Sa Madalas na Pamumuhay Lamang sa Harap ng Diyos Magkakaroon ng Normal na Relasyon ang Isang Tao sa Kanya

Karamihan sa inyo ay nananalig na sa Diyos sa loob ng ilang taon, at kahit papaano ay nakapaglatag na ng pundasyon sa tunay na daan. Ngayon ay nagagawa na ninyong iwaksi ang mga obligasyon sa pamilya at sa sekular na mundo para sundin ang Diyos. Nagsasanay kayo para gumanap ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos, handa kayong igugol ang inyong sarili para sa Diyos, at handang magsikap tungo sa katotohanan. Nangangahulugan ito na nagsimula na ninyong maunawaan ang mga bagay-bagay, at na mayroon kayong kaunting konsiyensiya at katwiran. Mabuting bagay iyon. Napakalaki ng kahalagahan ng pagtupad sa isang tungkulin! Magagawa man ninyo nang maayos o hindi ang inyong tungkulin ay may direktang kaugnayan sa inyong kaligtasan at pagiging perpekto. Masasabing makakamit lamang ng isang tao ang pagpasok sa buhay sa pamamagitan ng pagdanas sa gawain ng Diyos habang gumaganap ng isang tungkulin, at na makakamit lamang ng isang tao ang pagsang-ayon ng Diyos sa pamamagitan ng mahusay na pagganap sa kanyang tungkulin. Samakatuwid, ang paghingi ng kaunti pa sa inyo pagdating sa inyong mga tungkulin at pagpupungos sa inyo nang kaunti, ay makakabuti sa inyo. Kahit papaano, mas mabilis kayong uusad sa buhay. Hindi masamang bagay na mataas ang mga hinihingi sa inyo, at hindi rin masamang bagay na paminsan-minsan kayong bigyan ng mahirap na problema para subukin kayo. Ang lahat ng ito ay ginagawa para tulungan kayong lumago sa buhay at sumunod sa kalooban ng Diyos, at upang mas maunawaan ninyo ang ilang propesyonal na kaalaman at maging mas epektibo sa inyong tungkulin. Kung hindi hihingiin sa inyo ang mga ito, ano ang magiging resulta? Magagawa lamang ninyong mangaral ng mga doktrina at sumunod sa mga regulasyon, at mananampalataya kayo sa Diyos nang maraming taon nang hindi man lang nagbabago. Kung ganoon, kailan kayo makakausad? Paano ninyo magagampanan nang maayos ang inyong tungkulin? Bukod sa hindi kayo uusad sa katotohanan, hindi rin kayo uusad sa propesyonal na kaalaman na kinakailangan sa inyong tungkulin. Kung gayon, magagawa ba ninyo ang inyong tungkulin nang angkop sa pamantayan at makapagpapatotoo ba kayo sa Diyos? Kung ang inyong kasalukuyang tayog ang pag-uusapan, masyadong mababaw ang pagkaunawa ninyo sa katotohanan, at hindi ninyo naunawaan ang mga prinsipyo sa pagganap ng inyong tungkulin. Sobrang layo rin ninyo sa pag-abot sa mga pamantayan ng pagganap sa inyong tungkulin nang maayos. Gayunpaman, wala kayong kamalay-malay tungkol dito at nadarama ninyo na maayos kayong gumagawa, at kung minsan pa nga ay masyado kayong mapangahas at inaakala ninyong mas matuwid kayo kaysa sa iba. Ang mga salitang sinasalita ninyo o ang mga bagay na ginagawa ninyo ay hindi nakikita, at hindi naaayon ang mga ito sa mga katotohanang prinsipyo. Kapag may isang tao na tumutukoy sa inyong mga problema, hindi ninyo ito matanggap, ni hindi ninyo hinahanap ang katotohanan, at nagdadahilan pa nga kayo para sa sarili ninyo. Ano ang problema rito? Ito ay dahil hindi ninyo taglay maging ang pinakapangunahing katwiran na kinakailangan para umasal nang maayos. Ano man ang ginagawa mo, kahit papaano ay dapat na itinuturing ito na angkop ng karamihan sa mga tao. Dapat kang makinig sa mga mungkahi ng lahat—kung tama ang sinasabi nila, dapat mong tanggapin ito, at itama ang iyong mga pagkakamali. Kung sa tingin ng lahat ay maayos ang mga resultang nakuha mo, at sinasang-ayunan ng lahat ang mga ito, saka lamang maituturing na katanggap-tanggap ang mga kilos mo. Sa ganitong paraan, sa isang aspeto, magagawa ninyong kumilos alinsunod sa mga prinsipyo habang ginagawa ang inyong tungkulin, at magiging mas mature at may karanasan kayo sa paghawak ng mga problema. Sa isa pang aspeto, higit kayong matututo, at kasabay niyon, mauunawaan ninyo ang katotohanan at magkakaroon kayo ng buhay pagpasok. At kaya, kapag may nangyayari sa inyo, hindi kayo dapat maging mapagmatuwid. Dapat ninyong patahimikin ang inyong sarili sa harap ng Diyos at matuto kayo ng aral. Dapat ninyong palayain ang inyong sarili upang matuto nang higit pa. Kung iisipin mong, “Mas eksperto ako rito kaysa sa inyo, kaya dapat ako ang mamahala, at dapat makinig kayong lahat sa akin!”—anong uri ng disposisyon iyon? Iyon ay kayabangan at pagmamatuwid. Ito ay isang sataniko, tiwaling disposisyon at hindi ito saklaw ng normal na pagkatao. Kaya, ano ang ibig sabihin ng huwag maging mapagmatuwid? (Nangangahulugan ito ng pakikinig sa mga mungkahi ng lahat, at pakikipagtalakayan ng mga bagay-bagay sa lahat.) Anuman ang iyong mga personal na kaisipan at opinyon, kung bulag kang nagpapasya na tama ang mga ito at na ganito dapat gawin ang mga bagay-bagay, iyon ay kayabangan at pagmamatuwid. Kung mayroon kang ilang ideya o opinyon na sa palagay mo ay tama, ngunit wala kang ganap na tiwala sa iyong sarili, at makukumpirma mo ang mga ito sa pamamagitan ng paghahanap at pakikipagbahaginan, iyon ang ibig sabihin ng hindi pagiging mapagmatuwid. Ang paghihintay na makatanggap ng suporta at pagsang-ayon ng lahat bago kumilos ay ang makatwirang paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay. Kung may isang taong hindi sumasang-ayon sa iyo, dapat kang tumugon dito nang maingat, at maging maselan pagdating sa mga propesyonal na aspeto ng iyong gawain. Hindi ka pwedeng magbulag-bulagan dito sa pagsasabing, “Sino bang mas nakauunawa rito, ikaw o ako? Matagal na ako sa larangang ito ng gawain—hindi ba dapat mayroon akong mas higit na pagkaunawa rito kaysa sa iyo? Ano ba ang alam mo tungkol dito? Hindi mo ito nauunawaan!” Hindi magandang disposisyon iyon, masyado iyong mayabang at mapagmatuwid. Posible na ang taong hindi sumasang-ayon sa iyo ay isang baguhan, at na wala siyang mabuting pagkaunawa sa larangang iyon ng gawain; maaaring tama ka at maaaring ginagawa mo nang tama ang mga bagay-bagay, ngunit ang disposisyon mo ang problema. Ano, kung gayon, ang tamang paraan ng pag-asal at pagkilos? Paano ka makakaasal at makakikilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo? Dapat mong ipresenta ang iyong mga ideya at hayaan ang lahat na makita kung mayroon mang anumang problema sa mga ito. Kung may magmumungkahi, kailangan mo munang tanggapin ito, at pagkatapos ay hayaan ang lahat na kumpirmahin ang tamang landas ng pagsasagawa. Kung walang sinuman ang may isyu dito, maaari ka nang magpasya kung ano ang pinakaangkop na paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay at kumilos sa ganoong paraan. Kung mayroong matuklasang problema, dapat mong hingin ang opinyon ng lahat, at dapat hanapin ninyong lahat ang katotohanan at sama-samang magbahaginan dito, at sa ganoong paraan, makakamit ninyo ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Kapag natatanglawan ang puso ninyo, at mayroon kayong mas mabuting landas, magiging mas maganda ang mga resultang nakukuha ninyo kaysa sa dati. Hindi ba’t ito ang patnubay ng Diyos? Kamangha-mangha ito! Kung maiiwasan mo ang pagiging mapagmatuwid, kung mabibitiwan mo ang iyong mga imahinasyon at ideya, at kung magagawa mong makinig sa mga tamang opinyon ng iba, makakamit mo ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Matatanglawan ang puso mo at mahahanap mo ang tamang landas. Magkakaroon ka ng daan pasulong, at kapag isinagawa mo ito, tiyak na aayon ito sa katotohanan. Sa pamamagitan ng gayong pagsasagawa at karanasan, matututuhan mo kung paano isagawa ang katotohanan, at kasabay nito ay may matututuhan kang bago sa larangang iyon ng gawain. Hindi ba’t mabuting bagay ito? Sa pamamagitan nito, mapagtatanto mo na kapag nangyayari sa iyo ang mga bagay-bagay, hindi ka dapat maging mapagmatuwid at dapat mong hanapin ang katotohanan, at na kung mapagmatuwid ka at hindi tinatanggap ang katotohanan, aayawan ka ng lahat at tiyak na kamumuhian ka ng Diyos. Hindi ba’t isa itong natutunang aral? Kung palagi kang maghahangad sa ganitong paraan at magsasagawa ng katotohanan, patuloy mong mahahasa ang mga propesyonal na kasanayan na ginagamit mo sa iyong tungkulin, paganda nang paganda ang mga resultang makukuha mo sa iyong tungkulin, at bibigyang-liwanag at pagpapalain ka ng Diyos, at tutulutan kang magkamit ng mas higit pa. Bukod pa riyan, magkakaroon ka ng landas sa pagsasagawa ng katotohanan, at kapag alam mo kung paano isagawa ang katotohanan, unti-unti mong mauunawaan ang mga prinsipyo. Kapag alam mo kung aling mga kilos ang hahantong sa kaliwanagan at patnubay ng Diyos, alin ang hahantong sa Kanyang pagkasuklam at pagtatanggal, at kung alin ang hahantong sa Kanyang pagsang-ayon at mga pagpapala, magkakaroon ka ng daan pasulong. Kapag nakatatanggap ang mga tao ng mga pagpapala at kaliwanagan ng Diyos, bibilis ang kanilang pag-usad sa buhay. Matatanggap nila ang kaliwanagan at patnubay ng Diyos araw-araw, at magkakaroon ng kapayapaan at kaligayahan sa puso nila. Hindi ba’t magbibigay-kasiyahan ito sa kanila? Kapag ang mga kilos mo ay naipipresenta sa Diyos, at natatanggap ng Diyos, makadarama ka ng kasiyahan sa puso mo, at sa loob mo, magkakaroon ka ng kapayapaan at kaligayahan. Ang kapayapaan at kaligayahang ito ay mga damdaming ibinigay sa iyo ng Diyos, ang mga ito ay sensasyong ipinagkaloob sa iyo ng Banal na Espiritu.

Ang pagiging mayabang at mapagmatuwid ay ang pinakakapansin-pansing satanikong disposisyon ng tao, at kung hindi tinatanggap ng mga tao ang katotohanan, hinding-hindi nila malilinis ito. Ang lahat ng tao ay may mayabang at mapagmatuwid na disposisyon, at palaging may labis na pagtingin sa sarili. Anuman ang iniisip nila, o ang sinasabi nila, o kung paano man nila nakikita ang mga bagay-bagay, palagi nilang iniisip na tama ang sarili nilang mga pananaw at saloobin, at na hindi kasingganda o kasingtama ng kanilang sinasabi ang sinasabi ng iba. Palagi silang kumakapit sa sarili nilang mga opinyon, at kahit sino pa ang magsalita, hindi sila makikinig dito. Tama man ang sinasabi ng iba, o naaayon sa katotohanan, hindi nila ito tatanggapin; magmumukha lamang silang nakikinig pero hindi talaga nila tatanggapin ang ideya, at pagdating ng panahon na kailangan nang kumilos, gagawin pa rin nila ang mga bagay-bagay sa sarili nilang paraan, palaging iniisip na tama at makatwiran ang sinasabi nila. Posible na tama at makatwiran nga ang sinasabi mo, o na tama at walang mali ang ginawa mo, ngunit anong uri ng disposisyon ang naibunyag mo? Hindi ba’t iyon ay kayabangan at pagmamatuwid? Kung hindi mo iwawaksi ang mayabang at mapagmatuwid na disposisyong ito, hindi ba nito maaapektuhan ang pagganap mo sa iyong tungkulin? Hindi ba nito maaapektuhan ang pagsasagawa mo sa katotohanan? Kung hindi mo lulutasin ang iyong mayabang at mapagmatuwid na disposisyon, hindi ba ito magdudulot sa iyo ng malulubhang dagok sa hinaharap? Siguradong makararanas ka ng mga dagok, hindi ito maiiwasan. Sabihin mo sa Akin, nakikita ba ng Diyos ang gayong pag-uugali ng tao? Higit pa rito ang kayang makita ng Diyos! Hindi lamang sinusuri ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao, pinagmamasdan din Niya ang bawat salita at gawa ng mga ito sa lahat ng oras at lugar. Ano ang sasabihin ng Diyos kapag nakita Niya ang pag-uugali mong ito? Sasabihin ng Diyos: “Mapagmatigas ka! Kauna-unawa na maaaring kumapit ka sa sarili mong mga ideya kapag hindi mo alam na nagkakamali ka, ngunit kapag malinaw sa iyo na nagkakamali ka at kumakapit ka pa rin sa iyong mga ideya, at mamamatay ka muna bago magsisi, isa ka talagang mapagmatigas na hangal, at may problema ka. Kung, kahit sino pa ang nagmumungkahi, palagi kang mayroong negatibo, mapanlaban na saloobin tungkol dito, at hindi mo tinatanggap ang kahit katiting na katotohanan, at kung ang puso mo ay lubusang mapanlaban, sarado, at mapagwalang-bahala, ikaw ay sobrang katawa-tawa, isa kang hangal na tao! Masyado kang mahirap pakitunguhan!” Sa anong paraan ka mahirap pakitunguhan? Mahirap kang pakitunguhan dahil ang ipinapakita mo ay hindi isang maling diskarte, o maling pag-uugali, kundi isang pagbubunyag ng iyong disposisyon. Isang pagbubunyag ng anong disposisyon? Isang disposisyon kung saan tutol ka sa katotohanan, at napopoot sa katotohanan. Sa sandaling nakilala ka bilang isang taong napopoot sa katotohanan, sa mga mata ng Diyos, may problema ka, at itataboy at babalewalain ka Niya. Mula sa perspektiba ng mga tao, ang pinakamasasabi nila ay: “Masama ang disposisyon ng taong ito, masyado siyang suwail, mapagmatigas, at mayabang! Mahirap pakisamahan ang taong ito at hindi siya nagmamahal sa katotohanan. Hindi niya kailanman tinanggap ang katotohanan at hindi niya isinasagawa ang katotohanan.” Sa pinakamataas na antas, ito ang ibibigay na pagtatasa sa iyo ng lahat, ngunit mapagpapasyahan ba sa pagtatasang ito ang kapalaran mo? Hindi mapagpapasyahan sa pagtatasang ibinibigay sa iyo ng mga tao ang kapalaran mo, ngunit may isang bagay na hindi mo dapat kalimutan: Sinusuri ng Diyos ang puso ng mga tao, at kasabay nito ay pinagmamasdan ng Diyos ang bawat salita at gawa nila. Kung tinutukoy ka ng Diyos nang ganito, at sinasabing kinasusuklaman mo ang katotohanan, kung hindi lang Niya sinasabi na mayroon kang kaunting tiwaling disposisyon, o na medyo masuwayin ka, hindi ba’t isa itong napakalubhang problema? (Malubha ito.) Nangangahulugan ito na magkakaroon ng problema, at ang problemang ito ay hindi nakasalalay sa pananaw ng mga tao sa iyo, o sa kung paano ka nila tinatasa, ito ay nakasalalay sa kung paano tinitingnan ng Diyos ang iyong tiwaling disposisyon ng pagkapoot sa katotohanan. Kaya, paano ito tinitingnan ng Diyos? Tinukoy lang ba ng Diyos na napopoot ka sa katotohanan at na hindi mo minamahal ito, at iyon na iyon? Ganoon ba iyon kasimple? Saan nanggagaling ang katotohanan? Sino ang kinakatawan ng katotohanan? (Kumakatawan ito sa Diyos.) Pagnilayan ito: Kung napopoot ang isang tao sa katotohanan, kung gayon, mula sa perspektiba ng Diyos, paano Niya titingnan ang taong iyon? (Bilang kaaway Niya.) Hindi ba’t isa itong seryosong problema? Kapag napopoot sa katotohanan ang isang tao, napopoot siya sa Diyos! Bakit Ko sinasabi na napopoot siya sa Diyos? Sinumpa ba niya ang Diyos? Harap-harapan ba niyang kinontra ang Diyos? Palihim ba niyang hinusgahan o kinondena ang Diyos? Hindi ito tiyak. Kaya bakit Ko sinasabi na ang pagbubunyag ng isang disposisyon na napopoot sa katotohanan ay pagkapoot sa Diyos? Hindi ito pagpapalaki sa isang maliit na bagay, ito ang realidad ng sitwasyon. Katulad ito ng mga mapagpaimbabaw na Pariseo na nagpako sa Panginoong Jesus sa krus dahil kinapopootan nila ang katotohanan—ang mga sumunod na kahihinatnan ay kakila-kilabot. Ang ibig sabihin nito ay na kung ang isang tao ay may disposisyong tutol sa katotohanan at napopoot sa katotohanan, maaari itong mabunyag mula sa kanya anumang oras at saanmang lugar, at kung mamumuhay siya ayon dito, hindi ba’t kokontrahin niya ang Diyos? Kapag nahaharap siya sa isang bagay na may kinalaman sa katotohanan o sa paggawa ng desisyon, kung hindi niya matatanggap ang katotohanan, at namumuhay siya ayon sa kanyang tiwaling disposisyon, likas niyang kokontrahin ang Diyos at ipagkakanulo ang Diyos, dahil napopoot sa Diyos at nayayamot sa katotohanan ang tiwaling disposisyon niya. Kung mayroon kang gayong disposisyon, kahit na pagdating sa mga salitang binibigkas ng Diyos, kukuwestiyunin mo ang mga ito, at gugustuhin mong suriin at himay-himayin ang mga ito. Pagkatapos ay maghihinala ka sa mga salita ng Diyos, at sasabihin mong, “Mga salita ba talaga ito ng Diyos? Mukhang hindi katotohanan ang mga ito, mukhang hindi tiyak na tama ang lahat ng ito!” Sa ganitong paraan, hindi ba’t nabunyag na ang disposisyon mo ng pagkapoot sa katotohanan? Kapag ganito ka mag-isip, makapagpapasakop ka ba sa Diyos? Tiyak na hindi. Kung hindi ka makapagpapasakop sa Diyos, Siya pa rin ba ang Diyos mo? Hindi na. Kung gayon, magiging ano na ang Diyos sa iyo? Ituturing mo Siya bilang isang paksa ng pagsasaliksik, isang taong dapat pagdudahan, isang taong dapat kondenahin; ituturing mo Siya bilang isang ordinaryo at regular na tao, at kokondenahin Siya nang ganoon. Sa paggawa niyon, magiging isa kang taong lumalaban at lumalapastangan sa Diyos. Anong uri ng disposisyon ang nagsasanhi nito? Ito ay sanhi ng isang mayabang na disposisyon na lumobo na nang husto; hindi lamang nabubunyag sa iyo ang iyong satanikong disposisyon, tuluyan ding malalantad ang iyong satanikong mukha. Ano ang nangyayari sa ugnayan sa pagitan ng Diyos at ng isang tao na umabot na sa punto ng paglaban sa Diyos, at na ang paghihimagsik laban sa Diyos ay umabot na sa isang partikular na antas? Nagiging isa itong antagonistikong relasyon kung saan kinakalaban ng isang tao ang Diyos. Kung, sa pananampalataya mo sa Diyos, hindi mo kayang tanggapin ang katotohanan at magpasakop dito, kung gayon, ang Diyos ay hindi mo Diyos. Kung inaayawan mo ang katotohanan at tinatanggihan ito, kung gayon, naging isa ka nang taong lumalaban sa Diyos. Maililigtas ka pa ba ng Diyos, kung gayon? Tiyak na hindi na. Binibigyan ka ng Diyos ng pagkakataong matanggap ang Kanyang pagliligtas at hindi ka Niya itinuturing na kaaway, ngunit hindi mo matanggap ang katotohanan at kinakalaban mo ang Diyos; ang kawalan mo ng kakayahang tanggapin ang Diyos bilang iyong katotohanan at iyong landas ay ginagawa kang isang taong lumalaban sa Diyos. Paano dapat lutasin ang problemang ito? Kailangan mong agad na magsisi at magbago ng landas. Halimbawa, kapag nahaharap ka sa isang problema o suliranin habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin at hindi mo alam kung paano lutasin ito, hindi mo dapat ito pikit-matang pagnilayan, kailangan mo munang patahimikin ang iyong sarili sa harap ng Diyos, manalangin at maghanap mula sa Kanya, at tingnan kung ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos tungkol dito. Kung, pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, hindi mo pa rin nauunawaan, at hindi mo alam kung anong mga katotohanan ang tumutukoy sa isyung ito, dapat kang kumapit nang mahigpit sa isang prinsipyo—iyon ay, magpasakop muna, huwag magkaroon ng mga personal na ideya o kaisipan, maghintay nang may mapayapang puso, at tingnan kung paano nilalayon at gustong kumilos ng Diyos. Kapag hindi mo nauunawaan ang katotohanan, dapat mong hanapin ito, at dapat mong hintayin ang Diyos, sa halip na kumilos nang pikit-mata at walang ingat. Kung may magbibigay sa iyo ng mungkahi kapag hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at magsasabi sa iyo kung paano kumilos alinsunod sa katotohanan, dapat mo munang tanggapin ito at tulutan ang lahat na magbahagi rito, at tingnan kung tama o hindi ang landas na ito, at kung naaayon ba ito sa mga katotohanang prinsipyo o hindi. Kung makumpirma mong naaayon ito sa katotohanan, magsagawa ka sa ganoong paraan; kung matukoy mo na hindi ito naaayon sa katotohanan, kung gayon, huwag kang magsagawa sa ganoong paraan. Ganoon lang ito kasimple. Kapag hinahanap mo ang katotohanan, dapat kang maghanap sa maraming tao. Kung may masasabi ang sinuman, dapat kang makinig sa kanila, at seryosohin ang lahat ng kanilang sinasabi. Huwag silang balewalain o iwasan, dahil nauugnay ang kanilang sinasabi sa mga bagay na nasa saklaw ng iyong tungkulin at dapat mong seryosohin ito. Ito ang tamang saloobin at ang tamang kalagayan. Kapag ikaw ay nasa tamang kalagayan, at hindi ka nagpapakita ng isang disposisyong tutol at napopoot sa katotohanan, kung gayon, mapapalitan ang iyong tiwaling disposisyon ng ganitong pagsasagawa. Ito ang pagsasagawa sa katotohanan. Kung isasagawa mo ang katotohanan sa ganitong paraan, ano ang magiging mga bunga nito? (Magagabayan tayo ng Banal na Espiritu.) Ang pagtanggap ng patnubay ng Banal na Espiritu ay isang aspeto. Minsan, magiging napakasimple ng bagay at maaaring makamit gamit ang sarili mong pag-iisip; matapos ibigay ng iba ang kanilang mga mungkahi sa iyo at naunawaan mo, magagawa mong iwasto ang mga bagay-bagay at kumilos alinsunod sa mga prinsipyo. Maaaring isipin ng mga tao na isa itong maliit na bagay, ngunit para sa Diyos, isa itong malaking bagay. Bakit Ko sinasabi ito? Sapagkat, kapag nagsasagawa ka sa ganitong paraan, para sa Diyos, isa kang taong kayang magsagawa ng katotohanan, isang taong nagmamahal sa katotohanan, at isang taong hindi tutol sa katotohanan—kapag nakikita ng Diyos ang puso mo, nakikita rin Niya ang disposisyon mo, at isa itong malaking bagay. Sa madaling salita, kapag ginagawa mo ang iyong tungkulin at kumikilos sa presensiya ng Diyos, ang isinasabuhay at ipinamamalas mo ay pawang mga katotohanang realidad na dapat taglayin ng mga tao. Ang mga saloobin, kaisipan, at kalagayan na taglay mo sa lahat ng iyong ginagawa ay ang pinakamahahalagang bagay para sa Diyos, at ang mga ito ang sinusuri ng Diyos.

Hindi ba’t kasuklam-suklam na may mga taong gustong magbusisi at gumamit ng mga pamamaraan na hindi epektibo kapag may nangyayari sa kanila? Isa itong malaking problema. Ang mga taong malinaw ang pag-iisip ay hindi gagawa ng pagkakamaling ito, ngunit ganito ang mga taong hangal. Palagi nilang iniisip na ginagawang mahirap ng iba ang mga bagay-bagay para sa kanila, na sadyang pinahihirapan sila ng iba, kaya palagi nilang inaaway ang ibang tao. Hindi ba’t paglihis ito? Hindi sila nagsisikap pagdating sa katotohanan, mas gusto nilang iwasan ang mahalagang usapin kapag may nangyayari sa kanila, humihingi sila ng mga paliwanag, nagsisikap na huwag mapahiya, at palagi silang gumagamit ng mga solusyon ng tao para harapin ang mga bagay na ito. Ito ang pinakamalaking hadlang sa pagpasok sa buhay. Kung nananalig ka sa Diyos sa ganitong paraan, o nagsasagawa sa ganitong paraan, hinding-hindi mo makakamit ang katotohanan dahil hindi ka kailanman lumalapit sa Diyos. Hindi ka kailanman lumalapit sa Diyos para tanggapin ang lahat ng isinaayos ng Diyos para sa iyo, ni hindi mo ginagamit ang katotohanan para harapin ang lahat ng ito, sa halip ay gumagamit ka ng mga solusyon ng tao para pangasiwaan ang mga bagay-bagay. Samakatuwid, sa mga mata ng Diyos, masyado ka nang nalihis mula sa Kanya. Hindi lamang nalayo ang puso mo sa Kanya, ang buo mong pagkatao ay hindi namumuhay sa Kanyang presensiya. Ganito ang tingin ng Diyos sa mga taong palaging sinusuri nang husto ang mga bagay-bagay at nagbubusisi. Mayroong mga tuso, magaling magsalita, na may matalas at matalinong isipan, na nag-iisip na, “Mahusay akong magsalita. Talagang hinahangaan at pinahahalagahan ako ng ibang tao, at mataas ang tingin nila sa akin. Madalas nakikinig sa akin ang mga tao.” Kapaki-pakinabang ba ito? Naitatag mo na ang iyong prestihiyo sa mga tao, ngunit ang paraan ng pag-asal mo sa harap ng Diyos ay hindi nakalulugod sa Kanya. Sinasabi ng Diyos na isa kang hindi mananampalataya, at na mapanlaban ka sa katotohanan. Sa mga tao, maaaring sopistikado at magaling ka, maaaring napangangasiwaan mo nang mabuti ang mga bagay-bagay, at nakakasundo ang sinuman; maaaring lagi kang nakakahanap ng paraan para mapangasiwaan at maasikaso ang mga bagay-bagay anuman ang sitwasyon, ngunit hindi ka lumalapit sa Diyos at naghahanap sa katotohanan para malutas ang mga problema. Napakagulo ng mga taong ganito. Iisa lang ang masasabi ng Diyos sa pagtatasa sa mga taong katulad mo: “Isa kang hindi mananampalataya, sinusubukan mong samantalahin ang pagkakataong ito para magkamit ng mga pagpapala habang nagkukunwari kang nananalig sa Diyos. Hindi ka isang taong tumatanggap sa katotohanan.” Ano ang palagay mo sa ganitong uri ng pagtatasa? Ito ba ang gusto ninyo? Tiyak na hindi. Posibleng walang pakialam ang ilang tao, at sinasabing, “Hindi mahalaga kung paano tayo nakikita ng Diyos, hindi naman natin nakikita ang Diyos. Ang pinakapangunahing problema natin ay ang makasundo muna ang mga tao sa paligid natin. Sa sandaling nakapagtatag na tayo ng matibay na reputasyon para sa ating sarili, maaari na nating makuha ang loob ng mga lider at manggagawa, upang hangaan tayo ng lahat.” Anong klaseng tao ito? Isa ba siyang taong nananalig sa Diyos? Tiyak na hindi; siya ay isang hindi mananampalataya. Ang mga nananampalataya sa Diyos ay dapat laging mamuhay sa presensiya ng Diyos; anumang mga isyu ang nakahaharap nila, dapat silang lumapit sa Diyos upang hanapin ang katotohanan para sa bandang huli ay sabihin ng Diyos, “Isa kang taong nagmamahal sa katotohanan, na nakalulugod sa Diyos, at katanggap-tanggap para sa Diyos. Nakita ng Diyos ang puso mo at nakita rin Niya ang iyong pagpapasakop.” Ano ang palagay mo sa ganitong uri ng pagtatasa? Ang ganitong mga tao lamang ang makatatanggap ng pagsang-ayon ng Diyos. Kaya ba ninyong ganap na maunawaan ito? Sinasabi ko sa inyo na anuman ang tungkuling ginagampanan ng isang mananampalataya sa Diyos—pinangangasiwaan man niya ang mga panlabas na bagay, o ang isang tungkulin na may kaugnayan sa iba’t ibang gawain o larangan ng kadalubhasaan sa sambahayan ng Diyos—kung hindi siya madalas na humaharap sa Diyos, at namumuhay sa Kanyang presensiya, at hindi siya naglalakas-loob na tanggapin ang Kanyang pagsisiyasat, at hindi niya hinahanap ang katotohanan mula sa Diyos, kung gayon, isa siyang hindi mananampalataya, at siya ay hindi naiiba sa isang taong walang pananampalataya. Naiintindihan ba ninyo ang puntong ito? Posible na may ilang tao ngayon na hindi kayang gawin ang isang tungkulin dahil hindi angkop ang kanilang kapaligiran; namumuhay sila sa kapaligiran ng mga walang pananampalataya, at gayunpaman, madalas pa rin silang tumatanggap ng kaliwanagan at patnubay ng Diyos. Paano ito naging posible? Ang pinakamahahalagang bagay ay na nagagawa nilang magdasal sa Diyos, kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, hanapin ang katotohanan at isagawa ito, at mapanatili ang isang normal na ugnayan sa Diyos. Ito ang mga bagay na susi sa pagtukoy kung ang isang tao ay makakapamuhay palagi sa presensiya ng Diyos. Kung madalas mong hindi maramdaman ang Diyos at madalas kang mahina at negatibo, o kung madalas kang nagpapakasasa, o kung hindi ka nagdadala ng anumang pasanin sa iyong tungkulin, at palagi kang naguguluhan, ito ba ay isang mabuti o masamang kalagayan? Ito ba ay isang kalagayan ng pamumuhay sa harap ng Diyos, o isang kalagayan ng hindi pamumuhay sa harap ng Diyos? (Isa itong kalagayan ng hindi pamumuhay sa harap ng Diyos.) Kaya, dapat ninyong sukatin ito—madalas ba kayong namumuhay sa harap ng Diyos o hindi? Kung napakadalang, at hindi man lang kayo nagdarasal, o nagbabasa ng mga salita ng Diyos, problema ito, ibig sabihin ay isa kang walang pananampalataya. Ang ilang tao ay bihirang nakatutok sa mga tamang gawain, nagpapakasasa sila at walang pigil, at kapag nangyayari sa kanila ang mga bagay-bagay, palagi silang nalilito at hindi alam kung paano hanapin ang katotohanan. Ni hindi nila alam kung nakakuha ba sila ng mga resulta sa pagganap ng kanilang mga tungkulin o hindi. Hindi nila alam kung alin sa kanilang mga pang-araw-araw na kilos ang nagkakasala sa Diyos, alin ang mga katanggap-tanggap para sa Diyos, at alin ang mga kinasusuklaman ng Diyos. Iniraraos lang nila ang araw-araw. Ano ang palagay mo sa kalagayang ito? Mayroon bang may-takot-sa-Diyos na puso ang mga taong namumuhay sa mga ganitong kalagayan? Mayroon kayang anumang prinsipyo sa kanilang ginagawa? Makagagawa ba sila ng mga makatwirang bagay? Kapag ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin, masasabi ba nilang, “Dapat akong magpigil, dapat kong gawin nang maayos ang aking tungkulin, dapat ko itong gawin nang buong puso at lakas”? Makakamit kaya nila ang pagkamatapat? (Hindi.) Kung ganoon, ano ang ginagawa ng gayong mga tao? Nagpapakapagod lang sila! Nakamit na ba ng gayong mga tao ang katotohanan? (Hindi.) Isa iyong malaking kawalan. Paanong ang grupong ito ng mga hangal ay hindi marunong maghangad sa katotohanan? Nananalig sila sa Diyos sa loob ng sampu o dalawampung taon at nakarinig na ng napakaraming sermon, ngunit hindi nila alam kung ano ang makakamit sa pananampalataya sa Diyos, kung paano nila dapat hangarin ang katotohanan, kung paano nila dapat isagawa ang katotohanan, o kung paano nila dapat gampanan ang kanilang mga tungkulin. Kung hindi man lang malinaw sa kanila ang mahahalagang bagay na ito, hindi ba’t medyo hangal sila? Napakapurol ng utak nila at napakamanhid nila. Wala man lang silang reaksyon sa katotohanan, at mapanganib ito. Ano ang pinakamahalagang bagay sa pananampalataya sa Diyos? Ito ay ang makamit ang katotohanan. Anong mga problema ang malulutas kapag nakamit ng isang tao ang katotohanan? Pangunahin ay ang problema ng kanilang mga kasalanan, at ang problema ng kanilang mga tiwaling disposisyon, at ang lahat ng suliranin sa kanilang pananampalataya sa Diyos, at ang kanilang mga maling pananaw. Ang lahat ng problemang ito ay malulutas. Kapag nakamit ng isang tao ang katotohanan, saan niya ito dapat gamitin? Dapat itong gamitin sa paggampan ng kanyang tungkulin, at sa pagpapatotoo para sa Diyos—ang mga ito ang pinakamahahalagang bagay. Ngayon, maaaring wala kayong tunay na kaalaman tungkol dito, maaaring hindi pa ninyo nakikilala ang halaga o kabuluhan ng katotohanan, ngunit balang araw ay makikilala ninyo ito.

Nabasa ba ninyo ang Aklat ni Job? Noong binabasa ninyo ito, naantig ba kayo? Naranasan ba ninyo ang isang uri ng pananabik na nag-udyok sa inyo na naising maging isang taong katulad ni Job? (Oo.) Hanggang kailan magtatagal ang ganitong uri ng kalagayan at mood? Isa o dalawang araw, o isang buwan o dalawa, o marahil isang taon o dalawa? (Dalawa o tatlong araw.) Kaya, mawawala ang ganitong kalagayan at mood pagkalipas ng dalawa o tatlong araw? Dapat kang manalangin kapag naaantig ka, at sabihin sa Diyos na nais mong maging isang taong katulad ni Job, na nais mong maunawaan ang katotohanan, magtamo ng kaalaman sa Diyos, at maging isang taong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Dapat kang magsumamo sa Diyos na gawin kang ganito, magsumamo sa Kanya na gabayan ka, na bigyan ka ng mga angkop na kapaligiran, bigyan ka ng lakas, at protektahan ka upang makapanindigan ka sa bawat sitwasyon na iyong kinakaharap, hindi labanan ang Diyos, at sa halip ay kumilos nang may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan, at isakatuparan ang Kanyang mga layunin. Dapat palagi kang magdasal at magsumamo sa Diyos para sa layong ito at para sa mga bagay na inaasam mong makamit, at kapag nakikita ng Diyos ang taos mong puso, kikilos Siya. Huwag matakot kapag kumilos ang Diyos. Hindi posibleng balutin ng Diyos ang katawan mo ng mga pigsa at kunin ang lahat ng mayroon ka, gaya ng ginawa Niya noong sinubukan Niya si Job. Hindi iyon gagawin ng Diyos; unti-unti Siyang magpapatong ng higit pa sa iyo ayon sa tayog mo. Dapat kang taimtim na tumawag sa Diyos—huwag kang tumawag sa Kanya sa loob lamang ng dalawang araw pagkatapos mong mabasa ang Aklat ni Job at naaantig ka pa rin nito, at pagkatapos ay kalimutan na ang tungkol dito sa ikatlong araw kapag hindi mo na ito binabasa, at hindi mo na ito isinasapuso. Kung gagawin mo iyon, magkakaproblema ka! Kung hinahangaan mo ang mga taong tulad ni Job, at gusto mong maging ganoong uri ng tao, dapat magkaroon ka ng landas kung paano magiging ganoong uri ng tao, dapat mong buksan ang puso mo sa harap ng Diyos at ipagdasal ito nang madalas, at pagnilayan ito nang madalas, at pagkatapos ay kainin at inumin ang mga salita na sinabi ng Diyos tungkol kay Job, palagi at paulit-ulit na pagnilayan ang mga ito, at pagkatapos niyon, dapat kang makipagbahaginan sa mga taong may karanasan at kaalaman hinggil dito. Dapat kang magsikap para makamit ang layong ito. Paano ka dapat magsikap? Kung uupo ka lang nang nanonood at naghihintay, hindi iyon pagsusumikap. Dapat mong isagawa ito, dapat kang maglaan ng pagsisikap dito, kasabay nito, dapat ka ring magtaglay ng determinasyon na magtiis ng pagdurusa at magkaroon ng pusong nananabik, at pagkatapos ay ialay ang iyong mga panalangin para dito, nang hinihiling sa Diyos na kumilos. Kung hindi kikilos ang Diyos, gaano man kalakas ang motibasyon ng mga tao, magiging wala itong silbi. Paano kikilos ang Diyos? Magsisimula ang Diyos na mangasiwa at magsaayos ng mga kapaligiran para sa iyo na naaangkop sa tayog mo. Dapat mong sabihin sa Diyos kung ano ang layong nais mong makamit sa iyong pananampalataya, at kung anong uri ng mga kapasyahan ang mayroon ka. Nanalangin at nagsumamo ka na ba sa Diyos para dito? Gaano ka katagal nanalangin at nagsumamo sa Diyos? Kung nagbibigkas ka lang ng ilang panalangin, paminsan-minsan, at kapag nakikita mong hindi kumikilos ang Diyos, iisipin mong, “Hindi bale na, hahayaan ko na lang ang mga bagay-bagay. Mangyayari ang anumang dapat na mangyari, susunod na lang ako sa agos. Wala na akong pakialam sa kung ano ang mangyayari sa akin,” hindi iyon maaari, at hindi ka sinsero. Kung ang mayroon ka lang ay dalawang minuto ng kasigasigan, kikilos ba ang Diyos para sa iyo at tutulong na magsaayos ng mga kapaligiran para sa iyo? Hindi iyon gagawin ng Diyos! Nais ng Diyos na makita ang sinseridad mo, at makita kung gaano katagal magtatagal ang iyong sinseridad at pagpupursige, at kung ang puso mo ay tapat o hindi. Maghihintay ang Diyos. Naririnig Niya ang mga panalangin at pagsusumamo mo, naririnig Niya ang mga kapasyahan at hangarin na ipinagtatapat mo sa Kanya, ngunit hangga’t hindi Niya nakikita ang determinasyon mo na magtiis ng pagdurusa, hindi Siya kikilos. Kung pagkatapos mong magdasal sa Diyos ay maglalaho ka na lang nang walang anumang nagawa, kikilos ba ang Diyos sa ilalim ng mga sitwasyong ito? Siguradong-sigurado na hindi. Kailangan mo na higit pang manalangin at magsumamo sa Diyos, pagsikapan at pagnilayan ito, at pagkatapos ay danasin nang detalyado ang mga kapaligirang inihanda ng Diyos para sa iyo; darating ang mga ito sa iyo, paunti-unti, at magsisimulang kumilos ang Diyos. Kung wala kang tapat na puso, hindi ito gagana. Maaaring sabihin mo na, “Labis kong hinahangaan si Job, at labis kong hinahangaan si Pedro!” ngunit ano ang silbi ng paghanga mo? Maaari mo silang hangaan hangga’t gusto mo, ngunit hindi ka si Job o si Pedro, at hindi gagawin ng Diyos ang parehong gawain sa iyo na katulad sa ginawa Niya kina Job at Pedro dahil lang sa paghanga mo, dahil hindi mo sila kauri. Hindi mo taglay ang kanilang determinasyon, o ang kanilang pagkatao, o ang puso nilang nanabik at hinangad ang katotohanan. Kapag nagtaglay ka ng mga bagay na ito, saka ka pagkakalooban ng Diyos ng higit pa.

Mayroon na ba kayong determinasyon ngayon na hangarin ang katotohanan, at kamtin ang katotohanan, at tamuhin ang kaligtasan at magawang perpekto ng Diyos? (Oo.) Gaano katindi ang determinasyon ninyo? Gaano katagal ninyo ito mapapanatili? (Kapag nasa mabuting kalagayan ako, mayroon akong determinasyon, ngunit kapag nahaharap ako sa mga bagay na hindi tumutugma sa aking mga kuru-kuro o sa mga interes ng aking laman, o kapag sumasailalim ako sa kaunting pagpipino o mayroong ilang paghihirap, naiipit ako sa kalagayan ng pagkanegatibo, at unti-unting naglalaho ang pananalig at determinasyong mayroon ako sa simula.) Hindi ito maaari. Masyado kang mahina. Dapat mong maabot ang isang punto kung saan, anumang mga pangyayari ang nakahaharap mo, hindi mababago ng mga ito ang kapasyahan mo. Saka ka lang magiging isang taong tunay na nagmamahal at naghahangad sa katotohanan. Kung ikaw ay umaatras, nagiging negatibo at nalulumbay, at binibitiwan mo ang iyong determinasyon kapag may nangyayari sa iyo at nakatatagpo ka ng kaunting paghihirap, hindi ito maaari. Dapat mong taglayin ang lakas ng isang taong handang itaya ang kanyang buhay, at sabihin na, “Anuman ang mangyari—kahit na mamatay ako, hindi ko pababayaan ang katotohanan o ang aking layon na hangarin ang katotohanan.” Pagkatapos ay wala nang makakapigil sa iyo. Kung talagang makatatagpo ka ng mga paghihirap, at maiipit sa isang mahirap na sitwasyon, kikilos ang Diyos. Bukod dito, kailangang mayroon ka ng pagkaunawang ito: “Anuman ang mararanasan ko, ang lahat ng ito ay mga aral na dapat kong matutunan sa aking paghahangad sa katotohanan—isinaayos ang mga ito ng Diyos. Maaaring mahina ako, pero hindi ako negatibo, at nagpapasalamat ako sa Diyos sa pagbibigay sa akin ng pagkakataong matutunan ang mga aral na ito. Nagpapasalamat ako sa Diyos sa pagsasaayos ng sitwasyong ito para sa akin. Hindi ko pwedeng bitiwan ang aking determinasyon na sundan ang Diyos at kamtin ang katotohanan. Kung bibitiwan ko ang aking determinasyon, katulad lang iyon ng pagsuko kay Satanas, pagpapahamak sa aking sarili, at pagkakanulo sa Diyos.” Ito ang uri ng kapasyahan na dapat mayroon ka. Anuman ang maliliit na bagay na nararanasan mo, lahat ito ay maliliit na kaganapan sa pag-unlad ng iyong buhay. Hindi mo dapat hayaan ang mga ito na harangan ang direksyon ng iyong pag-usad. Kapag nakatatagpo ka ng mga paghihirap, maaari kang maghanap at maghintay, ngunit hindi dapat magbago ang direksyon ng pag-usad mo, hindi ba’t tama iyon? (Tama.) Anuman ang sabihin ng iba, o paano ka man nila tratuhin, at paano ka man tratuhin ng Diyos, hindi dapat magbago ang kapasyahan mo. Kung sasabihin ng Diyos na, “Hindi mo talaga tinatanggap ang katotohanan, kinasusuklaman kita,” at sasabihin mong, “Nasusuklam ang Diyos sa akin, kaya ano na ang kabuluhan ng buhay ko? Mabuti pang mamatay na lang ako at matapos na ito!” magiging mali ang pagkaunawa mo sa Diyos. Totoong kinasusuklaman ka ng Diyos, ngunit dapat kang magpatuloy, dapat mong tanggapin ang katotohanan, at dapat mong tuparin ang iyong tungkulin. Kung gayon, hindi ka magiging walang kwenta at hindi ka itataboy ng Diyos. Ngayon, napakaliit pa rin ng tayog ninyo at hindi pa ninyo naaabot ang mga pamantayang kinakailangan para subukin kayo ng Diyos. Ano ang tanging magagawa ninyo? Dapat kayong manalangin: “Diyos ko, gabayan Mo ako at bigyang-liwanag Mo po ako upang maunawaan ko ang mga layunin Mo, at magkaroon ng pananalig at tiyaga na tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan, at upang matakot ako sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Bagamat mahina ako at kulang sa gulang ang aking tayog, nakikiusap po ako sa Iyo na bigyan Mo ako ng lakas at protektahan ako upang masundan Kita hanggang sa huli.” Dapat kang lumapit sa Diyos nang madalas upang manalangin. Maaaring nananabik ang ibang tao ng mga makamundong bagay, binibigyang-layaw ang kanilang laman, at sumusunod sa mga makamundong kalakaran, ngunit hindi mo sila dapat samahan—tumuon ka lang sa paggampan ng iyong sariling tungkulin. Kapag negatibo ang pakiramdam ng iba at hindi nila ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, hindi ka dapat makaramdam na napipigilan ka, at dapat mong hanapin ang katotohanan upang matulungan sila. Kapag nagpapakasasa ang iba sa kaginhawahan, hindi mo sila dapat kainggitan, ang dapat mo lang alalahanin ay ang pamumuhay sa harap ng Diyos. Kapag hinahangad ng iba ang katanyagan, pakinabang, at katayuan, dapat mo silang ipagdasal at tulungan sila, patahimikin ang puso mo sa harap ng Diyos at huwag hayaang maimpluwensyahan ka ng mga bagay na ito. Anuman ang mangyari sa paligid mo, dapat kang manalangin sa Diyos tungkol sa lahat ng bagay. Dapat lagi mong hanapin ang katotohanan, pigilan ang iyong sarili, tiyakin na namumuhay ka sa presensiya ng Diyos, at dapat lagi kang mayroong normal na ugnayan sa Diyos. Sinusuri ng Diyos ang mga tao sa lahat ng oras, at gumagawa ang Banal na Espiritu sa loob ng ganitong mga uri ng tao. Paano sinusuri ng Diyos ang puso ng isang tao? Hindi lamang Siya tumitingin gamit ang Kanyang mga mata, nagsasaayos Siya ng mga kapaligiran para sa iyo at inaantig Niya ang puso mo. Bakit Ko ito sinasabi? Dahil kapag nagsasaayos ang Diyos ng isang kapaligiran para sa iyo, nakikita ng Diyos kung nagagalit at nasusuklam ka rito, o nagugustuhan mo ito at nagpapasakop ka rito, kung pasibo kang naghihintay o aktibong naghahanap sa katotohanan. Binabantayan ng Diyos kung paano nagbabago ang puso at mga kaisipan mo, at kung saang direksyon nauuwi ang mga ito. Ang kalagayan sa puso mo ay minsan positibo, at kung minsan ay negatibo. Kung kaya mong tanggapin ang katotohanan, matatanggap mo mula sa Diyos ang mga tao, pangyayari at bagay, at ang iba’t ibang kapaligiran na isinasaayos Niya para sa iyo, at mahaharap mo ang mga ito nang tama. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, at sa pamamagitan ng pagninilay-nilay, lahat ng iyong kaisipan at ideya, lahat ng iyong opinyon, at lahat ng iyong mood ay magbabago batay sa mga salita ng Diyos. Magiging malinaw ito sa iyo, at susuriin din ng Diyos ang lahat ng ito. Kahit na hindi mo ito sasabihin sa sinumang tao, o hindi mo ipagdarasal ang tungkol dito, at iisipin mo lang ito sa puso mo at sa sarili mong mundo, mula sa perspektiba ng Diyos, magiging napakalinaw nito—mahahalata Niya ito. Nakikita ng mga mata ng tao ang panlabas na hitsura mo, ngunit nakikita ng Diyos ang puso mo, ganoon Siya kalapit sa iyo. Kung nararamdaman mo ang pagsisiyasat ng Diyos, namumuhay ka sa Kanyang presensiya. Kung hindi mo talaga maramdaman ang Kanyang pagsisiyasat, namumuhay ka sa sarili mong mundo, at namumuhay ka sa sarili mong mga nararamdaman at tiwaling disposisyon, at kung gayon, magkakaproblema ka. Kung hindi ka namumuhay sa presensiya ng Diyos, kung mayroong malaking distansya sa pagitan mo at ng Diyos, at malayo ka sa Kanya, kung hindi mo man lang isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, at kung hindi mo tinatanggap ang pagsisiyasat ng Diyos, malalaman ng Diyos ang lahat ng ito. Magiging napakadali para sa Kanya na makita ito. Kaya, kapag mayroon kang determinasyon at layon, at handa kang magawang perpekto ng Diyos, at maging isang taong sumusunod sa kalooban ng Diyos at may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan, kapag taglay mo ang kapasyahang ito, at nakapagdarasal at nakapagsusumamo ka nang madalas para sa mga bagay na ito, at nakakapamuhay sa presensiya ng Diyos, hindi kailanman inilalayo ang sarili mo sa Diyos o iniiwan Siya, malinaw sa iyo ang mga bagay na ito, at alam din ng Diyos ang mga ito. Sinasabi ng ilang tao, “Malinaw sa akin mismo ang tungkol dito, ngunit alam ba ito ng Diyos o hindi?” Walang kabuluhan ang tanong na ito. Kung sasabihin mo ito, nagpapatunay ito na hindi ka kailanman nakipagbahaginan sa Diyos at na talagang walang ugnayan sa pagitan mo at ng Diyos. Bakit Ko sinasabing walang ugnayan sa pagitan mo at ng Diyos? Hindi ka pa namuhay sa harap ng Diyos at kaya, hindi mo maramdaman kung Siya ay kasama mo o hindi, kung ginagabayan ka Niya, kung prinoprotektahan ka Niya, at kung sinasaway ka Niya kapag may nagagawa kang mali. Kung wala kang pandama sa mga bagay na ito, kung gayon, hindi ka namumuhay sa harap ng Diyos, imahinasyon mo lang ito at binibigyang-layaw mo lang ang iyong sarili—namumuhay ka sa sarili mong mundo, at hindi sa harap ng Diyos, at walang anumang ugnayan sa pagitan mo at ng Diyos.

Paano mapapanatili ng mga tao ang isang normal na ugnayan sa Diyos? Sa ano nakasalalay ang pagpapanatili rito? Nakasalalay ito sa kanilang pagsusumamo, pagdarasal, at pakikipag-ugnayan sa Diyos sa puso nila. Ang ganitong uri ng ugnayan ay nagtutulot sa mga tao na palaging mamuhay sa harap ng Diyos. Samakatuwid, upang makabuo ng normal na ugnayan sa Diyos, dapat munang tumahimik ang mga tao. Ang ilang tao ay palaging gumagawa ng mga bagay-bagay sa panlabas, at nagpapakaabala lamang sa mga panlabas na kaganapan. Kung wala silang anumang espirituwal na buhay nang isa o dalawang araw, hindi nila mamamalayan ito. Hindi pa rin nila ito mamamalayan pagkatapos ng tatlo o apat na araw, o kahit na pagkatapos ng isa o dalawang buwan. Ito ay dahil hindi sila nakapagdasal, o nakapagsumamo, o nakipagbahaginan sa Diyos. Ang pagsusumamo ay kapag may nangyari sa iyo at gusto mong tulungan, gabayan, tustusan, at bigyang-liwanag ka ng Diyos, at ipaunawa Niya sa iyo ang Kanyang mga layunin, ipaalam sa iyo kung ano ang katotohanan, ipaunawa kung ano ang mga katotohanang prinsipyo, at ipaalam kung paano isagawa ang katotohanan—ito ang uri ng pagsusumamo na naaayon sa mga layunin ng Diyos. Medyo malawak ang saklaw ng panalangin. Minsan, maaari mong sabihin ang tungkol sa mga bagay na nasa puso mo—kapag nahaharap ka sa mga paghihirap o kapag nagiging negatibo at mahina ka, maaari mong kausapin ang Diyos tungkol sa mga bagay na ito mula sa puso; maaari ka ring manalangin sa Diyos sa mga oras na nagiging mapaghimagsik ka, o maaari kang makipag-usap sa Diyos tungkol sa mga bagay na nangyayari sa iyo araw-araw, kapwa yaong mga nauunawaan mo, at ang mga hindi mo nauunawaan—ito ang tinatawag na panalangin. Ang panalangin ay pakikipag-usap sa Diyos tungkol sa kung ano ang nasa puso mo o paghahanap ng katotohanan mula sa Diyos. Minsan ito ay isinasakatuparan sa isang takdang oras, minsan ay hindi sa anumang takdang oras; maaari kang manalangin anumang oras at kahit saan. Walang anumang partikular na anyo ang pagbabahaginan sa espiritu: Maaaring may bumabagabag sa iyo, o maaaring wala; maaring may gusto kang sabihin, o maaaring wala. Kapag may bumabagabag sa iyo, dapat kang makipag-usap sa Diyos tungkol dito, at magdasal. Karaniwan, dapat subukan mong pagnilayan ang mga katanungang tulad ng kung paano minamahal ng Diyos ang tao, paano Siya nag-aalala sa tao, bakit Niya pinupungusan ang tao, ano ba talaga ang ibig sabihin ng pagpapasakop sa Diyos, at iba pa, ang pakikipag-usap sa Diyos sa lahat ng oras at lahat ng lugar, pagdarasal sa Diyos, at paghahanap mula sa Kanya. Ito ay pagbabahaginan sa espiritu, o “pagbabahaginan sa espiritu” sa madaling salita. Minsan, maaaring naiisip mo ang isang bagay na labis mong ikinababahala habang nasa kalsada ka; hindi mo kailangang lumuhod o ipikit ang iyong mga mata. Maaari mo lamang kausapin ang Diyos sa puso mo, “Diyos ko, nangyari sa akin ang bagay na ito at hindi ko alam ang tamang paraan ng pagharap dito, kaya’t hinihingi ko po ang Iyong patnubay sa bagay na ito.” Kapag naramdaman mong naantig ang puso mo, at nagsalita ka ng ilang taos-pusong salita tungkol dito sa Diyos, malalaman na Niya. Minsan, maaaring nangungulila ka sa iyong tahanan at sasabihin mong, “Diyos ko, labis akong nangungulila sa aking tahanan.” Hindi mo partikular na sinasabi kung kanino ka nangungulila, sadyang nalulungkot ka lang at sinasabi mo ito sa Diyos. Malulutas mo lang ang mga problema mo kung mananalangin ka sa Diyos at sasabihin sa Kanya kung ano ang nasa puso mo. Malulutas mo ba ang mga problema mo sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa ibang tao? Wala naman masyadong masama kung makikipagkita ka sa isang taong nakauunawa sa katotohanan—hindi lamang malulutas ang iyong mga problema, makikinabang ka rin dito. Ngunit kung makikipagkita ka sa isang taong hindi nakauunawa sa katotohanan, hindi mo malulutas ang mga problema mo, at maaari din itong makaapekto sa taong iyon. Kung makikipag-usap ka sa Diyos, bibigyang-ginhawa ka ng Diyos at aantigin ka Niya. Kung mapatatahimik mo ang sarili mo sa harap ng Diyos, at mababasa ang Kanyang mga salita, at pagkatapos ay magninilay-nilay at magdarasal, mauunawaan mo ang katotohanan at malulutas ang iyong mga problema. Matutulungan ka ng mga salita ng Diyos na makahanap ng landas para malampasan ang iyong mga paghihirap, at kapag nalampasan mo ang maliit na balakid na ito, hindi ka madarapa, at hindi ka nito mapipigilan, hindi rin ito makakaapekto sa pagganap mo sa iyong tungkulin. May mga pagkakataon na bigla kang panghihinaan ng loob at medyo malulungkot. Kapag nangyari ito, dapat kang manalangin kaagad sa Diyos, at lumapit sa Kanya, na nangangahulugan na makipag-usap ka sa Kanya tungkol sa kung ano ang nasa puso mo at magtapat ka sa Kanya sa lahat ng oras at kahit nasaan ka man. Sa ganitong paraan, mababago ang kalagayan mo. Dapat kang manalig: “Nasa tabi ko ang Diyos sa bawat sandali, hindi Niya ako kailanman iniwan, nadarama ko ito. Saan man ako naroroon o anuman ang ginagawa ko—ako man ay nasa isang pagtitipon o gumaganap sa tungkulin ko—alam ko sa puso ko na hawak ng Diyos ang aking kamay at inaakay Niya ako, at na hindi Niya ako kailanman iniwan.” Kung minsan, kapag ginugunita mo kung paano mo dinaanan ang bawat araw nang ganito sa loob ng maraming taon, madarama mong lumago na ang tayog mo, na ginagabayan ka ng Diyos, at na sa simula’t sapul ay lagi kang pinoprotektahan ng pagmamahal ng Diyos. Habang iniisip mo ang mga bagay na ito, mananalangin ka sa iyong puso, nag-aalay ng pasasalamat sa Diyos: “O Diyos, pinasasalamatan Kita! Lubha akong mahina, kimi, at lubhang tiwali. Kung hindi Mo ako ginagabayan nang ganito, imposibleng maaabot ko ang kasalukuyan nang mag-isa.” Hindi ba ito ang espirituwal na pakikipagbahaginan? Kung nakikipagbahaginan nang madalas ang mga tao sa Diyos sa ganitong paraan, hindi ba’t marami silang masasabi sa Diyos? Hindi lilipas ang maraming araw na wala silang nasasabing ni isang bagay sa Diyos. Kapag wala kang nasasabi sa Diyos, wala sa puso mo ang Diyos. Kung nasa puso mo ang Diyos, at may pananampalataya ka sa Diyos, magagawa mong sabihin sa Kanya ang lahat ng salita na nasa puso mo, kabilang ang mga bagay na sasabihin mo sa iyong mga kapalagayan ng loob. Ang totoo, ang Diyos ang pinakamalapit na kapalagayang-loob mo. Kung ituturing mo ang Diyos bilang pinakamalapit mong kapalagayang-loob, bilang ang kapamilya na sinasandigan mo nang higit sa lahat, inaasahan mo nang higit sa lahat, pinagkakatiwalaan mo nang higit sa lahat, at pinakamalapit sa iyo, kung gayon ay magiging imposible para sa iyo na walang masabi sa Diyos, hindi ba’t lagi kang mamumuhay sa Kanyang presensiya? Kung palagi kang mamumuhay sa presensiya ng Diyos, mararamdaman mo sa bawat sandali kung paano ka binibigyang liwanag at ginagabayan ng Diyos, kung paano ka Niya inaalagaan at iniingatan, at kung paano ka Niya binibigyan ng kapayapaan at kagalakan, kung paano ka Niya pinagpapala, at kung paano ka Niya sinasaway, dinidisiplina, pinapangaralan, at hinahatulan at kinakastigo. Ang lahat ng ito ay magiging malinaw at maliwanag sa iyo. Kung iraraos mo lang ang araw-araw, nananampalataya sa Diyos sa salita lamang, nang walang Diyos sa puso mo, at kung paimbabaw ka lang na gumaganap sa iyong tungkulin at dumadalo sa mga pagtitipon, at nagbabasa ng mga salita ng Diyos at nagdarasal araw-araw, talagang wala sa loob na ginagawa ang mga gawaing ito, kung gayon ay hindi ito pananampalataya sa Diyos—wala sa mga relihiyosong ritwal na ito na ginagawa mo ang may anumang kaugnayan sa katotohanan. Yaong mga nananalig sa Diyos ay dapat maingat na magbasa ng isang sipi ng mga salita ng Diyos araw-araw, at manalangin at magbahagi sa mga salitang ito. Dapat silang makakuha ng kaunting tanglaw mula sa mga salita ng Diyos araw-araw, at maunawaan ang kaunting katotohanan. Lalo na, dapat nilang magawang hanapin ang katotohanan at mapangasiwaan ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, at dapat silang makapagkamit ng karanasan sa buhay araw-araw, at maranasan nila ang gawain ng Diyos. Iyon ang isang tunay na mananampalataya at isang taong sumusunod sa Diyos.

Aling isyu ang pinakamahalaga at ang pinakanangangailangan ng iyong kapasyahan sa iyong pananampalataya sa Diyos? Ito ay ang isyu ng iyong normal na ugnayan sa Diyos. Kung nananalig ka sa Diyos, ngunit wala Siya sa puso mo, at naputol mo ang ugnayan mo sa Kanya, at hindi mo tinatrato ang Diyos bilang iyong pinakamatalik, pinakapinagkakatiwalaan, at pinakamalapit na kapamilya at katapatang-loob, kung gayon, ang Diyos ay hindi ang iyong Diyos. Magsagawa alinsunod sa Aking mga salita sa loob ng ilang panahon at tingnan kung nagbago ang iyong panloob na kalagayan. Sa pamamagitan ng pagsasagawa ayon sa Aking mga salita, masisiguro mo na namumuhay ka sa presensiya ng Diyos, na mayroon kang isang normal na kondisyon at normal na kalagayan. Kapag normal ang kalagayan ng isang tao, at hindi siya naiimpluwensyahan ng anumang tao, pangyayari, at bagay, o ng iba’t ibang sitwasyon na nangyayari sa kanya sa lahat ng yugto ng kanyang karanasan sa buhay, at nagagawa niyang magpatuloy sa paggampan nang normal sa kanyang tungkulin, mayroon siyang tunay na tayog at siya ay isang taong nakapasok na sa katotohanang realidad.

Hulyo 13, 2017

Sinundan: Ang Pagbabayad ng Halaga Para Makamit ang Katotohanan ay Mayroong Malaking Kabuluhan

Sumunod: Ano ang Pagsasagawa ng Katotohanan

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito