Kabanata 114
Nilikha Ko ang mundong sansinukob; ginawa Ko ang mga bundok, ilog, at lahat ng bagay; hinubog Ko ang sansinukob at ang mga pinakadulo ng daigdig; pinangunahan Ko ang Aking mga anak at ang Aking bayan; inutusan Ko ang lahat ng bagay. Ngayon, pangungunahan Ko ang Aking mga panganay na anak pabalik sa Aking Bundok Sion, para bumalik kung saan Ako naninirahan, at ito ang magiging huling hakbang sa Aking gawain. Ang lahat ng Aking nagawa (lahat ng nagawa mula sa panahon ng paglikha hanggang ngayon) ay para sa yugto ng Aking gawain ngayon, at lalong higit pa riyan, para ito sa paghahari sa hinaharap, kaharian sa hinaharap, at para sa Akin at sa Aking mga panganay na anak upang magkaroon ng walang hanggang kasiyahan. Ito ang layunin Ko sa paglikha ng lahat ng bagay, at ito ang Aking makakamit sa huli sa pamamagitan ng Aking nilikha. May layunin at plano sa Aking sinasabi at ginagawa; walang ginagawa nang di-sinasadya. Bagama’t sinasabi Ko na sa Akin, lahat ay kalayaan at kasarinlan, gayunman, may prinsipyo ang lahat ng Aking ginagawa, batay sa Aking karunungan at disposisyon ang lahat ng Aking ginagawa. Mayroon ba kayong anumang maliwanag na pagkaunawa tungkol dito? Mula sa panahon ng paglikha hanggang sa kasalukuyan, bukod sa Aking mga panganay na anak wala nang nakakilala sa Akin, at wala nang nakakita ng Aking tunay na mukha. Ang pagtatanging ginawa Ko para sa Aking mga panganay na anak ay dahil sila ay talagang bahagi ng Aking persona.
Nang likhain Ko ang mundo, hinati Ko ang tao sa apat na antas ng kategorya ayon sa Aking mga kinakailangan. Ang mga ito ay ang: Aking mga anak, Aking bayan, ang mga naglilingkod, at ang mga wawasakin. Bakit wala ang Aking mga panganay na anak sa listahang ito? Ito ay dahil hindi mga nilalang ng paglikha ang Aking mga panganay na anak; mula sila sa Akin at hindi sa sangkatauhan. Gumawa Ako ng mga pagsasaayos para sa Aking mga panganay na anak bago Ako naging tao; kung sa aling pamamahay sila isisilang at kung sino ang mga naroroon upang magsilbi sa kanila—ako ang nagplano ng lahat ng bagay na ito. Ako rin ang nagplano kung alin sa kanila ang Aking babawiin at kung kailan. Sa huli, magkakasama kaming babalik sa Sion. Naiplano ang lahat ng ito bago ang paglikha, kaya walang taong nakaaalam nito at hindi ito nakatala sa anumang aklat, dahil ang mga ito ay mga gawain ng Sion. Bukod pa riyan, nang Ako ay naging tao, hindi Ko ibinigay sa tao ang kakayahang ito, kaya naman walang sinuman ang nakaaalam ng mga bagay na iyon. Kapag bumalik kayo sa Sion, malalaman ninyo kung ano kayo sa nakaraan, kung ano kayo ngayon, at ano ang inyong nagawa sa buhay na ito. Sa ngayon sinasabi Ko lamang sa inyo ang mga bagay na ito nang payak at paunti-unti, kung hindi ay hindi ninyo mauunawaan kahit gaanong pagsisikap man ang inyong gawin, at magambala ninyo ang Aking pamamahala. Ngayon, bagama’t sa kondisyon ng laman ay nakahiwalay Ako sa karamihan ng Aking mga panganay na anak, iisa kami sa Espiritu, at kahit magkaiba man ang aming pisikal na anyo, mula sa simula hanggang sa wakas, kami ay iisang Espiritu. Gayunman, hindi ito dapat gamitin ng mga inapo ni Satanas bilang isang pagkakataon para magsamantala. Gaano mo man ikubli ang iyong sarili, nananatili itong paimbabaw at hindi Ako papayag. Samakatuwid, makikita mula rito na ang mga nakatuon sa paimbabaw at naghahangad na gayahin Ako sa panlabas ay isandaang porsyentong tiyak na Satanas. Dahil iba ang kanilang espiritu at hindi sila kabilang sa Aking mga iniibig, gaano man nila Ako gayahin, wala silang pagkakatulad sa Akin. Bukod pa riyan, dahil ang Aking mga panganay na anak ay talagang kaisa Ko sa Espiritu, kahit hindi nila Ako ginagaya, nagsasalita at kumikilos sila nang kagaya sa Akin, at lahat sila ay tapat, dalisay, at bukas (kulang sa karunungan ang mga taong iyon dahil sa kanilang limitadong karanasan sa mundo, at samakatuwid hindi isang kapintasan sa Aking mga panganay na anak ang kakulangan sa karunungan; kapag bumalik sila sa katawan, maaayos ang lahat). Ang rason na inilarawan sa itaas ang dahilan kung kaya karamihan sa mga tao ay hindi pa rin binabago ang kanilang dating kalikasan gaano Ko man sila pakitunguhan. Ngunit tumatalima ang Aking mga panganay na anak sa Aking kalooban nang hindi Ko na kinakailangang makitungo sa kanila. Ito ay dahil iisa kami sa Espiritu. Nakadarama sila sa kanilang espiritu ng kahandaang gumugol nang buo para sa Akin. Kaya maliban sa Aking mga panganay na anak, walang sinuman ang tunay at taos-pusong isinasaalang-alang ang Aking kalooban; pagkatapos Ko lamang malupig si Satanas saka sila handang gumawa ng serbisyo sa Akin.
Ang Aking karunungan at ang Aking mga panganay na anak ay nakatataas sa lahat at nananaig sa lahat, at walang bagay o tao o usapin ang nangangahas na humadlang. Bukod pa riyan, walang tao, usapin o bagay na makakapanaig sa kanila, at sa halip masunuring nagpapasakop ang lahat sa harapan ng Aking persona. Ito ay isang katotohanan na nagaganap sa mismong harapan ng isang tao, at isang katotohanang nakamtan Ko na. Sinumang nagpapatuloy sa pagsuway (ang mga masuwayin ay sumasangguni pa rin kay Satanas, at ang mga sinakop ni Satanas ay walang dudang si Satanas), tiyak na puspusan Ko silang wawasakin, para hindi na magkakaroon ng kaguluhan sa hinaharap; mamamatay sila kaagad mula sa Aking pagkastigo. Ang ganitong uri ng Satanas ay ang mga hindi handang maglingkod sa Akin. Ang mga Satanas na ito ay palaging matigas ang pagsalungat sa Akin mula pa noong paglikha, at ngayon patuloy pa rin sila sa pagsuway sa Akin. (Hindi ito nakikita ng mga tao dahil ito ay isang simpleng usapin patungkol sa espiritu. Kinakatawan ng ganitong uri ng tao ang ganitong uri ng Satanas.) Wawasakin ko muna sila bago maging handa ang lahat, hahayaan silang tanggapin ang disiplina ng matinding kaparusahan magpakailanman. (Ang “wasakin” dito ay hindi nangangahulugang “ang idulot na sila ay hindi na umiral”, ngunit sa halip tumutukoy ito sa lawak ng kalupitan na sa kanila ay ipaparanas. Ang salitang “wasakin” dito ay naiiba sa salitang “wasakin” na ginagamit para sa mga taong sisirain.) Mananangis sila at magngangalit ang kanilang mga ngipin magpakailanpaman, nang walang katapusan. Ganap na walang kakayahan ang tao na makini-kinita ang eksenang iyon. Sa mortal na pag-iisip ng sangkatauhan, wala silang kakayahang makaintindi ng mga espiritwal na bagay, at samakatuwid marami pang mga bagay na mauunawaan lamang ninyo pagkatapos magbalik sa Sion.
Sa Aking tahanan sa hinaharap, walang ibang naroroon maliban sa Aking mga panganay na anak at sa Akin, at sa panahong iyon lamang matutupad ang Aking layunin at magkakaroon ng ganap na katuparan ang Aking plano, dahil ang lahat ay ibabalik sa orihinal nitong kalagayan at ang lahat ay pagbubukud-bukurin ayon sa kani-kanilang uri. Ang Aking mga panganay na anak ay sa Akin, ang Aking mga anak at bayan ay makakasama ng mga nilikha at ang mga tagapagsilbi at ang mga winasak ay kay Satanas. Pagkatapos hatulan ang mundo, Ako at ang Aking mga panganay na anak ay sisimulang muli ang banal na buhay, at hindi nila Ako kailanman iiwan at palaging makakasama Ko. Ang lahat ng misteryo na maaaring maunawaan ng isipan ng tao ay unti-unting mabubunyag sa inyo. Sa buong kasaysayan, may hindi na mabilang na tao ang minartir dahil sa Akin, iniaalay nang buo ang kanilang sarili sa Akin, ngunit ang mga tao ay nilikha pa rin at gaano man sila kabuti, hindi sila maaaring uriin bilang Diyos; isa itong hindi maiiwasang daloy ng mga pangyayari at hindi mababago ng sinuman. Ang Diyos nga naman ang lumilikha ng lahat ng bagay, habang ang mga tao ay mga nilikhang nilalang, at si Satanas ang puntirya ng Aking pagwasak at ang Aking kinamumuhiang kaaway—ito ang pinakatotoong kahulugan ng kasabihang “Bagama’t maaaring gumalaw at magbagong-anyo ang kabundukan at mga ilog, ang kalikasan ng isang tao ay hindi magbabago.” Ang malagay sa ganitong kondisyon at yugto ngayon ay isang palatandaan na Ako at ang Aking mga panganay na anak ay papasok sa kapahingahan. Ito ay dahil lubusan nang ganap ang Aking gawain sa mundo, at sa susunod na hakbang ng Aking gawain ay kakailanganin Kong bumalik sa katawan para matapos ito. Ito ang mga hakbang ng Aking gawain, na matagal Ko nang naiplano. Dapat na malinaw na makita ang puntong ito, kung hindi ay lalabagin ng nakararaming tao ang Aking mga atas administratibo.