Kabanata 107
Kapag umaabot sa isang antas ng kahigpitan ang Aking mga salita, lumalayo ang karamihan sa mga tao dahil sa mga ito—at sa mismong sandaling ito ibinubunyag ang Aking mga panganay na anak. Akin nang nasabi na hindi Ako nag-aangat ng isa mang daliri, kundi ginagamit lamang ang Aking mga salita upang kamtin ang lahat ng bagay. Gamit ang Aking mga salita, winawasak Ko ang lahat ng Aking kinamumuhian, at ginagamit Ko rin ang mga ito upang perpektuhin ang Aking mga panganay na anak. (Kapag binigkas ang Aking mga salita, tutunog ang pitong kulog, at sa sandaling iyon ang Aking mga panganay na anak at Ako ay magbabago ng anyo at papasok sa espirituwal na dako.) Nang Aking sinabi na ang Aking Espiritu ay gumagawa nang personal, ang ibig Kong sabihin ay na nakakamit ng Aking mga salita ang lahat, at mula rito ay makikita na Ako ay makapangyarihan sa lahat. Samakatuwid, mas malinaw pang makikita ng isang tao ang pakay at layon ng bawat pangungusap na Aking binibigkas. Gaya ng nasabi Ko na noon, lahat ng Aking isinasatinig sa loob ng Aking pagkatao ay isang aspeto ng Aking pagpapamalas. Kaya, yaong mga tao na hindi makatitiyak at hindi talaga naniniwala sa Aking sinasabi sa loob ng Aking normal na pagkatao ay dapat na maalis! Paulit-ulit Ko nang binigyang-diin na ang Aking normal na pagkatao ay isang kailangang-kailangang aspeto ng Aking kumpletong pagka-Diyos, datapuwat napakaraming tao ang nakatuon pa rin sa huli habang binabalewala ang nauna. Ikaw ay bulag! Sinasabi mo na hindi Ako tumutugma sa iyong mga kuru-kuro, at na Ako bilang tao ay hindi tumutugma sa iyong Diyos. Maaari bang manatili ang mga taong ito sa Aking kaharian? Yuyurakan kita sa ilalim ng Aking mga paa! Hinahamon kita na maghimagsik pa laban sa Akin! Hinahamon kita na magpatuloy na maging napakatigas ang ulo! Hindi tugma ang Aking ngiti sa iyong mga kuru-kuro, hindi kasiya-siya sa iyong pandinig ang Aking pananalita, at hindi kapaki-pakinabang sa iyo ang Aking mga pagkilos—tama ba Ako? Lahat ng bagay na ito ay dapat na magustuhan mo. Ganyan ba ang Diyos? At nais pa rin ba ng mga taong ito na manatili sa Aking sambahayan at tumanggap ng mga pagpapala sa Aking kaharian? Hindi ka ba nangangarap nang gising? Kailan pa naging ganoon kagila-gilalas ang mga bagay-bagay! Gusto mo Akong suwayin, ngunit nais mo pa ring tumanggap ng mga pagpapala mula sa Akin. Sinasabi Ko sa iyo: Hindi maaari! Gaya ng maraming ulit Ko nang sinabi, ang mga pumapasok sa Aking kaharian at tumatanggap ng mga pagpapala ay dapat na mga taong Aking minamahal. Bakit Ko binibigyang-diin ang mga salitang ito? Alam Ko at nauunawaan Ko kung ano ang iniisip ng bawat tao; hindi Ko kailangang tukuyin isa-isa ang kanilang mga iniisip. Ibubunyag ang mga totoo nilang anyo sa pamamagitan ng Aking mga salita ng paghatol at lahat ay tatangis na may pagdadalamhati sa harap ng Aking luklukan ng paghatol. Ito ay isang malinaw na katunayan na walang makababago! Sa katapusan, isa-isa Ko silang papapasukin sa walang-hanggang hukay. Ito ang huling bunga na nais Kong matamo sa Aking paghatol sa diyablong si Satanas. Dapat Akong gumamit ng paghatol at mga atas administratibo para harapin ang bawat tao, at ganito Ko kinakastigo ang mga tao. Mayroon ba kayong totoong kabatiran tungkol dito? Hindi Ko kailangang bigyan si Satanas ng dahilan; ginagamit Ko lamang ang Aking tungkod na bakal para paluin ito hanggang sa malapit na itong mamatay at paulit-ulit na nagmamakaawa. Kaya kapag binabasa ng mga tao ang Aking mga salita ng paghatol, hindi nila mauunawaan ang mga ito ni bahagya, ngunit mula sa Aking pananaw, bawat linya at bawat pangungusap ay isang pagpapatupad ng Aking mga atas administratibo. Ito ay isang malinaw na katunayan.
Yamang nabanggit Ko na ngayon ang paghatol, may kinalaman ang paksang ito sa luklukan ng paghatol. Dati, malimit ninyong sinasabi na tatanggap kayo ng paghatol sa harap ng luklukan ni Cristo. Mayroon kayong kaunting pagkaunawa tungkol sa paghatol, ngunit hindi ninyo maguni-guni ang luklukan ng paghatol. Siguro iniisip ng ilang tao na ang luklukan ng paghatol ay isang pisikal na bagay, o maaari nila itong maguni-guni bilang isang malaking hapag, o siguro ay inilalarawan nila ito sa isip nila bilang luklukan ng isang hukom gaya ng nasa sekular na mundo. Siyempre, sa Aking paliwanag sa sandaling ito, hindi Ko itatanggi ang inyong nasabi na, ngunit para sa Akin, ang mga bagay-bagay na nasa mga guni-guni ng mga tao ay mayroon pa ring sumasagisag na kahulugan. Kaya, ang puwang sa pagitan ng mga guni-guni ng mga tao at ng Aking ibig sabihin ay kasinglawak pa rin ng layo sa pagitan ng langit at lupa. Sa mga kuru-kuro ng mga tao, maraming taong nagpapatirapa sa harap ng luklukan ng paghatol, umiiyak sa dalamhati at nagmamakaawa. Ito na ang rurok ng pantaong guni-guni at walang sinuman ang makakaguni-guni ng anumang higit pa riyan. Ano kung gayon ang luklukan ng paghatol? Bago Ko ibunyag ang hiwagang ito, dapat ninyong tanggihan ang lahat ng inyong dating maling pagkaintindi; saka lamang maaabot ang Aking nilalayon. Ito lamang ang paraan para mapawi ang inyong mga kuru-kuro at mga iniisip sa usaping ito. Dapat kayong magtuon ng pansin tuwing nagsasalita Ako. Hindi na kayo dapat maging pabaya. Naitatag na ang Aking luklukan ng paghatol mula nang likhain ang mundo. Sa mga kapanahunan at mga henerasyong nakalipas, marami nang tao ang nangamatay sa harap nito, at marami na ring bumangon sa harap nito, bumabalik sa buhay. Masasabi rin na mula simula hanggang katapusan, hindi kailanman humihinto ang Aking paghatol, kaya’t palaging umiiral ang Aking luklukan ng paghatol. Kapag binabanggit ang luklukan ng paghatol, nakararamdam ang lahat ng tao ng bakas ng takot. Siyempre, mula sa nasabi Ko na sa itaas, wala kayong kaalam-alam kung ano itong luklukan ng paghatol. Ang luklukan ng paghatol at ang paghatol ay sabay na umiiral, ngunit ang dalawa ay may magkaibang uri ng sangkap. (Dito, ang “sangkap” ay hindi tumutukoy sa isang pisikal na bagay, kundi sa mga salita. Hindi nakikita ng mga tao ni kaunti ang sangkap na ito.) Ang paghatol ay tumutukoy sa Aking mga salita. (Kung ang mga iyon man ay marahas o malambot, ang mga iyon ay kasamang lahat sa Aking paghatol. Kaya, anumang lumalabas mula sa Aking bibig ay paghatol.) Dati, hinati ng mga tao ang Aking mga salita sa maraming iba’t ibang uri, kabilang ang mga salita ng paghatol, malumanay na mga salita, at mga salitang nagbibigay-buhay. Ngayon, Aking lilinawin para sa inyo na ang paghatol at ang Aking mga pahayag ay magkaugnay. Ibig sabihin, ang paghatol ay Aking mga salita, at ang Aking mga salita ay paghatol; hinding-hindi kayo dapat magsalita tungkol sa mga iyon nang magkahiwalay. Sa guni-guni ng mga tao, iniisip nila na ang masasakit na mga salita ay paghatol, ngunit hindi ganap ang pagkaunawa nila. Lahat ng Aking sinasabi ay paghatol. Ang simula ng paghatol na sinabi sa nakalipas ay tumutukoy kung kailan opisyal na nagsimulang gumawa ang Aking Espiritu sa bawat lugar at nagpatupad ng Aking mga atas administratibo. Sa pangungusap na ito, ang “paghatol” ay tumutukoy sa aktwal na realidad. Ngayon ay Aking ipaliliwanag ang luklukan ng paghatol: Bakit Ko sinasabi na ang luklukan ng paghatol ay umiiral mula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan at kasama ng Aking paghatol? Nagkamit na ba kayo ng kaunting pagkaunawa mula sa Aking paliwanag tungkol sa paghatol? Ang luklukan ng paghatol ay tumutukoy sa tao na Ako. Mula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan, Ako ay laging nagsasatinig at nagsasalita. Ako ay nabubuhay magpakailanman, kaya ang Aking luklukan ng paghatol at ang Aking paghatol ay magpakailanmang magkasamang umiiral. Dapat malinaw na ito ngayon! Itinuturing Ako ng mga tao bilang isang bagay sa kanilang mga guni-guni, ngunit sa bagay na ito, hindi Ko kayo sinisisi ni kinokondena. Inaasam Ko lamang na maging masunurin kayo at tanggapin ang Aking paghahayag, at malaman mula rito na Ako ang Diyos Mismo na sumasakop sa lahat.
Ang Aking mga salita ay ganap na di-mawari ng mga tao, ang Aking mga yapak ay imposible nilang matagpuan, at ang Aking kalooban ay imposible nilang matarok. Kaya, ang kalagayan ninyo ngayon (nakatatanggap ng Aking paghahayag, natatarok ang Aking kalooban mula sa loob nito, at nakasusunod sa Aking mga yapak sa pamamagitan nito) ay ganap na bunga ng Aking kagila-gilalas na mga pagkilos, ng Aking biyaya, at ng Aking habag. Isang araw, hahayaan Ko pang makita ninyo ang Aking karunungan, makita kung ano nang nagawa Ko gamit ang mga kamay Ko, at makita ang pagiging kamangha-mangha ng Aking gawain. Pagdating ng araw na iyon, ang disenyo ng Aking buong plano ng pamamahala ay ganap na ibubunyag sa harap ninyo. Sa buong mundo ng sansinukob at sa bawat araw, ipinamamalas ang mga bahagi ng Aking kagila-gilalas na mga pagkilos, at ang lahat ay naglilingkod upang maaaring matupad ang Aking plano ng pamamahala. Kapag ganap na itong naibunyag, makikita ninyo kung anong uri ng mga tao ang Akin nang isinaayos upang gumawa ng serbisyo, anong uri ng mga tao ang Akin nang isinaayos para tuparin ang Aking kalooban, ano ang Akin nang nakamit sa pamamagitan ng paggamit kay Satanas, ano ang Akin nang natupad na mag-isa, anong uri ng mga tao ang tumatangis, anong uri ng mga tao ang nagngangalit ang mga ngipin, anong uri ng mga tao ang daranas ng pagkawasak, at anong uri ng mga tao ang daranas ng kapahamakan. Sa “pagkawasak,” tinutukoy Ko yaong mga itatapon sa lawa ng apoy at asupre at ganap na susunugin; sa “kapahamakan,” ibig Kong sabihin ay yaong mga itatapon sa walang-hanggang hukay para manlupaypay roon nang walang hanggan. Kaya, huwag ninyong pagkamalian ang pagkawasak at kapahamakan bilang iisang bagay; sa kabaligtaran, ang dalawa ay magkaibang-magkaiba. Ang mga tagapagsilbi na umaalis sa Aking pangalan ngayon ay daranas ng kapahamakan, at yaong hindi sa Aking pangalan ay daranas ng pagkawasak. Ito ang dahilan kung bakit Ko sinasabi na yaong mga dumaranas ng kapahamakan ay magbibigay sa Akin ng walang-hanggang papuri pagkatapos ng Aking paghatol; ngunit ang mga taong iyon ay hindi kailanman maaalisan ng Aking pagkastigo, at lagi nilang tatanggapin ang Aking pamumuno. Ito ang dahilan kung bakit Ko sinasabi na ang walang-hanggang hukay ang kamay na Aking ginagamit upang kastiguhin ang mga tao. Sinasabi Ko rin na ang lahat ay nasa Aking mga kamay. Kahit na sinabi Kong “ang walang-hanggang hukay” ay tumutukoy sa impluwensya ni Satanas, ito rin ay nasa Aking mga kamay, na Aking ginagamit upang kastiguhin ang mga tao. Kaya, ang lahat ay nasa Aking mga kamay, at walang mga pagkakasalungatan. Ang Aking mga salita ay hindi iresponsable; ang mga iyon ay lahat wasto at magkakatugma. Ang mga iyon ay hindi gawa-gawa ni walang-saysay, at bawat tao ay dapat maniwala sa Aking mga pahayag. Sa hinaharap, magdurusa kayo dahil dito. Dahil sa Aking mga salita, maraming tao ang nanlalamig o nawawalan ng pag-asa, o nabibigo, o mapait na lumuluha, o tumatangis. Magkakaroon ng lahat ng uri ng mga pagtugon. Isang araw, pag-urong ng lahat ng taong kinamumuhian Ko, matutupad ang Aking gawain. Sa hinaharap, maraming tao ang babagsak dahil sa mga panganay na anak, at sa katapusan sila ay aalis nang paisa-isang hakbang. Sa madaling salita, ang Aking sambahayan ay unti-unting magiging banal, at lahat ng uri ng demonyo ay dahan-dahang uurong mula sa Aking panig, umaalis nang tahimik, mapagpasakop, at walang anumang hinaing. Pagkatapos niyan, ang Aking mga panganay na anak ay mabubunyag na lahat, at Aking sisimulan ang susunod na hakbang ng Aking gawain. Saka lamang magiging mga haring kasama Ko at mamumuno sa ibabaw ng buong sansinukob ang Aking mga panganay na anak. Ang mga ito ang mga hakbang ng Aking gawain, at bumubuo ang mga ito ng mahalagang bahagi ng Aking plano ng pamamahala. Huwag kayong mabigong mapansin ito; kung hindi, magkakamali kayo.
Kung kailan nabubunyag sa inyo ang Aking mga salita ay ang sandali na Aking sinisimulan ang Aking gawain. Wala kahit isa sa Aking mga salita ang hindi matutupad. Para sa Akin, ang isang araw ay parang isang libong taon, at ang isang libong taon ay parang isang araw. Ano ang pagtanaw ninyo rito? Ang inyong pagkaintindi sa oras ay ibang-iba mula sa Akin, dahil Aking kinokontrol ang mundo ng sansinukob, at Aking tinutupad ang lahat ng bagay. Ang Aking gawain ay ginagawa araw-araw, paisa-isang hakbang, at yugtu-yugto; bukod pa roon, ang pagsulong ng Aking gawain ay hindi humihinto kahit isang saglit: Patuloy itong ginagawa sa bawat sandali. Simula nang likhain ang mundo, hindi pa kailanman nahinto ang Aking mga salita. Nagpatuloy na Ako sa pagsasalita at pagsasatinig ng Aking mga pahayag hanggang sa ngayon, at ito ay mananatiling di-nagbabago sa hinaharap. Gayunpaman, ang Aking panahon ay maingat na nakaplano at organisado, at napakaayos nito. Aking gagawin kung ano ang kailangan Kong gawin kapag kailangan Kong gawin ito (sa Akin, ang lahat ay palalayain, lahat ay magiging malaya), at hindi Ako ginagambala ni bahagya pagdating sa mga hakbang ng Aking gawain. Maaari Kong ayusin ang bawat tao sa Aking sambahayan; maaari Kong ayusin ang bawat tao sa mundo—hindi Ako abala ni kaunti, dahil ang Aking Espiritu ay gumagawa. Pinupuno ng Aking Espiritu ang bawat dako, dahil Ako ang nag-iisang Diyos Mismo at ang buong mundo ng sansinukob ay nasa Aking mga kamay. Sa gayon, makikita ng isang tao na Ako ay makapangyarihan sa lahat, na Ako ay marunong, at na pinupuno ng Aking kaluwalhatian ang bawat sulok ng sansinukob.