataya o sa mga Satanas at sa mga diyablo para hanapin ang daan. Dapat silang umasa at tumingala sa Diyos. Dapat nilang hanapin ang katotohanan at makipagbahaginan tungkol sa katotohanan alinsunod sa mga salita ng Diyos. Kapag tunay na nilang nauunawaan ang katotohanan, saka lang nila madadaig ang laman at si Satanas. Paano ito tinitingnan ng Diyos? Nakikita ng Diyos ang puso mo. Nakikita Niya na mahal mo ang katotohanan, na may takot ka sa Diyos, at handa kang iwaksi ang kawalang-katuwiran at iwasan ang kasamaan. Bagamat ang iyong tiwaling disposisyon ay nakapagdulot sa iyo ng mga kaisipan, ideya, at intensiyon, hindi kinokontrol ng mga kaisipan at intensiyong ito ang pag-uugali mo, hindi sinisira at niyuyurakan ng mga ito ang iyong kalooban. Sa huli, magagawa mong talunin ang mga ito, at gugunitain ka ng Diyos. Kung madalas mong isasagawa ito, bubuti ang iyong panloob na kalagayan. Sa anong punto masasabing ganap mong nalampasan ang aspetong ito ng iyong tiwaling disposisyon, na nagbago ka sa aspetong ito ng iyong disposisyon at nakapasok ka sa katotohanang realidad? Ibig sabihin, bagamat paminsan-minsan pa ring pumapasok sa isip mo ang masasamang kaisipan at ideya, at nagdudulot pa rin ang mga ito ng ilang intensiyon at hangarin, ang mga bagay na ito ay hindi na nakaaapekto sa puso mo. Nararamdaman mo nang hindi mahalaga ang mga bagay na ito, at makikilala mo ang mga ito sa sandaling lumitaw ang mga ito. Hindi mo na kailangang kunwaring magpigil at maghimagsik laban sa mga ito, at hindi mo na kailangang sadyang hilingin sa Diyos na siyasatin, disiplinahin, at parusahan ka. Ang gayong mga pamamaraan ay hindi na kinakailangan sa iyo. Madali mo na itong malalampasan at mabibitiwan. Ang puso mo ay hindi na nababahala at wala ka nang nararamdamang kawalan. Ito ay mabuti. Nagtataglay ka na ngayon ng tayog at nabago na ang disposisyon mo. Nagkamit na ba kayo ngayon ng pagpasok kahit papaano? Medyo nagbago na ba kayo? (Hindi.) Kung gayon, tunay na napakababa ng tayog ninyo, at kailangan pa rin ninyong magsikap na hangarin ang katotohanan at kumain at uminom ng mga salita ng Diyos. Pagkatapos, kapag nangyaring muli sa iyo ang gayong mga bagay, malalaman mo na kung paano isagawa ang katotohanan at kumilos ayon sa mga prinsipyo. Malalaman mo kung ano ang dapat mong gawin para makapanindigan sa iyong patotoo. Pagkatapos, tunay kang magkakaroon ng tayog. Tanging ang mga nakapagsasagawa sa katotohanan at nakapaninindigan sa kanilang patotoo ang makapapasok sa katotohanang realidad. Hindi pa ninyo ito mauunawaan sa kasalukuyan. Sa ngayon ay nangangapa pa kayo. Kung pag-uusapan ang mga aktuwal na sitwasyong ito, nararamdaman ninyo na lahat ng problemang ito ay mayroon kayo, ngunit hindi ninyo kailanman hinanap ang katotohanan para malutas ang mga ito. Nangangahulugan ba ito na napakababa ng tayog ninyo? Kung hindi pa kayo nakapasok sa katotohanang realidad, magkakaroon ba kayo ng buhay? Hindi pa ninyo nakamit ang katotohanan at wala pa kayong buhay. Kung ipinamumuhay mo lamang ang buhay ng laman at namumuhay lamang sa iyong satanikong disposisyon, kung gayon ay namumuhay ka sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Hindi mo pa nakakamit ang kaligtasan ng Diyos. Ang kaligtasan ay hindi kasingsimple ng inaakala ng mga tao kapag iniisip nila na, kung kaya mong bumigkas ng mga salita at doktrina at sumunod sa ilang patakaran, maliligtas ka. Dapat mong tunay na kilalanin ang iyong sarili, maitakwil ang ilang tiwaling disposisyon sa sarili mo, makita ang diwa ng reputasyon at katayuan, mabitiwan ang katayuan, at magawang tunay na magpasakop sa Diyos. Sa ganitong paraan lamang mayroong kaligtasan.

Sa katunayan, ang solusyon sa problema ng katayuan ay kapareho ng solusyon sa iba pang problema. Ang mga problemang ito ay pawang mga pagpapamalas at pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon. Lahat ito ay mga kagustuhan at paghahangad ng tao. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Kung aalisin mo ang iyong tiwaling disposisyon, hindi magiging problema sa iyo ang katayuan. Ang mga tao ay nakikipagkumpitensya sa isa’t isa para sa katayuan, sinasabing “Maaaring mas mataas ka sa akin ngayon, pero bukas ay hihigitan kita.” Ano ang problema rito? Lumilitaw ba ito dahil lamang sa katayuan? (Hindi.) Ano ang nagsanhi nito? (Ang tiwaling disposisyon ng tao.) Tama ito. Ang problemang ito ay nagmumula sa tiwaling disposisyon ng tao. Sa sandaling malutas ang tiwaling disposisyong ito, malulutas ang lahat ng problemang ito. Sa huli, ang mga gustong pumili sa landas ng paghahangad sa katotohanan ay dapat tumuon sa pagninilay-nilay sa sarili at pagkilala sa kanilang sarili sa lahat ng bagay. Dapat nilang lutasin ang kanilang mga tiwaling disposisyon bago sila makapagsimula sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Kung mabibigo silang lutasin ang kanilang tiwaling disposisyon, magbubunga ito ng maraming paghihirap at balakid. Kahit pa gawin nila ang kanilang mga tungkulin, iraraos lamang nila ito pero hindi sila magtatamo ng resulta. Upang lutasin ang mga problemang ito, dapat mong gawin ang lahat ng makakaya sa paghahangad sa katotohanan, gawin ang lahat ng makakaya na makilala ang iyong tiwaling disposisyon, at gawin ang lahat ng makakaya para lutasin ang mga problema. Huwag lamang sabihin na, “Sapat na ang hangarin ang katotohanan, manalangin nang higit pa, at magbasa pa ng maraming salita ng Diyos.” Masyado itong malabo. Kung walang isang landas ng pagsasagawa, hindi ito gagana. Ang mga partikular na problema ay dapat partikular na harapin. Huwag basta na lamang gamitin ang mga patakaran nang padalos-dalos. Ang katotohanan ay isang buhay, praktikal na bagay, at ang pabasta-bastang paggamit ng mga patakaran ay hindi ang paraan. Dapat mong lutasin ang mga praktikal na problema ayon sa katotohanang prinsipyo. Kung hindi kayang lutasin ng isang tao ang mga praktikal na problema sa pamamagitan ng paggamit ng katotohanan, ang gayong tao ay hindi kuwalipikadong maging lider at manggagawa. Ang sinumang hindi kayang gumamit ng katotohanan sa paglutas ng mga problema ay hindi isang taong nakauunawa sa katotohanan. Kahit na maaaring maging lider at manggagawa siya, hindi niya magagamit ang katotohanan sa paglutas ng mga problema, hindi siya magkakaroon ng katotohanan, at magiging imposible para sa kanya na kumilos ayon sa mga prinsipyo. Ang gayong lider at manggagawa ay talagang walang katotohanang realidad.

Pebrero 16, 2017

Sinundan: Sa Madalas na Pagbabasa Lamang ng mga Salita ng Diyos at Pagninilay sa Katotohanan Magkakaroon ng Daan Pasulong

Sumunod: Ang Pagbabayad ng Halaga Para Makamit ang Katotohanan ay Mayroong Malaking Kabuluhan

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito