Kabanata 106

Yaong mga hindi nakaaalam ng Aking mga salita, yaong mga hindi nakaaalam ng Aking normal na pagkatao, at yaong mga lumalaban sa Aking pagka-Diyos ay gigibaing lahat tungo sa kawalan. Walang sinuman ang hindi masasaklaw nito, at lahat ay dapat maging katanggap-tanggap sa aspetong ito, dahil ito ay Aking atas administratibo, at ito ang pinakaseryoso na isasagawa. Yaong mga hindi nakaaalam ng Aking mga salita ay yaong mga nakapakinig na sa mga bagay na malinaw Ko nang itinuro, ngunit hindi pa rin alam ang mga iyon; sa madaling salita, sila ay mga taong walang espirituwal na pang-unawa (dahil hindi Ako lumikha ng kakayahan ng tao para sa ganoong bagay, hindi Ako humihingi nang malaki mula sa kanila; hinihingi Ko lamang na makinig sila sa Aking mga salita at maisagawa ang mga iyon). Hindi sila mga tao ng Aking sambahayan, ni hindi Ko kapareho ng uri; nabibilang sila sa bansa ni Satanas. Kaya hindi Ko gusto ang isa man sa mga taong ito na walang espirituwal na pang-unawa. Noon, inisip ninyo na lumalabis na Ako, ngunit dapat nauunawaan na ninyo ngayon. Paano kayang ang mga hayop ay posibleng makipag-usap sa Diyos? Hindi ba iyan magiging katawa-tawa? Yaong mga hindi nakaaalam ng Aking normal na pagkatao ay yaong mga gumagamit ng mga sarili nilang kuru-kuro para sukatin kung ano ang ginagawa Ko sa Aking pagkatao. Sa halip na magpasakop, hinahanapan nila Ako ng mali gamit ang mga mata nilang gawa sa laman. Marahil nasayang ang mga salitang Aking binigkas? Sinabi Ko nang ang Aking normal na pagkatao ay isang kailangang-kailangang bahagi Ko, ang ganap na Diyos Mismo, at na ito ang wastong paraan na magkasabay na gumagawa ang Aking normal na pagkatao at ganap na pagka-Diyos: Kapag hindi kaayon ng mga kuru-kuro ng tao ang mga bagay na Aking ginagawa sa pamamagitan ng Aking normal na pagkatao, yaong mga lumalaban sa Akin at yaong mga hindi Ko kaayon ay nabubunyag. Pagkatapos, nagsasalita ang Aking ganap na pagka-Diyos sa pamamagitan ng pagkatao, at sa ganitong paraan, naiwawasto Ko na ang ilang tao. Kung hindi mo nauunawaan ang Aking ginagawa ngunit nakapagpapasakop ka pa rin, ikaw ang uri ng tao na hindi Ko kinokondena; nililiwanagan Ko lamang ang ganitong mga tao. Mahal Ko ang ganitong mga tao, at dahil sa iyong pagpapasakop, nililiwanagan kita. Yaong mga lumalaban sa Aking pagka-Diyos ay kinabibilangan ng mga hindi nakaaalam ng Aking mga salita, yaong mga hindi kaayon ng Aking normal na pagkatao, at yaong hindi sumasang-ayon sa Aking ginagawa sa pagka-Diyos (halimbawa, sa Aking pagkagalit o pagbuo ng iglesia at iba pa). Ang lahat ng ito ay pagpapahayag ng paglaban sa Aking pagka-Diyos. Ngunit mayroong isang bagay na kailangan Kong bigyang-diin, at dapat bigyang-pansin ng bawat isa sa inyo: Yaong mga hindi kaayon ng persona na Ako ngayon ay lumalaban sa Aking pagka-Diyos. Bakit palagi Kong sinasabi na ang persona na Ako ay ang ganap na Diyos Mismo? Ang disposisyon ng persona na Ako ang kabuuan ng pagka-Diyos na disposisyon; huwag mo Akong sukatin gamit ang mga kuru-kuro ng tao. Kahit ngayon, marami pa ring tao ang nagsasabi na Ako ay may normal na pagkatao at na hindi lahat ng Aking ginagawa ay tiyak na tama. Kapag ganito ang mga tao, hindi mo ba hinihingi lamang na mamatay? Hindi nila alam ni isang salita sa Aking sinasabi, at sila ay walang-pasubaling mga inapo ng mga bulag, at mga binhi ng malaking pulang dragon! Sasabihin Ko sa lahat nang minsan pa (at hindi Ko na muling sasabihin pa ito pagkatapos, at tiyak na susumpain ang lahat ng gagawa uli ng pagkakasalang ito): ang Aking mga salita, ang Aking pagtawa, ang Aking pagkain, ang Aking pamumuhay, ang Aking pagsasalita at ang Aking ugali ay ginagawa Kong lahat—ang Diyos Mismo—at wala ni katiting na bakas ng mga tao na nakahalo roon. Wala! Wala kahit ano! Dapat huminto ang lahat ng tao sa paglalaro ng mga tagisan ng isipan, at huminto sa kanilang mabababaw na pagkalkula. Habang mas maraming taong nagpapatuloy sa ganito, mas mapapahamak sila. Pakinggan ang Aking payo!

Palagi Kong sinasaliksik ang kaibuturan ng puso ng bawat tao, sinasaliksik ang bawat salita at kilos ng bawat tao. Malinaw Kong nakikita, isa-isa, yaong mga gusto Ko at yaong mga hindi Ko gusto. Ito ay isang bagay na hindi maguguni-guni ng mga tao, at, higit pa roon, isang bagay na hindi nila kayang tuparin. Napakarami Ko nang nasabi at napakarami Ko nang nagawa; sino ang makatutukoy sa layon ng Aking mga salita, at ng Aking ginagawa? Walang sinuman. Magmula ngayon, mas maraming salita pa Akong bibigkasin; sa isang banda, aalisin nito ang lahat ng taong hindi Ko gusto, at sa kabila, pahihirapan kayo nito nang kaunti pa kaugnay rito, nang minsan pa ninyong maranasan ang muling pagkabuhay, ngunit nang mas matindi. Hindi ito mapagpapasyahan ng mga tao, ni mapipigilan ng sinuman na mangyari ito. Kahit na malaman pa ninyo ang tungkol dito ngayon, pagdating ng panahon, hindi pa rin ninyo maiiwasan ang ganitong uri ng pagdurusa, dahil ito ang paraan ng Aking paggawa. Kailangan Kong gumawa nang ganito upang maabot ang Aking mga mithiin, at upang maaaring matupad sa inyo ang Aking kalooban. Ito ang dahilan kung bakit tinatawag itong “ang huling pagdurusang dapat ninyong tiisin.” Ang inyong laman ay hindi na kailanman magdurusang muli pagkatapos, dahil nawasak Ko na ang malaking pulang dragon at hindi na ito mangangahas na magwala muli. Ito ang huling hakbang bago ang pagpasok sa katawan; ito ay isang yugto ng pagpapalit. Ngunit huwag kayong matakot—walang-pasubaling pangungunahan Ko kayo patawid sa sunud-sunod na paghihirap. Maniwala kayo na Ako ang matuwid na Diyos Mismo, at na ang sinasabi Ko ay tiyak na matutupad. Ako ang mapagkakatiwalaang Diyos Mismo. Lahat ng bansa, lahat ng lupain, at lahat ng denominasyon ay bumabalik sa Akin at nagsasama-sama sa Aking trono. Ito ang Aking dakilang kapangyarihan, at Aking hahatulan ang bawat isang anak ng paghihimagsik at itatapon sila sa lawa ng apoy at asupre, nang walang sinumang maliliban. Lahat ay dapat na umurong. Ito ang huling hakbang ng Aking plano ng pamamahala, at kapag tapos na ito, papasok na Ako sa kapahingahan, dahil nagawa na ang lahat, at dumating na sa katapusan ang Aking plano ng pamamahala.

Dahil ang tulin ng Aking gawain ay napabilis na (bagaman hindi Ako nababalisa ni bahagya), araw-araw Kong ibinubunyag sa inyo ang Aking mga salita at araw-araw Kong binubuksan sa inyo ang mga hiwagang Aking hawak, upang malapit ninyong masusundan ang Aking mga yapak. (Ito ang Aking karunungan; ginagamit Ko ang Aking mga salita para perpektuhin ang mga tao, ngunit para din pabagsakin ang mga tao. Lahat ay nagbabasa ng Aking mga salita at kayang kumilos ayon sa Aking kalooban na nasa Aking mga salita. Yaong mga negatibo ay magiging negatibo, yaong mga ibubunyag ay magpapakita ng kanilang tunay na kulay; ang mga lumalaban ay lalaban, at yaong mga tapat na nagmamahal sa Akin ay lalo pang magiging tapat. Sa gayon, lahat ay makasusunod sa Aking mga yapak. Ang lahat ng kalagayang ito na Aking inilarawan ay mga pamamaraan kung paano Ako gumagawa at mga mithiin na nais Kong makamit.) Sa nakalipas, nasabi Ko na ang ganitong uri ng bagay: Paano Ko man kayo akayin, dapat kayong maghanap sa parehong paraan; anuman ang sinasabi Ko sa inyo, dapat kayong makinig. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Alam ba ninyo? Ano ang mga layon at kabuluhan ng Aking salita? Nauunawaan ba ninyo? Ilang tao ang lubos na maipaliliwanag ito nang malinaw? Kapag Aking sinasabi, “Paano Ko man kayo akayin, dapat kayong maghanap sa parehong paraan,” hindi Ko lamang tinutukoy ang Aking paggabay bilang ang persona na Ako; higit pa roon ay tinutukoy Ko ang mga salitang Aking sinasabi at ang landas na Aking tinatahak. Ngayon, talagang natupad na ang mga salitang ito. Sa sandaling nasabi Ko na ang Aking mga salita, nalalantad sa harap ng liwanag ng Aking presensya ang lahat ng uri ng mukha ng demonyo, kaya malinaw ninyong makikita ang lahat ng iyon. Ang mga pahayag Kong ito ay hindi lamang isang anunsyo kay Satanas, kundi isa ring ipinagkakatiwala sa inyong lahat. Karamihan sa inyo ay binabalewala ang mga salitang ito, naniniwalang ang mga ito ay ipinagkakatiwala sa inyo; hindi ninyo natatantong ang mga ito ay mga salita ng paghatol, at mga salitang nagtataglay ng awtoridad. Ang layon ng Aking mga salita ay ang utusan si Satanas na magsilbi nang maayos sa Akin at ganap na magpasakop sa Akin. Sa mga hiwagang naibunyag Ko na sa nakalipas, marami pa rin ang hindi ninyo nauunawaan, kaya sa hinaharap mas marami pa ang ibubunyag Ko sa inyo, upang makapagtamo kayo ng mas malinaw at lubos na pagkaunawa.

Kapag dumarating ang mga kapahamakan, takot na takot ang lahat. Umiiyak nang may dalamhati ang lahat ng tao at namumuhi sa masasamang bagay na kanilang ginawa sa nakalipas, ngunit sa sandaling iyon ay huli na ang lahat sapagkat ito ang kapanahunan ng poot. Hindi ito ang panahon upang iligtas ang mga tao at mag-alok ng biyaya, kundi ang panahon upang alisin ang lahat ng tagapagsilbi at hayaan ang Aking mga anak na mamuno para sa Akin. Ito ay talagang iba mula sa mga nakalipas na panahon; hindi pa ito nangyayari magmula nang likhain ang mundo. Dahil minsan Kong nilikha ang mundo, minsan Ko itong wawasakin, at ang Aking pauna nang naitalaga ay hindi mababago ninuman. Ang dalawang katawagang “ang grupo ng mga Kristiyanong tao” at “ang grupo ng mga bagong tao ng sansinukob” ay malimit na binanggit dati. Paano dapat ipaliwanag ang mga ito? Ang “grupo ng mga Kristiyanong tao” ba ay tumutukoy sa mga panganay na anak? Ang “grupo ng mga bagong tao ng sansinukob” ba ay tumutukoy rin sa mga panganay na anak? Hindi; hindi ito napakahulugan nang wasto ng mga tao. Dahil makatutulong lamang sa kanila ang mga kuru-kuro ng tao na makaunawa ng mga bagay-bagay hanggang sa antas na ito, lilinawin Ko ang mga ito sa inyo ngayon dito. Ang grupo ng mga Kristiyanong tao at ang grupo ng mga bagong tao ng sansinukob ay hindi magkapareho; magkahiwalay ang kahulugan ng mga ito. Bagama’t magkahawig na magkahawig ang mga salitang bumubuo sa dalawang katawagang ito, at tila ba iisang bagay lamang ang mga ito, ang tunay na kalagayan ay ang ganap na kasalungat. Sino ba ang eksaktong tinutukoy ng “grupo ng mga Kristiyanong tao”? O ano ba ang tinutukoy nito? Kapag napag-uusapan ang mga Kristiyanong tao, Ako lamang ang naiisip ng lahat. Hindi sila mali roon ni bahagya. Bukod pa rito, sa mga kuru-kuro ng tao, ang terminong “mga tao” ay tiyak na tumutukoy sa mga tao; wala ni isa mang tao na mag-uugnay nito sa iba pang bagay. Kapag sinasabi ang terminong “grupo,” iisipin ng mga tao na ito ay isang pagtitipon ng maraming tao na halos iisang kabuuan na, kaya nga tinatawag na “grupo.” Dito, makikita na ang isip ng mga tao ay sobrang napakasimple; ni hindi nila nauunawaan ang ibig Kong sabihin. Ngayon, opisyal Kong sisimulan ang pagbabahaginan tungkol sa kung ano ang grupo ng mga Kristiyanong tao (ngunit dapat isantabi ng lahat ng tao ang sarili nilang mga kuru-kuro; kung hindi, walang sinuman sa kanila ang magagawang makaunawa, at kahit na ipinaliwanag Ko pa ang termino, hindi nila ito paniniwalaan ni mauunawaan): Sa sandaling binigkas ang Aking mga salita, makakikilos ang Aking mga panganay na anak nang ayon sa Aking kalooban, at maipahahayag ang Aking kalooban, nang sila ay may nagkakaisang puso at nagkakaisang bibig. Habang hinahatulan nila ang lahat ng bansa at lahat ng mga tao, maisasakatuparan nila ang Aking pagiging matuwid at maipatutupad ang Aking mga atas administratibo; sila ay Aking pagpapahayag, at sila ay Aking pagpapamalas. Kaya, masasabi na ang grupo ng mga Kristiyanong tao ay ang katunayan ng pagpapatupad ng mga panganay na anak ng Aking mga atas administratibo; sila ang awtoridad sa mga kamay ng mga panganay na anak. Ito ay may kaugnayang lahat kay Cristo—kaya nga tinawag na “mga Kristiyanong tao.” Dagdag pa riyan, makakikilos ang lahat ng panganay na anak ayon sa Aking kalooban, at dahil dito, Aking ginagamit ang katawagang “grupo.” Ang “grupo ng mga bagong tao ng sansinukob” ay nangangahulugang ang lahat ng tao sa Aking pangalan; sa madaling salita, ang Aking mga panganay na anak, ang Aking mga anak, at ang Aking mga tao. Ang salitang “bago” ay tumutukoy sa Aking pangalan. Sapagkat sila ay nasa Aking pangalan (taglay ng Aking pangalan ang lahat, at ito ay walang-hanggang bago at hindi kailanman luma; hindi ito nababago ng tao), at sapagkat mananatili silang buhay magpakailanman sa hinaharap, sila ang mga bagong tao ng sansinukob. Ang salitang “grupo” rito ay kaugnay ng bilang ng mga tao, at hindi ito kapareho ng naunang kaso. Kapag binibigkas ang Aking salita, dapat maniwala rito ang lahat. Huwag kayong mag-alinlangan. Alisin ninyo ang inyong mga pantaong kuru-kuro at mga pantaong kaisipan. Ang Aking kasalukuyang paraan ng paghahayag ng mga hiwaga ay mismong ang paraan ng pag-aalis ng mga pantaong kuru-kuro at kaisipan (sapagkat ginagamit ng mga tao ang sarili nilang mga kuru-kuro para sukatin Ako at sukatin ang Aking sinasabi, ginagamit Ko ang sarili Kong mga ibinunyag na hiwaga para alisin ang mga pantaong kuru-kuro at kaisipan). Malapit nang matapos ang gawaing ito. Kapag nahayag na ang Aking mga hiwaga hanggang sa isang antas, hindi na halos mag-iisip ang mga tao tungkol sa Aking mga salita at hihinto sila sa paggamit ng kanilang mga pantaong kuru-kuro para sukatin Ako. Kung ano ang iniisip nila araw-araw, Aking ibubunyag, at Ako ay gaganti. Pagdating sa isang punto, hindi na mag-iisip ang mga tao; mawawalan na ng anumang kaisipan ang kanilang mga ulo, at ganap na silang magpapasakop sa Aking mga salita. Iyon ang magiging panahon kung kailan kayo papasok sa espirituwal na dako. Isa itong hakbang sa Aking gawain bago Ko kayo pahintulutang pumasok sa espirituwal na dako. Dapat ninyong alisin ang lahat ng inyong pantaong kuru-kuro bago kayo maaaring maging banal at walang-dungis at makapasok sa espirituwal na dako. Ito ang ibig sabihin ng “Isa Akong banal na espirituwal na katawan.” Ngunit dapat kayong kumilos nang naaayon sa Aking mga hakbang, at bago pa ninyo ito matanto, darating na ang Aking panahon.

Sinundan: Kabanata 105

Sumunod: Kabanata 107

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito