Kabanata 115
Dahil sa iyo ay magpapakasaya ang Aking puso; dahil sa iyo ay sasayaw Akong may galak, at bibigyan kita ng walang katapusang pagpapala, dahil bago ang panahon ng paglikha ay nagmula ka sa Akin. Ngayon ay dapat kang bumalik sa Aking tabi, dahil hindi ka sa mundo o sa daigdig, kundi sa Akin. Mamahalin kita magpakailanman, pagpapalain kita magpakailanman, at pangangalagaan kita magpakailanman. Lahat lamang ng nagmula sa Akin ang nakaaalam ng kalooban Ko; sila lamang ang magpapakita ng pagsasaalang-alang sa Aking pasanin, at sila lamang ang gagawa ng nais Kong gawin. Ngayon, naisakatuparan na ang lahat. Tulad ng isang bolang apoy ang Aking puso, nananabik na makasamang muli ang Aking mga minamahal na anak sa lalong madaling panahon, at lubusang bumalik sa Sion ang Aking persona sa lalong madaling panahon. Mayroon kang ilang kaalaman tungkol dito. Bagaman hindi natin madalas masusundan ang isa’t isa sa espiritu, maaari nating samahan ang isa’t isa nang madalas sa espiritu at magkita sa laman. Magpakailanmang di-mapaghihiwalay ang Ama at ang mga anak; malapit silang magkakaugnay. Walang makakakuha sa iyo palayo sa Aking tabi hanggang sa araw ng pagbalik sa Bundok Sion. Mahal Ko ang lahat ng panganay na anak na galing sa Akin, at kinamumuhian ang lahat ng kaaway na sumasalungat sa Akin. Dadalhin Ko pabalik sa Sion ang lahat ng mahal Ko at itatapon ang mga kinamumuhian Ko sa Hades, sa impiyerno. Ito ang pangunahing prinsipyo ng lahat ng Aking mga atas administratibo. Lahat ng sinasabi o ginagawa ng Aking mga panganay na anak ay isang pagpapahayag ng Aking Espiritu. Dahil sa malinaw na pagkaunawang ito kaya ang lahat ay dapat magpatotoo sa Aking mga panganay na anak. Ito ang kasunod na hakbang ng Aking gawain, at kung lumalaban ang sinuman, hihingin Ko sa Aking mga minamahal na anak na iwasto sila. Ang kasalukuyan ay naiiba sa nakaraan. Kung nagsasabi ng salita ng paghatol ang mga minamahal Ko, kaagad na namamatay si Satanas sa Hades dahil naipagkaloob Ko na ang awtoridad sa Aking mga panganay na anak. Ang ibig sabihin nito ay simula ngayon, panahon na para sa Akin at sa Aking mga panganay na anak na mamunong magkasama. (Ito ay nasa yugto ng laman, na naiiba nang kaunti sa pamumuno nang magkasama sa katawan.) Sinumang sumusuway sa kaisipan ay magdurusa ng parehong kapalaran gaya ng mga lumalaban sa Akin Mismong persona. Dapat tratuhin ang Aking mga panganay na anak gaya ng pagtrato sa Akin dahil kami ay sa iisang katawan at hindi mapaghihiwalay. Dahil pinatotohanan Ako noon, dapat ay patotohanan din ngayon ang tungkol sa Aking mga panganay na anak. Isa ito sa Aking mga atas administratibo; lahat ay dapat manindigan at magpatotoo.
Umaabot hanggang sa mga dulo ng daigdig ang Aking kaharian, at naglalakbay kasama Ko ang Aking mga panganay na anak hanggang sa mga dulo ng daigdig. Maraming salita ang hindi ninyo nauunawaan dahil sa mga paghadlang ng inyong laman, bagama’t sinabi Ko ang mga ito, kaya ang karamihan sa gawain ay dapat makumpleto matapos ng pagbabalik sa Sion. Makikita mula sa Aking mga salita na ang pagbalik na ito ay hindi na magtatagal—sa katunayan, malapit na itong mangyari. Kaya palagi Akong nagsasalita tungkol sa Sion at mga usapin sa Sion. Alam ba ninyo kung ano ang layunin ng Aking mga salita? Alam ba ninyo kung ano ang nasa puso Ko? Nananabik ang puso Kong bumalik sa Sion sa lalong madaling panahon, para tapusin ang buong lumang kapanahunan, para tapusin ang buhay natin dito sa lupa (dahil kinapopootan Ko ang mga tao, usapin, at mga bagay sa daigdig, at higit pang kinamumuhian ang buhay sa laman, at malaki ang mga paghadlang ng laman; magiging masagana lamang ang lahat sa pagbabalik sa Sion), at mabawi ang ating buhay sa kaharian. Ang layon ng Aking unang pagkakatawang-tao ay upang ilatag ang saligan ng Aking ikalawang pagkakatawang-tao. Ito ang landas na dapat lakbayin. Sa pamamagitan lamang ng lubusang pagbibigay ng Aking sarili kay Satanas maaari Ko kayong matubos, upang makabalik kayo sa Aking katawan sa huling yugto. (Kung hindi dahil sa Aking unang pagkakatawang-tao, hindi Ko sana nakayang magtamo ng kaluwalhatian, at hindi Ko sana nakayang mabawi ang handog para sa kasalanan, kaya kailangan ninyong pumunta sa mundo bilang mga makasalanan.) Dahil mayroon Akong walang hanggang karunungan, ang katotohanang inakay Ko kayo palabas ng Sion ay nangangahulugan na titiyakin Kong maibalik kayo sa Sion. Hindi magtatagumpay ang mga tangka ni Satanas na harangan ang daan dahil matagal nang naisakatuparan ang Aking dakilang gawain. Katulad Ko ang Aking mga panganay na anak—banal at busilak sila, kaya babalik pa rin Ako sa Sion kasama ang Aking mga panganay na anak, at hindi na kami maghihiwalay kailanman.
Unti-unting ibinubunyag sa inyo ang Aking buong plano ng pamamahala. Nasimulan Kong isagawa ang Aking gawain sa lahat ng bansa at sa gitna ng lahat ng tao. Sapat na ito para patunayan na hindi na malayo ang panahon ng Aking pagbalik sa Sion dahil ang pagsasagawa ng Aking gawain sa lahat ng bansa at sa gitna ng lahat ng tao ay isang bagay na gagawin matapos ang pagbalik sa Sion. Pabilis nang pabilis ang Aking galaw. (Dahil dumarating na ang araw kung kailan babalik Ako sa Sion, nais Kong matapos ang Aking gawain sa lupa bago Ako bumalik.) Nagiging mas abalang-abala Ako sa Aking gawain at gayunman mas pakaunti nang pakaunti ang gawain sa daigdig para gawin Ko—halos wala na nga. (Nakatuon ang Aking pagiging abala sa gawain ng Espiritu, na hindi maaaring makita ng sariling mata ng tao pero maaari lang matutunan mula sa Aking mga salita; hindi Ako abala gaya ng pagiging abala sa katawang-tao, kundi tumutukoy sa Aking pagpaplano ng maraming gampanin.) Ito ay dahil, tulad ng nasabi Ko, lubusan nang natapos ang Aking gawain sa lupa at kailangang maghintay ang natitira Ko pang gawain hanggang sa bumalik Ako sa Sion. (Ang dahilan kaya Ako’y kailangang bumalik sa Sion para gumawa ay sapagkat hindi maisasakatuparan sa katawang-tao ang gawain sa hinaharap, at kapag ginawa ang gawaing ito sa katawang-tao, makakasira ito sa Aking pangalan.) Kapag natalo Ko ang Aking mga kaaway at nakabalik sa Sion, magiging mas maganda at mapayapa ang buhay kaysa buhay bago ang mga kapanahunan. (Dahil ito sa ganap Kong napagtagumpayan ang mundo, at salamat sa Aking unang pagkakatawang-tao at Aking ikalawang pagkakatawang-tao, ganap Akong nagkamit ng kaluwalhatian. Sa Aking unang pagkakatawang-tao, isang bahagi lamang ng Aking kaluwalhatian ang aking nakamit, ngunit sa Aking ikalawang pagkakatawang-tao, ganap na nagkamit ng kaluwalhatian ang Aking persona, at kaya wala nang anumang pagkakataon para pagsamantalahan ni Satanas. Sa gayon, magiging higit pang mas maganda at payapa ang buhay sa hinaharap sa Sion.) Magpapakita ang Aking persona na higit pang maluwalhati sa harap ng mundo at ni Satanas para ipahiya ang malaking pulang dragon; ito ang kaibuturan ng lahat ng Aking karunungan. Kapag mas nagsasalita Ako ng mga panlabas na bagay, mas nakakaya ninyong makaunawa; kapag mas nagsasalita Ako tungkol sa mga bagay sa Sion na hindi makikita ng mga tao, mas iisipin ninyo na hungkag ang mga bagay na ito at magiging mas mahirap para sa inyo na mailarawan sa isip ang mga ito; iisipin ninyo na nagsasabi Ako ng mga kuwentong pambata. Gayunpaman, dapat ay maging mapagbantay kayo; walang mga hungkag na salita sa Aking bibig; mapagkakatiwalaan ang mga salitang nanggagaling sa Aking bibig. Kahit na mahirap maunawaan ang mga ito mula sa inyong paraan ng pag-iisip, lubos na totoo ito. (Dahil sa mga limitasyon ng laman, hindi kaya ng mga tao na ganap at lubos na maunawaan kung ano ang sinasabi Ko, at hindi Ko ganap na naibunyag ang marami sa mga bagay na nasabi Ko. Gayunman, kapag bumalik tayo sa Sion, hindi Ko na kailangang magpaliwanag; likas ninyong mauunawaan.) Hindi ito dapat basta na lamang tratuhin.
Kahit na mayroong mga limitasyon ang laman at ang mga kuru-kuro ng mga tao, nais Ko pa ring paunlarin ang inyong kaisipang mortal at labanan ang inyong mga kuru-kuro sa pamamagitan ng mga ibinunyag na hiwaga, dahil nasabi Ko na nang maraming beses na ito ang isang hakbang ng Aking gawain (at hindi titigil ang gawaing ito hanggang sa pagpasok sa Sion). Mayroong isang “Bundok ng Sion” sa isip ng bawat tao at magkakaiba ito para sa bawat isa. Yamang patuloy Kong binabanggit ang Bundok ng Sion, bibigyan kita ng ilang pangkalahatang kabatiran tungkol dito para makaalam kayo ng kaunti nito. Ang pagiging nasa Bundok ng Sion ay ang makabalik sa espirituwal na daigdig. Kahit na tinutukoy nito ang espirituwal na daigdig, hindi ito isang lugar na hindi makikita at mahihipo ng mga tao; naaangkop ito sa katawan. Hindi ito lubusang di-nakikita o di-nahihipo dahil kapag nagpapakita ang katawan, mayroon itong anyo at hugis, pero kapag hindi nagpapakita ang katawan, wala itong anyo o hugis. Sa Bundok ng Sion, walang magiging mga alalahanin tungkol sa pagkain, mga damit, araw-araw na pangangailangan at masisilungan, ni hindi magkakaroon ng pag-aasawa o pamilya, at walang paghihiwalay ng kasarian (lahat ng nasa Bundok ng Sion ay Aking persona, nasa iisang katawan, kaya walang pag-aasawa, pamilya o paghihiwalay ng kasarian), at ang lahat ng sinasabi ng Aking persona ay maisasagawa. Kapag hindi nakabantay ang mga tao, magpapakita ang Aking persona sa gitna nila, at kapag hindi nagbibigay-pansin ang mga tao, mawawala ang Aking persona. (Hindi ito maisasagawa ng mga taong may laman at dugo, kaya mahirap ito para sa inyo na mailarawan ito sa isip ngayon.) Sa hinaharap, mayroon pa ring isang araw, isang buwan at isang pisikal na langit at lupa, pero dahil magiging nasa Sion ang Aking persona, hindi magkakaroon ng nakakapasong init ng araw o oras sa buong maghapon at walang pagdurusa mula sa mga likas na kalamidad. Nang sinabi Ko na tayo’y hindi mangangailangan ng liwanag ng ilawan, ni ng liwanag man ng araw sapagkat liliwanagan tayo ng Diyos, nagsasalita Ako tungkol sa pagiging nasa Sion. Ayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, dapat maalis ang lahat sa sansinukob, at dapat mabuhay ang lahat ng tao sa Aking liwanag. Iniisip nilang ito ang tunay na kahulugan ng “tayo’y hindi mangangailangan ng liwanag ng ilawan, ni ng liwanag man ng araw sapagkat liliwanagan tayo ng Diyos,” pero sa totoo lang, isang maling pakahulugan ito. Nang sinabi Ko na “namumunga ang puno ng labindalawang iba’t ibang bunga sa bawat buwan,” tinutukoy Ko ang mga usapin sa Sion. Kinakatawan ng pangungusap na ito ang kabuuan ng mga kalagayan ng buhay sa Sion. Sa Sion, hindi limitado ang panahon at walang hangganan ang heograpiya at espasyo. Kaya nga sinabi Kong “bawat buwan.” Ang “labindalawang iba’t ibang bunga” ay hindi kumakatawan sa pag-uugali na isinasabuhay ninyo ngayon; sa halip, tumutukoy ito sa buhay ng kalayaan sa Sion. Ang mga salitang ito ay isang paglalahat sa buhay sa Sion. Mula rito makikita na ang buhay sa Sion ay magiging mayaman at magkakaiba (dahil tinutukoy dito ng “labindalawa” ang kapuspusan). Magiging buhay ito na walang lumbay at mga luha, at wala nang pagsasamantala at pag-uusig, kaya ang lahat ay mapapawalan at malaya. Dahil ito sa umiiral ang lahat sa loob ng Aking persona, walang makakapaghiwalay sa kanila, at lahat ay magiging tanawin ng kagandahan at walang hanggang pagiging bago. Magiging isang panahon ito kung kailan nakahanda na ang lahat, at magiging umpisa ito ng ating buhay matapos ng ating pagbalik sa Sion.
Kahit na lubusang nakumpleto na ang Aking gawain sa lupa, kailangan Ko pa rin ang Aking mga panganay na anak na gumawa sa lupa, kaya hindi pa Ako makakabalik sa Sion. Hindi Ako makakabalik sa Sion nang mag-isa, babalik Ako sa Sion kasama ang Aking mga panganay na anak pagkatapos nilang matapos ang kanilang gawain sa lupa. Sa ganitong paraan, tamang sabihin na nagkakamit tayo ng kaluwalhatian na magkakasama; ito ang ganap na pagpapamalas ng Aking persona. (Sinasabi Ko na ang gawain ng Aking mga panganay na anak sa lupa ay hindi pa kumpleto dahil hindi pa naipapamalas ang Aking mga panganay na anak. Dapat gawin ang gawaing ito ng mga matapat at tapat na tagasilbi.)